Mga Pag-aalinlangang Magsumbong ng Problema

Oktubre 30, 2022

Noong Setyembre 2021, nagbabahagi ako ng ebanghelyo sa iglesia. Pagkaraan ng ilang sandali, napagtanto kong ang superbisor sa gawain ng ebanghelyo’y hindi nagpapasan ng anumang responsibilidad sa kanyang tungkulin, at na matagal na niyang hindi kinukumusta ang aming mga tungkulin. Sa tuwing darating siya, gumagawa lang siya nang wala sa loob at hindi kailanman lumulutas ng anumang tunay na problema. Wala siyang naging tulong o anumang pakinabang sa aming mga tungkulin. Nung umpisa, naisip kong dahil kasisimula pa lang niyang mangasiwa sa gawain ng ebanghelyo kung kaya’t hindi siya pamilyar dito, at na normal lang para sa kanya na matuliro sandali, at na pagkatapos magsagawa sandali, matututunan na niya ito. Pero pagkaraan ng ilang panahon, nalaman kong hindi ito gaya ng naisip ko.

Isang beses, nagkaproblema kami sa aming gawain ng ebanghelyo, kaya nagpadala kami ng liham sa superbisor para maghanap ng solusyon. Pero ang tugon niya ay hindi naglalaman ng malinaw na mga pananaw o mga mungkahi. Nagpadala lang siya sa amin ng isang sipi ng salita ng Diyos para basahin na wala namang kinalaman man lang sa aming problema. Talagang hindi ako makapaniwala. Paanong ang superbisor na ito ay pabasta-basta sa kanyang tungkulin? Karaniwang hindi siya makahanap ng anumang problema kapag nangungumusta sa gawain, at nang magkusa kaming lapitan siya at tanungin, wala siyang malinaw na mga pananaw o mga mungkahi. Napakairesponsable niya. Nung una, gusto kong sabihin ito sa kanya sa isang pagtitipon, pero nagkaroon ako ng ilang pag-aalinlangan. Sasabihin niya bang mayabang ako? Na sobra-sobra ang aking hinihingi? Na ang intensyon ko ay samantalahin ang kanyang kahinaan? Kung hindi niya matatanggap ang sasabihin ko at sa halip ay iimbestigahan niya ang aking mga responsibilidad, hindi ba’t ito’y paghahanap lang ng gulo? Nang maisip ko ito, nawalan ako ng lakas ng loob na sabihin ito sa kanya. Nang magkita kami kalaunan, pinababaw ko ang bagay na iyon, at ipinaalala lang sa kanya, “Kung magkakaoras ka, kumustahin mo ang aming gawain at tingnan kung may mga problema.” Pero sa gulat ko, sinabi niyang, “Napakatagal na ninyong lahat na gumagawa ng gawain ng ebanghelyo at mas nauunawaan ninyo ang lahat ng prinsipyo kaysa sa akin. Nakakukuha rin kayo ng magagandang resulta. Nandito lang ako para matuto sa inyo.” Pagkatapos nito, sa tuwing pinapaalalahanan ko siyang higit na pansinin ang aming gawain, lagi na lang siyang nagsasabi ng gaya nun. Naisip ko, “Hindi siya gumagawa ng anumang tunay na gawain at palaging nagdadahilan para sa kanyang sarili. Hindi ito pagtanggap ng katotohanan.” Ang pangunahing gawain ng isang superbisor ay maghanap at lumutas ng mga tunay na problema at paghihirap na mayroon ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin, at mangasiwa at mangumusta sa trabaho. Pero hindi siya makahanap o makalutas ng anumang problema, kaya hindi niya kayang gumawa ng anumang praktikal na gawain. Kapag nagpatuloy ang ganito, tiyak na makaaapekto ito sa gawain ng ebanghelyo. Kalaunan, gusto kong sabihin itong muli sa kanya, para malaman niya ang problema niya at agad itong maayos. Pero naisip ko uli, “Ako mismo ay naging superbisor dati, at natanggal dahil hindi ako nakagawa ng praktikal na gawain. Kung patuloy akong lalapit sa kanya na may mga opinyon, iisipin ba niyang masyado kong pinahahalagahan ang katayuan? Na pakiramdam ko’y hindi ito patas dahil hindi ako ginawang superbisor, kaya sinasadya kong maghanap ng mali? Sasama ba ang tingin niya sa akin at tatanggalin ako sa aking tungkulin? Mas mabuting huwag na lang itong gawin. Siguro’y hindi pa siya ganoon katagal nasasanay sa gawain. Baka maging maayos siya kung hihintayin ko siyang maging mas pamilyar dito.” Kaya hindi ko na naman sinabi sa kanya ang bagay na yun.

