Mga Pagninilay-nilay Tungkol sa Paghahangad ng Reputasyon at Pakinabang

Enero 26, 2022

Ni Martial, Côte d’Ivoire

Noong Mayo 2021, nahalal ako bilang lider ng grupo at naging responsable sa gawain ng pagdidilig. Talagang masaya ako nang marinig ko ang balita dahil sa pamamagitan ng pagdidilig sa aking mga kapatid, magkakamit ako ng maraming kaliwanagan at mas mayamang karanasan. Kung malulutas ko ang mga problemang kinakaharap nila sa pagpasok sa buhay, siguradong sasabihin ng aking mga kapatid na magaling ako at nauunawaan ko ang katotohanan, at na maaari akong maging haligi ng iglesia. Kaya, inilaan ko ang sarili ko sa aking mga tungkulin, madalas akong magpunta sa mga pagtitipon para magbahagi sa aking mga kapatid, at nang magkaroon sila ng mga problema, kusa akong naghanap sa salita ng Diyos para tulungan silang lutasin ang mga paghihirap na ito. Pagkaraan ng ilang panahon, pumupunta sa akin ang aking mga kapatid para makipagbahaginan kung may mga tanong sila, at napakasaya ko.

Kalaunan, dahil mas maraming taong tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, unti-unting dumami ang bilang ng mga tao sa iglesia. Isang araw, nalaman ko na darating ang isang lider ng iglesia para diligan ang mga baguhan at kumustahin ang gawain ko. Kung may mga problemang lulutasin ang mga kapatid, puwede rin nila siyang tanungin. Nang mabalitaan ko ito, hindi talaga ako natuwa dahil nadiligan na ako dati ng lider na ito, may mahusay siyang kakayahan, mas marami siyang nauunawaan kaysa sa akin, at malinaw siyang magbahagi tungkol sa salita ng Diyos, at madali niyang nalutas ang mga problema ng aming mga kapatid. Naisip ko sa sarili ko, “Ngayon, pupunta siya para maging partner ko, kaya lalapit pa kaya sa akin ang mga kapatid para magtanong tulad noon? Isasantabi na lang ba nila ako at magtatanong sila sa lider ko? Sino pa ang titingala sa akin sa hinaharap? Mawawala ang maganda kong katayuan sa puso ng mga kapatid.” Nang maisip ko ito, ayaw ko na talagang makapartner ang lider. Kasabay nito, nahintakutan ako. Sinabi ko sa sarili ko, “Hindi ko mapapayagan ito. Kailangan kong mapanatili ang katayuan ko sa puso ng mga kapatid.” Mula noon, nang mabalitaan ko na masama ang lagay ng mga kapatid o nahihirapan sila, nakipag-unahan akong magbahagi sa kanila at lutasin ang kanilang mga problema, sa takot na maunang makarating ang lider ko sa kanila. Kinontak ko ring isa-isa ang mga kapatid para tanungin sila kung kailangan nila ng tulong, at sinabi ko sa kanila na kung may mga tanong sila o nalilito, puwede nila akong lapitan at na makakatulong ako. Sa gayong paraan, naisip ko na hindi ilalapit ng mga kapatid sa lider ang kanilang mga problema. Pero hindi naging maayos ang lahat na tulad ng plano ko. Hindi ko nalinawang masyado ang marami sa mga problemang itinanong nila sa akin at hindi ko alam kung paano lutasin ang mga iyon, pero ayaw kong tanungin ang lider. Naisip ko sa sarili ko, “Kung tatanungin ko ang lider, hindi ba niya iisipin na hindi ko nauunawaan ang katotohanan at na hindi ko kayang lumutas ng mga problema? Bukod pa riyan, kung iaasa ko sa lider ang paglutas sa mga problema ng mga kapatid, hindi ba nila iisipin na wala akong kakayahan at hindi ko sila matutulungan?” Ayaw kong ipakita sa kanila na hindi ko sila kayang tulungan. Gusto kong malaman ng lahat na kuwalipikado ako para sa gawing ito, para patuloy nila akong tanungin kapag may mga tanong sila. Pero mahirap para sa akin na tulungan ang aking mga kapatid nang mag-isa. May ilang bagay na hindi ko pa naranasan at hindi ko alam kung paano magbabahagi sa kanila tungkol doon para makahanap ng solusyon, at kung minsan ay inabot ako ng ilang araw sa paghahanap ng mga nauugnay na bahagi ng salita ng Diyos para lutasin ang kanilang mga problema, at nang lumapit sa akin ang iba pang mga kapatid na may mga tanong, wala akong oras para asikasuhin ang mga iyon. Lumipas ang isang buwan sa ganitong paraan, at dahil hindi ko natulungan sa oras ang ilan sa aking mga kapatid, nanatiling hindi nalulutas ang mga problema nila at patuloy na sumama ang lagay nila. Malinaw kong naunawaan na kung nagsabi ako sa lider tungkol sa mga problemang ito na hindi ko naunawaan, magkasama sana naming hinanap ang katotohanan para matulungan sila, at nalutas sana ang mga problema ng lahat sa lalong madaling panahon, pero hindi ko iyon ginawa. Nakonsiyensya ako nang kaunti, batid na kung patuloy kong ginawa ito, siguradong lubha kong mahahadlangan ang pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid.

Isang araw, nakakita ako ng isang sipi ng salita ng Diyos, at noon lang ako nagkaroon ng kaunting pagkaunawa tungkol sa mga saloobin ko sa aking mga tungkulin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga tungkulin ay mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao; ang mga ito ay mga misyong dapat tapusin ng mga tao. Gayunman, ang tungkulin ay tiyak na hindi mo personal na pamamahala, ni isang kasangkapan para ikaw ay mamukod-tangi. Ginagamit ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin bilang mga oportunidad ng sariling pamamahala at bumubuo ng mga pangkat; ang ilan upang tugunan ang kanilang mga pagnanais; ang ilan upang punan ang mga kahungkagang nadarama nila sa kanilang kaloob-looban; at ang ilan upang masapatan ang kanilang mentalidad na tamang magtiwala sa swerte, iniisip na hangga’t ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, magkakaroon sila ng bahagi sa sambahayan ng Diyos at sa kamangha-manghang hantungang isinasaayos ng Diyos para sa tao. Ang ganoong mga pag-uugali tungkol sa tungkulin ay hindi tama; niyayamot nito ang Diyos at dapat kaagad iwasto(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Sa pagbasa ng salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga tungkulin natin ay isang atas na ibinigay sa atin ng Diyos, at hindi isang personal na bagay, at na hindi natin dapat tratuhin ang mga tungkulin natin bilang isang paraan para magpasikat at hangaan tayo ng iba, ni hindi natin dapat gamitin ang katuparan ng mga tungkulin bilang isang pagkakataong maghangad ng reputasyon at katayuan para hangaan tayo ng iba. Sa halip ay dapat nating tratuhin ang ating mga tungkulin bilang isang obligasyon at isagawa ang mga iyon ayon sa hinihingi ng Diyos. Pero ano ang naging saloobin ko sa aking tungkulin? Isinagawa ko ang aking tungkulin para maging sikat at makinabang, at para bigyang-kasiyahan ang aking mga pagnanasa. Gusto kong hangaan at sambahin ako ng aking mga kapatid. Hindi ako nagdala ng mga pasanin para sa buhay nila, at ayaw ko talagang tulungan sila, kundi gusto kong magkaroon sila ng magandang impresyon sa akin para kapag pinag-usapan nila ako, sasabihin nila na napakabuti ko at mabait ako. Ginamit ko ang tungkulin ko para magkaroon ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, para magkaroon ako ng puwang sa puso ng mga tao, at para ilapit nila sa akin ang kanilang mga problema at isantabi ang Diyos. Nagpapatakbo ako ng isang personal na negosyo. Noon ko natanto na mali ang saloobin ko sa tungkulin. Kahit puwede kong tulungan ang mga kapatid, ang layunin ko ay hindi ang gawin nang maayos ang aking tungkulin, na hindi kailanman magpapalugod sa Diyos.

Kalaunan, nakakita ako ng isang sipi kung saan inilantad ng Diyos ang mga anticristo, at malinaw na nakalarawan doon ang kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit ano pa ang konteksto, anumang tungkulin ang ginagampanan niya, susubukan ng anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng kumpiyansa, at hindi kailanman negatibo. Hindi niya kailanman ibinubunyag ang kanyang totoong tayog o totoong saloobin ukol sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o umaapaw na mga katiwalian? Hinding-hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang bahagi ng kanyang pagkatao na malakas at marangal; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, ito ay upang hindi mapahiya, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding pinsala ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang sarilinin na lamang ang kanyang kahinaan, paghihimagsik, at pagkanegatibo. At kung dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi ng pagkatao niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak at walang kabuluhang tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang paggalang at pagsamba ng lahat, at kung kaya lubos na mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya basta-basta na lamang magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan sa kaninuman; sa halip, pilit siyang makikipagkompitensya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Naunawaan ko matapos basahin ang siping ito ng salita ng Diyos na gusto ng katayuan ng mga anticristo. Para manatili ang magandang imahe nila sa puso ng ibang mga tao, hindi nila kailanman sinasabi sa mga tao ang mga paghihirap nila, sa takot na makita ng lahat ang kanilang mga pagkukulang. Kahit kapag nahihirapan sila sa kanilang mga tungkulin, nagkukunwari sila, para makita ng iba na makapangyarihan sila at nakakaunawa sa katotohanan. Ganito ang kalagayan ko. Malinaw na marami akong problemang hindi ko malutas, pero hindi ako humingi ng tulong kaninuman at lagi akong nagpapanggap dahil gusto kong maging maganda ang imahe ko sa puso ng mga tao para isipin ng aking mga kapatid na wala akong mga pagkukulang o kakulangan, at na puwede ko silang tulungang lutasin ang lahat ng problema nila. Para mapanatili ko ang puwesto at imahe ko sa puso nila, nagpanggap ako, na pinipiling gumugol ng maraming panahon sa pagsasaliksik sa loob ng salita ng Diyos sa halip na magtanong ako sa lider. Ang resulta ay nahadlangan ko ang pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid. Nakita ko na malala ang aking tiwaling disposisyon, at na ako ay mapagpaimbabaw. Naisip ko kung paano nagmukhang mapagpakumbaba at mapagparaya ang mga Pariseo noong mga unang panahon ng Hudaismo. Madalas silang magdasal sa mga sangandaan o magpaliwanag ng mga Banal na Kasulatan sa iba. Maganda ang imahe nila sa puso ng mga tao, pero ang totoo, sa kanilang kalooban, sila’y mapagpaimbabaw, mayabang, masama, suwail o walang takot sa Diyos, at lahat ng ginawa nila ay hindi para sumunod sa salita ng Diyos. Sa halip, nilinlang nila ang mga tao sa kanilang mabuting asal at nilikhang mga ilusyon para hangaan at sambahin sila ng iba. Nakita ko na mapagpaimbabaw ako na tulad lang ng mga Pariseo at tumatahak ako sa landas ng anticristo na paglaban sa Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang diwa ng pag-uugali ng mga anticristo ay ang palaging gamitin ang iba’t ibang kalakaran at pamamaraan upang matugunan ang kanilang mga ambisyon at hangarin, upang linlangin at siluhin ang mga tao, at upang magkamit ng mataas na katayuan para sundin at igalang sila ng mga tao. Posibleng sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi nila sinasadyang makipag-agawan sa Diyos para sa sangkatauhan, ngunit isang bagay ang tiyak: Kahit na hindi sila nakikipag-agawan sa Diyos para sa mga tao, nais pa rin nilang magkaroon ng katayuan at kapangyarihan sa gitna ng mga ito. Kahit na dumating ang araw na mapagtanto nila na nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para sa katayuan, at magpigil man sila ng kanilang sarili nang kaunti, gumagamit pa rin sila ng iba’t ibang pamamaraan upang hanapin ang katayuan at reputasyon; malinaw sa kanila na sa kanilang mga puso ay magkakamit sila ng lehitimong katayuan, sa pamamagitan ng pagkamit ng pagsang-ayon at paghanga ng ilang tao. Sa madaling sabi, kahit na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay lumilitaw na binubuo ng isang pagganap ng kanilang mga tungkulin, ang bunga nito ay ang linlangin ang mga tao, pasambahin ang mga ito at pasunurin sa kanila—kaya nga, ang pagganap sa kanilang tungkulin sa ganitong paraan ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili. Ang kanilang ambisyon na kontrolin ang mga tao at makakuha ng katayuan at kapangyarihan sa iglesia ay hindi kailanman magbabago. Ito ay walang pasubaling isang anticristo. Kahit ano pa ang sabihin o gawin ng Diyos, at kahit anong hinihingi Niya sa mga tao, hindi ginagawa ng mga anticristo ang dapat nilang gawin o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa paraang angkop sa Kanyang mga salita at kinakailangan, ni hindi rin nila isinusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan bilang resulta ng pagkaunawa sa alinman sa katotohanan. Sa lahat ng pagkakataon, nananatili pa rin ang kanilang ambisyon at mga pagnanasa, nananahan pa rin ang mga ito sa kanilang mga puso at kinokontrol ang kanilang buong pagkatao, pinangungunahan ang kanilang pag-uugali at saloobin, at itinatakda ang landas na kanilang tinatahak. Ito ay isang totoong anticristo. Ano ang nakikita higit sa lahat sa isang anticristo? Ang ilang tao ay sinasabing, ‘Ang mga anticristo ay nakikipagpaligsahan sa Diyos upang magkamit ng mga tao, hindi nila kinikilala ang Diyos.’ Hindi naman sa hindi nila kinikilala ang Diyos; sa kanilang puso ay tunay na kinikilala nila Siya at naniniwala sila sa Kanyang pag-iral. Handa silang sundan Siya at nais nilang hangarin ang katotohanan, ngunit hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, kaya gumagawa sila ng kasamaan. Bagamat maaaring nagsasabi sila ng mga bagay na maganda kung pakikinggan, isang bagay ang hindi kailanman magbabago: Hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanasa para sa kapangyarihan at katayuan, ni hindi nila isusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan dahil sa kabiguan o balakid, o dahil isinantabi na sila ng Diyos o pinabayaan sila. Gayon ang kalikasan ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililinlang, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao). Sabi ng Diyos, naghahangad ng kasikatan at katayuan ang mga anticristo, para sundin sila ng mga tao at makamit nila ang kanilang ambisyon na kontrolin at angkinin ang mga tao. Nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para angkinin ang mga tao. Ito ang landas ng paglaban sa Diyos na tinahak ko. Naniwala ako sa Diyos at ginusto kong mahalin Siya, at alam ko rin na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at nangingibabaw sa lahat. Siya ang Lumikha, at dapat natin Siyang sambahin. Pero sa pagsasagawa ng aking mga tungkulin ay ginusto ko palaging pahangain at pasambahin sa akin ang mga tao para magkaroon ako ng puwang sa puso nila. Tinatahak ko ang landas ng anticristo! Naisip ko ang mga pastor at elder sa mundo ng relihiyon, at kung paanong kahit ipinangangaral nila ang ebanghelyo, iniinterpret ang Bibliya, ipinagdarasal ang mga tao, pinagpapala, at kumbaga’y gumagawa sila ng ilang mabubuting gawa, ang layunin nila sa paggawa ng lahat ng ito ay para ingatan ang kanilang katayuan at patingalain at pasunurin sa kanila ang mga mananampalataya at upang tuwing may mga tanong ang mga mananampalataya, pupunta sila sa kanila para humingi ng patnubay. Kahit nang marinig nila na bumalik na ang Panginoon at gusto nilang hanapin at siyasatin ang tunay na daan, hinihingi nila ang pahintulot ng mga ito. Hindi ba paghikayat ito na tratuhin sila ng mga tao bilang Diyos? Mahigpit na kinokontrol ng mga pastor at elder ang mga tao, hayagan nilang kinakalaban ang Diyos, at nagiging mga anticristo sila na naniniwala sa Diyos subalit kasabay nito’y nilalabanan nila Siya. Ganoon din ako. Gusto kong hangaan ako ng aking mga kapatid, at lumapit sila sa akin para sa lahat ng kanilang problema at hindi sa lider. Sa katunayan, kailan lang ako naging mananampalataya at nagkaroon ng kaunting karanasan. Wala akong kabatiran sa mga kalagayan at problema ng aking mga kapatid. Hindi ko talaga sila matulungan nang husto, pero hindi ko pa rin hinanap ang katotohanan at ayaw kong maging kapareha ang lider, gusto ko lang pumaligid sa akin ang mga kapatid. Talagang mayabang ako at wala sa katwiran! Noon pakiramdam ko ay matataas na lider lang ang malamang na tumahak sa landas ng mga anticristo at maging mga anticristo, at na bilang isang lider ng grupo, na walang mataas na katayuan, hindi ko tatahakin ang landas na iyon. Pero natanto ko na ngayon na mali ang pananaw na ito. Kung hindi sa paghatol at paghahayag ng salita ng Diyos, hindi ko sana nalaman kailanman na nakatahak ako sa landas ng anticristo, at namuhay sana ako ayon sa isang tiwaling disposisyon at nakagawa ng mas maraming kasamaan, at tinanggihan at inalis sana ako ng Diyos. Nagpasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay-liwanag at paggabay sa akin na matanto ito, at nangako akong magsisi, hindi na maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at isagawa ang aking tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Kapag hinihingi ng Diyos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang maayos, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang ilang partikular na gawain o isakatuparan ang anumang matinding pagsusumikap, ni ang gampanan ang anumang dakilang pagsasagawa. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na maghimala ka, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang matimtiman kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Kapag nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, gawin mo ang naunawaan mo, isakatuparan mo ang naintindihan mo, tandaan mo nang maigi ang narinig mo, at pagkatapos, kapag dumating na ang oras para magsagawa, magsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at katayuan; palagi kang naghahangad ng pagpaparangal. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at lalayo Siya sa iyo. Habang lalo kang naghahangad ng mga bagay gaya ng kadakilaan, karangalan, at pagiging mas mataas kaysa iba, kilala, katangi-tangi, at kapansin-pansin, lalo kang kasuklam-suklam para sa Diyos. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at magsisisi, kamumuhian ka ng Diyos at tatalikdan ka Niya. Iwasan mong maging isang taong kasuklam-suklam para sa Diyos; maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano makakamit ng isang tao ang pagmamahal ng Diyos? Sa pamamagitan ng masunuring pagtanggap sa katotohanan, pagtayo sa posisyon ng isang nilalang, pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos nang nakatapak ang mga paa sa lupa, pagganap sa mga tungkulin nang maayos, pagiging isang matapat na tao, at pagsasabuhay ng isang wangis ng tao. Sapat na ito, masisiyahan na ang Diyos. Dapat siguruhin ng mga tao na huwag mag-ambisyon o mag-isip ng mga walang-saysay na pangarap, huwag maghangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan o mamukod-tangi sa karamihan. Bukod pa roon, hindi nila dapat subukang maging isang dakilang tao o superman, na nakalalamang sa mga tao at nagpapasamba sa mga tao. Iyan ang hangarin ng tiwaling sangkatauhan, at ito ang landas ni Satanas; hindi nililigtas ng Diyos ang ganoong mga tao. … Hindi talaga mahirap ang gampanan ang iyong tungkulin, ni hindi ito mahirap gawin nang buong katapatan, at sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Hindi mo kailangang isakripisyo ang iyong buhay o gumawa ng anumang natatangi o mahirap, kailangan mo lamang sundin ang mga salita at tagubilin ng Diyos nang matapat at matatag, nang hindi idinaragdag ang sarili mong mga ideya o pinatatakbo ang sarili mong operasyon, kundi tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung magagawa ito ng mga tao, magkakaroon talaga sila ng wangis ng tao. Kapag mayroon silang tunay na pagsunod sa Diyos, at naging matapat na tao, tataglayin nila ang wangis ng isang tunay na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos ang Kanyang kalooban. Ngayon, nagpahayag ang Diyos ng maraming salita para iligtas ang mga tao sa pag-asa na pakikinggan natin ang Kanyang mga salita, lulugar tayo bilang mga nilalang, tapat nating isasagawa ang ating mga tungkulin ayon sa Kanyang mga kinakailangan, aalisin natin ang ating mga tiwaling disposisyon, at maliligtas tayo. Sa ating mga tungkulin ay hindi tayo dapat maging abala sa personal na negosyo para mapanatili ang ating reputasyon at katayuan. Sa halip, dapat nating isantabi ang ating mga lihim na motibo, masigasig nating hanapin ang katotohanan at tuparin ang ating mga tungkulin bilang mga nilalang para mapalugod ang Diyos. Salamat sa patnubay ng salita ng Diyos, natagpuan ko ang isang landas ng pagsasagawa.

Makalipas ang ilang araw, sinabi sa akin ng isang sister ang kanyang mga paghihirap at sinabi na kailangan niya ng tulong. Wala akong karanasan sa aspetong ito at hindi ko alam kung paano iyon lulutasin. Natanto ko na hindi ako puwedeng kumilos na tulad noon at tumanggi akong makipagtulungan sa aking lider para patunayan ang kakayahan ko, kaya tinanong ko ang lider ko tungkol sa problemang ito. Sabi ko, “Hindi ko malutas ang problemang ito. Puwede mo ba akong tulungan?” Nakahanap ang lider ng mga angkop na bahagi ng salita ng Diyos at ipinadala ang mga iyon sa akin, at magkasama naming pinagbahaginan at nilutas ang problema ng sister. Pagkatapos niyon, tuwing mayroon akong anumang mga problema na hindi ko maunawaan, naghahanap ako kasama ang lider ko at nakikipagtulungan ako sa kanya, at hindi ko na ginagawang mag-isa ang mga bagay-bagay na tulad ng dati. Iba na ang saloobin ko kaysa noon. Hindi ko na gustong isipin kung titingalain ba ako ng mga kapatid. Sa halip, iniisip ko kung paano higit na malulutas ang mga problema nila. Ang ganitong pagsasagawa ay nagbibigay sa akin ng malaking ginhawa. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Hindi Mabuburang Desisyon

Ni Bai Yang, TsinaNoong ako ay 15 taong gulang, namatay ang tatay ko dahil sa isang biglaang sakit. Hindi nakayanan ng nanay ko ang dagok...

Isang Napakasakit na Pagpili

Ni Alina, EspanyaNoong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, at hindi nagtagal ay nahalal akong...