Kung Paano Ko Iniulat ang Isang Anticristo

Disyembre 11, 2024

Ni Wen Jing, Tsina

Ilang taon ang nakararaan, mula sa labas ng bayan ay bumalik ako sa aking lokal na iglesia para gawin ang aking tungkulin. Nang marinig kong sinabi ng lider na si Zhang Xin na si Xiao Liu ang diyakono ng pagdidilig, natigilan ako. Alam kong dating naghahasik ng hidwaan si Xiao Liu, at sinusupil at pinaparusahan din niya ang mga tao. Para magkaroon ng kapangyarihan sa iglesia, sinabihan niya at ng ilang masasamang tao ang mga lider at manggagawa na mga huwad, na nagdudulot ng kaguluhan. Nung panahong iyon, tinukoy siya ng mga kapatid bilang isang masamang tao batay sa kanyang pag-uugali at inihanda ang mga materyal para itiwalag siya. Bakit siya ngayon ang diyakono ng pagdidilig? Tinanong ko si Zhang Xin, na nagsabing nagbago na ngayon si Xiao Liu at nagdala ng pasanin sa kanyang tungkulin, at dapat ko siyang ituring nang may pagmamahal mula sa perspektibo ng paglago. Bagamat meron akong mga pagdududa, kababalik ko lang, kaya hindi ko alam kung ano ang nangyayari, at naisip ko na bilang isang lider, hindi lalabag sa mga prinsipyo sa pagpili ng mga tao si Zhang Xin, kaya hindi na ako nagtanong pa. Binanggit din ni Zhang Xin na si Sister Fang Ling, na dati niyang kapareha bilang lider, ay hindi nakagawa ng tungkulin o nakadalo sa mga pagtitipon mula nang matanggal, at hindi nagbago matapos ang paulit-ulit na pagbabahagi. Kaya, dapat siyang alisin, at hiniling sa akin ni Zhang Xin na magbigay ng mga halimbawa ng masasamang gawa ni Fang Ling. Medyo naghinala ako rito. Hindi lang nagdala ng pasanin si Fang Ling sa kanyang tungkulin at isang huwad na lider na hindi gumawa ng totoong gawain. Pero pagkatapos na matanggal, ipinangaral pa rin niya ang ebanghelyo, inasikaso ang mga pangkalahatang gawain, at hindi gumawa ng masama. Bakit siya kinailangang paalisin? Habang mas iniisip ko ito, mas lalong parang mali ito. Naalala ko na noong nakipag-ugnayan ako kay Zhang Xin dati, talagang mapaghiganti siya. Minsang iniulat ni Fang Ling sa mga nakatataas na lider na hindi nagdadala ng pasanin si Zhang Xin sa kanyang tungkulin. Hindi kaya may sama ng loob siya sa nangyari at gusto niyang maghiganti kay Fang Ling? Kung gano’n nga, pinarurusahan ni Zhang Xin si Fang Ling, at iyon ay paggawa ng masama! Pero napagtanto ko rin na hindi ko alam ang tungkol sa kamakailang pag-uugali ni Fang Ling, kaya hindi ako nakatitiyak na may mali kay Zhang Xin. Nagpasya akong maghintay hanggang sa makasiguro ako.

Kalaunan, nabalitaan ko na binaluktot ni Zhang Xin ang mga katunayan at hinusgahan si Fang Ling sa isang pagtitipon, at nang pinabulaanan siya ng isang sister, kinondena niya ang sister na iyon at si Fang Ling para sa pagtutulungan na atakihin ang pamunuan at isinaayos na magnilay-nilay sa pagkakabukod ang sister na iyon. Dahil isa pang sister ang nagsabi na pinapakitunguhan ni Fang Ling ang iba nang may pagmamahal, nagsinungaling si Zhang Xin, sinasabing nanganganib ang kaligtasan ng sister, at pinigilan siyang dumalo sa mga pagtitipon sa loob ng tatlong buwan. Meron ding isang sister na namamahala sa mga pangkalahatang gawain, na pinatigil ni Zhang Xin sa paggawa ng tungkulin dahil lang binigyan nito ng payo si Zhang Xin. Talagang nabigla ako rito. Paanong wala talagang may-takot-sa-Diyos na puso si Zhang Xin? Napakarami niyang ginawang kasamaan para supilin ang mga tao. At ang mga sinupil niya ay mga tao sa iglesia na naghahangad ng katotohanan. May problema talaga kay Zhang Xin. Pinuntahan ko si Sister Li Xinrui, na nagdidilig ng mga baguhan, para makipagbahaginan at tukuyin ang isyu. Sinabi niya sa akin, “Hindi talaga nagpapakita ng pagsisisi si Xiao Liu. Binabanggit pa rin niya sa bawat pagtitipon na dinadaluhan niya ang tungkol sa mga kawalang-katarungan na dinanas niya at laging nakikipagtalo kung sino ang mali at sino ang tama, na nagsasanhi ng pagkagambala sa buhay-iglesia. Noong si Fang Ling ang lider, sinuri niya ang masamang pag-uugali ni Xiao Liu, kaya walang kimi na sinabi ni Xiao Liu na gusto niyang maghiganti sa kanya.” Nagalit ako. Sa katunayan ay sinabi ni Zhang Xin na nagsisi na si Xiao Liu. Malinaw na kinukunsinti niya ang isang masamang tao na nanggugulo sa iglesia. Hindi ba’t isa itong tanda ng huwad na lider? Pero naisip ko na kung hindi agad magbabago ng landas si Zhang Xin, maaantala niya ang gawain ng iglesia, kaya nagpasya akong ipaalam muna ang mga isyung ito sa kanya. Matapos makipagkita kay Zhang Xin, sinabi ko sa kanya na nilabag niya ang mga prinsipyo sa pagpigil sa mga sister na iyon sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Sa hindi inaasahan, talagang sinigawan niya ako, “May mga taong tumatangging sumunod sa akin, at sinisiraan ako kapag nakatalikod ako! Alam ko kung sino mismo ang may ganitong mga opinyon sa akin. Kung hindi nila ako susundin, sige iulat mo ito sa mga nakatataas na lider! Lahat ng ginagawa ko ay makatarungan at wasto. Hindi ako natatakot sa sinasabi ninuman tungkol sa akin.” Natakot ako sa malupit niyang tugon. Ngayon, siya lang ang may huling pasya sa iglesia, at sinusupil at pinarurusahan niya ang sinumang hindi nakikinig sa kanya. Siya ay walang iba kundi isang diktador. Isang bagay lang ang binanggit ko sa kanya, at naging napakalupit niya na kinatakutan ko na kung patuloy kong tutukuyin ang mga bagay-bagay at ilalantad siya, pagbabawalan niya akong gawin ang aking tungkulin. Magdurusa ang pagpasok ko sa buhay kapag nangyari iyon. Sa sandaling naisip ko iyon, tumigil na ako sa pagtukoy ng mga problema niya. Pagkauwi ko, labis akong nakonsensya. Isang masamang tao ang nanggugulo sa iglesia, at sinusupil ang aking mga kapatid. Sa halip na asikasuhin ang usaping ito, sinusupil ni Zhang Xin ang mga tao, at nung tukuyin ko ang problema niya, hindi niya ito tinanggap. Alam kong dapat kong iulat ang sitwasyong ito sa mga nakatataas na lider. Pagkatapos nun, pinuntahan ko si Xinrui. Tinalakay namin ang mga prinsipyo ng pagsulat ng liham na ulat at naghandang iulat si Zhang Xin. Pero nang matapos naming isulat ang masasamang niyang pag-uugali at handa na kaming ibigay ito, nag-alinlangan ako. Ano ang gagawin namin kapag nalaman ni Zhang Xin ang tungkol sa aming liham na ulat, gawan ng paratang, idiin at patalsikin? Paano ako maliligtas kung matitiwalag ako? Pagkatapos itong pag-isipan, matagal kong hindi ibinigay ang sulat. Pero habang pinagmamasdan ko ang kaguluhan sa iglesia, nakonsensya ako sa hindi pag-uulat nito. Sa loob ng ilang araw na iyon, sa tuwing iniisip ko ang bagay na ito, sumasama ang loob ko.

Isang gabi, nang pumunta ako sa bahay ni Xinrui, biglang dumating si Zhang Xin, at agresibong inakusahan si Xinrui ng paglalantad sa kanya sa iglesia. Nang makita ko ang malupit na ugali niya, galit na galit ako. Masyado talaga siyang mayabang. Walang ingat siyang gumagawa ng masasamang gawa, pero pinagbabawalan niya ang iba na ilantad siya. Wala man lang karapatang magsalita ang mga tao, at kontrolado niya ang buong iglesia. Kailangan kong manindigan para sa katarungan at ilantad si Zhang Xin para protektahan ang gawain ng iglesia. Pero kung iisipin kung gaano siya kayabang, kung paanong hindi siya nakikinig kaninuman at masyadong mapaghiganti, naisip ko na kung gagalitin ko siya, baka ako na ang susunod na parusahan niya. Baka mag-imbento siya ng kung anong paratang para maitiwalag ako. Nagtatalo ang kalooban ko, kaya tahimik akong tumawag sa Diyos para bigyan ako ng lakas ng loob at pagtitiwala. Naisip ko ang salita ng Diyos: “Bawat iglesia ay may mga taong nagsasanhi ng kaguluhan para sa iglesia o nakakagambala sa gawain ng Diyos. Lahat sila ay mga Satanas na nakapasok sa sambahayan ng Diyos nang nakabalatkayo. … Naghuhuramentado ang mga taong ito sa loob ng iglesia, nagkakalat ng kanilang pagkanegatibo, bumubulalas ng kamatayan, ginagawa ang gusto nila, sinasabi ang gusto nila, at walang sinumang nangangahas na pigilan sila. Puno sila ng disposisyon ni Satanas. Katatapos pa lamang nilang manggulo ay pumapasok na ang simoy ng kamatayan sa iglesia. Yaong mga nasa iglesia na nagsasagawa ng katotohanan ay itinataboy, hindi magawang maibigay ang kanilang lahat-lahat, samantalang yaong mga nanggugulo sa iglesia at nagkakalat ng kamatayan ay nagwawala sa loob—bukod pa riyan, karamihan sa mga tao ay sumusunod sa kanila. Ang gayong mga iglesia ay pinamumunuan ni Satanas, walang duda; ang diyablo ang kanilang hari. Kung ang mga tao sa gayong mga iglesia ay hindi tumatayo at tumatanggi sa mga punong demonyo, sila rin sa malao’t madali ay mawawasak. Mula ngayon, kailangang gumawa ng mga hakbang laban sa gayong mga iglesia. Kung hindi ito hahangarin ng mga may kakayahang magsagawa ng kaunting katotohanan, bubuwagin ang iglesiang iyon. Kung walang sinuman sa isang iglesia ang handang magsagawa ng katotohanan at walang sinumang nagagawang tumindig sa kanilang patotoo sa Diyos, dapat ay ihiwalay nang lubusan ang iglesiang iyon, at kailangang putulin ang mga koneksyon nito sa ibang mga iglesia. Tinatawag itong ‘paglilibing sa kamatayan’; ito ang ibig sabihin ng pagtataboy kay Satanas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Binigyan ako ng tapang at lakas ng salita ng Diyos, at hindi na ako natakot. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalalabag, at para sa matitinding masamang tao at anticristo, sobrang napopoot at nasusuklam ang Diyos. Kahit na humahawak sila ng kapangyarihan at hindi makontrol nang ilang panahon, sa huli ay mabubunyag at matitiwalag sila. Napakalinaw ng salita ng Diyos; kapag kinokontrol ng masasamang tao at mga anticristo ang iglesia, kung walang nagsasagawa ng katotohanan, kung gayon ay kinukunsinti nila ang masasamang puwersa na lumalaganap sa iglesia. Ang gayong iglesia ay pinamumunuan ni Satanas, at kung hindi magsisisi ang mga miyembro, tatalikdan at ititiwalag silang lahat ng Diyos. Tinamaan talaga ako rito. Isang diktador si Zhang Xin sa iglesia, inaatake at pinarurusahan ang mga kapatid ko, pero upang protektahan ang sarili ko, hindi ako tumindig para ilantad at pigilan siya, hinayaan siya at si Xiao Liu na gumawa ng masama at guluhin ang gawain ng iglesia. Pumapanig ako kay Satanas at lumalaban sa Diyos at may bahagi ako sa kanilang kasamaan. Nang mapagtanto ito, nakahanap ako ng tapang na ilantad si Zhang Xin sa pagpoprotekta sa isang masamang tao, ginagamit ang kanyang posisyon para parusahan ang iba, at tinatahak ang landas ng anticristo. Matapos niyang marinig ito, hindi nakaimik si Zhang Xin. Iniba niya agad ang usapan, pumayag na pabalikin si Fang Ling sa iglesia, at pagkatapos ay umalis siya.

Pagkatapos niyon, may dalawang sipi ng salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng kaunting kaliwanagan, at mas malinaw kong naunawaan ang diwa ni Zhang Xin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Isa sa mga pinakahalatang katangian ng diwa ng isang anticristo ay sinosolo niya ang kapangyarihan at pinapatakbo ang mga sarili niyang diktadurya: Hindi siya nakikinig sa sinuman, hindi niya iginagalang ang sinuman, at anuman ang mga kalakasan ng mga tao, o anumang tamang pananaw at matalinong opinyon ang ipinapahayag ng mga ito, o anuman ang mga naaangkop na pamamaraan ang inilalatag ng mga ito, hindi niya pinapansin ang mga iyon; ito ay para bang walang sinuman ang kuwalipikadong makipagtulungan sa kanya, o makibahagi sa anumang ginagawa niya. Ito ang uri ng disposisyong mayroon ang mga anticristo. Sinasabi ng ilan na ito ay pagiging masamang uri ng pagkatao—pero paanong ito ay pangkaraniwang masamang uri ng pagkatao? Ito ay ganap na isang satanikong disposisyon; at ang gayong disposisyon ay napakalupit. Bakit Ko sinasabing ang kanilang disposisyon ay napakalupit? Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, at hindi nila pinapayagan ang sinumang makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. Kaya naman, sinusubukan nilang supilin at ihiwalay bilang mga katunggali ang mga nagagawang magsalita ng patotoong batay sa karanasan, at kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at magtustos para sa mga hinirang na mga tao ng Diyos, at desperado nilang tinatangkang ganap na ibukod ang mga taong iyon mula sa iba, na lubusang dungisan ang pangalan ng mga ito, at pabagsakin ang mga ito. Saka lamang mapapayapa ang mga anticristo. … Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ano ang iniisip nila? Iniisip lamang nila kung paano kakapit sa sarili nilang katayuan. Kahit alam ng mga anticristo na hindi nila kayang gumawa ng totoong gawain, hindi nila nililinang o itinataas ng ranggo ang mga taong mahusay ang kakayahan na naghahangad sa katotohanan; ang tanging itinataas nila ng ranggo ay ang mga taong nambobola sa kanila, mga mahilig sumamba sa iba, na sumasang-ayon at humahanga sa kanila sa puso ng mga ito, mga taong mahusay sa pakikipag-ugnayan, na walang pagkaunawa sa katotohanan at hindi kayang kumilatis. Dinadala ng mga anticristo ang mga taong ito sa kanilang panig para paglingkuran sila, maging abala para sa kanila, at gumugol ng bawat araw sa pag-ikot sa kanila. Ito ang nagbibigay sa mga anticristo ng kapangyarihan sa iglesia, at nangangahulugan ito na maraming tao ang lumalapit sa kanila, at sumusunod sa kanila, at na walang sinuman ang nangangahas na salungatin sila. Ang lahat ng mga taong ito na nililinang ng mga anticristo ay mga taong hindi naghahangad ng katotohanan. Karamihan sa kanila ay walang espirituwal na pang-unawa at walang alam kundi ang pagsunod sa panuntunan. Gusto nilang sinusundan ang mga uso at ang mga may kapangyarihan. Sila ay ang uri na lumalakas ang loob kapag nagkakaroon ng isang makapangyarihang amo—isang grupo ng mga taong magulo ang isip. Ano nga ba ang kasabihang iyon ng mga walang pananampalataya? Mas mabuti pang maging isang eskudero sa isang mabuting tao kaysa maging sinasambang ninuno ng isang masamang tao. Ganap na kabaligtaran ang ginagawa ng mga anticristo—kumikilos sila bilang mga sinasambang ninuno ng gayong mga tao, at naghahanda para linangin ang mga ito bilang kanilang mga taga-wagayway ng watawat at tagapagpasaya. Sa tuwing may isang anticristo na nasa kapangyarihan sa isang iglesia, palagi silang mangangalap ng mga taong magulo ang isip at ang mga pikit-matang nagloloko bilang kanilang mga katulong, habang inihihiwalay at sinusugpo ang mga taong may kakayahan na nakauunawa at nagsasagawa ng katotohanan, na kayang gumawa ng trabaho—at lalo na ang mga lider at manggagawa na may kakayahan sa aktuwal na trabaho(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). “Sino ang mga taong itinuturing ng anticristo na mga hindi sumasang-ayon? Sa pinakasimple, sila yaong hindi sineseryoso ang anticristo bilang isang lider, ibig sabihin, hindi nila tinitingala o sinasamba ang anticristo at sa halip ay itinuturing nila ito bilang ordinaryong tao. Isang uri iyon. Nariyan pa yaong mga nagmamahal sa katotohanan, naghahangad ng katotohanan, naghahangad ng pagbabago sa kanilang disposisyon, at naghahangad na mahalin ang Diyos; iba ang landas na tinatahak nila kaysa sa isang anticristo, at sila ay mga hindi sumasang-ayon sa mga mata ng anticristo. May iba pa ba? (Ang mga laging nagmumungkahi sa mga anticristo, at nangangahas na ilantad ang mga ito.) Ang sinumang nangangahas na magmungkahi sa anticristo at ilantad ang mga ito, o yaong ang mga pananaw ay naiiba rito, ay itinuturing nitong mga hindi sumasang-ayon. At may isa pang uri: yaong mga kapantay ng anticristo sa kakayahan at abilidad, na ang kakayahan sa pananalita at pagkilos ay katulad ng sa anticristo, o itinuturing ng anticristong nakatataas sa kanya at nakakakilatis sa kanya. Sa isang anticristo, hindi ito katanggap-tanggap, isang banta sa kanyang katayuan. Ang gayong mga tao ang pinaka-hindi sumasang-ayon para sa anticristo. Hindi nangangahas ang anticristo na kaligtaan o luwagan ang gayong mga tao kahit kaunti. Itinuturing niya ang mga ito na mga tinik sa kanyang tagiliran, palaging nagdudulot sa kanya ng pagkainis, at mapagbantay at maingat siya sa mga ito sa lahat ng pagkakataon at iniiwasan niya ang mga ito sa lahat ng ginagawa niya. Lalo na kapag nakikita ng anticristo na kikilatisin at ilalantad siya ng isang taong hindi sumasang-ayon, natataranta siya nang husto; desperado siyang palayasin at atakihin ang hindi sumasang-ayon na iyon, kaya hindi siya masisiyahan hangga’t hindi niya napapaalis sa iglesia ang taong iyon na hindi sumasang-ayon. Sa ganoong mentalidad at pusong puno ng mga bagay na ito, anong uri ng mga bagay ang kaya niyang gawin? Ituturing ba niya ang mga kapatid na ito bilang mga kaaway, at mag-iisip ba siya ng mga paraan upang pabagsakin at upang mawala ang mga ito? Tiyak na gagawin niya ito. Pipigain niya ang kanyang utak sa kakaisip ng mga paraan upang mapasunod ang mga taong hindi sumasang-ayon at gagawin niya ang lahat upang matalo ang mga ito, hindi ba? Ang pagpapasunod sa mga taong hindi sumasang-ayon ay nangangahulugan na pinipilit ng anticristo na makinig sa kanya ang lahat ng tao, upang walang mangangahas na magsalita pa o magkaroon ng ibang mga opinyon, o ilantad pa nga siya. Ang pagtalo sa isang taong hindi sumasang-ayon ay nangangahulugan na ito ay pinaparatangan ng mali at kinokondena ng anticristo, lumilikha ng ilang maling impresyon upang magmukhang hangal at mapungusan ang taong hindi sumasang-ayon, at dahil dito ay bumagsak nang husto ang reputasyon nito. Hindi ba’t ang paggawa ng ganitong bagay ang pinakamataas na uri ng masamang gawa? Hindi ba’t nilalabag nito ang disposisyon ng Diyos?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon). Lubhang masama at malupit ang kalikasan ng mga anticristo. Para solohin ang kapangyarihan at lumikha ng nagsasariling kaharian, ipinopromote nila ang mga taong gusto nilang maging kanang-kamay, at kung may sinumang tumutukoy sa kanilang mga pagkukulang, naglalantad sa kanila, o nagbabanta sa kanilang katayuan, sila ay itinuturing nilang tinik sa kanilang panig, binabatikos at ibinubukod ang mga ito sa anumang paraan na kaya nila, at pinapaalis pa nga sila sa iglesia. Ang diwa ng mga anticristo ay sa masasamang tao. Tutol sila sa katotohanan at walang konsensya o katwiran, at kahit gaano pa nila parusahan ang iba, wala silang nararamdamang pagsisisi. Kung titingnan ang pag-uugali ni Zhang Xin, bilang isang lider, hindi niya itinaguyod ang gawain ng iglesia, at ginamit niya ang kanyang kapangyarihan para maglinang ng mga tagasunod niya upang kontrolin ang iglesia at atakihin at ibukod ang mga sumasalungat. Si Xiao Liu ay isang masamang tao at kailangang itiwalag, pero dahil ipinagtanggol niya si Zhang Xin, ipinromote siya ni Zhang Xin at nakahanap ng iba’t ibang dahilan para palayain siya sa kanyang pagkakasala. May pagpapahalaga sa katarungan si Fang Ling, at nang tukuyin niya ang mga problema ni Zhang Xin, nagtanim si Zhang Xin ng sama ng loob. Nang matanggal si Fang Ling, nakakita si Zhang Xin ng pagkakataong maghiganti, kaya ginawa niya ang lahat para mapaalis si Fang Ling sa iglesia. Nang hindi siya sinunod ng ilang iba pang sister sa pagkokondena kay Fang Ling, sinupil at pinarusahan niya sila. Masama at malupit si Zhang Xin, pinarurusahan niya ang sinumang nagbabanta sa kanyang katayuan o hindi sumusunod sa kanya, at isa siyang tirano na nanggugulo sa iglesia na hindi man lang nakakaramdam ng pagsisisi. Isa siyang tunay na anticristo. Pagkatapos naming matukoy ito kay Zhang Xin, isinumite namin ang liham na ulat.

Hindi nagtagal at naghiganti sa amin si Zhang Xin. Pinigilan niya ako sa pagpunta sa mga pagtitipon, ginagamit niya ang dahilan na mapanganib ako. Dahil tinukoy nina Sister Li Xinrui at Yuan Siyu ang totoo tungkol kay Zhang Xin, pinigilan niya rin silang dumalo sa mga pagtitipon. Kaya nagkasundo kaming sama-samang dumalo sa mga pagtitipon. Ilang panahon matapos niyon, kami ni Xinrui ay idiniin ni Zhang Xin para sa pakikipaglaban para sa pamumuno, nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia, at nagiging masasamang tao, at hiniling sa mga kapatid na tanggihan kami. Naniwala ang ilan sa mga sinabi ni Zhang Xin nang walang pagkakilala at hindi ako pinapansin kapag nakikita nila ako sa labas. Nang mangyari ito, nasaktan at naagrabyado ako. Bakit, pagkatapos isagawa ang katotohanan, sinusupil kami, pinarurusahan, at idinidiin ng mga puwersang ito ng kasamaan? Bakit umuunlad pa rin si Zhang Xin sa iglesia sa kabila ng paggawa ng masama? Bakit hindi kami nauunawaan ng aming mga kapatid at tinatanggihan kami? Sobrang nasasaktan ako, hindi ko alam kung paano ko tatahakin ang landas ko sa hinaharap, at nakulong ako sa pagkanegatibo. Sa mga pagtitipon noong mga araw na iyon, nang tukuyin ng mga sister ang pag-uugali ni Zhang Xin, ayaw kong magsalita. Naisip ko, “Tumindig ako upang ilantad si Zhang Xin, at hindi lang ako sinupil, napagkamalan din ako ng mga kapatid na nakikipagkumpetensiya para sa pamunuan. Ngayon ay sinupil ako at ibinukod. Sino ang magsasalita para sa akin? Hindi bale na, hindi ko na problema ang mga kaganapang iyon sa iglesia.” Sobrang nanghina ako, at ako’y nasa matinding espirituwal na kadiliman. Sa aking pagdurusa, lumuluhang lumuhod ako sa harap ng Diyos at paulit-ulit na sinabi ko sa Kanya, “Diyos ko! Sobra akong nagdurusa pagkatapos maranasan ang mga bagay na ito. Bakit ako sinusupil at tinatanggihan dahil sa pagsasagawa ng katotohanan para protektahan ang mga interes ng iglesia? Diyos ko, gabayan Mo po sana ako, tulungan Mo po akong maunawaan ko ang layunin Mo.”

Kalaunan, nabasa ko sa salita ng Diyos: “Kapag nahaharap sa mga problema sa tunay na buhay, paano mo dapat alamin at unawain ang awtoridad ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? Kapag naharap ka sa ganitong mga problema at hindi mo alam kung paano unawain, harapin, at danasin ang mga ito, anong saloobin ang dapat mong angkinin upang ipakita ang iyong intensyong magpasakop, ang iyong pagnanais na magpasakop, at ang realidad ng iyong pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Una, dapat mong matutuhan ang maghintay; sunod, dapat mong matutuhang maghanap; kasunod, dapat mong matutuhang magpasakop. Ang ‘paghihintay’ ay nangangahulugan na paghihintay sa panahon ng Diyos, hinihintay ang mga tao, pangyayari, at bagay na Kanyang isinaayos para sa iyo, naghihintay sa Kanyang mga layunin na unti-unting maibunyag sa iyo. Ang ibig sabihin ng ‘paghahanap’ ay pagmamasid at pag-unawa sa maalalahaning mga layunin ng Diyos para sa iyo sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na inilatag Niya, pag-unawa sa katotohanan sa pamamagitan ng mga ito, pag-unawa sa dapat maisagawa ng tao at mga paraang dapat nilang sundin, pag-unawa sa mga resulta na nais na makamtan ng Diyos sa mga tao at ano ang mga gusto Niyang magawa sa kanila. Ang ‘pagpapasakop,’ mangyari pa, ay tumutukoy sa pagtanggap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos, pagtanggap sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at, sa pamamagitan nito, ay malaman kung paano idinidikta ng Lumikha ang kapalaran ng tao, kung paano Niya tinutustusan ang tao ng Kanyang buhay, kung paano Niya pinapagana ang katotohanan sa tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Pagkatapos kong pagnilayan ang salita ng Diyos, bigla kong naunawaan, kapag nangyayari ang mga bagay-bagay na hindi ko nauunawaan, dapat akong magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop, matutong hanapin ang mga layunin ng Diyos, at maghintay para sa pagpapatuloy ng mga bagay sa oras ng Diyos. Napagtanto ko na pagkatapos naming isumite ang liham na ulat, may proseso para sa mga nakatataas na lider sa pag-asikaso nito. Bago pa nila ito maasikaso, tiyak na magpapatuloy sa paggawa ng masama si Zhang Xin, aatakihin at ibubukod ang mga sumasalungat, ito ang masama niyang kalikasan na nagbubunyag sa sarili nito. Sa panahong ito, kailangan naming maging matiyaga at maghintay. Isa itong mahalagang bahagi ng proseso. Pero wala akong determinasyong magpasakop at maghintay, at hindi ko hinangad na matuto ng mga aral sa sitwasyong ito. Nang makita kong hindi naaasikaso si Zhang Xin, at na sa halip ay sinusupil at kinokondena ako, nagreklamo ako at mali ang naging pag-unawa ko sa Diyos, tinanggihan ko ang kanyang pagkamatuwid, at nadismaya sa Kanya. Sobra akong di-makatwiran!

Pagkatapos nun, nanalangin ako sa Diyos, at hiniling sa Kanya na gabayan ako sa pag-unawa sa Kanyang matuwid na disposisyon. Pagkatapos, nabasa ko ang siping ito ng salita ng Diyos: “Paano nalalaman at nauunawaan ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Natatanggap ng matutuwid ang Kanyang mga pagpapala at ang masasama naman ay isinusumpa Niya. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan Niya ang masasama, at pinagkakalooban Niya ang bawat tao ayon sa mga ginawa nito. Tama ito, pero sa kasalukuyan ay may ilang pangyayaring hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, gaya ng, may ilang nananalig sa Diyos at sumasamba sa Kanya na pinapatay o nakakakuha ng Kanyang mga sumpa, o na hindi kailanman pinagpala ng Diyos o binigyan ng atensyon; gaano man katindi ang pagsamba nila sa Kanya, sila ay hindi Niya pinapansin. Mayroong ilang masamang taong hindi pinagpapala ni pinaparusahan ng Diyos, pero mayayaman sila at marami silang anak, at maganda ang lahat ng nangyayari sa kanila; matagumpay sila sa lahat ng bagay. Ito ba ay pagiging matuwid ng Diyos? May ilang taong nagsasabi na, ‘Sinasamba namin ang Diyos, pero wala pa kaming natatanggap na mga pagpapala mula sa Kanya, habang ang masasamang taong hindi sumasamba sa Diyos at lumalaban sa Kanya ay mas maganda at masagana ang buhay ng kaysa sa amin. Hindi matuwid ang Diyos!’ Ano ang ipinapakita nito sa inyo? Kabibigay Ko lang sa inyo ng dalawang halimbawa. Alin ang naghahayag ng pagiging matuwid ng Diyos? May ilang taong nagsasabi na, ‘Pareho silang nagpapamalas ng pagiging matuwid ng Diyos!’ Bakit nila sinasabi ito? May mga prinsipyo sa likod ng mga pagkilos ng Diyos—hindi lang ito malinaw na nakikita ng mga tao, at dahil hindi nila kayang makita ang mga ito nang malinaw, hindi nila maaaring sabihin na hindi matuwid ang Diyos. Nakikita lamang ng tao kung ano ang nasa panlabas; hindi niya nakikita ang mga bagay-bagay sa kung ano ba talaga ang mga ito. Kaya, anuman ang ginagawa ng Diyos ay matuwid, gaano man ito hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Maraming tao ang laging nagrereklamo na hindi matuwid ang Diyos. Ito ay dahil hindi nila nauunawaan kung ano ba talaga ang sitwasyon. Madali para sa kanilang magkamali kapag lagi nilang tinitingnan ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Umiiral ang kaalaman ng mga tao kasama ng sarili nilang mga kaisipan at opinyon, sa loob ng ideya nila ng mga transaksiyon o sa loob ng mga pananaw nila sa kabutihan at kasamaan, sa tama at mali, o sa lohika. Kapag nakikita ng isang tao ang mga bagay na galing sa ganitong mga pananaw, madali para sa kanya na hindi maintindihan ang Diyos at na magkaroon ng mga kuru-kuro, at lalaban ang taong iyon sa Diyos at magrereklamo tungkol sa Kanya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Ano ang sasabihin ninyo—ang pagwasak ba ng Diyos kay Satanas ay isang pagpapahayag ng Kanyang pagiging matuwid? (Oo.) Paano kung hinayaan Niyang manatili si Satanas? Hindi ka mangangahas na sabihin ito, oo? Ang pinakadiwa ng Diyos ay katuwiran. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? ‘Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?’ Dapat makita mo na ngayon na ang dahilan kaya hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao ay para maaaring makita nang malinaw ng mga tao kung paano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung gaano sila nito nagawang tiwali, at kung paano sila dinadalisay at inililigtas ng Diyos. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang kasuklam-suklam na anyo ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagpuksa ng Diyos kay Satanas ay puspos ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran. Nakikita mo na nakakita si Pedro ng ilang bagay na hindi maunawaan, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at na nasa mga bagay na iyon ang kabutihang-loob ng Diyos. Hindi maaarok ng mga tao ang lahat ng bagay; may napakaraming bagay silang hindi nauunawaan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, napagtanto ko na pinanghawakan ko ang kuru-kuro na ang pagiging matuwid ay nangangahulugan ng pagiging patas at makatwiran. Isang masamang tao at anticristo ang gumambala sa gawain ng iglesia, at dahil pinangalagaan namin ang mga interes ng iglesia sa pamamagitan ng pagtindig upang ilantad at iulat ito, dapat ay binantayan sana kami ng Diyos, pinrotektahan kami, at hindi kami hinayaang apihin, at dapat sana’y itiniwalag kaagad ang masamang tao at anticristo. Akala ko na ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Pagkatapos naming isulat ang liham na ulat at nakita ko na hindi pa rin naasikaso ang anticristo at masamang tao, na may matataas pa rin silang posisyon sa iglesia, at ibinukod at kinondena kami, nagsimula akong magduda sa pagiging matuwid ng Diyos, at di-makatwiran pang tinanong kung nasaan ang pagiging matuwid ng Diyos. Napakayabang ko! Naisip ko kung paanong, noong sinubok si Pedro, sumailalim siya sa masakit na pagpipino. Bagamat hindi niya maarok kung ano ang ginagawa ng Diyos, naniwala siya na ang Diyos ay matuwid anuman ang gawin Nito, at na nakapaloob dito ang karunungan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit kaya niyang magpasakop sa Diyos, at sa huli, nagkaroon siya ng lubos na pagmamahal sa Diyos, magpasakop sa Kanya hanggang kamatayan, at nagbigay ng magandang patotoo. Pero hindi ko naunawaan ang katotohanan at sinukat ang pagiging matuwid ng Diyos mula sa isang transaksyunal na pananaw batay lamang sa kaunting nakikita ko sa harapan ko. Kapag ginagawa ng Diyos ang mga bagay nang nakaayon sa mga kuro-kuro ko, na kapaki-pakinabang sa akin, iniisip ko na matuwid ang Diyos, at kaya kong purihin ang Diyos. Nang supilin ako ng isang anticristo, at nasangkot ang aking kinabukasan at kapalaran, nawalan ako ng pananalig sa Diyos, at pinagdudahan pa nga na matuwid ang Diyos at itinanggi na ang iglesia ay pinamamahalaan ng katotohanan at pagiging matuwid. Sinuri ko ang pagiging matuwid ng Diyos nang ganap na batay sa kung makikinabang ako sa Kanyang mga kilos. Lubos itong katawa-tawa. Ang Diyos ang Lumikha, ang diwa ng Diyos ay pagiging matuwid, at kinamumuhian ng Diyos ang kasamaan, ito ay itinakda ng Kanyang diwa. Bagamat hindi pa itinitiwalag ng iglesia ang anticristo at masamang tao sa ngayon, tiyak na hindi ibig sabihin niyon na hindi nasusuklam ang Diyos sa kanilang mga kilos, hindi ibig sabihin niyon na hindi kinamumuhian ng Diyos ang kasamaan, at hindi ibig sabihin niyon na hindi naghahari sa iglesia ang katotohanan. Mayroong karunungan at mabubuting layunin ng Diyos dito. Hindi ko lang ito nauunawaan. Kailangan kong maging makatwiran, punan ang aking lugar bilang isang nilikha, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, manalangin sa Diyos at maghanap, at maghintay para sa Kanyang kaliwanagan at patnubay. Sa sandaling natanto ko ito, lumiwanag ang puso ko, at nawala ang aking mga maling pagkaunawa sa Diyos. Napagtanto ko rin na ang ilang kapatid sa iglesia ay hindi pa rin nakikita ang totoo tungkol kay Zhang Xin. Sa pamamagitan ng mga bagay na ito, unti-unti, makikita nilang lahat ang diwa ni Zhang Xin. Kailangan makita ng lahat ang totoong siya bago nila siya matanggihan. Talagang makakatulong ito upang mapaunlad natin ang ating pagtukoy. Matapos maunawaan ito, nanalangin ako sa Diyos para sabihing gusto kong magpasakop sa mga pangagasiwa at pagsasaayos Niya, at matuto ng mga aral sa sitwasyong ito.

Kalaunan, nabasa ko sa salita ng Diyos: “Kung nais mong maligtas, hindi mo lamang dapat mapagtagumpayan ang paghadlang ng malaking pulang dragon, at hindi mo lamang dapat makilatis ang malaking pulang dragon, na makita ang nakakakilabot nitong mukha at ganap na maghimagsik laban dito—dapat mo ring mapagtagumpayan ang paghadlang ng mga anticristo. Sa iglesia, ang isang anticristo ay hindi lamang kaaway ng Diyos, kundi kaaway rin ng mga taong hinirang ng Diyos. Kung hindi mo makilatis ang isang anticristo, malamang na maililihis at makukumbinsi ka, tatahak sa landas ng isang anticristo, at isusumpa at parurusahan ng Diyos. Kung mangyari iyon, ganap na nabigo ang iyong pananampalataya sa Diyos. Ano ang dapat taglayin ng mga tao para mapagkalooban ng kaligtasan? Una, dapat maunawaan nila ang maraming katotohanan, at magawang makilatis ang diwa, disposisyon, at landas ng isang anticristo. Ito ang tanging paraan para matiyak na hindi mga tao ang sasambahin o susundan habang nananalig sa Diyos, at ang tanging paraan para makasunod sa Diyos hanggang sa huli. Ang mga tao lamang na kayang kumilatis ng isang anticristo ang maaaring tunay na manalig, sumunod, at magpatotoo sa Diyos. Pagkatapos ay sasabihin ng ilan, ‘Ano ang gagawin ko kung sa kasalukuyan ay hindi ko taglay ang katotohanan para riyan?’ Dapat mong sangkapan agad ng katotohanan ang sarili mo; dapat mong matutunang kilatisin ang mga tao at bagay-bagay. Ang pagkilatis sa isang anticristo ay hindi simpleng bagay, at nangangailangan ng kakayahang makita nang malinaw ang kanyang diwa, at mahalata ang mga pakana, panlalansi, layunin, at mithiin sa likod ng lahat ng kanyang ginagawa. Sa gayong paraan ay hindi ka niya maililihis o makokontrol, at makakaya mong manindigan, ligtas at siguradong hangarin ang katotohanan, at maging matatag sa landas ng paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Kung hindi mo mapagtagumpayan ang paghadlang ng isang anticristo, maaaring sabihin na nasa malaking panganib ka, at malamang na mailihis at mabihag ka ng isang anticristo at madala ka na mamuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. … Kaya, kung nais mong makarating kung saan maaari kang mabigyan ng kaligtasan, ang unang pagsubok na kailangan mong maipasa ay ang magawang maramdaman at mahalata si Satanas, at dapat ay mayroon ka ring tapang na manindigan at ilantad at itakwil si Satanas. Nasaan, kung gayon, si Satanas? Si Satanas ay nasa iyong tabi at nasa palibot mo; maaari pa ngang namumuhay sa loob ng iyong puso. Kung nabubuhay ka na mayroong disposisyon ni Satanas, maaaring masabi na ikaw ay kay Satanas. Hindi mo makikita o mahahawakan ang Satanas at ang masasamang espiritu ng espirituwal na mundo, ngunit ang mga Satanas at ang mga nabubuhay na diyablo na umiiral sa totoong buhay ay nasa lahat ng dako. Ang sinumang tao na tutol sa katotohanan ay masama, at ang sinumang pinuno o manggagawa na hindi tumatanggap sa katotohanan ay isang anticristo o huwad na lider. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mga Satanas at nabubuhay na diyablo? Maaaring ang mga gayong tao mismo ang sinasamba at hinahangaan mo; maaaring sila ang mga taong namumuno sa iyo o mga taong matagal mo nang hinahangaan, pinagkakatiwalaan, inaasahan, at inaasam sa iyong puso. Sa totoo lang, gayunpaman, sila ay mga hadlang sa iyong landas at pumipigil sa iyong hangarin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan; sila ay mga huwad na lider at anticristo. Maaari nilang kontrolin ang iyong buhay at ang landas na iyong nilalakaran, at maaari nilang sirain ang pagkakataon mong mabigyan ng kaligtasan. Kung mabibigo kang makilatis at mahalata sila, anumang sandali ay maaari kang mailihis at mabihag. Kaya, ikaw ay nasa malaking panganib. Kung hindi mo mailayo ang iyong sarili sa panganib na ito, ikaw ay biktimang isasakripisyo ni Satanas. Ano’t anuman, ang mga taong naililihis at nakokontrol, at nagiging mga tagasunod ng isang anticristo ay hindi magtatamo ng kaligtasan kailanpaman. Dahil hindi nila minamahal o hinahangad ang katotohanan, tiyak na ang magiging resulta ay maililihis sila at susunod sila sa isang anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan). Matapos kong pagnilayan ang salita ng Diyos, naunawaan ko ang layunin Niya. Pinapayagan ng Diyos na magpakita sa iglesia ang mga anticristo at masasamang tao, at nasa likod nito ang Kanyang karunungan. Ginagamit ng Diyos ang kanilang panggugulo at panlilihis upang bigyan ang mga tao ng pagkilatis para mapalaya nila ang kanilang sarili mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas at makamit nila ang kaligtasan. Inisip ko kung paano ako sinupil at pinarusahan ni Zhang Xin, at hindi ako naunawaan ng mga kapatid at tinanggihan ako. Kahit na nagdulot ito sa akin ng kaunting pagdurusa, sa prosesong ito, nakakita ako ng totoong halimbawa kung paano nililihis at pinipinsala ng mga anticristo ang mga tao, nagkamit ako ng kaalaman at pagkakilala, at malinaw kong nakita na si Zhang Xin ay isang anticristo na ang diwa ay napopoot sa katotohanan at kumakalaban sa Diyos. Hindi ko na nararamdamang napipigilan o kontrolado niya ako, at natuto ako sa mga kabiguan niya at naiwasang tahakin ang maling landas. Hindi ba’t lahat ito ay mga totoong natatamo? Hindi ba’t ang lahat ng ito’y pagmamahal at pagliligtas ng Diyos? Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong napagtatanto na ang Diyos ay napakadunong at matuwid, at mas lalo akong nagsisisi na hindi ko nakilala ang Kanyang matuwid na disposisyon. Noong inaapi ako, sinisi ko lang ang lahat ng kawalang-katarungan na iyon sa Diyos, at mali ang naging pagkaunawa at nagreklamo tungkol sa Kanya. Sobrang mapaghimagsik ako. Nang matanto ko na ito, nakadama ako ng pagkakautang sa Diyos, at gusto kong magsisi. Ang paglalantad sa mga huwad na lider at anticristo ay isang mabuti at matuwid na gawa, at responsibilidad at obligasyon ko ito. Kung ang masasamang tao ay mailalantad at maititiwalag, ang mga kapatid ko ay maaaring magkaroon ng magandang buhay-iglesia. Kahit na hindi ako maunawaan ng mga kapatid, o itiwalag ako ng anticristo, wala akong dapat pagsisihan. Naisip ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Palaging magiging masam ang mga masasamang tao, at hindi kailanman makatatakas sa araw ng kaparusahan. Palaging magiging mabuti ang mga mabubuting tao, at ibubunyag kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Walang kahit isang masama ang ipapalagay na matuwid, at ang sinumang matuwid ay hindi rin ipapalagay na masama. Hahayaan Ko ba ang sinumang tao na maakusahan nang mali?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos). Napakalinaw ng salita ng Diyos. Matuwid ang Diyos, nagbibigay Siya ng awa at kaligtasan sa mga tunay na nagmamahal sa Kanya, at isinusumpa at pinarurusahan Niya ang masasamang tao at mga anticristo. Ito ang itinatakda ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Maliligtas man ako o hindi ay nasa Diyos na, hindi sa mga anticristo. Bagamat kontrolado ng anticristo ang aming iglesia, at sinupil kami, pansamantala lamang ito. Nakikita ng Diyos ang lahat, ibinubunyag ng Banal na Espiritu ang lahat, at sa malao’t madali, mabubunyag at matitiwalag ang anticristo. Sa mga araw na iyon, madalas kong pagnilayan ang salita ng Diyos, at unti-unti, nakaramdam ako ng paglaya sa puso ko, at nagkaroon ako ng tiwala sa gawain ng Diyos.

Isang araw, isinaayos ng mga nakatataas na lider na lutasin ng dalawang sister ang kaguluhan sa iglesia namin. Tuwang-tuwa kami, at paulit-ulit kaming nagpasalamat sa Diyos. Sa hindi inaasahan, pagkatapos naming matapat na iulat ang masamang pag-uugali ni Zhang Xin, natanggal siya dahil sa pagiging huwad na lider lamang. Bagamat nagpatuloy kaming lahat sa buhay-iglesia, hindi ko maiwasang mabagabag. Masama ang kalikasan ni Zhang Xin. Walang pag-aalinlangan niyang pinarusahan at sinupil ang mga tao para sa kapakanan ng kanyang katayuan, at himukin at ipagtanggol ang masasamang tao. Hindi rin niya tinanggap ang katotohanan, at tumanggi siyang magsisi. Hindi siya isang huwad na lider, siya ay isang tunay na anticristo. Pero naisip ko, “Kung babanggitin ko ito, sasabihin ba ng mga kapatid na nagmamatigas akong huwag pakawalan ang kanyang mga isyu? Kung gayon ay hindi bale na, hindi ko na ito problema. Tutal, wala na siyang magagawa sa akin ngayon.” Sa isiping ito, nagpasya akong huwag nang banggitin ang mga bagay na ito. Sa aking mga debosyonal, nabasa ko sa salita ng Diyos: “Hindi kailanman tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan; ipipilit nila ang mga kamalian nila hanggang sa huli, hindi sila kailanman magbabago o magsisisi(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikatlong Bahagi)). Alam kong may diwa ng isang anticristo si Zhang Xin, at kung hindi siya ititiwalag, kukunin niya ang anumang oportunidad upang abalahin ang buhay-iglesia at lumikha ng kaguluhan, at pagkatapos ay muling magdurusa sa kanyang mga kamay ang mga kapatid ko. Kailangan kong tumindig at ilantad si Zhang Xin. Hindi ko na pwedeng laging protektahan ang sarili ko. Sa salita ng Diyos, nabasa ko: “Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at pabasta-basta habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan. Kung hindi mo naging buhay ang katotohanan, at nabubuhay ka pa rin sa loob ng iyong satanikong disposisyon, kapag nakatuklas ka ng masasamang tao at mga diyablong nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan ka; isasantabi mo sila, nang walang paninisi mula sa iyong budhi. Iisipin mo pa nga na ang sinumang nagdudulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa iyo. Gaano man nagdurusa ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala kang pakialam, hindi ka nakikialam, o nakokonsiyensiya—ginagawa ka nitong isang taong walang konsensiya o katwiran, isang hindi mananampalataya, isang trabahador. Kinakain mo ang sa Diyos, iniinom ang sa Diyos, at tinatamasa ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ginagawa ka nitong isang traydor na kumakagat sa kamay na nagpapakain sa iyo. Tao ka ba kung hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Isa itong demonyo na isiniksik ang sarili sa iglesia. Nagpapanggap kang naniniwala sa Diyos, nagkukunwaring isang hinirang na tao, at nais mong samantalahin ang sambahayan ng Diyos. Hindi mo isinasabuhay ang buhay ng isang tao, mas para kang halimaw kaysa tao, at malinaw na isa ka sa mga hindi mananampalataya. Kung isa kang taong tunay na naniniwala sa Diyos, kahit na hindi mo pa nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano’y magsasalita at kikilos ka na nasa panig ng Diyos; kahit papaano, hindi ka tatayo lang nang walang ginagawa kapag nakikita mong nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; kapag nauudyok kang magbulag-bulagan, makokonsiyensiya ka, at hindi mapapalagay, at sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Hindi ako puwedeng maupo lang dito at walang gawin, kailangan kong tumayo at magsalita, kailangan kong umako ng responsabilidad, kailangan kong ilantad ang masamang pag-uugaling ito, kailangan kong itigil ito, upang hindi mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi maabala ang buhay-iglesia.’ Kung naging buhay mo na ang katotohanan, hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang pananagutan na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang sambahayan, at ang iyong tungkulin ay matutupad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa ng salita ng Diyos, napagtanto ko na sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan at patnubay ay nagkaroon ako ng ilang pagkatukoy sa masasamang gawa nina Zhang Xin at Xiao Liu. Kung hindi ako titindig at ilalantad sila, wala akong konsensya at mabibigo akong pangalagaan ang gawain ng iglesia. Hindi na ako pwedeng maging makasarili at kasuklam-suklam sa pamamagitan ng pagbubulag-bulagan. Naisip ko ang isang nakasulat sa mga atas administratibo sa Kapanahunan ng Kaharian: “Gawin mo ang lahat ng bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng Diyos at hindi ang anumang nakasasama sa kapakanan ng gawain ng Diyos. Ipagtanggol mo ang pangalan ng Diyos, ang patotoo ng Diyos, at ang gawain ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Naunawaan ko ang mga hinihingi ng Diyos. Miyembro ako ng iglesia, kaya kapag may kaugnayan sa gawain ng iglesia, may responsibilidad akong tumindig at protektahan ito. Kalaunan, dumating ang mga nakatataas na lider upang siyasatin ang sitwasyon. Iniulat ko ang masasamang pag-uugali nina Zhang Xin at Xiao Liu, at nagsimulang magsiyasat muli ang mga nakatataas na lider upang beripikahin ito. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa isang pagtitipon sa katotohanan ukol sa pagkilala ng mga anticristo, nagkamit ng pagtutukoy ang lahat ng kapatid. Isa-isa nilang inilantad at iniulat ang masasamang gawa nina Zhang Xin at Xiao Liu. Sa huli, napagpasyahan na si Zhang Xin ay isang tunay na anticristo, at itiniwalag siya sa iglesia. Si Xiao Liu, matapos tumangging magsisi sa kanyang mga kasamaan, ay itiniwalag dahil sa pagiging kasabwat ng isang anticristo. Ang ilang kapatid na nalihis ni Zhang Xin ay natauhan, at tinanggihan nilang lahat si Zhang Xin at hindi na ito sinunod. Pagkatapos nun, bumalik sa normal ang buhay-iglesia.

Bagamat masalimuot ang pag-uulat sa anticristo na ito, ang panunupil niya sa akin ay tinulutan akong magkamit ng ilang pagkatukoy sa mga anticristo, mapaunlad ang aking kabatiran, makatanggap ng ilang totoong karanasan at kaalaman sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at lalo pang lumago ang pananalig ko sa Diyos. Lahat ng pasasalamat ay sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Hindi na Ako Naduduwag

Ni Mu Yu, Tsina Nabalitaan ko ang pagkaaresto ng isang sister noong Setyembre 2. Papunta ako sa bahay ng isang lider noong araw na iyon,...

Ang Lunas sa Pagmamataas

Isinilang ako sa kanayunan. Dahil mahirap ang aking pamilya at tapat ang aking mga magulang, madalas silang dinadaya. Simula nang bata pa ako, minamaliit na ako ng mga tao, at ang pambubugbog at pang-aapi ay naging isang pangkaraniwang pangyayari. Lagi ako nitong pinapalungkot hanggang sa puntong ako’y umiyak.