Diyos ang Aking Lakas sa Buhay

Disyembre 10, 2019

Ni Xiaohe, Henan Province

Sa tila isang kisap-mata, nasunod ko ang Makapangyarihang Diyos sa loob ng 14 na taon. Sa mga taong ito, nakaranas ako ng saya at lungkot, at madalas na mahirap ang landas, ngunit dahil nasa akin ang salita ng Diyos, gayon din ang pagmamahal at awa na pumatnubay sa akin, nadama kong lalo akong nagtagumpay. Sa 14 na taong ito, ang karanasang hinding-hindi ko malilimutan ay ang pag-aresto sa akin noong Agosto ng 2003. Habang ako ay nakabilanggo, ako ay brutal na pinahirapan ng CCP Police, at halos iwanang baldado. Ang Makapangyarihang Diyos ang siyang nangalaga sa akin at nagprotekta sa akin, at sa oras-oras ay ginamit ang Kanyang mga salita para gabayan ako, na sa wakas ay nagtulot sa akin na makayanan ang pagpapahirap ng mga demonyong iyon, nanatiling matatag, at nagpapatotoo. Sa karanasang ito, malalim kong nadama ang pambihirang kapangyarihan ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at ang lakas ng Kanyang kapangyarihan na nagbibigay ng buhay, kaya natukoy ko ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang iisang tunay na Diyos na nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat at namumuno sa lahat ng bagay. Higit pa riyan, Siya ang aking tanging kaligtasan, ang tanging Diyos na maaasahan ko, at walang kapangyarihan ng kaaway ang makapagpapalayo sa akin mula sa Diyos o makapagpapahinto sa akin na sundin ang Kanyang mga yapak.

Naalala ko noong gabing iyon, habang nag-uusap kami ng dalawa sa aking mga kapatid na babae ay bigla kaming nakarinig ng pagkahol ng aso sa labas, gayon din ng ingay ng mga tao na papalapit sa pader ng patyo. Di-nagtagal, narinig naming dali-daling kinalabog ng isang tao ang pinto, sumisigaw ng “Buksan ninyo ang pinto! Napapaligiran namin kayo!” Kaagad naming tinipon ang mga gamit namin at itinago, ngunit sa mismong sandaling iyon, nawasak ang pinto at bumagsak nang malakas paloob, at ang nakasisilaw na liwanag ng ilang flashlight ay itinuon sa amin, na sumilaw sa amin kaya ipinikit namin ang aming mga mata. Dali-daling nagpasukan ang mahigit isang dosenang tao sa silid at pinagtutulak kami sa pader habang sumisigaw sila ng, “Huwag kayong gagalaw! Sumunod kayo!” Pagkatapos niyon, hinalughog nila ang bahay, winasak ito na parang mga tulisan. At sa sandaling iyan, nakarinig ako ng dalawang putok ng baril sa labas, na sinundan ng pagsigaw ng isa sa mga pulis sa loob, “Nahuli namin sila! Tatlo sa kanila!” Pinosasan nila kami, at pinagtulakan papasok sa isang police van. Sa sandaling ito, bumalik ang kamalayan ko, at natanto ko na dinakip kami ng pulis. Nang nasa sasakyan kami, isa sa mga pulis na may hawak na electric baton, ang sumigaw, “Kayong lahat, making kayo: Walang gagalaw sa inyo dahil kukuryentihin ko ang sinumang gumalaw, at kung mapatay ko kayo, hindi ko nalabag ang batas!” Habang daan, dalawa sa masasamang pulis na ito ang pinagitnaan ako at inipit ako, at isa sa kanila ay inilagay ang aking mga binti sa kanyang kandungan at niyakap ako. At may pagnanasang sinabi sa akin, “Sasayangin ko ang pagkakataon kung hindi kita pagsasamantalahan!” Niyakap niya ako nang mahigpit, kahit nagpupumiglas ako nang buong lakas ko hanggang sa sabihin ng isa sa mga pulis, “Tigilan mo na iyan! Magmadali na tayo at isagawa ang misyon para matapos na natin ito.” Saka lamang niya ako binitiwan.

Dinala nila kami sa istasyon ng pulis at ikinulong kami sa maliit na silid, pagkatapos niyon ay isa-isa nila nila kaming ipinosas sa mga metal na upuan. Ang taong nakaatas na magbantay sa amin ay mabalasik na itinanong sa amin ang aming mga pangalan at kung saan kami nakatira. Kinabahan ako at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos, humihingi sa Kanya ng karunungan at ng mga tamang salita na sasabihin. Ito ang mga salita ng Diyos na nagbigay ng kaliwanagan sa akin: “Pagsasaalang-alang muna sa mga interes ng pamilya ng Diyos sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito ng pagtanggap sa pagsusuri ng Diyos at pagsunod sa mga plano ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?). Tama! Kailangang unahin ko muna ang kapakanan ng pamilya ng Diyos. Gaano man nila ako maaaring pahirapan o saktan, hindi ko isusumbong ang aking mga kapatid, ni magiging tulad ako ni Judas at ipagkakanulo ang Diyos, Kailangang matibay akong manindigan at magpatotoo para sa Diyos. Pagkatapos niyan, paano pa man niya ako kwestiyunin, binale-wala ko siya. Kinaumagahan, nang dadalhin na nila kami sa detention house, sinabi ng manyak na pulis, “Inilagay namin ang dragnet para mahuli kayo! hindi kami titigil sa paghahanap hanggang sa mahuli namin kayo!” Habang pinoposasan niya ako, dinakma niya ang aking dibdib, na ikinagalit ko nang husto. Hindi ko akalain na momolestiyahin ako ng People’s Police gaya niyon sa harap ng maraming tao. Mga barumbado sila at tulisan! Talagang nakapandidiri at kasuklam-suklam.

Sa detention house, para masabi ko sa kanila ang address ng aking tirahan at impormasyon tungkol sa paniniwala ko sa Diyos, nagpadala muna ang pulis ng isang babaeng opisyal para hikayatin ako at linlangin ako sa pagkukunwaring mabuti siyang pulis. Nang matanto nila na hindi epektibo iyon, sapilitan nila akong kinunan ng video, at sinabing dadalhin nila ang video sa TV station at sisirain ang aking reputasyon kasabay nito. Alam ko, gayunpaman, na ako ay simpleng naniniwala lamang sa Diyos na naghahanap ng katotohanan at naglalakad sa tamang landas sa buhay, at na hindi ako nakagawa ng anumang bagay na kahiya-hiya, ni nakagawa ng anumang bagay na illegal o kriminal, kaya sa tinig na nasasaktan, sumagot ako ng, “Gawin ninyo ang anumang gusto ninyo!” Nang Makita nila na hindi umubra ang kanilang panlilinlang, nagpasiya ang masasamang pulis na ito na pahirapan ako nang husto. Na parang isang pusakal na kriminal, pinosasan nila ako at kinadena na may bigat na 5kg, at dinala ako sa isang sasakyan para isama ako upang maimbestigahan. Dahil ang mga kadena sa aking mga paa ay napakabigat, kinailangan kong hilahin ang mga ito habang ako ay naglalakad. Napakahirap maglakad, at ilang hakbang lamang ay nagasgas na nito ang balat sa aking mga paa at nagsugat. Nang naroon na kami sa sasakyan, kaagad nila akong sinakluban ng itim na supot sa ulo, at pinagitnaan ako ng dalawang pulis. Bigla kong naisip sa aking sarili nang nasisindak, “Ang masasamang pulis na ito ay hindi makatao, at hindi ko alam kung anong kalupitan ang gagawin nila sa akin para pahirapan ako. Ano ang mangyayari kung hindi ko ito makakaya?” Kaya, agad akong nanalangin sa Diyos: “Makapangyarihang Diyos! Ang aking laman ay mahina sa harap ng mga kalagayang aking daranasin. Nawaý protektahan Mo po ako at bigyan ng pananampalataya. Anumang pagpapahirap ang gawin sa akin, hangad ko na manatiling matatag sa aking patotoo upang Ikaw ay malugod, at talagang hindi Kita ipagkakaila.” Pumasok kami sa isang gusali at inalis nila ang supot na nakasuklob sa aking ulo, pagkatapos ay inutusan akong tumayo nang buong araw. Nang gabing iyon, naupo ang isang pulis sa harap ko, nag-dekuwatro ng kanyang mga binti, at sinabi sa akin sa mabagsik na tinig, “Sagutin mo nang maayos ang mga tanong ko sa iyo, at mapapalaya ka! Ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos? Sino ang nangaral nito sa iyo? Sino ang pinuno ng simbahan ninyo?” Nang hindi ako sumagot, galit siyang sumigaw, “Tila hindi ka talaga ka sasagot hangga’t hindi namin pinahihirapan nang matindi!” Inutusan niya ako na itaas ang aking mga kamay nang lampas sa aking ulo at huwag gumalaw habang nananatili akong nakatayo. Hindi pa natatagalan, nagsimulang sumakit ang mga braso ko, at at hindi ko na maitaas na lampas sa ulo ko, ngunit hindi niya akong pinayagang ibaba ang mga ito. Pinayagan niyang ibaba ang mga braso ko nang makita niyang pinagpapawisan na ako at nanginginig ang aking buong katawan at hindi ko na kayang itaas pa ang mga ito, pero hindi pa rin niya ako pinayagang maupo. Sinabihan akong tumayo hanggang madaling-araw, na sa oras na iyon ang mga binti at paa ko ay manhid at maga na.

Sa umaga ng ikalawang araw, nagsimula na naman silang tanungin ako, pero hindi pa rin ako nagsalita ng anumang bagay sa kanila. Inalis nila ang isang bahagi ng (nakakadenang) posas sa akin, at pagkatapos ay hinampas ako nang malakas ng kanilang lider sa aking alak-alakan o likod ng mga tuhod gamit ang isang pamalo na may kapal na 10cm, at may habang 70cm, kaya napaluhod ako. Isiniksik niya ang pamalo sa aking alak-alakan at hinatak ang aking mga braso sa ilalim ng pamalo at binaltak ako para maibalik ang posas. Di nagtagal, naninikip ang aking dibdib, nahirapan akong huminga, at ang mga litid sa aking mga balikat ay nabaltak na para bang mapipigtas. Ang aking mga kalamnan sa binti ay nanigas na parang mababali na. Napakasakit nito kaya nanginig ang buong katawan ko. Pagkaraan ng tatlong minuto, sinubukan kong baguhin ang aking posisyon, pero hindi ko kaya ang aking sarili, at nang hampasin ako, ako ay bumagsak nang nakasubsob, na ang aking mukha ay nakatingala. Isa sa apat na pulis sa silid ang nag-utos sa dalawang iba pa na pumunta sa alinman sa magkabilang gilid ko at hilahin pababa ang kahoy gamit ang isang kamay habang itinutulak ang aking mga balikat ng isa pang kamay, at inutos sa pangatlo na hawakan ang aking ulo ng kanyang mga kamay habang sinisipa ng kanyang paa ang aking likod, na inilagay ako sa posisyong naka-iskwat, iniutos sa akin na manatili ako sa gayong posisyon. Gayunman ang aking buong katawan ay nakadama ng napakatinding sakit, at di-nagtagal muli akong bumagsak, at muli na naman nila akong ibinalik sa posisyong naka-iskwat. Paulit-ulit akong natumba at paulit-ulit ding ibinalik sa posisyong naka-iskwat, at ang paghihirap na ito ay nagpatuloy nang mga isang oras, hanggang sa wakas, nang sila ay hingalin at pagpawisan, sinabi ng lider nila, “Tama na, tama na, pagod na pagod na ako dito!” Noon lamang nila itinigil ang pagpapahirap. Hinang-hina ang buong katawan ko, at nahiga sa sahig na hinahabol ang paghinga, at lupaypay. Sa puntong ito, natuklap ng mga posas ang balat sa aking mga pulso, at sa ilalim ng mga kadena ang aking mga bukung-bukong ay nabalot ng dugo. Nakadama ako ng sobrang sakit kaya’t pinawisan at nanginig ang aking buong katawan, at nang dumaloy ang mga pawis ko sa aking mga sugat, ang sakit ay parang paghiwa ng kutsilyo. Sa gayong paghihirap, wala akong nagawa kundi ang magsumamo sa aking puso, “O, Diyos, iligtas Mo ako, hindi ko na makakayanan pa ito!” At nang sandaling iyon, naliwanagan ako ng mga salita ng Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Naging malinaw sa akin ang lahat ng bagay dahil sa mga salita ng Diyos. Nalalaman ni Satanas na pinahahalagahan ng mga tao ang kanilang laman, at lalo nilang kinatatakutan ang kamatayan, kaya umaasa sila na para katakutan ko ang kamatayan ay sasaktan nila nang matindi ang aking laman, at sa gayon ay ipagkakanulo ko ang aking Diyos. Ito ang kanyang pakana, pero ginagamit din ng Diyos ang pakana ni Satanas para subukan ang aking pananampalataya at aking katapatan sa Kanya. Nais ng Diyos na magpatotooo ako para sa Kanya sa harap ni Satanas, at sa gayon ay mapahiya si Satanas. Nang maunawaan ko ang kalooban ng Diyos, natagpuan kong muli ang aking pananampalataya at lakas, gayon din ang determinasyong matibay na manindigan at magpatotoo para sa Diyos kahit ikasawi ng sarili kong buhay. Nang sumumpa ako na ibubuwis ang aking buhay sa ikalulugod ng Diyos, nabawasan nang malaki ang sakit na naramdaman ko, at hindi na ako nakadama ng lubos na pagkabalisa at kalungkutan. Napakahirap kumilos, sa bawat pagkilos ko ay nararamdaman ko ang mahahapding sugat sa aking mga paa, at sa bawat paghakbang naroon ang bakas ng sariwang dugo. Halos isang oras kong nilakad ang 30 metro papunta sa banyo at pabalik. Nang gabing iyon, wala akong nagawa kundi ang haplusin ng aking mga kamay ang aking namamagang mga binti, at masakit ang mga ito ibaluktot ko man o iunat ang mga ito. Labis ang sakit na naramdaman ko, ngunit ang nakapanatag sa akin ay, dahil nasa akin ang proteksyon ng Diyos, hindi ko ipinagkanulo ang Diyos.

Sa umaga ng ikatlong araw, muli na namang ginamit ng masasamang pulis na ito ang gayon ding paraan para pahirapan ako. Sa tuwing babagsak ako, ang lider na pulis ay hahalakhak nang nanunuya at sinasabing, “Ang galling ng bagsak mo! Ulitin natin!” At muli nila akong ibabangon, at babagsak uli ako, at sasabihin niya, “Gusto ko ang posisyon mong iyan, maganda. Ulitin ninyo!” Paulit-ulit nila akong pinahirapan sa ganitong paraan nang halos isang oras, hanggang sa huli ay tumigil sila, pawisan ang kanilang mga noo at pagod. Bumagsak ako sa sahig, ang ulo ko ay nakatingala, na sa wari ay umiikot ang paligid. Hindi ko mapigalan ang panginginig, hindi ko maidilat ang aking mga mata dahil sa hapdi na dulot ng pawis na tumulo dito, at bumaliktad ang aking sikmura na gusto kong masuka. Parang mamamatay na ako. Sa puntong ito pumasok sa aking isipan ang mga salita ng Diyos: “‘Sapagka’t ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.’ … Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na sa China, isang bansang pinamumunuan ng mga demonyo kung saan ang mga naniniwala sa Diyos at sumusunod sa Diyos ay tinitiyak na padaranasin ng matinding pagkadusta at kapinsalaan, nilayon ng Diyos na gamitin ang pang-uusig na ito para makabuo ng isang grupo ng mga mananaig at sa gayon ay malupig si Satanas, at ang mga ito ang mismong panahon na ipapakita natin ang kaluwalhatian ng Diyos at magpapatotoo para sa Kanya. Ang magawa ko ang aking tungkulin para sa kaluwalhatian ng Diyos ay karangalan sa akin. Dahil ginabayan ng mga salita ng Diyos, natuklasan ko hindi lamang ang isang makapangyarihang lakas, ngunit sinabi ko rin kay Satanas sa aking puso, “Karima-rimarim na demonyo, napatibay ko ang aking sarili, at gaano mo man ako pahirapan, hindi ako susuko sa iyo. Kahit mamatay ako, sumusumpa ako na papanig ako sa Diyos.” Nang makita ng punong opisyal na hindi ko pa rin sinasagot ang kanilang mga tanong, pagalit niyang inalis ang kahoy, at mabalasik na sinabi, “Sige, tumayo ka! Tingnan natin kung hanggang saan ang tigas ng ulo mo. Matagal na tayong naglolokohan. Siguradong mapapaamin ka pa rin namin!” Wala akong nagawa kundi ang tumayo nang namimilipit sa sakit, pero magang-maga at napakasakit ang aking mga binti kaya hindi ako makatayo nang tuwid, at kailangan kong sumandal sa pader. Nang hapong iyon, sinabi ng punong opisyal sa akin, “Kapag ang ibang mga tao ay ‘nakikisama’ lahat sila ay nagsasalita sa unang pagkakataon. Makakaya mo ang ilang pagpapahirap sa iyo! Tingnan mo ang hitsura ng iyong mga binti, at hindi ka pa rin magsasalita. Hindi ko alam kung saan ka kumukuha ng lakas….” Pagkatapos niyon, tiningnan niya akong muli at sumigaw, “Nagawa kong pasalitain ang napakaraming tao ng kanilang mga lihim, at ang tapang mo na labanan ako? Hah! Kahit hindi ka namin mapasalita, sesentensiyahan ka pa rin namin ng 8 hanggang 10 taon, at uutusan namin ang mga bilanggo na murahin at bugbugin ka araw-araw! Yari ka sa amin!” Nang marinig ko ang sinabi niya, naisip ko, “Kasama ko ang Diyos, kaya kahit sentensiyahan ninyo ako ng 8 hanggang 10 taon hindi ako natatakot.” Nang hindi ako sumagot, galit niyang hinampas ang kanyang binti, ipinadyak ang kanyang paa, at sinabing, “Maraming araw ka na naming pinaparusahan para mapaamin. Kung gaya mo ang lahat ng tao, paano ko magagawa ang aking trabaho?” Lihim akong napangiti nang marinig kong sinabi niya iyon, dahil walang nagawa si Satanas, lubos na nadaig ng kamay ng Diyos! Nang sandaling iyon, ang naisip ko lamang ay ang mga salita ng Diyos: “Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; higit pa rito, higit ito sa alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, higit sa karaniwan ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilikha o puwersa ng kaaway ang Kanyang puwersa ng buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Bawat salita ng Diyos ay katotohanan, at nang araw na iyon nadama ko ito mismo. Wala akong kinain o ininom na anuman o natulog sa loob ng tatlong araw, at ako ay pinahirapan nang husto, at hindi pa rin ako napasalita, at lahat ng ito ay dahil sa lakas na ibinigay sa akin ng Diyos. Ang Diyos na iyon na nagbabantay sa akin at nagpoprotekta sa akin. Kung wala ang Diyos na aking malakas na suporta, nalugmok na sana ako noon pa. Ang kapangyarihan ng Diyos na nagbibigay ng buhay ay tunay na pambihira ang lakas at tunay na ang Diyos ay makapangyarihan! Matapos masaksihan ang mga ginawa ng Diyos, ang pananampalataya ko na magpatotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas ay mas lumakas.

Sa umaga ng ikaapat na araw, ang masamang pulis ay sapilitang ipinaunat sa harap ang aking mga bisig at nang pantay sa aking mga balikat at sinabihang manatiling naka-half squat, pagkatapos ipinatong nila ang isang kahoy na pamalo sa ibabaw ng aking mga kamay. Hindi nagtagal hindi ko na napanatili ang posisyon ko. Bumagsak ang aking mga kamay, at nahulog ang pamalo sa sahig. Pinulot nila ang pamalo at ginamit ito sa pagpalo nang malakas sa mga kasu-kasuan ng aking mga daliri at tuhod, bawat paghampas ay nagdulot ng nanunuot na kirot, at sapilitan nilang ipinagawa muli sa akin ang pag-squat. Matapos ang ilang araw na pagpapahirap, namamaga na ang aking mga binti at makirot, kaya pagkatapos mag-squat nang ilang sandali, hindi na makayanan ng mga binti ko ang bigat ng aking katawan, at matindi ang pagbagsak ko sa sahig. Itinayo nila akong muli, ngunit sa sandaling bitawan nila ako, bumabagsak akong muli. Nagpatuloy ito nang ilang beses. Ang puwitan ko ay pasa-pasa na at hindi na nito makayanang mapasalampak sa sahig, at sobrang sakit ang naramdaman ko kaya pinagpawisan ako nang husto. Pinahirapan nila ako sa ganitong paraan nang mga isang oras. Pagkatapos, inutusan nila akong maupo sa sahig, nagdala sila ng isang mangkok ng maruming tubig-alat at inutusan akong inumin ito. Tumanggi ako, kaya ang isa sa masamang pulis ay hinawakan ang aking magkabilang panga, habang ang isa naman ay inilagay ang isang kamay sa aking noo at puwersahang ibinuka ang aking bibig at ibinuhos ang tubig-alat sa aking lalamunan, kaagad kong naramdaman na parang sinusunog ang aking sikmura, at napakasakit na gusto kong maiyak. Nang Makita nila na nahihirapan ako, patuya nila sinabi, “Hindi ka magdurugo agad kapag binugbog ka namin pagkatapos mong uminom ng tubig-alat.” Halos hindi ko mapigilan ang aking galit nang marinig ko iyon. Hindi ko akalain na ang dapat sanang matwid na People’s Police ng China ay napakasama at napakalupit. Ang mga brutal na demonyong ito ay hindi lamang hangad na paglaruan at saktan ako, sila ay naroon para hamakin ako. Nang gabing iyon, isa sa masasamang pulis na iyon ay lumapit sa akin, naupo, at hinipo ang aking pisngi habang nagsasalita ng mahahalay na pananalita sa akin. Galit na galit ako kaya dinuraan ko siya sa mukha. Nagalit siya at sinampal ako nang malakas, kaya nakakita ako ng mga bituin at tumunog ang tainga ko. Sa tinig na nagbabanta, sinabi niya, “Hindi mo pa nararanasan ang ang iba pa naming mga paraan sa interogasyon. Kung mamamatay ka rito, walang makakaalam. Umamin ka na, o marami pa kaming pagpapahirap na gagawin sa iyo!” Nang gabing iyon, nakahiga ako sa sahig, hindi makakilos. Gusto kong pumunta sa banyo, kaya sinabi nilang mag-isa akong tumayo. Gamit ang aking buong lakas, nagawa kong dahan-dahang makatayo, pero natumba akong muli nang makaisang hakbang ako. Hindi ako makagalaw, kaya isang babaeng pulis ang hinila ako papunta sa banyo, kung saan ako hinimatay muli. Nang magising ako, naroon na ako muli sa aking silid. Nakita ko na magang-maga ang aking mga binti na sa pagkakabanat ng aking balat ay kumintab na ang aking balat, malalim na ang pagkakabaon ng mga posas at kadena sa aking balat sa aking mga pulso at bukung-bukong, tumutulo ang dugo at nana mula sa mga sugat, at napakasakit na hindi ko mailarawan. Naisip ko ang iba pang mga paraan sa pagpapahirap na sinabi ng pulis na humipo sa aking mukha na gagamitin sa akin, at pinanghinaan na lamang ako ng loob, kaya nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko! Hindi ko po nalalaman ang gagawin pa sa akin ng mga demonyong ito para pahirapan ako, at hindi ko na makakaya pa. Nawa’y gabayan Mo ako, bigyan ako ng pananampalataya, pagkalooban ako ng lakas, at pahintulutan akong magpatotoo para sa Iyo.” Matapos akong magdasal, naalala ko ang pagdurusang tiniis ng Diyos sa dalawang pagkakataon na nagkatawang-tao Siya upang iligtas ang sangkatauhan: Sa Kapanahunan ng Biyaya, upang tubusin ang sangkatauhan, ang Panginoong Jesus ay pinaglaruan, binugbog, at hinamak ng mga kawal at ng maraming tao, pinasuot ng koronang tinik, at sa huli ay ipinako sa krus habang Siya ay buhay pa; ngayon, ang Diyos ay sumuong sa mas malaking panganib nang magkatawang-tao para gumawa sa isang bansang ateyista at tahimik at walang reklamo, Kanyang tiniis ang pag-uusig at pag-aresto ng Pamahalaang CCP, gayon din ang pagtitiis sa matinding pagtutol, pagtanggi, at pagkundena ng mga relihiyon sa mundo. Muli kong naalala ang mga salita ng Diyos: “Hindi ba’t ang pagdurusang nasusumpungan ninyo ngayon ay ang mismong parehong pagdurusa ng Diyos? Kayo’y nagdurusa kasama ang Diyos, at ang Diyos ay nagdurusa kasama ng mga tao. Ngayon lahat kayo ay may bahagi sa kapighatian ni Cristo, kaharian, at pagtitiyaga, at sa bandang huli makakamtan ninyo ang luwalhati. Ang ganitong uri ng pagdurusa ay makahulugan, subali’t dapat kang talagang determinado. Dapat maunawaan mo ang kabuluhan ng pagdurusa ngayon at bakit dapat kang magdusa nga. Hanapin ang kaunting katotohanan mula rito, at unawain ang kaunti sa intensyon ng Diyos, at magkakaroon ka naman ng determinasyong tiisin ang pagdurusa(“Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Totoo ito, ang Diyos noong unang panahon ay dumanas ng pagdurusa na dinaranas ko. Ang Diyos ay walang kasalanan, ngunit para mailigtas ang masasamang tao, tiniis ng Diyos ang lahat ng pagpapahirap at paghamak, gayong ang pagdurusang naranasan ko ay para lamang sa aking sarili upang makamtan ko ang tunay na kaligtasan. Pinag-isipang mabuti ang tanong, natanto ko na ang aking sariling pagdurusa ay hindi marapat banggitin kumpara sa pagdurusang dinanas ng Diyos. Sa wakas ay naunawaan ko ang katindihan ng paghihirap at paghamak na dinanas ng Diyos para iligtas tayo, at nadama ko na ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay tunay na makapangyarihan at di-makasarili! Sa aking puso, nakadama ako ng pananabik at pag-asam sa Diyos. Sa pamamagitan ng aking pagdurusa, tinulutan ng Diyos na makita ko ang marami pa sa Kanyang kapangyarihan at awtoridad, at pahalagahan na ang Kanyang mga salita ay ang kapangyarihang nagbibigay ng buhay sa tao, at aakay sa akin na madaig ang anumang problema; sa pamamagitan ng paghihirap na ito, dinadalisay din ng Diyos ang aking pananampalataya, pinatatatag ang aking determinasyon, at pinahihintulutan ako na mapagsikapan na makamtan ang wala sa akin at ang aking mga kahinaan ay magiging kaganapan. Naunawaan ko ang kalooban ng Diyos at natanto na ang pagdurusang dinanas ko noong araw na iyon ay dakilang kaloob ng biyaya ng Diyos, at kasama ko ang Diyos, kaya hindi ako nag-iisa. Ang tanging magagawa ko lamang ay alalahanin ang isang himno ng simbahan: “Diyos ang suporta ko, ano ang sukat ikatakot? Dapat kong labanan si Satanas hanggang dulo. Binubuhat tayo ng Diyos at kailangan nating iwanan ang lahat at bumahagi sa pagdurusa ni Cristo. Ihahanda ko ang aking pag-ibig at iaalay lahat ito sa Diyos, at tatagpuin ang Diyos sa luwalhati” (“Ang Kaharian” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin).

Sa ikalimang araw, patuloy akong pina-squat ng masasamang pulis na ito. Ang mga binti at paa ko ay magang-maga na kaya hindi na ako makatayo, dahil dito pinaligiran ako ng mga pulis at pinagtutulakan ako sa bawat isa. Ilan sa kanila ay nagsamantala sa kalagayan ko para paghihipuan ako. Wala na akong maramdaman habang pinaglalaruan nila ako gaya ng isang manyika. Napahirapan na ako nang husto hanggang sa puntong nahilo at lumabo na ang paningin ko. Ngunit nang sa sandaling hindi ko na makakayanan, bigla akong nakarinig ng mga yabag sa labas ng pinto, na sinundan nila ng pagtakbo sa pinto, pagsara nito, at paghinto sa kalupitan nila. Alam ko na ang Diyos iyon na nagpapakita ng awa sa akin, at na Kanyang pinapawi ang aking sakit. Nang gabing iyon, isa sa masamang pulis ang lumapit sa akin, hinubad ang kanyang sapatos, at inilagay ang kanyang mabahong paa sa aking mukha habang malisyosong sinabing, “Ano ang iniisip mo habang nakaupo ka riyan? Tungkol ba sa mga lalaki? Sige, ano ang amoy nito? Gusto mo ba ang amoy ng aking mabahong paa? Sa palagay ko ang mabaho kong paa ang siyang kinasasabikan mo?” Ang kanyang bastos na pananalita ay nagpagalit sa akin. Tiningnan ko siya nang matalim, at nang tingnan ko ang makapal at kasuklam-suklam niyang mukha, naisip kong muli kung paano ako paulit-ulit na pinahirapan at inalipusta. Hindi sila mga tao, masahol pa sila sa mga hayop, sila ay grupo ng mga demonyo na napakasasama, at kinasusuklaman ko nang labis ang mga diyablong ito! Sa mga naranasan ko mismo sa nakalipas na ilang araw, nakita ko na ang People’s Police na itinuturing kong huwaran ng pagiging magalang noon ay pawang mga bastos at masasama, at ito ang nagbigay sa akin ng determinasyon na iwaksi si Satanas at manatiling matatag at nagpapatotoo para malugod ang Diyos.

Sa ikaanim na araw, nagsimula akong makatulog nang hindi ko namamalayan. Buong pagmamalaking sinabi ng punong opisyal, “Sa wakas ay nagsisimula ka nang makatulog! Gusto mong matulog? Hindi puwede! Hindi ka matutulog hanggang hindi ka umaamin! Tingnan natin kung hanggang saan ka tatagal!” Halinhinan nila akong binantayan, at sa tuwing mapipikit ang aking mga mata o mapapatungo, hahampasin nila ang mesa ng kanilang mga pamalo, o gagamit sila ng isang manipis na kahoy para hampasin ang mga binti ko, na magang-maga na at makintab na ang balat, o hihilahin nila nang matindi ang aking buhok, o tatapakan ang aking paa, at magigising ako sa tuwina. Kung minsan sinisipa nila ang aking mga kadena, at kapag natatamaan ng mga kadena ang nagnanaknak kong mga sugat, ang sakit ay sapat na para magising ako. Sa huli, sumakit nang napakatindi ang ulo ko na parang sasabog, parang umiikot ang silid, at bumagsak ako sa sahig na unang tumama ang ulo at nawalan ng malay…. Kahit hindi pa ako ganap na nagkakamalay, narinig kong sinabi ng doktor, “Hindi ninyo siya pinakain o pinatulog ng ilang araw? Napakalupit naman ninyo. At ang mga kadenang ito ay nakabaon na sa kanyang laman. Hindi na niya ito masusuot kahit kailan.” Pagkaalis ng doktor, nilagyan ako ng kadena ng pulis na may timbang na 2.5kg at nilapatan ng gamot, at sa gayon lamang ako nagkaroon ng malay. Alam ko na nakaligtas ako dahil lamang sa kapangyarihan ng Diyos at dahil lihim akong pinoprotektahan ng Diyos, pinagagaan ang aking pasakit at binawasan ang pagpapahirap sa akin sa pagsasalita sa pamamagitan ng doktor. Lalo akong nanampalataya sa Diyos kaysa noon, at nagkaroon ako ng determinasyon na labanan si Satanas hanggang sa wakas. Ang Diyos ang aking malakas na suporta, gaano pa man ako pahirapan ni Satanas, hindi nito makukuha ang aking buhay.

Sa umaga ng ikapitong araw, pagod na pagod na ako para makayanan pa ito, at palagi akong nakakatulog. Nakita ng isang masamang pulis ang aking kalagayan at laging niya tinatapakan ang aking mga daliri sa paa, kinukurot ang likod ng aking mga palad, at sinasampal ako sa mukha. Nang hapong iyon, muli akong tinanong ng masamang pulis tungkol sa simbahan. Kaagad akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos! Wala pa po akong tulog kaya hindi ako makapag-isip nang mabuti. Nawa’y protektahan Mo ako at bigyan ako nang malinaw na pag-iisip, nang sa gayon ay makatayo akong saksi para sa Iyo sa lahat ng panahon.” Salamat sa proteksyon ng Diyos, sa kabila ng pagiging gising sa loob ng pitong araw at anim na gabi, nang walang pagkain, tubig, o tulog, ang aking isipan ay lubos na naging malinaw, at kahit udyukan nila ako, wala pa rin akong sinabing anuman sa kanila. Pagkatapos niyon, ipinakita ng punong opisyal ang isang listahan ng mga missionary worker na isinulat ko, at sapilitang ipinasisiwalat sa akin ang iba pang mga pangalan. Ngunit matapos maranasan ang kalupitang ginawa ng mga diyablong ito, hindi ko pahihintulutang mahulog sa kanilang mga kamay ang sinuman sa aking mga kapatid, kaya’t nagsumamo ako sa Diyos na bigyan ako ng lakas, at nang hindi nakatingin ang punong opisyal, dumukwang ako, sinunggaban ang listahan ng mga pangalan, isinubo ito sa aking bibig, at nilulon ito. Dalawa sa masamang pulis ang galit na minura ako habang nagmamadaling nilapitan ako at sinubukang buksan ang aking bibig at sinuntok ako nang malakas sa mukha. Umagos ang dugo sa gilid ng aking bibig, umikot ang paningin ko, at namaga ang mukha ko dahil sa suntok na iyon.

Matapos ang ilang ulit na interogasyon, walang silang nagawa kundi ang sumuko, kaya’t ibinalik nila ako sa detention house. Nakita ng pulis sa detention house ang masamang pinsalang inabot ko, at natakot na sila ang managot kung mamatay ako roon, kaya tumanggi silang tanggapin ako. Dahil sa inis, napilitan ang masasamang pulis na dalhin ako sa hospital para sa oxygen intubation. Pagkatapos niyon, ibinalik nila ako sa detention house, at na-coma ako nang apat na araw at gabi. Matapos akong gisingin ng ibang bilanggo, nawalan ako ng malay nang dalawang beses pa. Sa wakas, sinentensiyahan ako ng pamahalaang CCP ng isang taon at siyam na buwan para turuang muli sa pamamagitan ng mahirap na pagtatrabaho para sa krimeng “pagsapi sa organisasyong Xie Jiao.” Gayunpaman, dahil napinsala ako nang husto, ako ay naparalisa at hindi makalakad, at hindi ako tinanggap ng labor camp, kaya naglathala ang pulis ng video tungkol sa akin sa telebisyon. Tatlong buwan kalaunan, sa wakas ay nalaman ng asawa ko ang nangyari sa akin at gumastos ng 12,000 yuan bilang piyansa para mailabas ako sa bilangguan pero babantayan pa rin ako. Nang dumating ang asawa ko para sunduin ako, hindi ako makalakad dahil sa pinsalang nangyari sa akin, kaya kailangan niya akong kargahin papunta sa sasakyan. Pagkatapos kong makauwi sa bahay, ang mga doktor na sumuri sa akin ay nagsabing may dalawa akong baling gulugod, na hindi ako makakakilos nang mag-isa, at paralisado na ako habang buhay. Inakala ko na habang buhay akong mararatay sa higaan, ngunit salamat sa awa ng Diyos at sa patuloy na pagpapagamot, makalipas ang isang taon, ay unti-unting lumakas ang aking katawan. Tunay na nasaksihan ko ang kapangyrihan ng Diyos, gayon din ang pagmamahal Niya sa akin. Nagpapasalamat ako sa Diyos, magagampanan kong muli ang aking mga tungkulin bilang isang nilikha.

Sa pamamagitan ng mga pagdurusa at mga paghihirap na ito, bagama’t naranasan ko nang matindi ang sakit, nakamtan ko rin ang kayamanan ng buhay. Hindi ko lamang malinaw na nakita ang mala-demonyong asal ng pamahalaang CCP, ngunit higit sa lahat, nakita ko ang kagila-gilalas na mga gawa ng Diyos, at nadama ko ang pagiging natatangi at kalawakan ng kapangyarihan ng Diyos na nagbibigay ng buhay: Sa aking nakapanlulumo at kawalang-pag-asang kalagayan, ang Diyos ang siyang nagbigay sa akin ng lakas at katapangan, at siyang nagbigay sa akin ng pananampalataya na makaalpas sa puwersa ng kadiliman ni Satanas; nang hindi na makayanan ng aking laman ang pagpapahirap at pagpaparusa, ginamit ng Diyos ang mga tao, at mga bagay-bagay para pagaanin ang aking pasanin; at nang pahirapan ako ng mga demonyo para mawalan ako ng malay, ang kagila-gilalas na gawain ng Diyos ay nagbukas ng daan at iniligtas ako sa panganib….Matapos maranasan ang mga bagay na ito, nakita ko na laging nariyan sa aking tabi ang Diyos, nagbabantay sa akin, pinoprotektahan ako, at naglalakad kasama ko. Ang pagmamahal ng Diyos para sa akin ay tunay na napakadakila! Ang Diyos ang aking lakas sa aking buhay, ang tulong at suporta ko sa tuwing kinakailangan ko ang mga ito, at nais ko na ituon aking sariling katawan at kaluluwa sa Diyos, hangaring makilala ang Diyos, at mamuhay nang makabuluhan!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman