Ang Isang Tungkulin ay Hindi Nagbubunga Kung Walang Mga Prinsipyo
Noong Pebrero ng nakaraang taon, inilipat ako sa isang iglesia bilang lider. Napansin ko na hindi masyadong epektibo ang lahat ng aspeto ng trabaho sa iglesia, at naisip ko, “Tiyak na lubos akong pinahahalagahan ng mga lider na nagsaayos na pumunta ako sa iglesiang ito at tingin nila’y mababago ko ang gawain ng iglesiang ito, kaya kailangan kong maging matagumpay at maipakita sa mga lider na kaya kong gumawa ng praktikal na gawain at na tama sila sa pagpili sa akin.” Tapos, pumunta ako sa bawat grupo sa iglesia para alamin ang sitwasyon ng gawain at lutasin ang mga suliranin at problema ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Ang ilang kapatid ay nasa masamang kalagayan, kaya mapagmalasakit ko silang tinulungan at sinuportahan. Nang makakita ako ng mga hindi angkop na tao sa trabaho, nakipag-usap ako sa kapareha ko at inilipat o pinalitan sila ayon sa mga prinsipyo. Paglipas ng ilang panahon, medyo bumuti ang gawain ng iglesia. Napakasaya ko, at hindi ko maiwasang isipin na, “Mukhang makakagawa pa ako ng ilang praktikal na gawain. Kaya kailangan kong patuloy na magsumikap at gumawa ng mas magagandang resulta para makita ng mga kapatid ko na may kakayahan akong magtrabaho at masabi nilang isa akong mahusay na lider.”
Isang araw, habang may sinusuri kaming gawain, napansin kong lubhang humina ang pagkaepektibo ng gawain ng pagdidilig, at ilang baguhan ang hindi pumupunta sa mga pulong. Naisip ko, “Ang lahat ng iba pang gawain ay mas epektibo ngayon, pero humina ang pagkaepektibo ng gawain ng pagdidilig. Hindi namin pwedeng hayaang makaapekto ang gawain ng pagdidilig sa pangkalahatang mga resulta, kung hindi ay sasabihin ng lahat na isa akong walang kakayahan na lider, at makakaapekto ‘yon sa imahe ko sa mga puso nila.” Kaya, dali-dali kong pinuntahan ang mga tagapagdilig, siniyasat ito, at nalaman na ang lider ng grupo, na si Sister Wu, ay hindi isinaalang-alang ang mga suliranin ng mga baguhan nang magsaayos siya ng mga pulong at tungkulin nila. Isinaayos niya ang mga pulong para sa ilang baguhan kung kailan kailangan nilang magtrabaho, dahilan para hindi sila makadalo sa mga pulong, at ang ilang baguhan ay nagkaroon ng mga suliranin, inisip na hindi nila maharap ang kanilang mga tungkulin, at naging negatibo. Medyo nagalit ako nang marinig ‘to. Naisip ko, “Malinaw kong sinabi sa kanya na kailangan naming isaalang-alang ang mga sitwasyon ng mga baguhan kapag nagsasaayos kami ng mga pulong at tungkulin para sa kanila. Bakit hindi niya magawang makapag-angkop, makabisado ang konsepto, at gamitin ito nang maayos? Parang wala siyang kakayahan na magdilig ng mga baguhan. Ang hindi magagandang resulta na nakukuha namin ay lahat may kinalaman sa kanya. Hindi ko pwedeng hayaan na dahil lang sa kanya ay maaapektuhan ang gawain ng buong iglesia. Kailangan niyang matanggal kaagad. Kung hindi ko siya tatanggalin, hindi kailanman bubuti ang mga resulta ng gawain. Bukod sa hahadlangan nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos, iisipin ng mga nakatataas ko at ng mga kapatid na wala akong kakayahang gumawa o lumutas ng mga totoong problema. Hindi ko hahayaang kwestyunin ng mga tao ang kakayahan ko.” Kaya pagkatapos ng pulong, binanggit ko ang pagtanggal kay Sister Wu sa kapareha ko at sa mga diyakono. Sabi ng diyakono ng pagdidilig, “Epektibo si Sister Wu sa pagdidilig ng mga baguhan noon. Baka nasa masamang kalagayan siya kamakailan, at maaari lang na medyo nagmamadali siya sa pagsasanay ng mga baguhan. Dapat nating siyasatin ang sitwasyon niya at pagkatapos ay bahaginan at tulungan siya. Kung hindi siya magbabago kalaunan, pwede na natin siyang tanggalin.” Pero no’ng oras na ‘yon, ang naiisip ko lang ay baka masira ang reputasyon at katayuan ko. Naisip ko, “Hindi naman kasisimula lang magdilig ng mga baguhan si Sister Wu. Ipinaalala ko rin ito sa kanya dati. Sa tingin ko, hindi siya tumatanggap ng mga paalala at tulong. Kung hindi namin siya tatanggalin sa oras, at magkaantala o maapektuhan ang gawain, palaging ako ang magiging responsable do’n, kaya anuman ang mangyari, sa pagkakataong ito kailangan ko silang mapasang-ayon sa’kin at tanggalin si Sister Wu.” Kaya, galit kong sinabing, “Hindi epektibo si Sister Wu sa kanyang tungkulin, na nagpapatunay na hindi siya mahusay at hindi siya angkop para sa tungkuling ito. Kung pananatilihin niyo siya, at hindi bubuti ang mga resulta ng gawain natin, sino sa inyo ang aako sa responsibilidad na iyon? ‘Wag n’yo akong idamay sa pagtulong n’yo sa kanya!” Nang makita nila ang pag-uugali ko, walang sinabi ang kapareha ko at ang mga diyakono.
Kalaunan, narinig kong naging napakanegatibo ni Sister Wu pagkatapos mapalitan. Pakiramdam niya’y maraming taon na siyang nagdidilig ng mga baguhan, nang may mabubuting resulta. Sinasanay niya ang mga baguhan na bago pa lang nananampalataya dahil kulang ng mga tagapagdilig ang iglesia, at pinagsama niya ang ilang lugar ng pagpupulong. Kaya nagkaroon ng mga problema nang masyado siyang naging abala para asikasuhin ang lahat ng suliranin ng mga baguhan. Hindi niya akalaing matatanggal siya nang ganito, kaya pakiramdam niya’y tinanggal namin siya nang walang mga prinsipyo, at na ginawa namin ito batay sa panandalian niyang inasal, hindi sa isang balanseng pagsusuri ng palagian na niyang ginagawa. Pero nang marinig ko ‘to, hindi ko lamang hindi hinanap ang katotohanan at pinagnilayan ang aking sarili, pakiramdam ko pa’y masyadong mababa ang tayog ni Sister Wu, at hindi niya magawang kilalanin ang sarili niya o matutunan ang mga aral, kaya ni hindi ko ito sineryoso.
Matapos maalis si Sister Wu, pinili namin si Sister Liu bilang lider ng grupo. Masaya kong naisip, “Magiging mas epektibo na ngayon ang gawain ng pagdidilig.” Pero paglipas ng ilang panahon, nalaman ko na medyo mahina ang abilidad ni Sister Liu sa paggawa, at hindi siya kasingresponsable ni Sister Wu. Hindi niya maintindihan sa oras ang mga kalagayan ng mga baguhan, at hindi niya alam kung paano lutasin ang kanilang mga problema. Bilang resulta, paglipas ng ilang panahon, hindi pa rin bumuti ang gawain ng pagdidilig. Nagsimula akong mabagabag, at napaisip ako kung isang pagkakamali ba ang pagpapaalis kay Sister Wu, pero sa puntong ito ng mga bagay-bagay, nagpasya akong mas bahaginan at tulungan si Sister Liu para makita kung mapapabuti ba ang kanyang mga resulta.
Habang dumarami ang mga baguhan sa iglesia, pangunahing prayoridad ang agad na magsanay ng mas maraming tagapagdilig. Kaya sinimulan ko agad na maghanap ng mga kandidato. Naisip ko si Sister Chen, na natanggal at nakabukod pa rin at nagninilay sa sarili. Nangaral na siya noon ng ebanghelyo at nagkaroon ng ilang resulta, kaya gusto ko siyang sanayin. Inisip ko lang na palakaibigan siya at magaling makipag-usap sa mga tao, kaya kung sasanayin namin siya, maaasikaso ang mga isyu sa gawain ng pagdidilig, at tiyak na sasabihin ng mga nakatataas ko na mayroon akong mahusay na kakayahan at isa akong magaling na lider. Kaya, hiniling ko sa diyakono ng pagdidilig na tumuon sa paglilinang kay Sister Chen. Nahihiyang sinabi ng diyakono ng pagdidilig, “Naisipan naming isaayos ang mga bagay-bagay nang ganyan, pero nakita namin na wala pa ring pagkaunawa sa sarili si Sister Chen matapos siyang matanggal. Nang ipinangaral niya ang ebanghelyo, nakipagkumpetensya siya para sa katanyagan at pakinabang, at nagtanim ng inggit at mga pagtatalo, kaya naging imposible para sa iba na gampanan nang normal ang kanilang mga tungkulin. Kung sasanayin natin siya na magdilig ng mga baguhan ngayon, hindi ba’t gagawa lang siya ng mas maraming kasamaan at magdudulot ng mas maraming pagkagambala? Ang pagdidilig ay isa sa mga pinakamahalagang gawain sa sambahayan ng Diyos. Ang mga sinasanay para dito ay dapat mayroong mabuting pagkatao at hindi dapat makagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kailangan nating gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo!” Nabalisa ako sa sinabi niya. Naisip ko, “Palakaibigan si Sister Chen at may kakayahan. Ang pagsasanay sa kanya na diligan ang mga baguhan ay tiyak na agad magagawang mas epektibo ang gawain. Kung magpapasya kaming hindi siya sanayin ngayon dahil parang wala siyang tunay na pagsisisi, hindi makikita ng mga lider ko ang kakayahan ko sa trabaho. Hindi maganda ‘yun. Kailangan ko siyang kumbinsihin na gawin ang gusto ko. Hindi ako pwedeng sumuko na lang.” Kaya, iwinasto ko ang diyakono ng pagdidilig, at sinabing, “Ngayon ba ang oras para bulag na sumunod sa mga panuntunan? Sinasabi rin ng mga prinsipyo na ang mga lumabag noon ay dapat bigyan ng pagkakataong magsisi. Palakaibigan si Sister Chen at may kakayahan na magdilig ng mga baguhan, kaya pwede natin siyang sanayin. Kailangan lang natin siyang bantayan nang mabuti at huwag siyang hayaang makaabala. May mahusay na kakayahan si Sister Chen at mabilis matuto. Ang pagkakaroon ng isa pang bihasang tagapagdilig ay makakalutas ng maraming problema para sa iglesia. Kunin mo na siya at dalhin siya sa pagpupulong!” Nang makita ng diyakono ng pagdidilig ang katigasan ng ulo ko, hindi na siya nagsalita pa.
Pero pagkaraan ng ilang araw, iniulat ng diyakono ng pagdidilig na hindi sinisiyasat ni Sister Chen ang mga kuru-kuro at kalituhan ng mga baguhan bago sila diligan at hindi siya nagbibigay ng tutok na pagbabahagi. Sa halip, nagpumilit siyang magbahagi batay sa sarili niyang mga ideya, na nagsanhi sa dalawang baguhan na maging salungat, lumalaban, at huminto sa paniniwala. No’ng panahong ‘yon, medyo hindi ako mapalagay. Sa kakayahan ni Sister Chen, hindi siya dapat nakagawa ng gano’ng bagay. Kalaunan, nang makausap ko si Sister Chen, natanto ko na sa panlabas lamang siya maagap sa mga tungkulin niya. Wala siyang pagkaunawa sa mga nakaraan niyang paglabag, at matapos magkaroon ng ganoon kalaking problema sa kanyang gawain ng pagdidilig, hindi man lang siya nagnilay sa sarili niya o natuto ng mga aral. Manhid siya. Noon lang ako nakaramdam ng kaunting kamalayan na baka masyado akong naging padalus-dalos sa paglinang sa kanya, at na baka kailangan pa niyang patuloy na bumukod at magnilay sa sarili. Pero naisip ko rin na, may mahusay na kakayahan si Sister Chen at naging isa nang lider, kaya kung mas tutulungan ko siya, baka mabilis niyang maunawaan at mabago ang mga bagay-bagay. Ang kailangan ko lang gawin ay sanayin siya at pabutihin ang mga resulta ng gawain ng pagdidilig, at sasang-ayunan ako ng mga lider ko.
Kaya, habang umaasa akong magkaroon ng magagandang resulta, isang umaga, sinabi sa akin ng kapareha ko na, “Sumulat ang mga kapatid para ipaalam na hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin ayon sa mga prinsipyo. Sapilitan mong isinaayos si Sister Chen, na nakabukod pa, para gumawa ng gawain ng pagdidilig. Sa panahong ito, nagkaroon ng maraming problema si Sister Chen sa pagdidilig ng mga baguhan, pero hindi siya nagnilay o nagpakita ng kamalayan sa sarili niya. Kung titingnan ang palagian niyang pag-uugali, lubos siyang hindi angkop linangin at inirerekomenda nila na ipagpatuloy niyang ibukod ang sarili niya at magnilay.” Nang marinig ko ang sinabi ng kapareha ko, kinabahan ako. “Tapos na. Katapusan ko na! Hindi lang ito simpleng puna, isa itong pormal na ulat para ilantad ako sa hindi ko pagkilos nang ayon sa mga prinsipyo. Maraming taon na akong nananalig sa Diyos, at hindi pa ako kailanman iniulat ninuman. Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin ngayon?” No’ng oras na ‘yon, hiyang-hiya ako. Kinuha ko ang tasa ko at uminom ng ilang lagok ng tubig, sinusubukang pakalmahin ang aking sarili, pero ang puso ko’y kasingligalig ng isang dagat na binabagyo, “Kung malalaman ng mga lider ko ang nilalaman ng liham na ‘yon, sasabihin nilang hindi ko ginagawa ang tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo, at na ginagambala ko ang gawain ng iglesia. Tatanggalin ba nila ako dahil dito?” Gulong-gulo ang isip ko. Sa huli, bumagsak ako sa upuan ko na parang isang impis na bola. Nang makita ng kapareha ko ang kalagayan ko, sabi niya, “Nakakatulong para sa’tin ang masubaybayan at mailantad ng ating mga kapatid. Ngayon, dapat kang tumanggap mula sa Diyos.” Wala sa loob na nangako akong tatanggap mula sa Diyos, pero hindi ko mapakalma ang isipan ko. Hindi ako makakain o makatulog buong araw. Ang isipin kung paano nalantad ang mga katunayan ng pag-uugali ko sa sulat na ‘to ay tumagos sa puso ko. Lumuhod ako at nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Alam kong mabubuti ang layunin Mo sa pagpayag na mangyari ito sa’kin. Pakiusap gabayan Mo po ako na maunawaan ang kalooban Mo at matuto ng mga aral mula rito.”
Kalaunan, habang nagninilay at naghahanap ako, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos. “Anuman ang ginagawa nila, laging may sariling mga pakay at layunin ang mga anticristo, lagi silang kumikilos ayon sa sarili nilang plano, at ang saloobin nila sa mga pagsasaayos at gawain ng sambahayan ng Diyos ay, ‘Maaaring libu-libo ang mga plano mo, pero may isang tuntunin ako’; ganap itong tinutukoy ng likas na pagkatao ng anticristo. Maaari bang baguhin ng isang anticristo ang kanyang pag-iisip at kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? Imposible talaga iyan. … Anuman ang tungkuling gampanan niya, lagi siyang nakakapit sa iisang prinsipyo: Dapat siyang makakuha ng kaunting pakinabang. Ang klase ng gawaing pinakagusto ng mga anticristo ay kapag wala silang kailangang gastusin, kapag hindi nila kailangang magdusa o magbayad ng anumang halaga, at may pakinabang iyon sa kanilang reputasyon at katayuan. Sa kabuuan, anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi nila tunay, taos, at talagang sinusunod ang katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga prinsipyo ng katotohanan, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tuparin ang kalooban ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapapalugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang sarili nilang katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang sarili nilang reputasyon at mapagtatanto sa maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasan at diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung ang paggawa ng praktikal na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasan at diwa ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). Mula sa inihayag ng salita ng Diyos, naunawaan ko na lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para protektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Sa mga bagay na walang kinalaman sa kanilang reputasyon at katayuan, kaya nilang kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, pero kung ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan ay nagbabanta sa kanilang reputasyon at katayuan, tahasang lalabagin ng mga anticristo ang mga prinsipyo at kikilos sila nang basta-basta ayon sa sarili nilang mga ideya. Mas gugustuhin nilang mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang maprotektahan ang sarili nilang mga interes. Pinagnilayan ko kung ano ang ginawa ko mula nang maging lider ako, at nakita kong kapareho ito ng sa mga anticristo na inihayag ng salita ng Diyos. Gusto kong magpakita agad ng tagumpay para patunayan na may kakayahan ako at kaya kong gumawa ng praktikal na gawain, upang makita ng mga nakatataas ko at ng mga kapatid ko na tamang desisyon ang pagpili sa’kin bilang lider. Kaya, nang pumili at gumamit ako ng mga tao, ni hindi ko hinanap ang mga prinsipyo ng katotohanan, hindi ko inisip kung paano mabibigyang pakinabang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi ako nakinig sa payo ng iba, at pinilit kong magdesisyon nang mag-isa. Nang makita kong hindi nagsaayos si Sister Wu ng mga pulong at mga tungkulin para sa mga baguhan batay sa kanilang mga aktwal na sitwasyon, hindi ako nagtanong tungkol sa kalagayan at mga suliranin niya o nakipagtulungan sa kanya na mahanap ang ugat ng mga problema at makapasok sa mga prinsipyo para maiwasan niyang maulit ang mga pagkakamali. Inisip ko na wala siyang resulta sa kanyang tungkulin, na makakasira sa reputasyon at katayuan ko, kaya di-makatarungan ko siyang binansagan, ibinukod, at ginustong tanggalin. Para protektahan ang reputasyon at katayuan ko, binalewala ko ang mga prinsipyo at payo ng mga katrabaho ko at sapilitang inalis si Sister Wu. Gayunpaman, wala akong pagmamahal o pasensya para sa kanya. Alam kong nahihirapan siya sa pagtupad sa tungkulin niya, pero hindi ako nagbahagi para tulungan siya, diretso ko lang siyang tinanggal. Para akong isang walang pusong mamamatay-tao. Talagang hindi ako makatao! Pagkatapos ko siyang tanggalin, hindi nagawa ng bagong sister na pinili ko ang gawain, na direktang nakaapekto sa gawain ng pagdidilig. Gayunpaman, hindi ko alam pa’no magnilay sa sarili, at patuloy kong itinaas ang ranggo ng isang taong nakagulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos pero sinabi kong ito ay paglilinang ng talento at pagpapabuti ng gawain ng pagdidilig. Baluktot ko pa ngang inunawa ang mga bagay-bagay at wala sa katwirang sinabi na kailangan namin siyang bigyan ng pagkakataon na magsisi. Iwinasto ko ang diyakono ng pagdidilig dahil sa bulag na pagsunod sa mga panuntunan, kaya natakot siyang pabulaanan ako. Ang naging resulta ay hindi talaga angkop si Sister Chen at napinsala niya ang gawain ng pagdidilig. Nakita ko na para lang sa kapakanan ng sarili kong reputasyon at katayuan, nagagawa kong magpadalus-dalos sa tungkulin ko, balewalain ang mga prinsipyo at mga paalala ng iba, at kahit na naiulat at nalantad na, ang inaalala ko ay kung anong iisipin sa’kin ng mga lider. Hindi ko pinagnilayan ang mga dahilan ng mga kabiguan ko, nagmamatigas kong pinrotektahan ang reputasyon at katayuan ko, at mas gusto ko pang hayaang maapektuhan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang mga sarili kong interes. Ang ipinakita ko ay ang disposisyon ng isang anticristo!
Kalaunan, sa aking paghahanap, nabasa ko sa salita ng Diyos, “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang mithiing hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang sundin o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng katanyagan at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanilang mga kilos, o nakakatulong ba sila upang maisulong ito? Malinaw na hadlang sila; hindi nila ito napapasulong. Ang ilang tao ay nagsusulong ng paggawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang katanyagan at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagampanan ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa totoo lang, ay nakakagambala, nakakaantala, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng katayuan at katanyagan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang pagpasok nila sa buhay, pinipigilan sila nitong pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay pagbuwag, paggambala at pagpinsala” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi)). Matapos basahin ang salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag hinahangad natin ang pansariling reputasyon at katayuan pero sinasabi nating ito ay paggawa ng ating tungkulin, ang diwa nito ay ang kumilos bilang mga lingkod ni Satanas at gambalain ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ibinunyag ng salita ng Diyos ang diwa ng mga kilos ko. Itinaas ako ng Diyos na maging isang lider dahil umaasa Siya na isasaalang-alang ko ang Kanyang kalooban, didiligan nang mabuti ang mga kapatid ko, lulutasin ang kanilang mga paghihirap at problema sa pagpasok sa buhay, at itataguyod at sasanayin ang mga angkop na tao para magawa ang iba’t ibang gawain ng iglesia at titiyaking nagpapatuloy nang normal ang gawain ng iglesia. Pero hindi ko isinaalang-alang ang kalooban at mga hinihingi ng Diyos, at hindi ko tinupad ang mga responsibilidad ko bilang lider. Nang pumili at gumamit ako ng mga tao, sariling mga interes ko lang ang inisip ko. Ang resulta, hindi lamang ako nabigong suportahan ang mga baguhan, nahadlangan ko pa ang gawain ng pagdidilig, na naging dahilan ng pag-atras ng mga baguhan. Paano ko ginagampanan ang tungkulin ko? Ginagambala ko ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at gumagawa ako ng masama! Kahit sa ganito, wala akong kamalayan. Masyado akong makasarili at napakamanhid. Naisip ko ang mga anticristo at masasamang tao na itiniwalag sa iglesia. Palagi silang nagbabalak para sa sarili nilang kapakanan, hindi nila pinansin ang mga prinsipyo ng katotohanan para mapanatili ang kanilang reputasyon at katayuan, ginawa nila ang kanilang mga tungkulin nang basta-basta at malupit, seryosong ginulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa huli, dahil sa marami nilang masasamang gawa, kinapootan at inalis sila ng Diyos. Walang pagkakaiba sa diwa ang ginawa ko at ang mga ginawa ng mga anticristong ‘to! Nang malaman ko ‘to, pinagpawisan ako nang malamig, at nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, naging pabaya ako sa tungkulin ko. Hinangad ko ang katanyagan, katayuan, at mabilisang tagumpay, at tinahak ko ang maling landas. O Diyos, nais ko pong magsisi sa Iyo. Pakiusap, akayin at gabayan Mo po ako.”
Kalaunan, sa pamamagitan ng pagninilay at paghahanap, napagtanto ko na upang maging epektibo sa tungkulin natin, dapat tayong magkaroon ng mga tamang intensyon, tumuon sa paghahanap ng katotohanan, at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Saka lamang natin matatanggap ang patnubay ng Diyos, at patuloy na mapabubuti ang ating mga resulta. Naisip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos. “Kapag tumatanggap ang mga tao ng atas mula sa Diyos, dapat muna nilang maunawaan ang kalooban ng Diyos upang magampanan ang kanilang mga tungkulin at makumpleto ang kanilang mga misyon. Dapat mong malaman na ang atas na ito ay nagmula sa Diyos; ito ang Kanyang kalooban, at dapat mong tanggapin ito, isaisip mo ito, at, ang mas mahalaga pa, magpasakop dito. Bukod pa riyan, dapat kang maghanap ng mga sagot kung aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan, kung aling mga prinsipyo ang dapat mong sundin, at kung paano ka dapat magsagawa upang maging kapaki-pakinabang sa mga taong hinirang ng Diyos at sa gawain ng sambahayan ng Diyos kapag ginagampanan mo ang tungkuling ito. Ito dapat ang mga prinsipyo kung paano ka nagsasagawa. Kapag nauunawaan mo na ang kalooban ng Diyos, hindi ka dapat mag-aksaya ng oras at hanapin at pagsikapang maunawaan ang mga katotohanan sa pagganap sa ganitong klaseng tungkulin; at kapag nauunawaan mo na ang mga katotohanang ito, dapat mong tukuyin ang mga prinsipyo at landas para maisagawa ang mga ito. Ano ang tinutukoy ng ‘mga prinsipyo’? Sa partikular, ang mga prinsipyo ay tumutukoy sa mga bagay na dapat sundin para makamtan ang mga pamantayan at epekto ng pagsasagawa ng katotohanan; para maisagawa ang katotohanan, dapat maintindihan ng mga tao ang prinsipyo—ang prinsipyo ang pinakamahalagang bagay, at ang pinakabatayan. Kapag naunawaan mo na ang mga pangunahing prinsipyo ng pagsasagawa ng iyong tungkulin, patunay ito na naunawaan mo na ang mga pamantayang kailangan para sa pagganap sa tungkuling ito; at ang pagkaunawa sa prinsipyo ay katumbas ng pagkakaroon ng kakayahang isagawa ang katotohanan. Kaya sa anong pundasyon nakabatay ang kakayahang ito na isagawa ang katotohanan? Sa pagkaunawa sa kalooban ng Diyos at pagkaunawa sa katotohanan. Maituturing na bang pagkaunawa sa katotohanan ang pagkakaroon lang ng kamalayan sa hinihingi ng Diyos? Hindi—kaya anong pamantayan ang kailangan para maituring na pagkaunawa sa katotohanan? Dapat mong maunawaan kung ano ang kabuluhan at kahalagahan ng pagganap sa iyong tungkulin; ang maunawaan ang dalawang bagay na ito ay ang maunawaan ang katotohanan ng pagganap sa iyong tungkulin. Bukod pa riyan, kapag nauunawaan mo na ang katotohanan, dapat mong maintindihan ang mga prinsipyo ng pagganap sa iyong tungkulin, at ang landas ng pagsasagawa. Kung kaya mong maunawaan at magamit ang mga prinsipyo sa pagganap sa tungkuling ito, at kaya mo ring gumamit ng karunungan kapag kailangan, garantisadong magiging epektibo ka sa pagganap sa tungkuling ito; at kapag naiintindihan mo ang prinsipyo at ginagawa mo ang mga bagay ayon sa prinsipyo, ituturing itong pagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi ito nababahiran ng mga ideya ng tao, at isinasagawa nang may ganap na pagsunod sa mga kinakailangan ng Diyos at ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at lubos na naaayon sa mga salita ng Diyos, kung gayon ay ganap na pasado sa pamantayan ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at kahit maaaring may kaunting pagkakaiba sa pagitan ng iyong pagiging epektibo at sa hinihingi ng Diyos, ituturing pa rin itong tumutugon sa mga kinakailangan ng Diyos. Kung lubos na naaayon sa prinsipyo ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at nagampanan mo ito nang may katapatan, kung ibinigay mo ang lahat ng pagsisikap mo roon, kung gayon ganap na umaayon sa kalooban ng Diyos ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at nagampanan mo ang tungkulin ng isang nilikha ng Diyos nang buong puso mo, buong isipan mo, at buong lakas mo—na siyang epektong nakakamtan sa pagsasagawa ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Upang tanggapin ang atas ng Diyos, kailangan muna nating hanapin ang kalooban ng Diyos, hanapin ang mga prinsipyo ng tungkuling papasukan natin, unawain ang katotohanan, sundin ang Diyos, at mahigpit na sundin ang mga prinsipyo ng katotohanan sa tungkulin natin. Isa pa, kapag ginagawa ang tungkulin natin, dapat nating isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, madalas na suriin ang ating sarili, at hindi magpakana para sa pansariling pakinabang. Nababawasan nito ang karumihan ng sarili nating mga ideya, at ang mga pagkakamaling nagagawa natin sa mga tungkulin natin. Naisip ko kung paano ako kumilos para lang sa sarili kong mga ambisyon at hangarin sa aking tungkulin, bihira kong hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan, at kahit na may kaunti akong alam, hindi ako sumunod. Sa pagpili ng mga tagapagdilig, ang mga pangunahing katangiang kailangan ay ang magbahagi sa katotohanan nang malinaw, magkaroon ng pasensya, at maging responsable. Responsable si Sister Wu sa tungkulin niya, at mapagmahal at matiyaga sa mga baguhan. Anuman ang mga kalagayan o suliranin ng mga baguhan, aktibo siyang nakakapagbahagi at nakalulutas ng mga problema, naunawaan din niya ang ilan sa mga prinsipyo ng pagdidilig sa mga baguhan. Noon, naging epektibo siya sa tungkulin niya, at ngayon lang siya nagkamali dahil sa mga suliranin na hindi niya maasikaso. Sa ganitong sitwasyon, dapat kaming mag-alok ng pagbabahagi at tumulong nang may pagmamahal, o iwasto, tabasan, ilantad, at pagsabihan siya, hindi ‘yung basta-basta na lang siyang tanggalin. ‘Tsaka, nang makita kong mukhang masigasig at palakaibigan si Sister Chen, naisip kong angkop siyang linangin, pero ngayon natanto ko na hindi ito naaayon sa mga prinsipyo. Ang mga taong may masamang pagkatao na gumagawa ng masama at gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi dapat linangin. Matindi ang pagnanais ni Sister Chen para sa pangalan at katayuan, at madalas siyang makipaglaban noon para sa mga ito, ginulo niya ang gawain ng iglesia. Matapos tanggalin at ibukod, hindi siya kailanman nagpakita ng anumang tunay na pagkaunawa sa kanyang mga nakaraang paglabag. Maling landas pa rin ang tinahak niya sa kanyang tungkulin, at anumang oras ay pwede siyang makagawa ng mga bagay na makagugulo sa gawain ng iglesia. Ang ganitong mga tao ay hindi pwedeng maging target para sa mahalagang paglilinang. Nakita kong hindi ko naunawaan ang mga prinsipyo ng pagtanggal at paggamit ng mga tao, kaya ginawa ko ang mga bagay-bagay nang may ambisyon at pagnanais, na nakagambala at nakahadlang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at na nakapipinsala at nakakasira din kay Sister Chen. Nang matanto ko ang mga bagay na ito, nagpasalamat ako sa Diyos sa pagsasaayos sa mga kapatid na sumulat ng liham upang iulat at ilantad ako, na pumigil sa akin na tahakin ang aking masamang landas.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos. “Sa sambahayan ng Diyos, anuman ang ginagawa mo, hindi ka nagtatrabaho sa sarili mong proyekto; ito ay gawain ng sambahayan ng Diyos, ito ay gawain ng Diyos. Dapat palagi mong isaisip ang kaalaman at kabatirang ito at sabihin, ‘Hindi ko ito sariling gawain; ginagawa ko ang aking tungkulin at ginagampanan ko ang aking responsibilidad. Ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Ito ay gampaning ipinagkatiwala ng Diyos sa akin at ginagawa ko ito para sa Kanya. Tungkulin ko ito, hindi ko sariling pribadong gawain.’ Ito ang unang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kung tinatrato mo ang isang tungkulin bilang sarili mong personal na gawain, at hindi hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan kapag kumikilos ka, at isinasakatuparan ito nang ayon sa sarili mong mga motibo, pananaw, at binabalak, malamang na magkakamali ka. Kaya paano ka ba dapat kumilos kung nililinaw mong mabuti ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong tungkulin at ng sarili mong mga personal na gawain, at batid mo na ito ay isang tungkulin? (Hanapin kung ano ang hinihingi ng Diyos, at hanapin ang mga prinsipyo). Tama iyon. Kung may mangyari sa iyo at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at may ideya ka kahit papaano pero hindi pa rin malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, dapat humanap ka ng isang kapatid na nakakaunawa sa katotohanan na makakabahaginan mo; ganito ang paghahanap sa katotohanan, at bago ang lahat, ito ang saloobing dapat mayroon ka sa iyong tungkulin. Hindi mo dapat pagdesisyunan ang mga bagay-bagay batay sa kung ano ang iniisip mong angkop, at pagkatapos ay pagpasyahan na lang ito at sabihing ayos na—siguradong problema lang ang kahahantungan nito. Ang isang tungkulin ay hindi sarili mong personal na gawain; malaki man o maliit, ang mga usapin ng sambahayan ng Diyos ay hindi personal na gawain ng sinuman. Hangga’t may kaugnayan ito sa tungkulin, hindi mo ito pribadong usapin, hindi mo ito personal na gawain—may kinalaman dito ang katotohanan, at may kinalaman dito ang prinsipyo. Kaya ano ang unang bagay na dapat ninyong gawin? Dapat ninyong hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga prinsipyo. At kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, dapat muna ninyong hanapin ang mga prinsipyo; kung nauunawaan na ninyo ang katotohanan, magiging madali ang pagtukoy sa mga prinsipyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Binigyan ako ng salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Ang mga tungkulin ay mga atas mula sa Diyos, hindi mga personal na gawain, kaya hindi natin pwedeng gawin ang mga ‘to sa kahit anong paraang gusto natin para mapalugod ang ating mga personal na interes. Sa lahat ng bagay, dapat nating hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan at magsagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan, dapat kang makipagbahaginan at mas maghanap pa kasama ang iba. Kahit anong isipin ng iba, ang kailangan mo lang gawin ay tanggapin ang pagsusuri ng Diyos at gawin ang iyong makakaya. Kahit pa minsan ay may mga pagkakamali sa gawain mo, at hindi ka agad nagkakamit ng magagandang resulta, kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay sa harap ng Diyos, at hindi para makita ng iba, tinatahak mo ang tamang landas, at gagabayan at pagpapalain ka ng Diyos. Kalaunan, nagtapat ako tungkol sa sarili ko sa mga kapatid, inilantad ko kung paano ko ginawa ang tungkulin ko para sa reputasyon at katayuan, ang pagnanais ko ng mabilisang tagumpay, ang mga paglabag ko sa prinsipyo sa paggamit ng mga tao, pati na rin ang pagkilos ko nang padalus-dalos at paggamit ng posisyon ko para iwasto at pagsabihan ang iba, na nakapinsala sa kanila. Taimtim akong humingi ng tawad sa kanila at hiniling ko sa kanila na mas subaybayan pa ako. No’ng magsagawa ako nang ganito, hindi ako hinamak ng mga kapatid ko, pinalakas nila ang loob ko, at sinabing pwede naming pangasiwaan ang isa’t isa at magtulungan upang magampanan nang maayos ang aming mga tungkulin.
Hindi nagtagal, may iba pang nangyari. Pansamantalang hindi nagawa ng diyakono ng ebanghelyo ang kanyang tungkulin dahil sa paghahadlang ng pamilya niya. Pagkatapos kong marinig ang balita, medyo nabalisa ako. Naisip ko, “Ngayon, ginagawa ng bawat iglesia ang lahat ng makakaya nito para ipangaral ang ebanghelyo, kaya sa puntong ito, kung hindi magagampanan ng diyakono ng ebanghelyo ang kanyang tungkulin, labis itong makakaapekto sa gawain namin! Kung hindi ko siya papalitan sa oras, hindi bubuti ang mga resulta namin. Tiyak na iisipin ng mga nakatataas ko na wala akong kakayahan at hindi ako angkop para sa trabahong ito.” Kaya, tinalakay ko sa kapareha ko kung ililipat ba ang diyakono ng ebanghelyo at maghahanap ng ipapalit sa kanya. Sabi ng kapareha ko, “Ang diyakono ng ebanghelyo ay palaging naging responsable at siya ay isang manggagawang may kakayahan, at ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo ay naging mabuti. Kung ililipat mo siya dahil lamang sa panandaliang kawalan ng abilidad na harapin ang paghadlang ng pamilya, lalabagin no’n ang mga prinsipyo.” Mangangatwiran na sana ako nang maisip ko kaagad kung pa’no ko sapilitang pinalitan si Sister Wu. Hindi ba’t kumikilos ako para protektahan na naman ang reputasyon ko at katayuan? Pinaalalahanan ako ng kapareha ko na dapat kong gampanan ang aking tungkulin ayon sa mga prinsipyo. Muntik na akong makagawa ng isa pang malaking pagkakamali. Habang nagpapasalamat ako sa Diyos sa aking puso, sinabi ko sa kapareha ko, “Mali ang mga intensyon ko. Ililipat ko siya nang walang prinsipyo para maprotektahan ang reputasyon ko. Totoong responsable nga siya, at isang tamang tao. Kung hindi niya magagawa ang kanyang gawain sa ngayon, tayo na muna ang mag-aasikaso no’n at gagawa ng gawain ng ebanghelyo. Alamin din natin ang higit pa tungkol sa sitwasyon niya at subukan nating suportahan at tulungan siya.” Matapos akong marinig, tumango ang kapareha ko bilang pagsang-ayon, at gumaan ang pakiramdam ko sa pagsasagawa nang ganito.
Ngayon, kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, madalas kong tinatanong ang sarili ko, “Nagampanan ko ba ang tungkulin ko ngayon ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? Gumawa ba ako ng mga bagay-bagay nang may tiwaling disposisyon sa mga pakikipag-ugnayan ko sa mga tao?” Kung nakagawa ako ng isang bagay na hindi naaayon sa mga prinsipyo at sa kalooban ng Diyos, nagdarasal ako sa Diyos para matulungan akong baguhin ito. Nang magsagawa ako nang ganito, nakita ko ang mga pagpapala ng Diyos, bumuti nang kaunti ang gawain ng iglesia, at aktibong nagampanan ng mga kapatid ko ang kanilang mga tungkulin. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.