Makalipas ang ilang panahon, naharap kami sa ilang problema sa aming gawain ng ebanghelyo at humingi kami ng tulong sa kanya. Pero isinantabi niya pa rin ito at pinabayaan kaming lutasin ang mga isyu nang kami lang. Sa isa pang pangyayari, hindi ko sinasadyang narinig ang kanyang sinabi na dahil hindi niya masyadong alam ang mga detalye ng pagdami ng aming mga tagasunod, nang tanungin siya ng lider ay basta na lang siyang pumili ng numero para iulat, na nagresulta sa malaking pagkakaiba sa aktuwal na bilang. Galit na galit ako nang marinig ko ito. Sinasabi namin sa kanya bawat buwan ang mismong sitwasyon ng aming gawain ng ebanghelyo, at pinaalalahanan siyang mas subaybayan at gabayan ang aming trabaho, pero hindi pa rin niya alam kung ilang baguhan ang pumasok sa iglesia sa loob ng isang buwan. Sa anong paraan siya gumagawa ng praktikal na gawain? Sa ganitong uri ng saloobin sa kanyang tungkulin, paano siya makakakilos bilang isang superbisor? Hindi nakapagtatakang wala siyang makitang problema. Nang tingnan ko nang sama-sama ang mga pag-uugaling ito, nadama kong hindi kaya ng superbisor na ito na gumawa ng praktikal na gawain, na siya ay isang huwad na manggagawa, at na hindi siya angkop na pangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo. Nang oras na iyon, gusto ko talagang magsulat ng isang ulat tungkol sa kanyang mga problema, pero naisip ko, “Kung malalaman ng superbisor na ako ang nag-ulat sa kanya, iisipin ba niya na sinasadya kong hanapan siya ng mali at pahirapan siya? Kung pagkatapos ay magsasalita siya nang masama sa lider tungkol sa akin, ililipat ba ako o tatanggalin ng lider?” Nang maisip ko ito, muli akong umatras. Makalipas ang dalawang araw, narinig ko si Sister Liu Xiangyi na mula sa ibang grupo na nagsasalita tungkol sa kung paanong ang superbisor na ito ay hindi kailanman nakalutas ng anuman sa kanilang praktikal na mga problema. Nang ipaalam nila sa kanya ang tungkol sa isang miyembro ng grupo na may mapagmataas na disposisyon, na nahuhumaling sa katayuan, na madalas samantalahin ang kahinaan ng iba, na umatake at pumigil sa kanila, at nakaabala na sa mga taong gumaganap sa kanilang tungkulin, hinayaan lang ito ng superbisor, at hindi binigyan ng importansya. Sa huli, ang tanging paraan para malutas ang problema ay ang iulat ito sa pinuno. Nakonsensya ako nang labis nang marinig kong sabihin ito ni Xiangyi. Matagal ko nang alam na may mga problema ang superbisor na ito, pero para protektahan ang sarili ko, hindi ako nagsalita. Bakit hindi ko maisagawa ang katotohanan at maprotektahan ang gawain ng iglesia?

Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang dalawang sipi ng salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “May ilan ding huwad na lider na medyo may kakayahan at kayang magtrabaho nang kaunti, na may kaunting nalalaman tungkol sa mga prinsipyo sa pakikitungo sa bawat uri ng tao, pero takot na makapagpasama ng loob, kaya hindi nangangahas na pigilan ang masasamang tao at mga anticristo. Namumuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya, umiiwas sa mga bagay na wala silang kinalaman. Wala silang pakialam kung epektibo ba ang gawain ng iglesia, ni kung paanong maaaring maapektuhan ang pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos; iniisip nila na walang kinalaman sa kanila ang gayong mga bagay. Kaya, sa panahong nasa posisyon ang gayong huwad na lider, hindi napapanatili ang normal na kaayusan ng buhay-iglesia, at nawawalan ng katiyakan ang mga tungkulin at pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos. Ano ang kalikasan ng problemang ito? Hindi naman sa hindi kaya ng gayong mga huwad na lider na magtrabaho dahil mahina ang kanilang kakayahan, kaya sa anong paraan sila huwad? Huwad sila dahil may problema sila sa kanilang pagkatao. Sa panahong nasa puwesto sila bilang mga lider, hindi talaga nalulutas ang problema ng panggagambala at panggugulo ng masasamang tao at mga anticristo sa gawain ng iglesia. Labis na napipinsala nito ang ilang kapatid, at napakalaki nitong hadlang sa gawain ng iglesia. Napapansin ng ganitong uri ng huwad na lider ang isang problema at may nakikitang taong nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, at alam niya kung ano ang kanyang responsibilidad, kung ano ang dapat niyang gawin at kung paano niya ito dapat gawin, pero wala man lang siyang ginagawa. Nagkukunwari siyang bingi at pipi, walang anumang naririnig ni kinukuwestiyon, ni hindi iniuulat ang isyu sa mga nakatataas sa kanya. Nagkukunwari siyang walang alam at walang nakikita. Hindi ba problema ito sa kanyang pagkatao? Ano ba ang prinsipyo ng kanyang pamumuno? ‘Hindi ako nagdudulot ng anumang pagkagambala o kaguluhan, pero hindi ako gagawa ng anumang bagay na makapagpapasama ng loob, o anumang bagay na umaatake sa dignidad ng iba. Tukuyin man ako bilang isang huwad na lider, hindi pa rin ako gagawa ng anumang bagay na makapagpapasama ng loob. Kailangan kong ipaghanda ang sarili ko ng rutang matatakasan.’ Anong uri ng lohika ito? Ito ang lohika ni Satanas. At anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba't napakatuso nito at napakamapanlinlang? Hindi tapat kahit bahagya man ang gayong tao sa kanyang pagtrato sa atas ng Diyos; palagi siyang tuso at madaya sa pagganap sa kanyang tungkulin, na may napakaraming hindi kanais-nais na kalkulasyon, iniisip ang kanyang sarili sa lahat ng bagay. Hindi man lang niya iniisip ang gawain ng iglesia at wala siyang kakonse-konsensya o katwiran. Hindi talaga siya nararapat para sa gawain ng pamumuno. … Sa puso Ko, kahit gaano pa kamukhang maaasahan ang ganitong uri ng tao, o kahit gaano pa kakontrolado ang sarili, o katahimik, o kasipag at kahusay, ang katunayan na kumikilos siya nang walang mga prinsipyo at hindi umaako ng responsibilidad para sa gawain ng iglesia ay nag-oobliga sa Akin na ‘makita ang tunay niyang pagkatao,’ kung ano talaga ito. Bilang pagtatapos, ilalarawan Ko ang ganitong uri ng tao. Maaaring hindi siya nakagagawa ng anumang malalaking pagkakamali, pero napakatuso niya at napakamapanlinlang; hinding-hindi siya umaako ng anumang responsibilidad, ni hindi man lang niya itinataguyod ang gawain ng iglesia. Wala siyang pagkatao. Pakiramdam Ko ay para siyang isang hayop—sa kanyang katusuhan, medyo para siyang soro(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). “Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at walang ingat at walang gana habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o inaabala at pinakikialaman ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan. Kung hindi mo naging buhay ang katotohanan, at nabubuhay ka pa rin sa loob ng iyong satanikong disposisyon, kapag nakatuklas ka ng masasamang tao at diyablong nagdudulot ng mga pagkaantala at paggambala sa gawain ng iglesia, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan ka; isasantabi mo sila, nang walang paninisi mula sa iyong budhi. Iisipin mo pa nga na ang sinumang nagdudulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa iyo. Gaano man nagdurusa ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala kang pakialam, hindi ka nakikialam, o nakokonsiyensiya—ginagawa ka nitong isang taong walang budhi o pakiramdam, isang walang pananalig, isang tagapagserbisyo. Kinakain mo ang sa Diyos, iniinom ang sa Diyos, at tinatamasa ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ginagawa ka nitong isang traydor na kumakagat sa kamay na nagpapakain sa iyo. Tao ka ba kung hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Isa itong demonyo na isiniksik ang sarili sa iglesia. Nagpapanggap kang naniniwala sa Diyos, nagkukunwaring isang hinirang na tao, at nais mong samantalahin ang sambahayan ng Diyos. Hindi mo isinasabuhay ang buhay ng isang tao, at malinaw na isa ka sa mga walang pananalig(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Tunay Lamang na Nagpapasakop sa Diyos ang May Pusong May Takot sa Kanya). Ang mga salita ng Diyos ay lubhang nakababalisa. Lalo na nung nabasa ko ang mga salitang ito, “wala siyang pagkatao,” “sa kanyang katusuhan, medyo para siyang soro,” “demonyo na isiniksik ang sarili sa loob ng iglesia,” at “ang mga walang pananalig”. Nadama kong hindi kinukunsinti ng disposisyon ng Diyos ang pagkakasala. Ang Diyos ay partikular na napopoot at nasusuklam sa mga taong mapanlinlang. Tinutukoy ng Diyos ang mga taong ito bilang mga demonyo at mga walang pananalig. Nakaramdam ako ng matinding takot at pagkakonsensya, at naramdaman na ang Diyos ay inilalantad at tinutuligsa ako sa harap ko mismo. Kung babalikan ko ang pag-uugali ko noon, malinaw ko nang nakita na ang superbisor ay iniraraos lang ang kanyang tungkulin at hindi gumagawa ng praktikal na gawain, at gusto kong sabihin ito sa kanya nang ilang beses, pero palagi akong nagiging sobrang maingat at natatakot na tawagin niya akong mayabang at hindi makatwiran, kaya hindi ako nangahas na makipag-usap sa kanya. Kahit noong binabanggit ko ang mga bagay-bagay sa kanya, palagi ko itong pinabababaw at hindi ako nangahas na banggitin ang buong problema, hanggang sa punto ng pagkunsinti, sa kabila ng aking mga paninindigan, para lang maprotektahan ang aking reputasyon at relasyon sa kanya. Kalaunan, natukoy kong isa siyang huwad na manggagawa na hindi kayang gumawa ng tunay na gawain, na dapat siyang ilipat o tanggalin, at na para maprotektahan ang gawain ng iglesia, dapat siyang ilantad at isumbong. Pero nag-alala ako na sasabihin ng superbisor na ako ay nakikipagpaligsahan para sa katayuan at sadyang pinahihirapan ko siya, at na susupilin niya ako. Kaya’t para sa aking sariling proteksyon, nagkunwari akong walang alam, at nanood lamang habang ang gawain ng ebanghelyo ay nahahadlangan, nang hindi nagsusumbong ng anuman. Ako ay tunay na mapanlinlang, makasarili, at kasuklam-suklam! Wala akong anumang sinseridad para sa Diyos. Kung babalikan ko ang lahat ng taon na nananalig ako sa Diyos, tinatamasa ang panustos ng napakaraming salita ng Diyos, paano ko nagawang panoorin lang ang mga kawalan sa gawain ng iglesia at gustuhin lamang na protektahan ang sarili ko at hindi man lang ang gawain ng iglesia? Kung naisumbong ko nang mas maaga ang problema ng superbisor, hindi niya sana maaantala o mahahadlangan ang gawain ng iglesia.

Sa gitna ng matinding panunumbat sa sarili, nakita ko ang salita ng Diyos na nagsasabing, “Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang malakas at matibay na pagpapasya, kundi sila rin ay naging ganid, mapagmataas at sutil. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensiyang ito ng kadiliman. Ang saloobin at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Hambingan?). Nang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong lubos akong nagawang tiwali ni Satanas at na ang mga lason ni Satanas ay nag-ugat na sa kaibuturan ng aking puso. Ang mga satanikong pilosopiya tulad ng “Matitinong tao’y mabuti’t maingat sa sarili, tanging hangad nila’y hindi magkamali,” “Mas kakaunti ang gulo, mas mainam,” “Ang punong hitik sa bunga ay binabato,” at “Mas mabuting maging ligtas kaysa magsisi,” ay naging kalikasan ko na at naging mga batas na aking ipinamumuhay, at mahigpit akong napasailalim sa kontrol ng mga ito, na pinagsasaalang-alang lamang ako ng sarili kong mga interes kapag ako ay nagsasalita at kumikilos. Nanood pa nga ako habang ang isang superbisor na hindi gumagawa ng praktikal na gawain ay nakaantala at nakaapekto sa gawain ng iglesia. Nagkunwari akong walang alam, pinigilan kong magsalita, at hindi ko man lang pinangalagaan ang gawain ng iglesia. Wala akong malay na pumapanig ako kay Satanas at nagsisilbing kasabwat nito. Talagang kasuklam-suklam ako sa Diyos! Nakita kong ang mga makamundong pilosopiyang ito ay mga maling paniniwala at kasinungalingan na ginagamit ni Satanas para iligaw at gawing tiwali ang mga tao. Sa pamumuhay ayon sa mga ito, habang tumatagal ay magiging mas mapanlinlang, masama, makasarili, at kasuklam-suklam lamang ako. Para protektahan ang sarili kong interes, iningatan ko ang aking sarili mula sa Diyos at sa mga tao, at kahit anong pagkagambala o kaguluhan ang mangyari sa iglesia, nanatili akong walang pag-aalala, walang pakialam, at malayo ang loob. Ang mga katotohanang dapat kong isagawa ay hindi naisagawa, ang mga tungkulin na dapat kong tuparin ay hindi natupad, at wala ako ni bakas ng konsensya, katwiran, pagkatao, o dignidad. Kung hindi ako magsisisi, sa bandang huli ako ay kasusuklaman at ititiwalag ng Diyos. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nakararamdam ng pagsisisi. Nadama kong labis na akong napinsala ni Satanas na wala na akong anumang uri ng pagkatao. Namuhi ako nang sobra sa sarili ko. Pero kasabay nito, nagpasya akong isagawa ang katotohanan. Hindi ko na kayang ipagpatuloy ang pagiging walang konsensya. Kailangan kong sundin ang kalooban ng Diyos, isagawa ang katotohanan, at isumbong sa lider ang problema tungkol sa superbisor sa lalong madaling panahon. Kalaunan, isinumbong ko sa lider ang hindi paggawa ng praktikal na gawain ng superbisor.

Pagkatapos kong ipadala ang ulat, naramdaman kong gumaan ang pakiramdam ko. Pero makalipas ang dalawa o tatlong araw, hindi pa rin sumasagot ang lider, at hindi maiwasang bumalik ang mga pag-aalinlangan ko. Babasahin ba ng lider ang ulat at iisiping ako ay nakikipagpaligsahan para sa katayuan, o na sadya akong naghahanap ng kamalian? Ituturing niya ba ako na masamang tao at ititiwalag ako? Lumundag ang puso ko nang maisip ko iyon. Ipinagtapat ko kay Xiangyi ang tungkol sa kalagayan ko. Sinabi niya, “Hindi ba’t itinatanggi mo ang pagiging matuwid ng Diyos at ang katotohanan na sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari? …” Matapos niyang sabihin ito, pumili siya ng isang sipi ng salita ng Diyos at binasa ito sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang mga taong gaya ng mga anticristo ay laging tinatrato ang pagiging matuwid at ang disposisyon ng Diyos nang may mga kuru-kuro, mga pangunguwestiyon, at paglaban. Iniisip nilang, “Isang teorya lamang na matuwid ang Diyos. Mayroon ba talagang pagiging matuwid sa mundong ito? Ni minsan sa tanang buhay ko, hindi ko pa ito nasumpungan o nakita. Napakadilim at napakasama ng mundo, at ang masasamang tao at mga diyablo ay matatagumpay sa buhay, at kontentong namumuhay. Hindi ko pa nakitang natikman nila ang nararapat sa kanila. Hindi ko makita kung nasaan dito ang pagiging matuwid ng Diyos; napapaisip ako, umiiral nga ba talaga ang pagiging matuwid ng Diyos? Sino ang nakakita na nito? Wala pang nakakita nito, at walang makapagpapatunay nito.” Ito ang iniisip nila sa kanilang sarili. Hindi nila tinatanggap ang lahat ng gawain ng Diyos, ang lahat ng Kanyang salita, at ang lahat ng Kanyang pangangasiwa sa pundasyon ng paniniwalang Siya ay matuwid, bagkus lagi silang nagdududa at nanghuhusga, laging puno ng mga kuru-kuro, na hindi naman nila kailanman hinahanapan ng katotohanan para malutas. Laging ganito kung maniwala ang mga anticristo sa Diyos. May tunay ba silang pananampalataya sa Diyos? Wala. Lagi na lang nagdududa ang mga anticristo pagdating sa pagiging matuwid ng Diyos. … Halimbawa, kapag may lumilitaw na problema sa gawain ng iglesia, gaano man kalala ang paninisi para dito o kung ano ang mga kahihinatnan nito, ang unang reaksyon ng isang anticristo ay maghugas-kamay at ipasa ang sisi sa iba. Upang huwag managot, ilalayo niya ang atensyon ng iba sa kanya, nagsasalita ng ilang bagay na tama at masasarap-pakinggan at gumagawa ng mababaw na listahan ng gagawin, para mapagtakpan ang katotohanan ukol sa usapin. Sa mga ordinaryong pagkakataon, hindi ito makikita ng mga tao, pero kapag may nangyari sa kanya, nabubunyag ang kapangitan ng isang anticristo. Gaya ng isang porcupine, na nakatayo lahat ang tusok-tusok nitong balahibo, pinoprotektahan nito ang sarili nang buong tapang, ayaw umako ng anumang responsibilidad. Anong uri ng saloobin ito? Hindi ba't saloobin ito ng hindi paniniwalang matuwid ang Diyos? Hindi siya naniniwala na masusing sinisiyasat ng Diyos ang lahat o na Siya ay matuwid; gusto niyang gamitin ang sarili niyang mga pamamaraan para protektahan ang kanyang sarili. Naniniwala siya na, “Kung hindi ko poprotektahan ang sarili ko, walang ibang gagawa nito para sa akin. Hindi rin ako mapoprotektahan ng Diyos. Sinasabi nilang matuwid Siya, pero kapag nasuong sa gulo ang mga tao, talaga nga bang tinatrato Niya sila nang patas? Imposible—hindi iyon ginagawa ng Diyos.” Kapag nahaharap sa problema o pag-uusig, wala silang nararamdamang tulong, at iniisip nila na, “O, nasaan na ang Diyos? Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng mga tao. Walang makatutulong sa akin; walang makapagbibigay sa akin ng hustisya at makapagsasakatuparan nito.” Iniisip nila na ang tanging paraan para maprotektahan nila ang kanilang sarili ay sa pamamagitan ng sarili nilang mga pamamaraan, na kung hindi, matataranta sila, mabu-bully at mauusig—at na kasama rito ang sambahayan ng Diyos. … Ang mahalaga lamang sa kanila ay ang sarili nilang paghahangad ng katanyagan at katayuan, at wala silang ginagawang kahit ano para itaguyod ang gawain ng iglesia. Sinumang gumagawa ng bagay na masama at pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito inilalantad o iniuulat, bagkus nagkukunwang hindi nila ito nakita. Kung titingnan ang mga prinsipyo nila sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay at sa pagharap nila sa mga nangyayari sa paligid nila, mayroon ba silang anumang kaalaman ukol sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon ba silang pananampalataya? Wala silang pananampalataya. Ang “wala” rito ay hindi nangangahulugang wala silang kamalayan ukol dito, kundi kinukuwestiyon nila ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa kanilang mga puso. Hindi nila tinatanggap ni kinikilala na matuwid ang Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Unang Bahagi)). Inihahayag ng Diyos na ang kalikasan ng mga anticristo ay partikular na tuso at mapanlinlang. Minamasdan nila ang lahat ng bagay at tao gamit ang kanilang sariling kabatiran, at hinaharap ang mga problema nang may paghihinala. Hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o na sinusuri ng Diyos ang lahat ng bagay, at lalo nang ang disposisyon ng Diyos ay matuwid. Kaya kapag may nakikita silang pumipinsala sa gawain ng iglesia, lagi nilang pinoprotektahan ang kanilang sarili at ang kanilang mga personal na interes, at hindi man lang isinasagawa ang katotohanan. Para bang kung hindi sila mag-iingat at hindi poprotektahan ang kanilang sarili, sila ay susupilin at parurusahan. Napagnilayan kong kagaya ako ng isang anticristo. Hindi ako naniwala sa pagiging matuwid ng Diyos, o na ang katotohanan at pagiging matuwid ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Nakita kong hindi gumagawa ng praktikal na gawain ang superbisor, pero lagi akong labis na nag-aalala at hindi nangangahas na isumbong ito. Kahit nang sa wakas ay nagkaroon ako ng lakas ng loob na magsulat ng isang ulat, dahil wala akong tunay na pagkaunawa sa pagiging matuwid ng Diyos, nang makita kong hindi pa sumasagot ang lider makalipas ang ilang araw, naghinala ako at nag-ingat. Natakot ako na hindi haharapin ng lider ang huwad na manggagawa, at na ako ay ititiwalag bilang masamang taong nananamantala sa mga kahinaan ng mga tao. Ako ay tunay na mapanlinlang! Wala akong anumang pananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t itinatanggi ko ang pagiging matuwid ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Tinitingnan ko ang pangangasiwa ng Diyos sa lahat ng bagay mula sa pananaw ng isang walang pananalig at ako ay naging mapaghinala at mapagbantay laban sa mga lider ng iglesia. Inakala ko na ang iglesia ay hindi patas at hindi matuwid gaya lang din ng mundo sa labas. Paano ito naging pananalig sa Diyos? Hindi ba’t ito ay paninirang-puri at kalapastanganan laban sa Diyos?

Tapos ay pinag-isipan kong muli ang salita ng Diyos, “May pinapanigan ba ang katotohanan? Kaya bang sadyain ng katotohanan ang pagsalungat sa mga tao? Kung hahangarin mo ang katotohanan, kaya ka ba nitong madaig? Kung maninindigan ka para sa katarungan, pababagsakin ka ba nito? Kung tunay ngang ang hangarin mo ay pagsikapang matamo ang buhay, kaya ka bang iwasan ng buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). “Paanong isusumpa ng Diyos ang isa sa mga tunay na naghahanap sa Diyos? Paanong isusumpa ng Diyos ang isang may maayos na katinuan at sensitibong konsensiya? Paanong lalamunin ng mga apoy ng Kanyang poot ang isang tunay na sumasamba at naglilingkod sa Diyos? Paanong palalayasin sa bahay ng Diyos ang isang masaya na sumunod sa Diyos? Paanong mabubuhay sa kaparusahan ng Diyos ang isang hindi masagad-sagad ang pag-ibig sa Diyos? Paanong walang matitirang kahit ano sa isang taong masaya na talikdan ang lahat para sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Oo, ang diwa ng Diyos ay matuwid at tapat. Ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay dapat isagawa at isabuhay ng tao. Ang paghahangad at pagsasagawa ng katotohanan at pagprotekta sa gawain ng iglesia ay isang positibong bagay, siyempre, at sinasang-ayunan ng Diyos. Sa partikular, ang pagsusumbong at paglalantad ng mga anticristo, masasamang tao, mga huwad na lider at manggagawa ay sinasang-ayunan ng Diyos at isa itong mabuti at makatarungang gawa. Isipin mo ito, mayroon na bang taong nagsasagawa ng katotohanan at may pagpapahalaga sa katarungan na naitiwalag sa iglesia? Mayroon na bang sinumang taong naghahangad at nagmamahal sa katotohanan ang tinalikuran o pinalayas ng Diyos? Sa kabaligtaran, bukod sa hindi sinupil o itinakwil ang mga nagsasagawa ng katotohanan, nakatanggap pa sila ng proteksyon, at ng pagsang-ayon at respeto ng kanilang mga kapatid. Kahit na ang iilan ay sinusupil at pinarurusahan ng mga anticristo at masasamang tao dahil sa pagsasagawa ng katotohanan, ito ay pansamantala lamang, at ang mga anticristo at masasamang taong ito ay lahat ilalantad at ititiwalag o aalisin sa iglesia. Higit pa rito, iyong mga sinupil ng mga anticristo at masasamang tao ay magkakaroon ng tunay na mga pakinabang sa pamamagitan ng kanilang pananalangin sa Diyos at paghahangad ng katotohanan. Hindi lamang sila magkakaroon ng pagkakilala sa mga masasamang tao at mga anticristo, magkakaroon din sila ng ilang pagkaunawa at karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang mga bagay na ito ay lubos na naghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at na ang katotohanan at pagiging matuwid ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga anticristo lamang at ang mga may layuning gumawa ng masama ang paaalisin o ititiwalag ng iglesia. Ang pag-uulat ko sa problema ng superbisor ay hindi ginawa nang may anumang masamang layunin, at hindi rin para sadyang samantalahin ang kanyang mga kahinaan. Ginawa ito sa pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia. Ang mga bagay na iniulat ko ay lahat batay sa katotohanan at hindi mga pagtatangka na gawan siya ng masama. Ang aking mga aksyon ay ginawa para sa ikabubuti, hindi sa ikapipinsala, ng kapwa superbisor at gawain ng iglesia. Kung siya ay isang taong kayang hangarin at tanggapin ang katotohanan, sa pagkakaulat sa kanya, magagawa niyang magnilay sa kanyang sarili at matuto ng leksyon. Ang sitwasyong ito ay magiging kapaki-pakinabang para maging mas malinaw sa kanya ang kanyang mga pagkukulang at katiwalian, at mapauusbong nito ang kanyang pagpasok sa buhay. Kung magagalit siya sa akin dahil dito, o susupilin pa ako o tatanggalin ako dahil sa bugso ng damdamin, ganap nitong ihahayag na hindi niya minamahal o tinatanggap ang katotohanan, at hindi siya nababagay para sa paglilinang o sa isang mahalagang posisyon. Nang matanto ko ito, labis na nagliwanag ang aking puso at hindi ko na naramdamang napipigilan ako. Ang pag-uulat ng mga huwad na lider at manggagawang hindi gumagawa ng tunay na gawain ay responsibilidad ko at dapat kong gawin. Anuman ang kahihinatnan, hinding-hindi ko pagsisisihan ang paggawa nito.

Nang gabing iyon, dumating ang isang sulat mula sa lider na nagsasabing natanggal na ang superbisor. Talagang nakapupukaw ng damdamin na basahin ang liham ng lider. Ang katotohanan at pagiging matuwid ay talagang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Pinuri at pinasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso! Sa pamamagitan ng karanasang ito, hindi lamang ako nagkaroon ng kaunting pagkakilala sa mga huwad na lider at manggagawa, namulat din ako sa kung gaano naging mapanlinlang ang aking kalikasan, at nagkaroon ng kaunting kamalayan sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang lahat ng ito ay dahil sa biyaya ng Diyos! Sa hinaharap, anuman ang aking kaharapin, handa akong sundin ang kalooban ng Diyos, isagawa ang katotohanan, pangalagaan ang gawain ng iglesia, at tuparin ang mga responsibilidad at tungkulin na dapat kong gawin. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ano ang Kahulugan ng Tunay na Pagbabago?

Inihahalintulad ko ang mga doktrinang tinaglay ko bilang aking sariling kapital, ngunit hindi binigyang pansin ang pag-unawa sa sarili, sa paghahanap ng pagpasok, sa pagkakamit ng katotohanan. At paano kaya ako magkakaroon ng pagbabago sa aking disposisyon sa buhay? Ang praktikal na gawain at mga salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng lahat ng katotohanan na kailangan natin at nais Niyang maunawaan natin ang katotohanang iyon