Desidido Ako sa Landas na Ito

Enero 11, 2022

Desidido Ako sa Landas na Ito

Ni Han Chen, Tsina

Ilang taon na ang nakararaan, inaresto ako ng mga pulis dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Sinentensyahan ako ng Partido Komunista ng tatlong taon para sa “pag-oorganisa at paggamit ng isang kulto upang mapahina ang pagpapatupad ng batas.” Pagkalabas ko, akala ko’y sa wakas muli na akong makadadalo sa mga pagtitipon at maipagpapatuloy ang aking mga tungkulin. Hindi ko inakala na patuloy akong mamanmanan ng pulisya at lilimitahan ang kalayaan ko. Nang dalhin ako ng mga magulang ko sa istasyon ng pulisya para sa aking pagpapatala ng tirahan, mabagsik na sinabi sa akin ng opisyal na namamahala sa akin, “Dapat iulat mo sa akin kung gusto mong umalis sa lugar na ito, at bawal kang umalis sa lungsod na ito o mangibang bansa sa loob ng limang taon. Hindi ka rin puwedeng magpahayag ng iyong pananampalataya o dumalo sa mga pagtitipon. Kung malalaman kong nagpunta ka sa mga pagtitipong pangrelihiyon, ibabalik kita sa kulungan. At huwag mo isiping makakalabas ka pa!” Dahil sa takot na maaari akong maarestong muli, sinabihan ng mga magulang ko ang ate ko na bantayan ako para matiyak na hindi ko binabasa ang mga salita ng Diyos o kinokontak ang sinumang kapatid. Naihanap ako ng trabaho ng kapatid kong babae bilang isang sales clerk, at kung ginagabi ako sa labas, tinatawagan niya ako at tinatanong, “Nasaan ka? Ano’ng ginagawa mo?” Minsan, nang binabasa ko ang mga salita ng Diyos sa tablet ko, napansin ng kapatid ko at kinulit niya ako kung nagbabasa ba ako ng mga salita ng Diyos, at sinubukan pang hablutin ang tablet mula sa akin. Mabilis kong ibinulalas na nagbabasa ako ng nobela at hindi na niya ako ginulo. Matapos noon, kinailangan kong magtago sa ilalim ng kumot para magbasa ng mga salita ng Diyos kapag nakatulog na siya.

Isang araw, nahanap ng kapatid ko ang ilang salita ng Diyos na kinopya ko at kinuwestiyon niya ako, “Nananampalataya ka pa rin at dumadalo sa mga pagtitipon, ano?” Galit akong sumagot, “Ang magkaroon ng pananampalataya at pagsamba sa Diyos ay tama at nararapat. Pabayaan mo ako!” Pagkatapos ay nagmadali siyang tawagan ang panganay naming kapatid, na sumampal sa mukha ko pagkapasok na pagkapasok pa lang nito sa pinto, sinisigawan ako, “Ang lakas ng loob mong maniwala pa rin, ano? Mula nang makulong ka, araw-araw na umiyak si Mama. Halos mabulag na nga siya kakaiyak. Kung maibalik ka roon, isipin mo kung ano ang magagawa noon kay Mama! Hindi mo ba puwedeng isuko na lang iyang patungkol sa Diyos at pagpahingahin naman si Mama kahit minsan?” Halos hindi ko kinaya nang marinig ko siyang sabihin ito, at hindi ko mapigilan ang pag-agos ng mga luha sa mukha ko. Naging napakamapagmahal ng aking ina sa akin mula pa noong bata ako, at ngayong matanda na ako ay pinag-aalala ko siya sa akin. Kung maaaresto akong muli, makakaya pa kaya niya? Medyo nanghihina ako, kaya agad akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan ang aking puso. Kalaunan, nakita ko ito sa mga salita ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanyang paglaki hanggang sa kanyang pagtanda(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Ang bawat paghinga ko ay nagmumula sa Diyos. Ang Diyos ang nagbantay at pumrotekta sa akin habang lumalaki ako. Ang sinumang mabait o matulungin sa akin ay isinaayos ng Diyos. Ang pamilya kung saan ako isinilang at ang uri ng magulang na mayroon ako ay pinagpasyahan at isinaayos din ng Diyos. Dapat akong magpasalamat sa Diyos at suklian ang Kanyang pagmamahal, na lumaki ako nang walang insidente, na nabuhay ako para makita ang ngayon. Kung itatatwa ko ang Diyos o pagtataksilan Siya dahil sa mga nadarama ko para sa pamilya ko, hindi ito makatwiran. Nag-alala ang Mama ko at sumasama ang lagay ng kalusugan niya. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dahil sa Partido Komunista? Kung hindi nila ako inaresto at inusig, hindi kailangang matakot ng mga magulang ko. Inuusig ako at sinasaktan ang pamilya ko ng Partido Komunista dahil gusto nito na pagtaksilan ko ang Diyos. Hindi ko pahihintulutang magtagumpay ang mga pakana nito! Nang maisip ko ito, nanumbalik ang aking paninindigan: Gaano pa man ako hadlangan ng pamilya ko, kailangan kong maniwala at sumunod sa Diyos! Pagkatapos noon, habang nagtatrabaho, dumadalo rin ako sa mga pagtitipon at nagbabahagi ng ebanghelyo.

Noong Pebrero 2017, naghahanda akong pumasok sa trabaho isang umaga nang makatanggap ako ng tawag. Sabi sa akin ng isang lalaking nagngangalang Chen, na isang hepe ng sangay mula sa Political and Legal Affairs Commission, “Magpunta ka rito ng susunod na dalawang araw para pumirma ng isang salaysay na nagsasabing hindi ka naniniwala sa Diyos. Ang lahat ng iba pang lokal na mananampalataya na naaresto at pinalaya ay pumirma na, ikaw na lang ang natitira.” Nagalit talaga ako nang marinig ko ito. Ang kaakibat lang ng pananampalataya ko ay pagdalo ko sa mga pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pero ikinulong nila ako dahil dito, pinahirapan ako, at sapilitan nilang sinubukan na i-brainwash ako. Ngayong nakalaya na ako, minamatyagan pa rin nila ako, sinusubukan pa akong puwersahin na pumirma sa isang papeles para talikuran ko ang pananampalataya ko. Gagawin nila ang kahit na ano para pagtaksilan ko ang Diyos. Kasuklam-suklam talaga sila at masama! Hindi ko mahahayaang magtagumpay ang panlilinlang ni Satanas. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Kung sasabihin ko sa kanya na hindi ako pipirma, ibabalik ba ako sa kulungan ng Political and Legal Affairs Commission? Ayokong bumalik sa kulungan at mamuhay ng di-makataong buhay roon.” Nang maisip ko ito, sinabi ko sa kanya: “Abala ako sa trabaho sa susunod na dalawang araw at wala akong oras. Pupunta ako makalipas ang ilang araw.” Sa gulat ko, noong sumunod na umaga, pinadalhan ako ni Chief Chen ng text na nagsasabing: “Aprubado na ang health insurance card mo. Dumaan ka rito at kunin ito ngayong araw.” Naisip ko sa sarili ko: “Kahit kailan ay hindi ako nag-apply para sa health insurance card. Isa ba ito sa mga panlilinlang ni Satanas?” Naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Dapat gising kayo at naghihintay sa lahat ng oras, at dapat kayong mas manalangin sa harapan Ko. Dapat ninyong makilala ang iba’t ibang balak at mga tusong pakana ni Satanas, makilala ang mga espiritu, makilala ang mga tao, at makayang makilatis ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 17). Ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na maraming panlilinlang si Satanas. Sa pagsasabi na lahat ng lokal na mananampalataya na naaresto at pagkatapos ay pinalaya ay pumirma na maliban sa akin, sinusubukan akong linlangin ni Chief Chen na pumunta. Dahil nabigo ang panlilinlang na iyon, ginamit niya ang health insurance card bilang pain. Talagang tuso siya. Nang mapag-isipan ang lahat ng ito, nagpasya akong hindi pumunta.

