Ngayo’y Alam Ko Na Kung Paano Magpatotoo sa Diyos

Pebrero 7, 2022

Ni Xu Lu, Tsina

Noong Abril 2021, sinimulan namin ni Sister Chen Zhengxin na ipalaganap ang ebanghelyo. Dahil nagpalaganap na ako ng ebanghelyo noong araw at mayroon na akong kaunting nauugnay na karanasan, nagsimula akong magkaroon ng mas magagandang resulta kaysa sa kanya pagkaraan ng kaunting panahon. Madalas kong ipagyabang kung paano ako nagpalaganap ng ebanghelyo at sumagot sa mga tanong ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, hanggang sa pinakamaliit na detalye. Bilib na bilib si Zhengxin. Minsan, matapos akong magbahagi sa ilang bagong mananampalataya na hindi dumadalo sa mga pagtitipon, nagsimula silang lahat na dumalo gaya ng dati. Alam ko na ang Diyos iyon na gumagabay sa kanila at umaantig sa puso nila, pero medyo nasiyahan pa rin ako sa sarili ko, iniisip na may bahagi ako roon. Nang makabalik mula sa pagbabahaginan, hindi ko mapigilang magyabang kay Zhengxin, sinasabing, “Sumandig ako sa Diyos at tapos lang magbahagi ng ilang salita, pumayag silang lahat na dumalo sa mga pagtitipon.” Nakikita kung paano niya ako tiningnan nang may malaking paghanga, lalong gumanda ang pakiramdam ko. Sa isa pang pagkakataon, bumalik siyang nakayuko sa labis na kalungkutan dahil hindi niya masagot ang tanong ng isang taong pinangangaralan niya. Tinanong ko siya kung ano ang nasabi niya sa kanila, at inisa-isa niya iyon sa akin. Naisip ko sa sarili ko: “Wala ka pang sapat na karanasan. Hindi mahirap sagutin ang tanong na ito at mabilis ko sanang nasagot iyon. Kailangan kong ipaalam sa iyo ang lahat ng pinakabagong impormasyon at ipakita sa iyo kung paano talaga ibinabahagi ang ebanghelyo.” Pagkatapos, sinabi ko sa kanya kung paano magbahagi nang mas epektibo. Sumang-ayon si Zhengxin sa sinabi ko, sinasabing malaki talaga ang kulang sa kanya, at hiniling na tulungan ko pa siya. Sinabi ko na kailangan naming sumandig sa Diyos, pero sa puso ko ay labis pa rin akong nasiyahan sa sarili ko, iniisip kung gaano ako kagaling sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

Sa isang pagtitipon, tinanong sa amin ng isang lider kung ano ang natutuhan namin at ano ang mga naranasan namin kamakailan habang nagpapalaganap ng ebanghelyo. Sinabi ni Zhengxin: “Nalaman ko sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo na napakarami ko pa ring kakulangan. Napakaraming tanong mula sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na hindi ko masagot. Tila nagagawa ni Xu Lu na mahanap ang mga salita ng Diyos na ibabahagi at malutas ang kanilang mga tanong nang napakabilis.” Ngumiti sa akin ang lider at tumango. Ginusto kong ipakita sa lider kung gaano karami ang alam ko at madali kong masasagot ang anumang tanong, kaya sinadya kong sumabad sa pagsasalita ni Zhengxin, sinasabing, “Mahirap talagang sagutin ang ilan sa mga tanong ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo.” Tinanong ng lider, “Anong mga tanong?” Mabilis kong sinuri ang ilang tanong, iniisip na dapat kong piliin ang pinakamahirap na tanong para ipakita sa lider kung gaano ako kagaling. Kaya, sa masigla at masayang pagkumpas-kumpas, sinabi ko ang mga tanong ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, kung paano ako nagbahagi para lutasin ang mga iyon at kung paano ko sila nakumbinsi nang taos-puso sa huli. Sinadya kong pahirapin ang tanong, na ipinalalabas na mas mahirap ang mga bagay-bagay kaysa sa totoo, na para bang hindi kailanman malulutas ng iba ang mga isyung ito at ako lang ang may kakayahang gawin iyon. Gusto kong isipin ng lider na mayroon akong kaunting katotohanang realidad, na ako ang pinakamagaling sa lahat ng nagbabahagi ng ebanghelyo. Aprubado ako sa lahat ng lider at iba pang mga kapatid, at tuwang-tuwa ako roon. Matapos magtanong tungkol sa aming gawaing magbahagi ng ebanghelyo, nagbahagi sa amin ang lider tungkol sa mga prinsipyo ng pagbabahagi ng ebanghelyo patungkol sa mga isyu namin kamakailan. Kasisimula pa lang magsalita ng lider, naisip ko sa sarili ko: “Mayroon akong ilang nauugnay na karanasan na talagang dapat kong ibahagi kaagad. Kung pupunta tayo sa ibang paksa, lalagpas ang pagkakataon kong magsalita.” Kaya sumabad ako, na sinasabing: “Hindi lang iyon.” Tapos ay nagsimula ako ng isang malawakang talakayan, na humuhugot mula sa sarili kong karanasan para ipaliwanag kung paano ako nagkamit ng mga resulta habang nagpapalaganap ng ebanghelyo. Nakikitang tumatango ang lahat sa pagsang-ayon, lalo ko pang siniglahan ang pagsasalita. Isiningit ng iba pang mga kapatid ang sarili nilang mga opinyon pero wala talaga akong pinakikinggan. Pakiramdam ko wala silang anumang tunay na kabatiran o mahahalagang ideya. Patuloy lang akong nagbahagi ng aking mga pananaw, na hindi binibigyan ng pagkakataon ang iba na magsalita. Gusto ko lang ipahayag ang lahat ng sarili kong karanasan nang sabay-sabay, para makita ng lider na mayroon akong kakayahan at mga talento, na kaya kong hanapin ang mga prinsipyo sa aking tungkulin, at bihira ang katalinuhan ko. Habang nagsasalita, naisip ko na baka nagpapasikat ako, kaya sinubukan kong magdahan-dahan at magsalita nang kaunti tungkol sa aking katiwalian at mga kamalian. Pero iniisip ko rin noon na dapat ibahagi ang mga praktikal na pamamaraang ito para sa kabutihan ng nakararami. Lahat ng ito ay naranasan ko mismo at hindi maaaring hindi ko ibahagi sa takot na magpasikat. Sa ideyang iyon, patuloy lang akong nagsalita. Nang makatapos ako, tumangu-tango ang lider sa pagsang-ayon at tila nakatingin sa akin ang iba nang may paghanga. Napakaganda ng pakiramdam na iyon. Kaya para sa pagtitipong iyon, pinakinggan lang ako ng lahat na magsalita. Hindi lang iyon, kundi sa mga pagtitipon at pagbabahaginan halos hindi ko sinabi sa iba ang aking mga negatibong kalagayan o mga halimbawa ng aking mga kabiguan sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Pakiramdam ko ay masisira niyon ang aking imahe, kaya pinili ko lang ang naranasan kong mga tagumpay. Inisip ng lahat na magaling ako sa pagbabahagi ng ebanghelyo matapos ang ilang pagtitipon, at nagsimulang umasa sa akin ang ilang tao sa tungkuling iyon. Deretsahan nila akong hinihilingang kausapin ang mga taong talagang nakapagkit sa kanilang mga haka-haka. Nagbigay sa akin ang lahat ng ito ng mas mataas na opinyon tungkol sa sarili ko, at nasiyahan ako sa pakiramdam na tinitingala ako. Habang labis akong nasisiyahan sa sarili ko, naharap ako sa pagkastigo at pagdidisiplina ng Diyos.

Nagsimula akong maharap sa maraming balakid at wala akong nakakamtang anumang mga resulta habang nagpapalaganap ako ng ebanghelyo. Naisip ko sa sarili ko: “Lagi akong nagyayabang at nagpapasikat sa mga pagtitipon namin ng mga kapatid, at ngayon ay hindi na ako epektibo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nasusuklam ba sa akin ang Diyos at itinatago ang Kanyang sarili sa akin?” Nagtapat ako kay Zhengxin tungkol sa aking kalagayan at sinabi niya, “Sa tagal ng panahong nakilala kita, napansin ko na mahilig kang magyabang. Nagsalita ka lang nang nagsalita nang sumali ang lider sa ating pagtitipon. Sumabad ka sa kanyang pagsasalita bago pa siya nakatapos, at ni hindi ako makapagtanong. Talagang nanliit ako sa iyo nang makita ko ang lahat ng karanasan mo sa pagbabahagi ng ebanghelyo at kung gaano ka naging epektibo sa paglutas sa mga problema ng mga tao.” Habang nagsasalita siya, nagsimula siyang umiyak at sumama nang husto ang pakiramdam ko. Hindi ko naisip kailanman na lubhang makakasira sa kanya ang pagpapasikat ko. Hindi ba paggawa iyon ng kasamaan? Lumapit ako sa Diyos para seryosong pagnilayan ang aking sarili, tapos ay binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay dinadakila at pinatototohanan ang kanilang sarili, itinataguyod ang kanilang sarili at ipinangangalandakan ang kanilang sarili kahit saan, at wala talagang pakialam sa Diyos. Naranasan na ba ninyo ang mga bagay na ito na sinasabi Ko? Maraming tao ang patuloy na nagpapatotoo para sa kanilang sarili, nagsasalita tungkol sa kung paano nila pinagdurusahan ang ganito at ganoon, kung paano sila gumagawa, kung paano sila pinahahalagahan ng Diyos, at ipinagkakatiwala sa kanila ang ganoong gawain, at kung ano sila, na sadyang gumagamit ng mga partikular na tono habang nagsasalita, at nagpapakita ng ilang partikular na asal, hanggang sa kalaunan ay malamang na may ilang taong magsisimulang isipin na sila ay Diyos. Matagal nang tinalikuran ng Banal na Espiritu ang mga umabot sa antas na ito, at bagamat hindi pa sila napapaalis o naititiwalag, at sa halip ay pinanatili upang magserbisyo, napagpasyahan na ang kanilang kapalaran at hinihintay na lamang nila ang kanilang kaparusahan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos). Nasaktan ako sa paghahayag ng mga salita ng Diyos at talagang sumama ang pakiramdam ko. Natanto ko na kaya maraming naging balakid sa aking pag-unawa at hindi ko madama ang patnubay ng Diyos ay dahil nasuklam ang Diyos sa pagyayabang ko. Napakamatuwid at banal ng disposisyon ng Diyos! Nakaramdam ako ng kaunting takot. Alam ko na kung nagpatuloy ako sa gayong paraan, tatalikdan at palalayasin ako ng Diyos dahil sa pagkasuklam. Kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ang problemang ito.

Pagkatapos niyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga pumupuri sa kanilang sarili at nagpapasikat. Sabi ng Diyos: “Dinadakila at pinapatotohanan ang mga sarili nila, ibinibida ang mga sarili nila, sinisikap na tingalain at sambahin sila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksiyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang dumadakila at nagpapatotoo ang mga tao sa mga sarili nila? Paano nila natatamo ang ganitong layunin na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan dinadakila nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming mga tao ang papahalagahan, hahangaan, gagalangin, at maging ipipitagan, idadambana, at susundan sila. Upang matamo ang layong ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran. Walang kahihiyan ang mga taong ito: Walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, mga matatalas na kapamaraanan sa pag-asal, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagdadakila at pagpapatotoo sa mga sarili nila ay upang ipagmarangya ang mga sarili nila at maliitin ang iba. Nagkukunwari rin sila at nagbabalatkayo, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba ito isang paraan ng pagdadakila at pagpapatotoo sa mga sarili nila?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Hindi ba ako nagpasikat at pinuri ko ang sarili ko tulad ng inilarawan ng Diyos? Sa pagganap sa aking tungkulin, nagpasikat ako para hangaan ako ng iba sa halip na patotohanan at dakilain ko ang Diyos. Ginamit ko ang aking karanasan sa ebanghelyo na parang personal na puhunan, na iniisip na matalino ako at mahusay magsalita. Nagpasikat ako at pilit kong itinampok ang aking sarili sa bawat pagkakataon. Nang magkaroon ako ng ilang tagumpay sa pagbabahagi ng ebanghelyo, ipinagyabang ko kay Zhengxin ang kakayahan kong magbahagi tungkol sa katotohanan at lumutas ng mga problema, at nang makita kong naharap siya sa ilang kabiguan, ikinuwento ko sa kanya ang lahat ng karanasan ko. Nagkunwari akong tinutulungan ko siya, pero ang totoo ay ipinagmamalaki ko lang ang sarili ko at ipinapakita ang aking mga kakayahan. Gusto kong isipin niya na mas magaling ako kaysa sa kanya, at dahil dito, nadama niya na mas mababa siya sa akin at naging negatibo sa huli. Nang pumunta ang lider sa aming pagtitipon, nagyabang ako at nagpasikat sa buong oras na iyon, na pinalalabas na napakahirap ng mga problemang nalutas ko para itampok ang aking mga kakayahan. Sumabad din ako sa pagsasalita ng mga tao at ibinaling ang pagtitipon sa sarili kong personal na lektyur, na walang tigil sa pagkukuwento kung paano ako nagkamit ng mga resulta sa pagbabahagi ng ebanghelyo para itampok ang aking mga nagawa at hangaan ako ng iba. Talagang kasuklam-suklam ako at walang kahihiyan! Dahil lagi akong sumasabad at nagpapasikat, pinagkaitan ko ng pagkakataon ang aking mga kapatid na maghanap at magbahagi ng katotohanan. Dahil dito, hindi kaagad nalutas ang kanilang mga isyu at paghihirap. Lubos kong nagambala ang pagtitipon. Bukod pa roon, dahil gusto ko lang magpasikat, hindi ako nagsikap na pagnilayan ang mga salita ng Diyos at nakinig sa mga karanasan at kaalaman ng ibang mga tao. Dahil dito, wala rin akong natutuhang anuman sa pagtitipon. Alam ko na marami akong kamalian at kabiguan, pero natakot akong masira ang imahe ko sa iba, kaya pinagtakpan ko ang mga pagkukulang at kabiguang iyon, at tinalakay ko lang ang aking mga tagumpay. Dahil dito, humanga at umasa sa akin ang ilang kapatid. Dinala ko sila sa aking harapan, at hindi lang ako hindi natakot, kundi tuwang-tuwa pa ako roon. Nang pagnilayan ko ang aking ugali, natanto ko na hindi ko sinikap na gawin nang maayos ang aking tungkulin at bigyang-kasiyahan ang Diyos, kundi nilinlang at binitag ko ang mga tao.

Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos na nagpaunawa sa akin sa aking likas na pagkatao at diwa. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at pinalilibutan sila. Gusto nilang magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Suriin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito. Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at may labis na pagtingin sa sarili. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin ang mga ito, at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Dahil dito ay natanto ko na ang patuloy na pagyayabang ay resulta ng pagiging kontrolado ng likas na kayabangan. Maliit pa ako ay gustung-gusto ko na ang pakiramdam na mahangaan at masuportahan—nakadarama ako ng karangalan at kasiyahan—kaya isang bagay iyon na hinangad ko palagi sa buhay. Patuloy kong ginawa iyon kahit matapos akong magtamo ng pananampalataya, na nagyayabang at nagpapasikat tuwing may pagkakataon ako. Tuwang-tuwa ako roon at nagalak ako kapag may nakita akong nakatingin sa akin nang may paghanga. Magpalaganap ng ebanghelyo ang responsibilidad ko, ang tungkulin ko, at anumang mga tagumpay ay dahil sa patnubay ng Diyos. Pero kontrolado ako ng aking likas na kayabangan, paggamit ng mga talento, karanasan, at ilang resultang natamo ko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang personal na puhunan. Pakiramdam ko isang talento akong kailangang-kailangan, at binalewala ko ang lahat ng iba pa. Sinunggaban ko rin ang bawat pagkakataong makapagyabang sa harap ng aking mga kapatid, kung paano ako naging matagumpay sa pagbabahagi ng ebanghelyo, pero hindi ko binanggit kailanman ang aking mga pagkukulang o kabiguan. Dahil dito, nagsimulang umasa sa akin ang aking mga kapatid sa halip na humingi ng tulong at umasa sa Diyos. Dapat ay may sagradong puwang ang Diyos sa puso ng mga tao, pero dinadala ko ang iba sa aking harapan, kaya ako lang ang may puwang sa puso nila. Hindi ba’t nilalabanan ko ang Diyos? Naisip ko si Pablo noong Kapanahunan ng Biyaya, na napakayabang. Hindi niya kailanman dinakila o pinatotohanan ang Panginoong Jesucristo sa kanyang mga sulat, at hindi siya nagpatotoo sa ginawang gawain ng Panginoong Jesus para sa sangkatauhan. Nagyabang lang siya tungkol sa kanyang sarili mga talento at kakayahan, na binibitag ang iba para humanga at sumunod sila sa kanya. Pinatotohanan niya na hindi siya mas mababa sa sinumang iba pang apostol, at sa huli ay sinabi niya na nabuhay siya bilang si Cristo, na labis na lumabag sa disposisyon ng Diyos. Ang patuloy na pagdadakila ni Pablo sa kanyang sarili ay naging dahilan para purihin siya ng ibang mga tao, hanggang sa punto na sa loob ng 2,000 taon ay itinuring na ng mga mananampalataya ang kanyang mga salita na parang sariling mga salita ng Diyos, bilang batayan ng kanilang pananampalataya, at ang mga prinsipyong dapat isagawa. Nahihigitan ng kanyang mga salita ang sariling mga salita ng Diyos sa kanila, nagawang isang tau-tauhan lang ang Diyos. Sa huli ay naging unang anticristo si Pablo at pinarusahan ng Diyos. Hindi ba katulad lang ako ni Pablo? Hindi ko dinakila at pinatotohanan ang Diyos sa aking tungkulin, kundi nagpasikat lang ako at binitag ang puso ng mga tao. Paano ko ginagampanan ang aking tungkulin? Pinatatakbo ko lang ang sarili kong negosyo. Sa puntong iyon, natakot ako sa aking mga kilos at natanto ko na talagang mapanganib ang magpatuloy sa ganitong paraan. Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “Diyos ko, ayaw kong mamuhay nang laban sa Iyo, ayon sa aking tiwaling disposisyon. Disiplinahin Mo sana ako at sawayin kung magpasikat akong muli. Diyos ko, gabayan Mo sana ako na magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa aking sarili.” Kalaunan ay nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kung saan hinahatulan at inilalantad Niya ang sangkatauhan: “Huwag mong isipin na nauunawaan mo ang lahat. Sinasabi Ko sa iyo na hindi sapat ang lahat ng nakita at naranasan mo para maunawaan mo kahit ang ika-sanlibong bahagi ng Aking plano ng pamamahala. Kung gayon ay bakit napakayabang mong kumilos? Ang katiting na talento at kaunting kaalaman mo ay hindi sapat para gamitin ni Jesus kahit sa isang segundo lamang ng Kanyang gawain! Gaano ba talaga karami ang karanasan mo? Ang nakita mo at lahat ng narinig mo sa buong buhay mo at ang naisip mo ay maliit kaysa sa gawaing ginagawa Ko sa isang saglit! Ang pinakamabuti ay huwag kang mamintas at maghanap ng mali. Maaari kang magmayabang hangga’t gusto mo, ngunit isa ka lamang nilalang na ni hindi kapantay ng isang langgam! Lahat ng laman ng iyong tiyan ay mas kakaunti kaysa sa laman ng tiyan ng isang langgam! Huwag mong isipin na, komo nagkaroon ka na ng kaunting karanasan at nauna ka, may karapatan ka nang magkukumpas at magmayabang. Hindi ba ang iyong karanasan at pagkauna sa tungkulin ay bunga ng mga salitang nabigkas Ko? Naniniwala ka ba na kapalit ang mga iyon ng sarili mong pagsisikap at pagpapagod? Ngayon, nakikita mo na Ako ay naging tao, at dahil lamang dito ay napuno ka ng napakaraming konsepto, at ng walang-katapusang mga kuru-kuro mula roon. Kung hindi dahil sa Aking pagkakatawang-tao, kahit may taglay kang mga di-pangkaraniwang talento, hindi ka magkakaroon ng napakaraming konsepto; at hindi ba rito nagmumula ang mga kuru-kuro mo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao). Hindi ko taglay ang katotohanang realidad at nakapagsasabi lang ako ng mga salita at doktrina. Pagkatapos magtamo ng kaunting karanasan at gumawa ng kaunting gawain, agad kong binalewala ang lahat ng iba pa, maging ang Diyos. Inagaw ko ang kaluwalhatian ng Diyos, na hindi makatwirang kayabangan at wala ni katiting na pagkamakatwiran! Habang nagbabahagi ng ebanghelyo, ang totoo ay alam na alam ko na ang Diyos ang nagtataguyod sa Kanyang sariling gawain. Kung minsan ay may magtatanong ng isang bagay na hindi ko alam kung paano sasagutin, kaya nagdarasal ako sa Diyos at sumasandig sa Kanya. Tapos ay dumarating sa akin ang sagot at nalalaman ko kung paano lutasin ang problema sa pamamagitan ng kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Kung minsan ay hindi pa nga ako gaanong nagsasalita, isang sipi lang ng mga salita ng Diyos, pero naaantig na ang mga tao, nakikilala ang tinig ng Diyos, at nagiging handang hanapin at tanggapin ang Kanyang gawain sa mga huling araw. Nakamit itong lahat sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos; Siya ang umaantig sa puso ng mga tao. Minsan, ibinahagi ko ang ebanghelyo sa kapatid ng isang sister sa iglesia. May mangilan-ngilang tao nang nagbahagi sa kanya dati, pero napigilan siya ng kanyang mga haka-haka at ayaw niyang maghanap at magsiyasat. Hindi ako gaanong tiwala, pero naghanda lang ako nang kaunti batay sa dati kong karanasan. Nang kausapin ko siya tungkol sa napag-isipan kong ideya, hindi lang siya walang positibong reaksyon, kundi bumanggit pa ng ilan niyang mga kuru-kuro. Hindi ko alam kung paano magbahagi, kaya nagdasal ako, na hinihiling sa Diyos na antigin at bigyang-liwanag siya. Pinapanood ko lang sa kanya ang isang video ng patotoo at hindi ako gaanong nagbahagi sa kanya, pero talagang naantig siya sa pagbabahagi sa video at ginusto niyang siyasatin ang bagong gawain ng Diyos. Gulat na gulat ako: Lubos siyang nagbago sa loob lang ng mahigit 30 minuto. Alam kong hindi iyon dahil sa napakagaling ng pagbabahagi ko, kundi dahil naantig siya ng Diyos. Kapag mali ang mga motibo ko sa aking tungkulin, gaano man karami ang sinabi ko, walang sinumang gustong tumanggap sa ebanghelyo. Ipinakita sa akin ng aking karanasan na sa aking mga tungkulin, ang papel na ginampanan ng mga salita ng Diyos at gawain ng Banal na Espiritu ay naging mahalaga sa desisyon, hindi ang aking mga talento at kakayahan. Naririnig ng mga tupa ng Diyos ang Kanyang tinig. Nakikilala ng mga taong nauna nang pinili ng Diyos ang Kanyang tinig sa Kanyang mga salita at gusto nilang siyasatin ang tunay na daan. Kung hindi siya napili ng Diyos, anumang pagbabahagi ay hindi makagagawa ng anumang kaibhan. Kahit walang anumang talento o mahusay na kakayahan, kung nasa tamang lugar ang puso ng tao, at tunay silang humihingi ng tulong at umaasa sa Diyos, matatamo nila ang Kanyang patnubay, at magtatagumpay rin sila sa kanilang mga tungkulin. Pero naging bulag ako sa katotohanang ito, wala ako ni katiting na pagkilala sa gawain ng Banal na Espiritu, at wala akong may-takot-sa-Diyos na puso. Ibinigay ko sa sarili ko ang lahat ng karangalan para sa pinakamaliit na tagumpay, na ginagamit na dahilan iyon para magyabang. Talagang wala akong kahihiyan. Nang gunitain ko ang mga paraan na nagpapasikat ako, pakiramdam ko ay napakasama ko at hiyang-hiya ako. Talagang napakahangal ko, pikit-mata akong nagkukunwari at naglalantad ng aking kahabag-habag na kalagayan sa lahat nang wala ni katiting na kamalayan sa sarili. Kung hindi ako naharap sa mga balakid habang nagpapalaganap ng ebanghelyo, at kung hindi ako iwinasto at pinungusan ng aking sister, nananatili sana akong manhid, na walang anumang pagkakilala sa sarili. Sa pagkatantong ito, nagdasal ako sa Diyos, na nagnanais na magsisi, na itigil ang pagdadakila sa aking sarili at pagpapasikat.

Kalaunan, sadya kong hinangad na malaman kung paano ako dapat magsagawa upang dakilain at patotohanan ang Diyos. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsabing: “Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang paraan ng pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa Kanyang gawain at sa Kanyang disposisyon, pagtalakay tungkol sa sarili nating katiwalian at pagsuway at kung paano natin nakilala ang ating sarili sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Pagkatapos ay maaaring pumunta ang iba para makita ang matuwid na disposisyon ng Diyos pati na ang Kanyang pagmamahal at pagliligtas sa atin. Pero ang tinatalakay ko lang ay tungkol sa aking mga tagumpay sa pagbabahagi ng ebanghelyo, halos hindi ko tinalakay kailanman ang tungkol sa katiwaliang naipakita ko o kung paano ko nilabanan at sinuway ang Diyos. Dahil dito, sinimulan ng mga tao na hangaan ako at umasa sa akin. Kailangan kong ipakita ang tunay kong pagkatao, ihayag kung paano ko dinadakila ang sarili ko at paano ako nagpapasikat at paano ako naituwid at nadisiplina ng Diyos para gabayan akong makilala ang sarili ko. Dapat ko ring ilantad ang aking mga pakikibaka at pagkukulang sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at ibahagi kung paano ako ginabayan ng Banal na Espiritu. Kailangan kong ibahagi ang lahat ng iyon, upang malinaw akong makita ng iba at makita rin nila kung paano gumagawa ang Diyos. Pagkatapos ay magkakaroon sila ng pananampalatayang umasa at humingi ng tulong sa Diyos sa kanilang tungkulin at matamo ang Kanyang patnubay. Nang magtapat ako sa gayong paraan, natanto ng lahat na talagang wala ang Diyos sa puso nila. Gusto nilang gumawa ng pagbabago, na sumandig sa Diyos sa kanilang tungkulin.

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Ang Diyos ang Lumikha, at ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan ang pinakamataas. Ang Diyos ay nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at kapangyarihan, at mayroon Siyang sariling disposisyon at mga pag-aari at pag-iral. May sinuman bang nakakaalam kung ilang taon nang gumagawa ang Diyos sa gitna ng sangkatauhan at lahat ng nilikha? Ang partikular na bilang ng mga taon na gumagawa at namamahala ang Diyos sa lahat ng sangkatauhan ay hindi alam; walang makapagbibigay ng tiyak na bilang, at hindi iniuulat ng Diyos ang mga bagay na ito sa sangkatauhan. Gayunpaman, kung gagawa si Satanas ng ganitong bagay, iuulat ba nito ito? Tiyak na gagawin nito iyon. Gusto nitong ipangalandakan ang sarili para linlangin ang mas maraming tao at ipaalam sa mas maraming tao ang mga kontribusyon nito. Bakit hindi iniuulat ng Diyos ang mga bagay na ito? May mapagkumbaba at nakatagong aspeto sa diwa ng Diyos. Ano ang kabaligtaran ng pagiging mapagpakumbaba at tago? Ito ay ang pagiging mayabang at pagpapakitang-gilas. … Hinihingi ng Diyos na magpatotoo sa Kanya ang mga tao, ngunit nagpatotoo na ba Siya sa Kanyang sarili? (Hindi.) Sa kabilang banda, natatatakot si Satanas na hindi malalaman ng mga tao ang kahit pinakamaliliit na bagay na ginagawa nito. Hindi naiiba ang mga anticristo: Ipinagmamalaki nila ang bawat maliit na bagay na ginagawa nila sa harap ng lahat. Sa pakikinig sa kanila, para bang nagpapatotoo sila sa Diyos—ngunit kung pakikinggan mo sila nang mabuti, matutuklasan mong hindi sila nagpapatotoo sa Diyos, kundi nagpapakitang-gilas at ipinagmamalaki ang kanilang sarili. Ang nag-uudyok at diwa sa likod ng sinasabi nila ay ang makipagtunggali sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang, at para sa katayuan. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, at si Satanas ay nagpapakitang-gilas. Mayroon bang pagkakaiba? Pagpapasikat laban sa pagpapakumbaba at pagiging tago: alin ang mga positibong bagay? (Pagpapakumbaba at pagiging tago.) Maaari bang ilarawan na mapagpakumbaba si Satanas? (Hindi.) Bakit? Kung huhusgahan ang masamang kalikasang diwa nito, ito ay isang walang kuwentang basura; magiging hindi pangkaraniwan kay Satanas na hindi magpakitang-gilas. Paano matatawag na ‘mapagpakumbaba’ si Satanas? Ang ‘kababaang-loob’ ay tumutukoy sa Diyos. Ang pagkakakilanlan, diwa, at disposisyon ng Diyos ay matayog at marangal, ngunit hindi Siya kailanman nagpapakitang-gilas. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, upang hindi makita ng mga tao kung ano ang Kanyang nagawa, ngunit habang Siya ay nagtatrabaho sa ganoong kadiliman, ang sangkatauhan ay walang tigil na pinagkakalooban, pinangangalagaan, at ginagabayan—at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Hindi ba’t ang pagiging tago at kababaang-loob ang dahilan kung bakit hindi kailanman ipinapahayag ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi kailanman binabanggit ang mga ito? Mapagpakumbaba ang Diyos at ito ay tiyak na dahil nagagawa Niya ang mga bagay na ito ngunit hindi Niya kailanman binabanggit o ipinapahayag ang mga ito, at hindi nakikipagtalo tungkol sa mga ito sa mga tao. Ano ang karapatan mong magsalita tungkol sa kababaang-loob kung hindi mo kaya ang ganitong mga bagay? Hindi mo ginawa ang alinman sa mga bagay na iyon, subalit ipinipilit mong mabigyan ng karangalan para sa mga iyon—ito ay tinatawag na pagiging walang-hiya. Sa paggabay sa sangkatauhan, isinasagawa ng Diyos ang ganoon kahusay na gawain, at pinamumunuan Niya ang buong sansinukob. Napakalawak ng Kanyang awtoridad at kapangyarihan, ngunit hindi pa Niya kailanman sinabi, ‘Ang Aking kapangyarihan ay katangi-tangi.’ Nananatili Siyang nakatago sa lahat ng bagay, namumuno sa lahat, nagtutustos at nagkakaloob para sa sangkatauhan, tinutulutan ang lahat ng sangkatauhan na magpatuloy sa bawat henerasyon. Katulad ng hangin at ng sikat ng araw, halimbawa, o lahat ng mga materyal na bagay na kinakailangan para sa pag-iral ng tao sa mundo—dumadaloy ang lahat ng ito nang walang tigil. Na ang Diyos ay nagkakaloob sa tao ay hindi mapag-aalinlanganan. Kung may ginawang mabuting bagay si Satanas, mananatili ba itong tahimik, at mananatiling isang hindi kilalang bayani? Hindi kailanman. Katulad ito ng kung paanong may ilang anticristo sa iglesia na dating nagsagawa ng mapanganib na trabaho, na tumalikod sa mga bagay-bagay at nagtiis ng pagdurusa, na maaaring napunta pa sa bilangguan; may ilan ding minsang nag-ambag sa isang aspeto ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila nakakalimutan ang mga bagay na ito, sa palagay nila ay karapat-dapat sila sa panghabambuhay na karangalan para sa mga ito, sa palagay nila ay panghabambuhay nilang puhunan ang mga iyon—na nagpapakita kung gaano kaliit ang mga tao! Ang mga tao ay talagang maliliit, at si Satanas ay walang kahihiyan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Masasama, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Naantig ako ng pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos. Nang ikumpara ko ang Kanyang kilos sa sarili kong kilos, hiyang-hiya ako. Lubhang kataas-taasan ang Diyos, pero nagdaan pa rin Siya sa napakalaking pagdurusa at kahihiyan sa pagiging tao at pagparito sa lupa, na nagpapahayag ng mga katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Gaano man kadakila ang Kanyang gawain o ilang katotohanan man ang Kanyang ipinapahayag, hindi Siya kailanman nagyayabang. Tahimik lang Niyang tinutustusan at inililigtas ang sangkatauhan. Napakaganda ng diwa ng Diyos. Pero isang butil lang ako ng alikabok at lubhang nagawang tiwali ni Satanas. Hindi ako espesyal pero sabik na sabik akong mahangaan. Ipinagyabang ko ang anumang maliit na bagay na ginawa ko, na nag-aalala na baka hindi iyon mapansin ng iba. Bagama’t malinaw na lahat ng ito ay Diyos ang may gawa at tumulong lang ako nang kaunti, hindi pa rin ako nahiyang hangarin na agawin ang kaluwalhatian ng Diyos, na palaging ipinagpapasikat ang sarili ko. Habang lalo kong iniisip iyon, lalo akong nakaramdam ng pagkaaba at pagiging kasuklam-suklam—lubhang nakamumuhi iyon sa Diyos. Ayaw ko nang maging gayong klaseng tao.

Sa mga pagtitipon pagkatapos niyon, sadya kong dinakila at pinatotohanan ang Diyos, na tinatalakay ang aking katiwalian at pagsuway, na mga kasuklam-suklam na layunin na humantong sa aking mga kabiguan, at kung paano ako nadisiplina at nagabayan ng Diyos para maunawaan ko ang mga prinsipyo at magtamo ako ng isang landas ng pagsasagawa. Tinulutan nito ang mga kapatid na matuto mula sa aking mga kabiguan at makilala ang matuwid na disposisyon at pagliligtas ng Diyos. Paminsan-minsan, may kaunti pa rin akong pagnanasang magpasikat, pero kapag natatanto ko iyon, nagdarasal ako at tinatalikdan ko kaagad ang sarili ko. Gumanda nang husto ang pakiramdam ko matapos kong isagawa iyon. Salamat sa pagmamahal at pagliligtas ng Diyos na nagkaroon ako ng ganitong pagbabago.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagkalas sa mga Buhol ng Puso

Ni Chunyu, Tsina Nangyari ’yon nung nakaraang tagsibol habang nasa tungkuling pang-ebanghelyo ako sa iglesia. Noong panahong ’yon, nahalal...