Paano Malulutas ang Pagkamakasarili

Nobyembre 8, 2020

Ni Zhang Jing, Czech Republic

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ano ang pamantayan kung paano hinuhusgahan ang mga gawa ng isang tao bilang mabuti o masama? Depende ito sa kung taglay mo o hindi, sa iyong mga iniisip, pagpapahayag, at kilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda na ikaw ay isang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Ang mga iniisip at ipinapakita mong mga kilos ay hindi sumasaksi sa Diyos, ni pinapahiya o tinatalo ng mga ito si Satanas; sa halip, pinapahiya ng mga ito ang Diyos, at puno ng mga markang nagpapahiya sa Diyos. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni hindi mo ginagampanan ang responsibilidad at mga obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang ipinahihiwatig ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Para kay Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ka nakagawa ng mabubuting gawa; sa halip, naging masama ang iyong asal. Hindi ka gagantimpalaan at hindi ka aalalahanin ng Diyos. Hindi ba ito ganap na walang kabuluhan?(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinapakita sa atin ng mga salita ng Diyos na maaari tayong maggugol ng mga sarili natin at magdusa nang kaunti para sa ating tungkulin, ngunit kung ang motibo naman natin dito ay hindi para bigyang-lugod ang Diyos at wala tayong anumang patotoo sa pagsasagawa ng katotohanan, ngunit binibigyang-kasiyahan lamang ang ating mga sarili, itinuturing ito ng Diyos na paggawa ng kasamaan. Kasuklam-suklam ito sa Kanya. Dalawang taon na ang nakakaraan, napansin kong may kapatid na nakakagambala sa gawain ng iglesia, pero wala akong lakas na isagawa ang katotohanan o panindigan ang prinsipyo. Natakot ako na baka sumama ang loob niya. Hindi ko inilantad at inireport ang mga inaasal niya sa tamang panahon at napinsala ang gawain ng ebanghelyo dahil dito. May pagkakamali rin ako. Puno ako ng pagsisisi kapag naiisip ko ang tungkol dito.

Katapusan ng Marso taong 2018 nang sumama si Sister Chen sa team namin bilang lider. Di nagtagal, natuklasan ko na hindi niya ginagampanang mabuti ang tungkulin niya. Minsan, may tinuruan kami na gustong siyasatin ang gawain ng Diyos ng mga huling araw pero hindi niya agad isinaayos ang pagbabahagi at patotoo. Naantala nito ang gawain ng ebanghelyo. Hinanap ko siya para magbahagi, pero hindi ko halos binanggit ang mga problema tungkol sa kanya, sa takot na masamain niya ito. Nagpaliwanag siya, sinasabing may isa pa siyang tungkulin at hindi niya kayang makisabay, pero mas pagbubutihin niya raw sa hinaharap. Agad kong nakita na hindi niya ito sineseryoso. Hindi niya nakita ang bigat ng problema. Naisip kong dapat ay may sabihin ako para hindi na ito mangyari ulit at maantala ang gawain ng iglesia. Pero nang magsasalita na sana ako, naisip ko: “Siya ang namumuno, miyembro lang ako. Kung sasabihin ko ang problema sa kanya, hindi ba niya iisiping wala ako sa lugar, pakialamera, mayabang at wala sa katwiran? Di bale na lang. Hindi na ako magsasalita. Siya ang namumuno, kaya alam niya dapat ang halaga ng tungkuling ito. Aasikasuhin na niya ang mga ito sa susunod.” Ramdam ko na medyo hindi ako mapalagay, pero hindi ko na ito ulit binanggit sa kanya.

Hindi nagtagal, isang mangangaral mula sa Sola Fide Church ang gustong magsiyasat sa gawain ng Diyos ng mga huling araw. Talagang gipit na sa oras, pero sa napakahalagang sandaling ito, hindi ko makontak si Sister Chen. Nagmadali akong maghanap ng ibang gospel team leader para magbahagi. Nang malaman ito ni Sister Chen ay pinagalitan niya ako at sinabing, “Bakit kumuha ka ng ibang team leader para asikasuhin iyon? Problema ko na hindi ko ito nagawa sa oras at responsibilidad ko ang anumang problema. Ang pagdadala ng iba ay hindi nakaayon sa mga prinsipyo.” Noong oras na iyon, gusto ko siyang kausapin tungkol sa kanyang mga isyu sa pagbabahagi sa kanya pero nagbago ang isip ko, iniisip na, “Kung pupunahin ko siya agad pagkatapos niya akong iwasto at pagalitan, ano ang iisipin niya sa akin? Madalas kaming nagkikita—kung hindi kami magkakasundo, malamang na gagawin niyang mas mahirap ang mga bagay-bagay sa akin. Huwag na lang. Mas mabuti na ang walang inaalala. Gagawin ko na lang nang maayos ang tungkulin ko.” Kaya hindi ko na lang sinabi sa kanya ang gusto kong sabihin.

Makalipas ang mga isang buwan, ang isang kasamang manggagawa sa isang Kristiyanong iglesia ang interesado sa gawain ng Makapangyarihang Diyos. Ipinaalala ko ito kay Sister Chen nang ilang beses. Sabi ko, “Dapat may ihanda kang magbibigay sa kanya ng pagbabahagi.” Pumayag siya noon, pero laking gulat ko dahil dalawang araw na ang lumipas at wala pa siyang naihahanda. Galit na galit ako. Naisip ko, “Sinabihan na kita nang napakaraming ulit at sinabi ko sa iyo na madalian ito. Bakit hindi mo sineryoso ito kahit kaunti? Hindi, hindi ko na hahayaang tingnan lang na naaantala nang ganito ang gawain ng ebanghelyo. Dapat kong talakayin ito sa mga kapatid sa team at tingnan kung ano ang magagawa namin tungkol sa problema sa kanya.” Pero nag-alangan ulit ako nang kakausapin ko na ang iba. Kung malaman ni Sister Chen na tinalakay ko ito sa iba, baka isipin niya na sinasadya kong puntiryahin siya. Kapag nasaktan ko ang damdamin niya, baka gumanti siya sa akin at maghanap ng dahilan na tanggalin ako sa tungkulin ko. Naisip kong pag-iinitan ka pag naiba ka. Naisip kong ang pakong nakausli ay pinupukpok. Nagpasya akong maghintay hanggang sa may ibang magbabanggit nito.

Nang gabing iyon, habang iniisip ko kung ilan na ang mga pinabayaang tungkulin ni Sister Chen, nagsimula akong mabalisa nang husto, pero hindi pa rin ako nagtangkang magsalita. Hindi ko pa naman talagang nagagawa ang mga responsibilidad ko. Dahil hindi ako mapalagay, taimtim akong nagdasal sa Diyos. Binasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos matapos magdasal: “Ang pinakapangunahin at pinakamahalagang mga bahagi ng pagkatao ng sinuman ay ang konsiyensya at katwiran. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong masama ang pagkatao. Suriin natin itong mabuti. Paano nagpapakita ng tiwaling pagkatao ang taong ito para sabihin ng mga tao na wala siyang pagkatao? Anong mga katangian ang taglay ng gayong mga tao? Anong partikular na mga paghahayag ang ipinapakita nila? Ang gayong mga tao ay basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng tahanan ng Diyos ni nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang para sa kalooban ng Diyos. Wala silang pinapasang kabigatan ukol sa pagpapatotoo sa Diyos o sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, at hindi sila responsable. … May iba pa ngang mga tao na, kapag nakakakita ng problema sa pagganap sa kanilang tungkulin, nananatiling tahimik. Nakikita nila na ang iba ay nagsasanhi ng mga pag-antala at mga paggambala, datapuwa’t wala silang ginagawa para pigilan ito. Hindi nila isinasaalang-alang kahit man lamang ang mga kapakanan ng tahanan ng Diyos, ni iniisip man lamang ang kanilang sariling mga tungkulin o pananagutan. Sila ay nagsasalita, kumikilos, namumukod-tangi, nagpupunyagi, at gumugugol ng lakas para lamang sa kanilang sariling kalayawan, karangalan, katungkulan, mga kapakanan, at karangalan. … May konsiyensya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? Nakadarama ba ng pagsisisi sa sarili ang isang taong walang konsiyensya at katwiran na ganitong kumilos? Walang silbi ang konsiyensya ng ganitong klaseng tao, at hindi sila kailanman nakadama ng pagsisisi sa sarili. Kaya, mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu?(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Hindi ba ako ang klase ng taong inilalantad ng Diyos? Wala akong konsensiya, pagkatao, at iresponsable sa tungkulin ko. Nagpakita ako ng pagwawalang-bahala para proteksyunan ang mga interes ko. Hindi ko isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos o sinuportahan ang gawain ng iglesia. Alam na alam kong hindi seryoso si Sister Chen sa tungkulin niya at pabaya rin siya, at napinsala na niya ang aming gawain sa ebanghelyo. Dapat ay binanggit ko na sa pagbabahagi namin ito. Pero natakot ako na sabihan niya ako na huwag nang makialam, kaya mabilis kong binanggit ang mga problema sa kanya. Hindi siya nabago kahit kaunti matapos ang nangyari. Gusto kong banggitin ulit ito para suriin ang kalikasan at epekto ng klase ng pagtupad niya ng tungkulin, pero natakot akong magalit ko siya, pagkatapos, maaari niyang gawing mahirap ang mga bagay-bagay sa akin at ipatanggal ako sa aking tungkulin. Nagbulag-bulagan ako at pinalampas na lang iyon. Hindi man lang ako nanindigan para sa kapakanan ng bahay ng Diyos para protektahan ang aking dangal, katayuan, at mga interes, habang pinapanood ko ang isang lider ng team na nagpapabaya sa tungkulin niya. Nasaan na ang konsensiya ko? Palala nang palala ang mga sakuna, kaya tiyak mas maraming nagsisiyasat sa tunay na daan. Ang paghikayat sa mga taong tanggapin ang pagliligtas ng Diyos ng mga huling araw ay napakahalagang prayoridad. Pero hindi ko aakuin ng responsibilidad na ito. Gusto ko lang protektahan ang sarili ko, hindi ang mga kapakanan ng bahay ng Diyos. Hindi iyan pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos. Talagang ako ay napakamakasarili at kasuklam-suklam. Talagang pakiramdam ko, binigo ko ang Diyos nang naisip ko ito. Naisip ko, “Hindi ako dapat magpatuloy na maging ganito. Dapat akong humanap ng paraan para lutasin ito.” Kalaunan, humingi ako ng tulong sa mga kapatid sa team para talakayin ito at tingnan kung paano namin maisasaayos ang problema kay Sister Chen. Nagkaisa ang lahat na dapat na may isang tao na makakatulong sa kanya sa ibang mga responsibilidad. Sa ganyan nila matutulungan at mababantayan ang isa’t isa sa gawain.

Noong hapon ding iyon, tinawagan ko si Sister Chen at sinabi sa kanya ang pinag-usapan namin, at sinabi ang mga detalye tungkol sa pagtupad niya sa tungkulin kamakailan at ang pinsalang nagawa niya sa gawain ng ebanghelyo. Pero nagulat ako dahil wala man lang ni katiting na pagsisisi si Sister Chen sa mga inaasal niya, ngunit kaagad na tinanggihan ang plano namin. Matigas niyang sinabi na hindi niya kailangan ng sinumang makakatulong. Dahil nakita ko na wala siyang sariling kamalayan, patuloy akong nagbahagi sa kanya, pero hindi pa man ako natatapos, sinabi niyang may gagawin siya at ibinaba ang telepono. Naisip ko, “May katayuan si Sister Chen pero hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain at ayaw ng katuwang. Hindi ba’t pagiging malupit iyon? Kung magpapatuloy ito, maaantala ang gawain ng bahay ng Diyos. Dapat kong ipaliwanag sa kanya ang problemang ito.” Nang mga sumunod na araw, patuloy ko siyang minessage, pero hindi siya sumagot kailanman. Pinanood ko lang na naantala ang gawain ng Diyos. Inisip ko na dapat ko nang ireport ito kaagad sa lider ng iglesia, pero nang gagawin ko na ito, gusto ko na namang umatras sa desisyon ko. Naisip ko, “Kung malaman ni Sister Chen na ako ang kumausap sa lider, ano ang mangyayari? Ano ang gagawin ko kapag nasaktan ko siya at magkaroon siya ng dahilan para tanggalin ako sa tungkulin ko? At paano kung sabihin ng mga kapatid na puro na lang problema kay Sister Chen ang pinapansin ko at hindi patas ang trato ko sa kanya?” Naguluhan talaga ako. Kung hindi ako magsasalita, papanoorin ko na lang ang di-pag-usad ng gawain ng team. Pero kung may sasabihin ako, baka masaktan ang damdamin niya. Nang sandaling iyon, isang kapatid ang dumating at nagtanong sa akin kung interesado akong sumali sa ibang team. Naisip ko, “Masaya na may bagong gawin, para maiwan ko na ang team ko. Hindi na ako makokonsensiya at maghihirap araw-araw.” Sinabi ko ang naiisip ko sa isa pang sister sa team kalaunan. Nakinig siya at pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Ikaw ang pinakasenior na miyembro ng team natin at pinakapamilyar sa gawain sa iglesia. Nagbubulag-bulagan si Sister Chen sa mga isyu ng team natin. Sa palagay mo ba, tamang panahon ito na umalis?” Nakonsensya talaga ako nang sabihin niya ito. Natanto ko na mas alam ko ang gawain ng team kaysa sa ibang kasamahan namin, at nanonood lang ako habang ginagambala na ang gawain ng bahay ng Diyos. Hindi lang ako nagbulag-bulagan kundi naduwag pa. Hindi iyon pagprotekta sa kapakanan ng bahay ng Diyos. Nagdasal ako sa Diyos at hiniling ko sa Kanya na gabayan ako.

Nagbasa ako ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal pagtapos noon. Sabi ng Diyos, “Kailangan mong pumasok mula sa panig ng pagiging positibo, maging aktibo at huwag kang balintiyak. Hindi ka dapat mayanig ng kahit sino o kahit ano, sa lahat ng sitwasyon, at hindi ka dapat maimpluwensyahan ng mga pananalita ng sinuman. Kailangan mong magkaroon ng isang matatag na disposisyon; anuman ang sabihin ng mga tao, kailangan mong isagawa kaagad ang nalalaman mong katotohanan. Kailangan mong isaloob palagi ang Aking mga salita, kahit sino pa ang kaharap mo; kailangan mong magawang maging matibay sa iyong patotoo sa Akin at magpakita ng konsiderasyon sa Aking mga pasanin. Hindi ka dapat malito, na pikit-matang sumasang-ayon sa mga tao nang wala kang sariling mga ideya; sa halip, kailangan mong maglakas-loob na manindigan at tumutol sa mga bagay na hindi nagmumula sa Akin. Kung alam na alam mo na may mali, subalit nananatili kang walang kibo, hindi ka isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Kung alam mong may mali, pero iniiba mo ang usapan at hinaharangan ka ni Satanas, na nagiging dahilan para magsalita ka nang walang anumang epekto at hindi mo magawang magtiyaga hanggang katapusan, ibig sabihin ay may takot pa rin sa puso mo. Kung gayon ay hindi ba puno pa rin ng mga ideya ni Satanas ang puso mo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 12). “Lahat kayo’y nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba talaga ang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong mo sa iyong sarili: Ikaw ba’y isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Makakapagsagawa ka ba ng katuwiran para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba’y may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapapahintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matupad sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahalagang sandali? Ikaw ba’y taong gumaganap sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mo silang isipin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Nang isa-isa kong binasa ang mga tanong, pakiramdam ko’y nakatayo sa harap ko ang Diyos, kinukuwestiyon ako. Parang dagok sa akin ang bawat salita. Tinatanong ko rin ang sarili ko, “Isinaalang-alang ko ba ang pasanin ng Diyos? Nagsagawa ba ako ng katuwiran para sa Diyos? Matatag ko bang isinagawa ang katotohanan?” Ang lahat ng sagot ay “Hindi.” Itinaas ako ng biyaya ng Diyos para gawin ang isang mahalagang tungkulin, kaya dapat ay akuin ko ang resposibilidad at makipagtulungan sa mga kapatid para magawa ito nang mabuti. Nakita kong nagpapabaya ang team leader namin, inaantala na ang gawain ng ebanghelyo nang paulit-ulit. Isa siyang huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain. Dapat ay nanindigan ako at inireport siya. Pero natakot akong masaktan ko ang damdamin niya at mawalan ako ng tungkulin, kaya ipinagwalang-bahala ko ito at pinanood na lang ang paggambala niya sa gawain ng bahay ng Diyos. HIndi ko pinanindigang protektahan ito. Labis akong makasarili at kamuhi-muhi. Hindi ako makatarungan at hindi ko ginawa ang responsibilidad ko! Pinrotektahan ko ang kahihiyan at katayuan ko sa bawat pagkakataon. Kahit hindi ko kailanman ginambala ang gawaing pang-ebanghelyo ng bahay ng Diyos tulad ni Sister Chen, nanahimik ako kahit may problema at hindi ko isinagawa ang katotohanan. Hindi ba’t pagpanig iyan kay Satanas, at pagpapahintulot lang dito na sirain ang gawain ng bahay ng Diyos? Hindi ko ba pinapaboran ang tagalabas, kinakagat ang kamay na nagpakain sa akin upang maging alagad ni Satanas? Nagalit ako sa sarili ko nang naisip ko iyon. Bakit ko nagawang maging napakamakasarili, na wala man lang pagkatao? Alam kong hindi ako dapat magpatuloy nang ganyan. Hindi ako dapat labis na mag-ingat para lang protektahan ang sarili ko. Kailangan kong isagawa ang katotohanan, maging makatarungan, manindigan sa panig ng Diyos at protektahan ang kapakanan ng Kanyang bahay. Nagpasiya akong ireport si Sister Chen nang sandaling iyon. Pagkaraan niyon, narinig ko mula sa isang sister na ilang bagong mananampalataya ang nanghina’t nag-isip ng negatibo nang makarinig ng sabi-sabi. Hindi nagsaayos si Sister Chen ng magbabahagi sa kanila upang malutas ang kanilang mga problema, kaya halos mawalan na sila ng pananampalataya dahil naligaw sila. Namuhi ako sa sarili ko nang marinig ko ang tungkol ito. Ito ang masamang kinahinatnan ng hindi ko pagsasagawa ng katotohanan! Matapos niyon, ilan sa mga miyembro ng team ang sama-samang nagsabi ng mga isyu kay Sister Chen sa lider ng iglesia. Nagulat ako na siniyasat niya ito at inalis si Sister Chen nang araw ding iyon. Pinagalitan ako ng lider kalaunan, sinabi niya, “Ang tagal na niyang naaantala ang mga bagay-bagay; bakit hindi mo ito binanggit kahit kailan noon?” Lalo akong nagsisi at nakonsensiya nang marinig ko iyon.

Kalaunan ay nagmuni-muni ako, kung bakit sa kabila ng pagiging iresponsable ni Sister Chen sa kanyang tungkulin at pag-antala nito sa gawain ng bahay ng Diyos, ay hindi ko pinanindigang ilantad at ireport siya. Ano ang pinag-ugatan ng hindi ko pagsasagawa ng katotohanan? Binasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at natatamo ang katotohanan, ang likas na pagkatao ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa likas na pagkataong iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katungkulan? Bakit ka mayroong gayon katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban mo ang lason ni Satanas. Tungkol naman sa kung ano ang lason ni Satanas, lubos itong maipapahayag sa mga salita. Halimbawa, kung tatanungin mo ang ilang masamang tao kung bakit sila gumawa ng kasamaan, sasagot sila: ‘Dahil ang bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Maaari silang gumawa ng mga bagay-bagay para sa ganito at ganoong layunin, ngunit ginagawa lamang nila iyon para sa kanilang sarili. Iniisip ng lahat ng tao na dahil ang bawat tao ay para sa kanyang sarili at bahala na ang iba, dapat mabuhay ang mga tao para sa sarili nilang kapakanan, at gawin ang lahat ng makakaya nila para magkaroon ng magandang posisyon alang-alang sa pagkain at marangyang pananamit. ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang buhay at ang pilosopiya ng tao, at kinakatawan din nito ang likas na pagkatao. Ang mga salitang ito ang mismong lason ni Satanas, at kapag isinapuso ito ng mga tao, nagiging kalikasan na nila ito. Ang kalikasan ni Satanas ay inilalantad sa pamamagitan ng mga salitang ito; lubos itong kinakatawan ng mga ito. Ang lasong ito ay nagiging buhay ng mga tao at nagiging pundasyon din nila sa buhay, at ang sangkatauhang ginawang tiwali ay patuloy nang pinangingibabawan ng lasong ito sa loob ng libu-libong taon(“Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita sa akin ng Diyos na ang dahilan ng hindi pagsasagawa ng katotohanan ay dahil puno ng mga pilosopiya ni Satanas ang pamumuhay ko, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Matitinong tao’y mabuti’t maingat sa sarili, tanging hangad nila’y hindi magkamali,” “Hayaang umagos ang mga bagay kung wala naman itong personal na naaapektuhan,” “Mas kakaunti ang gulo, mas mainam,” at “Ang pakong hindi pinakamatibay ang pagkakabaon ang minamartilyo nang husto.” Ang mga ito’y matagal nang naging bahagi ng pagkatao ko. Naging likas na sa akin ang mga ito. Ako ay naging makasarili, tuso, at sarili ko lang ang iniintindi ko dahil ipinamumuhay ko ang mga bagay na ito. Wala akong ibang nagawa kundi protektahan ang mga interes ko sa harap ng problema. Bago ako naging mananampalataya, sa propesyon ko at maging sa personal kong buhay, kapag maaaring makasakit ako ng damdamin ng iba, kahit alam kong may pagkakamali sila, mananahimik ako. Patuloy kong ipinamuhay ang mga pilosopiyang ito ni Satanas kahit naging mananampalataya na ako. Hindi ko mapigilang protektahan ang mga interes ko sa aking mga tungkulin, kaya hindi ko maisagawa ang katotohanan. Si Sister Chen ang isang halimbawa niyan. Nakita kong hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain at ayaw niyang tumanggap ng puna, na isa siyang huwad na lider kaya dapat ay nanindigan ako at inireport ko siya noon. Pero natakot ako na baka walang mangyari sa report ko at matanggalan pa ako ng tungkulin. “Ang pakong hindi pinakamatibay ang pagkakabaon ang minamartilyo nang husto,” at “Mas kakaunti ang gulo, mas mainam” ang mga pilosopiya ko sa pamumuhay. Isa akong duwag. Hinayaan ko ang iresponsableng tao na gambalain ang mga bagay-bagay nang hindi nagtatangkang manindigan. Talagang naging makasarili at naging mapanlinlang ako. Ang paggawa ng tungkulin ko’t pagprotekta sa mga kapakanan ng bahay ng Diyos ay positibong bagay at ayon sa kalooban ng Diyos. Kapag ang tao’y nakakagambala sa gawain ng bahay ng Diyos, iyon ang tamang panahon para manindigan sa panig ng Diyos at protektahan ang mga kapakanan ng Kanyang bahay. Hinihingi ito ng Diyos sa Kanyang mga pinili. Tungkulin at responsibilidad ko ito. Pero takot akong gumawa ng bagay kung saan ay mapipintasan ako, na magkokompromiso sa aking mga kapakanan, kaya hindi ako nanindigan sa gawain ng bahay ng Diyos. Hindi ko ginampanan ang tungkulin o responsibilidad ko. Ano bang klaseng mananampalataya ang gaya ko? Hindi ko nasabi ang dapat kong masabi, nakipagkompromiso ako kay Satanas at nagwalang-bahala. Hinayaan ko ang isang iresponsableng tao na gambalain ang gawain. Hindi ako nanindigan. Wala talaga akong lakas ng loob. Nabubuhay ako nang walang integridad o dignidad. Malinaw kong nakita na ginagambala ni Sister Chen ang gawain ng bahay ng Diyos, pero hindi lang ako nagbulag-bulagan kundi gusto ko pang takasan ito. Hindi ba’t pagpanig iyan kay Satanas at pagsalungat sa Diyos? Iyan ay isang malaking paglabag sa Diyos. Sa pag-iisip ko tungkol dito, hindi ko maisagawa ang katotohanan at natakot akong mawalan ng tungkulin kung irereport ko si Sister Chen. Pero ang talagang nangyari ay nang matapos naming ireport si Sister Chen, kaagad siyang inalis sa tungkulin. Nakaramdam ako ng hiya sa katotohanang ito at ipinakita nito sa akin na pagdating sa bahay ng Diyos, si Cristo at ang katotohanan lang ang tanging nananaig. Ang hindi nagsasagawa ng katotohanan at hinahadlangan ang gawain ng bahay ng Diyos ay hindi magkakaroon ng lugar doon. Sila’y matatanggal sa malao’t madali kung hindi sila magsisisi. Pero hindi ako tumitingin sa mga bagay-bagay batay sa mga prinsipyo ng katotohanan. Napipigilan lamang ako ng kapangyarihan at katayuan. Itinuring ko ang taong namumuno bilang nakatataas sa akin at inisip na kung masasaktan ko siya, hindi ako magkakaroon ng lugar sa bahay ng Diyos. Akala ko, ang bahay ng Diyos ay kasing dilim lang ng mundo, hindi patas o makatarungan. Hindi ba’t nilalapastangan ko ang Diyos? Kung hindi ako inilantad ng Diyos sa pamamagitan ng paghahanda ng kapaligirang iyon, kung walang paghatol at pagkastigo ng mga salita Niya, hindi ko pa rin malalaman ang masasamang kahihinatnan na dulot ng pamumuhay ng mga pilosopiya ni Satanas. Ang talagang natutuhan ko dito ay na, bilang mananampalataya, ang pamumuhay gamit ang mga salita ng Diyos, pagsasagawa ng katotohanan, at paninindigan sa mga prinsipyo ay talagang nagdudulot sa akin ng kapayapaan at katahimikan. Isang mabuting bagay ito na dapat gawin ng mananampalataya. Kalaunan, lahat kaming miyembro ng team namin ay nagbahagi ng mga naging karanasan at natamo namin. Bawat isa’y may natutuhang aral sa iba’t ibang antas, lalo na tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Unti-unting bumuti ang gawain sa team namin.

Sa tungkulin ko matapos niyon, matapos ang mahigit isang buwang pakikipagkoordinasyon kay Sister Liu, ang lider ng isa pang team, natuklasan ko na mayabang siya at awtokratiko. Ayaw niyang tumanggap ng mga mungkahi ng ibang tao at ginambala na niya ang gawain sa bahay ng Diyos. Alam kong dapat kong ipaalam ito sa lider sa pagkakataong ito. Pero naisip ko na, “Sandali pa lang kaming nagkakasamang magtrabaho, kaya hindi ko pa siya gaanong kilala. Baka mali lang ang inaakala ko sa kanya? Paano kung siyasatin ito at malamang wala naman palang malaking problema sa kanya? Ano na lang ang iisipin sa akin ng lider ng iglesia at ng iba pa? Iisipin ba nila na mapaghanap ako ng mali? At ano ang iisipin ni Sister Liu sa akin kung malaman niya ito? Hindi bale na lang, wala akong sabihin.” Pagtatakpan ko na lang sana ang problemang ito pero pakiramdam ko, inuusig talaga ako ng konsiyensiya ko. Naalala ko dati kung paano nakompromiso nang labis ang gawain ng ebanghelyo dahil lang hindi ko kaagad inireport si Sister Chen. Pinagsisihan ko nang matindi ang nagawa ko. Naisip ko, “Di ako pwedeng mamuhay sa makasarili’t kasuklam-suklam na paraan. Ayoko nang may pagsisihan sa pagkakataong ito.” Isang sipi mula sa mga salita ng Diyos ang naisip ko: “Para sa bawat isa sa inyo na tumutupad sa inyong tungkulin, gaano man kalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, kung nais mong pumasok sa katotohanang realidad, ang pinakasimpleng paraan para magsagawa ay isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng ginagawa mo, at bitiwan ang iyong mga makasariling hangarin, indibidwal na layon, mga motibo, reputasyon, at katayuan. Unahin mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamaliit na dapat mong gawin. Kung hindi ito magawa ng isang taong gumaganap sa kanyang tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi ito pagganap ng isang tao sa tungkulin. Dapat mo munang isaalang-alang ang mga interes ng bahay ng Diyos, isaalang-alang ang mga sariling interes ng Diyos, at isaalang-alang ang Kanyang gawain, at unahin ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa, na pag-uuna sa mga kapakanan ng bahay ng Diyos bago ang sarili ko. Hindi ko dapat pansinin ang iisipin ng iba, kundi gawin ang nararapat para sa gawain ng bahay ng Diyos. Sandali pa lang kaming magkakilala at hindi ko talaga siya kilalang mabuti, pero talagang nakita ko na ang pag-uugali niya ay tunay na nakagambala sa gawain ng bahay ng Diyos. Alam kong dapat kong sabihin ang nakita ko, itama ang mga motibo ko, at gawin ang tungkulin at mga responsibilidad ko. Kalaunan ay sinabi ko sa lider ng iglesia ang mga isyu kay Sister Liu at nang matapos imbestigahan ang tungkol dito, siya ay tinanggal ayon sa mga prinsipyo. Napanatag at napanatag ako nang mabalitaan ko ito at pakiramdam ko ay naitaguyod ko bahay ng Diyos. Talagang naranasan ko ring ang paraan lang para mabuhay nang may kabuluhan ay ang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Bakit Ako Laging Nagpapanggap?

Ni Christine, PilipinasNoong Agosto 2021 nagsimula akong magsanay sa pagdidilig ng mga bagong mananampalataya. Dahil hindi ako masyadong...

Ang Muling Pagsilang

Lubos na bunga ito ng paghatol at pagkastigo ng Diyos kung saan nagawa kong magkaroon ngayon ng pag-unawa at pagbabago. Bagaman ang pagsasailalim sa paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nangailangan sa aking sumailalim sa sakit ng kapinuhan, nakakuha ako ng pag-unawa sa praktikal na gawain ng Diyos, sa Kanyang mabait na diwa, at sa Kanyang disposisyon ng katuwiran at kabanalan.