Matapos Dumanas ng Matinding Paghihirap, ang Pagmamahal ko sa Diyos ay Lalong Tumibay
Ang pangalan ko ay Zhou Rui at isa akong Kristiyano mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Mula nang magkaroon ako ng pagkaunawa sa mga bagay-bagay, inobserbahan ko ang masigasig na pagtatrabaho ng aking mga magulang sa bukid mula umaga hanggang gabi para magkaroon ng ikabubuhay. Sa kabila ng kanilang matinding pagsisikap, halos wala silang kinikita kada taon, kaya laging namumuhay ang aming pamilya sa matinding kahirapan. Sa tuwing makikita ko ang mga taong makapangyarihan at maimpluwensya na namumuhay nang komportable kahit hindi magpakahirap sa pagtatrabaho, naiinggit ako sa kanila, kaya determinado akong nagpasya: Sa paglaki ko, titiyakin ko na magiging matagumpay ako sa isang karera o magkakaroon ng posisyon sa gobyerno para malunasan ang karukhaan at hindi pag-asenso ng aking pamilya para maranasan din ng aking mga magulang ang buhay-mayaman. Gayunpaman, maraming taon kong pinaghirapang makamit ang ideyal na buhay na ito, subalit hindi ko kailanman nakuha ang gusto ko; patuloy akong namuhay sa karukhaan. Madalas akong napahimutok sa kaiisip kung bakit wala akong napapala kahit ano ang gawin ko, at unti-unti akong nawalan ng pananalig sa buhay. Nang nagsimula na akong mawalan ng sigla at pag-asa sa buhay, ang pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw ay dumating sa akin. Mula sa Kanyang mga salita ay naintindihan ko ang ilang katotohanan at nalaman ko ang ugat ng paghihirap ng mga tao sa mundo. Naintindihan ko rin kung paano dapat mamuhay ang mga tao upang magkaroon ng buhay na makabuluhan at kasiya-siya. Mula noon, bagama’t nakaranas ako ng kalituhan at kawalan ng kakayahan, nakatagpo ako ng direksyon sa buhay. Nang kalimutan ko ang depresyon at hinagpis, nadama ko ang bagong kalakasan at kasiglahan, at nakakita ng pag-asa ng buhay. Matapos iyon, upang ang mga patuloy pa ring nakararanas ng paghihirap at kawalang-pag-asa ay magtamo rin nitong lubos na kakaibang uri ng kaligtasan, sinimulan kong pumunta sa iba’t ibang lugar, masiglang ipinangangaral ang pagliligtas ng Diyos ng mga huling araw. Ang hindi ko inasahan, gayunman, ay na habang ipinangangaral ko ang ebanghelyo, dalawang beses akong hinuli ng gobyerno ng Tsina at dumanas ng brutal at di-makataong pagpapahirap…. Sa napakatinding kalupitan at kasamaang ito, hindi ako kailanman iniwang mag-isa ng Makapangyarihang Diyos; ang Kanyang mga salita ay nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas, paulit-ulit akong pinagtatagumpay laban sa masasamang puwersa ni Satanas at lalong pinatatatag ang pagmamahal ko sa Kanya.
Isang araw iyon noong Hunyo 2003; dalawa sa aking mga kapatid at ako ay nagpunta sa isang nayon para mangaral ng ebanghelyo, nang isuplong kami ng isang masamang tao. Lima o anim na pulis sakay ng tatlong sasakyan ang mabilis na lumapit sa amin at pinosasan kami nang walang tanung-tanong. Ipinagtulakan at pinagsisipa nila kami para puwersahang ipasok sa sasakyan at dinala kami sa Public Security Bureau. Habang nasa loob ng sasakyan wala akong nadamang gaanong takot. Alam ko na ang layunin ng pangangaral ng ebanghelyo ay ang maghatid ng kaligtasan sa mga tao, kaya wala kaming nagagawang masama; pagdating namin sa Public Security Bureau, ipapaliwanag ko ang sitwasyon, at papakawalan na kami ng mga pulis. Hindi ko sukat akalain, gayunman, na ang mga pulis ng gobyerno ng Tsina ay mas malulupit at mas mababangis kaysa sinumang mararahas o masasamang opisyal. Pagkarating namin sa PSB, ni hindi kami binigyan ng pulisya ng pagkakataong magpaliwanag bago kami paghiwa-hiwalayin at tanungin nang isa-isa. Halos kapapasok ko pa lang sa interrogation room ay binulyawan na ako ng isang pulis, “Ang patakaran ng Communist Party ay ‘Awa ang ibibigay sa sinumang aamin, at kalupitan sa mga magmamatigas.’ Alam mo ba iyon?” Pagkatapos, hiningan niya ako ng personal na impormasyon. Dahil nakitang hindi ito nasiyahan sa mga sagot ko, isa pang pulis ang lumapit sa akin at mariing sinabi, “Hmph. Nagsisinungaling ka. Tuturuan ka namin ng leksyon at tingnan natin kung hindi ka pa magsasabi ng totoo.” Pagkatapos ay ikinaway niya ang kanyang kamay at nagsabi, “Magdala kayo rito ng mga ladrilyo para maparusahan natin ito!” Pagkasabing pagkasabi nito, dalawang pulis ang lumapit, kinuha ang isang kamay ko at binaltak ito pataas mula sa balikat ko pababa sa likod habang pinipilipit ang isang kamay ko pataas, at puwersahang pinosasan ang mga ito. Kaagad akong nakaramdam ng napakatinding sakit na parang mababali ang mga braso ko. Paano kakayanin ng isang taong kasinghina ko ang gayong pagpapahirap? Isang sandali pa ay bumagsak ako sa lupa. Nang makita ito ng salbaheng pulis, bigla nitong binaltak pataas ang mga posas at ikinalang ang dalawang ladrilyo sa pagitan ng mga kamay ko at likod. Matinding kirot kaagad ang gumapang sa puso ko na para bang nginangatngat ng libu-libong langgam ang mga buto ko. Sa labis na paghihirap, ginamit ko ang lahat ng nalalabi kong lakas upang magsumamo sa Diyos: “Makapangyarihang Diyos, iligtas Mo po ako. Makapangyarihang Diyos, iligtas Mo po ako.…” Bagama’t nang panahong iyon ay halos tatlong buwan ko pa lang natatanggap ang pagliligtas ng Diyos ng mga huling araw, hindi pa ganap na nasasangkapan ng marami sa Kanyang mga salita, at naiintindihan lamang ang iilang katotohanan, gayunpaman, habang patuloy akong nagsusumamo sa Diyos, pinagkalooban ako ng Diyos ng pananampalataya at kalakasan at itinimo sa aking kalooban ang matibay na pananalig: Dapat akong magsilbing patotoo para sa Diyos; hindi ako dapat magpadaig kay Satanas! Noon din, nagtiim-bagang ako at lubusang tumangging magsalita ng kahit ano. Dahil sa labis na pagkayamot at galit, ang napakasasamang pulis na iyon ay nagtangka na naman ng isang imbing plano sa paghahangad na igupo ako: Naglagay sila ng dalawang ladrilyo sa sahig at puwersahan akong pinaluhod doon; kasabay niyon binaltak nila pataas ang mga posas ko. Kaagad akong nakaramdam ng napakatinding sakit sa mga braso ko na parang mababali ang mga ito. Pinilit kong patuloy na lumuhod nang ilang minuto hanggang sa lupaypay akong muling bumagsak sa sahig, kung saan pabaltak na namang itinaas ng mga pulis ang mga posas para maiangat ako at pwersahang pinaluhod muli. Sa paraang ito paulit-ulit nila akong pinahirapan. Katindihan iyon ng tag-init, kaya magkahalong sakit at init ang naramdaman ko; walang tigil ang tulo ng butil-butil na pawis sa aking mukha. Nahihirapan akong manatiling nakaluhod kaya hirap na hirap akong huminga, at halos mahimatay ako. Sa kabila niyon, ikinatuwa pa ng mga pulis na ito ang kalunus-lunos na kalagayan ko. “Ayos lang ba ang pakiramdam mo?” ang sabi ng isa sa kanila. “Kung hindi ka pa rin magsasalita, marami pa kaming gagawin sa iyo!” Nakikitang hindi ako sumasagot, lalo silang nagpuyos sa galit at sinabi, “Kung ganoon gusto mo pang masaktan? Ulit!” … Matapos ang dalawa o tatlong oras ng pagpapahirap na ito, damang-dama ko ang sakit mula ulo hanggang talampakan at wala na akong natitirang lakas. Bumagsak ako sa sahig at hindi na makagalaw, at lubusan nang nawalan ng kontrol sa aking pag-ihi at pagdumi. Tinitiis ang walang-awang pagpapahirap ng mga pulis na ito, talagang napoot ako sa sarili ko sa labis na pagiging bulag at mangmang noong una; inakala ko na ang PSB ay isang lugar kung saan makakapangatwiran ako at magiging makatarungan ang mga pulis at pakakawalan ako. Hindi ko akalaing ganoon sila kasama at kalupit at pahihirapan ako para lamang paaminin nang wala man lang ni kaunting ebidensya, at halos patayin ako sa hirap. Sukdulan ang kabuktutan nila! Nakahandusay ako sa sahig na parang lasug-lasog na at hindi ako makagalaw kahit gusto ko. Hindi ko alam kung ano pa ang binabalak nilang gawing pagpapahirap sa akin, ni hindi ko alam kung hanggang kailan ako makakatagal. Sa aking paghihirap at kawalang-pag-asa, ang tanging magagawa ko lang ay patuloy na magsumamo sa Diyos na bigyan ako ng lakas upang makapagtiis pa ako. Dininig ng Diyos ang pagsusumamo ko, at nahabag sa akin, kaya nagbalik sa alaala ko ang isa sa Kanyang mga pagbigkas: “Ito ay isang napakahalagang sandali. Tiyaking hindi ka masisiraan ng loob o panghihinaan ng kalooban; dapat kang tumingin sa unahan sa lahat ng bagay…. Hangga’t may isang hiningang nananatili sa iyo, dapat kang magtiyaga hanggang sa kahuli-hulihan; ito lamang ang paraan na magiging karapat-dapat ka sa papuri” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 20). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng napakalaking pananampalataya at ibayong lakas. Talagang totoo ang mga ito! Yamang ako ay naglalakad sa landas ng liwanag at katuwiran, dapat ay taglay ko ang pananampalataya upang magpatuloy; kahit umabot ito hanggang sa aking huling hininga, dapat pa rin akong magtiis hanggang wakas! Ang mga salita ng Diyos ay tila maimpluwensyang himig na nagpasigla sa akin, nagtulot ang mga ito sa akin na magkaroon ng pananampalataya at tapang na labanan ang mga demonyong ito hanggang sa huli, at unti-unti rin akong nakabawi ng lakas. Pagkatapos niyon, patuloy akong tinanong ng masamang mga pulis, at walang awang pinagtatapakan ang aking mga paa hanggang sa halos malasog at magkasugat-sugat ang mga ito. Gayunpaman, wala na akong naramdamang sakit. Alam ko na dulot ito ng kagila-gilalas na gawa ng Diyos; dahil naawa Siya sa akin at nag-alala sa aking panghihina, naibsan Niya ang aking paghihirap. Kalaunan, ikinulong kami ng malulupit na pulis at inakusahan ng “paggambala sa kapayapaan ng publiko.” Nang gabing iyon, ipinosas nila ang bawa’t isa sa amin sa tig-tatlo o apat-na-raang libra ng bloke ng semento, at nanatili kaming nakaposas doon hanggang sa sumunod na gabi, kung kailan inilipat nila kaming muli sa isang lokal na detention house.
Ang pagpasok sa detention house ay parang paghuhulog sa iyo sa isang uri ng impiyerno. Puwersahan akong pinagtuhog ng mga opisyal ng kulungan ng mga bumbilyang de-kulay. Noong una, pinagtuhog nila ako ng anim-na-libo kada araw, pero pagkatapos niyon, dinagdagan nila ang bilang bawat araw hanggang sa umabot ito ng labindalawang libo. Dahil sa sobrang dami ng gagawin araw-araw, walang tigil akong nagtrabaho hanggang maging buto’t balat na ang mga kamay ko, pero hindi ko pa rin ito natapos. Wala akong nagawa kundi patuloy na magtuhog nang magdamag. Kung minsan, hindi ko na talaga makayanan, at gusto kong umidlip, ngunit sa sandaling makita nila ako, walang-awa nila akong bubugbugin. Inuudyukan pa ng mga opisyal ng kulungan ang mga nakakulong na maton sa paghiyaw ng, “Kung hindi kayang tapusin ng mga presong ito ang trabaho o hindi nila nagawa nang tama, dapat patikimin ninyo sila ng ilang tagay ng ‘penicilin.’” Ang ibig nilang sabihin sa bigyan ng ilang tagay ng “penicilin” ay ang tuhurin ang ari ng preso, sikuhin nang malakas ang gitna ng likod habang nakabaluktot siyang namimilipit sa sakit, at padyakan ng sakong ang paa ng preso. Ang napakabrutal na pamamaraang ito kung minsan ay ikinawawalan ng ulirat ng preso sa oras ding iyon at maaari pang ikaparalisa nito habang buhay. Sa malaimpiyernong bilangguang ito, araw-araw akong nagtrabaho nang napakabigat at nabubugbog pa rin sa kabila nito. Higit pa riyan, ang ipinakakain sa amin nang tatlong beses isang araw ay hindi kayang masikmura maski ng mga aso o baboy: Ang putaheng kinakain namin ay mga murang dahon ng labanos at kangkong (na kadalasang may mga nakahalong bulok na mga dahon at ugat, buhangin, at putik), at sinamahan ng mga isandaan at limampung gramo ng kanin at isang tasa ng tubig na pinag-unaban ng bigas. Sa buong maghapon, kumukulo ang tiyan ko sa gutom. Sa ganitong klaseng kapaligiran, tanging sa Makapangyarihang Diyos lamang ako umasa; sa tuwing mabubugbog ako, kaagad kong ipinagdarasal sa Diyos na bigyan ako ng pananampalataya at lakas na madaig ko ang mga tukso ni Satanas. Matapos ang mahigit dalawampung araw na pagdanas ng pananalanta at pagpapahirap, naging buto’t balat na ang aking katawan at hindi na makilala: wala nang lakas ang mga braso at binti ko; hindi na ako makatayo nang tuwid at ni wala akong lakas na iunat ang aking mga braso. Gayunpaman, hindi lamang ako pinakitaan ng kawalang-malasakit ng baliw na mga guwardya, winaldas pa nila ang ilang daang yuan na ipinadala sa akin ng pamilya ko. Sa paglipas ng panahon, lumala nang lumala ang pisikal na kondisyon ko; sa labis na panghihina ay hindi ko na mapigilang dumaing sa aking sarili, “Bakit, sa bansang ito, kailangang danasin ng isang taong naniniwala sa Diyos ang ganitong paghihirap? Hindi ba’t ang dahilan kaya ipinapalaganap ko ang ebanghelyo ay upang dalhin ang mga tao sa harapan ng Diyos at makatanggap ng pagliligtas ng Diyos? At ni wala naman akong nagawang anumang krimen….” Habang mas iniisip ko ang tungkol dito, mas nahihirapan akong kayanin ito at lalo akong nakakaramdam ng awa sa sarili. Ang tanging magagawa ko na lang ay patuloy na magdasal sa Diyos at isamo sa Kanya na maawa sa akin at iligtas ako. Sa gitna ng hinagpis at kawalang-pag-asa, ipinaalala sa akin ng Diyos ang isang himno ng Kanyang mga pagbigkas: “2. Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.’ Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. 3. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng napakasamang disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong ginawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao” (“Kayo Yaong mga Tatanggap ng Pamana ng Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng matinding kaginhawahan at lakas-ng-loob at binigyan ako ng kakayahang maintindihan ang Kanyang kalooban. Dahil naniniwala kami sa Diyos sa isang bansang ateista, itinadhana kaming tiisin ang pamimilit at pang-uusig ng demonyong si Satanas; gayunpaman, ang pagdanas namin ng pagdurusang ito ay pinahihintulutan ng Diyos, samakatwid ang magdusa nang ganito ay may kabuluhan at kahalagahan. Sa pamamagitan mismo ng pagpaparanas ng gayong kalupitan at paghihirap naititimo ng Diyos ang katotohanan sa ating kalooban, na nagpapagindapat sa atin na taglayin ang Kanyang pangako. Ang “paghihirap” na ito ay pagpapala ng Diyos, at ang makayanang manatiling tapat sa Diyos sa pamamagitan ng paghihirap na ito ay isang patotoo sa tagumpay ng Diyos laban kay Satanas, at matibay rin itong ebidensya na natamo ako ng Diyos. “Ngayon,” naisip ko, “dahil sinusunod ko ang Diyos, dumaranas ako ng gayong pag-uusig sa mga kamay ng mga demonyong Chinese Communist Party, at ito ang paraan ng pagbibigay sa akin ng Diyos ng natatanging pabor, kaya sa bisa ng karapatan dapat akong magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos at masayang harapin at tanggapin ito nang may taimtim na kapayapaan ng isipan.” Naalala ko ang isa pang pagbigkas ng Diyos, na sinalita sa Kapanahunan ng Biyaya: “Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa katuwiran: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit” (Mateo 5:10). Sa sandaling iyon, lalo pang nadagdagan ang aking pananampalataya at lakas: Gaano man ako pahirapan ni Satanas at ng mga demonyo nito, determinado akong huwag magpalupig sa kanila, at isinumpa ko na magsisilbi akong patotoo at bibigyang-kaluguran ang Diyos! Dahil pinagkalooban ng awtoridad at kapangyarihan, pinawi ng mga salita ng Diyos ang kalumbayan at kawalang-pag-asang nadama ko sa aking kalooban, at inibsan ang nakapanglulugmok na pisikal na pagdurusa na naranasan ko. Itinulot ng mga ito na makita ko ang liwanag sa kadiliman, at ang aking espiritu ay lalong lumakas at nanatiling hindi natitinag.
Kalaunan, kahit walang anumang ebidensya, pinatawan ako ng gobyerno ng Intsik ng isang taong “reeducation” sa pamamagitan ng mahirap na pagtatrabaho. Nang dinala ako ng pulisya sa labor camp, nakita ng mga naroong tagapagbantay ng preso na halos buto’t balat na lang ako at halos hindi na mukhang tao. Sa takot na baka mamatay na ako, hindi na nila tinangka pang tanggapin ako, kaya walang nagawa ang mga pulis kundi ibalik ako sa detention house. Nang panahong iyon napahirapan na ako ng masasamang pulis na iyon hanggang sa puntong hindi ko na kayang kumain, subali’t hindi lang nila ako pinagkaitan ng karapatang masuri ng doctor kundi sinabihan pa na nagkukunwari lamang ako. Nang makita nila na hindi ko na kayang sumubo ng pagkain, kumuha sila ng taong magbubuka ng bibig ko at puwersahang sinaksakan ng pagkain. Nang makita nilang nahihirapan akong lunukin ito, binugbog nila ako. Puwersahan akong pinakain at pinaghahampas nang tatlong beses na parang manyikang basahan. Nang makitang hindi na nila kayang magsaksak ng pagkain sa bibig ko, wala silang ibang nagawa kundi dalhin ako sa ospital. Lumabas sa mga pagsusuri na nanigas na ang aking mga ugat; umitim na na parang pandikit ang dugo ko at hindi makadaloy nang maayos. Sabi ng doktor, “Kapag ikinulong pa ninyo ang taong ito, tiyak na mamamatay siya.” Gayunpaman, hindi pa rin ako pinakawalan ng kasuklam-suklam at napakasamang mga pulis. Kalaunan, nang halos nasa bingit na ako ng kamatayan, sinabi ng ibang mga preso na wala na akong pag-asa at mamamatay na ako. Nang sandaling iyon napakasidhi ng paghihinagpis ko; pakiramdam ko ay napakabata ko pa at dahil bago ko pa lang natanggap ang gawain ng Diyos ng mga huling araw, napakarami ko pang maaaring matamasa at hindi ko pa namamasdan ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Hindi ako papayag na mapahirapan hanggang kamatayan ng gobyerno ng Tsina. Walang dudang kinasuklaman ko ang mga walang-pusong pangkat na ito ng masasamang pulis, at higit kong kinamuhian ang ubod-ng-sama, lapastangan-sa-Diyos, buktot na rehimeng ito ni Satanas na walang iba kundi ang gobyerno ng Tsina. Ito ang nagkait sa akin ng kalayaang sundin ang tunay na Diyos, at ito ang naghatid sa akin sa bingit ng kamatayan at humadlang sa akin sa pagsamba sa tunay na Diyos. Ang Communist Party ay masidhing sumasalungat sa Diyos, malupit na pinag-uusig ang mga Kristiyano, at naghahangad na lipulin ang sinumang naniniwala sa Diyos at gawing bansang walang diyos ang Tsina. Ang napakasamang demonyong si Satanas ay ang totoong kaaway na hindi-maipagkakasundong salungat sa Diyos, at bukod pa riyan, ito ang kaaway na hindi ko kailanman mapapatawad. Isinumpa ko na kahit patayin ako sa hirap nang araw na iyon, hindi ako kailanman makikipagkasundo o susuko kay Satanas! Sa aking dalamhati at pagkamuhi, naalaala ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Ang libu-libong taon ng poot ay naiipon sa puso, nakaukit sa puso ang libu-libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito pupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway, huwag nang hayaan pa itong patuloy na magwala, at huwag na itong hayaang magsimula pa ng problema hangga’t gusto nito! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, nakita ko nang mas malinaw ang napakasama at buktot na mukha ng demonyo ng gobyerno ng Tsina, at napagtanto ko sa mismong sandaling iyon, na nakaharap ako sa labanang espirituwal sa pagitan ng buhay at kamatayan, sa pagitan ng mabuti at masama. Ang mithiin ng gobyerno ng Tsina sa pagluray sa akin nang ganito ay upang puwersahin akong itatwa ang Diyos at ipagkanulo Siya, nguni’t pinaalalahanan at hinikayat ako ng Diyos na manatiling malakas, pawiin ang takot sa kamatayan na nangingibabaw sa akin, at magiting na magpatotoo para sa Diyos. Hindi ako dapat mawalan ng pag-asa, kailangan kong masigasig na makipagtulungan sa Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos at mga plano. Tulad ni Pedro, kailangan kong magpasakop hanggang kamatayan at, sa huling sandali ng aking buhay, ay magbahagi ng matibay at malakas na patotoo para sa Diyos at bigyang-kaaliwan ang Kanyang puso. Nasa kamay na ng Diyos ang aking buhay at, pinsalain o paslangin man ni Satanas ang aking pisikal na katawan, hindi nito mawawarak ang aking kaluluwa, lalo pang hindi nito mahahadlangan ang determinasyon kong maniwala sa Diyos at sikaping mahanap ang katotohanan. Makaligtas man ako o hindi sa araw na iyon, ang tanging hiling ko lang ay maipaubaya ang aking buhay sa Diyos at tanggapin ang Kanyang mga pagsasaayos; kahit pa masalanta ako hanggang kamatayan, walang alinlangang hindi ako magpapasakop kay Satanas! Noong naging handa na akong isakripisyo ang aking buhay at maging isang patotoo para sa Diyos, gumawa ng paraan ang Diyos para sa akin nang binunsuran niya ang ibang preso na pakainin ako. Nang mangyari iyon, napuspos ako ng galak; alam ko sa puso ko na kasama ko ang Diyos at hindi ako kailanman iniwan. Mula pa sa simula, pinangalagaan at pinrotektahan Niya ako, nakikisimpatiya sa aking kahinaan at maingat na isinasaayos ang lahat para sa akin. Sa madilim na pugad na iyon ng mga diyablo, kahit pa salanta na ang aking katawan, sa kaibuturan ng puso ko ay wala na akong nadamang gaanong sakit at dalamhati. Matapos iyon, patuloy pa rin akong ikinulong ng masasamang pulis na iyon sa loob ng labinlimang araw, nguni’t nang makita nila na malubha na ang aking kalagayan at na maaaring mamatay anumang oras, wala na silang nagawa kundi palayain ako. Ang dating timbang ko ay mahigit 50 kilo, nguni’t sa loob ng halos dalawang buwan na pagkulong sa akin, pagpapahirap hanggang sa maging buto’t balat ako, tumitimbang na lamang ng dalampu’t lima o tatlumpung kilo, at ang buhay ko ay nasa balag ng alanganin. Sa kabila niyon, gusto pa ng pangkat na ito ng mga halimaw na magbayad ako ng sampung libong yuan. Sa huli, nang malaman nila na talagang walang maibibigay na gayong kalaking halaga ang aking pamilya, nanghingi sila ng anim na raang yuan bilang pambayad sa ipinakain sa akin, at nang mabayaran iyon ay saka pa lang nila ako pinakawalan.
Sa pagdurusang dinanas ko sa hindi-makataong pagpapahirap at malupit na pagtrato sa akin ng gobyerno ng Tsina, pakiramdam ko ay halos muntik na akong hindi nakatakas sa pintuan ng impiyerno. Nakalabas ako nang buhay dahil sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos; ang Diyos ang nagpapakita sa akin ng Kanyang dakilang kaligtasan. Habang iniisip ko ang pagmamahal ng Diyos, lalo akong naantig, at nagkaroon ng mas malalim na pagpapahalaga sa kahalagahan ng mga salita ng Diyos. Dahil doon, masigasig kong binasa ang Kanyang mga pagbigkas araw-araw, at madalas akong nagdasal sa Diyos. Unti-unti, lalo akong nagtamo ng mas malalim na pang-unawa sa ginagawa ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan sa mga huling araw. Hindi nagtagal, sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos, unti-unting nakabawi ng lakas ang aking katawan, at muli kong ipinalaganap ang ebanghelyo at nagpatotoo sa gawain ng Diyos ng mga huling araw. Gayunpaman, hangga’t nananatiling nakatayo ang malasatanas na rehimeng iyon, hindi ito kailanman titigil sa pagbuwag at pagwasak sa gawain ng Diyos. Kalaunan muli akong tinugis at inaresto ng pulisya ng gobyerno ng Tsina.
Isang araw noong Nobyembre 2004, ang simoy ng hangin sa taglamig ay nanunuot at ang nag-aalimpuyong hangin ay may kasamang pira-pirasong niyebe. Habang ipinangangaral ang ebanghelyo, ilan sa mga kapatid at ako ay palihim na sinundan ng pulisya ng CCP. Noong alas-8 ng gabi, nasa kalagitnaan kami ng pulong, nang bigla na lang kaming nakarinig ng sunud-sunod na katok at sigaw sa pinto: “Buksan ninyo ito! Buksan ninyo ang pinto! Taga Public Security Bureau kami! Kung hindi ninyo bubuksan ang pintuang ito ngayon din, tatadyakan namin ito! …” Dahil wala ng oras para mag-isip, mabilis naming itinago ang mga VCD player, mga aklat, at iba pang material. Maya-maya, lima o anim na pulis ang biglang nagsipasok, na parang grupo ng mga mandarambong o magnanakaw. Isa sa kanila ang sumigaw ng, “Walang kikilos! Ipatong ninyo ang mga kamay ninyo sa inyong ulunan at tumingkayad kayo sa tabi ng pader!” Nang sandali ring iyon, ilan sa mga pulis ang nagmamadaling pumasok sa bawa’t silid at hinalughog ang buong lugar. Kinumpiska nila ang apat na portable VCD player at ilang aklat tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Pagkatapos na pagkatapos nito, puwersahan nila kaming pinasakay sa kanilang sasakyan at dinala sa lokal na himpilan ng pulis. Habang papunta roon, isa-isang bumalik sa alaala ko ang kahila-hilakbot na pagpapahirap sa akin ng mga napakasamang pulis noong nakaraang taon, at hindi ko napigilang matakot, hindi nalalaman kung anong pagpapahirap kaya ang gagawin na naman sa akin ngayon ng kampon ng diyablo na mga pulis na ito. Sa takot na hindi ko makayanan ang kanilang kalupitan at makagawa ng bagay na magtatatwa sa Diyos, taimtim akong nanalangin nang tahimik sa Kanya. Bigla ko na lamang naalala ang ilan sa mga salita ng Diyos na binasa namin sa kongregasyon aoong nakaraang ilang araw: “Puno Ako ng pag-asa para sa Aking mga kapatirang lalaki at babae. Naniniwala Ako na hindi kayo panghihinaan ng loob o mawawalan ng pag-asa, na anuman ang ginagawa ng Diyos, kayo ay magiging tulad ng isang palayok ng apoy: hindi kailanman malahininga, at nagpapatuloy hanggang sa katapusan, hanggang sa ang gawain ng Diyos ay lubos nang mabunyag …” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). “Nawa’y sumpaan nating lahat ang pangakong ito sa harapan ng Diyos: Na magtrabahong maigi nang sama-sama! Na maging tapat hanggang sa pinakadulo! Na hindi maghihiwalay, at laging magkakasama! Umaasa Akong mangangako ang lahat ng kapatid sa harapan ng Diyos, upang hindi kailanman magbago ang ating mga puso, at hindi kailanman matinag ang ating paninindigan!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 5). Ang mga salita ng Diyos ay umantig sa kaibuturan ng aking puso. Inisip ko ang tungkol sa kung paanong nakababa ang Diyos sa lupa mula sa langit at dumanas ng napakaraming pagsubok at kapighatian sa Kanyang gawain na maghatid ng kaligtasan sa sangkatauhan. Inaasam Niya na mananatiling lubos na matapat sa Kanya hanggang wakas ang mga tao, gaano man kahirap ang kanilang kalagayan. Bilang isa na pinili ng Diyos, at isa na nabiyayaan ng Kanyang mga pagbigkas, nararapat lamang na ialay ko nang lubusan ang aking sarili sa Kanya. “Gaano man katinding sakit o pagpapahirap ang maaring iparanas sa akin,” naisip ko, “ang aking puso ay dapat manatiling puno ng pananampalataya; ang aking nadarama ukol sa Diyos ay hindi dapat magbago, at ang aking determinasyon ay hindi dapat manghina. Kailangan kong magbigay ng malakas na patotoo para sa Diyos, at hinding-hindi kailanman susuko o magpapadaig kay Satanas. Bukod pa riyan, hindi ko dapat itatwa ang Diyos para lamang makapamuhay ako nang walang kabuluhan at hamak. Ang Diyos ang aking Isang maaasahan at, higit pa riyan, Siya ang aking pangunahing sandigan. Hangga’t tapat akong nakikipagtulungan sa Diyos, tiyak na papagtatagumpayin Niya ako laban kay Satanas.” Sa gayon, tahimik kong ipinangako sa Diyos, “O Diyos! Kahit pa kailangang isakripisyo ang aking buhay, mananatili ako na isang patotoo para sa Iyo. Anumang paghihirap ang daranasin ko, tatahak ako sa tunay na daan. Walang pasubaling hindi ako magpapadaig kay Satanas!” Dahil pinasigla ng mga salita ng Diyos, lumago ang pananampalataya ko nang makasandaang beses, at nagkaroon ako ng pananalig at determinasyong isakripisyo ang lahat upang magsilbing patotoo para sa Diyos.
Pagkarating namin sa istasyon ng pulisya, kaagad na pinainitan ng mga pulis ang kanilang sarili sa pugon. Nakatitig silang lahat sa akin, nakakunot ang mga noo at nandidilat ang mga matang tinanong nila ako sa mabalasik na tinig: “Magsimula ka nang magsalita! Anong pangalan mo? Ilang tao na ang napangaralan mo ng ebanghelyo? Sinu-sino ang mga kontak mo? Sino ang lider ng simbahan mo?” Nang makitang determinado akong manatiling walang imik, isa sa masasamang pulis ang nagpakita ng kanyang likas na kalupitan at pasugod na sinunggaban ako sa leeg. Pagkatapos ay iniuntog niya ang ulo ko sa pader nang paulit-ulit, hanggang sa mahilo ako at umugong ang mga tainga ko. Sumunod ay itinaas niya ang kanyang kamao at pinagsusuntok ang mukha at ulo ko nang galit na galit habang sumisigaw, “Ikaw ang pinuno, hindi ba? Magsalita ka! Kung hindi, ibibitin kita sa tuktok ng gusali at hahayaan kitang manigas at mamatay sa lamig!” Walang awa akong binugbog ng masasamang pulis na iyon sa loob nang kalahating oras o higit pa hanggang sa magkandahilo ako at magdugo ang aking ilong. Nang makitang hindi nila makukuha ang gusto nilang sagot, dinala nila ako sa PSB. Habang papunta roon, inisip ko ang kailan lamang ay walang-habas na pambubugbog sa akin ng masasamang pulis, at bigla na lang akong nakaramdam ng takot. Inisip ko sa aking sarili, “Dahil ganoon sila agad kalupit sa akin pagkatapos kong nadala sa himpilan ng pulis, kung ganoon ano pang klaseng kalupitan ang gagawin ng mga pulis sa PSB para pahirapan ako? Nanganganib na ang buhay ko, baka hindi na ako makalabas nang buhay sa pagkakataong ito….” Habang iniisip ko ito, napuno ang puso ko nang hindi-mailarawang kawalang-pag-asa at kalungkutan. Sa gitna ng aking dalamhati at kahinaan, bigla kong naalaala kung paano ako mahimalang nailigtas ng Diyos nang nakaraang taon nang pahirapan ako ng mga pulis hanggang sa halos mamatay na ako. Kagyat akong nakadama ng galak, at naisip ko, “Mabuhay man ako o mamatay ay nasa mga kamay ng Diyos, hindi ba? Kung hindi itutulot ng Diyos, hindi mapagtatagumpayan ni Satanas na mapatay ako gaano man nito tangkain. Nakita ko na ang kagila-gilalas na mga gawa ng Diyos noong nakaraan, kaya paano ko nagawang kalimutan iyon? Bakit nawala ang pananampalataya ko?” Nang sandaling iyon, natanto ko na hindi pa husto sa katatagan ang espirituwal na katayuan ko—kapag nasa harap ng napipintong kamatayan, hindi ko pa rin kayang manindigan sa panig ng Diyos. Hindi ko mapigilang maalala ang isa sa mga pagbigkas ng Diyos: “Ang mabuhay sa isipan mo ay pagpapasakop kay Satanas; walang patutunguhan ito. Napakasimple nito ngayon: Tumingin ka sa Akin gamit ang iyong puso at kaagad na magiging malakas ang iyong espiritu. Magkakaroon ka ng landas sa pagsasagawa, at gagabayan Ko ang bawat hakbang mo. Mabubunyag sa iyo ang Aking salita sa lahat ng sandali at sa lahat ng dako. Saanman o kailanman, o gaano man kasama ang kapaligiran, bibigyan Kita ng malinaw na pagtingin, at mabubunyag sa iyo ang Aking puso kung titingin ka sa Akin gamit ang iyong puso; sa ganitong paraan ay tatakbo ka sa iyong patutunguhan at hindi kailanman maliligaw” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Ang mga salita ng Diyos ay parola na nagtuturo ng daan, nagpapalinaw nang nagpapalinaw sa aking isipan. Naunawaan ko na nais ng Diyos na gamitin ang napakahirap na sitwasyong ito upang dalisayin ako, upang sa mga panahon ng pagsubok ay iwawaksi ko na ang aking mga haka-haka at mga imahinasyon at mga alalahanin ko ukol sa aking laman, at sumulong habang nagtitiwala lamang sa Diyos at umaasa sa mga salita ng Diyos. Ito ang napakahalagang sandali kung kailan inaakay ako ng Diyos para maranasan ang Kanyang gawain, at nalaman ko na talagang hindi ako dapat magbantulot. Kailangan kong ipaubaya nang lubusan ang aking buhay at kamatayan sa mga kamay ng Diyos at umasa sa Diyos habang nagsisikap na labanan si Satanas hanggang sa pinakawakas!
Nang nakarating kami sa PSB, pinaghiwa-hiwalay kaming muli ng mga pulis at pinagtatanong kami nang isa-isa. Habang patuloy nila akong pwersahang pinagsasabi ng mga bagay na may kinalaman sa aking paniniwala sa Diyos, nakita ng isa sa mga pulis na wala pa rin akong imik, kaya lalo siyang nagpuyos sa galit: “Talagang inaakala mo na maloloko mo kami sa pagmamaang-maangan mo. Wala akong pasensya para diyan!” Pagkasabi niya nito ay hinablot niya ako sa kwelyo nang dalawang kamay at ibinalibag ako sa sahig na parang sako ng buhangin. Kasunod nito nagsuguran sa akin ang ibang mga pulis at pinagsisipa at pinagtatapakan ako, hanggang sa gumugulong na umaaringking ako sa sakit. Pagkatapos ay tinapakan nila ako sa ulo, at pinagbabayo nang kabi-kabila…. hindi pa ako lubos na nakakabawi ng lakas sa malupit na pagpapahirap na dinanas ko nang nakaraang taon, kaya matapos bugbugin nang walang-awa, kagyat akong nahilo at naduwal. Sa matinding sakit na naramdaman mula sa ulo hanggang paa, namaluktot ako sa sobrang sakit. Maya-maya pa, hinablot ng mga pulis ang medyas at sapatos ko, at pwersahan akong pinatayo nang nakayapak sa sahig. Sa sobrang tindi ng lamig hindi ko makontrol ang pagngangalit ng aking mga ngipin, at lubusang namanhid ang mga paa ko. Pakiramdam ko ay hindi na ako makakatagal pa, at babagsak na sa sahig anumang sandali. Sa dinanas na malupit na pagpapahirap ng napakasasamang pulis na ito, hindi ko mapigilang makadama ng naglalagablab na poot at pagngingitngit. Kinasuklaman ko ang mga kampong ito ng diyablo, at kinapootan ang balakyot na pananaw ng gobyerno ng Tsina. Salungat ito sa Kalangitan at siyang kaaway ng Diyos, at para pwersahin akong ipagkanulo ang Diyos at itatwa Siya, niyuyurakan at pinapahirapan ako nito, determinadong patayin ako. Habang dinaranas ko ang kabuktutan at kalupitan ni Satanas, mas lalo kong inisip ang pagmamahal ng Diyos. Pinagtuunan ko ang katunayan na upang makapaghatid Siya ng kaligtasan sa sangkatauhan, at alang-alang sa ating buhay sa hinaharap, nagtiis Siya ng matinding pangungutya habang nabubuhay bilang tao kasama natin upang gawin ang Kanyang gawain. Inialay Niya ang Kanyang buhay para sa atin, at ngayon ay matiyaga at masigasig na ipinahahayag ang Kanyang mga salita upang akayin tayo sa landas ng paghahabol sa katotohanan upang magtamo ng kaligtasan… Kung susumahin ang lahat ng napakasakit na halagang naibayad ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan, nadama ko na walang ibang nagmahal sa akin nang higit sa pagmamahal ng Diyos; pinahahalagahan ng Diyos ang buhay ko nang higit sa pagpapahalaga ninuman. Masasaktan lamang ako ni Satanas, o malalamon at mapapatay. Pagkatapos niyon, mas nakadama ako ng pagmamahal at lalong nag-ibayo sa aking puso ang pagsamba sa Diyos. At hindi ko mapigilang manalangin nang tahimik sa Kanya. “Diyos ko, salamat po sa Iyo sa paggabay at pagliligtas Mo sa akin sa ganitong paraan. Kahit ano pang pagpapahirap ang gawin ni Satanas sa akin ngayon, walang alinlangang magsusumigasig at makikipagtulungan ako sa Iyo. Isinusumpa ko, hindi ako susuko o magpapasakop sa diyablo!” Sa paghihikayat ng pagmamamahal ng Diyos, kahit nanghihina ang aking pisikal na katawan at walang lakas dahil sa pagpapahirap, ang aking puso ay matibay at malakas, at ni minsan ay hindi ako nagpatinag sa masasamang pulis na iyon. Patuloy nila akong pinahirapan hanggang sa ala-una kinaumagahan, at nang makita nila na wala talaga silang makukuhang anumang sagot mula sa akin, wala silang magawa kundi ilipat ako sa detention house.
Nang dumating ako sa detention house, muling inudyukan ng masasamang pulis ang mga maton na preso na umisip ng anumang paraan na mapaparusahan nila ako. Nang oras na iyon ay lugmok na ako sa labis na pagpaparusa kaya’t puno na ng sugat at pasa ang katawan ko; hindi na ako makagulapay, at pagkapasok na pagkapasok ko sa selda ay bumulagta na ako sa napakalamig na sahig. Nang makita ako sa ganitong kalagayan, walang sali-salitang dinampot ako ng mga maton na preso at pinagbabayo ng kanilang mga kamao ang ulo ko. Binugbog nila ako hanggang sa magkandahilo ako at muling bumagsak sa sahig. Pagkatapos, pinalibutan ako ng mga preso, pinupwersa akong itukod ang isang kamay ko sa sahig at itakip ang isang kamay ko sa aking tainga, at pinaikut-ikot ako sa sahig na parang compass. Nang makita nilang hilung-hilo akong napahandusay sa sahig bago matapos ang isa pang pag-ikot, sinipa at binugbog nila akong muli. Isa sa mga preso ang malakas na sumuntok sa akin sa sikmura na nagpawala ng ulirat ko sa mismong sandaling iyon. Matapos iyon ay inutusan ng mga opisyal ng piitan na pahirapan at abusuhin ako sa iba’t ibang paraan araw-araw, at ipagawa lahat sa akin araw-araw ang mabibigat at maruruming trabaho tulad ng paghuhugas ng mga pinggan, paglilinis ng mga kubeta, at marami pang iba. May mga panahon pa na puwersahan akong pinaligo ng malamig na tubig sa mga araw na nagniniyebe. Bukod pa riyan, sa tuwing maliligo ako, sapilitan nilang pinagsasabon ako mula ulo hanggang talampakan at unti-unting binubuhusan ng nagyeyelong tubig ang aking buong katawan. Matapos akong papagliguin sa loob halos ng kalahating oras, sa sobrang lamig ay nagkulay ube na ang buong katawan ko at nangangatog. Sa harap ng hindi-makataong pagpapahirap at kalupitang ito, walang-tigil akong nagdasal sa Diyos, labis na natakot na baka kapag nilisan ko ang Diyos, ay lubusan na akong maging bihag ni Satanas. Sa pamamagitan ng panalangin, ang mga salita ng Diyos ay patuloy na umalingawngaw sa aking kalooban at gumabay sa akin: “Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga ‘mananagumpay’ ay yaong mga nagagawa pang tumayong saksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang ‘mananagumpay’” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). Ang mga salita ng Diyos ay ilaw na nagbibigay-liwanag at nagpapakalma sa mga iniisip ko. Alam ko na sa panahong inaatake ako ni Satanas ay ang mismong panahon na kailangan ko para maging matapat at mapagmahal sa Diyos. Kahit nagdulot ng pagdurusa at pagpapahirap sa aking pisikal na katawan ang miserableng kapaligirang ito, sa likod nito ay ang napakalaking pagmamahal at mga pagpapala ng Diyos. Ang Diyos ang nagbigay sa akin ng oportunidad na magsilbing patotoo para sa Kanya sa harap ni Satanas at lubos na hiyain at gapiin si Satanas. Sa gayon, habang dinaranas ko ang paghihirap na ito, muli’t muli kong binalaan ang aking sarili na dapat akong magtiyaga hanggang sa katapusan, magsilbing patotoo para sa Diyos sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanyang paggabay sa madilim na pugad na ito ng mga demonyo, at magsikap na maging matagumpay. Sa paggabay ng mga salita ng Diyos, naging matatag at malakas ang aking puso. Sa kabila ng kahinaan at hirap na pumipinsala sa aking pisikal na katawan, nanalig ako na mapagtitiisan ko ang lahat ng ito upang ilunsad ang matindihang pakikipaglaban kay Satanas sa buhay man o kamatayan at magsilbing patotoo para sa Diyos hanggang sa aking huling hininga.
Matapos makulong nang mahigit dalawampung araw, bigla akong dinapuan ng matinding sipon. Masasakit at walang lakas ang mga paa’t kamay ko, lubos nang naubos ang lakas ko, at natuliro na ang isipan ko. Kasabay ng paglala ng aking kundisyon at ng walang-humpay na pambubugbog at pagpapahirap mula sa ibang mga preso, nadama kong hindi na ako tatagal pa. Sa puso ko, labis ang panghihina at pagkalungkot ko, at naisip ko sa aking sarili, “Kailan matatapos ang araw-araw na pagpapahirap at kalupitang ito? Tila masisintensiyahan na ako sa pagkakataong ito, kaya wala nang pag-asang makakalabas pa ako rito nang buhay….” Matapos kong maisip iyon, bigla kong naramdaman na parang nahulog ang puso ko sa walang-hanggang kalaliman, at nalugmok ako sa gayong kalalim na kawalang-pag-asa at sakit kung kaya’t hindi ko mahanap ang daang palabas. Sa pinakadesperado kong sandali, naaalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Hindi Ko nais para sa iyo na makapagsalita ng maraming makabagbag-damdaming salita, o makapagsabi ng maraming nakasasabik na kuwento; sa halip, hinihingi Ko na makaya mong magpatotoo nang mainam sa Akin, at na makapasok ka nang lubusan at malaliman sa realidad. … Huwag na ninyong isipin pa ang sarili ninyong mga pag-asam, at kumilos kayo ayon sa inyong matibay na pagpapasiya sa Aking harapan na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay. Dapat ang lahat niyaong tumatayo sa loob ng Aking sambahayan ay gawin ang lahat ng kanilang makakaya; dapat mong ihandog ang iyong pinakamahusay hanggang sa huling bahagi ng Aking gawain sa lupa. Handa ka ba talagang isagawa ang gayong mga bagay?” (“Makakapagpasakop Ka Ba Talaga sa mga Pagsasaayos ng Diyos?” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Sa bawa’t pangungusap, tumimo sa aking puso ang mga salita ng Diyos, na nagdulot sa akin ng labis na pagkapahiya. Naisip ko ang maraming pagkakataon na nanangis ako nang buong kapaitan, at nag-ibayo ang determinasyon kong ilaan ang aking sarili sa Diyos sa lahat ng bagay at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos at mga plano. Naisip ko rin na noong panahong ginabayan ako ng mga salita ng Diyos habang ako ay nagdurusa at naghihirap, nangako akong magsisilbing patotoo para sa Kanya ang buhay ko, nguni’t ngayong talagang kailangan ng Diyos na magbayad ako ng tunay na halaga upang bigyang-kaluguran Siya, sa halip, ang ginawa ko, ay nangunyapit sa buhay at natakot sa kamatayan, iniisip lamang ang maaaring sapitin ng aking pisikal na katawan. Ganap kong nabalewala ang kalooban ng Diyos, at ang tanging inisip lamang ay ang matakasan ang aking mapanganib na kalagayan at makapunta sa lugar na ligtas sa lalong madaling panahon. Nakita ko kung gaano kalabis noon ang pagiging hamak ko at kawalang-kabuluhan; wala akong sapat na pananampalataya sa Diyos, at punung-puno ng panlilinlang. Hindi ko nagawang magbigay ng anumang tunay na paglalaan sa Diyos, at wala ni bahid ng pagiging masunurin sa aking pagkatao. Nang sandaling iyon naunawaan ko na sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, ang nais Niya ay ang tunay na pagmamahal at katapatan ng sangkatauhan; ang mga ito ang huling kahilingan ng Diyos, at ang huling mga tungkuling ipinagkatiwala Niya sa sangkatauhan. “Bilang isang tao na naniniwala sa Diyos,” naisip ko, “Dapat na ganap kong ipaubaya ang aking sarili sa Kanyang mga kamay. Dahil ang Diyos ang nagbigay ng buhay sa akin, Siya ang may karapatang magsabi kung mabubuhay ba ako o mamamatay. Sapagka’t napili ko na ang Diyos, dapat kong ialay ang aking sarili sa Kanya at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos; anumang pagdurusa at pangungutya ang maranasan ko, dapat kong ipakita sa aking mga kilos na inilalaan ko ang aking sarili sa Diyos. Hindi ako dapat magkaroon ng sarili kong mga pagpili o mga hinihingi; ito ang tungkulin ko, gayundin ang pangangatwiran na dapat kong taglayin. Ang katunayan na patuloy ko pa ring nahihigit ang aking hininga at nananatiling buhay ay dahil sa proteksyon at pangangalaga sa akin ng Diyos; ito ang Kanyang panustos ng buhay—kung hindi dahil dito, hindi ba’t nasalanta at napatay na ako ng diyablo noon pa man? Nang una kong danasin ang gayong kalalim na pagdurusa at paghihirap, tinulungan ako ng Diyos na mapagtagumpayan iyon. Anong dahilan ngayon para mawalan ako ng pananampalataya sa Diyos? Paano ko nagawang maging negatibo at manghina, umatras at maghangad na makatakas?” Nang maisip ko ito, tahimik kong ipinagtapat ang aking kasalanan sa Diyos: “Makapangyarihang Diyos! Labis akong makasarili at ganid; ang gusto ko lang ay matamasa ang Iyong pagmamahal at pagpapala, nguni’t hindi handang tapat na ilaan ang aking sarili sa Iyo. Pag naiisip ko ang paghihirap na daranasin sa pagkakakulong nang matagal, ang gusto ko lang ay makawala at maiwasan ito. Lubha kong nasaktan ang Iyong damdamin. O Diyos! Hindi ko na gusto pang patuloy na lumubog nang palalim nang palalim; ang nais ko lang ay magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos at mga plano at tanggapin ang Iyong gabay. Kahit mamatay pa ako sa bilangguan, gusto ko pa ring magsilbing patotoo para sa Iyo. Kahit pahirapan pa ako hanggang sa mamatay, mananatili akong tapat sa Iyo hanggang sa wakas!” Pagkatapos kong magdasal, lalong naantig ang aking puso. Kahit masakit pa rin ang katawan tulad nang dati, nadama ko sa aking puso ang pananampalataya at determinasyong huwag sumuko hangga’t hindi ko natutupad ang aking pangako na bigyang-kaluguran ang Diyos. Nang nakapagpasiya na ako at nanalig na magsisilbing patotoo para sa Diyos hanggang kamatayan, may himalang nangyari. Isang umaga, bumangon ako sa kama, at natuklasan ko na walang pakiramdam ang dalawang paa ko. Hindi ako makatayo, at lalong hindi makalakad. Noong una ayaw akong paniwalaan ng masasamang mga pulis; dahil inaakalang nagkukunwari lang ako, tinangka nilang pwersahin akong tumayo. Gayunpaman, gaano mang pilit ang gawin ko, hindi ako makatayo. Bumalik sila kinabukasan para suriin akong muli. Nang mapansin nila na nanlalamig ang mga paa ko at wala nang dumadaloy na dugo, nakumbinsi sila na talagang paralisado na ako. Matapos iyon, ipinaalam nila sa pamilya ko na maaari na nila akong iuwi. Nang araw na umuwi ako, himalang bumalik ang pakiramdam ng mga paa ko, at hindi na ako nahirapang maglakad! Alam ko sa kaibuturan ng puso ko na ito ay dahil sa Makapangyarihang Diyos na nahabag sa aking kahinaan. Siya Mismo ang gumawa ng paraan para sa akin, tinulutan akong makalaya mula sa pugad ni Satanas nang walang sagabal matapos akong iligal na ikulong nang isang buwan ng gobyerno ng Tsina.
Matapos makulong nang dalawang beses at dumanas ng di-makatao at malupit na pagpaparusa ng gobyerno ng Tsina, at kahit nakaranas ng pisikal na pagpapahirap na halos ikamatay ko na, ang dalawang kakaibang karanasang ito ay bumuo ng matibay na pundasyon sa pagpapatatag ng aking pananampalataya sa Diyos. Sa gitna ng aking mga pagdurusa at kapighatian, naibigay sa akin ng Makapangyarihang Diyos ang pinaka-praktikal na pagdidilig ng katotohanan at panustos ng buhay, hindi lamang nito ako tinulutan na maaninag sa gobyerno ng Tsina ang pagkamuhi nito sa katotohanan, ang pagkapoot nito sa Diyos, at ang mukha nitong mala-demonyo, at malantad sa mga kasuklam-suklam na krimen nito na hangal na pagsalungat sa Diyos at pag-uusig sa mga naniniwala sa Kanya, kundi naipagkaloob din sa akin ang pagpapahalaga sa kapangyarihan at awtoridad ng mga salita ng Diyos. Ang makalaya sa malulupit na mga kamay ng Chinese Communist Party, nang dalawang beses, ay bunga ng pangangalaga at awa ng Diyos. Higit pa riyan, ito ay naging pagsasakatawan at pagpapatunay ng hindi pangkaraniwang lakas ng buhay ng Diyos. Ngayon ay malinaw ko nang napagtanto na sa anumang panahon at anumang lugar, ang Makapangyarihang Diyos ang lagi kong nag-iisang suporta at kaligtasan! Sa buhay na ito, anuman ang mga panganib o paghihirap na maaari kong maranasan, determinado akong manatiling tapat sa pagsunod sa Makapangyarihang Diyos, aktibong nagpapalaganap ng Kanyang salita at tumatayong patotoo sa pangalan ng Diyos, at suklian ang pagmamahal ng Diyos ng aking tunay na debosyon.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.