Dalawang Dekada ng Paghihirap
Naging Kristiyano ako noong 1991, at pagkatapos ng ilang taon, naging mangangaral ako ng iglesia. Noong 1995, dinakip ako ng mga pulis sa Political Security Section ng Public Security Bureau ng probinsya, ginigiit na malaman kung saan ako nangangaral at kung sino ang lider ko. Kapag hindi ako sumasagot, sinusuntok at sinisipa nila ako, at pinahihirapan ako nang apat o limang oras, iniiwan akong puno ng pasa. Pagkatapos ay ikinulong nila ako sa detention house ng probinsya. Pinahirapan ako ng pulis at ng iba pang mga bilanggo sa loob ng 42 araw, iniwan akong nasa bingit ng kamatayan. Kalaunan ay ginamit ng asawa ko ang ilang koneksyon at nagbayad ng multa na halos 10,000 yuan para mapalaya ako. Hindi ko maintindihan. Bilang mga mananampalataya na nagbabahagi ng ebanghelyo, ginabayan namin ang iba na sundin ang mga turo ng Panginoon, maging mabubuting tao, maging mapagparaya, at mahalin ang iba gaya ng pagmamahal sa sarili. Bakit kami uusigin ng Partido Komunista nang napakalupit? Pagkatapos magkaroon ng pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, sa pamamagitan ng mga paghahayag sa mga salita ng Diyos at personal na karanasan, nagkamit ako ng pagkakilala sa demonyong diwa ng CCP ng pagkapoot sa katotohanan at pagsalungat sa Diyos.
Isang araw noong Disyembre 1999 habang nag-aalmusal kami ng asawa ko, tatlong opisyal ang biglang pumasok. Isa sa kanila ay isang pulis na umaresto sa akin noon dahil sa aking pananampalataya sa Panginoon. Ilang beses na nagtaas-baba ang tingin niya sa akin at mariing sinabi, “Iniulat ka dahil sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos at pangangaral ng ebanghelyo. Hindi ka talaga natuto ng leksiyon mo!” Pagkatapos niyon, hinalughog nila ang buong lugar sa loob at labas, ginawa ang lahat ng kanilang makakaya para may mahanap. Nagpatuloy ito nang mga isang oras, at nilisan nila ang bahay ko nang sobrang gulo, pero walang nakitang anumang mga libro o materyal tungkol sa pananampalataya. Pagkatapos ay isinakay nila ako sa isang kotse para dalhin sa istasyon ng pulis. Habang nasa daan, sumagi sa isip ko ang sunod-sunod na eksena noong una akong naaresto at pinahirapan. Medyo natakot ako, inisip ko, “Talagang napopoot ang mga demonyong iyon sa mga mananampalataya, kaya paano nila ako pahihirapan?” Tahimik akong nanalangin sa Diyos at may naalala akong sinabi Niya: “Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo sa Akin at mag-alay ng kanilang buhay para sa Akin. Matagal Ko na itong naitadhana” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Totoo—may pahintulot ng Diyos ang pag-aresto sa akin noong araw na iyon, at kung gaano ako magdudusa, kung mabubuhay man ako o mamamatay, ay lahat nasa mga kamay ng Diyos. Kailangan kong magpatotoo. Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas, at mas kumalma ang pakiramdam ko.
Dinala muna nila ako sa istasyon ng pulis para kapkapan ako at tanungin ako, pero nang makitang hindi ako magsasalita, dinala nila ako sa Public Security Bureau ng probinsya. Doon, pinalibutan ako ng ilang pulis, pinagsusuntok at pinagsisipa ako, at ang ilan ay binatuta ako. Bumagsak ako sa sahig dahil sa pambubugbog nila. Dumudugo ang ilong at bibig ko, punit-punit ang damit ko, at nahihilo ako. Wala man lang akong lakas para tumayo. Pagkatapos, hinawakan ako ng punong opisyal sa leeg at sinabing, “Kung hindi ko ipapakita sa iyo ang dapat mong malaman, hindi mo makikilala kung sino ang kinakalaban mo! Magsalita ka! Sino ang lider mo? Kani-kanino ka na nakapangaral?” Medyo kinakabahan ako. Kung hindi ako magsasalita, tiyak na patuloy nila akong bubugbugin, at kung magpapatuloy iyon, naisip kong maaari akong maging baldado o mamatay. Nanalangin ako sa Diyos sa puso ko, hinihiling ang Kanyang proteksyon at patnubay. Pagkatapos ay naisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Napagtanto ko na nagmumula kay Satanas ang pagkamatakutin ko, at gaano man kabangis ang mga pulis, maaari lamang nilang sirain at pahirapan ang aking laman, pero hindi nila mahahawakan ang aking kaluluwa. Kahit na bugbugin nila ako hanggang kamatayan sa araw na iyon, ang kaluluwa ko ay nasa mga kamay ng Diyos. Nabigyan ako ng pananalig at lakas ng isiping ito, at hindi ko ipagkakanulo ang Diyos o pagtataksilan ang mga kapatid ko, kahit na nangangahulugan ito ng kamatayan. Napatiim-bagang ako at hindi umimik. Hindi ako sumasagot pagkatapos nila akong tanungin nang ilang beses, kaya sinipa nila ako sa sahig, pagkatapos ay kumuha ng batuta, inilagay ito sa sementadong sahig, at pinahila ako sa dalawang tao at pinilit na lumuhod dito. Nagdulot ng matinding sakit ang pagdiin sa mga buto ng lulod ko at pumapatak ang mga luha mula sa mga mata ko. Marahas na tinapakan ng isang pulis ang mga binti ko nang ilang beses, na sa sobrang sakit ay napasigaw ako at bumagsak sa sahig, yakap-yakap ang mga tuhod ko. Bumulyaw ang pulis, “Tumayo ka!” Pero hindi ko maigalaw ang mga binti ko—wala akong lakas na tumayo. Sa sobrang miserable ng pakiramdam ko, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, halos hindi ko na kakayanin ito at hindi ko alam kung paano pa nila ako pahihirapan. Diyos ko, ayaw ko pong ipagkanulo Ka—pakiusap bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas.” Noon lang naisip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Nakatanggap na ba kayo ng mga pagpapalang ibinigay sa inyo? Naghanap na ba kayo ng mga pangakong ginawa para sa inyo? Siguradong kayo, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, siguradong hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng Aking liwanag. Siguradong kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng nilikha. Siguradong kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Siguradong tatayo kayo, sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, sa gitna ng napakaraming tao, bilang patunay sa Aking tagumpay. Siguradong kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at siguradong magniningning sa inyo ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19). Pinagtibay ng mga salita ng Diyos ang aking pananalig at lakas. Kailangan kong tunay na sumandal sa Diyos, at nang may patnubay ng Kanyang mga salita, tiyak na magtatagumpay ako laban kay Satanas at makakapanindigan sa aking patotoo. Pagkatapos ng anim o pitong oras ng karumal-dumal na pagpapahirap, bugbog-sarado ako at luray-luray na ang kaliwa kong binti. Dahil hindi pa rin ako nagsasalita, dinala ako ng pulis sa isang detention house. Nakita ng mga tauhan doon na lubha akong sugatan at ayaw nila akong tanggapin, at saka lang sila pumayag na tanggapin ako matapos makipag-areglo ang pulis nang ilang sandali.
Dinala nila ako sa isang selda kung saan may naamoy akong mabaho. Maliit ito na humigit-kumulang sa 10 metrong kuwadrado na may ilang marumi at mabahong kumot sa loob nito at may isang inidoro. Labinlima o labing-anim na tao ang kumakain, umiinom, natutulog, dumudumi, at umiihi doon—mamasa-masa roon at magulo. Mabangis akong tiningnan ng ibang mga bilanggo. Talagang kinakabahan ako at walang tigil na nananalangin sa Diyos. Naalala ko ang isang bagay na sinabi Niya: “Huwag matakot, sapagkat ang Aking mga kamay ay umaalalay sa iyo, at ilalayo kita mula sa lahat ng masasama” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 28). Pinagaan ng mga salita ng Diyos ang pakiramdam ko at binigyan ako ng pananalig, at hindi na ako gaanong kinabahan. Kinabukasan, sadyang nakipag-away ang punong bilanggo at ipinabugbog niya ako sa iba, iniwan akong pagulong-gulong sa lupa. Napabaluktot ang katawan ko dahil sa sakit at hindi ako makagalaw. Pagkatapos niyon, paminsan-minsan akong tinatanong ng mga pulis, iginigiit na pagtaksilan ko ang iglesia, at kapag wala silang nakukuhang anuman sa akin, gumagamit sila ng mga hindi gaanong direktang taktika. Isang beses, dumating ang tiyuhin ng asawa ko na si Li para tanungin ako. Tagapamahala siya ng mga materyal sa Political Security Section ng Public Security Bureau. Tinanong niya ako, nagkukunwaring nag-aalala, “May mga bilanggo bang nambubugbog sa iyo? Nakakakain ka ba nang sapat?” Pagkatapos ay pinabilhan niya ako sa isa pang opisyal ng siopao at ilang pakete ng sigarilyo. Bumuntong-hininga siya at sinabi nang may pag-aalala, “Kung hindi ka magtatapat, malamang na makukulong ka, at hindi kita matutulungan. Kung magtatapat ka, baka maabutan mo pa ang Bagong Taon pag-uwi mo. Pag-isipan mo!” Nang sabihin niya iyon, inisip ko na nasa edad setenta na ang mga magulang ko at mag-isang nag-aalaga ang asawa ko ng tatlong maliliit na bata. Paano sila makakaraos kung talagang makukulong ako nang tatlo hanggang limang taon? Parang impiyerno ang mga kulungan ng Partido Komunista at anumang oras ay maaari kang pahirapan hanggang mamatay. Anong gagawin nila kung mamatay ako? Mas lalo akong nalungkot habang mas iniisip ko ito, kaya nanalangin ako, hinihiling sa Diyos na bantayan ako. Naisip ko ang siping ito mula sa mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin; dapat nilang matulungan ang isa’t isa at tustusan ang isa’t isa, upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Pinukaw ako ng mga salita ng Diyos. Nais ng pulis na gamitin ang pagmamahal ko para sa aking pamilya at ang mga kahinaan ng laman para ipagkanulo ko ang Diyos. Napakatuso nito! Muntik na akong malinlang nito. Ang Diyos ang nagbigay ng buhay ko, at nasa Kanya na kung mabubuhay man ako o mamamatay. Ang kapalaran ng mga magulang ko at ng asawa ko ay nasa mga kamay din ng Diyos—Siya ang may huling salita. Kung makukulong man talaga ako, ito ay may pahintulot ng Diyos. Kailangan kong manindigan kahit na bawian ako ng buhay! Kaya sinabi ko sa kanya, “Nasabi ko na ang lahat ng sasabihin ko, at wala na akong ibang nalalaman pa.” Nang hindi gumana ang kanyang munting panlilinlang, saglit niya akong pinanlisikan ng mata, at pagkatapos ay galit na umalis.
Palaging sinasabi ng mga guwardiya ng bilangguan sa iba pang mga bilanggo na pahirapan ako sa maraming paraan, tulad ng “pagkain ng dumpling,” “pagtingin sa salamin,” “pagkain ng siko,” at pagbigkas ng mga panuntunan sa bilangguan. Ang “pagkain ng dumpling” ay pagbalot sa akin sa kobre kama, at pagkatapos ay pagsusuntukin at pagsisipain ako ng iba, iiwanan akong nahihilo at wala sa huwisyo. Ang “pagtingin sa salamin” ay paglagay ng ulo ko sa inodoro kung saan may ihi at dumi, at mabubulunan ako nito kung hindi ako mag-iingat. Ang “pagkain ng siko” ay pagsiko sa likod ko. Isa pa, pinabibigkas nila sa akin ang mga panuntunan sa bilangguan, at kapag nagkakamali ako sa isang salita, tinatanggal nila ang pantalon ko at gumagamit sila ng sapatos na may plastik na suwelas para hampasin ako hanggang sa magkaroon ako ng mga madugong paltos sa puwitan ko. Bukod pa riyan, madalas na araw at gabi akong pinagtatrabaho ng mga guwardiya ng bilangguan. May mga sugat ako kaya dahan-dahan ako magtrabaho, at patuloy akong binibigyan ng marami pang gawain ng ibang mga bilanggo. Mabubugbog ako kung hindi ko matatapos ang mga ito. Talagang napakasakit at nakapanlulumo para sa akin na maharap sa ganitong uri ng pagpapahirap. Kung minsan ay masyado akong nanghihina na gusto ko nang mamatay, para wakasan ang pagdurusang iyon. Palagi akong nananalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bantayan ang puso ko. Isang araw, biglang sumagi sa isip ko ang pagkakapako sa krus ng Panginoong Jesus. Ang Diyos ay kataas-taasan, banal at walang kasalanan, at Siya ay personal na nagkatawang-tao at pumarito upang gumawa, para iligtas ang sangkatauhan, pero ipinako Siya sa krus. Ngayon ay muling nagkatawang-tao ang Diyos, pumarito para gumawa sa Tsina, at ganoon din, dinaranas Niya ang pagtanggi, paninirang-puri, pagkondena, at kalapastanganan ng sangkatauhan. Tinutugis din Siya ng Partido Komunista. Pero gayon pa man, patuloy Siyang nagpapahayag ng mga katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa tao! Isa akong mananampalataya na naghahangad ng kaligtasan—ano ba ang halaga ng maliit na pagdurusang ito? Bukod pa rito, ang magdusa ay ang magkaroon ng bahagi sa kaharian ni Cristo, at sa Kanyang paghihirap. Labis ang kaluwalhatian nito. May halaga at kahulugan dito. Nanumbalik ang pananalig at lakas ko nang mapagtanto ito, at hindi na ako gaanong miserable, gaano man ako pahirapan ng mga bilanggo.
Pagkatapos ng almusal isang araw, dinala ako ng ilang pulis sa isang palengke mga 5.5 milya ang layo mula sa bahay ko, at pagkatapos ay inilagay nila ako at ang isang dosenang iba pang bilanggo sa isang entablado. Napagtanto ko na nagsasagawa sila ng isang rally ng pagtuligsa. Isang hanay ng mga kadre ng Public Security Bureau ng probinsya ang nakaupo sa entablado, at siksikan ang mga tao sa ibaba. Marami sa kanila ang nagbubulungan at tinuturo ako. Nag-init ang mukha ko, bumilis ang tibok ng puso ko, at hindi ako naglakas-loob na iangat ang ulo ko. Iniisip ko na marami-rami sa mga kamag-anak, kaibigan, at kakilala ko ang nasa lugar na iyon, pati na rin mga katrabaho sa dati kong denominasyon. Ano kaya ang iisipin nila kapag makita akong nililitis na may karatula sa leeg ko kasama ng iba pang mga bilanggo? Paano ko maihaharap ang mukha ko pagkatapos niyon? Habang mas pinag-iisipan ko iyon, mas lumalala ang pakiramdam ko, kaya nanalangin ako at humingi sa Diyos ng lakas. Naisip ko ang ilang salita mula sa Diyos: “Umaasa Ako na lahat ng tao ay makapagpatotoo nang malakas at matunog sa Akin sa harap ng malaking pulang dragon, na maialay nila ang kanilang sarili sa Akin sa huling pagkakataon, at matupad ang Aking mga kinakailangan sa huling pagkakataon. Talaga bang magagawa ninyo ito?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 34). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananampalataya at lakas. Bilang mga mananampalataya, kami ay nasa tamang landas. Hindi kami lumalabag sa mga batas o gumagawa ng masasama, kaya walang dapat ikahiya. Ang kahihiyan na kinakaharap ko ay ang pagdusahan ang pag-uusig para sa pagiging matuwid. Dapat ko itong ipagmalaki. Napakalma ako ng isiping ito. Sa huli ay kinasuhan nila ako ng “labag sa batas na pananampalataya” at “panggagambala sa kaayusan ng lipunan,” at binigyan ako ng tatlong taon ng re-edukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Nang makita ko ang lahat ng nagkukunwaring banal at mayayabang na mukha sa entablado, kinamuhian ko ang mga demonyong iyon sa bawat hibla ng pagkatao ko, at nanumpa ako na kahit sentensiyahan nila ako ng 30 taon, hindi lang tatlo, hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos, hinding-hindi yuyuko kay Satanas!
Ipinadala ako sa isang labor camp dalawang araw pagkatapos ng rally ng pagtuligsa. Doon, itinalaga ako sa isang lugar ng konstruksyon para maghukay ng mga kanal at kailangan kong maglipat ng semento at buhangin sa isang karetilya. Kinailangan kong gumawa ng ganoong uri ng mabigat na trabaho sa loob ng isang dosenang oras o higit pa araw-araw. Kung minsan ay mabagal ako magtrabaho dahil may sugat ang binti ko, at binubugbog ako ng correctional officer kapag napapansin niya. Nanghina ako sa isiping kailangan kong manatili roon nang tatlong taon. Hindi ko alam kung paano malalampasan iyon o kung makakalabas ba ako nang buhay. Noong panahong iyon ay madalas akong nananalangin sa Diyos at iniisip ang pagmamahal Niya. Talagang nakaaantig para sa akin na isipin ang pasakit at kahihiyan na dinanas Niya para iligtas tayo—isang sangkatauhan na ginawang tiwali. Dahil dito, naging handa akong magpasakop, at gusto kong sundin ang Diyos hanggang sa wakas, gaano man ako magdusa.
Pagkaraan ng ilang panahon, nalaman kong may isang bilanggo na nagngangalang Shang Jin na isang mananampalataya sa Panginoon, at dahil pareho kaming Kristiyano, nag-uusap kami tungkol sa aming pananampalataya kapag nagkakaroon kami ng pagkakataon. Nakita ko na may mabuting pagkatao si Brother Shang Jin at nananabik sa pagbabalik ng Panginoon, kaya gusto kong ibahagi sa kanya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Pero natapos na ang sentensiya niya at pinalaya na siya bago ako nagkaroon ng pagkakataon. Nanghinayang ako dito at nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na magbukas ng isang landas para magkaroon ako ng pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo kay Shang Jin. Hindi nagtagal pagkatapos ng kanyang paglaya, nagtatrabaho ako sa lugar na pinagtatrabahuhan tulad ng lagi kong ginagawa. Isang araw, masakit ang tiyan ko at madalas na kailangan kong gumamit ng banyo. Napansin kong hindi masyadong mataas ang dingding ng banyo at may malaking pabrika sa kabila nito. Noong nasa banyo ako, may guwardiya sa labas na nagbabasa ng dyaryo. Hindi ako sigurado kung pagbubukas iyon ng Diyos ng landas para sa akin, kaya nagdasal ako. Pagkatapos magdasal, nakatiyak ako sa puso ko na binibigyan ako ng Diyos ng daan palabas, kaya tumalon ako sa pader at pumasok sa pabrika habang abala ang guwardiya. Mabilis kong hinubad ang uniporme ng bilangguan, isinukbit ito sa balikat ko, at lumabas sa main entrance. Hindi ko kailanman inakala na makakatakas ako nang may ganoon kahigpit na seguridad. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos.
Pero hindi nagtagal, may narinig akong mga sirena sa likod ko. Nagmadali akong magtago sa isang kakahuyan at walang tigil na nagdarasal. Naghintay ako hanggang sa dumilim, at pagkatapos ay lubhang maingat na lumabas sa kakahuyan. Sinundan ko ang isang maliit na kalsada sa kanayunan, nagtatanong ng daan, patungo sa bahay ni Shang Jin. Gabing-gabi na, pagkatapos kong makarating sa highway na papunta sa bahay niya, nakita kong may ilang pulis sa unahan na tumatao sa checkpoint at talagang natakot ako. Paano kung mahuli nila ako? Hindi nila ako pakakawalan kung mapapasakamay nila ako. Nanalangin ako sa Diyos sa puso ko. Nakakita ako ng tambak ng dayami at nagmadali akong magtago roon, nanatili ako roon nang mahigit isang oras. Pagkatapos makitang umalis ang sasakyan ng pulis, saka lang ako maingat na umahon palabas, pagkatapos ay nagpatuloy akong magtungo sa bahay ni Shang Jin, nang nahihirapan. Hindi pa ako nakakalayo bago sumakit nang sobra ang binti ko kaya hindi na ako makalakad pa, kaya umupo ako at nagpahinga, pagkatapos ay nagsimulang maglakad muli. Habang naglalakad ako, humuhuni ako ng himnong “Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos”:
1 Ngayon, tinatanggap ko ang paghatol ng Diyos, at bukas ay tatanggapin ko ang Kanyang mga pagpapala. Handa akong ibigay ang aking kabataan at ialay ang aking buhay upang makita ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Ginagawa at ipinapahayag Niya ang katotohanan, ipinagkakaloob sa tao ang daan ng buhay. Nabighani ang puso ko sa mga salita at pagmamahal ng Diyos. Handa akong ubusin ang mapait na saro at magdusa para makamit ang katotohanan. Titiisin ko ang kahihiyan nang hindi dumaraing. Nais kong gugulin ang buhay ko na ginagantihan ang biyaya ng Diyos.
2 Taglay ang mga payo ng Diyos sa puso ko, hinding-hindi ako luluhod kay Satanas. Bagamat maaari kaming mapugutan ng ulo at dumanak ang aming dugo, hindi matitiklop ang gulugod ng mga tao ng Diyos. Magbibigay ako ng matunog na patotoo para sa Diyos, at ipapahiya ko ang mga diyablo at si Satanas. Pauna nang itinakda ng Diyos ang mga pasakit at paghihirap, at magiging tapat at magpapasakop ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin o bibigyan ng alalahanin ang Diyos. Iaalay ko ang pagmamahal at katapatan ko sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon para Siya ay luwalhatiin.
…………
—Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin
Naramdaman kong lumalakas ang pananampalataya ko habang humuhuni ako nito. Sa wakas ay nakarating ako sa bahay ni Shang Jin bandang tanghali kinabukasan. Napaiyak kami sa tuwa sa sandaling makita namin ang isa’t isa. Iniisip na darating ang mga pulis, nagsaayos siya ng ibang magpapatuloy sa akin. Gaya ng inaasahan, bandang tanghali sa ikatlong araw, pumunta ang mga pulis sa bahay ni Shang Jin. Nang hindi ako mahanap, umalis silang naiinis. Ibinahagi ko kay Shang Jin ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw pagkatapos niyon. Nang may patnubay ng Diyos, mahigit isang daang kapatid mula sa kanyang denominasyon ang lumapit sa harap ng Makapangyarihang Diyos.
Naging isang wanted o pinaghahanap na kriminal ako pagkatapos makatakas sa labor camp. Naglibot-libot ako para magbahagi ng ebanghelyo, hindi nangangahas na umuwi. Sa isang iglap ay lumipas ang sampung taon, tapos, noong Setyembre 2010, bumalik ako sa bayan ko at pumunta sa tirahan ng kapatid kong babae. Nakita ko roon ang asawa ko, at sinabi niya sa akin na pagkatapos kong tumakas mula sa labor camp, pumunta ang mga pulis sa bahay namin, at hinalughog ang bahay namin pati na ang mga bahay ng aming mga kamag-anak. Sinubukan pa nilang pagbantaan ang asawa, mga magulang, at iba pang mga kamag-anak ko para ilantad nila ang kinaroroonan ko. Palihim ding sinubaybayan ng mga pulis ang paligid ng bahay ko sa loob ng ilang araw. Sa lahat ng taong iyon, hindi sumuko ang mga pulis sa paghabol sa akin. Tuwing Bagong Taon at mga kaarawan ng mga magulang ko, palagi nila akong ipinagtatanong at tinitingnan kung nakauwi na ba ako. Noong 2002, inaresto ang asawa ko dahil sa kanyang pananampalataya, at kinailangang gumastos ng pamilya namin ng mahigit 2,000 yuan at gumamit ng mga koneksyon para ilabas siya. Naging mahirap ang mga bagay-bagay para sa pamilya namin dahil pareho kami ng asawa ko na inaresto at pinagmulta. Napilitang huminto sa pag-aaral ang mga anak namin bago makatapos ng elementarya at middle school, at kinailangan nilang umalis para maghanapbuhay. Sobrang sama ng loob ko nang marinig iyon. Pumunta ang mga magulang ko sa bahay ng kapatid ko nang mabalitaan nilang bumalik na ako. Napaiyak sila at walang anumang nasabi sa sandaling makita ako, pero hindi sila nangahas na umiyak nang malakas, takot na baka may makarinig sa kanila. Sinabi nila na lagi nila akong napapanaginipan, at iyak sila nang iyak. Hindi ko napigilan ang mga luha ko nang makita ko kung gaano kahina tingnan ang mga magulang ko. Pagkalipas ng ilang araw, sakay ng kanyang bisikleta pabalik sa bahay ng kapatid ko para makita ako, aksidenteng nahulog ang tatay ko at nabali ang kanyang buto sa hita. Talagang nag-alala ako sa kanya nang marinig ko ang tungkol dito, at nangahas akong puntahan siya sa bahay nang hatinggabi. Nagsimulang umiyak ang tatay ko nang makita niya ako, at sinabing, “Sinabi ng doktor na hindi niya maaayos ang buto ng hita ko. Kailangan ko na lang maghintay na mamatay. Ito na siguro ang huling pagkakataon na magkikita tayo.” Inalo ko siya, pilit na pinigilan ang luha ko. Hindi ako nangahas na manatili nang matagal, natatakot na maaresto, kaya umalis ako pagkatapos ng isang oras o higit pa. Dahil sa pang-aaresto ng Partido Komunista, mahigit isang dekada na akong nagtatago, hindi ako makauwi, hindi ko makita ang pamilya ko, maging malapit sa mga magulang ko, o magampanan ang mga responsibilidad ko bilang asawa at ama sa asawa ko at tatlong anak, at ngayon ay may sakit ang tatay ko at hindi ko siya maalagaan kahit isang araw. Pakiramdam ko ay talagang binigo ko ang mga magulang ko, at napuno ako ng dalamhati. Mabilis akong lumapit sa Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanya na gabayan ako, na bigyan ako ng pananampalataya at lakas. Pagkatapos manalangin, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang landas kung saan ginagabayan tayo ng Diyos ay hindi diretso, bagkus ay isang paliku-likong daan na puno ng mga lubak; sinasabi ng Diyos, bukod dito, na habang mas mabato ang landas, mas maibubunyag nito ang ating mga pusong mapagmahal. Gayunman ay wala ni isa man sa atin ang makapagbubukas ng gayong landas. Sa Aking karanasan, lumakad na Ako sa maraming mabato, mapanganib na mga landas at dumanas na Ako ng matinding pagdurusa; may mga sandali na lubos Akong namimighati hanggang sa punto na gusto Kong maghumiyaw, ngunit nilakaran Ko na ang landas na ito hanggang sa ngayon. Naniniwala Ako na ito ang landas na pinangungunahan ng Diyos, kaya tinitiis Ko ang pagpapahirap ng lahat ng pagdurusa at nagpapatuloy na sumulong. Sapagkat ito ang naitalaga na ng Diyos, kaya sinong makatatakas dito? Hindi Ko hinihingi na makatanggap ng anumang mga pagpapala; ang hinihingi Ko lang ay makaya Kong lumakad sa landas na dapat Kong lakaran ayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi Ko hinahangad na gayahin ang iba, na lumakad sa landas na kanilang nilalakaran; ang hinahangad Ko lang ay nawa matupad Ko ang Aking debosyon na lumakad sa itinalaga sa Aking landas hanggang sa katapusan. … Ito ay dahil lagi Akong naniniwala na kung gaano man ang dapat ipagdusa ng isang indibidwal at kung gaano man kalayo ang dapat nilang lakarin sa kanilang landas ay itinakda ng Diyos, at na walang sinuman ang tunay na makatutulong sa kaninuman” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 6). “Ang namana ninyo sa araw na ito ay higit pa sa namana ng mga apostol at propeta sa lahat ng panahon at higit pa sa namana nina Moises at Pedro. Ang mga pagpapala ay hindi matatanggap sa loob ng isa o dalawang araw; ang mga iyon ay kailangang makamtan sa pamamagitan ng malaking sakripisyo. Ibig sabihin, kailangan niyong magtaglay ng pagmamahal na nagdaan na sa pagpipino, kailangan kayong magkaroon ng malaking pananampalataya, at kailangan kayong magkaroon ng maraming katotohanang hinihingi ng Diyos na inyong matamo; bukod pa rito, kailangang bumaling kayo sa katarungan, nang hindi tinatakot o umiiwas, at kailangang magkaroon kayo ng pusong mapagmahal sa Diyos na tuluy-tuloy hanggang kamatayan. Kailangang magkaroon kayo ng pagpapasya, kailangang magkaroon ng mga pagbabago sa inyong disposisyon sa buhay, kailangang malunasan ang inyong katiwalian, kailangang tanggapin ninyo ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos nang walang reklamo, at kailangang maging mapagpasakop kayo maging hanggang kamatayan. Ito ang dapat ninyong makamit, ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos sa grupong ito ng mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Nakapagbigay-liwanag sa akin ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Pauna nang itinakda ng Diyos kung gaano kalaki ang pagdurusa ng isang tao sa kanyang buhay. Kailangan kong ipaubaya ang mga magulang ko sa mga kamay ng Diyos at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Naisip ko rin ang mga santo sa mga nakalipas na kapanahunan na nagbigay ng matunog na patotoo para sa Diyos sa gitna ng pag-uusig at paghihirap. Tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at natamasa ang mga katotohanang ipinahayag Niya. Marami akong nakamit kaysa sa lahat ng apostol at propetang iyon, pero nang maharap ako sa pag-uusig, naging miserable at mahina ako—napakaliit ng tayog ko. Pagkatapos ay nagpasya akong gayahin ang ginawa ng mga santo, manindigan sa aking pananampalataya at sundin ang Diyos!
Noong 2011, isang brother ang nagpadala ng liham na nagsasabing bumalik ang mga pulis sa bahay ko para tanungin ang asawa ko tungkol sa aking kinaroroonan. Hindi na kami nagkaroon ng kontak ng asawa ko simula noon.
Isang araw noong Disyembre 2012, lumabas ako kasama ang ilang kapatid habang umuulan para ibahagi ang ebanghelyo sa isang pamilya. Lumitaw ang apat na pulis, bumaba sa isang kotse at hinuli ako. Dalawang sister na sakay ng de-kuryenteng bisikleta ang tumakas, at hinabol sila ng tatlong pulis na naka-kotse. Hinawakan ako nang mahigpit ng isang pulis, at nagpumiglas akong kumawala. Sinunggaban ng isang nakatatandang sister ang pulis para protektahan ako, hinayaan akong makatakas. Pero nakatakbo lang ako ng mga isang dosenang metro nang maabutan ako ng pulis at dinaklot ako, pagkatapos ay dumating ang dalawang sister at pinigilan siya, na nagtulot sa aking makatakas. Patuloy na kumakabog ang puso ko pagkauwi ko at hindi ko mapigilang isipin ang nangyari. Nakatakas lang ako dahil pinigilan ng mga sister na iyon ang pulis para protektahan ako. Hindi ko alam kung naaresto sila, kung pahihirapan sila, at kung naaresto ba ang ibang mga kapatid o hindi. Naisip ko ang huling dalawang beses na naaresto ako at pinahirapan. Nadama ko na napakamapanganib na magpalaganap ng ebanghelyo sa Tsina, na maaari kang maaresto at makulong anumang oras, sa anumang lugar. Labis akong nalungkot, kaya lumapit ako sa Diyos at nagdasal. Pagkatapos magdasal, binuksan ko ang aking aklat ng mga salita ng Diyos at nakita ko ito: “Para sa lahat ng tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang payak ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming praktikal na pagpupungos. Sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, higit na nakikilala ng tao ang kanyang sarili at ang katotohanan, at higit na nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, sa gayon ay tinutulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pagmamahal sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng gawain ng pagpipino” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Sinimulan kong pagnilayan ang sarili ko matapos basahin ang mga salita ng Diyos. Nakita ko na narumihan ang pagmamahal ko sa Diyos, at hindi ako tunay na nagpasakop sa Kanya. Sa huling dalawang beses na inaresto ako, hindi ako sumuko kay Satanas noong pinahirapan ako, at nanindigan ako sa aking patotoo, kaya naisip ko na may tayog ako, na mayroon akong kaunting pananalig at pagpapasakop sa Diyos. Pero nang paulit-ulit na tuksuhin at atakehin ni Satanas, nalantad ang tunay kong tayog. Ang magawang manindigan noon ay hindi ang tunay kong tayog, ito ay dahil sa pananalig at tapang na ibinigay sa akin ng mga salita ng Diyos. Sa pagkakataong ito, nakita ko na talagang ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa panlilinlang ni Satanas. Kung anu-anong pakana ang ginawa ni Satanas para maaresto ako at mapahirapan, para lubusan akong gapiin at ipagkanulo ko ang Diyos, pero ginamit ng Diyos ang mga sitwasyong iyon para tulungan akong makita ang sarili kong mga pagkakamali at maunawaan ang aking mga pagkukulang, at naging perpekto ang pananalig at totoong pagpapasakop ko sa pamamagitan ng mga matagalan na mga pagsubok na iyon. Hindi na ako gaanong negatibo o miserable matapos maunawaan ang taimtim na mga layunin ng Diyos, at nagpasya akong sundin ang halimbawa ni Pedro, sundin ang mga pangangasiwa ng Diyos sa lahat ng bagay, at anuman ang mga pag-uusig at paghihirap na kakaharapin ko, tutuparin ko ang tungkulin ko, ibabahagi ang ebanghelyo at magpapatotoo sa Diyos.
Sa mahigit na dalawang dekada, malupit akong inaresto, inusig, at pinahirapan ng Partido Komunista, napilitang lisanin ang tirahan ko at makitang nasira ang aking pamilya, at minsan ay mahina ako. Paulit-ulit akong binigyan ng lakas ng mga salita ng Diyos, at nagbigay-daan ito sa akin na makaabot sa araw na ito. Nakaranas ako ng ilang pisikal na pagdurusa sa mga pag-uusig at paghihirap na ito, pero naging mas malapit ako sa Diyos. Nagkamit din ako ng ilang aktuwal na pagkaunawa sa karunungan, walang hanggang kapangyarihan, pagmamahal, at pagliligtas ng Diyos. Malinaw kong nakita na ang Partido Komunista ay isang laban-sa-Diyos na satanikong demonyo. Ganap ko itong pinaghimagsikan, nilisan ito, at naging determinado ako sa pagsunod sa Diyos. Taos-puso ang pasasalamat ko sa Diyos dahil sa pagsasaayos ng lahat ng ito para sa akin, na nagbibigay-daan sa akin na makamit ang mga pinakamahalagang kayamanan sa buhay.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.