Hindi Mailarawang Sakit
Isang hapon, noong Disyembre 2012, nasa bus ako sa labas ng bayan para tuparin ang aking tungkulin. Nakatulog na ako nang tumunog ang cellphone ko. Sinagot ko iyon at isang pulis ang nagsabing: “Siya ’yon.” Ni hindi ako nagkaroon ng pagkakataong mag-react bago siya lumapit at kinuha ang cellphone at bag ko. Tinanong ko sila: “Anong ginagawa ninyo? May arrest warrant ba kayo?” Isa pang pulis ang sumigaw: “Tumahimik ka!” Pinilit nila akong bumaba ng bus at sumakay sa kanilang sasakyan. Hindi ko alam kung saan nila ako dadalhin o kung anong gagawin nila sa akin. Natakot ako, kaya mabilis akong nagdasal sa Diyos: “Nawa’y sumaakin ang Diyos at bigyan ako ng pananampalataya at lakas para mapanindigan ang aking patotoo.”
Sa istasyon, dinala ako ng mga pulis sa isang interrogation room at ipinosas ako sa isang upuan. Parehong nakaposas ang mga kamay at paa ko at hindi ako makagalaw. Tinanong nila ako: “Isa ka bang lider? Sinong nagpasampalataya sa’yo? Saan ka nanggaling, saan ka papunta?” Hindi ako sumagot, kaya nagsimula silang bantaan ako: “Kung hindi ka magtatapat, huhubaran ka namin, bubuhusan ng malamig na tubig, at iiwan ka sa labas para manigas.” Naisip ko kung paanong mayroon akong mahinang pangangatawan mula pa noong bata ako at talagang ayaw ko sa lamig, at may sakit din ako sa puso. Kalagitnaan ng taglamig noon, at nilalamig ako sa loob ng istasyon kahit nakasuot ako ng down jacket. Kung talagang huhubaran nila ako, bubuhusan ako ng malamig na tubig, at kakaladkarin ako palabas, mabilis akong magyeyelo, at mamamatay bago sumikat ang araw. Habang lalo ko itong iniisip, mas natatakot ako, at sa sandaling iyon naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan? Tandaan ito! Huwag kalimutan! Ang lahat ng nagaganap ay sa pamamagitan ng Aking mabuting hangarin, at ang lahat ay nasa ilalim ng Aking pagmamasid. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Binigyan ako ng pananampalataya at lakas ng mga salita ng Diyos at tahimik akong nagdasal sa Diyos: “O Diyos! Ang lahat ay nasa ilalim ng Iyong kontrol. Pinahintulutan Mo ang mga pulis na ito na arestuhin ako ngayong araw, at sasandal ako sa Iyo. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa maging isang Judas at pagtaksilan Ka. Paninindigan ko ang aking patotoo.” Nang makitang ayokong magsalita, puwersahan nilang hinubad ang down jacket ko at binuhusan ng malamig na tubig ang ulo ko. Nanginginig ako mula ulo hanggang paa. Kalaunan, binantayan pa nila ako para masigurong hindi ako nakatulog.
Kinaumagahan, tatlong tao mula sa isang special task force ang pumasok. Tiningnan ng isa sa kanila ang interrogation record tapos ay sinigawan ako: “Alam namin na isa kang lider, kung saan ka nagpunta nitong nakaraang ilang araw at kung saan ka pupunta, kaya bilisan mo’t umamin ka na!” Habang sinasabi niya iyon, lumapit siya at sinampal ang mukha ko nang may suot na leather gloves, na iniwan ang mukha kong kumikirot sa sakit. Tapos, dinala nila ako sa isa pang silid na walang surveillance camera, itinulak ako paupo sa isang bangkito, ipinosas ang mga kamay ko sa likuran ko at isinuksok ang mga medyas ko sa aking bibig. Dumampot sila ng mga tsinelas sa sahig at hinampas ako sa mukha, minumura ako habang hinahampas ako. Pagkatapos nila akong hampasin nang maiksing panahon, inalis nila sa bibig ko ang mga medyas at tinanong ako nang malumanay: “Napakatigas ng ulo mo—ayaw mong magsalita. Kailangan mo ba ng bugbog pa? Bakit nagdurusa ka na tulad nito? Puwede ka ba naming bugbugin sa ganitong paraan kung walang ebidensiya? Ano ang tungkulin mo? Sabihin mo na lang para hindi mo na kailangan magdusa pa.” Nang makita na hindi ako magsasalita, inis na isinuksok nila pabalik sa bibig ko ang mga medyas. Dalawa sa kanila ang lumakad sa magkabilang gilid ko at pinaghiwalay ang mga hita ko sa pamamagitan ng pagsiksik ng mga tuhod nila sa pagitan ng mga tuhod ko habang ang isa pa ay gumamit ng pamalong de-kuryente, at brutal na kinuryente ang pribadong bahagi ng katawan ko. Labis akong nasaktan at hindi nagtagal ay nawalan ako ng malay. Nang magkamalay ako, may humahampas sa mukha ko at sumisigaw: “Tumigil ka sa pagkukunwaring patay.” Nang makitang gising na ako, sinimulan nilang gamitin uli sa akin ang pamalong de-kuryente. Maraming beses nila akong kinuryente nang ganoon, kinukuryente ako hanggang mahimatay ako, tapos hinahampas ako para gisingin ako. Ang huling beses na nagkamalay ako, nakatihaya ako sa kongkretong sahig at isang lalaki ang malakas na tumadyak sa mukha ko. Napilipit sa sahig ang mukha ko habang ang ilan sa kanila ay nakaupo sa mesa, naninigarilyo at kumakain ng mga buto ng sunflower. Isa sa kanila, na nagngangalang Liu, ay may hawak na balat ng sunflower nang sinabi niya sa akin na: “Hindi ko kailangang magpakahirap nang ganito. Puwede kong isuksok lang ang balat na ’to sa ilalim ng mga kuko mo at susuko ka na.” Nakangiti nang masama na tinanong niya ang isa pang pulis: “Ginamit mo ba ang paraan na ’yon? Kumuha ka ng isang ice cube at ipasok mo ’yon sa kanya doon sa ibabang parte niya, tapos no’n tapos na siya. Ang maranasan ’yon ang makakatapos nito.” Tapos tumawa sila nang tumawa. Habang nakatingin sa kanila, sa grupong ’yon ng mga tampalasan at hayop, labis akong nagalit at nandiri. Tapos, sinabi sa akin ni Liu: “Kung hindi ka magtatapat, ipapadala ka namin at doon hindi sila magiging kasingbait namin sa ’yo. Ilalagay ka sa isang maliit na silid na madilim, isang silid kung saan lalaki ka man o babae, ibibitin ka nila at bubugbugin, bubugbugin ka pa hanggang sumuko ka.” Takot na takot ako na marinig silang pinag-uusapan ang mga kakila-kilabot na bagay na ’yon, na ang ilan ay nakita ko na sa TV, tulad ng pagpapahirap sa mga tao hanggang halos mamatay na sila, hanggang sa hilingin nilang mamatay na. Naisip ko sa sarili ko: sinabi ko sa kanilang may mga problema ako sa puso, pero binubugbog at pinahihirapan pa rin nila ako. Wala silang pakialam kung mabuhay o mamatay ako. Kung talagang pahihirapan nila ako na tulad no’n, pisikal ko ba ’yong kakayanin? Nagdasal ako nang nagdasal at tumawag nang tumawag sa Diyos, hinihiling sa Kanya na samahan ako, na akayin ako para manindigan sa aking patotoo at hindi sumuko kay Satanas. Noon ko naisip ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Ang malamang ang Diyos ang aking panangga, hindi na ako masyadong natakot. Nang makita na hindi pa rin ako nagsasalita, sinabi nila: “Kung magtatapat ka, pakakawalan ka namin. Kukuha kami ng pagkain at maiinom, at hindi mo na kailangang magdusa pa, at kami rin.” Ang isang pulis na mukhang ang lider ay malupit na sinabing: “Kung hindi siya aamin, bunutin ninyo ang lahat ng kuko niya sa mga kamay at paa, at ang mga ngipin din niya.” Pagkarinig no’n, muling tumigil ang puso ko, at dali-dali akong nagdasal sa Diyos: “Diyos ko, ang buhay ko’y ipinagkaloob Mo, at ang buhay at kamatayan ay nasa mga kamay Mo. Hindi ko hinihiling na mabuhay, iyon lang na sa ilalim ng pagpapahirap at mga pagbabanta ni Satanas ay hindi Kita pagtaksilan o ang aking mga kapatid, at na magawa kong tumayong saksi at ipahiya si Satanas.” Matapos kong magdasal, kumalma ang pakiramdam ko. Paano man nila ako bantaan o suhulan, hindi ako magsasalita. Pinahirapan ako ng mga pulis sa ganoong paraan sa loob ng dalawang araw at isang gabi. Mahina ang buong katawan ko at ang puso ko’y kumakabog sa pagkabalisa. Napagtanto nila na wala akong anumang sasabihin, kaya dinala nila ako sa isang detention house.
Doon, dinala ako ng isang babaeng pulis sa isang silid tapos pinilit akong hubarin ang mga damit ko at pinaikot ako nang dalawang beses. Nang makita ang mga itim na marka sa aking pribadong bahagi, tinanong niya ako kung mayroon akong kung anong uri ng sakit. Sinabi ko na wala akong sakit, na ang mga ito ay mula sa pagkuryente sa akin ng mga pulis. Hindi siya kumibo. Pagkaraan noon, sinabi niya sa mga pulis na nagdala sa akin doon: “Marami siyang malalaking itim na marka sa pribadong bahagi niya na hindi galing sa amin. Dapat pumirma kayo na hindi rin galing sa inyo ang mga ’yon.” Talagang galit na galit ako nang marinig ang pag-uusap nila. Bandang alas otso ng gabi, ang mga miyembrong ’yon ng special team ay bumalik para tanungin ako. Naramdaman kong muling tumalon ang puso ko, kaya agad akong nagdasal sa Diyos: “O, Diyos! Hindi ko alam kung paano nila ako pahihirapan ngayong araw, pakiusap samahan Mo ako at bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas.” Pagkatapos magdasal, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao. Bagaman sa pakahulugan ng ‘laman’ ay sinasabi na ginawang tiwali ni Satanas ang laman, kung tunay na ibinibigay ng mga tao ang kanilang mga sarili, at hindi nahihimok ni Satanas, kung gayon walang sinuman ang makagagapi sa kanila” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Binigyan ako ng pananampalataya ng mga salita ng Diyos. Handa akong isakripisyo ang buhay ko, na mamatay sa halip na pagtaksilan ang Diyos at traydurin ang aking mga kapatid. Para bang malaking nakasulat sa akin ang mga salitang “handang mamatay,” at nadama kong handa akong harapin ang pagpapahirap.
Tinanong ako ni Officer Liu: “Ano ang alyas mo? Ano ang alam mo tungkol sa iglesia? Bilisan mo’t umamin ka na! Hindi na kami mapapagod at hindi ka na mahihirapan.” Sabi ko: “Wala akong anumang maaamin.” Naiinis silang nagsimulang gumamit ng cold torture. Disyembre noon, ang pinakamalamig na panahon sa Hilagang-Silangang Tsina. Itinulak ako ng mga pulis papunta sa bintana, hinubad ang coat ko, pinosasan ang mga kamay ko sa likuran ko, at hinila ang damit ko pataas sa balikat ko kaya nasa bintana ang nakalantad kong likuran. Makapal na patong ng niyebe ang nasa labas ng bintana. Umihip nang umihip ang nagyeyelong hangin—sobrang lamig. Tapos hinila nila pataas ang pantalon ko hanggang sa itaas ng mga tuhod ko, inalis ang mga medyas ko, at inilagay ang mga paa ko sa isang palanggana ng tubig. Tapos, ibinuhos nila ang nagyeyelong tubig sa ulo ko, inilublob ang mga medyas ko sa tubig at ikinuskos ang mga ito sa mga binti ko, mula sa mga talampakan hanggang sa mga tuhod ko, naglagay pa nga sila ng basang basahan sa labas ng bintana hanggang manigas ito, tapos inilagay ito sa tiyan ko. Naramdaman kong tumama ang lamig sa buo kong katawan at bawat pulgada ng likod ko ay nasa hindi mailarawang paghihirap. Tapos, naglabas sila ng isang larawan at sinabi sa aking kilalanin kung sino ito, sinasabing: “Lagi kayong nagtatrabaho nang magkasama. Hindi mo puwedeng sabihin na ’di mo siya kilala.” Alam kong si Brother Wang ’yon—magkasama naming tinupad ang aming tungkulin. Nag-usap kami sa telepono isa o dalawang araw bago ako arestuhin. Mula sa suot niyang dilaw na tsaleko sa larawan, alam kong naaresto rin siya. Naisip ko, “Alam na ng mga pulis na magkakilala kami, kaya kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, hindi sila maniniwala sa akin. Anong gagawin ko?” Nagdasal ako nang nagdasal at tumawag nang tumawag sa Diyos. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Hindi ka dapat matakot dito at doon; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Ang mga salita ng Diyos ay nakatulong sa aking mas makaramdam ng kompiyansa. Gaano man karami ang alam ng mga pulis tungkol sa iglesia, hindi ko puwedeng kilalanin ang aking kapatid. At talagang hindi ko sila puwedeng bigyan ng anumang impormasyon tungkol sa kanya. Hindi ako kumibo, kaya sinimulan nila akong bantaan, sinasabing: “Huwag nang matigas ang ulo mo. Wala rin siyang sinasabing anuman noong una. Pagkatapos naming gumamit ng isang metal hook sa singit niya nang ilang beses, hindi na niya kinaya at nagsalita na siya.” Nagagalit at nandidiri, ibinaling ko palayo ang mukha ko. Naglakad sila palapit at, nakasuot ng leather gloves, sinimulan nila akong marahas na sampalin sa mukha. Sa takot na masyadong mamaga ang mukha ko para matanggap ng mga tao sa detention house, pinapahiran nila ang mukha ko ng malamig na tubig pagkalipas ng kaunting panahon, tapos magsisimula uli. May naramdaman ako sa bibig ko, at nang dumura ako, dugo lang ang lumabas. Hindi sila tumigil, magpapahinga sila sandali, tapos magpapatuloy na sampalin ako. Binugbog nila ako hanggang sa nahihilo na ako at nakakakita ng mga bituin. Nakaharap pa rin sa bukas na bintana ang likod ko at patuloy nila itong pinapahiran ng malamig na tubig. Ang buong katawan ko’y natupok ng daluyong ng hindi mailarawang sakit. Patuloy nila akong sinampal at tapos ay binuhusan ang ulo ko ng malamig na tubig, tapos sinampal ako uli at binuhusan pa, pinahirapan ako nang ganoon buong gabi. Nawalan ng pakiramdam ang aking katawan at nawawalan na ako ng malay nang maisip kong, “Mamamatay na ba ako?” Bahagya kong naramdaman na may nagbukas sa mga talukap ng mata ko at binuhat ako sa isang tabi. Ilang tao ang nagtipon sa paligid ko, may ginagawa, at pagkatapos nawalan ako ng malay. Hindi ko alam kung gaano katagal ang lumipas nang may marinig akong nagsasabing: “Ayon lang ’yan, hindi siya mamamatay.” Nagsikap akong imulat ang mga mata ko at nakita ko silang kinukuskos ang mga kamay at paa ko, at unti-unting bumalik ang pakiramdam sa aking katawan.