Pagkatapos noong sumunod na umaga, sumugod sa trabaho ko ang aking ama. Mukhang naliligalig, sinabi niya sa akin, “Kahapon, pinatawag ako ni Chief Chen sa opisina niya nang napakaaga. Sinabi niya sa akin na ang lungsod ay nagsasagawa ng isang espesyal na imbestigasyon kung nananampalataya ka pa rin o hindi. Kung pipirmahan mo ang papeles na ipinahahayag na hindi na, maaari ka nang mamuhay nang normal tulad ng lahat ng iba pa, at walang magmamatyag o maghahanap sa iyo. Pero kung hindi ka pipirma, dadalhin ka sa kulungan para ikaw ay baguhin. Makinig ka sa akin—isuko mo na ang pananampalataya mo at pumunta ka na lang at pumirma ng pangalan mo.” Nagalit at namuhi ako nang marinig ito. Sinabi ko sa aking ama, “Papa, alam mo na ang paniniwala sa Diyos ang tamang landas. Kaya paano ko matatalikuran ang pananampalataya ko dahil sa takot na mausig? Nagiging malubha na ngayon ang mga sakuna. Ang Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagligtas, ay nagpapahayag ng katotohanan para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at mula sa mga sakuna. Ito ang tanging pagkakataon natin na maligtas. Kung hindi tayo maniniwala, tiyak na mamamatay tayo sa sakuna. Nihihibang na inaaresto at inuusig ng Partido Komunista ang mga mananampalataya, pinupuwersa silang pagtaksilan ang Diyos, para mapunta sila sa impiyerno kasama nito. Ang ibig sabihin ng pagpirma ng pangalan ko ay pagtataksil sa Diyos at magpapahamak sa akin sa huli! Hindi ko puwedeng pirmahan iyon.” Sinabi sa akin ng aking ama, na natatakot at ninenerbiyos, “Kung hindi ka pipirma, ibabalik ka sa kulungan ng pulisya. Gusto mo ba talagang magdusa na naman doon? Kahit na hindi mo isipin ang sarili mo, paano ang nakababatang kapatid mo? Pinupuntirya ng Partido Komunista ang buong pamilya ng isang mananampalataya. Tingnan mo ang ate mo. Nagtapos siya sa isang teachers college, pero bumagsak siya sa pagsisiyasat na pampulitika dahil sa pananampalataya mo at hindi makakuha ng trabaho sa isang magandang paaralang pang-elementarya. Magtatapos ang nakababata mong kapatid sa teachers college ngayong taon at maghahanap ng trabaho, kung hindi ka pipirma, hindi niya maipapasa ang pagsisiyasat na pampulitika at tiyak na hindi siya makakahanap ng magandang trabaho. Hindi mo ba sinisira ang kinabukasan niya? Makinig ka sa akin, magtiis ka na lang at pirmahan iyon. Hindi ka ba puwedeng palihim na lang na maniwala? Bakit ba napakatigas ng ulo mo?” Habang nakatingin sa hapis na mukha ng aking ama, na may luha sa kanyang mga mata, na napakabalisa na nanunuyo na ang kanyang bibig, talagang sumama ang pakiramdam ko at nagtatalo ang kalooban ko: “Kung pipirma ako, pagtataksilan ko ang Diyos, at mamamarkahan ako ng tatak ng hayop; ito ang marka ng pagdadala ng kahihiyan sa Diyos, at hindi Niya ako sasang-ayunan. Pero kung hindi ako pipirma, hindi maipapasa ng kapatid ko ang pagsisiyasat na pampulitika at maaapektuhan ang kinabukasan niya. Habambuhay na mamumuhi ang pamilya ko sa akin. At paano kung ibalik ako sa kulungan ng mga pulis at pahirapan ako kung hindi ako pumirma? Paano kung bugbugin nila ako hanggang sa ikamatay ko ito?” Ang pag-iisip tungkol sa lahat ng iyon ay parang kutsilyo na nakasaksak sa dibdib. Hindi ko alam ang dapat kong piliin. Sinabi ko sa aking ama, “Hayaan mo akong pag-isipan ito.” Pagkaalis niya, nanalangin ako sa Diyos nang lumuluha: “Diyos ko, nanghihina po ang puso ko, bigyan Mo po ako ng pananampalataya at lakas, at gabayan ako na panindigan ang patotoo ko.”

