Ang Pagkamakasarili ay Kasuklam-suklam

Agosto 3, 2022

Ni Yang Shuo, Tsina

Sa simula ng 2021, magkasama kami ni Sister Zhang Yichen na sumusuporta sa isang bagong tatag na iglesia. Bago sa pananampalataya si Yichen at walang gaanong karanasan sa buhay, pero may mahusay siyang kakayahan at aktibong naghahanap sa katotohanan, kaya gusto kong linangin siya sa lalong madaling panahon, dahil gagawin nitong mas maayos ang takbo ng gawain ng iglesia. Sinadya kong isali si Yichen sa lahat ng iba’t ibang proyekto ng gawain ng iglesia at sinusuportahan ko siya sa tuwing may napapansin akong anumang mga kakulangan niya. Pagkatapos ng kaunting panahon ng pagsasanay, nagkaroon ng malaking pag-unlad si Yichen. Pero pagkaraan ng ilang buwan, itinaas siya ng ranggo at inilipat. Nag-atubili akong pakawalan siya at pakiramdam ko ay parang nawawalan ako ng isang napakahusay na alalay. Kung iisipin kung paanong kakailanganin kong pamahalaan ang lahat ng gawain sa iglesia nang mag-isa sa hinaharap, isang bagay na kailangan kong gawin ay magsikap, pero kung maaapektuhan ang pagganap ko sa tungkulin, ano ang iisipin ng mga tao sa akin? Pagkatapos ay sumagi sa isip ko na makikinabang ang gawain ng iglesia kung magdadala siya ng mas mabigat na pasanin. Hindi ako dapat maging makasarili—kapag umalis si Yichen, pwede naman akong maglinang ng iba.

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nag-organisa ang ilang kalapit na iglesia ng isang pagtitipon para sa mga tagapagdilig, upang ibuod at ibahagi ang kanilang mga karanasan. Hiniling sa akin ng lider na pumili ng isang tagapagdilig na dadalo. Noong panahong iyon, naisipan kong irekomenda si Sister Wang Mingxi. Siya ay epektibong tagadilig at napakametikuloso at responsable. Kung ipapadala ko siya sa pagtitipon, maaari niyang linangin ang mas marami pang kapatid pagbalik niya, at magiging mas epektibo ang gawain ng pagdidilig ng iglesia, na magpapaganda sa reputasyon ko. Kaya ipinadala ko si Mingxi sa pagtitipon. Gayunpaman, ilang araw pagkatapos bumalik ni Mingxi mula sa pagtitipon, palagi siyang hinahanap ng lider. Hindi ko maiwasang magtaka: “Itataas ba ng ranggo ng lider si Mingxi? Isa siyang bihasang tagadilig ng aming iglesia. Kung aalis siya, hindi ba’t maaapektuhan ang aming gawain ng pagdidilig? Tapos ano ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Kung alam ko lang, hindi ko talaga sana siya pinayagang dumalo sa pagtitipong iyon.” Kalaunan, sinabi sa akin ni Mingxi na may isa pang iglesia na lubhang nangangailangan ng mga tagapagdilig, kaya balak ng lider na italaga siya roon. Nag-atubili akong pumayag dito, ngunit nag-alala ako na kung hindi ako pumayag, sasabihin ng lider na makasarili ako at hindi isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Wala akong pagpipilian kundi hayaang umalis si Mingxi. Pagkaalis niya, medyo nanlumo ako. Naisip ko sa sarili ko: “Kung umalis ng iglesia ang mga bagong mananampalataya dahil walang mga mahusay na manggagawang magdidilig sa kanila, iwawasto ba ako ng lider at sasabihing hindi ko tinutupad ang responsibilidad ko? Paano ko haharapin ang ganoong uri ng kahihiyan?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong tutol.

Isang araw, pag-uwi ko mula sa isang pagtitipon, dalawang sister na nagtatrabaho sa pagdidilig ng mga baguhan ang nagsabi sa akin: “Nakatanggap kami ng sulat mula sa lider na humihiling sa iyo na maghanap ng dalawa pang tagapagdilig at magsulat ng mga pagsusuri para sa aming dalawa.” Nang marinig ko ito, halatang hindi ako nasiyahan. Naisip ko sa sarili ko: “Pinaplano ba ng lider na ilipat din sila? Kasasanay ko lang sa dalawang sister na ito. Nakapagtalaga na ako ng maraming gawain sa kanila at wala na akong gaanong dapat alalahanin ngayon. Kung ililipat sila, hindi lang dadami ang gawain ko, siguradong maaapektuhan din ang pagganap ko sa trabaho. Kung mangyayari iyon, hindi ba sasabihin ng lider na hindi ako isang magaling na lider?” Matapos maisip ito, hindi ako natutuwang sumagot: “Hindi ko talaga alam kung ano ang iniisip ng lider.” Nakita ng dalawang sister na nanlulumo ako at naguguluhan nilang tinanong: “Anong problema? Hindi ba pinapahanap ka lang ng lider ng dalawa pang tagapagdilig?” Pagkatapos kong marinig ang sagot nila, medyo nahiya ako. Matapos makabawi, walang gana akong sumagot, “Sige, kung ganoon pumili tayo ng ilang kwalipikadong kandidato.” Iyon ang sinabi ko, pero sa isip ko ay tinututulan ko ang desisyon: “Tinatrato ba ng lider ang iglesia namin na parang isang sentro sa pagsasanay ng may talento? Una gusto niya ito, ngayon gusto niya iyon. Nagsimula nang umusad sa wakas ang gawain ng iglesia, pero paano kami makakapagpatuloy kung ililipat niya ang mga talentong ito?” Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lumalala ang pakiramdam ko at nagsimula akong makaramdam ng pagkapoot sa lider. Patuloy kong tinupad ang mga tungkulin ko, pero hindi na gaanong masigasig kaysa dati. Hindi nagtagal, sa isang pagtitipon, sinabi ng lider na gusto niyang malaman pa ang tungkol kay Brother Zhao Chengzhi, dahil gusto niyang itaas ito ng ranggo at linangin. Sa sandaling narinig ko ito, bumalik ang sama ng loob ko. Naisip ko sa sarili ko, “Mahusay na ginampanan ni Chengzhi ang kanyang mga tungkulin at gusto kong italaga siya na mamahala sa gawain ng pagdidilig. Kung ang lahat ng taong ito ay ililipat, paano ko gagawin ang lahat ng gawaing ito nang mag-isa? Makakakuha ba ako ng magagandang resulta kung gayon?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nagagalit: “Sige, mag-lipat ka na! Ayaw kong mahadlangan ang gawain ng iglesia.” Pagkatapos niyon, hindi ko talaga mapakalma ang sarili ko at taranta ako sa pagtitipon. Pagkatapos ng pagtitipon, mabigat ang mga paang naglakad ako pauwi at nagpasyang sumulat ng liham sa lider, hinihiling sa kanya na huwag ilipat si Chengzhi. Sa oras na iyon, napagtanto ko na hindi ako naging makatwiran, at kaya muli kong pinag-isipan kung isusulat ko ang liham. Pero masama pa rin ang loob ko at nalulungkot.

Kalaunan, nakipagtipon sa amin ang lider, at nagbahagi ako tungkol sa kalagayan at pag-uugali ko kamakailan. Ipinakita sa akin ng lider ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Malinaw ang diwa ng kasakiman at kasamaan ng mga anticristo; kitang-kita ang ganitong klase ng mga pagpapamalas nila. Ipinagkakatiwala sa kanila ng iglesia ang isang parte ng gawain, at kung sumisikat at nakikinabang sila rito, at naipapakita nila ang kanilang mukha rito, interesadong-interesado sila, at handang tanggapin iyon. Kung ito ay gawaing walang pasasalamat o kinasasangkutan ng pagpapasama ng loob ng mga tao, o hindi sila nito tutulutang maipakita ang kanilang mukha o wala itong pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, wala silang interes, at hindi nila iyon tatanggapin, na para bang walang kinalaman sa kanila ang gawaing ito, at hindi ito ang gawaing dapat nilang gawin. Kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap, walang pag-asa na hahanapin nila ang katotohanan para lutasin ang mga iyon, lalo na ang magsikap na tingnan ang buong sitwasyon at hindi sila magbibigay ng anumang konsiderasyon sa gawain ng iglesia. Halimbawa, sa saklaw ng gawain ng sambahayan ng Diyos, batay sa kabuuang mga pangangailangan ng gawain, maaaring magkaroon ng ilang paglilipat ng mga tauhan. Kung malipat ang ilang tao mula sa isang iglesia, ano ang makatwirang paraan ng pagtrato ng mga lider ng iglesia sa isyu? Ano ang problema kung ang tanging inaalala nila ay ang mga interes ng sarili nilang iglesia, sa halip na ang mga pangkalahatang interes, at kung hinding-hindi silang handang ilipat ang mga tao? Bakit hindi nila magawa, bilang lider ng iglesia, na magpasakop sa mga pangkalahatang pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos? May pagsasaalang-alang ba ang gayong tao sa kalooban ng Diyos? Alisto ba sila sa kabuuan ng gawain? Kung hindi nila iniisip ang buong gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi ang mga interes lamang ng sarili nilang iglesia, hindi ba sila masyadong makasarili at kasuklam-suklam? Ang mga lider ng iglesia ay dapat magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang walang pasubali, at sa sentralisadong mga pagsasaayos at koordinasyon ng sambahayan ng Diyos. Ito ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sinuman sila, lahat ay dapat magpasakop sa koordinasyon at mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at hindi talaga dapat kontrolin ng sinumang indibiduwal na lider o manggagawa na para bang pag-aari niya sila o nasasailalim sa kanyang desisyon. Ang pagsunod ng mga taong hinirang ng Diyos sa sentralisadong mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay ganap na natural at may katwiran, at hindi maaaring suwayin ng sinuman. Maliban kung gumagawa ang isang indibiduwal na lider o manggagawa ng isang hindi makatwirang paglilipat na hindi alinsunod sa prinsipyo—kung magkagayon ay maaari itong suwayin—dapat sumunod ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, at walang lider o manggagawa ang may karapatan o anumang dahilan para subukang kontrolin ang sinuman. Masasabi ba ninyo na may anumang gawain na hindi gawain ng sambahayan ng Diyos? Mayroon bang anumang gawain na hindi kinasasangkutan ng pagpapalawig ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Lahat ng iyon ay gawain ng sambahayan ng Diyos, pantay-pantay ang bawat gawain, at walang ‘iyo’ at ‘akin.’ Kung ang paglilipat ay naaayon sa prinsipyo at batay sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, dapat magpunta ang mga taong ito kung saan sila higit na kailangan. Magkagayunman, ano ang tugon ng mga anticristo kapag naharap sa ganitong uri ng sitwasyon? Humahanap sila ng iba’t ibang idadahilan at ikakatwiran para mapanatili ang mga naaangkop na taong ito sa kanilang tabi, at dalawang ordinaryong tao lang ang iniaalok nila, at pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan para mapilitan ka, sa pagsasabing napakaabala ng gawain, o kaya naman ay kulang sila sa tauhan, mahirap makahanap ng mga tao, at kung malipat ang dalawang ito, maaapektuhan ang trabaho. At tatanungin ka nila kung ano ang dapat nilang gawin, at ipaparamdam nila sa iyo na may pagkakautang ka sa kanila kung maglilipat ka ng mga tao. Hindi ba sa ganitong paraan kumikilos ang diyablo? Ganito kung gumawa ng mga bagay-bagay ang mga hindi mananampalataya. Ang mga taong laging sinisikap na protektahan ang sarili nilang mga interes sa iglesia—mabubuting tao ba sila? Mga tao ba sila na kumikilos ayon sa prinsipyo? Hindi talaga. Sila ay mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya. At hindi ba ito makasarili at masama? Kung nalipat ang isang taong may mahusay na kakayahan mula sa ilalim ng anticristo para gampanan ang isa pang tungkulin, masidhing nilalabanan at tinatanggihan ito ng anticristo sa puso niya—nais niyang tigilan na iyon, at wala siyang gana na maging isang lider o pinuno ng grupo. Anong problema ito? Bakit ayaw niyang sundin ang mga pagsasaayos ng iglesia? Iniisip niya na ang paglilipat sa kanyang ‘kanang-kamay’ ay makakaapekto sa pagiging produktibo at pagsulong ng kanyang gawain, at na maaapektuhan ang kanyang katayuan at reputasyon dahil dito, kaya mapipilitan siyang higit na magtrabaho at magdusa para magarantiyahan ang pagiging produktibo—na siyang huling bagay na nais niyang gawin. Nasanay na siya sa kaginhawahan, at ayaw niyang magtrabaho at magdusa pa nang husto, kaya nga ayaw niyang pakawalan ang taong iyon. Kung ipinagpipilitan ng sambahayan ng Diyos ang paglilipat, nanggugulo siya at tumatanggi pang gawin ang sarili niyang gawain. Hindi ba ito makasarili at masama? Ang mga hinirang ng Diyos ay dapat pangkalahatang itinatalaga ng sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa sinumang lider, pinuno ng pangkat, o indibiduwal. Lahat ay kailangang kumilos ayon sa prinsipyo; ito ang panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Kapag hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, kapag palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan, hindi ba ito makasarili at ubod ng sama? Sa panlabas, ang pagpapanatili ng mga taong may mahuhusay na kakayahan sa tabi nila at ang hindi nila pagpayag na ilipat ang mga ito ng sambahayan ng Diyos ay lumilitaw na parang iniisip nila ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, iniisip lang nila ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, at hindi talaga ang tungkol sa gawain ng iglesia. Natatakot sila na hindi nila magagawa nang maayos ang gawain, mapapalitan, at mawawala ang kanilang katayuan. Kapag hindi iniintindi ng mga anticristo ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip lang ang kanilang sariling katayuan, pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan nang walang pag-aalala sa idudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dinedepensahan nila ang sarili nilang katayuan at mga interes kahit ikapinsala ng gawain ng iglesia, makasarili ito at ubod ng sama(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Inilalantad ng mga salita ng Diyos kung paanong ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Upang mapanatili ang kanilang katayuan at reputasyon, kinakamkam nila ang mga tao at ayaw ibahagi ang mga ito, hindi isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia kahit kaunti. Nakita ko kung paanong ang sarili kong pag-uugali ay katulad ng sa isang anticristo. Lalo na nang binasa ko ang mga linyang ito, “Kapag hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, kapag palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan, hindi ba ito makasarili at ubod ng sama?” Nasaktan ako nang husto ng mga salita ng Diyos. Pinagnilayan ko ang pag-uugali ko kamakailan: Nang malaman ko na maaaring itaas ng ranggo si Mingxi, nag-alala ako na ang gawain ng pagdidilig ay maaapektuhan at masisira ang aking reputasyon, kaya ayaw kong umalis siya, at pinagsisihan ko pa na pinadala ko siya para dumalo sa pagtitipon. Nang hilingin sa akin ng lider na maghanap ng dalawa pang tagadilig at magsulat ng mga pagsusuri sa aking mga sister, inakala ko na pinaplano ng lider na ilipat sila at nakaramdam ako ng pagtutol at gustong makipagtalo. Nagkaroon pa ako ng poot sa lider. Nang gusto ng lider na itaas ng ranggo si Chengzhi, alam ko na natutugunan niya ang mga prinsipyo sa pagtataas ng ranggo at pagsasanay, pero nang naisip ko kung paanong maaapektuhan ang gawain ng ebanghelyo at pagdidilig ng iglesia kapag umalis siya, ayaw ko siyang paalisin. Itinuring ko ang mga kapatid bilang mga mahuhusay na kanang-kamay ko, at nais kong sarilinin silang lahat para tulungan akong patatagin ang aking katayuan at reputasyon at bigyang-kasiyahan ang aking mga makasariling hangarin. Hindi ko inisip ang mga interes ng iglesia, ni hindi ko isinaalang-alang kung paano kumilos para mapalugod ang Diyos. Masyado lang akong makasarili at mababa. Ginagawa ng mga hindi mananampalataya ng sekular na mundo ang lahat ng kanilang makakaya upang mapanatili ang kanilang nangungunang talento sa kanilang tabi para tulungan silang palawakin at paunlarin ang kanilang mga negosyo. Ginawa ko ang sarili kong tungkulin sa parehong paraan. Itinuring ko ang aking tungkulin bilang sarili kong negosyo, kumikilos ayon sa mga prinsipyo ng paglilingkod sa sarili at isinasaalang-alang lamang ang aking sariling reputasyon at katayuan. Kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga kilos—tinatahak ko ang landas ng anticristo ng paglaban sa Diyos.

Kalaunan, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang mithiing hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang sundin o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng katanyagan at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanilang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang katanyagan at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagampanan ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa esensya, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng katayuan at katanyagan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang pagpasok nila sa buhay, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao sa katanyagan at katayuan. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba ito masasabing pagtahak sa landas ng isang anticristo? Kapag hinihingi ng Diyos na isantabi ng mga tao ang katayuan at katanyagan, hindi naman sa pinagkakaitan Niya ang mga tao ng karapatang mamili; bagkus, ito ay dahil habang hinahangad ang katanyagan at katayuan, nagagambala at nagugulo ng mga tao ang gawain ng iglesia at ang pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, at maaari pa ngang makaimpluwensiya sa pagkain at pag-inom ng iba ng mga salita ng Diyos, sa pag-unawa nila sa katotohanan, at sa pagkamit nila ng kaligtasan ng Diyos. Ito ay isang katunayang hindi mapag-aalinlanganan. Kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang katanyagan at katayuan, siguradong hindi nila hahangarin ang katotohanan at hindi nila matapat na gagampanan ang kanilang tungkulin. Magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa katanyagan at katayuan, at lahat ng gawaing ginagawa nila, nang wala ni katiting na eksepsyon, ay alang-alang sa mga bagay na iyon. Ang umasal at kumilos sa gayong paraan ay walang pagdududang pagtahak sa landas ng mga anticristo; ito ay isang paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos, at lahat ng iba’t ibang kahihinatnan nito ay nakakahadlang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa malayang pagdaloy ng kalooban ng Diyos sa loob ng iglesia. Kaya, maaaring sabihin ng isang tao nang may katiyakan na ang landas na tinatahak ng mga naghahangad ng katanyagan at katayuan ay ang landas ng paglaban sa Diyos. Ito ay sadyang paglaban sa Kanya, pagkontra sa Kanya—ito ay ang makipagtulungan kay Satanas sa paglaban sa Diyos at pagsalungat sa Kanya. Ito ang likas na katangian ng paghahangad ng mga tao sa katayuan at katanyagan. Ang problema sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga mithiin ni Satanas—ang mga ito ay mga mithiin na masasama at hindi makatarungan. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga personal na interes gaya ng katanyagan at katayuan, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagiging daluyan na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa iglesia; sa gawain ng iglesia, at sa normal na buhay-iglesia at normal na paghahangad ng mga taong hinirang ng Diyos, ang epekto nila ay mang-abala at maminsala; mayroon silang masama at negatibong epekto(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagkabigong isagawa ang katotohanan at ang laging pangangalaga sa sariling mga interes ay talagang malubha. Ginugulo at hinahadlangan nito ang gawain ng iglesia at ito ay isang pagseserbisyo kay Satanas. Ang iglesia ay nililinang at itinataas ng ranggo ang mga tao para pahintulutan silang makatanggap ng pagsasanay sa isang angkop na posisyon, at tulutan silang magamit nang husto ang kanilang mga kasanayan. Ito ay kapaki-pakinabang para sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid at sa gawain ng iglesia at ito ay naaayon sa kalooban ng Diyos—isa itong positibong bagay na dapat kong ingatan at suportahan bilang isang lider. Sa halip, nang makita kong itinaas ng ranggo ang mga kapatid, hindi ako natuwa para sa kanila, kundi inisip lamang ang sarili kong reputasyon at katayuan. Pakiramdam ko ay epektibo ang mga kapatid na ito, sila ang aking mga kanang-kamay, mga mahusay na kinatawan. Magkakaroon ako ng mas kaunting alalahanin kung tumutupad sila ng mga tungkulin sa aking iglesia, mas epektibo kaming makakapagtrabaho, at magiging matatag ang aking katayuan. Kaya nang sunud-sunod silang itinaas ng ranggo at inilipat, tumutol ako, sumama ang loob at ayaw ko silang umalis. Hindi ko inisip kahit kaunti kung ano ang mas makakabuti para sa gawain ng iglesia, ni hindi ko isinaalang-alang kung anong uri ng kapaligiran ang magbibigay sa kanila ng pinakamainam na pagsasanay, na nagpapahintulot sa kanilang magamit ang kanilang mga kasanayan. Tinawag ko iyon na pagtupad sa aking tungkulin? Malinaw na kumikilos ako bilang sugo ni Satanas, na humahadlang sa gawain ng iglesia. Tinutupad ko lamang ang aking tungkulin para sa sarili kong reputasyon at katayuan, at gaano man karami ang gawin ko, hindi ito kikilalanin ng Diyos. Naisip ko ang mga pastor at elder ng mundo ng relihiyon na lubos na nababatid na ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpatotoo na nagbalik na ang Panginoon at gayon pa man, para sa katayuan at kita, nagsisikap pa rin silang pigilan ang mga mananampalataya sa pagsisiyasat sa tunay na daan at pagsalubong sa Panginoon. Tinatrato nila ang kanilang mga mananampalataya na parang kanilang pribadong pag-aari, at mahigpit na pinapanatili ang mga ito sa loob ng kanilang kapangyarihan. Nakikipaglaban sila sa Diyos para sa mga mananampalataya at naging mga anticristo at mga alagad ng kasamaan, kinondena at isinumpa ng Diyos. Mayroon bang ipinagkaiba ang paraan ng pagkilos ko sa mga pastor at elder na ito? Kung hindi ako magsisisi, magiging pareho ang kapalaran ko sa mga Pariseo sa mundo ng relihiyon, nilalabag ang disposisyon ng Diyos at tinitiis ang Kanyang kaparusahan at mga pagsumpa.

Noong panahong iyon, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling hangarin, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, layon, at motibo; dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang hamak at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, hamak, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang hangarin mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Itinuro ng mga salita ng Diyos ang isang landas ng pagsasagawa. Ang susi sa paggawa ng ating mga tungkulin ay ang unahin ang mga interes ng iglesia at isantabi ang ating mga pansariling interes upang protektahan ang gawain ng iglesia. Ang totoo, ang mga taong may konsensya, katwiran at pagkatao, ay isasaalang-alang kung ano ang hinihingi ng gawain, at magpapasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia kung ang mga tao ay ililipat. Hindi nila isasaalang-alang ang kanilang sariling mga interes. Ang pangunahing aspeto ng gawain ng isang lider ay ang magdilig sa mga kapatid at maglinang ng talento, na pinapahintulutan ang bawat kapatid na gamitin ang kanilang mga talento at tuparin ang mga tungkuling pinakaangkop sa kanila. Ang mga hinirang ng Diyos ay sa Diyos, hindi sa isang tao. Pwedeng magpasya ang iglesia na maglipat ng mga tao batay sa kung ano ang kailangan sa gawain at kung sino ang pinakaangkop sa partikular na tungkulin. Wala akong karapatang magkamkam ng mga tao para sa sarili ko. Nang maunawaan ko ito, handa akong talikdan ang aking laman at hindi na makasarili at kasuklam-suklam na unahin ang sarili kong mga interes.

Isang araw, nakatanggap ako ng liham mula sa lider, hinihiling sa akin na sumulat ng pagsusuri kay Chengzhi. Nais niyang kilatisin kung pwede itong itaas ng ranggo upang mamuno sa gawain ng pagdidilig. Naisip ko sa sarili ko: “Kasalukuyang namumuno si Chengzhi sa gawain ng ebanghelyo at pagdidilig ng iglesia namin. Kung aalis siya at maaapektuhan ang aming pagganap sa gawain, hindi ba sasabihin ng lider na wala akong kakayahan?” Tapos, bigla kong napagtanto, nagiging makasarili na naman ako at iniisip lang ang sarili. Mahusay na tagadilig si Chengzhi, at magiging mas kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia kung siya ang pamamahalain sa mas malaking bahagi ng gawain. Bilang resulta, makakakuha siya ng mas maraming pagsasanay, kaya dapat akong sumuporta. Noong oras na iyon, naalala ko ang mga salita ng Diyos, na nagsasabing: “Ang Diyos ay walang hanggang kataas-taasan at marangal kailanman, samantalang ang tao ay hamak magpakailanman at walang halaga hanggang sa walang katapusan. Ito ay sapagkat ang Diyos ay walang hanggang gumagawa ng mga sakripisyo at nag-uukol ng sarili Niya para sa sangkatauhan; ang tao, gayunman, ay walang hanggang nangunguha at nagsisikap para lamang sa sarili niya. Ang Diyos ay walang katapusan ang pagpapakahirap para makaligtas ang sangkatauhan, gayon pa man, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay para sa kapakanan ng liwanag o para sa katuwiran. Kahit na magsikap ang tao sa maikling panahon, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba. Palaging makasarili ang tao, samantalang ang Diyos ay hindi makasarili magpakailanman. Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ay ang siyang nagtatagumpay at nagpapamalas ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang diwa ng pagkamakatuwiran at kagandahan Niya, gayon pa man, ang tao ay ganap na may kakayahan, sa anumang oras at sa anumang kalagayan, na ipagkanulo ang pagkamakatuwiran at lumayo mula sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos). Napakabanal ng Diyos! Ang Diyos ay magpakailanmang hindi makasarili, at anumang gawain ang Kanyang ginagawa o sitwasyon na Kanyang pinaplano para sa mga tao, palagi Niya itong ginagawa nang may pagsasaalang-alang sa buhay ng mga tao, at upang linisin at baguhin ang ating mga tiwaling disposisyon, na nagpapahintulot sa atin na mailigtas at maisabuhay ang normal na pagkatao. Sa pagninilay sa sarili ko, nakita ko na sa sandaling ang sitwasyong ginawa ng Diyos ay naging banta sa mga interes ko, nagreklamo ako at lumaban at naging napakamakasarili at kasuklam-suklam. Habang iniisip ang kabanalan at pagiging hindi makasarili ng Diyos, nakaramdam ako ng hiya, panghihinayang at pagsisisi. Napagtanto ko na ang pamumuhay sa ganitong paraan ay kahabag-habag, mababa at walang halaga. Kailangan kong ihinto ang pagiging makasarili at kasuklam-suklam, ang pagsasaalang-alang lamang ng aking sariling reputasyon at katayuan. Kailangan kong unahin ang mga interes ng iglesia. Kaya tinipon ko ang lahat ng pagsusuri kay Chengzhi at isinumite ang mga ito sa lider at pagkatapos niyon, itinaas siya ng ranggo bilang isang superbisor. Pagkatapos magsagawa sa ganoong paraan, nakaramdam ako ng kapanatagan at kapayapaan.

Makalipas ang maikling panahon, napansin ko na may mahusay na kakayahan si Sister Li Hui, ipinagbahaginan niya ang katotohanan sa detalyado at hakbang-hakbang na paraan, mapagmahal at matiyaga siya sa mga kapatid, may mga talentong kinakailangan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagdidilig ng mga bagong mananampalataya at angkop para sa pagsasanay. Pagkatapos umalis ni Chengzhi, hindi lamang hindi naapektuhan ang aming gawain ng ebanghelyo, medyo bumuti pa nga ito. Dati, lagi kong iniisip na kapag umalis ang mga taong ito, maaapektuhan ang gawain namin. Ngayon napagtanto ko nang maling-mali ako. Katwiran ko lang ito para panghawakan ang mga dati nang talento at hindi paggawa ng praktikal na gawain. Ang totoo, mahalagang nasa tamang lugar ang puso ng isang tao. Kung kaya mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, iwasang kumilos nang sarili lang ang iniisip, sanayin ang mga bagong talento sa sandaling mailipat ang iba, at lutasin ang mga problema sa iyong gawain sa tamang oras, matatanggap mo ang patnubay ng Diyos. At ang gawain mo ay patuloy na mapapabuti. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman