Isang Aral na Natutuhan sa Pagsunod

Pebrero 13, 2023

Ni Carmen, USA

Isang araw noong Setyembre ng nakaraang taon, inatasan ako ng lider ko na mangasiwa sa isang bagong tatag na iglesia, samantalang si Brother Eric ang papalit sa pangangasiwa sa kasalukuyang kong iglesia. Nang sabihin niya sa akin ito, hindi talaga ako handang tanggapin ang tungkulin. Naisip ko: Maraming iba’t ibang problema sa bagong iglesiang ito at nasa masamang lagay ang mga proyekto nila, kulang sila sa mga lider at manggagawa, at maraming gawain ang hindi nila magawa, kaya’t kailangan kong turuan sila o ako mismo ang gumawa. Naisip ko na malaking abala ang pangasiwaan ang iglesiang iyon. Bukod sa mangangailangan ito ng maraming pagdurusa at sakripisyo, hindi pa garantisado ang tagumpay nito. Ibang-iba ito sa kasalukuyan kong iglesia, na nakakakuha ng magagandang resulta sa gawain ng ebanghelyo, at may mga baguhang kayang magtrabaho nang mag-isa at kayang makibahagi sa pasanin ng ilang gawain ko, kaya wala akong gaanong problema. Habang mas naiisip ito, mas lalong ayaw kong akuin ang iglesiang iyon. Kaya sinabi ko sa lider: “Kasisimula pa lang ni Eric at hindi pa siya handang gawing mag-isa ang trabahong ito. Kung aalis ako ngayon, baka hindi niya kakayanin ang lahat ng gawain dito, at baka maapektuhan ang gawain ng iglesia. Kaya pwede ba akong manatili rito?” Sinabi ng lider na napakatatag ni Eric sa tungkulin nito at maaari itong linangin. Napag-isipan niya ito at napagpasyahan na mas mabuting umalis ako. Nang marinig ko iyon, alam kong nakapagdesisyon na ang lider at kailangan ko na lang itong tanggapin. Pero kalaunan, sa tuwing naiisip ko ang bagong iglesia, nag-aalala at nababalisa ako. Alam kong nasa masamang kalagayan ako at iniiwasan ko lang ang tungkulin ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para magpasakop at danasin ang sitwasyong ito.

Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag gumaganap ng tungkulin, laging pinipili ng mga tao ang magaan na trabaho, na hindi sila mapapagod, na hindi nila kailangang suungin ang pabagu-bagong panahon sa labas. Pagpili sa madadaling trabaho at pag-iwas sa mahihirap ang tawag dito, at pagpapamalas ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Ano pa? (Palaging pagrereklamo kapag ang kanilang tungkulin ay medyo mahirap, medyo nakakapagod, kapag may kaakibat itong pagbabayad ng halaga.) (Pagkahumaling sa pagkain at pananamit, at sa mga kalayawan ng laman.) Mga pagpapamalas lahat ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Kapag nakikita ng gayong tao na masyadong matrabaho o delikado ang isang gampanin, ipinapasa niya ito sa iba; magaan na trabaho lang ang mismong ginagawa niya, at nagdadahilan kung bakit hindi niya kayang gawin ang isang ito, sinasabing mahina ang kakayahan niya at wala siya ng mga pangunahing kasanayang kailangan, na ito ay masyadong mahirap para sa kanya—pero ang totoo, ito ay dahil nagnanasa siya ng mga kaginhawahan ng laman. … May pagkakataon ding laging nagrereklamo ang mga tao habang gumaganap sila ng kanilang tungkulin, na ayaw nilang magsikap, na sa sandaling may bakanteng oras sila, nagpapahinga sila, inaaksaya ang oras sa pagkukuwentuhan, o paglilibang at pag-aaliw. At kapag dumarami ang trabaho at naiistorbo nito ang nakagawian nilang gawin sa kanilang mga buhay, hindi nila ito ikinatutuwa at hindi nasisiyahan dito. Nagmamaktol at nagrereklamo sila, at sila ay nagiging pabaya at pabasta-basta sa pagganap sa kanilang tungkulin. Ito ay pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? … Gaano man kaabala ang gawain ng iglesia o gaano man sila kaabala sa kanilang mga tungkulin, ang karaniwang gawain at normal na kundisyon ng kanilang buhay ay hindi nagagambala kailanman. Kailanman ay hindi sila pabaya sa anumang maliliit na detalye ng buhay ng laman at lubos nilang nakokontrol ang mga iyon, dahil napakahigpit nila at seryoso sila. Pero, kapag hinaharap ang gawain ng sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang usapin at kahit sangkot dito ang kaligtasan ng mga kapatid, pabaya sila sa pagharap dito. Ni wala silang pakialam sa mga bagay na iyon na kinasasangkutan ng atas ng Diyos o ng tungkuling dapat nilang tuparin. Wala silang inaakong responsibilidad. Ito ay pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? Angkop bang gumanap ng tungkulin ang mga taong nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman? Banggitin mo ang tungkol sa pagtupad ng kanilang tungkulin, pag-usapan ang tungkol sa pagbabayad ng halaga at pagdanas ng paghihirap, at iling sila nang iling: Magkakaroon sila ng napakaraming problema, ang dami nilang mga reklamo, negatibo sila tungkol sa lahat ng bagay. Walang silbi ang gayong mga tao, wala silang karapatang gampanan ang kanilang tungkulin at dapat silang palayasin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Sinusuri ng siping ito kung paanong yaong mga nagnanais ng kaluwagan ay hindi tapat sa kanilang mga tungkulin. Palagi silang pumipili ng magaan na trabaho at mapili sa mga bagay-bagay. Lagi nilang pinipili ang madadaling tungkulin na walang maraming responsibilidad, at para sa mga tungkuling nangangailangan ng pagdurusa at sakripisyo, marami silang dahilan para tanggihan at iwasan ang mga ito. Sinasabi ng Diyos na ang gayong mga tao ay hindi karapat-dapat na gumanap ng mga tungkulin at kinasusuklaman Niya sila. Pagkatapos isaalang-alang ang mga salita ng Diyos, nakonsensya talaga ako. Inilantad ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Nang italaga ako ng aking lider na mangasiwa sa bagong iglesia, talagang mabigat sa kalooban ko, dahil alam kong kasisimula lang ng gawain sa iglesia, hindi magaganda ang resulta at kulang ang mga lider at manggagawa. Kung gusto kong maging maayos ang gawain, mangangailangan ito ng lubusang paghihirap at pagsisikap. Samantalang sa aking kasalukuyang iglesia, bukod sa nakakakuha kami ng magagandang resulta sa gawain ng ebanghelyo, sapat din ang aming mga lider at manggagawa, kaya madali lang magtalaga ng gawain. Kung ikukumpara ang dalawang iglesia, mas pipiliin kong manatili, hindi ang mangasiwa sa bago. Nang makipagbahaginan sa akin ang lider ko, nagdahilan pa ako para maiwasan ito, sinasabing katamtaman lang ang kakayahan ni Eric at hindi niya kakayaning magtrabaho nang mag-isa kaagad. Kaya kung aalis ako, maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Sa panlabas, tila nagdadala ako ng malaking pasanin, at inaalala ang iglesia sa lahat ng sinabi ko. Pero ang totoo, nagdadahilan lang ako para makaiwas sa pangangasiwa sa bagong iglesia. Binibigyang-layaw ko ang aking laman, hindi handang magdusa at magsakripisyo. Isinasaalang-alang ko lang ang sarili kong laman, at sinasang-ayunan ang kung anuman ang pinakamadali at pinakamaluwag. Mapili ako at maselan sa mga tungkulin ko, Nanlilinlang at nagtataksil ako sa Diyos at hindi ako handang umako ng anumang pasanin. Tuso at madaya ako gaya ng isang walang pananampalataya. Nilinang ako ng iglesia nang maraming taon, pero nang magkaproblema ang isang bagong iglesia at nangailangan ng tulong ko, kung bibigyang-layaw ko ang aking laman at hindi gagawin ang gawaing kailangan, maaapektuhan ang gawain ng iglesia, hindi malilinang ang mga baguhan at patuloy na maaantala ang gawain ng ebanghelyo. Maaaring hindi napakahusay ng kakayahan at pagganap ni Eric sa gawain, at hindi niya kayang akuin kaagad nang mag-isa ang lahat ng trabaho, pero mas matatag ang dati kong iglesia at pamilyar na si Eric dito. Kung makikipagtulungan ako sa kanya kapag kinakailangan, hindi gaanong maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Sa pangkalahatan, tama ang naging desisyon ng lider ko na italaga ako sa bagong iglesia. Kinasusuklaman ng Diyos ang patuloy na pagbibigay-layaw ko sa aking laman at hindi pagpoprotekta sa gawain ng iglesia at hindi ako karapat-dapat sa Kanyang tiwala. Nang mapagtanto ito, tahimik akong nagdasal sa Diyos: “Diyos ko, handa akong magpasakop sa kapaligirang ito. Inatasan ako ng lider ko na mangasiwa sa bagong iglesiang ito at handa na akong makipagtulungan at ibigay ang lahat sa tungkuling ito. Hindi na ako pwedeng mamuhay pa sa gayong makasarili at kasuklam-suklam na kalagayan.”

Pagkatapos niyon, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Lahat ng ipinagagawa ng Diyos sa mga tao, at lahat ng iba’t ibang uri ng gawain sa sambahayan ng Diyos—lahat ng ito ay nangangailangan ng mga taong gagawa, lahat ng ito ay nabibilang na mga tungkulin ng mga tao. Kahit ano pang gawain ang gawin ng mga tao, ito ang tungkuling dapat nilang gampanan. Napakalawak ng saklaw ng mga tungkulin, at kinapapalooban ng maraming aspeto—pero kahit ano pang tungkulin ang ginagampanan mo, sa madaling salita ay obligasyon mo ito, ito ay isang bagay na dapat ginagawa mo. Hangga’t pinagsisikapan mong pagbutihan ito, pupurihin ka ng Diyos, at kikilalanin ka bilang isang taong tunay na naniniwala sa Diyos. Kahit sino ka pa, kung lagi mo na lang sinusubukang iwasan o pagtaguan ang iyong tungkulin, may problema nga: Sa magaan na pananalita, masyado kang tamad, masyadong mapanlinlang, batugan ka, mahilig ka sa kalayawan at namumuhi ka sa paggawa; sa mas seryosong pananalita, hindi bukal sa loob mong gampanan ang iyong tungkulin, wala kang dedikasyon, walang pagsunod. Kung hindi mo man lang mapagsumikapan ang maliit na gampaning ito, ano ang kaya mong gawin? Ano ang kaya mong gawin nang wasto? Kung tunay ngang tapat ang isang tao, at ginagawa ang mga responsibilidad sa kanyang tungkulin, kung gayon hangga’t hinihingi ito ng Diyos, at hangga’t kailangan ito ng sambahayan ng Diyos, gagawin nila ang anumang iutos sa kanila, nang hindi namimili. Hindi ba’t isa sa mga prinsipyo ng pagganap sa tungkulin ng isang tao ay gawin at kumpletuhin ang anumang makakaya at nararapat gawin ng isang tao? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaapat na Bahagi)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na anuman ang tungkuling italaga ng iglesia, madali man o mahirap, responsibilidad ko ito, at dapat ko itong sundin. Dapat kong gawin ang aking makakaya para akuin ito at magsikap na magkamit ng mga resulta. Ito ang konsensya at katwiran na dapat kong taglayin. Itinalaga ako ng lider ko na mangasiwa sa bagong iglesia, at bagamat may ilang problema sa gawain doon, hindi ko pwedeng bigyang-layaw ang aking laman at palaging maging mapili. Kailangan ko lang umasa sa Diyos para magawa ang mga bagay-bagay, ayusin ang gawain ng iglesia at gawin ang tungkulin ko. Iyon ang kailangan kong gawin. Pagkatapos niyon, sinimulan kong suriin ang mga tauhan ng iglesia at ang kasalukuyang sitwasyon ng gawain, nagbahagi ako sa mga prinsipyo at nagsimulang sanayin sila. Kalaunan, natuklasan ko na kaya nahihirapan ang gawain ng ebanghelyo ay dahil nagpapakatamad ang mga tagapagdilig sa pagsusubaybay. Hindi sila nagbahagi at hindi nila nilutas ang mga kuru-kurong panrelihiyon ng mga taong nagsisiyasat sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at hindi nila kinukumpleto ang ilang aspeto ng kanilang gawain. Kaya gumawa ako ng buod at nagbahagi ako sa kanilang mga paglihis at pagkalingat, tinutulungan, tinatabasan at iwinawasto yaong mga nangangailangan, hanggang sa malutas ang lahat ng kanilang mga isyu. Unti-unting nagsimulang humusay ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin, at nagsimulang umusad ang gawain ng iglesia. Talagang naging kumpiyansa at komportable akong gumawa sa ganitong paraan. Inakala ko na matapos pagdaanan ang lahat ng iyon, nagkaroon na ako ng kaunting pagbabago, pero hindi nagtagal pagkatapos niyon, may isa pang nangyari na muling naglantad sa akin.

Nang malapit na ang katapusan ng Setyembre, ipinaalam sa akin ng lider ko na plano niya akong italaga na mangasiwa sa isa pang bagong iglesia. Muntik ko nang hindi mapigilan ang damdamin ko nang marinig ko ito: “Mas lalong mahirap pangasiwaan ang iglesiang iyon kaysa sa iglesia ko ngayon. Hindi lang sila kulang sa mga lider at manggagawa, karamihan sa kanila ay bago pa sa kanilang mga tungkulin. Mangangailangan ito ng maraming pagdurusa at higit na dedikasyon para gawing maayos ang iglesiang ito.” Ayaw ko talagang tanggapin ang tungkulin. Hindi ko napigilang sabihin sa lider ko: “Bakit kailangan ko laging pangasiwaan ang mga bagong iglesiang ito? Kasisimula pa lang umusad ng iglesiang pinangangasiwaan ko ngayon. Pwede bang magtalaga ka ng ibang kapatid para mangasiwa sa iglesiang iyon?” Sa sandaling sinabi ko iyon, napagtanto ko na sinusubukan kong iwasang muli ang tungkulin ko. Binibigyang-layaw ko pa rin ang aking laman at ayaw kong magsakripisyo. Sabi ko sa sarili ko: “Kalooban ng Diyos na malagay ako sa sitwasyong ito, kaya kahit hindi ko naiintindihan, dapat muna akong magpasakop.” Ang sama ng loob ko pagkatapos ng tawag na iyon. Bakit kaya sa tuwing inililipat ako, iniisip ko lang kung paano mamuhay nang mas maluwag, sa halip na sundin ang kalooban ng Diyos at magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos Niya? Habang mas nagninilay-nilay ako, mas lumalala ang nadarama ko. Kaya’t nagdasal ako sa Diyos, hinihiling na bigyang-liwanag at gabayan Niya ako para mapagnilayan at makilala ang sarili ko.

Kalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na nakaantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at natatamo ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ninyo ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao pagkatapos, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito, ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan, at ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan; sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin Ang Landas ni Pedro). “Ang kanilang mga kasabihan ay, ‘Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,’ ‘Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya,’ at ‘Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala.’ Nagpapakaligaya sila sa bawat araw pagdating nito, nagpapakasaya sila hangga’t kaya nila, at hindi nila iniisip ang hinaharap, lalong hindi nila iniisip kung anong mga responsibilidad ang dapat tuparin ng isang lider at kung anong mga tungkulin ang dapat nilang gampanan. Ginagaya nila ang ilang salita at parirala ng doktrina at ginagawa ang ilang gawain para magpakitang-tao tulad ng karaniwan, ngunit hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila sinisikap na busisiin ang mga tunay na problema sa iglesia upang lubos na malutas ang mga iyon. Ano ang silbi ng paggawa ng gayong paimbabaw na gawain? Hindi ba panlilinlang ito? Maipagkakatiwala ba ang mabibigat na responsibilidad sa ganitong uri ng huwad na lider? Naaayon ba sila sa mga prinsipyo at kondisyon ng sambahayan ng Diyos sa pagpili ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Walang anumang konsiyensya o katwiran ang mga taong ito, wala silang anumang pagpapahalaga sa responsibilidad, subalit nais pa rin nilang maglingkod sa isang opisyal na puwesto bilang lider ng iglesia—bakit masyado silang walang kahihiyan? Ang ilang taong may pagpapahalaga sa responsibilidad ay mahihina ang kakayahan, at hindi maaaring maging mga lider—maliban pa riyan ang taong basura na wala talagang pagpapahalaga sa responsibilidad; lalong hindi sila kwalipikadong maging mga lider(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Pagkatapos magnilay sa mga salita ng Diyos, saka ko lang napagtanto na ang pangunahing dahilan kung bakit naliligalig ako sa tuwing inililipat ako at hindi handang magdusa at magdala ng pasanin ay dahil masyado akong tamad at nagnanasa ng kaluwagan. Mula noong bata ako, naimpluwensyahan at nahubog ako ni Satanas, at ang mga kasabihang tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala” ay naging mga satanikong pilosopiyang ipinamumuhay ko. Naging baluktot at napakasama ng mga prinsipyo ko sa buhay. Inisip ko na habang nabubuhay tayo ay dapat tayong magsaya at hindi kailangang magpakapagod. Dapat nating tratuhin nang mabuti ang ating sarili, maging mabait sa ating sarili. Noong hindi pa ako mananampalataya, masaya na akong sumunod lang sa protokol at tapusin ang mga gampanin ko sa trabaho, at hindi na gumawa ng higit pa sa kinakailangan. Minsan kapag kailangan naming magtrabaho nang lagpas sa oras, iniisip ko na sobrang nakaka-stress at nakakapagod ito, at humihingi ako ng leave. Matapos maging mananampalataya, ganoon pa rin ang mga hinahangad ko. Sinusubukan kong iwasan na maghirap at magsakripisyo, at gustong maging madali at maluwag lang ang tungkulin ko nang walang anumang mga isyu. Kaya nang italaga ako ng lider ko na mangasiwa sa dalawang iglesiang ito, at batbat ng mga isyu ang mga ito, at mangangailangan ng maraming pagdurusa at sakripisyo, ayaw kong gawin ito at sinubukan kong iwasan ang mga tungkulin. Pero, sa totoo lang, alam ko na matagal-tagal na akong gumagawa at may kaunting karanasan, kaya dapat kong pangasiwaan ang mga iglesia na mas maraming problema. Ayaw ko lang na talikdan ang aking laman at umako ng mabigat na pasanin. Biniyayaan ako ng Diyos ng pagkakataong magsagawa bilang superbisor ng iglesia, kaya dapat kong isakatuparan ang mga responsibilidad ko para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Pero hindi ko ginampanan nang maayos ang tungkulin ko, at palaging sinusubukang magpakatamad at magpahinga. Namumuhay ako sa mga satanikong kuru-kurong ito, makasarili ako, kasuklam-suklam at walang kahit katiting na pagkatao o integridad. Nang mapagtanto ko ito, naramdaman kong mapanganib na magpatuloy nang ganoon. Kaya’t nagdasal ako sa Diyos, at naging handang baguhin ang saloobin ko sa aking tungkulin.

Kalaunan, nakita ko ang siping ito. “Sa katunayan, bawat tungkulin ay may kasamang kaunting hirap. Ang pisikal na trabaho ay may kasamang pisikal na hirap, at ang trabahong pang-isipan ay may kasamang hirap sa isipan; bawat isa ay may mga paghihirap. Lahat ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Kapag talagang kumilos naman ang mga tao, sa isang banda, dapat mong tingnan ang kanilang mga katangian, at sa isa pang banda, kailangan mong tingnan kung mahal ba nila ang katotohanan. Pag-usapan muna natin ang katangian ng mga tao. Kung ang isang tao ay may mabuting mga katangian, nakikita niya ang positibo sa lahat ng bagay, at nagagawa niyang tanggapin at unawain ang mga bagay na ito mula sa positibong pananaw at batay sa katotohanan; ibig sabihin, ang kanyang puso, mga katangian, at espiritu ay matuwid—mula ito sa pananaw ng mga katangian. Sunod nating pag-usapan ang isa pang aspeto—kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Ang pagmamahal sa katotohanan ay tumutukoy sa kakayahang tanggapin ang katotohanan, na ibig sabihin kung, naiintindihan mo man ang mga salita ng Diyos o hindi, at kung nauunawaan mo man ang kalooban ng Diyos o hindi, kung naaayon man sa katotohanan ang iyong pananaw, opinyon, at perspektibo tungkol sa trabaho, ang tungkuling dapat mong gampanan, nagagawa mo pa rin itong tanggapin mula sa Diyos, at masunurin at taos, sapat na ito, ginagawa ka nitong karapat-dapat na gampanan ang tungkulin mo, ito ang pinakamababang kinakailangan. Kung ikaw ay masunurin at taos, kapag isinasagawa mo ang isang gawain, hindi ka pabaya at walang interes, at hindi ka humahanap ng mga paraan para magpakatamad, kundi ay naroon ang iyong buong katawan at kaluluwa. Ang pagkakaroon ng maling kalagayan sa kalooban ay nagbubunga ng pagiging negatibo, na dahilan upang mawalan ng gana ang mga tao, kaya nga nawawalan sila ng ingat at nagiging pabaya. Alam na alam nila sa mga puso nila na hindi tama ang kanilang kalagayan, subalit hindi pa rin sila nagsisikap na ayusin ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Ang gayong mga tao ay walang pagmamahal sa katotohanan, at babahagya lang ang kahandaan nilang gampanan ang kanilang tungkulin; atubili silang gumawa ng anumang pagsisikap o magpakahirap, at lagi silang naghahanap ng mga paraan para magpakatamad. Sa katunayan, nakita na ng Diyos ang lahat ng ito—kaya bakit hindi Niya pinapansin ang mga taong ito? Hinihintay lang ng Diyos na magising ang mga taong hinirang Niya at tukuyin ang mga ito sa kung ano talaga ang mga ito, para ilantad at palayasin nila ang mga ito. Gayunman, iniisip pa rin ng gayong mga tao sa kanilang sarili, ‘Tingnan ninyo kung gaano ako katalino. Pareho ang kinakain natin, pero pagkatapos magtrabaho ay pagod na pagod na kayo. Hindi man lang ako napagod. Ako ang matalino; sinumang gumagawa ng tunay na gawain ay isang hangal.’ Tama bang maging ganito ang tingin nila sa matatapat na tao? Hindi. Sa katunayan, ang mga taong gumagawa ng tunay na gawain kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin ay isinasagawa ang katotohanan at binibigyang-kasiyahan ang Diyos, kaya sila ang pinakamatatalinong tao sa lahat. Ano ang ikinakatalino nila? Sinasabi nila, ‘Hindi ko ginagawa ang anumang bagay na hindi naman ipinagagawa ng Diyos, at ginagawa ko ang lahat ng ipinagagawa Niya sa akin. Ginagawa ko ang anumang iutos Niya, at ginagawa ko ito nang may puso, ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para rito, at hindi ako nandaraya sa anumang paraan. Hindi ko ito ginagawa para sa sinumang tao, ginagawa ko ito para sa Diyos. Mahal na mahal ako ng Diyos, dapat ko itong gawin para mabigyang-kasiyahan ang Diyos.’ Ito ang tamang kalagayan ng isipan, at ang resulta ay na pagdating ng oras para linisin ang iglesia, ang mga madaya sa pagganap sa kanilang tungkulin ay palalayasing lahat, samantalang ang matatapat na tao at tumatanggap ng pagsisiyasat ng Diyos ay mananatili. Ang kalagayan ng matatapat na taong ito ay yumayabong sa paisa-isang kalakasan, at pinoprotektahan sila ng Diyos sa lahat ng pangyayaring dumarating sa kanila. At ano ang mayroon sila at pinoprotektahan sila nang ganito? Dahil sa puso nila, sila ay matapat. Hindi nila kinatatakutan ang hirap o pagod kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at hindi sila namimili tungkol sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila; hindi sila nagtatanong kung bakit, ginagawa lamang nila kung ano ang iniutos sa kanila, sumusunod sila, nang hindi na nagsusuri o nagsisiyasat pa, o isinasaalang-alang ang iba pa mang bagay; wala silang lihim na motibo, subalit may kakayahan silang maging masunurin sa lahat ng bagay. Ang panloob nilang kalagayan ay laging normal na normal; kapag nahaharap sa panganib, pinoprotektahan sila ng Diyos; kapag dumarating sa kanila ang sakit o salot, pinoprotektahan din sila ng Diyos—lubos silang pinagpapala(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaapat na Bahagi)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos nakita ko na ang mga may konsensya at mabuting pagkatao ay may tapat na saloobin sa tungkulin. Kapag nagkakaproblema sila sa kanilang mga tungkulin, tinitiis nila ang pagdurusa, nagsasakripisyo, at nagsisikap na bumuti, ginagawa ang kanilang makakaya para magtamo ng magagandang resulta sa kanilang ginagawa. Ang gayong mga tao ay nakatatanggap ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos sa kanilang mga tungkulin at patuloy na napapabuti ang kanilang kondisyon. Pero ang mga walang konsensya at katwiran ay dumaraing sa sandaling nagkakaproblema sila sa kanilang mga tungkulin, isinasaalang-alang lang ang kanilang sariling mga interes, hindi taos-pusong nakikipagtulungan at iniisip pa nga na matalino sila sa paggawa niyon. Talagang kinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga tao at sa huli ay inilalantad at pinalalayas sila. Hindi ba’t ganoon din ako, iniisip na matalino ako? Sa panlabas, maaari kong lokohin ang lider ko—maiiwasan ko ang paghihirap na dulot ng pangangasiwa sa bagong iglesia, at hindi malalaman ng lider ang iniisip ko at wala siyang masasabi laban sa akin. Pero sinusuri ng Diyos ang bawat iniisip natin. Kapag nakita ng Diyos na lagi akong nagpapakatamad sa aking tungkulin at nagnanasa ng kaluwagan, nang hindi man lang pinoprotektahan ang gawain ng iglesia, kamumuhian Niya ako. Kung patuloy akong hindi magsisisi, lubusan akong pababayaan at palalayasin ng Diyos. Naisip ko ang ilang tao na pinaalis noon—palagi silang nagpapakatamad at iniraraos lang nila ang tungkulin at inalisan sila ng tungkulin, mga biktima ng diumano’y katalinuhan nila. Nang mapagnilayan ang lahat ng ito, medyo natakot ako, kaya nagdasal ako sa Diyos, handang ituwid ang saloobin ko sa aking tungkulin, umako ng responsibilidad at gawin nang maayos ang tungkulin ko.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Matapos tanggapin ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nagsimula na si Noe na isagawa at isakatuparan ang pagbuo ng arka na sinabi ng Diyos na para bang ito ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay, na hindi iniisip na magpaantala. Nagdaan ang mga araw, lumipas ang mga taon, araw-araw, taun-taon. Hindi kailanman pinuwersa ng Diyos si Noe, ngunit sa buong panahong ito, nagtiyaga si Noe sa mahalagang gawaing ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Bawat salita at pariralang binigkas ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe na parang mga salitang nakaukit sa tapyas na bato. Hindi alintana ang mga pagbabago sa mundo sa labas, ang pangungutya ng mga tao sa paligid niya, ang kaakibat na hirap, o ang mga paghihirap na dinanas niya, nagtiyaga siya, sa lahat ng ito, sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nang hindi kailanman nawawalan ng pag-asa o nag-iisip na sumuko. Ang mga salita ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe, at ang mga ito ang kanyang naging pang-araw-araw na realidad. Inihanda ni Noe ang mga materyales na kailangan sa pagbubuo ng arka, at ang anyo at mga detalye para sa arka na iniutos ng Diyos ay unti-unting nagkahugis sa bawat maingat na pukpok ng martilyo at pait ni Noe. Sa lahat ng paghangin at pag-ulan, at paano man siya kinutya o siniraan ng mga tao, nagpatuloy ang buhay ni Noe sa ganitong paraan, taun-taon. Lihim na minasdan ng Diyos ang bawat kilos ni Noe, nang hindi kailanman bumibigkas ng isa pang salita sa kanya, at naantig ni Noe ang Kanyang puso. Gayunman, hindi ito nalaman ni nadama ni Noe; mula simula hanggang wakas, binuo lamang niya ang arka, at tinipon ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang, nang hindi natitinag ang katapatan sa mga salita ng Diyos. Sa puso ni Noe, walang mas dakilang tagubilin na dapat niyang sundin at isagawa: ang mga salita ng Diyos ang kanyang panghabambuhay na direksyon at mithiin. Kaya, anuman ang sinabi sa kanya ng Diyos, anuman ang ipinagawa sa kanya ng Diyos, ang iniutos sa kanyang gawin, ganap na tinanggap ito ni Noe, at ikinintal ito sa kanyang memorya, at tinanggap ito bilang kanyang mithiin sa buhay. Hindi lamang niya ito hindi kinalimutan, hindi lamang niya ito ipinako sa kanyang isipan, kundi ginawa niya itong realidad ng kanyang sariling buhay, ginagamit ang kanyang buhay para tanggapin, at isagawa, ang atas ng Diyos. At sa ganitong paraan, sa paisa-isang tabla, nabuo ang arka. Bawat galaw ni Noe, bawat araw niya, ay inilaan sa mga salita at utos ng Diyos. Maaaring hindi mukhang nagsagawa si Noe ng isang napakadakilang gawain, ngunit sa mga mata ng Diyos, lahat ng ginawa ni Noe, maging ang bawat hakbang na kanyang ginawa para may makamit, bawat kayod ng kanyang kamay—lahat ng iyon ay mahalaga, at nararapat gunitain, at nararapat tularan ng sangkatauhang ito. Sumunod si Noe sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Hindi siya natinag sa kanyang paniniwala na ang bawat salitang binigkas ng Diyos ay katotohanan; wala siyang pagdududa rito. At bilang resulta, natapos ang arka, at ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang ay nabuhay roon(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Unang Bahagi)). Naantig ako nang husto sa kwento ni Noe. Matapos mapagkatiwalaan ng atas ng Diyos, hindi kailanman isinaalang-alang ni Noe ang kanyang sariling mga interes. Isinantabi niya ang lahat ng bagay sa buhay niya, at ang inisip lang ay tuparin ang atas ng Diyos. Bagamat isang napakalaking proyekto na may maraming suliranin ang paggawa ng arka, nagpatuloy sa paggawa si Noe, unti-unting nagbubuo, umulan man o umaraw sa loob ng 120 taon. Hindi siya kailanman nagreklamo at sa huli ay naisakatuparan niya ang atas ng Diyos at nakamit ang Kanyang pagsang-ayon. Nang ikumpara ang sarili kong saloobin sa saloobin ni Noe sa atas ng Diyos, nakonsensya ako. Napakalayo ng karanasan ko sa naranasang pagdurusa ni Noe, at kapag nagkakaroon ako ng kaunting paghihirap o stress, nagrereklamo ako at gusto kong iwasan ang trabaho ko. Wala akong anumang katapatan o patotoo sa pagsasagawa ng katotohanan. Pakiramdam ko ay napakalaki ng utang ko sa Diyos at nagsisisi ako. Nagdasal ako sa Diyos at nagsisi, gusto ko nang itigil ang pagnanasa sa kaluwagan at simulang tularan si Noe para gawin nang maayos ang tungkulin ko. Kahit maharap ako sa mga problema at paghihirap sa tungkulin ko, dapat akong magsakripisyo at magtiis ng hirap para gawin ang tungkulin ko at pasiyahin ang puso ng Diyos. Pagkatapos niyon, hinanap ko ang lider ko at sinabing: “Handa na akong simulang pangasiwaan ang bagong iglesiang iyon. Magmula ngayon, saan mo man ako kailanganing pumunta, magpapasakop ako sa mga pagsasaayos ng iglesia.” Mas gumaan nang husto ang pakiramdam ko pagkatapos kong sabihin iyon. Gayunpaman, noong oras na iyon, itinalaga ng lider ko si Sister Sasha na mangasiwa sa iglesiang iyon, sa halip na ako ang ipadala.

