Sinalubong Ko ang Pagbabalik ng Panginoon!

Pebrero 24, 2024

Ni Li Deming, Tsina

Ang pamilya ko ay apat na henerasyon nang Katoliko, at noong huling bahagi ng 70s, naging isang lugar ng pagtitipon ang bahay namin, at parehong nagsilbing mga diyakono ng simbahan ang tatay at tito ko. Bawat mahalagang kapistahan, isinasakay ako ng matatanda sa bisikleta papunta sa isang lugar na mga 20 milya ang layo para ipagdiwang ang kapistahan. Naaalala ko na madalas sabihin sa amin ng pari sa Misa: “Sumapit na sa atin ang mga huling araw, kailangan nating maging alisto sa lahat ng oras, panatilihing malinis ang ating kaluluwa, at huwag gumawa ng anumang mabibigat na kasalanan, dahil maaaring bumabang muli ang Panginoon sakay ng ulap at dalhin tayo sa langit anumang sandali.” Noon, lahat ng taga-parokya, bata at matanda, ay nag-aalab sa sigla, nagrorosaryo, dumadalo sa Misa, at gumagawa ng mabubuting gawa, na nananabik araw-araw sa pagbabalik ng Panginoon.

Parehong namatay ang tatay at tito ko noong unang bahagi ng 90s at inako ko ang papel ng diyakono. Ginabayan ko ang mga taga-parokya sa pagrorosaryo, sa mga serbisyo, at nagbasa ako ng mga Banal na Kasulatan at nagbigay ng mga sermon. Tapos noong tagsibol ng 1999, binigyan ako ng pari namin ng isang polyeto tungkol sa ebanghelyo mula sa Hong Kong at sinabihan ako na pakilusin kaagad ang lahat sa magandang balita na nalalapit na ang pagbabalik ng Panginoon. Pinulong ko ang lahat, at pinakiusapan silang magrosaryo tatlong beses sa isang araw. Ipinaliwanag ko sa kanila ang mga tanda ng pagparito ng Panginoon na ipinropesiya sa Bibliya. Sabi ko, “Mga kapanalig, pabalik na ang Panginoon sa lalong madaling panahon. Sinabi ng Panginoong Jesus: ‘At sa gayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kaya magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at makikita nila ang Anak ng tao na napaparitong nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian(Mateo 24:30). Kapag pumarito ang Panginoon isang malaking tanda ang lilitaw sa langit. Makikita ng sariling mga mata nating lahat ang Panginoon na bumababa sakay ng ulap, na may kinang at kamahalan, para iakyat tayo sa langit. Ilang maikling buwan na lang ang natitira bago sumapit ang taong 2000. Hindi natin maaaring ipagpaliban ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga kaibigan, kamag-anak, at kakilalang hindi nananalig. Ang pagliligtas sa mas maraming kaluluwa ay magiging malaking kapurihan para sa atin sa mga mata ng Panginoon.” Napukaw ang lahat nang marinig ito, at nagsimula silang lahat na talakayin kung paano sila kailangang tumigil sa pag-iimbot sa mga makamundong bagay at magbahagi ng ebanghelyo sa mas maraming kaibigan at kapamilya. Mabilis na sumapit ang Nobyembre, at unti-unti kong napansin na tila medyo kakaiba ang asawa ko kaysa rati. Nagpupunta siya sa bahay ni Sister Tian Xiao sa barangay namin para magbasa ng Banal na Kasulatan gabi-gabi pagkatapos maghapunan, at ilang araw na kaming hindi nakapag-orasyon. Medyo naguluhan ako, at inisip ko kung sumapi na ba siya sa ibang denominasyon. Isang hapon, tinanong ako ng asawa ko, “Maraming taon na tayo ngayong mananampalataya. Umaasa ka ba sa pagbabalik ng Panginoon?” Walang anumang pag-aatubili, sinabi ko, “Kailangan mo pa bang itanong iyan? Siyempre naman!” Tapos ay napakataimtim niyang sinabi sa akin, “May magandang balita ako sa iyo. Nagkatawang-tao nang muli ang Panginoon at nagbalik, at binuksan Niya na ang scroll na nabanggit sa Pahayag.” Medyo nabigla ako. Nagtaas ako ng boses at sinabi ko sa kanya, “Ano ba ang pinagsasasabi mo? Tiyak na paparito ang Panginoong Jesus sakay ng mga ulap pagbalik Niya. Imposibleng bumalik Siya nang nasa katawang-tao.” Tapos ay sinabi ng asawa ko, “Ni hindi mo pa nga ito nasisiyasat. Paano mo pikit-matang masasabi na hindi Siya maaaring bumalik nang nasa katawang-tao? Sa nakalipas na mga taon ng ating pananampalataya, hindi ba tayo umaasang sumalubong sa pagbabalik ng Panginoon? Sa paggawa ng bulag na palagay na ito batay sa iyong mga haka-haka, baka makalampas ang pagkakataon mong madala. Palagay ko dapat kang huminahon at talagang siyasatin ito.” Pero wala siyang sinabi na talagang naging malinaw sa akin. Tapos nito nag-alala ako na baka nailigaw na siya ng landas, kaya patuloy kong binanggit sa kanya ang mga propesiya tungkol sa ikalawang pagparito ng Panginoon, at sabi ko, “Matapos ipako sa krus ang Panginoong Jesus at pagkatapos ay mabuhay na mag-uli, umakyat ang Kanyang maluwalhating katawan sa langit sakay ng ulap. Pagbalik Niya, magpapakita Siya sa anyong espiritu, na pumaparito sakay ng mga ulap nang buong kaluwalhatian. Paano Siya babalik nang nasa katawang-tao? Sabi sa Bibliya: ‘Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata(Pahayag 1:7). ‘Pagkatapos na pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng liwanag nito, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at yayanig ang mga kapangyarihan ng mga langit: At sa gayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kaya magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at makikita nila ang Anak ng tao na napaparitong nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian(Mateo 24:29–30). Nakikita natin dito na pagbalik Niya ay didilim ang araw at mawawalan ng liwanag ang buwan. Babagsak ang mga bituin mula sa langit at bababa ang Panginoon sakay ng ulap. Pero sa ngayon, wala talaga ni isa sa mga tandang ito ang nagpakita na. Paano mo nasasabi na naparito na Siya?” Tapos ay sumagot siya nang napakahinahon, “Ang mga propesiya ng Panginoon ay pawang mga nakatagong hiwaga. Kung literal nating ipaliliwanag ang mga iyon nang pikit-mata, batay sa ating mga haka-haka at imahinasyon, malamang na magkamali tayo sa pag-unawa sa Kanyang mga salita. Isipin na lang natin ang mga Pariseo. Sinunod nila ang literal na kahulugan ng mga Banal na Kasulatan at ang sarili nilang mga haka-haka, na iniisip na isisilang ang Mesiyas sa isang maharlikang palasyo at magkakaroon ng kapangyarihan, pero hindi isinilang ang Panginoong Jesus sa isang palasyo. Isinilang Siya sa isang sabsaban bilang anak ng karpintero, at bukod pa riyan ay hindi Siya naging kahit anong uri ng pinuno. Nakita ng mga Pariseo na hindi talaga tumugma ang pagsilang at gawain ng Panginoong Jesus sa kanilang mga haka-haka, kaya talagang tumanggi silang tanggapin na Siya ang pagparito ng Mesiyas, at kinondena at nilabanan nila Siya. Hindi natin maaaring ulitin ang pagkakamali ng mga Pariseo!” Nainis ako nang sabihin niya iyon, na iniisip na “Ano’t anuman, ako ang diyakono ng simbahan at mas edukado ako kaysa sa kanya, pero ayaw lang niyang makinig sa akin, at sinasabi pa niya na pikit-mata kong binibigyan ng maling kahulugan ang mga propesiya ng Panginoon.” Nagdilim ang mukha ko at malupit kong sinabi ko sa kanya, “Paulit-ulit ko nang sinabi sa iyo, pero ayaw mong makinig. Talagang nalinlang ka na! Kailangan mong tumigil sa kapupunta sa mga pagtitipong iyon.” Pero determinado niyang sinabing, “Nakapagsiyasat na ako nang malinaw, at nasa nagbalik na Panginoon ang pananampalataya ko. Kung hindi ka naniniwala, nasa sa iyo na iyon, pero huwag mo akong hadlangan.” Nainis ako at nagalit nang marinig kong sabihin niya iyon. Sa pagsisikap na iligtas siya, tinawagan ko ang ilan pang diyakono ng simbahan para subukang pigilan siya. Buong tiwalang sinabi sa kanya ng isa sa mga diyakono, “Katolisismo lang ang tamang relihiyon. Pagbalik ng Panginoon, lahat ng iba pang denominasyon ay babalik sa Katolisismo. Ito ang Unyon ng Kristiyanismo. Siguradong alam mo ang tungkol dito, dahil pareho tayong mula sa mahabang angkan ng mga Katoliko.” Pero mariing sabi ng asawa ko, “Mayroon bang anumang batayan sa salita ng Banal na Espiritu na babalik ang lahat ng denominasyon sa Simbahang Katoliko pagbalik ng Panginoon? Sinabi ba iyan ng Panginoong Jesus kahit kailan? Gusto ba ng mga miyembro ng mga simbahang Protestante at Eastern Orthodox na muling makiisa sa Simbahang Katoliko? Ipinropesiya sa Bibliya noong unang panahon: ‘At ito’y mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon(Isaias 2:2). Dito ay tumutukoy ang ‘mga bundok’ sa iba’t ibang denominasyon. Kapag ginawa ng Panginoon ang gawaing muling pag-iisa, hindi iyon pagbabalik ng Protestantismo sa Katolisismo o ang kabaligtaran nito, sa halip, ito ay pagpunta ng mga tunay na mananampalataya mula sa lahat ng denominasyon sa harap ng luklukan ng Diyos. Sa pagiging isa ng lahat ng relihiyon sa ganitong paraan, malinaw na makikita ang pagiging matuwid ng Panginoon at lahat ng tao ay lubos na makukumbinsi.” Nang marinig ko siyang sabihin ito, parang napakabago at nagbigay-liwanag ang lahat ng ito sa akin. Hindi rin nakapagsalita ang mga diyakono, at mariin lang na sinabi ng isa sa kanila, “Isa ka lang taga-parokya—sa tingin mo ba mas marami kang alam kaysa sa isang pari? Anuman ang sabihin mo, sa huli, lahat ng denominasyon ay babalik sa Katolisismo. Ang mga tumatalikod sa Katolisismo ay nagtaksil sa Diyos, hindi sila maliligtas, at hindi mapupunta sa langit ang kanilang kaluluwa. Nailigaw ka na ng landas. Pinapayuhan kita na mangumpisal kaagad. Hindi pa huli ang lahat para bumalik.” Matatag siyang sumagot, “Hindi ako nailigaw ng landas. Narinig ko ang mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia at sinusundan ko ang mga yapak ng Kordero. Tinanggap ko na ang bagong gawain ng Diyos. Mananatili ako sa landas na ito, at walang makakahadlang sa akin.” Noong una ay ginusto kong pigilan siya ng dalawang diyakonong iyon, pero hindi ko kailanman inakala na hindi lang nila siya hindi makukumbinsi, kundi wala silang masasabi sa kanyang maririing sagot. Pagkatapos niyon, lalo pang lumakas ang pananampalataya ng asawa ko. Sinabi niya na noong una ay parang medyo napipigilan siya sa akin at atubili siya, pero nang subukan ng mga diyakono na gambalain siya, malinaw niyang nakita na hindi nila naunawaan ang katotohanan, talagang mayayabang sila, at ayaw nilang mapagpakumbabang maghanap. Hindi na niya nadama na napipigilan siya at patuloy siyang dumalo sa mga pagtitipon bawat araw.

Naisip ko sa sarili ko: “Hindi siya masyadong edukado, at hindi niya gaanong alam ang Bibliya, kaya bakit hindi makaimik ang dalawang diyakonong iyon sa kanyang mga argumento? Anong klaseng mga sermon ang pinakikinggan niya na napakagaling?” Matagal kong pinagtakhan ang pagbabago ng asawa ko. Inisip kong mabuti ang nasabi niya, at pakiramdam ko’y may katotohanan iyon. Talaga kayang nagmula sa Banal na Espiritu ang kanyang pinaniwalaan? Naisip ko na imposible iyon. Kung nagmula nga iyon sa Panginoon, dapat ay alam ng mga pari natin ang lahat ng iyon, kaya bakit hindi ko pa sila narinig na banggitin iyon? Pinuntahan ko ang bayaw ko para kausapin siya tungkol doon. Isa rin siyang diyakono ng simbahan. Pero sa gulat ko, bago ko pa man natapos ang sasabihin ko, pagalit niyang sinabing, “Hindi posibleng bumalik ang Panginoon sa katawang-tao! May lumitaw nang isang iglesiang tinatawag na Kidlat ng Silanganan. Sinasabi nila na nagbalik na ang Panginoon sa katawang-tao at na tinatawag Siyang Makapangyarihang Diyos. Talagang mataas ang mga turo nila at ninakaw na nila ang marami sa ating masusugid na mananampalataya. Mahigit isang dosena na ang nailigaw mula pa lang sa ating simbahan, at may isa pa ngang pari. Ayaw nilang bumalik anuman ang sabihin namin. Huwag kayong makinig sa ipinapangaral nila, anuman ang mangyari.” Habang nakikinig ako sa bayaw ko, natanto ko na matagal nang nakikinig ang asawa ko sa mga sermon ng Kidlat ng Silanganan. Mula sa bahay ng bayaw ko, dumiretso ako sa bahay ng isa pang diyakono at ipinasabi ko sa kanya sa ibang parokyano na lumayo ang mga ito sa Kidlat ng Silanganan. Kasabay noon ay nagsimula akong maging mas mausisa pa at palaban ang damdamin ko tungkol doon. Naisip ko, “Ano ba talaga ang gustong sabihin ng Kidlat ng Silanganan? Bakit napakarami nang mananampalatayang nagpunta sa kanila? Paano nila nakakayang iligaw ng landas kahit ang mga pari? Gaano man kaganda ang kanilang mga sermon, kaya ba talagang lagpasan ng mga iyon ang mga katotohanang alam namin na mga Katoliko? Kung may pagkakataon ako, gusto kong makita kung ano talaga ang ipinapangaral nila.”

Sinimulan kong higit na basahin ang Bibliya para maging mas handa akong pabulaanan ang sinuman mula sa Kidlat ng Silanganan. Naghanap ako ng mga propesiyang may kaugnayan sa pagbabalik ng Panginoon, at paulit-ulit kong binasa ang mga iyon. Nabasa ko na sinabi ng Panginoong Jesus: “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27). Habang binabasa ko ang mga salita ng Panginoon naisip ko: “Oo nga, maririnig ng mga tupa ng Panginoon ang Kanyang tinig. Napakarami nang masusugid na mananampalataya ang tumanggap sa Kidlat ng Silanganan matapos marinig ang kanilang ipinapangaral, at tumangging bumalik. Kitang-kita iyon! Matatagal na silang Katoliko na may kabatiran at matatag na pundasyon sa pananampalataya. Tiyak na nagsiyasat na sila bago nila tinanggap ang Kidlat ng Silanganan. Taglay nga kaya ng aklat na kanilang binabasa ang katotohanan, na iyon ang tinig ng Diyos? At kung hindi ko ito siniyasat, paano ko malalaman kung nagmula talaga sa Diyos o hindi ang kanilang ipinapangaral? Titingnan ko muna kung tungkol saan ang lahat ng iyon, at pagkatapos kung may katotohanan doon at naaayon iyon sa Bibliya, patuloy akong magsisiyasat. Kung hindi iyon naaayon sa pananampalataya ng Katoliko, maaari ko pa ring tanggihan iyon.”

Tapos isang umaga pagkatapos na pagkatapos ng agahan, natuklasan ko na umalis ulit ang asawa ko. Alam ko na nagpunta siya ulit sa bahay ni Tian Xiao. Naisip ko sa sarili ko, “Talaga sigurong nakakaakit ang mga sermon na ito kung araw-araw siyang nagpupunta sa mga pagtitipon! Gusto kong makita kung ano talaga ang sinasabi nila.” Nang makarating ako sa bahay ni Tian Xiao, hindi lang ilang iba pang taga-parokya ang nakita ko, kundi pati si Brother Wang Mingyi. Inanyayahan niya akong sumali sa pagtitipon. Umupo ako para makinig at tahimik na nagdasal sa Panginoon, na hinihiling na bantayan Niya ang puso ko, na bigyan Niya ako ng pagkakilala para hindi ako mailigaw ng landas. Sabi ni Mingyi, “May tatlong bahagi ang Bibliya: ang Lumang Tipan, ang Bagong Tipan, at Pahayag. Nakatala sa bawat bahagi ang gawain ng Diyos sa ibang kapanahunan. Nakatala sa Lumang Tipan ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, nang ibigay ng Diyos ang Sampung Utos sa pamamagitan ni Moises pati na ng Kanyang mga kautusan at batas upang malaman ng mga tao kung ano ang kasalanan at kung paano mamuhay sa lupa. Nakatala sa Bagong Tipan ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya, nang ipako ang Panginoong Jesus sa krus bilang isang walang-hanggang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, na tumutubos sa tao mula sa kasalanan, humahadlang na makondena sila at maparusahan sa ilalim ng batas dahil sa kanilang mga kasalanan. Ipinropesiya sa Pahayag ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, ang gawain ng Kapanahunan ng Kaharian, kung kailan magkakatawang-tao ang Diyos at lihim na paparito, na nagpapahayag ng mga katotohanan para hatulan at linisin ang sangkatauhan, para ganap tayong mapalaya mula sa mga gapos ng kasalanan. Isa itong napakalaking kaligtasan para sa lahat ng naghahanap ng katotohanan.” Sinabi rin niya, “Sa katunayan, matagal nang ipinropesiya ng Diyos na paparito Siya na nagkatawang-tao sa mga huling araw. Maraming propesiya sa Bibliya tungkol dito. Sabi ng Panginoon: ‘Kayo rin naman ay magsipaghanda: sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating(Lucas 12:40), at nariyan ang propesiya sa Pahayag: ‘Narito, Ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw(Pahayag 16:15). Dito, ang ‘hindi ninyo iniisip’ at ‘gaya ng magnanakaw’ ay tungkol sa lihim na pagparito ng ‘ang Anak ng tao’ kung kailan hindi ito inaasahan ng mga tao. ‘Ang Anak ng tao’ ay tumutukoy sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Tulad na lang ng Panginoong Jesus—ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay isinilang sa tao, isinilang sa isang pamilya ng mga karaniwang tao. Kamukha lang Siya ng isang karaniwang tao, pero mayroon Siyang Banal na Espiritu sa loob, at ang Kanyang diwa ay banal. Siya ang pagkakatawang-tao ng Diyos Mismo. Kung ito ang Espiritu ng Diyos hindi Siya maaaring tawaging Anak ng tao, tulad lang ng ang Diyos na si Jehova ay hindi maaaring tawaging Anak ng Tao dahil Siya ang Espiritu.” Medyo nainis akong marinig si Mingyi na patuloy na nagpapatotoo na nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao, at ayaw ko nang marinig ang iba pa. Tumayo ako at pinabulaanan ko siya, na sinasabing, “Hindi ko matatanggap ang sinasabi mo tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus sa katawang-tao. Ipinopropesiya sa Bibliya: ‘Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo’y nakatayong nakatingala sa langit? Ang kaparehong Jesus na ito, na kinuha mula sa inyo patungong langit, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon Niya sa langit’ (Mga Gawa 1:11). Madalas sabihin sa amin ng mga pari na ang Panginoon ay umakyat sa langit sakay ng ulap nang nasa anyong espiritu, kaya pagbalik Niya, dapat ay nasa anyong espiritu Siya, na bumababa sakay ng ulap nang buong kaluwalhatian. Ang Panginoong Jesus ay ipinako sa krus para sa atin, na pasan-pasan ang hindi-maisip na pagdurusa. Hindi Siya babalik sa katawang-tao.” Bilang tugon, mahinahon akong hinikayat ni Mingyi, “Brother, maupo tayo at magbahaginan pa tungkol dito. Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at makakalutas sa lahat ng ating pagdududa.” Walang pakundangan ang ipinakita kong ugali kay Mingyi, pero mapagpasensya pa rin niya akong sinikap na payuhan, kaya para hindi siya mapahiya, wala na akong nagawa kundi maupo. Pero takot pa rin akong mailigaw ng landas, at naisip ko sa sarili ko, “Mahusay magsalita si Mingyi, hindi ko siya kayang higitan sa kaalaman ko sa Bibliya. Kung makakapagpatuloy akong makinig at hindi ko masasabi kung inililigaw ako ng landas, ano ang dapat kong gawin? Natakot akong hindi maligtas at makapasok sa kaharian ng langit. Hindi maaaring mangyari iyon. Hindi na ako maaaring makinig sa kanya. Kailangan kong umuwi at pag-aralan muna talaga ang Bibliya.” Kaya, nakahanap ako ng idadahilan at umalis na ako.

Nang makauwi na ako, naisip ko ang ideya ng pagbabalik ng Panginoon sa katawang-tao, at lubos akong nabagabag. “Siguro puwedeng mailigaw ng landas ang asawa ko, pero mukhang imposibleng mailigaw ang lahat ng iba pang matatapat na mananampalatayang iyon! Kung talagang nagbalik na ang Panginoon sa katawang-tao at hindi ko iyon siniyasat, maaaring mawalan ako ng pagkakataong salubungin ang Panginoon. Pero kung ang Kidlat ng Silanganan ay hindi ang tunay na daan at napunta ako sa maling landas sa huli, magiging kataksilan iyon sa Panginoon at hindi maliligtas ang kaluluwa ko.” Sa loob ng ilang panahon, hindi ko alam ang dapat kong gawin, walang lasa ang kinakain ko, at pabiling-biling ako sa higaan dahil hindi ako makatulog. Sa aking kalungkutan lumuhod ako sa harap ng isang imahe ng Sagrado de Corazon at nagdasal, “Panginoong Jesus, hindi ko alam kung ang Kidlat ng Silanganan ay talagang ang Iyong pagbabalik o hindi. Bigyan Mo sana ako ng pagkakilala at huwag Mong hayaang maligaw ako at tumahak sa maling landas. Diyos ko, gabayan Mo sana ang anak Mo.”

Pagkatapos niyon, sinimulan kong basahin ang lahat ng uri ng mga talata tungkol sa pagbabalik ng Panginoon, at sa patnubay ng Banal na Espiritu, natagpuan ko ang ilang propesiya tungkol sa lihim na pagparito ng Panginoon, at natuklasan ko ang isang hiwaga. Natanto ko na maraming talatang bumabanggit na yaong mga sumasalubong sa lihim na pagparito ng Panginoon ay dadalo sa piging na kasama Siya, at na sila’y pagpapalain. Halimbawa, “At pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya.’ Nang magkagayo’y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at inayos ang kanilang mga ilawan. … dumating ang kasintahang lalaki; at ang mga naghanda ay nagsipasok na kasama Niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan(Mateo 25:6–7, 10). “Narito, Ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nag-aabang, at nakasuot ang kanyang mga damit, kung hindi ay baka siya’y lumakad na hubad, at makikita nila ang kanyang kahihiyan(Pahayag 16:15). “At kayo mismo’y magsitulad sa mga taong naghihintay sa kanilang panginoon sa kanyang pagbabalik mula sa kasalan; na kapag siya’y dumarating at tumutuktok, pinagbubuksan nila siya kaagad. Mapapalad ang mga alipin na kapag dumating ang panginoon ay madaratnan niyang nagbabantay: katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘na siya’y magbibigkis sa sarili, at sila’y pauupuin para sa karne, at lalapit at paglilingkuran niya sila. At kung siya’y dumating sa ikalawang pagbabantay, o sa ikatlo, at masumpungan sila sa gayon, ay mapapalad ang mga aliping iyon’(Lucas 12:36–38). “Pagmasdan, Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko(Pahayag 3:20). Paulit-ulit kong pinagnilayan at ipinagdasal ang mga talatang ito. Nakita ko na ang mga salitang ito, “pagkahating gabi ay may sumigaw,” “gaya ng magnanakaw,” “dumating sa ikalawang pagbabantay,” at “dumating sa ikatlong pagbabantay,” ay tungkol lahat sa pagbaba nang lihim ng Panginoon kung kailan walang kamalayan ang mga tao tungkol doon. Ang sinasabi ng mga taong iyon tungkol sa lihim na pagbaba ng Panginoon para iligtas ang sangkatauhan ay talagang alinsunod sa Bibliya at sa salita ng Panginoon! Kung puwede akong sumalubong sa lihim na pagparito ng Panginoon, hindi ba ako magiging isa sa mga pinagpala? Ang kaliwanagang bigay ng Banal na Espiritu ang nagtulot sa akin na matuklasan ang hiwaga ng pagparito ng Panginoon. Puspos ng pasasalamat sa Panginoon ang puso ko na hindi kayang sambitin. Patuloy kong sinaliksik ang Bibliya. Ito ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagkat gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito(Lucas 17:24–25). Dati-rati, pinaniwalaan ko na babalik ang Panginoong Jesus sa anyong espiritu, pero malinaw na sinabi ng Panginoon, “Kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito.” Kung nagbalik ang Panginoon sa anyong espiritu, manginginig sa takot ang mga tao kapag nakita Siya at magpapatirapa sa lupa, kung magkagayon, paano Siya magdurusa o tatanggihan ng mga tao? Ang pagkakatawang-tao lang ng Diyos bilang Anak ng tao ang magdurusa at tatanggihan. Puwede kaya na tama ang patotoo ng Kidlat ng Silanganan, at na ang Panginoon ay nagkatawang-tao na at nagbalik bilang Anak ng tao? Pero naalala ko ang Pahayag 1:17 na nagsasabing: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya.” Ayon sa talatang ito, babalik ang Panginoon nang buong kaluwalhatian sakay ng mga ulap para iakyat tayo, at makikita Siya ng lahat. Kung lihim na bumaba ang Panginoon nang nasa katawang-tao, paano maaaring ipaliwanag ang talatang iyon sa Bibliya? Hindi ba magkasalungat ang mga propesiya tungkol sa lihim na pagparito at pagparito na sakay ng mga ulap? Hindi ko ito maintindihan.

Sa isang kisap-mata, sumapit ang Bagong Taon para sa taong 2000, pero hindi natupad ang inasam-asam kong pagbaba ng Panginoon sakay ng ulap. Alam kong halos lahat ng tanda ng pagbabalik ng Panginoon ay natupad na. Nagsimula akong magduda sa ideya na bababa ulit ang Panginoon sakay ng ulap bago sumapit ang bagong milenyo. Sa puso ko, mas lalo kong nagugustuhan ang ideya na lihim Siyang paparito. Patuloy akong naghanap ng mga propesiya tungkol dito. Nagdasal din ako sa Panginoong Jesus, “Panginoon, sumapit na ang milenyo, pero hindi pa Kita nakikitang bumababa sakay ng ulap. Dismayado ako at nasasaktan. Ngayon’y ang Kidlat ng Silanganan lang ang nagpapatotoo na nagbalik Ka na. Panginoong Jesus, talaga bang nagbalik Ka na? Liwanagan Mo sana ako upang makilala ko ang Iyong gawain.” Sa pagkakataong ito gusto ko talagang mas marinig ang iba pang ibabahagi ni Mingyi dahil iniisip ko na kung ang Kidlat ng Silanganan talaga ang pagbabalik ng Panginoon, paaalisin ako sa pamamagitan ng gawain ng Diyos kung hindi ko ito tatanggapin. Nang lalo ko itong maisip, lalo akong nabalisa. May isang araw noong Enero na hindi talaga ako mapakali. Sinabi ko sa asawa ko na gusto kong marinig ang sasabihin ni Mingyi. Matapos ko siyang makausap, sinabi ko sa kanya, “Nitong huli ay nasa bahay lang ako’t nagbabasa ng napakaraming sipi ng Banal na Kasulatan at pakiramdam ko’y tumutugma sa mga propesiya ang sinabi mo. Ngayon’y matatanggap ko na ang ideya na lihim na paparito ang Panginoon bilang Anak ng tao, pero may ganito ring propesiya: ‘Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya(Pahayag 1:7). Sinasabi rito na paparito ang Panginoon nang buong kaluwalhatian sakay ng mga ulap. Hindi ba sinasalungat niyan ang lihim na pagparito ng Panginoon? Ang Panginoon ay tapat, at walang dudang matutupad na lahat ang Kanyang mga salita. Siguradong may hiwaga sa loob nito.”

Binasahan niya ako ng ilang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, matiyagang nagbahagi sa akin, at naunawaan ko ang hiwaga.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: ‘Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.’ Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libu-libong taon, at na tataglayin Niya ang imahe at pananamit ng mga Hudyo. Matapos magpakita sa tao, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at pabubukalin ang tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng pagmamahal, buhay at tunay. Ang lahat ng gayong kuru-kuro ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ginawa Niya ang kabaligtaran ng inakala ng tao. Hindi Siya dumating sa mga naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa lahat ng tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi alam ng tao, at nananatili silang walang alam. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon, nang hindi namamalayan na bumaba na Siya sakay ng isang ‘puting ulap’ (ang ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”).

Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at ito ay kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na ‘Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo’ ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagsumpa. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa).

Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, ibinahagi ni Mingyi, “May dalawang yugto sa pagbabalik ng Diyos sa mga huling araw. Una, magkakatawang-tao Siya bilang Anak ng tao at lihim na paparito. Magpapahayag Siya ng mga katotohanan at gagawa ng gawain ng paghatol at paglilinis, at sa huli ay gagawing mga mananagumpay ang isang grupo ng mga tao. Pagkatapos ay matatapos ang gawain ng lihim na pagkakatawang-tao ng Diyos. Pagkatapos ay magpapaulan Siya ng matitinding kalamidad, gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Kapag nagwakas na ang matitinding kalamidad, bababa ang Diyos sakay ng ulap, magpapakita sa lahat ng tao sa lahat ng bansa. Lubos na tinutupad nito ang propesiya ng Panginoon: ‘At sa gayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kaya magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at makikita nila ang Anak ng tao na napaparitong nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian(Mateo 24:30). Sa isipan ng mga tao, dapat maging panahon ng malaking kasayahan ang pagbaba ng Panginoon sakay ng ulap para sa lahat ng tao sa lahat ng bansa, kaya bakit Niya sinabi na magkakaroon ng mga hiyaw ng paghihirap? Iyon ay dahil makikita nila na ang Makapangyarihang Diyos, na nilabanan nila, ay totoong ang nagbalik na Panginoong Jesus. Pero pagsapit niyon, tapos na ang gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Dahil palagi nilang tinatanggihan ang kahit ano maliban sa ‘pagparito ng Panginoong Jesus sakay ng puting ulap,’ lumampas ang pagkakataon nilang salubungin ang Panginoon at maligtas. Ang tanging magagawa nila ay umiyak at magngalit ang kanilang mga ngipin, at maparusahan. Nakikita natin na ang lihim na pagbabalik ng Diyos na nagkatawang-tao para gumawa ay hindi lang para sa kaligtasan ng tao, kundi para ilantad at paalisin din ang mga tao. Naririnig ng mga tupa ng Diyos ang Kanyang tinig, at lahat ng nakaririnig sa Kanyang tinig at tumatanggap sa Kanya sa panahong gumagawa Siya nang lihim sa katawang-tao ay lalapit sa harap ng luklukan ng Diyos. Ang mga taong ito ang mga tupa ng Diyos, sila ay matatalinong dalaga, at nagbabasa ng salita ng Diyos araw-araw, hahatulan sila sa harap ng luklukan ni Cristo. Ang mga tao na maalis sa kanilang sarili ang katiwalian at malilinis sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ay tatanggap ng proteksyon ng Diyos sa pamamagitan ng mga kalamidad at makakaligtas. Pero ang masasama at mga puwersa ng kasamaan na hindi nakikinig sa tinig ng Diyos at lumalaban sa Diyos ay ilalantad at paaalisin sa pamamagitan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao at sa huli ay parurusahan sa malalaking kalamidad. Ang lihim na paggawa ng Diyos ay inihihiwalay ang mga kambing sa mga tupa, ang trigo sa mga panirang damo, ang matatalinong dalaga sa mga hangal na dalaga, ang mga tunay na mananampalataya sa mga huwad, ang mga lingkod ng kabutihan sa mga lingkod ng kasamaan—lahat ng ito ay ibinubunyag. Lahat ay isasaayos nang hindi sinasadya ayon sa kanilang uri. Ito ang karunungan ng gawain ng Diyos.” Ang marinig ang pagbabahaging ito mula sa kanya ay talagang biglang nagmulat sa aking mga mata. Nakita ko na ganito matutupad ang mga propesiya sa Bibliya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon, at nakikita ko ang awtoridad ng Diyos sa loob ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Ang diwang iyon ng hindi-malalabag na pagiging matuwid ng Diyos ay nagpanginig sa akin sa takot. Alam ko na kung kumapit ako sa haka-haka na babalik ang Panginoon sakay ng mga ulap at hindi ko tinanggap ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao, mawawalan ako ng pagkakataong maligtas! Sa loob-loob ko ay nagalak ako na napakasuwerte ko na nagkusa akong hanapin ang tunay na daan, kaya hindi ako tinalikuran at pinaalis ng Panginoon. Noong araw na iyon, may natutuhan ako tungkol sa hiwaga ng pagbabalik ng Panginoon mula sa pagbabasa lang ng ilang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Kaya pala napakaraming mananampalataya ang tumangging bumalik matapos tanggapin ang Makapangyarihang Diyos.

Nasabik akong liwanagin pa ang aking pagkalito, kaya patuloy pa akong nagtanong kay Mingyi. Sabi ko, “Nagpakita ang Panginoong Jesus sa Kanyang mga disipulo sa loob ng 40 araw matapos Siyang mabuhay na mag-uli, tapos ay umakyat Siya sa langit sa Kanyang nabuhay na mag-uling espirituwal na katawan. Akala natin palagi ay kapag bumalik ang Panginoon para hatulan ang mundo sa mga huling araw, magpapakita Siya sa anyong espiritu, na nakaupo sa isang malaking puting luklukan, maharlika at kamangha-mangha, hinahatulan ang lahat ng tao, kaya yaong mga may malalaking kasalanan ay pupunta sa impiyerno, samantalang yaong mga nakagawa ng mabuting gawain ay pupunta sa langit. Pero nagpapatotoo ka na pumaparito ang Panginoon sa katawang-tao para isagawa ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw. May batayan ba ito sa Bibliya?” Sabi niya, “May mga propesiya sa Bibliya tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos bilang Anak ng tao sa mga huling araw para isagawa ang gawain ng paghatol. Halimbawa, ‘Sapagkat gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao(Mateo 24:27). ‘Ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol(Juan 5:22). ‘At binigyan Siya ng awtoridad na humatol, sapagkat Siya’y Anak ng tao(Juan 5:27). ‘Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:48). ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13). ‘Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos(1 Pedro 4:17). Ang mga pagbanggit sa ‘sa Anak,’ at ‘ang Anak ng tao’ ay tumutukoy lahat sa Diyos sa Kanyang anyong nagkatawang-tao. Sa mga huling araw, magkakatawang-tao ang Espiritu ng Diyos bilang Anak ng tao at magpapahayag ng mga katotohanan para gawin ang Kanyang gawain ng paghatol, at ito ay paghatol simula sa sambahayan ng Diyos. Ibig sabihin, nagpapahayag ng mga katotohanan ang Cristo ng mga huling araw at nagsasagawa ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga taong tumatanggap sa Kanyang gawain ng paghatol, para linisin at iligtas sila, na inaakay silang pumasok sa lahat ng katotohanan. Ito ang gawaing isinasagawa nang palihim ng nagkatawang-taong Diyos. Tungkol naman sa mga lumalaban sa Diyos, deretsahan Niya silang kokondenahin at pupuksain, gamit ang mga kalamidad para iwasto sila. Ipinapahayag ng Cristo ng mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos, ang lahat ng katotohanan na naglilinis at nagliligtas sa tao, na ginagawa ang gawain ng paghatol simula sa sambahayan ng Diyos. Ganap nitong tinutupad ang mga propesiya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon sa mga huling araw.” Mas naliwanagan pa ako nang marinig ko ito. Tapos niyon, nagbasa pa si Mingyi ng ilang sipi ng salita ng Makapangyarihang Diyos at ibinahagi sa akin kung bakit hindi ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw sa anyong espiritu, kundi ay personal itong isinasagawa sa katawang-tao.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay hindi direktang ginagawa gamit ang pamamaraan ng Espiritu at pagkakakilanlan ng Espiritu, sapagkat ang Kanyang Espiritu ay hindi maaaring mahawakan o makita ng tao, at hindi Siya maaaring malapitan ng tao. Kung sinubukan Niyang direktang iligtas ang tao sa paraan ng Espiritu, hindi magagawa ng tao na tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Kung hindi isinuot ng Diyos ang panlabas na anyo ng isang nilalang na tao, hindi magkakaroon ang tao ng paraan para tanggapin ang kaligtasang ito. Sapagkat walang paraan ang tao upang makalapit sa Kanya, katulad ng walang nakalapit sa ulap ni Jehova. Personal Niyang magagawa ang salita sa lahat ng sumusunod sa Kanya sa pamamagitan lamang ng pagiging isang nilikhang tao, ibig sabihin, sa pamamagitan ng paglalagay ng Kanyang salita sa Kanyang magiging katawang-tao. Sa ganitong paraan lamang maaaring personal na makita at marinig ng tao ang Kanyang salita, at higit pa rito, taglayin ang Kanyang salita, at nang sa gayon ay lubusang mailigtas. Kung ang Diyos ay hindi naging katawang-tao, walang nagtataglay ng laman at dugo ang makakatanggap ng ganoon kadakilang kaligtasan, at wala rin kahit isang tao ang maliligtas. Kung ang Espiritu ng Diyos ay gumawa nang direkta sa gitna ng sangkatauhan, ang buong sangkatauhan ay babagsak o di kaya ay ganap na mabibihag ni Satanas dahil hindi kaya ng tao na makalapit sa Diyos. Ang unang pagkakatawang-tao ay upang tubusin ang tao mula sa kasalanan sa pamamagitan ng katawang-tao ni Jesus, na ang ibig sabihin ay iniligtas Niya ang tao mula sa krus, ngunit ang tiwaling satanikong disposisyon ng tao ay nanatili pa rin sa loob ng tao. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay hindi na upang magsilbing handog para sa kasalanan kundi upang lubos na iligtas ang mga taong tinubos mula sa kasalanan. Ito ay ginagawa upang ang mga pinatawad na ay mailigtas mula sa kanilang mga kasalanan at gawing lubos na malinis, at sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay makakawala sila sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas at makakabalik sa harap ng trono ng Diyos. Tanging sa paraang ito maaaring lubos na mapabanal ang tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4).

Kung ang Espiritu ng Diyos ay direktang nagsalita sa tao, ang buong sangkatauhan ay magpapasakop sa tinig, babagsak na walang mga salita ng pagbubunyag, tulad ng kung paanong si Pablo ay bumagsak sa lupa sa gitna ng liwanag habang siya ay papunta sa Damasco. Kung ang Diyos ay nagpatuloy na gumawa sa ganitong paraan, hindi kailanman magagawa ng tao na makilala ang kanyang sariling katiwalian sa pamamagitan ng paghatol ng salita at nang sa gayon ay makamit ang kaligtasan. Tanging sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao maihahatid ng Diyos nang personal ang Kanyang mga salita sa mga tainga ng lahat ng tao upang ang lahat ng may mga tainga ay marinig ang Kanyang mga salita at makatanggap ng Kanyang gawain ng paghatol sa pamamagitan ng salita. Ang resultang ito ay nakamit sa pamamagitan lamang ng Kanyang salita, sa halip na sa pagpapamalas ng Espiritu upang takutin ang tao para magpasakop. Sa pamamagitan lamang ng praktikal at higit sa karaniwang gawaing ito maaaring lubusang maibunyag ang lumang disposisyon ng tao, na malalim na naitago sa loob ng maraming taon, upang makilala ito ng tao at mabago ito. Lahat ng ito ang praktikal na gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, kung saan nakakamit Niya ang mga resulta ng paghatol sa tao ng salita sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsasagawa ng paghatol sa isang praktikal na paraan. Ito ang awtoridad ng Diyos na nagkatawang-tao at ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4).

Tapos ay ibinahagi niya sa akin, “Makikita natin mula sa mga salita ng Diyos na noong unang magkatawang-tao ang Diyos, ipinako Siya sa krus bilang handog para sa kasalananan para akuin ang mga kasalanan ng tao, kaya kapag naniwala na tayo sa Panginoon, pinatatawad ang ating mga kasalanan. Pero ang ugat ng ating kasalanan, ang ating pagiging likas na makasalanan ay nasa atin pa ring kalooban. Patuloy tayong nagkakasala at naglalantad ng ating tiwaling disposisyon tulad ng kayabangan, kabuktutan, at kasamaan. Nagsisinungaling tayo at nandaraya, naiinggit tayo, at napopoot. Sa harap ng kalamidad, o kapag may paghihirap sa ating pamilya, madalas nating sisihin at husgahan ang Diyos, at tinatanggihan pa Siya. Iyan ay isang katotohanang hindi maikakaila. Ang Diyos ay banal, kaya sinumang hindi malinis ay hindi Siya mamamasdan. Napakarumi at napakatiwali natin, at nagkakasala at lumalaban tayo sa Diyos, kaya paano tayo magiging karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng Diyos? Kapag nagbalik ang Panginoong Jesus sa mga huling araw, ipapahayag Niya ang mga katotohanan at gagawin ang gawain ng paghatol para linisin at baguhin ang tao upang lubos na maiwaksi ng mga tao ang kanilang kasalanan at katiwalian, maligtas ng Diyos, at makapasok sa kaharian ng Diyos. Ang Kanyang paghatol sa mga huling araw ay para dalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Samakatuwid ay angkop na angkop ang Kanyang gawain sa katawang-tao. Kung hahatulan ng Espiritu ng Diyos ang mga tao, hindi sila malilinis o maliligtas. Iyon ay dahil ang mga tao ay mortal, may katawan, at nagawa tayong lahat na tiwali ni Satanas, kaya puno tayo ng mga satanikong disposisyon, karumihan, at katiwalian. Hindi tayo kailanman makakalapit sa Espiritu ng Diyos. Kung ang Kanyang Espiritu ang deretsahang humatol sa atin, mawawasak lang tayo dahil sa ating pagkasuwail at paglaban. Ang tuwirang pakikipag-usap ng Espiritu ng Diyos sa tao ay magiging parang kulog at kidlat. Hindi lang natin ito hindi mauunawaan, kundi masisindak pa tayo rito. Hindi makakamit ng gayong uri ng gawain ng paghatol sa sangkatauhan ang hinahangad na mga layunin. Bibigyan kita ng isang halimbawa: Isipin mo na nasugatan ang isang munting ibon at gusto natin itong tulungan, pero takot ito sa atin at ayaw tayong palapitin, dahil ibang-iba ito sa atin, at hindi nito maunawaan ang sinasabi natin at hindi nauunawaan ang ating mga intensyon. Pero kung magiging munting ibon tayo, at lumapit tayo para tumulong, hindi ito matatakot o lalaban sa atin. Sa gayon ding paraan, para mas mailigtas tayo, na mga taong lubhang nagawang tiwali, naging tao ang Diyos at nakasuot ng panlabas na anyo ng isang karaniwang tao. Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan, nagsasalita sa isang wikang nauunawaan ng mga tao, at naglalantad ng ating katiwalian at pagkasuwail, pati na ang ating pagiging likas na makasalanan na lumalaban sa Diyos, nagpapakita ng Kanyang matuwid na disposisyon sa atin, upang makita natin na totoong-totoo ang Diyos. Sa gayon ay napakalinaw Niya ring maibabahagi sa atin ang Kanyang kalooban at mga hinihingi, at ang mga katotohanang dapat isagawa at pasukin ng mga tao, na nagpapakita sa atin ng landas para mabago ang ating mga disposisyon at malinis. Ang paggawa ng Diyos ng Kanyang gawain sa katawang-tao ay mas mailalantad ang ating mga haka-haka at pagkasuwail. Nang unang magkatawang-tao ang Diyos at naparito para gumawa, alam na alam ng mga Pariseo na ang gawain at mga salita ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at makapangyarihan, pero nakita nila na hindi Siya mukhang isang dakilang tao, na Siya ay anak ng isang karpintero, at na ang sinabi at ginawa Niya ay hindi tugma sa kanilang mga haka-haka at mga imahinasyon, kaya tumanggi silang tingnan man lang ito, at nilabanan at kinondena lang nila Siya, at pinigilan ang iba na siyasatin ang gawain ng Diyos. Sa huli, ipinapako nila ang Panginoong Jesus sa krus. Sa mga huling araw, muling nagkatawang-tao ang Diyos para gawin ang Kanyang gawain ng paghatol, at dahil hindi naaayon sa mga haka-haka ng mga tao ang Kanyang pagiging tao para mangusap at gawin ang Kanyang gawain, nililimitahan natin ang Diyos dahil sa ating kayabangan, paghusga sa Kanya, at paglaban sa Kanyang gawain. Lalo na ang mga pari ng mundo ng mga relihiyon, mabangis nilang nilalabanan, kinokondena, at nilalapastangan ang Diyos. Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos para gawin ang gawaing ito, kundi pumarito ang Kanyang Espiritu para gawin ang gawain ng paghatol, sino ang mangangahas na bastusin Siya? Maibubunyag ba niyan ang katiwalian ng mga tao? Diyos lang na nasa katawang-tao ang makapagbubunyag ng lahat ng ating pagkasuwail, katiwalian, at mga haka-haka tungkol sa Diyos. Mapapansin ng mga nagmamahal sa katotohanan ang kanilang mga tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan ng pagsuway at pagkasuwail laban sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang paghatol at mga paghahayag. Nagagawa nilang magsisi at kamuhian ang kanilang sarili, at sa huli ay nalulupig sila at nalilinis sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at inaakay sila ng Diyos patungo sa Kanyang kaharian. Pero yaong mga kumakapit sa kanilang mga haka-haka at mga imahinasyon, na tumatanggi at lumalaban sa Diyos, na ayaw tanggapin ang katotohanan, pero pilit na nilalabanan ang Diyos, ay ibubunyag ng Diyos bilang mga ligaw na damo. Sila ang mga kampon ng kasamaan at mga anticristong ibinunyag ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Hindi lang sila hindi maliligtas, kundi isusumpa pa sila at parurusahan ng Diyos, katulad lang ng mga Pariseo. Kaya, ang pagparito ng Diyos na nagkatawang-tao para gawin ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw ay lubhang nakakatulong sa pagliligtas sa tiwaling sangkatauhan.”

Talagang nagbigay-liwanag sa akin ang pagbabahagi ni Mingyi. Naisip ko ang Kapanahunan ng Kautusan. Nang magpakita ang Diyos na si Jehova at mangusap sa mga Israelita sa Bundok ng Sinai, narinig nilang lahat ang tinig ng Diyos na parang kulog at napuno sila ng takot. Sabi nila kay Moises, “Magsalita ka sa amin, at aming didinggin: subalit huwag magsalita ang Diyos sa amin, baka kami ay mamatay” (Exodo 20:19). Ang Diyos ay banal, at tayo’y mga tiwaling tao. Hindi talaga tayo maaaring magkaroon ng direktang ugnayan sa Espiritu ng Diyos. Naalala ko rin noong una kong marinig ang balita na nagbalik na ang Panginoon sa katawang-tao. Puno ako ng mga haka-haka at pagtutol, at labis-labis ang kayabangan ko. Pikit-mata kong ipinalagay at hinusgahan, nang hindi nagtatanong o nagsisiyasat, na hindi posibleng bumalik ang Panginoon sa katawang-tao. Isinara ko ang simbahan, pinigilan ang iba na siyasatin ang tunay na daan, at sinubukang pigilan ang asawa ko sa pagdalo sa mga pagtitipon. Paano naiba ang mga kilos ko sa mga Pariseo, noong labanan nila ang Panginoong Jesus? Naging napakayabang ko at napakasuwail. Kung ginawa ng Espiritu ng Diyos ang gawain ng paghatol, napuksa na sana ako, sa gayo’y paano ako magkakaroon ng pagkakataong matamo ang pagliligtas ng Diyos? Ang pagsasagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ng gawain ng paghatol ay talagang Kanyang pagliligtas sa tao! Talagang kailangang isagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain sa mga huling araw!

Ilang beses pang nagbahagi sa akin si Mingyi pagkatapos niyon at nagbasa ako ng maraming salita ng Makapangyarihang Diyos. Mula sa Kanyang mga salita, nalaman ko ang kuwento sa loob at kahulugan sa likod ng tatlong yugto ng gawain para iligtas ang sangkatauhan, ang mga hiwaga ng mga pagkakatawang-tao ng Diyos, at ang mga hiwaga ng Kanyang mga pangalan, ang katotohanan sa loob ng Bibliya, paano marinig ang Kanyang tinig, paano makilala ang tunay na Cristo mula sa mga huwad, anong uring mga tao ang inililigtas ng Diyos, at anong uring mga tao ang Kanyang pinaaalis, at iba pa. Nang lalo kong basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, lalo kong naunawaan ang Kanyang gawain at Kanyang kalooban. Naunawaan ko ang napakaraming hiwaga ng Bibliya na hindi ko naunawaan dati, napakaraming bagay ang naging malinaw na hindi ko naintindihan kahit kailan. Lubos na nagpasigla ito sa akin. Natiyak ko sa puso ko na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan, ang tinig ng Diyos, at na ang Makapangyarihang Diyos ang kaisa-isang tunay na Diyos na nagpakita! Ito ay dahil ang Diyos lang ang maaaring magpahayag ng mga katotohanan, magbunyag ng mga hiwaga, at magbigay sa atin ng walang-katapusang katotohanan at buhay. Ang Makapangyarihang Diyos nga ang nagbalik na Panginoon! Dati-rati ay nakakapit ako sa mga literal na salita ng Bibliya, at nilimitahan ko ang Diyos batay sa aking mga haka-haka at imahinasyon. Hindi ko siniyasat ang bagong gawain ng Diyos, kundi matigas kong tinanggihan ang nagbalik na Panginoon. Muntik na akong maging isang Pariseo na lumalaban sa Diyos, at malampasan ng pagkakataong salubungin ang nagbalik na Panginoon at makapasok sa langit. Kung hindi ako ginabayan at iniligtas ng Diyos sa oras, siguradong nasira na sana ako ng aking mga haka-haka. Salamat sa awa at pagliligtas ng Diyos at makakasalubong ako sa Kanyang pagbabalik at makakadalo sa piging ng Kanyang kasal. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman