Hindi na Ako Binabagabag ng Kaba Kapag Nagsasalita

Disyembre 8, 2025

Ni Li Jing, Tsina

Mula pagkabata, introvert na ako at atubiling makisalamuha sa mga tao. Kapag maraming tao sa paligid, kinakabahan ako at hindi ako naglalakas-loob magsalita, sa takot na baka may masabi akong mali at maliitin ako. Naaalala ko noong hayskul ako, pinasagot ako ng titser sa isang tanong sa klase. Alam ko naman ang sagot, pero pagtayo ko pa lang, pakiramdam ko ay nakatingin sa akin ang lahat, at biglang nablangko ang isip ko, nagsimula akong magkabulol-bulol at hindi ko na alam ang sasabihin ko. Sobra akong napahiya noon, na parang gusto ko na lang lamunin ng lupa. Nang magsimula akong magtrabaho, gusto ko sanang galingan kapag may mga nakatataas na nag-iinspeksyon ng gawain, pero nang makita ko sila, kinabahan ako nang sobra, hindi ko na mapaandar man lang ang makina, at nataranta na lang ako. Kinamumuhian ko ang sarili ko, at iniisip, “Bakit ba napakawalang-silbi ko?” Matapos matagpuan ang Diyos, kapag nakikipagtipon ako sa mga kapatid, nagkamit din ako ng kaunting pagkaunawa at kaalaman matapos basahin ang mga salita ng Diyos, pero takot akong mapahiya kung hindi magiging maganda ang pagbabahaginan ko, kaya makikipagbahaginan lang ako ng ilang salita at pagkatapos ay wala na akong masabi. Paglipas ng ilang panahon, mas nakilala ko ang ilang mga sister, kaya hindi na ako gaanong kinakabahan kapag nagsasalita, at nagagawa ko na rin ang ilang tungkulin sa abot ng aking makakaya.

Noong 2017, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia. Naisip ko, “Bilang isang lider, marami akong makakasalamuhang tao. Kailangang asikasuhin ang iba’t ibang gampanin ng iglesia, at kailangan ko ring makipagbahaginan sa katotohanan para malutas ang mga problema. Pero kinakabahan ako tuwing may nakikilala akong mga tao, kaya kung hindi man lang ako makabuo ng isang pangungusap, hindi ba ako pagtatawanan nang husto ng mga kapatid? Hindi, hindi ako puwedeng maging lider.” Gusto kong iwasan ang tungkuling ito. Nakipagbahaginan sa akin ang mga sister ng salita ng Diyos para tulungan ako, at atubili kong tinanggap ang tungkuling ito. Isang beses, pumunta ako sa isang pagtitipon kasama ang katuwang ko, at pagkakita ko pa lang sa mga kapatid, kinabahan na ako nang husto at hindi ko na alam ang sasabihin ko. Pero hindi man lang kinabahan ang katuwang ko, at ang mga salita ng Diyos na nahanap niya para lutasin ang mga problema ay malapit na nauugnay sa kalagayan ng mga kapatid. Sobra akong nainggit, at kinamuhian ko ang sarili ko, iniisip, “Bakit ba hindi ako makapagsalita o makapagpaliwanag nang maayos? Kahit ‘yung kaunting nauunawaan ko, hindi ko maibahagi, kaya ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin?” Nakaramdam ako ng sobrang kababaan, mas mababa kaysa sa iba, at hindi ko maiangat ang ulo ko. Pag-uwi ko, sinangkapan ko ang sarili ko ng mas marami pang salita ng Diyos, at gusto ko ring malutas ang mga problema ng mga kapatid, tulad ng ginawa ng katuwang ko. Pero nang oras na para sa pagtitipon, pagkakita ko pa lang sa mga kapatid, kumakabog na ang dibdib ko, at kinabahan ako nang sobra na nablangko ang isip ko, at ayaw gumana nang maayos ang bibig ko. Kung anu-ano lang ang nasasabi ko na walang koneksiyon sa isa’t isa, at sa huli, wala akong anumang naibahagi nang malinaw. Minsan naman, nakita kong nasa masamang