Hindi na Ako Naduduwag

Oktubre 11, 2024

Ni Mu Yu, Tsina

Nabalitaan ko ang pagkaaresto ng isang sister noong Setyembre 2. Papunta ako sa bahay ng isang lider noong araw na iyon, pero walang tao sa bahay. Nakita ako ni Sister Xiao Hong, na siyang nakatira sa tapat ng bahay ng lider. Tinawag niya ako at pinapunta sa bahay niya, at kinakabahang sinabi na, “May nangyari. Hinuli ng mga pulis si Zhou Ling. Dalawang araw na ang nakalipas at wala pa kaming balita. Humayo ang lider para ipaalam sa lahat—siguradong malapit na siyang bumalik.” Nang marinig ko ang balita, kinabahan ako at natakot. Dating lider si Zhou Ling, at hindi ko alam kung anong uri ng pagpapahirap ang gagawin ng mga pulis sa kanya. Bibigay ba siya sa ilalim ng pagpapahirap at magiging isang Hudas? Kailan lamang ay nandoon ako sa bahay niya. Kung nagmamatyag ang mga pulis, baka nakita nila ako. Kaya nga ako lumipat dito ay dahil tumatakas ako. Maraming taon na akong hinahabol ng malaking pulang dragon. Kapag nahuli nila ako, tiyak na magiging mas masahol pa ang pagpapahirap nila sa akin. Baka patayin nila ako sa bugbog. Natakot talaga ako at ginusto kong makaalis sa lugar sa lalong madaling panahon, pero may ilang bagay na kinailangan kong talakayin sa lider, at makakaantala rito ang pag-alis ko. Umasa akong babalik kaagad ang lider. Hindi nagtagal, dumating ang lider sa bahay ni Xiao Hong, at umuwi na siya pagkatapos ng aming pag-uusap. Pagkalipas lamang ng dalawa o tatlong minuto, natatarantang tumakbo pabalik si Xiao Hong at sinabing, “Papaalis pa lang ang lider, at dinakip siya ng pito o walong pulis at umalis na sila. Nasa sasakyan din nila si Zhou Ling. Marahil ay nasabi niya sa kanila kung saan nakatira ang lider. Anuman ang mangyari, huwag kang lumabas.” Kinabahan ako nang husto. Magkatapat lang ang bahay nina Xiao Hong at ng lider. Marahil ay nasa malapit lang ang mga pulis. Kapag nahuli nila ako, sigurado akong hindi nila ako pakakawalan nang walang galos. Ni hindi ako nangahas na dumungaw sa bintana, at patuloy akong tumatawag sa Diyos, hinihiling na sana umalis na agad ang mga pulis. Umalis na ang sasakyan ng mga pulis makalipas ang halos isang oras at sa wakas ay kumalma na ang puso ko. Pero nasa bahay ko si Zhou Ling ilang araw na ang nakalipas—paano kung ipagkanulo niya rin ako? Hindi na ligtas sa bahay ko. Saan ako pupunta? Mayroon akong isang notebook doon na may nakasulat na mga numero ng telepono ng mga kapatid, na kailangan kong alisin doon sa lalong madaling panahon. May tatlo pang bahay ng host na malapit sa akin. Kung hindi sila maaabisuhan kaagad, baka arestuhin sila, at pagkatapos, mas maraming kapatid ang madadawit. Pero kung babalik ako kaagad, baka ipahamak ko lang ang sarili ko. Ilang taon na akong nasa labas ng bayan at gumagawa ng tungkulin ko, at isa akong pangunahing target sa pang-aaresto ng mga pulis. Mas matinding pagpapahirap ang dadanasin ko kung maaaresto ako. Hindi maaari, kailangan kong tumakas at maghanap kaagad ng ligtas na lugar. Hindi ako mapalagay sa mga isiping ito, at walang tigil akong tumatawag sa Diyos. Pagkatapos ay naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin; kung hindi ay mapapasaiyo ang Aking poot, at gagawin Ko ito sa pamamagitan ng Aking kamay…. Pagkatapos ay magtitiis ka ng walang-hanggang pagdurusa ng isipan. Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang bitawan ang lahat ng pag-aari mo at gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sumunod sa Akin, at maging handang gugulin ang lahat ng mayroon ka. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan? Tandaan ito! Huwag kalimutan! Ang lahat ng nagaganap ay sa pamamagitan ng Aking mabuting hangarin, at ang lahat ay nasa ilalim ng Aking pagmamasid. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Nakita kong maliit ang tayog ko at wala akong tunay na pananalig. Nang makitang sunod-sunod na inaresto ang mga nakapaligid sa akin, natakot ako at ginusto kong makahanap ng ligtas na lugar na mapagtataguan. Binabalewala ko ang mga interes ng iglesia para protektahan ang sarili kong kaligtasan—napakamakasarili nito! Dahil naaresto ang lider, kailangang maabisuhan ang marami pang iba at mailipat ang maraming kopya ng mga salita ng Diyos. Kung hindi iyon maaasikaso sa lalong madaling panahon, maaari itong humantong sa pagkaaresto ng marami pang miyembro ng iglesia. Bilang diyakono ng iglesia, tungkulin at responsibilidad ko na protektahan ang mga kapatid, pati na ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Kung magiging matatakutin ako at duwag, at mamumuhay nang walang kabuluhan, magiging lubos na pagka-iresponsable iyon. Pinapanood ako ng Diyos sa kritikal na panahong ito para makita kung isasaalang-alang ko ba ang Kanyang kalooban at poprotektahan ang gawain ng iglesia. Kailangan kong sumandal sa Diyos at asikasuhin kaagad ang pinapasubaybay na gawain. Maaresto man ako o hindi, nasa Diyos lang iyon. Handa akong ipaubaya ang kaligtasan ko sa mga kamay ng Diyos. Nang mapagtanto ko iyon, hindi na ako gaanong kinakabahan at natatakot. Habang papalapit ako sa bahay ko, may nakita akong sasakyan ng pulis na huminto sa entrada. Bumilis ang tibok ng puso ko. Mukhang ipinagkanulo nga ako ng Hudas. Hindi ko alam kung hinalughog din ang tatlong bahay ng host sa malapit. Kailangan kong iulat ang sitwasyon sa nakatataas na pamunuan sa lalong madaling panahon, para makapag-ingat sila at makagawa ng mga pagsasaayos kaagad upang maiwasan ang mas malalaking kawalan sa gawain ng iglesia.

Alam ko na may impormasyon si Sister Su Hua para makontak ang nakatataas na pamunuan, kaya hinanap ko siya. Pagkarating ko roon, kinakabahang sinabi ng asawa niyang walang pananalig, “Kadarating lang ng ilang pulis. Nasa labas si Su Hua, iyon lang ang dahilan kung bakit hindi nila siya nahuli. Papunta na sila sa bahay mo para mang-aresto pa ng mas marami.” Nagmadali akong umalis, hindi na nangahas na magtagal doon. Habang pabalik, iniisip ko kung gaano kasama ang malaking pulang dragon. Nagsisikap ito nang husto para lang arestuhin ang mga taong nananalig sa Diyos. Sunud-sunod na inaaresto ang mga kapatid, at nanganganib akong maaresto anumang oras. Kung hindi ko makakayanan ang pagpapahirap at magiging isang Hudas, hindi ba’t matatapos ang landas ko ng pananampalataya? Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nanghihina at natatakot, na para bang ang pagiging mananampalataya sa China ay napakahirap, masyadong mapanganib. Paulit-ulit akong tumawag sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko! Ano ang dapat kong gawin?” Pagkatapos ay naisip ko ang siping ito mula sa mga salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos. Sinusubukan ni Satanas ang lahat ng posibleng paraan para ipadala sa atin ang mga ideyang ito. Dapat nating ipanalangin sa Diyos sa bawat sandali na tanglawan tayo ng Kanyang liwanag, umasa sa Diyos sa bawat sandali na alisin ang lason ni Satanas mula sa ating kalooban, magsagawa sa ating espiritu sa bawat sandali kung paano mapalapit sa Diyos, at hayaang magkaroon ang Diyos ng kapamahalaan sa ating buong katauhan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas. Napagtanto ko na namumuhay ako sa takot, takot na maaresto at mapatay sa bugbog. Nahuhulog ako sa mga panlalansi ni Satanas. Ginagamit ni Satanas ang aking kahinaan para pigilan ako, para mawalan ako ng pananalig sa Diyos, upang hindi ako maglakas-loob na gawin ang aking tungkulin. Pagkatapos ay unti-unti akong malalayo sa Diyos at ipagkakanulo Siya. Kailangan kong makita ang mga panlilinlang ni Satanas. Habang mas nahaharap ako sa ganitong mga sitwasyon, mas lalong dapat akong lumapit sa Diyos at umasa sa Kanya, mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Kahit maaresto ako, magpapasakop ako at hindi magrereklamo. Maninindigan ako sa aking patotoo at palulugurin ang Diyos.

Naalala ko ang notebook na may mga numero ng telepono ng mga kapatid na nasa bahay ko pa. Kailangan kong bumalik; kung hindi, kung mahahanap ito ng mga pulis, lahat sila ay maaaresto. Pero maaaring minamanmanan ng mga pulis ang bahay ko—hindi ko ba ipapahamak lang ang sarili ko? Habang nagtatalo ang kalooban ko, naalala ko ang mga salita ng Diyos. “Ang bawat isa sa inyo ay naniniwalang ang sarili ninyo ay sobrang kaayon Ko, ngunit kung ganoon nga, kanino mailalapat ang gayong hindi mapabubulaanang patunay? Naniniwala kayong tinataglay ng mga sarili ninyo ang sukdulang kataimtiman at katapatan sa Akin. Iniisip ninyong kayo ay napakabait, napakamahabagin, at naglaan na nang sobra para sa Akin. Iniisip ninyong higit sa sapat na ang nagawa ninyo para sa Akin. Ngunit sinuri na ba ninyo ito kailanman kumpara sa sarili ninyong mga kilos? … Pinagsasarhan ninyo Ako para sa kapakanan ng inyong mga anak, o ng inyong asawa, o para mapangalagaan ninyo ang inyong sarili. Sa halip na magmalasakit sa Akin, nagmamalasakit kayo sa pamilya ninyo, sa mga anak ninyo, sa katayuan ninyo, sa kinabukasan ninyo, at sa sarili ninyong kasiyahan. Kailan pa ninyo Ako naisip habang nagsasalita o kumikilos kayo? Sa napakalalamig na araw, bumabaling ang isip ninyo sa inyong mga anak, sa inyong asawa, o sa inyong mga magulang. Sa napakaiinit na araw, wala rin Akong lugar sa isip ninyo. Kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo, iniisip mo ang sarili mong kapakanan, ang sarili mong kaligtasan, ang mga kasapi ng pamilya mo. Ano ba ang nagawa mo na kailanman para sa Akin? Kailan mo ba Ako naisip? Kailan mo ba nailaan ang sarili mo, anuman ang kapalit, para sa Akin at sa gawain Ko? Nasaan ang katibayan na kaayon Kita? Nasaan ang realidad ng katapatan mo sa Akin? Nasaan ang realidad ng pagsunod mo sa Akin? Kailan ba na ang mga layunin mo ay hindi naging alang-alang sa pagkamit mo ng mga pagpapala Ko? Niloloko at nililinlang ninyo Ako, pinaglalaruan ninyo ang katotohanan, itinatago ninyo ang pag-iral ng katotohanan, at ipinagkakanulo ang diwa ng katotohanan. Ano ang naghihintay sa inyo sa hinaharap sa paglaban sa Akin sa ganitong paraan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo). Bawat katanungan ay parang paratang ng Diyos sa puso ko. Kapag mapayapa ang lahat, kaya kong iwanan ang aking tahanan at trabaho para sa tungkulin ko. Pakiramdam ko ay tapat ako sa Diyos. Ngunit nang talagang maharap sa mga pang-aaresto ng malaking pulang dragon, nakita ko kung gaano kaliit ang tayog ko. Dati, bumibigkas lang ako ng mga walang kabuluhang sawikain at doktrina. Nabunyag ng isang tunay na kagipitan ang totoo kong tayog. Ang tanging iniisip ko ay kung paano protektahan ang sarili kong mga interes. Hindi ko talaga pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Hindi ako isang taong nagmamalasakit sa kalooban ng Diyos. Kung nagmamalasakit ako, kapag may kinalaman sa mga interes ng iglesia, makakaya kong isuko ang lahat para sa Diyos, maging ang buhay ko. Naisip ko ang lahat ng aklat na iyon ng mga salita ng Diyos. Ipinagsapalaran ng mga kapatid ang buhay nila para ihatid ang mga iyon, at sa paghahatid ng mga iyon ay napakaraming naaresto ng malaking pulang dragon. Ang ilan ay pinatay pa nga sa bugbog. Isinantabi nila ang alalahanin sa kanilang buhay at kamatayan para mabasa ng mga kapatid ang mga salita ng Diyos; ginawa nila ang kanilang tungkulin at pinalugod ang Diyos. Pero ako? Hindi ko isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Iniisip ko lang ang sarili kong kaligtasan kapag may nangyayari. Takot akong maaresto at mapahirapan hanggang mamatay. Karaniwan na nagsisikap ako nang husto para sa isang bagay na kapaki-pakinabang sa akin, pero ngayon, hindi ko magawa ni katiting na sakripisyo alang-alang sa iglesia. Kung ikukumpara sa mga kapatid na iyon, masyado akong makasarili. Wala akong pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos. Ngayong naaresto ang isang lider ng iglesia, mas ligtas ang maging isang diyakono ng iglesia na nagtatago, sa halip na nagpoprotekta sa gawain ng iglesia, pero nawalan ako ng pagkakataon na gawin ang tungkulin ko at magpatotoo. Kung gayon, ano pa ang kahulugan ng buhay ko? Hindi ba’t isa lang akong naglalakad na bangkay? Sa isiping ito, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, ganap na nasa mga kamay Mo kung maaaresto ako ngayon o hindi. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananalig at karunungan para magawa kong sumandal sa Iyo at magawa ko ang aking tungkulin.”

Bandang alas-dos ng madaling araw, nakarating ako sa bahay ng isang sister na nakatira sa malapit. Nalaman ko na binisita ng mga pulis ang ilan pang bahay na malapit sa akin. Tumakbo ang ilang kapatid at nakatakas sa pang-aaresto. Sinabi nila sa akin na siguradong babalik ang mga pulis, at sinabihan akong umalis na kaagad. Hindi na ako nangahas pa na magtagal doon. Nakita kong walang naghihintay sa entrada ng bahay, kaya dali-dali akong pumasok sa bahay at kinuha ang notebook na naglalaman ng mga numero ng telepono. Nakahinga ako nang maluwag.

Pagkatapos ay pumunta ako sa bahay ni Brother Yang Guang. Pagkakita niya sa akin, nangangamba niyang sinabi na, “Inaresto kami ng asawa ko kahapon. Pinakawalan nila kami kagabi. Naaresto rin ang ilan pang kapatid.” Nagmadali akong umalis doon. Habang pabalik, iniisip ko na lumalala ang sitwasyon, at nangyayari ang mga pang-aaresto sa lahat ng dako. Kung ipinagkanulo ako ng Hudas, siguradong alam na ng mga pulis ang hitsura ko, at sa dami ng pagmamatyag sa paligid, maaari akong maaresto anumang oras. Paano kung hindi ko makayanan ang pagpapahirap nila? Nakakatakot para sa akin ang isiping iyon. Mas magiging ligtas ako kung magtatago ako, pero hindi pa rin natatapos ang gawain ng pagsusubaybay. Kung magtatago ako ngayon, hindi ba’t magiging takas ako kung gayon? Maraming taon na akong mananampalataya at natamasa ko ang labis na pagdidilig ng mga salita ng Diyos. Kung tatakas ako sa napakahalagang panahon, nang hindi man lang tinutupad ang tungkulin o mga responsibilidad ko, napakawala ko namang konsensya o pagkatao. Matatawag pa ba akong isang mananampalataya? Hindi ako maiiba sa isang Hudas na nagtataksil sa Diyos. Sa isiping ito, tahimik akong nagpasya na mas gugustuhin ko pang maaresto at mamatay sa kamay ng mga pulis kaysa tumakas at mamuhay nang walang saysay. Kailangan kong manindigan sa aking patotoo, palugurin ang Diyos, at gawin ang aking makakaya para tuparin ang aking tungkulin. At kaya, bumalik ako kaagad sa bahay ng host ko.

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos nang gabing iyon: “Sa Aking plano, palagiang nakasunod si Satanas sa bawat hakbang at, bilang mapaghahambingan ng Aking karunungan, ay laging sinusubukang makahanap ng mga paraan upang gambalain ang Aking orihinal na plano. Subalit maaari ba Akong sumuko sa mapanlinlang na mga pakana nito? Lahat ng nasa langit at nasa lupa ay naglilingkod sa Akin; maaari pa bang maiba ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas? Dito mismo nagsasalikop ang Aking karunungan; ito mismo ang kamangha-mangha sa Aking mga gawa, at ito ang prinsipyo ng pagpapatakbo para sa Aking buong plano ng pamamahala. Sa panahon ng pagtatayo ng kaharian, hindi Ko pa rin iniiwasan ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, kundi patuloy Kong ginagawa ang gawaing kailangan Kong gawin. Sa sansinukob at sa lahat ng bagay, napili Ko na ang mga gawa ni Satanas bilang Aking paghahambingan. Hindi ba ito pagpapakita ng Aking karunungan? Hindi ba ito mismo ang kamangha-mangha tungkol sa Aking gawain?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 8). Nakita ko ang walang hanggang kapangyarihan at ang karunungan ng Diyos sa Kanyang mga salita. Ang malaking pulang dragon ay kaaway ng Diyos. Galit na galit nitong inaaresto at inuusig ang mga Kristiyano at ginugulo ang gawain ng Diyos, walang saysay na umaasang masisira nito ang gawaing ginagawa ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Pero dahil sa pang-aaresto at pang-uusig ng malaking pulang dragon, nagkakaroon tayo ng pagkakilala sa masamang diwa nito na pumipinsala sa tao at laban sa Diyos, pagkatapos ay kamumuhian natin ito mula sa puso at puputulin ang ugnayan natin dito. Ibinubunyag din ng pang-aaresto at pang-uusig nito kung sino ang tunay na mananampalataya sa mga huwad, at ibinubukod ang tupa sa mga kambing, at ang trigo sa mga mapanirang damo. Sa panahon ng krisis, may ilang hindi gumagawa sa kanilang tungkulin dahil sa takot, o iniiwan ang pananampalataya, at ilan na nagkakanulo sa Diyos at nagiging Hudas kapag sila ay inaresto at pinahirapan. Sila ang mga nalalantad bilang mga mapanirang damo, na tinatangay ng hangin. Hindi ba’t ipinapakita niyon ang karunungan at pagiging matuwid ng Diyos? Ipinaalala nito sa akin kung paanong sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagkat ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon(Mateo 16:25). Naisip ko ang mga banal sa buong kapanahunan na naging martir para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos. Ang ilan ay ipinako nang patiwarik; ang ilan ay ipinahila at pinutol sa apat na piraso. Bagamat namatay sila, may kabuluhan ang kanilang pagkamatay. Pero ang mga nagtaksil sa Diyos at naging Hudas ay buhay pa kung titingnan sa panlabas, pero sa loob ng puso nila, sila ay naghihirap. Para silang mga buhay na bangkay, nasa matinding paghihirap. Pagkamatay nila, bababa ang kanilang mga kaluluwa sa impiyerno at parurusahan. Iyon ay isang bagay na hindi ko lubos na naunawaan. Sa halip, ginusto kong iwasan ang aking tungkulin at magtago. Kung makapagdudulot ako ng pinsala sa gawain ng iglesia dahil sa pagpapabaya sa tungkulin, magiging isang paglabag iyon—isang walang hanggang mantsa. Kung magagawa kong ialay ang buhay ko para sa debosyon sa aking tungkulin, kahit maaresto ako at patayin sa bugbog, makapagpapatotoo ako para sa Diyos at maipapahiya si Satanas. Magkakaroon ng halaga at kabuluhan ang kamatayan ko. Pagkatapos, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos. “Kahit gaano pa ‘kalakas’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang sumunod sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, at gumawa para sa sangkatauhan, at pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at maging panghambing ng Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Nakikita ko ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Talagang lahat, buhay man o patay, ay nasa mga kamay ng Diyos. Naglilingkod si Satanas para sa gawain ng Diyos—nagsisilbi itong mapaghahambingan. Mayroon ng lahat ng uri ng pandaraya ang CCP, at ginagamit nito ang mga puwersa ng maraming tao at bagay, pero kung walang pahintulot ng Diyos, hindi nito mahahawakan ni isang hibla ng buhok sa ulo natin. Katulad ng karanasan ni Job, inatake at sinaktan siya ni Satanas, sinusubukan siyang pilitin na itatwa at tanggihan ang Diyos. Pinahintulutan ng Diyos si Satanas na tratuhin nang masama si Job, pero hindi ito pinahintulutan na isapanganib ang buhay ni Job, at hindi nangahas si Satanas na sumuway sa utos ng Diyos. Katulad lang sa kung paanong sa aking gawaing pagsubaybay, nakaalis ako sa sunod-sunod na mapanganib na sitwasyon nang hindi napapahamak. Ganap na iyon ay pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Ipinakita sa akin ng lahat ng karanasang ito ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi pahihintulutan ng Diyos na mahuli ako ng malaking pulang dragon, wala itong magagawa. Kung pahihintulutan Niyang maaresto ako, hindi ko ito matatakasan. Nagbigay sa akin ng pananalig ang pagkaunawa rito. Naramdaman kong handa na akong ipagkatiwala ang buhay ko sa Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa.

Kalaunan, natuklasan ko na hindi natingnan ng mga pulis ang isang tahanan kung saan nagdaos ng mga pagtitipon ang mga nakatataas na lider. Dahil may papalapit na pagtitipon, nag-alala ako na naghihintay lang sila para makahuli ng marami pang lider. Kung hindi maaabisuhan ang mga lider, maaari silang maaresto at mas maraming tao ang madadamay. Mabilis kaming nag-brainstorm ng ilang ideya, at matapos ang ilang pasikot-sikot, sa wakas ay naipaalam namin ang sitwasyon ng iglesia sa mga nakatataas na lider. Sinabihan kami ng mga lider na magtago muna, alang-alang sa kaligtasan namin. Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang isang liham mula sa mga lider, sinasabi na sa mga pang-aaresto ng malaking pulang dragon sa aming rehiyon, ni-raid ang dalawang bahay na ginamit para sa pangangalaga sa mga libro. Isang bahay na lang ang natitira, at kailangang ilipat kaagad ang lahat ng gamit. Dahil naaresto ang lahat ng nakakakilala sa mga tagapag-ingat ng mga libro maliban sa akin, at medyo pamilyar ako sa lugar at sa mga miyembro ng iglesia, gusto nilang tumulong ako na ilipat ang mga libro. Alam na alam ko na dahil sa mga pangyayari, pinakamainam para sa akin na pumunta, at isa itong responsibilidad na hindi ko maaaring ipagkibit-balikat. Pero napakatindi ng sitwasyon ngayon at tinutugis pa rin ng malaking pulang dragon ang mga tao. Kung pupunta ako sa ganitong panahon, hindi ba’t inilalagay ko ang sarili ko sa kapahamakan? Medyo natakot ako. Pero naisip ko na nasa mga kamay ng Diyos ang sitwasyon, at kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos, walang magagawa sa akin ang malaking pulang dragon. Kaya nagpasya akong tumulong. Nagdasal ako, “O Diyos! Dumating sa akin ang tungkuling ito, at handa na akong tuparin ang aking responsibilidad. Anuman ang susunod na mangyari, handa akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos. Kahit maaresto man ako, pahirapan man ako, hinding-hindi na ako muling tatakas. Iniaalay ko po sa Iyo ang aking debosyon, at maninindigan ako sa aking patotoo para ipahiya si Satanas!”

Kaya nagtanong-tanong ako sa paligid, at nahanap ko ang bahay na pinag-iimbakan ng mga libro. Sinabi ng brother doon na pito o walong pulis na ang pumunta sa bahay niya at nang-aresto. Isinakay ng mga pulis ang asawa niya nang walang sabi-sabi, at pinagmulta sila ng 2,000 yuan, pero hindi nahanap ng mga pulis ang mga libro na nakatago roon—kailangan mailipat ang mga ito sa lalong madaling panahon. Nagmadali kaming maempake ang mga libro sa kotse. Sa buong biyahe, hindi nangahas ang puso ko na lumayo sa Diyos kahit sandali. Sa huli, nadala namin ang mga libro sa isang ligtas na lugar nang walang sagabal. Paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos.

Sa paggunita sa buong karanasang ito, nakikita ko ang karunungan at walang hanggang kapangyarihan ng Diyos, gayundin kung gaano kababaw ang aking pananalig. Kung wala ang pang-aaresto ng malaking pulang dragon, hindi ko malinaw na makikita ang sarili kong tayog, at lalong hindi ko makikita ang aking pagkamakasarili at pagkatakot sa kamatayan, hindi rin ako magkakaroon ng anumang pagkaunawa sa walang hanggan na makapangyarihang paghahari ng Diyos. Naranasan ko rin na talagang nasa tabi natin ang Diyos, at hangga’t sumasandal tayo sa Diyos, naririyan Siya at magbubukas ng landas para sa atin. Ang pagkaunawang ito ay isang bagay na hindi ko sana nakamit sa isang mapayapang kapaligiran.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Paglaya ng Puso

Ni Zheng Xin, USA Noong Oktubre ng 2016, nasa ibang bansa kami ng asawa ko noong tinanggap namin ang gawain. Makalipas ang ilang buwan, si...