Ano ang Iniiwasan sa Hindi Paglalakas-loob na Pangasiwaan ang Gawain

Setyembre 18, 2022

Ni Xunqiu, Netherlands

Noong Mayo ng nakaraang taon, itinalaga akong mamahala sa pagdidilig ng mga baguhan. Inakala ko noon na medyo madali ang trabahong ito—ang kailangan mo lang gawin ay magbahagi sa kanila tungkol sa mga pangitain at hikayatin silang regular na dumalo sa mga pagtitipon. Pero nang magsimula na ako, napagtanto ko na ang pagdidilig sa mga baguhan ay matrabaho pala. Bukod sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan para tulungan silang bumuo ng matatag na pundasyon sa tunay na daan, kailangan ko ring luminang ng mga lider, manggagawa at lahat ng uri ng talento mula sa kanilang ranggo, para makapagtrabaho sila nang nakapag-iisa. Hinikayat ako ng lider ko na mangasiwa at umagapay sa gawain ng aming mga tagapagdilig, dahil sa sandaling magpaliban kami ng gawain o magkaroon ng mga problema, direkta itong makakaapekto sa pangkalahatang pagsulong ng gawain. Napagtanto ko ang kahalagahan ng pangangasiwa, at nagsimula akong regular na subaybayan ang pag-usad ng mga kapatid.

Noong una akong nakipag-appointment sa kanila para talakayin ang gawain, lumilipas ang maraming oras at wala pa ring sumasagot sa mga mensahe ko, at kahit na sumagot sila, patuloy nilang ipinagpapaliban ito. Isang beses, isinaayos ko na makipagkita sa isang sister para talakayin ang isang proyekto. Una, binago niya ang schedule mula umaga papuntang hapon, at pagkatapos ay ipinagpaliban na naman sa gabing iyon. Sa huli, pagkatapos ng dalawang araw, hindi pa rin kami nakapagpulong. Naisip ko: Sinasadya ba nila akong iwasan, dahil minamaliit nila ako at iniisip nilang hindi ko kayang lutasin ang mga isyu nila? Abala man sila sa gawain, wala ba talaga silang oras para makipag-usap sa akin? Kung magpapatuloy ito, paano ko magagawa ang aking trabaho? Kalaunan, sa wakas ay nakapagsaayos ako ng ilang pagpupulong sa kanila, pero noong tinanong ko sila tungkol sa mga partikular na detalye o sa kanilang pag-usad, ang ilan sa kanila ay medyo magagaspang ang sagot at medyo lumalaban. Naisip ko: Kung palagi kong susubaybayan ang kanilang gawain, iisipin ba nila na pinahihirapan ko sila at na hindi ko iniisip kung ano ang kanilang kinakaharap? Kung magtatanong ako tungkol sa kanilang pag-usad pagkatapos lamang magtalaga ng gawain, iisipin ba ng mga kapatid na tinatrato ko sila na parang mga makina at wala akong magandang pakikitungo? Nang maisip ko ito, hindi ko na magawang magtanong nang magtanong. Sa isa pang pagkakataon, nakita ko na karamihan sa mga baguhan na dinidiligan ng isang sister ay hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon. Tinanong ko siya kung nagbabahagi ba siya tungkol sa katotohanan at nilulutas ang kanilang mga isyu. Agad na sumagot ang sister, “Sabi ng lahat ng baguhan na abala sila, hindi ko naman sila mapipilit na pumunta sa mga pagtitipon.” Nag-alala ako na baka isipin ng sister na hindi ako mapagsaalang-alang sa kanya at sa kanyang mga problema, kaya hindi ako naglakas-loob na igiit pa ang isyu. Hindi lang ‘yon, ang ilan sa kanila ay negatibo pa nga pagkatapos naming magkita para talakayin ang kanilang gawain, nararamdaman na kahit gising silang nagtatrabaho sa lahat ng oras, napakarami pa ring isyu, at na hindi sila nakakagawa ng anumang pag-usad at hindi nababagay sa trabaho. Noong panahong iyon, nais kong tukuyin ang isyung ito: Kung negatibo sila at iniiwasan ang kanilang tungkulin kapag nagkakaproblema, nangangahulugan iyon na hindi nila direktang hinaharap ang kanilang mga isyu at hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan. Pero nag-alala rin ako na baka sabihin nila na wala akong konsiderasyon sa kanila at pinagsasabihan ko lang sila. Kaya kinokontrol ko ang sarili ko kapag magsasalita na ako. Pagkatapos nun, lalo pa akong naging mas di-sigurado, at hindi ako handang mangasiwa at sumubaybay sa gawain. Naisip ko, “Maraming taon na silang mananampalataya, magkukusa silang tapusin ang kanilang mga tungkulin. Masyadong abala ang ilang kapatid, wala na nga silang oras para sa mga debosyonal, tiyak na hindi sila magpapakatamad. Ang kailangan ko lang gawin ay malinaw na magbahagi ng mga prinsipyo ng gawain at magtalaga ng mga gampanin. Hindi ko sila kailangang bantayan buong araw, kung hindi ay masasakal sila.” Pagkatapos nun, huminto na ako sa detalyadong pangangasiwa at pagsubaybay sa gawain ng iba at kumukuha na lang ako ng pangkalahatang ideya tungkol sa pagsulong ng gawain sa katapusan ng bawat buwan. Pero kalaunan, napagtanto ko na bagamat mukhang abalang-abala ang lahat sa gawain, kapag nagtatanong ako ng mga detalye, karamihan sa mga tao ay hindi nakakapagbigay sa’kin ng matuwid na sagot, at maraming tao ang hindi nauunawaan nang tama ang mga detalye. Kaya sinabi ko sa lahat ang tungkol sa mga isyu at paglihis na napansin ko, pero walang sumagot sa akin. Nag-alala ako na kung patuloy kong tatalakayin ito, baka lumaban at maging negatibo sila, kaya kaswal ko na lang na ibinuod ang mga problema at hiniling sa kanila na gumawa ng mga pagbabago sa oras, bago ako nagbanggit ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos at nagbahagi tungkol sa pagkaunawa ko.

Hindi nagtagal, nagsimulang lumitaw ang mga problema sa gawain. May nag-ulat na ang ilang manggagawa sa pagdidilig ay hindi umaako ng responsibilidad sa mga baguhan. Hindi nila kinukumusta ang mga baguhan na hindi dumadalo sa mga pagtitipon. Nang may nagbanggit nito, sumama ang loob ng mga nagdidilig at hindi tinanggap ang pamumuna. Dahil dito, ilang baguhan ang hindi nakumusta at umalis sa iglesia. Minsan, sa isang pagtitipon, nagtanong ang isang nakatataas na lider tungkol sa estado ng buwanang gawain ng pagdidilig ng mga baguhan, tinanong kung ilang baguhan ang hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon at kung bakit. Sinabi ng ilang sister na hindi nila alam. Kaya iwinasto kami ng lider, sinasabing: “Napakairesponsable niyo sa mga baguhan! Hindi niyo sila diniligan nang maayos, kaya umalis sila sa iglesia. Hindi niyo siniseryoso ang tungkulin!” Talagang masakit ang mga salita ng lider. Tama siya. Nagtrabaho nang husto ang mga kapatid para maipasok ang mga baguhang ito. Nang hindi sila dumalo sa mga pagtitipon, hindi malinaw sa mga tagapagdilig ang kanilang mga sitwasyon, lalong hindi nila binuhos ang lahat sa pagdidilig at pagsuporta sa kanila, kaya umalis sila sa iglesia. Iyan ay isang malubhang kaso ng kapabayaan. Napagtanto ko rin na ang mga problemang ito na lumitaw ay naglantad sa sarili kong mga isyu. Hindi ko nasubaybayan ang gawain ng mga kapatid, hindi naintindihan kung anong mga praktikal na isyu ang mayroon sila, mas lalong hindi ko napangasiwaan nang mabuti ang kanilang gawain. Bilang resulta, hindi nila ibinuod ang kanilang mga isyu at paglihis. Dahil sa pagiging iresponsable ko kung kaya’t naging gano’n ang mga bagay-bagay. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na tulungan akong pagnilayan at kilalanin ang aking sarili.

Sa aking mga debosyonal, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang aking kasalukuyang kalagayan. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang estado ng pagsulong ng gawain, hindi nila kayang matukoy kaagad—lalo nang hindi nila kayang malutas—ang mga problemang lumilitaw sa gawain, na madalas humahantong sa paulit-ulit na mga pagkaantala. Sa ilang gawain, dahil hindi naiintindihan ng mga tao ang mga prinsipyo at walang sinumang angkop na mamahala rito, ang mga nagsasagawa ng gawain ay kadalasang negatibo, walang ginagawa, at naghihintay, na lubhang nakakaapekto sa pagsulong ng gawain. Kung natupad ng lider ang kanyang mga responsibilidad—kung siya ang namahala, nagsulong sa gawain, kung hinikayat niya ang mga ito, at nakahanap ng isang taong nakakaunawa sa ganitong uri ng gawain para magbigay ng patnubay, sumulong sana nang mas mabilis ang gawain kaysa magdanas ng paulit-ulit na mga pagkaantala. Kung gayon, para sa mga lider, mahalagang maunawaan at maintindihan ang totoong sitwasyon ng gawain. Siyempre, lubhang kinakailangan na maunawaan at maintindihan ng mga lider kung paano sumusulong ang gawain—sapagkat ang pagsulong ay nauugnay sa kahusayan ng gawain at mga resulta na nilalayong makamtan ng gawaing ito. Kung ang isang lider ay walang pagkaintindi kung paano sumusulong ang gawain, at hindi ito kinukumusta o binabantayan, karamihan sa mga taong gumaganap ng tungkulin ay magkakaroon ng negatibo at pasibong saloobin, magwawalang-bahala sila nang husto at walang madaramang pasanin, mawawalan sila ng ingat at magiging pabasta-basta, at sa gayon ay tiyak na babagal ang pagsulong ng gawain. Kung walang sinumang may nadaramang pasanin, at marunong magtrabaho, na magbibigay ng patnubay at pangangasiwa—at magdidisiplina at magwawasto sa mga tao—natural na bababa nang husto ang kahusayan at pagiging epektibo ng gawain. Kung ni hindi ito makita ng mga lider at manggagawa, hangal sila at bulag. Kaya nga, napakahalaga na maagap ang mga lider at manggagawa na mas alamin pa, tingnan palagi, at maging pamilyar sila sa pagsulong ng gawain. Ang mga tao ay tamad, kaya kung walang patnubay, paghimok, at pagsubaybay ng mga lider at manggagawa, na nagtataglay ng napapanahong pag-unawa at pagkaintindi sa pagsulong ng gawain, ang mga tao ay posibleng magpabaya, maging tamad, maging pabasta-basta—kung ganito ang saloobin nila sa kanilang gawain, lubhang maaapektuhan ang pagsulong ng gawaing ito, gayundin ang pagiging epektibo nito. Dahil sa mga sitwasyong ito, ang mga kuwalipikadong lider at manggagawa ay dapat subaybayan kaagad ang bawat aspeto ng gawain at manatiling may alam tungkol sa sitwasyon hinggil sa mga kawani at sa gawain; hinding-hindi sila dapat tumulad sa mga huwad na lider. Walang ingat at pabaya ang mga huwad na lider sa gawain nila, wala silang pagpapahalaga sa responsibilidad, hindi nila nilulutas ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito, at kahit ano pang gawain iyan, palagi nilang ‘hinahangaan ang mga bulaklak mula sa likod ng isang tumatakbong kabayo’; wala silang ingat at walang gana; lahat ng sinasabi nila ay mabulaklak at walang kabuluhan, bumubulalas sila ng doktrina, at iniraraos lang ang gawain. Sa pangkalahatan, ito ang paraan ng paggawa ng mga huwad na lider. Para maikumpara sila sa mga anticristo, bagama’t wala silang ginagawang napakasama at hindi sila sadyang masasama, mula sa pananaw ng pagiging epektibo, patas na tukuyin sila bilang walang ingat at pabasta-basta, walang nadaramang pasanin, walang pagpapahalaga sa responsibilidad o katapatan sa kanilang gawain(Ang Salita, Vol. IV, Mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Inilalantad ng mga salita ng Diyos kung paanong ang mga huwad na lider ay basta-basta lang gumagawa ng kanilang gawain, nagsasalita lamang ng mga kasabihan at doktrina, hindi pinangangasiwaan at sinusubaybayan ang gawain at bigong magkaroon ng praktikal na pagkaunawa sa pagsulong ng gawain. Maraming isyung lumalabas sa gawain ang hindi natutuklasan at nalulutas sa oras, na nagdudulot ng pagkaantala sa pagsulong ng gawain. Kung susuriin ang sarili kong kalagayan gamit ang mga salita ng Diyos, sinunod ko lang ang sarili kong paniniwala na ang mga kapatid ay matatagal nang mananampalataya, at madalas ay sobrang abala na wala man lang silang oras para sa mga debosyonal, kaya malamang ay gagampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Dahil dito, hinayaan ko na lang sila at hindi ko pinangasiwaan nang mabuti ang kanilang gawain, hindi ko napansin ang mga paglihis sa kanilang gawain, o kung sila ay gumagawa ayon sa prinsipyo, hindi ko inalam kung bakit hindi nagbubunga ang ilang proyekto. Wala akong mabuting pagkaunawa sa alinman sa mga ito. Kahit na may natuklasan akong ilang problema, hindi ko sila tinulungang ibuod ang kanilang mga isyu at paglihis at hanapin ang katotohanan at resolusyon, mas lalong hindi ko sila iwinasto o ginabayan sa tamang oras. Basta-basta lang akong nagsalita ng doktrina, at hindi man lang nilutas ang kanilang mga praktikal na isyu. Dahil dito, ang ilan sa mga baguhan ay hindi nadiligan sa oras at umalis sa iglesia. Gumagawa ako ng kasamaan! Napagtanto ko na bukod sa pagsasakatuparan ng mga pagsasaayos ng gawain, ang pinakamahalagang gampanin ng mga lider at manggagawa ay ang pangasiwaan ang pagsulong ng lahat ng gawain, alamin ang kasalukuyang sitwasyon ng gawain ng lahat at agad na magbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema. Pero nabigo akong gampanan ang tungkuling dapat gawin ng isang lider, isa itong seryosong kaso ng kapabayaan!

Sa pagninilay-nilay, napagtanto ko na mayro’n din akong napakahangal na paniniwala. Inakala ko na ang mga kapatid na matagal nang mananampalataya ay hindi na kailangang pangasiwaan. Naisip ko na dahil abala silang lahat, tiyak na nagsusumikap sila sa kanilang mga tungkulin, kaya hinayaan ko na lang silang gawin ang gawain nila at hindi na ako nangasiwa o nangialam pa, iniisip ko na, sa paggawa nito, hindi ko sila pinipigilan. Ang totoo, ito ay resulta ng aking mga kuru-kuro at imahinasyon. Kalaunan, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang kahulugan ng pangangasiwa. Sabi ng Diyos, “Ngayon, bagama’t maraming taong nagsasagawa ng tungkulin, iilan lamang ang naghahangad ng katotohanan. Ang mga tao ay bihirang hangarin ang katotohanan at pumasok sa realidad ng katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin; para sa karamihan, wala pa ring mga prinsipyo sa paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay, hindi pa rin sila mga taong tunay na sumusunod sa Diyos; sinasambit lamang ng kanilang bibig na minamahal nila ang katotohanan, at handa silang hangarin ang katotohanan, at handa silang magsumikap para sa katotohanan, subalit wala pa ring nakakaalam kung hanggang kailan tatagal ang kanilang determinasyon. Ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan ay malamang na magkaroon ng mga pagbuhos ng isang tiwaling disposisyon anumang oras o saanmang lugar. Ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan ay walang anumang pagpapahalaga sa responsibilidad sa kanilang tungkulin, madalas ay wala silang ingat at pabasta-basta, kumikilos sila ayon sa gusto nila, at ni wala silang kakayahang tumanggap ng pagpupungos at pagwawasto. Sa sandaling sila ay maging negatibo at mahina, ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan ay malamang na sumuko na lamang—madalas itong mangyari, wala nang ibang mas karaniwan pa rito; ganoon kumilos ang lahat ng hindi naghahangad ng katotohanan. Kaya nga, kapag hindi pa nakakamit ng mga tao ang katotohanan, hindi sila maaasahan at mapagkakatiwalaan. Ano ang ibig sabihin ng hindi sila mapagkakatiwalaan? Ang ibig sabihin niyon ay na kapag nahaharap sila sa mga paghihirap o balakid, malamang na mabuwal sila, at maging negatibo at mahina. Mapagkakatiwalaan ba ang isang taong madalas maging negatibo at mahina? Talagang hindi. Ngunit iba ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan ay malamang na magkaroon ng pusong may takot sa Diyos, at ng pusong sumusunod sa Diyos, at ang mga tao lamang na may pusong may takot sa Diyos ang mga taong mapagkakatiwalaan; ang mga taong walang pusong may takot sa Diyos ay hindi mapagkakatiwalaan. Paano dapat harapin ang mga taong walang pusong may takot sa Diyos? Siyempre pa, dapat silang bigyan ng mapagmahal na tulong at suporta. Dapat silang subaybayan nang mas madalas habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at mas tulungan at gabayan; saka lamang magagarantiyahan na gagampanan nila nang epektibo ang kanilang tungkulin. At ano ang layon ng paggawa nito? Ang pangunahing layon ay ang itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pangalawa rito ay para agad na matukoy ang mga problema, para agad silang matustusan, masuportahan, at maiwasto at mapungusan, na itinatama ang kanilang mga paglihis, at pinupunan ang kanilang mga pagkukulang at kapintasan. Kapaki-pakinabang ito sa mga tao; walang masamang hangarin dito. Ang pangangasiwa sa mga tao, pagbabantay sa kanila, pag-alam pa sa kung anong ginagawa nila—lahat ng ito ay para tulungan silang pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, para bigyan sila ng kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin ayon sa hinihingi ng Diyos at ayon sa prinsipyo, upang hindi sila makagulo o makagambala, upang hindi sila magsayang ng panahon. Ang layon ng paggawa nito ay lubos na dahil sa responsibilidad sa kanila at sa gawain ng sambahayan ng Diyos; walang masamang hangarin doon(Ang Salita, Vol. IV, Mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Ang mga salita ng Diyos ay napakalinaw. Lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon, at walang sinuman ang maaasahan bago magawang perpekto. Maaaring mayroon tayong kaunting sigasig at handa tayong tuparin ang ating mga tungkulin, pero ang ating mga tiwaling disposisyon ay hindi pa ganap na nababago at mabagal pa rin tayo. Kung walang mangangasiwa sa ating gawain at magwawasto at magtatabas sa atin, baka anumang oras ay sumuko tayo sa ating mga tiwaling disposisyon sa gawain natin, at kumilos nang basta-basta at walang ingat o makagambala nang hindi sinasadya, at magdulot ng pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang gawain ay pinangangasiwaan upang malaman ang pag-usad nito, matukoy ang mga paglihis sa gawain ng mga tao at makapagbahagi upang malutas ang kanilang mga isyu, para hindi maapektuhan ang gawain ng iglesia. Ang pangangasiwa ay hindi tungkol sa sadyang paghahanap ng mali sa mga tao, bagkus ito ay tungkol sa pagiging responsable at tapat sa iyong tungkulin, pag-ako ng responsibilidad para sa pagpasok sa buhay ng mga tao, at pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos at pagtataguyod sa gawain ng iglesia. Kung may mga problema ang mga kapatid sa kanilang gawain, at ang isang tao ay magbubulag-bulagan dito at hindi magbabahagi para tulungan sila o iwasto at tabasan sila, ito ay malubhang kapabayaan at nagpapakita ng pagiging iresponsable. Pagkatapos nun, sinadya kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Kalaunan, ibinuod namin ng partner kong sister ang mga kasalukuyang isyu sa aming gawain at pagkatapos ikategorya ang mga isyu, tinawag namin ang mga kapatid para makipagbahaginan. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan, napagtanto nila na mali ang kanilang saloobin sa kanilang mga tungkulin, at naunawaan nila ang kahalagahan ng pangangasiwa. Pagkatapos nun, medyo bumuti ang saloobin at kalagayan ng lahat, at sinadya kong subukang mas masubaybayan ang estado ng kanilang gawain, maingat na mangasiwa at kumustahin ang kanilang pag-usad. Tinulungan ko rin sila sa kanilang mga suliranin at kakulangan. Pagkaraan ng ilang panahon, nakita ko na nakakakuha na kami ng mas magagandang resulta sa gawain namin at ang lahat ay nakausad sa kanilang mga tungkulin.

Kalaunan, nagpatuloy ako sa pagninilay-nilay: Bakit ba hindi ko binibigyang importansya ang pangangasiwa? Anong iba pang mga tiwaling disposisyon ang ipinapahiwatig nito? Sa aking paghahanap, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Hindi sinasaway ng ilang lider ng iglesia ang mga kapatid na nakikita nilang walang-ingat at wala sa puso kung tumupad ng kanilang mga tungkulin, bagama’t dapat nila iyong gawin. Kapag nakakakita sila ng isang bagay na malinaw na makapipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, nagbubulag-bulagan sila at hindi nag-uusisa, upang hindi makapagdulot ng bahagya mang sama ng loob sa iba. Sa katunayan, hindi talaga sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga kahinaan ng mga tao; sa halip, ang layunin nila ay makuha ang loob ng mga tao, na alam na alam nila: ‘Kung ipagpapatuloy ko ito at hindi ako makapagdudulot ng sama ng loob sa kahit kanino, iisipin nila na mabuti akong lider. Magkakaroon sila ng mabuti at mataas na pagtingin sa akin. Kikilalanin at magugustuhan nila ako.’ Gaano man kalaki ang magiging pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at gaano man katinding mahahadlangan ang pagpasok sa buhay ng mga hinirang na tao ng Diyos, o gaano man katinding magagambala ang kanilang buhay-iglesia, ipinupursigi ng gayong mga lider ang sataniko nilang pilosopiya at hindi nagdudulot ng sama ng loob sa sinuman. Kailanman ay walang pakiramdam ng paninisi sa sarili sa kanilang mga puso. Kapag nakakakita ng isang taong nagdudulot ng pagkagambala at mga kaguluhan, maaaring pahapyaw na kaswal nilang mabanggit ang isyu na ito, at hanggang doon na lamang. Hindi sila nagbabahagi tungkol sa katotohanan, ni hindi nila ipinapaalam ang diwa ng problema sa taong ito, at lalong hindi nila sinusuri ang kalagayan nila. Hindi nila kailanman ipinababatid kung ano ang kalooban ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman inilalantad o sinusuri kung anong uri ng mga pagkakamali ang madalas na ginagawa ng mga tao, o ang mga tiwaling disposisyong madalas na ibinubunyag ng mga tao. Hindi nila nilulutas ang anumang tunay na mga problema, kundi sa halip ay lagi nilang pinagbibigyan ang masamang asal at mga pagbuhos ng katiwalian ng mga tao, at nananatiling walang pakialam gaano man kanegatibo o kahina ang mga tao, na nangangaral lang ng ilang salita ng doktrina, nagbibigay ng ilang walang ganang pangaral, sinisikap na umiwas sa alitan. Dahil dito, hindi pinagninilayan at sinisikap na kilalanin ng mga taong hinirang ng Diyos ang kanilang sarili, wala silang nakukuhang solusyon sa mga pagbuhos ng iba’t ibang uri ng katiwalian, at namumuhay sa gitna ng mga salita, kasabihan, haka-haka at imahinasyon, nang walang anumang pagpasok sa buhay. Naniniwala pa sila sa kanilang puso na, ‘Mas malawak pa nga ang pang-unawa ng aming mga lider sa mga kahinaan natin kaysa sa Diyos. Maaaring napakaliit ng ating tayog upang makatugon sa mga hinihingi ng Diyos, ngunit kailangan lang nating tuparin ang mga hinihingi ng ating lider; sa pagsunod sa ating lider, sinusunod natin ang Diyos. Kung dumating ang araw na papalitan ng Itaas ang ating lider, magsasalita tayo upang marinig; upang mapanatili ang ating lider at mapigilang palitan siya ng Itaas, makikipagnegosasyon tayo sa Itaas at pipilitin silang sumang-ayon sa mga hinihingi natin. Ganito natin tatratuhin nang patas ang ating lider.’ Kapag ang mga tao ay may gayong mga saloobin sa kanilang puso, kapag mayroon silang gayong relasyon sa lider, at sa puso nila ay nakakaramdam sila ng pagdepende, paghanga, at pagpipitagan sa kanilang lider, magkakaroon sila ng higit pang pananalig sa lider na ito, ang mga salita ng lider ang gusto nilang marinig, at tumitigil sila sa paghahanap sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ang gayong lider ay halos pumalit na sa puwang ng Diyos sa puso ng mga tao. Kung ang isang lider ay handang mapanatili ang gayong relasyon sa mga taong hinirang ng Diyos, kung nagtatamo siya ng kasiyahan sa puso niya mula rito, at naniniwalang dapat lang siyang tratuhin nang ganito ng mga hinirang ng Diyos, kung gayon ay walang pagkakaiba sa pagitan niya at ni Pablo, at nakatapak na siya sa landas ng mga anticristo. … Hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga anticristo, hindi nila pinagbabahaginan ang katotohanan at nilulutas ang mga problema, hindi nila ginagabayan ang mga tao sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa pagpasok sa realidad ng katotohanan. Gumagawa sila para lamang sa katayuan at kasikatan, ang mahalaga lamang sa kanila ay ang magkaroon ng reputasyon, ang maprotektahan ang puwang nila sa puso ng mga tao, at ang mahimok ang lahat na sambahin sila, igalang sila, at sundin sila; ito ang mga mithiing nais nilang makamit. Ganito sinusubukan ng mga anticristo na makuha ang loob ng mga tao at makontrol ang mga hinirang ng Diyos. Hindi ba masama ang ganitong paraan ng paggawa? Kasuklam-suklam ito!(Ang Salita, Vol. III, Paglalantad sa mga Anticristo, Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao). Ang mga anticristo ay may masasamang disposisyon, gumagawa lamang sila para makakuha ng katayuan, at kapag may mga problema ang mga kapatid, hindi nila inilalantad at itinutuwid ang mga ito, sa halip ay lagi silang tumutulong at nakikiramay sa mga kapatid, para makuha ang loob at masilo ang mga ito, at mahikayat ang lahat na hangaan at sambahin sila at lumapit sa harapan nila. Nang pagnilayan ko ang mga salita ng Diyos habang iniisip ang inasal ko kamakailan sa gawain ko, napagtanto ko na katulad ako ng mga inilantad ng Diyos: Upang mapanatili ang aking katayuan at imahe sa puso ng mga tao, sa tuwing nangangasiwa ako o nagtatanong tungkol sa gawain at nagrereklamo o tumututol ang iba, hindi ako nangangahas na magpatuloy sa pagtatanong, lalong hindi ko sila iwinawasto at tinatabasan, sa pag-aalala na baka isipin nilang hindi ako mabait makitungo, na hinihimok at inaapi ko lamang sila nang hindi isinasaalang-alang ang mga isyung kinakaharap nila, kaya’t kaswal ko na lang na binabanggit ang kanilang mga problema, nang hindi sinusuri ang nilalaman ng kanilang mga isyu. Minsan napapansin ko rin na sa kabila ng pagiging abala ng lahat, walang naging pag-usad sa gawain, kaya siguradong may isyu. Ngunit sa tuwing natatahimik ang mga kapatid pagkatapos ko silang itama, nararamdaman kong napipigilan ako at hindi na ako nangangahas na magpatuloy sa pagbabahagi. Bilang resulta, walang naging pag-usad sa gawain sa mahabang panahon, wala silang naging anumang kamalayan sa diwa ng kanilang pagkapabaya, at walang nagawang pag-usad sa pagpasok sa buhay. Namuhay ako ayon sa satanikong pilosopiya na “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang,” pinapanatili ang mga relasyon ko sa mga tao, ipinapaisip sa kanila na may konsiderasyon ako sa kanilang mga problema at isang maunawaing lider, para magkaroon sila ng puwang para sa akin sa kanilang mga puso. Dahil hindi ko isinagawa ang katotohanan at palaging kinukunsinti ang mga kapatid, hindi nila napagtanto kung gaano kaseryoso ang kanilang mga isyu, at lubha nitong pininsala ang gawain ng iglesia. Masyado lang akong makasarili at kasuklam-suklam! Hinihingi ng sambahayan ng Diyos na pangasiwaan at subaybayan ng lahat ng lider at manggagawa ang pagsulong ng gawain, protektahan ang mga interes ng iglesia, mabilis na tukuyin at lutasin ang mga problema sa gawain at gumawa ng praktikal na gawain. Samantalang ako, pinanatili ko lamang ang sarili kong katayuan at reputasyon, isinasantabi ang mga interes ng iglesia, hinahayaan ang mga kapatid na mamuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaswal lang ang saloobin tungo sa aking tungkulin at ipinagpapaliban ang gawain. Talagang nabigo akong mamuhay ayon sa mga layunin ng Diyos. Nang pagnilayan at mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng pagsisisi at kaya nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi at pagbutihin ang saloobin ko sa aking tungkulin.

Kalaunan, nang dumating ang isang lider para kumustahin ang gawain namin, at nakitang nahuhuli pa rin ang ilang proyekto at hindi nagbubunga ng mga resulta, hiniling niya sa amin na mas subaybayang maigi ang pag-usad ng lahat, tukuyin ang mga isyu at lutasin ang mga ito kaagad. Naisip ko, “Kamakailan lang itinalaga ang gawaing ito. Kung tatanungin namin ang tungkol sa kanilang pag-usad ngayon, hindi kaya iisipin ng mga kapatid na masyado kaming malupit at walang kahit kaunting magandang pakikitungo?” Napagtanto ko na muli akong pinipigilan ng reputasyon at katayuan at hindi isinasagawa ang katotohanan. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, o katayuan. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung ikaw ba ay naging hindi dalisay sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging matapat, natupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito at intindihin ang mga ito, at magiging mas madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. II, Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw, Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Napagtanto ko na ‘yung mga talagang nagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos ay isinasantabi ang sarili nilang mga interes, inuuna ang mga interes ng iglesia. Isinasaalang-alang nila kung aling pagkilos ang pinakamainam para sa gawain ng iglesia at sa pagpasok sa buhay ng iba. Tanging ang pagtupad sa tungkulin ng isang tao sa ganitong paraan ang naaayon sa kalooban ng Diyos. Nang mapagtanto ito, kinumusta ko ang pag-usad ng gawain ng lahat kinabukasan, at natuklasan kong kinakaharap nila ang lahat ng uri ng isyu, kaya nagbahaginan kami tungkol sa mga prinsipyo, naghanap ng landas, at gumawa ng mga plano para malutas ang mga isyu. Pagkalipas ng dalawang linggo, nakakakuha na kami ng mas magagandang resulta kaysa dati. Salamat sa Diyos! Sa mga naranasan ko nitong mga nakaraang buwan, napagtanto ko ang kahalagahan ng pangangasiwa. Handa akong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at tuparin nang maayos ang aking tungkulin sa hinaharap.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Paglaya ng Puso

Ni Zheng Xin, USA Noong Oktubre ng 2016, nasa ibang bansa kami ng asawa ko noong tinanggap namin ang gawain. Makalipas ang ilang buwan, si...

Kung Bakit Napakayabang Ko Noon

Ni Chengxin, Timog Korea Isang araw, binanggit sa akin ng dalawang lider ng iglesia ang isang isyu. Sinabi nila na si Isabella, na siyang...