Pinahirapan at Ipinahiya Para sa Aking Pananampalataya
Noong 2006, nagtatrabaho ako sa book printing para sa iglesia. Noong Hulyo 31, nasa printing company ako sinusuri ang mga inimprentang kopya ng mga salita ng Diyos nang bigla akong nakakita ng pumapasok na limang hindi kilalang tao. Masama ang kutob ko, kaya naghanda akong umalis, pero pinalibutan ako ng tatlo sa kanila at sinabing, “Sumama ka sa amin.” Doon ko napagtanto na mga pulis ang mga ito. Bago magising ang mga diwa ko, sinunggaban ang mga kamay ko ng dalawa sa kanila at inipit ’yon sa likod ko, tapos ay tinulak ako paabante, habang inagaw naman ng iba ’yong mga kopya ng mga salita ng Diyos. Pagkakita sa napakaraming kahon ng mga salita ng Diyos na kinumpiska ng pulis, nahirapan ang puso ko. Nataranta rin ako at naisip ko, “Pa’no kung isang taga-printing company ang magsabi sa kanila na nag-iimprenta sila ng mga libro para sa akin? Walang pinakakinamumuhian ang CCP bukod sa pag-iimprenta namin ng mga libro ng mga salita ng Diyos. Hindi pa nagtatagal, isang sister ang inaresto habang naghahatid ng mga kopya ng mga salita ng Diyos, at hanggang ngayon, hindi namin alam kung buhay siya o patay. Nasa mga kamay na ’ko ngayon ng Partido Komunista, hindi ko alam kung ano’ng susunod na mangyayari sa akin.” Nagpatuloy lang ako sa pagdarasal sa puso ko: “Diyos ko! Tinulutan Niyong maaresto ako ngayon. Gusto ko lang na ilagay ang sarili ko sa Inyong mga kamay. Bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas. Gaano man karaming sakit at pagpapahirap ang dapat kong tiisin, ayokong maging gaya ni Judas. Hindi ko Kayo ipagkakanulo.” Matapos manalangin, hindi na ako gano’n katakot. Handa na akong umasa sa Diyos para sa suporta sa kung anuman ang nasa hinaharap.
Pagkatapos, dinala ako ng pulis sa Public Security Bureau. Pagkadating namin, hiniling kong gumamit ng banyo, pero lumapit ang isang pulis at sinampal ako sa mukha at sumigaw, “Anong banyo? Ipasok niyo siya!” Hilo ako dahil sa pagkakasampal, hindi ako makakita nang malinaw, at hindi ko nakontrol ang pantog ko. Pagkatapos, itinulak ako ng dalawang pulis sa isang kuwarto. Naisip ko, “Hindi ako sigurado kung gaano karaming impormasyon ang nakolekta nila laban sa’kin. Paano nila ako pahihirapan? Makakaya ko kaya iyong tiisin?” Nagdasal lang ako nang nagdasal sa Diyos at hiniling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at lakas. Matapos manalangin, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Maniwala na ang Diyos ang iyong makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng napakalaking paghahangad para sa Diyos, na sabik na sabik na naghahangad habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghangad nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo” (Pagbabahagi ng Diyos). Sa patnubay ng mga salita ng Diyos, unti-unting huminahon ang puso ko. Makapangyarihan sa lahat ang Diyos. Sa Kanyang suporta, wala akong katatakutan. Kailangan kong manalangin at umasa sa Diyos at magtiwala na pangungunahan Niya ako. Sa pag-iisip nito, nagkaroon ako ng pananalig at lakas para harapin ang aking mga kalagayan.
May bakal na katre ang kuwarto. Ipinosas nila ang kanang kamay ko sa itaas na katre, na mas matangkad sa akin. Nakakatayo lang ako sa isang posisyon—napaka-hindi komportable no’n. Tinanong ako ng isang pulis, “Sino ang lider mo? Paano kayo nag-uusap? Saan mo ipinapadala ang mga kopyang ito ng mga salita ng Diyos matapos mo itong ipaimprenta?” Hindi ako sumagot, kaya sinimulan niya ang pagbabanta sa akin: “Kapag hindi ka nagsalita, ipapakulong kita habang-buhay.” Lumapit ang isa sa mga pulisat maraming beses akong sinampal sa mukha, na nagdulot ng mainit na pakiramdam sa mukha ko. Nag-uusok sa galit ang isa pang pulis at suminghal: “Bugbugin siya hanggang mamatay! Magsasabi lang siya ng katotohanan kapag nagulpi na siya!” Nagsimula ang maraming pulis na suntukin at sipain ako nang sabay-sabay. Hindi sila huminto hanggang sa pagod na sila at hingal na hingal. Kumuha ang isa pang pulis ng isang de-kuryenteng batuta at nagsimulang sundutin ang buong katawan ko. Agad na pumintig ang kuryente sa buong katawan ko. Pakiramdam ko hindi mabilang na langgam ang bumabarena sa laman at puso ko. Nangisay nang walang kontrol ang katawan ko habang sumisigaw ako sa matinding paghihirap, at nagsimulang manginig nang hindi sinasadya. Sumakit ang pulsuhan ko habang malalim na bumabaon sa laman ko ang posas. Umagos ang pawis sa mukha ko at pumasok sa mga mata ko—napakahapdi no’n na hindi ko maimulat ang mga mata ko. Takot akong hampasin o kuryentehin hanggang sa mamatay. Nagdasal ako nang nagdasal sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko! Protektahan Mo po ako at bigyan ako ng lakas para mapagtagumpayan ko ang malupit na pagpapahirap na ito ng pulis.” Naalala ko ang mga salita ng Panginoong Jesus, “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siya na makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28). Binigyan ako ng pananalig at lakas ng mga salita ng Panginoon. Nasa kamay ng Diyos ang buhay ko, at nasa mga kamay din ng Diyos ang espiritu ko. Nakahanda akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Kahit pa pahirapan ako hanggang sa mamatay, determinado akong hindi ipagkanulo ang Diyos gaya ng ginawa ni Judas. Habang iniisip ko ang tungkol dito, hindi na ako gano’n katakot.
Pagkatapos, isang pulis na may suot na salamin ang pumasok at lumapit sa’kin sinasabing: “Kung sasagutin mo nang maayos ang mga tanong ko, hindi kita bubugbugin. Saan mo pinaplanong ipadala ang mga librong ito? Sino ang lider niyo? Sino ang nagpapunta sa iyo?” Sumagot ako, “Hindi ko alam.” Nagdilim ang disposisyon niya habang sinisigaw niyang, “Pag-isipan mo ito at sabihin sa akin ang katotohanan!” Nang matanto niya na hindi ako magsasalita, tinuro ng kapitan ang bintana at sinabing, “Naniniwala ka ba na maghuhukay ako at ililibing kita nang buhay sa labas ng bintanang iyon?” Sabi ko, “Naniniwala ako sa iyo. Lubos mong ipinagwawalang-bahala ang lahat ng batas at moralidad. Kahit ano gagawin mo.” Pagkarinig sa mga salitang ito, kunwaring ngumiti ng isang magalang na ngiti ang pulis habang sinasabi niyang, “Siyempre hindi kita ililibong. Mga pulis kami—paano kami makakagawa ng anumang ilegal? Nasa akin ang huling salita tungkol sa kung ano ang mangyayari sa iyo. Basta ipaliwanag mo nang malinaw ang lahat, puwede na kitang pakawalan ngayon.” Sabi ko, “Wala akong anumang ipapaliwanag.” Galit na galit ang isa pang pulis na sumugod siya at sinuntok ako sa dibdib. Sabi niya, “Tama na ang kalokohan! Dapat siyang bugbugin hanggang sa mamatay!” Muli, nagsimula ang maraming pulis na gulpihin at sipain ako. Nang mapagod sila sa pangbubugbog sa akin, gumamit sila ng isang de-kuryenteng batuta para kuryentehin ako. Namanhid ang buong katawan ko dahil sa sakit. Habang pumipintig sa buong katawan ko ang kuryente, nararamdaman kong malakas na umuurong ang mga kalamnan ko. Sumigaw ako sa sakit at iniuntog ang ulo ko sa kama. Dahil sa brutal na pagpapahirap na ito sa kamay ng mga pulis, lubusan akong napagod. Wala nang natirang kahit katiting na lakas sa akin. Nagbanta ang pulis, “Dalhin siya sa torture chamber at hayaan niyo siyang makita ang mga pasilidad natin!” Naisip ko, “Hindi ko na matagalan pa ito. Hindi ko alam kung gaano pa kataga; ang aabutin ng pagpapahirap na ito, o kung makakaya kong malagpasan ito. Ano’ng gagawin ko kung maging masyadong matindi ang pagpapahirap at maging gaya ako ni Judas? Mas gusto ko pang mamatay kaysa patuloy na pahirapan nang ganito.” Iniuntog ko nang malakas sa kama ang ulo hangga’t kaya ko, pero hindi ako namatay. Sinubukan kong iuntog ang ulo ko sa pader, pero hindi ko iyon maabot. Habang lalo akong lumalaban, lalong humihigpit ang mga posas. Parang nabibiyak sa sakit ang pulsuhan ko habang bumabaon sa laman ko ang bakal. Habang nasa matinding paghihirap, taimtim akong nanalangin sa Diyos: “Diyos ko! Napakahina ko ngayon. Natatakot akong hindi ko na matiis ang pagpapahirap at maging gaya ni Judas. Bigyan Mo po ako ng pananalig at akayin ako na maunawaan ang Iyong kalooban.” Matapos manalangin, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Inaliw ang puso ko ng mga salitang ito ng Diyos. Napagtanto ko na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos ang mga pagtatangka kong kitilin ang sarili kong buhay. Gusto ng Diyos na tumayong saksi ako at palugurin ang Diyos sa gitna ng pagkubkob ni Satanas. Pero gusto ni Satanas na ipagkanulo ko ang Diyos sa pamamagitan ng pagsira sa sarili kong laman. Hindi ako puwedeng mahulog sa mga panlalansi nito—kailangan kong patuloy na mabuhay. Naalala ko kung paanong ipinatapon sa lungga ng mga leon si Daniel. May pananalig siya at nanalangin sa Diyos, at itinikom ng Diyos ang bibig ng mga leon. Kailangan ko ring magkaroon ng pananalig sa Diyos at ipasakop ang sarili ko sa Kanyang mga pagsasaayos.
Malupit na sinabi ng isang pulis na may hawak na de-kuryenteng batuta, “Kapag hindi mo sinabi sa akin ang katotohanan, kukuryentihin kita hanggang sa mamatay!” Tapos, sinimulan niya akong kuryentihin. Pero hindi kapani-paniwalang, sa pagkakataong ito, hindi na nagdulot ng matinding sakit ang batuta gaya ng dati. Mula sa oras na dumikit sa akin ang batuta hanggang sa nawalan iyon ng kuryente, hindi ako gaanong nakaramdam ng sakit. At saka, malinaw ang isip ko. Isa talaga itong mahimalang pagkilos ng Diyos. Pinatawad Niya ang mga kahinaan ko at nagkaro’n ng awa sa akin. Puno ng pasasalamat sa Diyos ang puso ko. Pinahirapan ako ng mga pulis hanggang alas-dos nang madaling-araw bago nagpahinga. Dahil sa pagpapahirap na sinamahan ng mainit na panahon, basang-basa ng pawis ang damit ko. Ang posas na nasa kanang kamay ko ay humihiwa sa laman ko, namamaga ang pulsuhan ko, at dumadaloy pababa sa braso ko ang dugo. Lubos ang kapaguran ko at wala ako ni katiting na lakas na natira. Sumandal ako sa kama at umidlip sandali, pero sumigaw ang dalawang pulis na nagbabantay sa akin, “Huwag kang matutulog! Tumayo ka nang diretso!” Hinayaan nila akong nakakadena at hindi pinatulog. Naalala ko ang minsang sinabi ng isang supervisor sa printing company, “Kapag nahuli kang nag-iimprenta ng mga salita ng Diyos, masisintensyahan ka ng kamatayan o makukulong.” Naisip ko rin kung paanong sinabi ng mga pulis na dadalhin nila ako sa torture chamber. Hindi ko alam kung ano ang susunod nilang gagawin sa akin. Matatagalan ko kaya ang pagpapahirap? Kung aabutin ’yon nang matagal, baka hindi ko iyon matiis—baka maging gaya ako ni Judas at ipagkanulo ang Diyos. Tapos, matatapos na ang buhay ko ng paniniwala sa Diyos. Takot ako at patuloy na nagmakaawa sa Diyos na bantayan ako. “Diyos ko!” Sabi ko, “Akayin Niyo po ako sa kalagayang ito. Hindi ko alam kung ano’ng naghihintay sa akin. Bigyan Mo po ako ng pananalig para talikdan ang aking laman at tumayong saksi.” Matapos manalangin, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Sa yugtong ito ng gawain ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay masunurin hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay tapos na” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). Mula sa mga salita ng Diyos na ito, naunawaan ko na pinahihintulutan ng Diyos ang mga pagsubok at pagpipino para sa layunin ng pagpeperpekto sa pananalig at pagsunod ng isang tao. Naisip ko nang sinubok si Job. Nawala ang pag-aari at mga anak niya, at nabalot ng mga sugat ang katawan niya. Gayon pa man, hindi niya sinisi ang Diyos. Talagang may pananalig siya sa Diyos at tumayong saksi para sa Kanya. Naalala ko rin ang tunay na paghahanap ni Pedro ng pamamahal at kaalaman tungkol sa Diyos. Minahal niya ang Diyos higit sa lahat, sinunod ang Diyos hanggang sa kamatayan niya, at ipinako pa sa krus nang nakatiwarik para sa Diyos. Pero paano naman ako? Minahal at nagpasakop lang ako sa Diyos sa masasayang panahon. Nang pinahirapan ako at nagtiis ng paghihirap ang laman ko, gusto ko lang na tumakas. Napagtanto kong wala talaga ang pananalig sa Diyos. Ginagamit ng Diyos ang mga kalagayang ito para tulungan akong mapagtanto ang mga kakulangan ko at gawing perpekto ang pananalig ko. Ito ang pagmamahal ng Diyos! Hindi ako maaaring patuloy na maging napakanegatibo. Gaano man ako pahirapan ng mga pulis, dapat akong umasa sa Diyos at tumayong saksi. Ang pag-iisip tungkol dito ang nagbigay sa akin ng pagpapasiya na tiisin ang paghihirap. Ipinagpasiya ko na kahit pa mamatay ako, hindi ako magiging gaya ni Judas.
Noong gabing iyon, nagsama ang isang pulis ng isang lalaki. Sabi niya, “Gaano mo man itikom ang bibig mo, mabubuksan niya iyan. Ngayon siguradong mahihirapan ka.” Masyado akong natakot dahil sa mabangis na ekspresyon ng lalaki. Hindi ko alam kung anong malulupit na pamamaraan ang gagamitin niya para pahirapan ako. Bago pa ako magkaro’n ng oras para tumugon, at walang sabi-sabi, kumuha ng makapal na salansan ng mga papel ang lalaki mula sa isang mesa, naglakad sa likuran ko, inilagay ang mga papel sa likod ko gamit ang kaliwa niyang kamay at sinuntok iyon nang malakas gamit ang kanan niyang kamay. Sa tuwing sinusuntok niya ako, nagdudulot iyon ng nakakadurog na sakit sa buong likod ko. Matapos suntukin nang ilang beses ang isang bahagi, lilipat naman siya sa isa pang bahagi ng likod ko. Matapos lumipat nang tatlong beses, humarap uli siya sa akin. Nilagay niya sa dibdib ko ang mga papel gamit ang kaliwang kamay niya at brutal na sinuntok ’yon gamit ang kanang kamay niya. Pakiramdam ko pumutok ang lahat ng lamang loob ko. Ni hindi ko masimulan kung paano ilalarawan kung gaano ’yon kasakit. Hindi ko maalala kung gaano karaming beses akong sinuntok. Nagpatuloy siya hanggang sa mapagod siya at mapuno ng pawis. Tinapon niya sa mesa ang mga papel at malupit na ipinahayag, “Kung hindi ka pa rin magsasalita, dadalhin kita sa torture chamber!” Natakot ako nang marinig kong pupunta ako sa torture chamber. Takot ako na kung patuloy nila akong bubugbugin nang ganito, mamamatay ako. At wala akong ideya kung kailan matatapos ang lahat ng ito. Patuloy akong nagmakaawa sa Diyos na protektahan ako at naalala ko ang mga salita Niya na nagsasabing: “Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nag-alay ng kanilang buhay, nagyuko ng kanilang ulo, nagpadanak ng kanilang dugo upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). Naisip ko ang tungkol sa pag-aalay ni Abraham kay Isaac, at ang pagsasakripisyo ni Job ng lahat. Maraming taon na akong naniniwala sa Diyos, at natamasa ko ang pagdidilig at pagtustos ng mga salita ng Diyos. Pero wala pa akong sinasakripisyong anuman. Nahiya ako nang maisip ko ito. Hindi puwedeng ang sarili ko lang laman at kaligtasan ang isipin ko. Kailangan kong isipin kung paano palugurin ang Diyos at masuklian ang pagmamahal Niya. Walang natira sa’kin maliban sa buhay ko. Kahit pa mamatay ako, kailangan kong palugurin ang Diyos sa pamamagitan ng pagtayong saksi. Nang determinado na akong isugal ang buhay ko, hindi inaasahang sinabi ng isang pulis, “Sa tingin ko wala nang saysay na bugbugin pa ang taong ito. Baka wala siyang alam na anuman.” Tapos, umalis na sila. Alam ko na ito ang Diyos na nagbubukas ng daan palabas para sa akin at puno ang puso ko ng pasasalamat sa Kanya.
Matapos ’yon, pumasok ang isang lalaking pulis. Nasa mga apatnapu na ang edad niya. Hinila niya ang buhok ko, hinaplos ang mukha ko, at kinutya ako sa pagsasabing, “Alam mo maganda ka eh. Bakit hindi ka na lang pumasok sa prostitusyon? Kung wala kang makitang mga batang kliyente, hindi magiging problema ang matatanda.” Parehong nangdiri at nagalit ako nang marinig ko ito. Tinitigan ko nang masama ’yong lalake at pagkatapos ay hindi na siya pinansin. Naiinip na sinabi ng isa pang pulis, “Paalisin niyo na siya at hayaan niyo na lang na ’yong mga tao ro’n ang humarap sa kanya.” Tapos, itinulak nila ako sa isang kotse. Isang kasamahang sister ang nasa loob din ng kotse. Labis akong mababalisa sa puso ko. Inaresto rin siya, pero hindi kami makapag-usap. Patuloy akong tumawag sa Diyos sa puso ko, hinihiling na sa Kanya na akayin kami.
Mga bandang hatinggabi, dinala kami ng pulis sa isang detention house at pinaghiwalay kami. Inutusan ako ng correctional officer na hubarin ko ang mga damit ko at magpasakop sa pangangapkap, at pinag-squat niya ako nang maraming beses. Hiyang-hiya ako. Kinamuhian ko ang Partido Komunista nang buong puso ko. Matapos ang pangangapkap, nilagay nila ako sa isang seldang para sa mga may mabigat na pagkakasala. May labing-isang tao sa loob. May mga nangangalakal ng droga, mamamatay-tao, magnanakaw, at nagbebenta ng aliw. Noong panahong iyon, isang nangangalakal ng droga ang gustong bumugbog sa akin, pero sinabi ng pinuno ng selda, “Huwag mo siyang sasaktan, sapat na ang pamamaga niya. Malamang pinahirapan siya nang matindi ng mga pulis.” Nagpasalamat ako sa Diyos sa kaibuturan ng puso ko sa pagprotekta sa akin. Noong sumunod na araw, pinahugasan sa akin ng pinuno ng selda ang banyo, pinaglinis at pinagwalis, at pinagawa ng mga gawaing gawa sa kamay. Dahil namamaga pa ang kamay ko, ni hindi ko mahawakan nang maayos ang karayom, pero kailangan ko pa ring matapos ang mga gawain. Kapag nabigo akong gawin iyon, pagagalitan ako. Araw-araw, matatabang na pagkain ang kinakain ko, walang asin o mantika. Sa gabi, mayroon akong dalawang oras na paggawa. Tapos pagkatapos ng trabaho, kailangan ko pang isaulo ang mga panuntunan ng kulungan.
Matapos ang isang buwan, isang pulis ang nagdala sa akin sa Public Security Bureau para sa interogasyon. Dinala niya ako sa isang kuwarto, kung saan nakikita kong papasok ang asawa ko at anak na babae. Namamaga ang mukha ko, pinutol na nang maiksi ang buhok ko, at nakasuot ako ng malaking tsinelas. Nanlaki ang mga mata ng anak ko nang makita niya ako. Takot na takot siya kaya humakbang siya paatras at nagtago sa likod ng asawa ko. Sumakit ang puso ko habang tinitingnan ang takot na mukha ng anak kong babae. Ang anak ko, na kadalasan ay yumayakap sa mga braso ko, ay naging isang estranghero na. Gustung-gusto kong abutin at hawakan ang maliit niyang kamay. Nang makita ako ng asawa ko, nagsimula siyang umiyak. “Ikaw ba talaga iyan?” tanong niya, “Paano ka nahuli?” Nang makita kong umiiyak ang asawa ko, hindi ko na napigil pa ang mga luha ko. Talagang gusto ko nang makalaya at umuwi at muling makasama ang asawa at anak kong babae. At sumigaw ako nang sumigaw sa Diyos sa puso ko na bantayan ang aking puso. Naalala ko ang mga salita ng Diyos na ito: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking bahay para sa Akin; … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Biglang naging malinaw sa akin ang lahat: Isa ito sa mga panglalansi ni Satanas. Gusto ni Satanas na gumamit ng mga emosyon para akitin ako na ipagkanulo ang Diyos. Pero hindi ko puwedeng hayaan ang sarili kong mahulog sa bitag nila. Kaya, pinigil ko ang mga luha ko at patuloy na nagmakaawa sa Diyos na protektahan ako. Tinanggal ng isang pulis ang posas ko at sinabi sa asawa ko, “Kausapin mo siyang mabuti at ibahagi mo ang mga nararamdaman mo. Kapag sinabi niya na sa amin ang kailangan naming malaman, makakauwi na siya.” Tapos, isang babaeng pulis ang pumasok. Tinuro niya ang anak ko at sinabing, “Tingnan niyo ang kawawang batang ito. Napakaliit niya pa. Isa kang ina na wala sa bahay para alagaan ang anak niya.” Pero alam kong bahagi ang lahat ng ito ng pakana ni Satanas. Kaya, wala akong sinabing anuman.
Nang nakita ng mga pulis na nabigo ang plano, pinaalis na nila ang asawa ko. Napuno ng sakit ang puso ko habang pinapanood ang asawa at anak ko na naglalakad palayo. Sinira ng Partido Komunista ang maganda kong pamilya! Napuno ng poot ang puso ko dahil doon. Naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Paano itong hindi magbubunsod ng matinding galit? Ang libu-libong taon ng poot ay naiipon sa puso, nakaukit sa puso ang libu-libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito pupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway. Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito” (“Yaong mga Nasa Kadiliman ay Dapat Bumangon” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Personal kong naranasan ang pang-aaresto at pang-uusig ng CCP. Malinaw kong nakita ang kanilang namumuhi sa Diyos at lumalaban sa Diyos na malademonyong diwa. Ang CCP ang kaaway ng Diyos, isang grupo ng masasamang espiritu at demonyo. Itinakwil ko sila sa puso ko, at nagpasiya na tumayong saksi at ipahiya si Satanas!
Sa katapusan ng 2006, sumulat sa akin ang asawa ko na nagsasabing malala ang sakit ng tatay ko. Labis akong nabalisa. Hindi ko alam kung gaano katagal pa akong ikukulong ng mga pulis. Noong interogasyon ko, sinabi ng mga pulis na mananatili ako sa kulungan sa loob nang mga tatlo hanggang limang taon. Kapag napatunayang may sala ko, makukulong ako nang mga pito hanggang sampung taon. Kapag nangyari iyon, ni hindi ko na makikita ang tatay ko sa huling pagkakataon. Mas lalong sumama ang loob ko habang iniisip ang tungkol dito. Hindi ako kumain, uminom, o nagsalita sa loob ng tatlong araw. Labis na nasaktan ang puso ko. Sa gitna ng sakit, sumigaw ako nang sumigaw sa Diyos para protektahan ako. “Diyos ko!” Sabi ko, “Nanghihina ang puso ko at nasasaktan. Bantayan Mo po ako at bigyan ako ng pananalig …” Naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Kung ang mga tao ay walang anumang tiwala, hindi madali para sa kanila na magpatuloy sa landas na ito. Nakikita ng lahat ngayon na ang gawain ng Diyos ay hindi kaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao kahit kaunti. Napakarami nang nagawa ng Diyos at bumigkas na Siya ng napakaraming salita, na lubos na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Sa gayon, kailangang magkaroon ang mga tao ng tiwala at determinasyon na manindigan sa nakita na nila at sa natutuhan na nila mula sa kanilang mga karanasan. Anuman ang gawin ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang panindigan ang taglay nila mismo, maging taos sa harap ng Diyos, at manatiling tapat sa Kanya hanggang sa pinakahuli. Ito ang tungkulin ng sangkatauhan. Kailangang panindigan ng mga tao yaong dapat nilang gawin” (“Kailangan Mong Tumupad sa Iyong Tungkulin” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na ito na maunawaan na kapag pinahihintulutan ng Diyos ang mga bagay na hindi ko maunawaan, kailangan kong magkaroon ng pananalig sa Kanya. Inaresto ako at nahaharap sa pang-matagalang pagkakakulong, kaya nawalan ako ng pananalig at nabuhay sa sakit at kahinaan. Napagtanto kong napakaliit ng pananalig ko sa Diyos. Nasa mga kamay ng Diyos kung parurusahan ba ako ng isang mabigat na sentensiya. Pinayagan ng Diyos ang CCP na usigin ako para gawing perpekto ang pananalig at katapatan ko. Kahit pa mabigyan ako ng pang-habangbuhay na sentensiya, kailangan kong tumayong saksi. Hindi ko maaaring biguin ang Diyos. Nabawasan ang pagdurusang nararamdaman ko nang mapagtanto ko ito.
Ikinulong ako sa detention house sa labis na termino na labing-siyam na buwan. Kinasuhan ako ng Partido Komunista ng “paggamit ng organisasyong xie jiao para pahinain ang pagpapatupad ng batas” at sinentensiyahan ako ng dalawang taon ng muling pagtuturo sa pamamagitan ng paggawa. Nang pumasok ako sa labor camp, ppinaghubad ako ng isang babaeng pulis para kapkapan. Muli, pinuwersa akong mag-squat nang maraming beses at muling pinahiya. Sa kampo, kailangan kong gumawa ng mga gawaing gawang-kamay sa loob ng sampung oras araw-araw. Ang pagkabigo na matapos ang gawain ay nangangahulugan ng parusang pagtayo, pagbabawas ng puntos, at mas mahabang pagkakakulong. Araw-araw, kailangan naming gumising ng alas-singko y media ng umaga at mayroon lang kaming limang minuto para maghilamos bago kami magsimula ng military training. Malamig ang ipinapaligo namin sa parehong taglamig at tag-init. Mabaho ang mga damit namin dahil hindi naaarawan ang mga iyon. Kapag lumabag kami sa mga panuntunan, paparusahan kami ng pagtayo at babawasan ng puntos. Ang pagkawala ng sampung puntos ay nangangahulugan ng paggawa ng isang ekstrang araw ng gawain. Noong una akong pumasok sa kampo, mahina ako at mababa ang blood sugar ko. Kapag nasisinagan ng araw ang lugar na pinagsasanayan namin tuwing military training, pawis na pawis ako, nahihilo at nanghihina ang mga kamay at paa ko. Matapos ang military training, kailangan ko pang pumunta sa workshop. Walang sick leave. Minsan, habang nakatayo kami para sa roll call bago ang mga paglilinis na tungkulin, nahilo ako, nanlambot ang mga kamay at paa ko, at hinimatay ako. Matapos lang magprotesta ang ibang mga preso saka lang ako dinala ng tagapagturo sa medical office para sa pagsusuri. Sabi ng doktor, malnutrisyon iyon at mababang blood sugar. Kailangan ko ng mas maraming nutrisyon at pahinga. Sabi ng tagapagturo, “Ayos lang ’yan, hindi niya ikamamatay ’yan.” Tapos, patuloy niya akong pinagtrabaho. Kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos, hindi ako makakalabas nang buhay sa malademonyong kulungang iyon.
Pinalaya ako noong Hulyo ng 2008. Binantaan ako ng pulis, sabi, “Kapag patuloy kang naniwala sa Diyos, aarestuhin ka uli namin.” Nakasulat sa release certificate na kailangan kong mag-ulat sa lokal na istasyon ng pulis isang beses isang buwan. Wala nang paniniwala sa Diyos, wala nang mahahabang biyahe, wala nang mga petisyon. Kailangan kong mag-ulat sa kanila sa tuwing nagpaplano akong maglakbay. Pagkauwi ko sa bahay, madalas pumunta sa bahay ko ang mga pulis para makita ang ginagawa ko. Maraming beses ding tinawagan ng county public security chief ang kapatid kong lalake. Inutusan niya ang kapatid ko na bantayan ako at iulat sa kanila ang kinalalagyan ko sa lahat ng oras. Para maiwasan ang pang-aaresto ng mga pulis, napilitan akong umalis sa bahay at pumunta sa ibang siyudad para ipalaganap ang ebanghelyo at tuparin ang tungkulin ko.
Sa loob ng mga taong iyon, inaresto at inusig ako ng Partido Komunista dahil sa paniniwala sa Diyos, sa mga panahon ng kahinaan at kawalan ng panlaban, ang mga salita ng Diyos ang umakay sa akin at nagbigay sa akin ng pananalig para mapagtagumpayan ang kalupitan ng diyablo. Bagaman naghirap nang kaunti ang aking laman, natikman ko ang pagiging makapangyarihan at soberanya ng Diyos, at nadagdagan ang pananalig ko sa Diyos. Nakita ko ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Kahit gaano pa karaming pang-uusig at paghihirap ang aking titiisiin, susundin ko ang Diyos sa pananampalataya!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.