Ang Pag-asa sa Diyos ang Pinakadakilang Karunungan

Oktubre 24, 2022

Ni Ma Hong, Tsina

Noong taglagas ng 2011, nakilala ko ang kanayon kong si Fang Min. May mabuti siyang pagkatao at napakabait niya, mahigit dalawampung taon na siyang nananalig sa Panginoon, at patuloy siyang dumadalo sa mga pagtitipon at nagbabasa ng Bibliya. Isa siyang tunay na mananampalataya, kaya’t gusto kong ipangaral sa kanya ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nung panahong iyon, sandali pa lamang akong nananalig sa Diyos, at kakaunti ang nauunawaan kong katotohanan, kaya hiniling ko kay Sister Li na patotohanan kay Fang Min ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nagpasya si Fang Min noon din na siyasatin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Napakasaya ko nung panahong iyon. Pero nang bisitahin ko si Fang Min makalipas ang ilang araw, sinabi niyang ayaw na niyang ipagpatuloy ang pagsisiyasat. Sabi ni Fang Min, “Nabasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at nadama kong mabuti ang mga ito, kaya tinawagan ko ang aking ina at sinabi sa kanya ang mabuting balita ng pagbabalik ng Panginoon. Sinabi ng aking ina na ang pinaniniwalaan mo’y ang Kidlat ng Silanganan at hindi ko ito dapat paniwalaan. Palaging sinasabi ng aming mga mangangaral na ang lahat ng salita at gawain ng Diyos ay nasa Bibliya, at walang salita at gawain ng Diyos ang nasa labas ng Bibliya, na ang pangangaral ng Kidlat ng Silanganan ay lihis sa Bibliya, at imposibleng ito ang pagbabalik ng Panginoon.” Nakita kong nalinlang si Fang Min ng kanyang ina, kaya balisa kong sinabi, “Kung naniniwala tayong ang mga salita at gawain ng Diyos ay nasa Bibliya, at hindi nangyayari ang mga ito sa labas ng Bibliya, hindi ba ito paglilimita sa Diyos sa kung ano ang nasa Banal na Kasulatan? Maaari kayang hindi makagagawa ang Diyos ng bagong gawain sa labas ng Bibliya, at hindi makapagsasabi ng anumang bagong salita? Ang Diyos ang Lumikha, ang pinanggagalingan ng buhay. Siya ay labis na makapangyarihan sa lahat, matalino, at di-nasusukat. Maaari bang katawanin ng Bibliya lamang ang kabuuan ng Diyos? Paanong ang mga salita at gawain ng Diyos ay iyon lamang mga nakatala sa Bibliya? Ang gawain ng Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma. Bawat yugto ng Kanyang gawain ay nakabatay sa nauna, at gumagawa Siya ng mas bago at mas mataas na gawain sa bawat yugto. Nung Kapanahunan ng Kautusan, naglabas ang Diyos ng mga kautusan para pamunuan ang mga tao sa pamumuhay sa lupa. Nung Kapanahunan ng Biyaya, hindi inulit ng Diyos ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan. Sa halip, batay sa gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ginawa Niya ang gawain ng pagtubos. Nakatala ba ang bagong gawaing ito sa Lumang Tipan? Hindi. Iyong mga nanatili sa Lumang Tipan ay hindi tinanggap ang bagong gawain ng Panginoong Jesus, at lahat sila ay inabandona at pinalayas ng Diyos. Ganun din sa yugtong ito ng gawain sa mga huling araw. Batay sa plano ng Diyos para sa gawain ng pagliligtas, ginagawa Niya ang gawain ng paghatol alinsunod sa mga pangangailangan ng mga tao, upang ganap na lutasin ang problema ng kasalanan ng mga tao, para linisin ang mga tao. Tanging sa pagsunod sa mga yapak ng Kordero at pagtanggap sa bagong gawain ng Diyos natin makakamit ang pagliligtas ng Diyos at mapapasok ang kaharian ng Diyos. Hindi pa nakita ng iyong ina ang mga bagong salita ng Diyos, kaya sinasabi niya ang mga bagay na iyon sa’yo. Dapat ka munang magsiyasat. Huwag kang magdesisyon nang hindi ito pinag-iisipan. Kung mapapalampas mo ang pagbabalik ng Panginoon, hindi ka na magkakaroon ng pagkakataong mailigtas ng Diyos.” Pero kahit anong sabihin ko, ayaw niyang makinig. Gusto kong hilingin sa isa pang sister na magbahagi, pero hindi pumayag si Fang Min na makausap siya, kundi ako lang. Sinabi niya ring babalik na siya sa kanyang bayan sa loob ng ilang araw, at nakabili na nga siya ng tiket sa tren. Masyado siyang naguguluhan at nababalisa. Kung babalik siya sa kanyang bayan, hindi ba’t lalo pa siyang guguluhin ng kanyang pastor at mga mangangaral? Ako rin ay nag-aalala, pero nakapagpasya na si Fang Min at wala na akong magagawa. Alam kong hindi siya makikinig sa sasabihin ko nung panahong ‘yon, kaya kailangan ko nang umalis.

Pag-uwi ko, nang maisip ko kung gaano kaliit ang pag-asa na makapangaral kay Fang Min kapag nakabalik na siya sa kanyang bayan, naging maliit ang aking pananampalataya at nadama kong napakahirap mangaral ng ebanghelyo. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nahihirapan. Nang nag-uumpisa na akong makaramdam ng pagkanegatibo, naalala ko ang salita ng Diyos, “Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon si Jesus ng awa at biyaya para sa mga tao. Kung ang isa sa sandaang tupa ay naligaw, iiwan Niya ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang isa. Ang pangungusap na ito ay hindi naglalarawan ng isang uri ng mekanikal na kilos, ni tuntunin; sa halip, ipinakikita nito ang agarang layunin ng Diyos na maghatid ng kaligtasan sa mga tao, pati na rin ng Kanyang malalim na pagmamahal para sa kanila. Hindi ito isang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay; ito ay isang uri ng disposisyon, isang uri ng pag-iisip(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nakakaantig talaga ang mga salita ng Diyos. Kung mawala ang kahit isa sa isandaang tupa, isusuko ng Diyos ang siyamnapu’t siyam para lang mahanap ang isang nawawalang tupa. Nakita kong ang pagnanais ng Diyos na iligtas ang mga tao ay maalab at wagas. Ayaw ng Diyos na mawala ang sinumang tunay na nananalig sa Kanya, napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa mga tao. Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, nahihiya ako. Para iligtas ang tiwaling sangkatauhan, pumarito sa lupa ang Diyos sa katawang-tao, at nagbayad ng malaking halaga, lahat sa pag-asang ang mga tapat na mananampalataya ng Diyos ay lalapit sa Diyos at tatanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Ngunit nang mahirapan akong mangaral, umatras ako at naging pasibo. Masyado kong binalewala ang kalooban ng Diyos. Kahit na si Fang Min ay nalinlang at naguguluhan, at may ilang relihiyosong kuru-kuro, isa siyang tunay na mananampalataya ng Diyos. Kailangan kong gawin ang aking makakaya para tulungan siyang maunawaan ang katotohanan, maalis ang kanyang mga kuru-kuro, at makabalik sa Diyos. Ito ay tungkulin ko. Naalala ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, “Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Binigyan ako ng kumpiyansa at lakas ng mga salita ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, kabilang ang mga kaisipan at ideya ng mga tao. Sa mga mata ng tao, naguguluhan ngayon si Fang Min, kailangang bumalik sa kanyang bayan, at ang pag-asang maipangaral sa kanya ang ebanghelyo ay napakaliit, pero may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay. Kung isa siyang tupa ng Diyos, mauunawaan niya ang tinig ng Diyos. Ang magagawa ko lang ay subukan ang aking makakaya para makipagtulungan, at hanggang sa matapos ang bagay na ito, hindi ako maaaring sumuko. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Naguguluhan si Fang Min, at ngayon ay hindi naglalakas-loob na siyasatin ang tunay na daan. Ipinagkakatiwala ko siya sa mga kamay Mo. Kung siya ay Iyong tupa, nais kong gawin ang aking makakaya para maipangaral sa kanya ang ebanghelyo.” Pagkatapos nun, nalaman kong inakala ni Fang Min na 9:10 ng gabi ang kanyang tren, pero ito pala ay 9:10 ng umaga, kaya hindi siya nakaalis. Nakita kong nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng puso at espiritu ng mga tao, at ang Diyos ang nangangasiwa at nagsasaayos ng lahat ng bagay. Paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos sa puso ko, at lalo akong nagkaroon ng kumpiyansang ipangaral ang ebanghelyo kay Fang Min.

Pagkatapos nun, pinuntahan ko si Fang Min, at nung makita kong kumakapit pa rin siya sa kanyang mga kuru-kuro, binasahan ko siya ng isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. “Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagka’t kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang ‘Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.’ At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagbahagi ako sa kanya, “Kung gusto nating makasalubong sa pagbabalik ng Panginoon, dapat nating matutunang bitiwan ang sarili nating mga kuru-kuro. Alam mong higit pa sa mga iniisip ng tao ang mga iniisip ng Diyos. Hindi gumagawa ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Iniisip mong ang lahat ng salita at gawin ng Diyos ay nasa Bibliya, at wala sa mga ito ang nangyayari sa labas ng Bibliya, pero may batayan ba ito sa salita ng Diyos? Wala. Kung gayon, hindi ba ito nakabatay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Nang pumarito ang Panginoong Jesus para gumawa, hindi tiningnan ng mga Pariseo kung gaano karaming katotohanan ang ipinahayag ng Panginoong Jesus. Sa halip, kumapit sila sa Lumang Tipan, iniisip na wala sa Bibliya ang mga salita at gawain ng Panginoong Jesus, kaya ginamit nila itong palusot para kondenahin ang Panginoong Jesus, at sa huli, ginawa nila ang karumal-dumal na kasalanan ng pagpapapako sa Panginoon sa krus. Kailangan nating matuto ng aral mula sa kabiguan ng mga Pariseo! Ang mga salita at gawin ng Diyos ay hindi kailanman napipigilan ng sinuman o anuman, lalo na ng Bibliya. Palaging nagsasabi ng mas maraming salita at gumagawa ng higit pang bagong gawain ang Diyos alinsunod sa Kanyang plano ng pamamahala at sa mga pangangailangan ng pagliligtas ng sangkatauhan. Kaya para matukoy kung ang Makapangyarihang Diyos ba ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, hindi natin puwedeng tingnan kung labas ba sa Bibliya ang mga salita at gawain ng Makapangyarihang Diyos. Dapat nating tingnan kung ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan at kung magagawa ng Makapagyarihang Diyos ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, sapagkat ang Diyos lamang ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa sangkatauhan. Nabasa mo na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at kinikilala mo ang awtoridad at kapangyarihan ng salita ng Makapagyarihang Diyos. Bukod dito, inihahayag ng Kanyang mga salita ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, ang mga misteryo ng Bibliya, kung sino ang makakapasok sa kaharian ng langit, at ang hinaharap na destinasyon ng sangkatauhan. Walang nakakaalam ng mga misteryong ito ng katotohanan, at ang Diyos lamang ang makapaghahayag sa mga ito….” Pero bago ko pa matapos ang aking pagbabahagi, sumingit si Fang Min at hindi na ako pinagsalita pa. Naisip kong, “Dahil ba napakaliit ng katotohanang nauunawaan ko at hindi malinaw ang aking pagbabahagi?” Gusto kong magbahagi nang higit pa si Sister Li kay Fang Min pagkatapos nun, ngunit hindi na ako pinayagan ni Fang Min. Sobra akong nag-aalala. Sandali pa lang ako nananalig sa Diyos, at napakaliit ng nauunawaan kong katotohanan, ngunit mahigit dalawampung taon nang nananalig si Fang Min sa Panginoon, at hindi ko malutas ang kanyang mga problema. Sa harap ng mga paghihirap na ito, gusto kong umatras. Naisip ko, “Kung hindi ko talaga kayang mangaral sa kanya, titigil na ako. Napakahirap nito.” Habang lalo ko itong iniisip, mas nagiging negatibo ang pakiramdam ko, at nung pauwi ako, wala akong kahit na anong motibasyon.

Kalaunan, sa isang pagtitipon, nalaman ng mga kapatid ang aking kalagayan, at binasahan nila ako ng isang sipi ng salita ng Diyos. “Ano ang tinutukoy ng salitang ‘pananampalataya’? Ang pananampalataya ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananampalatayang binabanggit Ko. Kailangang manampalataya ang mga tao sa mga panahon ng paghihirap at pagpipino, at ang pananampalataya ay isang bagay na sinusundan ng pagpipino; hindi mapaghihiwalay ang pagpipino at pananampalataya. Paano man gumawa ang Diyos, at anuman ang iyong sitwasyon, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, at hangaring malaman ang tungkol sa gawain ng Diyos, at magkaroon ng pag-unawa sa Kanyang mga kilos, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan. Ang paggawa nito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya, at ang paggawa nito ay nagpapakita na hindi ka nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Magkakaroon ka lamang ng tunay na pananampalataya sa Diyos kung nagagawa mong piliting hangarin ang katotohanan sa panahon ng pagpipino, kung nagagawa mong tunay na mahalin ang Diyos at hindi ka nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, kung isinasagawa mo pa rin ang katotohanan anuman ang gawin Niya upang mapalugod Siya, at kung nagagawa mong hangarin nang taos-puso ang Kanyang kalooban at isaalang-alang ang Kanyang kalooban(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagbahagi ang isang sister, “Kung tayo ay pasibo at umaatras kapag nahihirapang ipangaral ang ebanghelyo, ito ay pangunahing dahil hindi natin nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa totoo lang, hinahayaan ng Diyos na dumating sa atin ang mga paghihirap na ito para maperpekto ang ating pananampalataya at matuto tayong umasa sa Diyos, at kasabay nito, sa pamamagitan ng mga paghihirap na ito, masasangkapan natin ang sarili natin ng katotohanan at matututo tayong magpatotoo sa gawain ng Diyos.” Sa pamamagitan ng kanyang pagbabahagi tungkol sa salita ng Diyos, napagtanto kong may mabubuting layunin ng Diyos sa mga hinarap kong paghihirap sa pangangaral ng ebanghelyo. Gusto ng Diyos na gamitin ito para perpektuhin ang aking pananampalataya at tulungan akong maunawaan ang higit pang katotohanan. Pero nung nahirapan ako, sa halip na isiping umasa sa Diyos upang maghanap ng katotohanan para malutas ang mga kuru-kuro ni Fang Min at dalhin siya sa harap ng Diyos, nalugmok ako sa paghihirap, gustong umatras at sumuko. Hindi ko gustong lalo pang magsikap o magbayad ng higit pang halaga, at hindi ko isinaalang-alang man lang ang kalooban ng Diyos. Nang ihayag sa akin ang mga katotohanan, nakita ko sa wakas na wala talaga akong pananampalataya sa Diyos, at ang aking tayog ay hamak na mababa. Naalala ko ang salita ng Diyos, “At kapag mas nakikipagtulungan ang mga tao, at habang mas hinahangad nilang maabot ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos, nagkakaroon ng mas malaking epekto ang Banal na Espiritu(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Makikilala ang Realidad). Totoo na habang mas nagtutulungan ang mga tao, lalong napapasakanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kahit mahigit dalawampung taon nang nananalig si Fang Min sa Panginoon at may kaalaman siya tungkol sa Bibliya, taglay ko ang salita ng Makapangyarihang Diyos. Ang salita ng Diyos ang katotohanan at malulutas nito ang lahat ng problema ng mga tao. Hangga’t ako ay tunay na umaasa sa Diyos at nagbabayad ng halaga, bibigyang-liwanag siya ng Diyos.

Pagkatapos nun, kinonsulta ko ang mga nakauunawa ng katotohanan tungkol sa pinanghahawakang kuru-kuro ni Fang Min, at tinulungan ako ng aking mga kapatid na maghanap ng nauugnay na mga sipi ng salita ng Diyos. Pagkatapos, pumunta ulit ako sa bahay ni Fang Min at binasahan siya ng dalawang sipi ng salita ng Makapangyarihang Diyos. “Ang doktrina ba ay kailangang iangkop sa gawain ng Diyos? At Diyos ba ay dapat na gumawa ayon sa mga propesiya ng mga propeta? Kung tutuusin, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Bibliya? Bakit kailangang gumawa ang Diyos nang naaayon sa Bibliya? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Bibliya? Hindi ba maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya nang isinasaalang-alang ang araw ng Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya hindi isinagawa ang mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Bibliya! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Bibliya?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1). “Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sinundan ng mga Israelita ang landas ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ng kasalukuyan, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Bibliya. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang hinirang na mga tao sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, at nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas nakahihigit at mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi makikita o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Bibliya ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon bago ito maganap, nang walang makakaligtaan? Sino ang maaaring makapagtala nitong mas makapangyarihan at mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro na iyon? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Bibliya, dapat mong lagpasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Bibliya. Sa ganitong paraan ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagbahagi ako sa kanya, “Naniniwala kang dahil ang mga salita at gawain ng Makapangyarihang Diyos ay wala sa Bibliya, hindi Siya ang nagbalik na Panginoon. Ito ay paglilimita sa Diyos sa kung ano ang nasa Bibliya, na pagtatakda ng hangganan ng Diyos. Nauna ba ang Diyos o nauna ang Bibliya? Naroon na ba ang Bibliya nung unang nilikha ng Diyos ang kalangitan, ang lupa, at lahat ng bagay? Walang Bibliya si Abraham. Hindi siya nanalig sa Diyos ayon sa Bibliya. Masasabi ba nating hindi nanalig si Abraham sa Diyos? Dapat nating maunawaan na ang Bibliya ay talaan lamang ng kasaysayan ng gawain ng Diyos. Nalikha ito pagkatapos makumpleto ng Diyos ang Kanyang gawain, at pagkatapos malipon at mai-edit ang mga ito ng mga sumunod na may akda. Nang pumarito ang Panginoong Jesus para gumawa, walang Bagong Tipan. Ang nabasa lamang ng mga tao ay ang Lumang Tipan. Ilang siglo pagkatapos gumawa ng Panginoong Jesus saka nabuo ang Luma at Bagong Tipan. Pinatutunayan nito na nauna ang mga salita at gawin ng Diyos, at saka naisulat ang Bibliya. Isa itong katotohanan. Nagpapakita at gumagawa ang Diyos sa mga huling araw, kaya’t paanong mauunang maitala sa Bibliya ang Kanyang mga salita at gawain? Kung gusto nating salubungin ang Panginoon, dapat tayong lumabas sa Bibliya at hanapin at siyasatin ang kasalukuyang mga salita at gawain ng Diyos. Ito ang tanging paraan para masundan ang mga yapak ng Diyos!” Matapos kong maibahagi ang mga bagay na ito kay Fang Min, mukhang naunawaan niya ang ilan sa mga ito, ngunit nalilito pa rin siya, at sinabing, “Tama ang sinasabi ng Makapangyarihang Diyos. Totoong nauna ang gawain ng Diyos, at sumunod ang Bibliya, at nauunawaan kong mas higit ang Diyos kaysa sa Bibliya. Ngunit ilang dekada na akong nagbabasa ng Bibliya, at hindi ko ito basta-basta mabibitiwan. Kailangan ko pa ring basahin ang Bibliya.” Pagkatapos, tinanong ako ni Fang Min ng ilang bagong tanong. Medyo nakakalitong marinig ang mga ito nung una. Hindi ko alam kung tungkol sa aling mga aspeto ng katotohanan ako dapat magbahagi para masagot ang mga tanong niya. Nang makauwi na ako, nagdasal ako sa Diyos, hinihiling na bigyang-liwanag at patnubayan Niya ako. Pagkatapos ay gusto kong magbahagi ulit kay Fang Min. Isang araw, nagpunta ako sa bahay ni Fang Min at nakita ko ang isang nakabukas na Bibliya at ang aklat ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa pasimano ng bintana. Napagtanto kong kahit sinabi ni Fang Min na hindi niya ito tinatanggap, sa puso niya, gusto niyang siyasatin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos, at may nakita akong kaunting pag-asa para sa kanya.

Kalaunan, nagkasakit si Fang Min at naospital. Lumiban ako sa trabaho para alagaan siya at basahan ng salita ng Diyos. Nakita ng boss ko na madalas akong magpaalam lumiban, kaya’t sinadya niyang maghanap ng palusot para pagalitan ako. Nung una, nakaya ko ito. Naramdaman kong kahit medyo nagdurusa ako, hangga’t matatanggap ni Fang Min ang tunay na daan, ayos lang. Ngunit matapos ang ilang beses na pagbabasa ng salita ng Diyos kay Fang Min, hindi pa rin siya pumayag na magsiyasat. Sa puntong ito, medyo pinanghinaan ako ng loob. Pakiramdam ko’y nakapagbayad na ako ng malaking halaga, ngunit patuloy niya akong tinatanggihan. Gaano katagal ko pa kakailanganing mangaral bago niya ito tanggapin? Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong pinanghihinaan ng loob at nawawalan ng ganang makipagtulungan. Pagkatapos nun, nabasa ko sa salita ng Diyos, “Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong tungkulin, at ang iyong responsibilidad? Nasaan ang iyong diwa ng makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang sapat bilang isang panginoon sa susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang matinding diwa ng pagiging panginoon? Paano mo ipaliliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pagsulong ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na maging pastol nila? Mabigat ba ang iyong gawain? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at nalilito, dumaraing sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, upang biglang bumulusok at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sino ang makakaalam kung gaano sila sabik na umaasa, at gaano sila nananabik, araw at gabi, para dito? Kahit sa isang araw na nagdaraan ang kumikinang na liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagluha? Grabe ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang patuloy na nakatali sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at malamig na kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa ingay ng kanilang pagdaing? Sino na ang nakakita sa kanilang kaawa-awang kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdaranas ng gayong paghihirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang kapus-palad na mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masamang nilalang ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang patuloy na mabuhay, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, upang iligtas ang mga taong ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang laman at dugo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?). Mararamdaman natin ang matinding ninanais ng Diyos mula sa Kanyang mga salita. Para sa mga nabubuhay sa ilalim ng kapamahalaan ni Satanas at hindi pa lumalapit sa harap ng Diyos, nag-aalala at nababalisa ang Diyos, at inaasam ng Diyos na makamit ng mga tao ang pagliligtas sa mga huling araw. Bilang isang taong tumanggap ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, alam kong dapat kong dalhin ang mga hindi pa nakaharap sa Diyos sa sambahayan ng Diyos para tanggapin ang pagliligtas Niya. Ito ay responsibilidad ko. Nung Kapanahunan ng Biyaya, maraming tao ang naging martir para ipalaganap ang ebanghelyo, at sa huli, naipalaganap ang ebanghelyo sa bawat sulok ng mundo at nalaman ito ng lahat. Naisip ko rin si Noe na gumawa ng arka para tuparin ang atas ng Diyos. Sa loob ng tuloy-tuloy na isandaan at dalawampung taon, at sa kabila ng paghihirap, pangungutya, at paninirang-puri na kanyang hinarap sa panahong ito, hindi siya sumuko. Sa huli, natapos niya ang atas ng Diyos at nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Napakalaki ng pananampalataya ni Noe sa Diyos. Bagama’t nagkaroon ako ng ilang paghihirap sa pangangaral ng ebanghelyo at nagtiis ako ng ilang pagdurusa, malayo ito sa halagang binayaran ng mga banal sa buong panahon. Naalala ko noong ipinangaral sa akin ng mga kapatid ko ang ebanghelyo. Paulit-ulit ko rin silang tinanggihan, at kinailangan nilang mangaral sa akin nang maraming beses bago ko ito tinanggap. Ngayon, kay Fang Min, bakit hindi ko siya matrato nang may pagmamahal na kasinglaki ng sa kanila? Hindi pa niya nauunawaan ang katotohanan at nagagapos siya ng mga relihiyosong kuru-kuro, kaya’t hindi ba normal para sa kanya na manlaban? Hindi ko siya puwedeng sukuan dahil lang medyo mahirap ito. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi, at pagkatapos ay nanumpa ako sa Diyos: Anumang paghihirap ang maranasan ko habang ipinangangaral ang ebanghelyo, gagawin ko ang aking makakaya para makipagtulungan at maipalaganap ang ebanghelyo. Ito ay aking responsibilidad at tungkulin.

Kalaunan, ipinagpatuloy ko ang pag-aalaga kay Fang Min at pagbabasa sa kanya ng mga salita ng Diyos. Isang araw sinabi niya sa akin, “Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos na binasa mo sa akin sa panahong ito, nauunawaan kong hindi dapat limitahan ng mga tao ang Diyos sa kung ano ang nasa Bibliya. Palaging bago at hindi kailanman luma ang gawain ng Diyos, at ang nilalaman ng Bibliya ay ang nakaraang gawain ng Diyos. Kung babalik ang Diyos at gagawin ang mga bagay na nakatala sa Bibliya, mauulit ang gawain ng Diyos. Mawawala ang kabuluhan nito sa ganoong paraan. Tanging kapag gumagawa ang Diyos ng bagong gawin na labas sa Bibliya, na nagbibigay-daan sa mga taong sumailalim sa paghatol at maging malinis, sa batayan ng pagtanggap sa gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus saka lamang sila tunay na maililigtas. Kung kumakapit pa rin ako sa dating gawain ng Diyos, kahit pa basahin ko ang Bibliya nang buong buhay ko, hindi ko makakamit ang katotohanan at ang buhay. Kailangan kong sundan ang mga yapak ng Diyos at tanggapin ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw.” Nang makita kong sa wakas ay nagbago na ang isip ni Fang Min, sobrang saya ko. Nakita ko rin na nakikinig ang mga tupa ng Diyos sa tinig ng Diyos. Gaano man sila guluhin ni Satanas o anumang mga kuru-kuro ang mayroon sila, sa huli ay tatanggapin nila ang katotohanan at haharap sila sa Diyos. Pagkatapos nun, nagsimula nang maagap na magbasa ng mga salita ng Diyos at dumalo sa mga pagtitipon si Fang Min, at nag-umpisa nang unti-unting bumuti ang kanyang karamdaman. Nagbigay ng maraming pagbabahagi si Sister Li tungkol sa salita ng Diyos para tugunan ang mga paghihirap at mga ideya ni Fang Min, at mabilis na naging sigurado si Fang Min tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sinabi niya rin sa akin, “Nung binasa mo sa akin ang salita ng Diyos noon, kahit pa sa panlabas ay hindi kita pinansin, nakikinig naman talaga ako sa ilan sa mga iyon, at naramdaman kong taglay ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan, ngunit natakot ako na baka mali ako, kaya hindi ako naglakas-loob na tanggapin ito. Ngayon, nauunawaan ko na at handa na akong tanggapin ito.” Nang makita kong sigurado si Fang Min sa gawain ng Diyos, napakasaya ko, at labis ding naantig ang damdamin ko. Tinutukoy ng Diyos ang sandali kung kailan babalik ang bawat tao sa sambahayan ng Diyos, at hangga’t umaasa tayo sa Diyos, makikita natin ang mga gawa ng Diyos. Kalaunan, nag-alok si Fang Min na ipalaganap ang ebanghelyo sa kanyang mga kaibigan at kakilala. Matapos ang panahon ng pagtutulungan, labing-apat na tao ang tumanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw.

Sa pamamagitan ng karanasang ito sa pangangaral ng ebanghelyo, nakita ko talaga ang mga gawa ng Diyos. Sa panahong ito, bagama’t naharap ako sa maraming paghihirap, at kung minsan ako ay naging mahina at umatras, naranasan ko kung paano ito ginagamit ng Diyos para perpektuhin ang aking pananampalataya at pagmamahal, at tulungan akong sangkapan ang sarili ko ng higit pang katotohanan. Naranasan ko rin kung paanong ang pag-asa at pagbaling sa Diyos ang pinakadakilang karunungan. Ngayon, mas determinado pa akong ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman