Nakapagpasasa Ako sa Buhay na Tubig ng Buhay

Pebrero 4, 2021

Ni Yangwang, South Korea

Nakapagpasasa Ako sa Buhay na Tubig ng Buhay

Nagmula pa sa tatlong henerasyon ang pananampalataya ng pamilya ko. Nagsimula akong dumalo sa iglesia bilang isang bata. Paglaki ko, naglingkod ako sa iglesia gaya ng pagiging isang diyakono at accountant. Masigasig akong naglingkod sa Panginoon. Pero sa paglipas ng panahon nakita kong mas lalo nang nagiging mapanglaw ang iglesia at mga lumang paksa na walang liwanag ang ipinapangaral ng mga pastor at elder. Hindi nila malutas ang tunay naming mga problema. Palaging pinag-uusapan ang gawain nila para sa Panginoon, ipinagyayabang kung ga’no karami ang paghihirap nila at ang halaga ng ibinayad nila. Nagsawa na ‘ko sa pakikinig. At sa bawat paglilingkod tuwing Linggo nakikita ko ang pastor na nagdarasal para sa mga tao ayon sa inihandang mga iskrip at parang hindi ‘yon sinsero sa akin. Ang tunay na panalangin ay pakikipag-usap dapat sa Panginoon mula sa puso, kahit pa ilang salita lang ito. Dahil ‘yon sa sinabi ng Panginoon, “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa Kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu’t sa katotohanan(Juan 4:24). Ang pagbigkas lang ng panalangin na isinulat na’y hindi tunay na panalangin at tiyak na ‘di sila nakakapagdala ng kagalakan sa Panginoon. Nang pinupuno ng mga pinuno ng iglesia ang mga posisyon ng diakono, hindi sila pumili ng mga tao na may magandang ugali, matapat, ‘di sakim, at nagsasagawa ng moderasyon gaya ng nasa Biblia (tingnan ang 1 Timoteo 3:1–11). Sa halip, humirang sila ng mga taong may kasigasigang nag-aambag ng mas malaki. Ang pag-uugali ng mga lider ng iglesia ay salungat sa mga aral ng Panginoon; pinamunuan nila ang kongregasyong ganap na alinsunod sa personal nilang doktrina. Wala akong nakitang patnubay mula sa Diyos sa loob ng gano’ng uri ng iglesia, ‘di ko naramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, o nagkamit ng anumang panustos para sa buhay ko. Yung ibang mga miyembro ng iglesia ay nananamlay ang pananampalataya. Sinubukan ng pastor na mag-isip ng mga paraan para muling buhayin ang iglesia gaya ng pag-oorganisa ng mga day trip para sa mga mananampalataya, pero pansamantala lang ang katuwaang iyon, tapos ‘di magtatagal, malungkot na naman ang lahat. Talagang dismayado ako sa iglesia at naramdaman kong wala akong makakamit na anuman sa pagsamba sa Diyos sa isang lugar na gaya no’n. Nagdesisyon akong iwan ang iglesia noong Mayo ng 2013.

Matapos ‘yon, sa paghahanap ng iglesia na naaayon sa mga aral ng Panginoon at magbibigay sa buhay ko, nakinig ako online sa mga sermon ng mga sikat na pastor sa bansa natin at sa ibang bansa. Nakipag-ugnayan din ako sa isang mangangaral sa dati kong iglesia na nagsimula ng sariling iglesia matapos magtapos sa divinity school. Nakinig ako sa mga sermon online at nakipagtipon kasama niya, pero walang kahit kaninong sermon ang naging kasiya-siya at nakakapagbigay-lakas sa akin. Matapos ang tatlong buwan nakipag-ugnayan ako sa isa pang iglesia. Naramdaman kong naaayon sa Biblia ang mga aral nila, kaya nagsimula akong dumalo sa mga aktibidad nila. Pero matapos ang ilang panahon natuklasan kong sa simula at katapusan ng bawat paglilingkod, palagi silang nananalangin sa ibang lengguwahe, at ang pagsasalita daw sa ibang lengguwahe ay ang tanging ebidensya ng gawain ng Banal na Espiritu at pagkakaligtas. Pero hindi ako sumang-ayon, dahil sinasabi sa Biblia, sa Galacia 5:22–23, “Datapuwa’t ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, pagpipigil.” Ang pagkaunawa ko sa kasulatan ay ang pag-unawa sa mga salita ng Panginoon at pag-aani ng siyam na bunga ng Banal na Espiritu sa ‘yong buhay ay patunay ng pagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu. At sa mga paglilingkod, palaging paulit-ulit na ipinapangaral ng mga pastor ang parehong lumang mga bagay na walang anumang bagong liwanag. Nakakatulog ang karamihan sa kongregasyon sa oras ng sermon. Dumalo lang sila bilang isang pormalidad. Karamihan sa mga tao ay nasa malungkot na kalagayan. Hindi ko makita ang galak na dapat meron ang mga tao sa pagsamba sa Panginoon. Habang isinasagawa ang mga paglilingkod sa gano’ng walang ingat na pamamaraan, naisip ko, “Magagalak kaya ang Panginoong nakikita ang taong gumagawa nang walang kasigasigan? Talaga bang kasama namin ang Panginoon sa oras ng paglilingkod?” Tapos ay naisip ko ito mula sa Pahayag: “At sa anghel ng iglesia sa Laodicea ay isulat mo…. Nalalaman Ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig o mainit man: ibig Ko sanang ikaw ay malamig o mainit. Kaya sapagka’t ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita sa Aking bibig(Pahayag 3:14–16). Hindi ba pareho ang kalagayan ng iglesiang ito at ng iglesia ng mga taga-Laodicea? Hindi rin matugunan ng iglesiang ito ang mga espirituwal na pangangailangan ko, at naramdaman kong hungkag ako at walang magawa. Nakita kong bawat isa sa mga iglesia na pinagdaanan ko ay pare-pareho lang. Lahat ay kumakapit sa mga alituntunin at sinusunod ang mga pormalidad sa mga paglilingkod, pero hindi ko maramdaman ang gawain o patnubay ng Banal na Espiritu. Masasabi kong talagang naghirap ako. Ang pag-asa ko lang nung panahong ‘yon ay malapit nang dumating ang Panginoon, para Siya’y magpastol sa atin. Madalas akong magdasal sa Panginoon: “O Panginoon! Kailan Ka ba babalik?”

Nagsimula akong mas taimtim na umasa sa pagbabalik ng Panginoon at humanap ng iglesia na makakapagbigay ng panustos sa buhay ko. Nagsimula akong palaging maghanap online. Sa bawat pagkakataon, nagsaliksik ako ng mga kataga gaya ng “tinig ng Diyos” at “mga yapak ng Diyos” na tumutukoy sa pagpapakita ng Diyos. Nung umaga ng Enero 27, 2016, naghanap ako ng impormasyon online tungkol sa pagbabalik ng Panginoon. May nakita akong isang video at narinig ko ang mga salitang pumukaw sa puso ko. “Nagkakahugis ang Aking kaharian sa ibabaw ng buong sansinukob, at sinasakop ng Aking luklukan ang puso ng milyun-milyong tao. Sa tulong ng mga anghel, malapit nang magtagumpay ang Aking dakilang gawain. Sabik na hinihintay ng lahat ng Aking mga anak at Aking mga tao ang Aking pagbalik, inaasam na muli nila Akong makasama, upang hindi na muling magkahiwalay kailanman. Paanong hindi mag-uunahan ang napakaraming tao ng Aking kaharian patungo sa isa’t isa sa masayang pagdiriwang dahil makakasama nila Akong muli? Isa kaya itong muling pagsasama na hindi kailangang tumbasan ng anumang halaga? Ako ay marangal sa mga mata ng lahat ng tao, ipinahahayag Ako sa mga salita ng lahat. Bukod pa riyan, sa Aking pagbalik, lulupigin Ko ang lahat ng puwersa ng kaaway(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 27). Kahit hindi ko maunawaan ang lahat ng nandoon, nang marinig ko na “Nagkakahugis ang Aking kaharian sa ibabaw ng buong sansinukob, at sinasakop ng Aking luklukan ang puso ng milyun-milyong tao.” at “Bukod pa riyan, sa Aking pagbalik, lulupigin Ko ang lahat ng puwersa ng kaaway.” talagang naramdaman ko na kapani-paniwala at makapangyarihan ang bawat salita, at ang mga ‘yon ay ‘di mabibigkas ng sinuman. Agad-agad akong naupo nang diretso at nakinig, lubos na nawili. Tapos ay narinig ko ito sa video: “Dumating na ang panahon! Pakikilusin Ko ang Aking gawain, mamamahala Ako bilang Hari sa mga tao! Pabalik na Ako! At paalis na Ako! Ito ang inaasam ng lahat, ito ang kanilang nais. Ipamamalas Ko sa buong sangkatauhan ang pagsapit ng Aking araw, at sasalubungin nilang lahat ang pagdating ng Aking araw nang may kagalakan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 27). Habang lalo akong nakikinig, lalo kong nadaramang napakamakapangyarihan ng mga salitang ito. At naisip ko, “Saan kaya nanggaling ang mga salitang ito?” Sa katapusan ng video nakita ko ang tekstong ito: “Hinango mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao.” Agad kong tinawagan ang dalawang Kristiyanong tindahan ng libro para malaman kung meron sila ng librong ‘yon, pero pareho nilang sinabi na wala. Nakakaramdam na ‘ko ng pagkadismaya, pero sa oras na ‘yon nakita kong may contact number sa katapusan ng video, na agad ko namang tinawagan. Isang sister ang sumagot ng telepono, at nalaman ko sa pag-uusap namin na hindi ‘yon isang libro na mabibili gamit ang pera. Naramdaman kong napakahalaga ng mga salitang narinig ko, kaya sinabi ko sa kanya na kailangan kong mabasa ang librong ito! Pagkatapos nagtakda kami ng oras para magkita.

Nung Pebrero 5, 2016, pumunta sa bahay ko sina Sister Wang at Sister Jin. Sinabi ko ang tungkol sa sitwasyon sa mga iglesia nitong mga nakaraang taon at kung paanong naghahanap ako ng iglesia na nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu at makakapagdala ng panustos sa buhay ko. Tinanong nila ako, “Ano’ng masasabi mo sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos?” Sabi ko, “Talagang kapani-paniwala at makapangyarihan ‘yon, gaya ng bagay na ‘di mabibigkas ng sinuman. Parang tinig ‘yon ng Diyos.” Sumagot si Sister Wang, “Ang mga salitang ito ang tinig ng Diyos. Mga salita ito na binigkas ng nagbalik na Panginoong Jesus—ang Makapangyarihang Diyos sa katawang-tao. Ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang paghatol simula sa bahay ng Diyos sa mga huling araw ipinapahayag Niya ang lahat ng katotohanan na nagdadalisay at nagliligtas sa tao. Ibinubunyag Niya ang hiwaga ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos para iligtas ang tao hiwaga ng pagkakatawang-tao’t ang tunay na kuwento sa likod ng Biblia, paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, paano makakalaya ang mga tao sa kasalanan at malinis ng Diyos, ano ang kalalabasan ng sangkatauhan, paano dapat maghanap ang mga tao para maligtas sila at makapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinabahagi sa atin ng Diyos ang lahat ng misteryo’t katotohanang ito. Tinutupad nito ang propesiya ng Panginoong Jesus: ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang Sarili; kundi ang anumang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). Ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao’y naglalaman ng mga pahayag ng Diyos Mismo sa mga huling araw. Ito’ng tubig ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos, ang daan ng buhay na walang hanggan. Kailangan nating sundin ang mga yapak ng Kordero’t kamtin ang mga salitang ipinahayag ng Diyos para magkamit ng panustos para sa buhay. Tapos ay mapapakain at madidiligan ang mga espiritu nating tigang.” Namangha ako nang marinig kong sinabi niya ito. Naisip ko, “Talagang nagbalik na ang Panginoon? Ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus na inaasam ko?” Kahit alam kong magbabalik ang Panginoong Jesus, hindi ko nagawang ganap na tanggapin ang Makapangyarihang Diyos na sinaksihan nila. Pero naisip ko ang mga Fariseo na palaging naghihintay sa pagdating ng Mesias, pero nang dumating ang Panginoong Jesus para gumawa, tumanggi silang kilalanin Siya. Matigas silang kumapit sa sariling pagkaunawa, hibang na nilalapastangan ang Panginoong Jesus at humantong sa pagpapapako sa Kanya sa krus. Nagkasala sila sa disposisyon ng Diyos at pinarusahan ng Diyos. Maraming beses ko nang binalaan ang sarili ko na huwag maging gaya ng mga Fariseo pagbalik ng Panginoong Jesus. Naisip ko rin ang mga propetang sina Simeon at Anna. Palagi ko silang hinahangaan at ginusto kong makilala ang Panginoong Jesus pagbalik Niya, ‘gaya ng ginawa nila. Ngayong nakarinig ako tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, paanong ‘di ko ‘yon sisiyasatin? Tapos ay binigyan ako ng mga sister ng kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Sinabi rin nila na bawat salita ro’n ay nagmula sa bibig ng Diyos at dapat ay maingat ko ‘yong basahin.

Sinimulan kong basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos matapos ‘yon, at pagkakaro’n ng mga online na pagtitipon mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Isang araw, nabasa ko ito mula sa Makapangyarihang Diyos: “Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa paniniwala na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, pinalulugod ang kalooban ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na ‘pananampalataya sa Diyos’(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Nagsabi ako ng “Amen” sa puso ko, at inalala’ng sarili kong mga karanasan sa aking paniniwala. Naging kampante ako sa biyaya ng pagtubos ng Panginoong Jesus, inakalang ang mga pagtitipon, pagbabasa ng Biblia, at paggawa para sa Panginoon ay pagkakaroon ng pananalig. Hindi ko talaga naunawaan ang tunay na kahulugan ng pananalig. Talagang nakapagpaliwanag sa’kin ang pagbasa sa mga salitang iyon—Nangangailangan ang pananalig ng pagdanas ng gawain at mga salita ng Diyos para mabago’ng ating tiwaling disposisyon, para makamit ang katotohana’t makilala ang Diyos. Ito ang pagkakaroon ng pananalig sa Diyos. Itong maiiksing salita lang ang lubos na nagpaliwanag ng tunay na kahulugan ng pananalig at nagpakita sa ‘kin ng landas kung paano maniwala sa Diyos. Ang Diyos lang ang makakabigkas ng gano’ng mga salita. Kalaunan nabasa ko ang ilang salita ng Makapangyarihang Diyos na naglalantad ng katotohanan ng katiwalian ng tao. Tama. Halimbawa, ibinubunyag Niya na gumagawa tayo hindi dahil gusto nating mapalugod ang Diyos, kundi na makakuha ng mga biyaya ng kaharian ng Diyos bilang kapalit, Ibinubunyag Niya ang ating kapalaluan, at ang ating kawalan ng takot sa Diyos. Sa sandaling ‘di naaayon ang gawain Niya sa ‘ting pagkaunawa, di-makatwiran nating hinahatulan at kinokondena ‘yon. Gaya ng sinasabi sa Mga Hebreo 4:12, “Sapagka’t ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pag-iisip at mga haka ng puso.” Mas lalo kong naramdaman na ang mga ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay tunay na mga salita ng Diyos, dahil ang Diyos lang ang kayang sumuri sa kailaliman ng puso ng tao, sumiyasat sa ating mga isipa’t ideya, at alamin ang ating iniisip, at ang Diyos lang ang sumuri nang wasto sa katotohanan ng ating katiwalian. Binuksan ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang mga hiwaga sa mga sipi sa Biblia na hindi ko naunawaan dati, gaya ng kahulugan ng “pagdadala”, ano ang tubig ng ilog ng buhay, ano ang Bagong Herusalem, ano ang matatalino at mga hangal na birhen, ang pagbubukas ng aklat at ng pitong tatak nito, at marami pa. Talagang binuksan nito ang mga mata ko—lubos akong nakumbinsi. Walang makakapaglantad sa mga hiwagang ito ng Biblia. Ang Diyos Mismo lang ang tanging makakagawa nito. Habang nagbabasa ako ng mga salita Niya, mas naalagaan ang espirituwal ko. Para ‘yong masarap na ulan matapos ang isang mahabang tagtuyot, binubusog at dinidiligan ang buhay ko. Natiyak kong mga salita ito ng Banal na Espiritu at ang Diyos na nagsasalita sa sangkatauhan, na ang Makapangyarihang Diyos talaga ang nagbalik na Panginoong Jesus. Dinanas ko ang kahulugan sa sinabi ng Panginoong Jesus, “Datapuwa’t ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y Aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailanman; ang isang balon ng tubig ay magiging sa kanya na bubukal sa buhay na walang hanggan(Juan 4:14). Tanging ang Cristo ng mga huling araw ang may bukal ng buhay na tubig, at ngayon nahanap ko rin sa wakas ang pinagmumulan ng bukal ng buhay na ito.

Sa pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at pagtitipon at pagbabahagi kasama ang mga kapatid naunawaan ko ang diwa at mga sanhi ng kapanglawan ng mundo ng relihiyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila pupurihin. Sa ngayon, lahat niyaong sumusunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga salita ng Diyos ngayon ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi pupurihin ng Diyos. Ang paglilingkod na hiwalay sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga kuru-kuro, at imposible itong maging alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong kuru-kuro, wala silang magagawang anuman na akma sa kalooban ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang mga guni-guni at mga kuru-kuro, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). “Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga kinakailangan sa tao. Lahat niyaong nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at yaong mga wala sa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, at nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. … Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at paninisi ng Banal na Espiritu ay hindi para sa kanila. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang mga isipan, at ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa doktrinang bunga ng paghihimay at pananaliksik ng kanilang sariling mga utak. Hindi ito ang hinihingi ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at, higit sa lahat, salat sa mga pagpapala at pag-iingat ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay nakaayon sa mga nakalipas na mga kinakailangan ng gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay doktrina, hindi katotohanan. Ang gayong doktrina at alituntunin ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang mga hinirang, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nilang lahat na magkakasama ay matatawag lamang na maringal na kongreso ng relihiyon, at hindi matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Matapos basahin ito, napagtanto ko na dahil ang luma kong iglesia at ang iba’t ibang mga sekta na pinanggalingan ko ay hindi makasabay sa bagong gawain ng Diyos, napag-iwanan sila sa gawain at naging mga lugar ng relihiyon, at hindi na mga iglesia ng Diyos. Nagpaliwanag lang ng mga kaalaman sa Biblia at doktrina ang pastor, laging nagtataas at sumasaksi sa sarili nila, ipinagyayabang kung gaano sila naghirap at tumalikod. Hindi sila dumakila o sumaksi sa Diyos at hindi pinamunuan ang iba na isagawa ang mga salita Niya. Ang ilan sa kanila’y nagbigay ng mga posisyon sa iglesia batay sa paboritismo, at nagsabing ang mga taong nagsasalita sa iba’t ibang lengguwahe ay puspos ng Banal na Espiritu. Naisip nila ang mga bagay na ito batay sa sarili nilang pag-iisip, mga pagkaunawa at mga haka-haka. Sa pamumuno sa mga iglesia nila, lumayo ang mga lider sa mga aral ng Panginoon at sumalungat sa kalooban Niya. Mga mananampalataya raw sila pero hindi sumunod sa daan ng Panginoon o pinagpatuloy ang mga utos Niya. Ang landas nila ay ganap na salungat sa Panginoon. Paano ‘yon masasang-ayunan ng Panginoon? Hindi na nabibilang na mga iglesia ang mga lugar na iyon. Para na lang iyon sa mga sekta at relihiyosong grupo. Kaya ‘di ko makamit ang patnubay ng Diyos nang isagawa ko ro’n ang pananampalataya ko. Naiwan lang ako na tigang sa espirituwal at walang panustos.

Matapos ‘yon, nagbasa pa kami ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Gagawin ng Diyos ang katotohanang ito: Gagawin Niyang pumunta sa harapan Niya ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob at sambahin ang Diyos sa lupa, at titigil ang gawain Niya sa ibang mga lugar, at mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magiging katulad ito ni Jose: Lumapit ang lahat sa kanya para sa pagkain, at yumukod pababa sa kanya, sapagkat mayroon siyang mga bagay na makakain. Upang maiwasan ang taggutom, mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magdurusa ng matinding taggutom ang buong relihiyosong pamayanan, at tanging ang Diyos ng ngayon ang bukal ng buhay na tubig, na nagtataglay ng walang-hanggang umaagos na bukal na inilaan para sa pagtatamasa ng tao, at darating ang mga tao at aasa sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian). “Ibinigay Ko ang Aking kaluwalhatian sa Israel at pagkatapos ay binawi Ko ito, sa paraang ito ay dinadala ang mga Israelita sa Silangan at ang buong sangkatauhan sa Silangan. Dinala Ko na silang lahat sa liwanag para muli nila itong makasama, at makasalamuha, at hindi na nila kailangan pang hanapin ito. Ipapakita Kong muli ang liwanag sa mga naghahanap dito at ang kaluwalhatiang tinaglay Ko sa Israel; ipapakita Ko sa kanila na matagal na Akong bumaba sakay ng puting ulap sa gitna ng sangkatauhan, ipapakita Ko sa kanila ang napakaraming puting ulap at kumpul-kumpol na saganang mga bunga, at, bukod pa rito, ipapakita Ko sa kanila ang Diyos na si Jehova ng Israel. Ipapakita Ko sa kanila ang Guro ng mga Judio, ang pinakahihintay na Mesiyas, at ang buong anyo Ko na pinag-uusig ng mga hari sa lahat ng panahon. Gagawa Ako sa buong sansinukob at magsasagawa Ako ng dakilang gawain, na inihahayag ang Aking buong kaluwalhatian at ang lahat ng Aking gawa sa tao sa mga huling araw. Ipapakita Ko ang kabuuan ng Aking maluwalhating mukha sa mga naghintay nang maraming taon para sa Akin, sa mga nanabik na pumarito Ako sakay ng puting ulap, sa Israel na nanabik na muli Akong magpakita, at sa buong sangkatauhan na umuusig sa Akin, para malaman ng lahat na matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian at dinala ito sa Silangan, at wala na ito sa Judea. Sapagkat sumapit na ang mga huling araw!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagtitipon kasama ang mga kapatid naunawaan ko na nagbalik sa katawang-tao ang Panginoong Jesus para gumawa ng bagong gawain. Sinimulan Niya ang Kapanahunan ng Kaharian at tinapos ang Kapanahunan ng Biyaya, at nagbago ang gawain ng Banal na Espiritu’t naging gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nawala ng mundo ng relihiyon ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong namalagi sa mga lugar ng relihiyon ay nahulog sa kadiliman at kapanglawan. Sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, gumawa ang Panginoong Jesus na nagkatawang-tao ng mas bago, mas mataas na gawain sa labas ng templo, simula sa Kapanahunan ng Biyaya at nagtatapos sa Kapanahunan ng Kautusan. Lumipat ang gawain ng Diyos sa gawain ng pagtubos ng panahong iyon, at pagkatapos, ay naging mapanglaw ang templo. Ang mga kumapit sa gawain ng Diyos na Jehova at ayaw tanggapin ang gawain ng Panginoong Jesus ay nahulog lahat sa kadiliman at naligaw. Dahil do’n, naisip ko ang Amos 8:11: “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoong si Jehova, na Ako’y magpapasapit ng taggutom sa lupain, hindi taggutom sa tinapay, o kauhawan man dahil sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ni Jehova.” Tapos, naunawaan ko sa wakas. Bumisita ako sa mga simbahan at nakinig sa mga sermon ng napakaraming sikat na pastor, pero ‘di ako nakahanap ng panustos ng buhay. Nabusog ang espiritu ko nang marinig ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Ito’y dahil sa gumagawa ng bagong gawain ang Diyos at nagbago na ang gawain ng Banal na Espiritu. Sinusuportahan na lang ng Banal na Espiritu ang gawain na ginawa sa pangalan ng Makapangyarihang Diyos. Gaano man kahusay ang pagsunod ng mga tao sa gawain ng Panginoong Jesus, hindi na ‘yon pinagtitibay ng Diyos.

Ibinahagi ko ang pagkaunawang ito sa isang pagtitipon at ibinahagi ito ni Sister Wang: “Ang totoo, ang kalooban ng Diyos ang nasa likod ng taggutom sa relihiyon. Ang taggutom sa mundo ng relihiyon ang nagtutulak sa mga tunay na naniniwala sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan na iwan ang relihiyon para hanapin ang sinasabi ng Banal na Espiritu at hanapin ang pagpapakita at gawain ng Diyos. Ang mga nakakarinig sa tinig Niya at sumusunod sa gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay ang matatalinong birhen, at iaangat sa harap ng trono ng Diyos. Sumasailalim sila sa paghatol, paglilinis at pagperpekto ng mga salita Niya at nakikita kung gaano sila ginawang tiwali ni Satanas. Ang mayabang, baluktot at tusong mga disposisyon nila ay unti-unting nalilinis at nagbabago. Mas nakikilala nila nang mabuti ang Diyos at unti-unting lumalago sa mga buhay nila. Nagbibigay sila ng patotoo ng pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos. Mga mananagumpay na ginagawa ng Diyos bago ang mga sakuna, at sila ang mga unang bunga. Tinutupad nito ang propesiya sa Pahayag: ‘Ang mga ito’y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagka’t sila’y mga malilinis. At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Cordero saanman Siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Cordero(Pahayag 14:4). Oras na nagawa na ng Diyos ang grupong ito ng mga mananagumpay, magtatapos ang gawain ng paghatol ng nagkatawang-taong Diyos na nagsisimula sa bahay ng Diyos. Magpapaulan Siya ng mga sakuna. Gagantimpalaan Niya ang mabubuti at parurusahan ang masasama. lahat ng tumanggi na tanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos, na kumondena at lumaban sa Kanya ay tatangis at magngangalit ang kanilang mga ngipin. Ang mga nilinis lang ng Diyos ang magkakamit ng proteksyon ng Diyos at matitirang buhay para sa huli ay madala sa kaharian ng Diyos.”

Sa pagbabahagi ng sister, naunawaan ko ang gawain ng Diyos at kalooban ng Diyos. Nadama ko kung gaano katotoo ang pagmamahal ng Diyos. Hindi ako iwinaksi ng Diyos, ngunit pinahintulutan akong salubungin ang pagbabalik ng Panginoong Jesus habang buhay ako. Tinustusan Niya ako ng lahat ng salitang ito at nagkaloob sa akin ng mga katotohanan, pinalulusog ang aking tigang na espiritu. Habang iniisip ko ‘yon lalo kong nadarama na pinagpala ako! Binasa ko rin ang mga salita Niya: “Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring magkaroon ang kahit na sinuman, ni hindi rin ito isang bagay na madaling matamo ng sinuman. Ito ay sapagkat maaari lamang magmula sa Diyos ang buhay, ibig sabihin, tanging ang Diyos Mismo lamang ang may taglay sa diwa ng buhay, at tanging ang Diyos Mismo lamang ang may daan ng buhay. Kaya tanging ang Diyos lamang ang pinagmumulan ng buhay, at ang bukal na may patuloy na umaagos na buhay na tubig ng buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Ang Makapangyarihang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay—Ang mga salita Niya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Dinidiligan at pinapakain tayo no’n nang walang katapusan. At ngayon, nakamit ko na ang pagdidilig at pagpapastol ng mga salita Niya at nagpapakasasa ako sa buhay na tubig ng buhay mula sa trono. Dumadalo ako sa kasalang piging ng Kordero. Nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos sa pagliligtas sa akin!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman