Ang Nangyari Pagkatapos ng Aking Rekomendasyon

Enero 16, 2022

Ni Xiangshang, Estados Unidos

Noong unang bahagi ng nakaraang taon, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia. Sa umpisa, nadama ko talagang nagkulang ako, kaya madalas akong nagdasal sa Diyos at pinagmunihan kung paano ko dapat gampanan ang tungkulin ko. Kapag nahaharap ako sa mga bagay na hindi ko maunawaan o mga problema na hindi ko masolusyonan, sinusulat ko ang mga ito at naghahanap ako at nagbabahagian kasama ang mga katrabaho ko. Kapag nalaman kong may problema ang mga kapatid, agad akong pupunta at magbabahagi kasama nila. Matapos ang kaunting panahon, naunawaan ko ang ilang prinsipyo sa pagtupad ng gawain ng iglesia, at sa tuwing tinatalakay ang gawain, lahat ay sumasang-ayon sa karamihan ng mga pananaw ko. Kapag ang mga kapatid ay nakakatagpo ng problema o paghihirap, masaya silang lumalapit sa’kin para sa pagbabahagi. Nang makita ko ito, tuwang-tuwa ako sa sarili ko. Pakiramdam ko ay mataas ang aking kakayahan, mahusay ako, at nagagawa ko ang tungkulin ko bilang isang lider.

Habang ang aming gawaing ebanghelyo ay lumalawak, ang mga kasapi sa iglesia ay patuloy na dumarami at ilang lugar ng pagtitipon ang nadaragdag. Ako’y pumupunta sa iba’t ibang pagpupulong ng mga grupo araw-araw, at kailangan ding diligan ang mga baguhan. Nag-alala ang mga lider na masyado akong maraming ginagawa at makakaantala ito sa gawain, kaya’t masigasig silang itambal ako sa isa pang lider sa lalong madaling panahon. Naisip ko, nakikita ng lahat na dumami ang trabaho, kaya kung papasanin ko itong lahat nang mag-isa, makikita panigurado ng lahat na ako’y may talento at may kakayahan, at mas gaganda ang tingin nila sa akin. Nagdahilan ako at sinabing ’di ako kailangang itambal kahit kanino sa panahong ’yon. Ako ay abalang-abala noong panahong iyon. Minsan, ni wala na akong oras para sa mga pang-umagang debosyonal at natutulog ako nang gabing-gabi na. Ang mga sister sa paligid ko ay lahat sinabing dapat daw akong maghanap ng katambal. Kalaunan, nadama ko talagang tumanggap ako ng tungkulin na hindi ko kayang magampanan at sa wakas ay sinabi sa mga lider kung ano talaga ang nangyayari. Inirekomenda ko na maitambal kay Sister Wang at pumabor ang lahat ng kapatid. Noong umpisa, nadama ko na naging mas madali ang mga bagay-bagay noong may kahati ako sa gawain. Pero, ’di masyadong nagtagal, nakita ko na si Sister Wang ay may mahusay na kakayahan, mabilis na naunawaan ang katotohanan at maagap talaga sa kanyang tungkulin. Kapag ang mga kapatid ay nahihirapan o nagkakaroon ng problema sa iglesia, mas mabilis niyang napapansin at nahaharap ito kaysa sa’kin. Sa partikular, ang kanyang pagbabahagi tungkol sa katotohanan ay malinaw at nagbibigay-tanglaw. Sinabi ng mga kapatid na ito ay kapaki-pakinabang para sa kanila. Unti-unti, lahat ay nagsimulang pumunta kay Sister Wang para sa pagbabahagian kapag mayroon silang paghihirap o problema. Nag-iwan ito sa akin ng pakiramdam na mahirap ilarawan. Noon, ang mga kapatid ay pumupunta sa akin kapag mayroon silang problema, pero ngayon, ang lahat ay tumitingala na sa kanya sa loob ng ganoon kaikling panahon. Kapag nagpatuloy ito, magagawa ko bang manatili sa mataas kong posisyon? Narinig ko rin na sinabi ng isang lider na si Sister Wang ay may mahusay na kakayahan at karapat-dapat na linangin. Lalo akong nakadama ng krisis dahil dito. Noong simula, inakala ko na bilang bagong lider, maibabahagi lang sa kanya ang bigat ng mga gawain ko. ’Di ko alam, aagawin pala niya ang atensyon sa gawain ko. May paglulugaran ba ako kapag nagpatuloy ito?

Tapos, nakaranas si Sister Wang ng isang bagay na hindi niya naintindihan sa gawain ng iglesia at lumapit para tanungin ako. Dahil hindi ko gustong magbigay ng detalye, iniklian ko lang ang sagot ko, at binigyan lang siya ng malabong sagot. Nag-alala ako na lalo lang akong mapupunta sa gilid kapag naging pamilyar na siya sa gawain. Isang beses, nalaman ko na natuklasan niyang mabagal ang pag-usad ng isang gawain, at pumunta nang direkta sa mga lider na responsable sa gawain namin para iulat ang sitwasyon at talakayin kung paano malulutas ito. Binanggit din niya na ang isang sister na naatasan ko para sa pagdidilig ay hindi akma sa tungkulin. Nang marinig ko ito, nagalit ako at naisip na: “Hindi pa sapat na palaging inaagawan mo ako ng atensyon sa harap ng mga kapatid, nagpunta ka pa sa mga lider nang wala ako? ’Di ba’t pinagmumukha nitong mas marami kang ginagawa kaysa sa akin? At sinabi mo na ang isa kong itinalaga ay hindi akma. Hindi ba’t isa itong lantarang pagtatangka na pababain ang pagtingin sa akin ng mga lider?” Nagkaroon ako ng pagkiling laban kay Sister Wang. Kapag nagbibigay siya ng makatwirang suhestiyon sa aming mga talakayan sa gawain, ni hindi ko gustong tanggapin ito, at kung tanggapin ko man ito, gagawin ko lang nang mabigat sa kalooban. Minsan sa isang pagpupulong ng mga kasama sa trabaho, isang kasama ang nagbanggit ng ilang problema sa loob ng iglesia na kailangang harapin para mapagbahagian namin. Ito ang unang pagtitipon na pinamunuan ni Sister Wang, kaya’t medyo ninenerbiyos siya at gustong ako ang maunang magbahagi. Pero ayoko talagang makipagtulungan sa kanya at naisip ko na: “’Di ba may kakayahan ka? E ’di ikaw ang magbahagi!” Mariin akong hindi nagsalita. Matapos ang matagal na katahimikan, nang makita kung gaano nakakaasiwa ang mga bagay-bagay, walang nagawa si Sister Wang kundi ang maunang magbahagi. Pagkatapos, hiniling niya na magdagdag pa ako sa sinabi niya, kaya’t mabigat sa kalooban akong nagbahagi nang kaunti. Ang pagtitipon na iyon ay hindi masyadong naging mabunga. Pagkatapos, medyo hindi ako mapalagay. Pakiramdam ko ay hindi ko nagawa ang tungkulin ko o natupad ang responsibilidad ko. Labis akong nakonsiyensiya. Dumulog ako sa Diyos at nagnilay sa aking sarili. Itinambal sa akin si Sister Wang at kaya niyang lumutas ng mga problema ng mga kapatid, na makabubuti sa gawain ng iglesia. ’Di ba’t magandang bagay iyon? Kung ganoon, bakit hindi ako masaya, at nakikipagkompetensya sa kanya?

Nakakita ako ng sipi ng mga salita ng Diyos, “Upang maging isang lider ng iglesia, ang isang tao’y hindi lamang dapat matutuhang gamitin ang katotohanan upang malutas ang mga problema, kundi upang tumuklas at luminang din ng mga taong may talento, na talagang hindi dapat pigilan o kainggitan ng isang tao. Ang gayong pagganap ng tungkulin ay pasado sa pamantayan, at ang mga lider at manggagawa na gumagawa nito ay pasado sa pamantayan. Kung nagagawa mong kumilos sa lahat ng bagay ayon sa mga prinsipyo, ipinamumuhay mo ang iyong katapatan. Mayroong ilan na palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay at mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay pahahalagahan habang sila mismo’y pinababayaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Masama ito! Pansariling interes lang ang iniisip niya, pansariling mga hangarin lamang ang binibigyang-kasiyahan niya, wala siyang konsiderasyon sa mga tungkulin ng iba o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ang ganitong klase ng mga tao ay may masamang disposisyon, at hindi sila mahal ng Diyos(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na nakaramdam ako ng poot kay Sister Wang at nainggit sa kanyang kakayahan pangunahin dahil masyado kong inisip ang reputasyon at posisyon. Nang makita ko ang mahusay na kakayahan ni Sister Wang, ang maagap niyang aksyon sa kanyang tungkulin, at ang abilidad niyang malutas ang mga problema ng mga kapatid, na nakuha ang papuri at respeto ng lahat, nadama ko na nasa panganib ang posisyon ko dahil sa kanya, kaya sumama ang loob ko sa kanya at nakaramdam ako ng poot. Nang makahanap siya ng ilang problema sa tungkulin ko at tinanong sa mga lider kung paano malulutas ang isyu, lalo lang tumindi ang pagkiling at sama ng loob ko. Pakiramdam ko ay hindi lang niya ninakaw ang atensyon sa akin, kundi ibinunyag niya rin sa mga lider ang mga pagkukulang ko. Sa isip ko, nakikipagkompetensiya ako sa kanya. Kapag nagbibigay siya ng mga makatwirang suhestiyon, ayaw kong makinig sa kanya. Noong hindi n’ya nakayang lutasin ang problema ng mga kapatid, nanood ako at tumawa, palihim na minamaliit siya, na nauwi sa pagiging hindi epektibo ng pagpupulong. Nahumaling ako sa reputasyon at posisyon. Isinaalang-alang ko ang sarili kong mga interes, walang malasakit kahit papaano sa pagprotekta sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Naging makasarili ako at napakamasama, nagbubunyag ng malisyosong satanikong disposisyon. Nakasusuklam ito sa Diyos!

Tapos, nakita ko ang mga salita ng Diyos na ito: “Ang pagtutulungan ng magkakapatid ay isang proseso mismo ng pagbabalanse ng mga kahinaan ng isa sa pamamagitan ng lakas ng iba. Ginagamit mo ang iyong mga lakas upang punan ang mga pagkukulang ng iba, at ginagamit ng iba ang kanilang mga lakas upang punan ang sa iyo. Ito ang ibig sabihin na pagbalanse ng mga kahinaan ng isa sa pamamagitan ng lakas ng iba, at upang makapagtulungan sa pagkakaisa. Tanging sa pagtutulungan sa pagkakaisa pagpapalain ang mga tao sa harap ng Diyos, at, kapag mas nararanasan ang ganito ng isang tao, mas nagtatamo sila ng praktikalidad, ang landas ay nagiging mas maliwanag, at nagiging mas panatag sila(“Tungkol sa Matiwasay na Pakikipag-ugnayan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Ano ang dapat gawin ng mga tao upang maging kapaki-pakinabang kapag gumagawang kasama ng iba? Ang punan at tukuyin ang mga pagkukulang ng isa’t isa, bantayan ang isa’t isa, maghanap at magsanggunian sa isa’t isa(“Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Mula sa mga salita ng Diyos napagtanto ko na ang pagkakaroon ng katambal ay hindi lang para magkaroon ng kasama para maibahagi ang gawain tulad ng naisip ko, o di kaya para makipagkompetensya o mapagkumpara. Ang pinakaimportante, sa paggawa ng tungkulin natin, kailangan nating punan at pangasiwaan ang isa’t isa, at ipaalam ang mga bagay-bagay sa isa’t isa. Naisip ko kung paanong, matapos kong makatambal si Sister Wang, nadiskubre niya ang ilang maliliit na isyu sa gawain namin na hindi ko napansin, at ang pagbabahagi n’ya tungkol sa katotohanan ay nagbibigay-tanglaw at kaya n’yang lutasin ang ilang praktikal na problema at kahirapan. Nakatulong ito sa gawain ng iglesia. Nadiskubre niya ang mga problema at nagkusang hilingin sa mga lider na tumulong lutasin ang mga ito. Ito ang pagpapahayag ng pagdadala ng pasanin, at ito ay para pagtibayin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Pero nakaramdam ako ng sama ng loob at pagkainis sa kanya. ’Di ba’t ito ay malinaw na pagsalungat sa katotohanan at mga positibong bagay? Bukod pa rito, kung ’di napagtanto ni Sister Wang na ang taong naatasan ko ay hindi akma at di siya agad kumilos, ang gawain ng iglesia ay nakompromiso sana, at iyon ay magiging paglabag sa panig ko. Ang pagbanggit ni Sister Wang sa mga problema ay natulutan din akong magnilay sa sarili, na makita na sa tungkulin ko sa hinaharap, kailangan kong maging mas masipag at hanapin pa ang mga prinsipyo. Natulungan at napunan nito ang mga pagkukulang ko.

Sa mga gawain ko kasama si Sister Wang mula noon, kapag naiinggit ako sa kanya, sinasadya kong magdasal sa Diyos at talikdan ang aking sarili. Kaya kong isantabi ang inggit ko at hindi na ako masyadong miserable. Kapag nagbibigay siya ng mga makatwirang suhestiyon, gumagawa ako kasama niya para maisakatuparan ang mga iyon. Sa pagsasagawa nito, nakaramdam ako ng higit na kalayaan.

Noong tumagal-tagal, nang makita ko ang ilang nahihirapang kapatid na pumunta kay Sister Wang para sa pagbabahagian, nagsimula na naman akong mabahala. Kaming dalawa ay malinaw na magkahati sa responsibilidad, kaya’t bakit sa kanya lang sila pumupunta at hindi sa’kin? Ganoon ba talaga ako kakulang? Alam ko na mali ang ganitong pag-iisip, pero hindi ko lang mapigilan na maramdaman ito. Kinalaunan, parami nang parami ang mga baguhan na responsibilidad kong diligan at may mga bagong grupong inorganisa sa mga pagtitipon. Isasama ko dapat si Sister Wang sa akin, pero kapag isinama ko siya, ano ang gagawin ko kapag ang mga kapatid sa grupong iyon ay pumunta sa kanya para sa kanilang mga problema? Kaya, hindi ko siya isinama. Ilang araw akong talagang balisa at hindi mapalagay, pero hindi ko pinatahimik ang puso ko at pinagnilayan ang ugat ng pagkabalisa ko. Isang araw, pahapyaw na nabanggit ng isang lider na si Sister Wang ay medyo bata pa at dating maikli ang pasensya at sumpungin sa kanyang tungkulin. Nang marinig ito, nakaramdan ako ng pagkalugod dahil tila ang impresyon sa kanya ng lider ay hindi kasingganda ng akala ko. At dinagdagan ko pa ito ng: “Tama, kapag siya ay gumagawa ng tungkulin gusto niyang maging sentro ng atensyon at magpakitang gilas.” Nang lumaon ay nabalitaan ko na ang isa pang iglesia ay mayroong posisyon ng pamumuno na pupunan, at pinag-iisipan ng mga lider kung maglilipat ng isang tao mula sa aming iglesia. Naisip ko sa sarili ko: “Kung gagawin ni Sister Wang ang tungkulin niya sa iglesia na iyon, magkakaroon kami pareho ng sarili naming lugar. Kaya ’di ba mas magiging ligtas ang posisyon ko rito?” Noong sumunod na araw, pinuntahan ko ang isang lider at iminungkahi na ilipat si Sister Wang para maging responsable sa iglesia na iyon, at na pwede akong umako ng kaunti pang dagdag na gawain dito. Subalit, sinabi ng lider na ang iglesiang iyon ay mayroon nang akmang kandidato. Nanghina ako noong marinig iyon. Dahil hindi mapupunta si Sister Wang sa iglesiang iyon, kailangan ko pa rin siyang dalhin sa mga bagong lugar ng pagtitipon. Nang maisip ko iyon, naramdaman ko na binibigay ko na lang ang posisyon ko sa kanya. Umupo ako nang hindi gumagalaw, na may paglalaban ng kalooban. Pagkatapos, ang mga salita ng Diyos na ito ay biglang sumagi sa isip ko: “Bawat isa sa inyo, bilang mga taong naglilingkod sa Diyos, ay dapat na magawang ipagtanggol ang mga interes ng iglesia sa lahat ng inyong ginagawa, sa halip na isipin lang ang mga pansarili ninyong interes. Hindi katanggap-tanggap na kumilos nang mag-isa, na pinapanghina ang bawat isa. Hindi naaangkop na maglingkod sa Diyos ang mga taong umaasal nang ganoon! Mayroon ang mga ganoong tao ng isang napakasamang disposisyon; walang natitirang ni katiting na pagkatao sa kanila. Isandaang porsiyento silang si Satanas! Mga hayop sila!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita). Nararamdaman ko na ang disposisyon ng Diyos ay hindi magtitiis ng pagkakasala. Ayokong makipagtambal kay Sister Wang, at sinadya ko pang hindi siya isama sa mga pagtitipon, at nakahanap ng dahilan para mapalayo siya. Ikinasusuklam ito ng Diyos, at sa paggawa nito, ako ay walang pagkatao at nagpakita ng ganap na satanikong disposisyon. Kung hindi ako magsisisi, sa huli ay mapapatalsik ako sa tungkulin ko dahil nalabag ko ang disposisyon ng Diyos. Natakot ako nang kaunti sa kaisipan na ito. Nang gabing iyon, naging balisa ako, hindi makatulog. Iniisip ko, “Alam ko na ang pakikipagtambal kay Sister Wang ay ang gusto ng Diyos, na ito ay mainam para sa gawain ng iglesia at mainam din para sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid, pero ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para itaboy siya. Anong klaseng problema ito? Ano ang disposisyon na kumokontrol sa akin?” Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag ako para makilala ang sarili ko.

Isang araw, nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Iniisip ng mga anticristo na ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang mga interes ng iglesia ay pagmamay-ari nila, na ang mga ito ay personal na pag-aaring dapat ay lubusan nilang pamahalaan nang hindi pinakikialaman ng iba. At kaya ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan at reputasyon. Tinatanggihan nila ang sinumang sa paningin nila ay banta sa kanilang katayuan at reputasyon; sinusupil nila at itinatakwil sila. Ibinubukod pa nga nila at sinusupil ang mga taong kapaki-pakinabang at angkop para sa pagtupad ng ilang mga natatanging tungkulin. Hindi nila binibigyan ng kahit bahagyang pagsasaalang-alang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ni ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung may sinumang banta sa kanilang katayuan, hindi nagpapasakop sa kanila, hindi sila pinapansin, kung gayon, ibinubukod at pinipigilan nila siya at dumidistansya sila sa kanya. Hindi nila siya pinahihintulutang maging katambal nila, at hinding-hindi siya hinahayaang magkaroon ng anumang makabuluhang posisyon, anumang mahalagang papel, na saklaw ng kanilang kapangyarihan. Anumang mabubuting gawa ang gawin ng mga taong ito—mga gawa na kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos—magsisikap nang husto ang mga anticristo upang takpan ang mga gawa na ito. Babaluktutin pa nila ang mga katotohanan upang angkinin ang papuri para sa magagandang bagay at ipaako sa iba ang kamalian; pinipigilan nila ang mga kapatid na makita ang mga kalakasan at kabutihan ng ibang tao, upang mapigilan ang mga taong ito na mapuri at maendorso ng mga kapatid at maging banta sa kanilang posisyon. … Sa katunayan, lahat ng taong ito ay may mahuhusay na katangian, lahat sila ay nagmamahal sa katotohanan, at karapat-dapat linangin. Maliliit na kamalian lamang ang matatagpuan sa kanila, paminsan-minsang pagpapamalas ng tiwaling disposisyon; lahat sila’y may bahagyang mabuting pagkatao. Sa kabuuan, naaangkop sila para tumupad ng tungkulin, naaayon sila sa mga prinsipyo para sa mga tumutupad ng tungkulin. Subalit sa paningin ng mga anticristo, iniisip nila, ‘Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng gampanin sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon, ni huwag mong isipin ito. Mas may kakayahan ka kaysa sa akin, mas matatas kang magsalita kaysa sa akin, mas may pinag-aralan kaysa sa akin, at mas sikat kaysa sa akin. Anong gagawin ko kung nakawin mo ang mga pinaghirapan ko? Nais mong gumawa akong kasama mo? Ni huwag mong isipin ito!’ Isinasaalang-alang ba nila ang interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ang iniisip lamang nila ay kung paano maiingatan ang kanilang sariling katayuan, kaya mas nanaisin pa nilang pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kaysa gamitin ang mga taong ito. Ito ay pagbubukod(“Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Mula sa ibinunyag ng Diyos, malinaw na ang mga anticristo ay mayroong masama at malisyosong kalikasan. Naniniwala silang “Isa lang ang lalaking maaaring manguna” at “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa.” Nakikita nila ang posisyon at reputasyon at iba pa. na mas mahalaga sa lahat. Gusto nila na sila lang ang nasa kapangyarihan at hindi papayagan ang sinuman na makahigit sa kanila. Ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para ihiwalay at ibukod ang sinumang maaaring maging banta sa posisyon nila at ginagawa ang lahat para pagtakpan ang kalakasan at kalamangan ng iba. Gaano man kalaki ang nagawa ng mga tao sa paligid nila para protektahan ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos, tinatakpan nila ito, pinaliliit ito, at kinukuha pa ang karangalan para sa gawa ng iba. Nagnilay ako sa sarili ko batay dito. Bagamat ang mga aksyon ko ay hindi kasinglala ng sa mga anticristo na ibinunyag ng Diyos, nagpapakita ako ng disposisyon na tulad ng sa isang anticristo. Nang makita ko ang mahusay na kakayahan ni Sister Wang, ang kanyang abilidad na lumutas ng mga problema at kung gaano kataas ang tingin sa kanya ng mga kapatid, inisip ko na ninakaw niya ang atensyon na para sakin, kaya nagkaroon ako ng sama ng loob sa kanya, laging nararamdaman na nakaharang siya sa akin, pinagbabantaan ang aking posisyon. Noong kami ay pinagtambal sa isa’t isa, dahil nag-alala ako na mawawala ang katayuan ko, hindi ko siya isinama sa ilang lugar ng pagtitipon. Sinabi ko rin ang mga pagkukulang niya sa harap ng isang lider, nang walang sinasabi tungkol sa mga kalakasan at kalamangan niya. Gusto ko pa nga na ilipat siya ng mga lider sa ibang lugar para gampanan ang tungkulin n’ya nang sa gayon ay matupad ang matindi kong ambisyon na mag-isa lang dito na namamalakad at nagdedesisyon sa lahat. Gumamit ako ng masasama at walang dangal na mga taktika para hindi isali si Sister Wang. Paano ito naiiba sa awtaritaryanismo at pagiging sakim sa kapangyarihan ng mga anticristo? Naisip ko ang mga napaalis na anticristo na laging naghahangad ng katayuan. Para makamit ang layunin nila na pamunuan ang lahat at magkaroon ng kapangyarihan habambuhay, nakita nila ang sinuman na maaaring magbanta sa kanilang posisyon bilang tinik sa tagiliran nila, at ginawa ang lahat para atakehin at patalsikin ang iba, nang hindi iniisip ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Nauwi sila sa paggawa ng lahat ng klase ng kasamaan at napatalsik. Gumagawa ako ng mga bagay nang may disposisyon ng isang anticristo, kaya ’di ba’t nasa daan ako ng isang anticristo? Natakot ako nang matanto ito. Kung wala ang paghatol at paghahayag ng Diyos, hindi ko sana nakilala ang sarili ko kahit kailan. Hindi ko alam kung gaano pa karami ang nagawa ko para labanan ang Diyos. Nakita ko na namumuhay ako sa satanikong lason ng “Isa lang ang lalaking maaaring manguna.” Ito ang wangis ni Satanas, lubos na walang pagkatao. Naduwal ako at nasuklam sa sarili ko. Lumapit ako sa harap ng Diyos at nagdasal: “Diyos ko, kamakailan ay nabulag ako ng katanyagan at katayuan. Hindi ko isinali ang itinambal sa akin na sister para manatili ako sa kapangyarihan. Ako ay napakamapaghimagsik! Diyos ko, handa akong magsisi at gawin ang tungkulin ko nang may pagkakasundo kay Sister Wang.”

Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang pakikipagtulungan ay kinabibilangan ng paghiling ng tulong at mga mungkahi sa iba, paghingi ng payo sa iba, at ang kakayahang hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan kapag may problema. Malinaw nang naibahagi ang lahat ng ito; ang susunod na mangyayari ay nakasalalay kung paano mo ito isasagawa. Kung pakiramdam mo ay palagi kang nakatataas sa iba at itinuturing mong opisyal na katungkulan ang iyong misyon, at lagi kang umiiba ng daan, lagi kang nagpaplanong mag-isa, lagi kang gumagawa ng sarili mong pamamahala—magsasanhi ito ng mga problema. Kung ganito ka palaging kumilos, at ayaw mong makipagtulungan sa iba, ibigay ang iyong awtoridad sa iba, tumanggap ng papuri ang iba, maagaw ang iyong kasikatan—kung gusto mo lamang mapunta sa iyo ang lahat ng bagay, mali ang landas na iyong tinatahak. Subalit kung madalas mong hanapin ang katotohanan at isinasantabi ang gayong mga bagay, at kung kaya mong magpasimunong makipagtulungan sa iba, madalas na binubuksan ang puso mo para kumonsulta sa iba at humingi ng payo sa kanila, at kung sinusunod mo ang mga mungkahi ng iba at nakikinig kang mabuti sa kanilang mga ideya at salita, tama ang landas na iyong tinatahak(“Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Napakalinaw na inilalarawan ng mga salita ng Diyos ang daan ng pagsasagawa! Ang pinakamahalagang bagay para sa nagkakasundong pakikipagtambalan sa iba ay ang pagsasantabi natin sa sarili at pagkatuto sa kalakasan ng iba, maingat na pakikinig sa mga opinyon ng iba at paghingi ng tulong kapag mayroon tayong hindi naiintindihan. Napagtanto ko na wala talaga akong partikular na kakayahan at lalong walang katotohanang realidad. Iniangat ako ng Diyos para gawin ang tungkuling ito bilang pagkakataon na sanayin ang sarili ko, na nagtutulot sa akin na makamit ang katotohanan at lumago sa buhay. Pero noong may kaunti akong naabot, ginusto kong maging mataas, nasa nangungunang posisyon. ginusto ko pa nga na sarilinin ang posisyong iyon, taglayin ang lahat ng kapangyarihan, at mag-isa. Ako ay napakahindi makatwiran! Nang mapagtanto ito, napuno ako ng pagsisisi at pagkamuhi sa sarili. Agad kong sinimulang dalhin si Sister Wang sa mga bagong lugar ng pagtitipon at tinagubilinan siya nang detalyado para malaman niya ang lahat ng dapat malaman sa lalong madaling panahon. Pinasan ni Sister Wang ang bigat at naging maagap sa tungkulin niya, at siya ay nagtuon sa paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ko na nakita ito bilang panganib sa posisyon ko. Bagkus, pinasalamatan ko ang Diyos para sa pagsasaayos ng ganitong katambal para tulungan ako. Mula noon, tuwing nakakatagpo ako ng tanong na hindi ko alam ang sagot, lumalapit ako kay Sister Wang para sa pagbabahagian, at kapag may problema ang mga kapatid na hindi ko kayang lutasin, pinalalapit ko sila sa kanya. Ang pagsasagawa nito ay nagparamdam sa akin ng paglaya at ang gawain ng iglesia ay mas maayos na makauunlad. Matapos makita ang lahat ng ito, naisip ko na kung napaalis si Sister Wang tulad ng gusto ko, hindi ko sana nagawa ang gawaing ito nang mag-isa. Ang gawain ng iglesia ay siguradong naapektuhan at naantala. Iyon ay magiging paggawa talaga ng masama! Habang lalo ko itong inisip, lalo kong nadama kung gaano kahusay ang katambal na isinaayos ng Diyos para sa akin. Pinasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko.

Makalipas ang ilang buwan, nakita ko na si Sister Lin sa aming iglesia ay may mahusay na kakayahan at nauunawaan ang katotohanan, at siya rin ay mas may gulang kaysa sa akin. Ayon sa prinsipyo, siya ay mas naaangkop na maging isang lider ng iglesia kaysa sa akin. Gusto ko siyang irekomenda. Pero naisip ko na manganganib ang posisyon ko kapag naging lider siya ng iglesia. Pagkatapos, bigla kong naisip ang sipi na ito ng mga salita ng Diyos: “Kailangan mong matuto na hayaan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling manamantala sa sandaling magkaroon ka ng pagkakataong mamukod-tangi o mapuri. Kailangan mong matuto na umatras, ngunit huwag mong ipagpaliban ang pagsasagawa ng iyong tungkulin. Maging isang taong gumagawa nang patago, at hindi nagpapasikat sa iba habang matapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Kapag lalo mong binitiwan ang iyong kasikatan at katayuan, lalo mong bibitiwan ang sarili mong mga interes, mas mapapayapa ka, at magkakaroon ng mas malaking puwang sa iyong puso at bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpumilit at nakipagkumpitensya, lalong didilim ang kalagayan mo. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, subukan mo at makikita mo!(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Kailangan kong unahin ang gawain ng iglesia at ’di na isipin ang mga pansarili kong kagustuhan. Si Sister Lin ay mas naaangkop na maging lider ng iglesia kaysa sa akin, kaya dapat ko s’yang irekomenda. Ito ay kalooban ng Diyos at ang tanging matuwid na bagay na dapat gawin. Kaya, inirekomenda ko siya. Matapos siyang maging lider ng iglesia, ibinahagi ko sa kanya nang walang pasubali ang lahat ng alam ko, at sinuportahan at nakipagtulungan ako sa kanyang gawain sa abot ng aking makakaya, at nagbigay ng mga suhestiyon. Nang makita ko sina Sister Lin at Sister Wang na ginagampanan ang tungkulin nila nang may pinapasan at nagkakamit ng resulta, nakukuha ang pagsang-ayon ng lahat, muntik na akong maiyak. Pero ngayon, hindi dahil naramdaman ko na nawalan ako ng katayuan. Ito ay ang makitang nagsasama-sama ang lahat para itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Naantig ako sa paraan na hindi ko mailarawan. Sa lahat ng ito, talagang naranasan ko kung gaano kahalaga na isagawa ang katotohanan at makipagtambalan nang may pagkakasundo sa iba para magawa ang tungkulin mo nang maayos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Kapaki-pakinabang Na Ulat

Ni Ding Li, Estados Unidos Tag-init noon, dalawang taon na ang nakalilipas. Narinig ko na si Sister Zhou, isang lider, ay itinalaga si...

Sa Likod ng Katahimikan

Ni Li Zhi, TsinaHindi ako masyadong palasalita, at hindi ako madalas nagsasabi at nagsasalita mula sa puso. Akala ko iyon ay dahil sa...

Leave a Reply