Sa Gitna ng Pagpapahirap at Pagdurusa ay Nakita Kong …

Pebrero 24, 2024

Ni Li Hua, Tsina

Isang araw noong Setyembre 2017, pumunta ako sa bahay ni Sister Fang Ming para sa isang pagtitipon. Pagkatok ko pa lang ay bumukas na ang pinto at may kamay na biglang humila sa akin papasok ng bahay. Labis akong natakot, at nang mahimasmasan ako, napagtanto ko na mga nakasibilyang pulis ang mga ito at naaresto na si Fang Ming. Pagkatapos, dinala nila ako sa “Legal Training Base,” na isang brainwashing center para sa mga Kristiyano. Doon, nakita ko ang ilang kapatid na inaresto. Sinabi sa akin ng isang sister na nasamsam ng pulisya ang mahigit 30,000 yuan ng pera ng simbahan, 4 na laptop, at 210,000 yuan mula sa kanya at sa dalawa pang sister. Galit na galit ako nang marinig ko ito, dahil ang malaking pulang dragon ay nagkukumahog na hinuhuli ang mga Kristiyano at sinasamsam ang pera ng iglesia. Napakasama talaga nito! Tahimik akong nanumpa sa sarili ko na aasa ako sa Diyos para manindigan sa aking patotoo, at na hinding-hindi ako makikipagkasundo kay Satanas!

Sa brainwashing center, inilagay kami ng mga pulis sa magkakahiwalay na silid, at isang bantay ang itinalaga sa bawat isa sa amin na magbabantay sa amin 24 oras sa isang araw. Lahat ng kinakain namin, kapag natutulog kami, at kahit na kapag pumupunta kami sa banyo ay kinokontrol nila. Kumuha rin sila ng ilang tao para magbantay sa labas ng mga silid. Araw-araw mula alas-siyete ng umaga, nagpapalabas sila ng mga drama sa napakalakas na volume hanggang alas-onse o alas-dose ng gabi, at pagkatapos ay binubuksan nila ang radyo para magpatugtog ng mga drama sa radyo at iba pa hanggang alas-tres o alas-kuwatro ng umaga. Sa panahong ito, paminsan-minsan ay dumarating ang mga pulis para tanungin ako tungkol sa paniniwala ko sa Diyos. Binabantaan at tinatakot nila ako kapag nakikita nilang wala akong sinasabing anuman. Pinagtipon-tipon pa nga nila kami at pinangaralan ng mga ateistang ideya. Ang layunin ay para itatwa at ipagkanulo namin ang Diyos. Sumasama ang pakiramdam ko kapag naririnig ko ang mga salitang iyon.

Sapilitan ang pag-brainwash nila sa amin nang mahigit 20 araw. Hindi ako makakain o makakatulog nang maayos araw-araw, at lagi akong balisa. Kalaunan, nakita ng mga pulis ang impormasyon ng aking identidad, nakuha ang mga rekord ng tawag sa cellphone ko, at sinimulan akong tanungin. Isang umaga, kinuha ng mga pulis ang mga larawan ng ilang sister at tinanong ako, “Kilala mo ba sila?” Nakita ko na ang mga sister na ito ay pawang namamahala sa pangangalaga ng pera ng iglesia. Hinding-hindi ko sila ipagkakanulo, kaya sinabi ko na, “Hindi ko sila kilala.” Isang pulis ang sumugod at marahas akong sinampal nang dalawang beses, at pagkatapos ay sinuntok ako nang mahigit isang dosenang beses sa parehong lugar ng kanan kong braso. Ang sakit na naramdaman ko sa braso ko ay para bang nabali ito. Nagngangalit ang ngipin niya habang sinusuntok niya ako, at tinanong: “Hindi mo ba sila kilala? Nakipag-ugnayan ka sa kanila kalahating taon na ang nakalipas. Akala mo ba’y hindi namin alam? Kung hindi mo sasabihin sa amin ang nalalaman mo, babaliin ko ang braso mo.” Tapos, pina-squat niya ako at pinataas nang deretso ang aking mga braso. Sobrang sakit ng kanang braso ko na hindi ko ito maiangat. Hinampas niya ng raketa ng badminton ang mga braso at binti ko, pati na ang bibig at baba ko, hanggang sa namanhid ang mga labi at baba ko. Matapos mag-squat nang mahigit sampung minuto, tinanong nila ako kung may kilala akong brother. Nabigla ako. Nahanap siguro nila ang pangalan niya sa call records ko. Kung hindi ko sasabihin sa kanila, hindi ko maisip kung anong pagpapahirap ang susunod na darating, pero anuman ang mangyari, hindi ako pwdeng maging isang Hudas at ipagkanulo ang kapatid ko. Mahinahon kong sinabi, “Hindi ko siya kilala.” Tapos ay pinaligiran ako ng tatlong pulis at hinablot ang kwelyo ko, at itinulak ako nang pabalik-balik sa pagitan nila hanggang sa nahihilo na ako at sumuray-suray. Medyo natakot ako, iniisip ko, “Sa maliit na katawan kong ito, kung magpapatuloy ang pagpapahirap na ito, kakayanin ko ba ito?” Paulit-ulit akong nanalangin sa puso ko, hinihiling sa Diyos na protektahan ako. Naisip ko si Daniel. Nang ihagis siya sa yungib ng mga leon, nanalangin siya sa Diyos, at isinara ng Diyos ang mga bibig ng mga leon, kaya hindi siya kinagat ng mga ito. Nakita ko na ang lahat ay nasa kamay ng Diyos, kaya kung walang pahintulot ng Diyos, walang magagawa ang mga pulis sa akin. Nang maisip ko ito, nabawasan ang kaba at takot ko. Mahigit 20 minuto nila akong itinulak at kinaladkad, pagkatapos ay biglang sinabi ng kapitan ng pulis, “May mga bagay pa akong dapat gawin. Aasikasuhin kita bukas!” Pagkatapos niyon, nagmamadali siyang umalis. Inisip ko kung paano ako pahihirapan ng pulis kinabukasan kung wala akong sasabihin sa kanila. Kakayanin ko kaya? Habang iniisip ito, masyado akong kinakabahan at natatakot, kaya patuloy akong nanalangin sa Diyos. Nahirapan ako sa mga isiping ito hanggang madaling araw. Nahihilo ako, naninikip ang dibdib ko, at nahihirapan akong huminga. Takot na takot ang nagbabantay sa akin kaya tinawag niya ang head instructor at ang doktor sa brainwashing center. Nang suriin nila ang presyon ng dugo ko, ang pinakamababa ay 110mmHg, at ang pinakamataas ay 180mmHg. Natakot ang head instructor na mamatay ako sa center at siya ang mananagot, kaya’t isinugod niya ako sa ospital. Sinabi ng doktor na mayroon akong coronary heart disease at kailangan kong magpagaling, at pagkatapos ay binigyan ako ng IV drip at nilagyan ako ng oxygen. Matapos marinig ang sinabi ng doktor, nakita ng mga pulis na hindi ako mamamatay kaagad, kaya agad nilang pinatanggal sa nurse ang oxygen at ang IV, at pagkatapos ay dinala nila ako pabalik sa brainwashing center.

Nang makabalik sa brainwashing center, nanatiling napakataas ng presyon ng dugo ko, at hindi ito bumababa. Masyado rin akong nahihilo at hindi man lang ako makalakad nang hindi inaalalayan ang sarili ko sa dingding. Pero ang mga pulis ay wala man lang pakialam sa buhay ko. Sa araw, pinipilit nila akong manood ng TV. Ang ika-19 na Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina ay ibinobrodkast sa lahat ng oras, at sa gabi ay binubuksan nila ang radyo hanggang alas-tres o alas-kuwatro ng umaga. Nahihirapan ako nang husto kaya lumala nang lumala ang katawan ko. Madalas na naninikip ang dibdib ko at nahihirapan akong huminga. Tuwing nabibinat ako, pinapainom nila ako ng pito o walong emergency tablets para sa puso, para lang hindi ako mamatay agad-agad. Madalas ding dumarating ang mga pulis para bantaan ako, hinihiling sa akin na ipagkanulo ang mga kapatid, at pinipilit akong sabihin sa kanila kung nasaan ang pera ng iglesia. Masyado akong ninenerbiyos dahil sa ganitong uri ng tuluy-tuloy na pagtatanong at pagpapahirap, at lalong humina ang kalusugan ko. Namamaga at masakit ang buong itaas na bahagi ng katawan ko, at pakiramdam ko’y parang mahuhulog na ang mga laman-loob ko mula sa kinalalagyan ng mga ito kung gagalaw ako nang kahit kaunti. Araw-araw kailangan kong panatilihing nakadiin ang mga braso ko sa katawan ko, at kailangan kong maging maingat sa bawat hakbang. Kapag natutulog ako, hindi ako makahiga ni makaupo. Sinusubukan kong humiga, tapos ay umuupo ako at paulit-ulit ito hanggang sa mawalan na ako ng lakas at mahimatay sandali. Habang tumatagal, humihina nang husto ang puso ko, at pakiramdam ko ay baka hindi ko na talaga makayanan. Patuloy akong nanalangin, hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng pananalig.

Isang araw, naalala ko ang himnong “Ang Pagsunod kay Cristo ay Inorden ng Diyos”: “Inorden ng Diyos na sundin natin si Cristo at dumanas tayo ng mga pagsubok at pagtitiis. Kung tunay nating minamahal ang Diyos, dapat tayong magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos. Ang dumanas ng mga pagsubok at pagtitiis ay ang pagpalain ng Diyos, at sinasabi ng Diyos na mas bako-bako ang landas na ating tinatahak, mas naipapakita nito ang ating pagmamahal. Ang landas na tinatahak natin ngayon ay nauna nang inorden ng Diyos. Ang sumunod kay Cristo ng mga huling araw ang pinakadakilang pagpapala sa lahat” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang kinakanta ko ang himnong ito nang paulit-ulit sa isip ko, naunawaan ko kung anong uri ng kapaligiran ang kinakaharap ng bawat tao sa kanilang buhay dahil sa paniniwala sa Diyos, kung anong uri ng pagpapakatatag ang kanilang pinagdadaanan, at kung gaano karaming pagdurusa ang kanilang tinitiis, ang itinakda nang lahat ng Diyos noon pa man. Kailangan kong magpasakop at umasa sa Diyos para maranasan ito. Habang kumakanta ako, nagkaroon ako ng kaunting pananalig.

Kalaunan, pinabasa ako ng head instructor ng mga libro at pinapanood ng mga video na lumalapastangan sa Diyos at naninirang-puri sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at nagdala ng mga tao para bigyan ako ng mga klase sa brainwashing. Noong mga araw na iyon, binibrainwash ako sa araw, at sa gabi naman, natutulig ang mga tainga ko sa ingay ng TV at radyo. Bukod pa rito, nag-alala ako na maaaring dumating ang mga pulis anumang oras para tanungin ako, kaya labis akong kinabahan. Lalong dumadalas ang paninikip at pananakit ng dibdib ko. Pagkaraan ng ilang araw, pinasulat ako ng head instructor ng isang liham na nangangakong hindi na ako maniniwala sa Diyos. Tumanggi akong magsulat ng kahit ano, at sinabi niya, “Kahit ganyan kalala ang sakit mo, lumalaban ka pa rin. Hindi bale na lang. Magsusulat ako ng draft para sa iyo, at kokopyahin mo na lang ito. Ang mga salita rito ay hindi kung ano ang iyong sinabi o kung ano ang talagang iniisip mo. Tapos, magsusulat ako ng mga positibong bagay tungkol sa iyo at mapapalaya ka. Ito ay pandaraya sa sistema, naiintindihan mo ba? Tutulungan kita dahil mukha kang disenteng tao. Ngayon, kopyahin mo lang ito, at pagkatapos ay umuwi ka na at magpatingin sa isang doktor.” Inisip kong may katuturan ang sinabi niya. Gagawin ko lang ito nang wala sa loob, hindi ipagkakanulo ang Diyos sa puso ko, kaya sinabi ko sa kanya, “Hayaan mong bumalik ako at pag-isipan ito.” Pagbalik sa silid ko, inisip ko ito nang inisip, “Narinig ko na noon na binibigyan ng mga pulis ang mga kapatid ng mga iniksyon at droga na nakakapagdulot ng schizophrenia. Ito ang uri ng kasuklam-suklam na pamamaraan na ginagamit nila para pagtaksilan natin ang mga kapatid at isuko ang pera ng iglesia. Karamihan sa mga taong nakausap ko ay mga lider at manggagawa, pati na rin ilang kapatid na nangangalaga sa pera ng iglesia. Kung isang araw ay mag-iiniksyon sa akin ang mga pulis ng maraming gamot na nagdudulot ng schizophrenia o paiinumin ako ng gamut sa isip, at nawalan ako ng malay at pinagtaksilan ko sila, lubha kong mapipinsala ang mga interes ng iglesia. Iyon ay paggawa ng malaking kasamaan, at tiyak na mapaparusahan ako sa hinaharap. Kung isusulat ko ang liham, makakaalis ako nang mas maaga, at hindi ko maipagkakanulo ang mga kapatid. Gayunpaman, pagtataksilan at itatatwa ko ang Diyos, kaya ano ang silbi ng mabuhay pagkatapos niyon? Hindi, hindi ko hahayaan ang sarili ko na isulat ang liham na ito.” Kinabukasan, nagalit ang head instructor nang makitang hindi ko naisulat ang liham. Sumigaw siya, “Nag-utos ang gobyerno na ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos na tulad mo ay kailangang sumulat at pumirma sa liham bago kayo mapalaya. Gaano man kalala ang sakit mo, kailangan mong sundin ang mga regulasyon ng gobyerno, kaya bilisan mo na at isulat mo na ito!” Tumawag siya ng tatlong guwardiya para tumulong na himukin ako, at sinabing, “Hindi ka makakaalis maliban kung pipirmahan mo ang sulat. Gumastos ng malaking pera ang gobyerno para muling turuan kayong mga tao, at nagdisenyo pa ng mga espesyal na klase. Kinuha namin ang pera ng gobyerno, at kailangan naming gawin kung para saan ang ibinabayad ng gobyerno sa amin, kaya kapag hindi ka pumirma, pahihirapan ka namin araw-araw hanggang sa gawin mo ito.” Kinabahan ako nang husto sa pananakot at pagsupil nila at hindi ko kinaya ang paninikip ng dibdib ko. Bagama’t nanalangin ako sa puso ko, wala akong sigla sa mga ginagawa ko, hindi ito taos-puso. Ang totoo, ayaw ko nang magdusa, at wala akong pananampalataya sa Diyos. Palagi akong nag-aalala na lalagyan ng mga pulis ng droga ang mga pagkain ko. Ano ang mangyayari kung mawawalan ako ng kontrol sa isip ko at pagtataksilan ang mga kapatid? Mas magiging matindi pa ang parusa ko sa hinaharap, kaya mas mabuti pang isulat ko na lang at pirmahan ang liham. Sa sandaling naisip ko ito, nakipagkompromiso ako at pinirmahan ang liham. Bigla kong naramdaman na parang nawalan ng laman ng puso ko, at nagdilim ang isipan ko. Nabalisa ako nang husto, at natakot ako. Napagtanto ko na sa pamamagitan ng pagpirma sa “Tatlong Liham,” natatakan ako ng marka ng halimaw. Isa na akong Hudas na nagtaksil sa Diyos, at nilabag ko ang disposisyon ng Diyos. Nakaramdam ako ng matinding pagsisisi, at kinasusuklaman ko ang sarili ko, at pakiramdam ko’y hindi ako karapatdapat na mabuhay. Habang natutulog ang bantay ko, nilunok ko ang natitirang labinlima o labing-anim na tabletas na pampababa ng presyon ng dugo. Makalipas ang ilang oras, nahilo ako, kaya habang nakahiga sa kama, nanalangin ako sa Diyos nang may luha sa mga mata ko, “Diyos ko! Pinirmahan ko ang ‘Tatlong Liham.’ Pinagtaksilan Kita and ipinahiya ang pangalan Mo. Hindi ako karapat-dapat mabuhay. Diyos ko! Kung mayroon akong susunod na buhay, gusto ko pa ring maniwala sa Iyo at sumunod sa Iyo….” Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Kinaumagahan, bigla akong nakarinig ng sipol para magising. Iminulat ko ang mga mata ko at kinurot ang sarili ko nang ilang beses. Hindi pala ako namatay. Kinasusuklaman ko ang sarili ko. Bakit hindi ako namatay? Noon ko naalala ang isang himno ng salita ng Diyos na pinamagatang “Ang Ginagawang Perpekto ng Diyos ay ang Pananampalataya”: “Sa gawain ng mga huling araw ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay masunurin hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kumpleto na(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). Hindi maipaliwanag ang nararamdaman ko sa salita ng Diyos, at nagsimulang tumulo ang mga luha ko. Umiyak ako at nanalangin sa Diyos, “Diyos ko! Pinrotektahan Mo po ako. Alam ko pong ito ang Iyong awa para sa akin, hangga’t kaya ko pang maglingkod sa Iyo, handa po akong mabuhay. Kahit na mamatay ako pagkatapos ng aking serbisyo, hindi po ako magrereklamo.”

Bagamat ayoko nang mamatay, labis pa rin akong nanlulumo. Sa ilang araw na iyon, nanghihina akong sumandal sa headboard, ipinikit ang mga mata ko, at naupo nang walang-kibo at tulala. Pakiramdam ko ay walang pakialam ang buong mundo sa akin. Isang araw, nang pumunta ako sa banyo, si Fang Ming, na naaresto rin, ay hinagisan ako ng bola ng tisiyu paper. Binuksan ko ito habang wala ang bantay ko. Sinasabi ng nakasulat dito, “Sister, huwag kang masiraan ng loob, at huwag kang magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Sumulat ako ng isang himno ng salita ng Diyos para basahin mo.” Umiiyak ako habang binabasa ko ito:

Gusto ng Diyos Yaong May Pagpapasiya

1 Upang sundin ang praktikal na Diyos, kailangan nating taglayin ang determinasyong ito: Gaano man katindi ang mga kapaligirang hinaharap natin, o anumang uri ng mga paghihirap ang hinaharap natin, at gaano man tayo kahina o kanegatibo, hindi tayo maaaring mawalan ng pananampalataya sa ating pagbabago sa disposisyon o sa mga salitang binigkas ng Diyos. Nangako ang Diyos sa sangkatauhan, at hinihingi nito sa mga taong magkaroon ang determinasyon, pananampalataya, at pagtitiyaga upang makayanan ito. Ayaw ng Diyos sa mga duwag; gusto Niya ang mga taong may determinasyon. Kahit pa nakapaghayag ka ng maraming katiwalian, kahit pa maraming beses ka nang nakatahak sa maling landas, o nakagawa ng maraming paglabag, nagreklamo tungkol sa Diyos, o mula sa loob ng relihiyon ay lumaban ka sa Diyos o nagkimkim ng kalapastanganan laban sa Kanya sa iyong puso, at iba pa—hindi tinitingnan ng Diyos ang lahat ng iyon. Tinitingnan lang ng Diyos kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan at kung makapagbabago siya balang araw.

2 Nauunawaan ng Diyos ang bawat tao tulad ng pagkaunawa ng isang ina sa kanyang anak. Nauunawaan niya ang mga paghihirap ng bawat tao, ang kanilang mga kahinaan, at kanilang mga pangangailangan. Higit pa roon, nauunawaan ng Diyos kung anu-ano ang mga paghihirap, kahinaan, at kabiguang kahaharapin ng mga tao habang pumapasok sa proseso ng pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang mga ito ang mga bagay na nauunawaang mabuti ng Diyos. Ibig sabihin nito ay sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Gaano ka man kahina, basta’t hindi mo itinatakwil ang pangalan ng Diyos, o tinatalikuran Siya at ang landas na ito, lagi kang magkakaroon ng pagkakataong magtamo ng pagbabago sa disposisyon. Kung mayroon ka ng pagkakataong ito, may pag-asa kang manatiling buhay, at sa gayon ay mailigtas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Ang mga salita ng Diyos ay labis na nakakaginhawa—pinasigla at inalo nito ang puso ko. Mapait akong umiyak at ilang beses kong kinanta ang himno sa isipan ko. Nakagawa ako ng isang bagay na nakasakit sa Diyos, pero hindi lamang ako hindi pinarusahan ng Diyos, pinakilos Niya ang sister ko na kopyahin ang salita ng Diyos para suportahan ako noong nasa mga sandaling pinakamasakit at nawawalan ako ng pag-asa. Naglakad ako sa sulok ng balkonahe at napaupo sa sahig habang umiiyak at nananalangin sa Diyos, “Diyos ko! Pinirmahan ko ang ‘Tatlong Liham’ at ipinagkanulo Kita. Hindi ako karapat-dapat sa Iyong awa para sa akin. Wala akong mga salita para maipahayag ang Iyong pagmamahal at pagliligtas sa akin. Diyos ko! Nais ko pong magsisi sa Iyo. Gabayan Mo po ako.”

Kalaunan, pinalaya ako ng pulis dahil wala silang nakukuha sa pagtatanong sa akin. Nang pinalaya ako, binalaan nila akong huwag nang maniwala sa Diyos, at inutusan ang asawa ko na bantayan ako nang 24 na oras sa isang araw. Pagkauwi ng bahay, hiniling ng pamahalaang bayan sa lupon ng nayon na ipaalam sa buong nayon na isa akong pulitikal na bilanggo dahil sa paniniwala sa Diyos, at na pakiusapan ang buong nayon na bantayan ako. Kahit saan ako magpunta, tinititigan ako ng mga tao, at kailangan kong tiisin ang pag-aakusa, kakaibang tingin, panunuya, panlilibak, pang-aabuso, at lahat na ng uri ng hindi kasiya-siyang bagay. Suportado noon ng asawa ko ang paniniwala ko sa Diyos, pero pagkalaya ko, inusig niya ako at madalas na pinagalitan nang walang dahilan. Hindi nakayanan ng anak ko ang pangungutya at pang-iinsulto mula sa mga taganayon, kaya itinuring niya ako bilang isang kaaway at hindi ako pinapansin. Nalungkot ako nang husto dahil sa lahat ng ito. Lalo na nang maalala ko na nilagdaan ko ang “Tatlong Liham” dahil sa pang-uusig ng malaking pulang dragon, at kaya, nakagawa ako ng malubhang kasalanan sa harap ng Diyos, pakiramdam ko ay tiyak na hindi ako ililigtas ng Diyos, at na hahamakin ako ng mga kapatid. Pakiramdam ko’y nahulog ako sa walang-hanggang hukay, at pinapalipas ko ang araw-araw na parang isang bangkay na naglalakad. Namuhay ako sa isang kalagayan ng matinding pasakit at paghihirap, at pakiramdam ko ay puno ng luha ang mga mata ko araw-araw. Noong panahong iyon, hindi ko mabasa ang mga salita ng Diyos, at hindi ako nangahas na makipag-ugnayan sa mga kapatid, kaya madalas akong lumalapit sa Diyos para manalangin, hinihiling sa Diyos na gabayan ako sa pag-unawa sa kalooban Niya.

Pagkatapos niyon, nakahanap ako ng pagkakataong pumunta sa bahay ng aking ina. Nakipagbahaginan siya sa akin, sinasabi sa akin na huwag akong magkamali sa pagkaunawa sa Diyos, sinasabing kailangan kong matuto ng aral sa mga sitwasyong tulad nito. Patago rin niya akong binigyan ng isang kopya ng salita ng Diyos para dalhin ko pabalik sa bahay ko. Isang araw, nabasa ko sa salita ng Diyos: “Karamihan sa mga tao ay nalabag at narungisan na ang kanilang sarili sa ilang partikular na paraan. Halimbawa, ang ilang tao ay lumaban na sa Diyos at nakapagsalita ng mga kalapastanganan; ang ilang tao ay tinanggihan na ang atas ng Diyos at hindi ginampanan ang kanilang tungkulin, at itinakwil ng Diyos; ang ilang tao ay pinagtaksilan na ang Diyos nang maharap sila sa mga tukso; ang ilan ay pinagtaksilan na ang Diyos nang lagdaan nila ang ‘Tatlong Sulat’ noong arestuhin sila; ang ilan ay nagnakaw ng mga handog; ang ilan ay naglustay ng mga handog; ang ilan ay ginulo nang madalas ang buhay ng iglesia at nagdulot ng pinsala sa mga taong hinirang ng Diyos; ang ilan ay bumuo na ng mga pangkat at pinagmalupitan ang iba, kaya nagkagulo sa iglesia; ang ilan ay madalas na nagkalat ng mga haka-haka at kamatayan, na nakapinsala sa mga kapatid; at ang ilan ay gumawa ng kalaswaan at kahalayan, at naging masasamang impluwensya. Sapat nang sabihin na lahat ay may kani-kanyang mga paglabag at dungis. Subalit nagagawa ng ilang tao na tanggapin ang katotohanan at magsisi, samantalang ang iba ay hindi at namamatay bago magsisi. Kaya dapat tratuhin ang mga tao ayon sa kanilang likas na diwa at ang kanilang pare-parehong pag-uugali. Ang mga maaaring magsisi ay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos; pero para sa mga ayaw talagang magsisi, yaong mga dapat alisin at itiwalag ay aalisin at ititiwalag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Bawat taong nagpasakop na sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon para maligtas; ang pagliligtas ng Diyos sa bawat isa sa mga taong ito ay magpapakita ng Kanyang lubhang kaluwagan. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na pagpaparaya. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamtan ang Kanyang pagliligtas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao). Matapos basahin ang salita ng Diyos, lalo akong naantig. Lumuhod ako sa lupa at nanalangin sa Diyos nang may mapait na luha sa mga mata ko. Nakita ko na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi lamang naglalaman ng pagiging maharlika at poot, kundi pati na rin awa at pagpaparaya para sa mga tao. Ang Diyos ay matuwid, at hindi Niya tinutukoy ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang pansamantalang mga paglabag, kundi sa mga motibo at pinagmulan ng kanilang mga kilos, ang mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos, kung sila ay tunay na nagsisisi, at ang kanilang saloobin sa katotohanan. Kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang pagtataksil ng mga tao, ngunit inililigtas din ng Diyos ang mga tao hangga’t maaari. Kung ang isang tao ay nagtaksil lamang sa Diyos sa isang sandali ng kahinaan, hindi Siya itinatwa at ipinagkanulo mula sa puso, at handang magsisi, kung gayon ang Diyos ay maawain at binibigyan siya ng isa pang pagkakataon. Nang matanto ko ito, lalo akong nakaramdam ng pagkakautang sa Diyos, at lalo akong nagsisi. Nanumpa ako sa Diyos na kung gusto man Niya ako o hindi, susundin ko Siya, matatag kong hahanapin ang katotohanan, at hahangarin ang pagbabago sa disposisyon. Kahit na walang magandang wakas para sa akin sa hinaharap, hindi ako magsisisi.

Pagkatapos niyon, patuloy kong iniisip kung bakit ako pumirma sa “Tatlong Liham” at nagtaksil sa Diyos noong ako ay inaresto at inusig ng CCP. Naisip ko kung paano ko gustong manindigan sa pagpapatotoo noong una akong maaresto, pero habang palupit nang palupit akong tinatakot at pinagbabantaan ng mga pulis, at habang lumalala ang karamdaman ko, nawalan ako ng pananalig at lubusang sumuko sa kaduwagan at takot. Natakot ako na kapag tinurukan ako ng mga pulis ng gamot na nagdudulot ng schizophrenia o binigyan ako ng mga drogang nakakaapekto sa pag-iisip ko, at pagkatapos ay walang malay kong naipagkanulo ang mga kapatid, na mas magiging matindi pa ang parusa ko kalaunan, kaya ko naisip na mas mabuting pirmahan na lang ang “Tatlong Liham.” Naniwala ako na hangga’t hindi nasisira ang mga interes ng iglesia, mas magaan ang parusang matatanggap ko sa hinaharap. Kaya para protektahan ang sarili kong mga interes, nilagdaan ko ang mga liham at ipinagkanulo ang Diyos. Ang totoo, pinahintulutan ng Diyos ang malaking pulang dragon na usigin ako para gawing perpekto ang aking pananampalataya, para makapamuhay ako sa mga salita ng Diyos at talunin si Satanas. Pero hindi ko man lang hinangad ang kalooban ng Diyos, ni hindi ko inisip kung ano ang dapat kong gawin para manindigan at palugurin ang Diyos. Ang inisip ko lang ay ang sarili kong katapusan at hantungan. Nakita ko na napakamakasarili ko at kasuklam-suklam! Isa pa, noon pa man ay lagi kong iniisip na anuman ang mga pangyayari, kung ang isang tao ay magtaksil sa Diyos, ang kanilang katapusan ay magiging katulad ni Judas, na sila ay tiyak na mapaparusahan. Pero ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ko lang. Ang Diyos ay matuwid, at sinusuri Niya ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Binabantayan niya ang bawat salita at gawa ko. Kung pinagtaksilan ko ang mga kapatid para protektahan ang sarili kong mga interes, at nang sa gayon ay maging kasabwat at tauhan ng malaking pulang dragon, kung gayon ay tiyak na hahantong akong katulad ni Judas at mapaparusahan, pero kung pinuwersa akong pinainom ng droga ng mga pulis at pinagtaksilan ko ang Diyos nang hindi ko kontrolado ang sarili ko, iba ang magiging pagtrato sa akin ng Diyos alinsunod sa sitwasyon at konteksto. Pero hindi ko alam ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at hindi ko alam ang pamantayan ng Diyos para sa pagtukoy sa katapusan ng mga tao. Nabuhay akong bihag ng sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, nahulog sa panlilinlang ni Satanas, at nakagawa ng malubhang paglabag. Gayunpaman, binigyan pa rin ako ng Diyos ng pagkakataong magsisi. Ito ang awa ng Diyos sa akin.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kalakas’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang sumunod sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Mula sa mga salita ng Diyos, natanto ko na ang Diyos ang may huling salita sa lahat ng bagay sa sansinukob. Gaano man katuso o talamak ang CCP, isa lang itong kawal sa mga kamay ng Diyos. Ito ay isang tagapagsilbi na ginagamit ng Diyos bilang isang kasangkapan para gawing perpekto ang Kanyang mga hinirang. Pero hindi ko alam ang awtoridad ng Diyos, at lagi akong nag-aalala na baka bigyan ako ng mga pulis ng mga droga na nagdudulot ng schizophrenia, at na kung ipinagkanulo ko ang mga kapatid nang wala akong lubos na kamalayan, ang mga interes ng iglesia ay magdurusa nang husto. Gayunpaman, kung binigyan man ako ng gayong droga ng mga pulis at kung mawalan man ako ng malay ay nasa mga kamay lahat ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, walang magagawa ang mga pulis sa akin. Nakita ko na kapag nangyayari sa akin ang mga bagay-bagay, talagang wala akong pananalig sa Diyos, hindi ko mahalata ang mga panlilinlang ni Satanas, at kahabag-habag na hindi mataas ang tayog ko. Nang malaman ko ito, lalo lang lumalim ang pagsisisi ko. Naniniwala ako sa Diyos sa loob ng maraming taon at natatamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng napakaraming salita ng Diyos, pero wala talaga akong masyadong alam tungkol sa Diyos. Pinirmahan ko pa nga ang “Tatlong Liham” at ipinagkanulo ko ang Diyos. Nang maisip ko ito, lalo akong nakaramdam ng pagkakautang sa Diyos, kaya nanalangin ako, “Diyos ko! Kung may pagkakataon pa, handa akong danasin ang isa pang pag-aresto, gusto kong talikdan ang laman ko, ipahiya ang malaking pulang dragon, at magsisi sa mga kasalanan ko.”

Isang araw noong Oktubre 2018, biglang pumasok sa bahay ko ang pitong pulis na nakasibilyan at inaresto ako. Alam kong ito ang pagbibigay sa akin ng Diyos ng pagkakataong magsisi. Hindi mahalaga kung bubugbugin ako ng mga pulis hanggang sa mamatay o ipapadala ako sa bilangguan, sa pagkakataong ito, kailangan kong umasa sa Diyos para makapanindigan. Dinala ako ng pulis sa silid ng interogasyon, pinosasan ako sa isang tiger chair, hinablot ang buhok ko, at sinampal ang mukha ko ng mga isang dosenang beses. Kumikirot ang napakatinding sakit ng mga hampas, at agad na namaga ang mukha ko. Tinanong ako ng isang pulis kung kilala ko ito at iyan. Sinabi kong hindi. Nagalit siya, sumugod, at sinimulan akong sampalin nang malakas. Sumunod, hiniling sa akin ng isa pang pulis na kumpirmahin ang pangalan ng lider, pero hindi ako sumagot. Galit niyang hinila ang tainga ko, unti-unti niyang kinurot ang gilid ng tenga ko gamit ang mga kuko niya, at pinilit akong sumagot habang patuloy siya sa pagkurot. Iling lang ako nang iling at walang sinabi. Sa sobrang galit niya ay nakakita siya ng ilang piraso ng sipit na bakal, at pagkatapos ay may masamang ngisi na sinabi sa akin, “Kung hindi ka magsasalita, magdurusa ka!” Nilagyan niya ng mga sipit na bakal ang gilild ng mga tainga ko. Sa bawat pag-ipit ng mga sipit, parang tinutusok ang puso ko sa sakit, patuloy na kumikibot ang mukha ko, at ang buong ulo ko ay parang iniihaw sa kalan. Ipinikit ko ang mga mata ko at pinagngalit ang mga ngipin ko, at habang kusang nanginginig ang katawan ko, paulit-ulit akong nanalangin sa puso ko, hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng paninindigang magdusa. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Napagtanto ko na pinahihirapan ako ng mga pulis sa ganitong paraan dahil gusto nilang ipagkanulo ko ang Diyos at pagtaksilan ang mga kapatid. Hindi ko maaaring biguin ang Diyos. Kailangan kong umasa sa Diyos para manatiling matatag. Pagkaraan ng ilang minuto, inalis ng pulis ang mga sipit at inilabas ang isa pang larawan ng isang sister para sabihin ko kung sino ito. Sabi ko, “Hindi ko siya kilala.” Galit na hinila ng pulis ang kamay ko sa harapan ko at pilit na hinila ang mga daliri ko. Napasigaw ako sa sakit at kusang ikinuyom ang kamay ko, pero hinila niya nang diretso ang bawat daliri ko at hinaltak iyon paitaas. Pakiramdam ko’y parang binabali niya ang mga daliri ko, at sobrang sakit na halos hindi ko na makayanan. Nang makita nilang hindi pa rin ako nagsasalita, binuksan ng dalawang pulis ang posas ko, pinilipit ang mga kamay ko sa likuran ko, inilagay ang mga ito sa butas sa ibabang bahagi ng likod ng tiger chair, at muli akong pinosasan, at saka pilit na inipit pababa sa posas. Pakiramdam ko’y mapipilas ang mga kamay at braso ko, at napasigaw ako sa sakit. Masyado na akong pinanghinaan ng loob, kaya’t nanalangin ako sa Diyos nang may luha sa aking mga mata, hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng pananampalataya at paninindigang magdusa. Sa oras na ito, naalala ko ang isang himno ng salita ng Diyos: “Ang Makapangyarihang Diyos, ang Pinuno ng lahat ng bagay, ay gumagamit ng Kanyang kapangyarihan bilang hari mula sa Kanyang luklukan. Namumuno Siya sa sansinukob at sa lahat ng bagay, at ginagabayan Niya tayo sa buong daigdig. Maging malapit tayo sa Kanya sa bawat sandali, at humarap sa Kanya nang tahimik, na hindi nagsasayang kailanman ni isang sandali, at may mga aral tayong dapat matutuhan sa lahat ng oras(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Binigay sa akin ng salita ng Diyos ang kaliwanagan na kailangan ko, at biglang gumaan ang pakiramdam ko. Ang Makapangyarihang Diyos ang dakilang Hari ng sansinukob, at Siya ang may huling salita sa lahat ng bagay sa sansinukob. Ang buhay at kamatayan ko ay nasa mga kamay din ng Diyos. Kung hindi pahihintulutan ng Diyos, walang magagawa ang pulis sa akin. Ang mga diyablong ito ay may pahintulot ng Diyos na pahirapan ako nang ganito, dahil gusto ng Diyos na gawing perpekto ang pananampalataya ko. Naalala ko rin na dati kong nilagdaan ang “Tatlong Liham” at ipinagkanulo ang Diyos sa ilalim ng pang-uusig ng malaking pulang dragon, pero hindi ako pinalayas ng Diyos dahil sa aking paglabag, at ginamit ang mga salita Niya para tustusan at bigyang-ginhawa ako. Sa pagkakataong ito ay hindi ko pwedeng muling biguin ang Diyos. Kailangan kong manindigan, ipahiya si Satanas, at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Sunod-sunod nilang idiniin ang posas nang apat na beses, pagkatapos ay nahilo ako, nanginginig ako at nangangatog ang buong katawan ko, at pakiramdam ko ay malapit na akong mamatay. Pagkatapos ay hinagisan ng pulis ang mukha ko ng mineral water, at binuksan ang kwelyo ko at ibinuhos ang malamig na tubig sa kamiseta ko. Puno ako ng pawis, at sa sobrang gulat sa malamig na tubig, nanginginig at nangangatal ang buong katawan ko. Maya-maya, pinatay ng pulis ang mga ilaw, binuksan ang dalawang flashlight, itinutok ang malalakas na sinag ng liwanag sa mukha ko, at inutusan akong idilat ang mga mata ko at huwag gumalaw. Nanalangin ako sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na hindi ko mapagtaksilan ang mga kapatid o maipagkanulo Siya.

Sa oras na ito, naalala ko ang himnong “Determinado Akong Mahalin ang Diyos”:

1 Diyos ko! Nakita ko na ang Iyong katuwiran at kabanalan ay lubhang kalugud-lugod. Nagpapasya akong magsumikap na matamo ang katotohanan, at determinado akong mahalin Ka. Nawa’y buksan Mo ang aking espirituwal na mga mata at nawa’y antigin ng Iyong Espiritu ang puso ko. Nawa’y loobin Mo, sa pagharap ko sa Iyo, na maitapon ko ang lahat ng negatibo, huwag na akong papigil sa sinumang tao, pangyayari, o bagay, at lubos kong ilantad ang puso ko sa Iyong harapan, at loobin Mo na maihandog ko ang aking buong pagkatao sa Iyong harapan. Paano Mo man ako subukin, handa ako. Ngayon, hindi ko isinasaalang-alang ang aking mga inaasahan sa hinaharap, ni wala ako sa ilalim ng pagkaalipin ng kamatayan. Sa puso kong nagmamahal sa Iyo, nais kong hanapin ang daan ng buhay.

2 Lahat ng bagay, lahat—ay pawang nasa Iyong mga kamay; ang aking kapalaran ay nasa Iyong mga kamay at hawak Mo ang buhay ko mismo sa Iyong mga kamay. Ngayon, hangad kong mahalin Ka, at hayaan Mo man akong mahalin Ka o hindi, paano man manggulo si Satanas, determinado akong mahalin Ka. Ako mismo ay nakahandang hanapin ang Diyos at sundin Siya. Ngayon, kahit gusto akong iwanan ng Diyos, susundin ko pa rin Siya. Gusto man Niya ako o hindi, iibigin ko pa rin Siya, at sa huli, kailangan ko Siyang makamit. Iniaalay ko ang aking puso sa Diyos, at anuman ang Kanyang gawin, susundin ko Siya sa aking buong buhay. Anuman ang mangyari, kailangan kong ibigin ang Diyos at kailangan ko Siyang makamit; hindi ako titigil hangga’t hindi ko Siya nakakamit.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Habang paulit-ulit kong hinuhuni ang himnong ito sa isipan ko, naalala ko ang pagkamartir ng mga santo sa lahat ng nakalipas na panahon. Si Esteban ay binato hanggang mamatay, si Jacob ay pinugutan ng ulo, si Pedro ay ipinako sa krus nang patiwarik para sa Diyos…. Silang lahat ay nag-alay ng kanilang buhay para magpatotoo sa Diyos, pero pakiramdam ko’y hindi ko na ito makayanan pagkatapos lamang ng kaunting pagdurusa. Nakita ko na napakaliit ng pananalig ko, at nanumpa ako ng isang tahimik na panata sa sarili ko: Gaano man ako pahirapan ng mga pulis, hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos o pagtataksilan ang mga kapatid. Isang himalang hindi ako nasilaw ng malalakas na sinag ng liwanag mula sa dalawang flashlight na nakaharap sa akin. Para akong nakatingin sa liwanag ng dalawang kandila. Nagalak ako, at nagpasalamat sa Diyos sa aking puso. Alam ko na lahat ng ito ay pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Maya-maya, sinabi ng isang pulis, “Para sa mga taong tulad mo na naniniwala sa Makapangyarihang Diyos, ang mga anak ninyo ay hindi pwedeng sumama sa hukbo o magtrabaho sa pampublikong serbisyo.” Sinabi rin niya na ipo-post niya ang larawan ko sa Internet at magkakalat ng tsismis na nagtaksil ako sa iglesia para itakwil ako ng lahat ng kapatid. Alam kong isa lang ito sa mga pakana nila, at hindi ako nagpasakop.

Bandang alas dos ng hapon kinabukasan, may pumasok na pulis. Tinangka niya akong linlangin sa pagsasabing, “Kung wala kang sasabihing kahit ano sa amin ngayon, ayos lang. Kung susulat ka ng liham na itinatakwil mo ang pananampalataya mo sa Diyos, hahayaan ka naming umuwi, at hindi ka na namin guguluhin. May awtoridad akong ipangako sa iyo iyan.” Patuloy niya akong pinilit na isulat ito, pero tumanggi ako. Sinugod niya ako at sinampal ako nang pito o walong beses sa sobrang galit, at pagkatapos ay dumating din ang isa pang pulis at malupit na sinipa ang buto ng binti ko, na nagdulot ng matinding sakit sa katawan ko. Nakaposas ako sa likod ko, at idiniin niya ang likod ko gamit ang isang kamay niya kaya sumagi ang ulo ko sa metal plate na nakakabit sa harapan ng tiger chair, habang itinaas niya ang mga posas ko sa abot ng makakaya niya gamit ang isa pa niyang kamay. Parang tinutuklap mula sa buto ang laman sa mga pulso ko. Napasigaw ako sa sakit. Sa oras na ito, lumapit din ang pulis na nagtatanong sa akin, sinipa ang buto ng binti ko, at sumigaw, “Gusto mo bang umuwi, o gusto mo ang Diyos mo? Pwede ka lamang pumili ng isa. Ngayon sagutin mo ako!” Hindi ako sumagot. Idiniin nila ang likod ko paabante hangga’t maaari at itinaas muli ang mga posas ko nang apat na beses, at huminto lamang nang makita nilang nagsisimula na akong kumisay. Nahihilo ako, namamanhid ang magkabilang kamay ko, naramdaman ko ang paninikip ng dibdib ko, nanginginig ang buong katawan ko, at nagsisimula na akong mawalan ng malay. Patuloy akong nagdarasal sa puso ko, hinihiling sa Diyos na hindi ko mapagtaksilan ang mga kapatid, at ang Diyos. Gaano man ako pahirapan ng mga pulis, maninindigan ako at ipapahiya ang malaking pulang dragon. Patuloy akong pinilit na sumagot, tinatanong kung gusto kong umuwi o kung gusto ko ang Diyos. Sabi ko, “Hinding-hindi ko iiwan ang Diyos!” Galit na galit ang isa sa mga pulis kaya pinandilatan niya ako at sinigawan, “Napakatigas ng ulo mo kaya nasisiraan ka na ng bait! Wala ka nang pag-asa!” Sa huli, wala silang nakuha sa akin, kaya ipinadala ako sa detention center, at pagkatapos ay pinalaya matapos ang 15 araw na pagkakakulong. Alam ko na ang proteksyon at patnubay ng Diyos ang nagbigay-daan sa akin na manindigan sa pagkakataong ito.

Pagkauwi ko, mas mahigpit akong binabantayan ng mga pulis. Madalas na pumupunta sa bahay ko ang direktor Women’s Federation sa nayon para magtanong tungkol sa sitwasyon ko. Sinusubaybayan din ako ng pamilya ko at mga kapitbahay. Halos buwan-buwang dumadaan ang mga pulis sa bahay ko para tingnan kung naniniwala pa rin ako sa Diyos. Naaalala ko, sa loob ng isang buwan, apat na beses akong binisita ng pulis. Noong Oktubre ng 2020, dumating ang tatlong kinatawan mula sa pamahalaang bayan at nagsabing, “Tatlong taon ka na naming binabantayan. Ngayon, narito kami para hilingin sa iyo na magsulat ng isang liham na nangangakong hindi ka na naniniwala sa Diyos, isang liham ng kritisismo at paglalantad, at isang liham ng paghiwalay mula sa iglesia. Gawin mo iyon, at aalisin namin ang pangalan mo sa blacklist. Hindi ka na namin susubaybayan, pwede ka nang mamuhay nang malaya tulad ng isang normal na tao, at hindi maaapektuhan ang kinabukasan ng anak mong lalaki.” Nang marinig ko ito, nagalit ako nang husto. Naisip ko, “Kasuklam-suklam talaga kayo! Sinusubukan niyo ang lahat ng paraan na naiisip niyo para ipagkanulo ko ang Diyos, pero hindi ninyo ako maloloko!” Tinanggihan ko sila agad-agad. Pagkatapos ay sinabi ng kalihim ng district party committee, “Kung gayon, bakit hindi na lang namin ito isulat para sa iyo? Pwede ka lang magkunwaring isinusulat ito, at kukunan ka namin ng larawan para iulat ang pagtapos sa mga nakatataas namin. Ayaw na naming pumunta pa rito para abalahin ka.” Nakakasuka ang mga ipokrito niyang salita. Naalala ko na nahulog ako sa panlilinlang ni Satanas noon para protektahan ang sarili kong mga interes, at nilagdaan ko ang “Tatlong Liham” at ipinagkanulo ang Diyos. Malalim na nakaukit sa puso ko ang marka ng kahihiyang iyon. Naisip ko sa sarili ko, “Kahit na subaybayan mo ako sa buong buhay ko, kahit na arestuhin mo ako at sentensiyahan, hinding-hindi ko muling ipagkakanulo ang Diyos.” Sa wakas, nakita nila na determinado ako, at matamlay silang umalis.

Pagkatapos maaresto nang dalawang beses, bagamat pinahirapan at nagdusa ako nang husto, marami akong natamo. Nakita ko na ako ay napakamakasarili at kasuklam-suklam, at na wala akong tunay na pananampalataya sa Diyos. Naunawaan ko rin ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi lamang maringal at napopoot, kundi puno rin ng malaking awa at kaligtasan para sa mga tao. Sa buong paglalakbay na ito, naranasan ko ang tunay na pagmamahal ng Diyos sa akin. Dahil dito, nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko. Gaano man kahirap at nakakapagod ang daan sa hinaharap, susundin ko ang Diyos hanggang wakas!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagtakas sa Pangil ng Kamatayan

Ni Wang Cheng, Tsina Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan Siyang kasama ng...

Leave a Reply

Liitan ang Font Size
Lakihan ang Font Size
Pumasok sa Full Screen
Lumabas sa Full Screen