kalagayan si Sister Wang Ke, kaya sinubukan kong makipagbahaginan sa kanya ng mga salita ng Diyos, pero dahil kinakabahan ako, hindi ako nakapagbahagi nang malinaw. Natakot akong baka maliitin niya ako, kaya pagkatapos noon, hindi na ako nangahas na bumalik, at hiniling ko na lang sa lider ng pangkat na siya na ang makipagbahaginan sa kanya. Unti-unti, lalo kong naramdaman na wala akong kakayahan, at ayaw ko nang dumalo sa mga pagtitipon at makisalamuha sa mga tao. Kaya nanatili na lang ako sa bahay, sumasagot ng mga sulat o gumagawa ng ilang pangkalahatang gampanin, at kapag may mga gampaning nangangailangan ng agarang pagbabahaginan at pagpapatupad, hindi ako pumupunta para asikasuhin ang mga ito, hinihintay ko na lang ang katuwang ko na pumunta sa halip na ako, na nauwi sa pagkaantala ng gawain ng iglesia. Namumuhay ako sa negatibong kalagayan, sobrang nasasaktan at nasusupil. Hindi rin nagbubunga ng anuman ang gawain ko, at sa huli, tinanggal ako dahil sa hindi paggawa ng aktuwal na gawain. Pagkatapos matanggal, madalas kong kinamumuhian ang sarili ko, iniisip na, “Bakit ba napakawalang-silbi ko? Talang wala na akong pag-asa! Ang pangangaral ng ebanghelyo at pagdidilig sa mga baguhan ay parehong nangangailangan ng pakikisalamuha sa mga tao at pagbabahaginan sa katotohanan. Ang mga taong tulad ko ay hindi kailanman maisasakatuparan ang mga tungkuling ito. Mas mabuti pang gumawa na lang ako ng mga tungkulin ng pangkalahatang gawain; para hindi ko na kailangang makisalamuha sa napakaraming tao, at hindi na ako masyadong mapresyur.” Kalaunan, isinaayos ng iglesia na gumawa ako ng ilang teknikal na tungkulin, at hindi ko na binigyang-pansin ang paglutas sa kalagayang ito.

Noong Enero 2024, muli akong nahalal bilang isang diyakono ng pagdidilig. Nang marinig ko ang balita, napuno ako ng takot, iniisip na, “Hindi ako magaling magsalita, at kinakabahan ako sa harap ng mga tao, at hindi ko man lang maibahagi nang malinaw ang kaunting nauunawaan ko. Ano na lang ang iisipin sa akin ng mga baguhan kung hindi ko malutas ang mga problema nila? Kung malalaman ito ng mga kapatid, pagtatawanan nila ako at sasabihing wala akong nagagawang tungkulin nang maayos. Hindi ba’t mas kahiya-hiya iyon?” Pero alam kong ang pagdating ng tungkuling ito ay pagtataas ng Diyos sa akin, at hindi ko ito puwedeng iwasan. Nakipagbahaginan din sa akin ang lider, sinasabing kapag dumarating ang isang tungkulin, tinitingnan ng Diyos ang saloobin natin, kung mayroon ba tayong pagpapasakop at kung magagawa ba natin ito nang buong puso at lakas. Iyon ang pinakamahalaga. Nakatulong ito para maunawaan ko nang kaunti ang layunin ng Diyos, at tinanggap ko ang tungkuling ito. Pero minsan, hiniling sa akin ng lider na diligan ang dalawang estudyante sa kolehiyo. Agad akong kinabahan, at naisip ko, “Hindi na nga ako makapagsalita nang malinaw—paano kung hindi ako makapagbahagi ng katotohanan nang maayos? Ano na lang ang iisipin sa akin ng mga baguhan?” Gusto ko na namang iwasan ang tungkuling ito, pero nakaramdam din ako ng pagkakonsensiya, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, hindi po ako magaling magsalita at palagi akong natatakot sa kung ano ang iisipin ng iba kung hindi ako makapagbahagi nang maayos. Kinakabahan po ako nang husto sa loob-loob ko. Pakiusap, gabayan N’yo po akong harapin nang tama ang mga kakulangan ko.”

Sa isa sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung gusto mong umiwas sa paggawa ng mga hangal o tunggak na bagay, dapat mo munang maunawaan ang sarili mong mga kondisyon: Kung kumusta ang iyong kakayahan, kung ano ang iyong mga kalakasan, kung saan ka mahusay, at kung saan ka hindi mahusay, pati na kung anong mga bagay ang kaya at hindi mo kayang gawin batay sa iyong edad, kasarian, sa kaalamang tinataglay mo, at sa iyong mga kabatiran at karanasan sa buhay. Ibig sabihin, dapat maging malinaw sa iyo kung ano ang mga kalakasan at kahinaan mo sa tungkuling ginagampanan mo at sa gawaing ginagawa mo, at kung ano ang mga kakulangan at merito ng sarili mong personalidad. Kapag malinaw na sa iyo ang sarili mong mga kondisyon, merito, at pagkukulang, dapat mo namang tingnan kung aling mga merito at kalakasan ang dapat na mapanatili, kung aling mga pagkukulang at kapintasan ang maaaring mapagtagumpayan, at kung aling mga pagkukulang at kapintasan ang hindi talaga maaaring mapagtagumpayan—dapat maging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito. … May ilang problema na hindi kayang lutasin ng mga tao. Halimbawa, maaaring madali kang kabahan kapag nakikipag-usap sa iba; kapag nahaharap sa mga sitwasyon, maaaring may sarili kang mga ideya at pananaw pero hindi mo malinaw na maipahayag ang mga ito. Lalo kang kinakabahan kapag maraming tao sa paligid; hindi malinaw ang iyong pagsasalita at nanginginig ang iyong mga labi. Ang ilang tao ay nauutal pa nga; para sa iba naman, kung may mga miyembro ng kabilang kasarian sa paligid, lalong hindi sila naiintindihan, sadyang hindi alam kung ano ang sasabihin o gagawin. Madali ba itong malampasan? (Hindi.) Sa loob ng maikling panahon, kahit papaano, hindi madali para sa iyo na malampasan ang kapintasang ito dahil parte ito ng iyong likas na mga kondisyon. … Ang iyong pagkatakot sa harap ng mga tao, ang iyong nerbiyos at takot—ang mga pagpapamalas na ito ay hindi sumasalamin sa iyong tiwaling disposisyon; ang mga ito man ay likas sa iyo o dulot ng kapaligiran sa buhay kalaunan, sa pinakamalala, ito ay isang depekto, isang kapintasan ng iyong pagkatao. Kung hindi mo ito mababago pagkalipas ng mahabang panahon, o maging sa buong buhay mo, huwag mo itong pakaisipin, huwag hayaang pigilan ka nito, at hindi ka rin dapat maging negatibo dahil dito, dahil hindi mo ito tiwaling disposisyon; walang silbi na subukang baguhin o labanan ito. Kung hindi mo ito kayang baguhin, tanggapin mo ito, hayaan itong umiral, at ituring ito nang tama, dahil maaari kang umiral kasama ng depektong ito, ng kapintasang ito—ang pagkakaroon mo nito ay hindi nakakaapekto sa iyong pagsunod sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin mo. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at gawin ang mga tungkulin mo sa pinakaabot ng iyong mga abilidad, maaari ka pa ring maligtas, hindi ito nakakaapekto sa iyong pagtanggap sa katotohanan at hindi nakakaapekto sa pagtatamo mo ng kaligtasan. Samakatwid, hindi ka dapat madalas na mapigilan ng isang partikular na depekto o kapintasan sa iyong pagkatao, hindi ka rin dapat maging negatibo at panghinaan ng loob, o bumitiw pa nga sa iyong tungkulin at sa paghahangad sa katotohanan, at mawalan ng pagkakataong maligtas, dahil sa parehong dahilan. Ito ay lubos na hindi sulit; iyan ang gagawin ng isang hangal at mangmang na tao(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). “Lahat ay may mga kapintasan at depekto. Dapat mong hayaang umiral kasama mo ang iyong mga kapintasan at depekto; huwag iwasan ang mga ito o pagtakpan ang mga ito, at huwag madalas na makaramdam ng panunupil sa loob-loob mo, o palaging makaramdam pa nga ng pagiging mas mababa dahil sa mga ito. Hindi ka mas mababa; kung nagagawa mo ang iyong tungkulin nang buong puso, buong lakas, at buong isipan, sa abot ng iyong makakaya, at mayroon kang taos na puso, kung gayon, ikaw ay kasinghalaga ng ginto sa harap ng Diyos. Kung hindi mo kayang magbayad ng halaga at wala kang katapatan sa paggawa ng iyong tungkulin, kahit na ang iyong mga likas na kondisyon ay mas mabuti kaysa sa mga ordinaryong tao, hindi ka mahalaga sa harap ng Diyos, ni hindi ka kasinghalaga ng isang butil ng buhangin(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, biglang luminaw ang isip ko. Nalaman kong ang kaba, pagkabalisa, at takot kong magsalita sa harap ng mga tao ay isang likas na depekto pala sa pagkatao ko. Sabi ng Diyos, ang mga depekto sa pagkatao ng isang tao ay hindi mga tiwaling disposisyon. Kung hindi ito mababago ng isang tao, kailangan lang niya itong tanggapin at mamuhay kasama nito, sa halip na labanan o piliting baguhin ang mga ito. Kahit hindi nila ito malampasan, hindi nakakaapekto ang mga ito sa kakayahan nilang manampalataya sa Diyos o gawin ang kanilang tungkulin. Hangga’t hinahangad nila ang katotohanan, maaari pa rin silang maligtas. Hindi ko naunawaan noon ang layunin ng Diyos. Kapag nakikita ko ang ibang mga kapatid na malinaw na naipapahayag ang kanilang sarili at nakakapagsalita nang hindi kinakabahan, nalulugmok ako sa kalagayan ng pagiging negatibo at mababa sa iba, hinahatulan ang sarili ko na lubos na walang halaga. Noong ginagawa ko ang tungkulin ng isang lider, pumunta kami ng katuwang ko para magdaos ng pagtitipon para sa mga kapatid, at sa sobrang kaba nang makita ko sila, hindi na ako nangahas na makipagbahaginan. Pero ang katuwang ko ay walang kaba sa pagsasalita. Mahusay siyang magsalita at malinaw niyang naibahagi ang katotohanan. Sobra akong nainggit. Pag-uwi ko, nagsikap akong sangkapan ang sarili ko ng katotohanan. Gusto kong makipagbahaginan tulad ng katuwang ko para hindi ako maliitin ng mga kapatid. Pero nang makipagkita ako sa kanila, sobrang kaba ko pa rin kaya hindi ako makapagsalita nang maayos o makapagbahaginan ng anuman. Nasa masamang kalagayan si Sister Wang Ke, at gusto ko siyang tulungan, pero dahil kinakabahan ako, hindi ko naibahagi nang malinaw ang katotohanan, at hindi nalutas ang kalagayan ng sister. Hindi na rin ako nangahas na makipagbahaginan sa kanya pagkatapos noon. Matapos mabigo nang ilang beses, nagsimula ko nang katakutan ang mga pagtitipon. Sa tuwing kailangang makipagbahaginan ng katotohanan sa mga kapatid para lutasin ang mga problema, ipinapasa ko na lang ang responsabilidad sa katuwang ko, at gumagawa na lang ako ng ilang pangkalahatang gawain. Sa huli, tinanggal ako dahil hindi ako gumagawa ng aktuwal na gawain. Sa pagkakataong ito, sa pagdidilig ng mga baguhan, natakot na naman akong baka sa sobrang kaba ay hindi ako makapagsalita kapag nakita ko sila, at baka maliitin ako ng mga tao dahil hindi ako makapagbahaginan nang maayos, kaya gusto kong iwasan ang tungkulin ko at tumakas na lang. Hindi ko kayang tratuhin nang tama ang kapintasan ko, at patuloy akong nalugmok sa negatibong kalagayan, paulit-ulit na iniiwasan ang tungkulin ko. Napagtanto ko na ang pagkabigo kong iwasto ang mga walang-katotohanan kong pananaw ang nagpanatili sa akin sa negatibong kalagayan at humadlang sa akin na matupad ang mga tungkulin ko. Talagang hangal at mangmang ako! Ngayon, naunawaan ko na ang lahat ay may mga depekto at kapintasan, at walang sinuman ang perpekto. Hindi tinitingnan ng Diyos ang likas na mga katangian ng isang tao; ang tinitingnan Niya ay kung tapat ba sila sa kanilang tungkulin, at kung sinusubukan ba nila ang lahat ng paraan para magawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Ang gayong tao ay may pusong sinsero sa Diyos, at sa mga mata ng Diyos, sila ay kasinghalaga ng ginto. May ilang tao na may magagandang likas na katangian at mahusay magsalita, pero hindi nila hinahangad ang katotohanan at hindi sila tapat sa kanilang mga tungkulin. Ang gayong tao ay tulad ng buhangin, na walang halaga sa mga mata ng Diyos. Itinaas ako ng Diyos para gawin ang tungkulin ng pagdidilig sa mga baguhan sa iglesia. Hindi ako puwedeng mapigilan ng aking mga likas na katangian at patuloy na iwasan o tanggihan ang tungkuling ito. Kailangan kong mabilis na manumbalik sa Diyos.

Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, nagawa ko nang tratuhin nang tama ang mga depekto ko, pero sa tuwing kailangan kong makisalamuha sa mga tao, palagi akong natatakot sa kung ano ang iisipin nila sa akin kung hindi ako makapagsalita nang maayos. Sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa ugat ng mga problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nakapaloob sa kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o ang lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay at ang kanilang panghabambuhay na layon. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; iyon ang dahilan kaya kinokonsidera nila ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. Kung kaya’t para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, anuman ang kapaligiran na tinitirhan nila, anuman ang gawain na kanilang ginagawa, anuman ang kanilang hinahangad, anuman ang kanilang mga layon, anuman ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo at ang kanilang diwa(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Nakita ko na inilalantad ng Diyos kung paanong, anuman ang sitwasyon, nakatuon ang mga anticristo sa katayuan nila sa puso ng mga tao, inilalagay ang kanilang reputasyon at katayuan nang higit sa lahat. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Ang disposisyong ibinubunyag ko ay kapareho ng sa isang anticristo. Anuman ang sitwasyon, inuuna ko ang pagpapahalaga ko sa sarili at katayuan, labis na nag-aalala sa kung paano ako tinitingnan at sinusuri ng iba. Noong nag-aaral ako, hindi ako nangangahas na magsalita sa klase, sa takot na pagtawanan ako ng mga kaklase ko kung magkamali ako, at kapag gumagawa, kinakabahan ako sa harap ng mga nakatataas sa akin, hanggang sa punto na hindi ko na mapaandar man lang ang mga makina. Matapos matagpuan ang Diyos, kahit kanino pa ako sa makipagtipon, takot akong kapag hindi naging maging maayos ang pakikipagbahaginan ko ay maliitin nila ako. Kapag nakikita kong malinaw magbahagi ng katotohanan ang katuwang ko, talagang naiinggit ako, at kapag hindi ko maabot ang antas niya, nakakaramdam ako ng pagkababa at nagiging negatibo. Dahil napipigilan ako ng aking pagpapahalaga sa sarili, ipinapasa ko pa sa katuwang ko ang gawaing dapat sana ay ako ang gumawa, at gumagawa na lang ako ng ilang pangkalahatang gawain. Bukod sa hindi ko natutupad ang mga responsabilidad ko, naaantala ko rin ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga kapatid. At dati, noong isinaayos ng lider na diligan ko ang dalawang baguhan, nang marinig kong mga estudyante sila sa kolehiyo, ang una ko agad naisip ay mamaliitin ako kapag hindi naging maayos ang pagbabahaginan ko, kaya gusto kong iwasan ang tungkuling ito. Naimpluwensiyahan at kinontrol ako ng mga lason ni Satanas na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Sa bawat pagkakataon, sinusubukan kong protektahan ang personal kong reputasyon at katayuan, at kapag hindi ko ito magawa, nalulugmok ako sa pasakit at hindi ako makapagtipon ng lakas na gumawa ng anuman, hindi ko matupad ang mga tungkulin at responsabilidad ko. Ang pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos na gawin ang mga tungkulin ko ay para magawa ko ito nang buong puso, pero hindi ko iniisip kung paano ko magagawa nang maayos ang aking tungkulin para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at hindi ko isinaalang-alang ang layunin ng Diyos. Sa anong paraan ako nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng tungkulin ko? Mas inuna ko pa ang sarili kong mga interes kaysa sa mga tungkulin ko. Nasaan ang konsensiya o katwiran ko roon? Kung patuloy akong kakapit sa aking reputasyon at katayuan, sa huli ay mawawala sa akin ang pagkakataong gawin ang mga tungkulin ko, at itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Nagpasalamat ako sa Diyos para sa gabay at kaliwanagan ng Kanyang salita, na nagbigay-daan sa akin na malaman ang kabigatan ng isyung ito. Naging handa akong magsisi at magbago, na hindi na mapigilan ng pagpapahalaga ko sa sarili, at na magawang tanggapin at magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.

Kalaunan, nagbasa ako ng mas marami pang salita ng Diyos: “Ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamahalagang bagay, sa alinmang perspektiba mo ito tingnan. Maaari mong iwasan ang mga depekto at pagkukulang ng pagkatao, ngunit hinding-hindi mo maaaring iwasan ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Kahit gaano pa kaperpekto o karangal ang iyong pagkatao, o maaari mang mas kaunti ang iyong mga kapintasan at depekto, at nagtataglay ka man ng mas maraming kalakasan kaysa sa ibang tao, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, hindi rin nito mapapalitan ang iyong paghahangad sa katotohanan. Sa kabaligtaran, kung hahangarin mo ang katotohanan, kung marami kang nauunawaan sa katotohanan, at kung may sapat at praktikal kang pagkaunawa tungkol dito, mapupunan nito ang maraming depekto at problema sa iyong pagkatao. Halimbawa, sabihin nang ikaw ay kimi at introvert, nauutal ka, at hindi ka masyadong edukado—ibig sabihin, marami kang depekto at kakulangan—pero mayroon kang praktikal na karanasan, at bagama’t nauutal ka kapag nagsasalita, malinaw mong naibabahagi ang katotohanan, at ang pakikipagbahaginang ito ay nakakapagpatibay sa lahat kapag naririnig nila ito, naglulutas ng mga problema, nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makaahon mula sa pagkanegatibo, at pumapawi sa kanilang mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kita mo, bagama’t nauutal ka sa iyong mga salita, nakakalutas ng mga problema ang mga ito—napakahalaga ng mga salitang ito! Kapag naririnig ng mga karaniwang tao ang mga ito, sinasabi nila na isa kang taong walang pinag-aralan, at hindi ka sumusunod sa mga tuntunin ng gramatika kapag nagsasalita ka, at kung minsan ay hindi rin talaga naaangkop ang mga salitang ginagamit mo. Maaaring gumagamit ka ng wika na pangrehiyon, o ng pang-araw-araw na wika, at na ang iyong mga salita ay walang sopistikasyon at estilo na kagaya sa mga taong may mataas na pinag-aralan na napakahusay magsalita. Gayumpaman, ang iyong pakikipagbahaginan ay naglalaman ng katotohanang realidad, kaya nitong malutas ang mga paghihirap ng mga tao, at pagkatapos itong marinig ng mga tao, naglalaho ang lahat ng madilim na ulap sa paligid nila, at nalulutas ang lahat ng problema nila. Kita mo, hindi ba’t mahalaga ang pagkaunawa sa katotohanan? (Oo.) … Kahit gaano karaming depekto at kapintasan mayroon sa iyong pagkatao, kung ang mga salitang sinasabi mo ay naglalaman ng katotohanang realidad, ang iyong pakikipagbahaginan ay kayang maglutas ng mga problema; kung ang mga salitang sinasabi mo ay mga doktrina, at ang mga ito ay wala ni kahit kaunting praktikal na kaalaman, kahit gaano ka magsalita, hindi mo magagawang lutasin ang mga tunay na problema ng mga tao. Paano ka man tinitingnan ng mga tao, hangga’t ang mga bagay na sinasabi mo ay hindi nakaaayon sa katotohanan, at hindi kayang matugunan ng mga ito ang mga kalagayan ng mga tao, o malutas ang mga paghihirap ng mga tao, kung gayon, hindi gugustuhin ng mga tao na makinig sa mga ito. Kaya, alin ang mas mahalaga: ang katotohanan o ang sariling mga kondisyon ng mga tao? (Ang katotohanan ang mas mahalaga.) Ang paghahangad sa katotohanan at ang pag-unawa sa katotohanan ang mga pinakamahalagang bagay(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagkakaroon ng mga depekto ay hindi problema, at ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamahalagang bagay, dahil ang paghahangad sa katotohanan ay makakatulong sa mga taong lutasin ang lahat ng problema at paghihirap. Hangga’t hinahangad ko ang katotohanan, ginagawa ang aking mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, at kaya kong magbahagi ng katotohanan para lumutas ng mga problema, mapupunan ko ang mga depekto sa aking pagkatao. Bagama’t may ilang tao na likas na magaling magsalita at hindi kailanman kinakabahan sa harap ng iba, hindi ibig sabihin nito na nauunawaan nila ang katotohanan o na magagawa nila nang maayos ang kanilang tungkulin. Naisip ko ang isang superbisor ng gawain ng ebanghelyo. Mahusay siyang magsalita, at hindi kailanman kinakabahan sa anumang sitwasyon. Bagama’t mayroon siyang mga kaloob at kakayahan, hindi niya hinangad ang katotohanan, at puro salita at doktrina lang ang sinasabi niya, na hindi makalutas sa mga problema ng mga kapatid. Gumawa rin siya ng mga bagay na gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia, at wala siyang bahid ng pagsisisi, at sa huli, pinaalis siya ng iglesia. Nakita ko na gaano man kahusay magsalita ang isang tao, kung hindi nila hinahangad ang katotohanan at walang mga katotohanang realidad, sa huli ay ititiwalag din sila. Bagama’t hindi ako magaling magsalita, kapag tama ang mga layunin ko at sinsero akong nanalangin at umaasa sa Diyos, matatanggap ko rin ang Kanyang paggabay, at makakaya ko ring makapagbahaginan para malutas ang ilang problema ng mga kapatid. Hindi na ako maaaring mapigilan pa ng kawalan ko ng husay sa pagsasalita. Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos ang isang landas ng pagsasagawa. Dapat akong magtuon sa paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay na dumarating sa akin araw-araw, magsanay na magsagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at magtuon sa pagpasok sa katotohanang realidad. Kapag gumagawa ng tungkulin ko, dapat akong magsanay na makipagbahaginan batay sa mga aktuwal na karanasan ko, at magtuon sa kung paano makipagbahaginan sa paraang malulutas ang mga problema ng mga baguhan. Kung mayroon akong hindi nauunawaan, dapat akong humingi ng tulong sa mga kapatid kong nakakaunawa at magsikap na tuparin ang mga tungkulin ko. Matapos maunawaan ang mga ito, nang makipagtipon ako sa dalawang baguhan, pauna ko nang sinangkapan ang sarili ko ng katotohanan at naghanda akong mabuti, at bagama’t medyo kinakabahan pa rin ako, nanalangin ako at umasa sa Diyos, at nakapagbahagi rin ako ng ilang kaliwanagan at mga paraan ng pagsasagawa at nalutas ko ang ilang problema ng mga baguhan. Kung may mga problemang hindi ko nalutas sa pagtitipon, nanalangin ako at naghahanap pag-uwi, o kaya ay nakikipag-usap ako sa superbisor, at sa susunod na makipagkita ako sa mga baguhan, muli akong makikipagbahaginan sa kanila. Nagkamit rin ako ng ilang resulta sa mga tungkulin ko sa pagsasagawa sa ganitong paraan.

Hindi nagtagal, may isang baguhan na pinipigilan ng kanyang pamilya at hindi regular na nakakadalo sa mga pagtitipon. Hiniling sa akin ng lider na puntahan at kumustahin siya, sinabi rin na nakipagbahaginan at tumulong na sa kanya ang mga dating tagadilig, pero pinipigilan pa rin siya ng kanyang pamilya. Nagsimula na naman akong mag-alala, iniisip na, “Paano kung hindi ko kayang makipagbahaginan nang malinaw, at hindi ko malutas ang problema niya, at manatili siyang pinipigilan ng kanyang pamilya? Sobrang kahiya-hiya niyon!” Napagtanto kong iniisip ko na naman ang pagpapahalaga ko sa sarili at katayuan ko. Ang paglutas sa kalagayan ng sister na ito ay tungkulin ko, at dapat kong gawin ang lahat ng aking makakaya para makipagbahaginan kung ano man ang nauunawaan ko. Nagbasa ako ng mga salita ng Diyos: “Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat kang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagbubulay-bulay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging deboto, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Dapat akong magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi ko dapat isaalang-alang ang pagpapahalaga ko sa sarili o magtuon sa kung ano ang iniisip ng iba sa akin, sa halip, dapat kong tuparin ang responsabilidad ko, sinserong alamin ang mga paghihirap at problema ng baguhan, ihanda nang maaga ang mga kaugnay na salita ng Diyos, mga artikulo at video na batay sa karanasan, at pagnilayan kung alin sa sarili kong mga karanasan ang maibabahagi ko sa baguhan para matulungan siya, para mabilis siyang makapagtatag ng pundasyon sa tunay na daan. Ito ang mga bagay na dapat kong gawin. Matapos maunawaan ang mga ito, nang makita kong muli ang baguhan, bagama’t kinakabahan pa rin ako, nanalangin ako at umasa sa Diyos, at kung hindi malinaw ang pagbabahaginan ko sa unang pagkakataon, maghahanap ako ng mas marami pang salita ng Diyos para ibahagi sa kanya sa susunod, at sa huli, nakadalo na siya sa mga pagtitipon nang regular, hindi na pinipigilan ng kanyang pamilya, at nagsimula pa siyang magsanay na magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos. Ang lahat ng ito ay dahil sa gabay ng Diyos kaya ko nakamit ang mga resultang ito sa tungkulin ko.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman