Ang Labing-Apat na Araw na Hinding-Hindi Ko Makakalimutan

Marso 15, 2025

Ni Song Yang, Tsina

Noong 2020, gumagawa ako ng tekstuwal na gawain sa iglesia. Alas-9 ng umaga noong ika-10 ng Nobyembre, bigla kaming nakatanggap ni Sister Su Jin ng sulat mula sa isang nakatataas na lider na nagsasabing bandang alas-2 ng umaga, minobilisa ng pulisya ang halos 2,000 opisyal na armado ng mga submachine gun para magsagawa ng malawakang pag-aresto sa sentro ng bayan. Inaresto ang mga lider at manggagawa, pati na rin ang ilang kapatid sa iglesia namin. Naaresto ang lahat ng kapatid mula sa tatlong bahay-tuluyan na 300 metro lang ang layo mula sa amin, kabilang ang isang bahay-tuluyan na tinirhan ko ilang buwan pa lang ang nakararaan. Nang mabasa ko ang sulat na ‘yon, bumilis agad ang tibok ng puso ko—kung hindi kami lumipat kamakailan, maaaresto rin sana ako. Nang tingnan ko ang listahan ng mga inaresto, marami sa kanila ang malapit kong nakasalamuha. May mga surveillance camera sa lahat ng mga kalye, kung babalikan ng mga pulis ang footage, hindi ba’t madali akong mahuhuli? Nang matanto ‘to, pakiramdam ko’y nanganganib akong maaresto anumang oras, kaya paulit-ulit akong tumawag sa Diyos: “Diyos ko! Pakisap protektahan Mo po ang puso ko at bigyan Mo po ako ng pananalig para makapagpatuloy sa kabila ng pagsubok na ito.” Pagkatapos magdasal, medyo kumalma ako. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Alam mong ang lahat ng bagay sa iyong kapaligiran ay naroon dahil sa Aking pahintulot, Ako ang nagsasaayos nitong lahat. Tingnan ito nang malinaw at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo. Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Pinamumunuan ng Diyos ang lahat at Siya ang aking pananggalang. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi ako pwedeng saktan ni Satanas. Nang matanto ito, napuno ako ng pananalig at lakas, at hindi na ako natatakot. Pagkatapos nun, mabilis kaming lumayo ni Su Jin pero nagpatuloy kami sa tungkulin namin.

No’ng panahong ‘yon, maraming kapatid ang gumagawa ng kanilang tungkulin sa sentro ng bayan, at pagkatapos ng mga pag-aresto, ‘di na namin sila makontak. Sinulatan kami ng lider at sinabihang kontakin ang mga miyembro sa bayan na may nalalaman at ilipat ang mga hindi pa naaresto sa mga ligtas na lugar. Kaya, ibinigay ko sa mga kapatid sa bayan ang mga address ng walong bahay-tuluyan sa bayan na alam ko, at sinubukang ipakontak sa kanila. Pero pagkatapos ng limang araw, napakakaunti lang ng natanggap naming tugon. Hindi kami umuusad at wala nang magawa pa. Naisip ko: “Ako na lang ang natitirang may alam sa mga bahay-tuluyan na ito. Hindi taga-bayan si Su Jin at ‘di niya kabisado ang lugar. Baka dapat kong sabihin sa kanya na pwedeng ako mismo ang pumunta at magsiyasat?” Pero sa sandaling naisip ko ‘to, agad kong naalala na mapanganib ang sentro ng bayan nang panahong ‘yon. Nakabantay ang mga pulis kahit saan at may mga high-definition camera na kayang kumilala ng mga mukha. Pumunta na ang mga opisyal sa bahay ko para magtanong tungkol sa pananalig ko noon. Higit pa rito, marami sa mga naaresto ang kakilala ko. Ang isa ay sister na nakatrabaho ko nang mahigit tatlong taon. ‘Pag natuklasan ang presensya ko kapag magsiyasat ako, hindi ba’t maaaresto ako anumang oras? Kung mamatay ako dahil sa pambubugbog ng mga pulis o hindi makayanan ang pagpapahirap at maging Hudas ako, ‘di ba’t magiging walang saysay ang lahat ng taon ng pananampalataya ko? Anumang mangyari, ‘di ako pwedeng pumunta at kailangan ko lang maghintay. Pero nakonsensya ako sa mga naisip ko, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos: “O Diyos! Alam kong dapat akong pumunta sa sentro ng bayan para tingnan ang mga bagay-bagay, pero nag-aalala ako na maaaresto ako. Gabayan Mo po ako na mas maunawaan ang sarili ko.”

Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang kalagayan ko no’ng panahong ‘yon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at hindi mabait. Wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, lalong walang debosyon sa Diyos; kapag nakakasagupa sila ng isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan, sarili lamang nila ang kanilang iniisip. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kundi ang maisalba at mailigtas ang kanilang sarili. Wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsala sa sambahayan ng Diyos—basta’t buhay pa rin sila at walang anumang nangyayari sa kanila, iyon lang ang mahalaga para sa kanila. Malupit ang disposiyon ng gayong mga tao, hindi nila iniisip ang mga kapatid, o ang sambahayan ng Diyos, sarili lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo. … Alam na alam ng mga taong tapat sa Diyos na may kaakibat na mga panganib, at handa silang harapin ang mga panganib na iyon upang harapin ang kinahinatnan ng mga pangyayari at maingatang huwag masyadong mawalan ang sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang sarili nilang kaligtasan. Ano ang masasabi ninyo rito: Magagawa ba ng mga taong hindi intindihin kahit bahagya ang sarili nilang kaligtasan? Sino nga ba ang hindi nakababatid sa mga panganib sa kanilang paligid? Gayunpaman, dapat kang sumuong sa mga panganib upang matupad ang iyong tungkulin. Responsibilidad mo ito. Hindi mo dapat unahin ang pansarili mong kaligtasan. Ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang pinakamahalaga, at ang mga ito ang dapat unahin higit sa lahat. Mas inuuna ng mga anticristo ang pansarili nilang kaligtasan; naniniwala sila na walang kinalaman sa kanila ang anupamang bagay. Wala silang pakialam kapag may nangyaring anuman sa ibang tao, kahit sino pa ito. Basta’t walang masamang nangyayari sa mga anticristo mismo, panatag ang loob nila. Wala silang katapatan. Ito ang diwa ng isang anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Matapos basahin ang paghahayag ng mga salita ng Diyos, nakonsensya ako at napahiya. Nakita ko kung paanong napakamakasarili at kasuklam-suklam ang mga anticristo—kapag nahaharap sa mga mapanganib na sitwasyon, iniisip lang nila ang kanilang kaligtasan, at ‘di iniisip ang mga kawalan ng iglesia, lalo na ang buhay ng mga kapatid. Kung ikukumpara ang sarili kong pag-uugali sa inilantad ng Diyos tungkol sa mga anticristo, katulad lang nila ako: Alam na alam ko na kung hindi maililipat kaagad ang mga ‘di pa naaresto, manganganib silang maaresto anumang oras. Magdurusa rin ng mga kawalan ang gawain ng iglesia at mahahadlangan. Ako lang ang may alam sa mga bahay-tuluyan na ‘to, kaya tungkulin kong asikasuhin ito. Pero sa gano’n kakritikal na sandali, sariling kaligtasan ko lang ang iniisip ko. Dahil natakot akong maaresto at mapahirapan, hindi ako handang protektahan ang mga interes ng iglesia at ang kaligtasan ng iba. Napakamakasarili ko at walang pagkatao! Pagkatapos ay nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos. “Kung ang tao ay tunay na naghahanap sa Diyos o hindi ay nalalaman sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, iyon ay, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa pagpapasya ng tao mismo. Hindi tinatanggihan ng Diyos ang sinumang tao kung kailan Niya gusto; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakahikayat sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makahihikayat sa tao. Kung ang paniniwala ng tao ay tunay o hindi, ay napapatotohanan ng mga katunayan at hindi mapagpapasyahan ng tao. Walang duda na ang ‘trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.’ Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi pagmamalabisan ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Sa mga salita ng Diyos, natanto ko na ‘di maiiwasang maharap tayo sa panganib at mga paghihirap kapag ginagawa ang ating tungkulin sa ateistang lupain ng CCP. Hinahayaan tayo ng Diyos na maranasan ang mga pagsubok na ‘to para subukin tayo at gawing perpekto ang ating pananampalataya at pagmamahal. Ang mga tunay na nananalig sa Diyos at sumusunod sa Kanyang kalooban ay kayang harapin ang mga pagsubok kapag nanganganib ang gawain ng iglesia, dalhin ang kanilang mga pasanin at pangalagaan ang gawain ng iglesia, umaasa sa Diyos at gumagamit ng karunungan para mag-ayos matapos ng insidente. Ang tungkulin ko no’ng araw na ‘yon ay pagsubok mula sa Diyos, para makita kung may pananalig at katapatan ako sa Kanya at pagpapahalaga sa responsibilidad sa gawain ng iglesia. Kinailangan kong ihinto ang pagiging makasarili at kasuklam-suklam, iniisip lang ang sarili kong mga interes. Masasaktan at mabibigo lang ang Diyos sa gayong pag-uugali. Nang matanto ko ang kalooban ng Diyos, hindi na ako natakot at naging handang siyasatin at ayusin ang sitwasyon sa sentro ng bayan.

Magkasama kaming pumunta ni Yang Lee at pansamantalang nanirahan sa mga kamag-anak niyang ‘di nananalig. Nang pumunta ako sa unang bahay-tuluyan, naka-lock ang pinto at nakasabit sa pader ang isang banner na lumalapastangan at naninira sa iglesia. Sinabi sa’kin ng isang matandang kapitbahay na inaresto ng mga pulis ang lahat ng nakatira doon ilang araw na ang nakalipas. Kaya, dali-dali akong pumunta sa pangalawang bahay, at natagpuang naka-lock din ito at nakasabit sa pader ang parehong banner. Natanto kong naaresto rin ang mga nakatira sa bahay na ito. Nagpatuloy ako sa paglalakad at habang tumatawid ako sa isang interseksyon, may nakita akong sasakyan ng pulis na puno ng mga opisyal sa tabi ng kalsada habang kumikislap ang mga ilaw nito. Kakaunti lang ang mga naglalakad sa paligid. Medyo natakot na naman ako, iniisip na: “Naaresto ang lider ko na si Li Juan ‘di kalayuan mula rito, at tumira ako sa bahay na ‘yon nang mahigit dalawang taon. Tatlong buwan na ang nakalipas, araw-araw akong naglalabas-masok doon. Kung makikilala ako ng mga pulis, ‘di ba’t kusa akong sumusuko?” Nabalisa ako nang husto at paulit-ulit akong tumawag sa Diyos para bigyan ako ng lakas ng loob. Dahil nasa tapat na ako ng sasakyan ng pulis, hindi ako pwedeng lumiko, kaya kailangan ko lang kumalma habang dumaraan. Nang malampasan ko na sila, medyo nakahinga ako nang maluwag. Tiningnan ko ang buong paligid, at pagkatapos masigurong walang nakasunod, lumapit ako sa sunod na bahay. Katulad ng huling dalawang bahay, naka-lock ang pinto at nakasabit ang parehong lapastangan na banner sa labas ng bahay. Pakiramdam ko’y naubos ang lahat ng lakas ko. Nalaman kong naaresto ang mga kapatid mula sa tatlong bahay at ‘di ko alam kung ano’ng nangyari sa mga nasa ibang bahay. Pero nakasabit sa mga pader ng bawat kalye at interseksyon ang mga mapanirang banner, nakapuwesto sa bawat kalye ang mga nagpapatrolya, mga sasakyan ng pulis at mga nakasibilyan na mga pulis, at may mga surveillance camera sa lahat ng dako. Mapapansin kaya ako ng mga pulis kung pupunta ako sa ibang bahay? Hindi ako nangahas na pumunta sa ibang bahay—ang bigat ng mga paa ko at pinilit kong makabalik sa bahay ng mga kamag-anak ni Yang Le habang maluha-luha na ako. Sa sobrang kalungkutan, sinabi ko kay Yang Le: “Ni-raid lahat ang tatlong bahay na ‘yon. Ano’ng dapat nating gawin ngayon?” Sumagot siya: “Ang pinakamatalinong paraan pasulong ay ang magdasal at umasa sa Diyos.” Kaya’t lumuhod kaming dalawa sa panalangin, hinihiling sa Diyos na bigyan kami ng lakas ng loob at pananalig para matapos ang gawain ng pag-aayos. Pagkatapos maghapunan, pumunta kami sa pang-apat na bahay. Nagulat si Sister Meng Fan nang makita kami at mabilis kaming hinila papasok. Sinabi niya na ang tatlong sister na pinatutuloy niya ay matagumpay nang nakalipat. 5 a.m. noong ika-10 ng Nobyembre, habang tulog pa ang tatlong sister, dumating ang tatlong pulis para halughugin ang bahay. May mga kopya pa sila ng ID ng tatlong sister at sinabing mga manloloko ang mga ito sa online. Tinanong nila si Meng Fan at ang asawa niya kung nakikilala nila ang mga sister, na sinagot ng asawa niya na nakatira daw ang mga ito sa itaas ng bahay sa kabilang kalye. Saka lang umalis ang mga pulis. Nang isara ni Meng Fan ang pinto, nakita niya ang 60–70 pulis na umakyat sa apartment sa kabila. Gano’n silang tatlo nakatakas sa pag-aresto. Nang mabalitaan kong nakalipat na silang lahat, napaluha ako sa saya at paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos. Nang makita kong ginawa ni Meng Fan ang lahat ng kanyang makakaya para protektahan ang kaligtasan ng mga sister sa delikadong sandaling ‘yon, samantalang makasarili at kasuklam-suklam kong pinrotektahan lang ang sarili ko, napahiya ako. Habang naglalakad pauwi, naisip ko kung paanong ligtas na nakaiwas ang tatlong sister sa muntikang engkuwentro sa mga pulis at kung paanong dahil ito sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kaya lang hindi naaresto ang tatlong sister at ligtas na nakalipat ay dahil ginawang bulag ng Diyos ang mga pulis. Nakita ko kung paanong nasa ilalim ng pamamahala ng Diyos ang lahat ng bagay. Kung walang pahintulot ng Diyos, gaano man kalupit si Satanas, hindi tayo nito mapipinsala. Habang mas pinag-iisipan ko ‘to, lalo kong napagtatanto na ang Diyos ay makapangyarihan at matalino, at kaya lalong lumakas ang pananalig ko.

Kinaumagahan, pumunta ako sa dalawa pang bahay para magsuri at nalaman kong naaresto ang lahat ng kapatid doon, kaya’t dali-dali akong bumalik sa tinutuluyan ko. Nagulat ako nang sabihin ni Yang Le na tinatanong ng mga kamag-anak at kapitbahay niya kung mananampalataya kami, at sinabing maraming pulis ang dumating sa sentro ng bayan ilang araw na ang nakalipas at inaresto ang maraming mananampalataya. Naghihinala na sa amin ang mga tao doon. Nang marinig ko ‘to, tila hindi na kami ligtas doon, at nagpasya akong bumalik sa tirahan ko sa kabundukan. Sinabi ko kay Su Jin kung ano ang natutunan ko sa pananatili ko sa sentro ng bayan. Nang marinig niya ito, sumagot siya: “May mga hindi pa nahahanap, nahuli na rin kaya sila? Dapat tayong bumalik sa sentro ng bayan para magsiyasat.” Nang marinig kong kailangan naming bumalik sa sentro ng bayan, pumayag ako, pero sa loob-loob ko, ayokong bumalik doon. Naisip ko: “Kung gusto mong pumunta, sige, pero ayoko talagang pumunta. Sapat na ang isang beses! Kung pupunta ako ulit at makikita ako ng mga pulis, ano na? Kung maaresto ako, pahihirapan ako!” Pero naramdaman kong makasarili at kasuklam-suklam ang pag-iisip nang ganito. Alam na alam kong hindi taga-bayan si Sister Su Jin at hindi pwedeng pumuntang mag-isa. Bakit sobrang wala akong konsensya na iwan sa kanya ang isang napakadelikadong gampanin? Nang pumunta ako sa sentro ng bayan, nakita ko ang karunungan at pagiging makapangyarihan ng Diyos at naranasan ko mismo ang Kanyang proteksyon. Sinabi ko pa sa harap ng Diyos na handa akong tumulong sa pag-aayos matapos ang insidente. Bakit ako umaatras ngayon? Pagkatapos, naisip ko kung ano ang maaaring dahilan nito. Nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos. “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos para sa kanilang sariling mga kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para gantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatatagal sa matinding pagdurusa: Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa mga salita ng Diyos natanto ko na, bagamat gusto kong protektahan ang gawain ng iglesia, kapag nahaharap sa panganib, di-namamalayang gusto kong ipasa ang tungkulin ko at pangalagaan ang sarili kong mga interes. Kinokontrol ako ng mga satanikong lason gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Namumuhay ako sa mga satanikong lason na ito at sobra akong makasarili at kasuklam-suklam. Iniisip ko lang ang sarili kong kaligtasan, at hindi man lang isinaalang-alang ang gawain ng iglesia o ang kaligtasan ng mga kapatid. Alam na alam kong meron pa kaming ilang bahay na dapat tingnan, at ‘di namin alam kung naaresto ang mga kapatid doon, pero dahil nag-alala akong maaresto at mapahirapan, ayokong pumunta sa sentro ng bayan. Hindi ko sinunod ang kalooban ng Diyos. Alam ko rin na hindi taga-bayan si Su Jin at hindi niya alam ang pasikot-sikot sa sentro ng bayan, pero upang protektahan ang sarili kong kaligtasan, naisipan ko pang ipasa sa kanya ang ganito kapanganib na gawain habang magpapakalayo ako at yuyukyok sa takot. Masyado akong makasarili at kasuklam-suklam! Nang matanto ko ito, kinamuhian ko ang sarili ko at ayokong patuloy na mamuhay sa ganoon kasama at kasuklam-suklam na paraan.

May dalawang sipi na labis na nakaantig sa’kin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sino sa buong sangkatauhan ang hindi inaalagaan sa paningin ng Makapangyarihan? Sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng itinalagang tadhana ng Makapangyarihan? Nangyayari ba ang buhay at kamatayan ng tao ayon sa sarili niyang pagpapasiya? Kontrolado ba ng tao ang kanyang sariling kapalaran? Maraming taong gusto nang mamatay, subalit malayo iyon sa kanila; maraming taong nais maging yaong malalakas sa buhay at takot sa kamatayan, subalit lingid sa kanilang kaalaman, ang araw ng kanilang kamatayan ay nalalapit na, isinasadlak sila sa kailaliman ng kamatayan …(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 11). “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Naaayon ba sa batas ang pagpatay sa kanila dahil sa kanilang mga krimen? Hindi. Sila ay kinondena, binugbog, kinagalitan, at pinatay dahil ipinalalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon at tinanggihan ng mga tao ng mundo—ganyan kung paano sila minartir. … Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi nangangahulugan iyon na magkakatulad ang kanilang kinahinatnan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos ng pagtukoy sa pangwakas na mga kahihinatnan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. … Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; buhay ang tanging bagay na nakapaloob sa sarili. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinaka-karapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katotohanang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad ng isang tao sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinakasan ang kanilang pananagutan. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang isang obligasyong moral(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natanto ko na ang kapalaran ng tao ay hawak lahat ng Diyos. Ang buhay at kamatayan ng bawat tao ay itinadhana at kontrolado Niya. Maaresto man ako o hindi sa sentro ng bayan at mapahirapan ay lahat nakasalalay sa Diyos. Naalala ko ang mga apostol ng Kapanahunan ng Biyaya na nagsakripisyo sa kanilang sarili para sa Panginoong Jesus: Nagdusa sila ng mga kapalarang tulad ng mabato hanggang mamatay, makaladkad ng mga kabayo hanggang mamatay, at mapako nang patiwarik para sa Diyos. Nang maharap sa banta ng kamatayan, hindi sila napigilan ng madidilim na pwersa, at sa huli ay nanindigan sa patotoo para sa Diyos. Inialay nila ang kanilang pinakamahalagang pag-aari, ang sarili nilang buhay, sa Diyos. Hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Diyos, kahit na sa kanilang kamatayan, at nagpatotoo sila sa Diyos sa harap ng masamang sangkatauhan, nakamtan nila ang kanilang misyon sa buhay at natupad ang kanilang mga tungkulin bilang nilikha. Ito ay makabuluhan at pinuri ng Diyos. Sa sandaling ‘yon, nasa panganib ang mga kapatid ko, at kung sa mahalagang sandaling ‘yon, mabibigo akong tugunan ang mga responsibilidad ko dahil pinoprotektahan ko ang sarili kong mga interes, at hahantong ito sa pagkakaaresto ng mga kapatid at pagkakapinsala ng gawain ng iglesia, magkakasala ako sa harap ng Diyos. Magiging dungis ‘yon sa pagiging mananampalataya ko at tiyak na pagsisisihan ko ito. Kailangan kong ihinto ang pagsasaalang-alang sa sarili kong kaligtasan, at alamin kaagad kung ano’ng nangyari sa mga kapatid. Kahit sa huli ay arestuhin at pahirapan ako hanggang mamatay, magiging makabuluhan ang kamatayan ko at pupurihin at gugunitain ito ng Diyos. Nang matanto ko ito, mas kumalma at gumaan ang pakiramdam ko.

No’ng panahong ‘yon, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nakaantig at nagbigay-inspirasyon sa’kin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa mainland Tsina, araw-araw ay may panganib sa pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Napakahirap ng kapaligiran para doon, maaaring maaresto ang isang tao anumang oras. Naranasan na ninyong lahat ang isang kapaligiran kung saan kayo ay tinutugis—at hindi ba’t Ako rin naman? Ikaw at Ako ay nabuhay sa parehong kapaligiran, kaya’t sa kapaligirang iyon, hindi Ko maiwasang magtago nang madalas. May mga pagkakataong kailangan Kong lumipat ng lugar dalawa o tatlong beses sa isang araw; may mga pagkakataon pa nga na kailangan Kong pumunta sa isang lugar na hindi Ko akalain na mapupuntahan Ko. Ang mga pinakamahirap na pagkakataon ay iyong wala Akong mapuntahan—magdadaos Ako ng pagtitipon sa araw, pagkatapos sa gabi, hindi Ko alam kung saan ang ligtas na lugar. Minsan, matapos magpakahirap na makahanap ng lugar, kailangan Ko nang umalis kinabukasan, dahil ang malaking pulang dragon ay papalapit na. Ano ang iniisip ng mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos kapag nakikita nila ang gayong eksena? ‘Na pumarito ang Diyos sa lupa sa katawang-tao upang iligtas ang tao ang halagang Kanyang binayaran. Isa ito sa mga paghihirap na Kanyang naranasan, at tinutupad nito ang Kanyang mga salita na nagsasabing, “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kanyang ulo” (Mateo 8:20). Talagang ganito ang mga bagay-bagay—at si Cristo na nagkatawang-tao ay personal na nararanasan ang ganitong paghihirap, katulad ng tao.’ Makikita ng lahat ng tunay na nananampalataya sa Diyos kung gaano kahirap ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao, at dahil dito, mamahalin nila ang Diyos, at pasasalamatan Siya para sa halagang Kanyang binayad para sa kapakanan ng sangkatauhan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikatlong Bahagi)). Labis akong naantig sa mga salita ng Diyos. Pumarito ang Diyos Mismo mula sa kaitaasan para magpakumbaba bilang tao, nagkatawang-tao sa China, isang bansang lumalaban sa Diyos, para gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Sinubukan ng CCP ang lahat ng paraan para tugisin Siya, kinondena at tinanggihan Siya ng mundo ng relihiyon, pero hindi kailanman isinaalang-alang ng Diyos ang sarili Niyang kaligtasan at patuloy na nagpapahayag ng katotohanan para diligan at tustusan tayo, umaasang mauunawaan natin ang katotohanan, makakalaya sa mga tiwaling disposisyon at maisasabuhay ang wangis ng tao. Nang maunawaan ko ang di-makasariling pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan at ang Kanyang taimtim na pagsisikap na iligtas tayo, napuno ako ng hiya at pagkakonsensya, at kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa kawalan ng katwiran at pagkatao. Matagal ko nang tinatamasa ang mga salita ng Diyos, pero nang kinailangan kong bumangon at protektahan ang gawain ng iglesia, sa halip ay pinrotektahan ko ang sarili ko, ayaw magsakripisyo. Hindi ako karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos at wala akong kahit katiting na wangis ng tao. Ayokong patuloy na mamuhay sa isang kasuklam-suklam, walang kwentang buhay at handa akong talikdan ang aking laman at gawin ang makakaya ko para makipagtulungan kay Su Jin sa pag-aayos matapos ang insidente.

Dumating kami sa sentro ng bayan hapon ng ika-24 ng Nobyembre. Sa tulong ng isang sister, nalaman namin na maliban sa tatlong sister na ‘yon, naaresto lahat ang natitirang kapatid. Sumama talaga ang loob ko nang mabalitaan ‘to at no’ng gabing ‘yon, ‘di ako makatulog. Sabay-sabay nagmobilisa ang gobyerno para arestuhin ang napakaraming kapatid at marami pang kapatid ang napilitang lumikas sa mga bahay nila para makaiwas sa pag-aresto. Napakasama ng CCP! Katulad lang ‘to ng inihayag ng Diyos. “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan, walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan. Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na kalooban ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sa pamamagitan ng karanasang ito, tuluyan akong namulat sa laban-sa-Diyos na demonyong diwa at namumuhi-sa-katotohanan at masamang kalikasan ng CCP. Para palakasin ang kapangyarihan at awtoridad nito, nililinlang ng CCP ang mga tao sa pagsasabing sinusuportahan nila ang kalayaan sa pagsamba samantalang ang totoo ay walang pakundangan nilang inaaresto at inuusig ang mga Kristiyano, sinusubukang lubusang sugpuin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ang CCP ay isang grupo ng mga demonyong namumuhi sa Diyos, lumalaban sa Diyos. Sila ay mga kaaway ng Diyos. Buong-puso kong kinamumuhian ang CCP, ang matandang demonyong ‘yon. Habang mas inaapi tayo nito, mas lalo akong tumutuon na gawin ang tungkulin ko at ipahiya si Satanas.

Pagkatapos nun, tumindig ang iba pang mga kapatid para umako ng gawain ng iglesia at unti-unting bumalik sa normal ang buhay-iglesia. Sa loob lang ng 10 araw o higit pa, nagkaroon ako ng kaunting kamalayan sa tunay kong tayog at sa makasarili, kasuklam-suklam, at tiwali kong disposisyon. Nakita ko rin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at lumago ako sa pananalig ko. Hinding-hindi ko makakamit ang alinman sa mga ito sa isang maaliwalas at ligtas na kapaligiran.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Pagninilay sa Paghihiganti

Ni Yang Yue, Tsina Noong Pebrero ng 2021, ginagampanan ko sa iglesia ang tungkulin ko sa gawaing nakabatay sa teksto. Nang panahong iyon,...

Leave a Reply

Liitan ang Font Size
Lakihan ang Font Size
Pumasok sa Full Screen
Lumabas sa Full Screen