Ang Katotohanan ay Hindi Makakamit sa Relihiyon

Agosto 3, 2022

Ni Meixiang, Taiwan

Sumunod ako sa mga magulang ko sa pananalig sa Panginoon noong bata pa ako, at masigasig kong hinangad ang pananampalataya ko. Aktibo akong sumali sa lahat ng aktibidad ng simbahan, anuman ang mga ito. Ibinigay ko ang sampung porsyento ng kinikita ko bilang ikapu, at palagi akong sumasali sa ministeryo sa simbahan. Dahil sa masigasig kong paghahangad, naging diyakono ako ng simbahan, at sa edad na 30, naging elder ako ng simbahan. Ngunit kahit pagkatapos ng maraming taon ng pananalig, may isang bagay na palaging bumabagabag sa akin. Nakita ko ang mga salita ng Panginoong Jesus, “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan(Mateo 7:21–23). Nalito ako nito. Hindi ba’t tayo ang mga taong nangaral at gumawa sa pangalan ng Panginoon, at ang tumawag ng “Panginoon, Panginoon”? Bakit sinabi ng Panginoon na hindi niya kilala ang gayong mga tao, at sinabing masasamang tao ang mga gano’ng tao? Hindi ba’t kalooban Niya na tayo ay magsikap para sa Kanya sa ganitong paraan? Kung gayon, ano ang kalooban ng Panginoon? Hindi ako kailanman nakahanap ng sagot.

Noong Marso ng 2020, isang araw, inanyayahan ako ng isang sister na makinig sa isang sermon online. Naisip ko, “Sa panahon ng pandemya, hindi tayo pwedeng pumunta sa simbahan, kaya magandang bagay ito.” Masaya akong pumayag na gawin ito. Sa online na pagtitipon na iyon, nagbahagi si Sister Weiwei tungkol sa kahulugan ng mga matalino at hangal na dalaga, kung ano si Cristo, kung ang kaharian ng langit ay nasa langit ba o nasa lupa, at iba pa. Inisip kong napakahusay niyang magsalita tungkol sa mga bagay na ito. Lahat ng ito’y mga isyu na hindi ko maibahagi nang malinaw sa mga sermon ko, kaya napakakaakit-akit para sa’kin ang pagbabahaginan niya. Sinabi rin niya, “Lahat tayong mga mananampalataya sa Panginoon ay umaasa na makapasok sa kaharian ng langit, ngunit anong uri ng mga tao ang makapapasok sa kaharian ng langit?” Tapos, binasa niya ang mga talatang ito sa Bibliya, “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan(Mateo 7:21–23). Sabi niya, “Sinasabi ng Panginoon na hindi lahat ng mananampalataya ay makakapasok sa kaharian ng langit. Tanging ang mga gumagawa ng kalooban ng Diyos ang makakapasok. Kaya ano ang ibig sabihin ng paggawa ng kalooban ng Diyos? Maraming tao ang nag-iisip na hangga’t gumagawa sila ng higit pang ministeryo, nagbabasa ng Bibliya, nagdarasal, at gumagawa ng maraming mabubuting gawa, ginagawa na nila ang kalooban ng Diyos, at sa pagbabalik ng Panginoon, sila ay papasok sa kaharian. Tama ba ang pananaw na ito? Naaayon ba ito sa kalooban ng Diyos? Ang mga Pariseo ng Hudaismo ay may maraming mabubuting pag-uugali, pero nang pumarito ang Panginoong Jesus at nagpahayag ng napakaraming katotohanan, hindi nila nakilala ang Panginoon, galit na galit nilang nilabanan at kinondena Siya, ipinako pa nga nila ang Panginoong Jesus sa krus, at sa huli’y naging masasamang tao. Mula rito, makikita natin na ang paggawa ng kalooban ng Ama ay hindi gaya ng ating iniisip na pangangaral lamang ng ebanghelyo, pagbabasa ng Bibliya, pagdarasal, at paggawa ng mabubuting gawa. Ito ay isang aspeto lamang ng kung ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano. Kaya ano nga ba ang ibig sabihin ng paggawa ng kalooban ng Ama? Sinasabi sa Bibliya, ‘Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal(Levitico 11:45). ‘Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon(Mga Hebreo 12:14). Mula rito, makikita natin na ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay ang matamo ang kabanalan at makalaya sa kasalanan, na nangangahulugang magawang sumunod sa Diyos, makinig sa Kanyang mga salita, hindi na magkasala at labanan ang Diyos, hindi na ipagkanulo ang Diyos, at kahit kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, magawang sumunod at tanggapin ito. Ganito lamang ang isang taong gumagawa ng kalooban ng Diyos, at isang taong mananatili sa kaharian ng Diyos. Bagamat nananalig tayo sa Panginoon, at tumatalikod at gumugugol tayo para sa Panginoon, madalas tayong nagsisinungaling at nagkakasala, madalas may inggit at alitan sa mga katrabaho, at kapag nahaharap tayo sa mga sakuna at karamdaman, nagagawa pa rin nating magreklamo, manghusga, at magtaksil laban sa Diyos. Talaga bang paggawa ito ng kalooban ng Diyos?” Pagkatapos niyang magbahagi, bigla akong natauhan: Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay hindi nakasalalay sa kung gaano tayo kaabala tingnan, nakadepende ito sa kung tayo ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumitigil sa pagkakasala at paglaban sa Diyos. Pero madalas pa rin tayong nagkakasala, nabubuhay tayo sa kalagayan ng pagkakasala sa araw at pangungumpisal sa gabi, hindi tayo nakatakas sa kasalanan, hindi natin maisagawa ang salita ng Diyos, at kapag may nangyayaring hindi kasiya-siya, nagdaramdam tayo at nagrereklamo tungkol sa Panginoon. Paano natin masasabing ginagawa natin ang kalooban ng Diyos?

Kalaunan, sa bawat pagtitipon, nagbahagi sa akin si Sister Weiwei ng ilang salita. Inisip ko na ang mga salitang ito ay mabuti, sariwa, at napakaliwanag. Unti-unti, nagustuhan ko ang mga ganitong pagtitipon, at lagi kong pinananabikan ang susunod. Ito ang sandali na natuklasan ko na ang mga sermon na minsan kong ipinangaral, pati na rin ang mga sermon ng maraming pastor, ay mga salita lamang ng doktrina na ginagamit namin para hikayatin ang mga tao. Sa totoo lang, wala talaga kaming pagkaunawa sa Diyos at sa katotohanan. Pero nang makipagkita ako online sa mga kapatid at makinig sa pagbabahaginan nila, lubos kong nadama na natutustusan ako, at nadama ko ang ginhawa at pagpapalaya. Pwede akong magtanong kung hindi ko nauunawaan ang Kasulatan o kung hindi ko alam ang mga bagay, at lagi akong nakakahanap ng mga sagot doon. Kahit kailan ay hindi pa ako nagkamit ng ganito karami sa mga pagtitipon ko sa simbahan.

Sa isang pagtitipon, nagpadala si Sister Weiwei ng isang sipi para basahin ko. “Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”). Pagkatapos kong basahin ang siping ito, tinanong ako ni Sister Weiwei, “Sino sa tingin mo ang nagsabi nito?” Mabilis ko itong binasang muli sa sarili ko. Naramdaman kong may awtoridad at kapangyarihan ang mga salitang ito, at mula sa mga salitang, “Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan” naramdaman ko ang pagiging maharlika ng Diyos. Natitiyak kong sinabi ng Diyos ang mga salitang ito, dahil walang tao ang makakapagsabi ng ganoong mga bagay. Walang tanyag na tao, dakilang tao, o lider ng relihiyon ang makakapagsabi ng gayong mga salita. Sinabi ko kay Sister Weiwei, “Malinaw na sinabi ito ng Diyos, dahil ang Diyos Mismo lang ang nakakaalam kung ano ang gagawin ng Diyos, at walang taong maglalakas-loob na sabihing, ‘Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang.’” Pagkatapos niyang marinig ang sagot ko, nasasabik niyang sinabi, “Amen! Ito ang tinig ng Diyos! Ang mga nakakakilala sa mga salita ng Diyos ay pinagpapala ng Diyos.” Hindi ko pa nabasa ang mga salitang ito sa Bibliya, kaya na-curious ako kung saan nanggaling ang mga salitang ito. Noon niya sinabi sa akin na ang Panginoong Jesus ay nagbalik na bilang ang Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagligtas. Iniladlad na ng Makapangyarihang Diyos ang balumbon at binuksan ang pitong tatak, ang mga salitang ito ay mula sa balumbon, at ito ang katotohanang ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw. Sabik na sabik ako nang marinig ito, at naisip ko, “Nabuksan na ang balumbon? Kailangan kong magmadali at basahin ang salita ng Diyos!” Tapos, nagpatuloy siya sa pagbabahagi niya, “Nagbabalik ang Panginoong Jesus sa mga huling araw. Nagpapakita at gumagawa Siya sa ilalim ng pangalang ‘Makapangyarihang Diyos.’ Nagpahayag na Siya ng maraming katotohanan, at ginagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos, na siyang gawain ng lubusang paglilinis at pagliligtas ng mga tao. Kung tatanggapin natin ang paghatol sa salita ng Diyos, saka lang natin maiwawaksi ang kasalanan at katiwalian at madadalisay, maililigtas, at makakapasok sa kaharian ng langit. Ang bagong pangalan ng Diyos sa mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos, ay tumutupad sa propesiya sa Pahayag, ‘Ako ang Alpha at ang Omega, …ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat(Pahayag 1:8). ‘Aleluya: sapagka’t naghahari ang Panginoong ating Diyos na Makapangyarihan sa lahat(Pahayag 19:6). Jehova, Jesus, at Makapangyarihang Diyos ang mga pangalan ng Diyos. Bagamat may iba’t ibang pangalan ang Diyos sa bawat kapanahunan, Siya ay iisang Diyos at iisang Espiritu.” Saka ko lang napagtanto matapos marinig ang pagbabahagi niya na ang bagong pangalan ng Diyos sa mga huling araw ay matagal nang ipinropesiya sa Pahayag, pero hindi ko napansin. Ang alam ko lang ay likas na makapangyarihan ang Diyos. Hindi kailanman sumagi sa isip ko na “Makapangyarihang Diyos” ang pangalang gagamitin ng Diyos sa Kanyang pagbabalik sa mga huling araw. Tuwang-tuwa ako at nasasabik. Ang Diyos ay nagbalik na pala, at Siya ang Makapangyarihang Diyos! Sinabi rin niya sa akin, “Nagpakita ang Makapangyarihang Diyos at nagsimulang gumawa noong 1991, tatlumpung taon na ang nakararaan. Nagpahayag ng maraming katotohanan at milyun-milyong salita ang Makapangyarihang Diyos, lahat ay bukas sa lahat na naka-post sa internet. Ngayon ang mga salita Niya ay lumalaganap na mula Silangan hanggang Kanluran, sa maraming bansa sa mundo. Parami nang parami ang mga taong nakakarinig sa tinig ng Diyos at tinatanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Ganap na tinutupad nito ang propesiya ng Panginoong Jesus, ‘Sapagka’t gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao(Mateo 24:27).” Nang marinig ko ito, laking gulat ko. Lumalabas na ang Kidlat ng Silanganan ay ang pagpapakita at gawain ng Diyos. Ilang taon ang nakararaan, nabasa ko sa diyaryo na ang Kidlat ng Silanganan ay nagpatotoo sa pagbabalik ng Panginoon. Pero nung panahong iyon, nakita ko na karamihan sa mga pastor at elder ay kinondena ito, at hindi pinahintulutan ang mga mananampalataya na makinig sa kanilang pangangaral, kaya naisip ko na hindi ito ang tunay na daan, hindi ako naghanap at nagsiyasat, at hindi ko talaga binasa ang salita ng Makapangyarihang Diyos. Hindi ko akalain na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, at nagpakita at gumawa sa loob ng tatlumpung taon. Medyo kinabahan ako, at naramdaman kong masyado na akong nahuhuli, kaya gusto kong magbasa pa ng salita ng Diyos. Pagkaraan ng ilang panahon, sa pamamagitan ng mga pagtitipon at pagbabahaginan sa salita ng Diyos kasama ang sister ko, mas naunawaan ko kung bakit kailangang magkatawang-tao ang Diyos para gumawa sa mga huling araw, kung paano ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang gawin ang gawain ng paghatol, kung paano natin dapat maranasan ang paghatol upang malinis at makapasok sa kaharian ng langit, at iba pa. Ibinunyag ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng misteryong ito, at ipinahayag ang napakaraming katotohanan, na tumutupad sa propesiya ng Panginoong Jesus, “Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:13). Lalo akong nakatiyak na ang Makapangyarihang Diyos ang ikalawang pagparito ng Panginoong Jesus. Pagkatapos n’on, pinadalhan niya ako ng aklat ng mga salita ng Diyos. Binabasa ko ang salita ng Diyos araw-araw, at nagkaroon ako ng espirituwal na panustos.

Kalaunan, dumalo ako sa halos lahat ng pagtitipong mapupuntahan ko. Pero dahil dumalo pa rin ako sa mga service sa simbahan ko, madalas nagkakasabay ang mga oras ng pagtitipon. Naisip ko, “Dapat ba akong umalis sa simbahan ko?” Pero labing-walong taon na akong elder. Ang bawat termino ay apat na taon, at ang pagtatapos ng kasalukuyan kong termino ay higit isang taon pa. Ano ang iisipin ng mga kapatid sa akin kung aalis ako ng simbahan sa kalagitnaan ng aking termino? Iisipin ba nilang basta-basta akong umalis at walang katapatan sa Panginoon? Pero naisip ko, nagbalik na ang Panginoon, kaya dapat ba akong manatili pa sa relihiyon? Alam na alam ko na ang sinabi ng mga pastor sa pulpito ay hindi na nakapagtutustos sa mga mananampalataya. Paulit-ulit nilang tinatalakay ang mga tanda at kababalaghan ng Panginoong Jesus, at madalas nilang tinatalakay ang paggaya sa Panginoon, pagmamahal sa iyong kapwa gaya ng iyong sarili, pagiging matiyaga, at iba pa. Sa loob ng maraming dekada, ipinangangaral ng mga pastor ang mga luma, gasgas na mga salita ng doktrina. Ang mga ito’y luma at tigang, at hindi ko rin natutustusan ang mga kapatid. Alam na alam ko na ang mundo ng relihiyon ay mapanglaw na. Sa panahong iyon, labis na nagtatalo ang kalooban ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, gusto kong umalis sa simbahan, pero mayro’n pa rin akong mga alalahanin, at nag-aalala akong pagtsitsismisan ako ng mga kapatid. Diyos ko, anong dapat kong gawin? Pakiusap, gabayan Mo ako.” Habang nagdarasal ako, naisip ko ang sinasabi ng Bibliya, “Narito, ang mga araw ay dumarating, … Ako’y magpapasapit ng kagutom sa lupain, hindi kagutom sa tinapay, o kauhawan man dahil sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ni Jehova(Amos 8:11). “At Akin namang pinigil ang ulan sa inyo, nang tatlong buwan na lamang at pag-aani na; at Aking pinaulan sa isang bayan, at hindi Ko pinaulan sa kabilang bayan: isang bahagi ay inulanan, at ang bahagi na hindi inulanan ay natuyo(Amos 4:7). Naisip ko ang pitong taong taggutom ng Israel, noong walang pagkain, at lahat ng kapatid ni Jose ay pumunta sa Ehipto para humingi sa kanya ng pagkain. Ngayon ang buong mundo ng relihiyon ay dumaranas ng taggutom, at walang gawain ng Banal na Espiritu, pero ang kinain at ininom ko sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay mga kasalukuyang salita ng Diyos, ang nakamit ko’y tunay na liwanag, at malinaw na nasa akin ang patnubay ng Banal na Espiritu. Kung hindi ako makakasabay, palalayasin ako ng gawain ng Banal na Espiritu. Ngayon, nahanap ko na ang iglesia na may gawain ng Banal na Espiritu, narinig ko na ang tinig ng Diyos, at nasalubong ko na ang Panginoon, kaya hindi ako dapat manatili sa kapanglawan ng relihiyon. Pagkatapos n’on, hangga’t hindi isinasaayos ng simbahan na gumawa ako, hindi ako pumupunta roon, pero dahil isa akong elder, paminsan-minsan akong pumupunta para sumamba.

Isang araw, makalipas ang kalahating taon, nanood ako ng dula sa internet, Isang Matalinong Pagpipilian. Naantig ako nang husto sa kwento. Ang bida, si Li Mingzhi, ay isang kadre ng pamahalaang bayan. Matapos tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, naunawaan niya ang ilang katotohanan. Pinagnilayan niya ang kanyang mga taon ng paglilingkod sa CCP at kung paano niya ito sinunod sa paggawa ng kasamaan. Napagtanto niyang tinatahak niya ang daan patungo sa kapahamakan at malinaw na nakitang sa pamamagitan lamang ng pagsunod kay Cristo at paggugol para sa Diyos niya makakamit ang katotohanan at buhay. Nanalangin siya sa Diyos, sinabing determinado siyang umalis sa kanyang trabaho at ilaan ang kanyang sarili sa Diyos. Matapos malaman ng asawa niya, mahigpit itong tumutol, at pagkatapos ay pinilit siya ng pamilya niya na tumigil sa pananalig sa Diyos. Nang dinumog siya ng buong pamilya niya, hindi siya nakipagkompromiso, nakipagdebate siya sa kanyang pamilya, at sa huli, determinado siyang umalis sa kanyang trabaho at piniling sumunod sa Diyos. Tapos naisip ko ang sarili ko. Kung mananatili ako sa relihiyon at hindi susundan ang Diyos nang buong-puso, hinding-hindi ko makakamit ang katotohanan, at palalayasin ako ng Diyos. Isa pa, sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan, palinaw nang palinaw kong nakikita ang totoong katunayan ng paglaban ng mundo ng relihiyon sa Diyos. Pakiramdam ko’y ginagabayan ako ng Diyos at oras na para lisanin ko ang relihiyon.

Matapos kong tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, naalala ko, na ilang taon ang nakararaan, lumaganap sa Taiwan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Noong panahong ‘yun, ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay inilathala sa mga pahayagan, ngunit ang mga relihiyosong pangkat ng Taiwan ay sama-samang nagdeklara ng kanilang boykot sa Kidlat ng Silanganan, isang pahayag na pinirmahan ng maraming pastor. Matagal nang alam ng mga pastor na ito na bumalik ang Panginoon, pero hindi sila naghanap o nagsiyasat, ni sinabi sa kanilang mga mananampalataya ang balita ng pagbabalik ng Panginoon. Nagkaisa rin silang labanan ang Diyos at pigilan ang paglaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos sa Taiwan. Ipinaalala nito sa akin ang mga punong saserdote, eskriba, at Pariseo dalawang libong taon na ang nakararaan. Malinaw nilang nakita na ang mga salita at gawain ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, pero hindi nila inamin na ang Panginoong Jesus ang Mesiyas dahil nag-alala sila na ang lahat ng mananampalataya ay susunod sa Panginoong Jesus, at mawawalan sila ng katayuan at kinikita. Samakatuwid, gumawa sila ng mga maling paghatol at kinondena ang Panginoong Jesus. Ganito rin sa mundo ng relihiyon ngayon. Natatakot ang mga pastor na kung ang lahat ay nananalig sa Makapangyarihang Diyos at hindi nagsisimba, wala nang magbibigay ng mga handog, at hindi sila magkakasuweldo, kaya para mapanatili ang kanilang katayuan at kinikita, sama-sama nilang kinondena at nilabanan ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Ipinaalala nito sa akin ang sinabi ng Panginoong Jesus nang sumpain niya ang mga Pariseo, “Datapuwa’t sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka’t kayo’y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. … Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya’y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili(Mateo 23:13–15). Ang mga pastor na ito sa relihiyon ay malinaw na alam na ang Panginoon ay nagbalik na at nagpahayag ng maraming katotohanan, pero hindi sila nagsisiyasat, at nililinlang at pinipigilan nila ang iba sa pagsisiyasat sa bagong gawain ng Diyos, at hinahadlangan nila ang mga mananampalataya sa pagsalubong sa Panginoon. Ang mga lider na ito ng relihiyon ay napakakasuklam-suklam! Hindi sila mga taong tunay na sumusunod sa Panginoon, sila ay mga makabagong Pariseo.

Sa isang pagtitipon, nabasa ko ang mga salitang ito ng Makapangyarihang Diyos, “Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may ‘mahuhusay na konstitusyon,’ ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga pastor sa mundo ng relihiyon ay binabayaran mula sa mga handog ng mga kapatid sa Diyos, ngunit pinipigilan nila ang mga tao na bumaling sa Diyos, at sa gayon ay sinisira ang pagkakataon ng mga tao na salubungin ang Panginoon at pumasok sa kaharian ng langit. Hindi ba’t mga diyablo lang sila na lumalamon sa kaluluwa ng mga tao? Naisip ko rin na dahil sa pandemya, sinuspinde ng mga simbahan ang lahat ng service. Sa isang pagtitipon, tinalakay ng mga pastor ang paglalagay ng mga produktong pang-agrikultura ng mga kapatid sa labas ng aming opisina ng komite para ibenta, bilang isang paraan upang madagdagan ang kinikita ng mga mananampalataya. Sa ganoong paraan, maipagpapatuloy ng mga kapatid ang kanilang ikapu. Labis akong nagalit nang marinig ko ito, at mariin akong tumutol. Sabi ko, “Bilang mga pastor, dapat kayong magmalasakit sa buhay ng mga tao. Paanong pera lang ang iniisip niyo?” Sinabi sa akin ng pangkalahatang kalihim, “Nung itinigil ng simbahan ang mga pagtitipon, nabawasan ang mga handog mula sa mga kapatid, na lubhang nagpaliit sa kinikita ng simbahan.” Nakita ko na ang mga pastor ay inaalala lamang ang kanilang suweldo at kinikita, at hindi nila dinidiligan ang mga kapatid at pinapatibay ang kanilang pananampalataya. Sila ang mga mapagpaimbabaw na Pariseo na binanggit ng Panginoong Jesus. Ninasa nila ang mga alay na inihandog ng mga kapatid sa Diyos. Wala silang pakialam sa buhay ng kanilang mga mananampalataya, hinadlangan nila ang pagsalubong ng mga tao sa Panginoon, at sinubukan nilang mapanatili ang mahigpit na pagkakahawak nila sa kanilang mga mananampalataya. Mas malinaw kong nakita ang totoong mukha ng mga pastor. Ang mga pastor ng relihiyon na ito ay walang iba kundi mga anticristo na tumatatwa at lumalaban sa Diyos. Pagkatapos ng maraming taon ng pananalig sa Panginoon, sa wakas ay natukoy ko na sila. Sa wakas nagising na rin ako. Nagpasalamat ako sa Diyos sa awa Niya, at sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong marinig ang Kanyang tinig at tanggapin ang Kanyang gawain sa mga huling araw. Kung hindi, susundan ko ang mga pastor sa paggawa ng masama at paglaban sa Diyos, at mawawalan ako ng pagkakataon sa kaligtasan.

Kalaunan, nakita ko ang isang video ng pagbasa ng salita ng Makapangyarihang Diyos. “Ngayon, talaga bang nauunawaan ninyo kung ano ang pananampalataya sa relihiyon at pananampalataya sa Diyos? May pagkakaiba ba ang pananampalataya sa relihiyon at pananampalataya sa Diyos? Nasaan ang pagkakaiba? Napag-isipan na ba ninyo ang mga tanong na ito? Ano bang klase ng tao karaniwan ang mga mananampalataya sa relihiyon? Saan sila nakatuon? Paano mabibigyang-kahulugan ang pananampalataya sa relihiyon? Kapag nananalig ang mga tao sa relihiyon, kinikilala nila na mayroong Diyos, at gumagawa sila ng mga partikular na pagbabago sa kanilang pag-uugali: Hindi sila nananakit o nangmumura ng mga tao, hindi sila gumagawa ng masasamang bagay na nakasasakit ng mga tao, at hindi sila gumagawa ng iba’t ibang krimen o lumalabag sa batas. Tuwing Linggo, pumupunta sila sa pagtitipon. Ito ang isang taong nananalig sa relihiyon. Ang pagkilos nang mabuti at madalas na pagdalo sa pagtitipon, kung ganoon, ay patunay na ang isang tao ay nananalig sa relihiyon. Kapag ang isang tao ay nananalig sa relihiyon, kinikilala niya na mayroong Diyos, at sa palagay niya, ang pananalig sa Diyos ay ang maging isang mabuting tao; basta’t hindi siya nagkakasala o gumagawa ng masasamang bagay, mapupunta siya sa langit pagkamatay niya, magkakaroon siya ng magandang katapusan. Binibigyan siya ng kanyang pananampalataya ng espirituwal na panustos. Sa gayon, ang pananalig sa relihiyon ay mabibigyang-kahulugan din bilang ang sumusunod: Ang manalig sa relihiyon ay ang kilalanin, sa iyong puso, na mayroong Diyos, na magtiwalang pagkamatay mo ay mapupunta ka sa langit, ibig sabihin niyon ay pagkakaroon ng pampagaan ng loob sa iyong puso, pati na pagbabago sa ilan sa iyong pag-uugali—pagiging mabuti, at wala nang iba. Tungkol naman sa kung umiiral ba ang Diyos na kanyang pinaniniwalaan o hindi, kung ano ang ginagawa ngayon ng Diyos na ito, at kung ano ang hinihingi sa kanya ng Diyos na ito—wala siyang ideya, ipinagpapalagay at hinihinuha niya ang lahat ng ito batay sa mga doktrina ng Bibliya. Ito ang pananalig sa relihiyon. Ang pananampalataya sa relihiyon ay pangunahing ang paghahangad ng mga pagbabago sa pag-uugali at espirituwal na panustos. Pero ang landas na tinatahak ng mga taong ito—ang landas ng paghahangad ng mga pagpapala—ay hindi nagbago. Walang naging pagbabago sa kanilang mga maling pananaw, kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Ang saligan ng kanilang pag-iral, at ang mga mithiin sa buhay at direksyon na kanilang hinahangad, ay batay sa mga ideya at opinyon ng tradisyunal na kultura, at hindi talaga nagbago. Gayon ang kalagayan ng lahat ng tao na nananalig sa relihiyon. Kung gayon ay ano ang pananampalataya sa Diyos? Ano ang depinisyon ng Diyos sa pananampalataya sa Diyos? (Tiwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Ito ay tiwala sa pag-iral ng Diyos, at tiwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ito ang mga pinakabatayan. Ang manalig sa Diyos ay ang makinig sa mga salita ng Diyos, umiral, mamuhay, gumanap ng tungkulin ng isang tao, at makibahagi sa lahat ng aktibidad ng normal na sangkatauhan tulad ng hinihingi ng mga salita ng Diyos. Ang implikasyon ay na ang manalig sa Diyos ay ang sumunod sa Diyos, gawin ang hinihingi ng Diyos, mamuhay tulad ng hinihingi ng Diyos; ang manalig sa Diyos ay ang sumunod sa daan ng Diyos. Hindi ba lubos na naiiba ang mga mithiin sa buhay at direksyon ng mga taong nananalig sa Diyos mula sa mga taong nananalig sa relihiyon? … Ang pananampalataya sa Diyos ay dapat na alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga hinihingi ng Diyos, ang mga tao ay dapat na magsagawa alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos; ito lang ang tunay na pananampalataya sa Diyos—ito ang pagtukoy sa ugat ng usapin. Ang pagsasagawa ng katotohanan, pagsunod sa mga salita ng Diyos, at pamumuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos: ito ang tamang paraan ng buhay ng tao; ang pananampalataya sa Diyos ay nauugnay sa landas ng buhay ng tao. Ang pananampalataya sa Diyos ay nauugnay sa napakaraming katotohanan, at dapat maunawaan ng mga tagasunod ng Diyos ang mga katotohanang ito; paano sila makasusunod sa Diyos kung hindi nila nauunawaan at tinatanggap ang mga iyon? Kinikilala lamang ng mga taong nananalig sa relihiyon na mayroong Diyos, at nagtitiwala sila na mayroong Diyos—pero hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang ito, ni tinatanggap ang mga ito, kung kaya ang mga taong nananalig sa relihiyon ay hindi mga tagasunod ng Diyos(Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Napakatotoo ng mga salita ng Diyos! Naisip ko ang sarili ko sa relihiyon, kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, at wala ang pagtustos ng kasalukuyang mga salita ng Diyos. Magagawa ko lamang na sumunod sa mga panuntunan at ritwal ng relihiyon, at sa panlabas ay gumawa ng ilang mabubuting gawa. Kapag nakikita kong negatibo ang isang kapatid, sinusuportahan ko siya. Madalas kong ipinapatong sa kanila ang mga kamay ko at nagdarasal, at aktibong nakikibahagi sa ministeryo, at naisip ko na ito ay naaayon sa kalooban ng Diyos. Saka ko lang nalaman pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos na naniniwala ako sa relihiyon, hindi naniniwala sa Diyos. Ang mga ito ay panlabas na mabubuting gawa lamang, hindi pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagsunod sa Diyos, at hindi nito mababago ang aking disposisyon. Ang pagsusumikap at pagtatrabaho natin ay sarili lang nating di-magkakatotoong pangarap, at hindi naaayon sa kalooban ng Diyos. Naalala ko rin na madalas kong sinasabi dati sa mga kapatid na maghangad at magsikap para sa Panginoon. Kapag pumasok sila sa langit, mamamahala sila ng lima o sampung lungsod. Ngayon, pagkatapos basahin ang salita ng Diyos, nadama kong kakatwa at hindi makatotohanan ang pangangaral ko. Walang sinuman sa amin ang nakaranas ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, ang mga tiwali naming disposisyon ay hindi pa nadalisay, at hindi kami karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng Diyos. Hindi sapat ang panlabas na mabubuting gawa sa pananalig sa Diyos. Ang susi ay maranasan ang gawain at mga salita ng Diyos, matamo ang pagbabago sa disposisyon, at sundin at sambahin ang Diyos. Ito ang naaayon sa kalooban ng Diyos. Nakita ko na noon, ang pananalig ko sa Panginoon sa relihiyon ay isang magulong pananalig lang, at hindi isang bagay na pupurihin ng Diyos. Kung patuloy akong mananalig sa Diyos at makikipagtipon sa relihiyon, hinding-hindi ko makakamit ang katotohanan. Pero naisip ko, may trabaho ako bilang elder, kaya kailangan ko pa ring magpunta sa simbahan. Kung umalis ako ng simbahan, tiyak na isasantabi ako at kamumuhian, at hindi ako gagalangin ng iba at iisipin na hindi ako naging tapat sa Panginoon. Nang maisip ko ito, nag-alinlangan ako. Naisip ko rin na sabihin sa kanila na sinalubong ko ang Panginoon at tinanggap ang Makapangyarihang Diyos, pero alam ko na sa sandaling sabihin ko ito, uusigin at hahadlangan ako ng pastor at ng iba pang mga katrabaho. Nagpabalik-balik ako sa puso ko. Alam kong sa malao’t madali ay aalis na ako sa relihiyon, pero hindi ko alam kung paano ibibigay sa kanila ang pagbibitiw ko. Madalas akong nagdarasal at naghahanap sa Diyos tungkol dito.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, “Hinahanap ng Diyos ang mga taong nag-aasam na Siya’y magpakita. Hinahanap Niya sila na may-kakayahang makinig sa Kanyang mga salita, mga hindi nakalimot sa Kanyang tagubilin, at naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya. Hinahanap Niya ang mga kasing masunurin ng mga bata sa Kanyang harapan, at hindi Siya kakalabanin. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang kapangyarihan o puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na humarap sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang tagubilin, at gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamatuwid na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layunin, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na ilang beses akong nag-alinlangan tungkol sa pag-alis sa simbahan dahil hindi ko kayang bitawan ang posisyon ko bilang elder. Salamat sa katayuan ko, tinitingala at iginagalang ako ng mga kapatid. Iba ang pakikitungo nila sa akin, at lagi nila akong iniisip kapag may mga pakinabang. Nag-alala ako na mawawala ang lahat ng ito kapag umalis ako sa simbahan. Hinangad ko ang katayuan at ninasa ang mga pakinabang ng katayuan. Hindi ito ang tamang landas, at hindi ito kinalugdan ng Diyos. Malinaw kong alam na kailangan kong palayain ang sarili ko mula sa mga gapos ng katayuan. Kung hindi ko babaguhin ang mga bagay, tatahakin ko ang landas ng paglaban sa Diyos. Hindi ito ang resulta na gusto ko. Hindi ko na pwedeng alalahanin ang mataas na pagtingin ng mga kapatid. Hindi mahalaga kung mataas ba ang tingin ng iba sa akin. Ang mahalaga ay kung makukuha ko ba ang pagsang-ayon ng Diyos. Kailangan kong maging tapat sa Diyos, hindi sa katayuan. Nang malaman ko ito, mas tumindi ang determinasyon ko na umalis sa simbahan.

Isang araw, nagpunta ako sa simbahan gaya ng dati, at pagkatapos ng Sunday service, sinabi ko sa lahat na titigil na ako sa trabaho ko bilang isang elder. Nagulat ang lahat nang marinig nila ito, at sinubukan nilang lahat na kumbinsihin akong manatili. Pagkatapos n’on, tinawagan ako ng ilang pastor, sinasabi na ang pagiging isang elder ay isang kasunduan sa Diyos na hindi masisira. Naisip ko, “Nagbalik na ang Panginoon, nagpahayag ng maraming katotohanan, at gumawa ng bagong gawain. Kailangan ko pa bang tuparin ang kasunduang ito at hindi salubungin ang Panginoon?” Naalala ko kung paanong buong taong naglilingkod sa Diyos sa templo ang mga punong saserdote, eskriba, at Pariseo, ngunit nang pumarito ang Panginoong Jesus para gumawa, kinondena nila, nilabanan, at ipinako sa krus ang Panginoong Jesus. Ito ba ay katapatan sa Diyos? Hindi talaga sila mga taong tapat sa Diyos. Nilabanan nila ang Diyos. Ngayon ang Panginoong Jesus ay nagbalik, at nagpahayag ng mga bagong salita. Kung tinupad ko itong tinatawag na “kasunduan” at nanatili sa simbahan, at hindi nakisabay sa kasalukuyang mga salita at gawain ng Diyos, hindi ako tapat sa Diyos! Naisip ko kung paanong sinabi ng Panginoong Jesus na, “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27). Ang mga tupa ng Diyos ay dapat makinig sa mga salita ng Diyos at sumunod sa Kanya nang walang pag-aalinlangan. Kaya naman, paano man ako hikayatin ng mga pastor, hindi ako nagpatinag. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa pag-akay sa akin palabas ng relihiyon, sa pagpapahintulot sa aking kumain at uminom ng praktikal na mga salita ng Diyos, at pagkakaloob sa akin ng gawain ng Banal na Espiritu, na nagtulot sa akin na maranasan ang walang katulad na ginhawa at paglaya. Sa pagkawala ng katayuan ko bilang elder, hindi na ako nagsasalita ng matamlay at walang kabuluhang mga salita ng doktrina mula sa pulpito. Sa halip, tumutuon ako sa pagsasangkap sa sarili ko ng salita ng Makapangyarihang Diyos, at araw-araw akong nakakadama ng lubos na kasiyahan at kagalakan.

Hindi nagtagal, kumalat ang balita na umalis na ako sa simbahan. Pagkalipas ng dalawang buwan, nalaman ko na isang sister ang nag-post ng video mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa isang grupo online, kaya sinimulan na ng mga pastor na sarhan ang simbahan at naglabas ng mensahe na nagsasabing dahil may umalis sa simbahan, kailangang gumawa ng pag-iingat laban sa Kidlat ng Silanganan ang simbahan. Nalungkot ako nang marinig ko ang balitang ito, at nalungkot ako para sa mga pastor, pero mas nakasiguro ako kaysa dati na karamihan sa mga pastor sa mundo ng relihiyon ay ayaw sa katotohanan. Likas silang nayayamot at napopoot sa katotohanan. Akala nila alam nila ang Bibliya at kilala nila ang Diyos, pero ang totoo ay sila ang mga bulag na umaakay sa kapwa bulag tungo sa hukay. Marami pa rin sa mga tupa ng Diyos ang gumagala sa labas at hindi sinasalubong ang pagbabalik ng Panginoon. Kailangan kong ipangaral sa kanila ang ebanghelyo ng kaharian, tuparin ang mga responsibilidad ko, at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Kaya, sinimulan kong ipangaral ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw, at nakita ko na ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay sunod-sunod na bumabalik sa Diyos, na lubos na nagpapasaya at nagpapasabik sa akin. Pakiramdam ko rin ay puno at makabuluhan ang bawat araw. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pag-akay sa akin palabas ng relihiyon, pagtulot sa aking sundan ang mga yapak Niya, at pagpahintulot sa aking maranasan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Dahil dito, pakiramdam ko’y tunay akong pinagpala.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Kasama Nang Muli ng Diyos

Ni Jianding, Estados Unidos Ipinanganak ako sa isang Katolikong pamilya, at mula sa murang edad ay tinuruan ako ng ina ko na magbasa ng...