Tama Bang Sabihin na “Dapat Palaging Mag-ingat ang Isang Tao Laban sa Iba”?

Hulyo 31, 2024

Ni Cheng Nuo, Tsina

Noong bata pa ako, madalas sabihin ng nanay ko sa akin, “Dapat maging alerto ka kapag nakikisalamuha ka sa iba; huwag kang hangal at sabihin lang kung anong maisip mo. Madali kang masasaktan at maloloko ng mga tao.” Noon, nang marinig ko ang mga salitang ito, wala pa akong personal na karanasan, kaya tumango lang ako bilang tugon. Kalaunan, nang makisalamuha na ako sa mga tao sa lipunan, nakita kong ang mga taong nakapalibot sa akin ay nagpapakana at sinasaktan ang isa’t isa alang-alang sa kanilang mga interes. Kapag may nasabing maling salita ang isang tao, ididiin siya ng iba. Naisip ko, “Mahirap maarok ang puso ng tao; kailangan kong maging alerto kapag nakikisalamuha sa mga tao sa hinaharap. Basta’t hindi ko sinasadyang saktan ang iba, magiging ayos lamang, pero kailangan kong maging maingat sa kanila, kung hindi ay sasamantalahin nila ako.” Kaya, nakikisalamuha man ako sa mga kaibigan o kapitbahay ko, palagi akong nag-iingat. Hindi ako naglakas-loob na sabihin ang nasa isip ko, dahil sa takot na kung may masabi akong mali, mapapasama ko ang loob ng isang tao at magdadala ako ng gulo sa sarili ko. Maraming taon na akong wala sa bahay dahil sa trabaho, at halos wala akong malalapit na kaibigan. Simula nang manalig ako sa Diyos, nakaugnayan ko na ang mga kapatid, at nakita ko na kapag nagtitipon sila at pinagbabahaginan ang mga karanasan at pagkaunawa nila, kaya nilang lantarang magtapat nang dalisay at sabihin ang pinakatatagong kaisipan nila. Hindi sila nagkukubli o nagtatago ng anuman at labis silang malaya at maginhawa. Dahan-dahan, natuto akong magtapat at makipagbahaginan sa kanila nang walang mga pag-aalinlangan, at nadama kong ang pananalig sa Diyos ay talagang napakaganda. Pero sa mga usaping kinasasangkutan ng mga interes ko mismo, hindi ko mapigilang mamuhay ayon sa panuntunan para sa mga makamundong pakikitungo “Huwag kailanman layuning pinsalain ang iba, ngunit palaging mag-ingat laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo.”

Iyon ay noong Marso 2023. Dahil hindi magaganda ang resulta ng gawain ng pagsusulat ng aming iglesia, nagpadala ng maraming sulat ang lider na tinatanong ang dahilan nito at nagtatanong kung paano namin babaguhin ang mga bagay-bagay mula roon. Ang katuwang kong sister na si Xinjing, ay tutol dito, at sinabi niya sa lider ng grupo, na si Lin Xiao, at sa akin, na “Araw-araw, napakaabala namin kaya wala na kaming libreng oras, at napakahigpit ng pangangasiwa at pagsubaybay ng lider sa aming gawain. Masyadong nakakapagod na gawin ang tungkuling ito!” Noong panahong iyon, inisip ko na lang na nasabi niya iyon dahil hindi maganda ang kalagayan niya, at na nagkaroon din naman kaming lahat ng mga pagkakataon kung kailan negatibo kami at nagpapakita ng mga katiwalian. Bukod pa roon, may mga naging katulad din akong kalagayan niya, hindi ko lang ipinagsabi ang mga iyon. Kaya, hindi ko masyadong pinansin ang mga bagay na sinabi ni Xinjing. Nakipagbahaginan ang lider ng grupo kay Xinjing, na hinihimay ang dahilan sa likod ng kanyang pagiging masyadong salungat sa pangangasiwa ng lider. Sinabi ng lider na ang pinakaugat nito ay dahil tinatamasa ni Xinjing ang mga kaginhawahan ng laman sa tungkulin nito at ayaw nitong magdusa at magbayad ng halaga, at nagbahagi rin ang lider tungkol sa kahalagahan ng pangangasiwa ng mga lider sa gawain. Nang marinig ni Xinjing ang pagbabahagi ng lider, napagtanto ni Xinjing na talagang tamad siya, at na kung hindi dahil sa pagsubaybay at pangangasiwa ng lider, babalewalain niya ang kanyang tungkulin at tiyak na aantalain ang gawain. Gayunpaman, pagkatapos nito, kapag nagtitipon at nag-aaral, nagsasalita pa rin si Xinjing ng pagsalungat sa pangangasiwa ng lider sa gawain. Nang panahong iyon, naisip ko, “Nasasabi niya lang siguro ang mga ito dahil walang mga resulta ang gawain niya kamakailan, na nakaapekto sa kalagayan niya. Sa tulong ng pagtitipon at pagbabahaginan, maaaring mabago niya ang landas niya pagkatapos nito.” Kaya, hindi ko ito sineryoso.

Isang araw noong Mayo, dumating ang lider para makipagtipon sa amin. Sinabi niya na may nagsumbong na mahilig si Xinjing magpahayag ng pagiging negatibo at labis itong salungat sa pangangasiwa ng mga lider sa gawain. Ginamit din ng lider ang mga salita ng Diyos para pagbahaginan at himayin ang kalikasan at mga kahihinatnan ng mga salita at kilos ni Xinjing. Nang marinig ko ito bigla, natulala ako. Ang hula ko ay galing sa lider ng grupo, na si Lin Xiao, ang sumbong na ito, dahil kaming dalawa lang ang nakakaalam sa sinabi ni Xinjing. Hindi ako ang nagsumbong, kaya siguradong si Lin Xiao iyon. Nang iniisip ko ito, may isang kaisipang sumagi sa isip ko: “Pagkatapos nito, kailangan kong maging mas maingat kapag nagsasalita ako. Pwedeng magdulot ng matinding gulo ang pagsasabi ng isang maling salita.” Pero nang maisip ko ito, hindi ko ito masyadong pinansin at hinayaan ko lang itong lumipas. Pagkatapos ng mahigit 10 araw, nakita ng lider na ang saloobin ni Xinjing sa tungkulin nito ay hindi pa nagbago, at tinanggal niya si Xinjing. Nang mabalitaan ko ito, nagulat ako, iniisip ko na, “Ang ginawa lang naman niya ay ang ipagtapat sa mga pagtitipon ang kalagayan niya, pagkatapos ay itinuring na siyang naglalabas ng pagiging negatibo at tinanggal na. Kailangan ko nang maging mas maingat sa hinaharap kapag nagsasalita sa mga pagtitipon. Ayaw kong may masabing mali at matanggal.” Kalaunan, sinabi sa akin ni Lin Xiao na siya ang nagsumbong sa problema ni Xinjing. Nagngingitngit ako sa galit, at naisip ko, “Ito talaga ay halimbawa ng ‘Sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso.’ Mukha naman siyang mabait sa panlabas, pero isinumbong niya ang mga problema ng isang tao nang patalikod. Kailangan kong mag-ingat sa kanya sa hinaharap; hindi ako pwedeng maging hangal na lang at sabihin ang anumang nasa isip ko.” Kalaunan, tinanong ni Lin Xiao ang dahilan kung bakit hindi magaganda ang resulta ng gawain ko kamakailan at kung ano ang plano ko sa paglilinang sa mga tao. Alam kong hindi ko maayos na nagampanan ang gawaing ito. Gayunpaman, natakot ako na kung sasabihin ko ito, magsusumbong siya laban sa akin nang patalikod at pagkatapos ay tatanggalin ako ng lider; mapapahiya ako! Gaya nga ng mga kasabihan na, “palaging mag-ingat laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo,” at “ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Dapat ilang simpleng salita lang ang sabihin ko tungkol sa sitwasyon ng gawain at huwag nang magdetalye. Nang maisip ko ito, naging malamig ang pagtrato ko sa tanong ni Lin Xiao, at pakiramdam niya ay nalimitahan ko siya at hindi na siya naglakas-loob na magtanong sa gawain ko. Nasaktan din ako nito, at gusto kong magtapat sa kanya at pag-usapan ang kalagayan ko. Gayunpaman, naalala ko kung paanong kamakailan lang, nang sinabi ni Xinjing ang kalagayan niya at sinabi ang lahat, isinumbong siya ni Lin Xiao sa lider nang walang sabi-sabi, at dahil doon, tinanggal si Xinjing. Kung sinabi ko kay Lin Xiao na masama ang kalagayan ko at ang tungkol sa hadlang sa pagitan namin, at pagkatapos ay isinumbong niya ako sa lider at natanggal ako, anong gagawin ko? Hindi, hindi ko kayang gawin iyon! Hindi ko pwedeng ipaalam sa kanya ang totoong kalagayan ko. Kailangan kong magsalita nang mas maingat; hindi ko pwedeng basta na lang sabihin ang lahat. Noong panahong iyon, asiwa na kami sa isa’t isa, at para bang hindi kami magkakilala. Pakiramdam niya ay napipigilan ko siya at hindi siya naglakas-loob na tingnan ang gawain ko.

Isang araw, nalaman ng lider ang sitwasyon ng gawain at tinanong niya ako kung ano ang kalagayan ko nang panahong iyon. Naisip ko, “Pagkatapos tanggalin si Xinjing, ang lahat ng gawain ng pagsusulat ay biglang ibinigay sa akin, at masyado na akong napapagod. Saka, hindi ko pa rin nalulutas ang hadlang sa pagitan namin ni Lin Xiao. Masyado akong sinasakal ng lahat ng ito, na pakiramdam ko ay hindi na ako makahinga.” Gusto ko talagang magtapat sa lider at talakayin ito. Pero mas pinag-isipan ko pa ito, iniisip ko na, “Lider siya; kung sasabihin ko sa kanya ang lahat ng ito at nalaman niya ang totoong kalagayan ko, hindi ba niya sasabihing hindi ko hinahangad ang katotohanan at hindi ako natututo ng mga aral kapag may nangyayari sa akin, at pagkatapos ay tatanggalin ako?” Kaya hindi ko sinabi sa lider ang kalagayan ko. Dahil nag-iingat ako sa iba, hindi ako naglakas-loob na magsabi nang tapat, at napapagod ako sa aking tungkulin, gusto kong tumakas mula sa kapaligirang ito at ayaw kong gawin ang tungkuling ito. Dahil nahihirapan ako sa gawain at may mga pader sa pagitan ko at ng iba, nagdurusa ako at nasasaktan, at namumuhay ako sa malungkot na kalagayan.

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at sa huli ay nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa tungkol sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “‘Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,’ at ‘Sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso’ ang mga pinakabatayang prinsipyo ng pagharap sa mundo na ikinikintal sa iyo ng mga magulang, at ito rin ang pinakapundamental na pamantayan sa pagtingin sa mga tao at pag-iingat laban sa kanila. Ang pangunahing pakay ng mga magulang ay ang protektahan ka at tulungan kang protektahan ang iyong sarili. Gayunpaman, mula sa ibang anggulo, ang mga salita, kaisipan, at pananaw na ito ay maaaring mas magparamdam sa iyo na ang mundo ay mapanganib at ang mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan, kaya ganap kang nawawalan ng positibong damdamin para sa iba. Ngunit paano mo ba talaga magagawang kilatisin ang mga tao at tingnan ang iba? Sinong mga tao ang makakasundo mo, at ano ang dapat na tamang ugnayan sa pagitan ng mga tao? Paano dapat makisalamuha ang isang tao sa iba batay sa mga prinsipyo, at paano makikisalamuha ang isang tao sa iba nang patas at maayos? Walang alam ang mga magulang tungkol sa mga bagay na ito. Alam lang nila kung paano gumamit ng mga panlalansi, pakana, at iba’t ibang panuntunan at estratehiya sa pagharap sa mundo upang mag-ingat laban sa mga tao, at upang samantalahin at kontrolin ang iba, para maprotektahan ang kanilang sarili mula sa pamiminsala ng iba, gaano man nila pinipinsala ang iba. Habang itinuturo ang mga kaisipan at pananaw na ito sa kanilang mga anak, ang mga bagay na ikinikintal sa kanila ng mga magulang ay mga partikular na estratehiya lamang sa pagharap sa mundo. Ang mga ito ay mga estratehiya lamang. Ano ang kasama sa mga estratehiyang ito? Ang lahat ng uri ng panlalansi, mga panuntunan sa pakikipag-ugnayan, kung paano palugurin ang iba, kung paano protektahan ang sariling mga interes, at kung paano mapalaki ang pansariling pakinabang. Katotohanan ba ang mga prinsipyong ito? (Hindi.) Ang mga prinsipyong ito ba ang tamang landas na dapat sundin ng mga tao? (Hindi.) Wala sa mga ito ang tamang landas. Kaya, ano ang diwa ng mga kaisipang ito na ikinikintal ng mga magulang sa iyo? Ang mga ito ay hindi naaayon sa katotohanan, hindi ang tamang landas, at hindi mga positibong bagay. Kung gayon, ano ang mga ito? (Ang mga ito ay ganap na pilosopiya ni Satanas na nagtitiwali sa atin.) Kung titingnan ang mga resulta, ginagawa nitong tiwali ang mga tao. Kaya, ano ang diwa ng mga kaisipang ito? Tulad ng, ‘Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya’—ito ba ang tamang prinsipyo sa pakikisalamuha sa iba? (Hindi, ganap na negatibong bagay ang mga ito na nagmumula kay Satanas.) Ang mga ito ay mga negatibong bagay na nagmumula kay Satanas—kaya ano ang diwa at kalikasan ng mga ito? Hindi ba’t mga panlalansi ang mga ito? Hindi ba’t mga estratehiya ang mga ito? Hindi ba’t mga taktika ang mga ito para makuha ang loob ng iba? (Oo.) Ang mga ito ay hindi ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagpasok sa katotohanan, o mga positibong prinsipyo at direksiyon kung saan itinuturo ng Diyos sa mga tao kung paano umasal; ang mga ito ay mga estratehiya sa pagharap sa mundo, mga panlalansi ang mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14). Dahil pinagbulayan ko ang kalagayang inilantad ng Diyos, sa wakas ay naunawaan ko na palagi akong namumuhay ayon sa mga satanikong patakaran na “Huwag kailanman layuning pinsalain ang iba, ngunit palaging mag-ingat laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo,” at “Sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso.” Naisip ko na para maprotektahan ang sarili ko sa pinsala at panloloko, kailangan kong maging maingat at mapagbantay sa lahat. Kaya, sinumang kausap ko, masyado akong maingat kung paano ako magsalita at kumilos. Hindi ko karaniwang sinasabi sa mga tao ang mga totoong kaisipan ko, at kadalasan nananahimik lang ako. Sa ganoong paraan, hindi ko kailangang magdusa ng kawalan, ni mapasama ang loob ng mga tao. Lalo na sa panahong ito, nang isinumbong ni Lin Xiao ang problema ni Xinjing at si Xinjing ay hindi nagsisi at pagkatapos ay natanggal, namuhay ako sa kalagayan ng pag-iingat, hindi nangangahas na ipagtapat ang totoong kalagayan ko sa iba, dahil sa takot na baka isang araw ay tanggalin din ako. Kapag nakikipag-usap ako sa iglesia at sa mga lider ng grupo, masyado akong maingat at hindi ako naglalakas-loob na magtapat. Kadalasan, nagsasalita lamang ako ng ilang simpleng parirala para matapos na iyon. Mahigpit akong nagagapos ng mga lason ni Satanas, at puno pa nga ako ng mga pag-aalinlangan kapag pumupunta sa mga tao para makipagbahaginan, walang lakas ng loob para magtapat at ilantad ang sarili ko. Namumuhay ako sa pasakit at pagpapahirap. Ang mga satanikong panuntunang ito ay para bang makakapagprotekta sa mga interes ng tao, pero tinuturuan ng mga ito ang mga tao na mag-ingat at huwag sabihin ang nasa isip nila kapag nakikisalamuha sa isang tao, at na dapat magpigil sila kapag kasama nila ang iba. Sa ganitong paraan, kapag may dalawang magkasalamuhang tao, ang isa ay palaging nag-iingat samantalang ang isa naman ay nagpapalagay lang, at hindi nila pinagkakatiwalaan ang isa’t isa. Palagi silang nagkakalkula at napopoot sa isa’t isa, mapagpaimbabaw sila sa pag-asal nila. Ginagawa nito ang mga taong maging mas mapanlinlang pa at mabawasan ang pagkatao. Noon ko lamang nakita nang malinaw na ang “Huwag kailanman layuning pinsalain ang iba, ngunit palaging mag-ingat laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo” ay hindi talaga prinsipyo na dapat gumabay sa asal ng isang tao. Ito ay ganap na pangwawasak at panloloko ni Satanas sa mga tao gamit ang mga tusong pakana nito, at bukod pa roon ay isang pamamaraan din na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao. Ang pamumuhay ayon sa gayong kasabihan ay magsasanhi lang sa mga taong mawalan ng normal na pagkatao.

Kalaunan, ipinagpatuloy ko ang pagbabasa sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang pagkokondisyon ng pamilya ay malamang na may kasama pang mas maraming panuntunan para sa pag-asal at pagharap sa mundo. Halimbawa, kadalasang sinasabi ng mga magulang, ‘Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya; masyado kang hangal at madaling lokohin.’ … Ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay nagiging mga prinsipyo at batayan sa kung paano ka humarap sa mundo. Kapag nakikisalamuha ka sa iyong mga kaklase, kasamahan, katuwang sa trabaho, superyor, at sa bawat uri ng tao sa lipunan, mga tao mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay, ang mga kaisipang ito na ikinintal ng iyong magulang ay nagiging iyong pangunahing birtud at prinsipyo sa tuwing pinangangasiwaan mo ang mga bagay na may kinalaman sa interpersonal na relasyon. Anong prinsipyo ito? Ito ay: Hindi kita pipinsalain, pero kailangan kong maging maingat laban sa iyo sa lahat ng oras para hindi mo ako malinlang o madaya, para maiwasan kong masangkot sa gulo o mga demanda, para hindi bumagsak ang kayamanan ng aking pamilya at hindi masira ang aking mga kapamilya, at para hindi ako humantong sa bilangguan. Sa pamumuhay sa ilalim ng kontrol ng gayong mga kaisipan at pananaw, sa pamumuhay sa gitna ng grupong panlipunang ito nang may ganoong saloobin sa pagharap sa mundo, mas malulugmok ka lang sa depresyon, mas mahahapo, pagod na pagod ang isip at katawan. Kasunod nito, mas lalabanan at tututulan mo ang mundo at sangkatauhang ito, lalong kasusuklaman ang mga ito. Habang kinasusuklaman ang iba, nagsisimula ring manliit ang tingin mo sa iyong sarili, pakiramdam mo ay hindi ka namumuhay sa paraang katulad ng sa isang tao, kundi sa halip, nakakapagod at nakapanlulumo ang buhay mo. Upang maiwasang mapinsala ng iba, kailangan mong palaging mag-ingat, gumagawa at nagsasabi ng mga bagay na labag sa iyong kalooban. Sa paghahangad na protektahan ang sarili mong mga interes at personal na kaligtasan, nagsusuot ka ng pekeng maskara sa bawat aspekto ng iyong buhay at ikaw ay nagbabalatkayo, hindi kailanman naglalakas-loob na magsalita ng katotohanan. Sa sitwasyong ito, sa ganitong mga kondisyon ng pag-iral, hindi makakahanap ng ginhawa o kalayaan ang kaloob-looban mo. Madalas kang nangangailangan ng isang taong hindi magpapahamak sa iyo at hindi kailanman makasasama sa iyong mga interes, isang taong maaari mong pagsabihan ng iyong mga iniisip sa iyong kaloob-looban at paglabasan ng iyong mga pagkadismaya, nang hindi mo kakailanganing panagutan ang iyong mga sinabi, hindi ka makatatanggap ng mga pangungutya, panunuya, panlilibak, o haharap sa anumang kahihinatnan. Sa sitwasyon kung saan ang kaisipan at pananaw na ‘Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya’ ay ang iyong prinsipyo sa pagharap sa mundo, ang kaloob-looban mo ay napupuno ng takot at kawalan ng kapanatagan. Natural na manlulumo ka, wala kang mapaglabasan, at kailangan mo ng isang taong mag-aalo sa iyo, isang taong mapagsasabihan mo. Samakatuwid, kung titingnan mula sa mga aspektong ito, bagamat ang prinsipyo sa pagharap sa mundo na itinuro sa iyo ng mga magulang mo, ‘Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,’ ay maaaring makapagprotekta sa iyo, parehong may mabuti at masamang epekto ito. Bagamat pinoprotektahan nito ang iyong mga pisikal na interes at personal na kaligtasan sa isang antas, dahil dito ikaw ay nanlulumo at nagiging miserable, wala kang mapaglabasan, at mas lalo pa ngang nagiging dismayado sa mundo at sangkatauhang ito. Kasabay nito, sa kaloob-looban mo, unti-unti ka na ring nayayamot na naipanganak ka sa isang napakasamang panahon, kasama ng napakasamang grupo ng mga tao. Hindi mo maintindihan kung bakit kailangang mabuhay ng mga tao, kung bakit sobrang nakakapagod ang buhay, kung bakit kailangan nilang magsuot ng maskara at magbalatkayo saanman sila magpunta, o kung bakit dapat palagi kang mag-ingat laban sa iba alang-alang sa sarili mong mga interes. Nais mong sabihin ang totoo, pero hindi mo magawa dahil sa mga kahihinatnan. Gusto mong maging isang tunay na tao, hayagang magsalita at umasal, at iwasang maging isang mababang-uri ng tao o gumawa ng mga napakasama at kahiya-hiyang gawa nang palihim, namumuhay lamang sa kadiliman, subalit hindi mo magawa ang alinman sa mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14). Naantig ng mga salita ng Diyos ang kaibuturan ng puso ko. Kung aalalahanin ko ang nagdaang mahigit dalawampung taon, palagi akong namumuhay ayon sa mga satanikong lason na gaya ng “Huwag kailanman layuning pinsalain ang iba, ngunit palaging mag-ingat laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo,” at “ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Naging tuso at mapanlinlang ako, nag-iingat at laging alerto sa nakapaligid sa akin, hindi nagsasalita nang tapat sa mga tao. Dahil dito, hindi ako nagkaroon ng malalapit na kaibigan habang nagtatrabaho ako na malayo sa bahay sa loob ng maraming taon, at labis akong malungkot. Pagkatapos kong manalig sa Diyos, namuhay pa rin ako ayon sa mga satanikong lason na ito. Nang isumbong ni Lin Xiao ang problema ni Xinjing, nagsusumbong lang naman talaga siya ng katunayan, at ito ay para maprotektahan ang gawain ng iglesia; naaayon ito sa layunin ng Diyos. Gayunpaman, nakita ko ito bilang paghahain ng reklamo sa isang tao nang patalikod, at natakot ako na maghahain siya sa lider ng reklamo laban sa akin sa hinaharap, para tanggalin ako. Dahil dito, nag-ingat ako sa kanya. Pagkatapos nito, kahit na hindi panatag ang konsensiya ko, hindi ako naglakas-loob na magtapat, takot na takot ako na kung may masabi akong mali o magsalita ako tungkol sa tunay kong kalagayan, magdudulot ito sa akin ng gulo, kaya namuhay ako na nasasaktan at nahihirapan. Napagnilayan ko na namuhay ako ng buhay na may gayong pagdurusa at pagkapagod dahil sa mga itinuro ng mga magulang ko at sa impluwensiya ng lipunan sa akin mula sa pagkabata. Ginawa akong tuso at mapanlinlang ng mga satanikong lason na ito, at hindi ko kayang makisalamuha nang normal sa mga tao. Kung nalutas ko nang mas maaga ang problemang ito, hindi sana ako nakapagdulot ng pinsala sa iglesia o nalimitahan si Lin Xiao. Dahil napagtanto ko ito, sising-sisi ako. Nagpasya akong makipagtulungan nang matiwasay sa mga kapatid sa paggawa ng aking tungkulin mula noon at maging dalisay at bukas na tao.

Kalaunan, binasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, kung magkakaroon ng problema roon, haharapin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin ang kanyang karapatang gampanan ang tungkuling iyon, palalayasin siya, o paaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga iyon? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang kalikasang diwa ng isang tao, ang kanyang mga intensyon, ang kanyang pag-uugali, at tinitingnan Niya lalo na kung kaya ba ng isang tao na pagnilayan ang kanyang sarili kapag nagkakamali siya, kung nagsisisi ba siya, at kung kaya ba niyang mahanap ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, maunawaan ang katotohanan, kamuhian ang kanyang sarili, at tunay na magsisi. … Sabihin mo sa Akin, kung nakagawa ng pagkakamali ang isang tao, ngunit kaya niyang tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba’t bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Pero kung wala kang konsiyensiya o katwiran, at pabaya ka sa iyong nararapat na gawain, kung nagkaroon ka ng pagkakataong gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hindi hinahangad ang katotohanan kahit paano, hinahayaang makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay malalantad ka. Kung palagi kang pabasta-basta sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagpupungos, gagamitin ka pa rin kaya ng sambahayan ng Diyos para gumanap sa isang tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas. Ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Kapag nahaharap ka sa pagpupungos, dapat mong tanggapin ang katotohanan at magawang itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo ito, hindi aalisin sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang iyong karapatang gampanan ang isang tungkulin. Kung natatakot ka palagi na mapalayas, laging nagdadahilan, lagi mong pinangangatwiranan ang sarili mo, problema iyan. Kung hinahayaan mong makita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit katiting, at na hindi ka tinatablan ng katwiran, may problema ka. Magiging obligado ang iglesia na harapin ka. Kung hindi mo man lamang tinatanggap ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin at lagi kang natatakot na mabunyag at mapalayas, ang takot mong ito ay nababahiran ng intensyon ng tao at ng tiwaling satanikong disposisyon, at ng paghihinala, pag-iingat, at maling pagkaunawa. Wala sa mga ito ang mga pag-uugali na dapat mayroon ang isang tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na takot akong matanggal dahil hindi ko alam ang matuwid na disposisyon ng Diyos o nauunawaan ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagtatanggal sa mga tao. Sa realidad, kapag nagtatanggal at nagtitiwalag ng tao ang sambahayan ng Diyos, hindi ito ginagawa nang kaswal lang batay sa panandaliang pag-uugali ng taong iyon o sa kamaliang nagawa nito. Sa halip, binibigyan ng pagkakataon ang taong iyon na magsisi sa abot ng makakaya nito, at kapag lang hindi nagbago ng landas ang taong iyon at nagdala pa ng pinsala sa gawain saka ito tatanggalin. Samantala, may iba na nagpapakita ng ilang katiwalian, pero sa pamamagitan ng pagbabahagi at tulong ng mga kapatid, nagagawa nilang magsisi sa Diyos at pumihit sa kanilang mga paglihis. Ang mga gayong tao ay hindi tatanggalin at ititiwalag. Tinamasa ni Xinjing ang mga kaginhawahan ng laman at wala siyang pagpapahalaga sa pasanin sa kanyang tungkulin. Sinalungat niya ang pangangasiwa at pagsubaybay ng lider sa gawain at nagpakalat pa nga siya ng pagiging negatibo sa mga pagtitipon. Pinuna ni Lin Xiao ang problema niya at maraming beses siyang tinulungan, pero hindi nagpakita ng kahit na anong pagsisisi si Xinjing. Saka lamang isinumbong ni Lin Xiao ang problema ni Xinjing. Ang pagtatanggal kay Xinjing ay naaayon sa mga prinsipyo at pagiging matuwid ng Diyos. Pero, hindi ko siya nakilatis, at hindi ko rin alam ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at namuhay ako sa kalagayan ng pag-iingat at maling pagkaunawa. Akala ko ay may kalagayan din ako ng pagsalungat sa pangangasiwa ng lider, kaya nag-alala ako na kung sasabihin ko ang totoo kong kalagayan ay tatanggalin ako. Dahil dito, takot ako na malaman ni Lin Xiao at ng lider ang kalagayan ko. Sa katunayan, maraming beses sinabi ng mga salita ng Diyos na inililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan. Normal na nagpapakita ng mga katiwalian at may mga paglihis sa kanilang gawain ang mga tao. Ang mahalaga ay kung kaya ba nilang magnilay at magsisi sa Diyos o hindi. Gaya ito ng sinabi ng Diyos na: “Ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos ay Hindi Bihira—Ang Totoong Pagsisisi ng Tao ang Ganoon(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Bukod pa roon, nakipagbahaginan si Lin Xiao at paulit-ulit na tinulungan si Xinjing pagkatapos na matuklasan ang problema nito. Hindi pa rin nagbago ng landas si Xin Jing, kaya kinailangang maisumbong siya ayon sa mga prinsipyo. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng bawat hinirang na tao ng Diyos, at ginagawa ito para protektahan ang gawain ng iglesia. Gayunpaman, nagreklamo pa nga ako dahil isinumbong ni Lin Xiao nang walang pasabi ang problema ni Xinjing sa lider, at nag-ingat ako at mali ang naging pagkaunawa ko kay Lin Xiao. Noon ko lamang nakita na hindi lamang mapanlinlang ang disposisyon ko, baluktot din ang pagkaunawa ko.

Mayroon pa akong isa pang nakakalinlang na pananaw noong tanggalin si Xinjing. Naniwala ako na kung ipagtatapat ko sa isang pagtitipon ang totoo kong kalagayan, ituturing ito na paghahayag ng pagiging negatibo, kaya hindi ako naglakas-loob na sabihin ang nasa isip ko. Pagkatapos, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na sinipi sa isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan at sa wakas ay naunawaan ko na ang pananaw na ito ay hindi naaayon sa katotohanan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa pangkalahatan, ito ang iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas ng mga taong nagpapakawala ng pagkanegatibo. Kapag hindi natupad ang kanilang pagnanais na maghangad ng katayuan, kasikatan, at pakinabang, kapag gumagawa ng mga bagay ang Diyos na salungat sa kanilang mga kuru-kuro at mga imahinasyon, mga bagay na nauugnay sa kanilang mga interes, nasisilo sila sa mga emosyon ng pagsuway at kawalang-kasiyahan. At kapag taglay nila ang mga emosyong ito, nagsisimulang bumuo ang kanilang isipan ng mga palusot, pagdadahilan, pangangatwiran, pagdedepensa, at iba pang mga saloobin ng pagrereklamo. Sa oras na ito, hindi sila nagpupuri sa Diyos o nagpapasakop sa Kanya, at lalong hindi nila hinahanap ang katotohanan upang kilalanin ang kanilang sarili; sa halip, nilalabanan nila ang Diyos gamit ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, ideya, at opinyon, o pagkamainitin ng ulo. At paano sila lumalaban? Ikinakalat nila ang kanilang mga emosyon ng pagsuway at kawalang-kasiyahan, ginagamit ito para linawin ang kanilang mga saloobin at opinyon sa Diyos, sinisikap na pakilusin ang Diyos ayon sa kanilang mga ninanais at hinihingi upang mabigyang-kasiyahan ang kanilang mga nasa; saka lamang mapapayapa ang kanilang mga emosyon. Partikular na nagpapahayag ang Diyos ng maraming katotohanan para hatulan at kastiguhin ang mga tao, para dalisayin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, para iligtas ang mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas, at sino ang nakakaalam kung ilang pangarap ng mga tao na mapagpala ang naputol ng mga katotohanang ito, na nagwawasak sa pantasya na maiakyat sa langit na inasam nila araw at gabi. Nais nilang gawin ang lahat ng kaya nila para baguhin ang mga bagay-bagay—pero wala silang lakas, maaari lang silang malubog sa kapahamakan nang may pagkanegatibo at hinanakit. Nakakaramdam sila ng pagsuway sa lahat ng ito na isinaayos ng Diyos, dahil ang ginagawa ng Diyos ay salungat sa kanilang mga kuru-kuro, interes, at iniisip. Sa partikular, kapag ginagawa ng iglesia ang gawain ng paglilinis at itinitiwalag ang maraming tao, iniisip ng mga taong ito na hindi sila ililigtas ng Diyos, na itinaboy sila ng Diyos, na hindi patas ang pagtrato sa kanila, kaya nga gusto nilang magkaisa sa pagtutol, sinisikap nilang itanggi na ang Diyos ang katotohanan, itanggi ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at itanggi ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Mangyari pa, sinusubukan rin nilang itanggi ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. At sa anong paraan nila itinatanggi ang lahat ng ito? Sa pamamagitan ng paglaban at pagtutol. Ang implikasyon ay, ‘Ang ginagawa ng Diyos ay salungat sa aking mga kuru-kuro, kaya nga hindi ako nagpapasakop, hindi ako naniniwala na Ikaw ang katotohanan. Magpoprotesta ako laban sa Iyo, at ipapakalat ko ang mga bagay na ito sa iglesia at sa mga tao! Sasabihin ko ang anumang gusto ko, at wala akong pakialam kung ano ang mga kahihinatnan. May kalayaan akong magsalita, hindi Mo ako mapapatahimik, sasabihin ko ang gusto ko. Ano ang magagawa Mo?’ Kapag ipinipilit ng mga taong ito na ipagkalat ang kanilang mga maling ideya at pananaw, sariling pagkaunawa ba nila ang pinag-uusapan nila? Katotohanan ba ang ibinabahagi nila? Talagang hindi. Nagpapakalat sila ng pagkanegatibo, nagpaparami ng maling pananampalataya at maling paniniwala. Hindi nila sinisikap na alamin o ilantad ang sarili nilang katiwalian o ilantad ang mga bagay na nagawa nila na salungat sa katotohanan, ni hindi nila inilalantad ang mga pagkakamaling nagawa nila; sa halip, ginagawa nila ang makakaya nila para pangatwiranan at ipagtanggol ang kanilang mga pagkakamali upang patunayan na tama sila, at kasabay nito ay gumagawa rin sila ng mga katawa-tawang panghuhusga, at ipinagkakalat ang mga salungat at baluktot na pananaw, gayundin ang mga baliko at maling doktrina at maling pananampalataya. Ang epekto sa mga taong hinirang ng Diyos sa iglesia ay ang ilihis at gambalain sila; maaari pa nga nitong ilubog ang ilang tao sa pagkanegatibo at pagkalito—na pawang masasamang epekto at kaguluhan na sanhi ng mga taong nagpapakawala ng pagkanegatibo(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 17). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga taong nagpapahayag ng pagiging negatibo, kapag may nangyaring hindi nila gusto o sangkot ang reputasyon, katayuan, at mga interes ng laman nila, hindi nila hinahanap ang katotohanan o sinusubukang pagnilayan ang layunin ng Diyos, sa halip nagkakaroon sila ng damdamin ng pagsuway, pagkadismaya, at pagsalungat, ipinagkakalat nila ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon o mga nakakalinlang na pananaw. Ito ang ibig sabihin ng pagpapahayag ng pagiging negatibo. Kapag ang isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay nahaharap sa isang bagay na hindi niya gusto, kahit na magpakita siya ng mga tiwaling disposisyon at may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa siya, mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso at kaya niyang hanapin ang katotohanan at hindi magsalita nang walang ingat tungkol sa mga usaping hindi niya nauunawaan. Kung ipinagtatapat niya sa mga kapatid ang kanyang kalagayan, ang layon niya ay ang hanapin ang katotohanan, lutasin ang kanyang mga katiwalian, at kamtin ang tunay na pagsisisi at pagbabago. Samantala, ang mga taong naglalabas ng pagiging negatibo at nagkakalat ng kuru-kuro ay mukhang ipinagtatapat ang kalagayan nila sa panlabas, pero hindi nila ito ginagawa para hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga problema nila, sa halip ay ginagamit nila ang pagtatapat ng kanilang kalagayan bilang paraan para ipahayag ang kanilang pagsuway at pagkadismaya. Sa mga taong hindi nauunawaan kung ano talaga ang nangyayari sa mga bagay-bagay o hindi nauunawaan ang katotohanan, madaling mailigaw ng mga ito, kumampi sa panig nila at bumuo ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos o sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Nakita ni Xinjing na mahigpit ang pagsubaybay ng lider sa gawain, na nangangahulugang dapat magdusa at magbayad ng halaga ang laman niya, kaya umayaw na siya, paulit-ulit siyang nagpakalat ng mga kuru-kuro at nagpahayag sa mga pagtitipon ng pagkadismaya niya. Nakipagbahaginan sa kanya si Lin Xiao at maraming beses siya nitong tinulungan, pero hindi siya kailanman nagbago ng landas. Nang ipagtapat niya ang kanyang kalagayan, hindi ito para hanapin ang katotohanan o lutasin ang mga problema niya; ipinapahayag lang niya ang pagkadismaya niya sa mga lider at manggagawa. Mula sa mga pag-uugaling ito, makikita na nagpapahayag si Xinjing ng pagiging negatibo. Samantala, mali kong naunawaan na ang paglalahad ko sa mga pagtitipon ng aking tiwaling kalagayan ay nangangahulugang nagpapahayag ako ng pagiging negatibo, kaya hindi ako naglakas-loob na sabihin ang nasa isip ko. Talagang napakabaluktot ng pagkaunawa ko. Dahil napagtanto ko ito, may pagsisisi akong nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, maraming taon na akong nananalig sa Iyo, pero nang may mangyari sa akin, hindi ko hinanap ang katotohanan. Sa halip, namuhay ako sa kalagayan ng panlilinlang, paghihinala, at pag-iingat sa iba. Diyos ko, gabayan Mo akong matagpuan ang tamang landas para magsagawa at lumabas mula sa mga maling pananaw na ito.”

Kalaunan, noong hinahanap ko kung paano lutasin ang problema ko, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Madalas na sinasabi sa iyo ng iyong pamilya, ‘Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya.’ Sa katunayan, ang pagsasagawa ng pagbitiw sa kaisipang ito ay simple lang: Kumilos lamang ayon sa mga prinsipyong sinasabi ng Diyos sa mga tao. ‘Ang mga prinsipyong sinasabi ng Diyos sa mga tao’—medyo malawak ang pariralang ito. Paano ito partikular na isinasagawa? Hindi mo kailangang suriin kung mayroon kang intensiyong pinsalain ang iba, hindi mo rin kailangang maging mapagbantay laban sa iba. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Sa isang aspekto, dapat maayos mong mapanatili ang mga mapayapang ugnayan sa iba; sa isa pang aspekto, kapag nakikitungo sa iba’t ibang tao, dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan at ang katotohanan bilang isang pamantayan upang makilala kung anong uri sila ng tao, at pagkatapos ay tratuhin sila batay sa mga kaukulang prinsipyo. Ganoon lang ito kasimple. Kung sila ay mga kapatid, tratuhin sila bilang mga kapatid; kung sila ay masigasig sa kanilang paghahangad, at nagsasakripisyo at ginugugol ang kanilang sarili, kung gayon ay ituring sila bilang mga kapatid na tapat na gumagampan sa kanilang tungkulin. Kung sila ay mga hindi mananampalataya, ayaw gampanan ang kanilang tungkulin, nais lamang na mamuhay nang pasibo, kung gayon, hindi mo sila dapat tratuhin bilang mga kapatid kundi bilang mga walang pananampalataya. Kapag tinitingnan mo ang mga tao, dapat mong tingnan kung anong uri sila ng tao, ano ang kanilang disposisyon, pagkatao, at ang kanilang saloobin sa Diyos at sa katotohanan. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at handa silang isagawa ito, ituring mo sila bilang mga tunay na kapatid, bilang pamilya. Kung masama ang kanilang pagkatao, at magaling lang sila sa salita pero hindi handang isagawa ang katotohanan, may kakayahang talakayin ang doktrina pero hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung gayon, ituring mo sila bilang mga trabahador lamang, hindi bilang pamilya. Ano ang sinasabi ng mga prinsipyong ito sa iyo? Sinasabi ng mga ito sa iyo ang prinsipyo na dapat gamitin sa pagtrato sa iba’t ibang uri ng tao—ito ay isang prinsipyong madalas na nating tinatalakay, iyon ay ang pagtrato sa mga tao nang may karunungan. Ang karunungan ay isang pangkalahatang termino, ngunit sa partikular, nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mga malinaw na pamamaraan at prinsipyo sa pakikitungo sa iba’t ibang uri ng tao—lahat ay nakabatay sa katotohanan, hindi sa mga personal na damdamin, personal na kagustuhan, personal na pananaw, sa mga bentaha at desbentaha nila sa iyo, o sa kanilang edad, kundi sa mga salita lamang ng Diyos. Samakatuwid, sa pakikitungo sa mga tao, hindi mo kailangang suriin kung mayroon kang intensiyon na pinsalain ang iba o maging mapagbantay laban sa iba. Kung tinatrato mo ang mga tao nang may mga prinsipyo at pamamaraang ibinigay sa iyo ng Diyos, maiiwasan ang lahat ng tukso, at hindi ka mahuhulog sa anumang tukso o alitan. Ganito ito kasimple(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14). Mula sa mga salita ng Diyos, natagpuan ko ang isang landas sa pagsasagawa. Dapat munang kilatisin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng tao batay sa mga katotohanang prinsipyo. Kung tapat na nananampalataya sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan ang isang tao, dapat siyang ituring bilang isang kapatid, at pwedeng dalisay na magtapat ang isang tao sa kanya. Ang lider at si Lin Xiao ay parehong sister na tapat na nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan. Sila ang nangangasiwa sa gawain namin, at kung may problema o kung nahirapan ako sa gawain, o kung may nabuong hadlang sa pagitan namin, dapat akong dalisay na magtapat sa kanila, maghanap ng pagbabahagi. Sa ganitong paraan, maaarok nila ang kalagayan ko at agad akong matutulungan na lutasin ito, na kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok ko pati na rin sa gawain ng iglesia. Sa kabaligtaran, kung hindi ako magtatapat kailanman, laging mamumuhay sa maling kalagayan, hindi lamang magdurusa ng kawalan ang buhay ko, maaantala ko pa ang gawain. Ngayong nauunawaan ko na ang layunin ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi, kapag nakikisalamuha ako sa mga kapatid mula ngayon, kailangan kong maging tapat, dalisay, at bukas.

Kalaunan, isang sister na nagngangalang Su Rui ang naatasang pangasiwaan ang gawain namin. Noong panahong iyon, hindi magaganda ang resulta ng gawain ko at medyo negatibo ang kalagayan ko. Nang makipagtipon sa amin si Su Rui, kinumusta niya ang kalagayan ko at ang nangyayari sa gawain ko kamakailan. Naisip ko, “Ang kalagayan ko ay hindi pa ganap na nagbago, at may ilan pa ring paglihis sa gawain ko. Kung sasabihin ko ang totoo kong kalagayan, isusumbong kaya ni Su Rui sa lider ang problema ko at tatanggalin ako?” Ayaw kong sabihin ang totoo kong kalagayan. Gayunpaman, naisip ko na kung hindi ko sasabihin ang problemang ito, hindi ito malulutas, talagang naguguluhan ako. Pagkatapos, tinanong ni Su Rui ang sister na katuwang ko tungkol sa kalagayan nito kamakailan, at nakita kong nagawa nitong sabihin ang lahat nang dalisay. Talagang nainggit ako rito, naisip ko, “Bakit hindi ako naglalakas-loob na magtapat?” Pagkatapos noon, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Anuman ang kaisipan, kung mali at sumasalungat ito sa katotohanan, ang tanging tamang landas na dapat mong piliin ay ang bitiwan ito. Ang tumpak na pagsasagawa ng pagbitiw ay ganito: Ang pamantayan o batayan ng iyong pagtingin, paggawa, o pangangasiwa sa bagay na ito ay hindi na dapat ang mga maling kaisipang ikinintal ng iyong pamilya, kundi dapat ay batay na sa mga salita ng Diyos. Bagamat maaaring hingin ng prosesong ito na magbayad ka ng kaunting halaga, na pakiramdam mo ay kumikilos ka nang labag sa iyong kalooban, na napapahiya ka, at maaaring magresulta pa nga ng kawalan sa iyong mga interes sa laman, anuman ang kinakaharap mo, dapat patuloy mong iayon ang iyong pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyong sinasabi Niya sa iyo, at hindi ka dapat sumuko. Tiyak na magiging mahirap ang proseso ng pagbabagong ito, hindi ito magiging madali. Bakit hindi ito magiging madali? Ito ay isang paligsahan sa pagitan ng mga negatibo at positibong bagay, isang paligsahan sa pagitan ng masasamang kaisipan mula kay Satanas at sa katotohanan, at isang paligsahan din sa pagitan ng iyong kagustuhan at pagnanais na tanggapin ang katotohanan at mga positibong bagay laban sa mga maling kaisipan at pananaw sa iyong puso. Dahil mayroong isang paligsahan, maaaring magdusa ang isang tao at dapat siyang magbayad ng halaga—ito ang dapat mong gawin(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay ng lakas ng loob sa akin para isagawa ang katotohanan. Kung gusto kong bitiwan ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito, kailangan kong maghimagsik laban sa laman ko, abandonahin ang mga interes ko, at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Si Su Rui ang tagapangasiwa sa gawain ko; dapat kong ipagtapat sa kanya ang totoo kong kalagayan at ang mga paglihis sa gawain ko. Kung mapanlinlang pa rin ako, nanloloko, at nag-iingat sa kanya, hindi malulutas agad ang mga problema ko, at hindi ko magagawang itama agad ang mga paglihis sa gawain ko. Kaya, sinabi ko sa kanya ang kalagayan ko at ang tungkol sa mga paglihis na ito, at ginamit niya ang mga salita ng Diyos para makipagbahaginan sa akin, na tinulungan akong baguhin nang kaunti ang kalagayan ko. Dahil sa karanasang ito, personal kong naunawaan na kapag namumuhay ang isang tao ayon sa mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw ni Satanas, bukod sa hindi iyon nagdadala ng mga pakinabang sa kanya, nagdudulot pa ito sa kanya na mamuhay nang walang normal na pagkatao. Kapag lamang ang isang tao ay tinitingnan ang mga tao at bagay-bagay, umaasal, at kumikilos batay sa mga salita ng Diyos saka niya matatagpuan ang kapayapaan ng isip at kalayaan ng puso.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagbangon sa Harap ng Kabiguan

Ni Fenqi, South KoreaBago ako naniwala sa Diyos, pinaaral ako ng Partido Komunista ng Tsina, at wala akong inisip kundi ang kung paano...