Para lang sa 300,000 Yuan

Pebrero 24, 2024

Ni Li Ming, Tsina

Bandang alas nuwebe ng gabi noong Oktubre 9, 2009, habang kami ay nagtitipon ng asawa ko at ng anak ko, bigla kaming nakarinig ng nagmamadaling katok sa pinto. Nagmadali akong itago ang mga aklat namin ng mga salita ng Diyos, at nang buksan na ng asawa ko ang pinto ay biglang pumasok ang pitong pulis, ang isa sa kanila ay sumigaw ng, “Taga-Pambansang Brigada ng Seguridad kami. Sasama ka sa amin!” Sapilitan nila akong pinasakay sa isang sasakyan ng pulis at naiwan ang tatlong pulis para halughugin ang tahanan namin. Kalaunan ay natuklasan ko na mga kalahating oras matapos nila akong dakipin, inaresto rin nila ang asawa ko.

Sa sasakyan ay pinagbantaan nila ako: “Naaresto na ang lider mo. Basta’t sasabihin mo sa amin ang lahat ng nalalaman mo, hindi namin pahihirapin ang mga bagay-bagay para sa iyo.” May sinabi rin silang mga paninirang-puri sa iglesia. Galit na galit akong marinig ang lahat ng kasinungalingang iyon mula sa kanila, pero nakadama rin ako ng kaunting takot dahil hindi ko alam kung paano nila ako pahihirapan. Nagdasal ako sa Diyos sa aking puso, hinihiling sa Kanya na bantayan ako upang paano man ako magdusa, hindi ako maging isang Judas at magtaksil sa Diyos. Dinala nila ako sa Pambansang Brigada ng Seguridad, at dinala ako ng dalawang nakasibilyang pulis sa isang kwarto sa itaas na palapag, tapos ay itinulak nila ako paupo sa isang sofa. Tinanong ako ng kapitan, “Kailan ka naging relihiyoso? Saan kayo nagdaraos ng mga pagtitipon? Sino ang lider mo? Ilang tao ang nasa iglesia mo?” Hindi ako sumagot. Naglabas siya ng ilang litrato galing sa bulsa niya at tinanong ako kung nakikilala ko ang mga taong nasa mga iyon, na sinagot ko ng, “Hindi.” Tapos ay sinabi niya, “Ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan mo ay maliwanag na ipinagbabawal sa Tsina. Matagal nang iniutos ng Sentral na Komite na ang anumang lihim na iglesia ay kailangang mabuwag, kaya’t mabuti pa ay simulan mo nang magsalita ngayon!” Nagpatuloy siya, pilit na inaalam kung nasaan ang 300,000 yuan (humigit-kumulang $45,000) na pera ng iglesia. Hinampas ng isa sa mga pulis ang mesa at sumigaw nang nanlalaki ang mga mata, “Nasa amin ang mga resibo at alam naming mayroon kayong 300,000 yuan. Dalhin mo sa amin ang perang iyon ngayon din!” Nagalit ako nang makita ko ang mabangis na hitsura ng mukha niya at sumagot ako, “Hindi ninyo pera iyon. Bakit pilit ninyong kinukuha iyon? Bakit gusto ninyong samsamin iyon?” Sinugod ako ng dalawang pulis at sinimulan nilang suntukin ang mismong mukha ko, at paulit-ulit nila akong binugbog nang may ilang pagtigil mula alas diyes ng gabi hanggang alas dose ng madaling-araw. Maga na ang buong mukha at ulo ko, umuugong ang mga tenga ko, at masakit ang buong katawan ko. Humiga ako sa sahig, ipinikit ang mga mata ko, at tahimik na nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas at bantayan ang puso ko, upang kahit na bugbugin ako hanggang sa mamatay ay hindi ko kailanman isuko ang pera ng iglesia, at hindi ako maging isang Judas kahit kailan. Nakita ng mga pulis na hindi ako nagsasalita, kaya’t dinala nila ako sa isang detention center at magdamag akong iniwanang nakaposas sa isang rehas na bakal.

Pagkatapos niyon ay ipinasok nila ako sa isang detention house. Sa sumunod na ilang araw, tatlong beses akong dinala ng mga pulis para kuwestyunin para alamin kung saan nakatago ang pera ng iglesia, at wala akong sinabi sa kanila ni anuman. Makalipas ang alas otso ng umaga ng Oktubre 17, muli akong ibinalik ng mga pulis sa Pambansang Brigada ng Seguridad, ipinosas ang mga kamay at paa ko sa isang bakal na upuan sa isang kwartong para sa interogasyon, at pagkatapos ay pilit inaalam kung nasaan ang pera. Wala pa rin akong sinabi. Kumuha ang isang pulis ng isang dobleng patong ng manipis na hiwang kawayan at sinimulan akong hatawin niyon sa ulo at sa itaas na bahagi ng katawan, at ginamit iyon para subukang pwersahang ibuka ang bibig ko. Kaliwa’t kanan na hinampas ang ulo ko. Nang hindi niya magawang ibuka ang bibig ko, mariin niyang piningot ang mga tenga ko habang malakas na hinihila ang mga iyon paitaas at isinisigaw ang, “May itinanong ako sa iyo! Bingi ka ba o ano? Akala mo ba ay pwede mo akong balewalain? Bubugbugin kita kung aasta kang tigasin, at makikita natin kung sino talaga ang tigasin!” Habang sinasabi ito, hinila niya ang mga patilya ko, at pagkatapos ay sinabunutan nang paatras-abante ang buhok sa tuktok ng ulo ko. Pakiramdam ko ay matutuklap na ang anit ko at labis akong nahilo. Walang-tigil nila akong pinahirapan hanggang sa bandang alas diyes ng gabing iyon, at matapos makitang talagang ayaw kong magsalita, malupit nilang sinabing, “Tapos na tayo ngayong araw, pero dapat mo itong pag-isipang mabuti ngayong gabi at bigyan mo kami ng mga sagot bukas!” May mga marka ako sa buong katawan mula sa pambubugbog nila sa akin at mahapdi ang likod ko sa sakit. Dahil hindi ko alam kung ano ang pinaplano nila para sa akin sa susunod na araw, medyo pinanghihinaan ako, kaya’t tahimik akong nagdasal, “Makapangyarihang Diyos! Pakiusap, protektahan Mo po ako at bigyan Mo po ako ng pananampalataya para hindi ako maging isang Judas o magtaksil sa Iyo, kahit na ang ibig sabihin po noon ay kamatayan ko.”

Noong sumunod na gabi, dumating ang kapitan ng Pambansang Brigada ng Seguridad para tanungin ako. Sinimangutan niya ako at sumigaw siya ng, “Nasa harapan na natin ang mga ebidensya pero ayaw mo pa ring umamin. Pinapayuhan kitang mag-isip-isip at magsalita na, kung hindi ay magbabayad ka!” Matapos makitang hindi pa rin ako nagsasalita, sa sobrang galit niya ay tumayo siya at kinuyom ang mga kamao niya nang may malademonyong hitsura ang mukha. Hindi ko talaga alam kung paano ko iyon kakayanin kung sisimulan niya akong suntukin gamit ang mga kamaong iyon! Agad akong nagdasal, “Makapangyarihang Diyos! Pakiusap, samahan Mo po ako at alisin Mo po ang takot ko. Patnubayan Mo po ako na tumayong saksi.” Pagkatapos ng panalangin ko ay may naalala akong sinabi ng Diyos: “Yaong mga nasa kapangyarihan ay maaaring mukhang masama sa tingin, ngunit huwag kayong matakot, sapagkat ito ay dahil maliit ang inyong pananampalataya. Hangga’t lumalago ang inyong pananampalataya, walang magiging napakahirap(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 75). Gaano man kalupit ang mga pulis, sila ay nasa mga kamay rin ng Diyos. Wala silang magagawa sa akin nang walang pahintulot ng Diyos, kaya’t alam kong kailangan kong sumandig sa Diyos para tumayong saksi. Pinalakas ng kaisipang ito ang aking pananampalataya at hindi na ako masyadong natakot. Noon din, isang kalbong pulis ang tumingin sa akin at sumigaw, “May mga inihanda kaming estratehiya kung hindi ka magsasalita! Dadalhin ka namin sa panlalawigang opisina at tiyak na mabubuksan ng mga lalaking iyon ang bibig mo.” Pero hindi pa rin ako nagsalita paano man nila ako tinakot.

Makalipas ang ilang araw ay dinala nila ako sa isa pang kwarto para sa interogasyon ng Pambansang Brigada ng Seguridad. Lahat ng apat na pader ay nababalutan ng napakakakapal na espongha at may nakalagay na bakal na upuan sa gitna ng kwarto. Iniupo ako ng isang pulis sa upuan, itinali ang mga kamay at paa ko roon, at pagkatapos ay tinanong ako tungkol sa kinalalagyan ng pera ng iglesia. Mabagsik niya akong tinanong, “Ibibigay mo ba ang 300,000 na iyon o hindi? Sa tingin mo ba ay ayos lang kung hindi ka magsasalita? Marami akong oras para sa iyo!” Kumuha siya ng isa sa mga hiwa ng kawayang iyon at sinimulan akong hatawin nang napakalakas sa itaas na bahagi ng katawan ko habang isinisigaw ang, “Bingi ka ba o ano? Narinig mo ba ako?” Tapos ay marahas niyang hinaltak pataas ang mga tenga ko at hinila nang malakas ang mga buhok sa sentido ko. Sinabunutan niya ang buhok sa tuktok ng ulo ko at iwinasiwas iyon paatras-abante sa pinakamalakas na kaya niya. Napakasakit niyon, na para bang mapupunit na ang anit ko. Pagkatapos niyon ay muli nila akong sinimulang hatawin ng kawayan at nagkaroon ako ng mga maga at duguang marka sa buong katawan ko. Napakahirap tiisin ng sakit. Labis akong napoot sa mga pulis na iyon at medyo natakot din ako, dahil hindi ko alam kung gaano katindi pa nila akong pahihirapan o kung makakayanan ko iyon. Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos ko, walang-tigil akong pinahihirapan ni Satanas, sinusubukang sirain ang determinasyon ko para pagtaksilan Kita at manakaw nila ang pera ng iglesia. Diyos ko, natatakot po akong hindi na ito makayanan ng katawan ko. Pakiusap, protektahan Mo po ako at bigyan Mo po ako ng pananampalataya.” Naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos pagkatapos ng panalangin ko, na tinatawag na “Ang Sakit ng mga Pagsubok ay Pagpapala ng Diyos”: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao. Ang mga pagsubok ay pagpapala mula sa Akin, at ilan sa inyo ang malimit na lumalapit sa Aking harapan at nakaluhod na nagmamakaawa para sa Aking mga pagpapala? Lagi ninyong iniisip na ang ilang mapapalad na salita ay maibibilang na Aking pagpapala, gayunman ay hindi ninyo kinikilala ang kapaitan bilang isa sa Aking mga pagpapala(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagdanas ng paniniil at paghihirap ay pagpeperpekto ng Diyos sa ating pananampalataya. Umaasa ang Diyos na ako ay makapagpapatotoo para sa Kanya sa harap ni Satanas. Gaano man katindi ang maging pagdurusa ko sa laman, hindi ako maaaring sumuko kay Satanas, bagkus ay kailangan kong tumayong saksi para sa Diyos at bigyang-lugod Siya. Nang isipin ko iyon sa ganoong paraan, pakiramdam ko ay hindi iyon masyadong mahirap, bagkus ay tumiim-bagang na lang ako at tiniis ang pagpapahirap nila. Pinagbantaan nila ako nang makita nilang hindi pa rin ako nagsasalita matapos nila akong bugbugin nang sampu o labinlimang minuto: “Ni isang salita ay wala kang sinasabi—hindi ka ba natatakot makulong? Kung makukulong ka ay magiging permanenteng bahid iyon. Kahit kailan ay hindi makakapagtrabaho ang mga anak mo sa gobyerno o makakasali sa Partido. Masisira mo ang mga kinabukasan nila!” Hindi ako naapektuhan ng sinabi nila dahil alam ko sa aking puso na ang kapalaran ng mga tao ay lubos na nasa mga kamay ng Diyos. Ang kinabukasan ng mga anak ko ay nakasalalay sa paghahari at mga pagsasaayos ng Diyos, at walang magagawa roon ang mga pulis. Noon din, tinawagan ng isa sa mga pulis ang anak ko, at narinig ko ang boses niya mula sa kabilang linya: “Papa! Ayos lang po ba kayo ni Mama riyan?” Sinabi ko sa kanya, “Ayos lang kami, huwag kang mag-alala. Diyan ka lang sa bahay at alagaan mo ang kapatid mo.” Sumubok ang mga pulis ng isa pang taktika nang makita nilang hindi gumana ang isang iyon. Sabi nila, “Tatapatin kita. Magkababayan kami ng bayaw mo at nagtatrabaho kami sa iisang unit. Magkasama rin kaming nagsilbi sa militar ng sekretarya ng bayan mo. Ipinagtanung-tanong kita at sinasabi ng lahat na mabuti kang tao, kaya sabihin mo na lang sa amin ang nalalaman mo at pakakawalan ka na namin.” Dahil nakatitiyak akong isa itong panlilinlang ni Satanas, tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na ingatan ang puso ko. Nang hindi ako sumagot, nagpatuloy siya: “Nagsalita na ang asawa mo, kaya sabihin mo na lang sa amin ang gusto naming malaman. Nasaan ang 300,000 na iyon?” Sabi ko, “Wala akong sasabihin.” Sinimulan ulit nila akong pahirapan nang makita nilang hindi gumagana ang mga pang-aakit nila.

Isang gabi ay ayaw nila akong payagang kumain o matulog, at sa sandaling ipikit ko ang aking mga mata, sisimulan nila akong tapikin ng kawayan sa ulo. Kung medyo nakahukot ang likod ko, hahatawin nila iyon nang napakalakas. Oktubre noon, kaya’t napakaginaw ng mga gabi at isang kamiseta at amerikana lang ang suot ko. Pagsapit ng madaling araw ay nangangatog na ang buong katawan ko sa sobrang ginaw. Sumigaw ang isa sa mga pulis, “Huwag mong isiping magiging madali ang lahat kung hindi ka magsasalita. Mamamatay kang nahihirapan!” Medyo pinanghinaan ako nang marinig ko ito. Hindi ko alam kung gaano katagal pa nila akong pahihirapan o kung patuloy ko iyong makakayanan. Walang-tigil akong nagdarasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako at bantayan ako. Nagpasya rin ako na anuman ang haharapin ko, hinding-hindi ko magagawang pagtaksilan ang Diyos. Ang mga pulis na nagpapalitan ng oras ng trabaho noong panahong iyon ay talagang makakapal ang suot at lahat sila ay sinipon, pero kahit na manipis na damit lang ang suot ko at buong gabi nila akong pinahirapan, maayos ang lagay ko. Nagpasalamat ako sa Diyos sa pag-aalaga Niya. Nagreklamo sa akin ang isang pulis habang umuubo, “Kasalanan mo itong sipong nakuha ko!” Tapos ay lumapit ang isa sa kanila at sinampal ako nang napakalakas sa kaliwang pisngi na nakakita ako ng mga bituin. Pakiramdam ko ay umikot ang buong kwarto. May isa pa na tawa nang tawa sa gilid, tapos ay lumapit siya at sinampal ako nang napakalakas sa kanang pisngi ko, sumisigaw ng, “Magsasalita ka ba o ano? Nasaan ang perang iyon? Nagkasakit kaming lahat dahil sa interogasyong ito. Bubugbugin ka na lang namin hanggang sa mamatay ka at ayos na kami roon!” Habang sinasabi ito ay itinulak niya nang napakadiin ang mga posas sa mga pulso ko, tapos ay ilang beses na mariing siniko ang mga posas hanggang sa malalim na iyong nakabaon sa laman ko. Pakiramdam ko ay mapuputol na ang mga kamay ko. Hindi nagtagal ay nangitim na ang mga iyon—namimilipit ako sa sakit, nanginginig ang buong katawan ko, at tumatagaktak ang pawis ko. Hindi mailalarawan ang ganoong klase ng sakit. Sa sandaling iyon, pakiramdam ko ay nasa pinakahangganan na ako ng kaya kong tiisin, kaya’t paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan ako para makapanindigan ako. Nakikita ang nasasaktan kong hitsura, tinuya ako ng isang pulis na nakatayo sa gilid, “Naniniwala ka sa Diyos, tawagin mo ang Diyos mo para iligtas ka!” Alam kong sinusubukan ako ni Satanas. Iniisip ko na gustong gumamit ng Partido Komunista ng pagpapahirap para itulak akong pagtaksilan at itanggi ang Diyos, pero habang lalo ako nitong inuusig, mas malinaw kong nakita ang masama nitong mukha ng pagkapoot at paglaban sa Diyos, at lalo akong naging determinadong sumampalataya at sumunod sa Diyos. Tapos ay nagdasal ako, “Diyos ko! Ang brutal na pagpapahirap sa akin ng Partido Komunista ngayong araw ay isang bagay na pinahihintulutan Mong mangyari para makita ko na ito ang demonyong si Satanas, na ito ang kaaway Mo. Handa po akong talikdan ito at tanggihan ito mula sa aking puso, at matibay po ang pasya kong sumunod sa Iyo!”

Pagkatapos niyon, isang pulis ang ilang beses na tumapak nang napakariin sa mga posas ko gamit ang takong ng sapatos niya, ibinabaon ang mga iyon nang malalim sa laman ng mga pulso ko. Napakatindi ng sakit na iyon na ni hindi ako makahinga. Makalipas ang isang oras ay nagsimula nang mangitim ang mga kamay ko at namaga ang mga ugat sa buong katawan ko. Pakiramdam ko ay sasabog na ang ulo ko at pati ang puso ko ay masakit. Ang buong katawan ko ay may sakit na ni hindi ko mailarawan. Natakot ako na sa huli ay hindi ko na magamit ang mga kamay ko kung magpapatuloy iyon. Naisip ko ang tatay ko na tumatanda na at nangangailangan ng pag-aalaga at ang mga anak kong babae at lalake na pinapalaki pa namin. Paano ko sila maaalagaan, bata at matanda, kung mawawala ang mga kamay ko? Baka pwedeng magsabi na lang ako sa kanila ng mga bagay na hindi mahalaga? Pero alam ko na ang pagtataksil ay mangangahulugang magiging makasalanan ako sa lahat ng kapanahunan. Pero hindi ko na talaga kayang tiisin ang pagpapahirap na iyon, at gusto ko na lang mamatay para tapusin na ang pagdurusa, at sa ganoong paraan ay hindi ko rin mapagtataksilan ang Diyos. Gusto kong saksakin ang sarili ko gamit ang gilid ng mesa para mamatay na ako at tapusin na ito. Lumuluha, sinambit ko ang huling panalangin ko sa Diyos: “Makapangyarihang Diyos! Sa pamamagitan ng Iyong biyaya ko naranasan ang gawain Mo sa mga huling araw. Ayaw ko pong mamatay nang ganito kaaga, pero hindi ko na po talaga kaya ang pagpapahirap ni Satanas at natatakot po akong humantong ako sa pagtataksil sa Iyo. Ayaw ko pong saktan Ka.” Habang nagdarasal ay naisip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Pinalakas ng mga salita ng Diyos ang aking pananampalataya. Pinahihintulutan ng Diyos na pagdaanan ko ang sakit na iyon para gawing perpekto ang aking pananampalataya, pero hindi nauunawaan ang kalooban ng Diyos, hindi ko inisip kung paano tumayong saksi para sa Diyos sa harap ni Satanas. Inisip ko lang kung paano makatatakas sa sitwasyong iyon. Napakamakasarili ko talaga! Alam kong hindi ako pwedeng mamatay sa ganoong paraan—hangga’t may nalalabi pang isang hininga sa akin, kailangan kong tumayong saksi para sa Diyos! Nagdasal ako, “Diyos ko, ang aking buhay ay nasa Iyo pong mga kamay at gusto ko pong magpasakop sa kung anong ipinaplano Mo po para sa akin. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananampalataya at protektahan Mo po ako upang makaya kong manatiling malakas.” Nakita ng mga pulis na wala silang makukuhang anuman sa akin at nananakot nilang sinabing, “Pag-isipan mo itong mabuti ngayong gabi, at babalik kami bukas para tanungin ka ng ilang katanungan.”

Sa puntong iyon ay tatlong araw at dalawang gabi na akong walang kahit kaunting tulog. Bibigay na ako dahil sa hapo, masakit ang puso ko, at napakasakit ng buong katawan ko na hindi ko na ito matiis. Buong gabi akong hindi makatulog dahil sa pag-iisip na tatanungin ako ng mga pulis kinabukasan, walang-tigil na nagdarasal sa Diyos, “O Diyos! Natatakot po akong patuloy akong pahihirapan ng mga pulis bukas at hindi na iyon makakayanan ng katawan ko. Diyos ko, pakiusap, protektahan Mo po ako at bigyan Mo po ako ng pananampalataya at lakas. Gusto ko pong tumayong saksi at ipahiya si Satanas.” May naalala akong mula sa mga salita ng Diyos pagkatapos ng aking panalangin: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, na mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi ito hinahayaang maging marupok o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t maaaring mapait ang iyong pagluha o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Pinag-isipan ko ang mga salita ng Diyos at nalaman kong pinahihintulutan Niya na mangyari iyon sa akin para subukin kung mayroon akong tunay na pananampalataya o wala, at para bigyan ako ng pagkakataong tumayong saksi para sa Diyos. Naisip ko si Job na sinusubok ni Satanas, nawawalan ng lahat ng pag-aari niya, mga anak niya, at tinutubuan ng mga bukol sa buong katawan. Gayunpaman, hindi sinisi ni Job ang Diyos, bagkus ay pinuri ang Kanyang pangalan, nagbibigay ng tumataginting na patotoo para sa Diyos. Nagdanas din si Pedro ng pag-uusig at handang-handa siyang maipako nang patiwarik sa krus alang-alang sa Diyos, minamahal ang Diyos at nagpapasakop sa Kanya hanggang sa punto ng pagbubuwis ng kanyang buhay. Pero pagkatapos ng kaunting malupit na pagpapahirap ng ilang pulis, ang naisip ko lang ay ang sarili kong laman at gusto ko nang tumakas pagkatapos lang ng kaunting pagdurusa. Wala akong tunay na pananampalataya at pagsunod sa Diyos, lalo na ng anumang patotoo. Lalo akong nahiya nang mas inisip ko iyon at nagdasal ako, “Diyos ko, walang halaga ang buhay ko. Anuman po ang gawin sa akin ng mga pulis pagkatapos nito, gaano man katinding pisikal na pagdurusa ang kailangan kong pagdaanan, ayaw ko nang isipin lang ang aking sarili. Gusto ko pong ilagay ang aking sarili sa Iyong mga kamay, at magpasakop sa Iyong mga pangangasiwa at pagsasaayos.” Pagkatapos ng panalangin na iyon, may kamangha-manghang nangyari—lahat ng sakit sa katawan ko ay basta na lang nawala at pakiramdam ko ay biglang ang gaan-gaan ko. Taos-puso akong nagpasalamat sa Diyos. Kinabukasan ng bandang alas otso ng umaga ay bumalik ang mga pulis para tanungin ako, pilit na inaalam kung nasaan ang pera, pero paano man nila ako pagtatanungin ay sinasabi ko lang na hindi ko alam. Dumaan sila sa ilan pang serye ng interogasyon, at nang wala pa rin silang makuhang kapaki-pakinabang na impormasyon sa akin, iniwanan nila ako ng huling salita, “Manabik ka sa kulungan!” Naisip ko na kahit manatili ako sa kulungan hanggang sa dulo ng buhay ko, hinding-hindi ko pagtataksilan ang Diyos.

Pagkatapos akong ikulong nang isang buwan, sa huli ay binigyan nila ako ng isang taon ng muling pagtuturo sa pamamagitan ng pagtatrabaho, pinapatawan ako ng kasong “paggamit ng isang kultong organisasyon para pahinain ang pagpapatupad ng batas.” Nang makita ko kung gaano katindi ang pagkamuhi ng Partido Komunista sa mga taong may pananampalataya, naalala ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! … Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit hindi hinahayaan ang Diyos na malayang gumala sa ibabaw ng lupa na nilikha Niya? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Nasaan ang init sa gitna ng mga tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sinusubukan ng Partido Komunista na magmukhang puno ito ng kabanalan at moralidad, dumadaldal tungkol sa kalayaan ng relihiyon habang sa buong pagkakataon ay palihim na gumagamit ng mga taktika para arestuhin at usigin ang mga hinirang na tao ng Diyos, mapagmalaking iniisip na kaya nilang lipulin ang mga mananampalataya. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at ang pagkakaroon natin ng pananampalataya at pagsamba natin sa Diyos ay tama at natural, pero di-makatwiran tayong inaaresto at inuusig ng Partido Komunista, sinusubukan tayong itulak na tanggihan at pagtaksilan ang Diyos. Nakikita ko na ang paglalagay sa Partido Komunista sa kapangyarihan ay paglalagay kay Satanas sa kapangyarihan—ang Partido ay napopoot sa katotohanan at napopoot sa Diyos. Ito ay, sa totoo lang, ang demonyong si Satanas na napopoot sa Diyos. Dati ay hinding-hindi ko makita ang malademonyong diwa ng Partido Komunista, pero binigyan ako ng kaunting pagkakilala ng pag-arestong iyon at nagawa kong talikdan at tanggihan iyon mula sa puso. Lalo rin akong naging determinado sa aking paniniwalang sumunod sa Diyos.

Dinala ako sa isang kampo ng puwersahang pagtatrabaho noong Nobyembre 9, 2009 kung saan inutusan ng mga pulis ang dalawa pang preso na bantayan ako. Kahit kailan ay hindi sila umalis sa tabi ko, at kailangan kong magpaalam sa kanila para lang gumamit ng banyo. Hindi ako pinayagan ng mga guwardya sa bilangguan na makipag-usap sa kahit kanino, natatakot na ibabahagi ko ang ebanghelyo sa isang tao, at araw-araw ay kailangan kong bigkasin ang mga panuntunan ng bilangguan. Kapag nagkamali ako sa pagbigkas ko, kailangan kong tumayo bilang parusa. Napakabigat na trabaho ang ginagawa ko mula umaga hanggang gabi araw-araw, at kung hindi ko natapos ang mga gawain ko ay mamumura ako, mabubugbog, at kakailanganin kong gawin ang umiiral na parusa. Ang ipinapakain nila sa akin ay mas masahol pa sa kaning-baboy na ipapakain mo sa baboy. Sa bawat pagkain ay nakatatanggap lang ako ng maliit na tinapay at kaunting malabnaw na sopas na mayroon lang isang piraso ng carrot na sinlaki ng maliit na daliri. Palagi akong nagtatrabaho nang walang laman ang tiyan. Sa tuwing miserable at nalulumbay ang pakiramdam ko, nagdarasal ako sa Diyos o mahinang humuhuni ng mga himno ng mga salita ng Diyos sa sarili ko. Sa ganoong paraan ko nalagpasan ang taon na iyon ng buhay-bilangguan.

Pagkalabas sa bilangguan ay binalaan ako ng mga pulis, “Hindi ka pwedeng mapalayo sa bahay mo sa loob ng isang buong taon. Kailangan ay handa kang magpakita sa sandaling tawagan ka namin.” Nalaman ko pagkauwi ko na pagkatapos arestuhin ang asawa ko, walang-tigil din siyang pinagtatanong ng mga pulis kung saan nakatago ang pera ng iglesia. Wala siyang kahit anong sinabi sa kanila at napakawalan mula sa isang detention house matapos ibilanggo ng 23 araw. Nang walang makuhang anumang impormasyon ang mga pulis kung nasaan ang pera, pumunta sila sa bahay namin para halughugin iyon nang dalawang beses, tinutungkab pa nga ang mga kisame namin at tinatanong nang matindi ang dalawa naming anak tungkol sa pananampalataya namin. Pumunta pa nga sila sa eskwelahan ng anak kong lalake para guluhin siya. Labis na natakot ang mga anak namin, palagi silang kinakabahan at kahit kailan ay hindi nila naramdamang ligtas sila. Nang makita ko kung paanong hindi man lang nagawang pabayaan ng mga pulis na iyon ang dalawang bata para lang mapasakamay ang kaunting pera, napuno ako ng poot sa mga demonyo ng Partido Komunista na iyon. Nang makalabas ako, napigilan ako ng pagmamanman ng mga pulis na magbasa ng mga salita ng Diyos o dumalo sa mga pagtitipon. Wala akong magawa kundi lumabas ng bayan para magbahagi ng ebanghelyo at gawin ang aking tungkulin. Hanggang sa araw na ito ay tinutugis pa rin ako ng mga pulis, at patuloy nilang pinipilit ang mga kamag-anak at mga kapatid na dati kong nakakausap na magbigay ng impormasyon sa kinalalagyan ko.

Dumanas ako ng ilang pisikal na pagdurusa sa pamamagitan ng pag-uusig at paghihirap na ito, pero tunay kong naranasan ang pagmamahal ng Diyos. Noong pinahihirapan ako, sa tuwing bibigay na ako, ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas at nagpakita sa akin ng daan para manindigan. Ang mga salita rin ng Diyos ang nagdulot sa akin na matukoy ang mga panlilinlang ni Satanas at mapagtagumpayan ang mga sunud-sunod na tukso ni Satanas. Sa lahat ng ito, nagawa kong makita ang kapangyarihan at awtoridad ng mga salita ng Diyos at na ang Diyos lang ang makapagliligtas sa sangkatauhan. Lumago ang pananampalataya ko sa Diyos. Malinaw ko ring nakita ang masamang mukha ng Partido Komunista, na napopoot ito sa Diyos at gumagawa laban sa Kanya. Nagawa ko itong talikdan at tanggihan mula sa kaibuturan ng aking puso. Gaano man katinding pag-uusig at paghihirap ang daranasin ko sa hinaharap, talagang gagawin ko ang tungkulin ko para bigyang-lugod ang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Dalawang Dekada ng Paghihirap

Ni Wang Qiang, TsinaNaging Kristiyano ako noong 1991, at pagkatapos ng ilang taon, naging mangangaral ako ng iglesia. Noong 1995, dinakip...