Hindi Ko Na Lilimitahan ang Diyos
Nananampalataya ako sa Panginoong Jesus kasama ang aking ina mula pa sa murang edad at tinamasa ko ang Kanyang masaganang biyaya. Lubos nitong ipinaramdam sa akin ang matinding awa at pagmamahal ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan. Nasanay akong tumawag sa Kanya para humingi ng biyaya. Sa tuwing nagkakaproblema ako, nananalangin ako sa Panginoon at kapag nagkakasala ako, lumalapit ako sa Kanya para magtapat. Dahil ang Panginoon ay maawain at mapagmahal, lagi Niyang pinapatawad ang mga kasalanan ko.
Isang araw nung Mayo ng 2019, nakilala ko sina Sister Zhang at Sister Li sa Facebook. Sama-sama kaming sumali sa isang Bible study group at nalaman kong may malalim na pagkaunawa ang pagbabahagi ni Sister Li tungkol sa Bibliya. Minsan, sa isang pagtitipon, sinabi ni Sister Li: “Sinabi ng Panginoon na paparito Siyang muli sa mga huling araw, kaya kailan natin Siya masasalubong? Sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig’ (Juan 10:27). ‘Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko’ (Pahayag 3:20). Pati na rin ang, ‘Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia’ (Pahayag 2:7). Mula sa mga talatang ito, makikita natin na sa pagparito ng Panginoon sa mga huling araw, ipahahayag Niya ang Kanyang mga salita. Ang susi sa pagsalubong sa Panginoon sa mga huling araw ay ang pakikinig nang mabuti sa tinig ng Diyos. Kapag naririnig natin ang tinig ng Diyos, masasalubong natin ang Panginoon tulad ng matatalinong dalaga.” Laking gulat ko nang marinig ko ang pagbabahagi ni Sister Li. Hindi pa ako nakarinig ng mga salitang may ganoon kalalim na pagkaunawa. Natukoy niya ang susi sa pagsalubong sa Panginoon. Hindi ko ito kailanman napagtanto dati. Pagkatapos nun, ipinakita sa akin ni Sister Li ang isang kaaya-ayang video ng himno. Sa dulo ng video, nakita kong sinabi roon, “Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos,” at nagkainteres ako. Nang matapos ang Bible study, nagmadali akong mag-online para magsaliksik. Marami akong nakitang negatibong impormasyon kung kaya dali-dali akong nakipag-ugnayan kay Sister Zhang para mas may malaman pa. Sinabi ni Sister Zhang na ang pagsalubong sa Panginoon ay isang napakalaking bagay at hinimok ako na huwag magpadala sa sabi-sabi. Dapat ko munang isantabi ang aking mga alalahanin at mapagpakumbabang maghanap para makita ko kung ito ang tunay na daan. Pagkaraan ng ilang araw, inanyayahan ako ni Sister Zhang na dumalo sa isang pagtitipon. Nagtalo ang kalooban ko: Dapat ba akong pumunta o hindi? Talagang may malalim na pagkaunawa ang pagbabahagi ni Sister Li tungkol sa Bibliya at gusto kong makarinig ng higit pa, pero nag-aalala rin ako na ang ipinangangaral niya ay hindi ang tunay na daan. Sa gitna ng aking pag-aalinlangan, nanalangin ako sa Panginoon, hinihingi ang Kanyang patnubay. Pagkatapos nun, dumalo ako sa pagtitipon.
Sa pagtitipon, tuwang-tuwang sinabi sa akin ni Sister Li: “Nagbalik na ang Panginoong Jesus bilang ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao. Winakasan ng Makapangyarihang Diyos ang Kapanahunan ng Biyaya at itinatag ang Kapanahunan ng Kaharian, nagpahayag ng milyun-milyong salita at, sa pundasyon ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus, ginagampanan Niya ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos, para lubusang dalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Ang mga salitang ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ay pawang ang katotohanan at inihahayag nito ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang tatlong yugto ng Kanyang gawain, at ang tagong kuwento ng Bibliya. Sinasabi rin ng Kanyang mga salita ang pinagmumulan ng pagiging makasalanan ng sangkatauhan, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan sa mga hakbang-hakbang na yugto, at ang kahulugan ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ipinakita rin sa atin ng Diyos ang mga paraan kung saan makakamit ng mga mananampalataya ang kaligtasan. Halimbawa, idinetalye ng Diyos kung paano mararanasan ang paghatol ng Kanyang mga salita upang iwaksi ang ating katiwalian, kung paano isasagawa ang katotohanan at magiging matapat na mga tao, kung paano matatakot sa Kanya at lalayo sa kasamaan upang maging mga taong gumagawa ng Kanyang kalooban, at iba pa. Tinupad ng mga salita at gawain ng Makapangyarihang Diyos ang propesiya ng Panginoong Jesus: ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating’ (Juan 16:12–13). ‘Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw’ (Juan 12:48). ‘Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos’ (1 Pedro 4:17).” Nang marinig kong sinabi ng sister na ang Panginoong Jesus ay nagbalik na bilang ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao, hindi ako nangahas na paniwalaan ito kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, at naisip ko kung paanong sinabi ng Diyos: “Mapapalad ang mga mapagpakumbaba ang espiritu: sapagkat kanila ang kaharian ng langit” (Mateo 5:3). Naisip ko: “Isang malaking bagay ang pagbabalik ng Diyos, hindi ako pwedeng basta-bastang gumawa ng anumang mga konklusyon. Dapat akong maging isang mapagpakumbabang naghahanap at patuloy na makinig.”
Pagkatapos nun, pinabasa sa akin ni Sister Li ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmalagian at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ang tanging landas para makilala ang Diyos at sang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga regulasyon, ng mga salita, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno ang mga hindi natustusan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila makikita ang Diyos? Kung nagsisikap ka lamang na panghawakan ang nakaraan, nagsisikap lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano ang mga ito sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang umiiral na katayuan at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman naluluma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salitang magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagninilay-nilay ang pagkakaibang ito? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwagang napapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Iminumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Habang nagbabasa ako, nagsimula kong maramdaman na may kakaiba sa mga salitang ito at hindi ko maiwasang makaramdam ng paggalang dito: Napakahigpit pakinggan ng mga salitang ito, masyadong mapanakit—bawat salita at parirala ay puno ng awtoridad at kapangyarihan. Tila hindi ito mga salita na bibigkasin ng sinumang mortal. Ang Diyos lamang ang makakapagsalita nang ganito. Pero naisip ko rin noon, “Hindi ‘yan tama, mahabagin at mapagmahal ang Diyos—ang Kanyang mga salita ay puno ng ginhawa at pagkagiliw. Pero ang mga salitang ito ay napakahigpit, parang isang pagsumpa o pagkondena sa sangkatauhan. Mga salita ba talaga ito ng Diyos? Kung iisipin kung gaano kapuno ng awtoridad ang mga salitang ito, tiyak na mga salita ito ng Diyos, hindi ba? Pero kung talaga ngang ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus, dapat nagsasalita Siya sa paraang pareho ng sa Panginoong Jesus. Dapat mahabagin at mapagmahal Siya, at ang Kanyang mga salita ay dapat banayad at maalalahanin. Pero napakahigpit ng pananalita ng Makapangyarihang Diyos, Siya ba talaga ang nagbalik na Panginoong Jesus?” Litong-lito ako.
Pagkatapos nun, sinabi ko kay Sister Li ang tungkol sa mga pagdududa ko at matiyaga siyang nagbahagi sa akin, sinasabing: “Noon pa man, naniniwala na tayong ang Diyos ay mahabagin at mapagmahal, na nagsasalita Siya sa atin sa paraang banayad at maalalahanin, at kaya, kung mahigpit ang mga salita Niya, hindi ito ang mga salita ng Diyos. Pero umaayon ba talaga ang ideyang ito sa mga katunayan at sa katotohanan? Sa totoo lang, sa bawat kapanahunan, ang Diyos ay hindi lamang nagsalita ng maalalahanin at pampatibay-loob na mga salita, kundi pati na rin ng mga salitang sumasaway, humahatol, at sumusumpa sa mga tao. Hindi lang kasi natin ito binigyang-pansin. Tingnan natin kung paanong nakatala ito sa Bibliya: Sinabi ng Diyos na si Jehova: ‘Ang kaniyang mga bantay ay mga bulag, silang lahat ay walang kaalaman; silang lahat ay mga piping aso, sila’y hindi makatahol; mapanaginipin, mapaghiga, maibigin sa pagidlip. Oo, ang mga aso ay matatakaw, sila’y kailan man ay walang kabusugan; at ang mga ito ay mga pastor na hindi nangakakaunawa: sila’y nagsilikong lahat sa kanilang sariling daan na mula sa lahat ng dako, bawa’t isa’y sa kaniyang pakinabang’ (Isaias 56:10–11). At sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawala kayo sa kahatulan sa impiyerno?’ (Mateo 23:33). ‘Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, baka yurakan ng kanilang mga paa, at mangagbalik at kayo’y lapain’ (Mateo 7:6). Marami pang talatang tulad nito. Mula sa mga talatang ito, makikita natin na sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya, sinaway, kinondena, at sinumpa ng Diyos ang mga tao. Bagamat mahigpit pakinggan ang Kanyang mga salita at nakakasakit nang husto, lahat ito ay totoo at lahat ay naglantad sa diwa ng mga tao na lumalaban at naghihimagsik sa Diyos. Sa katunayan, banayad man o mahigpit ang mga salita ng Diyos, ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Kung hindi natin nauunawaan ang disposisyon ng Diyos at nililimitahan natin Siya bilang mahabagin at mabait, makakabuo tayo ng ilang opinyon kapag Siya ay nagsasalita nang mahigpit, sa pag-iisip na nagsasalita lamang ang Diyos sa banayad na paraan at hindi dapat magsalita sa gayon kahigpit na tono, at kaya, ang gayong mga salita ay hindi maaaring sa Diyos. Ang pagbatay ng ating pagpapasya sa kung ang mga salita ay banayad o mahigpit ay mali at isang bunga ng ating sariling mga kuru-kuro at paniniwala. Halimbawa, kung kinikilala lang natin ang ating mga magulang bilang ating mga magulang kapag kinakausap nila tayo nang malumanay, pero hindi natin sila kinikilala bilang ating mga magulang kapag mahigpit nila tayong kinakausap o pinagagalitan tayo sa paggawa ng mali, hindi ba’t kalokohan iyon?” Matapos marinig ang pagbabahagi ng sister, labis na naging mas malinaw sa akin ang isyung ito. Naisip ko: “Tama ‘yon, malumanay man o mahigpit tayong kausapin ng mga magulang natin, hindi ba’t sila pa rin ang magulang natin? Ang Diyos na si Jehova at ang Panginoong Jesus ay pawang nagsalita nang mahigpit noon, kaya bakit hindi ko ito napansin dati? Sa palagay ko, talagang mali na tukuyin kung ito ba ay mga salita ng Diyos batay sa kung ang mga ito ay banayad o mahigpit.” Matapos kong mapagtanto ito, hindi na ako gaanong nakadama ng paglaban. Pero sa tuwing nagbabasa ako ng mga sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa sangkatauhan, nababalisa talaga ako, na para bang nakondena ako. Palagi akong urong-sulong: Mahabagin at mapagmahal ang Panginoong Jesus, kaya bakit napakahigpit ng Makapangyarihang Diyos at laging nagagalit sa mga tao? Minsan sa isang pagtitipon, tinanong ko ang isang sister: “Hindi ko talaga makita na iisang Diyos ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus—masyadong magkaiba ang disposisyon nila. Kapag inilalarawan ko sa isip ang Panginoong Jesus, naiisip ko kung paanong mahabagin at mapagmahal ang Diyos, pero ang Makapangyarihang Diyos ay tila napakahigpit, at karamihan sa mga sinasabi Niya ay paglalantad at pagsusuri sa mga tao. Bakit masyadong magkaiba ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus?”
Nagbahagi ang sister sa pagsasabing: “Madalas na may ganitong kalituhan ang mga tao at ang pangunahing dahilan nito ay hindi nila nauunawaan ang disposisyon ng Diyos. Balikan natin ang nakaraang gawain ng Diyos. Sa sandaling medyo maunawaan natin ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kusang malulutas ang problemang ito. Alam nating lahat na nang mapansin ng Diyos ang kasamaan ng mga tao sa Sodoma at Ninive, galit na galit ang Kanyang disposisyon at nagpasya Siyang wasakin ang dalawang lungsod na ito. Bago wasakin ang mga ito, nagpadala ang Diyos ng dalawang anghel sa Sodoma at si Lot lang ang nagpatuloy sa kanila. Ang ibang mga naninirahan ay hindi lamang hindi tinanggap ang mga anghel, gusto pa nilang patayin ang mga ito. Nakita ng Diyos ang kanilang kasamaan at nagalit nang husto. Matapos iligtas ng mga anghel si Lot at ang kanyang pamilya, nagpaulan ang Diyos ng apoy mula sa kalangitan, nilipol ang lahat ng tao, hayop, at halaman sa lungsod. Ngayon, tingnan natin ang Ninive. Binalak din ng Diyos na wasakin ang lungsod na ito, kaya’t ipinadala Niya si Jonas upang ihatid ang Kanyang mensahe: ‘Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak’ (Jonas 3:4). Nang marinig ng hari ng Ninive ang mga balitang ito, pinamunuan niya ang mga tao sa kanyang lungsod sa pagsusuot ng sako, pag-upo sa abo, pag-aayuno, pagdarasal, pagwawaksi sa kasamaang ginagawa nila, at pagsisisi sa Diyos. Nang makita ito ng Diyos, binawi Niya ang Kanyang poot, at mahabaging iniligtas sila sa kapahamakan. Mula sa magkaibang saloobin ng Diyos sa Ninive at Sodoma, makikita natin na ang disposisyon ng Diyos ay totoo at malinaw. Hindi lang Siya mapagmahal at mahabagin, kundi maharlika at mapagpoot din. Kapag nagkakasala ang mga tao, binibigyan sila ng Diyos ng pagkakataong magsisi, ipinapakita sa kanila ang Kanyang mapagmahal at mahabaging disposisyon. Kapag ang mga tao ay matigas ang ulo at ayaw magsisi, kapag suwail pa nga silang lumalaban sa Diyos at sumisigaw laban sa Kanya, inilalabas ng Diyos ang Kanyang matinding galit sa kanila, ipinapakita ang Kanyang matuwid at maharlikang disposisyon. Tinutulutan tayo nitong makita na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi lamang mapagmahal at mahabagin, kundi maharlika at mapagpoot din. Ang dalawang aspetong ito ay nakapaloob sa likas na disposisyon ng Diyos.
