Pagtakas sa Mahirap na Sitwasyon

Enero 18, 2022

Ni Zheng Xin, Tsina

Isang araw noong Mayo ng 2003, ako at ang isang kapatid ay nangaral ng ebanghelyo sa isang taong mula sa isang denominasyon ng relihiyon. Hindi niya ito tinanggap, binugbog niya kami nang matindi at isinumbong sa mga pulis. Dumating ang mga pulis at dinala kami sa bakuran ng Public Security Bureau, at pagdating namin, hinila nila kami papalabas ng kotse at itinulak sa lupa. Pagkatapos noon ay pinaulanan ako ng mga tanong ng pulis, “Saan kayo galing? Sino ang inyong pinuno?” Hindi ako sumagot. Binugbog nila ako nang paulit-ulit nang mga isang oras, pagkatapos noon ay hilo na ako at nananakit ang katawan. Sa panahong iyon ay ipinasok na nila ang kapatid na babae na naaresto kasama ko. Nang makita ko na iika-ika siya at puno ng sugat, hindi ko napigilan ang sarili ko na mapaluha. Napagtanto ko na kung pinahirapan nila kami nang ganito pagkatapos naming maaresto, walang makakapagsabi kung anong pagpapahirap ang gagawin nila sa amin sa susunod o kung makakayanan ko ba ito, kaya’t nanalangin ako sa Diyos at hiniling ko sa Kanya na bigyan ako ng pananampalataya at lakas. Pagkatapos kong magdasal, naisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Yaong mga may kapangyarihan ay maaaring mukhang masama sa tingin, ngunit huwag kayong matakot, sapagkat ito ay dahil mahina ang inyong pananampalataya. Hangga’t lumalago ang inyong pananampalataya, walang magiging napakahirap(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 75). Tunay nga na kahit gaano pang pananakot ang ginawa ng mga pulis, nasa mga kamay rin sila ng Diyos. Kung hindi pahihintulutan ng Diyos, hindi nila makikitil ang aking buhay. Nabigyan ako ng pananalig at lakas nang maisip ko iyon, at nagpasya akong manindigan at magpatotoo para sa Diyos kahit na ikamatay ko pa ito. Ipinosas kami ng mga pulis sa kotse, at iniwan nila kaming naka-half squat nang mga tatlong oras. Mga bandang alas dos ng hapon, apat na malalaking lalaki ang dumating, lahat ay may hawak na pamalong de-kuryente, at kinaladkad nila kami paakyat hawak ang aming mga braso. Isa sa kanila ang sumigaw, “Huwag niyong isipin na magiging madali ito para sa inyo! Kung hindi kayo kakanta, matitikman ninyo ang pamalo.” Pagkatapos niya, hinampas niya ng pamalo ang aking bibig. Nagsimulang dumugo ang aking ilong at bibig at nawalan ako ng malay. Nahilo ako pagkagising. Dalawang pulis ang may hawak sa aking mga braso, at nakita ko na ganoon din ang posisyon ng kapatid na kasama ko. Sumenyas ako gamit ang mga mata ko na dapat kaming tumayong saksi. Kahit hindi kami makapagsalita, nagkaintindihan kami kung ano ang dapat gawin.

Kinaladkad ng mga pulis ang kapatid na babae paakyat sa interrogation room sa ikalawang palapag, habang kinaladkad naman nila ako papunta sa ikatlong palapag at pagkatapos ay itinulak sa sahig. Isang pulis na nakasalamin ang tumingin sa akin nang masama at nagsabi, “Saan ka galing? Saan ang bahay mo? Sino ang iyong pinuno?” Hindi ako sumagot. Lumapit siya sa akin, at sinabi habang sinisipa ako at tinatadyakan, “Magsasalita ka ba o gugulpihin kita hanggang mamatay ka!” Pagkatapos niya akong gulpihin ng mga isang oras, pagkatapos niyang makita na hindi pa rin ako nagsasalita, galit na galit siya kaya pinulot niya ang pamalong de-kuryente at inihampas ito sa aking bibig nang dalawang beses, at pagkatapos ay sinuntok na naman ako at sinipa. Nananakit ang buong katawan ko at napasigaw ako sa sakit, at paulit-ulit akong tumawag sa Diyos sa aking puso, “O, Diyos, mahinang-mahina ang aking laman. Ayokong tularan si Judas, kaya’t ingatan po Ninyo ang aking puso at tulungan Ninyo akong malampasan ang paghihirap na ito.” Pagkatapos kong manalangin, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Binigyan ako ng lakas ng salita ng Diyos. Alam kong hindi dapat ako maging hayok na mabuhay at takot na mamatay, kailangan kong itaya ang aking buhay upang tumayong saksi para sa Diyos at ipahiya si Satanas. Matagal-tagal akong binugbog ng pulis, ngunit wala pa rin akong sinabi, kaya’t malakas niyang itinadyak sa mukha ko ang paa niyang nakasuot ng sapatos na balat at nadurog ang aking ilong at bibig habang patuloy niya akong minumura. Napagulong-gulong ako sa sahig sa sakit. Sa sandaling iyon, narinig ko ang mga sigaw ng kapatid ko sa ibaba, at nakaramdam ako ng higit pang dalamhati.

Pagkaraan ng ilang sandali, dalawang pulis ang pumasok at sinabi sa akin, “Sinabi na lahat ng babae sa ibaba kaya’t alam na namin lahat kahit wala ka pang sabihin. Umamin ka na o mas mahihirapan ka pa!” Inisip ko, “Ang dami ninyong pakulo, mga demonyo kayo. Akala niyo ba hindi ko naririnig umiyak at sumigaw yung kapatid ko? Kung umamin na nga siya, pahihirapan niyo pa ba siya? Nagpasya ako na hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos kahit na buhay ko pa ang maging kapalit, kaya’t wala kayong makukuhang impormasyon sa akin!” Nang makita nilang hindi pa rin ako nagsasalita, yung pulis na nakasalamin ay buong galit na dinakma ang damit ko at hinila ako pataas at sinabing, “Mukhang kailangan mo pa ng konti pang bugbog. Kung hindi ka namin bubugbugin, hindi ka kakanta.” Patuloy niya akong sinipa at tinadyakan habang nagsasalita. Ang tindi ng sakit kaya’t hindi ko na maalalayan ang aking sarili at nanlupaypay na ako sa sahig. Magang-maga ang bibig ko na mas nakausli pa ito kaysa sa aking ilong, at patuloy lang akong nanawagan sa Diyos sa aking puso, “O, Diyos, sukdulan na ang aking pagtitiis, at hindi ko alam kung ano ang susunod na gagawin sa akin ng mga pulis. Hinihiling ko sa Inyo na gabayan ako upang makapanindigan ako nang matatag sa aking patotoo.” Pagkatapos kong manalangin, inisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Habang iniisip ko ang mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng pananalig at lakas. Mabuhay o mamatay man ako, tatayo akong saksi at ipapahiya ko si Satanas. Nang naging desidido ako na isugal ang aking buhay, kahit gaano nila ako suntukin at sipain, hindi ako gaanong nasaktan. Para bang ako’y natutulog.

