Napalaya mula sa mga Gapos ng Inggit
Noong January 2018, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at hindi naglaon, binigyan ako ng tungkulin bilang pangunahing mang-aawit ng iglesia sa mga music video para sa mga himno. Sa simula, maraming kapatid ang nakapansin sa akin. Sabi nila, mahusay akong kumanta, at saanman ako magpunta, nakilala nila ako. Nagpasaya ito sa akin. Makalipas ang ilang buwan, nahalal ako bilang lider ng iglesia. Maraming baguhan ang kailangang diligan, at maraming gawaing pang-ebanghelyo ang kailangang subaybayan. Para mas mapangasiwaan ang mga problema ng mga baguhan, madalas akong manood ng mga pelikulang pang-ebanghelyo para sangkapan ang aking sarili ng katotohanan tungkol sa pag-alam sa gawain ng Diyos, at tuwing mayroong ilang haka-haka o problema ang mga baguhan na hindi nila maunawaan, nagawa kong aktibong magbahagi sa kanila at lutasin ang kanilang mga problema. Madalas akong purihin ng aking mga kapatid dahil sa aking mahusay na kakayahan at pang-unawa. Napakasaya ko na makuha ang kanilang pagsang-ayon. Gayunman, hindi ako kailanman gaanong epektibo sa gawaing pang-ebanghelyo. Noong panahong iyon, inilipat si Sister Claire sa aming iglesia para ipangaral ang ebanghelyo. Nakita ko na sumabak siya kaagad sa kanyang gawain, nagawa niyang makipagbahaginan at magkusang lutasin ang anumang mga problema na mayroon ang iba sa kanilang mga tungkulin, at aktibo rin siyang nakipagbahaginan sa mga pagtitipon. Dapat ay naging masaya ako na makita na napakaresponsable ni Claire sa kanyang tungkulin, ngunit sa hindi ko malamang mga dahilan, ayaw ko sa kanya. Tuwing nakikipagbahaginan siya sa mga kapatid, ni ayaw ko siyang makita. Lalo na nang narinig kong sinabi nilang “Napakagaling ni Claire, puwede siyang maging diyakono ng ebanghelyo,” lalo pa akong naasiwa. Naisip ko, “Bago dumating si Claire sa iglesia namin, maraming kapatid ang pumuri sa akin dahil sa aking mahusay na kakayahan, pang-unawa, at pagdidilig sa mga baguhan, at tiningala nila akong lahat, pero ngayon ay iniisip nilang lahat na siya ang pinakamagaling at tinitingala nila siya. Sino na ngayon ang titingala sa akin?” Mula noon, nagsimula akong mainggit kay Claire, at nag-alala ako na baka pumalit siya sa lugar ko sa puso ng mga kapatid.
Pagkatapos niyon, nakita ko na madalas tumawag si Claire para magtanong tungkol sa kalagayan ng mga baguhan, at marami ring baguhan na naghanap sa kanya para lutasin ang mga problema. Minsan, nahirapan ang isang sister na aking diniligan sa gawaing pang-ebanghelyo at hiningi ang opinyon ko. Pagkatapos kong makipagbahaginan sa kanya, nagpunta siya kay Claire. Nalungkot ako nang malaman ko na nagpunta siya kay Claire. Naisip ko, “Baka hindi niya sineryoso ang mga mungkahi ko at malamang na inisip niya na mas magaling si Claire kaysa sa akin, at hindi na niya ako tinitingala. Dahil lubhang hindi ako magaling sa gawaing pang-ebanghelyo, kailangan kong magsikap nang husto para mapunan ang aking mga kakulangan. Sa gayon ay hindi ako nahuhuli kay Claire, at sa hinaharap, kung may mga problema ang mga kapatid, lalapit sila sa akin sa halip na sa kanya.” Sa mga sumunod na araw, tahimik akong nagsimulang makipagkumpitensiya kay Claire. Nakita kong gabi na kung maghapunan si Claire dahil abala siya sa kanyang tungkulin, at kung minsan ay nagtatrabaho siya buong gabi. Kaya sinikap ko ring magpagabi sa aking tungkulin para makita ng mga kapatid na responsable rin ako at hindi ako nahuhuli sa kanya. Kalaunan, nagdaos ng halalan ang iglesia para sa isang diyakono ng ebanghelyo. Kung titimbangin ang bawat aspeto, si Claire ang pinakanababagay para sa tungkuling ito, ngunit ayaw ko siyang piliin. Naisip ko mas may kakayahan siya kaysa sa akin at kapag naging diyakono ng ebanghelyo siya, unti-unting malilipat sa kanya ang pansin ng lahat. Ngunit kung iisipin na hindi magagawang mag-isa ng mga lider ng iglesia ang lahat ng gawain at kailangan ang mga diyakono para tulungan sila, naisip ko, “Dapat ko ba siyang piliin? Kung pipiliin ko siya, siguradong magkukumpulan sa kanya ang mga kapatid at maisasantabi ako.” Ngunit kinailangan kong aminin na napakahusay ng kakayahan ni Claire, at kaya niyang pangasiwaan ang gawain ng isang diyakono ng ebanghelyo. Pinag-isipan ko ito nang matagal, at sa huli ay atubili ko siyang pinili.
Minsan, naghanap ang iglesia ng isang kapatid na mahusay sa Filipino at Ingles para gampanan ang isang papel sa isang music video. Mahusay kapwa sa Filipino at Ingles si Claire, at sa huli, siya ang pinili ng mga kapatid. Labis akong nadismaya, “Mahusay rin ako sa Filipino at Ingles, kaya bakit siya ang pinili nila sa halip na ako?” Inggit na inggit ako sa kanya, at nakadama rin ako ng kaunting pagkamuhi sa kanya sa puso ko. Sa oras na iyon, dahil medyo nagpakita ng mayabang na disposisyon ni Claire, sinusuri ng mga lider namin kung paano niya ginagampanan ang kanyang mga tungkulin, at hinilingan nila akong sumulat ng pagsusuri tungkol sa kanya. Masayang-masaya ako, at ginusto kong isulat ang iba pa niyang mga kakulangan, para ilipat siya sa ibang mga tungkulin ng mga lider namin at hindi ko na siya kailangang makasama sa paggawa ng mga tungkulin. Kahit sa huli ay hindi ko ito ginawa, gusto ko pa rin siyang umalis. Nang maisip ko kung paano siya pinupuntahan ng lahat ng kapatid para maghanap ng mga sagot at na hindi na nila ako tinitingala, pakiramdam ko’y naagrabyado ako at miserable. Kahit sa oras ng aming mga tungkulin na magkasama kami, ayaw ko siyang tingnan. Napuspos ako ng inggit, at talagang nanaig ang mga tiwaling disposisyon sa puso ko noong panahong iyon.
Pagkatapos noon, hindi ko madama ang gawain at patnubay ng Banal na Espiritu sa aking mga tungkulin. Nang naharap ako sa ilang problema, hindi ko maunawaan ang diwa ng mga ito at hindi ko alam kung paano lutasin ang mga ito. Hindi rin ako epektibo sa aking mga tungkulin. Hindi ko natanto na naaapektuhan na ng negatibo kong kalagayan ang aking mga tungkulin, hanggang sa makita ko ang mga salitang ito ng Diyos sa isang pagtitipon: “Bilang isang lider ng iglesia, hindi mo lamang kailangang pag-aralan na gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema, kailangan mo ring matutunang tumuklas at luminang ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang naghahangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo at gawin nang maayos ang lahat ng gawain, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, kuwalipikado kang lider o manggagawa. Kung nagagawa mong asikasuhin ang lahat nang ayon sa mga prinsipyo, ginagawa mo ang iyong debosyon. Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba ito makasarili at nakasusuklam? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging malisyoso! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga hangarin, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila. Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at tumupad ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin noon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng debosyon sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsiyensiya at katinuan na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Matapos basahin ang salita ng Diyos, natanto ko na isinagawa ko ang aking tungkulin para sa reputasyon at katayuan, para tingalain at hangaan ako ng mga tao. Nang dumating si Claire sa iglesia at nakita ko na kaya niyang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan at lumutas ng mga problema, at hinahanap siya ng iba para magbahagi sa halip na ako, nainggit ako at natakot na baka mapalitan ako ni Claire, kaya nakipagkumpitensya ako sa kanya sa bawat pagkakataon, ginagawa ang lahat para mapunan ang mga pagkukulang ko sa pagtatangkang malampasan siya. Nang kailangang maghalal ng isang diyakono ng ebanghelyo ang iglesia, malinaw sa akin na kaya ni Claire ang gawaing ito, ngunit natakot ako na maaagaw niya sa akin ang katayuan ko, kaya ayaw ko siyang piliin, at kinamuhian at kinasuklaman ko siya sa puso ko. Natuwa ako nang nakita ko siyang maghayag ng katiwalian at nagkaroon ako ng masasamang layunin nang isusulat ko na ang kanyang pagsusuri. Ginusto kong isulat ang lahat ng pagkukulang niya para mapaalis siya, para hindi na ako matakot sa mga kapatid na tumitingala sa kanya. Natanto