Isipin natin ngayon ang Kapanahunan ng Biyaya kung saan ginawa ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain. Kapag nagkakasala ang mga tao at lumalapit sa Panginoon para magtapat at magsisi, pinapatawad Niya sila sa kanilang mga kasalanan at binibigyan sila ng masaganang biyaya, kaya maraming tao ang naniniwala na ang disposisyon ng Panginoon ay mapagmahal at mahabagin lamang at hindi mapagpoot at mapanumpa. Ang totoo, mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ito ng mga tao. Sa mga Pariseo na kumondena at lumaban sa Panginoon at hayagan pa ngang nagprotesta laban sa Kanya, puno ng matinding poot ang Panginoong Jesus. Kinondena at sinumpa Niya sila at binigkas ang pitong pagtuligsa sa kanila. Wala Siyang kahit katiting na awa sa kanila. Mula rito, makikita natin na mula sa panahon ng paglikha hanggang sa kasalukuyan, palaging ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa sangkatauhan. Ang Diyos ay mapagmahal at mahabagin, pero maharlika, mapagpoot, mapanumpa, at mapagparusa rin. Gaya ng sinasabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Ang habag at pagpapaubaya ng Diyos ay talagang umiiral, ngunit ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos kapag pinapakawalan Niya ang Kanyang poot ay nagpapakita rin sa tao ng panig ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng paglabag. Kapag kaya na ng tao na sundin nang ganap ang mga utos ng Diyos at kumilos alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, masagana ang habag ng Diyos sa tao; kapag ang tao ay napuno ng katiwalian, pagkamuhi at pagkapoot sa Kanya, napakatindi ng galit ng Diyos. Hanggang saan ang tindi ng Kanyang galit? Mananatili ang Kanyang poot hanggang hindi na nakikita ng Diyos ang pagsuway at masasamang gawa ng tao, hanggang sa mawala na ang mga ito sa Kanyang paningin. Saka lamang mawawala ang galit ng Diyos. … Siya ay mapagparaya at maawain sa mga bagay na mabait, at maganda, at mabuti. Sa mga bagay na masama, at makasalanan, at nakasusuklam, malalim ang Kanyang poot, sa paraang hindi Siya tumitigil sa Kanyang pagkapoot. Ito ang dalawang pangunahin at pinakakilalang aspeto ng disposisyon ng Diyos, at, higit pa rito, naibunyag ang mga ito ng Diyos mula simula hanggang katapusan: saganang habag at malalim na poot’ (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, makikita natin na ‘saganang habag at malalim na poot’ ay ang dalawang aspeto ng disposisyon ng Diyos na patuloy Niyang ipinapakita sa sangkatauhan. Ang dalawang aspetong ito ng Kanyang disposisyon ay hindi magkasalungat. Lahat ito ay bahagi ng Kanyang likas na disposisyon. Hindi natin dapat limitahan ang Diyos bilang may kakayahan lang na magbigay ng awa at hindi maghasik ng poot batay sa katunayang natamasa natin ang Kanyang biyaya noon. Ang ganitong uri ng pagkaunawa ay masyadong may kinikilingan.” Nang marinig ko ito, napagtanto ko na ang Diyos ay hindi lamang mapagmahal at mahabagin, kundi maharlika, mapagpoot, at mapanumpa rin. Ang lahat ng ito ay mga aspeto ng likas na disposisyon ng Diyos. Dahil hindi ko masyadong nauunawaan ang disposisyon ng Diyos kung kaya’t nagkimkim ako ng isang may kinikilingang paniniwala na ang Diyos ay mahabagin at mapagmahal lamang. Mga kuru-kuro at imahinasyon ko lang talaga ang mga ito at hindi naaayon sa realidad. Natanto ko na kailangan kong makinig sa mas marami pang pagbabahagi para lumalim ang pagkaunawa ko.
Ipinagpatuloy ng sister ang pagbabahagi niya, sinasabing: “Ang disposisyon na ipinapamalas ng Diyos sa bawat kapanahunan, ay batay sa mga hinihingi ng gawain ng pagliligtas ng Diyos, pati na sa mga pangangailangan ng tiwaling sangkatauhan. Makakatulong ang dalawang siping ito ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos para malinawan tayo tungkol dito: ‘Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang tungkulin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga pagkakasala, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at kagandahang-loob. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at kagandahang-loob. Noon, ang saganang mga bagay na nakasisiya na naranasan ng mga tao—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pag-asa kay Jesus na Tagapagligtas—ay umiral na lahat sa kapanahunan na nabuhay sila’ (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos). ‘Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang paghihimagsik at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sumuko sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang basta-basta at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang limitasyong awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis, at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa tao sa isang bagong mundo. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos’” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3).
Nagbahagi ang sister, sinasabing: “Sa Kapanahunan ng Kautusan, ipinahayag ng Diyos na si Jehova ang Kanyang sarili na may mga disposisyong pinangingibabawan ng mga sumpa, pagsunog, at poot. No’ng panahong ‘yon, lubhang walang pagkaunawa ang mga tao. Hindi nila alam kung ano ang kasalanan, kung paano sila dapat mamuhay, o kung paano sambahin ang Diyos, kaya batay sa kanilang mga pangangailangan no’ng panahong iyon, naglabas ang Diyos ng mga batas at kautusan para gabayan ang mga tao sa kanilang buhay. Ang mga sumunod sa mga batas ng Diyos ay tumanggap ng Kanyang awa, pero ang mga lumabag sa batas ay sinunog ng apoy ng langit ng Diyos o binato hanggang sa mamatay. Gayunpaman, sa pagtatapos ng Kapanahunan ng Kautusan, habang lalong nagiging tiwali ang mga tao at nagkakasala at lumalabag sa batas nang hindi sinasadya, lahat sila ay mapapatay sana sa ilalim ng batas kung ang mga kilos nila ay hinatulan ayon sa batas ng panahong ‘yon. Kaya, sa Kapanahunan ng Biyaya, nagkatawang-tao ang Diyos Mismo upang tubusin ang sangkatauhan ayon sa kanilang mga pangangailangan, nagpapakita ng Kanyang mahabagin at mapagmahal na disposisyon at nagkakaloob sa mga tao ng masaganang biyaya. Tinrato Niya sila nang may walang hanggang awa at pagmamahal, tiniis at pinatawad ang kanilang mga kasalanan, at sa huli ay ipinako Siya sa krus upang tubusin ang lahat ng tao sa kanilang mga kasalanan. Pinatawad Niya sila sa kanilang mga sentensya at pinahintulutan silang patuloy na mabuhay. Sa Kapanahunan ng Biyaya, kung ang Diyos ay nagpatuloy na magpahayag ng Kanyang disposisyon sa anyo ng mga sumpa, pagsunog, at poot, hinding-hindi mapapatawad ang mga kasalanan ng mga tao, hindi kailanman matutubos ang mga tao sa ilalim ng batas, at mauuwi sana sa wala ang sangkatauhan at hindi makakarating sa kung nasaan ito ngayon. Kaya’t ipinahayag ng Diyos ang Kanyang mahabagin at mapagmahal na disposisyon sa Kapanahunan ng Biyaya. Hangga’t lumalapit sa Kanya ang mga tao at tinatanggap ang Kanyang pagtubos, patatawarin Niya sila sa kanilang mga kasalanan. Sa mga huling araw, mas lalong naging tiwali ang mga tao. Kahit na natanggap natin ang pagtubos ng Panginoong Jesus at napatawad ang ating mga kasalanan, ang ating makasalanang kalikasan, tulad ng pagmamataas, pagtataksil, kasamaan, pagmamatigas, at kalupitan, ay nakaugat pa ring lahat sa kaibuturan natin. Hindi pa rin lubusang napapawi ang ating satanikong disposisyon, kung kaya madalas pa rin tayong magsinungaling, magkasala, maghimagsik, at lumaban sa Diyos. Hindi pa rin tayo karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng Diyos. Upang iligtas ang sangkatauhan at ganap na alisin sa atin ang kasalanan, muling nagkatawang-tao ang Diyos, ginagampanan ang gawain ng paghatol at pagpapadalisay sa pundasyon ng gawain ng Panginoong Jesus para lubusang maalis ang ating mga satanikong disposisyon, dalisayin tayo sa kasalanan, at tulutan tayong tunay na magpasakop sa Diyos at igalang Siya, at sa huli ay akayin tayo sa Kanyang kaharian. Dahil sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain, hindi na ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang mahabagin at mapagmahal na disposisyon, at sa halip ay piniling ipamalas ang Kanyang matuwid, maharlika, at mapagpoot na disposisyon upang hatulan at ilantad ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Sa paggawa lang nito Niya maaaring baguhin at dalisayin ang sangkatauhan. Bagamat magkakaiba ang disposisyon na ipinapamalas ng Diyos sa bawat kapanahunan, hindi nagbabago ang diwa ng Diyos. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at inihahayag ang Kanyang disposisyon alinsunod sa mga pangangailangan ng tiwaling sangkatauhan, na nagpapahintulot sa mga tao na mas maunawaan at makilala ang Diyos, upang hindi nila limitahan Siya at ang Kanyang disposisyon. Hindi natin dapat isipin na ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus ay hindi iisang Diyos dahil lang nagpapahayag sila ng magkaibang disposisyon.”
Saka ko lang napagtanto matapos marinig ang pagbabahagi ng sister na pinagpapasyahan ng Diyos kung anong uri ng disposisyon ang ipapamalas sa bawat kapanahunan batay sa mga hinihingi ng Kanyang gawain ng pagliligtas at mga pangangailangan ng tiwaling sangkatauhan. Sa Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, ipinapamalas ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang matuwid at maharlikang disposisyon upang dalisayin at iligtas ang sangkatauhan—kahit na ang disposisyong ipinahahayag Niya ay naiiba sa Panginoong Jesus, ipinapamalas pa rin ito upang matugunan ang mga pangangailangan ng tiwaling sangkatauhan. Ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus ay iisang Diyos. Napakalinaw ng pagbabahagi ng sister at pinawi nito ang lahat ng kalituhan ko.
Sa sumunod na pagtitipon, binasa sa akin ni Sister Li ang isa pang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Sa anong mga kaparaanan isinasakatuparan ang pagperpekto ng Diyos sa tao? Isinasakatuparan ito sa pamamagitan ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos higit sa lahat ay binubuo ng katuwiran, poot, pagiging maharlika, paghatol, at sumpa, at ginagawa Niyang perpekto ang tao higit sa lahat ay sa pamamagitan ng Kanyang paghatol. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at itinatanong nila kung bakit nagagawa lamang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paghatol at sumpa. Sinasabi nila, ‘Kung isusumpa ng Diyos ang tao, hindi ba mamamatay ang tao? Kung hahatulan ng Diyos ang tao, hindi ba parurusahan ang tao? Kung gayon paano pa siya magagawang perpekto?’ Gayon ang mga salita ng mga taong hindi nakakaalam sa gawain ng Diyos. Ang isinusumpa ng Diyos ay ang paghihimagsikng tao, at ang Kanyang hinahatulan ay ang mga kasalanan ng tao. Bagama’t mabagsik Siyang magsalita at walang habag, ibinubunyag Niya ang lahat ng nasa kalooban ng tao, ibinubunyag sa pamamagitan ng istriktong mga salitang ito kung ano yaong mahalaga sa kalooban ng tao, ngunit sa pamamagitan ng gayong paghatol, binibigyan Niya ang tao ng isang malalim na kaalaman tungkol sa diwa ng laman, at sa gayon ay nagpapasakop ang tao sa harap ng Diyos. Ang laman ng tao ay makasalanan at kay Satanas, ito ay mapaghimagsik, at ito ang pakay ng pagkastigo ng Diyos. Sa gayon, upang tulutang makilala ng tao ang sarili niya, kailangan niyang sapitin ang mga salita ng paghatol ng Diyos at kailangang gamitan ito ng bawat uri ng pagpipino; sa gayon lamang magiging epektibo ang gawain ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Iyon mismo ang sinabi ni Sister Li sa kanyang pagbabahagi. Sabi niya: “Sa mga huling araw, ang gawain ng paghatol ng Diyos ay ang huling hakbang ng gawain sa Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan at ito ang dulo ng Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala. Sa pagpapahayag ng Kanyang matuwid at maharlikang disposisyon, winawakasan Niya ang buong kapanahunan, at pinagbubukod-bukod ang bawat isa ayon sa kanilang uri, ang mabuti sa mabuti at ang masama sa masama. Kung ipinapahayag lamang ng Diyos ang Kanyang mahabagin at mapagmahal na disposisyon, laging nagpaparaya, nagtitiis, at nagpapatawad sa atin gaano man karami ang ating nagawang kasalanan, hinding-hindi natin maaalis ang ating pagiging makasalanan, at habambuhay tayong mapapasailalim sa pangingibabaw at pamiminsala ni Satanas. At isa pa, hindi kailanman matatapos ang gawain ng pagliligtas ng Diyos at hindi kailanman matutukoy nang tama ang mabuti at masama. Kaya, sa mga huling araw, ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang matuwid, maharlika, at mapagpoot na disposisyon sa Kanyang gawain, at inilalantad ang mga satanikong kalikasan ng mga tao gamit ang Kanyang mahigpit na pananalita. Ang mga nagmamahal sa katotohanan ay makikilala ang kanilang sarili at matatanggap nila ang paghatol ng mga salita ng Diyos, mauunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos na hindi nalalabag, at kaya, magkakaroon ng paggalang sa Diyos at iiwasan ang kasamaan, sa huli ay makakamit ang pagbabago ng disposisyon. Para naman sa mga sawa na sa katotohanan at tinatanggihan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, sila ay ilalantad at palalayasin ng Diyos. Sa ganitong paraan, lahat ay pinagbubukod-bukod ayon sa kanilang uri.”
Napagtanto ko na, kung ginawa ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw sa parehong paraan na ginawa ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain ng pagtubos, na nagpapakita lang ng awa at pagmamahal para sa mga tao at hindi nagiging mahigpit at hindi sila hinahatulan, hindi Niya magagawang pagbukud-bukurin ang bawat isa ayon sa uri nila, hinding-hindi malulutas ang kalikasan nating makasalanan at lumalaban sa Diyos, at hinding-hindi tayo maliligtas o makakapasok sa kaharian ng Diyos. Kaya’t mayroong malalim na kahulugan sa pagpapahayag ng Diyos ng disposisyong may pagiging matuwid, pagiging maharlika, paghatol, at pagkastigo sa mga huling araw!
Kalaunan, binasa namin ang dalawang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, na nagbigay sa akin ng mas mabuti pang pagkaunawa sa gawain ng Makapangyarihang Diyos at sa disposisyong ipinahahayag Niya sa mga huling araw: “Ngayon ay hinahatulan ka ng Diyos, kinakastigo ka, at kinokondena ka, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. … Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao). “Bagama’t maaaring mabagsik ang Aking mga salita, ipinapahayag ang lahat ng iyon para sa kaligtasan ng tao, dahil nagpapahayag lamang Ako ng mga salita at hindi Ko pinarurusahan ang laman ng tao. Ang mga salitang ito ay nagiging dahilan upang mabuhay ang tao sa liwanag, upang malaman nila na mayroong liwanag, upang malaman nila na ang liwanag ay mahalaga, at, higit pa rito, upang malaman kung gaano kalaki ang pakinabang ng mga salitang ito sa kanila, gayundin upang malaman na ang Diyos ay kaligtasan. Bagama’t nagpahayag na Ako ng maraming salita ng pagkastigo at paghatol, ang kinakatawan ng mga ito ay hindi pa talaga nagagawa sa inyo. Naparito Ako upang gawin ang Aking gawain at ipahayag ang Aking mga salita, at bagama’t maaaring mahigpit ang Aking mga salita, ipinapahayag ang mga ito sa paghatol sa inyong katiwalian at pagkasuwail. Ang layunin ng Aking paggawa nito ay nananatiling upang iligtas ang tao mula sa kapangyarihan ni Satanas; ginagamit Ko ang Aking mga salita upang iligtas ang tao. Ang Aking layunin ay hindi upang saktan ang tao gamit ang Aking mga salita. Ang Aking mga salita ay mabagsik upang makamit ang mga resulta sa Aking gawain. Sa pamamagitan lamang ng gayong gawain makikilala ng tao ang kanilang sarili at makakahiwalay sa kanilang suwail na disposisyon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao). Nagbahagi si Sister Li, sinasabing: “Sa mga salita ng Diyos, makikita natin na sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para hatulan at dalisayin ang mga tao. Gaano man kalupit at kasakit ang mga salita Niya, lahat ito ay naglalayong tulungan tayong makilala ang katotohanan ng ating katiwalian, makalaya mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, at matanggap ang pagliligtas ng Diyos. Alam nating lahat na ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal, samantalang tayong mga tao, na labis nang nagawang tiwali ni Satanas, ay naghahangad ng masasamang makamundong kalakaran, at nakikipaglaban at nagpapakana laban sa isa’t isa sa paghahangad ng pera at kanya-kanyang pakinabang, nang walang kahit katiting na wangis ng totoong tao. Maging ang mga nananalig sa Panginoon ay hindi kayang isagawa ang mga hinihingi ng Diyos at madalas humihingi ng biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos. Anumang mga ambag na ginagawa nila ay para lamang makapasok sa langit at magkaroon ng buhay na walang hanggan, hindi dahil sa minamahal nila ang Panginoon at hinahangad na palugurin Siya. Ginagawa ang lahat ng ‘yon para lamang gamitin ang Panginoon upang maisakatuparan ang kanilang kasuklam-suklam na mga pakay. Ang ilang lider ng relihiyon ay mukhang mapagpakumbaba, matiisin, at masigasig na mga lingkod ng Diyos, pero sa mga sermon nila, madalas nilang itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili upang makuha ang paghanga at respeto ng iba. Nang muling magkatawang-tao ang Diyos at magpakita para gampanan ang Kanyang gawain, walang sumalubong sa Kanya, at ang buong mundo ng relihiyon ay nakipagtulungan sa ateistang gobyerno para kondenahin at labanan ang Kanyang pagbabalik, walang pakundangang nagkakalat ng mga kasinungalingan para siraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos at pigilan ang mga tao sa pagsisiyasat sa tunay na daan. Na ibig sabihin, ang buong sangkatauhan ay kinokondena at nilalabanan ang Diyos, at tinatanggihan ang Kanyang pagparito. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, ‘Ang buong sanlibutan ay nakahilig sa masama’ (1 Juan 5:19). Sinasalungat ng tiwaling sangkatauhan ang Diyos sa lahat ng paraan. Lahat sila ay kauri ni Satanas at mga makamandag na ahas. Kapag ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang mahihigpit na salita upang ilantad ang realidad ng katiwalian ng sangkatauhan, tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang tunay na nakakakilala sa kanilang satanikong kalikasan na lumalaban sa Diyos at nagtataksil sa Diyos, at nakakapagtanto na hindi nila hinahangad na makilala ang Diyos sa kanilang pananampalataya, at na mayroon lamang silang mga napakasamang layunin tulad ng pagkakamit ng mga pagpapala at pakikipagtawaran sa Diyos. Malinaw nilang nakikita ang pangit na katotohanan ng matinding pagtitiwali sa kanila ni Satanas, taos-pusong nagsisisi sa Diyos, sumusumpa na kikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at sa wakas ay nagkakamit ng kaunting wangis ng tao. Mula rito, makikita natin na gaano man kalupit at kasakit ang mga salita ng Diyos, inilalantad nitong lahat ang realidad ng ating katiwalian, at ang lahat ay para tulungan tayong mapasigla ang ating mga manhid na espiritu, makilala ang ating mga tiwaling diwa, ganap na makawala sa mga gapos ng kasalanan, at maging dalisay. Ang mahihigpit na salita ng paglalahad at paghatol ng Diyos ay sobrang kapaki-pakinabang sa proseso natin ng pagkilala sa ating sarili at pagkaligtas!”
Matapos marinig ang pagbabahagi ni Sister Li, sa wakas ay natanto ko na nagpahayag ang Diyos ng napakaraming mahihigpit na salita sa mga huling araw para ilantad ang ating tunay na pagkatao. Ito ay Kanyang pagliligtas, hindi pagkondena. Naisip ko kung paanong nananalig lamang ako sa Diyos para makakuha ng mga pagpapala at biyaya, at nilimitahan pa nga ang Diyos bilang mahabagin at mabait, at kung paanong hindi ko Siya nakilala nang Siya’y magsalita nang mahigpit. Sobra akong di-makatwiran! Mula noon, nagawa ko nang tanggapin ang mahigpit at mapanghatol na mga salita ng Diyos at lalo akong naging handang basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Nakasiguro ako na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus.
Matapos makumpirma na totoo ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, aktibo akong dumalo sa mga pagtitipon at nagbasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos araw-araw. Isang araw, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung mananatiling nakagapos ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila maaalis kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung palaging mabubuhay ang mga tao sa gitna ng kasaganaan ng biyaya, ngunit wala sa kanila ang daan ng buhay na nagtutulot sa kanila na makilala ang Diyos at mapalugod Siya, hindi nila Siya tunay na matatamo kailanman sa kanilang paniniwala sa Kanya. Kaawa-awa talaga ang ganitong uri ng paniniwala. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, madarama mo na ang mga hangaring taglay mo sa loob ng maraming taon ay natupad na rin sa wakas. Madarama mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harapan; ngayon mo lamang natitigan ang Kanyang mukha, narinig ang Kanyang personal na mga pagbigkas, napahalagahan ang karunungan ng Kanyang gawain, at tunay na nadama kung gaano Siya kapraktikal at kamakapangyarihan-sa-lahat. Madarama mo na maraming bagay kang nakamtan na hindi pa nakita ni natamo ng mga tao noong nakalipas na mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang maniwala sa Diyos, at kung ano ang umayon sa mga layuninng Diyos. Siyempre pa, kung kakapit ka sa mga pananaw ng nakaraan, at aayawan o tatanggihan mo ang katunayan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mananatili kang walang napala, walang natamo, at sa huli ay ipapahayag kang nagkasala ng paglaban sa Diyos. Yaong mga nakapagpapasakop sa katotohanan at nagpapasakop sa gawain ng Diyos ay aangkinin sa ilalim ng pangalan ng pangalawang Diyos na nagkatawang-tao—ang Makapangyarihan sa lahat. Matatanggap nila ang personal na patnubay ng Diyos, na nagtatamo ng mas marami at mas matataas na katotohanan, at ng tunay na buhay. Mamamasdan nila ang pangitaing hindi pa nakita kailanman ng mga tao noong araw: ‘At ako’y lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako’y lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto: At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi’ (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao. Sa mga pagdagsa ng mga pagkastigo at paghatol, ipinapahayag ng Anak ng tao ang Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng mga pagbigkas, na nagtutulot sa lahat ng tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, na isang matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre pa, lahat ng ito ay hindi makikita ng mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.) Ang tunay na mukha ng Diyos ay hindi maaaring ganap na bigkasin nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao, kaya nga ginagamit ng Diyos ang paraan ng Kanyang pagpapahayag sa Kanyang likas na disposisyon upang ipakita sa tao ang Kanyang tunay na mukha” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pangitain ni Juan sa Pahayag ay nagpahiwatig kung paanong ang mga salita ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay katulad ng ningas ng apoy o matalim na tabak at puno ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Tanging ang mga tumatanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ang tunay na makakaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at magpapahalaga sa Kanyang taimtim na layunin sa paggamit ng Kanyang mga salita upang hatulan at iligtas ang sangkatauhan. Hindi ko maiwasang makaramdam ng labis na pagkaantig sa aking napagtanto: “Makapangyarihang Diyos! Sa pamamagitan ng paglalahad at paghatol ng Iyong mga salita, nakita ko na hindi Ka lang mapagmahal at mahabagin, kundi maharlika at mapagpoot din. Lahat ito’y aspeto ng Iyong likas na matuwid na disposisyon. Makapangyarihang Diyos! Tunay na mahalaga ang Iyong mga salita. Lubhang kailangan kong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Iyong mga salita para makilala ang aking sarili. Mula ngayon, masigasig akong iinom at kakain ng mga salita Mo, tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Iyong mga salita at tatahakin ang landas ng paghahanap sa katotohanan!”