Matapos kong manalangin, natagpuan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag hindi pa nailigtas ang mga tao, ang mga buhay nila ay madalas na ginugulo, at maaaring pinamamahalaan, ni Satanas. Sa madaling salita, ang mga tao na hindi pa naililigtas ay mga bilanggo ni Satanas, sila ay walang kalayaan, hindi pa sila binibitawan ni Satanas, sila ay hindi naaangkop at walang karapatan na sumamba sa Diyos, at sila ay labis na tinutugis at nilulusob nang matindi ni Satanas. Ang ganitong mga tao ay walang kaligayahan na masasabi, wala silang karapatan sa isang normal na pag-iral na masasabi, at higit pa rito, wala silang dangal na masasabi. Tanging kung ikaw ay maninindigan at makikipaglaban kay Satanas, gamit ang iyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos, at takot sa Diyos, bilang iyong mga sandata na gagamitin para sa isang buhay-at-kamatayan na pakikipaglaban kay Satanas, kung saan sukdulan mong matatalo si Satanas na magiging dahilan ng pag-urong ng buntot nito at pagiging duwag sa tuwing makikita ka, upang tuluyan na nitong itigil ang mga paglusob at paratang laban sa iyo—saka ka lang maililigtas at magiging malaya. Kung ikaw ay determinadong lumaya nang lubusan mula kay Satanas, ngunit wala kang mga sandatang tutulong sa iyo upang talunin si Satanas, ikaw ay manganganib pa rin. Sa paglipas ng panahon, kapag ikaw ay lubhang napahirapan na ni Satanas na wala nang natitirang lakas sa iyo, ngunit hindi mo pa rin magawang magpatotoo, hindi pa rin tuluyang napapalaya ang iyong sarili sa mga paratang at paglusob ni Satanas laban sa iyo, magiging maliit lamang ang pag-asa na maililigtas ka. Sa huli, kapag ipinapahayag na ang konklusyon ng gawain ng Diyos, nasa mahigpit na pagkakahawak ka pa rin ni Satanas, kung saan hindi mo magawang palayain ang iyong sarili, at dahil dito hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataon o pag-asa. Kung gayon, ang ipinapahiwatig nito ay magiging ganap na mga bihag ni Satanas ang ganitong mga tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Iniisip ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pag-uusig ng Partido Komunista at ang panghihimasok ng pamilya ko ay mga panunukso at pag-atake mula kay Satanas. Naisip ko noong tinukso ni Satanas si Job. Lahat ng pag-aari niya ay ninakaw sa kanya at nawala sa kanya maging ang mga anak niya. Napuno ng masasakit na pigsa ang kanyang katawan, inatake siya ng sarili niyang asawa at sinabi sa kanya na talikuran ang Diyos at mamatay, pero hindi nagreklamo si Job sa Diyos o itinatwa Siya. Pinuri pa nga Siya ni Job. Sabi nito: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Napagtagumpayan ni Job ang mga panunukso ni Satanas sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya at takot sa Diyos. Matunog na nagpapatotoo sa Diyos, ipinahiya at tinalo niya si Satanas. Pagkatapos kong makalaya mula sa kulungan, ginamit ng Partido Komunista ang pamilya ko para subukang puwersahin akong pumirma ng papeles ng pagtalikod sa pananampalataya ko. Ito ay panunukso at pag-atake ni Satanas. Ginagamit ni Satanas ang pagmamahal ko sa pamilya ko at ang pag-aalala ko sa kinabukasan ng kapatid ko para pagtaksilan ko ang Diyos. Kung ipagtatanggol ko ang pamilya ko at ang mga interes ng laman sa pamamagitan ng pagtataksil sa Diyos, hindi ba ako magiging bihag ni Satanas? Alam kong hindi ako puwedeng mahulog sa mga panlilinlang ni Satanas, kundi dapat akong sumunod sa halimbawa ni Job, na tumayong saksi para sa Diyos at ipahiya si Satanas.

Kalaunan ay nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kalakas’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang sumunod sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, at gumawa para sa sangkatauhan, at pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at maging panghambing ng Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Ang pagbabasa nito ay nagbigay sa akin ng kaunting kabatiran sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Gaano man kabangis si Satanas, isa lang siyang tauhan sa mga kamay ng Diyos, isang kasangkapan na nagseserbisyo sa Kanya. Inalala ko ang pagkaaresto at pagpapahirap sa akin sa mga kamay ng Partido Komunista. Noong mahina ang aking laman, pinatibay ng mga salita ng Diyos ang pananampalataya ko at inakay ako sa bawat isang paghihirap. Matapos akong mapalaya mula sa kulungan, nagpatuloy akong minanmanan ng Partido Komunista, at ang aking pamilya, na nadala sa mga sabi-sabi nito, ay binantayan din ako at hinadlangan ang pananampalataya ko. Pero sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang ilang katotohanan, napagtagumpayan ko ang sunod-sunod na tukso, at napalakas ang determinasyon kong sumunod sa Diyos. Sa lahat ng iyon, nakita ko na isang kasangkapan lang si Satanas para maperpekto ng Diyos ang Kanyang hinirang na mga tao. Wala akong dapat katakutan. Pinaghaharian ng Diyos ang lahat—Siya ang namamahala sa tadhana ng lahat. Nasa mga kamay ng Diyos ang aking buhay at kamatayan. Kung makakahanap ba ng trabaho ang kapatid ko, kung anong klaseng hinaharap ang magkakaroon siya—ang mga bagay na ito ay itinakdang lahat ng Diyos. Hindi nga kayang kontrolin ng Partido Komunista ang sarili nitong kapalaran, kaya paano nito makokontrol ang buhay at kamatayan ko, at ang kinabukasan ng kapatid ko? Kahit pa isang araw ay muli akong maaresto at pahirapan ng pulisya, ito ay dahil hinayaan itong mangyari ng Diyos. Kailangan kong umasa sa Diyos at tumayong saksi. Kung pahahalagahan ko ang buhay ko, kung mababahala ako sa mga interes ng pamilya ko, at pipirmahan ang papeles na nagtataksil sa Diyos, magiging marka iyon ng kahihiyan. Kahit na mabuhay ako, magiging isa lang akong naglalakad na bangkay. Isinasaisip iyon, pinatatag ko ang aking sarili para malabanan ang anumang panunukso at pag-atakeng mula kay Satanas, at para manindigan sa aking patotoo at hiyain si Satanas!

Nang gabing iyon pagkauwi ko sa bahay, sinigawan ako ng ate ko: “Binigyan ka ng tatlong araw ng Political and Legal Affairs Commission. Bukas ang huling araw. Pipirma ka ba sa papeles o hindi? Tumatanda na sina Mama at Papa, palagi silang nag-aalala sa iyo. Halos hindi sila kumain o natulog sa buong tatlong taon na nasa kulungan ka. Nakalabas ka na ngayon, pero nabubuhay pa rin sila na ninenerbiyos. Ayos lang ba sa iyo na binibigo mo sila nang ganito? May konsiyensiya ka pa ba? Ikamamatay mo ba ang pagpirma sa papeles na iyon?” Napagtanto ko na si Satanas ito na inaatake akong muli sa pamamagitan ng pamilya ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi naniniwala. Gayunman, para sa Aking kapakanan, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Manalig ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaan ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari. Ibuhos ang lahat ng iyong pagsisikap sa paglalagay ng iyong puso sa Aking harapan, at pagiginhawahin kita at bibigyan ka ng kapayapaan at kaligayahan. Huwag magsikap na maging isang bagay sa harap ng ibang mga tao; hindi ba’t mas mahalaga at matimbang ang bigyan Ako ng kasiyahan? Sa pagbibigay ng kasiyahan sa Akin, hindi ka ba higit na magkakaroon ng walang-hanggan at panghabambuhay na kapayapaan at kaligayahan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Binigyan ako ng lakas ng mga salita ng Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, at kailangan kong patuloy na manampalataya sa Kanya at sundan Siya anuman ang mangyari. Iniligaw at ginipit ng Partido Komunista ang pamilya ko para ilayo ako sa aking pananampalataya. Malinaw na ipinakita nito sa akin ang mala-demonyong diwa ng pagkapoot sa katotohanan at pagiging kaaway ng Diyos ng Partido Komunista. Kinamuhian at tinanggihan ko ito mula sa aking puso. Kahit na walang anumang pagkaunawa o suporta mula sa pamilya ko, kailangan kong tumayong saksi at hiyain si Satanas. Nang maisip ko ito, sinabi ko sa ate ko: “Kung hindi makakain at makatulog nang maayos sina Mama at Papa, at kung palagi silang nag-aalala, hindi ba’t kasalanan itong lahat ng Partido? Tama at marapat na maniwala sa Diyos, maging mabuting tao, at sundan ang tamang landas. Pero hindi lang ako inaresto ng Partido, iniwan din nila tayo na walang magawa. Ang Partido ang may kasalanan!” Sa sandaling iyon, tumawag ang panganay kong kapatid, humihingi ng sagot: “Pipirma ka ba bukas o hindi? Dalawa lang ang pagpipilian mo. Ang pumirma ka sa papeles na nangangakong hindi ka naniniwala sa Diyos at makapagpatuloy na magtrabaho, kumita ng pera, at mamuhay ng magandang buhay, o ang hindi ka pumirma at hintaying itapon ka sa kulungan!” Matatag akong tumugon: “Kahit na kailanganin ko pang bumalik sa kulungan, hindi ko pipirmahan ang papeles na iyon!” Galit niya akong binabaan ng telepono, at ang isa ko pang kapatid ay hindi na lang ako pinansin.

Kalaunan ay inilipat ako sa labas ng bayan para magampanan ang aking mga tungkulin. Sa tuwing ginugunita ko ang buong karanasan na iyon, nakadarama ako ng katatagan sa puso ko. Pakiramdam ko’y ito ang pinakamabuting pagpili na ginawa ko, at hindi ko ito pagsisisihan kailanman.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Hindi Matatakasang Pasakit

Ni Qiu Cheng, Tsina No’ng mag-edad 47 na ako, nagsimulang mabilis na lumabo ang paningin ko. Sabi ng doktor na kung hindi ko aalagaan ang...