Ang Aking mga Pag-aalinlangan sa Pagsasagawa ng Katotohanan
Noong Setyembre 2021, naging responsable ako para sa isang aytem ng gawain ng iglesia, at si Zhao Ting ang lider ng grupo. Kapag sama-samang tinatalakay ng lahat ang gawain, palaging ipinipilit ni Zhao Ting ang mga sarili niyang pananaw at hindi siya nakikinig sa iba. Madalas na nagiging sanhi ito na hindi kami magkasundo at pumipigil sa pag-usad ng gawain. Ginusto ko siyang kausapin tungkol dito, subalit naipit ang mga salita ko sa aking lalamunan nang naalala ko kung paanong madalas akong inilalantad ni Zhao Ting dati bilang mapagmataas, mapagmagaling, at mapilit sa aking mga pananaw. Kahit alam ko na totoo ang mga sinabi niya, hindi ko talaga ito magustuhan mula sa kaibuturan ng aking puso. Pakiramdam ko na sa paggawa nito ay inilalantad niya ang mga sugat ko at ginusto kong tumigil na lang siya sa pagsasalita. Kung tinukoy ko ang problema niya ngayon, hindi ba’t mararamdaman niya rin ang parehong sakit na naramdaman ko? Naisip kong pinakamainam na manahimik para wala ni isa sa amin ang sasama ang loob. Dagdag pa rito, ayaw ko na inilalantad at tinutukoy ng iba ang mga problema ko at hindi ako nagbago subalit hinihingi ko pa rin sa iba na magbago, hindi ba’t ipinakikita niyon na ganap akong hindi makatwiran? Kung binaliktad niya ang sitwasyon at sinabing, “Ni hindi mo nga gustong tumanggap ng payo mula sa iba, kaya ano ang nagbibigay sa iyo ng karapatang punahin ako?” wala akong maisasagot. Gayundin, karaniwan kaming nagkakasundo nang mabuting-mabuti at may magandang ugnayan, at magalang na nakikipag-usap sa isa’t isa. Paano kung kapag nagsalita ako tungkol sa kanyang mga problema, hindi na magiging katulad ng dati ang tingin niya sa akin, at ayaw na niyang makipagtulungan sa akin sa gawain? Nang isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, hindi ko tinukoy ang mga problema niya.
Hindi nagtagal, isang kapatid na nagngangalang Wu Xin ang sumali sa grupo namin. Hindi nagtagal, nalaman kong hindi siya nakagagawa ng anumang pag-usad. Palagi siyang nakikipagkompitensya sa iba, at kapag hindi siya nakasasabay, nagmumukmok siya. Nagbahagi ako sa ilan sa mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kanyang mga problema, at ginamit ko ang mga prinsipyo para gabayan at tulungan siya. Subalit hindi siya nagnilay sa problema niya at sinabi na ang dahilan kung bakit hindi siya nakakukuha ng mga resulta ay dahil hindi kami malinaw na nagbahagi ng mga prinsipyo sa kanya. Nang makita ko siyang ganito, ginusto kong magbahagi at himayin ang kanyang diwa ng paghahangad sa reputasyon at katayuan, at ang mga kahihinatnan ng pagpapatuloy nang ganito. Subalit pagkatapos ay naalala ko kung paanong binanggit niya ang pagbubunyag ng kanyang mga katiwalian sa isang pagtitipon, sinasabi na ayaw niyang tinutukoy ang mga problema ng iba at ayaw rin na palaging tinutukoy ng iba ang sa kanya. Naisip ko, “Mahalaga rin para sa akin ang reputasyon at katayuan, at gusto kong unti-unting maghanap at makapasok sa aspektong ito nang ako lang. Ayaw kong ilantad at tukuyin ng iba ang mga problema ko. Kung masyado akong marahas na magsasalita, mapalulungkot siya nito. Pinakamainam na magsimula akong magbahagi at tumulong sa kanya. Marahil kapag naarok na niya ang mga prinsipyo at nagkamit ng kaunting resulta, ang kawalang-kakayahan niyang matugunan ang pagnanais niya para sa banidad at katayuan ay hindi masyadong magpapanegatibo sa kanya.” Sa pag-iisip nito, tumigil ako sa pagtukoy sa mga problema niya. Kalaunan ay nalaman ko na si Wu Xin ay may napakababang pagkatao. Madalas siyang nakikipag-usap sa mga tao sa nangmamaliit at sarkastikong paraan, na nagpaparamdam sa kanila na napipigilan sila, at minsan inaatake at ibinubukod niya iyong mga may naiibang mga pananaw. Nang lumitaw ang mga problema sa gawain, hindi talaga siya nagnilay man lang at sinubukan niyang iwasan ang responsabilidad, at hindi siya nakakuha ng anumang resulta sa kanyang tungkulin. Ayon sa mga prinsipyo, dapat siyang tanggalin. Naisip ko na ang paggawa niyon ay maaaring makapagpasama sa loob niya, kaya iniulat ko ang sitwasyon niya sa isang lider. Subalit naging masyadong abala ang lider para pumunta, kaya pinatanggal niya sa akin si Wu Xin. Nang nakipagkita ako kay Wu Xin, ginusto kong himayin ang palagian niyang paghahangad ng reputasyon at katayuan, ang pang-aatake niya at pambubukod sa iba’t ibang opinyon, at kung paanong tinatahak niya ang landas ng isang anticristo para malaman niya ang diwa at mga kahihinatnan ng kanyang mga problema, subalit nilunok ko pabalik ang mga salitang sasabihin ko sana. Naisip ko kung paano niya pinahalagahan ang reputasyon at katayuan at kung gaano siya kadaling masaktan. Kung inilantad at hinimay ko ang mga problema niya, at hindi niya ito kayang tanggapin at makabuo siya ng pagkiling laban sa akin, ano na ang mangyayari? Naisip kong pinakamainam nang huwag magsalita. Kaya, binanggit ko lang kung paanong hindi siya nakakukuha ng mga resulta at pagkatapos ay tinanggal ko siya, binigyan siya ng kaunting pampalubag-loob, at pinagnilay siya nang maayos sa sarili niya. Nang malaman ng lider na hindi ko hinimay ang pag-uugali ni Wu Xin, pinungusan niya ako, sinasabing, “Napakaseryoso ng mga problema niya, subalit hindi mo inilantad at hinimay ang mga ito! Masyado kang mapagpalugod ng mga tao!” Medyo mahirap na marinig ito. Alam kong hindi ko ginawa ang mga responsabilidad ko, subalit hindi ako nagnilay sa sarili ko noong panahong iyon. Hanggang sa sumunod pa na pangyayari nang sa wakas ay nagsimula akong magnilay.
Noong panahong iyon, nag-organisa si Zhao Ting at kanyang grupo ng ilang impormasyon tungkol sa mga indibidwal na patatalsikin, subalit maraming punto ang hindi malinaw. Sa normal na mga sitwasyon, hindi mangyayari ang mga ganitong uri ng mabababang antas ng pagkakamali. Tinanong ko ang iba kung ano ang nangyayari, at sinabi nilang ipinipilit ni Zhao Ting ang sarili niya. Anuman ang iminungkahi ng sinuman, binara niya sila. Pakiramdam nilang lahat ay napigil sila at kailangan lang nilang gawin ang sinabi niya. Labis akong nakonsensiya nang marinig ko ito. Dati ko nang alam ang problema niyang ito, subalit dahil takot akong mapasama ang loob niya, hindi ko ito kailanman inilantad, at bilang resulta, naantala ang gawain. Sa wakas ay nagsimula akong hanapin ang katotohanan at magnilay sa sarili ko. Binasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang konsiyensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa ang pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensiya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Kung mas bubusisiin ang mga detalye, anong mga pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao ang ipinapakita ng taong ito? Subukang suriin kung anong mga katangian ang matatagpuan sa gayong mga tao at anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila. (Makasarili sila at mababang-uri.) Ang mga taong makasarili at mababang-uri ay basta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. … May ilang tao na hindi umaako ng anumang responsabilidad kahit ano pa ang tungkuling ginagampanan nila. Hindi rin nila iniuulat kaagad sa mga nakatataas sa kanila ang mga problemang nadidiskubre nila. Kapag may nakikita silang mga taong nanggagambala at nanggugulo, nagbubulag-bulagan sila. Kapag nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang mga masasamang tao, hindi nila sinusubukang pigilan sila. Hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o isinasaalang-alang kung ano ang kanilang tungkulin at responsabilidad. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga taong kagaya nito; sila ay mga mahilig magpalugod ng iba at sakim sa kaginhawahan; nagsasalita at kumikilos sila para lamang sa sarili nilang banidad, reputasyon, katayuan, at mga interes, at handa lamang silang ilaan ang kanilang panahon at pagsisikap sa mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Inilantad ng salita ng Diyos ang eksakto kong kalagayan. Nakita ko nang si Zhao Ting ay may mapagmataas na disposisyon at pumipigil sa iba, na nakaaapekto na sa gawain. Bilang superbisor, dapat na tinukoy at inilantad ko ang problema niya, subalit nag-alala akong hindi niya ito tatanggapin at pagkatapos ay sasama ang tingin niya sa akin, kaya tuwing gusto kong tukuyin ang problema niya, pakiramdam ko ay may nakabara sa lalamunan ko at hindi ko mailabas ang mga salita. Ginamit kong palusot ang gawain, iniisip na kapag nasira ang relasyon namin, hindi siya makikipagtulungan sa gawain ko. Habang tila isinasaalang-alang ko ang gawain, hindi ko lang talaga gustong sirain ang aming magiliw at mabuting relasyon, at ginusto kong magkaroon ng magandang impresyon sa aking mga kapatid. Bukod pa rito, malinaw kong napansin na seryoso ang mga problema ni Wu Xin, subalit natakot ako na kapag inilantad at tinukoy ko ang mga problema niya, sasama ang tingin niya sa akin, kaya patuloy lang akong bigong ilantad ang mga problema niya, at bilang resulta, hindi niya nakilala ang sarili niya at hindi pa rin nabago ang tiwaling disposisyon niya, at ginambala at ginulo niya ang gawain ng iglesia at ipinaramdam sa iba na napipigilan sila. Kapag ginagawa ang aking tungkulin, isinasaalang-alang ko lang ang mga sarili kong interes at ang posisyon ko sa puso ng iba. Nakita ko ang iba na ginagambala at ginugulo ang gawain sa pamamagitan ng pag-asa sa mga tiwali nilang disposisyon sa tungkulin nila, at binalewala ko lang ito, talagang hindi isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Naging napakamakasarili ko, walang anumang konsensiya o katwiran!
Kalaunan, binasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Mula sa paglalantad ng salita ng Diyos, naunawaan kong ang pangunahing dahilan kung bakit nagbulag-bulagan ako at sobrang natakot na tukuyin ang mga problema ng iba ay dahil umasa ako sa mga satanikong pilosopiya tulad ng, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” at, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Palagi kong iniisip noon na dapat ko lang gawin ang isang bagay kung makikinabang ako mula rito, at ang pagtukoy at paglalantad sa mga problema ng iba ay magpapasama sa loob ng iba at hindi magiging kapaki-pakinabang sa akin, kaya ayaw kong gawin ito. Masyado akong naging makasarili, kasuklam-kasuklam, tuso, at mapanlinlang. Nakita ko na si Zhao Ting ay mapagmataas, mapilit, at hindi nakikinig sa iba, at na naapektuhan niya ang gawain, subalit mas ginusto kong protektahan ang relasyon ko sa kanya kaysa ilantad o himayin ang mga problema niya. Palagi akong natatakot na mapasasama ko ang loob niya at palagi akong sumusunod para mapasaya siya. Natakot akong mapasama ang loob ng mga tao subalit hindi ng sa Diyos at hindi ko isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Namuhay ako sa isang ubod ng sama at walang kuwentang buhay nang walang konsensiya o katwiran. Ang isang tao na may konsensiya at katwiran ay kayang magbahagi ng katotohanan para tulungan ang iba kapag nakikita nilang nasa masamang kalagayan ang iba, at kapag nakikita nilang may isang tao na gumagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, kaya nilang manindigan para ilantad at pigilan siya. Bilang isang superbisor, dapat akong magtangan ng mas malaki pang pasanin at responsabilidad. Kapatid na lalaki o babae man ang may problema sa kalagayan niya o gawain niya, dapat akong makipagbahaginan sa kanya at tulungan siya. Kung ang isang tao ay gumagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, dapat kong pungusan siya, ilantad siya, at pigilan siya sa tamang oras. Ganito dapat gawin ng isang superbisor ang trabaho niya. Subalit para protektahan ang magandang impresyon ng iba sa akin, hindi ko man lang tinupad ang mga pangunahing responsabilidad. Naging iresponsable ako sa gawain, at hindi ko talaga isinaalang-alang ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Nakita ko na sa pagiging isang mapagpalugod ng mga tao, talagang naging malupit at malisyoso ako. Ang paggawa sa aking tungkulin sa ganitong paraan ay nakasusulasok at nakaririmarim sa Diyos. Kung magpapatuloy ako nang ganito, malalantad at matitiwalag ako ng Diyos sa huli. Ang pagtanto sa mga bagay na ito ay sobrang nakapanlulumo. Ayaw kong patuloy na mamuhay nang ganito, kaya nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos, gusto kong magsagawa ng katotohanan, subalit masyadong malala ang tiwaling disposisyon ko. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako para makilala ang sarili ko at mahanap ang landas ng pagsasagawa.”
Isang araw, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa iglesia, maging matatag kayo sa inyong patotoo sa Akin, panindigan ang katotohanan; ang tama ay tama at ang mali ay mali. Huwag malito sa kung alin ang itim at puti. Makikipagdigma kayo kay Satanas at dapat ninyong lubusang magapi ito upang sa gayon ay hindi na ito kailanman babangon. Dapat ninyong ibigay ang lahat ng mayroon kayo upang pangalagaan ang Aking patotoo. Ito ang magiging layunin ng inyong mga pagkilos—huwag kalimutan ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Ang salita ng Diyos ang nagkaloob sa akin ng isang landas ng pagsasagawa. Sa lahat ng bagay, kailangan kong itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at protektahan ang mga interes ng iglesia. Ginulo at ginambala na ni Zhao Ting ang gawin ng iglesia sa pamamagitan ng pag-asa sa tiwaling disposisyon niya sa tungkulin niya. Kinailangan kong makipagbahaginan sa kanya at ilantad at himayin siya, para malaman niya ang mga problema niya. Kung hindi pa rin siya magnilay o magsisi, kailangan kong ilipat o tanggalin siya kaagad. Kalaunan, tinukoy ko kay Zhao Ting ang mga problema niya at binasahan ko siya ng ilang sipi mula sa salita ng Diyos na naglalantad ng mga mapagmataas na disposisyon. Sa pagbasa ng salita ng Diyos, nagkamit siya ng kaunting kaalaman tungkol sa kanyang mapagmataas na disposisyon at pagkatapos ay nagkaroon ng ilang pagpapabuti at pagbabago. Nang naghain ang lahat ng iba’t-ibang pananaw sa isang talakayan, nagawa niyang maghanap at makinig sa kanila, hindi na ipinipilit ang mga sarili niyang pananaw. Sa hindi pagprotekta sa mga relasyon ko sa iba at sa paggawa ng tungkulin ko ayon sa mga katotohanang prinsipyo, napanatag ako. Sa wakas ay mayroon na akong kaunting wangis ng tao sa pamumuhay nang ganito.
Kalaunan, naisip ko: “Maliban sa aking pagkamakasarili, kalupitan, at pagnanais na protektahan ang aking mga interes, ano pang ibang mga bagay ang pumipigil sa akin para palaging maging mapagpalugod ng mga tao?” Isang araw, sa isang pagpupulong, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa literal na diwa, ang ibig sabihin ng ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ ay na kung hindi mo gusto ang isang bagay, o hindi mo gustong gawin ang isang bagay, hindi mo rin dapat ipilit ito sa ibang mga tao. Tila ba matalino at makatwiran ito, ngunit kung gagamitin mo ang satanikong pilosopiyang ito sa pagharap sa bawat sitwasyon, makagagawa ka ng maraming pagkakamali. Malamang na masasaktan, maililigaw, o mapipinsala mo pa nga ang mga tao. Gaya lamang ng kung paanong hindi mahilig mag-aral ang ilang magulang, ngunit gusto nilang mag-aral ang kanilang mga anak, at laging hinihikayat at hinihimok ang mga itong mag-aral mabuti. Kung iaangkop mo rito ang hinihingi na ‘ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ hindi dapat pilitin ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak na mag-aral, dahil sila mismo ay hindi nasisiyahan doon. May ibang tao na nananalig sa Diyos, ngunit hindi hinahangad ang katotohanan; subalit sa puso nila ay alam nila na ang pananalig sa Diyos ang tamang landas sa buhay. Kung nakikita nilang hindi sumasampalataya sa Diyos at wala sa tamang landas ang kanilang mga anak, hinihimok nila ang mga ito na manalig sa Diyos. Kahit na hindi nila mismo hinahangad ang katotohanan, gusto pa rin nilang hangarin ito ng mga anak nila at pagpalain ang mga ito. Sa ganitong sitwasyon, kung susunod sila sa kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ hindi dapat pilitin ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak na manalig sa Diyos. Magiging alinsunod iyon sa satanikong pilosopiyang ito, ngunit masisira rin nito ang pagkakataon ng kanilang mga anak na maligtas. Sino ang responsable sa resultang ito? Hindi ba’t nakapipinsala sa mga tao ang tradisyonal na kasabihan tungkol sa wastong asal na ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo? … Halimbawa, hindi minamahal ng ilang tao ang katotohanan; nagnanasa sila ng mga kaginhawahan ng laman, at naghahanap ng mga paraan para magpakatamad sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ayaw nilang magdusa o magbayad ng halaga. Iniisip nila na maganda ang sinasabi ng kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ at sinasabi nila sa mga tao, ‘Dapat kayong matuto kung paano magsaya. Hindi ninyo kailangang isagawa nang maayos ang inyong tungkulin o maghirap o magbayad ng halaga. Kung maaari kayong magpakatamad, magpakatamad kayo; kung maaari kayong maging pabasta-basta sa isang bagay, gawin ninyo iyon. Huwag ninyo masyadong pahirapan ang sarili ninyo. Tingnan ninyo, ganito ako mamuhay—masarap, hindi ba? Perpekto talaga ang buhay ko! Pinapagod ninyo ang sarili ninyo sa pamumuhay nang ganyan! Dapat kayong matuto sa akin.’ Tumutugon ba ito sa hinihingi na ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’? Kung kikilos ka sa ganitong paraan, isang tao ka ba na may konsensiya at katwiran? (Hindi.) Kung mawalan ng konsensiya at katwiran ang isang tao, hindi ba’t wala siyang kabutihan? Ang tawag dito ay kawalan ng kabutihan. Bakit ganito ang tawag natin dito? Dahil inaasam nila ang ginhawa, pabasta-basta sila sa kanilang tungkulin, at sinusulsulan at iniimpluwensiyahan nila ang iba na sumama sa kanila sa pagiging pabasta-basta at sa pananabik sa ginhawa. Ano ang problema rito? Ang pagiging pabasta-basta at pagiging iresponsable sa iyong tungkulin ay isang panlalansi at paglaban sa Diyos. Kung patuloy kang magiging pabasta-basta at hindi ka magsisisi, malalantad ka at matitiwalag” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10). “May malaking problema sa kasabihang ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’. Ang mga kamalian at kapintasan doon ay napakalinaw; ni hindi iyon nararapat na suriin at unawain. Sa pinakamaliliit na pagsusuri, malinaw na makikita ang mga mali at katawa-tawang bagay roon. Gayunman, marami sa inyo ang madaling mahikayat at maimpluwensiyahan ng kasabihang ito at tinatanggap ito nang walang pagkilatis. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, madalas ninyong gamitin ang kasabihang ito para paalalahanan ang sarili ninyo at payuhan ang iba. Sa paggawa nito, inaakala ninyo na ang inyong pagkatao ay partikular na marangal, at na napakamakatwiran ng pag-asal ninyo. Ngunit hindi mo natatanto, naihayag na ng mga salitang ito ang prinsipyong ipinamumuhay mo at kung nasaang panig ka pagdating sa mga isyu. Kasabay nito, nalihis at nailigaw mo ang iba na unawain ang mga tao at sitwasyon nang may pananaw at panig na kapareho ng sa iyo. Talagang hindi ka makapagdesisyon, at ganap na hindi makapanindigan. Sinasabi mo, ‘Anuman ang isyu, hindi iyon kailangang seryosohin. Huwag mong pahirapan ang sarili mo o ang iba. Kung pahihirapan mo ang ibang tao, pinahihirapan mo ang sarili mo. Ang pagiging mabait sa iba ay pagiging mabait sa sarili mo. Kung mahigpit ka sa ibang tao, mahigpit ka sa sarili mo. Bakit mo pahihirapan ang sarili mo? Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo ang pinakamainam na bagay na magagawa mo para sa sarili mo, at ang pinakamapagsaalang-alang.’ Ang saloobing ito ay malinaw na hindi pagiging metikuloso sa anumang bagay. Wala kang tamang panig o pananaw sa anumang isyu; magulo ang pananaw mo sa lahat ng bagay. Hindi ka metikuloso at nagbubulag-bulagan ka na lang sa mga bagay-bagay. Kapag sa wakas ay tumayo ka na sa harap ng Diyos at sinuri ang sarili mo, magiging masyadong magulo iyon. Bakit? Dahil lagi mong sinasabing dapat ay ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. Lubha itong nakapapanatag at nakasisiya, ngunit kasabay nito ay magdudulot ito sa iyo ng malaking problema, kaya hindi ka magkakaroon ng malinaw na pananaw o panig sa maraming bagay. Siyempre pa, ginagawa ka rin nitong hindi maunawaan nang malinaw kung ano ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa iyo kapag naranasan mo ang mga sitwasyong ito, o kung ano ang resultang dapat mong makamtan. Nangyayari ang mga bagay na ito dahil hindi ka metikuloso sa anumang bagay; dulot ang mga ito ng magulong saloobin at pananaw mo. Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo ba ang mapagparayang saloobing dapat mong taglayin para sa mga tao at bagay? Hindi. Teorya lamang iyon na mukhang tama, marangal, at mabait kung titingnan, ngunit ang totoo ay lubos itong negatibo. Malinaw na lalong hindi ito katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10). Inilantad ng mga salita ng Diyos na ginagamit ni Satanas ang kasabihang, “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” para gawing tiwali at ilihis tayo, para ipaisip sa atin na hindi natin dapat ipilit sa iba ang mga bagay na ayaw natin o hindi natin kayang gawin, at na ito ay makatwirang pag-uugali. Namumuhay ako sa pag-asa sa ideyang ito. Malinaw na alam ko na ang pagmamataas at pagmamagaling ni Zhao Ting ay nakaaapekto sa gawain, at na dapat na tinukoy at inilantad ko ang problema niya, subalit naisip ko kung paanong palagi akong nagbubunyag ng mapagmataas na disposisyon at sa kung paanong palagi akong pinupuna ng iba, kaya naisip ko na ang pagpilit ng isang bagay na ayaw ko sa ibang tao ay hindi makatwiran, kaya masyado akong natakot na tukuyin ang problema ni Zhao Ting. Malinaw na alam ko na gumagawa lang si Wu Xin para sa reputasyon at katayuan, at na ang pagmamataas niya ay pumipigil sa iba at gumugulo at gumagambala sa gawain. Kinailangan niyang mailantad at pungusan, subalit naisip ko kung paano ko lubos na pinahalagahan ang reputasyon at katayuan ko at ayaw na tukuyin o ilantad ang mga problema ko ng iba, kaya namuhay ako sa pananaw na, “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” kaya’t hindi ko siya inilantad. Naisip ko na masakit at nakakahiya ang mailantad at mapuna, at umasa ako na hindi ako pupungusan o pupunahin ng iba, kaya hindi ko ginustong gawin ang parehong bagay sa iba. Sa katunayan, pinagbigyan at pinrotektahan ko lang ang sarili ko. Pinrotektahan ko ang aking banidad at katayuan at hindi tinanggap ang katotohanan at nakipagsabwatan at pinagbigyan pa ang iba. Naging mapaghimagsik ako at nanlaban ako sa Diyos at hinayaan ko ang iba na gawin din ito. Sa katunayan, umasa ako na walang sinuman ang magsasagawa ng katotohanan o makararanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos o mapungusan. Talagang kasuklam-suklam at imoral ako! Ginawa na tayong tiwali ni Satanas at napuno ng mga satanikong disposisyon. Ang ating mga kalikasan ay mapagmataas, palalo, makasarili, mapanlinlang, at mahilig maghanap ng reputasyon at katayuan. Nang wala ang paghatol at paglalantad ng salita ng Diyos, nang hindi pinupungusan, at nang walang pagpuna o tulong ng iba, hindi natin maiiwasan na magulo ang gawain ng iglesia. Sina Zhao Ting at Wu Xin ay nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon at nasa maling landas, at kung walang sinuman ang pupuna o maglalantad sa kanila, magagambala nila ang gawain ng iglesia. Kung maliit lang ang kanilang paglabag, tatanggalin sila, subalit kung mas seryoso ito, ititiwalag sila. Namumuhay ako sa mga satanikong pilosopiya, nakikita ang mga problema pero hindi binabanggit ang mga ito. Lihim itong pagpapahintulot sa iba na kumilos ayon sa kanilang mga satanikong disposisyon, at masasaktan nito ang sarili ko at ang iba sa huli. Dahil sa namuhay ako sa satanikong lason ng, “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” hindi lang sa hindi ko ginawa nang maayos ang tungkulin ko, kundi umasta rin akong kasabwat ni Satanas at ginambala ang gawain ng iglesia. Mahirap tanggapin ang mga pagkaunawang ito, at ginusto kong mangumpisal at magsisi sa Diyos.
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagsasabing: “Hindi ipinag-uutos ng Diyos na huwag gawin ng mga tao sa kapwa nila ang ayaw nilang gawin sa kanila, sa halip ay hinihiling Niya sa mga tao na maging malinaw sa mga prinsipyong dapat nilang sundin kapag nahaharap sila sa iba’t ibang sitwasyon. Kung tama at naaayon ito sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, kailangan mong kumapit dito. At bukod sa kailangan mong kumapit dito, kailangan mo ring pagsabihan, hikayatin, at bahaginan ang iba, upang maunawaan nila kung ano ba mismo ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ay iyong responsabilidad at obligasyon. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na hindi ka manindigan, at lalong hindi Niya hinihinging ipagpasikat mo kung gaano ka kabuti. Dapat kang kumapit sa mga bagay na ipinayo at itinuro ng Diyos sa iyo, at sa tinutukoy ng Diyos sa Kanyang mga salita: ang mga kinakailangan, ang mga pamantayan, at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Hindi ka lamang kailangang kumapit sa mga iyon, at panghawakan ang mga iyon magpakailanman, bagkus ay kailangan mo ring isagawa ang mga katotohanang prinsipyong ito sa pamamagitan ng pagiging halimbawa, gayundin ay hikayatin, pangasiwaan, tulungan, at gabayan ang iba na kumapit, sumunod, at isagawa ang mga iyon sa parehong paraang ginagawa mo. Hinihingi ng Diyos na gawin mo ito—ito ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo. Hindi maaaring hingan mo lang ng mga kinakailangan ang sarili mo habang binabalewala ang iba. Hinihingi ng Diyos na manindigan ka nang tama sa mga isyu, panghawakan mo ang mga tamang pamantayan, at alamin mo kung ano mismo ang mga pamantayan sa mga salita ng Diyos, at na malaman mo kung ano mismo ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit pa hindi mo ito maisakatuparan, kahit pa ayaw mong gawin ito, hindi mo ito gusto, mayroon kang mga haka-haka, o nilalabanan mo ito, kailangan mong ituring ito bilang responsabilidad mo, bilang obligasyon mo. Kailangan mong makipagbahaginan sa mga tao tungkol sa mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos, sa mga bagay na tama at wasto, at gamitin ang mga iyon para matulungan, maimpluwensiyahan, at magabayan ang iba, upang makinabang at mapalakas ang mga tao dahil sa mga ito, at tumahak sila sa tamang landas sa buhay. Ito ay iyong responsabilidad, at hindi ka dapat magmatigas na kumapit sa ideya na ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ na naitanim ni Satanas sa isipan mo. Sa mga mata ng Diyos, ang kasabihang iyan ay isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo; isa itong paraan ng pag-iisip na nagtataglay ng panlalansi ni Satanas; hindi talaga ito ang tamang landas, ni hindi ito isang positibong bagay. Ang hinihingi lamang sa iyo ng Diyos ay maging isa kang matuwid na tao na malinaw na nauunawaan kung ano ang kanyang dapat at hindi dapat gawin. Hindi Niya hinihiling sa iyo na maging mapagpalugod ng mga tao o maging isang taong hindi makapanindigan; hindi Niya hiniling sa iyo na wala kang panigan. Kapag ang isang bagay ay tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, kailangan mong sabihin ang kailangang sabihin, at unawain ang kailangang unawain. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang isang bagay ngunit nauunawaan mo ito, at maaari mo siyang gabayan at tulungan, kailangang-kailangan mong tuparin ang responsabilidad at obligasyong ito. Hindi ka dapat tumayo-tayo lang sa tabi at manood, at lalong hindi ka dapat kumapit sa mga pilosopiyang itinanim ni Satanas sa iyong isipan tulad ng ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang tama at positibo ay tama at positibo kahit pa hindi mo ito gusto, ayaw mo itong gawin, hindi mo ito kayang gawin at tuparin, nilalabanan mo ito, o nagkakaroon ka ng mga kuru-kuro laban dito. Hindi magbabago ang diwa ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan dahil lamang may mga tiwaling disposisyon at may mga partikular na emosyon, damdamin, pagnanasa at kuru-kuro ang sangkatauhan. Ang diwa ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ay hinding-hindi magbabago kailanman. Sa sandaling malaman, maunawaan, maranasan at matamo mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, obligasyon mong ibahagi sa iba ang iyong mga patotoong batay sa karanasan. Magbibigay-daan ito sa mas marami pang tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, maintindihan at makamit ang katotohanan, maunawaan ang mga hinihingi at mga pamantayan ng Diyos at maintindihan ang mga katotohanang prinsipyo. Sa paggawa nito, magkakaroon ang mga taong ito ng landas sa pagsasagawa kapag naharap sila sa mga suliranin sa kanilang pang-araw-araw na buhay at hindi sila malilito o maigagapos ng iba’t ibang ideya at pananaw ni Satanas. Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na ‘Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo’ ay talagang tunay na tusong pakana ni Satanas upang kontrolin ang isipan ng mga tao. Kung lagi mo itong susundin, isa kang taong namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; isang taong ganap na nabubuhay sa isang satanikong disposisyon. Kung hindi mo susundan ang daan ng Diyos, hindi mo mahal o hinahangad ang katotohanan. Anuman ang mangyari, ang prinsipyong dapat mong sundin at ang pinakamahalagang bagay na kailangan mong gawin ay ang tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo. Hindi mo dapat isagawa ang sinasabi ni Satanas na ‘ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,’ at maging isang ‘matalino’ na taong mapagpalugod ng mga tao. Ano ang ibig sabihin ng tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo? Ang ibig sabihin nito ay pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Sa sandaling makita mo na bahagi ng iyong mga responsabilidad at obligasyon ang isang bagay, dapat kang magbahagi tungkol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10). Mula sa salita ng Diyos, nagawa kong maunawaan na hinihingi ng Diyos sa atin na magsagawa ng katotohanan at itaguyod ang mga prinsipyo sa lahat ng bagay, at na kapag ginagawa natin ang tungkulin natin nang magkakasama, kapag nakikita natin ang isang tao na lumalabag sa mga prinsipyo o nanggugulo sa gawain ng iglesia, dapat nating punahin at tulungan sila. Tanging kapag namumuhay ang lahat sa salita ng Diyos mapagbubuti tayo sa ating mga tungkulin. Pagdating sa mga isyu ng prinsipyo, hindi tayo dapat matakot na mapasama ang loob ng mga tao o magsaalang-alang sa mga damdamin nila. Dapat tayong kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at protektahan ang gawain ng iglesia. Tanggapin man ito o hindi ng iba, lahat tayo ay dapat magsagawa ng katotohanan at tuparin ang ating responsabilidad. Bilang superbisor, ang responsabilidad ko ay ang makipagbahaginan at lutasin ang mga problema sa tamang panahon kapag nakita ko ang mga ito. Kung hindi ko nilulutas ang mga problemang nakikita ko, nagpapapalugod lang ng mga tao, at pinipili ang gitnang daan, hindi ko tinutupad ang mga responsabilidad ko at lumalaban ako sa Diyos. Gayundin, hindi sa hindi ko kayang tukuyin ang mga problema ng iba dahil lang nagbubunyag ako mismo ng mga katiwalian. Kapag nagbubunyag ako ng mga katiwalian, kailangan kong hanapin ang katotohanan at magnilay sa sarili ko, iyon ang sarili kong usapin. Subalit, kapag nakikita ko ang iba na lumalabag sa mga prinsipyo at namiminsala sa gawain ng iglesia, kailangan kong makipagbahaginan, maglantad, at pigilan sila. Ito ay pagprotekta sa gawain ng iglesia at ito ang aking responsabilidad. Hindi ako dapat maguluhan sa dalawang bagay na ito. Masyado kong pinahahalagahan ang aking reputasyon at katayuan, at mayroon akong mapagmataas na disposisyon. Kailangan kong magnilay at maghanap ng katotohanan para lutasin ang mga bagay na ito at hindi pagbigyan ang sarili ko at magpasasa sa iba. Dati akong namumuhay sa satanikong pilosopiya na, “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” iniisip na hindi ko dapat hingin sa iba na gawin ang mga bagay na ayaw kong gawin o hindi ko kayang gawin. Bilang resulta, lumalampas ang mga pagkakataon para magsagawa ng katotohanan. Sa wakas ay nakita ko nang katawa-tawa at kakatwa ang mga pananaw ko.
Kalaunan, nang nakita ko ang iba na lumalabag sa mga prinsipyo at nakaaapekto sa gawain ng iglesia inilantad, hinimay, at nakibagbahaginan ako sa kanila sa mga problema nila, at bagaman nag-alala pa rin ako na sumama ang tingin nila sa akin, hindi ako naging masyadong maingat o mapag-isip tulad nang dati; inisip ko lang kung paano ko sila matutulungan at mapoprotektahan ang gawain ng iglesia. Sa pagsasagawa nang ganito, nakita kong umuusad ang mga kapatid sa mga tungkulin nila at napuno ako ng kagalakan. Sa paglutas ng mga problema ng iba, nakapagnilay ako sa aking sarili, at hindi namamalayang nakatuklas ako ng ilang tiwaling disposisyon na hindi ko alam dati, na mas nag-udyok sa akin na hangarin ang katotohanan at lutasin ang aking mga problema. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ang nagpadama sa akin na mas napapalapit ako sa Diyos; nang tinalikuran ko ang laman at nagsagawa ng mas marami pang katotohanan, ipinaramdam nito sa akin ang kapayapaan at kapanatagan sa pamumuhay nang ganito.