Ang Paglalantad ng mga Anticristo ay Responsibilidad Ko

Pebrero 13, 2023

Ni Li Qian, Tsina

Noong katapusan ng Agosto ng 2020, napili ako bilang lider ng iglesia at ipinareha kay Xin Ran. Noong simula ng Setyembre, pinatawag ng nakatataas sa amin si Xin Ran sa isang pagtitipon sa ibang bayan samantalang nanatili ako sa iglesia kasama ng ilang diyakono para asikasuhin ang iba’t ibang proyekto ng iglesia. Napansin namin na ang gawain ng pagdidilig ay medyo hindi epektibo, na ang pangunahing dahilan ay pabasta-basta ang superbisor nito at hindi nakukumusta nang napapanahon ang mga bagay-bagay. Naghanda kaming makipagbahaginan sa kanya para malutas ang problema, pero nang magpadala kami ng sulat kay Xin Ran tungkol dito, kaagad niyang tinanggihan ang mungkahi namin at sinabi sa amin na maghintay hanggang sa makabalik siya para mapag-usapan ito. Naisip ko, “Makikipagbahaginan lang kami sa isang superbisor. Bakit kailangan naming maghintay na bumalik siya para gawin iyon? Pero marahil ay alam ni Xin Ran ang tungkol sa iba pang mga problema ng superbisor at nais niyang lutasin ang lahat ng ito nang magkakasama.” Pagkatapos kong maisip ito, tumahimik na ako. Ngunit makalipas ang ilang araw, bumalik si Xin Ran mula sa pagtitipon at hindi nagbigay ng anumang paliwanag. Dahil dito ay naisip ko na mayroon siyang ilang isyu: Siguro naman hindi niya inisip na hindi kami dapat gumawa ng anumang gawain nang wala siya? Kalaunan, nang talakayin namin ang gawain ng iglesia, napansin kong hinahamak kami ni Xin Ran at inuutusan niya lang kami, na para bang hindi na niya kailangang makipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa amin. Nagbigay ako ng ilang mungkahi na tinanggihan niya nang hindi na pinag-iisipan pa. Wasto ang ilang mungkahi ko, pero sinadya niyang hanapan ng butas ang mga ito at sa halip ay pinakinig lang kami sa kanya. Halimbawa, nang siyasatin ko ang gawain ng ilang grupo, may natuklasan akong mga isyu matapos siyasatin ang gawain ng ilang grupo, at nagmungkahi ako na maaari akong magbahagi sa mga superbisor para malutas ang mga ito, pero mariing iginiit ni Xin Ran na hindi ko kailangang gawin ito. Sinabi niya na makikipagtipon siya sa kanila kapag natapos na siya sa ibang gawain. Naisip ko na maaantala nito ang mga bagay-bagay, at mas pamilyar ako kaysa sa kanya sa kalagayan ng gawain sa mga grupong iyon, kaya inulit ko sa kanya ang mga naisip ko, pero iginiit niya pa rin na gawin ko ang iniutos niya. Hindi talaga ako naging komportable dahil dito, at naisip ko, “Magkapareha kami, pero gusto niya palaging siya ang may huling salita, at hindi nagbibigay puwang para sa pag-uusap. Tinatanggihan niya ang lahat ng mungkahi ko, at sa huli ay lagi akong nakikinig sa mga ideya niya. Wala bang angkop sa mga mungkahi ko? O napakayabang lang talaga niya?” Pero nakita ko kung gaano siya kamapilit, at naisip ko na mas matagal na siyang naging lider kaysa sa akin, kaya marahil ay mas nauunawaan niya ang sitwasyon ng mga kapatid kaysa sa akin. Kaya nagpasya akong gawin ang gusto niya, at wala na akong sinabi pa.

Kalaunan, naghiwalay kaming dalawa para makipagtipon sa bawat isa sa mga grupo. Nang makipagtipon ako kasama ang mga tagapagdilig, sinabi ng superbisor na parami nang parami ang mga baguhan na tumatanggap ng ebanghelyo kamakailan, at hindi sila makasabay. Tinanong niya kung ang mga lider at manggagawa ng iglesia ay maaaring gumawa ng part-time na pagdidilig upang matiyak na ang mga baguhan ay madidiligan kaagad. Naisip ko na ito ay isang magandang mungkahi, kaya tinanggap ko ito. Nagulat ako na nang malaman ito ni Xin Ran, sumulat siya ng isang napakabagsik na liham at ipinadala ito sa lahat ng tagapagdilig nang araw ring iyon. Sa liham, inakusahan niya ako na mayroon akong mahinang pag-unawa, at sinabi na ang pagsasaayos ng gawain sa ganitong paraan ay masyadong nakalilito at magulo. Sa hindi tuwirang paraan, pinagalitan din niya ang superbisor, sinasabing: “Ito ay isang makasarili at hindi pinag-isipang pagsasaayos, at isang produkto ng pagkilos ng mga lider at manggagawa nang walang pagsasaalang-alang sa anumang bagay maliban sa kanilang sariling mga kagustuhan. Ito ay nakagambala at nakagulo sa gawain ng iglesia. Ito ay isang napakaseryosong bagay.” Parang isang sampal sa mukha ang pagbabasa ng liham na ito. Kumakabog ang dibdib ko. “Naging makasarili ako? Ginambala ko ang gawain ng iglesia?” Agad akong natigilan, at natakot na baka nalihis talaga ako at nagdulot ng pagkagambala. Nang matanto kong nababasa ng lahat ng kapatid ang liham na ito, nag-alala ako kung ano ang iisipin nila sa akin. Paano ko sila haharaping muli? Naging miserable ako, at parang nakondena ako. Naisip ko, “Kahit na nagkamali talaga kami, nakipagbahaginan na lang sana siya sa amin sa mga prinsipyo at ipinaalam sa amin kung saan kami nagkamali para maayos namin ang problema. Bakit sa halip ay sumulat siya ng liham sa lahat?” Hindi ko napigilang maluha, at labis akong naging negatibo dahil dito sa loob ng ilang araw. Sa pamamagitan lamang ng pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos bumuti ang aking kalagayan. Sa oras na iyon, medyo may pakiramdam na ako na si Xin Ran ay napakalupit, at kailangan kong mag-ingat sa kanya sa hinaharap at subukang huwag siyang galitin, kung hindi, sino ang makakapagsabi kung kailan niya ako muling parurusahan at ipapahiya. Nanatili sa akin ang anino ng pangyayaring iyon. Palagi kong nararamdaman na kung hindi ako makikinig kay Xin Ran o pabubulaanan ko siya, may gagawin siya na makakasakit sa akin, at lihim akong nagkimkim ng kaunting takot sa kanya.

Kalaunan, nalaman ko na iginiit ni Xin Ran na makipagtipon sa mga superbisor ng mga grupo, pero dahil hindi niya naitakda nang maayos ang mga oras, naantala ito nang ilang araw, at maraming gawain ang hindi naisaayos at naipatupad sa oras. Inkala ko na ibabahagi niya ang mga aral na natutunan niya mula sa pagkakamaling ito, o magsasalita siya tungkol sa mga paglihis at pagkakamali na nagawa niya sa pagsasaayos ng gawain, kaya nagulat ako nang hindi niya ito binanggit. Pagkaraan lamang ng ilang araw, nagpadala ng sulat ang nakatataas sa amin na nagbabahagi tungkol sa nauugnay na mga prinsipyo. Sinabi niya na naaangkop sa akin na isaayos ang mga lider at manggagawa na magdilig nang part-time sa mga baguhan. Pinaliwanag niya na sa ganitong paraan, makakapaghanda kami ng mas maraming mabubuting gawa at mabilis na madidiligan ang mga baguhan, na kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Inakala ko na magninilay si Xin Ran sa kanyang sarili at matatanto ang pagkakamali niya nang marinig niya ito, pero tila wala talaga siyang pakialam dito. Sinulyapan lang niya ako nang naiinis at saka tumalikod. Naisip ko, “Sunud-sunod ang pagkakamali niya sa tungkulin niya, pero hindi man lang niya kilala ang sarili niya. Mapanganib para sa kanya na magpatuloy nang ganito.” Naisip kong ipaalala sa kanya na magnilay sa kanyang sarili, subalit nakita ko kung gaano siya naggagaling-galingan at naisip ko kung paano niya pilit tinanggihan ang bawat iminungkahi ko sa kanya. Sino ang makapagsasabi kung ano ang magiging reaksyon niya sa pagtukoy ko ng kanyang mga problema? At napakalupit niya akong pinagalitan noong nakaraan na medyo nakakaramdam pa rin ako ng pagkakot at pagpigil, kaya hindi ako naglakas-loob na paalalahanan siya.

Noong panahong iyon, si Xin Ran lang ang nangangasiwa at nagsasaayos ng lahat ng gawain namin. Kahit na magkapareha kaming dalawa, hindi siya nakipag-usap o nakipagtalakayan sa akin tungkol sa mga bagay-bagay kahit kailan. Siya ang namamahala ng lahat, at siya lang ang may huling salita. Kapag tinatalakay ang gawain, magpapahayag ako at ang mga diyakono ng aming mga pananaw, at pagkatapos ay hahanapan niya ng mga problema ang mga ito, babaguhin ang aming mga mungkahi, at sa huli ay magpapanukala ng kanyang “mas mahusay na mga ideya.” Sa paglipas ng panahon, nagsimula kaming lahat na makaramdam na hindi kami magaling sa aming mga tungkulin, at na si Xin Ran ay mas matalino, mas may kakayahan, at mas malinaw na nakikita ang mga bagay kaysa sa amin. Kaya kadalasan, pumapayag kami sa kanyang pananaw at ginagawa ang kanyang sinabi. Napaka-agresibo rin ni Xin Ran kapag nakakahanap siya ng mga pagkakamali sa akin o tahasang tinatanggihan ang aking mga mungkahi, kaya palagi akong nakakadama ng kaunting pagkatakot sa kanya. Iniisip ko na may gagawin siyang masama sa akin kung hindi ko siya pakikinggan, kaya palagi kong sinisikap na makibagay sa kanya, at hindi ako nangahas na labanan siya. Dahil palagi niyang tinatanggihan ang aking mga iminumungkahi, paunti-unti kong tinigilan ang pagnanais na ibahagi ang aking mga ideya sa mga talakayan sa gawain, kahit na sa pakiramdam ko ay medyo maganda ang mga ito. Naisip ko na walang saysay na ipahayag ang mga ito, sapagkat hindi rin naman ito tatanggapin ni Xin Ran. Pagkatapos niyon, naging lalo akong pasibo sa aking tungkulin at hindi na ako nagsikap kung papaano pa mas magiging epektibo. Para lang akong papet. Wala akong sariling pag-iisip o pananaw tungkol sa ibat-ibang isyu sa aming gawain. Hinihintay ko ang utos ni Xin Ran bago gumawa ng anuman, at ginagawa ko na lang ang anumang sinabi niya. Ang mga diyakono ay nasa parehong kalagayan din. Sa panahong iyon, lalo akong naging negatibo at pasibo, ngunit hindi ko alam kung papaano ibabalik ang aking kalagayan, at nakaramdam ako ng labis na paghihirap.

Kalaunan, nakatanggap kami ng sulat mula sa nakatataas na nagsasabi na naaresto ang ilang kapatid kamakailan. Para sa aming kaligtasan, hiniling sa amin na maghati sa dalawang grupo para gawin ang mga tungkulin namin at huwag magsama-sama sa isang grupo. Sa gayong paraan, kung may mangyayaring masama, hindi kami sabay-sabay maaaresto, na makaaantala sa gawain ng iglesia. Wala roon si Xin Ran noong panahong iyon, kaya tinalakay ko ang usapin sa mga diyakono. Pakiramdam ko ay isa itong magandang plano, pero pakiramdam ng mga diyakono na mas magiging mahirap talakayin ang gawain kapag naghiwalay kami sa dalawang grupo. Sa huli, hindi kami nakapagdesisyon, at gusto nilang hintaying makabalik si Xin Ran bago magpasya. Naisip ko na maghihiwalay lang naman kami ng mga grupo, at hindi nito kinakasangkutan ang anumang malalaking isyu ng prinsipyo. Kung isasaalang-alang ang mga panganib sa kaligtasan at ang mga bentahe’t disbentahe ng planong ito, ang paghihiwalay ang naaangkop na gawin. Pero walang naglakas-loob na magpasya nang gayon. Iginiit nilang hintayin muna si Xin Ran na sang-ayunan ito. Nakita ko kung gaano siya inaasahan at sinasamba ng lahat, kung paanong naghihintay ang lahat na isasaayos at pagpapasyahan niya ang mga bagay-bagay, kung paano sila nakikinig sa mga utos niya, at natanto ko na malala talaga ang problema kay Xin Ran. Pagkatapos niyon, sinabi ko sa isa sa mga diyakono na si Sister Li Ruizhi ang tungkol sa kalagayan ko at ang mga isyung natuklasan ko kay Xin Ran. Nagulat ako nang sabihin niyang nararamdaman din niyang labis siyang napipigilan kay Xin Ran. Sinabi niya sa akin na noon pa man ay takot na siya kay Xin Ran at hindi siya naglalakas-loob na tutulan ito. Sinabi rin niya na sinadya ni Xin Ran na palakihin ang mga pagkukulang niya, at pinagalitan siya nito sa harap ng iba para sumama ang tingin nila sa kanya. Pagkatapos ay idinagdag ni Ruizhi, “Kung napapansin natin ang mga problema ni Xin Ran, ngunit hindi kinikilatis o inilalantad ang mga ito, at kumikilos na lamang na parang mga mapagpalugod sa mga tao, nang hindi man lang pinanghahawakan ang mga prinsipyo ng katotohanan, kapopootan tayo ng Diyos at tatalikuran ng Banal na Espiritu.” Ganoon din ang naramdaman ko. Naisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagsabing. “Yaong mga nasa iglesia na nagsasagawa ng katotohanan ay itinataboy, hindi magawang maibigay ang kanilang lahat-lahat, samantalang yaong mga nanggugulo sa iglesia at nagkakalat ng kamatayan ay nagwawala sa loob—bukod pa riyan, karamihan sa mga tao ay sumusunod sa kanila. Ang gayong mga iglesia ay pinamumunuan ni Satanas, walang duda; ang diyablo ang kanilang hari. Kung ang mga nagtitipon ay hindi tumatayo at tumatanggi sa mga punong demonyo, sila rin sa malao’t madali ay mawawasak. Mula ngayon, kailangang gumawa ng mga hakbang laban sa gayong mga iglesia. Kung hindi ito hahangarin ng mga may kakayahang magsagawa ng kaunting katotohanan, bubuwagin ang iglesiang iyon. Kung walang sinuman sa isang iglesia ang handang magsagawa ng katotohanan at walang sinumang maaaring tumayong saksi para sa Diyos, dapat ay ihiwalay nang lubusan ang iglesiang iyon, at kailangang putulin ang mga koneksyon nito sa ibang mga iglesia. Tinatawag itong ‘paglilibing sa kamatayan’; ito ang ibig sabihin ng pagtataboy kay Satanas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Nang pagnilayan ko ang siping ito ng salita ng Diyos, natakot ako nang husto. Tumpak na inihayag ng salita ng Diyos ang kasalukuyang kalagayan namin. Si Xin Ran ang may huling salita at may hawak ng kapangyarihan sa iglesia, pero walang naglalakas-loob na ilantad siya. Sa halip, nakinig kaming lahat sa kanya, sinunod siya, at hinayaan na siya ang magdesisyon sa lahat ng bagay. Nasaan ang puwang ng Diyos sa puso ko? Paanong hindi mamumuhi o masusuklam sa akin ang Diyos dahil sa ganitong pag-uugali? Kung magpapatuloy ako nang ganito, sa huli ay talagang kamumuhian at tatanggihan ako ng Diyos at lubusang mawawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu. Nakita ko na nilabag ni Xin Ran ang mga prinsipyo at pabasta-bastang kumikilos. Siya ang may huling salita sa lahat ng bagay, umaasal siya gaya ng isang diktador, at hindi talaga nakinig sa payo ng mga kasama niya sa gawain. Nang tukuyin ng iba ang mga problema niya, hindi niya tinatanggap ito, o hindi pinagninilayan ang kanyang sarili. Pero takot na takot akong mapasama ang loob niya at mapaghigpitan kaya hindi ako naglakas-loob na banggitin ang mga isyu niya. Sinunod ko lang siya, na nagdulot ng mga pagkaantala at nakagambala sa gawain ng iglesia. Labis akong nanghinayang at nagsisi nang matanto ko ito. Naisip ko, “Kailangan kong isagawa ang katotohanan at ilantad siya. Hindi na ako puwedeng magpasakop sa kanya.”

Pero, may isa pang hindi inaasahan na nangyari. Isang araw, pagkabalik mula sa isang pagtitipon, galit na sinabi sa akin ni Xin Ran habang nakasimangot, “May dalawang superbisor ng grupo na hindi makapagtulungan nang maayos at palaging pinupuna ang isa’t isa. Tatanggalin sila.” Nagulat ako nang marinig ko ito. May kaunti akong nalalaman sa mga superbisor na iyon. Kahit na minsan ay nagpapakita sila ng mapagmataas na disposisyon, kaya nila parehong tumanggap ng katotohanan at gumawa ng praktikal na gawain. Nailantad lang sa kanila ang isang tiwaling disposisyon at nabigo silang magtulungan nang maayos; ang pakikipagbahaginan sa kanila sa katotohanan ay sasapat na para malutas ang mga problemang iyon. Paanong matatanggal sila nang ganun-ganun na lang? Hindi ba’t makaaantala sa gawain ng iglesia kung basta-bastang tatanggalin ang mga tao na kayang gumawa ng praktikal na gawain? Alam ko na hindi ko na pwedeng patuloy na pikit-matang sundin si Xin Ran sa pagkakataong ito, kaya sinabi ko, “Pagdating sa isang bagay na gayon kahalaga, kailangan natin maghanap kung paano wastong magsasagawa. Hindi tayo pwedeng basta-basta magtanggal ng mga tao.” Pagkatapos niyon, nagpunta ako para siyasatin ang dalawang superbisor. Nagulat ako nang malaman kong napalitan na sila. Habang sinisiyasat pa ang usapin, natuklasan ko na hindi talaga sila mga pakay ng pagtatanggal. Nagulat at nagalit ako, at naisip ko, “Gumawa ng gayon kalaking desisyon si Xin Ran nang hindi ito tinatalakay kaninuman. Napakasama niyon!” kaya sumulat ako ng liham kay Xin Ran, tinutukoy ang kanyang mga problema, pero hindi niya talaga kilala ang sarili niya. Kalaunan, nalaman ko na ang isang diyakono, si Sister Liang Xinjing, na maagap at responsable dati sa kanyang tungkulin, ay nalagay sa negatibong kalagayan kamakailan at nadarama na hindi siya naaangkop na maging diyakono dahil madalas siyang batikusin at maliitin ni Xin Ran. Nalungkot talaga ako nang marinig ko ito. Nakita ko na ang pagiging mayabang ni Xin Ran, ang kanyang mala-diktador na asal, at kung paano niya palaging inaatake at pinipigilan ang iba ay walang ibang nagawa kundi gawing negatibo at miserable ang mga tao. Isa siyang masamang tao. Alam kong kailangan kong ilantad at pigilan siya. Hindi ko siya puwedeng hayaang patuloy na gawin ang anumang gusto niya. Gayunpaman, nang oras na para talagang harapin siya, medyo nangimi pa rin ako.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Kung hindi mo naging buhay ang katotohanan, at nabubuhay ka pa rin sa loob ng iyong satanikong disposisyon, kapag nakatuklas ka ng masasamang tao at diyablong nagdudulot ng mga pagkaantala at paggambala sa gawain ng iglesia, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan ka; isasantabi mo sila, nang walang paninisi mula sa iyong budhi. Iisipin mo pa nga na ang sinumang nagdudulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa iyo. Gaano man nagdurusa ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala kang pakialam, hindi ka nakikialam, o nakokonsiyensiya—ginagawa ka nitong isang taong walang budhi o pakiramdam, isang walang pananalig, isang tagapagserbisyo. Kinakain mo ang sa Diyos, iniinom ang sa Diyos, at tinatamasa ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ginagawa ka nitong isang traydor na kumakagat sa kamay na nagpapakain sa iyo. Tao ka ba kung hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Isa itong demonyo na isiniksik ang sarili sa iglesia. Nagpapanggap kang naniniwala sa Diyos, nagkukunwaring isang hinirang na tao, at nais mong samantalahin ang sambahayan ng Diyos. Hindi mo isinasabuhay ang buhay ng isang tao, at malinaw na isa ka sa mga walang pananalig. Kung isa kang taong tunay na naniniwala sa Diyos, kahit na hindi mo pa nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano’y magsasalita at kikilos ka na nasa panig ng Diyos; kahit papaano, hindi ka tatayo lang nang walang ginagawa kapag nakikita mong nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; kapag nauudyok kang magbulag-bulagan, makokonsiyensiya ka, at hindi mapapalagay, at sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Hindi ako puwedeng maupo lang dito at walang gawin, kailangan kong tumayo at magsalita, kailangan kong umako ng responsibilidad, kailangan kong ibunyag ang masamang pag-uugaling ito, kailangan kong itigil ito, upang hindi mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi maabala ang buhay-iglesia.’ Kung naging buhay mo na ang katotohanan, hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang pananagutan na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang sambahayan, at ang iyong tungkulin ay matutupad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Tunay Lamang na Nagpapasakop sa Diyos ang May Pusong May Takot sa Kanya). Sinasabi ng salita ng Diyos na kung ang mga tao ay hindi tumutugon at walang malasakit kapag nakikita nila ang gawain ng iglesia na nagdurusa, hindi sila namumuhay na tulad ng mga tao. Lubha akong nasaktan sa pagbabasa nito sapagkat iyon mismo ang aking inasal. Kitang-kita ko na may mga problema si Xin Ran, subalit hindi ako naging sapat na matapang upang tumindig para ilantad at pigilan siya. Dahil palagi niya akong hinahanapan ng mali, binabalewala ang aking mga ideya, at pinagsasabihan at inaatake ako habang nagmamataas, natakot ako sa kanya at hindi ako nangahas na pasamain ang loob niya. Upang protektahan ang aking sarili, nagpasakop ako sa kanya at namuhay nang walang dangal. Naisip ko pa na hangga't nananatili akong masunuring tauhan niya, hindi niya ako susupilin o parurusahan. Hangga't kaya kong protektahan ang aking sarili, handa akong hayaan siyang mangibabaw at manipulahin ako. Namuhay ako sa ganitong kalagayan nang walang anumang pagsasaalang-alang para sa gawain ng iglesia. Alam kong naapektuhan na ni Xin Ran ang gawain ng iglesia sa pamamagitan ng paglabag sa mga prinsipyo at pagkilos na parang malupit na diktador, subalit hindi pa rin ako sapat na matapang upang tumindig at ilantad siya. Kahit nang inatake niya at pinigilan ang mga tao, hinawakan ang lahat ng kapangyarihan, at pinagpasyahan ang lahat ng bagay, hindi ako nangahas na labanan at pigilan siya sa paggawa ng masama. Talagang naging alipin ako! Ako ay walang iba kundi isang walang kwentang duwag na namumuhay ng isang walang dangal na pag-iral! Nasaan ang integridad at dignidad sa pamumuhay nang ganoon? Tinamasa ko ang pagdidilig at pagtustos ng mga salita ng Diyos, at ang lahat ng nagmula sa Kanya, pero palagi kong sinusubukang protektahan ang sarili ko at nabigo akong isagawa ang katotohanan para protektahan ang gawain ng iglesia. Nang maisip ko ito, sumama ang loob ko at nakonsensya ako. Namuhi ako sa sarili ko dahil sa pagiging napakamakasarili at mapanlinlang ko. Naisip ko, “Hindi na ako puwedeng magpatuloy nang ganito. Sa pagkakataong ito, kahit na parusahan niya ako o maghiganti siya, kailangan kong manindigan, ilantad ang mga masasama niyang gawa, at protektahan ang gawain ng iglesia. Iyon ang responsibilidad ko.”

Matapos iyon, pumunta ako kay Xin Ran upang ilantad kung paano niya nilabag ang mga prinsipyo at kumilos na parang malupit na diktador sa pagtanggal sa dalawang tagapamahala. Ngunit kasisimula ko pa lamang magsalita nang sumabad siya, at sinabing hindi ako nakikipagtulungan nang maayos sa kanya. Sa sandaling iyon, inilantad din siya ng mga diyakono sa pagsupil at pagpigil sa mga tao. Nang maharap sa mga katunayan, hindi kami nagawang pabulaanan ni Xin Ran, at sinabi lamang niya na hindi niya namalayan ang mga problemang ito, at na maghahanap siya sa mga ito. Sa huli, nang may ngiti sa kanyang mukha, sinabi niya, “Dahil sa husay ko, may tendensiya akong maging mayabang. Hindi maiiwasan ito.” Hindi ako nakapagsalita nang marinig ko iyon. Lubos na wala siya sa katwiran. Pagkatapos niyon, dalawa sa mga diyakono ang nakipagbahaginan muli kay Xin Ran nang dalawang beses, umaasa na magsisisi siya, pero hindi niya talaga ito tinanggap, at binatikos pa nga ang dalawang sister, sinasabing pinupuntirya siya ng mga ito. Nang makita ko na hindi talaga niya tinanggap ang katotohanan at wala siyang pagkaunawa sa sarili niyang masasamang gawa, natanto kong malala talaga ang mga problema niya.

Pagkatapos, napaisip ako kung paano sinupil ni Xin Ran ang mga diyakono at ako hanggang sa puntong nanghina kami at naging negatibo. Ang ilan sa amin ay ayaw na ngang gampanan ang mga tungkulin namin. Paano nangyari ito? Kalaunan, sa wakas ay nagkaroon ako ng kaunting pagkilatis sa mga paraan at diwa sa likod ng mga kilos ni Xin Ran sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ang mga anticristo ay may mga motibo at mithiin sa likod ng lahat ng kaparaanang ginagamit nila laban sa yaong mga naghahangad ng katotohanan. Sa halip na hangaring pangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang layunin nila ay pangalagaan ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, gayundin ang kanilang posisyon at imahe sa puso ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang mga pamamaraan at pag-uugaling ito ay mga paggambala at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at mayroon ding mapanirang epekto ang mga ito sa buhay-iglesia. Hindi ba ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng masasamang gawa ng isang anticristo? Dagdag pa sa masasamang gawang ito, gumagawa ang mga anticristo ng isang bagay na mas kasuklam-suklam pa, iyon ay na lagi nilang sinisikap na malaman kung paano magkakaroon ng bentahe sa mga naghahangad ng katotohanan. Halimbawa, kung nakipagtalik ang ilang tao sa hindi nila asawa o nakagawa sila ng kung anong iba pang paglabag, sinusunggaban ng mga anticristo ang mga ito bilang bentahe para maatake sila, humahanap ng mga pagkakataon para insultuhin, ilantad, at siraan sila, bansagan sila para pahinain ang kasigasigan nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin upang maging negatibo ang pakiramdam nila. Isinasanhi rin ng mga anticristo na magkaroon ng diskriminasyon ang mga taong hinirang ng Diyos laban sa kanila, iwasan sila, at itakwil sila, nang sa gayon ay mahiwalay ang mga naghahangad ng katotohanan. Sa huli, kapag ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay naging negatibo at mahina na ang pakiramdam, hindi na aktibong ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at ayaw nang dumalo sa mga pagtitipon, natupad na ang layon ng mga anticristo. Kapag ang mga naghahangad ng katotohanan ay hindi na banta sa kanilang katayuan at kapangyarihan, at wala nang nangangahas na iulat o ilantad sila, maaari nang mapanatag ang mga anticristo. … Ano ang iniisip ng mga anticristo na nagbibigay sa kanila ng kakayahang gumawa ng gayong kasamaan? ‘Kung yaong mga naghahangad ng katotohanan ay madalas makinig sa mga sermon, maaari nilang mahalata ang mga kilos ko balang araw, at pagkatapos ay siguradong ilalantad at papalitan nila ako. Habang gumaganap sila sa kanilang mga tungkulin, nanganganib ang aking katayuan, karangalan, at reputasyon. Mas mainam na maunang umatake, maghanap ng mga pagkakataong magamit ang bentahe para ligaligin at kondenahin sila, at gawin silang pasibo, para mawala ang anumang pagnanais nilang gumanap sa kanilang mga tungkulin. Mas mabuti pang mag-udyok ng mga alitan sa pagitan ng mga lider at manggagawa at sa mga naghahangad ng katotohanan, para ang mga lider at manggagawa ay kamumuhian sila, iiwasan, at hindi na pahahalagahan o itataas ang kanilang ranggo. Sa gayong paraan, hindi na sila magkakaroon ng anumang pagnanais na hangarin ang katotohanan o gampanan ang kanilang mga tungkulin. Pinakamabuti kung mananatiling pasibo yaong mga naghahangad ng katotohanan.’ Ito ang mithiing nais makamtan ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos, nalaman ko na may matinding pagnanais ang mga anticristo para sa katayuan at na itinuturing nila ang kapangyarihan bilang ang buhay mismo. Nag-aalala sila na ang mga naghahangad ng katotohanan ay mauunawaan ito at makikilatis sila, at pagkatapos ay makakakuha ng suporta at pagsang-ayon ng mga kapatid. Kaya para mapatatag ang kanilang posisyon at kapangyarihan, sadyang naghahanap ang mga anticristo ng bentahe para batikusin at maliitin ang mga naghahangad ng katotohanan. Sinusubukan nilang gawing negatibo ang mga ito, at mawalan ng kumpiyansa, at pigilan silang magampanan nang normal ang mga tungkulin nila. Sa ganoong paraan, nananatili sa kapangyarihan at palaging may huling salita ang mga anticristo. Natanto ko na ito mismo ang ginawa ni Xin Ran. Palagi niya kaming nakikitaan ng mali, sinasamantala ang mga problema namin at inaatake kami ng kanyang mga pang-uuyam at panunuya. Sadya rin niyang ipinapahiya at minamaliit kami sa harap ng mga kapatid, na nagpadama sa amin na hindi namin kayang gumawa ng praktikal na gawain, kaya labis kaming nanghina at naging negatibo na ayaw na naming gampanan ang mga tungkulin namin. Ang pampublikong liham na isinulat niya na humahamak at kumokondena sa akin dahil sa kakatwa kong pagkaunawa at makasariling mga kilos ang labis na nakaapekto sa akin—mula noon ay natakot na ako sa kanya. Natakot ako na hahamakin at kagagalitan niya ulit ako sa harap ng madla kung hindi ko siya sasang-ayunan, kaya ginawa ko ang makakaya ko para magpasakop sa kanya. Hindi ako nangahas na muling pasamain ang loob niya o suwayin ang kagustuhan niya, at lalong hindi ako naging sapat na matapang para kilatisin at ilantad siya. Ganito rin ang mga pamamaraang ginamit niya sa mga diyakono, inaatake ang lahat hanggang sa madama nilang wala na silang silbi sa kanilang mga tungkulin. Sa paggawa nito, nasiguro ni Xin Ran na hindi siya makikilatis ng sinuman. Nangahulugan din ito na nadama ng lahat na napipigilan sila at nakikinig sila sa kanya, at walang naglalakas-loob na tumutol sa mga desisyon niya. Ganito niya nakamit ang mithiin niyang hawakan mag-isa ang kapangyarihan sa aming iglesia. Ang mga salita at kilos ni Xin Ran ay napakasama, tuso, at malupit. Nagsasalita at kumikilos siya na tulad lamang ng isang anticristo.

Pinagnilayan ko rin kung bakit lahat kami ay tumingala at sumunod kay Xin Ran nang matagal na panahon kahit na malinaw na sinusupil niya kami. Ni hindi kami naglakas-loob na gumawa ng mga desisyon nang wala siya. Paano niya kami nalinlang at nakontrol nang ganoon kalala? Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos. “Ang isa sa pinakakaraniwang tanda ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga tao ay na sa loob ng saklaw ng kanilang kontrol, sila lamang ang may huling pasya. Kung wala roon ang anticristo, walang ibang nangangahas na magpasya o magdesisyon. Kung wala ang anticristo, lahat ng iba pa ay parang mga bata na walang ina. Wala silang ideya kung paano manalangin o maghanap, ni kung paano talakayin nang magkakasama ang mga bagay-bagay. Para lamang silang mga tau-tauhan o mga taong patay. Hindi na natin idedetalye kung anong uri ng pananalita ang ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga tao. Tiyak na mayroon silang mga kasabihan at pamamaraan, at ang mga resultang nakamit ay nasasalamin sa iba't ibang pagpapamalas ng mga taong ito na kontrolado nila. … Halimbawa, kapag nagbigay ka ng isang makatwirang mungkahi, dapat magpatuloy ang lahat na ibahagi ang tamang planong ito. Ito ang tamang landas, at ito ay katapatan at responsabilidad sa tungkulin ng isang tao. Gayunpaman, magtataka ang isang anticristo, ‘Bakit hindi ko naisip ang plano mo?’ Aminado siya sa isipan niya na tama ang plano, pero tatanggapin ba niya ito? Dahil sa kanyang kalikasan, hinding-hindi niya tatanggapin ang iyong tamang mungkahi. Siguradong susubukan niyang tanggihan ang plano mo at pagkatapos ay magmumungkahi ng iba. Ipaparamdam niya sa iyo na ganap na impraktikal ang plano mo, para maramdaman mong hindi mo puwedeng iwanan ang anticristo, na tanging kapag gumagawa ang anticristo magkakaroon ng papel na gagampanan ang iba, na kung wala siya, walang gawaing magagawa nang maayos, at na kung wala ang anticristo, walang silbi ang ibang tao at walang magagawang anuman. Ang mga pamamaraan ng mga anticristo ay laging hindi pangkaraniwan at mapagpasikat kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay. Gaano man maaaring tama ang mungkahi ng iba, lagi nila iyong tinatanggihan. Kahit pa kapareho ng mga ideya nila ang mungkahi ng ibang tao, kung hindi ang anticristo ang unang nagmungkahi niyon, tiyak na hindi nila iyon tatanggapin o ipatutupad. Sa halip, gagawin ng anticristo ang lahat para maliitin, tanggihan, at kondenahin ang mungkahi hanggang sa madama ng taong nagmungkahi niyon na mali ang ideya niya at aminin iyon. Saka lamang tumitigil ang anticristo. Ang mga anticristo ay mahilig magpasikat at maliitin ang iba upang sambahin sila ng iba at ilagay sila sa sentro ng mga bagay-bagay. Ang tinutulutan lamang ng mga anticristo na mamukadkad ay ang kanilang sarili, at ang iba ay pinagsisilbi lamang na palamuti para mamukod-tangi sila. Naniniwala ang mga anticristo na lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay tama, samantalang ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng iba ay mali. Madalas silang magbigay ng mga bagong pananaw para tanggihan ang mga pananaw at gawi ng ibang mga tao, naghahanap sila ng mali at nakakakita ng mga problema sa mga opinyon ng ibang mga tao, at ginugulo o tinatanggihan nila ang mga plano ng ibang mga tao, para magawa ang lahat na makinig sa kanila at kumilos ayon sa kanilang mga pamamaraan. Ginagamit nila ang mga pamamaraan at kaparaanang ito para patuloy kang tanggihan, tuligsain, at ipadama sa iyo na hindi sapat ang galing mo, upang habang tumatagal ay lalo kang maging sunud-sunuran sa kanila, lalo mo silang tingalain, at lalo mo silang hangaan, hanggang sa huli ay ganap ka nilang makontrol. Ito ang prosesong ginagamit ng mga anticristo para pasukuin at kontrolin ang mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, nagliwanag ang puso ko. Dati, kapag tinatanggihan ni Xin Ran ang mga ideya namin, inakala ko lang na mayabang siya, at na hindi ko nakilatis ang mga intensyon at layon niya, o ang kalikasan ng mga kilos niya. Naunawaan ko lamang matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos na sa tuwing binabalewala niya ang aming mga pananaw, naghahanap lamang siya ng mga problema para pabulaanan niya ang mga iyon at iparamdam sa amin na maaaring hindi angkop ang aming mga mungkahi. Pagkatapos ay magbubuod lamang siya ng isang ideya o ilang matatayog pakinggan na retorika sa batayang ito. Makalipas ang ilang panahon, nagsimula naming madama na mas mababa kami sa kanya, at na nakikita niya ang mga bagay-bagay nang mas malalim at may kabatiran. Hindi lang kami nabigong makilatis siya, lalo pa namin siyang hinangaan, at sa huli ay hindi namin maiwasang tanggihan ang aming mga sarili nang hindi sinasadya. Pakiramdam namin ay talagang walang saysay ang mga ideya at mungkahi namin, na walang kabuluhan na banggitin pa ang mga ito, at na dapat ay makinig na lang kami sa kanya. Sa paggawa nito, nakamit niya ang kanyang mithiin na makontrol ang mga iniisip ng ibang tao. Pagkatapos niyang mamanipula sa loob ng mahabang panahon, tumigil na kami sa paghahanap at pagninilay-nilay kapag may mga nangyayari sa amin, at sa huli, nawalan na kami ng sariling mga pag-iisip. Para kaming mga papet, at ganap kaming mga walang silbi sa aming mga tungkulin. Naunawaan ko sa wakas na ito ang pamamaraang ginagamit ng mga anticristo para makapangibabaw sa mga tao at makontrol ang mga ito. Ginamit ito ni Xin Ran para makontrol kami, para makinig at sumunod kami sa kanya. Labis siyang mapanira, tuso, at masama!

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kung matalino ang isang tao, palaging nagpapakana sa mga bagay na ginagawa at sinasabi niya, kung siya ay nakatatakot, at kapag kasama mo siya, lagi niyang gustong kontrolin at pamahalaan ka, nadarama mo ba sa puso mo na ang taong ito ay mabait o masama? (Masama.) Natatakot ka sa kanya, at iniisip na, ‘Gusto lagi ng taong ito na kontrolin ako. Kailangan kong makatakas sa kanya sa lalong madaling panahon. Kung hindi ko gagawin ang sinasabi niya, mag-iisip siya ng paraan para palihim akong saktan at marahil ay parusahan ako.’ Nadarama mong masama ang disposisyon niya, hindi ba? (Oo.) Paano mo ito nadarama? (Lagi niyang napapagawa sa mga tao ang mga bagay ayon sa mga utos at mga idea niya.) Mali ba na igiit niya sa iba na gawin ang mga bagay sa ganitong paraan? Mali ba talaga kung igigiit ng iba na gawin mo ang isang bagay? Wasto ba ang lohikang ito? Alinsunod ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Ang mga pamamaraan ba o ang disposisyon niya ang nagpapaasiwa sa iyo? (Ang disposisyon niya.) Tama iyon, ang disposisyon niya ang nagpapaasiwa sa iyo, at nagpapadama sa iyo na ang disposisyong ito ay mula kay Satanas, na ito ay hindi umaayon sa katotohanan, at na ito ay nakagugulo, kumokontrol at gumagapos sa iyo. Hindi lang ito nakapagpapaasiwa sa iyo, bagkus nagdudulot ito ng takot sa iyong puso, at pinapaisip ka na kung hindi mo gagawin ang sinasabi niya, may posibilidad na ‘paparusahan ka’ niya. Ang disposisyon ng ganitong uri ng tao ay napakasama! Hindi lang niya kaswal na sinasabi ang isang bagay—gusto ka niyang kontrolin. Labis ang panggigiit niyang gawin mo ang bagay-bagay, at iginigiit na gawin mo ang mga iyon sa isang partikular na paraan. Nagpapahiwatig ito ng isang partikular na uri ng disposisyon. Hindi lang niya iginigiit na gumawa ka ng isang bagay, gusto rin niyang kontrolin ang buong pagkatao mo. Kapag nakontrol ka niya, magiging papet ka niya, at isang manika para manipulahin niya. Masaya siya kapag ang gusto mong sabihin, ang ginagawa mo at kung paano mo ito ginagawa ay ganap na nakadepende sa kanya. Kapag nakita mo ang disposisyong ito, ano ang nadarama mo sa puso mo? (Nakadarama ako ng takot.) At kapag nakadarama ka ng takot, paano mo binibigyang-kahulugan ang disposisyon niyang ito? Responsable ba ito, mabait, o masama? Madarama mong masama ito. Kapag nakita mong masama ang disposisyon ng isang tao, nakadarama ka ba ng kasiyahan, o nakadarama ka ng galit, pagkasuklam at takot? (Galit, pagkasuklam, at takot.) Umuusbong ang masasamang damdaming ito. Kapag nakadarama ka ng galit, pagkasuklam, at takot, nararamdaman mo bang malaya ka, o nararamdaman mong nakagapos ka? (Nakagapos.) Saan nagmumula ang ganitong mga uri ng mga sentimyento at damdamin? Nagmumula ang mga ito kay Satanas(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung bakit labis akong natatakot kay Xin Ran at hindi naglalakas-loob na sumuway sa kanya. Ang pangunahing dahilan nito ay dahil napakalupit niya kapag pinapagalitan niya ako at binabalewala ang mga ideya ko, na nagpapadama sa akin na napipigilan at nasusupil ako. Naniwala ako na kapag hindi ako nakinig sa kanya, susupilin at parurusahan niya ako. Malupit kaming binatikos ni Xin Ran, hinahanapan ng mga kapintasan ang aming mga ideya para mabalewala niya ang mga ito—ang layon niya sa paggawa nito ay para makipagkompromiso kami, at sa huli ay maging mga papet niya. Gusto niyang makinig ang lahat sa kanya, maalis ang lahat ng pagsuway, at nang sa gayon ay makamit niya ang layunin niya na humawak ng ganap na kapangyarihan. Napakatindi ng pagnanasa niyang makakontrol.

Nang maglaon, ako at ang mga diyakono ay magkasamang nagbahaginan sa mga salitang ito ng Diyos. Habang mas tinatalakay namin ang mga ito, mas lumilinaw ang aming nadarama. Nakamit namin ang ilang pagkilatis sa mga pamamaraan ni Xin Ran ng panlilinlang, pagkontrol, at pagsupil sa amin, at nakita namin na mayroon siyang mapagmataas at malupit na kalikasan. Upang patatagin ang kanyang katayuan at kapangyarihan, ginamit niya ang mga pamamaraang ito para sugpuin at kontrolin ang iba. Hawak niya ang lahat ng kapangyarihan at siya ang may huling desisyon sa mga kapatid. Naantala at nasira na niya ang gawain ng iglesia sa pamamagitan ng madalas na paglabag sa mga prinsipyo at pagkilos nang di-makatwiran. At kahit na maraming beses na siyang nalantad at nabahaginan, hindi niya ito tinatanggap talaga, at wala siyang kaalaman sa sarili at saloobin ng pagsisisi. Batay sa salita ng Diyos, natukoy namin nang may katiyakan na si Xin Ran ay kaparehong uri ng tao sa isang anticristo, na nangangahulugang kailangan siyang mapaalis at mabukod para sa pagsusuri. Kaya, sa mismong araw na iyon, binigyan namin ang aming nakatataas ng isang ulat tungkol sa pag-uugali ni Xin Ran at ang aming mga konklusyon. Matapos imbestigahan at tingnan ang sitwasyon, natuklasan ng aming nakatataas na si Xin Ran ay nakagawa ng maraming masasamang gawa, at nakumpirma na ito ay isang anticristo. Kinonsulta niya ang mga kapatid, at pagkatapos na higit sa 80% ang nagbigay ng kanilang pagsang-ayon, itiniwalag si Xin Ran mula sa iglesia. Nagalak nang labis ang mga kapatid, at nakita naming lahat na ang Diyos ay matuwid at na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Natutunan namin na kahit na maaaring lumaganap sa iglesia pansamantala ang mga anticristo at masasamang tao, sa huli sila ay palaging malalantad at mapapaalis. Nakaramdam din ako ng panghihinayang at pagsisisi pagkatapos ng lahat ng ito. Napagtanto ko na masyado akong nag-aalala sa pagprotekta sa aking sarili habang ang isang anticristo ay gumagawa ng masama. Handa akong apihin niya at hindi ko hinanap ang katotohanan, o kinilatis at inilantad siya. Tahimik kong pinahintulutan ang kanyang kasamaan at ang panggagambalang ginawa niya sa gawain ng iglesia, na nangangahulugan na may bahagi ako sa kanyang masasamang gawa. Ngayon, naiintindihan ko na bilang mga lider at manggagawa, dapat nating itaguyod ang mga prinsipyo ng katotohanan at maglakas-loob na ilantad ang mga anticristo at masasamang tao. Iyon lamang ang tanging paraan upang mapangalagaan natin ang gawain ng iglesia at magawa nang mabuti ang ating tungkulin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Espiritu Ko’y Pinalaya

Ni Mibu, Spain“Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na...