ko sa pamamagitan ng mga paghahayag sa salita ng Diyos na naiinggit ako sa kanyang kakayahan at hindi ko makayanan na mas magaling siya kaysa sa akin, at ang inilantad ko ay isang mapanirang disposisyon. Sa panlabas, aktibo kong ginagampanan ang aking tungkulin, ngunit sa puso ko, hindi ko talaga isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Magaling si Claire sa gawaing pang-ebanghelyo, at dapat akong pumartner sa kanya para maging mas epektibo ang gawaing pang-ebanghelyo. Pero ang inisip ko lang ay kung paano maging mas magaling kaysa sa kanya, kung paano siya mapaalis, at paano maprotektahan ang sarili kong katayuan. Sinusuri ng Diyos ang ating puso at saloobin sa ating mga tungkulin. Ginampanan ko ang aking tungkulin nang walang takot sa Diyos, at ang inalala ko lang ay ang magkaroon ng katanyagan, pakinabang, at katayuan. Kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos ang ganitong ugali.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Pagdating sa anumang may kinalaman sa reputasyon, katayuan, o pagkakataong mamukod-tangi—halimbawa, kapag naririnig ninyo na ang sambahayan ng Diyos ay nagpaplanong maglinang ng sari-saring uri ng mga taong may talento—lumulukso sa pag-asam ang puso ng bawat isa sa inyo, gusto palagi ng bawat isa sa inyo na maging tanyag at makakuha ng pansin. Lahat kayo ay nais na makipaglaban para sa katayuan at reputasyon. Ikinahihiya ninyo ito, pero hindi magiging maganda ang pakiramdam ninyo kung hindi ninyo ito gagawin. Nakararamdam kayo ng inggit, pagkamuhi, at sama ng loob sa tuwing may nakikita kayong taong namumukod-tangi, at iniisip ninyo na hindi ito patas: ‘Bakit hindi ako makapamukod-tangi? Bakit palagi na lang ibang tao ang napapansin? Bakit hindi ako kahit kailan?’ At pagkatapos ninyong makaramdam ng sama ng loob, sinusubukan ninyo itong pigilin, ngunit hindi ninyo magawa. Nagdarasal kayo sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam sandali, ngunit kapag naharap kayong muli sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin ninyo ito madaig. Hindi ba ito nagpapakita ng isang tayog na kulang pa sa gulang? Kapag naiipit sa gayong mga kalagayan ang mga tao, hindi ba’t nahulog na sila sa patibong ni Satanas? Ito ang mga kadena ng tiwaling kalikasan ni Satanas na gumagapos sa mga tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Ibinunyag ng salita ng Diyos ang aking kalagayan. Nainggit ako sa aking kapatid dahil nagkaroon ako ng matinding hangaring magtamo ng katanyagan at katayuan, at dahil ginusto kong mamukod-tangi sa marami at magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Natatandaan ko, noong kolehiyo, para mapuri at hangaan ng iba, nakipagkumpitensya ako sa mga kaklase ko, at basta’t may posibilidad na mamukod-tangi ako, hindi na mahalaga kung masasaktan ko sila. Matapos akong maniwala sa Diyos, muli kong ginawa ang ganitong uri ng paghahangad sa iglesia. Nang makita ko na mas magaling si Claire kaysa sa akin, gustung-gusto kong mahigitan siya dahil gusto kong mapuri ng mas maraming tao at mapaghangad akong umasa na hangaan at pakamahalin ako ng mga tao, na nagpakita kung gaano ako kayabang. Palagi akong naghahangad ng reputasyon at katayuan, kaya hindi ko matamo ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga tungkulin ko, at nahuhulog ako sa kadiliman. Ang mga ito ang mga tanikala ng likas na katiwalian ni Satanas na gumaggapos at pumipinsala sa akin. Kalaunan, nakita ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos na tumulong sa akin na maunawaan nang kaunti ang diwa at mga kahihinatnan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Sabi ng Diyos: “Ang ilang tao ay naniniwala sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan. Lagi silang namumuhay ayon sa laman, ninanasa ang mga kasiyahan ng laman, laging pinagpapakasasa ang kanilang mga makasariling paghahangad. Ilang taon man silang manalig sa Diyos, hindi sila kailanman makapapasok sa katotohanang realidad. Ito ang tanda ng pagdadala ng kahihiyan sa Diyos. Sinasabi mo, ‘Wala naman akong anumang ginagawa para labanan ang Diyos. Paano ako nakapagdala ng kahihiyan sa Kanya?’ Lahat ng ideya at iniisip mo ay masasama. Ang mga layunin, mithiin at motibong nasa likod ng iyong mga ginagawa, at ang mga kahihinatnan ng iyong mga pagkilos ay palaging binibigyang-kasiyahan si Satanas, ginagawa kang katatawanan nito, at hinahayaan itong may panghawakan sa iyo. Wala kang pinatotohanan na dapat ginawa ng isang Kristiyano. Nabibilang ka kay Satanas. Nagdadala ka ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi ka nagtataglay ng tunay na patotoo. Maaalala ba ng Diyos ang mga nagawa mo? Sa huli, anong konklusyon ang mabubuo ng Diyos tungkol sa lahat ng iyong ikinilos, inasal at mga tungkulin na iyong ginampanan? Wala bang kinalabasan iyan, isang uri ng pahayag? Sa Bibliya, sinasabi ng Panginoong Jesus, ‘Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, “Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?” At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, “Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan”’ (Mateo 7:22–23). Bakit ito sinabi ng Panginoong Jesus? Bakit nagiging masasamang tao ang napakarami sa mga nangaral, nagpalayas ng mga demonyo, at nagsagawa ng maraming himala sa pangalan ng Panginoon? Ito ay dahil hindi nila tinanggap ang mga katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus, hindi nila sinunod ang Kanyang mga utos, at hindi minahal ang katotohanan sa kanilang puso. Ginusto lang nilang ipagpalit ang gawaing ginawa nila, ang mga paghihirap na tiniis nila, at ang mga sakripisyong ginawa nila para sa Panginoon para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Sa ganito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos, at sinusubukan nilang gamitin at linlangin ang Diyos, kaya kinasuklaman, kinamuhian, at kinondena sila ng Panginoong Jesus bilang masasamang tao. Ngayon, tinatanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pero naghahangad pa rin ng reputasyon at katayuan ang ilan, at lagi nilang ninanais na mamukod-tangi, laging gustong maging mga lider at manggagawa at magtamo ng reputasyon at katayuan. Bagama’t sinasabi nilang lahat na nananalig at sumusunod sila sa Diyos, at tumatalikod at gumugugol sila para sa Diyos, ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin para magtamo ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at lagi silang may mga sarili nilang pakana. Hindi sila masunurin o tapat sa Diyos, kaya nilang magwala at gumawa ng kasamaan nang hindi pinagninilayan ang kanilang sarili ni kaunti, kaya nga naging masasamang tao sila. Kinamumuhian ng Diyos ang masasamang taong ito, at hindi sila inililigtas ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napahiya ako. Ang aking mga ideya, iniisip, layunin, at motibasyon ay hindi talaga upang mapalugod ang Diyos, ang mga iyon ay lubos na para hangaan ako ng iba. Nang makita ko na mas pinapansin ng aking mga kapatid si Claire kaysa sa akin, nainggit ako, nakipagkumpitensya ako sa kanya, ginusto kong higitan siya, at inasam ko pa na malipat siya sa ibang iglesia. Bilang isang lider ng iglesia, hindi ako nakatuon sa paglilinang sa mga tao, o sa paggawa nang maayos ng gawain ng iglesia; sa halip, napabayaan ko ang aking tungkulin, nainggit ako sa talento, at naghangad ng katanyagan at katayuan. Katulad ako ng mga gumagawa ng masama na kinondena ng Panginoong Jesus. Nagpunyagi sila para mapanatili ang kanilang reputasyon at katayuan at tingalain sila ng iba. Ganoon din ako. Nagsikap din ako para makamit ang papuri ng aking mga kapatid at upang magkaroon ng reputasyon at katayuan. Habang abala ako sa pagpapakitang-gilas, hindi na tama ang mga layunin ko sa aking tungkulin, kaya naging imposible para sa akin na matamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Walang liwanag sa aking pagbabahagi, at hindi ko malutas ang mga problema ng mga kapatid. Nauunawaan ko na ngayon na ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay talagang masama, at isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:22–23). Kinamumuhian ng Diyos ang mga tao na sa panlabas ay tila naglalakbay at nagdurusa para sa Diyos, ngunit ang totoo ay nagtatrabaho lang para maisagawa ang sarili nilang mga layunin at motibo. Ang ginagawa nila ay para sa sarili nilang kapakinabangan. Hindi talaga iyon para mapatotohanan o mapalugod ang Diyos. Ito ang dahilan kaya nakagawa na sila ng napakaraming gawain, subalit hindi kinikilala ang mga ito ng Diyos. Nakita ko na ganoon din ang ginagawa ko. Sa panlabas ay ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, pero hindi ko hinanap ang katotohanan o sinikap na magnilay at kilalanin ang sarili ko, at hindi ko sinikap na matuto mula sa mga kalakasan ng mga katuwang ko. Sa halip, tumahak ako sa maling landas ng paghahangad ng reputasyon at katayuan, kaya wala akong ipinagkaiba sa masasamang taong iyon. Naisip ko kung paano gumugol at nagdusa nang husto si Pablo para tingalain at sambahin lang siya ng iba. Madalas siyang pumuri sa kanyang sarili at magyabang kung gaano na siya nagdusa at naglakbay, sinasabi na siya ay “hindi nahihigitan ng mga pinakadakilang disipulo,” hanggang sa punto na sinasabi na niya na siya ay Cristo batay sa pagmumuhay niya. Hindi kailanman nagpatotoo sa Diyos ang mga ginawa at pananalita niya, patotoo ang mga ito sa kanyang sarili. Dahil dito’y tinitingala at hinahangaan pa rin siya ng mga tao pagkaraan ng dalawang libong taon, hanggang sa punto na tinatrato ang kanyang mga salita bilang mga salita ng Diyos. Sa huli, pinarusahan siya ng Diyos dahil sa paglabag sa Kanyang disposisyon. Kung patuloy kong hahangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at para tingalain ako ng iba sa aking mga tungkulin, magiging masamang tao ako nang hindi namamalayan na gaya ni Pablo, at tatanggihan at aalisin ng Diyos. Nang matanto ko ito, nanalangin ako sa Diyos: “Makapangyarihang Diyos, ayoko pong hayaang makahadlang ang aking tiwaling disposisyon sa aking tungkulin, gusto ko pong lutasin ang aking tiwaling disposisyon at makipagtulungan nang maayos sa aking kapatid sa pagtupad ng aking tungkulin. Pakigabayan po ako para malutas ko ang problemang ito.”
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa pagganap mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay nagkaroon ng debosyon, kung natupad ang iyong mga pananagutan, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at intindihin ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, kung mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyunal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi ka makakuha ng magagandang resulta—ngunit nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya. Hindi mo binibigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling paghahangad o kagustuhan. Sa halip, binibigyan mo ng palagiang pagsasaalang-alang ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka makapagkamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid naman ang puso mo; kung, dagdag pa rito, kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, maaabot mo ang pamantayan sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng patotoo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Nakakita ako ng landas ng pagsasagawa mula sa salita ng Diyos. Hindi natin dapat gawin ang ating mga tungkulin sa harapan ng iba, para purihin at hangaan nila tayo. Sa halip, dapat nating isantabi ang ating reputasyon at katayuan, at isaalang-alang ang mga interes ng iglesia, at unahin ang ating mga tungkulin. Naaayon ito sa kalooban ng Diyos. Ginawa ni Claire nang maayos ang gawaing pang-ebanghelyo at naging responsable sa kanyang mga tungkulin. Hindi ako dapat naiinggit sa kanya. Dapat akong matuto mula sa kanyang mga kalakasan upang mapunan ang mga pagkukulang ko at makipagtulungan sa kanya para magampanan nang maayos ang mga tungkulin namin.
Minsan, gusto kong ipangaral ang ebanghelyo sa pinsan ko, pero marami siyang mga relihiyosong kuru-kuro. Nag-alala ako na hindi maging malinaw ang aking pagbabahagi, na hindi ko malulutas ang problema niya, kaya ginusto kong makahanap ng isang kapatid na makakatuwang ko. Naisip ko kung gaano kahusay si Claire sa pangangaral ng ebanghelyo, at angkop na hanapin siya, ngunit nag-alangan ako. Naisip ko, “Kung kukunin ko siyang katuwang ko, hindi ba’t patunay iyon na mas magaling siya? Na hindi ko mapatotohanan ang gawain ng Diyos o malutas ang mga relihiyosong kuru-kuro? Kung matuklasan ito ng aking mga kapatid, hahamakin kaya nila ako? Kung nalutas ni Claire ang mga relihiyosong kuru-kuro ng pinsan ko, mas lalo siyang titingalain ng mga kapatid ko.” Nang maisip ko iyon, natanto ko na muli akong nakikipagkumpitensya sa kanya para sa katanyagan at pakinabang, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos. Kalaunan, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Kailangan mong matutunang bitiwan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling samantalahin ang mga pagkakataong mamukod-tangi at mapansin. Kailangan mong maisantabi ang mga bagay na ito, ngunit kailangan mo ring hindi maantala ang pagganap ng iyong tungkulin. Maging isa kang taong gumagawa nang hindi napapansin, at hindi nagpapasikat sa iba habang matapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Habang lalo mong binibitiwan ang iyong pagpapahalaga sa sarili at katayuan, at habang lalo mong binibitiwan ang sarili mong mga interes, lalo kang makadarama ng kapayapaan, lalong magkakaroon ng liwanag sa puso mo, at lalong bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpupumilit at nakikipagkumpitensya, lalong didilim ang kalagayan mo. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, subukan mo nang makita mo!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Binigyan ako ng kaliwanagan ng salita ng Diyos. Kailangan kong isantabi ang aking pride at katayuan, at magkusang makipagtulungan sa kanya. Ang ganitong pagsasagawa ay makakatulong sa aking mga tungkulin. Kung nanatili akong naiinggit sa kanya at patuloy na nakipagkumpitensya sa kanya para sa katanyagan at pakinabang, magiging mas negatibo at madilim lang ang aking kalagayan, dahil ang paghahangad ng katanyagan at katayuan ay ang landas ni Satanas. Kaya nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, mayroon po akong tiwaling disposisyon. Naiingit po ako sa aking kapatid, at nakikipagkumpitensya po ako sa kanya para sa katanyagan at pakinabang, pero handa po akong talikuran ang laman at isantabi ang sarili ko para maging kapartner ng sister upang maisagawa ko po ang katotohanan para mapalugod Ka.” Matapos akong manalangin, mas napanatag ako, at nagpunta ako kay Claire para ipaliwanag ang sitwasyon. Pumayag siya kaagad at tinalakay niya sa akin kung paano kami magtutuwang at magpapatotoo sa gawain ng Diyos sa mga huling araw sa pinsan ko. Naisip ko kung paano ako nainggit kay Claire dahil sa reputasyon at katayuan, at kung paano ako nagkunwaring nakikisama sa kanya, ngunit hindi nalaman kailanman ang totoo kong mga iniisip. Kaya, nagpasya akong magtapat kay Claire. Pagkatapos ng hapunan, nagtapat ako kay Claire, at ibinahagi ang tungkol sa lahat ng katiwaliang inilantad ko at ang mga natanto ko mula sa pagninilay sa sarili noong panahong iyon. Matapos marinig ito, sinabi niya, “Ayos lang. Napakatiwali ko rin sa aspetong ito. Napakaganda ng pagtatapat na tulad nito.” Pagkatapos kong magtapat, guminhawa talaga ang pakiramdam ko. Ngayon ay matiwasay ko nang nagagampanan ang aking mga tungkulin kasama si Claire, at nakadarama ako ng matinding seguridad at paglaya. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.