Isang Aral na Natutuhan Mula sa Pagdidilig ng mga Bagong Mananampalataya

Oktubre 13, 2022

Ni Ye Cheng, China

Noong Enero ng taong ito, nagdidilig ako ng mga baguhan sa iglesia. Sina Sister Liu at ang kanyang asawa ay dalawa sa mga baguhang nasa pananagutan ko. Sinabi sa akin ng superbisor na kasisimula pa lang ng asawa ni Sister Liu na siyasatin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, siya’y nakadalo sa iilang pagtitipon pa lamang at nangangailangan ng mas maraming suporta at pagdidilig.

Sa parehong beses na nagpunta ako sa bahay ni Sister Liu, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nilang mag-asawa. Noong suriin ko ito, nalaman ko na mababa ang tingin ni Sister Liu sa kanyang asawa dahil sa pagsunod nito sa mga makamundong kalakaran at sa pagiging hindi tapat na mananampalataya. Sumagi sa isip ko na ang pagtatakda niya ng mga di-makatotohanang hinihingi at pang-aalipusta sa kanyang asawa kahit na kasisimula pa lang nitong siyasatin ang tunay na daan ay pwedeng makahadlang sa pag-usad nito. Isang beses, nagbahagi ako sa kanya kung paano dapat pakitunguhan ang mga tao nang may pagtitimpi at pasensya. Nagulat ako na sumama ang loob ng sister at sinabing napakahaba na raw ng kanyang pasensya. Sabi pa nga niya, “Kung ayaw niyang maniwala, e ‘di sige. Kahit papaano, sa gano’ng paraan, hindi niya maaapektuhan ang kalagayan ko.” Labis akong nag-alala na baka umalis sa iglesia ang asawa niya kapag narinig nitong sinabi niya iyon. Nagreklamo ako sa loob-loob ko, “Napakayabang ng sister na ito. Ang inaalala lang niya ay kung paano siya makakapaglabas ng hinaing at wala siyang pakialam sa pwedeng maramdaman ng iba. Kailangan kong magbahagi sa kanya nang masinsinan at ipaalam sa kanya kung gaano kalala ang sitwasyong ito.” Pero noong sinabi ko na ang nasa loob ko, nakipagtalo si Sister Liu, sinasabing: “Ayoko namang magalit. Pero ginugugol niya ang buong araw sa pamamasyal o paglalaro ng mahjong at hindi siya nagbabasa ng salita ng Diyos. Hindi talaga siya nakikinig kahit ilang beses ko pa siyang pagsabihan.” Medyo nagalit ako nang marinig ko ito. Naisip ko: “Malinaw na nagpapakita ka ng mga senyales ng katiwalian, pero asawa mo lang ang pinupuna mo. Hindi mo talaga kilala ang sarili mo!” Kaya binasahan ko siya ng isang bahagi ng pagbubunyag ng Diyos tungkol sa mapagmataas na disposisyon ng mga tao at binigyang-kahulugan ang kanyang galit bilang resulta ng matinding pagnanais para sa katayuan. Ang magalit at mawalan ng pasensya para magpaubaya ang kanyang asawa kapag hindi ito sumusunod sa kanya ay isang tiwaling disposisyon at dapat itama. Nung panahong ‘yon, labag sa loob na inamin ng sister na masyado siyang nagiging mapagmataas, pero pagkatapos, gano’n pa rin siya at hindi nagbago kahit kaunti. Kalaunan, ilang beses pa akong nagbahagi sa kanya at hinikayat siyang pakitunguhan nang maayos ang kanyang asawa, hindi iyong lagi na lang pupunahin ang mga kapintasan nito, at umpisahang kilalanin ang kanyang sarili. Pero patuloy ang sister na gumawa ng mga dahilan. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nung una, gusto kong padaluhin ang kanyang asawa sa mas maraming pagtitipon para tulungan itong magkaroon ng pundasyon sa tunay na daan, pero ang lahat ng pagtitipon na iyon ay naunsyami nang hindi inaasahan.

Nung panahong ‘yon, patuloy lang akong nagrereklamo at hinuhusgahan si Sister Liu: “Napakayabang niya at palaging pinag-iinitan ang kanyang asawa. Hindi ba mabuti ang kanyang pagkatao? Maraming beses na akong nagbahagi sa kanya, pero hindi siya nagsasagawa ng katotohanan o tumutulong na isulong ang mga pagtitipon. Ayoko na talaga siyang diligan.” Isang beses, tinalakay ko ang problemang ito sa kapatid na kapareha ko at inilabas ko ang lahat ng hinaing ko. Inirekomenda sa akin ng kapatid ang isang video ng patotoo sa karanasan. Talagang natamaan ako sa isang sipi ng salita ng Diyos sa video. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Dapat maging maingat at mapagtimpi ang isang tao at umasa sa pagmamahal sa pakikitungo niya sa mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan. Ito ay dahil lahat ng nagsisiyasat sa tunay na daan ay hindi nananalig—maging ang mga relihiyoso sa kanila ay humigit-kumulang mga hindi nananalig—at lahat sila ay marurupok: Kung sakaling may anumang hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, malamang na kontrahin nila iyon, at kung sakaling hindi umaayon ang anumang parirala sa kanilang kagustuhan, malamang na labanan nila iyon. Samakatuwid, ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa kanila ay nangangailangan ng ating pagpaparaya. Nangangailangan iyon ng ating matinding pagmamahal, at nangangailangan ng ilang pamamaraan at diskarte. Gayunman, ang mahalaga ay basahan sila ng mga salita ng Diyos, iparating sa kanila ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos para iligtas ang tao, at iparinig sa kanila ang tinig ng Diyos at ang mga salita ng Lumikha. Sa gayon ay makikinabang sila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Hinihingi ng Diyos na ituring natin nang may mapagmahal na pagkalinga ang bawat potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, at dapat natin silang tulungan at gabayan nang may malawak na pasensya at pagmamahal, binabahaginan sila ng katotohanan at dinadala sila sa harap ng Diyos. Ito ang mga responsibilidad at tungkulin ng bawat isang tagapagbahagi ng ebanghelyo. Ramdam ko ang mapagmahal na pagkalinga ng Diyos para sa buhay ng tao sa Kanyang bawat salita at parirala. Ito ang dahilan kung bakit Niya hinihingi ang mga ito sa atin. Sa aking pagninilay tungkol sa pagmamahal ng Diyos at pag-unawa sa sangkatauhan, nakaramdam ako ng hiya. Inalala ko kung paano ko pinakitunguhan si Sister Liu. Noong nagbahagi ako sa kanya nang ilang beses dahil sa pambubulyaw niya sa kanyang asawa at hindi siya nagbago, nagalit ako, naghanap ng mga sipi ng salita ng Diyos para punahin siya batay sa sarili kong kagustuhan, sinuri ang kanyang mga isyu, inilabas ang pagkadismaya ko sa kanya, at ni katiting ay hindi isinaalang-alang ang kanyang nararamdaman o ang kanyang tayog. Sinabi ko pa ngang hindi maganda ang pagkatao niya sa harap ng aking kapareha. Nasaan ang aking mapagmahal na kabaitan? Anim na buwan pa lang noong tinanggap ni Sister Liu ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at wala pa siyang gaanong nauunawaang katotohanan—kaya hindi ba’t normal lang na magpakita siya ng katiwalian kapag nahaharap siya sa mga problema? Hindi ko lang siya hindi ginabayan nang may pagmamahal para matulungan siyang isagawa ang katotohanan, hinamak ko pa siya. Talagang wala akong pagkatao. Sa pagninilay sa lahat ng ito, napagtanto ko na ang dahilan kung bakit hindi ako nagkaroon ng anumang resulta matapos kong magbahagi nang ilang beses kay Sister Liu ay dahil hindi ako nagkaloob ng pagbabahagi nang may pagmamahal at hindi ko ginamit ang katotohanan para lutasin ang kanyang mga isyu. Sa halip, mapagmataas ko siyang hinamak at nilimitahan at sinumbatan dahil sa inis. Paano ko naman aasahan na matutulungan ko siyang maunawaan ang katotohanan at mapabuti ang kanyang kalagayan kung gano’n ako kumilos? Humarap ako sa Diyos sa panalangin, handang itama ang aking mga layunin at ihinto ang pagtrato ko kay Sister Liu nang ayon sa tiwali kong disposisyon.

Isang araw, nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kailangan mong magkaroon ng pagkaunawa tungkol sa maraming kalagayang kalalagyan ng mga tao kapag isinasagawa ng Banal na Espiritu ang gawain sa kanila. Partikular na, yaong mga nag-uugnayan sa paglilingkod sa Diyos ay dapat magkaroon ng mas matinding pagkaunawa tungkol sa mga kalagayang ito. Kung nagsasalita ka lamang tungkol sa maraming karanasan o pamamaraan para makapasok, ipinakikita nito na ang karanasan mo ay masyadong may pinapanigan. Kung hindi mo alam ang iyong tunay na kalagayan at hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo ng katotohanan, hindi posibleng magkamit ng pagbabago sa disposisyon. Kung hindi mo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu o nauunawaan ang ibinubunga nito, mahihirapan kang mahiwatigan ang gawain ng masasamang espiritu. Kailangan mong ihayag ang gawain ng masasamang espiritu, pati na rin ang mga kuru-kuro ng tao, at tumbukin ang pinakabuod ng usapin; kailangan mo ring banggitin ang maraming paglihis sa pagsasagawa ng mga tao at ang mga problemang maaaring umiiral sa kanilang pananampalataya sa Diyos, upang mapansin nila ang mga ito. Kahit paano, huwag mo silang bigyan ng dahilan para maging negatibo o walang kibo. Gayunpaman, kailangan mong maunawaan ang mga paghihirap na talagang umiiral para sa karamihan, hindi ka dapat maging hindi makatwiran o tangkaing turuan sila ng isang bagay na ayaw nilang matutuhan; kahangalan iyan. Para malutas ang maraming paghihirap na nararanasan ng mga tao, kailangan mo munang maunawaan ang pag-unlad ng gawain ng Banal na Espiritu; kailangan mong maunawaan kung paano isinasagawa ng Banal na Espiritu ang gawain sa iba’t ibang mga tao, kailangan mong maunawaan ang mga paghihirap na kinakaharap ng mga tao at ang kanilang mga pagkukulang, at kailangan mong makita nang malinaw ang mga pangunahing usapin ng problema at malaman ang pinagmulan nito, nang hindi lumilihis o nagkakamali. Ang ganitong uri lamang ng tao ang karapat-dapat na makipag-ugnayan sa paglilingkod sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Ang Nararapat na Isangkap sa Isang Katanggap-tanggap na Pastol). Habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na sa pagbabahagi man ng ebanghelyo o pagdidilig ng mga baguhan, dapat palagi nating alam ang mga aktwal na problema at kalagayan ng mga tao, at magbahagi ng mga nauugnay na katotohanan para talagang malutas ang kanilang mga problema. Kung hindi mo naiintindihan ang kanilang mga paghihirap at basta na lang nagbabahagi batay sa mga sarili mong paniniwala, hindi ka lang mabibigong lutasin ang mga problema nila, malamang na masasaktan o mapapasama mo pa ang loob nila. Minsan, kapag ang mga baguhan ay nagpapakita ng mga senyales ng katiwalian at pagiging negatibo, at ang ilang beses na pagbabahagi ay hindi nakakatulong para bumuti sila, dapat muna nating pagnilayan kung malinaw ba nating naibahagi ang katotohanan tungkol sa kanilang mga isyu. Kung ang kanilang mga problema ay hindi pa rin nalulutas dahil hindi tayo malinaw na nagbahagi tungkol sa katotohanan, kung gano’n, hindi natin nagawa ang ating tungkulin at naisakatuparan ang ating mga responsibilidad. Hindi ko maiwasang isipin kung paano ko pinakitunguhan si Sister Liu. Nung mga panahong ‘yon na nakikita kong kinagagalitan ni Sister Liu ang kanyang asawa, ipinagpalagay ko na lang na mapagmataas siya at inuutus-utusan niya ang kanyang asawa, kaya patuloy ko siyang pinuna at pinilit siyang kilalanin ang kanyang sariling tiwaling disposisyon, pero sa huli, hindi pa rin nalutas ang kanyang mga problema. Pagkatapos kong pakalmahin ang isip ko at pagnilayan ang isyung ito, saka ko lamang napagtanto na ang dahilan kung bakit palaging umiinit ang ulo ni Sister Liu ay dahil lang umaasa siyang mabilis na magkakaroon ng pundasyon ang kanyang asawa sa tunay na daan, magsisimulang tuloy-tuloy na dumalo sa mga pagtitipon, at magkakaroon ng proteksyon ng Diyos kapag nahaharap sa mga problema. Kaya kapag nakikita niyang abala ang asawa niya sa mga pamamasyal at paglalaro ng mahjong, at hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, umiinit ang ulo niya. Hindi ako nagbahagi sa kanya tungkol sa isyu na ito, kaya wala akong nakitang kahit anong resulta mula sa pagbabahagi. Sa totoo lang, nasa akin ang pangunahing problema. Hindi ko tinukoy ang problema ng baguhan para ibahagi sa kanya, at hinusgahan ko pa nga siya na hindi maganda ang pagkatao niya at hindi niya tinatanggap ang katotohanan, at ayoko pa ngang diligan siya. Hindi ko talaga kilala ang sarili ko at wala ako ni katiting na pagmamahal sa iba. Nang mapagtanto ito, medyo nahiya at nakonsensya ako. Kailangan kong itama ang saloobin ko ukol kay Sister Liu, magbahagi sa kanya tungkol sa kanyang aktwal na sitwasyon at gamitin ang katotohanan para lutasin ang kanyang mga isyu.

Makalipas ang isang araw, oras na naman para sa aming pagtitipon. Pagdating ko, nagsimulang magreklamo si Sister Liu, sinasabing malinaw na binanggit ng kanyang asawa na pupunta ito sa pagtitipon, pero hindi pa rin ito umuuwi ng bahay. Nilimitahan niya rin ito bilang isang hindi naghahanap at gusto na niya itong sukuan. Kaya nagbahagi ako sa kanya batay sa kanyang sitwasyon. Sabi ko: “Ang paghiling mo sa asawa mo na makipagtipon at magbasa ng mga salita ng Diyos ay mabuti ang intensyon, pero hindi natin pwedeng taasan masyado ang ating mga inaasahan sa kanya. Kung magagalit ka kapag hindi siya nakikinig sa’yo, malamang na hindi siya susunod. Lubos nang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao at hindi nila minamahal ang katotohanan, kaya ang paghahanap nila ng katotohanan at pagpasok sa buhay ay magiging napakabagal. Nangangailangan ng maraming pagbabahagi, karanasan, at pati na mga dagok para makakuha ng kahit kaunting kabatiran o pag-unawa. Kaya kailangan nating tulungan ang mga tao nang may pagmamahal at bigyan sila ng pagkakataong magbago. Nakita natin na hinihingi ng Diyos na baguhin ng mga tao ang kanilang mga disposisyon, pero hindi Niya kailanman pinipilit ang mga tao o hindi Siya nagtatakda ng mga di-makatotohanang ekspektasyon. Nakikita kung paano tayo namumuhay ayon sa ating mga tiwaling disposisyon at hindi sumusunod sa mga salita ng Diyos, hindi Siya nagagalit sa atin o pinababayaan tayo, sa halip, binibigyan Niya tayo ng kaliwanagan at ginagabayan gamit ang Kanyang mga salita, hinahayaan tayong unti-unting maranasan ang mga bagay at unti-unting maunawaan ang katotohanan at makamit ang pagbabago. Ramdam natin na napakamalumanay ng Kanyang pamamaraan. Kaya, kung gusto nating padaluhin ang ating pamilya sa mga pagtitipon at mas magbasa ng mga salita ng Diyos para magkaroon ng pundasyon sa lalong madaling panahon, ito ang tamang layunin, pero dapat natin silang damayan sa kanilang mga paghihirap at gabayan at suportahan sila nang may pagtitiyaga. Pagkatapos lang noon, mas malamang na sila’y sumunod.” Matapos marinig ang sinabi ko, bumuntong-hininga si Sister Liu at sumagot: “Palagi kong sinisikap na hikayating mas makipagtipon ang asawa ko at mas magbasa ng mga salita ng Diyos, sa pag-aakala na ito ang pinakamabuti para sa kanya at sinusubukan ko siyang pasunurin sa akin. Kapag hindi niya sinusunod ang sinasabi ko, basta na lang akong nagagalit sa kanya. Malamang na talagang masasaktan siya sa gano’ng pagtrato. Mali ako. Sa hinaharap, magsasagawa ako ayon sa mga salita ng Diyos at titigil na sa pakikitungo sa kanya ayon sa tiwali kong disposisyon.” Masaya rin akong makita na nagkamit ng kaunting pag-unawa si Sister Liu at may ngiti na sa kanyang mukha. Pagkatapos nun, sabay naming binasa ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Malinaw na ipinapakita at ipinahihiwatig sa mga salita ng Diyos kung paano mo dapat tratuhin ang iba; ang saloobin ng Diyos sa pagtrato sa sangkatauhan ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa pagtrato nila sa isa’t isa. Paano tinatrato ng Diyos ang bawat isang tao? Ang ilang tao ay isip-bata ang tayog; o bata pa; o maikling panahon pa lamang nananalig sa Diyos; o hindi masama sa kalikasan at diwa, hindi mapag-isip ng masama, kundi ay medyo mangmang lang sila o kulang sa kakayahan. O nasa ilalim sila ng napakaraming pagpigil, at hindi pa nauunawaan ang katotohanan, hindi pa nakapapasok sa buhay, kaya hindi nila maiwasang gumawa ng mga kahangalan o mangmang na mga pagkilos. Ngunit hindi tumutuon ang Diyos sa lumilipas na kahangalan ng mga tao; tumitingin lamang Siya sa puso nila. Kung desidido silang hangarin ang katotohanan, tama sila kung gayon, at kapag ito ang kanilang layon, nagmamasid sa kanila ang Diyos, naghihintay, at nagbibigay ng panahon at mga pagkakataon para makapasok sila. Hindi ito ang kaso na kikitilin ng Diyos ang kanilang buhay dahil sa nag-iisang paglabag. Iyon ay isang bagay na mga tao ang madalas gumagawa; hindi kailanman tinatrato ng Diyos ang mga tao nang ganoon. Kung ang Diyos ay hindi tinatrato ang mga tao sa ganoong paraan, bakit tinatrato ng mga tao ang iba nang ganoon? Hindi ba ipinapakita nito ang kanilang tiwaling disposisyon? Iyan mismo ang kanilang tiwaling disposisyon. Kailangan mong tingnan kung paano tinatrato ng Diyos ang mga taong mangmang at hangal, kung paano Niya tinatrato ang mga kulang sa gulang ang tayog, kung paano Niya tinatrato ang normal na mga pagpapamalas ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, at kung paano Niya tinatrato yaong mga may masamang hangarin. Pinapakitunguhan ng Diyos ang iba’t ibang tao ayon sa iba-ibang mga paraan, at mayroon din Siyang sari-saring pamamaraan ng pamamahala sa napakaraming kundisyon ng iba’t ibang mga tao. Kailangan mong maunawaan ang mga katotohanang ito. Kapag naunawaan mo na ang mga katotohanang ito, malalaman mo na sa gayon kung paano danasin ang mga bagay-bagay at tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Usapin, at Bagay sa Malapit). Nang matapos kaming magbasa, sinabi ni Sister Liu na isa itong magandang sipi at hiniling niyang mas magbahagi pa ako sa kanya. Nagbahagi ako sa kanya, sinasabing: “Kapag napansin natin sa mga pakikipag-ugnayan natin sa isang tao na mayroon siyang mga pagkukulang o problema, pwede natin itong banggitin sa mapagmahal at mapagtimping paraan at huwag masyadong taasan ang hinihingi sa kanya. Dapat natin siyang bigyan ng panahon na tanggapin ang katotohanan at hintayin siyang dahan-dahang gumawa ng mga pagbabago. Alam ng Diyos na lubos tayong nagawang tiwali ni Satanas, at maraming balakid at paghihirap na kasama sa pagtanggap at pagsasagawa ng katotohanan. Minsan, kahit nauunawaan natin ang katotohanan, hindi natin ito naisasagawa kaagad. Kailangang magbahagi sa atin ng Diyos nang paulit-ulit. Minsan, nag-aalala Siya na hindi tayo makakaunawa, kaya matiyaga Siyang nagbibigay ng mga halimbawa para sa atin at gumagamit ng lahat ng uri ng paraan para gabayan tayo na magkamit ng pag-unawa. Minsan, inaakay Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, minsan, sa pamamagitan ng mga payo ng ating mga kapatid. Kung minsan naman, masyado talaga tayong manhid at suwail at walang sapat na dami ng pagbabahagi ang nagbubunga ng mga resulta, kaya nagsasaayos ang Diyos ng mga praktikal na sitwasyon para ituwid, disiplinahin, pungusan, at iwasto tayo, para pukawin ang ating mga puso. Gumagawa ang Diyos sa paraang napakalumanay at mapagmahal, walang kayabang-yabang sa Kanyang ginagawa. Kahit na sa mga pagkakataong mahigpit Niya tayong itinutuwid, dinidisiplina, hinahatulan, at inilalantad, nararamdaman pa rin natin ang Kanyang pagmamahal at awa. Sa pamamagitan ng ating mga karanasan, nakikita natin kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao sa napakamaprinsipyong paraan, at hindi Niya tayo kailanman bigla-biglang pinababayaan dahil lang nabigo tayong magbago matapos marinig ang maraming katotohanan. Malaki ang pagmamahal at pasensya ng Diyos para sa sangkatauhan at Siya ay may labis na taos-pusong pagnanais na iligtas ang mga ito.”

Matapos magbahagi kay Sister Liu, bigla kong naisip: “Gaano karami sa hinihingi ng Diyos ang isinagawa ko mismo? Nagbahagi lang ako kay Sister Liu kung paano pakikitunguhan ang kanyang asawa nang tama, pero hindi ko pinakitunguhan nang tama si Sister Liu! Nang nakita kong nagagalit si Sister Liu sa kayang asawa at hindi siya nagbabago matapos kong magbahagi sa kanya nang ilang beses, sa loob-loob ko, hinuhusgahan ko siya bilang mapagmataas, walang pagkatao, puro satsat lang kulang naman sa gawa, at iba pa.” Habang inaalala kung anong ibinunyag ko, medyo nahiya ako. Isang baguhan si Sister Liu at walang masyadong karanasan, pero pinilit ko siyang kilalanin ang kanyang mapagmataas na kalikasan at hiningi na magbago siya. Nang hindi siya nagbago, nilimitahan ko siya bilang isang taong hindi naghahanap o tumatanggap ng katotohanan, at hinusgahan ko pa nga siya na may hindi mabuting pagkatao. Malinaw na hindi ko naunawaan ang kalagayan ni Sister Liu at hindi ako nagbahagi tungkol dito, pero pinilit ko pa rin siya na tumanggap, magpasakop, at magbago. Tunay na mayabang ako at wala sa katwiran. Noon ko napagtanto na ipinakita ko ang aking tiwaling disposisyon—ang kalagayan ni Sister Liu ay isang salamin lamang, hinahayaan akong makita ang sarili kong katiwalian. Kalahating taon pa lang siyang nananalig sa Diyos, kaya normal lang na hindi niya mapagnilayan at makilala ang kanyang sarili. Ilang taon na akong nasa pananampalataya at madalas na nagbabahagi ng katotohanan sa iba para lumutas ng mga problema, pero gaano ba karaming katotohanan ang talagang naisagawa ko? Hindi ba’t puro salita lang ako at wala namang pagsasagawa, gaya ng mga Pariseo na puro mga doktrina lang ang sinasabi? Sa puntong ‘yon, sumagi sa isip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “May ilang taong sinasangkapan ang kanilang sarili ng mga katotohanan para lamang gumawa at mangaral, matustusan ang iba, hindi para lutasin ang kanilang sariling mga problema, lalong hindi para isagawa ang mga iyon. Ang kanilang pagbabahagi ay maaaring may dalisay na pagkaunawa at naaayon sa katotohanan, ngunit hindi nila inihahambing ang kanilang sarili roon, ni hindi nila isinasagawa o dinaranas iyon. Ano ang problema rito? Talaga bang natanggap na nila ang katotohanan bilang kanilang buhay? Hindi, hindi pa. Ang doktrinang ipinangangaral ng isang tao, gaano man iyon kadalisay, ay hindi nangangahulugan na taglay niya ang realidad ng katotohanan. Para masangkapan ng katotohanan, dapat munang mapasok niya iyon mismo, at isagawa iyon kapag nauunawaan niya iyon. Kung hindi siya magtutuon sa sarili niyang pagpasok, bagkus ay naroon lamang para magpasikat sa pamamagitan ng pangangaral ng katotohanan sa iba, mali ang kanyang layunin. Maraming huwad na lider na ganito kung magtrabaho, walang tigil na nagbabahagi sa iba tungkol sa mga katotohanang nauunawaan nila, nagtutustos sa mga bagong mananampalataya, nagtuturo sa mga tao na isagawa ang katotohanan, na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na huwag maging negatibo. Ang mga salitang ito ay pawang maayos at mabuti—mapagmahal pa nga—ngunit bakit hindi isinasagawa ng mga tagapagsalita nito ang katotohanan? Bakit wala silang pagpasok sa buhay? Ano ba talaga ang nangyayari dito? Talaga bang mahal ng ganitong tao ang katotohanan? Mahirap sabihin. Ganito ipinaliwanag ng mga Pariseo ng Israel ang Bibliya sa iba, subalit hindi nila nagawang sundin mismo ang mga utos ng Diyos. Nang magpakita at gumawa ang Panginoong Jesus, narinig nila ang tinig ng Diyos ngunit nilabanan ang Panginoon. Ipinako nila ang Panginoong Jesus sa krus at isinumpa sila ng Diyos. Samakatuwid, lahat ng taong hindi tumatanggap o nagsasagawa ng katotohanan ay kokondenahin ng Diyos. Napakakahabag-habag nila! Kung ang doktrina ng mga salita at titik na ipinangangaral nila ay nakatutulong sa iba, bakit hindi ito nakatutulong sa kanila? Mabuti pang tawagin natin ang gayong tao na isang mapagpaimbabaw na walang realidad. Tinutustusan niya ang iba ng mga salita at titik ng katotohanan, inuutusan ang iba na isagawa iyon, ngunit hindi niya ito isinasagawa mismo kahit kaunti. Hindi ba walang kahihiyan ang gayong tao? Wala siyang realidad ng katotohanan, subalit sa pangangaral ng mga salita at titik ng doktrina sa iba, nagkukunwari siyang mayroon siya niyon. Hindi ba sadyang panlilinlang at pamiminsala ito? Kung ilalantad at palalayasin ang gayong tao, sarili lang niya ang masisisi niya. Hindi siya nararapat kaawaan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang mga salita ng Diyos ay ang eksaktong paglalarawan ng sarili kong kalagayan. Nang gunitain ko ‘yong panahon na dinidiligan ko si Sister Liu, namuhay ako ayon sa tiwaling disposisyon at hindi ko siya pinakitunguhan nang patas. Ang nakita ko lang ay kung paano ipinakita ni Sister Liu ang kanyang mapagmataas na disposisyon at hindi tinanggap ang katotohanan, pero hindi ko man lang pinagnilayan kung ano ang katiwaliang ipinakita ko mismo. Hindi ko nakilala ang sarili kong kapangitan, at garapalang pinuna si Sister Liu gamit ang mga salita ng Diyos, hinihingi na gumawa siya ng mga pagbabago. Para bang kailangan ng ibang tao na pagnilayan ang kanilang katiwalian, pero ako, hindi ako tiwali kaya hindi ko kailangang magnilay. Hindi ko talaga kilala ang sarili ko at sadyang wala akong kahihiyan! Ginamit ko ang mga salita ng Diyos para magbahagi sa iba at lutasin ang kanilang mga problema, pero hindi ako nagnilay o nagkamit ng pagpasok kahit kaunti. Ano ang ipinagkaiba nito sa mga huwad na relihiyosong Pariseo? Paano ako makakatulong sa mga tao kung ganito ko ginagawa ang tungkulin ko?

Kalaunan, nang bumalik ang asawa ni Sister Liu, sinabi niya rito na: “Kakabasa lang ng sister ko ng ilang sipi ng salita ng Diyos sa akin, at napagtanto ko na mali ako. Napipigilan kita sa pamamagitan ng aking mapagmataas na disposisyon. Sa hinaharap, magsasagawa ako ayon sa mga salita ng Diyos at titigil na sa pagtrato sa iyo nang may tiwaling disposisyon.” Nang makita kong kayang isagawa ni Sister Liu ang mga salita ng Diyos, mas lalo akong nahiya. Nilimitahan ko siya dati bilang isang taong hindi tumatanggap sa katotohanan, pero ngayon, parang isang sampal sa mukha ko ang realidad ng sitwasyon. Nung pauwi na ako, naisip ko kung paano ko nilimitahan at hinusgahan si Sister Liu at labis akong nakonsensya. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at sundin ang Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa kalooban ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawan ka ng mga ito ng puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan! Upang malutas ang problema ng paggawa ng masama, kailangan muna nilang resolbahin ang kanilang likas na pagkatao. Kung walang pagbabago sa disposisyon, hindi posibleng maghatid ng pangunahing resolusyon sa problemang ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, mas malinaw kong nakita ang sarili kong tiwaling disposisyon. Nung gunitain ko ‘yong panahon na dinidiligan ko si Sister Liu, nang hindi siya magbago matapos kong magbahagi nang ilang beses, hindi ko pinagnilayan ang sarili ko, iniisip ko pa nga na tumpak kong natukoy ang isyu at kaya kong magbahagi at lutasin ang kanyang sitwasyon. Kung hindi man sumunod si Sister Liu, ‘yon ay dahil hindi niya tinanggap ang katotohanan. Sa ilang pagkakataon ko lang nakasalamuha si Sister Liu at hindi ko talaga siya kilala, pero walang pakundangan ko pa rin siyang hinusgahan at nilimitahan, na para bang nauunawaan ko nang husto ang katotohanan at kaya kong mahalata ang diwa ng isang tao pagkatapos lang ng ilang beses na pakikisalamuha. Matapos mailantad nang paulit-ulit, napagtanto ko na hindi ko naunawaan ang ugat at diwa ng mga problema ng mga tao, at hindi ko pinakitunguhan ang mga tao batay sa kanilang pangkalahatang pag-uugali, kalikasan, at diwa. Hindi ko talaga naunawaan ang katotohanan pero lubos akong naniwala sa sarili ko at pinanghawakan ang mga pananaw ko. Wala ako ni katiting na kaalaman sa sarili ko. Napagtanto ko na kung patuloy kong pakikitunguhan ang mga baguhan ayon sa aking mapagmataas na disposisyon, pinakamagaan na kung magkakaroon ako ng pagkiling laban sa kanila, at malamang na pipigilan at ipapahamak ko sila at aantalahin ang kanilang pagpasok sa buhay. Ang pinakamalala, baka husgahan at limitahan ko sila at baka nga walang pakundangan ko pa silang pabayaan. Magiging pagkakautang iyon sa kanila. Nang mapagtanto ito, medyo natakot ako, pero gumaan din ang pakiramdam ko. Noong nagpakita ako ng mga senyales ng kayabangan, pinuna ito ng kapareha ko, hinahayaan akong makilala ang aking problema at gumawa ng napapanahong pagbabago. Ito ay proteksyon ng Diyos! Kalaunan, kinailangan kong pansamantalang iwan ang iglesia dahil sa mga pangangailangang may kinalaman sa gawain. Makalipas ang isang buwan, nang makita ko ulit si Sister Liu, sinabi niya sa akin kung paano niya naranasan at pinatotohanan ang mga salita ng Diyos habang ipinapalaganap ang ebanghelyo. Emosyonal na napabuntong-hininga, nagpatuloy siya, sinasabing, “Pero kamakailan, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo, nakita ko kung paanong ang lahat ay may iba’t ibang kuru-kuro tungkol sa Diyos. Hindi madali para sa mga tao na tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at lumapit sa Kanya. Dati, palagi kong iniisip na hindi naghahanap ang asawa ko, at inuutusan ko siyang iwasan ang maraming bagay. Masyado akong maraming hiningi sa kanya—kasalanan ko ‘yon. Talagang napakaganda ng mga salita ng Diyos at kailangan ko pang mas maranasan ang mga ito.” Nang marinig ko ito, masayang-masaya ako para sa kanya, pero medyo nahiya rin ako at naantig ang damdamin ko. Talagang kailangan ng panahon at karanasan para matanggap ng mga tao ang katotohanan. Pagkatapos nun, kapag nagpapakita ng mga senyales ng katiwalian ang mga baguhan habang dinidiligan, pinagtutuunan ko ang pagtukoy sa pinag-ugatan ng kanilang problema, at naghahanap ako ng mga nauugnay na prinsipyo para mapangasiwaan sila. Nung panahong ‘yon, nakita ko rin kung paanong ang paglapit sa Diyos at paglalatag ng pundasyon ay isang proseso na nangangailangan ng panahon. Sa proseso ng pagdidilig at pagsuporta sa kanila, pinagninilayan ko rin ang sarili ko para itama ang mga mali kong kalagayan, sinusuportahan sila nang may pagmamahal, hinahayaan silang maglatag ng pundasyon at lumapit sa Diyos sa lalong madaling panahon. Ang paggawa sa aking tungkulin sa ganitong paraan ay nagpadama sa akin ng kapayapaan at kaginhawahan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply