Paano Ako Napinsala ng Pagiging Tuso
Minsan nang ibinubuod namin ang aming gawain, ipinaalam ng isang lider ng iglesia na hindi masyadong maganda ang naging takbo ng aming gawain ng ebanghelyo sa buwan na iyon, at sinabihan akong ipaliwanag iyon. Noon ko lang napagtanto na nabawasan ang pagiging produktibo namin. Pagkatapos ng pagpupulong, nagmadali akong siyasatin ang bagay na iyon, at natuklasan ko na nabawasan nang kalahati ang pagiging produktibo namin kumpara noong nakaraang buwan. Lubos akong nabalisa dahil dito: “Kung magpapatuloy kami nang ganito, hindi nakagagawa nang maayos, matatanggal ba ako? Hindi pwede iyon—kailangan kong malaman ang ugat ng problema, at pataasin ulit ang pagiging produktibo namin.” Kaya isa-isa kong kinausap ang mga kapatid, tinatanong sila tungkol sa kahit anong problema o paghihirap sa kanilang tungkulin. Sa mga pagtitipon, partikular akong nagbabahagi tungkol sa mga problemang ito at ipinapabahagi ko sa mga maayos ang kalagayan ang kanilang mga karanasan. Sa sumunod na ilang araw, nagsimulang bumuti nang kaunti ang aming trabaho at sa wakas ay napanatag na ako: “Kung magpapatuloy nang ganito ang mga bagay-bagay, bahagyang magiging mas mabuti ang trabaho namin kaysa noong nakaraang buwan. Kung ipagpapatuloy ko ito, hindi gagawa ng anumang masama o anumang nakagagambala, magagawa kong manatili sa iglesia at hindi mapalalayas.” Pagkatapos niyon, nagsimula nang humupa ang tensyon ko. Noong magkakatapusan na ng buwan, napansin ko na pareho ang mga resulta namin sa naunang buwan. Naisip ko: “Kung maganda ang trabaho namin sa buwang ito, kakailanganin naming mas galingan sa susunod na buwan para magmukhang umuusad ako. Nangangahulugan iyon ng paggugol ng mas higit pang pagsisikap. Kailangan ko ba talaga ang pressure na ito? Maayos naman na ang trabaho namin sa buwang ito—hindi ako matatanggal at mapalalayas.” Ganap akong napanatag nang isipin ko iyon sa ganoong paraan. Sa pagganap sa tungkulin ko, iniraos ko lang ang gawain, naging kampante, at tumigil ako sa masusing pangungumusta sa aming gawain. Kapag binabanggit ng mga kapatid ang mga paghihirap nila, hindi ako nagbabahagi para lutasin ang mga iyon. Minsan kapag natutuklasan kong nilalabag ng ilan sa kanila ang mga prinsipyo sa kanilang tungkulin, wala akong ginagawa tungkol doon. Iniisip ko lang na mga indibidwal na problema ito, at ayos lang iyon basta’t hindi niyon naaapektuhan ang pangkalahatang pagiging epektibo namin. Minsan napapansin ko na tinatamad ang mga kapatid ko sa kanilang tungkulin at wala silang nadaramang pagmamadali. Alam ko na isa iyong problema na dapat lutasin, pero sa sandaling naalala ko na nagkakaroon kami ng maayos na mga resulta, naisip kong normal lang na maging pabaya, at nagbulag-bulagan ako. Noong namumuhay ako sa ganoong kalagayan, nakadama ako ng tunay na espirituwal na kadiliman. Hindi ako nagkakamit ng anumang kaliwanagan o pagtanglaw mula sa mga salita ng Diyos. Ni hindi ko tinutuklas ang anumang mga problema sa aking gawain—inaantok pa nga ako at nakakatulog kapag ibinubuod namin ang gawain. Nagsimula lang akong mataranta nang makita kong patuloy na bumababa ang pagiging produktibo namin—tapos ay nagmadali akong magtanong sa mga kapatid para makita kung saan kami nagkakamali.
Pagkatapos ay nakinig ako sa pagsasalita ng isang sister sa isang pagtitipon: “Kapag napagtatanto ng ilang tao na hindi maganda ang trabaho nila sa kanilang tungkulin, natatakot silang matanggal. Noon lamang sila magsisimulang magsikap. Pero sa oras na makakuha sila ng kaunting resulta, nagiging sakim sila sa kaginhawahan at binibitawan ang kanilang pasanin. Isa itong tusong paraan ng paggawa ng tungkulin—isa itong mapanlinlang na pag-uugali.” Nakapukaw ito ng ilang damdamin sa akin. Hindi ko mapigilang pagnilayan ang aking sarili: Nang bumaba ang pagiging produktibo namin, inipon ko ang lakas ko sa takot na mailipat o matanggal ako. Gusto kong magkaroon ng mas magagandang resulta. Kapag nagkakaroon ako ng mas magagandang resulta o hindi nagbabago ang mga iyon, nagnanasa ako ng kaginhawahan at iniraraos ko lang ang gawain at nagmamabagal sa aking tungkulin. Akala ko ay sapat nang makakuha ng hindi pabagu-bagong resulta kada buwan at hindi matanggal. Hindi ba’t pagiging tuso at madaya iyon? Napagtanto ko na sa tuwing nahaharap ako sa ganitong uri ng sitwasyon, pareho ang inilalantad ko at ang paraan ng pagkilos ko. Sa puntong iyon ay medyo natakot ako.
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumanap sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon ka mismo dapat magsumikap; doon mo dapat ialay ang sarili mo, gugulin ang sarili mo para sa Diyos, at doon mo kinakailangang magbayad ng halaga. Huwag kang maglihim, magkimkim ng anumang mga pakana, maging maluwag, o magpalusot. Kung ikaw ay nagiging maluwag, tuso, o madaya at traydor, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo. Ipagpalagay na sabihin mong, ‘Walang nakakita na nandaya ako. Ang galing!’ Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo ba nalinlang mo ang mga tao, at pati na ang Diyos? Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo o hindi? Alam Niya. Sa katunayan, malalaman ng sinumang nakikipag-ugnayan sa iyo sa maikling panahon ang iyong katiwalian at kasamaan, at bagama’t hindi nila iyon sasabihin nang tahasan, susuriin ka nila sa kanilang puso. Marami nang taong inilantad at pinalayas dahil napakaraming iba pa ang nakaunawa sa mga ito. Nang mahalata ng lahat ang diwa ng mga ito, ibinunyag nila ang tunay na pagkatao ng mga taong iyon at pinatalsik ang mga ito. Kaya, hinahangad man nila ang katotohanan o hindi, dapat gawin nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin, sa abot ng kanilang makakaya; dapat nilang gamitin ang kanilang konsensya sa paggawa ng mga praktikal na bagay. Maaaring mayroon kang mga depekto, ngunit kung kaya mong maging epektibo sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ito aabot sa pagpapalayas sa iyo. Kung lagi mong iniisip na ayos ka lang, na nakatitiyak kang hindi ka palalayasin, at hindi ka pa rin nagninilay o nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili, at binabalewala mo ang iyong mga wastong gawain, lagi kang walang-ingat at pabasta-basta, kapag talagang nawalan na ng pasensya sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos, ilalantad nila ang iyong tunay na pagkatao, at malamang talaga na palalayasin ka. Iyon ay dahil nahalata ka na ng lahat at nawalan ka na ng dangal at integridad. Kung walang nagtitiwala sa iyo, maaari ka bang pagtiwalaan ng Diyos? Tumitingin ang Diyos sa kaibuturan ng puso ng tao: talagang hindi Niya mapagkakatiwalaan ang gayong tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sinasabi ng mga salita ng Diyos na ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa kanilang tungkulin ay ang paglalagay ng kanilang puso roon at pagbabayad ng halaga, pagbibigay ng lahat ng makakaya nila. Kung makakukuha sila ng magagandang resulta sa pagbabayad ng kaunti pang halaga pero nagpipigil sila, kontento nang magkamit lang ng kaunti sa kanilang tungkulin, panloloko iyon sa Diyos, pagiging tuso. Nakikita ko ang sarili kong pag-uugali sa aking tungkulin—kontento na akong magkamit ng kaunti para lang masigurong hindi ako matatanggal. Hindi ako humanap ng mga paraan para lutasin ang mga problema at paghihirap ng mga kapatid. Kapag ibinubuod ang aming gawain, iniraraos ko lang iyon, at nang makita ko ang ilan sa kanila na lumalabag sa mga prinsipyo sa kanilang tungkulin o nagpapakatamad, inisip kong ayos lang iyon basta’t hindi niyon naaapektuhan ang pangkalahatan naming tagumpay. Nagbulag-bulagan ako roon. Malinaw na ang paglalagay ng aking puso sa gawain at pagbabayad ng kaunti pang halaga ay makapagpapabuti sa aming mga resulta, pero ayaw kong mapagod o mamrublema, kaya gumamit ako ng pandaraya. Sa aking tungkulin, nagkikimkim ako ng mababaw na katalinuhan, pagpapakana, at pandaraya sa Diyos. Talagang katusuhan iyon! Kapag nag-aatas sa iba, gusto ng lahat na makahanap ng isang taong matapat at maaasahan—iyong tipo ng tao na maaasahan at mabibigyan ng kapanatagan ang isip ng mga tao. Pero kung aatasan mo ang isang tao na nagkikimkim ng mababaw na katalinuhan at nanloloko, hindi lang niya hindi matatapos ang gawain, kundi pwede niya iyong masira kung hindi maayos ang trabaho niya. Ang ganoong uri ng tao ay walang konsensya o katwiran, o kahit mga pangunahing pamantayan ng pagkilos. Kahit kaunti ay hindi siya nararapat sa tiwala o pagkatiwalaan ng kahit na ano. Nalaman kong ganoong-ganoon ako. Tumanggap ako ng tungkulin pero hindi ko ibinigay roon ang lahat ng makakaya ko. Niloko ko ang Diyos at naging tuso ako. Mukhang nagkakaroon ako ng kaunting resulta sa aking tungkulin, at walang napansing anumang problema ang ibang tao, pero nakikita ng Diyos ang lahat. Kung patuloy akong magiging pabaya sa mahabang panahon, malalantad ako at mapalalayas sa huli. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Minsang sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sapagkat sinumang mayroon ay bibigyan, at siya ay magkakaroon ng mas sagana: ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay aalisin sa kanya’ (Mateo 13:12). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin nito ay kung ni hindi ka nagsasagawa o inilalaan ang sarili mo sa iyong sariling tungkulin o trabaho, babawiin ng Diyos ang mga dating sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng ‘bawiin’? Ano ang pakiramdam niyon, bilang isang tao? Maaaring nabibigo kang matamo kung ano sana ang itinutulot ng iyong kakayahan at mga kaloob na iyong matamo, at wala kang nararamdaman, at para ka lang isang hindi mananampalataya. Ganoon ang pakiramdam na bawiin ng Diyos ang lahat. Kung pabaya ka, at hindi nagbabayad ng halaga, at hindi taos sa iyong tungkulin, babawiin ng Diyos kung anong mayroon ka dati, babawiin Niya ang karapatan mong gampanan ang iyong tungkulin, hindi Niya ipagkakaloob sa iyo ang karapatang ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagiging Matapat Lamang Makakapamuhay ang Isang Tao Bilang Isang Tunay na Tao). Matuwid ang Diyos. Nagpapakatuso at pabaya ako sa aking tungkulin, hindi ginagawa ang dapat kong gawin ni ang kaya kong gawin, kaya hindi ko na nakikita ang mga malinaw na problema, palagi akong inaantok sa aking tungkulin, at nabawasan ang pagiging produktibo ko. Ito ang paghahayag ng Diyos ng Kanyang disposisyon sa akin. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin, handang magsisi sa Kanya, hinihiling sa Kanya na patnubayan akong makilala nang mas mabuti ang aking sarili.
Tapos, sa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang tumatak sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Mahal ng Diyos ang mga taong matapat, pero kinapopootan naman ang mga taong mapanlinlang at tuso. Kung kumikilos ka bilang taong taksil at nagtatangkang manloko, hindi ba mapopoot ang Diyos sa iyo? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, papapanagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw naman Niya ng mga taong taksil. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang malito at gumawa ng mga kahangalan. Ang panandaliang kamangmangan ay maaaring unawain, pero ang talagang tumanggi na tanggapin ang katotohanan ay isang sutil na pagtangging magbago. Marunong humawak ng responsibilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan, bagkus iniingatan nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mabait at matapat na puso na gaya ng isang mangkok ng malinaw na tubig na makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nanloloko, laging ikinukubli ang mga bagay-bagay, pinagtatakpan, at binabalot nang husto ang sarili para walang sinumang makahalata sa kanya. Hindi naaaninagan ng mga tao ang iyong mga saloobin, pero kaya ng Diyos na makita ang pinakamalalalim na bagay sa iyong puso. Kung nakikita ng Diyos na hindi ka isang matapat na tao, na tuso ka, na hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, na lagi mo na lang sinusubukang linlangin Siya, at na hindi mo ibinibigay ang iyong puso sa Kanya, kung gayon ay hindi ka mamahalin ng Diyos, kapopootan at tatalikuran ka Niya. Lahat ng umuunlad sa mga hindi mananampalataya—mga taong matamis ang dila at mabilis mag-isip—anong uri ng mga tao ang mga ito? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay pambihira ang pagiging magulang, sobrang tuso at daya nilang lahat, sila ang tunay na diyablong si Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang isang taong gaya nito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong tuso at mapanlansi. Hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao, kaya anuman ang gawin ninyo, huwag kayong maging kagaya ng taong ito. … Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa mga taong tuso at hindi matapat? Itinataboy Niya sila, isinasantabi Niya sila at hindi pinapansin, itinuturing Niya sila bilang kauri ng mga hayop. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng anyong tao; sa diwa, kauri sila ng diyablong si Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hindi sila kailanman ililigtas ng Diyos. Kaya ano na ang kalagayan ng mga taong ito ngayon? May kadiliman sa kanilang puso, wala silang tunay na pananampalataya, at hindi sila nabibigyang-liwanag o natatanglawan kailanman kapag may nangyayari sa kanila; kapag nahaharap sila sa sakuna at mga pagdurusa, nagdarasal sila sa Diyos ngunit wala ang Diyos, hindi sila tunay na umaasa sa kanilang puso. Para mapagpala, sinusubukan nilang magpanggap nang mabuti, ngunit hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, sapagkat wala silang konsensya o katinuan; hindi nila kayang maging mabuti kahit gusto nila, hindi sila makapagpigil kahit gusto nilang tumigil sa paggawa ng masasamang bagay, kailangan nilang gawin ang mga bagay na ito. Maaari kayang may kakayahan silang makilala ang kanilang sarili matapos silang paalisin at palayasin? Bagama’t alam nilang iyon ang nararapat sa kanila, hindi nila iyon aaminin nang pasalita, at kahit mukhang kaya nilang magsagawa ng ilang tungkulin, tinatangka pa rin nilang manlansi, at halos wala silang nagagawa. Kaya ano ang masasabi ninyo: Nagagawa ba ng mga taong ito na tunay na magsisi? Talagang hindi. Dahil wala silang konsensya o katinuan, hindi nila minamahal ang katotohanan. Hindi inililigtas ng Diyos ang ganoon katuso at kasamang mga tao. Anong pag-asa ang mayroon sa paniniwala sa Diyos para sa gayong tao? Ang kanilang paniniwala ay walang kabuluhan, at nakatadhana sila na walang mapala. Kung, sa buong pananampalataya nila sa Diyos, hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, hindi mahalaga kung ilang taon na silang naging mananampalataya; sa huli, wala silang mapapala” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Kumirot ang puso ko nang mabasa ko ang mga salitang “tuso,” “mapanlinlang,” “pambihira ang pagiging magulang,” “hindi sila kailanman ililigtas ng Diyos,” at “nakatadhana sila na walang mapala.” Pakiramdam ko ay inilalantad at kinokondena ako ng Diyos. Noon pa man ang palagay ko ay hindi ka dapat maging masyadong matapat, na kailangan mong maging mapagkalkula at magkaroon ng mga lihim na plano. Namuhay ako ayon sa satanikong pilosopiya na kailangan mong magsamantala, at hindi masamantala, tinitimbang kung makikinabang ba ako bago ko gawin ang kahit na ano, at umaasang makakuha ng pinakamalaking kapalit sa pinakamaliit na pagsisikap. Naniwala ako na iyon ang nagpapatalino sa isang tao. Patuloy kong isinasagawa ang pilosopiyang iyon sa pamumuhay matapos magkamit ng pananampalataya. Inakala kong hindi ako pwedeng maging masyadong tapat sa aking tungkulin o magbigay ng lahat ng lakas ko roon, na kahangalan iyon. Kung sa huli ay hindi ako pinagpala, hindi ba’t isang napakalaking kawalan iyon? Hindi ko makakayanan ang pagdanas ng kawalan. Mas mabuting gumugol nang kaunti pero makakuha ng malalaking pagpapala—iyon ang matalinong paraan! Kaya nagsisikap lang ako sa aking tungkulin kapag sa tingin ko ay kailangan, at palagi kong tinatantiya kung kailangan ba ng pagsisikap. Masyado akong mapagkalkula. Kapag mataas ang pagiging produktibo ay nagpapakasaya ako sa ilang araw na pahinga. Kahit kapag nakikita kong may mga problema sa gawain, kung hindi nito naaapektuhan ang pagiging epektibo namin at hindi ako matatanggal at mapalalayas, hindi ako nakakaramdam ng pagmamadali, at wala sa loob na palilipasin lang ang mga araw. Kung hindi maganda ang trabaho namin at ako ang magpapasan sa mga kalalabasan, magtatrabaho ako nang husto, hahanapin ang mga dahilan niyon, at lulutasin ang mga problema. Sa sandaling magkaroon kami ng ilang resulta ay huhupa ang tensyon ko at magsisimula akong magpakasasa sa mga kaginhawahan ko at mas magpapahinga. Napakatuso ko! Paano iyon naging paggawa ng isang tungkulin o pagiging matapat sa Diyos? Akala ko ay matalas ang isip ko pero nakikita ng Diyos ang lahat. Talagang hindi ililigtas ng Diyos ang mga tao na palaging tuso sa kanilang tungkulin. Gusto ng Diyos ng matatapat na tao—binubuksan ng matatapat na tao ang kanilang mga puso sa Diyos. Taos-puso sila sa kanilang mga tungkulin. Ginagampanan nila ang kanilang mga responsibilidad at ibinibigay ang lahat ng mayroon sila, at hindi sila nag-iiwan ng daan palabas para sa mga sarili nila o isinasaalang-alang kung pagpapalain ba sila. Pagpapalain ng Diyos ang ganoong uri ng tao. Ako ang taong nangasiwa sa gawain ng ebanghelyo, at sa pagiging tuso, pabaya, at walang pakialam sa pag-usad, napigilan ko ang pagkalutas ng mga negatibong kalagayan at mga problema ng iba sa tamang panahon, at naging dahilan kaya nabawasan ang pagiging produktibo ng aming gawain. Hindi lang niyon napinsala ang mga kapatid, kundi nahadlangan din ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia. Nakadama ako ng labis na panghihinayang at paninisi sa aking sarili nang maisip ko iyon. Nagdasal ako sa Diyos na handa na akong magsisi, at sumumpa sa harapan Niya na ibubuhos ko ang lahat ng lakas ko sa aking tungkulin mula noon, at ititigil ang pagiging tuso at pabaya.
Tapos ay nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal na nakatulong sa aking maunawaan ang kahulugan ng paggawa ng tungkulin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Anumang tungkulin ang ginagampanan ng tao, may iba pa bang mas nararapat? Ito ang pinakamaganda at pinakamatuwid na bagay sa tao. Dapat gampanan ng mga nilalang ang tungkulin nila upang matanggap ang pagsang-ayon ng Lumikha. Namumuhay ang mga nilalang sa ilalim ng kapangyarihan ng Lumikha, at tinatanggap nila ang lahat ng ibinibigay ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsibilidad at obligasyon. Ito ay inorden ng Langit at kinilala ng lupa; atas ito ng Diyos. Mula rito ay makikita na, ang pagganap ng mga tao sa tungkulin ng isang nilalang ay mas matuwid, maganda, at marangal kaysa anumang iba pang nagawa habang nabubuhay sa mundo ng tao; wala sa buong sangkatauhan ang mas makabuluhan o marapat, at walang nagdudulot ng mas malaking kahulugan at halaga sa buhay ng isang nilalang, kaysa sa pagganap sa tungkulin ng isang nilalang. Sa lupa, tanging ang grupo ng mga taong tunay at taos-pusong gumaganap ng tungkulin ng isang nilalang ang siyang mga sumusunod sa Lumikha. Hindi sinusundan ng grupong ito ang mga kalakaran ng mundo sa labas; sinusunod nila ang pamumuno at pagpatnubay ng Diyos, ang mga salita ng Lumikha ang tanging pinapakinggan nila, tinatanggap nila ang mga katotohanang ipinahayag ng Lumikha, at namumuhay sila nang ayon sa mga salita ng Lumika. Ito ang pinakatunay, pinakamatunog na patotoo, at ito ang pinakamagandang patotoo ng pananampalataya sa Diyos. Ang magampanan ng isang nilalang ang tungkulin ng isang nilalang, ang mabigyang-kasiyahan ang Lumikha, ang pinakamagandang bagay sa buong sangkatauhan, at isang bagay na dapat ipagdiwang ng buong sangkatauhan. Anumang ipinagkatiwala ng Lumikha sa mga nilalang ay dapat nilang tanggapin nang walang pasubali; para sa sangkatauhan, ito ay isang bagay na pinagpala at maluwalhati, at para sa lahat ng gumaganap sa tungkulin ng isang nilalang, wala nang ibang mas maganda o marapat na ipagdiwang—ito ay isang positibong bagay. … Ang gayon kaganda at gayon kalaking bagay ay binaluktot at ginawa nang isang transaksyon ng angkan ng mga anticristo, kung saan nangangalap sila ng mga korona at gantimpala mula sa kamay ng Lumikha. Ang gayong transaksyon ay ginagawang napakapangit at napakasama ang isang bagay na napakaganda at napakamatuwid. Hindi ba ito ang ginagawa ng mga anticristo? Kung pagbabatayan ito, masama ba ang mga anticristo? Talagang masasama nga sila! Isang pagpapamalas lamang ito ng isang aspeto ng kanilang kasamaan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikapitong Bahagi)). Nagkaroon ng malaking epekto sa akin ang pagbabasa sa mga naghahayag na salita ng Diyos. Tahimik na ibinibigay ng Diyos ang lahat ng makakaya Niya para iligtas ang tiwaling sangkatauhan, tinutustusan tayo ng kailangan natin at binibigyan tayo ng pagkakataong gumawa ng tungkulin upang sa panahong iyon, magawa nating hangarin ang katotohanan at lutasin ang ating mga tiwaling disposisyon, magpasakop sa Diyos, maging matapat sa Kanya, at makamit ang Kanyang pagliligtas. Ang paggawa ng tungkulin sa iglesia ay ating responsibilidad, ating obligasyon, at pagbibigay iyon ng Diyos sa atin ng pagkakataong magkamit ng katotohanan at maligtas. Ito ang pinakakahanga-hanga, pinakamatuwid na gawaing maaaring tanggapin ng isang tao. Pero binabaluktot ng mga anticristo ang ganitong uri ng maganda, matuwid na bagay at ginagawang isang negosyo, isang transaksyonal na bagay. Pinanghahawakan nila ang pag-asa na pagpapalain sila sa kanilang pananampalataya at kanilang tungkulin. Imposibleng magkaroon sila ng tunay na pananampalataya, o magdusa at magbayad ng halaga. Sila ay mga tipikal na walang pananampalataya at oportunista. Kung titingnan kung paano ako kumilos sa aking tungkulin, hindi ba’t katulad din nila ako? Hindi ko iniisip ang kalooban ng Diyos sa aking tungkulin, at palagi akong nagpipigil. Gusto kong makakuha ng maraming kapalit sa pagbibigay ng kaunting-kaunti. Hindi ba’t ginagawa kong isang transaksyonal na bagay ang tungkulin ko? Palagi kong iniisip dati na basta matagumpay ako sa aking tungkulin, makapanatili sa iglesia, at hindi matanggal, maliligtas ako. Pero sa wakas ay nakita ko na ang mga iyon ay mga sarili kong kuru-kuro at imahinasyon na hindi nakaayon sa mga salita ng Diyos. Kailanman ay hindi sinabi ng Diyos na ang pagkakamit nang kaunti sa iyong tungkulin, hindi paggawa ng masama, at hindi matanggal o mapalayas ay nangangahulugang maliligtas ka na. Pinagpapasyahan ng Diyos kung maliligtas ang mga tao batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, kung pumapasok sila sa realidad ng katotohanan sa kanilang tungkulin, at kung nilulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Walang ibang madaling paraan. Gusto ng Diyos na maging tapat ang mga tao. Kung ang mga tao ay palaging tuso at pabaya sa kanilang tungkulin, kahit na maaaring magkamit sila ng ilang bagay, kinamumuhian naman sila ng Diyos. Sa huli ay malalantad sila at mapalalayas ng Diyos. Naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Panginoong Jesus: “Kaya naman sapagkat ikaw ay maligamgam, at hindi mainit ni malamig, isusuka kita sa Aking bibig” (Pahayag 3:16). Hindi ko iniisip ang pag-usad sa aking tungkulin, at iniraraos ko lang ang gawain. Hindi ba’t saloobin iyon ng pagiging hindi mainit ni malamig kundi pagiging maligamgam lang? Hindi ba ako iluluwa ng Diyos? Nakakatakot na malamang hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos. Nagdasal ako, “Diyos ko, gusto kong magsisi. Mula ngayon ay ibubuhos ko ang lahat sa aking gawain. Pakiusap, disiplinahin Mo ako kung iraraos ko lang ang gawain.”
Nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan na nagbigay sa akin ng isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, ginagawa nila sa katunayan ang dapat nilang gawin. Kung ginagawa mo ito sa harap ng Diyos, kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin at nagpapasakop ka sa Diyos nang may pag-uugali ng katapatan at may puso, hindi ba’t mas magiging tama ang ugaling ito? Kaya paano mo dapat gamitin ang ugaling ito sa iyong pang-araw-araw na buhay? Dapat mong gawing realidad mo ang ‘pagsamba sa Diyos nang may puso at katapatan.’ Tuwing gusto mong magpakakupad at iraos lamang ang gawain, tuwing gusto mong kumilos sa tusong paraan at maging tamad, at tuwing naaabala ka o mas ginugustong magpakasaya na lamang, dapat mong pag-isipan iyan: ‘Sa pagkilos nang ganito, ako ba ay nagiging di-mapagkakatiwalaan? Ganito ba ang pagsisikap kong gawin ang aking tungkulin? Ako ba ay nagiging di-tapat sa paggawa nito? Sa paggawa nito, nabibigo ba akong tuparin ang inaasahan sa akin sa atas na naipagkatiwala ng Diyos sa akin?’ Ganito ka dapat magnilay sa sarili mo. Kung malalaman mo na ikaw ay laging walang-ingat at pabasta-basta sa iyong tungkulin, at hindi tapat, at na nasaktan mo ang Diyos, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihing, ‘Nadama ko sa sandaling iyon na may mali rito, pero hindi ko ito itinuring na problema; walang-ingat ko lang iyong pinahapyawan. Ngayon ko lang natanto na talagang ako ay naging walang-ingat at pabasta-basta, na hindi ko natupad ang aking responsibilidad. Talagang wala akong konsensya at katwiran!’ Natuklasan mo ang problema at nakilala mo nang kaunti ang iyong sarili—kaya ngayon, dapat mong baguhin nang lubusan ang sarili mo! Ang iyong saloobin sa pagganap sa iyong tungkulin ay mali. Nawalan ka ng ingat doon, gayundin sa dagdag na trabaho, at hindi mo isinapuso iyon. Kung muli kang walang-ingat at pabasta-basta na katulad nito, dapat kang manalangin sa Diyos at magpadisiplina at magpawasto sa Kanya. Dapat magkaroon ang isang tao ng kagustuhang gampanan ang kanyang tungkulin. Saka lamang siya tunay na makapagsisisi. Nababago lamang nang lubusan ng isang tao ang kanyang sarili kapag malinis ang kanyang konsensya at nagbago na ang kanyang saloobin sa pagganap sa kanyang tungkulin. At habang nagsisisi ang isang tao, dapat din niyang pagnilayan nang madalas kung talagang naibigay niya ang kanyang buong puso, buong isipan, at buong lakas sa pagganap sa kanyang tungkulin; pagkatapos, gamit ang mga salita ng Diyos bilang panukat at iniaangkop ang mga ito sa kanyang sarili, malalaman niya kung ano pa ang mga problema sa pagganap niya sa kanyang tungkulin. Sa patuloy na paglutas ng mga problema sa ganitong paraan, ayon sa salita ng Diyos, hindi ba dinedepende ng isang tao sa realidad ang pagganap niya sa kanyang tungkulin nang buong puso, buong isipan, at buong lakas? Hindi ba ang isang taong gumaganap sa kanyang tungkulin sa ganoong paraan ay nagagampanan ito nang buong puso, buong isipan, at buong lakas?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay Tungkol sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang malinaw na landas ng pagsasagawa. Kailangan kong gamitin ang aking puso at maging matapat sa aking tungkulin, maging handang magbayad ng halaga, maging maasikaso at responsable, at ibuhos ang lahat ng lakas ko para magawa ko nang mabuti ang aking tungkulin at mapalugod ang Diyos. Isa pa, kapag gusto kong magpabaya at magpakatamad, dapat akong magdasal, talikdan ang laman, at hingin ang disiplina at pagtutuwid ng Diyos. Sa ganoong paraan, malamang na hindi ko susundin ang laman.
Pagkatapos niyon ay sinunod ko na ang mga salita ng Diyos. Pinag-isipan ko kung paano gagawin nang mabuti ang aking tungkulin at magiging mas produktibo. Alam kong ang lahat ng kapatid sa grupo ay may mga kalakasan at kahinaan, kaya inisip ko kung paano isasaayos ang gawain ng lahat para mabigyang-daang lumago ang mga kalakasan nila, at mabigyan sila ng tunay na gabay at tulong sa mga aspetong kulang sila. Isa pa, dati, pakiramdam ko ay isa akong tagapangasiwa—basta maayos ang pangangasiwa ko sa gawain at maayos ang trabaho ng iba sa kanilang mga tungkulin, ibig sabihin niyon ay maayos ang trabaho ko at pwede akong magpakasaya sa kaunting libreng oras. Ngayon ay nagtakda ako ng mithiin para sa sarili ko na gawin ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya. Naging punung-puno ang iskedyul ko sa araw-araw, mas abala kaysa noon, at minsan ay talagang napapagod ako, pero talagang palagay ang loob ko, panatag ako. At nagulat ako, noong sumunod na buwan ay kapansin-pansin na tumaas ang pagiging produktibo namin. Natuwa ako. Nakikita ko na gusto ng Diyos na maging matapat tayo. Nang baguhin ko ang perspektibo ko at tunay kong isinagawa ang tungkulin ko, nagawa kong makita ang Kanyang patnubay at nagkaroon ako ng mga resulta sa aking tungkulin. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.