Ang Panahon Ko sa Paggawa ng Tungkulin ng Pagpapatuloy sa Bahay

Pebrero 18, 2026

Ni Ning Yu, Tsina

Pagkatapos kong magsimulang manampalataya sa Diyos, naglingkod ako bilang lider at manggagawa ng iglesia, at kalaunan, nagsimula akong gumawa ng tungkuling nakabatay sa teksto. Gustong-gusto ko ang dalawang tungkuling ito, dahil pakiramdam ko, mga tungkulin itong ginagawa ng mga taong may kakayahan, at sa tuwing binabanggit ko ang mga ito, kahanga-hanga at kagalang-galang itong pakinggan, at kinaiinggitan ng mga tao. Lalo na noong katapusan ng 2016, nang iangat ako para gumawa ng tungkulin sa pangkat ng mga tagasuri ng teksto ng sambahayan ng Diyos, mas lalo ko pang naramdaman na mayroon akong mahusay na kakayahan at talento sa pagsusulat, at na angkop akong gawin iyon. Noong Agosto 2020, tinanggal ako dahil hindi ako nakikipagtulungan nang maayos sa iba at hindi mabisa sa aking tungkulin. Nagkataon na noong panahong iyon, may ilang manggagawang nakabatay sa teksto na walang angkop na pamilyang nagho-host, kaya isinaayos ng mga lider na i-host ko sila habang nagninilay-nilay ako sa sarili ko. Nang marinig kong ipinagagawa sa akin ang pagho-host, medyo sumama ang loob ko. “Ang pagho-host ay puro pisikal na pagtatrabaho lang, isang tungkuling ginagawa ng mga taong mahina ang kakayahan at walang mga kalakasan. Paano pa man, isa akong taong gumawa ng tungkuling nakabatay sa teksto sa loob ng ilang taon, na may ilang kakayahan at mga kalakasan. Kahit na magbago ang pagkakatalaga ng aking tungkulin, imposible namang ipagawa sa akin ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay!” Pero sa gulat ko, ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ang mismong itinalaga sa akin ng mga lider! Noong sandaling iyon, sa puso ko ay ayaw ko talaga, pero pinagnilayan ko ang katunayan na naantala ko na ang gawain dahil sa hindi pagkakaroon ng mga resulta sa paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto kamakailan. Hindi ako pinanagot ng sambahayan ng Diyos at pinayagan pa rin akong gumawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay—biyaya na ito ng Diyos. Hindi makatwirang maging mapili, kaya wala akong magawa kundi magpasakop muna sa ngayon. Sa unang dalawang linggo, naghahanda ako ng pagkain sa tamang oras at nililinis ko ang mga silid araw-araw, at pagkatapos ay ginagawa ko ang aking mga debosyonal at nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos. Naramdaman ko na medyo maganda rin pala ang paggawa ng tungkulin sa ganitong paraan. Gayumpaman, unti-unti, habang nakikita ko ang mga sister na nakaupo sa harap ng kanilang mga kompyuter araw-araw na ginagawa ang kanilang mga tungkulin habang ako naman ay humaharap sa mga kaldero at kawali, at ginugugol ang aking mga araw kasama ang apron, mop, at basurahan, mas lalo pang aping-api ang pakiramdam ko sa puso ko. Naisip ko, “Ang paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ay pisikal na pagtatrabaho: Kaya itong gawin ng sinumang kapatid na marunong magluto, at hindi ito nangangailangan ng anumang kakayahan o kalakasan. Sa kabilang banda, ang paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto ay trabahong gamit ang isip, at may malinaw na pagkakaiba sa antas sa pagitan nito at ng pisikal na gawain sa tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay!” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong lumalaban sa paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay.

Isang beses, hiniling sa akin ni Sister Chen na tulungan siyang itapon ang basura, at agad na uminit ang mukha ko, pakiramdam ko ay para akong utusan. Mas lalo ko pang naramdaman na mababang-uri ang paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Minsan, inaanyayahan ako ng mga sister na sumali sa kanila sa mga pagtitipon, pero dahil pakiramdam ko ay ginagawa ko ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay at mas mababa ako sa kanila, hindi ako nangahas na maging bukas tungkol sa aking kalagayan kapag nakikipagbahaginan sa mga pagtitipon. Labis akong nahihirapan. Naalala ko kung paano na noong mga taon na ginagawa ko ang tungkuling nakabatay sa teksto, tinitingala at kinaiinggitan ako ng aking mga kapatid saanman ako magpunta. Ngayon ay nagho-host na ako, at wala nang tumitingala sa akin. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong naramdaman na walang kabuluhan ang paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Naisip ko pa nga, “Kaysa sa pagho-host dito, mas mabuti pang bumalik na lang ako sa lokal kong iglesia. Baka puwede ko pang magawa roon ang gawaing nakabatay sa teksto, at hahangaan at kaiinggitan din ako ng mga kapatid.” Isang beses, pumunta sa bahay ko ang superbisor, binati ako, at dumeretso sa kuwarto ng mga sister. Sa sandaling isinara niya ang pinto, bigla akong nakaramdam na parang naitsapuwera ako, pakiramdam ko ay hindi ko sila kalebel. Ang mga sister ko ay gumagawa ng tungkuling nakabatay sa teksto; mas mataas ang katayuan at antas nila kaysa sa akin, at pinahahalagahan sila ng iba, samantalang ako ay gumagawa lang ng isang ordinaryong pisikal na tungkulin, mas mababa ako sa kanila. Parang pinupunit ang puso ko ng malaking pagkakaibang ito, at hindi mailarawan ang sakit. Pagkatapos ng pagtitipon, nagmamadaling umalis ang superbisor nang hindi man lang ako tinatanong kung kumusta ang kalagayan ko kamakailan. Alam kong abala siya sa kanyang gawain, kaya normal lang na hindi siya magtanong, pero sa puso ko, medyo nalungkot pa rin ako. Naisip ko kung paano na nang ginawa ko ang tungkuling nakabatay sa teksto noon, paminsan-minsan ay kinukumusta ng superbisor ang kalagayan ko, nakikipagbahaginan sa amin ng katotohanan para malutas ang aming mga problema, at kinokonsulta pa nga ako sa ilang usapin. Pero ngayon, isa na lang akong host, at wala nang pumapansin sa akin. Gaano man karami o kahusay ang gawin ko, walang makaaalam. Ganito ko na lang ba gugugulin ang mga natitirang araw ko? Sa pag-iisip nito, labis akong nahihirapan at mas lalo kong naramdaman na hindi magkalebel ang tungkulin ng pagpapatuloy at ang tungkuling nakabatay sa teksto. Mas lalo pa akong lumaban sa paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy. Kalaunan, hindi na ako ganoon kaagap sa paghahanda ng mga pagkain. Nagluluto ako sa tamang oras kapag maganda ang mood ko, at sala sa oras kapag masama ang mood ko. Hindi na rin ako ganoon kasipag maglinis, at minamadali ko ang trabaho kapag puwede. Naging pabaya ako sa lahat ng ginagawa ko, at sa pagtatapos ng araw, pakiramdam ko ay pagod na pagod ako at hungkag ang kalooban ko. Dahil pabaya ako, hindi ko man lang napansin na natanggal pala sa tubo ng wastewater ang drainpipe ng kusina, na naging sanhi para direktang dumaloy sa sahig ang maruming tubig at tumulo sa bahay ng kapitbahay sa ibaba. Ilang beses silang kumatok sa amin. Dahil hinahanap ng malaking pulang dragon ang mga mananampalataya sa lahat ng dako at nag-aalok ng mga pabuya sa pag-uulat sa kanila, sa tuwing may dumarating, kailangang mabilis na itago ng mga sister ang kanilang mga kompyuter at itigil ang kanilang gawain, na nakaantala sa kanilang mga tungkulin. Noong panahong iyon, araw-araw akong lutang, at labis na nahihirapan ang puso ko.

Isang umaga, habang nagluluto ako, isang puting kalapati ang lumipad at dumapo sa pasamano ng bintana ng kusina. Purong puti ang mga balahibo nito, nakatayo ito nang taas-noo at liyad ang dibdib, tinitingnan ako gamit ang malabutil na itim nitong mga mata. Pagkaraan ng ilang sandali, pumagaspas ito at lumipad paalis. Isang alon ng kapanglawan ang bumalot sa puso ko. Ni hindi ako nabubuhay nang kasinglaya at kasingsaya ng isang ibon. Hindi ko namamalayan, namuo na pala ang mga luha sa aking mga mata. Noon ko naalala ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nasisiyahan Akong masdan ang maliliit na ibong lumilipad sa himpapawid. Bagama’t hindi pa sila nagtakda ng kanilang matibay na pagpapasya sa Aking harapan at walang mga salitang ‘mailaan’ sa Akin, nakasusumpong sila ng kasiyahan sa mundong naibigay Ko sa kanila. Gayunman, hindi ito kaya ng tao, at puno ng kalungkutan ang kanyang mukha—may utang kaya Ako sa kanya na hindi Ko mabayaran? Bakit laging may bahid ng mga luha sa kanyang mukha?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 34). Tumama sa puso ko ang mga salita ng Diyos, kaya nahiya ako at napahiya. Itinuturing ng isang ibon na paraiso nito ang mundong ibinigay ng Diyos at nabubuhay ito nang walang inaalala, nagagawang ipamalas ang kaluwalhatian ng Diyos sa maikling buhay nito. Bagama’t isa rin akong nilikha, hindi ako makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Isinaayos ng superbisor na gawin ko ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ayon sa aking aktuwal na sitwasyon at sa mga pangangailangan ng gawain. Kapaki-pakinabang ito sa akin at sa gawain ng iglesia, pero palagi akong lumalaban, sa paniniwalang ang paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ay hindi nagbibigay ng pagkakataong mamukod-tangi o mapansin, at na hindi ako mapahahalagahan o titingalain ng iba. Kaya naging pabasta-basta ako at iresponsable, nabigo akong mapanatili nang maayos ang kapaligiran at nagambala ko ang mga sister sa kanilang mga tungkulin. Talagang napakamapaghimagsik ko sa Diyos! Habang lumuluha, lumuhod ako at nanalangin, “O Diyos, palagi akong naghihimagsik laban sa Iyo sa buong panahong ito at labis akong lumalaban sa paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Palagi kong nararamdaman na dahil sa paggawa ng tungkuling ito ay mas mababa ako sa iba, at hindi ako kailanman makapagpasakop sa aking puso. O Diyos, ayaw kong tratuhin nang ganito ang aking tungkulin, pero hindi ko kayang baguhin ito nang mag-isa. Hinihiling ko na gabayan Mo ako upang maunawaan ang Iyong mga layunin, para makapagpasakop ako sa harap Mo.”

Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na lubhang nakatulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang tungkulin mo, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mong, ‘Bagama’t ang gampaning ito ay isang atas mula sa Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay nakakagawa ng gawaing nagpapahintulot sa kanila na mamukod-tangi. Ibinigay sa akin ang gampaning ito, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi kundi nangangailangan ng pagsisikap ko nang hindi nakikita, hindi ito patas! Hindi ko gagawin ang tungkuling ito. Ang tungkulin ko ay dapat iyong magpapatingkad sa akin sa harap ng iba at magbibigay-daan sa akin na gumawa ng pangalan para sa aking sarili—at kahit na hindi ako gumawa ng pangalan para sa aking sarili o magpatingkad, dapat akong makinabang mula rito at makaramdam ng pisikal na kaginhawahan.’ Ito ba ay katanggap-tanggap na saloobin? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa mga bagay mula sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin, isang pagpapamalas ng iyong paghihimagsik laban sa Diyos. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais. Kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pride at katayuan, ang iyong sariling mga interes, at iba pang mga gayong bagay, ang saloobin mo sa iyong tungkulin ay hindi pagpapasakop. Anong saloobin ang dapat mayroon ka sa iyong tungkulin? Una, hindi mo ito dapat analisahin kung sino ang nagtalaga ng gawaing ito; sa halip, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos—ito ay atas ng Diyos, ito ay iyong tungkulin, at dapat kang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at tanggapin ang iyong tungkulin. Ikalawa, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa, at huwag mong abalahin ang sarili mo kung ano ang kalikasan ng tungkulin, kung tinutulutan ka man nitong mamukod-tangi o hindi, kung ito ba ay ginagawa sa harap ng publiko o nang walang nakakakita. Huwag mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Mayroon ding isa pang aspekto sa saloobing ito: pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, parang biglang may sinag ng liwanag na tumagos sa puso ko na matagal nang nasa kadiliman. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na magkaroon ng tamang pananaw at saloobin sa kanilang tungkulin, magawang tanggapin mula sa Diyos anuman ang tungkuling gagawin nila, huwag kumilos ayon sa sarili nilang kagustuhan, at magawang tumanggap, magpasakop, at maging deboto rito. Ang pagtrato sa tungkulin ayon sa sariling kagustuhan, ang pagtanggap dito kapag nagiging sentro ka ng atensyon at paglaban dito kapag hindi—pagtanggi ito sa tungkulin; paghihimagsik ito laban sa Diyos. Pinagnilayan ko ang saloobin ko sa aking tungkulin. Palagi akong namimili batay sa aking mga kagustuhan, at wala akong anumang pagpapasakop. Naniwala ako na ang pagiging isang lider o manggagawa, o paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto, ay magiging dahilan para hangaan at pahalagahan ako ng iba, at magbibigay sa akin ng katanyagan, kaya masaya ko itong tinanggap. Ngayon ay itinalaga na akong gumawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Dahil naramdaman kong ito ay pisikal na trabaho ng paglilingkod sa iba, isang mababang trabaho, at na gaano ko man ito kahusay gawin, hindi ako mamumukod-tangi o hahangaan at pahahalagahan ng iba, naramdaman kong nakabababa ito ng dangal at kahiya-hiya, at hindi ko talaga kayang magpasakop. Nang hilingin ng sister ko na tulungan ko siyang itapon ang basura, inakala kong inuutusan niya ako. Kapag nakikipagtipon ako kasama ang mga sister, pakiramdam ko rin ay mas mababa ako sa kanila at ayaw kong lumahok. Pinagsisihan ko pa ngang gawin ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Naisip ko na isa lang akong napakaliit na nilikha, na walang anumang katayuan. Isinaayos ng superbisor na gawin ko ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, at ang makatwiran sanang gawin ay tanggapin ito mula sa Diyos at magpasakop, pero namili ako batay sa aking mga kagustuhan, nakatuon ang puso ko sa paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto para makuha ang paghanga ng iba, at naging mapanlaban ako at pabasta-basta sa pagtrato ko sa tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Talagang wala akong anumang konsensiya o katwiran. Paanong hindi ako kasusuklaman at kamumuhian ng Diyos? Ngayon, nahulog ako sa kadiliman at nabubuhay ako sa di-matiis na pasakit. Lahat ng ito ay dahil masyado kong pinahalagahan ang sarili kong dangal at katayuan at hindi ako nagpasakop sa Diyos. Noon ko lang naunawaan na ang masisidhing layunin ng Diyos ay nasa pagsasaayos ng lider para sa akin na gawin ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Ito ay para ibunyag ang aking tiwaling disposisyon at pungusan ang pagnanais ko para sa katayuan, para itulak akong magnilay at makilala ang sarili ko at sumailalim sa tunay na pagsisisi at pagbabago. Ang tungkuling ito talaga ang kailangan ko, at kapaki-pakinabang ito sa aking buhay pagpasok. Hindi na ako maaaring maghimagsik pa laban sa Diyos. Nais ko na lang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at gawin nang maayos ang aking tungkulin para aluin ang puso ng Diyos!

Noong panahong iyon, madalas kong pagnilayan ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang buong buhay ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at kung hindi sa kanilang paninindigan sa harap ng Diyos, sino ang magiging handang mamuhay nang walang saysay sa hungkag na mundong ito ng tao? Bakit pa mag-aabala? Nagmamadali papasok at palabas sa mundo, kung hindi sila gagawa ng anuman para sa Diyos, masasayang ba ang kanilang buong buhay? Kahit na hindi itinuturing ng Diyos ang iyong mga kilos na karapat-dapat mabanggit, hindi ka ba ngingiti nang dahil sa kasiyahan sa sandali ng iyong kamatayan? Dapat mong hangarin ang positibong pag-unlad, hindi ang negatibong pag-urong—hindi ba ito mas mahusay na pagsasagawa?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbubunyag sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 39). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, labis na lumakas ang loob ko. Na magawa ko ang aking tungkulin sa panahon kung saan nagkatawang-tao ang Diyos para gumawa sa mga huling araw ay ang pinakamakabuluhang bagay sa lahat. Anuman ang tungkuling gawin ko, ang mahalaga ay magkaroon ng tamang mga intensyon, na lumugar nang wasto sa harap ng Diyos, hindi mamili ng mga tungkulin batay sa aking mga kagustuhan, at makapagpasakop at makapagbigay-kasiyahan sa Diyos—ito ang pinakamahalaga. Habang mas pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, mas lalo akong naaantig, mas lalo kong nararamdaman ang pagkakautang ko sa Diyos, at mas lalo kong kinapopootan ang sarili kong paghihimagsik. Naging handa na akong gawin ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Pagkatapos, araw-araw kong inihahanda ang mga pagkain sa tamang oras, pinananatili kong maayos ang kapaligiran, at nililinis ko rin ang bahay, na nagparamdam sa mga sister na para silang nasa sarili nilang tahanan. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, naramdaman kong mas naging malapit ang relasyon ko sa Diyos. Gayumpaman, dahil wala akong tunay na kaalaman sa sarili kong kalikasang diwa, pagkaraan ng isang panahon, muli akong namuhay sa isang maling kalagayan.

Isang araw, hindi sinasadyang nalaman ko na ang isang sister na, tulad ko, nabago ang itinalagang tungkulin para mag-host, ay gumagawa na ng isang tungkuling may kinalaman sa teknolohiya sa internet. Sa sandaling iyon, nagulo ang puso ko. “Ang iba ay sandaling gumagawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay at pagkatapos ay nababago ang itinalagang mga tungkulin sa kanila, kaya bakit hindi binabago ng superbisor ang tungkulin ko? Kahit na hayaan lang akong bumalik sa lokal kong iglesia para gawin ang tungkuling nakabatay sa teksto ay ayos na; kahit papaano, mas kagalang-galang itong pakinggan kaysa sa paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Ngayon, abala ako rito buong araw, gumagawa ng mga pisikal at mabababang gawain, at gaano man karaming pagsisikap ang ibigay ko, walang tumitingala sa akin. Walang kinabukasan dito. Dapat ko bang kausapin ang superbisor at hilingin sa kanya na baguhin ang itinalagang tungkulin sa akin?” Pero pagkatapos, naramdaman kong hindi makatwiran ang paggawa niyon. Paulit-ulit ko itong pinag-isipan, at hindi ako mapalagay kahit habang nagluluto. Minsan, wala ako sa sarili at naparami ang luto ko ng noodles; inabot ng tatlong kainan ang mga sister bago nila ito maubos. Dahil dito, lubos akong napahiya. Ni hindi ko man lang magawang magluto nang maayos—ano pa ang kaya kong gawin? Mas lalo pang nasaktan ang puso ko at naging negatibo. Isang araw, pumunta ako sa palengke para bumili ng mga pagkain at nakasalubong ko si Sister Xiao, na gumagawa ng tungkulin ng pangkalahatang usapin. Nang makita ko siyang nakasakay sa kanyang bisikleta sa ilalim ng tirik na araw, dumadaan sa gitna ng maraming tao na may masayang ekspresyon sa kanyang mukha, labis akong nainggit. Pagkatapos ay tiningnan ko ang aking sarili, na nakasimangot buong araw, at hindi magawang maging masaya. Hindi ko maiwasang magnilay: “Pareho kaming gumagawa ng mga tungkulin ng pangkalahatang usapin sa iglesia, kaya paano siya nakapagpapasakop? Paano niya nagagawang maging napakasaya? Bakit hindi ako kailanman tunay na makapagpasakop?” Noong panahong iyon, paulit-ulit kong pinagnilayan ang mga tanong na ito, at nanalangin din ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para maunawaan ang katotohanan tungkol dito.

Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong personal na mga kuru-kuro, pag-asam, at mga kinabukasan. Ang gawain ay ginagampanan na ngayon sa ganitong paraan para pungusan ang inyong pagnanais para sa katayuan at ang inyong maluluhong pagnanais. Ang mga pag-aasam na ito, ang pagnanais na ito para sa katayuan, at ang mga kuru-kurong ito ay pawang mga huwaran ng mga satanikong disposisyon. … Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang sinasandigan ng mga tao para sa pananatili ng kanilang buhay ay unti-unting sumisira sa kanilang puso hanggang sa punto na sila ay maging tuso, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila hindi nagtataglay ng pagtitiyaga o determinasyon, ngunit naging sakim, mayabang, at matigas din ang ulo nila. Walang-wala sila ng anumang determinasyon na lampasan ang kanilang sarili, at higit pa riyan, wala sila ni katiting na lakas ng loob na iwaksi ang mga paglilimita ng madidilim na impluwensiyang ito. Ang buhay at mga kaisipan ng mga tao ay napakabulok na ang kanilang mga perspektiba tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay napakapangit pa rin, at lubos na nakakalabag pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kapangyarihan, kasuklam-suklam, at marupok. Hindi sila nasusuklam sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang mapatalsik ang mga ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). “Para sa isang anticristo, katayuan, kapangyarihan, at katanyagan ang pinakamahahalagang uri ng mga interes, at ang mga bagay na itinutumbas niya sa sarili niyang buhay. Ito ang dahilan kung bakit, kapag tinanggal ang isang anticristo, kapag nawala na ang titulo niyang ‘lider’ at wala na siyang katayuan, na nangangahulugang wala na siyang kapangyarihan at katanyagan, na hindi na siya makakatanggap ng espesyal na pagtrato ng paggalang, pagsuporta, at pagtingala, bilang isang anticristo na tinitingnan ang katayuan at kapangyarihan bilang buhay mismo, lubos itong hindi katanggap-tanggap sa kanya(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Sa paghahambing ng aking sarili sa mga salita ng Diyos, nagnilay-nilay ako, at saka ko lang nakita na ang ugat ng kawalan ko ng kakayahang tunay na magpasakop sa tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ay dahil namumuhay ako sa mga satanikong lason tulad ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Ang mga nagpapagal gamit ang kanilang isipan ay namamahala sa iba, at ang mga nagpapagal gamit ang kanilang mga kamay ay pinamamahalaan ng iba.” Lahat ng ito ay sanhi ng palagi kong paghahangad ng dangal at katayuan. Dahil sa impluwensiya at pagkondisyon ng mga satanikong lason na ito, bago manampalataya sa Diyos, ang layon sa buhay na itinakda ko para sa aking sarili ay makapasok sa unibersidad at makahanap ng isang kagalang-galang na trabaho, upang maging mataas ang tingin sa akin at igalang ako ng iba. Naramdaman ko na tanging ang pamumuhay sa ganitong paraan ang mahalaga at makabuluhan, at na kung gugugulin ko ang aking buhay sa paggawa ng pisikal na trabaho, inuutos-utusan at minamaliit ng iba, walang magiging layon ang buhay. Gayumpaman, sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ako nakapasok sa isang magandang paaralan at sa bahay na lang ako nagsasaka. Ayaw kong gumawa ng pisikal na trabaho, kaya humanap ako ng trabaho bilang substitute teacher sa isang paaralan. Bagama’t hindi mataas ang suweldo, kagalang-galang ang trabaho. Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, patuloy akong namuhay ayon sa mga satanikong lason na ito. Hinati-hati ko ang mga tungkulin ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang ranggo, at gusto ko lang gawin ang mga tungkulin na naglalagay sa akin sa sentro ng atensyon at nagiging dahilan para tingalain ako ng mga tao. Naniwala ako na ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ay pisikal na trabaho at mababang-uri, kaya gusto ko itong iwasan at tanggihan. Kinontrol ako ng mga satanikong lason na ito. Naging baluktot ang pananaw ko sa buhay at ang aking mga pinahahalagahan, at nakatuon ang puso ko sa paghahangad ng kasikatan at katayuan. Itinuring kong mas mataas ang sarili kong pride at katayuan kaysa sa anupaman, at nang hindi ko natamo ang pride at katayuan, pakiramdam ko ay walang layon ang buhay at napakasakit nito. Naisip ko kung paano na noong ginagawa ko ang tungkuling nakabatay sa teksto, dahil palagi akong naghahangad ng kasikatan at katayuan kaya palaging masama ang kalagayan ko, hindi ko magawang makipagtulungan nang maayos sa iba, at hindi ako naging mabisa sa aking tungkulin, at bilang resulta, natanggal ako. Kung hindi malulutas ang aspektong ito ng aking tiwaling disposisyon, anuman ang tungkuling gawin ko, sa malao’t madali ay mabibigo ako at babagsak. Pero hindi ko pinagnilayan at nilutas ang aking katiwalian, ni hindi ko man lang isinaalang-alang kung paano gagawin nang maayos ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Nakatuon ang puso ko sa paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto para matugunan ang pagnanais ko para sa kasikatan at katayuan, at lumaban ako, naging pabasta-basta, at kulang sa debosyon sa pagtrato ko sa tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Partikular akong makasarili at mababang-uri, talagang walang anumang bahid ng pagkatao o katwiran! Naisip ko kung paanong tinalikuran ko ang aking pamilya at karera para gawin ang aking tungkulin sa loob ng mahigit isang dekada, at isang pagbabago lang sa itinalagang tungkulin ko ang nagbunyag ng tunay kong tayog. Noon ko lang nakita na ang lahat ng karaniwan kong sinasabi ay mga salita at doktrina lamang, nang walang kahit katiting na katotohanang realidad. Bigla, naramdaman kong napakakahabag-habag ko. Naisip ko kung paanong matigas na hinahangad ng mga anticristo ang kasikatan at katayuan, at gaano man karaming pagpupungos, pagtatanggal, at pagbabago sa itinalagang tungkulin ang kanilang harapin, hindi nila kailanman isinusuko ang kanilang mga ambisyon at pagnanais; sa halip, gumagawa sila ng maraming masamang gawa, at sa huli ay itinitiwalag ng Diyos. Hindi ba’t sinusundan ko ang kanilang mga yapak? Ang landas na tinatahak ko ay ang landas ng isang anticristo. Kung hindi ako magsisisi, sa huli ay itataboy at ititiwalag ako ng Diyos!

Sa aking mga debosyonal, lalo pa akong nagnilay, “Hindi ako tunay na makapagpasakop sa tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Ano pang ibang mga maling pananaw ang mayroon ako sa kalooban ko?” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan. Ang mga iniaangat at nililinang ay hindi gaanong nakahihigit sa iba. Ang lahat ay naranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng halos parehong panahon. Ang mga hindi pa naiaangat o nalilinang ay dapat ding maghangad sa katotohanan habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Walang sinumang maaaring magkait sa iba ng karapatang hangarin ang katotohanan. Ang ilang tao ay mas masigasig sa paghahangad nila ng katotohanan at may kaunting kakayahan, kaya sila iniaangat at nililinang. Ito ay dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Bakit may gayong mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paggamit sa mga tao? Dahil may pagkakaiba-iba sa kakayahan at karakter ng mga tao, at pumipili ang bawat tao ng magkakaibang landas, ito ay humahantong sa magkakaibang kahihinatnan sa pananalig ng mga tao sa Diyos. Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay naililigtas at nagiging mga tao ng kaharian, habang iyong mga hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, na hindi tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, ay itinitiwalag. Nililinang at ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, at sa kung tapat sila sa paggawa ng kanilang tungkulin. Mayroon bang pagkakaiba sa herarkiya ng iba’t ibang tao sa sambahayan ng Diyos? Sa ngayon, walang herarkiya pagdating sa iba’t ibang posisyon, halaga, katayuan o kalagayan ng iba’t ibang tao. Kahit man lang sa panahon na gumagawa ang Diyos para iligtas at gabayan ang mga tao, walang pagkakaiba ang mga ranggo, posisyon, halaga, o katayuan sa pagitan ng iba’t ibang tao. Ang tanging mga bagay na nagkakaiba ay nasa paghahati ng gawain at sa mga tungkuling ginagampanan. Siyempre, sa panahong ito, ang ilang tao, bilang eksepsiyon, ay iniaangat at nililinang para gumawa ng ilang espesyal na trabaho, samantalang ang ilang tao ay hindi nakakatanggap ng gayong mga oportunidad dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng mga problema sa kanilang kakayahan o kapaligiran ng pamilya. Ngunit hindi ba inililigtas ng Diyos ang mga hindi pa nakakatanggap ng gayong mga oportunidad? Hindi iyon ganoon. Mas mababa ba ang kanilang halaga at posisyon kaysa sa iba? Hindi. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan, lahat ay may oportunidad na hangarin at makamit ang katotohanan, at tinatrato ng Diyos ang lahat nang patas at makatwiran(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang lahat ay pantay-pantay sa harap ng Diyos, lahat ay mga nilikha, at walang pagkakaiba sa katayuan at ranggo batay sa kung anong tungkulin ang ginagawa ng isang tao. Ang pagiging isang lider o paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto ay hindi nangangahulugan na mas mataas ang posisyon o katayuan ng isang tao kaysa sa iba, at ang paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay o ng pangkalahatang usapin ay hindi nangangahulugan na mas mababa ang posisyon o katayuan ng isang tao. Ang tungkuling ginagawa ng bawat tao ay isinaayos ayon sa kanilang kakayahan at mga kalakasan, at sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia. Ang mga tungkuling ginagawa ay magkakaiba lamang sa pagkakahati ng trabaho; walang pagkakaiba sa pagitan ng mataas at mababang katayuan. Anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, ang pinahahalagahan ng Diyos ay kung hinahangad ba niya ang katotohanan at nakakamit ang katotohanan—ito ang pinakamahalaga. Sa paghahambing ng aking sarili sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang aking pananaw ay talagang isang malaking kalokohan. Naniwala ako na sa sambahayan ng Diyos, lahat ng nagsisilbing mga lider at manggagawa, nangangaral ng ebanghelyo, o gumagawa ng tungkuling nakabatay sa teksto ay mga taong may kakayahan at mga kalakasan, na may mataas na katayuan, at tanyag. Sa kabaligtaran, naniwala ako na ang mga gumagawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay o ng pangkalahatang usapin ay gumagawa lang ng pisikal na trabaho, may mas mababang katayuan, at kabilang sa mas mababang uri. Dahil sa pangingibabaw ng balighong pananaw na ito, gusto kong gawin ang tungkuling nakabatay sa teksto, at nang hilingin sa akin na gawin ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, pakiramdam ko ay para akong itinapon sa isang nakalimutang sulok. Nalungkot ako at nawalan ng direksyon, at nahirapan akong magpasakop. Hindi ko tiningnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos, sa halip ay tiningnan ko ang mga tungkulin ng sambahayan ng Diyos mula sa perspektiba ng mga walang pananampalataya, hinati-hati ang mga ito sa iba’t ibang ranggo, at hinamak ko ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay mula sa kaibuturan ng aking puso. Talagang baligho ito. Ito ang pananaw ng isang hindi mananampalataya! Anuman ang tungkuling ginagawa natin, umaasa ang Diyos na magagawa nating hangarin ang katotohanan habang ginagawa ang ating tungkulin, at matututuhang tingnan ang mga tao at bagay at umasal at kumilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang katotohanan ang ating pamantayan. Naisip ko ang mga huwad na lider at anticristo sa paligid ko na bumagsak na. Bagama’t sila ay mga lider sa iglesia, dahil bulag nilang hinangad ang katayuan at hindi nagtuon sa paghahangad ng katotohanan, gumawa sila ng maraming bagay na nakagambala at nakagulo sa gawain ng iglesia. Nanatili silang hindi nagsisisi hanggang sa huli, at sa dulo ay itiniwalag. Sa kabaligtaran, ang ilang kapatid na gumawa ng tungkulin ng pangkalahatang usapin o tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, sa kabila ng hindi pagkakaroon ng mataas na katayuan, ay nakapagpasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia at tahimik na ginawa ang kanilang sariling mga tungkulin. Pagkaraan ng isang panahon, nagawa nilang umusad nang kaunti sa kanilang buhay pagpasok, at ang ilan ay nakapagsulat pa nga ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Nakita ko na anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, hangga’t hinahangad niya ang katotohanan at nakapagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, magkakaroon siya ng kaliwanagan at gabay ng Diyos. Naisip ko kung paanong nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, at nang baguhin ang itinalagang tungkulin sa akin, hindi ko matingnan ang nangyari ayon sa mga salita ng Diyos, kundi sinukat ko ito batay sa sarili kong mga walang-katotohanang pananaw. Hindi ko magawa nang maayos ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay sa tapat na paraan at hindi ko maipakita ang anumang pagpapasakop sa Diyos. Kung magpapatuloy ako nang hindi nagbabago, sa huli ay maititiwalag din ako. Kailangan kong magtuon sa paghahangad ng katotohanan at pagsasagawa ng katotohanan sa aking tungkulin, at hindi na ako maaaring maghimagsik pa laban sa Diyos. Pagkatapos niyon, madalas akong manalangin, magbasa ng mga salita ng Diyos, at makinig sa mga himno, at mas naging malapit ang relasyon ko sa Diyos. Sa tuwing mayroon akong anumang paghihirap, nagiging bukas ako at dumudulog ako sa aking mga sister. Nakikipagbahaginan sila at tinutulungan ako, at naramdaman kong mas naging malapit din ang relasyon ko sa aking mga sister. Nagtuon din ako sa pagsasanay na hanapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan sa mga bagay na dumarating sa akin, naghahanda ng mga pagkain sa tamang oras, pinananatiling malinis ang bahay, at ginagawa nang maayos ang gawaing pang-seguridad at proteksyon, ginagawa ang aking makakaya para bigyan ang aking mga sister ng isang tahimik, komportable, at ligtas na kapaligiran para sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Minsan, kapag tapos na ang mga sister sa kanilang mga tungkulin, tinutulungan din nila ako sa paglilinis, at kapag nakikita nilang masyado akong abala sa pagluluto, kusa rin silang nag-aalok ng tulong. Nang binago ko ang aking pananaw, itinuwid ang aking saloobin, at nagpasakop, nakaramdam ng kalayaan ang puso ko.

Isang araw, pumunta sa bahay ko ang bagong piling superbisor para sa gawaing nakabatay sa teksto. Nakita ko na si Sister Chen pala iyon, na naging katuwang ko dalawang taon na ang nakalipas. Bukod sa pagkagulat, muling nagulo ang puso ko. “Tinanggal din si Sister Chen noong nakaraang taon, at pagkatapos magnilay-nilay sa loob ng isang panahon, gumawa siyang muli ng tungkuling nakabatay sa teksto, at sa pagkakataong ito, nahalal pa siya bilang isang superbisor. Pero tingnan mo ako: Pagkatapos baguhin ang itinalagang tungkulin sa akin, nagho-host ako rito sa buong panahong ito. Ang iba ay umaangat na, samantalang ako ay pababa. Talagang hindi puwedeng pagkumparahin!” Nang maisip ko ito, muli kong naramdaman na nakahihiya ang paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Sa sandaling iyon, napagtanto kong hindi tama ang kalagayan ko, kaya mabilis akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan ang aking puso. Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa pangkalahatan, nakikibahagi ka sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos; sa mas partikular, gumagawa ka nang naaayon sa mga pangangailangan ng iba’t ibang aytem ng gawain na isinasakatuparan ng Diyos sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang grupo ng tao. Kahit ano pa ang iyong tungkulin, ito ay isang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Minsan ay maaaring hinihingi sa iyo na bantayan o pangalagaan mo ang isang mahalagang bagay. Hindi ito isang malaking usapin—masasabi lamang na responsabilidad mo ito—subalit isa itong gampanin na ibinigay sa iyo ng Diyos, tinanggap mo ito mula sa Kanya, at ito ngayon ay tungkulin mo. … Ano’t anuman, hangga’t may kinalaman ito sa gawain ng Diyos at sa mga pangangailangan ng gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat tanggapin ito ng mga tao bilang isang tungkulin na mula sa Diyos. Ang tungkulin, sa mas malawak na perspektiba, ay ang misyon ng isang tao, isang atas na ipinagkatiwala ng Diyos; sa mas partikular, ito ang iyong responsabilidad, ang iyong obligasyon. Dahil ito ang iyong misyon, isang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at ang iyong responsabilidad at obligasyon, ang paggampan sa iyong tungkulin ay walang kinalaman sa iyong mga personal na usapin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagkakataon para sa mga tao na gawin ang kanilang tungkulin ay biyaya at pagtataas ng Diyos. Pumarito ang Diyos sa lupa upang isakatuparan ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ito ay isang malawak na gawain, at maraming tungkulin ang nangangailangan ng pakikipagtulungan ng mga tao, tulad ng pagiging mga lider at manggagawa, pangangaral ng ebanghelyo, pagho-host, at iba pa. Bawat tungkulin ay mahalaga. Walang malalaki o maliliit na tungkulin, walang matataas o mabababang tungkulin, at walang mararangal o mabababang-uring tungkulin. Gumagawa man ang isang tao ng trabahong gumagamit ng isipan o ng pisikal, lahat ito ay pagtupad sa responsabilidad ng isang tao sa harap ng Diyos. Bagama’t hindi ako namukod-tangi sa paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, ang pagbibigay-daan sa lahat na gawin ang kanilang mga tungkulin nang may kapayapaan ng isip ay pagtupad din sa responsabilidad at tungkulin ng isang nilikha. Mula sa aking puso, hindi ko na nilabanan ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, at hindi ko na naramdaman na ang paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ay pisikal na pagtatrabaho lamang, at na ito ay mababang-uri. Habang ginagawa ang aking tungkulin, maaari ko ring mas ituon ang aking isipan sa pagninilay sa aking kalagayan at paghahangad ng katotohanan. Labis na napanatag ang aking puso sa paggawa ng aking tungkulin sa ganitong paraan.

Hindi ko inasahan na pagkatapos ng ilang panahon, nagsimula akong gumawang muli ng tungkuling nakabatay sa teksto. Ang mga araw na iyon ng paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ay naging isang mahalagang alaala sa aking puso. Ang paggabay ng mga salita ng Diyos ang nagpahintulot sa akin na magkaroon ng pagkilatis sa aking mga walang-katotohanang pananaw sa likod ng aking paghahangad, at maunawaan na walang matataas o mabababang tungkulin, at walang mararangal o mabababang-uring tungkulin. Anuman ang tungkuling kaharapin mo, dapat kang tumanggap at magpasakop. Ang magawang hangarin ang katotohanan at mag-alay ng debosyon—ito ang pinahahalagahan ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Hindi Na Isang Pasikat

Ni Mo Wen, SpainNaalala ko noong taong 2018, nasa tungkuling ebanghelyo ako sa iglesia, at pagkatapos ay ginawang tagapamahala ng gawaing...