Mga Aral na Natutunan Mula sa Pag-atake

Abril 7, 2022

Ni Xiaowen, Spain

No’ng nakaraang taon, kami ni Sister Liu ang namamahala sa gawaing video ng simbahan. Mas marami siyang propesyonal na kasanayan at karanasan kaysa sa’kin, kaya humihingi ako ng tulong sa kanya tuwing nagkakaproblema ako. Maayos ang samahan namin. Minsan noong gumagawa ako ng isang video, nakagawa ako ng napakasimpleng pagkakamali, at dumating siya agad para tulungan ako sa bagay na ’to. Habang inaasikaso iyon, tinanong niya ako, “Medyo matagal mo nang ginagawa ’to, kaya paano ka nakagawa ng ganoon kasimpleng pagkakamali?” Nakaramdam ako ng pagtutol sa loob ko, iniisip na diretsa niya akong kinausap nang gano’n, na para bang hindi ako magaling. Tiyak na mababa ang tingin niya sa akin. Inayos ko ang problema kalaunan, pero nang may mapanlabang kalooban. Pagkalipas ng ilang araw, may mga kapatid na nagkaroon ng mga parehong problema, at nang ibuod ang mga ito sa isang pagtitipon, ginamit ni Sister Liu ang aking pagkakamali bilang isang halimbawa. Mas lalo akong nakaramdam ng pagtutol. Naisip ko na isa ako sa mga superbisor, kaya ano na lang ang iisipin ng lahat sa akin kung sasabihin niya ang pagkakamali ko sa harap nila? Rerespetuhin pa ba nila ako? Inisip kong gusto niya akong magmukhang masama. Sinimulan ko siyang hindi pansinin pagkatapos niyon at ayaw kong tanungin siya tungkol sa mga problemang nahihirapan akong lutasin. Sa aming mga talakayan sa trabaho, umaalis ako kaagad kapag tapos na kami, ayaw kong makarinig ni isa pang salita mula sa kanya. Kapag kinakausap niya ako tungkol sa kanyang sitwasyon, pinipilit ko lang ang aking sarili na magsabi ng ilang bagay, at hindi ako makapaghintay na matapos siya.

Kalaunan natanggal ako sa aking posisyon dahil naghahabol ako ng katayuan sa halip na gumagawa ng totoong gawain, at nagkaroon ako ng ibang tungkulin sa grupo. Matapos ang kaunting panahon, tinanong ako ni Sister Liu kung kumusta na ako at nagtapat ako tungkol sa aking personal na pagninilay mula noong ako’y natanggal. Akala ko aaluin niya ako at palalakasin ang loob ko, pero hindi ko inaasahang sinabi niya, “Mas maagap ka sa iyong tungkulin kamakailan, ngunit mababaw ang iyong pang-unawa. Hindi mo pa talaga napagnilayan ang ugat ng iyong mga kabiguan. Nagkausap kami ni Sister Wang tungkol dito, at sumasang-ayon siya….” Nakakahiya na marinig siyang direktang inihahayag ang mga problema ko. Naramdaman kong wala siyang pakialam sa damdamin ko, at ang pagsasabi niyon sa harap ng ibang mga kapatid ay sadyang pagsira sa aking imahe. Hindi ko na tinanggap ang anumang sinabi niya sa akin pagkatapos nu’n. Binigyan ko siya ng maikling sagot ngunit nagpipigil ako ng matinding galit. Naisip kong hindi ko na ibabahagi sa kanya ang totoo kong nararamdaman, na gano’n din ang gagawin ko sa kanya sa susunod na magkaro’n ako ng pagkakataon. Simula noon, maliban sa mga bagay na dapat naming pag-usapan sa trabaho, ginawa ko ang lahat para hindi siya makausap. Ni hindi ko na gustong marinig pa ang boses niya.

Isang hapon, may sister sa aming grupo ang nagmensahe na kailangan niya akong makausap agad. Gumagawa ako ng isang video noon at hindi ko agad nakita ang mensahe, na nakaantala ng aming trabaho. Nakita iyon ni Sister Liu at tumawag siya para itanong kung bakit hindi ako nakasagot kaagad, tapos sinabi niyang, “Nakikita kong pareho pa rin ang problema mo. Hindi ka mabilis tumugon sa mga mensahe at kung minsan hindi ka namin mahanap. Napakaimportante nitong proyektong pinamamahalaan mo—hindi ito maaaring maantala.” Pero talagang nakaramdam ako ng pagtutol at ayaw ko talagang tanggapin ang sinabi niya. Pakiramdam ko naging iresponsible ako dati, nakatutok lang sa sarili kong gawain, ngunit pagkatapos kong matanggal, sinimulan kong baguhin ang aking sarili. Hindi ba’t ang pagsasabi nu’n sa akin ay pagbabalewala lang ng lahat ng aking pinaghirapan kamakailan? Mababa ba ang tingin niya sa akin at inakala ba niyang hindi ko hinanap ang katotohanan? Ang pagkiling ko laban kay Sister Liu pagkatapos nu’n ay tumindi nang tumindi. Minsan ’pag nakikita kong nagmensahe siya sa akin tungkol sa trabaho, ni ayaw kong sumagot. Hindi nagtagal, hiniling ng lider na sumulat ako ng assessment ni Sister Liu. Pakiramdam ko dumating na ang pagkakataon ko. Lagi niya akong inilalantad, ngunit sa pagkakataong ito ay mailalantad ko na siya para matikman niya ito. Kaya detalyado kong isinulat ang mga problema sa kanya at nagtuon ako sa kung paano niya binalewala ang aking damdamin sa kanyang mga salita at kilos, at ang mga hindi niya paggawa ng praktikal na gawain. Kalaunan narinig kong binasa iyon ng lider at ipinakita nito kay Sister Liu ang mga problema niya, pagkatapos ay sinadya ni Sister Liu na magsikap magbago. Pero hindi ko pa rin mapakawalan ang pagkiling ko laban sa kanya. Kaya minsan, ginamit ko ang pagkakataong makipagbahaginan ng mga salita ng Diyos sa isang pagtitipon para ilabas ang lahat ng sama ko ng loob laban sa kanya.

Naisip ko kung paanong wala siyang pagsasaalang-alang sa nararamdaman ko, kaya dapat ko siyang punahin para makita ng lahat na marami rin siyang isyu, at hindi mas mahusay kaysa sa akin. Banayad ko siyang inilantad, sinasabing, “Maaaring ang isang tao ay superbisor at may mga teknikal na kasanayan, ngunit wala siyang galang sa kung paano siya magsalita at punahin ang mga problema ng iba. Minsan napakamaawtoridad pa ng tono niya, sinasabing ito at iyan ay mali sa ibang tao, na nakapagpaparamdam sa kanilang nalilimitahan sila sa kanilang tungkulin. Pinipigilan nito ang mga tao, at indirektang nakakagambala sa buhay iglesia. Kailangan nating magkaroon ng pagkakilala sa ganitong uri ng tao.” Pakiramdam ko’y nailabas ko ang aking sama ng loob, pero naging tahimik sa loob ng ilang minuto—wala nang nagbahagi pa. Medyo nabagabag ako no’n. Hindi ako siguradong angkop ang pagbabahagi ko, pero naisip kong lahat ng sinabi ko ay totoo, kaya dapat walang anumang mali tungkol dito. Inalis ko ’to sa isip ko. ’Di inaasahang sinabi sa’kin ng lider pagkaraan ng ilang araw na ako ay naging mapanghusga kay Sister Liu sa ’di direktang paraan sa pagtitipon na iyon, at iyon ay pag-atake at pagkondena sa kanya. Maaaring makasakit ’yon sa kanya at makuha ang mga kapatid na pumanig sa’kin, magkaroon ng pagkiling laban kay Sister Liu at hindi suportahan ang gawain niya. Ito ay nakakasira at nakakagambala. Talagang kinabahan at natakot ako nang marinig ang pagsusuri ng lider. Alam kong sinasabi ng mga salita ng Diyos na ang basta-bastang pagkondena sa isang tao sa pagtitipon ay nakakagambala sa buhay iglesia, at iyon ay paggawa ng masama. Alam kong ang kalikasang kumilos sa gano’ng paraan ay delikado. Matapos ng aming pag-uusap, nakakita ako kaagad ng ilang salita ng Diyos na may kaugnayan dito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa mga iglesia saanman, madalas na nagaganap ang di-makatwirang pagkokondena, pagbabansag, at pagpaparusa sa mga tao. Nagkikimkim ang ilang tao ng masamang palagay laban sa iba, kaya inilalantad at sinusuri nila ang iba sa pagkukunwari na nagbabahagi ng katotohanan. Ang mga layunin at mithiin nila sa paggawa nito ay mali. Kung ang layon talaga ng pagbabahagi ng katotohanan ay ang patotohanan ang Diyos at makinabang din ang iba, dapat kang magbahagi tungkol sa sarili mong mga karanasan, pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili, at magdulot ng pakinabang sa iba sa pamamagitan ng pagsusuri ng iyong sarili. Mas magiging epektibo ito, at sasang-ayunan ito ng mga hinirang ng Diyos. Kung ginawa ito sa layon na ilantad, batikusin, at maliitin ang iba upang iangat ang iyong sarili, hindi sasang-ayon ang Diyos, at hindi makikinabang ang iyong mga kapatid sa anupamang paraan. Kung intensyon ng isang tao na kondenahin at parusahan ang iba, ang taong ito ay isang masamang tao na nag-umpisa nang gumawa ng masasamang gawa. Dapat makilala ng mga hinirang ng Diyos ang masama. Kung sinasadya ng isang tao na ilantad at maliitin ang iba dahil sa kanilang tiwaling disposisyon, dapat siyang mapagmahal na tulungan; kung hindi niya matanggap ang katotohanan at nagpupumilit sa mga kilos na ito sa kabila ng mga paulit-ulit na tangkang turuan siya, kung gayon ay ibang usapan na ito. Pero para sa mga masasamang tao na madalas na di-makatwirang kinokondena, binabansagan, at pinarurusahan ang mga tao, dapat ay lubusan silang ilantad nang sa gayon ay makilala sila ng lahat, at pagkatapos ay dapat silang pagbawalan. Kinakailangan ito, dahil ginagambala ng gayong mga tao ang buhay-iglesia at ginugulo ang gawain ng iglesia, at malamang na linlangin nila ang mga tao at magdala ng matinding kaguluhan sa iglesia(Pagkilala sa mga Huwad na Lider (15)). “Ang pagbatikos at paghihiganti ay isang uri ng kilos at pagbubunyag na nagmumula sa malisyosong satanikong kalikasan. Isa rin itong uri ng tiwaling disposisyon. Ganito mag-isip ang mga tao: ‘Kung hindi ka mabait sa akin, hindi ako magiging makatarungan sa iyo! Kung bastos ka sa akin, magiging bastos din ako sa iyo! Kung hindi mo ako pakikitunguhan nang may dignidad, bakit kita pakikitunguhan nang may dignidad?’ Anong klaseng pag-iisip ito? Hindi ba ito isang mapaghiganting klase ng pag-iisip? Sa mga pananaw ng isang karaniwang tao, hindi ba posible ang ganitong perspektibo? Hindi ba ito makatwiran? (Oo.) ‘Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako; kung inatake ako, tiyak na gaganti ako ng atake,’ at ‘Ito ang karma mo’—madalas na sabihin ng mga di-mananampalataya ang gayong mga bagay; sa kanila, ang lahat ng ito ay mga pangangatwirang tama at lubos na umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Subalit paano nga ba dapat tingnan ng mga naniniwala sa Diyos at ng mga naghahanap ng katotohanan ang mga salitang ito? Tama ba ang mga ideyang ito? (Hindi.) Bakit hindi tama ang mga ito? Paano ba dapat isalarawan ang mga ito? Saan ba nanggagaling ang mga bagay na ito? (Mula kay Satanas.) Walang pagdududang nanggagaling ang mga ito kay Satanas. Sa anong bahagi ni Satanas nagmumula ang mga ito? Nagmumula ang mga ito sa malisyosong kalikasan ni Satanas; nagtataglay ang mga ito ng lason, at tinataglay ng mga ito ang totoong mukha ni Satanas na puno ng pagkamalisyoso at kapangitan. Tinataglay ng mga ito ang pinakadiwa ng kalikasang iyon. Ano ang kalikasan ng mga perspektibo, saloobin, pagpapahayag, pananalita, at pati na rin ang mga kilos na nagtataglay ng diwa ng kalikasang iyon? Hindi ba mula kay Satanas ang mga iyon? Mula nga sa kanya. Umaayon ba sa katauhan ang mga aspetong ito ni Satanas? Umaayon ba ang mga ito sa katotohanan? May batayan ba ang mga ito sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Ang mga ito ba ang mga pagkilos na dapat gawin ng mga sumusunod sa Diyos, at mga saloobin at pananaw na dapat nilang taglayin? (Hindi.) Kaya kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay o iniisip ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan, o ipinapahayag ang mga bagay na iyon, umaayon ba ito sa kalooban ng Diyos? Dahil nanggagaling ang mga bagay na ito kay Satanas, umaayon ba ito sa pagkatao, na may konsensya at katwiran? (Hindi umaayon ang mga ito.)” (“Ang Paglutas Lang sa Iyong Tiwaling Disposisyon ang Makapagpapalaya sa Iyo mula sa Isang Negatibong Kalagayan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nang ihambing ko ang pag-uugali ko sa mga salita ng Diyos, natakot talaga ako. Sa aking pakikipag-ugnayan kay Sister Liu, ’pag pribado niyang binabanggit ang mga problema ko nang hindi naaapektuhan ang aking katayuan o imahe sa iba, kaya kong tanggapin ’to, pero kalaunan ’pag sinusuri niya ang mga kamalian ko sa harap ng lahat, pakiramdam ko’y napapahiya ako. Nang maisip kong bababa ang tingin ng iba sa akin, namuhi ako sa kanya at ayaw ko siyang kausapin. Nagsawalang-bahala lang ako sa kanya sa aming mga pag-uusap tungkol sa trabaho. Nang makita niya ang mga isyu ko at naging napakaprangka tungkol dito at nakipag-usap sa isa pang superbisor tungkol sa akin sa gano’ng paraan, galit na galit ako. Pakiramdam ko, sa isang iglap, sinira niya ang magandang imahe na pinaghirapan kong itaguyod, nakaramdam ako ng matinding pagtutol na ni ayaw kong marinig ang boses niya. Nang banggitin niyang hindi ako tumugon sa mga mensahe sa oras at pagsabihan akong huwag antalain ang gawain gaya ng dati, pakiramdam ko’y nililimitahan niya ako, itinatangging nagbago na ako, at pinapahirapan ako. Inilabas ko ang inis ko sa pamamagitan ng aking tungkulin, sinasadyang hindi tumugon sa kanya. Tumindi nang tumindi ang pagkiling ko laban kay Sister Liu at napuno ako ng sama ng loob sa kanya. Sa aking assessment para sa lider, ginamit ko iyon para sa personal kong hinaing, binibigyang-diin ang kanyang mga kapintasan nang sa gayo’y iwawasto siya ng lider o tatanggalin pa nga, at giginhawa ang pakiramdam ko. Dahil nais kong maghiganti sa kanya, hinusgahan ko siya na may masamang pagkatao sa pagbabahaginan sa isang pagtitipon at sinubukan kong makilala at ihiwalay siya ng iba para mailabas ko ang galit ko. Nagbunyag ako ng isang masamang disposisyon, nang walang kahit katiting na pagkatao o katwiran. Ang paghahayag ni Sister Liu sa mga bagay na ’to at pamumuna sa’kin ay ang kanyang pagiging responsable para sa gawain ng sambahayan ng Diyos at pagtulong sa aking makilala ang aking sarili, ngunit hindi ko ito tinanggap. Naging masama ako at ginagamit ko ang aking tungkulin para ilabas ang aking pagkayamot, ginagamit pa ang mga salita ng Diyos para atakihin at tuligsain si Sister Liu. Sinusubukan kong bumuo ng isang grupo, ginugulo ang buhay iglesia at sinasabotahe ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang ilang salita mula kay Sister Liu ay nakapinsala sa aking katayuan, kaya umatake ako, gustong maghiganti. Nakakatakot ako. Kahit ang isang makatwirang ’di mananampalataya ay hindi kikilos nang gano’n. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga hindi mananampalataya, mas masama pa sila kaysa mga hindi mananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Ako ay isang taong nananalig. Nakakain at nakainom na ako ng napakaraming salita ng Diyos, ngunit hindi man lang ako makatanggap ng ilang mungkahi. Tao pa ba ako? Sinusunod ko ang mga satanikong pilosopiyang ito: “Kung hindi ka magiging mabait, hindi ako magiging makatarungan!” “Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako; kung inatake ako, siguradong gaganti ako ng atake.” Naglabas lang ako ng sama ng loob nang walang takot sa Diyos. Hindi ko isinasabuhay ang wangis ng tao. Talagang nakonsensya ako at nabalisa, kaya nanalangin ako sa Diyos sa pagsisisi, gustong pakawalan ang aking pagkiling laban kay Sister Liu. Sa loob ng ilang araw, nang magkaroon ako ng oras labas sa tungkulin, naisip ko kung gaano kaayos ang samahan namin no’ng nagsimula ako, kaya bakit ako naging iritable sa kanya? Alam kong makatwiran ang kanyang pagpuna, at marahil naging malupit at medyo prangka siya, ngunit hindi ito isang malaking bagay. Bakit hindi ko ’to matanggap, sa halip ay patalikod ko siyang inatake?

Nakakita ako ng isang sipi mula sa Diyos sa aking paghahanap. “Kapag pinupungusan at iwinawasto ang mga anticristo, kadalasa’y nagpapakita sila ng matinding pagtutol, at pagkatapos ay tinatangka nilang gawin ang lahat para ipagtanggol ang kanilang sarili, at gumagamit sila ng mga maling argumento at mahusay na pananalita para linlangin ang mga tao. Medyo karaniwan ito. Ang pagpapamalas ng pagtanggi ng mga anticristo na tanggapin ang katotohanan ay lubos na naglalantad sa kanilang satanikong kalikasan na pagkamuhi at pagkasuklam sa katotohanan. Ganap na kauri sila ni Satanas. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, nalalantad ang kanilang disposisyon at diwa. Lalo na sa sambahayan ng Diyos, lahat ng ginagawa nila ay kinokondena, tinatawag na masasamang gawa, at lahat ng bagay na ito na ginagawa nila ay lubos na nagpapatibay na ang mga anticristo ay mga Satanas at demonyo. Samakatuwid, talagang hindi sila masaya at tiyak na hindi sila handa na tumanggap ng pagpupungos at pagwawasto, ngunit dagdag pa sa pagtutol at pagsalungat, kinamumuhian din nila ang mapungusan at maiwasto, kinamumuhian ang mga nagpupungos at nagwawasto sa kanila, at kinamumuhian ang mga naglalantad sa likas na katangian ng kanilang diwa at naglalantad sa kanilang masasamang gawa. Iniisip ng mga anticristo na sinumang naglalantad sa kanila ay pinahihirapan lang sila, kaya pinahihirapan nila ang sinumang naglalantad sa kanila. Dahil sa kanilang likas na pagiging anticristo, hindi sila kailanman magiging mabait sa sinumang nagpupungos o nagwawasto sa kanila, ni hindi sila magpaparaya o magtitiis sa sinumang gumagawa nito, lalo nang hindi nila pasasalamatan o pupurihin ang sinumang gumagawa nito. Bagkus, kung pinupungusan o iwinawasto sila ng sinuman at nawawalan sila ng dignidad at napapahiya sila, magtatanim sila ng galit sa taong ito sa puso nila, at nanaisin nilang maghanap ng pagkakataong paghigantihan siya. Gaano kalaki ang galit nila sa iba? Ito ang iniisip nila at sinasabi nang hayagan sa harap ng iba, ‘Ngayo’y napungusan at naiwasto mo na ako, ngayo’y nakataga na sa bato ang away natin. Humayo ka kung saan mo gusto, at hahayo ako kung saan ko gusto, pero isinusumpa kong maghihiganti ako! Kung ipagtatapat mo sa akin ang kasalanan mo, magyuyuko ka ng ulo sa akin, o luluhod ka at magmamakaawa sa akin, patatawarin kita, kung hindi ay hinding-hindi ko ito palalagpasin!’ Anuman ang sabihin o gawin ng mga anticristo, hindi nila itinuturing na ang mahabaging pagpupungos o pagwawasto sa kanila ng sinuman o ang taos na tulong ng sinuman bilang pagsapit ng pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Sa halip, ang tingin nila rito ay tanda ng pagkapahiya, at bilang sandali ng kanilang pinakamalaking kahihiyan. Ipinapakita nito na hindi talaga tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, at ito ang disposisyon ng mga anticristo(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikawalong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang saloobin ng mga anticristo sa pamumuna ay ang tanggihan ito, magdahilan, at maging palaban, at tingnan pa ang taong namuna bilang kaaway nila at maghanap ng mga paraan para umatake at maghiganti. Likas silang galit sa katotohanan at hinding-hindi ito tatanggapin. Alam kong totoo lahat ang sinabi ni Sister Liu tungkol sa mga problema ko, kaya kahit anong tono niya, ito ay upang matulungan akong makilala ang aking sarili, hindi para sadya akong puntiryahin. Malinaw na hindi ako naging seryoso sa aking tungkulin o umaako sa responsibilidad, na humantong sa ilang problema sa aming mga video. Sinusuri at sinisiyasat ni Sister Liu ang mga problemang ito, at iyon ay para hindi na namin maulit ang mga pagkakamaling iyon at ’di maantala ang pagsulong ng gawain namin. Napansin din niyang medyo mababaw ang aking pag-unawa sa sarili pagkatapos akong mapaalis, kaya magiliw niyang pinuna iyon. Ito ay upang matulungan akong mas makilala ang aking sarili at tunay na magsisi. Ngunit sa paulit-ulit niyang pagtulong sa akin, hindi lang sa hindi ako nagpasalamat, inakala ko pang sinusubukan niya akong ipahiya at sinasaktan ang aking dignidad. Talagang nagalit ako sa kanya at sinimulan ko siyang tratuhin bilang kaaway, naghahanap ng pagkakataong makapaghiganti sa kanya. Ginusto ko pang ihiwalay at tanggihan siya ng iba. Kasingsama at mapanira ako ng isang anticristo. Ang mga anticristo ay gustung-gusto ang anumang pambobola, at lubos nilang minamahal ang sinumang umaawit sa kanila ng mga papuri. Subalit habang mas tapat ang isang tao, mas inaatake nila ito. Ang sinumang makasama ng loob nila o makapinsala sa kanilang mga interes, dadanasin nito ang kanilang dahas at hindi sila titigil hangga’t hindi natatalo ang taong iyon. Nagdudulot ito ng matinding pinsala sa gawain ng simbahan at pagpasok sa buhay ng iba. Humahantong silang permanenteng aalisin ng Diyos dahil sa paggawa ng lahat ng kasamaang ’yon at dahil sa paglabag sa disposisyon ng Diyos. Ang kaunting salita mula kay Sister Liu ay nakaapekto sa aking reputasyon at katayuan, kaya ginusto kong maghiganti. Matatahimik lang ako kapag inamin niya na mali siya, at tumigil nang “galitin” ako. Napakasama ko, talagang malisyoso. Kinasuklaman ko ang katotohanan tulad ng masasama at mga anticristo, at ako ay nasa landas ng isang anticristo. Kung hindi ko binago ang aking anticristong disposisyon, kapag nakakuha ako ng posisyon, alam kong aatake ako at mas gagawa pa ng masama at mauuwi akong isinusumpa at pinarurusahan ng Diyos. Nakita kong nakakatakot talaga ang magiging kahihinatnan. Nanalangin ako sa Diyos, naghahanap ng landas para makapagsagawa at makapasok.

Mayamaya ay nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kung madalas na pinangangasiwaan ka, inoobserbahan ka, gusto kang makilalang mabuti, at kasabay niyon ay gusto kang tulungan at suportahan ng iyong lider, ng taong nangangasiwa, o ng mga kapatid na nasa paligid mo, ano ang dapat na maging saloobin mo ukol sa bagay na ito? Dapat mo ba itong tutulan, maging maingat laban dito, at labanan ito, o dapat mo ba itong tanggapin nang may kababaang-loob? (Dapat nating tanggapin ito nang may kababaang-loob.) Ano ang ibig sabihing tanggapin ito nang may kababaang-loob? Ibig sabihin nito ay dapat mong tanggapin ang lahat ng ito mula sa Diyos, at hindi ito dapat tratuhin kailanman nang may kapangahasan. Kung talagang natuklasan ng isang tao ang iyong problema at kaya niyang ipaalam ito sa iyo, tulungan kang makakilala, at tulungan kang lutasin ito, nananagot siya para sa iyo at sa gawaing hawak mo. Hindi ito galing kay Satanas, hindi mula sa malisya, kundi mula sa isang responsableng saloobin patungkol sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Nagmumula ito sa pag-ibig at nanggagaling sa Diyos. Dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos, at hinding-hindi mo ito dapat tratuhin nang may kapangahasan o kumilos nang ayon sa udyok ng iyong damdamin, at higit pa rito, hindi ka dapat magkaroon ng anumang pagtutol, mag-ingat laban sa o magtaglay ng mga haka-haka sa iyong puso. Mali ang lahat ng ito, at hindi nakaayon ang mga ito sa mga prinsipyo. Hindi ito isang saloobing tinatanggap ang katotohanan. Ang pinakatamang saloobin ay na dapat tanggapin mo mula sa Diyos ang anumang pagsasagawa, pahayag, pagsubaybay, pagmamasid, pagtutuwid, o kahit pa nga pagtatabas at pagwawasto na makakatulong sa iyo, at huwag umasa sa kapangahasan. Ang kapangahasan ay isang bagay na galing sa masama, mula kay Satanas, hindi mula sa Diyos, at hindi ito ang saloobing dapat taglayin ng isang tao ukol sa katotohanan(Pagkilala sa mga Huwad na Lider (7)). Natutunan ko sa mga salita ng Diyos na walang masama sa pagpuna ng mga kapatid na pumupuna sa aking mga problema. Hindi nila ako pinagtatawanan, kundi sila’y responsable para sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa aking pagpasok sa buhay. Gaano man ang nauunawaan ko sa mga problemang binanggit nila, dapat kong subukang tanggapin ito mula sa Diyos at magpasakop, hindi isipin ang tama at mali o maging magagalitin at mapaghiganti. Kapag hindi ko lubos na maunawaan ang mga bagay-bagay, dapat pa rin akong manalangin at magnilay-nilay, o humanap ng mga kapatid na may karanasan para sa paghahanap at pagbabahaginan. Ganyan ang saloobin sa pagtanggap ng katotohanan. Naalala ko na palihim kong binatikos si Sister Liu sa isang pagtitipon, at ilang kapatid na hindi alam ang realidad ay maaaring nadala, na maaaring makaapekto sa kanilang pakikipagtulungan sa mga tungkulin. Kaya, ginamit ko ang pagkakataon ng pagbabahaginan ng mga salita ng Diyos sa isang pagtitipon upang makapagtapat para magkaroon ng pagkakilala ang iba sa ginawa ko. Hinanap ako ni Sister Liu para pag-usapan ang gawain pagkatapos noon, at matapat kong sinabi sa kanya kung paanong noong binigyan niya ako ng mga mungkahi, naghayag ako ng isang disposisyon ng pagkapoot sa katotohanan at ng masasamang motibo. Nakita kong parang hindi niya ako sinisi, ni nagalit man lang sa akin. Nakaramdam ako ng sobrang hiya. Mas naging maayos muli ang samahan namin ni Sister Liu pagkatapos nu’n. Kapag binabanggit niya ang mga problema ko, tumigil na ako sa sobrang pag-aalala sa tono ng boses niya, dahil alam kong kung ito’y mabuti para sa aking tungkulin, kailangan kong tanggapin ito. Minsan kulang ako sa kamalayan noong sandaling ’yon, pero nananalangin ako sa Diyos at pinapalaya ang aking sarili, hindi nag-aalala sa sarili kong reputasyon o nangangatwiran, at pagkatapos ay pag-iisipan ko ito. Sa paggawa kasama niya sa ganitong paraan, mas lalo akong naging mapayapa paglipas ng panahon.

Kalaunan, may ginawa akong video nang madalian, nang hindi hinahanap ang prinsipyo, na nangangahulugang may mga problema na kailangan itong ayusin ulit. Ang isa pang superbisor, si Sister Chen, ay nagpadala sa akin ng isang pribadong mensahe na humihiling sa akin na ayusin ito, at tapos akala ko ay ayos na ’yon. Pero nagulat akong makita na sa isang pagpupulong sa gawain, nabanggit muli ang aking mga pagkakamali para suriin. Naisip ko na pinag-usapan niya ako sa harap ng lahat sa gano’ng paraan—nakakahiya! Nagsimula akong makaramdam ng pagkiling laban kay Sister Chen, na parang pinapalaki niya ang maliit na bagay at hindi isinasaalang-alang ang dignidad ko. Gusto kong makahanap ng dahilan para ipagtanggol ang aking sarili, para hindi ako mapahiya sa harap ng lahat. Subalit napagtanto ko na kailangang ulitin ang gawain dahil masyado akong naligalig. Nagbabahagi si Sister Chen tungkol dito para bigyan ako ng babala, para mapagnilayan ko ang sarili kong saloobin sa aking tungkulin, at magagamit din ito ng mga kapatid bilang babala para hindi nila magawa ang parehong pagkakamali. Pinoprotektahan niya ang gawain ng iglesia. Kung nagdahilan ako para ’di mapahiya at kumiling laban kay Sister Chen, hindi ba iyon ay pagkamuhi at pagtangging tanggapin ang katotohanan? Alam kong hindi ako pwedeng magpatuloy kumilos nang may katiwalian, kaya inihayag ko sa lahat ang tungkol sa mga detalye ng mga pagkakamaling nagawa ko. Nang matapos ako, nagbahagi sila ng ilang kapaki-pakinabang na paraan sa paglutas ng gano’ng mga problema, at kalaunan sa paggawa ng video, sinunod ko ang kanilang mga mungkahi at iniwasang gumawa ng parehong pagkakamali. Talagang naranasan ko na ang pagtanggap sa mga mungkahi ng mga kapatid ay maaaring makaiwas sa abala at mapabuti ang kahusayan. Tsaka, makakatulong ito sa akin na makilala ang aking sarili at maging mabuti para sa aking pagpasok sa buhay.

Sa pamamagitan nito ay totoong naranasan ko na mahalagang magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop sa pagpuna. Kung tama ang sinasabi ng iba at naaayon sa katotohanan, dapat kong isantabi ang aking pagmamataas at tanggapin ito nang walang kondisyon. Pero kung tatanggihan at tututulan ko ang lahat ng pagtatabas at pagwawasto, at magkakaroon ako ng pagkiling o aatakihin pa ang iba, iyon ay pagpapahayag ng pagiging isang anticristo at ako’y kokondenahin at aalisin ng Diyos kung hindi ako magsisisi. Dati, halos walang sinuman ang direktang nagwasto sa akin, at hindi ko kilala ang sarili ko. Akala ko may mabuti akong pagkatao at kayang tanggapin ang katotohanan. Ngayon nakikita ko nang kinamumuhian ko ang katotohanan at wala akong mabuting pagkatao. Ang mga nakamit at natutunan ko ngayon ay salamat lahat sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Handa na rin akong maranasan pa ito at baguhin ang aking tiwaling disposisyon. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pag-Iwan sa Pag-aaral Ko

Ni Lin Ran, Tsina Simula noong bata ako, sinabi sa akin ng mga magulang ko na dahil wala silang anak na lalaki, kami lang dalawa ng kapatid...