Nagdadala ng Kapayapaan ang Pagiging Mapagpakumbaba
Noong magsimula akong gumawa sa pagdidilig ng mga baguhan sa iglesia noong 2017, nagmadali akong mag-aral at magkamit ng kaalaman tungkol sa lahat ng nauugnay na mga katotohanang prinsipyo para maging mahusay ako sa gawain ko sa lalong madaling panahon. Nagsikap ako at nagbayad ng malaking halaga sa tungkulin ko, kaya nagkamit ako ng paganda nang pagandang mga resulta. Pagkatapos ng humigit-kumulang isang taon, napili akong maglingkod bilang isang lider ng grupo. Sinabi ng lahat ng kapatid na nagkaroon ng mabilis na pagsulong pagkatapos kong maging lider ng grupo at lumalapit silang lahat sa akin para makipagbahaginan kapag may mga isyu sila. Naisip ko, “Mukha talagang sinasang-ayunan ako ng lahat. Basta’t nagpapatuloy akong hangarin ang katotohanan, siguradong magkakaroon ako ng tsansang maitalaga sa mas mataas pang posisyon kalaunan. Talagang hahangaan ako ng mga kapatid kung ganoon.”
Hindi nagtagal pagkatapos niyon, tinanggal ang superbisor ng aming grupo dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain. Naisip ko, “Napakaagap ko palagi sa tungkulin ko, nagawa kong lutasin ang ilang problema at paghihirap ng mga kapatid at naging epektibo ako sa gawain ko. Ngayong lider na ako ng grupo at malapit na kaming pumili ng bagong superbisor, siguradong ako ang pangunahing pipiliin. Isa itong napakagandang pagkakataon para maging angat ako!” Pero ilang araw pa lang ang lumilipas, inilipat ng lider namin ang isang kapatid mula sa ibang iglesia para maging superbisor namin, nagsasabing may mahusay itong kakayahan, naghangad ng katotohanan at nararapat na linangin. Talagang nadismaya ako nang marinig ko ang balitang ito. Naisip ko, “Kung gayon, mahusay na kandidato ang kapatid na ito para linangin, at ako ay hindi?” Gayumpaman, naisip ko na kung talagang kaya ng kapatid na gumawa ng tunay na gawain, positibong kinalabasan ito. Nang mapagtanto ko iyon, mas nagawa kong magpasakop. Kalaunan, noong inilipat ang kapatid sa ibang tungkulin dahil sa ilang pangangailangan ng gawain ng iglesia, sobra akong nasabik at naisip ko, “Sa pagkakataong ito, siguradong isasaalang-alang na nila ako para sa posisyon ng superbisor.” Pero ilang araw pa lang ang lumipas, ang aming lider ay itinaas ang ranggo ni Sister Adele sa posisyon ng superbisor. Sa pagkakataong ito hindi ko na tinanggap nang may gayong kapanatagan ang balitang ito. Naisip ko, “Talagang nagsisikap ako sa tungkulin ko at nagagawa kong lutasin ang ilang aktuwal na isyu. Bakit hindi itinaas ng lider ang ranggo ko? Iniisip ba niyang hindi ako angkop na linangin? Minamaliit ba niya ako? Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid tungkol sa akin ngayong dalawang beses na akong nalampasan ng promosyon? Kalilipat lang ni Adele rito at madalas siyang lumalapit sa akin para sa mga mungkahi dahil hindi pa siya sanay sa gawain, pero mataas ang tingin sa kanya ng lider namin at nililinang siya.” Masyado akong nadismaya at naagrabyado nang mangyari ang lahat ng ito sa akin. Kalaunan, nang hinanap ako ni Adele para makasabay sa gawain at nagtanong ng napakaraming katanungan, nayamot ako. Naisip ko, “Hindi ba’t ikaw ang superbisor? Hindi talaga mahusay ang kakayahan mo kung palagi mong itatanong ang mga nasagot ko na!” Minsan, noong lumapit ang mga kapatid kay Adele nang may mga katanungan at paghihirap tungkol sa pagdidilig sa mga baguhan na hindi pa niya naranasan dati, hindi niya alam kung paano makipagbahaginan at lutasin ang mga iyon, at hihingi siya ng tulong sa akin. Sadya ko siyang sinasagot ng, “Simpleng isyu ito. Kailangan mo lang malaman ang pinakabuod ng problema at ibahagi nang malinaw ang katotohanan tungkol dito.” Pagkatapos ay magbibigay ako ng mga halimbawa kung paano ko nalutas ang mga kaparehong isyu. Naisip ko, “Kailangang maipakita ko sa lahat na may talento ako. Hindi dahil sa wala akong kasanayan kundi dahil hindi ako nabigyan ng pagkakataong maging superbisor.” Kalaunan, iminungkahi ni Adele na magsama kami para makonsulta niya ako tuwing may mga nangyayaring isyu. Naisip ko, “Kokonsultahin ako tuwing may mga lilitaw na isyu? Pero ikaw ang mapupuri kapag nalutas ang isyu, at hindi ako. Bakit ako magiging iyong katulong mo na nasa likod ng eksena?” Pagkatapos ko itong maisip, tinanggihan ko siya batay sa “Wala akong maluwag na oras kasi abala ako sa pagdidilig ng mga baguhan.” Tinanong akong muli ni Adele sa ilang mga pagkakataon, pero hindi ako kailanman sumang-ayon. Unti-unti, napansin kong mukhang medyo napipigilan ko si Adele at naging medyo pasibo siya sa pagtatalakay ng gawain. Gayumpaman, hindi ko pinagnilayan at kinilala ang sarili ko, sa halip inisip ko lang na nahihirapan si Adele sa paglilingkod bilang superbisor. Bukod pa roon, naisip ko, kung maging aktibo ako na katuwang niya, at bumuti ang kalagayan niya at kapag naayos na niya ang kanyang gawain, mawawalan na ako ng tsansang tumaas ang ranggo. Sa kabaligtaran, kapag nalugmok siya sa pagkanegatibo, lalong makikita ang kasigasigan at inisyatibo ko. Kaya, noong tinatalakay namin ang gawain, nagiging napakaagap ko at masigasig at namumuno ako para maging angat ako.
Kalaunan, dahil mas dumarami ang mga taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at ilan pang tagadilig ang naitalaga sa grupo namin, pinagugol ako ni Adele ng mas maraming oras sa pagtulong sa mga bagong dating na kapatid. Gagamitin ko ang mga pagkakataong ito para sabihin sa mga tao kung paano ko hinanap ang katotohanan para malutas ang mga kuru-kuro at kalituhan ng mga baguhan, sistematikong binabalangkas para sa kanila ang personal kong karanasan at mga landas ng pagsasagawa. Pagkatapos niyon, tuwing may mga isyu ang mga kapatid, hahanapin nila ako para makipagtalakayan. Sa ilang pagkakataon, lumalapit pa sa akin ang mga tao na may mga problemang hindi mismo malutas ni Adele. Tuwang-tuwa ako sa sarili ko, at inisip ko, “Mukhang umuubra na ang lahat ng gawain ko nitong mga araw na ito at sinasang-ayunan ako ng lahat. Maaaring hindi ako isang superbisor, pero kaya kong pangasiwaan ang marami sa gawain ng isang superbisor. Sa susunod na magkaroon ng eleksyon para sa mga manggagawa at lider, siguradong iboboto ako ng mga kapatid.”
Hindi nagtagal pagkatapos noon, oras na para sa taunang eleksyon, talagang sabik na sabik ako. Naisip ko, “Kung mapili ako bilang lider, magkakaroon ako ng kapangyarihan para magpasya sa mga proyekto ng iglesia. Kapag umusad ang gawain sa ilalim ng pangangasiwa ko, siguradong iisipin ng mga kapatid na nararapat ako sa posisyon ko at mas lalo akong rerespetuhin.” Pero laking gulat ko, nang sabihin na ang mga resulta, hindi binanggit ang pangalan ko. Namula ako at hiyang-hiya ako. Para dagdagan pa ng insulto ang pinsala, sinabi ng mga kapatid na may mapagmataas akong disposisyon, madalas na nililimitahan ang mga tao, hindi inuuna ang buhay pagpasok, bihirang pagnilayan ang sarili ko, bihirang magkamit ng kaalaman o matuto ng mga aral mula sa mga bagay; sa madaling salita, hindi ko hinangad ang katotohanan. Nang marinig ko ang lahat ng iyon, ang sama ng loob ko— ngayon ay alam na ng mga kapatid na hindi ko hinangad ang katotohanan. Bukod sa nabigo akong gawing natatangi ang sarili ko, ganap ko pang ipinahiya ang sarili ko. Noong mga araw na iyon takot akong matanong ng mga kapatid kung ano ang nakuha ko mula sa sitwasyon, pero nag-alala rin ako na walang makikipag-usap sa akin, na nagkaroon na sila ng pagkilatis sa akin at iwasan ako. Halo-halo na ang mga emosyon ko at ang naiisip ko lang ay ang tungkol sa nangyari. Hindi ko mailapat ang sarili ko sa aking tungkulin at labis akong nagdurusa at naghihirap. Palagi kong iniisip kung bakit ako naharap sa ganitong uri ng pagsubok. Kalaunan, nakipagbahaginan sa akin ang ilang kapatid at inudyukan akong gumugol ng mas maraming oras para pagnilayan ang paggampan ko sa aking tungkulin. Tinukoy rin nila na sa kabila ng pagkakaroon ko ng ilang abilidad sa aking gawain, hindi ko inuna ang paghahangad sa katotohanan, hinanap ko lang ang reputasyon at katayuan at tinatahak ko ang maling landas. Alam kong ang payo at tulong ng mga kapatid ay galing sa Diyos, kaya lumapit ako sa Kanya sa panalangin, “O Diyos, ang mabunyag nang ganito ay napakahirap para sa akin. Diyos ko, pakiusap bigyang-liwanag Mo ako at tulutan Mo akong magkamit ng kaalaman sa sarili ko at maunawaan ang layunin Mo.”
Isang araw, habang binabasa ko ang mga salita ng Diyos, nakita ko ang dalawang sipi kung saan inilalantad ng Diyos kung paano hinahangad ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Anumang tungkulin ang ginagawa ng mga anticristo, sisikapin nilang ilagay ang sarili nila sa mataas na posisyon, sa isang nakalalamang na posisyon. Hindi sila kailanman makokontento sa kanilang posisyon bilang isang ordinaryong tagasunod. At ano ang pinakakinahuhumalingan nila? Iyon ay ang tumayo sa harap ng mga tao na inuutusan at pinagagalitan ang mga tao, ipinagagawa sa mga tao ang kanilang sinasabi. Hindi nila iniisip kailanman kung paano gawin nang maayos ang kanilang tungkulin—lalo nang hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa ang kanilang tungkulin, upang isagawa ang katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Sa halip, nag-iisip sila nang husto ng mga paraan para mapatanyag ang sarili, para tumaas ang tingin sa kanila ng mga lider at itaas sila ng ranggo, upang sila mismo ay maging lider o manggagawa, at mamuno sa ibang mga tao. Ito ang pinag-iisipan at inaasam nila buong araw. Hindi pumapayag ang mga anticristo na pamunuan ng iba, ni hindi sila pumapayag na maging ordinaryong tagasunod, lalo nang manahimik na lamang habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang walang nakukuhang atensyon. Anuman ang kanilang tungkulin, kung hindi sila maaaring maging bida, kung hindi sila maaaring maging mataas sa iba at maging lider ng ibang tao, nagiging nakababagot para sa kanila ang paggawa ng kanilang tungkulin, at nagiging negatibo sila at nagsisimulang tamarin. Kung walang papuri o pagsamba ng iba, lalong hindi ito interesante sa kanila, at lalong wala silang pagnanais na gawin ang kanilang tungkulin. Ngunit kung maaari silang maging bida habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin at sila ang may huling salita, lumalakas sila, at handang danasin ang anumang paghihirap. Palagi silang may personal na mga layunin sa pagganap sa kanilang tungkulin, at gusto nila na palagi mamukod-tangi bilang isang pamamaraan para matugunan ang kanilang pangangailangan na talunin ang iba, at matugunan ang kanilang mga pagnanais at ambisyon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). “Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, at hindi rin isang bagay na kayang-kaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang pag-uugali. Kung gayon, ano ang kanilang pag-uugali? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan; ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan, at ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang reputasyon, pakinabang o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng mataas na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon ay sila ang may huling salita sa iglesia, at ang may kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Ibinubunyag ng mga salita ng Diyos kung paano binibigyan ng mga anticristo ng pinakamalaking pagpapahalaga ang reputasyon at katayuan. Kailanman at saanman, ang pinakalayon nila ay ang magkamit ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. Nananampalataya lamang sila sa Diyos at ginagawa ang kanilang mga tungkulin para gawing natatangi ang sarili nila at makamit ang respeto ng iba. Palagi silang nagsisikap na magkamit ng mga posisyon ng katayuan, para makuha ang huling pasya at ang kapangyarihan ng pagdedesisyon at magkamit ng awtoridad sa iba. Kapag hindi nila makamit ang katayuan at reputasyon, nagsisimula silang mag-isip na walang kabuluhan ang pananampalataya sa Diyos at walang dahilan para gawin ang kanilang tungkulin. Sa pagsasaalang-alang sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang disposisyong ibinunyag ko at ang pananaw ko sa paghahangad ay hindi naiiba sa pananaw ng isang anticristo. Palagi kong pinagsisikapang maging isang superbisor o lider, dahil inakala ko na ang mga lider at manggagawa ang may huling pasya, ang makakagawa ng mahahalagang desisyon at sobrang nirerespeto, sinusuportahan at iginagalang. Bilang isang lider ng grupo, limitado ang saklaw ng awtoridad ko at bihira kong nagagawang maging angat ang sarili ko, kaya tuwing nakakakuha ako ng mga resulta sa gawain ko, nagkakaroon ako ng biglaang pag-uudyok para magkamit ng higit pang kapangyarihan at awtoridad para mas marami pang tao ang rerespeto sa akin at magtitipon sa paligid ko. Nang mabalitaan ko na pipili ng bagong superbisor ang iglesia, inasam ko talaga ang eleksyon dahil inakala kong dumating na sa wakas ang pagkakataon kong maging angat. Pero, nang biglang inilipat ng lider ang isang superbisor mula sa ibang iglesia, labis akong nadismaya at tumanggi akong tanggapin ang resultang ito, dahil naniniwala akong ayaw ng lider na bigyan ako ng tsansang magsanay at may kinikimkim siya laban sa akin. Para patunayang mas magaling ako kaysa sa kasalukuyang superbisor, sinadya ko siyang pahirapan at ibinukod ko siya, na nagdulot para malimitahan siya. Para masigurong ihahalal ako bilang isang superbisor, ginamit ko ang bawat pagkakataon na tulungan ang mga kapatid upang makapagpakitang-gilas at maitatag ang sarili ko, para mas maraming tao ang sumang-ayon sa akin at bumoto sa akin sa susunod na eleksyon. Ang hinanap ko lang ay katayuan at reputasyon at ang lahat ng ginawa ko ay pawang para magkamit ng katayuan. Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Nang mapagtanto ko ito, sobra akong nagsisi, kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, hindi ko hinangad ang katotohanan sa tungkulin ko, nakipagkompetensiya ako para sa katayuan at reputasyon at naghimagsik ako at lumaban sa Iyo. O Diyos, ayaw ko nang magpatuloy nang ganito at handa akong magsisi. Pakiusap bigyang-liwanag Mo ako para makilala ko ang sarili ko.”
Isang beses, sa oras ng mga debosyonal ko, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag nag-ugat na sa mga tao ang isang satanikong disposisyon at naging kalikasan na nila ito, sapat na ito upang magtanim ng kadiliman at kasamaan sa kanilang puso, at akayin silang hangarin at piliin ang maling landas. Sa malakas na udyok ng isang tiwaling satanikong disposisyon, ano ang mga mithiin, inaasahan, ambisyon, at layunin at direksyon sa buhay ng mga tao? Hindi ba sumasalungat ang mga ito sa mga positibong bagay? Halimbawa, palaging nais ng mga tao na maging sikat o maging mga kilalang tao; hinihiling nilang magtamo ng malaking kasikatan at katanyagan, at magdala ng karangalan sa mga ninuno nila. Mga positibong bagay ba ang mga ito? Lubhang hindi kaayon ang mga ito ng mga positibong bagay; higit pa roon, taliwas ang mga ito sa batas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ng pamamahala sa kapalaran ng sangkatauhan. … Gusto ba ninyo palaging ibuka ang inyong mga pakpak at lumipad, nais ba ninyong lumipad nang mag-isa, na maging isang agila sa halip na isang munting ibon? Anong disposisyon ito? Ito ba ang prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang inyong paghahangad sa pag-uugali ng tao ay dapat batay sa mga salita ng Diyos; ang mga salita ng Diyos lamang ang katotohanan. Lubha na kayong nagawang tiwali ni Satanas, at lagi ninyong itinuturing ang tradisyunal na kultura—ang mga salita ni Satanas—bilang katotohanan, bilang pakay ng inyong paghahangad, na ginagawang madali para sa inyo na tumahak sa maling landas, na tumahak sa landas ng paglaban sa Diyos. Ang mga kaisipan at pananaw ng tiwaling sangkatauhan, at ang mga bagay na pinagsusumikapan nila ay salungat sa mga pagnanais ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga batas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, sa Kanyang pamamatnugot sa lahat ng bagay, at sa Kanyang kontrol sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya gaano man kawasto at kamakatwiran ang ganitong klase ng paghahangad ayon sa mga kaisipan at kuru-kuro ng tao, hindi positibong bagay ang mga ito sa pananaw ng Diyos, at hindi naaayon sa Kanyang mga layunin ang mga ito. Dahil nilalabanan mo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng sangkatauhan, at dahil nais mong mag-solo, na inilalagay ang iyong kapalaran sa sarili mong mga kamay, lagi kang nauumpog sa pader, na sa lakas ay nagdurugo ang ulo mo, at walang magandang nangyayari sa iyo. Bakit walang nangyayaring maganda sa iyo? Dahil ang mga batas na itinakda ng Diyos ay hindi mababago ng sinumang nilalang. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay nangingibabaw sa lahat ng iba pa, hindi malalabag ng sinumang nilalang. Masyadong mataas ang tingin ng mga tao sa kanilang mga abilidad. Ano ba ang palaging nagpapanais sa mga tao na maging malaya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at palaging nagpapanais sa kanilang kontrolin ang sarili nilang kapalaran at planuhin ang sarili nilang kinabukasan, at nagpapanais na kontrolin ang kanilang mga inaasam, direksyon, at mithiin sa buhay? Saan nanggagaling ang simulang ito? (Sa isang tiwaling satanikong disposisyon.) Ano kung gayon ang idinudulot ng tiwaling satanikong disposisyon sa mga tao? (Pagsalungat sa Diyos.) Ano ang dumarating sa mga taong sumasalungat sa Diyos? (Pasakit.) Pasakit? Ito ay pagkawasak! Ang pasakit ay wala pa sa kalahati nito. Ang nakikita mismo ng iyong mga mata ay pasakit, pagiging negatibo, at kahinaan, at paglaban at mga reklamo—ano ang kalalabasan nito? Pagkalipol! Hindi ito maliit na bagay, at hindi ito biro” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Malulutas Lamang ang Isang Tiwaling Disposisyon sa Pagtanggap ng Katotohanan). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na pagkatapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang buhay ng tao ay napapamahalaan ng satanikong tiwaling disposisyon na may mga katangian ng kayabangan at kapalaluan, at kabuktutan at panlilinlang. Hindi na niya kayang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at palagi siyang puno ng ambisyon at pagnanais, nagsisikap na maging isang dakila, sikat na tao at naghahangad na makamit ang mataas na katayuan at maging pinakadakilang tao. Ang mga satanikong pilosopiya gaya ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa” at “Ang mga sundalong hindi nagsisikap na maging mga heneral ay masasamang sundalo” ay matagal nang nag-ugat sa puso ko, nagdudulot sa aking tingnan ang paghahangad ng reputasyon at katayuan bilang isang lehitimong layon. Sa paaralan, nagsikap akong maging estudyanteng may mataas na grado at kapag hindi maganda ang resulta ng mga pagsusulit ko, nalulungkot ako ng mga ilang araw. Noong nagtrabaho na ako pagkatapos ng pag-aaral, masigasig akong nagtrabaho para maging isa sa pinakamagagaling na empleyado— magboboluntaryo akong mag-overtime at pipiliin ang pinakamahihirap na trabaho para makuha ang pabor ng amo ko at makuha ang tsansang tumaas ang ranggo. Nang magsimula ako sa pananalig, nanampalataya ako para magkamit ng respeto at suporta ng iba sa pamamagitan ng pagiging isang superbisor o lider sa iglesia, kaya nagsikap akong magkamit ng mataas na katayuan. Lalo na noong maging lider ako ng grupo at nagkamit ng pagsang-ayon ng mga kapatid, lalong tumindi ang ambisyon at pagnanais ko. Lalo akong naging mayabang, iniisip na may kapital ako at mga kwalipikasyon para tumaas ang ranggo bilang isang superbisor, o maski isang lider. Nang itinaas ng lider ang ranggo ni Adele imbis na ang sa akin, naging mapanlaban ako at sumama ang loob ko at ayaw kong suportahan at makipagtulungan sa kanya sa gawain namin. Sinusubukan ko palaging makipagkompetensiya sa kanya. Madalas kong sunggaban ang mga pagkakataong magpakitang-gilas kung paano ko nagagawang lutasin ang mga isyu— sa isang banda gusto kong ipaisip kay Adele na hindi ko siya kapantay, sa isa pang banda sinusubukan kong ipakita sa mga kapatid na mas may talento ako kaysa sa kanya. Sa ganitong paraan, umasa akong lalapitan ako ng lahat kapag may mga isyu sila at ako ang unang maiisip nila kapag nagdaos na ng isa pang eleksyon. Itinuring ko ang katayuan na mas mahalaga kaysa sa anupaman at hindi ko kailanman pinagnilayan ang sarili ko kahit na naharap ako sa paulit-ulit na kabiguan. Bukod pa roon, masama ang loob ko at galit ako, iniisip ko na may kapital ako dahil kaya kong gampanan nang maayos ang ilang gawain at dapat na gawin akong lider ng iba. Napakayabang ko at walang kahihiyan! Sa pagninilay ko rito, napagtanto ko na nanampalataya lang ako sa Diyos para hanapin ang katayuan. Hindi ko inuna ang paghahangad sa katotohanan at mayroong napakakakaunting katotohanang realidad— dahil doon, hindi ko talaga kayang gumawa ng anumang mahalagang gawain na dapat gampanan ng mga lider at manggagawa. Mayroon din akong mababang pagkatao, na dahilan kaya lalong hindi ako kwalipikadong maging isang lider. Kung nahalal ako bilang lider, mapipinsala nito ang mga kapatid pati na rin ang iglesia!
Pagkatapos niyon, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na tumulong sa akin na mas maunawaan ang kalikasan at mga kahihinatnan ng paghahangad sa reputasyon at katayuan. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang mithiing hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang magpasakop o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanilang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagawa ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa esensya, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos nang normal at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang pagpasok nila sa buhay, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba ito masasabing pagtahak sa landas ng isang anticristo? Kapag hinihingi ng Diyos na isantabi ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi naman sa pinagkakaitan Niya ang mga tao ng karapatang mamili; bagkus, ito ay dahil habang hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagagambala at nagugulo ng mga tao ang gawain ng iglesia at ang pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, at maaari pa ngang makaimpluwensiya sa pagkain at pag-inom ng maraming tao ng mga salita ng Diyos, sa pag-unawa nila sa katotohanan, at sa pagkamit nila ng kaligtasan ng Diyos. Ito ay isang katunayang hindi mapag-aalinlanganan. Kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, siguradong hindi nila hahangarin ang katotohanan at hindi nila matapat na tutuparin ang kanilang tungkulin. Magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at lahat ng gawaing ginagawa nila, nang wala ni katiting na eksepsyon, ay alang-alang sa mga bagay na iyon. Ang umasal at kumilos sa gayong paraan ay walang pagdududang pagtahak sa landas ng mga anticristo; ito ay isang paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos, at lahat ng iba’t ibang kahihinatnan nito ay nakakahadlang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos sa loob ng iglesia. Kaya, maaaring sabihin ng isang tao nang may katiyakan na ang landas na tinatahak ng mga naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay ang landas ng paglaban sa Diyos. Ito ay sadyang paglaban sa Kanya, pagkontra sa Kanya—ito ay ang makipagtulungan kay Satanas sa paglaban sa Diyos at pagsalungat sa Kanya. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). “Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at dinadalisay ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. At sa kalikasan, hindi ba’t ang lahat ng ito ay pagkontra sa Diyos? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli ay ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilikha, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kahihinatnan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka, at mauuwi sa walang kahahantungan. Nauunawaan mo ito, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Ang mabasa ang mga salita ng Diyos at makita ang paghihimay at paglalarawan Niya sa mga naghahangad ng katayuan at reputasyon, ay talagang tumagos sa puso ko. Talagang hindi ko napagtanto kung gaano kaseryoso ang kalikasan at mga kahihinatnan ng paghahangad sa katayuan at reputasyon. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga bagay-bagay na ito, direkta nilang sinisira at winawasak ang gawain ng iglesia at nagsisilbing mga kampon ni Satanas. Kinokondena ng Diyos ang mga pagkilos na gayon. Sumasalungat sa mga hinihingi ng Diyos ang paghahangad sa katayuan at kumikilos nang direktang kumokontra sa Kanya— ang pag-asal nang ganito ay isang daan sa pagkawasak! Tinanggal ang dati naming superbisor dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain, kaya napakakapakipakinabang para sa gawain ng iglesia nang dumating si Adele, dahil isa siyang taong naghahangad ng katotohanan at talagang inuna ang paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo kapag may mga nangyayari sa kanya, at kaya niyang gumawa ng ilang tunay na gawain. Dapat sana ay sinuportahan at nakipagtulungan ako sa kanya, pero dahil masyado akong nahumaling sa reputasyon at katayuan, hindi ko matanggap na itinalaga si Adele bilang superbisor. Paulit-ulit kong tinanggihang makipagtulungan sa kanya nang iminungkahi niyang pag-usapan namin ang gawain. Naging dahilan ito para makadama si Adele ng pagkalimita at pagkanegatibo at negatibong naapektuhan ang gawain ng iglesia. Hindi lang ako nabigong pagnilayan ang sarili ko, hindi ko rin inako ang responsabilidad sa ginawa ko sa kanya, iniisip kong naging negatibo lang siya dahil hindi siya angkop para sa papel ng isang superbisor. Umasa pa nga akong dumating ang panahon kung kailan matatanto niya sa wakas na sobra na ito para sa kanya at magbitiw siya, dahil kung ganoon magagawa kong makuha ang posisyon niya. Hindi ba’t hinahadlangan at ginugulo ko ang gawain ng iglesia? Sinamantala ko pa nga ang mga pagkakataon ng pagtatalakay ng gawain at pagtulong sa mga kapatid para iangat ang sarili ko, para lumapit sila sa akin kapag may mga isyu sila, ginagawa lang na tau-tauhang lider si Adele. Kumikilos ako bilang isang kampon ni Satanas at ginugulo at sinisira ang gawain ng iglesia. Gumagawa ako ng masama at nilalabanan ko ang Diyos! Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kahihinatnan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka, at mauuwi sa walang kahahantungan.” Napagtanto ko na sa paghahangad ng katayuan, tinatahak ko ang landas ng paglaban sa Diyos at ang tanging kalalabasan ay kamatayan. Pinuno ako nito ng takot. Naging seryosong problema na ang paghahangad ko sa katayuan at reputasyon at kung magpapatuloy ako nang ganoon, patuloy na lalala ang ambisyon at pagnanais ko. Sino ang nakakaalam kung anong masasamang bagay ang magagawa ko kung talagang nakamit ko ang katayuan. Kung hindi ako agad nagsisi at nagpatuloy sa maling landas na iyon ng paghahangad, kalaunan ay makakagawa ako ng ilang malalaking kasamaan at ititiwalag at parurusahan ng Diyos.
Kalaunan, sa isang pagtitipon, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang bahagi ng nilikhang sangkatauhan, kailangang panatilihin ng isang tao ang kanyang sariling posisyon, at umasal nang maingat. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging isang dakilang tao, isang superman, o isang engrandeng indibidwal, at huwag hangarin na maging Diyos. Ito ang hindi dapat nasain ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang kapuri-puri, at ang dapat na panghawakan ng mga nilikha nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilikha; ito lamang ang tanging mithiin na dapat hangarin ng lahat ng tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos napagtanto kong ang mga tao ay walang iba kundi nilikha lamang, at dapat nating panatilihin ang mga itinakdang posisyon sa atin at magtuon sa ating mga kasalukuyang tungkulin. Dahil sa ambisyon, pagnanais, at satanikong disposisyon ng tao kaya palagi niyang ninanais na maging isang natatanging tao na may dakilang katayuan. Ang pagkakatalaga bilang isang lider ng iglesia ay hindi tungkol sa pagtanggap ng katayuan, kundi tungkol sa maayos na paggawa ng isang tao ng kanyang tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo. May katayuan man ako o wala, kailangan ko pa ring umasal nang may konsensiya at tuparin ang tungkulin ko. Tahimik akong nagpasya na sinuman ang ihalal bilang lider, mananatili akong matatag sa kasalukuyan kong posisyon, at tutuparin nang may konsensiya ang responsabilidad ko. Maihalal man ako o maabot ko ang mataas na katayuan, susuportahan ko ang gawain ng lider at gagawin ko nang wasto ang mga tungkulin ko kasama ng iba, nagkakaisa sa puso at isip. Ilang araw ang lumipas, nang dumating ang bagong halal na lider para pag-usapan ang aming gawain, ipinaliwanag ko ang lahat nang detalyado hangga’t maaari para maarok mabuti ng lider ang gawain at makapagpatuloy nang mahusay. Habang pinag-uusapan namin ang gawain, isinaalang-alang ko kung aling paraan ng pagkilos ang magiging pinaka kapaki-pakinabang para sa aming gawain at magsasabi agad ako ng anumang magagandang suhestiyon. Sinuman ang nagsisilbing lider, ang mahalaga ay ang makipagtulungan sa paggawa ng aming gawain at lutasin ang anumang lumilitaw na problema. Noong simulan ko nang tumuon sa kasalukuyang gawain at kung paano maging katuwangan sa lahat para gawin ang aming tungkulin sa pinakamahusay na paraan, mas lalong gumaan ang pakiramdam ko.
Paglipas ng dalawang buwan, inilipat sa ibang tungkulin ang lider at sa bagong eleksyon, sa wakas ay napili ako para maglingkod bilang lider. Sinabi ng kapatid sa akin, “Ang totoo, kahit noon pa ay isa ka nang talentadong manggagawa at naging responsable ka sa tungkulin mo, dati nga lang ay hindi mo hinahangad ang katotohanan kaya hindi kami nangahas na iboto ka. Ngayon, pagkatapos mong maranasan ang paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita namin kung paano ka nagkaroon ng kamalayan sa tiwaling disposisyon mo, nagkaroon ng ilang pagbabago, naging mas matatag at kalmado sa mga pagsasalita at pagkilos mo at nagbahagi ng mas malalim at praktikal na mga kaisipan sa iyong pagbabahaginan sa mga pagtitipon. Kahit na pagkatapos mong magkaroon ng ganitong kaunting pagbabago, kita ng lahat ang kaibahan, kaya binoto ka namin.” Pagkatapos kong marinig ang mababait na salita ng kapatid, sobra akong nagpasalamat sa Diyos. Ang paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos ang tumulong sa akin na matanto ang tunay kong tayog, katayuan at pagkakakilanlan. Isa lamang akong nilalang na malalim na ginawang tiwali ni Satanas at walang anumang katotohanang realidad. Kahit na may talento at kakayahan ako, hindi ako mas magaling kaysa sa ibang kapatid. Unti-unti, humina na ang ambisyon at pagnanais ko para sa katayuan at nagsimula akong umasal nang mas mapagkumbaba. Hindi ako nalulugod sa kasiyahan sa sarili matapos akong mapili bilang lider— sa halip, nadama ko ang bigat ng tungkulin ko at ang pagpapahalaga sa responsabilidad. Lahat ay dahil sa pagliligtas ng Diyos kaya nagawa kong magkaroon ng maliit na pagbabagong ito. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!