Hindi Na Ako Mapili sa Aking Tungkulin
Noong una akong magsimulang manampalataya sa Diyos, napansin ko kung paanong ang mga kapatid na mga lider ay madalas na nakikipagbahaginan sa mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problema ng mga ito at handa ang mga kapatid na hanapin ang mga ito para lutasin ang mga isyu ng mga ito. Dahil dito, sobra akong nainggit sa kanila at inisip ko na ang paggawa ng gayong tungkulin ay magbibigay-daan para galangin at hangaan sila saanman sila magpunta. Pagdating sa mga tungkulin ng pagho-host at mga pangkalahatang gawain, naniwala ako na ang mga kapatid na gumagawa ng mga tungkuling ito ay nagpapakapagod lang sa likod ng mga eksena, hindi mapapasikat ang sarili nila, hindi makikita ng iba at walang sinuman ang humahanga sa kanila. Inakala ko na magiging napakainam kung makagagawa ako ng isang tungkulin na magbibigay-daan para mapasikat ko ang sarili ko at hangaan ako sa hinaharap. Kalaunan, napili ako para maging isang lider ng iglesia at ang mga kapatid sa mga pagtitipong pinamunuan ko ay lahat napakabuti sa akin. Napakasarap sa pakiramdam na makita kung paanong tinitingnan nila ako nang may inggit at pakiramdam ko ay nakahihigit ako sa iba. Ang paggawa ng isang tungkulin sa pamumuno ay mas nakaka-stress at kinasasangkutan ito ng mas maraming gawain, subalit kahit gaano man ako nagdusa o gaano man ako napagod, hindi ako kailanman umatras o nagreklamo. Makalipas ang ilang panahon, dahil sa aking mahinang kakayahan at sa katunayang hindi ko pinangasiwaan ang mga usapin ayon sa prinsipyo—madalas na kumikilos ako batay sa aking mga sariling opinyon at sumusunod ako sa mga regulasyon—at nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia, tinanggal ako. Pagkatapos kong matanggal, pumunta sa akin ang aking lider at nagtanong kung handa ba akong gumawa ng isang tungkulin sa mga pangkalahatang gawain. Nakaramdam ako ng kaunting panlalaban at naisip ko na, “Ang trabaho sa mga pangkalahatang gawain ay pangangasiwa lang ng iba’t ibang samo’t saring gampanin sa iglesia, simple at mano-manong trabaho lang ito. Kung malaman ng ibang mga kapatid na ginagawa ko ang gayong tungkulin, ano ang iisipin nila sa akin? Iisipin ba nila na ginagawa ko ang gayong tungkulin dahil wala akong katotohanang realidad?” Gayumpaman, alam ko na ang isang itinalagang tungkulin ay atas ng Diyos at dapat itong tanggapin at magpasakop dito, sumang-ayon ako nang may pag-aatubili.
Kalaunan, nang umalis ako para gawin ang tungkulin ko, madalas kong makasalubong ang mga kapatid na dati ko nang kilala. Kapag tinatanong nila ako kung anong tungkulin ang ginagawa ko, nahihiya akong sabihin sa kanila, nag-aalalang bababa ang tingin nila sa akin kapag nalaman nilang gumagawa ako ng tungkulin sa mga pangkalahatang gawain. Subalit talagang nangyari ang pinakakinatatakutan ko. Isang beses, pumunta ako sa bahay ng isang sister para hiramin ang scooter niya at habang nag-uusap kami, nabanggit ko sa kanya na gumagawa ako ng tungkulin sa mga pangkalahatang gawain. Nagulat siya at nagtanong, “Bakit nasa mga pangkalahatang gawain ka na? Akala ko gumagawa ka ng tungkuling nakabatay sa teksto?” Sobra talaga akong naasiwa at sadyang binago ko ang paksa, bahagyang nakipag-usap sa kanya bago mabilis na umalis. Habang papauwi sa bahay, paulit-ulit kong inisip ang gulat na ekspresyon ng sister nang narinig niyang nasa mga pangkalahatang gawain ako. Sumama ang pakiramdam ko at napaisip kung ano ang iisipin ng kapatid sa akin. Iisipin niya bang itinalaga ako sa tungkuling iyon dahil wala akong katotohanang realidad at may mahinang kakayahan ako? Bababa ba ang tingin niya sa akin? Ginawa ako nitong mas mapanlaban sa tungkuling iyon. Minsan nagbabagal ako sa paghahatid ng mga apurahang liham at hindi dinadala ang mga ito sa mga kapatid sa napapanahong paraan. Minsan ay nagiging makakalimutin ako at pinungos ako ng aking mga kapatid sa pagiging pabasta-basta at iresponsable ko at pinaalalahanan ako na maging mas masigasig sa aking tungkulin at mas pag-isipan ito. Naharap sa sitwasyong ito, hindi lang ako hindi nagnilay sa aking sarili, naging mas mapanlaban pa ako sa tungkulin. Naalala ko noong lider pa ako, inihahatid sa akin ng mga manggagawa ng mga pangkalahatang gawain ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at mga liham, subalit nabaliktad na ngayon ang sitwasyon at ako na ang naatasang mag-asikaso ng mga gawain at maghatid ng mga bagay-bagay sa ibang mga kapatid. Pakiramdam ko ay biglang bumulusok pababa ang katayuan ko at lalo akong nakaramdam ng lungkot at pagkaapi.
Isang umaga, naubos ang baterya ko habang minamaneho ko ang aking electric scooter at napilitan akong itulak mano-mano ang scooter. Habang itinutulak ang scooter, aksidente kong napihit ang silinyador at napaharurot ito pasulong, dahilan para bumagsak ako sa ibabaw nito bago pa man ako magkaroon ng oras para makakilos. Naibangga ko ang bibig ko sa dulong bahagi ng harapan ng scooter, na nagpaluwag sa ilang ngipin ko at nag-iwan ito ng mga pasa sa aking mukha at nagdulot ng pinsala sa aking paa. Pagkauwi sa bahay, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Kamakailan ay naging sobra akong mapanlaban sa aking tungkulin sa mga pangkalahatang gawain at hindi ko alam kung paano lutasin ang isyung ito. Pakiusap gabayan Mo ako para makilala ko ang aking sarili para makapagpasakop ako.” Pagkatapos manalangin, nagbasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsabing: “Sa sambahayan ng Diyos, palaging nababanggit ang pagtanggap sa atas ng Diyos at pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa partikular na pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, lumilitaw ang sari-saring gawain na nangangailangan na makipagtulungan ang mga tao at tapusin ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsabilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan. Sa sambahayan ng Diyos, ang iba’t ibang gawain na nangangailangan ng pakikipagtutulungan ng mga tao ay ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Kaya’t may mga pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tungkulin kung ang pag-uusapan ay kung alin ang higit na mabuti at higit na masama, mataas at mababa, malaki at maliit? Hindi umiiral ang ganoong mga pagkakaiba; hangga’t ang isang bagay ay may kinalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos, isang pangangailangan sa gawain ng Kanyang sambahayan, at kinakailangan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, ito ay tungkulin ng isang tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). “Anuman ang tungkulin mo, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mong, ‘Bagama’t ang gawaing ito ay isang atas mula sa Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay may gawain na tinutulutan silang mamukod-tangi. Ibinigay sa akin ang gawaing ito, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi kundi pinapagugol ako ng sarili ko nang hindi nakikita, hindi ito patas! Hindi ko gagawin ang tungkuling ito. Ang tungkulin ko ay dapat iyong mamukod-tangi ako sa iba at tinutulutan akong magkapangalan—at kahit na hindi ako magkapangalan o mamukod-tangi, dapat pa rin akong makinabang dito at maging pisikal na maginhawa.’ Ito ba ay katanggap-tanggap na saloobin? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa mga bagay mula sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin, isang pagpapamalas sa iyong paghihimagsik laban sa Diyos. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais. Kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang saloobin mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Ang mga salita ng Diyos ay malinaw na paglalantad ng aking kasalukuyang kalagayan. Nakita ko na mali ang saloobin at pananaw ko sa aking tungkulin. Pinagbukod ko ang matataas at mabababanag tungkulin, pinaghiwa-hiwalay ang mga ito sa mga grado at ranggo. Inakala ko na ang pagiging isang lider o ang paggawa ng isang tungkuling nakabatay sa teksto ay mas nakatataas kaysa sa iba at binigyang-daan nito ang isang tao para makamit ang paghanga at paggalang mula sa iba. Gaano man ako nagdusa o napagod sa gayong tungkulin, handang-handa akong gawin ito. Para naman sa mga tungkuling nangangailangan ng mano-manong trabaho at hindi nagbigay sa akin ng pagkakataong mapasikat ang sarili ko at makita, hindi ako handang gawin ang mga iyon, iniisip na ang gayong mga tungkulin ay malinaw na napakababa at bababa ang tingin sa akin ng iba sa paggawa ko ng mga ito. Sa impluwensiya ng mga nakalilinlang na pananaw na ito, nang italaga ako ng aking lider sa isang tungkulin sa mga pangkalahatang gawain, pakiramdam ko na ito ay isang mababang tungkulin at mapipinsala nito ang aking reputasyon, kaya naging mapanlaban ako at hindi handang magpasakop, at kumilos ako nang pabasta-basta at nang walang pananagutan sa aking tungkulin. Sobrang katawa-tawa ang mga pananaw ko! Dahil napakatiwali ko at napakahina ng aking kakayahan, dahil lang sa pagtataas at biyaya ng Diyos kung kaya nakagagawa ako ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, subalit hindi ko talaga isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, hindi ko alam kung paano suklian ang pagmamahal ng Diyos, isinaalang-alang ko lang ang mga sarili kong interes at reputasyon at kumilos lang ako ayon sa gusto ko sa aking tungkulin, ginagamit ko ito para matugunan ang aking mga sariling interes. Nasaan ang aking pagkatao? Tiyak na kinamumuhian ng Diyos ang gayong asal!
Isang araw, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Anong saloobin ang dapat mayroon ka sa iyong tungkulin? Una, hindi mo ito dapat suriin, sinusubukang tukuyin kung sino ang nagtalaga nito sa iyo; sa halip, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos, bilang isang tungkuling ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at dapat mong sundin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at tanggapin ang iyong tungkulin mula sa Diyos. Ikalawa, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa, at huwag mong abalahin ang sarili mo tungkol sa kalikasan nito, kung tinutulutan ka man nitong mamukod-tangi o hindi, kung ito man ay ginagawa sa harap ng publiko o nang hindi nakikita. Huwag mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Mayroon pang ibang saloobin: pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Sa pagbasa ng mga salita ng Diyos, natutunan kong ang ating mga tungkulin ay atas ng Diyos at ating obligasyon at responsabilidad na dapat tuparin. Binibigyan-daan man tayo ng tungkulin na mapasikat ang sarili natin at makita at maipakamit man nito sa atin ang paggalang at paghanga ng iba, bilang mga nilikha, dapat nating tanggapin ang gayong mga tungkulin at magpasakop, at magpakita ng lubos na katapatan. Ito ang uri ng saloobin na dapat mayroon tayo sa ating mga tungkulin at ang katwirang dapat taglayin nating lahat. Naisip ko kung paanong ang mga pangkalahatang gawain ay maaaring hindi isang kapansin-pansing tungkulin, subalit ito ay isang napakahalagang aspekto ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Kung wala tayong mga tao na naghahatid ng mga aklat at liham, hindi makababasa ang mga kapatid natin ng mga salita ng Diyos sa maagap na paraan at hindi makukompleto ang ilang proyekto sa napapanahong paraan, na makaaapekto sa gawain ng iglesia. Dahil inatasan ako ng isang tungkulin sa mga pangkalahatang gawain, dapat ay inako kong responsabilidad na kompletuhin ang mga gampaning itinalaga sa akin. Nang mapagtanto ito, handa na ako sa wakas na tumanggap at magpasakop. Igalang man ako o hindi ng iba, gagawin ko pa rin ang aking makakaya para tuparin ang aking tungkulin. Pagkatapos niyon, inilagay ko ang buo kong lakas at pag-iisip sa aking tungkulin. Bawat araw pagdating sa oras ng pagpapadala at pagtanggap ng mga liham, matapat kong sinisiyasat ang mga ito at inilalagay ang buo kong puso sa gawain. Kapag kinailangan ng sister na kapareha ko na umalis para pangasiwaan ang ibang gawain, aktibo akong tumutulong na mapausad ang mga gawain para sa kanya at nagsisikap na gawin nang maayos ang aking gawain. Partikular akong napanatag sa paggawa sa ganito kasigasig at kadetalyadong paraan. Nang tinanong ako ng ibang mga kapatid kung anong tungkulin ang ginagawa ko, tahasan kong sinasabi na nagtatrabaho ako sa mga pangkalahatang gawain at hindi na nahihiya.
Noong Hunyo ng 2019, hinanap ako ng aking lider para tanungin kung handa ba akong mag-host ng ilang kapatid. Naisip ko sa sarili ko, “Handa akong tumanggap ng isang tungkulin, subalit kapag nalaman ng malalapit kong kapatid kung paano ko ginugugol ang mga araw ko sa paghuhugas ng mga pinggan at pagluluto ng pagkain bilang isang host, ano ang iisipin nila sa akin? Bababa ba ang tingin nila sa akin?” Nagmamadali kong inirekomenda si Sister Wang Yun, sinasabing sa tingin ko ay mas angkop siya sa tungkuling ito, subalit sumagot ang lider na kagagaling lang ni Sister Wang Yun sa sakit at hindi siya angkop. Napagtanto ko na dumating sa akin ang tungkuling ito sa pamamagitan ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, kaya huminto na ako sa pagpapaliban nito. Sa panahon ng aking pagho-host, napansin kong madalas na magbahaginan ang mga kapatid tungkol sa mga kasanayan at kaalaman na mahalaga sa kanilang mga tungkulin at sa kung ano ang nakamit nila mula sa kanilang mga karanasan. Nang dumating ang superbisor nila, nakipagbahaginan rin ito sa mga kapatid tungkol sa mga gawain nila. Nainggit ako sa kanila dahil sa kakayahan nilang gumawa ng gayong tungkulin habang naipit ako sa pagtataguyod sa kaligtasan ng kapaligiran ng aking bahay o sa paghahanda ng pagkain sa kusina. Ang pakiramdam na iyon ng pagiging mababa ay nagdulot sa akin ng labis na kalungkutan. Minsan ay lumilipad ang isip ko habang naghahanda ng pagkain at nadaragdagan ko ng masyadong maraming asin o ganap na nakalilimutang dagdagan ng asin ang pagkain. May ilang kapatid na hindi kayang kumain ng maaanghang na pagkain, kaya isa sa mga kapatid ang masuyong humiling sa akin kung maaaring magbukod ako ng kaunting pagkain bago magdagdag ng mga sili. Pumayag ako sa kanyang kahilingan, pero sa isip-isip ko, “Noong lider pa ako, ako ang gumagawa ng mga desisyon. Ngayon na ako ang gumagawa ng tungkuling ito ng pagho-host, hindi lang sa hindi ko makuha ang paggalang ng iba, kailangan ko pang sundin ang utos ng ibang mga tao.” Dahil dito nakaramdam ako ng lungkot at pagkaapi. Minsan kapag abala ang mga kapatid sa mga tungkulin nila, hinihiling nila sa akin na tulungan silang bumili ng samot-saring pang-araw-araw na pangangailangan, na nagparamdam sa akin na para bang inuutus-utusan ako at naroon lang ako para mag-asikaso ng mga gawain. Kalaunan, napagtanto ko na nasa masama akong kalagayan, subalit madalas pa rin akong namumuhay sa kalagayang iyon kahit na ayaw ko. Sumama ang pakiramdam ko at tila napalayo ang puso ko mula sa Diyos.
Isang araw, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsabing: “Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang piyudal, at naturuan na siya sa ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). “Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba’ ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at ito ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyunal na kultura ng bawat bayan para turuan, iligaw, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli, winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. … Marami pa ring satanikong lason sa buhay, pag-uugali at asal ng mga tao. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay kay Satanas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Sa pagbasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko kung ano ang ugat ng pag-uuri ko sa pagitan ng matataas at mabababang tungkulin, at paghihiwalay sa mga ito sa mga grado at ranggo—Malalim akong naimpluwensiyahan at ginawang tiwali ng mga satanikong lason tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang mga nagpapagal gamit ang kanilang isipan ay namamahala sa iba, at ang mga nagpapagal gamit ang kanilang mga kamay ay pinamamahalaan ng iba,” at “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa.” Namuhay ako alinsunod sa mga satanikong lason na ito, naghahanap ng kasikatan, pakinabang, katayuan, at paggalang. Inisip ko na ang pamumuhay lang sa ganoong paraan ang kagalang-galang at marangal. Naisip ko rin ang mga tungkulin ng sambahayan ng Diyos sa konteksto ng mga satanikong pilosopiya at mga pananaw, naniniwalang ang mga tungkulin na nangangailangan ng kasanayan at talento tulad ng pagiging lider, paggawa sa mga teksto, at paggawa ng mga video ay iginagalang ng mga tao, samantalang ang mga tungkulin sa mano-manong trabaho tulad ng pagho-host at paggawa ng mga pangkalahatang gawain ay mabababa. Naimpluwensiyahan ng mga nakalilinlang na pananaw, ako ay naging pabasta-basta sa aking tungkulin, at walang pokus, madalas na nakalilimutang ipadala ang mga liham at inantala ang gawain dahil lang inakala ko na hindi iginagalang ang tungkuling iyon. Ang pagkaing inihanda ko ay masyadong matabang o ‘di kaya ay masyadong maalat at hindi ko isinaalang-alang kung makakain ba ito o hindi ng mga kapatid, mas pinipili lang na ihanda ang pagkain ayon sa gusto ko. Kapag hinihiling sa akin ng mga kapatid na bumili ng mga bagay-bagay para sa kanila, iniisip ko na tinatrato lang nila akong parang isang utusan at sadya akong nagpaliban. Nakita ko na malalim nang nag-ugat ang mga satanikong lason sa aking puso at naging pinakakalikasan ko na ito, dahilan para ako ay maging makasarili, kasuklam-suklam at walang pagkatao. Tinrato ko ang tungkulin ko bilang isang paraan ng pagkamit ng katayuan at reputasyon at ginusto kong gamitin ang tungkulin ko bilang isang pagkakataon para makuha ang paggalang at papuri mula sa aking mga kapatid. Dinaraya at nilalabanan ko ang Diyos! Napagtanto ko na nasa napakamapanganib akong kalagayan, kaya’t sa aking pagsisisi ay nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, ayaw ko nang hangarin ang kasikatan, kapakinabangan at katayuan. Handa akong magsisi sa Iyo. Pakiusap, gabayan Mo ako sa paghahanap ng isang landas ng pagsasagawa.”
Pagkatapos niyon, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pantay-pantay ang lahat sa harap ng katotohanan, at walang pagkakaiba ng edad o pagiging mababa at marangal sa mga gumagawa ng tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos. Pantay-pantay ang lahat sa tungkulin nila, iba-iba lang ang gawain nila. Walang silang pagkakaiba batay sa kung sino ang may senyoridad. Sa harap ng katotohanan, dapat magtaglay ang lahat ng mapagpakumbaba, mapagpasakop, at tumatanggap na puso. Dapat taglayin ng mga tao ang ganitong katwiran at saloobin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). “Kapag hinihingi ng Diyos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang maayos, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang ilang partikular na gawain o isakatuparan ang anumang matinding pagsusumikap, ni ang gampanan ang anumang dakilang pagsasagawa. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na maghimala ka, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang matimtiman kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Kapag nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, gawin mo ang naunawaan mo, isakatuparan mo ang naintindihan mo, tandaan mo nang maigi ang narinig mo, at pagkatapos, kapag dumating na ang oras para magsagawa, magsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. … Hindi talaga mahirap ang gampanan ang iyong tungkulin, ni hindi ito mahirap gawin nang tapat, at sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Hindi mo kailangang isakripisyo ang iyong buhay o gumawa ng anumang natatangi o mahirap, kailangan mo lamang sundin ang mga salita at tagubilin ng Diyos nang matapat at matatag, nang hindi idinaragdag ang sarili mong mga ideya o pinatatakbo ang sarili mong operasyon, kundi tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung magagawa ito ng mga tao, magkakaroon talaga sila ng wangis ng tao. Kapag mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, at naging matapat na tao, tataglayin nila ang wangis ng isang tunay na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Ang totoo, anumang tungkulin ang ginagawa natin sa sambahayan ng Diyos, maging tungkulin man ito sa pamumuno, isang tungkuling batay sa teksto, o pagiging isang host o pagtatrabaho sa mga pangkalahatang gawain, ang lahat ng ito ay magkakaibang trabaho lang at wala ni isa mga ito ang mas mataas o mas mababa kaysa sa iba. Anuman ang tungkuling ginagawa natin, tinatanggap nating lahat ang atas ng Diyos at ginagawa ang ating katungkulan bilang mga nilikha. Hindi partikular na tataas ang tingin ng Diyos sa isang tao dahil lang mayroon siyang talento, mga kasanayan, o ilang espesyal na tungkulin. Gayundin, hindi bababa ang tingin Niya sa isang tao dahil lang ginagawa niya ang hindi masyadong kapansin-pansin na tungkulin. Ang mahalaga sa Diyos ay kung naghahangad ang mga tao ng katotohanan habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin at kung nagpapasakop ba sila at tapat ba sila sa mga tungkulin nila. Itinalaga ako ng iglesia para magsilbing host, kaya ito ang responsabilidad at tungkulin na dapat kong tuparin. Mataas man ang magiging tingin sa akin ng mga tao o hindi, dapat ko itong tanggapin at magpasakop—ito ang katwiran na dapat mayroon ako. Naisip ko kung paanong sa napakaraming bagay na nilikha ng Diyos, malaki o maliit man ang mga ito, lahat ng ito ay umiiral nang naaayon sa kataas-taasang kapangyarihan at pagtatalaga ng Diyos at nagsisilbi ng anumang katungkulan na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Ang isang maliit na damo ay hindi ikinukumpara ang taas nito sa isang matayog na puno, ni hindi ito nakikipagkompitensiya sa mga bulaklak kung alin ang mas maganda; masunurin lang nitong tinutupad ang katungkulan nito. Kung maaari akong maging isang maliit na damo, nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, umaasal sa isang praktikal na paraan at naghahangad na matupad ang aking papel bilang isang nilikha, hindi ako magdurusa masyado tungkol sa hindi pagkamit ng katayuan. Higit pa riyan, ang pagiging isang lider sa sambahayan ng Diyos ay hindi ganap na tungkol sa pag-uutos sa mga tao tulad ng inakala ko, hinihingi nito sa isang tao na maging isang tagapaglingkod ng lahat ng tao, nagbabahagi ng katotohanan para tulungan ang mga kapatid, nilulutas ang mga tunay nilang isyu sa buhay pagpasok at ginagabayan sila tungo sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ang tungkulin ng pagho-host ay hindi rin isang mababang tungkulin—hinihingi nito sa isang tao na gawin ang tungkulin niya sa pagpapanatili ng kapaligiran sa pagho-host para payapang magawa ng mga kapatid ang mga tungkulin nila. Ang bawat isa sa atin ay gumagawa ng bahagi natin sa ating katungkulan na palawakin ang kaharian ng ebanghelyo. Sa pagtanto ng lahat ng ito, nakaramdam ako ng kalayaan. Nagtatalaga ng mga tungkulin ang sambahayan ng Diyos sa mga tao batay sa mga kasanayan, kakayahan, at tayog nila. Dati ay nagsilbi ako sa pamumuno at mga tungkuling batay sa teksto, subalit hindi naging sapat ang kakayahan ko, hindi ko kinaya ang mga gampanin at hindi ako naging angkop sa mga papel na iyon. Gayumpaman, hindi ko talaga naunawaan ang sarili ko, palaging napakataas ng pagtingin ko sa sarili at naghahanap ako ng paggalang ng iba. Napakawalang-katwiran kong nilalang! Itinalaga ako ng iglesia para gawin ang tungkulin ng pagho-host batay sa aking kakayahan at sa kapaligiran ng aking bahay—lubos na naaangkop ang tungkuling ito sa akin. Hindi mataas ang paggalang sa akin sa aking papel bilang isang host, subalit inilantad ng tungkulin ang aking mga maling pananaw sa paghahangad at ang aking tiwaling disposisyon at inudyukan ako nito para hanapin ang katotohanan at magkamit ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili. Ito ang pinakamahalagang bagay na makakamit ko mula sa tungkuling ito. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso sa pagpapatnugot sa kapaligirang ito para dalisayin at baguhin ako, at naging handa akong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, tinutupad ang aking tungkulin ng pagho-host para suklian ang Kanyang pagmamahal.
Kalaunan, nagsimula akong maghangad na makapasok sa mga prinsipyo sa paraan ng paghahanda ko ng pagkain para sa aking mga kapatid, isinasaalang-alang kung anong uri ng pagkain ang magiging pinakakapaki-pakinabang sa kalusugan nila. Kapag hindi sila abala, tinutulungan nila ako sa mga gawaing-bahay at hinding-hindi ako inuutus-utusan na parang nakakababa. Nang makatagpo ako ng mga balakid sa aking tungkulin, mapagpasensya silang nakikipagbahaginan sa akin at sinusuportahan ako at ginagampanan naming lahat ang aming bahagi sa aming mga papel. Sa ganitong paraan, nagsimula akong magkaroon ng mas maayos na relasyon sa aking mga kapatid, at masaya akong handang gawin ang aking tungkulin. Ang mga kapakinabangan at pagbabagong ito ay lahat resulta ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos.