Ang Katanyagan ay Isang Sumpa

Hulyo 9, 2022

Ni Xiaoen, Spain

Noong nakaraan, isang superbisor na namamahala sa iglesia ay inilipat dahil sa pangangailangan sa gawain at kailangang pumili ng bagong superbisor. Naisip ko, “Karamihan ng nasa iglesia ay mga baguhan, at ako lang ang tagapagdilig. Baka may ibang superbisor na ililipat mula sa ibang iglesia.” Ngunit pagkaraan ng ilang araw, sinabi ng mga lider na dapat itaas ng ranggo si Sister Yang bilang superbisor. Nang marinig ko ito, nagulat ako, at naisip ko, “Bihirang nagbabahagi si Sister Yang sa mga pagpupulong. Paanong siya ang dapat itaas ng ranggo? Isa pa, sa normal na sitwasyon, ang superbisor ay pinipili mula sa mga tauhan ng pagdidilig. Kung mas pipiliin ng mga lider si Sister Yang kaysa ibilang ako, ibig sabihin mas mababa ako kay Sister Yang sa paningin nila. Paano ako mas mababa kay Sister Yang? Bakit siya ang pinili nila sa halip na ako?” Masyado akong nadismaya. Pakiramdam ko ay nakakahiya na piliin si Sister Yang kaysa sa akin bilang superbisor. Isa itong kahihiyan, at isang malaking dagok sa akin, kaya nagkaroon ako ng mga opinyon tungkol sa mga lider, at naramdaman kong minamaliit nila ako. Kapag nakikipagtulungan ako kay Sister Yang sa aking tungkulin, masyado ring nagtatalo ang kalooban ko.

Minsan, ninais ni Sister Yang na makipagtipon sa mga baguhan, kaya sinabi niya sa akin na maghanda ng ilang salita ng Diyos na pagbabahaginan batay sa kanilang mga kalagayan, at hiniling sa akin na tulungan siya sa pagbabahagi. Ayaw ko talaga, at naisip ko, “Trabaho mo ito. Kung gusto mong maghanap ako ng salita ng Diyos at tulungan kang magbahagi, ano kung gayon ang silbi mo bilang superbisor?” Pero para hindi masaktan ang pride niya, hindi ko sinabi ito. Ang nagawa ko na lang ay atubiling sumang-ayon. Pagkatapos, sa pangalawang pagkakataon, hiniling niya sa akin na maghanap ng salita ng Diyos at tulungan siyang makipagbahaginan sa mga baguhan. Lalo akong naging tutol, iniisip ko, “Hindi ako superbisor, kaya hindi ko ito gagawin. Gawin mo ito nang mag-isa, at pagkatapos ay makikita mo na hindi ganoon kadali ang maging isang superbisor!” Kaya, pagkatapos kong tingnan ang mga bahagi ng salita ng Diyos, sinabi ko sa kanya, “Mauna ka na at magbahagi ka nang mag-isa.” Sinabi niya na mas naiintindihan ko ang mga kalagayan at suliranin ng mga baguhang iyon, at ako ang naghanap ng salita ng Diyos, kaya makakagawa kami ng mas magagandang resulta kung magkasama kaming makipagbahaginan, at magiging mas epektibo ang pagtitipon. Alam kong tama ang sinabi niya, pero ayaw ko lang makipagtulungan sa kanya. Naisip ko, “Ngayong ikaw ang namamahala, problema mo na iyon kung hindi epektibo ang pagtitipon. Kung mas maagang malaman ng mga lider, mas mabuti. Sa ganoon, makikita nila ang iyong ‘totoong talento,’ at mauunawaan nila ang mga kahihinatnan ng pagpili sa iyo sa halip na ako.” Kaya, nagdahilan ako, sinabing may iba akong pagtitipon at hindi ako makakapunta. Sinabi niya na mas mahalaga ang pagtitipon na ito, at hiniling kung pwede kong baguhin ang oras ng isa pang pagtitipon, pero tumanggi pa rin ako sa kadahilanang hindi ko na mababago ang oras. Tapos ay hiniling niya sa akin na pumunta sa kanyang pagtitipon pagkatapos na pagkatapos ng aking pagtitipon. Ayaw kong pumunta, kaya walang gana kong sinabi, “Susubukan ko.” Matapos siyang tanggihan, nakaramdam ako ng kaunting pagkabalisa. Alam kong hindi ko itinataguyod ang gawain ng iglesia, pero hindi ko pinagnilayan ang sarili ko pagkatapos niyon. Nang dumating ang araw ng pagtitipon, kahit na ang sarili kong pagtitipon ay natapos nang mas maaga, hindi ako pumunta sa pagtitipon ni Sister Yang. Kalaunan, nalaman ko na walang gaanong nalalaman si Sister Yang tungkol sa mga baguhang iyon, at ang pagbabahagi niya ay hindi nakapuntirya sa mga kalagayan nila, kaya hindi naging epektibo ang pagtitipon. Dahil hindi ako nakipagtulungan sa kanya, paglipas ng ilang panahon, hindi nagbunga ng magagandang resulta ang buhay-iglesia. Ang mga problema at suliranin ng mga baguhan ay hindi nalutas sa oras, ayaw na nilang pumunta sa mga pagtitipon, at maging ang isang lider ng grupo na dating aktibo ay tumigil na sa pagpunta sa mga pagtitipon. Alam na alam kong may malinaw akong responsibilidad sa pagiging hindi epektibo ng buhay-iglesia. Noon lamang ako lumapit sa Diyos para pagnilayan ang aking sarili.

Nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagbubunyag sa mga anticristo. “Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mga manloloko, nakikipagsabwatan, at tampalasan, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag napag-alaman nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla na lang silang nagbabago. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, lahat ng gawin nila ay mababang uri, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang naloloko, lumalabas ang poot, inggit, at paghihiganti. Hindi lamang sila walang takot sa Diyos, wala rin sila ni katiting na pagsunod. Bukod pa rito, sa kanilang mga puso, malamang na kapootan nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; pinakaaasam-asam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinapopootan din nila ang sinumang naghahangad ng katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magsakripisyo. Ito ang disposisyon ng anticristo—at hindi ba’t malupit ito?(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalawang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Habang binabasa ko ang salita ng Diyos, pakiramdam ko ay inilalantad ako ng Diyos nang harapan. Sa buong panahong ito, namuhay ako para sa katanyagan at katayuan. Nang makita kong itinaas ng ranggo ng mga lider si Sister Yang bilang superbisor sa halip na ako, hindi ko pinagnilayan ang mga problema ko, kundi sa halip ay hindi nasiyahan, nagreklamo na minaliit ako ng mga lider, at ayaw gampanan ang aking tungkulin. Nang hilingin sa akin ni Sister Yang na makipagtulungan sa kanya sa pakikipagbahaginan sa mga baguhan, ayaw ko talagang gawin. Inasam ko pa nga na maging hindi epektibo ang kanyang pagtitipon, na magpapahiya at hahamak sa kanya, para magmukha akong mas magaling kaysa sa kanya, na maaaring magpakita sa mga lider na isang pagkakamali ang hindi pagpili sa akin sa simula pa lang. Lubos akong kasuklam-suklam at mapanira! Kahit na mahadlangan ang gawain ng iglesia, gusto kong protektahan ang reputasyon at katayuan ko. Hindi ba ako nagpapakita ng kalupitan dito? Kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga bagay. Nang napagtanto ko ito, nakonsensya ako at nagsisi, at natanto ko kung gaano kalaki ang utang ko sa Diyos, kaya nanalangin ako, “Diyos ko! Hindi ko po naisip kung paano isaalang-alang ang kalooban Mo sa aking tungkulin, naging mahirap akong pakisamahan, kumilos nang hindi makatwiran, at hindi nakipagtulungan sa sister ko, at hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Wala talaga akong pagkatao! Diyos ko! Nais ko pong tanggapin ang Iyong paghatol at pagkastigo at seryosong pagnilayan ang aking sarili.”

Pagkatapos, nakipag-usap ako sa isang sister tungkol sa kalagayan ko, at pinadalhan niya ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos. “Para sa isang anticristo, kung ang reputasyon o katayuan niya ay inaatake o inaalis, mas seryosong bagay pa ito kaysa sa pagtatangkang kitilin ang kanyang buhay. Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan niya o kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang basahin niya, hindi siya makakaramdam ng kalungkutan o pagsisisi na hindi niya naisagawa kailanman ang katotohanan at kanyang tinahak ang landas ng isang anticristo, o dahil sa nagtataglay siya ng kalikasan at diwa ng isang anticristo. Sa halip, lagi siyang nag-iisip ng paraan upang magtamo ng katayuan at pataasin ang kanyang reputasyon. Masasabi na ang lahat ng ginagawa ng ganitong klase ng tao ay ginagawa sa harapan ng iba, at hindi sa harapan ng Diyos. Bakit Ko nasasabi ito? Ito ay dahil labis na nahuhumaling ang gayong mga tao sa katayuan na itinuturing nila ito bilang pinakabuhay na nila, bilang panghabambuhay nilang mithiin. Higit pa rito, dahil mahal na mahal nila ang katayuan, hindi sila kailanman naniniwala sa pag-iral ng katotohanan, at masasabi pa ngang hinding-hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Kaya, gaano man sila magkalkula upang magkamit ng reputasyon at katayuan, at gaano man nila subukang magpanggap upang lokohin ang mga tao at ang Diyos, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, wala silang kamalayan o pagkakonsensya, lalo na ng anumang pagkabalisa(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang mithiing hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang sundin o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng katanyagan at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanilang mga kilos, o nakakatulong ba sila upang maisulong ito? Malinaw na hadlang sila; hindi nila ito napapasulong. Lahat ng nagsusulong ng paggawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang katanyagan at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagampanan ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa totoo lang, ay nakakagambala, nakakaantala, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Sa pamamagitan ng inihayag ng salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pag-ayaw kong makipagtulungan sa gawain ni Sister Yang, ang pagiging mahirap kong pakisamahan, at ang aking hindi makatwirang pag-uugali, ay lahat dahil labis kong pinahahalagahan ang katanyagan at katayuan. Hindi ako handang maging mababa sa iba o pangunahan ng iba, at inuna ko ang aking katanyagan at katayuan higit sa lahat, na para bang ito ang aking buhay. Nang makita kong itinaas ng ranggo si Sister Yang, nakaramdam ako ng inggit at kawalang-kasiyahan. Masyado rin akong tutol sa kanya, at ayaw kong gawin ang tungkulin ko kasama siya. Naging mapanlinlang pa ako at sadyang hindi nakipagtulungan sa kanya para ipahiya siya. Bagamat napagtanto kong hindi ito pagtataguyod ng buhay-iglesia, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos, masyado akong nahumaling sa reputasyon at katayuan kaya isinantabi ko ang mga interes ng iglesia. Paano ko masasabing ginagawa ko ang aking tungkulin? Malinaw na ginagambala at ginugulo ko ang gawain ng iglesia! Palaging nakikipaglaban si Pablo para sa katayuan at laging gustong tingalain at hangaan. Nang makita niya ang katanyagan ni Pedro sa simbahan, siya ay nainggit at hindi nasiyahan, kaya minaliit niya si Pedro at itinaas ang sarili. Walang pinagkaiba ang ginawa ko sa ginawa ni Pablo. Hindi ako nagsusumikap sa paghahanap sa katotohanan, at hindi ko inisip kung paano makikipagtulungan sa mga kapatid at magiging tapat sa tungkulin. Sa halip, para magkaroon ng katayuan at mapatingala sa akin ang mga tao, ginambala ko ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ako ay walang iba kundi isang alagad ni Satanas. Masyado akong sinaktan ng katanyagan at katayuan. Ayaw ko nang hangarin pa ang katayuan. Nais kong hanapin ang katotohanan para lutasin ang aking tiwaling disposisyon sa lalong madaling panahon.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos. “Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at nililinis ng Diyos. Wala nang higit pang kinamumuhian ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkumpitensya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. At sa likas na katangian, hindi ba’t ang lahat ng ito’y pagkontra sa Diyos? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli’y ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, isang hamak at walang-kabuluhang nilalang ng Diyos—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektibo ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahanggad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi kapuri-puri para sa Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban isa lamang ang kahihinatnan nito: Mailalantad ka at mapapalayas, na walang kahahantungan. Nauunawaan mo ito, hindi ba?(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Sa salita ng Diyos, nakita ko ang pangaral at babala ng Diyos sa mga tao, at na kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang paghahangad ng katayuan. Kung hindi ako nagsisi, sa huli ay mapupunta ako sa isang landas na walang labasan. Napakaraming katotohanan ang ipinahayag ng Diyos, at binigyan ako ng pagkakataong gawin ang aking tungkulin para mahanap ko ang katotohanan sa aking tungkulin, malaman ang katotohanan, at makapasok sa mga realidad nito, pero pikit-mata kong hinangad ang katanyagan at katayuan. Hindi ba ito pagsalungat sa mga hinihingi ng Diyos? Upang iligtas ang mga tao, na labis na nagawang tiwali, ang Diyos ay personal na naging tao at pumarito sa lupa, ang Diyos ay kataas-taasan at dakila, ngunit hindi Siya kailanman nagmamayabang. Ipinapahayag Niya ang katotohanan at ginagawa ang gawain ng pagliligtas sa mga tao nang palihim. Napakamapagkumbaba at napakakaibig-ibig ng Diyos! Isa akong nilalang na puno ng dumi at katiwalian, pero palagi kong gustong magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao at mahikayat sila na tingalain ako. Napakayabang nito at napakawalang-kahihiyan! Naisip ko rin ang mga anticristo na itiniwalag sa sambahayan ng Diyos. Upang makipagkumpitensya para sa katayuan, inatake nila at ibinukod ang mga sumasalungat kahit saan, at hindi kailanman nag-atubiling pinsalain ang mga interes ng iglesia o lubhang gambalain ang gawain ng iglesia. Sa huli, nilabag nila ang disposisyon ng Diyos at ibinunyag at pinalayas. Noong panahong iyon, hindi ako gumanap ng positibong papel, at ginambala ko ang gawain ng iglesia para hangarin ang katanyagan at katayuan. Ang paghatol at pagbubunyag ng mga salita ng Diyos ang tumulong sa akin na makilala ang sarili at maunawaan ang kalooban ng Diyos. Sumumpa ako sa sarili ko na magsisisi ako nang tama at hindi magpapatuloy sa maling landas.

Nang medyo nagbago ang kalagayan ko, nagbago rin ang pananaw ko kay Sister Yang. Nakita ko na nagdala siya ng pasanin sa tungkulin niya, at lahat ng aspeto ng kanyang gawain ay nagawa nang maayos. Bagamat may ilang gawaing hindi pa niya naranasan noon, kaya niyang mapagkumbabang maghanap sa iba at makipagtulungan sa iba para magampanan nang maayos ang kanyang tungkulin. Siya ay responsable sa kanyang tungkulin, hinahangad ang katotohanan, at maaari siyang linangin. Samantala, ako ay tamad at hindi nagdala ng tunay na pasanin at walang pagpapahalaga sa responsibilidad sa aking tungkulin, matindi ang pagnanais ko para sa katayuan, at hindi ako angkop bilang isang superbisor. Hindi ako pinili ng mga kapatid. Mayroon silang pagkakilala at kumilos nang may prinsipyo. Hindi ako dapat makipaglaban sa kanya. Dapat akong matuto mula sa kanyang mga kalakasan at makipagtulungan sa kanya upang gawin nang maayos ang gawain ng iglesia.

Kalaunan, isang beses, binanggit ni Sister Yang na may ilang problema ang isang baguhan, at tinanong ako kung mayroon bang magagandang solusyon. Naisip ko, “Kung sasabihin ko sa kanya ang mga iniisip ko, at malutas niya ang problema, titingalain siya ng mga baguhan, hindi ako.” Nang magkaroon ako ng saloobing ito, napagtanto kong iniisip ko na naman ang reputasyon at katayuan ko, kaya agad akong nanalangin sa Diyos. Sa oras na iyon, naisip ko ang mga salita ng Diyos, “Kailangan mong matuto na hayaan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling manamantala sa sandaling magkaroon ka ng pagkakataong mamukod-tangi o magkamit ng karangalan. Dapat mong maisantabi ang mga bagay na ito, ngunit huwag mong ipagpaliban ang pagsasagawa ng iyong tungkulin. Maging isang taong gumagawa nang patago, at hindi nagpapasikat sa iba habang matapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Kapag lalo mong binitiwan ang iyong kasikatan at katayuan, lalo mong bibitiwan ang sarili mong mga interes, mas mapapayapa ka, mas magkakaroon ng liwanag sa loob ng puso mo, at mas bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpupumilit at nakikipagkumpitensya, lalong didilim ang kalagayan mo. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, subukan mo at makikita mo! Kung gusto mong baligtarin ang ganitong klase ng tiwaling kalagayan, at hindi ka makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan, at malinaw na maunawaan ang diwa ng mga bagay na ito, at pagkatapos ay isantabi ang mga ito, isuko ang mga ito(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Tinukoy ng salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa para sa akin. Pagdating sa sarili kong reputasyon at katayuan, kailangan kong matutong tumalikod, bumitaw, at magrekomenda ng iba, gawin ang tungkulin ko sa harap ng Diyos, at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Ito ang tamang paghahangad, at ito ay naaayon sa kalooban ng Diyos. Ngayon, lumalapit sa akin ang sister ko para talakayin ang mga paraan sa paglutas ng problema, at sinuman ang magmukhang nakalutas nito, ang pinakamahalaga ay malutas ang mga problema ng mga baguhan. Isa rin itong pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos na isagawa ang katotohanan. Nang maisip ito, sinabi ko sa sister ang lahat ng naunawaan ko. Pagkatapos magsagawa nang ganito, nakaramdam ako ng katiwasayan at kaginhawahan. Pagkatapos niyon, kapag tinatanong ako ng sister kung paano lutasin ang mga problema ng mga baguhan, sinasabi ko sa kanya ang aking mga saloobin at ideya, at kahit ano pa ang isaayos niyang gawin ko, kaya ko itong tratuhin nang tama. Alam ko na ito ang tungkulin ko, at kusang-loob kong inalok ang aking kontribusyon. Sa ganitong paraan, naging normal ang pakikipagtulungan ko sa kanya, at naging mas epektibo ang buhay-iglesia.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting kaalaman sa aking maling landas ng paghahangad sa katanyagan at katayuan. Nakita ko na sa aking paghahangad ng katanyagan at katayuan, nagagawa ko ang mga bagay na nakakapinsala sa mga interes ng iglesia, at nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Talagang naramdaman ko na ang paghahangad sa katanyagan at katayuan ay hindi ang tamang landas. Nagsasanhi lang ito na labanan pa lalo ng mga tao ang Diyos, at sa huli ay itatakwil ng Diyos. Kasabay nito, naunawaan ko rin na ang gusto ng Diyos ay iyong mga kayang tumuon sa paghahanap sa katotohanan at pagbabago sa disposisyon sa kanilang tungkulin. Sa pamamagitan lamang ng pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha sa praktikal na paraan tayo magiging nakaayon sa kalooban ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Pagbabago Matapos Maiwasto

Ni Yong Zhi, Timog Korea Nung Marso, namahala ako sa paggawa ng video ng iglesia. ‘Di ko nauunawaan nang lubos ang marami sa mga prinsipyo...

Inalis ng mga Salita ng Diyos ang Aking mga Pagkaunawa

Marami pang salita ng Diyos ang nakita ko: “Labis na nakakapagod para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon, ngunit ito'y sa pamamagitan ng naturang paghihirap na gumagawa ang Diyos ng yugto ng Kanyang gawain upang ipahayag ang Kanyang karunungan at mga nakakamanghang mga gawa. Ginagamit ng Diyos ang pagkakataong ito upang gawing ganap itong kalipunan ng tao.