Isang Araw na Hindi Malilimutan Kailanman

Enero 18, 2022

Ni Li Qing, Tsina

Disyembre ’yon ng taong 2012, bandang alas nuwebe ng umaga, nagpapalaganap ako ng ebanghelyo kasama ang ilang kapatid nang huminto sa harap namin ang isang kotse ng pulis. Nang hindi nagpapakita ng anumang ID, pinilipit ng isang pulis ang mga braso ko at itinulak ako papasok sa kotse. Dalawa pang kapatid ang pinosasan din at isinakay sa kotse. Ang bilis ng tibok ng puso ko at hindi ko alam kung ano ang planong gawin sa amin ng mga pulis. Kung hindi ko makakaya ang pagpapahirap at naging isang Judas, magtatapos ang mga araw ko bilang isang mananampalataya. Dali-dali akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan ang puso ko at nangangako na mamamatay muna ako bago maging isang Judas at pagtataksilan ang aking mga kapatid. Pagkatapos ng pagdarasal, hindi na ako kasing kabado.

Pagdating namin sa himpilan ng pulisya, pinaghiwalay kami at tinanong nang isa-isa. Isa sa mga pulis ang malupit akong tinanong: “Sino ang lider mo? Saan ka nakatira?” Sabi ko: “Hindi ko alam kung sino ang lider ko. Wala akong nilabag na anumang batas, bakit ako inaresto?” Humagalpak sila ng tawa at sinabing: “Ano’ng alam mo sa batas? Nakakuha ka ba ng pahintulot mula sa sentral na pamahalaan para magpalaganap ng ebanghelyo? Pinayagan ka ba ng Religious Affairs Bureau? Gumagawa ka ng ilegal na gawaing misyoneryo at ginugulo ang pampublikong kaayusan. Dapat ka naming ipadala sa Religious Affairs Bureau at sila na lang ang bahala sa ’yo!” Sabi ng isa pang pulis: “Basta’t makipagtulungan ka sa amin, pakakawalan ka namin.” Hindi ko sila pinansin. Tapos isang pulis na nakatayo sa may entrada ang tumakbo papasok sa silid at malakas akong sinipa sa kanang binti. Sobrang sakit na akala ko’y nabali ang mga buto sa binti ko. Napakalakas ng pagsipa niya sa akin na muntik na siyang mawalan ng balanse at nagsimulang tumawa ang ibang pulis. Tumayo siya at sa akin ibinunton ang galit niya sa pamamagitan ng pagsampal sa mukha ko. Sobrang lakas ng sampal niya sa akin na nakakita ako ng mga bituin, at nahilo ako nang husto na halos matumba ako. ’Di nagtagal, nagsimulang mamaga ang kanang bahagi ng mukha ko. Tapos malakas niyang tinadyakan ulit ang kanang binti ko, sinipa ako tungo sa isang sulok ng silid. Lumuluhang yumukyok ako sa sahig. Tapos umamba siyang sisipain ako sa likod. Takot na takot ako. Kakayanin ko ba ang isa pang sipa mula sa pulis na ito? Paano kung mapinsala niya ang likod ko? Takot na takot ako na nagsimula akong umiyak. Sa sandaling ’yon, pinigilan siya ng ilan sa iba pang pulis. Isa pang pulis ang hinarap ako sa mas banayad na tono, at nagsabing: “Makinig ka, ayaw naming tratuhin ka nang ganito. Ang kailangan mo lang gawin ay sabihin sa amin ang address mo, at pakakawalan ka na namin.” Naisip ko sa sarili ko: “Kapwa nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ko at tinutupad ang kanilang tungkulin. Kung sasabihin ko sa kanila ang address ko, madadamay din dito ang mga magulang ko. Kung nagkataong nagtitipon ang mga kapatid sa bahay namin at naaresto silang lahat, nakagawa ako ng masama.” Kaya wala akong sinabi. Tapos sinabi ng isa sa mga pulis sa lahat ng iba pa na umalis dahil gusto niyang makipag-usap sa akin nang mag-isa. Tinanong niya ako: “Gusto mo bang makaalis dito? Kung oo, sabihin mo lang sa amin ang address mo. O puwede kang makipagtulungan sa amin, at maging isang impormante. Pasukin mo ang matataas na ranggo ng iglesia para sa amin, at magtutulungan tayo. Basta’t pumayag ka, pakakawalan ka namin.” Nang makita niyang hindi ko siya pinapansin, parang nagkaroon siya ng isa pang ideya at sinabing: “Tayong dalawa lang ang nandito ngayon. Alam ko na malamang hindi mo kayang ituro ang ibang miyembro nang harapan, kaya puwede kong itago ang pagkakakilanlan mo. Magbibiyahe tayo sa kotse ko, at ang kailangan mo lang gawin ay ituro nang daliri mo ang isa sa mga kapatid mo. Basta’t ituro mo ang isa pang miyembro na papalit sa ’yo, pakakawalan ka na namin! Ano’ng masasabi mo?” Habang nakikita ang pangit na mukha ng pulis na ’yon, namuhi ako. Naisip ko sa sarili ko: “Maaaring dalawa lang tayo rito, pero sinusuri ng Espiritu ng Diyos ang lahat ng bagay. Maloloko mo ang ibang tao, pero hindi mo maloloko kailanman ang Diyos. Kung inaakala mo na ako’y magiging isang impormante, tatraydurin ang mga kapatid ko at pagtataksilan ang Diyos, mag-isip ka ulit!” Matatag akong sumagot: “Wala akong kilala!” Tapos binantaan niya ako, sinasabing: “May sinusubukan ka bang protektahan? Nananampalataya rin ba sa Diyos ang mga magulang mo? Sinabi na sa amin ng mga taong naarestong kasama mo ang lahat ng tungkol sa ’yo. Alam namin ang lahat ng kailangan naming malaman tungkol sa ’yo. Binibigyan kita rito ng pagkakataon para magtapat. Kung wala kang sasabihin sa amin, hindi magiging kasing dali sa ’yo sa bilangguan. Pipilitin ka nilang uminom ng mainit na tubig na may paminta, iipitin ang mga daliri mo ng mga patpat na kawayan, papasukan ng mga karayom ang ilalim ng mga kuko mo, tutusukin ng pantuhog na kawayan ang mga tainga mo at sasabihin sa ibang preso na apihin ka. Magiging matinding pagdurusa ’yon!” Humagod pababa sa likod ko ang kilabot dahil sa paglalarawan niya, at talagang nasindak ako. Naisip ko sa sarili ko: “Talaga bang tinraydor nila ako? Kung talagang tusukin ng mga pulis ng pantuhog na kawayan ang mga tainga ko, ’di ba’t mabibingi ako? Pag-ipit ng mga daliri ko gamit ang mga patpat na kawayan, pagtusok ng mga karayom sa ilalim ng mga kuko ko—talagang sensitibo ang mga daliri, sobrang sakit siguro no’n! Kung talagang ipakulong nila ako at pahirapan ako, matatagalan kaya talaga ng isang payat at maliit na babaeng tulad ko ang lahat ng ’yon? O mamamatay ba ako roon? Bente anyos pa lang ako, nagsisimula pa lang ang buhay ko. Ayoko pang mamatay. Siguro puwede ko na lang sabihin sa kanila ang isang bagay na hindi mahalaga para matugunan ang mga hinihingi nila.” Sobrang nababahala ako at walang katiyakan. Malinaw kong alam sa puso ko, “Ang maaresto at mausig ay isang uri ng pagsubok at isang pagsusulit. Nanonood ang Diyos, nanonood ang mga anghel, at nanonood din si Satanas. Kung magsasabi lang ako sa kanila nang kaunti, siguradong magtatanong sila ng iba pa. Kung ganito sila kalupit sa isang maliit na babaeng tulad ko, sino’ng nakakaalam kung magiging gaano sila kabrutal sa mga kapatid ko! Hindi ko puwedeng pagtaksilan ang konsiyensiya ko at isipin lang ang sarili ko. Hindi ako puwedeng maging kampon ni Satanas at pagtaksilan ang Diyos. Hindi mahalaga kung pinagtaksilan man ako o hindi ng ibang kapatid, kailangan kong manindigan. Kahit na nangangahulugan ito ng pagkakakulong at mapahihirapan, hindi ko puwedeng pagtaksilan ang Diyos.”

Pagkatapos no’n, paano man nila ako tanungin, palagi kong sinasabi na hindi ko alam. Isa sa mga pulis ang nagalit nang husto na hinampas niya ang lamesa at sumigaw: “Mukhang kailangan nating gawin ito sa mahirap na paraan!” Tapos pinosasan ako ng isa pang pulis, hinablot ang buhok ko at malakas na hinila. Tapos tatlo o apat na iba pang pulis ang nagsama-sama at sinimulan akong suntukin at sipain. Higit nilang sinipa ang mga binti ko at sinuntok ako sa ulo, tiyan at likod. Isa sa mga pulis ang napakalakas akong sinuntok sa tiyan na napabaluktot akong parang bola sa sulok ng silid at nagsimulang umiyak. Tinanong ako ng isang pulis: “Magsasalita ka na ba ngayon?” Matalim ko siyang tiningnan, at malakas niya akong sinampal sa mukha. Isa pang pulis ang inangat ako sa kuwelyo, inuntog ang ulo ko sa pader at sa isang metal na iskaparate at sinakal ako. Napakasakit no’n na halos hindi ako makahinga. Saka lang siya pinatigil ng pulis na nasa tabi ko nang mukha na akong mawawalan ng malay. Bumagsak ako sa sahig, naghahabol ng hininga. Naisip ko kung paanong hindi nangangahas ang mga pulis na habulin ang masasama sa ating lipunan, pero pagdating sa ating mga mananampalataya, pahihirapan, bubugbugin at papatayin pa tayo nang wala talagang dahilan. Sumigaw ako sa puso ko: “Mayroon bang anumang hustisya sa mundong ’to? Paano nila natatawag ang kanilang sarili na ‘mga pulis ng mga tao’?” Sa sandaling ’yon, naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan,[1] walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[2] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na kalooban ng Diyos? Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Paano itong hindi magbubunsod ng matinding galit?(“Yaong mga Nasa Kadiliman ay Dapat Bumangon” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Dati-rati, wala akong anumang pagkakilala sa CCP. Sa kanilang mga aklat-aralin, inihayag ng CCP na sinusuportahan nila ang kalayaan sa relihiyon, kaya pinaniwalaan ko sila nang walang katanung-tanong, pinupuri pa nga sila. Pagkatapos lang akong mausig ng CCP ko sila nakita sa kung ano talaga sila. Inihahayag ng CCP na sinusuportahan nila ang kalayaan sa relihiyon para linlangin ang mga tao, pero sa totoo lang ay hibang nilang nilalabanan ang Diyos at inuusig ang mga Kristiyano. Pumarito ang Makapangyarihang Diyos para ipahayag ang katotohanan at iligtas ang sangkatauhan mula sa katiwalian at pagpapahirap ni Satanas, ginagabayan tayo tungo sa tamang landas sa buhay. Isa itong kamangha-manghang bagay, pero ang CCP ay inuusig tayo at inuutusan ang mga pulis para partikular na arestuhin at pagmalupitan ang mga mananampalataya sa Diyos. Tunay na masama ang CCP! Isa itong demonyong kinamumuhian ang Diyos at nilalabanan ang Diyos!

Tapos pinosasan nila ako sa likuran ko nang kalahating oras at pinatalungko ako at pinaluhod. Nang hindi ako lumuhod, dalawang pulis ang hinawakan ang mga braso ko, at diniinan ng ikatlong pulis ang likod ng tuhod ko gamit ang isa niyang tuhod, pinipilit akong lumuhod. Pinahirapan ako hanggang sa puntong hapo na ako at lumuhod ako sa sahig nang nakaharap sa pader. Naisip ko kung paanong hindi nila ako basta pakakawalan kung hindi sila nakakuha ng ilang impormasyon tungkol sa iglesia mula sa akin. Dalawang oras pa lang akong naroon at napahirapan na ako hanggang sa puntong hapo na ako at masakit ang buong katawan. Napaisip ako kung gaano pa karaming pagpapahirap ang naghihintay sa akin at kung magagawa ko bang kayanin ang mga ’yon. Nadama ko na para akong isang maliit na tupa na biglang nakaengkuwentro ng isang grupo ng lobo at maaaring lamunin anumang oras. Labis akong nabalisa at natakot. Tuluy-tuloy akong nagdasal sa Diyos sa puso ko: “Mahal kong Diyos, napakahina ng aking paninindigan. Hindi ko po alam kung gaano katagal ko pang kakayanin. O Diyos ko, hindi ko po nauunawaan kung ano ang layunin Mo para sa akin sa sitwasyong ito. Pakiusap, gabayan Mo po ako.” Sa sandaling ’yon, sumagi sa isip ko ang isang linya ng mga salita ng Diyos: “Sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Biglang naging malinaw sa akin ang lahat. Umasa ang Diyos na mapapanatili ko ang pananampalataya ko sa Kanya habang dumaranas ng paghihirap. Kinanta ko ang himno na ito sa isip ko: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang kalooban ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay sa buhay ng tao ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa lahat ng ito. Paano man siya sinubok, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihiling ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananampalataya, pagmamahal, at mga hangarin ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at tumayong saksi. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos(“Kailangan ang Pananampalataya sa mga Pagsubok” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Matapos kantahin ang himno, napuno ng luha ang mukha ko. Naisip ko kung paanong nang dumaan si Job sa kanyang pagsubok, nawalan ng mga anak at lahat ng kanyang pag-aari, at nagkaroon ng pigsa sa buong katawan, nakaranas siya ng matinding pisikal at emosyonal na pagdurusa. Nahaharap sa pagsubok na ito, sa simula’y hindi malinaw kay Job ang mga layunin ng Diyos, at sobra siyang nagdalamhati at sumama ang loob, pero may malaki siyang paggalang sa Diyos. Hindi niya hinabol ang mga magnanakaw o nagreklamo. Lumapit muna siya sa harap ng Diyos, nagdarasal at hinahanap Siya. Sa wakas sinabi niya: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21), nagbibigay ng nagniningning na patotoo. Sa pamamagitan nito, napagtanto ko ang layunin ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang mga sitwasyong ito para gawing perpekto ang pananampalataya ko. Dapat akong matuto sa kuwento ni Job at magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya para tumayong saksi.

Matapos akong paluhurin nang higit sa sampung minuto, inutusan ako ng mga pulis na tumayo. Isang matangkad na pulis ang humablot sa buhok ko at binaltak pataas ang ulo ko nang sa gayon dulo lang ng mga daliri ko sa paa ang nakatapak sa sahig. May napakatinding sakit na para bang natanggal ang anit ko sa ulo ko. Binatak niya ang isang kumpol ng buhok at tinapon ’yon sa basurahan. Nagsimulang dumaloy ang dugo mula sa mga dulo no’n. Tapos nagsimula niyang dikdikin at durugin ang mga kaliwang daliri ko sa paa gamit ang mga sapatos niya, at tumayo nang may buong bigat niya sa mga paa ko. Sobrang sakit no’n na akala ko baka nabali na ang mga buto sa mga paa ko kaya itinulak ko siya palayo. Nakita niya kung gaano niya ako nasasaktan kaya tumayo siya uli sa mga paa ko. Nagsimulang manginig ang mga binti ko at awtomatiko akong napayukyok, pero hinila niya ako patayo, itinaas ang mga kamay ko sa pader at nagpatuloy sa pagtayo sa mga paa ko. Pinagpawisan ako ng malamig at nagsimulang bumagsak ang buong katawan ko, pero mahigpit niya akong hinawakan, hindi ako hinahayaang yumukyok. Iyon ang unang beses na naisip kong mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa tiisin ang sakit na ’to. Noon lang malutong na tumunog ang kaliwang paa ko siya tumigil sa wakas. Akala ko nabali na ang paa ko, pero talagang ayos lang ito. Alam kong naawa sa akin ang Diyos sa aking kahinaan at pinoprotektahan ako. Pinasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko. Tapos pumasok ang isang pulis na mukhang mga bente anyos ang edad at mapang-akit akong tinanong: “Ilang taon ka na? May boyfriend ka ba? Kung ayaw mong magsalita, ayos lang. Pero kung mas maaga kang magsasalita, mas maaga ka naming pakakawalan. At sa gabi, pupuntahan kita.” Tapos lumapit siya sa akin at sinabing: “Anong klaseng mga bagay sa tingin mo ang ginagawa ng isang lalaki at babae nang sila lang sa isang silid?” Marami siyang sinabing iba pang napakabastos at malalaswang bagay sa akin. Tapos pumasok ang isang babaeng pulis at may malamig na ngiting sinabi sa akin: “Kung hindi siya magsasalita, hubarin na lang ang lahat ng damit niya at patayuin siya nang nakahubad sa isang mataong interseksyon na may nakasabit na karatula sa leeg niya para makita siya ng lahat. Tapos i-post online ang hubad niyang mga larawan at tingnan natin kung mangangahas pa rin siyang lumabas sa publiko! Hihiyain siya habambuhay!” Habang nagsasalita siya, inalis niya ang posas ko at sinimulang hubarin ang coat ko. Takot na takot ako. Akala ko baka magkaroon siya ng kaunting simpatya sa akin bilang isang babae, pero lumabas na kasing sama lang din siya ng lalaking pulis. Isa pang lalaking pulis ang nagsimulang himasin ang baywang ko at nagsabing: “Napakaganda ng katawan mo.” Ang lahat ng iba pang pulis ay malaswang humagalpak ng tawa. Ang tunog ng tawa nila ay parang deretsong nanggaling sa impiyerno. Takot na takot ako na halos maiyak na ako, iniisip na, “Walang hindi gagawin ang mga pulis na ’to. Kung talagang huhubarin nila ang lahat ng damit ko, paano ako mabubuhay sa ganoong kahihiyan? Mas mabuti pang mamatay kaysa mabuhay sa ganoong kahihiyan.” Nakita ko na walang bakal na harang sa bintana sa harap ng lamesa, at naisip kong tumalon mula roon. Nang mapansin nilang iniisip kong tumalon, kinandado nila ang bintana, kaya inuntog ko ang ulo ko sa pader nang pinakamalakas na kaya ko. Isang pulis ang isinandal ako sa pader para hindi ako makagalaw at galit na sumigaw: “Gusto mong mamatay? Hindi ka namin puwedeng hayaan na lang nang ganoon kadali. Gagawin kong impiyerno ang buhay mo!” Gusto kong mamatay, pero hindi nila ako hinahayaan. Ako’y lubos na nagdurusa. Sa sandaling ’yon, sumagi sa isip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(“Hangaring Mahalin ang Diyos Kahit Gaano Kalaki ang Iyong Pagdurusa” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Gusto ng Diyos na mabuhay ako para tumayong saksi para sa Kanya. Ang pagnanais na mamatay pagkatapos magdusa lang nang kaunti ay hindi pag-uugali ng isang taong nagmamahal sa Diyos. Ito’y pag-uugali ng isang duwag at walang kuwentang tao. Kailangan kong patuloy na mabuhay! Kung talagang huhubarin nila ang lahat ng damit ko at isasabit ako sa tarangkahan ng himpilan ng pulisya, katibayan ito ng kanilang pag-uusig sa mga Kristiyano. Matapos isipin ito, ayoko nang mamatay. Tapos, isang pulis na Xie ang apelyido ay malaswa akong tinitigan at nagsabing: “Maganda ka. Bente anyos lang, ’no? Wala ka pang boyfriend? Gusto kong tingnan kung birhen ka pa rin.” Habang nagsasalita siya, lumapit siya sa akin at idinikit ang sarili sa akin, hinahaplos ang mukha at baba ko. Natakot ako at itinulak siya palayo. Gumewang siya paatras at nabangga siya sa gilid ng lamesa, tapos nagalit siya at sumugod sa akin, at inipit ang mga kamay ko sa pader. Hinalikan niya ako sa buong mukha at leeg ko. Sobra akong nabalisa na napasigaw ako. Ang ilan sa mga pulis na nanonood ay humagalpak ng tawa sa nakikitang pagpupumiglas ko. Para maprotektahan ang sarili ko mula sa pangmomolestiya, sinipa ko siya at hindi siya hinayaang makalapit. Ginamit ng isa pang pulis ang camera niya para simulan akong kuhaan ng larawan. Sabi niya: “Ang lakas ng loob mong saktan ang isang pulis!” Lubusan niya akong ginalit. Pinagtutulungan nila akong lahat, pero sinubukan nila akong akusahan na sinasaktan ko sila? Hindi ba’t binabaligtad nila ang katotohanan? Pero naisip ko rin, “Kung lalaban ako at kumuha sila ng larawan, maaari nilang i-post online ang larawan at gamitin ito para siraan at paratangan ang Iglesia. Hindi ba nito maipapahiya ang Diyos?” Ayokong magkaroon sila ng anumang laban sa Iglesia, kaya kinailangan kong pigilan ang luha ko at tahimik na tiisin ang kanilang pagpapahirap. Sa huli, hindi nila nakuha ang larawang gusto nila kaya umalis sila.

Pinaposasan ako ni Officer Xie sa isa pang lalaking pulis at inipit ang mga braso ko sa pader. Inapakan niya ang mga paa ko, binaba ang zipper ng coat ko, at sinimulan akong hawakan sa buong likod at baywang ko. Nakaipit ang lahat ng mga kamay at paa ko, kaya walang paraan para makalaban ako. Sobra akong nabalisa na nagsimula akong humikbi. Nang pumasok lang ang girlfriend ni Officer Xie siya tumigil sa wakas. Makalipas ang ilang sandali, bumalik si Officer Xie at sinunggaban ako na para siyang sinapian. Walang ibang tao sa silid nang oras na ’yon. Mahigpit niyang inipit ang mga binti ko at pinaikot ang mga braso sa akin, hinahaplos ako kung saan-saan. Hinubad pa niya ang pantalon ko. Takot na takot ako at mahigpit na hinawakan ang waistband ko. Mabagsik niya akong sinampal sa mukha at napasigaw ako. Itinakip niya ang kamay niya sa bibig at ilong ko. Hindi ako makahinga, at habang lalo akong nagpupumiglas, mas nanghihina ako. Ganito mismo ang nakita ko sa telebisyon na pagtrato ng mga rapist sa mga biktima nila. Sobra akong natakot at nawalan ng pag-asa. Galit at yamot, sumigaw si Officer Xie: “Sigaw! Sumigaw ka nang pinakamalakas na kaya mo! Tingnan natin kung darating ang Diyos mo para iligtas ka.” Sobra akong ginalit ng kanyang kawalanghiyaan at kasamaan, pero may isang bagay din siyang ipinaalala sa akin. Bakit hindi ako nagdarasal at umaasa sa Diyos? Diyos lang ang makapagliligtas sa akin. Dali-dali akong nagdasal sa Diyos: “Mahal kong Diyos, ayokong mayurakan ni Satanas. Pakiusap, iligtas Mo po ako, pakiusap, iligtas Mo po ako!” Habang ginagawa ko ang madaliang pagsusumamo ko sa Diyos, inalis ni Officer Xie ang pagkakatakip sa ilong at bibig ko at huminga ako ng malalim. Agad akong sumigaw at ilang pulis sa katabing silid ang nakarinig at nagpunta. Noon lang niya ako binitawan. Bumagsak ako sa sahig, ginugunita ang katatapos lang mangyari. Kung hindi dahil sa proteksiyon ng Diyos, baka nagahasa ako. Pinasalamatan ko ang Diyos sa puso ko.

Nang araw na ’yon nang tanghali, pito o walong pulis ang pumasok. Nang hindi ako nakipagtulungan sa kanila, lumapit sa akin ang hepe ng himpilan at piningot ang tainga ko habang kinukurot ang batok ko. Napakasakit n’on kaya napayuko ako. Tinawanan niya ako, sinasabing: “Isinusuksok ang ulo mo na parang isang pagong, ha?” Nakisali rin ang iba pa sa pagtawa sa akin. Pinalibutan nila ako at sinimulan akong itulak-tulak na parang isang bola. Dalawa sa mga pulis ang sinamantala pa ang pagkakataon para pisilin ang dibdib at baywang ko. Isang grupo sila ng mga damuho! Pinagngalit ko ang mga ngipin ko sa galit at gusto kong lumaban. Kung hindi ko mismo napagdaanan ang lahat ng ito, hindi ko sana pinaniwalaan na ang mga ito ang “mga pulis ng mga tao” na sinasabi ng ating mga aklat-aralin at palabas sa telebisyon na “naglilingkod sa mga tao” at “lumalaban para sa hustisya.” Hindi ko na ito kinaya at sinigawan ko sila, sinasabing: “Aapihin ba ng mga tunay na lalaki ang isang maliit na babae?” Tumigil sila pagkasabing-pagkasabi ko no’n. Makalipas ang ilang sandali, isang pulis ang nagtutok ng baril sa sentido ko at binantaan ako, at nagsabing: “Puwede kitang barilin ngayon mismo! Kapag nahuhuli namin kayong mga mananampalataya, puwede namin kayong patayin nang walang pananagutan. Puwede namin kayong barilin agad-agad. Kapag namatay ka na, ilalabas ka lang namin at ililibing. Kung may mga huling salita ka, sabihin mo na ngayon!” Habang nagsasalita siya, kinargahan niya ng bala ang baril. Nang makita kong hindi siya nagbibiro, natakot ako nang husto na nanlambot ang mga binti ko. Naisip ko sa sarili ko: “Talaga bang matatapos na ang buhay ko sa napakabatang edad? Naging napakasuwerte kong naroroon ako para sa pagkakatawang-tao ng Diyos at pagliligtas Niya sa sangkatauhan sa mga huling araw, pero ngayon mamamatay ako bago masaksihan ang tanawin ng paglaganap ng ebanghelyo ng kaharian sa buong sansinukob at pagkamit ng pagbabago sa disposisyon? Ang hirap no’n tanggapin.” Sa sandaling ’yon, naisip ko kung paanong sinabi ng Panginoong Jesus na: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siya na makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno(Mateo 10:28). Tama ’yon, maaari lang pinsalain at pahirapan ng malaking pulang dragon ang aking laman, hindi nito maaaring wasakin ang aking kaluluwa. Isa lang itong tigreng papel. Sa panlabas ay mukha itong nakakatakot, pero gaano man ito maging masiklab, palagi itong nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ito mangangahas na gumawa ng anuman sa akin nang walang pahintulot ng Diyos. Naisip ko kung paanong ipinako sa krus nang pabaligtad si Pedro para sa Diyos sa kanyang paghahangad na mahalin Siya. Nang siya’y ipako sa krus, nagdasal siya sa Diyos na nagsasabing: “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon, ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat na maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magpatotoo nito sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga pamantayan, at na ito ay mas higit pang magiging dalisay. Ngayon, ang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay nagbibigay kaginhawahan at katiyakan sa akin, sapagkat wala nang higit pang kasiya-siya sa akin kaysa sa mapako sa krus para sa Iyo at matugunan ang Iyong mga nais, at maibigay ang aking sarili sa Iyo, maialay ang aking buhay sa Iyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Labis na nagbibigay ng tanglaw para sa akin ang dasal ni Pedro. Nadama kong mas napalapit ako sa Diyos at hindi na kinatakutan ang kamatayan. Naisip ko kung paanong pinoprotektahan ako ng Diyos simula nang maaresto ako at kung paanong nang tinutukso ako ni Satanas, ang mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin para maunawaan ang pakana nito. Nang ako’y mahina, binigyan Niya ako ng pananampalataya at lakas, at nang ako’y nasa panganib, isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay para hindi ako mayurakan ni Satanas. Napakalalim ng pagmamahal ng Diyos para sa akin! Para masuklian ang pagmamahal ng Diyos, si Pedro’y ipinako sa krus nang pabaligtad. Tinamasa ko ang labis na pagmamahal ng Diyos, pero hindi ko Siya sinuklian kailanman. Maaaring wala ako ng tayog ni Pedro, pero handa akong gawin siyang ehemplo. Magiging karangalan kong mamatay para sa Diyos ngayon. Labis akong naantig ng pagmamahal ng Diyos at tahimik akong nagdasal sa Diyos, na nagsasabing: “O Diyos ko, napakalaki po ng pagkakautang ko sa Iyo. Sa buhay ko, hindi ko kailanman masigasig na hinanap ang katotohanan o hinangad na mahalin Ka. Kung sakaling bumalik ako sa mundong ito, mananampalataya pa rin ako sa Iyo, susunod sa Iyo at susuklian ang pagmamahal Mo!” Nakita ng ilan sa mga pulis na umiiyak ako at, iniisip na natatakot ako ay nagsabing: “Ito na ang huling pagkakataon mo. Mayroon ka bang anumang huling habilin? Magsalita ka na ngayon!” Sabi ko, “Lahat ay namamatay sa huli. Mamamatay ako dahil inuusig ako alang-alang sa pagiging matuwid, kaya wala akong pinagsisisihan.” Matapos kong sabihin ’yon, pumikit ako at hinintay na pumutok ang baril. Nagalit nang husto ang pulis kaya nagsimulang manginig ang kamay niya at sinabi niyang: “Tutuparin ko ang hiling mo!” Sinabi niya sa aking ibaling ko ang ulo ko sa isang panig, tapos itinutok niya ang baril sa sentido ko at nagpaputok ng ilang beses, pero sa paanuma’y hindi ako namatay. Tapos napagtanto ko na inalis niya ang bala. Hinampas ng isa pang pulis ang kanyang mga kamay sa lamesa at nagsabing: “Akala mo ba ikaw si Liu Hulan o ano? Anuman ang gawin namin sa ’yo, parang walang gumagana!” Tinusuk-tusok nila ang sentido ko at pinalo ako sa ulo gamit ang baril, at nagsabing: “Sige, umiyak ka. Bakit hindi ka umiiyak?” Naisip ko ang himno ng karanasan sa buhay na nagsasabing: “Kahit na maaaring mabagok ang ating ulo at dumaloy ang ating dugo, hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos.” (“Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Dati, nang naharap ako sa kanilang pagpapahirap at pagbabanta, umiyak lang ako nang umiyak para subukang makuha ang simpatya nila. Napagtanto kong wala akong pananampalataya sa Diyos. Naglulumuhod ako sa harap ni Satanas at walang paninindigan. Hindi ko na maaaring ipahiya pa ang Diyos sa aking kawalan ng lakas ng loob. Kaya’t pinunasan ko ang aking luha, ikinuyom ang aking mga kamao, at nagpasyang labanan si Satanas hanggang sa madugong katapusan! Kinanta ko ang himnong “Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos” sa isip ko: “Iaalay ko ang aking pagmamahal at katapatan sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon upang luwalhatiin Siya. Determinado akong manindigan sa aking pagpapatotoo sa Diyos, at hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Kahit na maaaring mabagok ang ating ulo at dumaloy ang ating dugo, hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos. Sa mga pangaral ng Diyos na nakakabit sa puso ko, determinado akong pahiyain ang diyablong si Satanas. Itinatadhana ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap. Magiging matapat at masunurin ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin ang Diyos at hinding-hindi na Siya muling bibigyan ng alalahanin” (Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin).

Nakita ako ng ilan sa mga pulis na mahigpit na ikinukuyom ang mga kamao ko at kumukulo sa galit: “Mas katulad niya si Liu Hulan kaysa kay Liu Hulan!” Nang makitang nabigo at wala nang pagpipilian si Satanas, alam kong napahiya na ito. Tunay kong naunawaan ang ibig sabihin ng Diyos nang sinabi Niyang: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Ang kahinaan ng tao’y ang kanyang takot sa kamatayan. Alam ni Satanas ang tungkol sa kahinaan ko at ginamit ito para bantaan ako at pigilan akong manampalataya at sumunod sa Diyos. Pero ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa mga pakana ni Satanas. Nang ibigay ko ang buhay ko sa Diyos, nawalan ng kapangyarihan si Satanas, at nabigo ito at napahiya. Nang tanghali, ilan sa mga pulis ay umalis para kumain at tatlo ang naiwan para bantayan ako. Lumapit sa akin ang isang pulis at may plastik na ngiting tinanong ako: “Bakit hindi ka umiyak?” Sabi ko: “Wala akong anumang iiyakan.” Sabi niya: “Kung hindi ka iiyak, bibigyan ka namin ng iiyakan.” Habang nagsasalita siya, kumuha siya ng isang itim na bote. Ibinuka niya ang mga mata ko at nag-spray ng kemikal sa bibig at mga mata ko, habang ang isa pang pulis ay inipit ako sa mga braso at ulo ko. Agad na nagsimulang mapaso at magtubig ang mga mata ko at hindi ko mapanatiling bukas ang mga ito. Mahapdi ang luha sa mga pisngi ko at mahapdi rin ang lalamunan ko mula sa nalunok kong kemikal. Napakasakit na ni hindi ako makapagsalita at patuloy akong dumudura. Binantaan niya rin ako na sinasabi na isa itong uri ng lason at papatayin ako nito sa loob ng kalahating oras. Ang ikatlong pulis ay hinablot ako sa posas at dinala ako sa ibang silid. Sa sandaling ’yon ay nagagawa ko nang buksan ang mga mata ko nang kaunti kaya’t inisprayan nila ako ng higit pang kemikal. Tapos ipinosas nila ako sa ibang kapatid na kasama kong naaresto, binuksan ang bentilador sa pinakamataas na setting at binuksan ang lahat ng bintana. Nakasuot siya ng malaking parka at naiinitan ng heater ang mga paa niya. Tawa siya nang tawa at nagsabing: “Maginhawa at mainit, ’di ba?” Kalagitnaan ’yon ng taglamig at mabilis na nanlamig ang mga kamay at paa ko. Sa sandaling ’yon, narinig ko ang isa sa mga kapatid na nagsimulang itapik ang mga paa at tahimik na kumanta ng isang awit. Nakinig ako nang mabuti at napagtanto na kumakanta siya ng isang himno ng karanasan sa papuri sa Diyos. Sinimulan ko ring itapik ang paa ko sa tiyempo. Habang kumakanta ako, nadama kong nagbalik ang lakas ko, at naisip ko: “Paano man nila ako pahirapan, magpapatuloy ako ano’t anuman. Kahit na nangangahulugan ito ng kamatayan ko, tatayo akong saksi para mapalugod ang Diyos!” Sa gulat ko, pinakawalan nila kami bandang alas tres ng hapon. Ang nangyari’y sa panahong ’yon ay umaresto sila nang napakaraming kapatid na wala nang natitirang silid sa detention center o sa bilangguan. Nang malaman nilang hindi sila nakakakuha ng anumang nauugnay na impormasyon mula sa amin at hindi alam kung saan ang alinman sa mga address namin, pinakawalan na lang nila kami. Gayunman, alam ko na ito ay awa ng Diyos. Binigyan niya kami ng daan palabas. Nagpasalamat ako sa Diyos sa aking puso.

Sa panahon ng aking pagkaaresto at pag-uusig ng CCP, nagdusa nang kaunti ang aking laman at ako’y napahiya, pero nagkamit ako ng tunay na pagkakilala sa masamang diwa ng CCP. Malinaw kong nakita na ang CCP ay isa lang demonyong namumuhi sa Diyos at lumalaban sa Diyos. Hangga’t nasa kapangyarihan ang malaking pulang dragon, nasa kapangyarihan si Satanas, pinagmamalupitan at ginagawang tiwali ang lahat ng tao. Tinalikdan ko at nilayuan ang malaking pulang dragon sa puso ko at pinanabikan ko ang araw na si Cristo at ang katarungan ay maghahari. Umasa ako na ang kaharian ni Cristo ay matutupad sa lalong madaling panahon at nagkaroon ako ng higit pang pananampalataya na sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli.

Mga Talababa:

1. Ang “nagpaparatang nang walang batayan” ay tumutukoy sa mga paraan kung paano pinipinsala ng diyablo ang mga tao.

2. Ang “mahigpit na binabantayan” ay nagpapahiwatig na ang mga paraan kung saan pinahihirapan ng diyablo ang mga tao ay lalo nang malupit, at kontrolado nang labis ang mga tao na wala na silang makilusan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, Tsina Isang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Pinaghahanap Ngunit Inosente

Ni Liu Yunying, TsinaNoong Mayo 2014, inimbento ng Partido Komunista ng Tsina ang Zhaoyuan Case sa Shandong para i-frame at siraan ang Ang...