Pagkalipas ng hindi ko alam kung gaano katagal, nagising ako sa tawa ng ilang pulis. Narinig kong sinabi ng isa sa kanila, “Tingnan mo yung isa na nasa kwarto, punit na ang pantalon niya.” Nang sandaling iyon, napagtanto ko na napunit na pala ang aking pantalon mula hita hanggang tuhod at yung thermal kong panloob ay kita na. Napahiya ako nang lubos nang marinig ko ang tawanan nila. Kinamuhian ko ang mga demonyong iyon mula sa kaibuturan ng aking puso. Mga bandang 5:30 ng hapon, dinala kami ng kapatid ko ng mga pulis sa ospital upang suriin doon. Nung panahon na iyon, punong-puno kami ng sugat at maga ang aking mukha at bibig, ang pantalon ko ay gutay-gutay na dahil sa mga pambubugbog at may mga mantsa ng dugo ang aking damit. Habang iika-ika kami papunta sa outpatient room, nagimbal ang ibang mga pasyente nang makita kami at nagbulungan sila, “Ano kaya ang nagawa nilang krimen upang mabugbog nang ganito? Ang hirap nilang tingnan!” Ang maisip na naniwala lang naman kami sa Diyos at nangaral ng ebanghelyo, ngunit pinagdusa kami ng ganitong kahihiyan at pang-uusig ng Partido Komunista habang ang mga mamamatay-tao, manununog, at magnanakaw ay hinahayaang maging malaya ay binigyan ako ng matinding sama ng loob. Dito ko naalala ang isang sipi ng salita ng Diyos sa “Gawain at Pagpasok (8).” “Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang hinamak ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinutulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga pandarayang lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Habang sa panlabas ay iwinawagayway ng Partido Komunista ang bandila ng kalayaan sa relihiyosong paniniwala, palihim nilang inuusig nang malupit ang mga Kristiyano. Sinusubukan nilang ihatid ang lahat ng nananampalataya sa Diyos sa kanilang kamatayan at inaabala nila at sinisira ang gawain ng Diyos. Ang Partido Komunista ay walang iba kundi isang grupo ng masasamang espiritu at demonyo na lumalaban sa Diyos. Pinahirapan ako at sinaktan ng mga pulis gamit ang kahit na anong paraan upang pilitin ako na ipagkanulo ang Diyos, ngunit hindi ko hahayaan na magwagi ang kanilang sabwatan.

Noong kinagabihan, pinadala kami ng mga pulis sa detention house. Isang babaeng pulis ang nagdala sa amin sa isang kwarto at inutusan kaming tanggalin ang aming mga damit para sa inspeksyon, at tinanggal niya rin ang mga butones ng aming mga damit at ang aming mga sinturon, at pagkatapos ay dinala na kami sa aming selda. Noong gabing iyon, pareho kaming natulog sa kongkretong kama na walang sapin. Dahil hindi ako nakakain nang buong araw, at dahil na rin sa pananakit ng aking buong katawan, hindi ako makatulog nang nakahiga at hindi ko tinangkang masagi ng aking puwitan ang kama. Ang tanging nagawa ko lang ay mamaluktot nang nakatagilid. Miserable ang pakiramdam ko at parang napakahirap tiisin ang lahat. Hindi ko alam kung anong krimen ang ikakaso ng Partido Komunista sa amin. Kung makukulong ako nang 8-10 taon, hindi ba’t ibig sabihin nun ay makukulong na ako habangbuhay? Hindi ko na makikitang muli ang aking pamilya o ang mga kapatid sa simbahan. Sobrang nanghihina ako kaya’t nagdasal ako sa Diyos, “O, Diyos, nagsusumamo ako na bigyan po Ninyo ako ng pananampalataya at lakas at gabayan Ninyo ako na maunawaan ang Inyong kalooban.” Pagkatapos kong manalangin, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos sa “Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?”: “Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi…. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na kumokontra sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at matagal isakatuparan ang marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Mula sa salita ng Diyos, naintindihan ko na dahil ang Partido Komunista ay kaaway ng Diyos, talagang kinamumuhian nito ang Diyos at ang katotohanan, kaya’t ginagawa nito ang lahat na posibleng gawin upang pigilan tayo sa paniniwala sa Diyos at gumagamit ito ng lahat ng uri ng pagpapahirap upang pilitin tayong ipagkanulo ang Diyos. Kapag nananampalataya tayo sa Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon, nakatakda tayong magdusa ng ganitong pag-uusig, ngunit ang pagtitiis ng ganitong paghihirap ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na magpatotoo para sa Diyos, kaya’t ito’y isang pagpapala para sa akin, at isang maluwalhating bagay. Noong inalala ko yung naging karanasan ko mula nang maaresto ako, nakita ko na binibigyang-liwanag ako at ginagabayan ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita upang malampasan ko ang mga pasakit at pagpapahirap ni Satanas. Nakita ko na laging nasa tabi ko lamang ang Diyos upang protektahan ako, at naramdaman ko na masentensyahan man ako o hindi na makulong, bukal sa aking kalooban na sundin ang mga pangangasiwa ng Diyos at umasa sa Kanya upang tumayong saksi! Mula nang maunawaan ko ito, hindi na naging mahirap ang mga bagay-bagay.

Dahil lumuwag na ang kapit ng aking mga ngipin dahil sa pambubugbog at lubhang namamaga ang aking bibig, sobrang sakit na hindi ko maibuka ang aking bibig o makakain. Pagkatapos na hindi kumain nang tatlong araw, gutom na gutom na ako na nanghihina ako at medyo nahihilo. Ang kaya ko lang gawin ay hati-hatiin ang isang siopao sa mga pirasong kasinglaki ng kuko at paunti-unti kong isubo ang mga iyon, at hindi ko tinangkang nguyain yun, kaya’t kinailangan kong lumunok sa tulong ng pag-inom ng tubig. Kahit ganoon, hindi pa rin ako tinantanan ng mga gwardiya. Nagsalitan sila upang manmanan kami, at binigyan kami ng karagdagang mga gawain upang hindi kami makatulog sa gabi. Dahil sa aking kahinaan at sa mabigat na trabaho, dalawang beses ako nawalan ng malay at pagkatapos ay hindi ko na kinaya. Sa pangatlong beses, sinabihan ng doktor doon ang mga pulis, “Hindi na siya magtatagal na mabuhay, at manganganib ang buhay niya kapag hindi niyo siya pinakawalan.” Natakot ang mga pulis na mamamatay ako roon at magiging kargo pa nila iyon, kaya’t nagpasya sila na paalisin na ako. Mga alas tres ng hapon, pasindak akong sinabihan ng dalawang pulis, “Pumasok ka sa likuran ng sasakyan. Susubukan namin ang mas mabigat pa na kaparusahan at tingnan natin kung kakanta ka na!” Pumasok ako sa kotse nang hirap na hirap, at kinandado ako roon ng dalawang pulis sa likuran. Namaluktot ako na parang bola na may matinding sakit ng ulo, at nakapahirap huminga na pakiramdam ko’y naghahabol na ako ng hininga. Ako ay nasa matinding sakit at malungkot pa ang puso, at pakiramdam ko’y mamamatay na ako, kaya’t paulit-ulit akong nanawagan sa Diyos sa aking puso. Nang mga oras na iyon, napagtanto ko na hinayaan ng Diyos ang malaking pulang dragon na usigin ako bilang daan upang mapahintulutan akong tumayong saksi sa harap ni Satanas, upang gawing perpekto ang aking pananampalataya at pagsunod, at hayaan akong makita nang malinaw ang masamang diwa ng malaking pulang dragon upang hindi na ako magdusa ng panlilinlang nito at pang-aalipin. Ito ang pagmamahal ng Diyos sa akin. Naantig ako nang maisip ko ito at nabigyan din ako ng pananampalataya. Pakiramdam ko’y naging handa ako na manalig sa Diyos upang harapin anuman ang sunod na mangyayari. Nang sandaling iyon, hindi na masakit ang ulo ko, hindi na rin ako pagod, at hindi na ako ganun kananlulumo.

Hindi ko alam kung gaano katagal sila nagmaneho, pero di naglaon, dumaan ang kotse sa isang tulay. May sinabi ang dalawang pulis na hindi ko marinig sa isang tao na nasa tulay, at nagpatuloy silang magmaneho. Hindi nagtagal, huminto ang kotse. Tumingin-tingin ako sa paligid. Mukhang nandoon kami sa lugar na pangturista, at may malapit na sementeryo. Pinagalitan ako ng pulis na nakasalamin, “Nagdulot ka ng maraming gulo sa amin, at wala kaming napala sa’yo. Nawalan pa nga kami ng pera sa’yo.” Pagkatapos ay tinanong niya ako ulit kung sino ang mga pinuno ko sa simbahan, ngunit matatag akong umiling at wala akong sinabi sa kanya. Galit niya akong hinampas ng pamalong de-kuryente at sinabi, “Malapit ka nang mamatay pero hindi ka pa rin magsasalita?” Yung palong iyon ay nagpatumba sa akin sa lupa. Tumuro siya sa sementeryo sa may harapan namin at pinilit akong maglakad papunta roon. Naglakad ako papunta roon nang mga 200 metro at lumiko pa-timog. Nang makita iyon ng pulis, sinabi niya, “Wag na wag kang magtangkang pumunta ng timog. Dumiretso ka sa kanluran!” Wala akong magawa kundi magpatuloy papuntang kanluran. Pinanood nila ako nang mga kalahating oras bago sila nagmaneho papalayo. Kinaladkad ko ang aking patang-pata at nanghihinang katawan at naglakad pa ako ng mga 50 metro, at pagkatapos ay may nakita akong matandang magsasaka na nagtatrabaho sa bukid. Sinabihan niya ako na may malaking pilapil ng ilog sa unahan, at walang labasan. Sinabi niya rin na hindi ako pwedeng manatili roon dahil mga ilang araw lang ang nakalilipas, may isang babae na ang namatay roon. Nang mga oras na iyon, takot na takot ako at dalamhati at takot ang humawak sa puso ko. Malapit nang bumagsak ang katawan ko, at hindi ko alam kung malalampasan ko ba ito nang buhay. Kung mamamatay ako rito, hindi kailanman malalaman ng pamilya ko at ng mga kapatid ko sa simbahan. Talaga bang nakatadhana ako na mamatay rito, kahit na hindi ito makatarungan? Dito ko naalala ang mga salita ng Diyos, “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Binibigyan ako ng pananampalataya at lakas ng mga salita ng Diyos. Nasa likod ko lang ang Diyos, kaya’t ano ang dapat kong ikatakot? Masigla akong naglakad pabalik nang mga 2.5 o 3 kilometro kung saan ako dumating. Nang dumating ako sa tulay, nakita ko ang 4 o 5 tao na nagsasagawa ng isang SARS checkpoint sa tulay. Isa sa mga lalaki ang sumigaw sa akin, “Bumalik ka sa pinanggalingan mo! Hindi ka makakatawid ng tulay! Lumakad ka na, kung hindi, paaalisin ka namin!” Nanghihina kong sinagot, “Ganoon na ba katigas ang inyong puso na wala kayong pakialam kung mamatay ang mga tao rito?” Matapang na sabi ng lalaki, “Gusto mo bang patayin ka namin? Umalis ka na! Akala mo ba kulang pa ang paghihirap mo? Gusto mo bang magdusa pang lalo?” Nang marinig ko iyon, bigla kong napagtanto na ito pala ang dahilan kaya lumabas ng kotse ang mga pulis upang may kausapin papunta rito. Nagsasabwatan sila para hindi ako makalabas ng sementeryo. Ngunit inisip ko kung paanong may kapangyarihan ang Diyos sa lahat, at kontrolado ng Diyos, hindi ni Satanas, ang aking buhay at kamatayan, kaya’t nakahanda akong umasa sa Diyos upang maranasan ang kung ano man ang susunod. Kaya’t nagtago ako sa isang maliit na kakahuyan malapit sa tabing-ilog. Yung mga lamok at insekto ay umuugong sa aking mga tainga at panay ang kagat sa akin, at nasusugatan ako ng matitinik na sanga, na parehong nakakasakit sa akin at sanhi ng aking pangangati. Sa wakas matapos kong maghintay hanggang madilim na, nagpasya akong bumalik sa isang pamilyar na lugar. Dahil may mga pulis na nagmamanman sa tulay, ang tanging labasan ay ang lumangoy patawid ng ilog sa layo na 100 metro mula sa tulay. Ang ilog ay may singkwenta metro ang lapad. Dahan-dahan akong naglakad patawid ng ilog, inaapak ang isang paa sa harap ng isa. May mga basura tulad ng bubog, mga brick, at bato sa ilalim ng ilog, kaya’t kailangang maingat na maingat ako sa pag-apak, hanggang sa inabot ko na ang kabilang panig ng ilog. Sabik na sabik ako na napaiyak ako at napaluhod sa lupa upang mag-alay ng pasasalamat at papuri sa Diyos.

Pagkatapos ay nagpatuloy akong lumakad pasulong. Nakita ko ang pulis na nagpapatrolya, at yung mga headlight ng kotse nila ay malayo ang nararating. Natakot ako na matuklasan, kaya’t maingat akong nagpatuloy at dumaan ako sa mga kumpulan ng trigo. Ilang sandali lang, nakita ko na isang ilog na naman ang humaharang sa daanan sa harap. Naglakad ako nang mga 3-4 na metro sa ilog at napansin ko na ang tubig ay hanggang baywang ko na, kaya’t dali-dali akong bumalik. Sa tabing-ilog, natagpuan ko ang isang murang puno na may taas na medyo lagpas 2 metro, kaya’t nilagay ko ang punong iyon sa tubig upang suriin ang lalim nito at nadiskubre ko na ang tubig ay palalim lang nang palalim. Napag-isip-isip ko na hindi ako makakalangoy patawid ng ilog. Ang magagawa ko lamang ay ang bumalik sa tabing-ilog. Pagkatapos noon, naglakad ako nang diretso sa gilid ng tabing-ilog, at hindi ko alam kung makakatakas ako nang buhay, kaya’t nanalangin ako sa Diyos at pagkatapos ay naisip ko ang salita ng Diyos, “Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Tunay ngang ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay ng tao. Ang kailangan ko lang gawin ay manalig sa Diyos at ang Diyos ang gagabay at aakay sa akin! Nang mga panahon na iyon, wala akong kain nang tatlong araw, ngunit wala akong naramdaman na gutom o pagkauhaw, at hindi rin ako napagod. Nang makita ko na ang Diyos ay laging nasa tabi ko at pinoprotektahan ako, nakahanap ulit ako ng lakas at nagpatuloy na naglakad pasulong. Pagkatapos kong maglakad na may madalas na pahinga, mga alas 3 na yun ng umaga nang sa wakas ay huminto ako, ngunit nakarating na naman ako sa isa pang SARS checkpoint. Hindi ko alam kung nasabihan ba ang mga tao sa checkpoint na ito tungkol sa akin at papabalikin na naman ako. Sobra akong nag-alala kaya’t bumalik na lamang ako. Dahil sa aking karamdaman sa detention house at paglalakad nang buong gabi, gutom at uhaw na ako noon, at malata pa at mahina. Wala na akong lakas upang magpatuloy. Bawat ilang hakbang ay kailangan kong huminto at magpahinga. Pakiramdam ko’y ang Diyos lamang ang pwede kong sandalan, at sa puso ko, nanawagan ako sa Diyos nang paulit-ulit. “O, Diyos, wala na akong mapuntahan ngayon, at hindi ko alam ang gagawin ko sunod. Gabayan at tulungan po Ninyo ako.” Pagkatapos kong manalangin, may ideyang nabuo sa aking isip na kahit ano pa man, ang puwede ko lamang gawin ay sumulong, hindi umurong. Kaya’t nagpahinga muna ako nang kaunti, at pagdating ng bukang liwayway, pinulot ko ang isang basket na kawayan na nasa gilid ng daan, at nagpanggap ako na isang tindera ng mga gulay na gustong umangkas sa sasakyang dadaan ng checkpoint. Naghintay ako nang halos dalawang oras ngunit walang dumating na sasakyan. Nagpatuloy akong manalangin, at humiling sa Diyos na magbukas ng daan para sa akin. At pagkatapos, may isang matandang lalaki na nagbubukid na nakakita na walang humihintong sasakyan para sa akin kaya’t pumara siya ng karwahe para sa akin. Sumakay ako at matagumpay na nakalampas sa SARS checkpoint. Tanghali na noon nang naglakad ako papasok ng bayan. Hindi pa ako kumakain, apat na araw na, at hindi na ako makalakad. Pumunta ako sa isang restawran at humingi ng makakain at binigyan ako ng may-ari ng isang mangkok ng tubig. Sa mga sandaling iyon, nakita ko ang maraming tao na nakatayo palibot ng istasyon ng bus sa kabila ng kalsada. Sabi ng may-ari ng restawran sa akin, “Sinusuri nila lahat ng sasakyan, kahit saan pa ito galing. Lahat ng galing Beijing at Hebei ay pinapababa at dinadala sa isang maliit na kwarto.” Dito ko napagtanto na magandang intensiyon ng Diyos na hindi ako makakuha ng kotse noon upang masakyan. Kung nakasakay ako ng kotse noon, nahuli na ako ng mga pulis. Nakita ko na ang Diyos ay laging nasa tabi ko, at gumagabay sa akin, at pinananatili akong ligtas, kaya’t mas lumakas pa ang loob ko sa paglalakbay ko.

Pagkatapos ng isang araw at gabi ng pagtatago, nakarating din ako nang ligtas sa bahay ng mga kapatid ko sa simbahan. Nang makita ng mga kapatid ko na nakakatanda ang aking kalagayan, hindi nila mapigilang lumuha. Dali-daling nagluto ang kapatid na babae para sa akin, at nagpakulo ng isang malaking palanggana ng tubig upang makapaghugas ako at makapagpahinga nang maaga. Nang tanggalin ko ang aking mga medyas, nabalutan na ng natuyong dugo ang aking mga paa. Ang mga medyas ko at laman sa paa ay nagkadikit na at apat sa aking mga kuko sa paa ay natanggal kasama ng medyas kaya napasigaw ako sa sakit. Pagkatapos kong magpagaling nang kaunting panahon, nakabawi na ang aking katawan kaya’t pumunta na ako sa ibang rehiyon upang gampanan ang aking mga tungkulin.

Pagkatapos kong maranasan ang pag-uusig at paghihirap na ito, kahit na nagdusa ako nang kaunti, kapag naaalala ko ang mga nangyari, alam kong kung wala ang pag-aalaga at proteksyon ng Diyos at kung wala ang pananampalataya at lakas na natagpuan ko sa salita ng Diyos, baka namatay na ako sa pagpapahirap ng mga pulis o namatay na sa napabayaang sementeryo. Salamat sa pagmamahal at awa ng Diyos, nalampasan ko ang pagsubok at nakitang muli ang mga kapatid ko, at ang puso ko ay punong-puno ng pasasalamat sa Diyos. Pakiramdam ko ay ang Diyos ang pinakanagmamahal sa mga tao at ang Diyos lamang ang makakapagligtas sa mga tao, na nagbigay sa akin ng higit pang pananalig na sumunod sa Diyos. Ngayon, inaasam ko lamang na hanapin ang katotohanan at tuparin ang mga tungkulin ko bilang kabayaran sa pagmamahal ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Para lang sa 300,000 Yuan

Ni Li Ming, TsinaBandang alas nuwebe ng gabi noong Oktubre 9, 2009, habang kami ay nagtitipon ng asawa ko at ng anak ko, bigla kaming...

Nang si Mama ay Makulong

Ni Zhou Jie, Tsina Labinlimang taong gulang ako nang tumakas kami ng mama ko mula sa aming bahay. Naaalala ko na malalim na ang gabi nang...