Pero hindi nagtagal, nabalitaan ko na nahihirapan si Sasha na pagsabayin ang lahat ng gawain niya sa iglesia, at hindi na makakapagpatuloy sa pangangasiwa roon. Nangangahulugan ito na baka naisin din ng lider na pumunta ako roon. Sa sandaling naisip ko ang lahat ng problema sa iglesiang iyon, agad akong namroblema. Ngunit pagkatapos ay napagtanto ko na muli akong nagbibigay-layaw sa aking laman at hindi handang magdusa, kaya’t nagdasal ako sa Diyos: “Mahal na Diyos, ayaw ko pong palaging isaalang-alang ang sarili kong mga interes kapag may nangyayari. Pakiusap, gabayan Mo po ako para makapagpasakop.” Nang sandaling iyon, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kung tunay ngang tapat ang isang tao, at ginagawa ang mga responsibilidad sa kanyang tungkulin, kung gayon hangga’t hinihingi ito ng Diyos, at hangga’t kailangan ito ng sambahayan ng Diyos, gagawin nila ang anumang iutos sa kanila, nang hindi namimili. Hindi ba’t isa sa mga prinsipyo ng pagganap sa tungkulin ng isang tao ay gawin at kumpletuhin ang anumang makakaya at nararapat gawin ng isang tao? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaapat na Bahagi)). Napagtanto ko sa mga salita ng Diyos na anuman ang tungkuling italaga sa kanila, ang mga taong tapat sa Diyos ay ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para tuparin ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad. Ito ay isang taong nagtataguyod sa gawain ng iglesia. Natagpuan kong muli ang sarili ko sa ganitong sitwasyon dahil kinakailangan ang tulong ko sa gawain ng iglesia. Hindi ko pwedeng patuloy na isaalang-alang ang sarili kong mga interes at magnasa ng kaluwagan. Italaga man ako o hindi bilang superbisor, handa akong magpasakop. Kalaunan, pinapunta ako ng lider ko para pangasiwaaan ang iglesiang iyon at, sa sandaling iyon, mahinahon ko itong tinanggap. Nang pamahalaan ko na ang iglesia, paunti-unti ko itong inayos, at sa pamamagitan ng pangungumusta at pagsusubaybay, natuklasan at nalutas ko ang ilang isyu.

Kung titingnan, mukhang mas nahirapan ako sa pagkalipat, pero ang totoo, pinrotektahan at binigyan ako ng motibasyon ng pagkalipat ko. Ang iglesiang dati kong pinangangasiwaan ay mas matatag at nagbubunga ng magagandang resulta, kaya hindi ko namamalayang naging kampante ako at ginagawa na lang ang mga nakagawian. Lalo akong naging tamad at pasibo. Sa bagong iglesia, mas marami ang problema, pero nag-udyok ito sa akin na magdasal at umasa sa Diyos sa paghihirap, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga isyu. Naging mas malapit ako sa Diyos at marami akong natutunan. Natatanging pabor ito sa akin. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Lihim na Nakatanim nang Malalim sa Puso Ko

Salamat sa Diyos para sa pagliliwanag na ito, na ibinangon ako mula sa pagkakabulag. Kung hindi, marahil ay nililinlang pa rin ako ng aking sariling kasinungalingan—nagpapagewang-gewang kasama ng bulag na ambisyon patungo sa aking sariling napipintong pagbagsak. Talaga namang nakakatakot! Sa prosesong ito, napagtanto ko ring sa loob ng pagpapalit sa akin, pinoprotektahan ako ng Diyos at pinagkalooban ako ng kaligtasan.