Ang Pinsalang Gawa ng Inggit
Kailan lang nang mahalal ako bilang isang lider ng iglesia, upang pangasiwaan ang gawain ng ilang iglesia. Hindi nagtagal, nagsimula akong makakita ng mga resulta, at maraming miyembro ng iglesia ang nagpahayag ng suporta sa akin. Talagang masaya ako at ipinagmalaki ko ang sarili ko, na kaya kong gumawa ng totoong gawain. Naisip ko na kung makita ng nakatataas na pamunuan ang mga nagawa ko, pwede nilang isipin na mahusay akong lider, na tamang tao ang pinili nila. Makalipas ang ilang buwan, isinaayos ng iglesia na maging magkatrabaho kami ni Sister Zhao. Akala ko kakailanganin niya ang tulong ko, pero nagulat akong makita na nagamay niya ’to nang mabilis. May ilang magagandang praktikal na suhestiyon siya sa mga talakayan namin, at magkahalong paghanga at inggit ang naramdaman ko. Naisip ko na may mahusay siyang kakayahan at totoong mga kasanayan sa gawain, na may higit na kakayahan na siya sa pagbabahagi para lutasin ang mga problema. Iisipin ba ng lahat na hindi ko siya kayang pantayan? Hindi ba no’n pagmumukhain na hindi ako sapat? Kung gano’n, paano ko haharapin ang mga kapatid namin? Nang sumunod na araw, isinama ko si Sister Zhao sa isang pagtitipon ng grupo kung saan may ilang tao ang nagtanong tungkol sa gawain. Nagbahagi ako ng opinyon ko, pero mas kumpleto at detalyado ang tugon niya, dagdag pang nakahanap siya ng mga nauugnay na prinsipyo sa pagbabahaginan. Nagulat ako. Nakita niya ang mga bagay na ito sa unang beses niyang pagsali sa amin at halos komprehensibo ang tugon niya. Natakot ako kung paano ako pagmumukhain no’n, kung iisipin ba ng iba na mas matagal na ako sa tungkuling ’yon, pero walang binatbat sa bago kong katuwang, na hindi ako nagkaroon ng anumang pag-unlad. Habang mas iniisip ko ito, lalo akong napapahiya, at ni ayaw ko nang iangat ang tingin ko. Gusto ko na lang tapusin ang pagtitipon.
Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Sister Zhao na si Sister Lin, isang lider ng grupo, ay kulang sa kakayahan at hindi kayang gumawa ng totoong gawain, na dapat tanggalin na siya. Sa totoo lang, nakita ko na sa kanya dati ang mga problemang ito, pero naisip kong medyo bago kasi siya sa tungkulin, kaya gusto kong maghintay at magmasid. Nakita kong dahil gano’n din ang pakiramdam ni Sister Zhao, dapat nga talaga siyang tanggalin. Pero habang tinatalakay ko ito kay Sister Zhao, naisip ko na kapag tinanggal ko si Sister Lin agad-agad at nalaman ’yon ng lider namin, baka akalain niya na si Sister Zhao ang may kabatiran, na siyang mabilis na gumawa ng mga kinakailangang pagbabago. Kung magkagayon, magmumukhang tagumpay niya ’yon. Baka akalain ng lider na hindi ko kayang gumawa ng totoong gawain, na hindi ko papalitan ang mga tungkulin ng mga tao kapag kinakailangan. Nang maisip iyon, hindi ako nagmadaling tanggalin si Sister Lin at sadyang pinatagal ko pa ito ng ilang araw. At isang beses, nagmungkahi si Sister Zhao ng isang plano para mapabuti ang aming kasanayan sa gawain, pero pagkatapos itong subukan ng maiksing panahon, nakatanggap ako ng pagpuna mula sa mga kapatid na hindi naging maganda ang takbo nito. Natuwa ako. Naisip ko na yamang sinusubukan nila ang kanyang plano ng gawain, nag-aaksya ng oras at walang nakakamit, tiyak na titigilan na nilang tingalain siya. Nang sumunod na makita ko si Sister Zhao, nagbigay ako ng lahat ng uri ng pasaring sa kapalpakan ng plano niya, kung gaano karami ang naubos naming oras nang walang nangyayari. Dismayadong-dismayado, tumungo na lamang siya. Sa totoo lang, natuwa akong makita siyang ganoon, at naisip kong sa wakas ay nabawi ko na ang dignidad ko. Pero nagulat akong makita na hindi naman talaga apektado si Sister Zhao. Nakita niya ang mga pagkakamali niya na humantong sa pagkabigong ’yon, at pagkatapos ay pinaghusay ang kanyang kasanayan sa gawain at mga resulta ng gawain. Hindi talaga ako masayang makita ang mabilis na pag-unlad niya. Naisip ko na kasisimula pa lang niya at hindi pa pamilyar sa ilang gawain namin, kaya kailangan niya ng tulong ko. Ano pa ang magiging silbi ko katagalan kapag marami na siyang natutunan? Duda ko pa nga, isinaayos na ng lider na siya ang papalit sa akin. Tumindi nang tumindi ang depresyon ko at nagsimulang mag-isip na kulang ang kakayahan at kasanayan ko, at sinisi ko pa nga ang Diyos dahil hindi ako pinagkalooban ng mahahalagang kaloob.
Saglit na nawala talaga ang motibasyon ko sa tungkulin ko at nakaramdam ng antok sa mga pagtitipon. Nagkaroon ako ng pagkiling laban kay Sister Zhao, pakiramdam ko inaagaw niya ang atensiyon ng mga tao sa akin. Bago siya dumating, gusto ng iba na pakinggan ang pagbabahagi ko, pero mula noon, parang wala akong magawang tama. Kung patuloy ko siyang makakatrabaho, naisip kong hinding-hindi ako magkakaroon ng pagkakataong sumikat. Inggit na inggit ako sa kanya na ni hindi ko matiis na makita siya, at kapag may nalaman ako tungkol sa mga personal na problema niya o anumang hindi niya nagawa nang maayos, sabik akong pagmukhain siyang masama sa harap ng ibang mga kapatid. Nang makita kong yumuko siya at tahimik na inamin ang kanyang mga pagkakamali sa harap ng pagpuna ko, medyo nakonsiyensiya ako. Sinubukan kong samantalahin ang kanyang kahinaan. Pero ramdam ko rin na nagsasabi ako ng totoo. Makaraan ang walang habas kong pagpuna sa mga kamalian ni Sister Zhao, nagkaroon din ng pagkiling laban sa kanya ang ibang mga kapatid. Tila nag-iisa siya at nasasadlak sa palala nang palalang kalagayan. Pero hindi pa rin ako nagnilay sa sarili. Sa halip, naging masahol pa ako, palala nang palala.
Tapos makalipas ang halos isang buwan, naaresto ng Partido Komunista ang ilang mga kapatid. May mga usaping pangkaligtasan sa kung saan nakalagak ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, kaya kailangang ilipat ang mga ito. Inatasan ng lider si Sister Zhao na pamahalaan ito. Naisip ko na mas matagal na ako sa tungkuling ’yon kaysa sa kanya, kaya mas gamay ko ang lahat ng bagay. Ako dapat ang mamahala. Akala ba ng lider hindi ko kayang tapatan si Sister Zhao? Patindi nang patindi ang inggit at pagtutol ko rito, at nagkaroon pa nga ako ng masamang ideya na hindi ko aakuin ang responsibilidad nito. Hindi alam ni Sister Zhao ang sitwasyon, kaya makikita ko kung kakayanin niya ito nang mag-isa. Hindi ko na pinag-ukulan ng pansin ang gawain ni Sister Zhao, at kapag nagtatanong siya sa akin kung paano pupuntahan ang ibang mga miyembro ng iglesia, hindi ko na lang siya pinapansin o kaya’y matipid ang sagot ko. Nakita niyang tila inis na ako, kaya tumigil na siya sa pagtatanong. Nakonsiyensiya ako pagkatapos no’n, na parang hindi ko itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Sinabi ko sa sarili kong hindi na ako puwedeng kumilos ulit nang ganoon, pero hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko nang may dumating na namang problema. Paulit-ulit kong ginawa ito, at hindi ko mapigilan ang sarili ko. Talagang masakit para sa akin ang mabuhay sa gano’ng kalagayan, pero hindi ko alam kung paano ako makakawala rito. Namumuhay ako sa isang kalagayan ng inggit. Alam kong hindi pamilyar si Sister Zhao sa mga kasapi ng aming iglesia o sa lokalidad, pero hindi ko siya sinubukang tulungan. Nangahulugan iyon na naantala ng ilang linggo ang paglipat namin sa mga aklat at naapektuhan din niyon ang gawain ng iglesia. Pero kahit kailan ay hindi talaga ako nagnilay sa sarili ko tungkol doon.
Nainggit ako sa kanya at gusto kong makipagpaligsahan sa kanya, na nakaapekto sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Dumating sa akin ang poot ng Diyos. Isang gabi, nang sumali kami ni Sister Zhao sa isang pagpupulong ng grupo para asikasuhin ang ilang gawain, napansin kong talagang detalyado ang pagbabahagi niya, at labis niyang pinag-isipan ang mga bagay na hindi ko naisip—lahat ay talagang nagpasalamat. Medyo nakaramdam ako ng inggit at pagkainis. Hindi ko lubos maisip kung bakit kinailangan niyang maging masyadong detalyado, pinagmukha niya ang sarili niyang pinag-isipan ang lahat ng bagay at pinagmukha akong mas hindi magaling. Lalo akong nainis at ayaw kong makarinig ni isang salita mula sa kanya. Binara ko siya sa pagsasabing, “Handa ka na ba? May iba pa akong lakad.” Atubili siyang sumang-ayon, pero dali-dali akong lumabas nang hindi siya hinihintay. Pero biglang nagloko ang e-bike ko nang nasa kalsada na ako at basta na lang akong sumemplang. Naipit ako sa ilalim ng e-bike at ’di makatayo, pero buti na lang at tinulungan ako ng isang napadaan. Pero pagkauwi ko, napagtanto kong hindi ko maigalaw ang kanang kamay ko, na nasaktan ko ang sarili ko. Alam kong pagdidisiplina ito ng Diyos sa akin, pero masyado akong manhid na hindi ko seryosong pinagnilayan ang sarili ko. Masyado akong matigas, mapanghimagsik. Ilang panahon ang lumipas at hindi bumuti ang kamay ko, dagdag pa na sinundan ako ng mga pulis. Dumating sila sa bahay ko para hulihin ako pero nakatakas ako dahil sa proteksiyon ng Diyos, pero kinailangan kong ihinto ang pagganap ko sa aking tungkulin. Alam kong ang kalooban ng Diyos ay nasa mga bagay na ito na nangyayari. Hindi ako matiwasay na nagtatrabaho kasama si Sister Zhao at hindi ko tunay na pinag-isipan ito at hindi ako nagbago. Dumating sa akin ang pagiging matuwid ng Diyos. Pero sobrang negatibo ang naramdaman ko, pakiramdam ko lubos akong nalantad at hindi ko alam kung paano malalagpasan ito. Sa aking pasakit, nagdasal ako, humiling sa Diyos na bigyang-liwanag at gabayan ako para tunay na mapagnilayan ang aking sarili.
Isang araw, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ngayon, kinastigo, hinatulan, at isinumpa kayo kaya binigyan kayo ng proteksyon. Nagdusa na kayo nang husto kaya pinoprotektahan kayo. Kung hindi, matagal na sana kayong nahulog sa kabulukan. Hindi sinasadyang gawing mahirap ang mga bagay para sa inyo—ang likas na pagkatao ng tao ay mahirap baguhin, at kailangan itong magkaganito para magbago ang kanilang mga disposisyon. … Kung wala ang napapanahong pagkastigo at mga sumpa sa ngayon, matagal na sanang dumating ang inyong huling araw. Huwag nang banggitin pa ang inyong kapalaran—hindi ba mas nalalapit iyon sa panganib? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at paghatol na ito, sino ang nakakaalam kung gaano kayabang kayo sa inyong paglaki, o gaano kayo magiging masama. Wala kayo talagang kakayahang kontrolin at pagbulay-bulayin ang inyong sarili. Nadala na kayo ng pagkastigo at paghatol na ito sa kasalukuyan, at naingatan ng mga ito ang inyong buhay. Hindi ba lalo kayong dapat magsumikap sa pagtanggap ng pagkastigo at paghatol sa ngayon? Ano ang iba pa ninyong mga pagpipilian?” (“Protektado Ka Dahil Ikaw ay Nakastigo at Nahatulan” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Paulit-ulit kong binasa ang siping ito, at bawat salita ay diretsong tumimo sa puso ko. Nakipagtunggali ako kay Sister Zhao para sa katayuan, na nakaantala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi isinaayos ng Diyos ang maraming sitwasyon para parusahan ako, hindi sana ako titigil, bagkus tiyak na patuloy na makikipagpaligsahan sa kanya. Lalo lamang maaapektuhan no’n ang gawain ng iglesia. Isinaayos ng Diyos ang mga sitwasyong iyon para agarang putulin ang aking masamang gawain. Ito ang pag-aaruga at pagliligtas Niya sa akin. Ito’y pag-ibig ng Diyos, at hindi dahil gusto Niya akong itiwalag. Hindi dapat ako manlumo, bagkus dapat magnilay ako sa sarili ko at magsisi sa Diyos. Nagbigay ng kaliwanagan sa akin ang mapagtanto ito, at itinigil ko na ang labis na panghihina ng loob. Lumapit ako sa harap ng Diyos at nagdasal, “O, Diyos ko, nagkamali po ako. Nais kong tunay na magsisi. Gabayan po Ninyo ako na maunawaan ang sarili ko.”
Tapos isang araw, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos sa ikaapat na sipi ng “Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan.” “Ang mga haka-haka, imahinasyon, kaalaman, at pansariling intensyon at mga hangarin na laging laman ng inyong isipan ay nananatiling hindi nagbabago mula sa orihinal na anyo ng mga ito. Kaya kung naririnig ninyong lilinang ang sambahayan ng Diyos ng sari-saring talento, sa sandaling pumasok na sa usapan ang posisyon, mukha, o reputasyon, lumulukso sa pag-asam ang puso ng lahat, at gusto palagi ng bawat isa sa inyo na mamukod-tangi, maging tanyag, at makilala. Lahat ay ayaw sumuko, sa halip ay palaging nagnanais na makipagtalo—kahit nakakahiya at hindi tinutulutan ang pagtatalo sa sambahayan ng Diyos. Gayunman, kung walang pagtatalo, hindi ka pa rin kuntento. Kapag nakikita mong may ibang namumukod-tangi, nakakaramdam ka ng inggit, pagkamuhi, at nasusuklam ka, at pakiramdam mo hindi iyon patas. ‘Bakit hindi ako namumukod-tangi? Bakit palagi na lang ang taong iyon ang namumukod-tangi, at hindi ako kahit kailan?’ Sa gayo’y naghihinanakit ka. Sinusubukan mo itong pigilin, ngunit hindi mo magawa. Nagdarasal ka sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam mo sandali, ngunit kapag naharap kang muli sa ganitong sitwasyon, hindi mo ito madaig. Hindi ba iyan tayog na kulang pa sa gulang? Hindi ba isang patibong ang pagkahulog ng isang tao sa gayong kalagayan? Ito ang mga kadena ng likas na katiwalian ni Satanas na gumagapos sa mga tao” (Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Iniisip ng mga anticristo na ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang mga interes ng iglesia ay pagmamay-ari nila, na ang mga ito ay personal na pag-aaring dapat ay lubusan nilang pamahalaan nang hindi pinakikialaman ng iba. At kaya ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan at reputasyon. Tinatanggihan nila ang sinumang sa paningin nila ay banta sa kanilang katayuan at reputasyon; sinusupil nila at itinatakwil sila. Ibinubukod pa nga nila at sinusupil ang mga taong kapaki-pakinabang at angkop para sa pagtupad ng ilang mga natatanging tungkulin. … Umiimbento rin ang mga anticristo ng mga kasinungalingan at pinalalaki ang mga katotohanan sa mga kapatid, sinisiraan ang mga tao upang ibagsak sila, humahanap ng mga dahilan upang ibukod at supilin sila anumang gawain ang ginagawa ng mga taong ito; gayundin, mapanghusga ang mga ito sa kanila, sinasabing mapagmataas sila at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, na mahilig silang magpakitang-gilas, na nagkikimkim sila ng mga ambisyon. Sa katunayan, lahat ng taong ito ay may mahuhusay na katangian, lahat sila ay nagmamahal sa katotohanan, at karapat-dapat linangin. Maliliit na kamalian lamang ang matatagpuan sa kanila, paminsan-minsang pagpapamalas ng tiwaling disposisyon; lahat sila’y may bahagyang mabuting pagkatao. Sa kabuuan, naaangkop sila para tumupad ng tungkulin, naaayon sila sa mga prinsipyo para sa mga tumutupad ng tungkulin. Sa paningin ng mga anticristo, iniisip nila, ‘Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng gampanin sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon, ni huwag mong isipin ito. Mas may kakayahan ka kaysa sa akin, mas matatas kang magsalita kaysa sa akin, mas may pinag-aralan kaysa sa akin, at mas sikat kaysa sa akin. Anong gagawin ko kung nakawin mo ang mga pinaghirapan ko? Nais mong gumawa akong kasama mo? Ni huwag mong isipin ito!’ Isinasaalang-alang ba nila ang interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ang iniisip lamang nila ay kung paano maiingatan ang kanilang sariling katayuan, kaya mas nanaisin pa nilang pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kaysa gamitin ang mga taong ito. Ito ay pagbubukod” (“Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Natutunan ko sa mga salita ng Diyos na ang mga anticristo ay likas ang pagiging sobrang sama at malupit. Pinahahalagahan nila ang reputasyon at katayuan at gustong laging nangingibabaw sa alinmang grupo. Hangad nila ang paghanga at pagsamba ng mga tao nasaan man sila, at kung may sinumang pipigil sa pamumukod-tangi nila o magbabanta sa kanilang katayuan, aatakehin, tatanggihan, huhusgahan, at hahamakin nila ang taong ’yon. Wala silang pakialam kung gaano nila napipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi talaga nila ito itinataguyod. Napagtanto kong kumikilos ako na tulad ng isang anticristo. Nang nagkaroon ako nang kaunting pag-unlad sa mga unang araw ko bilang lider, pakiramdam ko isa akong talento na karapat-dapat linangin. Pero nang dumating si Sister Zhao at nakita kong hinigitan niya ako sa bawat aspeto at gusto talaga siya ng iba, inakala kong inaagaw niya ang kasikatan ko. Nainggit ako at nagsimulang palihim na makipagpaligsahan sa kanya. Nang mapansin niyang hindi angkop ang lider ng isang grupo, alam kong kailangang palitan ang lider na ’yon pero ginusto kong protektahan ang aking reputasyon at katayuan, kaya nagpatagal ako, ipinagpaliban ang pagpapaalis sa kanya. Handa akong makitang maapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos bago ikompromiso ang reputasyon ko. Ikinatuwa ko ang kabiguan niya nang hindi naging maayos ang isa sa kanyang mga plano ng gawain, pasimpleng sinisi siya at sinadyang pagmukhain siyang kahiya-hiya. Ang mas masahol pa, lalo akong nainggit nang ipaako sa kanya ng isang lider ang responsibilidad sa paglilipat ng mga aklat. Naisip kong mas pinahalagahan siya ng lider kaysa sa akin, kaya naiinis kong ipinagsawalang-bahala ang bahaging iyon ng aming gawain. Kapag nagtatanong siya tungkol sa isang bagay na hindi siya sigurado, hindi ko na lang siya pinapansin, sinasadya kong ilagay siya sa isang mahirap na sitwasyon dahil gusto kong magmukha siyang kahiya-hiya. Ibig sabihin nito, may ilang aklat na hindi nailipat sa takdang oras. Sa paggunita sa pakikipag-ugnayan namin sa isa’t isa, pakiramdam ko’y nalasing ako sa pagnanasa ko sa reputasyon at katayuan, at nagdulot ako ng mga problema sa pagitan namin sa bawat pagkakataon, para sa aking imahe. Hindi ko inalintana kung gaano nito napipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Pinalaki ko pa nga ang maliliit na bagay, nilalapastangan at tinatanggihan siya. Ibinukod siya ng ibang mga kapatid dahil sa impluwensiya ko. Gumamit ako ng magagaspang na pamamaraan para lang protektahan ang aking katayuan, palihim na inaatake at tinatanggihan siya. Mapaminsala at masama ito. Nasaan ang pagkatao ko? Wala akong ginawa kundi maging ubod ng sama. Lagi akong nakikipagtunggali kay Sister Zhao para sa reputasyon at pakinabang, binabalewala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung wala ang pagkamatuwid ng Diyos, at kung hindi sumemplang ang e-bike ko at muntik na akong maaresto, na nangahulugang nahinto ang tungkulin ko, hindi sana ako titigil sa paggawa ng kasamaan, at hindi sana ako lalapit sa harap ng Diyos para magnilay. Itinaas ako ng Diyos para magsilbing lider. Hindi lang ako nabigo sa mga responsibilidad ko, sa pagsasagawa sa ibinigay na gawain ng Diyos, kundi nahumaling ako sa pagkakaroon ng paghanga, sa pagpapahalaga ng aming lider, at sa pamumukod-tangi. Ang mga bagay na tulad ng “Isa lang ang lalaking maaaring manguna,” “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa” ay mga satanikong lason na naging batayan ko sa buhay. Lagi akong nakikipagpaligsahan kay Sister Zhao, na para bang isang lang ang maaaring maging pinakamagaling. Umasa pa akong pumalpak siya at tanggalin. Natakot ako sa nakita ko sa sarili ko—isa iyong napakalupit na kalikasan. Nasa isang landas ako ng anticristo. Nilason ako ng mga kamandag ni Satanas, ginawa akong sabik sa paghanga, na para bang iyon lang ang paraan para mabuhay nang may dignidad. Pero nakita kong alang-alang sa paghanga, kaya kong isantabi ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, na apihin ang isang kapatid. Kasuklam-suklam sa Diyos at sa ibang tao ang mabuhay sa ganitong paraan. Wala ako ni katiting na dangal. Ang isang taong may tunay na integridad ay magagawang makipagtulungan nang matiwasay, tanggapin ang katotohanan, itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Pero namumuhay ako ayon sa isang satanikong pilosopiya at ni hindi ko makita ang kaibahan ng mabuti at masama. Mapusok kong tinahak ang maling landas, isang landas patungong pagkawasak! Talagang napoot ako sa sarili ko nang mapagtanto ko ’yon. Kasabay nito, talagang laking pasasalamat ko sa pagliligtas ng Diyos at nakita ko kung gaano ako nagrebelde sa Diyos, pero hindi ako pinakitunguhan ng Diyos batay sa aking mga paglabag. Nagsaayos Siya ng mga sitwasyon para gisingin ang manhid at hangal kong puso. Napuspos ako ng labis na pasasalamat sa Diyos, at ginusto kong gamitin ang pagkakataong iyon para talagang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang aking katiwalian.
Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal: “Kahit ano pang direksyon ang pinagpupunyagian mo, o kahit ano pang mithiin ang pinagsisikapan mong abutin, kahit gaano ka pa kapursigidong talikuran ang katayuan, hangga’t may isang partikular na puwang sa iyong puso ang katayuan, at nagagawa nitong kontrolin at impluwensiyahan ang iyong buhay at ang mga mithiing pinagpupunyagian mo, lubhang makokompromiso ang mga pagbabago sa iyong disposisyon, at maiiba ang pagkakilala at pagtingin sa iyo ng Diyos. Higit pa rito, ang gayong paghahangad sa katayuan ay nakakaapekto sa iyong kakayahang maging isang katanggap-tanggpap na nilalang ng Diyos, at siyempre, nakakaapekto ito sa iyong kakayahang gampanan ang iyong tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Walang higit na kamuhi-muhi para sa Diyos kundi ang mga taong naghahangad ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay tiwaling disposisyon; bunga ito ng katiwalian ni Satanas, at sa pananaw ng Diyos hindi ito dapat umiiral. Hindi niloob ng Diyos na ibigay ito sa tao. Kung lagi kang nakikipagkumpitensya at nakikipaglaban para sa katayuan, kung palagi mo itong pinakaiingat-ingatan, kung lagi mong gustong sunggaban ito para sa iyong sarili, hindi ba ito nagtataglay ng kaunting kalikasan ng paglaban sa Diyos? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli’y ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, isang hamak at walang-kabuluhang nilalang ng Diyos—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektibo ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahanggad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi kapuri-puri para sa Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban isa lamang ang kauuwian nito: kamatayan! Wala itong kahahantungan—nauunawaan mo ito, hindi ba?” (“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na labis na kinapopootan ng Diyos ang paghahabol sa reputasyon at katayuan, at talagang maling landas ito. Sinumang nakakaalam na ang mga bagay na ito ang ipinaglalaban nila at napipinsala ang gawain ng iglesia pero tumatangging magsisi ay tiyak na kokondenahin at parurusahan ng Diyos. Malalim ang tagos ng mga salita ng Diyos at nag-iwan ito ng takot sa akin. Ramdam ko ang napopoot at maharlikang disposisyon ng Diyos na walang pinalalampas na pagkakasala. Labis ang pagkukulang ko sa mga kasanayan sa gawain at hindi ko alam kung paano ko mapapamahalaan ang maraming bagay. Pero mas magaling si Sister Zhao sa aspetong ito at kaya niyang punan ang mga pagkukulang ko. Natuto dapat ako sa kanyang mga kalakasan para mapunan ang mga kahinaan ko, nakipagtulungan sa kanya para sa kapakanan ng gawain ng iglesia. Sa halip, hindi ko naunawaan ang kalooban ng Diyos at hindi tumuon sa paghahangad ng katotohanan para sa aking tungkulin. Kinukumpara ko lang ang sarili ko sa kanya, sinusunggaban ang kanyang mga pagkakamali para apihin siya. Talagang napakasakit nito para sa kanya at lumikha ito ng mga balakid sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Paulit-ulit akong sinasaway at dinidisiplina ng Diyos, pero patuloy ko Siyang pilit na nilabanan, at tumangging tumigil. Hindi ako nagising hanggang sa nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para ipahinto ang tungkulin ko. Nakita kong labis ang tigas ng ulo ko at walang puwang sa puso ko ang Diyos. Ngunit kasabay no’n, ramdam ko ang awa ng Diyos. Gusto ng Diyos na matanggap ko ang katotohanan at magsisi nang tunay, na maging isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Ito ang nagbibigay ng kagalakan sa Diyos. Dagdag dito, napagtanto ko na kahit umani ako ng paghanga ng maraming tao pero hindi ko naman nakuha ang pagsang-ayon ng Diyos, sa bandang huli, ilalantad at aalisin Niya ako. Ang paghahangad sa reputasyon at katayuan, pagtatrabaho para sa paghanga, ay pagtahak sa maling landas. Ngayong isa na akong mananampalataya, dapat kong hangarin ang katotohanan, tulad ng sinasabi sa atin ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako, na hindi na nagnanais na mainggit kay Sister Zhao o maghabol sa reputasyon at katayuan, sa halip ay magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, na kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magnilay sa sarili ko sa kasalukuyang sitwasyon ko. Pagkatapos ay dahan-dahan akong napunta sa mas mabuting kalagayan at unti-unting gumaling ang kamay ko.
Nahalal uli akong lider noong Enero 2021, at hindi na ako nagagalak tulad ng dati, na iniisip na tinitingala ako ng mga tao dahil sa katayuan ko, bagkus pakiramdam ko ay binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong magsisi. Tahimik akong nangako na pakakaingatan ko ang tungkuling ito, na hindi na muling maiinggit at makikipagpaligsahan para sa katayuan. Subalit ’di nagtagal ay mayroong nangyari na muling naglantad sa akin. Isang araw, nakatanggap ako ng sulat galing sa isang nakatataas na lider kalakip ang pirma ni Sister Zhao. Litong-lito ako nang makita ito, at naisip ko na na-promote siya, samantalang ako ay nasa dating posisyon pa rin. Hindi niya talaga ako kapantay. Nagsimula talaga akong mainis, pero sa pagkakataong ito’y napagtanto ko na nakikipagpaligsahan na naman ako sa kanya, kaya agad akong lumapit sa harap ng Diyos para magdasal, humiling sa Kanya na ilayo ako mula sa tiwaling disposisyon ng pakikipagtunggali para sa reputasyon at pakinabang, bagkus ay magawang magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos at gampanan ang tungkulin ko nang nararapat. Naging mas kalmado ako matapos magdasal at naisip ko noong nakatrabaho ko siya dati, na dahil nainggit ako at nakipagpaligsahan sa kanya, labis ko siyang nasaktan at maging ang sarili kong buhay ay nagdusa rin. Ang pakikipag-ugnayan kong muli kay Sister Zhao ay pagbibigay ng Diyos sa akin ng panibagong pagkakataon para magsisi. Hindi ako puwedeng patuloy na mabuhay sa aking katiwalian, na namamanipula ni Satanas tulad ng dati. Gusto kong isagawa ang katotohanan, na talikdan ang sarili ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ano ang inyong mga prinsipyo sa inyong pag-uugali? Dapat kayong umasal ayon sa inyong katayuan, hanapin ang tamang katayuan para sa inyo, at panindigan ang inyong katayuan. Bilang halimbawa, may mga taong mahuhusay sa isang propesyon at nauunawaan ang mga prinsipyo nito, at dapat silang gumawa ng panghuling pagsisiyasat hinggil dito; may mga taong makapagbibigay ng mga ideya at malilinaw na pagkaunawa, upang magawa ng sinumang iba na mapabuti ang kanilang mga ideya at magampanan nang mas mahusay ang tungkuling ito—dapat silang magbigay sa gayon ng mga ideya. Kung matatagpuan mo ang tamang katayuan para sa iyo at makagagawa nang tugma sa iyong mga kapatid, tinutupad mo ang iyong tungkulin, at umaasal ka ayon sa iyong katayuan” (“Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Hinihiling sa atin ng Diyos na manatili tayo sa katayuan ng isang nilalang, gampanan ang ating tungkulin bilang mga matuwid na tao, at basta mag-ambag anuman ang kaya nating iambag. Iyon lamang ang paraan upang mamuhay gaya ng isang tunay na tao. Itinakda ng Diyos ang anumang kakayahang taglay ko. Alam ng Diyos ang kaya kong gawin, kaya kailangan ko lang gawin ang makakaya ko sa tungkulin ko, magtrabaho nang mabuti kasama ng kapatid ko at magkasamang itaguyod ang gawain ng iglesia. Sapat na ’yon sa Diyos. Noong bago pa lang siya sa gawain ng iglesia at marami pa siyang hindi alam, dapat ay masigasig akong tulungan siya, na turuan siya tungkol sa aming gawain, upang masusi naming masiyasat at mabilisang malutas ang mga problema. Laking kaluwagan sa akin ang mapagtanto ito. Pagkatapos no’n, pinuntahan ko si Sister Zhao upang talakayin ang ilang problema sa aming gawain at nagbigay siya ng ilang magagandang suhestiyon. Masaya kong tinanggap ang mga ito at agad na isinakatuparan. Sa sandaling itinigil ko ang pagkukumpara ng sarili ko sa kanya, sa halip ay isinagawa ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng higit na kaginhawaan sa aking puso, at higit na bumuti ang aming ugnayan.
Naipakita sa akin ng karanasang ito kung gaano kasakit ang pagharian ng reputasyon at katayuan. Ngayon ramdam kong malaya na ako sa mga gapos na ito. Maisasagawa ko ang katotohanan at magkakaroon ng kaunting wangis ng tao. Lahat ng ito ay dahil sa paghatol at pagkastigo ng Diyos! Talagang naranasan ko rin kung gaanong nakapagpapalaya ang pagsasagawa ng katotohanan. Isa itong kasiya-siyang paraan para mabuhay. Mula sa kaibuturan ng aking puso, lubos akong nagpapasalamat sa pagliligtas ng Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.