Araw na noon, at may bagong grupo ng taong nagbabantay sa akin at hindi ako hinahayaang matulog. Tapos, may isang taong naglakad papasok mula sa katabing silid, kinuhaan ako ng litrato, at umalis. Narinig kong malakas na sinabi ng isang tao sa katabing silid: “Sino ang taong ’to?” Wala akong narinig na sagot, pero pagkatapos no’n naririnig ko ang tunog ng isang taong hinahampas. Naririnig ko na ito ay isang sister na miserableng sumisigaw. Pakiramdam ko’y hiniwa ng kutsilyo ang puso ko. Alam kong pinili ng sister na mabugbog sa halip na traydurin ako. Napakasama ng pakiramdam ko at hiniling ko na sana ako na lang ang bugbugin nila, at pakawalan na ang sister. Pero ang nagawa ko lang ay tahimik na magdasal para sa kanya at hilingin sa Diyos na protektahan siya at bigyan siya ng pananampalataya. Buong araw nila siyang pinahirapan nang ganoon.
Kinagabihan, dumating ang mga pulis para tanungin akong muli. Sinubukan ng isa sa kanila na himukin ako: “Maaaring wala kang pakialam sa sarili mo, pero isipin mo sila. Kung aamin kang isa kang lider, ikaw lang ang sesentensiyahan namin. Hindi sila mahalaga—pakakawalan namin sila. Kung hindi ka aamin, lahat ng kuwarenta o higit pa ay ihihilera at uutusang kilalanin ka. Ang mga tatanggi ay mabubugbog sa huli tulad ng nasa katabing silid.” Nang marinig ko ’yon, naalala ko ang tagos sa pusong mga sigaw ng sister kanina. Mayroon ding mga kapatid na ipinakita nila sa akin sa computer, kabilang ang dalawang nakatatandang sister na lampas sisenta ang edad na malubhang may sakit. Naisip ko sa sarili ko: “Dapat magtapat na lang ako at hayaan silang mag-isa akong sentensiyahan para hindi na kailangang magdusa ng mga kapatid.” Nang aminin ko na isa akong lider ng iglesia, agad niyang inalis ang posas ko, ipinagbuhos ako ng tubig sa isang tasa, at apurahan akong tinanong: “Kung gayon sino ang isa pang lider? Isa kang lider, kaya tiyak na alam mo kung nasaan ang pera ng iglesia, tama ba?” Tiningnan ko siya at naisip: Ang pera ng iglesia ay handog sa Diyos ng hinirang na mga tao ng Diyos. Wala iyong kinalaman sa inyong mga demonyo. Ang pagnanais na samsamin iyon ay walang kahihiyang kasamaan! Nang makita na hindi ako sumasagot, patuloy silang nagtanong hanggang halos bukang-liwayway na, pero wala silang nakuhang anuman mula sa akin at ibinalik ako sa detention house. Pero sa sandaling naroon na ako, hindi ako makatulog. Kung iisipin ang kanilang mala-demonyong mga pakana, kailanman ay hindi nila ako sesentensiyahan nang ako lang mag-isa at pakakawalan ang ibang kapatid. Napakahangal ko na hinayaan ko ang sarili kong maloko. Isa pa, inamin ko na isa akong lider, na naglagay sa panganib sa lahat ng kapatid na nakausap ko sa telepono. Talagang kinamuhian ko ang sarili ko. Nang makita kung gaano kadaya ang mga pulis, kinailangan kong mas lalong magdasal at sumandal sa Diyos, kung hindi, maaari akong mahulog sa mas marami pang panlalansi ni Satanas.
Sa gabi ng ika-24, dinala ng mga pulis ang nakababata kong kapatid. Dahil medyo nakaramdam ako ng pagkataranta, paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos: “O, Diyos! Tiyak na walang mabubuting hangarin ang mga pulis sa pagdadala sa pamilya ko rito. Sinusubukan nila akong hikayatin na pagtaksilan Ka. Diyos ko, alam ko na hindi ko ito kayang gawin nang mag-isa, nawa’y bantayan at protektahan Mo ako, at gabayan ako para mapagtagumpayan ang mga panunukso ni Satanas.” Matapos kong magdasal, mas kalmado na ako. Nang makita ako ng kapatid ko, umiyak siya at sinabing: “Sumosobra na ito. Nakipag-usap ako sa ilang abogado at gumastos ng malaki sa consultation fee, at sinabi nilang lahat na hindi ka nila matutulungan. Sinabi sa akin ng Public Security Bureau na hahatulan ka ng hindi bababa sa tatlong taon. Sabihin mo na lang sa kanila kung ano ang nalalaman mo.” Hindi ako kumibo. Kalaunan, sinabi sa akin ng kapatid ko na hinalughog ng mga pulis ang bahay ko, pero wala silang nakitang kahit ano. Naalala ko na mayroon akong ilang libro ng mga salita ng Diyos doon, at ang hindi pagkakita sa mga iyon ng mga pulis ay isang pagpapala mula sa Diyos. Patuloy akong sinubukang himukin ng kapatid ko at nang makita ng mga pulis na hindi ako kumikibo o kahit umiiyak, binantaan nila ako: “Kung hindi ka aamin, makukulong ka at hindi makakasali sa hukbo ang pamangkin mo paglaki niya. Sinasaktan mo ang sarili mo at ang pamilya mo. Kailangan mong isipin ang iba.” Alam ko na ginagamit nila ang mga emosyon ko para hikayatin ako sa isang bitag. Wala akong anak, kaya ginamit nila ang pamangkin ko para bantaan ako. Naisip ko sa sarili ko, “Ang mangyayari sa pamangkin ko paglaki niya ay nasa mga kamay ng Diyos, wala iyong kinalaman sa inyo. Gusto pa ninyong makuha ang pera ng iglesia mula sa akin—mag-isip kayo ulit.” Hindi pa rin ako kumibo.
Sa sumunod na interogasyon ng special task force, ipinakita nila sa akin ang isang video ng kanilang deputy director kasama ang isang sister na naghohost. Nabigla ako. Paano nila siya nahanap? Tinanong nila ako: “Nagulat ka? Kilala mo ba siya?” Sabi ko, “Hindi.” Nagalit sila at nagmura, “Hindi mo siya kilala? Bakit niya sinabing nakilala ka niya mula sa isang larawan?” Napaisip ako kung talaga bang tinraydor niya ako, at kung ano ang dapat kong gawin. Bigla kong naisip ang mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking bahay para sa Akin; … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na mapagtanto na ito ay isang panlalansi ni Satanas. Pinagtaksilan man niya ako o hindi, hindi ko siya puwedeng traydurin. Ang pagkilala sa kanya ay gagawin akong isang Judas at magiging pagtataksil iyon sa harap ng Diyos. May kumpiyansa kong sinabi, “Hindi ko kilala ang taong ’to.” Naiinis na sinabi ng pulis: “Hayaan mong sabihin ko sa’yo ang totoo, hindi makabubuti sa’yo ang hindi pagsasalita. Naisisi na namin sa’yo ang lahat ng nalalaman namin, at sasabihin naming ikaw ang nagtraydor. Kahit na makalabas ka, hindi ka na gugustuhin pa ng iglesia mo.” Medyo nabahala ako roon. Kung talagang ginawa nila ’yon, iisipin ba talaga ng iglesia na isa akong Judas at hindi na ako gugustuhin pa? Pero pagkatapos ay naisip ko, nakikita ng Diyos ang loob ng puso ng mga tao, kaya malalaman Niya kung nagtraydor ako o hindi. Naniniwala ako na matuwid ang Diyos at alam ang lahat. Sinabi ko pa rin na hindi ko siya kilala. Ang pagkapahiya na ito ay nagpagalit sa mga pulis. Itinulak nila ako sa bintana, hinubad ang coat ko, binuksan ang blouse ko, inirolyo pataas ang pantalon ko, at binuhusan ulit ako ng malamig na tubig. Hanggang sa umaga ng ikalawang araw, nawala ang halos lahat ng pakiramdam ng mga kamay at paa ko. Namaga ang mga paa ko hanggang sa puntong ni hindi ako makapagsuot ng tsinelas. Patuloy nila akong tinanong kung nasaan ang pera ng iglesia at sinubukan na mapangalanan ko ang aking mga kapatid. Wala akong sinabi, kaya patuloy nila akong pinahirapan gamit ang lamig. Marahas na sinabi ng isang pulis: “Hindi mahalaga kung mamatay kayong mga mananampalataya. Kung hindi ka aamin, papatayin kita.” Naisip ko, “Puwede mo akong patayin—hindi ko pagtataksilan ang Diyos o ang mga kapatid kailanman.” Kalaunan, nalaman ko mula sa kanila na hindi ako pinagtaksilan kailanman ng sister. Gumagawa sila ng mga kasinungalingan para lansihin ako. Mula sa kaibuturan ng puso ko, nagpasalamat ako sa Diyos sa pagprotekta sa akin mula sa pagkahulog sa bitag ni Satanas.
Pinahirapan ako nang ganoon sa loob ng dalawang araw. Minsan, isang singkuwenta o sisenta anyos na pulis ang lumakad papasok na may malaswang ngiti sa mukha, at tinanong si Officer Liu, “Nagamit mo na ba ang paraan na ’yon?” Sabi ni Liu, “Hindi pa.” Umalis ang ibang pulis at lumapit siya sa harap ko, ipinasok ang mga kamay niya sa blouse ko, at mariing pinisil ang mga utong ko. Napakatindi ng sakit pero nakaposas ang mga kamay ko sa likuran ko at hindi ako makagalaw, kaya kinailangan kong tiisin ang pang-aabuso. Galit na galit ako, at naisip ko sa sarili ko: Habang lalo kang walang kahihiyan at malupit, mas malinaw sa akin ang iyong kasamaan. Paano mo man ako pahirapan at ipahiya, hindi ko pagtataksilan ang Diyos. Tumibay, pinagngalit ko ang aking mga ngipin at ibinaling ang mukha ko sa isang panig. Tapos, lumipat siya papunta sa tiyan ko at hinawakan ako sa loob nang marahil ay dalawampung minuto, at hindi niya inalis ang kamay niya hanggang sa bumalik ang dalawang pulis na nagtatanong sa akin. Pagkatapos no’n, sinimulan nila akong pahirapan ulit gamit ang lamig, katulad ng dati. Bawat beses ay isinandal nila ako sa bintana para malamigan nang ilang oras. Kapag nakita nila akong naninigas na sa lamig, itinutulak nila ako sa gilid at isinasara ang bintana para hayaan akong magpainit nang kaunti. Kapag mainit na ako, palalamigin nila ako ulit. Sobrang nanlalamig na ako na nagkikiskisan na ang mga ngipin ko at ang buong katawan ko ay nanginginig na hanggang sa punto na nagsimulang kumalampag ang upuang bakal. Nang makita akong ganito, kinutya nila ako. Paulit-ulit akong pinahirapan, kaya labis na humina ang katawan ko, minsan nakakatulog pa ako habang pinahihirapan. Nang makitang hindi ako magsasalita kahit ano pang mangyari, sinimulan nila akong bantaan, sinasabing: “Kung tatanggi ka pa ring magsalita, ilalagay namin ang crime unit sa kaso mo, at hindi sila magiging kasingbait namin.” Galit na galit ako na tinanong ko sila: “Anong batas ang nilalabag ng pananampalataya ko? Pumatay ba ako, o nanunog, o nagnakaw para pahirapan ninyo ako nang ganito?” Naiilang na tahimik silang sumagot: “Hindi mo nilabag ang batas.” Tapos lumabas na lang sila. Naisip ko sa sarili ko: Nananampalataya lang ako sa Diyos, hindi ako lumabag ng anumang batas. Ang Partido Komunista ay gumawa ng kaguluhan at gumamit ng lahat ng uri ng kasuklam-suklam na pamamaraan laban sa akin. Ngayon ay darating ang crime unit para tanungin ako. Hindi talaga sila titigil hanggang sa patay na ako! Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan,[1] walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[2] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? … Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinutulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga pandarayang lahat para pagtakpan ang kasalanan!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Idinedeklara ng Partido Komunista sa mundo na may kalayaan sa relihiyon at na ang mga mamamayan nito ay may personal na kalayaan, pero sa totoo ay hindi nito pinahihintulutan ang mga tao na manampalataya sa Diyos at sundan ang tamang daan. Ginagamit nito ang lahat ng uri ng brutal at kasuklam-suklam na pamamaraan para usigin ang hinirang na mga tao ng Diyos. Walang kabuluhan nitong tinatangkang sirain ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nakita ko na ang Partido ay isang masamang demonyo na lumalaban sa Diyos at pinipinsala ang mga tao! Habang lalo nila akong inuusig, mas tatanggihan at tatalikdan ko sila. Nagdasal ulit ako sa Diyos, inilalagay ang aking buhay at kamatayan sa Kanyang mga kamay anumang unit ang ilagay nila sa kaso ko. Ibinigay sa akin ng Diyos ang aking hininga, kaya handa akong ipagkatiwala ang buhay ko sa Diyos at magpasakop sa Kanyang mga plano.
Sa mga sumunod na interogasyon, anuman ang ginawa nila sa akin, nagdasal ako sa Diyos at sumandal sa Kanya, kaya wala akong sinabi. Tapos, nakita kong pabawas nang pabawas ang sigasig nilang tanungin ako, habang ang pananampalataya ko ay palakas nang palakas. Gumamit sila ng lahat ng uri ng panlalansi at malulupit na pamamaraan para pahirapan ako nang halos dalawampu’t anim na araw. Sinabi sa akin ng isa pang preso, “Nagbenta ako ng droga, at dinala rito at binugbog nang isang gabi, kapag kayong mga mananampalataya ang nahuhuli, grabe kayo bugbugin!”
Kalaunan, napagtanto nila na hindi sila makakakuha ng anumang impormasyon tungkol sa iglesia mula sa akin at nagbayad ang kapatid ko ng 20,000 yuan para makagamit ng mga koneksiyon, kaya pinayagan nila akong magpiyansa habang nakabinbin ang paglilitis. Payat na payat ako nang palayain ako at nagkaroon ako ng malubhang rayuma dahil sa cold torture. Masakit ang lahat ng aking kasukasuan at hindi ko maiangat ang leeg ko. Ang kalupitan ng Partido Komunista ay nag-iwan ng malalim na marka sa katawan at isip ko. Sa panahong ’yon, kahit na labis akong nagdusa, tunay kong naramdaman na palaging nasa tabi ko ang Diyos pinoprotektahan ako, ginagamit ang Kanyang mga salita para gabayan ako at bigyan ako ng pananampalataya at lakas para mapagtagumpayan ko ang kalupitan ng diyablo. Puno ako ng pasasalamat at papuri para sa Diyos at mayroong pananampalataya na sumunod sa Diyos buong buhay ko, na gugulin ang sarili ko para sa Kanya at suklian ang Kanyang pag-ibig.
Mga Talababa:
1. Ang “nagpaparatang nang walang batayan” ay tumutukoy sa mga paraan kung paano pinipinsala ng diyablo ang mga tao.
2. Ang “mahigpit na binabantayan” ay nagpapahiwatig na ang mga paraan kung saan pinahihirapan ng diyablo ang mga tao ay lalo nang malupit, at kontrolado nang labis ang mga tao na wala na silang makilusan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.