Ang Nagiging Bunga ng Palaging Pagpapalugod ng Iba
Pinangangasiwaan ko ang gawain ng ebanghelyo sa iglesia. Kami ni Sister Wang ay magkasamang gumaganap bilang mga lider ng grupo. Sa simula, nakita kong maagap si Sister Wang sa kanyang tungkulin, at medyo epektibo siya sa kanyang gawain. Naisip ko na isa siyang responsableng tao na nagdadala ng mga pasanin. Pero pagkaraan ng ilang panahon, napansin kong lalo siyang nagiging pasibo sa kanyang tungkulin. Bihira niyang napapansin ang mga problema sa gawain, lalong bihira niyang nalulutas ang mga ito. Noon, kapag ibinubuod namin ang gawain namin, lagi niya akong nilalapitan para ibuod ang mga problema o paglihis sa gawain, at talakayin ang mga paraan para malutas ang mga ito. Pero sa pagkakataong ito, tahimik na lang siya. Karaniwang pinaghahatian namin ang dami ng gawain sa aming grupo, at naibubuod sa oras ang mga problema. Mas mahusay nitong nalulutas ang mga problema at napapabuti ang pagiging epektibo ng gawain. Pero ngayon, hindi isinasapuso ni Sister Wang ang mga problema ng grupo. Naisip ko, “Hindi niya ginagampanan ang kanyang mga tungkulin bilang lider ng grupo. Hindi ito katanggap-tanggap, kailangan kong makipagbahaginan sa kanya tungkol dito.” Pero kung iisipin ulit, “Madalas na maganda ang relasyon ko kay Sister Wang. Kung sasabihin ko sa kanya nang diretsahan na hindi siya gaanong nagdadala ng pasanin sa kanyang tungkulin at hindi gumagawa ng anumang totoong gawain, mapapahiya ba siya nito? Kung sa pagsasabi nito ay masisira ko ang katiwasayan, paano kami magkakasundo pagkatapos? Hindi bale na nga. Mas mabuting huwag itong ipagsapalaran. Hindi ko dapat pasamain ang loob niya.” No’ng panahong ‘yon, palagi kong inaakusahan ang sarili ko sa isip-isip ko, “Hindi ba’t naging masama ang kalagayan ni Sister Wang sa mga panahong ito? Kung magpapatuloy ito, magdurusa ang buhay niya at maaapektuhan nito ang gawain niya. Hindi ba dapat magmadali akong magbahagi sa kanya? Pero kung direkta kong sasabihin na wala siyang pasanin, mararamdaman ba niyang napipigilan siya at iisiping sinusubaybayan ko ang gawain niya? Siguro sasabihin ko na lang sa lider at hayaan itong tulungan si Sister Wang. Sa gayon, hindi ko mapapasama ang loob niya.” Pero naisip ko, “Kung sasabihin ko sa lider at malaman ni Sister Wang, sasabihin ba niyang itsinitsismis ko siya? Hindi, mas mabuting hindi na lang magsalita.” Nag-urong-sulong ako nang ganito at hindi talaga ako makalaya mula sa isyu. Batid kong mali ang kalagayan ko, kaya’t nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na pangunahan ako na hanapin ang katotohanan at ayusin ang aking mga problema.
Minsan sa isang pagtitipon, nakita ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Kapag may nakikita kayong problema at wala kayong ginagawa para hadlangan iyon, at hindi kayo nagbabahagi tungkol doon, at hindi ninyo sinusubukang limitahan iyon, at maliban pa roon, hindi ninyo iyon iniuulat sa mga nakatataas sa inyo, kundi nagkukunwari kayong isang ‘mabait na tao,’ tanda ba iyon ng kawalang-katapatan? Tapat ba sa Diyos ang mababait na tao? Hindi ni katiting. Ang gayong tao ay hindi lamang walang katapatan sa Diyos—kumikilos pa siya bilang isang kasabwat ni Satanas, katulong at alagad nito. Wala siyang katapatan sa kanyang tungkulin at responsibilidad, ngunit kay Satanas, lubos siyang tapat. Narito ang diwa ng problema. Pagdating sa propesyonal na kakulangan, posible na patuloy na matuto at pagsamahin ang inyong mga karanasan habang ginagampanan ang inyong tungkulin. Ang ganitong problema ay madaling lutasin. Ang pinakamahirap na lutasin ay ang tiwaling disposisyon ng tao. Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan o nilulutas ang inyong tiwaling disposisyon, kundi palagi kayong nagkukunwaring mabait na tao, at hindi ninyo iwinawasto o tinutulungan ang mga taong nakita ninyong lumalabag sa mga prinsipyo, ni hindi ninyo sila inilalantad o ibinubunyag, kundi palagi kayong umaatras, hindi ninyo inaako ang responsibilidad, ang gayong pagganap sa tungkulin na tulad ng sa inyo ay ikokompromiso lamang at aantalahin ang gawain ng iglesia” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Nagkakaisang Pakikipagtulungan). “Ang pagkilos at pagtrato ng mga tao sa iba ay dapat ibatay sa mga salita ng Diyos; ito ang pinakapangunahing prinsipyo para sa pag-uugali ng tao. Paano maisasagawa ng mga tao ang katotohanan kung hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pagsasabi ng mga walang-saysay na salita at pagbigkas ng mga takdang parirala. Anuman ang maaaring makaharap sa buhay ng isang tao, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, mga pananaw sa mga pangyayari, o patungkol sa pagganap sa kanyang tungkulin, kailangan niyang magpasya, at dapat niyang hanapin ang katotohanan, dapat siyang maghanap ng batayan at prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay dapat siyang maghanap ng isang landas sa pagsasagawa; ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang tumahak sa landas ni Pedro at sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat sundin kapag nakikisalamuha sa iba? Ang iyong orihinal na pananaw ay na hindi mo dapat mapasama ang loob ng sinuman, kundi mapanatili ang kapayapaan at maiwasang mapahiya ang sinuman, upang sa hinaharap, maaaring magkasundo ang lahat. Napipigilan ng pananaw na ito, kapag nakakita ka ng isang taong gumagawa ng masama, nagkakamali, o gumagawa ng kilos na sumasalungat sa mga prinsipyo, mas gugustuhin mong kunsintihin ito kaysa banggitin ito sa taong iyon. Napipigilan ng iyong pananaw, nagiging tutol ka sa pagpapasama ng loob ng sinuman. Sinuman ang nakakasalamuha mo, dahil nahahadlangan ka ng mga isipin ng karangalan, ng mga emosyon, o ng mga damdaming lumago sa maraming taon ng pakikipag-ugnayan, palagi kang magsasabi ng magagandang bagay upang pasayahin ang taong iyon. Kapag may mga bagay kang nakikitang hindi kasiya-siya, mapagparaya ka rin; naglalabas ka lamang ng kaunting galit nang pribado, nagbabato ng ilang mapanirang paratang, ngunit kapag nakakaharap mo sila nang personal, hindi ka nagdudulot ng gulo at pinapanatili pa rin ang relasyon sa kanila. Ano ang palagay mo sa gayong pag-uugali? Hindi ba ganito ang sa isang taong pala-oo? Hindi ba ito medyo madaya? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-uugali. Kaya hindi ba pagiging mababa ang kumilos sa gayong pamamaraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, ni hindi sila marangal. Gaano ka man nagdusa, at gaano mang halaga ang iyong binayaran, kung kikilos ka nang walang mga prinsipyo, kung gayon ay nabigo ka at hindi makatatanggap ng pagsang-ayon sa harap ng Diyos, ni hindi ka Niya maaalala, ni hindi mo Siya mabibigyang-kaluguran” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensya at Katwiran). Ipinabatid sa’kin ng mga salita ng Diyos na nagkikimkim ako ng maling pananaw na kailangang palaging matiwasay ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao. Kung lagi kong tutukuyin at ilalantad ang mga isyu ng iba, mapapasama nito ang loob nila at malamang na makakasakit sa kanilang pride at sa relasyon namin, na magiging dahilan para mahirapan kaming makisama. Sa paghahambing ng pananaw na ito sa mga salita ng Diyos, sa wakas ay nakita ko na hindi ito naaayon sa katotohanan, at sumasalungat sa mga prinsipyo ng pagiging isang tao. Ang mga taong ganito ay makasarili, mababang-uri, tuso, at mapanlinlang. Para mapanatili ang magagandang ugnayan, wala silang sinasabi kapag nakikita nilang may problema ang isang tao, at nambobola lang at namumuri. Wala silang sinseridad sa kanilang mga pakikipag-ugnayan at hindi talaga nakakatulong, kundi sa halip, nagdudulot sila ng pinsala sa mga tao. Ang mga taong ito ay mabababang nilalang sa mata ng Diyos, at hindi Niya sila sinasang-ayunan. Katulad ng pagtrato ko kay Sister Wang—Malinaw kong nakita na wala siyang pasanin sa kanyang tungkulin at hindi gumagawa ng totoong gawain, pero hindi ko isinagawa ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpuna sa kanyang mga problema. Ni wala akong lakas ng loob na iulat ang mga isyu niya. Ang inisip ko lang ay kung paano mapanatili ang relasyon namin ng sister ko. Inakala ko na ang paglalantad ng mga isyu ng isang tao ay magpapasama ng loob niya at makakasakit sa kanyang damdamin. Kahit na nakita kong nakakaapekto ito sa gawain, hindi pa rin ako handang tanggihan ang laman at isagawa ang katotohanan. Naging mapanlinlang ako at mapagpalugod ng mga tao! Natuklasan ko ang problema ng sister ko pero hindi ko ito inilantad. Bagamat napanatili ko ang relasyon namin, wala iyong anumang pakinabang sa pagpasok niya sa buhay, at naapektuhan din nun ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia. Sa paggawa nito, talagang napipinsala ko ang iba at ang gawain ng iglesia.
Pagkatapos nito, nagnilay ako kung ano dapat ang mga prinsipyo sa pakikipag-ugnayan sa mga tao. Nakita ko na sinasabi ng salita ng Diyos, “Dapat ninyong pagtuunan ang katotohanan—pagkatapos saka lamang kayo makapapasok sa buhay, at kapag nakapasok na kayo sa buhay, saka lamang kayo makapagtutustos para sa iba at maaakay sila. Kung natuklasan na ang mga ikinikilos ng iba ay sumasalungat sa katotohanan, dapat natin silang mapagmahal na tulungan upang pagpunyagian ang katotohanan. Kung nagagawa ng iba na isagawa ang katotohanan, at may mga prinsipyo sa kung paano nila ginagawa ang mga bagay-bagay, dapat tayong matuto mula sa kanila at gayahin sila. Ito ang ibig sabihin ng pagmamahalan sa isa’t isa. Ito ang uri ng kapaligirang dapat na mayroon sa loob ng iglesia—ang lahat ay nakatuon sa katotohanan at nagsusumikap na ito ay makamit. Hindi mahalaga kung gaano katanda o kabata ang mga tao, o kung sila man ay matatagal nang mananampalataya o hindi. Ni hindi mahalaga kung mahusay ang kanilang kakayahan o hindi. Ang mga bagay na ito ay walang halaga. Sa harap ng katotohanan, lahat ay pantay-pantay. Ang mga bagay na kailangan mong tingnan ay kung sino ang nagsasalita nang tama at naaayon sa katotohanan, kung sino nag-iisip sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung sino ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na nakakaunawa nang mas malinaw sa katotohanan, na may diwa ng pagiging matuwid, at handang magdusa. Ang gayong mga tao ay dapat suportahan at palakpakan ng kanilang mga kapatid. Ang kapaligirang ito ng katuwiran na nagmumula sa paghahangad na matamo ang katotohanan ang kailangang mamayani sa loob ng iglesia; sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng gawain ng Banal na Espiritu, at pagkakalooban ng Diyos ng mga pagpapala at patnubay” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Isang Tao na Gumaganap sa Kanyang Tungkulin nang Buong Puso, Isipan, at Kaluluwa ang Nagmamahal sa Diyos). Sa iglesia, naghahari ang katotohanan; dapat gawing priyoridad ng mga miyembro ng iglesia ang katotohanan kapag nakikipag-ugnayan. Ang sinumang lumalabag sa mga prinsipyo ay dapat mapagsabihan, maiwasto at matulungan nang may pagmamahal upang makapagsikap siya tungo sa katotohanan. Sinumang nagsasalita at kumikilos ayon sa katotohanan, at matuwid at kayang protektahan ang gawain ng iglesia ay dapat masuportahan at maprotektahan. Kung ang lahat ay tumutuon sa paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan, at pinahihintulutan na manaig sa iglesia ang paghahangad sa katotohanan, saka lang magagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain. Nang maunawaan ko ang mga bagay na ito, gumaan ang pakiramdam ko, at nagkaroon ako ng landas para magsagawa. Naisip ko rin kung paanong sa totoo lang ay nais ng bawat tunay na mananampalataya sa Diyos na gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at suklian ang Kanyang pagmamahal. Pero walang sinuman ang makakaiwas sa pagpapakita ng kanyang katiwalian at maraming kakulangan sa takbo ng kanyang tungkulin. Dapat magtulungan ang mga kapatid at itama ang isa’t isa tungkol dito. Ang pagtutukoy at paglalantad ng mga problema ng iba ay hindi ginagawa para ipahiya sila, ni para atakihin sila, sa halip, ginagawa ito para matulungan ang mga tao na matanto ang kanilang mga problema at baguhin ang kanilang maling kalagayan. Ito lamang ang tunay na pagmamahal, at ang pagpapahayag ng pagmamahal sa isa’t isa. Ito ay para protektahan ang gawain ng iglesia. Sa kabaligtaran, kapag nakikita mo ang mga problema ng iba pero hindi ka umiimik, isinasakatuparan ang pilosopiya ni Satanas para protektahan ang mga pansarili mong interes, ito ay pagiging iresponsable sa pagpasok sa buhay ng mga tao at sa gawain ng iglesia. Ang pamumuhay sa ganitong paraan ay napakamakasarili at napakasama. Naisip ko ang mga pakikipag-ugnayan ko kay Sister Wang. Nakita kong may mga problema sa kanyang tungkulin, pero hindi ko talaga siya tinulungan dahil ang inalala ko lang ay ang pagprotekta sa aking reputasyon, at hindi inisip ang kanyang pagpasok sa buhay, o ang gawain ng iglesia. Talagang makasarili ako, napakasama, at walang pagkatao! Sa puntong ito, napuno ako ng pagkadismaya, at naging handang isagawa ang mga salita ng Diyos, at tratuhin ang aking sister alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan.
Kalaunan, pinuntahan ko si Sister Wang at nagtapat at nakipagbahaginan ako sa kanya. Isa-isa kong sinabi sa kanya ang lahat ng problemang nakita ko. Talagang naantig siya matapos basahin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at sinabing talagang masama ang kalagayan niya kamakailan at na wala man lang siyang masabi kapag nananalangin. Nagulat ako sa narinig ko at sinisi ko ang sarili ko. Kung ipinaalam ko ito at tinulungan siya nang mas maaga, baka nabago na niya ang mali niyang kalagayan, at hindi na sana nito maaapektuhan ang kanyang tungkulin. Nakita ko kung paanong ang hindi ko pagsasagawa ng katotohanan at ang pagkilos bilang mapagpalugod ng tao para lang mapanatili ang relasyon ko sa sister ko ay talagang nagpapahamak sa kanya. Kaya nanalangin ako sa Diyos at nagpasya na sa mga pakikipag-ugnayan ko sa mga tao sa hinaharap, pagtutuunan ko ang pagsasagawa ng katotohanan, at kung may matuklasan akong problema ay tutukuyin ko ito at tutulong ako kaagad sa halip na maging isang mapagpalugod ng tao.
Mula noon, naging mas aktibo si Sister Wang sa kanyang tungkulin. Pero pagkaraan ng maikling panahon, napansin ko na madalas lumalabag sa mga prinsipyo ang kanyang gawain. Kahit na ang isang tao ay may masamang pagkatao at hindi naaayon sa mga prinsipyo ng pagbabahagi ng ebanghelyo, babahaginan pa rin niya ito ng ebanghelyo, nagsasayang ng lakas. Nalito ako. Matagal nang ipinalalaganap ni Sister Wang ang ebanghelyo. Dapat meron na siyang mas mahusay na pagkaunawa sa bawat aspeto ng mga prinsipyo. Paano siya nakakagawa ng mga malinaw na pagkakamali? Hindi pa ba nababago ang kalagayan niya? Siguro’y dapat ko siyang paalalahanan. Pero naisip ko, “Tinulungan ko na siya dati. Hindi ko siya kailangang palaging itama. Masyado itong nakakaasiwa. Kung lagi ko siyang itinatama, iisipin ba niya na mayabang akong tao, na palagi kong pinupuna ang mga problema ng iba, o masyadong mataas ang hinihingi ko sa mga tao? Makakasama iyon sa reputasyon ko. Dapat hayaan ko na lang ito.” Kaya nang ganun-ganon na lang, nakita kong hindi tama ang kalagayan at kondisyon ni Sister Wang sa kanyang tungkulin, pero nagbulag-bulagan pa rin ako at hindi ko ito binanggit o tinulungan siya. Lumipas ang ilang panahon, at natanggal si Sister Wang dahil naging pabaya siya at hindi epektibo sa kanyang mga tungkulin sa mahabang panahon. Labis akong nakonsensya. Malinaw kong nakitang may mga problema sa tungkulin ng sister ko, pero binalewala ko ito. Nagbulag-bulagan ako, at walang ginawa para paalalahanan o tulungan siya. Ngayong natanggal na siya, hindi ba’t may pananagutan din ako? Naligalig at naguluhan ako. Bakit palagi akong mapagpalugod ng tao at walang kakayahang isagawa ang katotohanan? Ano ang ugat ng problemang ito?
Habang nagninilay at naghahanap ako, nakita ko na sinasabi ng salita ng Diyos, “May isang doktrina sa mga pilosopiya sa pamumuhay na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para maingatan ang isang pagkakaibigan, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon—na dapat niyang itaguyod ang mga prinsipyo ng hindi pag-atake sa dignidad ng iba o hindi paglalantad sa mga kakulangan nito. Lilinlangin nila ang isa’t isa, pagtataguan ang isa’t isa, iintrigahin ang isa’t isa; at bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para maingatan ang kanilang mga pagkakaibigan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil hindi mo alam kung paano ka pipinsalain ng isang tao matapos mong ilantad ang kanyang mga kamalian o saktan siya at naging kaaway mo siya, at ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina sa mga pilosopiya sa pamumuhay na nagsasabing, ‘Huwag puntiryahin ang kahinaan ng sinuman kailanman, at huwag pagalitan ang iba kailanman.’ Batay rito, kung gayon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing relasyong panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga relasyong panlipunan, hindi naihahandog ng mga tao ang kanilang damdamin, ni wala silang malalalim na pag-uusap, ni hindi nila sinasabi ang anumang gusto nila, ni sinasabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa isa’t isa, o ang mga salitang makakatulong sa isa’t isa. Sa halip, pinipili nila ang mga salitang masarap pakinggan para hindi nila masaktan ang isa’t isa. Ayaw nilang magkaroon ng kaaway. Ang layon nito ay para hindi maging banta sa isang tao ang mga tao sa kanyang paligid. Kapag walang sinumang banta sa kanya, namumuhay siya nang medyo maginhawa at payapa. Hindi ba ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa pariralang, ‘Huwag puntiryahin ang kahinaan ng sinuman kailanman, at huwag pagalitan ang iba kailanman’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pag-iral, na may elemento ng pagtatanggol sa sarili, at ang layon ay pangalagaan ang sarili. Ang mga taong ganito ang pamumuhay ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit ano. Maingat sila laban sa isa’t isa, at tuso, at madiskarte, kinukuha ang kailangan nila mula sa relasyon. Hindi ba ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon na ‘huwag puntiryahin ang kahinaan ng sinuman kailanman, at huwag pagalitan ang iba kailanman’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pamiminsala sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit para hindi masaktan ang sarili” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan (8)). “Naglalaman ang satanikong kalikasan ng tao ng napakaraming pilosopiya. Kung minsan ikaw mismo ay hindi namamalayan ang mga ito, at hindi nauunawaan ang mga ito; gayunpaman, bawat sandali ng iyong buhay ay batay sa mga bagay na ito. Bukod pa riyan, iniisip mo na ang mga pilosopiyang ito ay lubhang tama at makatwiran, at hindi talaga mali. Sapat na ito para ipakita na naging kalikasan na ng mga tao ang mga pilosopiya ni Satanas, at namumuhay sila nang lubos na nakaayon sa mga ito, na iniisip na ang ganitong paraan ng pamumuhay ay mabuti, at wala talaga silang anumang pakiramdam ng pagsisisi. Samakatuwid, palagi silang nagbubunyag ng kanilang satanikong kalikasan, at sa lahat ng aspeto, patuloy silang namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Ang kalikasan ni Satanas ay ang buhay ng sangkatauhan, at ito ang kalikasan at diwa ng sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin Ang Landas ni Pedro). Sa pamamagitan ng paghahayag ng salita ng Diyos, naunawaan ko. Ang dahilan kung bakit hindi ko mapigilan ang sarili ko na maging mapagpalugod ng tao ay dahil labis akong nagawang tiwali ni Satanas. Ang puso ko ay puno ng mga pilosopiya at batas ni Satanas, tulad ng “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang,” at “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” atbp. Ang mga bagay na ito ay naging alituntunin na ipinamumuhay ko. Sa ilalim ng kontrol ng mga satanikong pilosopiyang ito, akala ko na ang hindi pagpapasama sa loob ng mga tao gamit ang aking mga salita at kilos, pagpapanatili ng magagandang relasyon, at pagpapanatili ng pagkakasundo ay isang matalinong paraan para mamuhay. Kaya, kahit na nakita kong pabaya si Sister Wang sa kanyang tungkulin at lumalabag sa mga prinsipyo, at na naapektuhan na nito ang gawain, hindi ako handang ilantad o itama siya. Mas ginusto ko pang hayaang magdusa ang gawain ng ebanghelyo para mapanatili ang aking mga relasyon. Mahigpit akong iginapos ng mga pilosopiya ni Satanas, na hindi ako makapagsagawa ng katotohanan, at wala ni katiting na konsensya o katwiran! Nakita ko na sinasabi ng salita ng Diyos, “Malinaw na ito ay isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pag-iral, na may elemento ng pagtatanggol sa sarili, at ang layon ay pangalagaan ang sarili.” Labis akong naantig. Tumpak ang mga salita ng Diyos, at inilantad nito ang mga napakasama kong layunin noong namumuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya. Dati, mapagmalaki kong iniisip na ang dahilan kung bakit hindi ko itinama ang sister ay dahil natatakot ako na maramdaman niyang napipigilan siya. Pero ang totoo, pagdadahilan lang ito para hindi ko isagawa ang katotohanan. Natatakot ako na kung madalas ko siyang itatama, sasama ang loob niya, at iisipin na isa akong mayabang na tao na mahilig mamuna at hindi kayang tratuhin nang patas ang mga tao. Upang bigyan ang sister ko ng magandang impresyon, nagbulag-bulagan ako sa mga problema niya, na naging sanhi kaya lagi siyang namumuhay sa kanyang katiwalian at walang kamalayan sa sarili. Hindi ako naging tapat sa pakikisalamuha ko sa iba, lahat ito’y pagpapakitang-tao at panlilinlang. Naging napakatuso ko at mapanlinlang! Naisip ko kung paanong noong nakipagtulungan ako kay Sister Wang sa aming mga tungkulin, hindi ko isinagawa ang katotohanan na dapat kong ginawa, at hindi ko tinupad ang responsibilidad na dapat ay ginampanan ko. Ngayon ay natanggal na siya, at naiwan akong nagsisisi. Naranasan ko kung paanong ang pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya ay tunay na nagpapahamak sa iba at sa iyong sarili. Ang buhay mo’y napakababa at kahiya-hiya. Ayoko nang mamuhay nang ayon sa mga iyon. Gusto kong hanapin ang katotohanan at gampanan nang maayos ang aking tungkulin.
Kalaunan, nakita ko na sinasabi ng salita ng Diyos, “Para medyo maging mas partikular: Ang pagiging isang matapat na tao ay pagiging isang taong simple at bukas, na hindi ikinukubli o itinatago ang kanyang sarili, na hindi nagsisinungaling o nagsasalita nang paliguy-ligoy, na isang taong prangka, na makatarungan at tapat magsalita. Ito ang unang kailangang gawin. … Ang mga taong mapanlinlang ay ang mga lubos na kinasusuklaman ng Diyos. Kung nais mong iwaksi ang impluwensya ni Satanas at maligtas, dapat mong tanggapin ang katotohanan. Dapat kang magsimula sa pagiging isang matapat na tao, na nagsasabi ng mga bagay na tunay at totoo, hindi napipigilan ng damdamin, inaalis sa iyong sarili ang pagkukunwari at panloloko, at nagagawang magsalita at kumilos nang may mga prinsipyo. Ang ganitong pamumuhay ay malaya at masaya, at nagagawa mong mamuhay sa harap ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon). “Hinihingi ng Aking kaharian ang mga matapat, ang mga hindi mapagkunwari o mapanlinlang. Hindi ba’t ang mga tunay at tapat na tao ay hindi sikat sa mundo? Mismong kabaligtaran Ako. Katanggap-tanggap na lumapit sa Akin ang matatapat na tao; nalulugod Ako sa ganitong uri ng tao, at kailangan Ko rin ang ganitong uri ng tao. Ito mismo ang Aking pagiging matuwid” (Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 33). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na gusto ng Diyos ang mga taong dalisay, matuwid, at matapat, mga taong kayang maging prangka at hindi mapanlinlang sa kanilang pananalita at mga kilos. Ang matatapat na tao lamang ang karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng Diyos. Pinagpasyahan ito ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Isipin mo kung paanong sa mundo ng mga hindi mananampalataya, ang bawat pakikipag-ugnayan ay isang palabas. Tanging mga salitang kaaya-aya at nagbibigay-puri ang binibigkas sa harap ng iba. Walang ni isang salita ng katapatan. Sa harap ng masasamang bagay na sumasalungat sa konsensya at etika, pinipili ng karamihan na protektahan ang kanilang sarili, at iniisip nila na pinakamainam na umiwas sa gulo. Hindi sila naglalakas-loob na magsalita kahit isang salita ng katapatan. Talagang mapagpaimbabaw sila at taksil, at walang integridad o lakas ng loob. Pero kapag nakikipag-ugnayan ako sa iba, isinasakatuparan ko rin ang mga satanikong pilosopiyang ito. Nang makakita ako ng problema, hindi ko ito inilantad at hindi ako tumulong. Pinoprotektahan ko lang ang mga relasyon ko sa iba. Ang pamumuhay sa ganitong paraan ay masyadong tuso at mapanlinlang. Kinasusuklaman ito ng Diyos at kinamumuhian Niya ito. Sa puntong ito, naisip ko kung paanong ang Diyos ay banal at may mapagkakatiwalaang diwa. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay nakikipag-ugnayan sa mga tao sa tunay na paraan. Nagpapahayag Siya ng katotohanan, humahatol, at naglalantad sa mga tao kahit saan sa lahat ng oras, alinsunod sa tiwaling disposisyon na kanilang ipinapakita, at sa kanilang mga kuru-kuro sa Diyos. Sa partikular, ang mga salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos ay direktang tumutukoy sa ugat at diwa ng ating katiwalian. Bagamat mahigpit at malupit ang Kanyang mga salita, lahat ito ay para mahikayat tayong kilalanin ang ating sarili, magsisi at magbago. Ang mga salita ng Diyos ay matatag at malinaw. Lahat ito ay mga salitang mula sa puso. Talagang may matapat at maaasahang puso ang Diyos para sa mga tao. Kung hindi ito malinaw na tinutukoy at ipinapaliwanag ng Diyos para sa atin, kung hindi Niya inilalantad ang katotohanan ng kung gaano kalubhang ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, hindi natin kailanman makikilala ang ating sarili. Sa halip, mamumuhay tayo sa sarili nating mga imahinasyon, iniisip na tayo ay mabuti. Hinding-hindi magbabago ang ating tiwaling disposisyon, at hinding-hindi natin makakamit ang kaligtasan. Umaasa ang Diyos na makikilala natin ang katotohanan ng ating katiwalian sa pamamagitan ng Kanyang mga salita ng paghatol at paglalantad, at na makakapagsisi tayo sa Diyos, makakapamuhay ayon sa mga salita Niya, at makapaghahangad na maging isang matapat na tao. Ito ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao. Matapos pagnilayan ang lahat ng ito, nakaramdam ako ng matinding lakas ng loob. Nagpasya akong handa na akong sundin ang mga hinihingi ng Diyos, at maging isang dalisay, matuwid, at matapat na tao.
Minsan, ang lider namin na si Sister Yang ay tinatalakay ang gawain sa amin. Napagtanto kong merong paglihis sa gawaing itinalaga niya, at gusto kong banggitin ito sa kanya. Pero naisip ko, “Isang lider ang sister na ito. Kung tutukuyin ko ang isang pagkalingat o paglihis sa kanyang tungkulin, mapapahiya ba siya? Kung iisipin niyang sinusubukan kong pahirapan siya at tatangkain niyang gantihan ako pagkatapos, paano na? ‘Di bale na nga, hindi ako dapat magsalita. Lahat ng tao ay nagkakamali.” Sa puntong ito, napagtanto ko na gumagana na naman ang ugali kong pagiging mapagpalugod ng tao. Kaya nanalangin ako na patnubayan ako ng Diyos na isagawa ang mga prinsipyo ng katotohanan. Pagkatapos, nabasa ko ang salita ng Diyos na nagsasabing, “Kung taglay mo ang mga motibasyon at pananaw ng isang ‘mabait na tao,’ sa lahat ng bagay, hindi mo makakayang isagawa ang katotohanan at sumunod sa prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang walang pananalig, at hindi mo makakamit ang katotohanan at ang buhay kailanman. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa gayong mga bagay, dapat tumawag ka sa Diyos sa panalangin, magmakaawa na maligtas ka, at hilingin na bigyan ka ng Diyos ng higit pang pananampalataya at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, manindigan, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong talikdan ang sarili mong mga interes, reputasyon, at kinatatayuan ng isang ‘mabait na tao,’ kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, natalo mo na si Satanas, at matatamo na ang aspetong ito ng katotohanan. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na pinananatili ang mga relasyon mo sa iba at hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, hindi nagtatangkang sumunod sa prinsipyo, magagawa mo bang isagawa ang katotohanan sa iba pang mga bagay? Mawawalan ka ng pananampalataya, ng lakas. Kung hindi mo nagagawa kahit kailan na hanapin o tanggapin ang katotohanan, tutulutan ka ba ng gayong pananampalataya sa Diyos na matamo ang katotohanan? (Hindi.) At kung hindi mo matamo ang katotohanan, maaari ka bang maligtas? Hindi maaari. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, lubos na walang realidad ng katotohanan, hindi ka maliligtas kailanman. Dapat maging malinaw sa iyo na ang pagtatamo ng katotohanan ay isang kinakailangang kondisyon para sa kaligtasan. Kung gayon, paano mo matatamo ang katotohanan? Kung naisasagawa mo ang katotohanan, kung nakakapamuhay ka ayon sa katotohanan, at ang katotohanan ang nagiging batayan ng iyong buhay, makakamit mo ang katotohanan at magkakaroon ka ng buhay, at sa gayon ay magiging isa ka sa mga ililigtas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakita ko na kung namumuhay ang mga tao ayon sa mga satanikong pilosopiya at palaging nagpapalugod ng mga tao, hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan, at sa huli ay hinding-hindi nila makakamit ang kaligtasan. Kasabay nun, naunawaan ko na kung gusto mong ayusin ang problema ng pagiging mapagpalugod ng tao, kailangan mong magdasal nang husto at umasa sa Diyos, humingi sa Diyos ng lakas, magawang itatwa ang laman, talikdan ang pansariling interes, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Sa pamamagitan ng madalas na pagsasagawa nang ganito, unti-unti mong madadaig ang mga pagpipigil ng tiwali mong disposisyon. Kung habambuhay kang hindi makapagsasagawa ng katotohanan at hindi tapat sa iyong tungkulin, sa huli’y mailalantad at mapapalayas ka. Sa isiping ito, nagkaroon ako ng lakas ng loob at motibasyon na isagawa ang katotohanan. Hindi ako pwedeng magpatuloy na maging mapagpalugod ng tao na walang konsensya at pagkatao. Kaya, binanggit ko ang isyu sa lider ko. Pagkatapos kong sabihin sa kanya, gumaan nang husto ang pakiramdam ko. Kalaunan, sa isang pagtitipon, nagbahagi ang lider tungkol sa pagninilay at mga nakamit niya pagkatapos maharap sa problema. Labis akong naantig nang marinig ang karanasan at pagkatanto ng sister ko, at natikman ko ang tamis ng pagsasagawa ng katotohanan! Dahil sa karanasang ito, tumibay ang pananampalataya ko sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nahaharap ako sa mga katulad na sitwasyon pagkatapos nito, bagamat madalas ko pa ring naipapakita ang mga pananaw ng isang mapagpalugod ng tao, nabawasan na ang pasakit at paghihirap ko kumpara sa dati. Nagagawa ko nang sadyang tanggihan ang sarili ko at isagawa ang katotohanan. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan sa ganitong paraan, lubos na naging magaan at mapayapa ang puso ko. Epekto ito ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.