Mga Pagninilay Pagkatapos Magkasakit Noong Pandemya

Oktubre 11, 2024

Ni Ding Li, Amerika

Hindi nagtagal matapos tanggapin ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, natutuhan ko sa mga salita ng Diyos na kapag tinatapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga huling araw, darating sa atin ang malalaking sakuna upang gantimpalaan ang mabubuti at parusahan ang masasama. Ang mga gumawa ng masama at sumalungat sa Diyos ay malilipol sa mga sakuna, habang ang mga tumanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos at mga nalinis ay poprotektahan at iingatan ng Diyos sa gitna ng mga sakuna at dadalhin sa Kanyang kaharian para magtamasa ng mga walang hanggang pagpapala. Nung panahong iyon, naisip ko na ang pagpasok sa kaharian at pagkamit ng buhay na walang hanggan ay magiging isang malaking pagpapala, at kailangan kong pahalagahan ang minsan lang sa buhay na pagkakataong ito, na gawin ang tungkulin ko nang maayos at magtrabaho nang husto para sa Diyos para kapag natapos na ang gawain ng Diyos, magiging karapat-dapat akong manatili. Kaya, umalis ako sa aking trabaho at nagsimulang ipalaganap ang ebanghelyo. Nang makitang patuloy na dumarami ang mga sakuna, sa ganitong kritikal na panahon, nais kong maghanda ng mas maraming mabuting gawa at ibahagi ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw sa mas maraming tao upang makatulong sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Kaya, ibinuhos ko ang lahat ng aking lakas sa pagbabahagi ng ebanghelyo, naging abala mula umaga hanggang gabi araw-araw. Parami nang parami ang tumatanggap ng gawain ng Diyos sa mga huling araw sa aking distrito, na sunod-sunod na nagtatatag ng iglesia. Labis akong nasiyahan sa sarili ko pagkakita sa mga resultang ito. Pakiramdam ko’y hindi pwedeng hindi mapansin ang mga naiambag ko sa gawain ng ebanghelyo. At sa simulang-simula ng pandemya na pumipinsala sa mundo, at sa pagdami ng mga naiimpeksyon, lubos na kalmado ang pakiramdam ko. Akala ko na ‘pagkat nagsumikap ako para sa Diyos sa aking tungkulin, gaano man ito kalaganap, hindi ako maaapektuhan nito. Ngunit, isang hindi inaasahang pagka-impeksyon ng virus ng pandemya ang sumira sa mga kuru-kuro at imahinasyon ko. Kinailangan kong pagnilayan ang mga motibo at mga karumihan sa aking pananampalataya sa paglipas ng mga taon.

Isang araw noong Mayo 2021, bigla akong nagsimulang umubo, pagkatapos ay nilagnat at nanghina ang buong katawan. Nung una akala ko’y sinipon ako at hindi talaga ako nag-alala, pero nagpatuloy ang mga sintomas sa loob ng isang linggo nang hindi nawawala. Napansin ng isang sister na ang mga sintomas ko ay katulad talaga ng sa coronavirus at nag-alala siyang nahawahan ako nito, kaya pinayuhan ako na pumunta sa ospital para magpasuri. Hindi ko ito masyadong pinansin. Naisip ko na nagtrabaho ako nang maraming oras bawat araw, at nagdusa at nagsakripisyo sa aking tungkulin, at nakakuha ako ng magagandang resulta rito. At saka, hindi ako nakagawa ng masama at nakagambala sa gawain ng iglesia, kaya paano ako mahahawahan ng virus? Pero ang mga resulta ng pagsusuri ay ganap na salungat sa inaasahan ko. Nag-positive ako. Tulala akong naglakad pauwi, hindi ko talaga maintindihan kung paano ako nahawa. Ilan taon ko nang ginagawa ang tungkulin ko, kaya bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos? Ano kaya ang iisipin ng mga kapatid ko sa akin kapag nalaman nila? Iisipin ba nilang nagkasala ako sa Diyos at pinarurusahan ako? Pero sa tingin ko’y hindi ako nakagawa ng masama at nakagambala sa gawain ng iglesia. Milyun-milyong tao sa buong mundo ang namatay na mula nang sumiklab ang pandemya noong nakaraang taon. Mamamatay na ba ako, ngayong nahawahan na rin ako? Ngayong malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, kung mamamatay ako, hindi ba’t mauuwi sa wala ang mga taon ko ng pagsusumikap? Kung gayon ay hindi ako makakasali sa anumang mga pagpapala sa kaharian sa hinaharap. Lalo akong nababalisa habang mas iniisip ko ito, at hindi ko alam kung paano malampasan ang sitwasyong ito. Nanalangin ako, tumatawag sa Diyos, “Diyos ko, pinahintulutan Mo akong mahawahan ng virus na ito—tiyak na ito’y ang Iyong mabuting kalooban. Hindi Ka pwedeng magkamali, kaya’t malamang na nagrebelde at sumalungat ako sa’Yo. Pero hindi ko alam kung paano ko nilabag ang Iyong disposisyon. Pakiusap bigyang-liwanag Mo po ako para malaman kung sa’n ako nagkamali. Handa po akong magsisi.” Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos nun. “Paano dapat danasin ang pagsisimula ng karamdaman? Dapat kang humarap sa Diyos upang manalangin at hangaring maunawaan ang Kanyang kalooban, at suriin kung ano nga ba ang nagawa mong mali, at kung anong mga katiwalian ang nasa loob mo na kailangan pang lutasin. Hindi mo malulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon nang walang sakit. Ang mga tao ay dapat na mapalakas ng sakit; sa ganoon lamang sila hihintong maging imoral at mamumuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras. Laging mananalangin ang mga tao kapag naharap sa pagdurusa. Hindi nila maiisip ang pagkain, kasuotan, o paglilibang; sa kanilang puso, mananalangin sila palagi at susuriin kung nakagawa ba sila ng anumang kamalian sa panahong ito. Kadalasan, kapag naghihirap ka sa malalang sakit o ilang kakaibang karamdaman, at nagdudulot ito ng matinding pasakit sa iyo, ang mga bagay na ito ay hindi aksidenteng nangyayari; ikaw man ay may sakit o malusog, ang kalooban ng Diyos ang nasa likod ng lahat ng ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan). Ang napapanahong pagbibigay-liwanag ng mga salita ng Diyos ay nagpakita sa akin na ang pagkahawa ko ay hindi sapalarang nangyari, na ito ay ganap na pamumuno at pagsasaayos ng Diyos. Kailangan kong hanapin ang kalooban ng Diyos at pagnilayan ang aking sarili. Hindi ako pwedeng magreklamo at sisihin ang Diyos kahit anong mangyari. Sa mga sumunod na araw noong na-quarantine ako sa bahay, nagtapat ako sa mga kapatid tungkol sa anumang katiwaliang inihayag ko, nakilala ang sarili ko, at nakahanap ng landas para sa pagsasagawa at pagpasok sa mga salita ng Diyos. ‘Tsaka, kahit ano pa ang nararamdaman ko sa katawan, patuloy kong ibinabahagi ang ebanghelyo online. Makalipas ang ilang araw, bumuti na ang pakiramdam ko, halos hindi na ako inuubo, naging normal na ang temperatura ko, at ang nanumbalik na ang enerhiya at lakas ko. Natuwa talaga ako, at inisip na nakita ng Diyos ang aking pagsunod at pagsisisi, kaya’t inalagaan Niya ako. Nang maisip iyon, medyo nabawasan ang pagkabalisa ko. Pero kinabukasan ay bigla akong nakaramdam ng paninikip at sakit sa dibdib ko at hindi ko mapigilan ang pag-ubo. Pagkatapos ay nagkaroon ako ng mataas na lagnat at nanghina ang buong katawan. Nakaramdam ako pagkataranta. Mula nang ma-diagnose ako, hindi ko sinisi ang Diyos at patuloy kong ginawa ang tungkulin ko. Paanong mas lalo pa akong nagkasakit? Walang anumang gamot para dito, kaya kung hindi ako ililigtas ng Diyos, tiyak na mamamatay ako. Talagang nakakatakot para sa akin na isipin ang kamatayan—hindi ko ito matanggap. Mahigit sampung taon ko nang sinusunod ang Diyos, iniwan ko ang tahanan at trabaho ko, at nagtrabaho nang maraming oras bawat araw sa aking tungkulin. Nagdusa ako nang husto at nagbayad ng malaking halaga. Hindi ba iyon naaalala ng Diyos? Kung mamamatay ako, hindi ko kailanman makikita ang kagandahan ng kaharian o matatamasa ang mga pagpapala nito. Mas lalo akong nanlulumo habang mas iniisip ko iyon. Ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko, pero wala akong anumang motibasyon sa puso ko, at naiinis talaga ako kapag marami pa akong gagawin. Nagmamadali na lang akong tapusin ito para makapagpahinga na ako. Dati, karaniwan akong nagtatrabaho sa tungkulin ko mula umaga hanggang gabi, at akala ko’y poprotektahan ako ng Diyos, pero ngayong hindi iyon ginagawa ng Diyos, kailangan kong isipin ang sarili kong kapakanan at pangalagaan ang aking kalusugan. Hindi makakabuti ang sobrang stress at pagod para sa paggaling ko. Sa mga pagtitipon, ang iba pang mga kapatid ay napakasigla at kayang makipagbahaginan nang walang kapaguran. Samantalang ako, nagsisimula akong umubo tuwing nagsasalita ako, at kinakapos ang hininga ko kapag binabasa ko ang mga salita ng Diyos. Sobrang sama talaga ng loob ko at hindi ko maiwasang mangatwiran sa Diyos: “Diyos ko, kadalasan ay talaga akong masipag sa tungkulin ko, at ako’y seryoso at responsable. Ang ilan sa iba’y hindi nakakapantay sa akin sa kanilang mga tungkulin. Malusog silang lahat at ginagampanan ang kanilang tungkulin, kaya bakit ako ang may virus? Kung isa itong pagsubok mula sa Iyo, pero may iba naman sa iglesia na mas higit na naghahangad sa katotohanan kaysa sa akin, bakit hindi nila ito dinaranas? Kung parusa Mo ito, hindi naman ako nakagawa ng anumang masama o nakagambala sa gawain ng iglesia, o nalabag ang Iyong disposisyon. Diyos ko, gusto ko pa ring gawin ang tungkulin ko at gusto ko ang tungkulin ko. Hindi pa sapat ang nagawa ko—gusto kong patuloy na mabuhay at gumawa ng tungkulin. O Diyos, may mahalagang tungkulin akong ginagawa ngayon at kaya ko pa ring maglingkod sa Iyo. Pakiusap protektahan Mo ako para makapagpatuloy akong mabuhay at maglingkod sa Iyo.” Nang pag-isipan ko ang tungkol dito nang ganoon, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang napakalinaw na sumagi sa isipan ko: “Sa anong batayan ka—na isang nilikhang nilalang—humihiling sa Diyos? Hindi karapat-dapat humiling sa Diyos ang mga tao. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa paggawa ng mga kahilingan sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inorden Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala Siyang pakinabang sa iyo pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. … Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi ito maarok ng mga tao, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, pakiramdam ko’y kaharap Niya ako, sinasaway ako, at tumatagos sa puso ko ang bawat salita. Hindi ba’t sinisisi ko ang Diyos sa pagiging hindi patas at hindi matuwid? Hindi ba ako nakikipagtawaran, nagdadahilan, at nagtatakda ng mga kondisyon sa harap ng Diyos? Natupad ko ang ilang bagay sa aking mga taon ng pagdurusa at paggugol ng sarili ko sa aking tungkulin, kaya pakiramdam ko’y dapat akong protektahan ng Diyos mula sa pagkasadlak sa sakuna, at iyon ang pagiging matuwid Niya. Pero ang totoo, lahat ng ‘yon ay kuru-kuro at imahinasyon ko lang, at hindi talaga naaayon sa katotohanan. Ang Diyos ay ang Panginoon ng sangnilikha at isa akong nilikha. Lahat ng tinatamasa ko ay galing sa Diyos, at bigay rin ng Diyos ang buhay ko. Kung paano isinasaayos ng Diyos ang kapalaran ko at kung gaano katagal Niya ako pahihintulutang mabuhay ay bahala na sa Kanya lahat. Bilang isang nilikha, dapat akong magpasakop at tanggapin iyon. Ano bang karapatan kong mangatwiran sa Diyos at gumawa ng mga kondisyon? Pero nanampalataya ako sa lahat ng mga taong iyon at natamasa ang labis na pagdidilig at pagtustos ng katotohanan mula sa Diyos, at wala pa rin akong pasasalamat. Ngayong nagka-virus ako at nahaharap sa banta ng kamatayan, nangangatwiran ako sa Diyos at lumalaban, sinisisi ko Siya sa pagiging di-matuwid. Nasaan ang aking konsensya at katwiran? Nang pag-isipan ko iyon, lalo akong nakonsensya at nahiya, at lumuhod ako sa harapan ng Diyos sa panalangin. “Diyos ko, masyado akong di-makatwiran! Nilikha Mo ako; isa akong nilikha. Dapat akong magpasakop sa lahat ng pangangasiwa at pagsasaayos Mo. Tama at natural iyon. Pinahintulutan Mong makuha ko ang virus na ‘to na posibleng magdulot ng kamatayan. Ayokong mamatay, ayokong magpasakop, kaya’t nakipagtalo ako sa Iyo, sinisi Kita sa hindi pagkilos nang tama, at hiniling na hayaan Mo akong patuloy na mabuhay. Lubos akong walang pagpapasakop at katwiran. Napakarebelde ko! Diyos ko, nais kong pagnilayan ang sarili ko at magsisi sa Iyo.”

Sa sumunod na mga araw, bumibigat talaga ang loob ko tuwing naiisip ko ang mga reklamo at maling pagkaunawa ko sa Diyos. Lalo na nang isipin ko kung paanong, nang lumala ang kondisyon ko, nilabanan ko ang Diyos, nakipagtalo sa Kanya, naging negatibo at nagpakatamad, iniraos lang ang aking tungkulin at kumilos nang napipilitan. Lalo pa akong nakonsensya at hindi mapalagay. Nung wala akong sakit at walang krisis, ipinapahayag ko ang pagiging matuwid ng Diyos, at na ang mga nilikha ay magpasakop sa mga pagsasaayos ng Panginoon ng sangnilikha. Bakit ako nagpakita ng sobrang pagrerebelde at paglaban nung nagkasakit ako? May nabasa ako sa mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal. “Ang relasyon ng tao sa Diyos ay para lamang sa sarili niyang interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng pagpapala. Sa madaling salita, katulad ito ng relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho lamang ang empleyado para matanggap ang mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon, transaksyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, pigil na galit at panlilinlang lamang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). “Sa isipan ng mga anticristo, basta’t nagagawang gampanan ng isang tao ang isang tungkulin, magbayad ng halaga, at dumanas ng kaunting hirap, dapat silang pagpalain ng Diyos. Kaya nga, matapos gawin ang gawain ng iglesia sa loob ng ilang panahon, sinisimulan nilang bilangin ang trabahong nagawa nila para sa iglesia, ang mga naiambag nila sa sambahayan ng Diyos, at ang nagawa na nila para sa mga kapatid. Isinasaisip nilang mabuti ang lahat ng ito, hinihintay nilang makita kung anu-ano ang mga matatamo nilang mga biyaya at pagpapala mula sa Diyos dahil dito, upang mas matukoy nila kung sulit ba ang ginagawa nila. Bakit sila nag-aabala sa gayong mga bagay? Ano ang hinahangad nila sa kaibuturan ng kanilang puso? Ano ang layon ng kanilang pananampalataya sa Diyos? Sa simula pa lamang, ang kanilang pananalig sa Diyos ay tungkol na sa pagtatamo ng mga pagpapala. At ilang taon man sila makinig sa mga sermon, ilang salita man ng Diyos ang kainin at inumin nila, ilang doktrina man ang maunawaan nila, hinding-hindi nila kalilimutan ang kanilang hangarin at motibong mapagpala. Kung hihilingin mo sa kanilang maging masunuring nilalang at tanggapin ang pamumuno at mga pagsasaayos ng Diyos, sasabihin nila, ‘Walang kinalaman iyan sa akin. Hindi iyan ang dapat kong pagsumikapan. Ang dapat kong pagsumikapan ay: kapag tapos na ang laban ko, kapag nagawa ko na ang hinihinging pagsisikap at natiis na ang hinihinging hirap—kapag nagawa ko na ito ayon sa hinihingi ng Diyos—dapat akong gantimpalaan ng Diyos at tulutan akong manatili, at maputungan ng korona sa kaharian, at makahawak ng mas mataas na posisyon kaysa sa mga tao ng Diyos. Dapat ay ako ang mamahala sa dalawa o tatlong lungsod, kahit papaano.’ Ito ang pinakamahalaga para sa mga anticristo. Paano man ibahagi ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, hindi maiwawaksi ang mga motibo at hangarin ng mga anticristo; kauri sila ni Pablo. Hindi ba’t nagtatanim ng isang uri ng masama at imoral na disposisyon ang gayon kahayag na transaksyon? Sinasabi ng ilang relihiyosong tao, ‘Ang aming henerasyon ay sinusundan ang Diyos sa landas ng krus. Ito ay dahil pinili kami ng Diyos, kaya nga may karapatan kaming mapagpala. Nagtiis kami at nagbayad ng halaga, at nakainom na kami ng alak mula sa mapait na kopa. Ang ilan sa amin ay naaresto pa nga at nahatulang mabilanggo. Matapos tiisin ang lahat ng hirap na ito, marinig ang napakaraming sermon, at matuto ng napakarami tungkol sa Bibliya, kung isang araw ay hindi kami mapagpala, pupunta kami sa ikatlong langit at mangangatwiran sa Diyos.’ May narinig na ba kayong katulad nito? Sinasabi nila na pupunta sila sa ikatlong langit para mangatwiran sa Diyos—gaano kamapangahas iyon? Hindi ka ba natatakot na marinig man lamang ito? Sino ang nangangahas na subukang mangatwiran sa Diyos? … Hindi ba mga arkanghel ang gayong mga tao? Hindi ba sila si Satanas? Maaari kang mangatwiran kahit kanino mo gusto, ngunit hindi sa Diyos. Hindi mo dapat gawin iyan, hindi mo dapat isipin ang gayong mga ideya. Ang mga pagpapala ay nagmumula sa Diyos, maaari Niyang ibigay ang mga iyon kahit kanino Niya gusto. Kahit matugunan mo ang mga hinihingi para makatanggap ng mga pagpapala, kung hindi ibibigay sa iyo ng Diyos ang mga iyon, hindi mo dapat subukang mangatwiran sa Kanya. Ang buong sansinukob at buong sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, nasa Diyos ang huling salita, isa kang walang halaga at hamak na tao—subalit nangangahas ka pa ring mangatwiran sa Diyos. Paano mo naaatim na maging lubhang mapangahas? Mabuti pang tingnan mo ang sarili mo sa salamin. Kung nangangahas kang magreklamo at makipaglaban sa Lumikha, hindi mo ba hinahanap ang sarili mong kamatayan? ‘Kung isang araw ay hindi kamio mapagpala, pupunta kami sa ikatlong langit at mangangatwiran sa Diyos.’ Sa mga salitang ito, tahasan kang nagrereklamo laban sa Diyos. Anong klaseng lugar ang ikatlong langit? Iyon ang tirahan ng Diyos. Ang mangahas na magtungo sa ikatlong langit para subukang mangatwiran sa Diyos ay katulad ng pagsugod sa palasyo. Hindi ba gayon nga iyon? Sinasabi ng ilang tao, ‘Ano ang kaugnayan nito sa mga anticristo?’ Napakalaki ng kaugnayan nito, dahil ang mga nagnanais na magtungo sa ikatlong langit para mangatwiran sa Diyos ay mga anticristo; ang mga anticristo lamang ang makasasambit ng gayong mga salita, ang gayong mga salita ang tinig sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, at ito ang kasamaan ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem (Ikalawang Bahagi)). Napahiya ako sa harap ng paghahayag ng Diyos at nakita ko na ang aking mga taon ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga sa aking tungkulin ay hindi talaga para isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at gawin ang tungkulin ng isang nilikha para masuklian ang pagmamahal ng Diyos. Ipagpapalit ito sa mga pagpapala ng Diyos, upang makapasok sa kaharian at magtamasa ng walang hanggang pagpapala. Tinrato ko ang paggawa ng tungkulin bilang isang paraan para makatakas sa sakuna at mapagpala ng Diyos, bilang isang alas at kapital para sa pakikipagtransaksyon sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit sa loob-loob ko’y kinakalkula ko kung ga’no na karami ang nagawa ko, kung gaano karaming tao ang napagbalik-loob ko, kung gaano ako nagdusa, kung anong mga isinakripisyo ko. Habang mas nagbibilang ako, mas nararamdaman kong nakapag-ambag ako ng serbisyong karapat-dapat gantimpalaan, at na kuwalipikado akong magkaroon ng proteksyon ng Diyos sa gitna ng sakuna at mapanatili. Hindi ko akalain na bigla akong mahahawahan ng virus. Sinisi at hindi ko naunawaan ang Diyos, hindi naghanap kung paano magpasakop sa Diyos sa gitna ng aking karamdaman. Sa halip, inisip ko kung ano ang magagawa ko para makuha ang pagsang-ayon ng Diyos para protektahan ako ng Diyos at mabilis akong gumaling. Kaya nang makita kong lumala ang kalagayan ko, pinanghinaan ako ng loob sa Diyos. Sinisi ko Siya sa hindi pagprotekta sa akin, sa pagiging hindi patas sa akin. Ipinakita ng mga katunayan na ang pananampalataya at tungkulin ko ay para lamang pagpalain ako, at hindi ako naging totoo sa Diyos. Ginagamit ko lang Siya para makuha ang sarili kong layon na magkamit ng mga pagpapala, nakikipagkasundo at nandaraya sa Diyos. Sobra akong makasarili at tuso! Si Pablo noong Kapanahunan ng Biyaya ay nagpunta sa buong Europa upang ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoon, nagdurusa nang labis at nagbabayad ng malaking halaga, pero lahat ng ibinigay niya ay para lamang makapasok sa kaharian ng langit at magantimpalaan. Sabi niya, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Talagang nangangahulugan iyon na kung hindi siya bibigyan ng Diyos ng korona, hindi matuwid ang Diyos. Ang mga tao sa mundo ng relihiyon ay malalim na naimpluwensyahan ng mga salitang ito mula kay Pablo. Ang mga gumagawa at nagdurusa sa ngalan ng Panginoon ay lahat ginagawa iyon upang makapunta sa langit at mapagpala. Nakikipagtalo sila sa Diyos kung hindi sila pinagpapala. Katulad din nila ako, diba? Tapos ay natakot ako. Hindi ko kailanman inakala na maghahayag ako ng ganoong disposisyon. Kung hindi ako inilantad ng sitwasyong ‘yon, hindi ko pa rin sana makikita na meron akong ganoon kalubhang anticristong disposisyon. Naisip ko ang ilang salita ng Diyos: “Tinrato Ko ang tao sa mahigpit na pamantayan sa buong panahon. Kung may kaakibat na mga balak at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat nasusuklam Ako sa mga nanlilinlang sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga balak at nangingikil sa Akin sa pamamagitan ng mga kondisyon. Hiling Ko lamang na maging lubos na tapat sa Akin ang tao, at gawin ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng—at para patunayan ang—isang salita: pananampalataya. Kinamumuhian Ko ang paggamit ninyo ng mga pambobola upang subukang pasayahin Ako, sapagkat palagi Ko kayong pinakitunguhan nang may sinseridad, at kaya ninanais Ko ring pakitunguhan ninyo Ako nang may totoong pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Naramdaman ko mula sa mga salita ng Diyos na ang Kanyang disposisyon ay matuwid, banal, at hindi nalalabag. Gumagawa ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, at ang nais Niya ay ang sinseridad at debosyon ng tao. Kung ang mga pagsisikap ng mga tao ay naglalaman ng mga motibo, karumihan, pakikipagtawaran, o pandaraya, hindi lamang sila hindi sasang-ayunan ng Diyos, nasusuka at nasusuklam pa sa kanila ang Diyos, at kinokondena Niya sila. Katulad ni Pablo, na sa huli ay hindi lamang hindi pinagpala ng Diyos, kundi ipinadala para maparusahan sa impiyerno. Ang pagkakaroon ng karumihan ng pakikipagtransaksyon sa tungkulin ko ay tiyak na nakakasuklam at nakakasuka rin sa Diyos. Ang pagkakasakit ko ay lubos na naghayag ng matuwid at banal na disposisyon ng Diyos. Sa gayon, buong puso kong tinanggap ang karamdaman at nagpasakop dito.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan: “Bilang isang nilalang, kapag humarap ka sa Lumikha, kailangan mong gampanan ang iyong tungkulin. Ito ang tamang gawin, at ang responsibilidad na nasa mga balikat mo. Sa batayan na ginagampanan ng mga nilalang ang kanilang mga tungkulin, nakagawa ang Lumikha ng mas dakilang gawain sa sangkatauhan. Naisagawa Niya ang isa pang hakbang ng gawain sa sangkatauhan. At anong gawain iyon? Ibinibigay Niya sa sangkatauhan ang katotohanan, na tinutulutan silang matamo ang katotohanan mula sa Kanya habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sa ganoong paraan ay naiwawaksi ang kanilang tiwaling disposisyon at nalilinis sila. Kaya, naisasakatuparan nila ang kalooban ng Diyos at nagsisimulang tumahak sa tamang landas sa buhay, at, sa huli, nagagawa nilang matakot sa Diyos at iwaksi ang kasamaan, magtamo ng ganap na kaligtasan, at hindi na magpasailalim sa mga pagdurusang dulot ni Satanas. Ito ang epektong gusto ng Diyos na makamtan ng sangkatauhan sa huli sa pamamagitan ng pagganap sa kanilang tungkulin. Samakatuwid, sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, hindi lamang ipinapakita ng Diyos sa iyo nang malinaw ang isang bagay at ipinapaunawa ang kaunting katotohanan, ni hindi ka lamang Niya tinutulutan na matamasa ang biyaya at mga pagpapala na natatanggap mo sa pamamagitan ng pagtupad sa iyong tungkulin bilang isang nilalang. Bagkus, pinahihintulutan ka Niyang malinis at maligtas, at, sa huli, ay makapamuhay sa liwanag ng mukha ng Lumikha(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Talagang naantig ako ng mga salita ng Diyos. Ang paggawa ng isang tungkulin ay isang responsibilidad at obligasyon na hindi pwedeng iwasan ng isang nilikha, at partikular na isa itong landas upang makamit ang katotohanan at magtamo ng pagbabago ng disposisyon. Sa ating mga tungkulin, isinasaayos ng Diyos ang lahat ng uri ng sitwasyon upang ilantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at pagkatapos, sa pamamagitan ng paghatol at paghahayag ng Kanyang mga salita, at ng Kanyang pagdidisiplina, binibigyan-daan Niya tayong maunawaan ang ating katiwalian at magbago, upang hindi na magawang tiwali at mapinsala ni Satanas. Ito ang mabuting kalooban ng Diyos. Sa paglipas ng mga taon ng paggawa ko sa aking tungkulin, nagpakita ako ng maraming katiwalian sa gitna ng mga kapaligirang isinaayos ng Diyos. Nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga tiwaling disposisyon, tapos ay nagsimula akong kamuhian ang sarili ko, magsisi at magbago, at magkaroon ng kaunting wangis ng tao. Napakarami kong nakamit sa aking tungkulin, pero hindi pa rin ako nagpasalamat. Sa halip, ginamit ko ang tungkulin ko bilang alas kapalit ng mga pagpapala, isang tiket para makaiwas sa mga sakuna, at tinrato ko ang Diyos na para bang kaya ko Siyang dayain at gamitin. Kasuklam-suklam ako! Nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming katotohanan, pero hindi ko pinahalagahan ang mga ito, at inisip ko lang kung paano mabiyayaan, makatakas sa sakuna, makapasok sa kaharian at magantimpalaan. Naging masama talaga ako. Nanalangin at nanumpa ako sa Diyos na ititigil ko na ang paggawa ng tungkulin ko para lang mapagpala, bagkus hahangarin ko ang katotohanan sa aking tungkulin para masuklian ang pagmamahal ng Diyos. Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. “Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, ‘Anumang karamdaman o kasuklam-suklam na pangyayari ang itulot ng Diyos na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong sumunod, at manatili sa aking lugar bilang isang nilalang. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspetong ito ng katotohanan—ang pagsunod—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagsunod sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong manatiling tapat sa aking tungkulin,’ hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng pagpapasya at ganitong uri ng kalagayan, nagagawa mo pa bang magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi, hindi mo nagagawa. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, ‘Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa nagdaang mga taon, inalis Niya mula sa akin ang labis na sakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, napakaliit ng tayog ko, wala akong naunawaan, at lahat ng ginawa ko ay masakit sa Diyos. Maaaring wala na akong ibang pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na taglay ko at gawin ang aking makakaya para sa Diyos, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng pagtustos Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga. Hayaang maghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin.’ Mag-isip ka kaya nang ganito? Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, ‘Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin at maging matapat. Paano ako magiging matapat kapag may karamdaman ako? Paano ko magagampanan ang tungkulin ng isang nilalang?’ Basta’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gampanan ang iyong tungkulin? Basta’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi maghatid ng kahihiyan sa Diyos? Basta’t mayroon kang isang hininga, basta’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos? (Oo.) Madaling sabihing ‘Oo’ ngayon, ngunit hindi iyon magiging napakadali kapag nangyayari talaga ito sa iyo. Kaya nga, kailangan ninyong hangarin ang katotohanan, madalas na magsumikap sa katotohanan, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip ng, ‘Paano ko mapapalugod ang kalooban ng Diyos? Paano ko masusuklian ang pagmamahal ng Diyos? Paano ko magagawa ang tungkulin ng isang nilalang?’ Ano ang isang nilalang? Ang responsibilidad ba ng isang nilalang ay makinig lamang sa mga salita ng Diyos? Hindi—iyon ay ang isabuhay ang mga salita ng Diyos. Binigyan ka na ng Diyos ng napakaraming katotohanan, napakaraming daan, at napakaraming buhay, para maisabuhay mo ang mga bagay na ito, at magpatotoo ka sa Kanya. Ito ang dapat gawin ng isang nilalang, at ito ang responsibilidad at obligasyon mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay Tungkol sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Nakakaantig talaga sa akin ang mga salita ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng sangnilikha at isa akong nilikha, kaya ang kapalaran ko’y nasa Kanyang mga kamay. Pinahintulutan Niya ang sakit na iyon na dumapo sa akin, kaya mabuhay man ako o mamatay, dapat akong magpasakop sa pamumuno at pagsasaayos ng Diyos. Iyan ang pangunahing katwiran na dapat taglayin ng isang nilikha. At ang tungkulin ay isang bagay na dapat gampanan ng isang nilikha. Sa anumang oras, anuman ang mangyari, hangga’t may isang hininga ako, dapat kong gawin ang aking tungkulin. Tinamasa ko ang labis na pagmamahal ng Diyos sa paglipas ng mga taon, pero dahil hindi ko hinangad ang katotohanan, lagi ko Siyang pinagrebeldehan at sinaktan—napakalaki ng pagkakautang ko sa Diyos. Ngayon, hangga’t nabubuhay ako, dapat kong gawin ang tungkulin ko para masuklian ang pagmamahal ng Diyos. Nung sumunod na mga araw, araw-araw kong iniisip kung paano gagawin nang maayos ang tungkulin ko para palugurin ang Diyos. Ang sister na nakapartner ko ay bago pa lang sa tungkulin at hindi alam ang maraming prinsipyo ng pagbabahagi ng ebanghelyo, kaya lumitaw ang maraming problema. Naka-online akong tumutulong at gumagabay sa kanya. Madalas din akong tahimik na nagbabasa ng mga salita ng Diyos at umaawit ng mga himnong nagpupuri sa Diyos. Patuloy akong inuubo at nilalagnat, pero hindi na ako napipigilan ng sakit, at tumigil na ako sa pag-iisip kung mamamatay na ba ako. Alam kong nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ko, at gaano man ako katagal mabubuhay ay ipinapasya ng pamumuno ng Diyos. Sisikapin kong gawin nang maayos ang tungkulin ko at suklian ang pagmamahal ng Diyos hanggang sa kung anong araw Niya ako hahayaang mabuhay, at magpapasakop ako at hinding-hindi na muling magrereklamo hanggang sa kung anong araw Niya kunin ang buhay ko.

Isang gabi, walang-tigil akong umuubo, puno ng plema ang lalamunan ko, mataas din ang lagnat ko at masakit ang buong katawan ko. Nakahiga ako sa kama, sobrang hindi komportable kung kaya’t pabaling-baling ako, at hindi ako makatulog. Napaisip ako: “Malapit na ba akong mamatay? Kapag nakatulog na ako, magigising pa ba ako?” Talagang nakakabalisa sa akin na maisip ang kamatayan, at walang tigil akong umiiyak sa pag-iisip na baka hindi na ako magkaroon ng pagkakataong mabasa ang mga salita ng Diyos sa hinaharap. Bumangon ako, binuksan ang aking computer, at nabasa ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay natukoy na ng Diyos noon pa man. Maaaring lumitaw na nakamamatay ang isang karamdaman mula sa pananaw ng isang doktor, ngunit sa pananaw ng Diyos, kung kailangan pa ring magpatuloy ang buhay mo at hindi mo pa oras, hindi ka maaaring mamatay kahit gusto mo. Kung nabigyan ka ng Diyos ng isang atas, at hindi pa tapos ang iyong misyon, hindi mo ikamamatay ang isang karamdaman na dapat ay nakamamatay—hindi ka pa kukuhain ng Diyos. Kahit hindi ka nagdarasal at naghahanap ng katotohanan, o hindi mo inaasikaso ang pagpapagamot sa iyong karamdaman, o kahit ipagpaliban mo ang iyong pagpapagamot, hindi ka mamamatay. Totoo ito lalo na sa mga taong nakatanggap ng atas mula sa Diyos: Kapag hindi pa tapos ang kanilang misyon, anumang karamdaman ang dumapo sa kanila, hindi sila dapat mamatay kaagad; dapat silang mabuhay hanggang sa huling sandali ng pagtatapos ng misyon. Nagtitiwala ka ba rito? … Ang totoo ay kung ang pakikipagtawaran mo man ay para magamot ang iyong karamdaman at hindi ka mamatay, o kung may iba ka pang layon o mithiin doon, sa pananaw ng Diyos, kung kaya mong tuparin ang iyong tungkulin at mayroon ka pa ring silbi, kung nagpasya ang Diyos na gamitin ka, hindi ka mamamatay. Hindi ka mamamatay kahit pa gusto mo. Ngunit kung manggugulo ka, at gagawa ng kung anu-anong kasamaan, at lalabagin mo ang disposisyon ng Diyos, agad kang mamamatay; iikli ang iyong buhay. Ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay tinukoy na ng Diyos bago pa nilikha ang mundo. Kung kaya nilang sundin ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, magkaroon man sila ng karamdaman o hindi, o nasa mabuting kalagayan man ang kanilang kalusugan o hindi, mabubuhay sila nang ilang taon ayon sa napagpasyahan ng Diyos noon pa man. Nagtitiwala ka ba rito?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naramdaman ko ang Kanyang pagmamahal at awa, at talagang naantig ang puso ko. Mas naunawaan ko nang kaunti ang kalooban ng Diyos. Ang maipanganak ako sa mga huling araw, manalig sa Diyos at gumawa ng isang tungkulin ay itinakda ng Diyos at isa rin itong misyon na ibinigay sa akin ng Diyos. Kung tapos na ang misyon ko, kailangan kong mamatay kahit hindi ako magkasakit. Kung hindi, hindi ako mamamatay kahit na magkaroon pa ako ng sakit na nakamamatay. Hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin, pero alam kong dapat kong ilagay ang buhay ko sa mga kamay ng Diyos at sundin ang Kanyang mga pagsasaayos. Dahil naiisip na pwede akong mamatay anumang oras, talagang gusto kong kausaping muli ang Diyos mula sa puso ko. Lumuhod ako at nanalangin sa Diyos, “Diyos ko! Salamat sa pagpili Mo sa akin na pumunta sa sambahayan Mo at sa pagpapahintulot na marinig ko ang tinig Mo. Ang makamit ang pagdidilig at pagtustos ng napakarami Mong salita ay nagbigay-daan sa akin na matutunan ang napakaraming katotohanan at malaman ang mga prinsipyo ng pagiging isang tao. Pakiramdam ko’y hindi nawalan ng kabuluhan ang buhay ko. Kaya lang, napakatiwali ko, at palagi akong nagrerebelde at nananakit sa ‘Yo. Hindi ko hinangad ang katotohanan nang maayos o tunay na ginawa ang tungkulin ko para masuklian ang pagmamahal Mo. Hindi rin Kita nabigyan ng kahit katiting na ginhawa kahit kailan. Napakalaki ng pagkakautang ko sa Iyo. Hindi ko alam kung magkakaroon pa ako ng pagkakataon para masuklian ang pagmamahal Mo. Kung mabubuhay ako, gusto ko talagang hangarin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko para palugurin Ka….”

Nung gabing iyon, hindi ko namalayang nakatulog na ako. Pagkagising ko kinabukasan, ganap na magaan ang pakiramdam ko, na parang hindi man lang ako nagkasakit. Maayos ang pakiramdam ng lalamunan ko, walang anumang sobrang plema. Nagmadali akong kunin ang temperatura ko at nakitang bumalik na ito sa normal. Talagang naantig ako, at alam kong ito ang awa at proteksyon ng Diyos para sa akin. Bagamat nung nahawahan ako ng coronavirus ay nagpakita ako ng labis na pagrerebelde at paglaban, hindi ako tinrato ng Diyos ayon sa aking mga paglabag, kundi binantayan pa rin Niya ako. Hindi ko napigilan ang mga luha ko, at inialay ko ang pasasalamat at papuri ko sa Diyos.

Lumipas ang dalawang buwan at nanatiling normal ang temperatura ko sa buong panahong ‘yon. Hindi na bumalik ang virus, at bago ko pa namalayan, tuluyan na akong gumaling. Marami na ang namatay sa pandemyang ito, at nakaligtas ako ganap na dahil sa kamangha-manghang pangangalaga at pagliligtas ng Diyos sa akin. Ang mahawahan ng virus na ito ay naglantad ng mga motibo at karumihan sa aking pananampalataya at tungkulin, na nagbigay-daan sa akin na makita ang aking masamang motibo na makipagkasundo sa Diyos para sa mga pagpapala, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa at pagkasuklam sa aking sarili. At saka, nagkamit ako ng ilang praktikal na karanasan at pagkaunawa sa banal at matuwid na disposisyon ng Diyos, at nagkaroon ng pagpapasakop sa pamumuno at mga pagsasaayos ng Diyos. Nakaranas ako ng kaunting pagpipino at pasakit sa sitwasyong ito, pero napakarami kong nakamit, mga bagay na hindi ko makakamit sa komportableng sitwasyon. Sa tuwing iniisip kong muli kung ano ang natamo ko mula sa karanasang ito, napupuno ako ng pasasalamat at papuri sa Diyos. Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa pagmamahal at pagliligtas Niya!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagkalas sa mga Buhol ng Puso

Ni Chunyu, Tsina Nangyari ’yon nung nakaraang tagsibol habang nasa tungkuling pang-ebanghelyo ako sa iglesia. Noong panahong ’yon, nahalal...