Isang Di-Malilimutang Karanasan sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Enero 25, 2023

Ni Xiaolian, Italya

Ang karanasang pinakatumatak sa akin ay nangyari noong Abril ng 2021. Nakilala ko online ang isang Katolikong brother na nagngangalang Raphael. Habang ibinabahagi sa kanya ang ebanghelyo, nalaman kong may kakayahan siya at mabilis niyang naunawaan ang katotohanan. Nang mabasa ang salita ng Makapangyarihang Diyos, nadama niya na iyon ang tinig ng Diyos. Handa siyang maghanap at magsiyasat, at aktibo siyang lumahok sa mga pagtitipon.

Pero sa gulat ko, isang sister ang nagpadala sa’kin ng mensahe isang araw, nagsasabing nakatagpo ni Raphael ang dati nilang paring Katoliko, at na hindi na siya pupunta sa mga pagtitipon. Nabigla ako sa narinig ko. Tiyak na tinuruan siya ng maraming kuru-kuro at maling paniniwala. Agad ko siyang kinontak, at nalaman kong nalito siya sa mga pinagsasabi namin, pero hindi niya sinabi kung saan siya nalilito. Hindi ko alam kung paano ako dapat magbahagi sa kanya, nablangko ang isip ko, at hindi ko alam ang gagawin. Paulit-ulit kong tinawag ang Diyos, hinihiling sa Diyos na gabayan si Raphael kung ito ay tupa ng Diyos, at sinabi kong handa akong gawin ang lahat ng aking makakaya sa pakikipagbahaginan dito. Kalaunan, inanyayahan namin ni Sister Anila si Raphael na makipagbahaginan kasama namin. Dumating siyang naglilitanya ng napakaraming doktrina ng relihiyon, tila masigla, nagsasalita tungkol sa debosyon niya sa Panginoong Jesus, kung gaano katatag ang kanyang pananampalataya, at kung paanong hindi posible para sa pagkakatawang-tao na ito ng Diyos na maging babae. Sa tingin niya’y ‘pagkat nagkatawang-tao noon ang Panginoong Jesus bilang lalaki at tinawag Niya ang Diyos sa langit na “Ama,” at dahil nakasanayan na ng mga nasa mundo ng relihiyon na tawagin ang Diyos sa langit na “Diyos Ama,” ang Panginoon ay dapat bumalik sa anyo ng isang lalaki, at na ang pagpapakita at paggawa ng Makapangyarihang Diyos sa anyo ng isang babae ay hindi katanggap-tanggap sa kanya. Nang marinig ko ang tindi ng kanyang mga salita, medyo nalito ako at hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Sa sandaling iyon, bigla kong naalala ang isang pelikula ng ebanghelyo na Ang Hiwaga ng Kabanalan: Ang Karugtong, at na ang katotohanang ibinahagi sa pelikulang ito ay maayos na makakalutas sa isyung ito. Kaya mabilis kong sinabi, “Brother, naniniwala akong matatag talaga ang pananalig mo sa Panginoong Jesus, pero pag-isipan lang natin sandali: Madalas tayong manalangin sa Panginoong Jesus, pero tunay ba natin Siyang kilala? Talaga bang alam natin na ang Panginoong Jesus ay ang pagkakatawang-tao ng Diyos Mismo? Talaga bang alam natin na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay? Lakas-loob ba nating masasabi na alam natin ang banal na diwa ng Panginoong Jesus? Lakas-loob ba nating magagarantiya na pagbalik ng Panginoong Jesus, tunay nating magagawang malaman na Siya nga ito? Bakit nga ba tayo nananalig sa Kanya? Dahil ba sa pamilya kung saan Siya ipinanganak o sa Kanyang hitsura?” Walang sinabi si Raphael bilang tugon dito. Pagkatapos ay binasa ko sa kanya ang ilang sipi ng salita ng Makapangyarihang Diyos. “Ang diwa ng paniniwala ng mga tao sa Diyos ay ang paniniwala sa Espiritu ng Diyos, at kahit ang paniniwala nila sa Diyos na nagkatawang-tao ay dahil sa ang katawang-tao na ito ay ang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos, na nangangahulugang ang gayong paniniwala ay paniniwala pa rin sa Espiritu. May mga pagkakaiba sa pagitan ng Espiritu at ng katawang-tao, ngunit dahil ang katawang-tao na ito ay nagmumula sa Espiritu, at siyang Salita na naging tao, sa gayon ang pinaniniwalaan ng tao ay ang likas na diwa pa rin ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos). “Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging isang tao, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay ang gawain ng Espiritu, na nagiging totoo sa katawang-tao, ipinapahayag ng tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang normal na pagkataong ito—at wala nang iba—ang maaaring magpahayag ng banal na gawain(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos). Pagkabasa ko sa kanya ng salita ng Diyos, nagbahagi ako: “Alam nating lahat na ang Panginoong Jesus ay isinilang sa pamilya ng isang karpintero, na Siya ay mukhang normal, walang pinagkaiba sa isang ordinaryong tao sa panlabas, ngunit Siya ang katawan na isinuot ng Espiritu ng Diyos, at Siya ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao. Hindi dahil sa Siya ay Hudyo kung kaya’t nananalig tayo sa Kanya, ni dahil sa ipinanganak Siya ni Maria, at lalong hindi dahil sa Kanyang kasarian o Kanyang hitsura. Nananalig tayo sa Kanya dahil taglay Niya ang diwa ng Espiritu ng Diyos, dahil Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Siya lamang ang makakapagpahayag ng katotohanan at makapagsasagawa ng banal na gawain. Kaya, bakit din tayo nananalig sa Makapangyarihang Diyos ngayon? Nananalig tayo dahil ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, Siya ang Espiritu ng Panginoong Jesus na nadadamitang muli ng laman ng isang ordinaryong tao, naninirahan sa piling natin, nagpapahayag ng mga katotohanan, at ginagawa ang gawain ng paghatol at paglilinis sa mga huling araw. Ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus ay kapwa galing sa iisang pinagmulan, at parehong may diwa ng Espiritu ng Diyos. Saanmang pamilya isilang itong pagkakatawang-tao ng Diyos, anuman ang hitsura Niya, anuman ang kasarian Niya, wala sa mga bagay na ‘to ang makapagpapabago sa Kanyang diwa. Ang Makapangyarihang Diyos ay nagpahayag ng napakaraming katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Sapat na ito para patunayan na ang Makapangyarihang Diyos ay ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos at na Siya ang nagbalik na Panginoong Jesus.”

Unti-unti siyang naging handa na maghanap, at sinabing sang-ayon siya sa lahat ng sinabi ko, pero hindi pa rin niya maunawaan kung bakit pinili ng Diyos na magkatawang-tao sa anyo ng isang babae sa panahong ito. Nang makitang medyo huminahon na siya, tinanong ko siya: “Ang anyo ba o kasarian na pinili ng Diyos upang gumawa sa katawang-tao ay mga bagay na pwede nating pagpasyahan? Kapag ipinapanganak tayo ng ating ina, hindi natin mapipili ang kanyang hitsura, at kahit ano pang itsura niya, kailangan lang natin itong tanggapin. Ito ang katwiran na dapat taglay ng mga anak. Hindi ba?” Tumango si Raphael at sinabing: “Siyempre, wala tayong karapatang mamili.” Nagpatuloy ako: “Gayundin, ang uri ng laman ba na pinili ngayon ng Diyos para magkatawang-tao, bilang isang lalaki o isang babae, ay isang bagay na mapagpapasyahan natin? Kung sasabihin natin na kung paparito ang Diyos bilang isang lalaki ay tatanggapin ko ito, ngunit kung Siya ay paparito bilang isang babae, hindi ko matatanggap, hindi ba’t di-makatwiran ‘yon? Ang kasarian ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang bagay na bahala na ang Diyos Mismo at ito’y kapasyahan ng Diyos. Bilang tao, hindi tayo kwalipikadong magkomento, diba? Ang Diyos ang Panginoon ng sangnilikha. Ang karunungan ng Diyos ay mas mataas kaysa sa langit at ang Kanyang pag-iisip ay mas mataas kaysa sa tao. Tayo ay mga hamak lang na tao; paano natin maaarok ang karunungan ng Diyos sa Kanyang gawain? Tungkol sa hitsura at gawain ng Diyos, wala talaga tayong karapatang pumili. Naging tao ang Diyos, at hangga’t nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at ginagawa ang gawain ng Diyos, anuman ang Kanyang kasarian, Siya ang Diyos Mismo, at dapat tayong tumanggap at sumunod. Ito lamang ang pagiging makatwiran, at ito lamang ang pagiging isang matalinong tao.” Pagkatapos ng aking pagbabahagi, taimtim na nakikinig si Raphael at hindi niya ako pinabulaanan.

Pagkatapos ay binasa ko sa kanya ang ilang talata sa Bibliya: “Nang pasimula Siya ang Salita, at ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos(Juan 1:1). “At ang lupa ay walang anyo, at walang laman; at kadiliman ang bumabalot sa kalaliman. At ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig” (Genesis 1:2). “At nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya’y nilalang; nilalang Niya sila na lalaki at babae” (Genesis 1:27). “Ingatan ninyong mabuti ang inyong sarili; yamang wala kayong nakitang anumang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy: Baka kayo ay magpakasama, at kayo ay gumawa sa inyo ng isang larawan, na inanyuan ng wangis ng alin mang larawan, na kahawig ng lalaki o babae, na kahawig ng anumang hayop na nasa lupa, na kahawig ng anumang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid” (Deuteronomio 4:15–17). Nagbahagi ako: “Mula sa mga talatang ito ng Bibliya, makikita natin na ang Diyos ay espiritu sa diwa, na Siya ay walang tiyak na anyo, at na hindi Niya pinahihintulutan ang mga tao na iukit Siya sa anumang imahe upang sambahin. Sa Genesis, nakasulat na sa simula, unang nilikha ng Diyos ang lalaki, at pagkatapos ay ang babae sa Kanyang sariling imahe. Kaya masasabi mo bang ang Diyos ay lalaki o babae? Kung sasabihin mong lalaki ang Diyos, ngunit nilalang din Niya ang babae ayon sa Kanyang imahe, o kung sasabihin mong babae ang Diyos, ngunit nilalang Niya ang lalaki ayon sa Kanyang sariling imahe, anong nangyayari? Ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at nilikha Niya ang lalaki at babae ayon sa Kanyang imahe. Nung una Siyang nagkatawang-tao, iyon ay bilang isang lalaki, at sa mga huling araw ay nagkatawang-tao Siya bilang isang babae, ibig sabihin, patas ang pagturing niya sa dalawang kasarian. Kung ang Diyos ay nagkatawang-tao bilang isang lalaki sa parehong pagkakataon, hindi magiging patas ‘yon sa mga kababaihan. Ang pagsasabi na ang Diyos ay lalaki o babae ay paglilimita sa Diyos, na siyang pinakaayaw Niya. Sa tuwing nagkakatawang-tao ang Diyos, ito ay para iligtas ang sangkatauhan, at ang magkatawang-tao ay nangangahulugan ng pag-aanyo na isang tao, lalaki man o babae. Gayunpaman, anuman ang kasarian ng Diyos na nagkatawang-tao, ang diwa Niya’y hindi nagbabago magpakailanman.” Nang marinig ito, medyo napukaw si Raphael at sinabing: “Ang pagkakatawang-tao ng Diyos bilang isang babae sa mga huling araw ay tunay na makabuluhan!”

Tapos, pinadalhan ko siya ng ilang sipi ng salita ng Makapangyarihang Diyos. “Bawat yugto ng gawaing ginawa ng Diyos ay may sariling praktikal na kabuluhan. Noon, nang pumarito si Jesus, dumating Siya sa anyong lalaki, at nang dumating ang Diyos sa pagkakataong ito, ang anyo Niya ay babae. Mula rito, makikita mo na ang paglikha ng Diyos sa kapwa lalaki at babae ay magagamit sa Kanyang gawain, at para sa Kanya ay walang pagkakaiba ng kasarian. Kapag dumarating ang Kanyang Espiritu, maaari Siyang magbihis ng anumang katawang-taong gusto Niya, at maaari Siyang katawanin ng katawang-taong iyon; lalaki man o babae, maaari nitong katawanin ang Diyos basta’t ito ang Kanyang nagkatawang-taong laman. Kung nagpakita si Jesus bilang isang babae nang Siya ay dumating, sa madaling salita, kung isang sanggol na babae, at hindi isang lalaki, naipaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, makukumpleto pa rin ang yugtong iyon ng gawain. Kung nagkagayon, kakailanganing kumpletuhin ng isang lalaki ang kasalukuyang yugto ng gawain, ngunit makukumpleto pa rin ang gawain. Ang gawaing ginagawa sa bawat yugto ay mayroong sarili nitong kabuluhan; hindi naulit ang alinmang yugto ng gawain, ni hindi ito magkasalungat(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao). “Kung ang Diyos ay nagkatawang-tao lamang bilang isang lalaki, ituturing Siya ng mga tao bilang isang lalaki, bilang Diyos ng mga kalalakihan, at hindi Siya kailanman paniniwalaan bilang Diyos ng mga kababaihan. Paniniwalaan ng mga kalalakihan na ang kasarian ng Diyos ay katulad ng kanilang kasarian, na ang Diyos ay ang pinuno ng mga kalalakihan—subalit paano naman ang mga kababaihan? Ito ay hindi makatarungan; hindi ba ito pagtratong may pagtatangi? Kung magkagayunman, lahat silang ililigtas ng Diyos ay mga lalaki na kagaya Niya, at wala ni isang babae ang maliligtas. Nang nilalang ng Diyos ang sangkatauhan, nilikha Niya si Adan at nilikha Niya si Eba. Hindi lamang Niya nilikha si Adan, kundi kapwa ginawa ang lalaki at babae sa Kanyang wangis. Ang Diyos ay hindi lamang Diyos ng mga kalalakihan—Siya ay Diyos din ng mga kababaihan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3). “Ang Diyos ay hindi lamang ang Banal na Espiritu, ang Espiritung iyon, ang Espiritung pinatindi nang pitong beses, o ang Espiritung sumasaklaw sa lahat, kundi isang tao rin—isang ordinaryong tao, isang lubhang karaniwang tao. Hindi lamang Siya lalaki, kundi babae rin. Magkapareho sila dahil kapwa Sila isinilang sa mga tao, at magkaiba dahil ipinaglihi ang isa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ang isa naman ay isinilang sa isang tao, bagama’t nagmula mismo sa Espiritu. Magkatulad Sila dahil pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao na nagsasagawa ng gawain ng Diyos Ama, at magkaiba dahil ginagawa ng isa ang gawain ng pagtubos samantalang ang isa naman ay ang gawain ng panlulupig. Parehong kumakatawan sa Diyos Ama, ngunit ang isa ay ang Manunubos, na puno ng kagandahang-loob at awa, at ang isa naman ay ang Diyos ng katuwiran, na puno ng poot at paghatol. Ang isa ay ang Kataas-taasang Pinuno na naglunsad ng gawain ng pagtubos, samantalang ang isa naman ay ang matuwid na Diyos na nagsasakatuparan ng gawain ng panlulupig. Ang isa ay ang Simula, at ang isa naman ay ang Wakas. Ang isa ay walang-kasalanang katawan, samantalang ang isa naman ay katawan na tumatapos sa pagtubos, nagpapatuloy ng gawain, at hindi nagkakasala kailanman. Pareho Silang iisang Espiritu, ngunit nananahan Sila sa magkaibang katawang-tao at isinilang sa magkaibang lugar, at magkahiwalay Sila nang ilang libong taon. Gayunman, lahat ng Kanilang gawain ay nagpupuno sa isa’t isa, hindi kailanman nagkakasalungat, at maaaring banggitin nang sabay. Pareho Silang tao, ngunit ang isa ay isang batang lalaki at ang isa naman ay isang batang babae(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?). Pagkabasa ng salita ng Diyos, nagbahagi si Anila: “Ang gawain ng Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma, at hindi Niya inuulit kailanman ang Kanyang gawain. Ang gawain ng Diyos ay palaging nagpapanibago, nagbabago, at patuloy na nagtataas. Kung gagawa ang Diyos ng paulit-ulit na gawain, malamang na lilimitahan Siya ng mga tao at hindi tayo magkakaroon ng tunay na pagkakilala sa Kanya. Nung unang nagkatawang-tao ang Diyos, Siya ay isang lalaki, kaya ano ang magiging kahihinatnan ng muling pagbabalik ng Panginoon sa katawang-tao bilang lalaki? Lilimitahan ng mga tao ang Diyos bilang lalaki, at iisipin na ang Diyos ay kinikilala at pinapaboran lamang ang mga lalaki, na hindi Niya mahal ang mga babae at tinatanggihan ang mga babae, at kaya, madidiskrimina ang mga kababaihan magpakailanman. Tamang pagkaunawa ba iyon? Patas ba ito sa mga kababaihan? Naaayon ba ito sa kalooban ng Diyos? Hindi ba’t ang mga bagay na ‘to ay mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ng tao? Ang Diyos ay matuwid, at pantay ang pakikitungo Niya sa mga lalaki at babae. Ang Diyos ay minsang nagkatawang-tao bilang isang lalaki at minsan bilang isang babae. Napakamakabuluhan nito! Ang pagkakatawang-tao ng Diyos bilang babae sa mga huling araw ay binaligtad ang mga kuru-kuro ng lahat, binago ang maling pagkaunawa ng tao sa Diyos, binasag ang mga limitasyon ng tao sa Diyos, at ipinakita sa mga tao na ang Diyos ay hindi lamang Diyos ng mga lalaki, kundi ng mga babae rin. Ang Diyos ay ang Diyos ng buong sangkatauhan. Walang sinuman ang pwedeng gumamit ng kanilang mga kuru-kuro para limitahan ang Diyos bilang lalaki o babae.”

Nagpatuloy pa ako: “Sa katunayan, anuman ang anyo ng Diyos sa Kanyang pagkakatawang-tao, ang Kanyang diwa ay hindi nagbabago. Sila ang Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao, kumakatawan sa Diyos Mismo, at may kakayahang magsagawa ng banal na gawain. Nung Kapanahunan ng Biyaya, naging tao ang Diyos at ipinako sa krus bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan. Ang Panginoong Jesus ay isang lalaki at nagawang ipako sa krus upang tubusin ang sangkatauhan. Kung ang Diyos ay nagkatawang-tao bilang isang babae nung unang pagkakataong ‘yun, matatapos pa rin Niya ang gawain ng pagtubos, at maipapahayag ang katotohanan para mabigyan ang tao ng daan sa pagsisisi. Kaya, ang kasarian at hitsura ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi mahalaga, at hindi mahalaga kung Siya ay may anyo ng kadakilaan o wala. Ang mahalaga ay meron Siyang diwa ng Diyos, na nagsasalita Siya ng mga katotohanan, at ginagawa Niya ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang mga ito lang ang dapat nating pagtuunan ng pansin sa pagsisiyasat sa tunay na daan.” Pagkatapos ay binasahan ko siya ng isa pang sipi ng salita ng Diyos. “Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Nagpatuloy ako sa pagbabahagi: “Napakalinaw ng salita ng Diyos. Upang matiyak kung ito ay ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ang pangunahing bagay na dapat hanapin ay kung Siya ay nakapaglalabas ng mga katotohanan at nakagagawa ng gawain ng Diyos. Kung hindi ka tutuon sa pakikinig sa tinig ng Diyos sa pagsisiyasat sa tunay na daan, at sa halip ay manghuhusga batay sa hitsura at kasarian ng isang pagkakatawang-tao, hindi ba’t ginagawa mo ang parehong pagkakamali ng mga Pariseo na lumalaban kay Jesus? Nakita ng mga Pariseo na ang pamilyang pinagmulan at hitsura ng Panginoong Jesus ay ganap na hindi tumutugma sa kanilang mga kuru-kuro at mga maling akala tungkol sa Mesiyas, kaya basta-basta nilang hinusgahan at kinondena ang Panginoong Jesus nang hindi man lang hinahanap o sinisiyasat ang Kanyang mga salita o gawain. Sa huli, ipinapako nila si Jesus sa krus, nilalabag ang disposisyon ng Diyos, at kaya sila ay isinumpa. Kung ang mga tao’y hindi nagbabasa ng salita ng Makapangyarihang Diyos o tumutuon sa pakikinig sa tinig ng Diyos, at nagtatatwa at lumalaban sila sa Makapangyarihang Diyos dahil ang pagkakatawang-tao ng Diyos bilang isang babae ay hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, hindi ba ito muling pagpapako sa Diyos sa krus?”

Pagkatapos ng pagbabahaginang ito, sinabi ni Raphael na patuloy siyang maghahanap, at nang anyayahan namin siya sa isang pagtitipon kinabukasan ng gabi, agad siyang pumayag. Pero sa gulat ko, hindi siya dumating kinabukasan at hindi sumagot nang tawagan ko. Labis akong nag-alala. Kaya tuwing umaga, pinapadalhan ko siya ng ilang salita ng Diyos pagkabangon na pagkabangon ko, umaasa na isang araw ay sasagot siya. Pero hindi niya binasa ang mga mensahe ko at talagang nawawalan na ako ng pag-asa. Kalaunan, sinubukan kong ipakontak siya sa iba pang mga kapatid, pero hindi talaga siya makontak. Muli akong nasadlak sa kawalan ng pag-asa, at naisip ko na ganun namang talaga ang dapat mangyari. Nung gusto ko na siyang tuluyang isuko, nakita ko ang isang artikulo tungkol sa karanasan ng isang sister sa pangangaral ng ebanghelyo sa isang Italyano. Nagkataong kilala ko itong brother na pinangaralan niya at nakapareha ko ito sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. May mabuting pagkatao at dalisay na pagkaunawa sa katotohanan ang brother na ito, pero hindi ko akalain na nagkaroon siya ng napakaraming kuru-kuro nung pinangangaralan siya ng sister na ‘yon, o na dalawang buwan din siyang hindi makontak. Gayunpaman, hindi sumuko ang sister. Patuloy itong naghintay at naghanap ng mga pagkakataon na makapagbahagi sa kanya tungkol sa salita ng Diyos, hanggang sa kalaunan, isa-isang nalutas ng salita ng Makapangyarihang Diyos ang kanyang mga kuru-kuro, at tinanggap niya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nakakaantig talaga ang karanasan ng sister at napahiya ako rito. Naisip ko kung paanong sa likod ng bawat taong lumalapit sa Diyos, nagbayad ang Diyos ng malaking halaga. Kung nauunawaan ko ang taimtim na mga layunin ng Diyos na iligtas ang tao, dapat kong sundin ang kalooban Niya. Pero sa katiting na paghihirap lang, handa na akong umatras at sumuko. Walang-wala talaga akong tiyaga. Nasaan ang katapatan at patotoo ko? Tapos, nabasa ko ang salita ng Diyos. “Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mo munang tuparin ang mga responsibilidad mo. Dapat mong sundin ang iyong konsensya at katinuan sa paggawa ng lahat ng kaya at dapat mong gawin. Dapat kang magbigay ng mga solusyon sa mapagmahal na paraan sa anumang kuru-kuro na maaaring mayroon ang taong nagsasaalang-alang sa tunay na daan o sa anumang mga tanong na sabihin niya. Kung hindi ka talaga makapagbigay ng solusyon, maaari kang maghanap ng ilang nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos na mababasa sa kanya, o nauugnay na maiiksing video tungkol sa mga patotoong batay sa karanasan, o ilang angkop na video na maipapakita sa kanya. Posible talaga na maging epektibo ito; kahit papaano ay matutupad mo ang mga responsibilidad mo, at hindi ka makakaramdam na inuusig ka ng iyong konsensya. Pero kung ikaw ay pabasta-basta at iniraraos lang ang gawain, malamang na hindi mo mapasulong ang mga bagay-bagay, at hindi magiging madali na makamit ang taong iyon. Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa iba, dapat tuparin ng isang tao ang kanyang responsibilidad. Paano dapat unawain ang salitang ‘responsibilidad’? Paano ito talaga dapat isagawa at gamitin? Dapat mong maunawaan na matapos salubungin ang Panginoon at maranasan ang gawain ng Diyos, may obligasyon ka na magpatotoo para sa Kanyang gawain sa mga nauuhaw sa Kanyang pagpapakita. Kaya, paano mo iyon maibabahagi sa kanila? Online man o sa tunay na buhay, dapat mo itong ibahagi sa anumang paraan na nakakakamit ng mga tao at epektibo. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi isang bagay na ginagawa mo kapag gusto mo lamang, hindi ito isang bagay na ginagawa mo kapag maganda ang timpla mo at hindi ginagawa kapag masama ang timpla mo. Hindi rin ito isang bagay na ginagawa ayon sa mga kagustuhan mo, namimili ayon sa gusto mo, ipinapalaganap ang ebanghelyo sa mga gusto mo at hindi ito ipinapalaganap sa mga hindi mo gusto. Dapat ipalaganap ang ebanghelyo ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga prinsipyo ng Kanyang sambahayan. Dapat mong tuparin ang mga responsibilidad at tungkulin ng isang nilikha ng Diyos, ginagawa ang lahat ng makakaya mo para mapatotohanan sa mga nagsasaalang-alang sa tunay na daan ang mga katotohanang nauunawaan mo, ang mga salita ng Diyos, at ang gawain ng Diyos. Iyan ang pagtupad ng responsibilidad at tungkulin ng isang nilikha ng Diyos. Ano ang dapat gawin ng isang tao habang nagpapalaganap siya ng ebanghelyo? Dapat niyang tuparin ang kanyang responsabilidad, gawin ang lahat ng kanyang makakaya, at maging handang magbayad ng lahat ng halaga(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). “Paano ba dapat pakitunguhan ang isang taong nagsisiyasat sa tunay na daan? Hangga’t sumusunod siya sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, may obligasyon tayong ipalaganap ito sa kanya; at kahit pa ang kasalukuyan niyang saloobin ay hindi mabuti at hindi tumatanggap, dapat tayong maging matiyaga. Gaano katagal at hanggang saan tayo dapat magtiyaga? Hanggang sa tanggihan ka niya at hindi ka niya papasukin sa bahay niya, at kahit anong pakikipag-usap ay hindi umuubra, ni ang tawagan siya, o ang ipaimbita siya sa ibang tao, at hindi ka niya pinapansin. Kung magkagayon ay wala nang paraan para ipalaganap pa ang ebanghelyo sa kanya. Iyon ang panahon kung kailan natupad mo na ang iyong responsabilidad. Ganoon ang pagganap ng tungkulin. Hangga’t may kaunting pag-asa, dapat mag-isip ka ng lahat ng paraang kaya mo at gawin ang lahat ng makakaya mo para basahan siya ng mga salita ng Diyos at patotohanan ang gawain ng Diyos. Halimbawa, sabihin nang may isang taong nakasalamuha mo sa loob ng dalawa o tatlong taon. Sinubukan mong ipalaganap ang ebanghelyo at patotohanan ang Diyos sa kanya nang maraming beses, pero wala siyang intensiyong tanggapin ito. Pero medyo nakakaunawa naman siya, at talagang isang potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo. Ano ang dapat mong gawin? Una sa lahat, hindi mo siya dapat sukuan, kundi panatilihin mo ang normal na pakikipag-ugnayan sa kanya, at patuloy siyang basahan ng mga salita ng Diyos at patotohanan ang gawain ng Diyos. Huwag mo siyang sukuan; maging matiyaga ka hanggang sa huli. Balang araw, magigising siya at mararamdamang panahon na para siyasatin ang tunay na daan. Iyon ang dahilan kung bakit ang pagsasagawa ng walang katapusang pagtitiyaga at pagpupursigi ay mahalaga sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. At bakit dapat gawin ito? Dahil ito ang tungkulin ng isang nilikha. Dahil nakikipag-ugnayan ka sa kanya, may obligasyon at responsabilidad kang ipangaral ang ebanghelyo ng Diyos sa kanya. Mula sa una niyang pakikinig ng mga salita ng Diyos at ng ebanghelyo hanggang sa oras na magbalik-loob siya, maraming proseso ang magaganap, at magtatagal ito. Ang yugtong ito ay nangangailangan ng pagtitiyaga at paghihintay, hanggang sa araw na iyon na magbalik-loob siya at madala mo siya sa harap ng Diyos, sa piling ng pamilya ng Diyos. Ito ang obligasyon mo. Ano ba ang isang obligasyon? Ito ay isang responsabilidad na hindi maaaring iwasan, kung saan nakatali ang isang tao sa tungkulin. Kagaya ito ng pagtrato ng ina sa kanyang anak. Gaano man kamasuwayin o kapilyo ang bata, o kung maysakit siya at ayaw kumain, ano ang obligasyon ng kanyang ina? Dahil alam niyang anak ka niya, binibigyang-layaw ka niya, at minamahal ka, at inaalagaan ka. Hindi mahalaga kung kinikilala mo siya bilang iyong ina o hindi, at hindi mahalaga kung paano mo siya tratuhin—nananatili pa rin siya sa tabi mo anuman ang mangyari, nang hindi umaalis kahit saglit, hanggang sa maniwala ka na siya ang iyong ina at magbalik ka sa kanyang mga bisig. Sa ganitong paraan, palagi siyang nakabantay sa iyo at nagmamalasakit sa iyo. Ito ang ibig sabihin ng responsabilidad; ito ang ibig sabihin ng nakatali sa tungkulin. Kung ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ay magsasagawa sa ganitong paraan, nang may ganitong uri ng pagmamahal para sa mga tao, maitataguyod nila ang mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at lubos na makakayang magkamit ng mga resulta(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Pagkabasa sa salita ng Makapangyarihang Diyos, napahiya ako at nadurog ang puso ko. Ginawang napakalinaw ng Diyos ang mga responsibilidad na dapat gampanan ng mga manggagawa ng ebanghelyo. Ang sitwasyon ng bawat potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay iba-iba at kailangang tratuhin nang magkakaiba. Hindi ka pwedeng umasa sa sarili mong mga kuru-kuro, imahinasyon, o masamang palagay para iwasan at limitahan sila, lalong hindi ka pwedeng sumuko sa kanila nang padalus-dalos. Kung natukoy mong angkop sila na tumanggap ng ebanghelyo, kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo at gamitin ang anumang paraan para patotohanan sa kanila ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at akayin sila papunta sa harap ng Diyos. Ito ang mga prinsipyong dapat taglayin ng isang tao sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Subalit, makalipas lang ang maikling panahon na hindi ko makontak si Brother Raphael, naubusan na ako ng pasensya at simpatiya. Nahihirapan ako at ayokong patuloy na subukang magbahagi sa kanya, at sa hindi niya pagpansin sa amin, hindi pagsagot sa tawag, at hindi pagbasa sa aming mga mensahe, pakiramdam ko’y ano pa ba ang magagawa ko? Nakapagbahagi na ako ng dapat kong ibahagi, pero hindi tinatanggap ni Raphael ang tunay na daan, hindi ko na kayang magsikap pa, kaya pansamantala ko muna siyang isinantabi. Pero labis akong hindi mapalagay. Palagi kong iniisip na may tunay na pananalig ang brother na ‘to, may mahusay siyang kakayahan at kapasidad na umunawa, pero nasakop siya ng mga relihiyosong kuru-kuro dahil sa panggugulo at maling patnubay ng isang pari. Kailangan ko siyang tulungan sa kritikal na sandaling ito, hindi ako pwedeng maghintay lang at walang gagawin. Kung hindi, hindi ko matutupad ang mga responsibilidad ng isang manggagawa ng ebanghelyo. Kaya pinadalhan ko siya ng isang sanaysay ng patotoo, umaasang matulungan siya. Mabasa man niya ito o hindi, kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko.

Pagkalipas ng ilang araw, nagpadala siya sa’kin ng mensahe na nagsasabing: “Nagdarasal ako sa buong panahong ito. Kahit wala akong sinabing anuman, alam kong hinahanap ng Diyos ang mga puso natin. Tumatawag ang puso ko sa Makapangyarihang Diyos para liwanagan at gabayan ako, kundi ay baka magkamali ako at magkasala sa Diyos.” Labis akong naantig, at sa kanyang tugon, nakita kong sinabi niyang: “Ang mundong ito ay napakatiwali at napakasama. Napakahirap para sa mga tao na mapalapit sa Diyos. Ang tanging mga sandata laban sa kasamaan ay ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at ang Bibliya.” Kinilala niya ang salita ng Makapangyarihang Diyos, at pinatunayan nito na nauunawaan niya ang tinig ng Diyos at may pag-asa na maibalik siya. Pero alam kong dumaranas siya ng isang matinding labanan sa loob niya, at nag-alala ako na maaaring mahinto ang pagbabasa niya ng mga mensahe ko sa anumang oras. Balisang-balisa ako, kaya pinakalma ko ang sarili ko at nanalangin sa Diyos. Habang nananalangin, naalala ko ang isang parirala mula sa salita ng Diyos, “Hinding-hindi sila iiwanan ng Diyos nang gayon-gayon lamang, o sa huling posibleng sandali” Nagmadali akong hanapin ang siping ito ng salita ng Diyos para basahin. “Ang sumusunod na talata ay nakatala sa Aklat ni Jonas 4:10–11: ‘At sinabi ni Jehova, “Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong makakilala ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?”’ Ang mga ito ang aktwal na sinabi ng Diyos na si Jehova, naitala mula sa pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Jonas. Bagaman ang pag-uusap na ito ay maigsi lamang, ito ay puno ng pagkalinga ng Lumikha sa sangkatauhan at ng Kanyang pag-aatubili na bitiwan ang sangkatauhan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). “Bagaman ipinagkatiwala kay Jonas ang pagpapahayag ng salita ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive, hindi niya naunawaan ang mga layunin ng Diyos na si Jehova, ni naunawaan ang Kanyang mga pag-aalala at mga inaasahan para sa mga mamamayan ng lungsod. Sa pamamagitan ng mahigpit na pangangaral na ito, nais ng Diyos na sabihin sa kanya na ang sangkatauhan ay produkto ng sariling mga kamay ng Diyos, at ang Diyos ay naglaan ng maingat na paggawa sa bawat isang tao, na nasa balikat ng bawat isang tao ang mga inaasahan ng Diyos, at na tinamasa ng bawat isang tao ang panustos ng buhay ng Diyos; para sa bawat isang tao, binayaran ng Diyos ang halaga ng maingat na paggawa. Ang mahigpit na pangangaral na ito ay nagsabi rin kay Jonas na pinahahalagahan ng Diyos ang sangkatauhan, na gawa ng Kanyang sariling mga kamay, tulad din ng pagpapahalaga ni Jonas sa kikayon. Hinding-hindi sila iiwanan ng Diyos nang gayon-gayon lamang, o sa huling posibleng sandali(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Pagkabasa ng salita ng Diyos, naantig ako, kaya sinabi ko kay Raphael: “Brother, maalalahanin kang tao at nauunawaan mo ang tinig ng Diyos. Nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw at naglabas ng milyun-milyong salita ng katotohanan para tustusan tayo, iligtas tayo sa gapos ng kasalanan, at dalhin tayo sa Kanyang kaharian. Umaasa akong ganap mong maisasaalang-alang ang bagay na ito tungkol sa ating mga kapalaran at kalalabasan. Ipagdarasal kita. Nawa’y buksan ng Diyos ang puso mo at pahintulutan kang makabalik sa Kanyang sambahayan sa lalong madaling panahon.” Pagkatapos ay pinadalhan ko siya ng mga pagbasa ng tatlong sipi ng salita ng Diyos at hinintay ang kanyang tugon. Sa tatlong ito, may isang sipi ng salita ng Diyos na nagpanilay-nilay sa kanya, at nagpabago sa kanyang isip.

Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng pagsumpa. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Bibliya, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag mong masyadong itaas ang sarili. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, ‘Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,’ o, ‘Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.’ Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malinlang. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalus-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong patutunguhan, alang-alang sa iyong mga inaasam, alang-alang sa iyong buhay, at huwag kang maglaro sa sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Binasa ni Raphael ang siping ito ng salita ng Diyos nung araw na iyon at pinadalhan niya ako ng mahabang mensahe tungkol sa nararamdaman at pagkaunawa niya. Alam kong naguguluhan at nag-aalala siya na matatahak niya ang maling landas, at na natatakot siya na ang pananalig sa Makapangyarihang Diyos ay nangangahulugang pagsunod sa isa pang denominasyon at pagtataksil kay Jesus. Nakakita ako ng isang sipi ng salita ng Diyos para ipadala sa kanya at nagbahagi ako: “Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay hindi kabilang sa anumang grupo ng relihiyon. Nabuo ito dahil sa pagpapakita at gawain ng nagbalik na Panginoong Jesus, hindi dahil may isang nagtatag ng bagong denominasyon. Ang Makapangyarihang Diyos ay nagpapahayag ng mga katotohanan upang gawin ang gawain ng paghatol, na sinisimulan ang Kapanahunan ng Kaharian at winawakasan ang Kapanahunan ng Biyaya. Maliban sa nagkatawang-taong Diyos Mismo, walang pinuno, o dakila o sikat na tao sa mundo ang makapaglalabas ng mga katotohanan, makapamumuno o makapagliligtas ng sangkatauhan. Wala ni isa! Bagamat ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ay iba sa gawain ni Jesus o ni Jehova, Sila ay iisang Diyos sa diwa. Si Jehova, si Jesus, at ang Makapangyarihang Diyos ay iba’t ibang pangalan lamang na ginamit ng Diyos sa iba’t ibang kapanahunan. Ngunit paano man magbago ang mga pangalan o gawain ng Diyos, ang diwa Niya ay hindi nagbabago. Ang Diyos ay ang Diyos magpasawalang hanggan. Sabi ng Diyos, ‘Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay kumatawan sa pangalan ni Jesus, at kumatawan ito sa Kapanahunan ng Biyaya; para naman sa gawain na isinagawa ni Jehova, ito ay kumatawan kay Jehova, at kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Kanilang gawain ay gawain ng isang Espiritu sa dalawang magkaibang kapanahunan. … Kahit na Sila ay tinatawag sa dalawang magkaibang pangalan, ang parehong yugto ng gawain ay isinagawa ng iisang Espiritu, at ang gawain na isinagawa ay tuluy-tuloy. Dahil iba ang pangalan, at ang nilalaman ng gawain ay iba, ang kapanahunan ay iba rin. Nang dumating si Jehova, iyon ang kapanahunan ni Jehova, at nang dumating si Jesus, iyon ang kapanahunan ni Jesus. At kaya, sa bawat pagdating, ang Diyos ay tinatawag sa isang pangalan, kumakatawan Siya sa isang kapanahunan, at nagbubukas ng isang bagong daan; at sa bawat bagong daan, Siya ay gumagamit ng bagong pangalan, na nagpapakita na ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma, at na ang Kanyang gawain ay patuloy na umuunlad pasulong. Ang kasaysayan ay patuloy na sumusulong, at ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong. Upang marating ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala ang katapusan nito, kailangan nitong patuloy na umunlad pasulong. Kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat araw, kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat taon; kailangan Niyang magbukas ng mga bagong daan, magbukas ng mga bagong kapanahunan, magsimula ng bago at mas malaking gawain, at kasabay nito, magdala ng mga bagong pangalan at gawain. … Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ay gawain ng isang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, lagi nang pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng isang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos. Ngayon, dapat mong maunawaan na ang lahat ng gawain mula sa unang yugto hanggang sa ngayon ay ang gawain ng isang Diyos, ang gawain ng isang Espiritu. Ito ay hindi mapag-aalinlanganan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3). Napakalinaw ng salita ng Makapangyarihang Diyos. Ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto. Ang unang yugto ay ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, kung saan naglabas si Jehova ng mga batas para malaman ng tao ang kasalanan. Ang ikalawang yugto ay ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya, at ito ang unang pagkakataon na nagkatawang-tao ang Diyos upang gumanap bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan. Ang ikatlong yugto ng gawain ay ang gawain ng paghatol sa mga huling araw gaya ng ipinropesiya sa aklat ng Pahayag. Ang tatlong yugtong ito ng gawain ay ang kumpletong plano ng pamamahala ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Iba’t ibang gawain ang ginagawa ng Diyos sa bawat kapanahunan, pero ang gawain ng lahat ng tatlong yugto ay ginagawa ng iisang Diyos. Magbibigay ako ng isang simpleng halimbawa. Ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay maihahalintulad sa pagtatayo ng isang bahay. Ang Kapanahunan ng Kautusan ay kumakatawan sa pundasyon ng bahay, at kung walang pundasyon, ni hindi maitatayo ang bahay. Ang Kapanahunan ng Biyaya ay kumakatawan sa istraktura ng bahay, at kung walang istraktura, hindi mabubuo ang bahay. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay parang bubong. Kung wala ang huling hakbang na ito, mananatiling hindi kumpleto ang bahay at hindi mapoprotektahan sa hangin o ulan, kaya ang bawat isa sa tatlong hakbang na ito ay kailangang-kailangan. Ang pananalig natin sa Makapangyarihang Diyos ay hindi nangangahulugan na tinalikdan na natin ang Panginoong Jesus, lalo na na nananalig tayo sa ibang Diyos. Sumasabay lang tayo sa mga yapak ng Kordero. Sa kasalukuyan ay may ilang malalaking relihiyon sa mundo, at ang mga mananampalataya sa Diyos ay nahahati sa mahigit dalawang libong denominasyon. Anuman ang kanilang mga dating denominasyon, parami nang parami ang mga kapatid na may tunay na pananalig at pagkauhaw sa pagpapakita ng Diyos ang natanggap na ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at natanggap na ang pagdidilig at pagtustos ng Kanyang salita. Napakalinaw ng katunayang ito. Tinutupad din nito ang propesiya sa Bibliya na: ‘Bilang katiwala ng kaganapan ng panahon maaari Niyang tipunin ang lahat ng bagay kay Cristo, kapwa ang mga nasa kalangitan, at ang mga nasa lupa; pati na ang sa Kanya’ (Efeso 1:10). ‘At ito’y mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon(Isaias 2:2).” Matapos marinig ang sinabi ko, nagpadala siya ng isang prayer emoji at sinabing: “Tama ka, ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos, dapat lahat tayo ay sumailalim sa pangalan ng Makapangyarihang Diyos. Tinatawag ako ng Makapangyarihang Diyos. Kilala Niya ang puso ko, alam Niya ang mga alalahanin ko, at ang mga takot ko.” Pagkatapos ay pinadalhan ko siya ng ilang pelikula ng ebanghelyo at ilang salita ng Diyos. Nanalangin din ako sa Diyos, at sinabi na kung sa huli ay dumating man siya o hindi sa mga pagtitipon, kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko at matutong maghintay, maghanap, at magpasakop.

Makalipas ang apat na araw, nakatanggap ako ng hindi inaasahang mensahe mula sa kanya na nagtatanong kung pwede siyang magpatuloy sa pagdalo sa mga pagtitipon. Sinabi rin niya na ang salita ng Makapangyarihang Diyos ay napakahalaga sa kanya at hindi siya mabubuhay nang wala ito. Mula sa salita ng Diyos, naunawaan niya ang maraming katotohanan at misteryo ng Bibliya. Nahikayat siya ng salita ng Diyos. Sa sandaling iyon, napaluha ako. Nagpapasalamat talaga ako sa Diyos! Sinabi niya na nabasa niya ang mga salita ng Diyos na ipinadala ko, at na nagtalo nang husto ang kalooban niya sa mga katanungang binanggit dito. Sinabi rin niya: “Hindi ako pwedeng maging walang ingat sa aking pananampalataya o tratuhin itong parang isang laro, kaya nagpasya akong magpatuloy sa pagsisiyasat. Napakahalaga sa akin ng pagbabalik ng Panginoon at ayokong mawalan ng pagkakataong salubungin Siya, at sa huli ay magkasala sa Kanya o matalikdan Siya.” Tuwang-tuwa ako at nagpapasalamat sa Diyos! Nakita ko na ang awtoridad at kapangyarihan ng salita ng Diyos ay tunay na dakila! Salita ng Diyos ang nagpabago sa kanya at naghikayat sa kanyang magpasya na tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw.

Talagang naantig ako ng karanasang ito at napagtanto ko rito na kahit anong uri ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang makaharap ko, hangga’t kaya nilang maunawaan ang tinig ng Diyos, dapat kong tuparin ang aking tungkulin at obligasyon sa pag-akay sa kanila papunta sa sambahayan ng Diyos. Sa paggawa lamang ng ating tungkulin sa ganitong paraan tayo hindi mag-iiwan ng mga pagkakautang at pagsisisi. Salamat sa Diyos! Sa Diyos ang lahat ng kaluwalhatian!

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Sanga-sangang Daan

Ni Wang Xin, South Korea Dati akong may masayang pamilya, at ang asawa ko ay napakabuti sa akin. Nagbukas kami ng isang restawran na...

Hindi Na Isang Pasikat

Ni Mo Wen, SpainNaalala ko noong taong 2018, nasa tungkuling ebanghelyo ako sa iglesia, at pagkatapos ay ginawang tagapamahala ng gawaing...

Kontakin Kami Gamit ang Messnger