Isang Panahon ng Brutal na Pagpapahirap

Disyembre 10, 2019

Ni Chen Hui, Tsina

Lumaki ako sa isang karaniwang pamilya sa Tsina. Kabilang sa militar ang aking ama at dahil hinubog at inimpluwensyahan niya ako mula sa murang edad, naniwala akong ang tawag at tungkulin ng isang sundalo ay ang maglingkod sa inang bayan, sumunod sa mga utos at maglingkod nang walang pag-iimbot sa ngalan ng Partido Komunista at ng mga tao. Naging determinado rin akong maging isang sundalo at sumunod sa mga yapak ng aking ama. Gayunpaman, nang lumipas ang panahon at naganap ang ilang pangyayari, dahan-dahang nabago ang landas ng aking buhay at ang oryentasyon ng aking mga hangarin. Noong 1983, narinig ko ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Ang espesyal na paggabay ng Banal na Espiritu ang nagpahintulot sa isang tulad ko, na nilason na ng ateismo at ideolohiyang Komunista ng Tsina mula sa murang edad, na malalim na mapukaw ng pagmamahal ng Panginoong Jesus. Pagkarinig sa ebanghelyo, sinimulan ko ang isang buhay ng paniniwala sa Diyos—nagsimula ako sa pagdalo sa iglesia, pananalangin, at pag-awit ng mga himno sa pagpupuri sa Panginoon. Dinalhan ako ng malaking katahimikan at kapayapaan ng bagong buhay na ito. Noong 1999, tinanggap ko ang ebanghelyo ng mga huling araw ng nagbalik na Panginoong Jesus—ang Makapangyarihang Diyos. Sa pamamagitan ng walang tigil na pagbabasa ng salita ng Diyos at pakikipagpulong at pagbabahagian sa aking mga kapatid, naunawaan ko ang maraming katotohanan at nalaman ko ang agarang intensyon ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Naramdaman kong pinagkalooban ng Diyos ang bawat isa sa atin ng isang malaking bokasyon at responsibilidad, kaya masigasig kong inilaan ang aking sarili sa gawain ng pagpapakalat ng ebanghelyo.

Gayunpaman, sinira ng malupit na pag-uusig ng gobyernong CCP ang aking tahimik at masayang buhay. Noong Agosto ng 2002, naglakbay ako sa hilagang-kanluran kasama ang aking asawa para ikalat ang ebanghelyo sa ilan sa aming mga kamanggagawa sa Panginoon. Isang gabi, habang nakikipagpulong ako sa dalawang kapatid na katatanggap pa lang kamakailan ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, bigla akong nakarinig ng malakas na tunog at nakita kong bayolenteng sinipa ang pinto at anim o pitong mukhang halimaw na pulis na may hawak na baton ang nagmamadaling pumasok. Tinuro ako ng isa sa mga pulis at pasinghal na sinabing, “Posasan siya!” Inutusan kami ng dalawang pulis na tumayo sa tabi ng dingding at huwag kumilos, habang sinimulan nilang maghalughog sa mga kahon at baul sa bahay na parang isang grupo ng mga sumasalakay na bandido. Maingat silang naghanap ng anumang hinihinala nilang maaaring magamit para taguan ng mga bagay at, hindi nagtagal, nagmukhang parang dinaanan ng bagyo ang buong lugar. Sa wakas, isa sa mga pulis ang nakakita ng isang pamplet ng ebanghelyo at isang aklat ng salita ng Diyos sa bag ng kapatid ko at tinitigan ako ng masama, sabay sigaw, “Bwiset, nagpapakamatay ka ba? Pumunta pa kayo rito para ikalat ang ebanghelyo ninyo. Saan nanggaling ito?” Hindi ako sumagot kaya sinigawan niya ako at sinabing, “Hindi ka magsasalita, ha? Bubuksan namin ang bibig mong iyan. Kilos! Magsasalita ka sa pupuntahan natin!” Tapos ay kinaladkad niya ako palabas ng bahay at tinulak ako papasok sa police car. Nang oras na iyon, natanto kong hindi lang anim o pitong pulis ang pinadala nila—ang kalye sa labas ay magkabilang nilinyahan ng maraming armadong espesyal na pulis. Nang makita ko kung gaano karaming tao ang pinadala nila para hulihin kami, masyado akong natakot at, nang walang pag-iisip, nagsimula akong magdasal sa Diyos na hinihiling ang Kanyang gabay at proteksyon. Hindi nagtagal matapos iyon, pumasok sa isip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, “Alam mong ang lahat ng bagay sa iyong kapaligiran ay naroon dahil sa Aking pahintulot, Ako ang nagsasaayos nitong lahat. Tingnan ito nang malinaw at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo. Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). “Tama iyon!” Naisip ko. “Ang Diyos ang aking haligi; ano mang uri ng sitwasyon ang aking kaharapin, ang Diyos, ang Pinuno at Lumikha ng lahat ng bagay, ay laging nasa aking tabi. Pangungunahan Niya ako na mapagtagumpayan ang anumang sitwasyon na maaari kong harapin. Dahil, Siya ay tapat at Siya ang namumuno at nangangasiwa ng lahat ng bagay.” Habang iniisip ang mga bagay na ito, nabawi ko ang aking kahinahunan.

Mga bandang alas-diyes ng gabing iyon nang dalhin ako sa Criminal Police Brigade. Kinunan ako ng litrato, at pagkatapos ay dinala ako sa isang interrogation room. Nagulat ako nang makitang mayroon na roong apat o limang mukhang sangganong lalake na nakatitig sa akin pagpasok ko. Pagkapasok na pagkapasok ko sa kwarto, pinalibutan nila ako na parang isang grupo ng mga gutom na lobo na tila naghahanda nang pumatay. Labis akong kinabahan at desperadong nagdasal sa Diyos. Noong una, hindi ako sinaktan ng mga pulis na iyon, inutusan lang nila akong manatiling nakatayo sa loob ng tatlo o apat na oras. Tumayo ako nang napakatagal kaya nagsimulang sumakit at mamanhid ang aking mga binti at paa, at labis na napagod ang buong katawan ko. Nang mga ala-una o alas-dos ng umaga, pumasok ang hepe ng Criminal Police Brigade para tanungin ako. Hindi ko napigil na manginig dahil sa kaba. Tinitigan niya ako at sinimulan akong tanungin, “Magsalita ka! Taga-saan ka? Sino ang kontak mo rito? Sino ang superior mo? Saan kayo nagtitipon? Ilang tao ang nagtatrabaho sa ilalim mo?” Nang hindi ako nagsalita, sumabog siya sa galit, sinabunutan niya ako at pinaulanan ng mga suntok at sipa. Nang bumagsak na ako sa sahig dahil sa pangbubugbog, itinuloy niya ang mas malakas pang pagsipa sa akin. Umugong agad ang tainga ko kaya wala akong marinig na anuman, at parang sasabog ang ulo ko dahil sa matinding sakit. Dahil sa sakit, hindi ko napigilang sumigaw. Matapos ang ilang sandali pa ng pakikipagbuno, nakahiga ako sa sahig, hindi makakilos. Sinunggaban uli ako ng hepe sa buhok at hinila ako patayo, at sa puntong iyon apat o lima sa mga sangganong iyon ang pumalibot sa akin at sinimulan akong sipain at suntukin; natumba ako sa sahig, nakatakip sa ulo ko ang mga kamay ko, nagpagulung-gulong ako dahil sa sakit. Hindi nagpigil ang mga sangganong pulis na iyon—may nakamamatay na puwersa ang bawat sipa at bawat suntok. Habang sinasaktan nila ako, sumisigaw sila, “Magsasalita ka ba o hindi? Hinahamon kitang huwag magsalita! Magsalita ka o papatayin ka!” Nang makita ng hepe na hindi pa rin ako nagsasalita, malakas niya akong sinipa sa bukung-bukong. Sa tuwing sinisipa niya ako, pakiramdam ko ay parang may nagbabaon ng pako sa mga buto ko, talagang napakasakit noon. Matapos iyon, pinagpatuloy nila ang pagsipa sa akin kung saan-saan hanggang sa pakiramdam ko ay nadurog na nila ang bawat buto sa katawan ko, at nagdulot ng matinding sakit ang malalakas na paghilab sa loob ko kaya halos hindi na ako makahinga. Naghahabol ako ng hininga habang nakahiga sa sahig at umiiyak dahil sa matinding paghihirap. Sa puso ko, tinawag ko ang Diyos at sinabing, “Diyos ko! Hindi ko na kaya. Protektahan Mo ako dahil pakiramdam ko ay hindi ko na malalagpasan ang gabing ito. Mahal kong Diyos, bigyan Mo ako ng lakas. …” Hindi ko alam kung gaano katagal nagpatuloy ang pagpapahirap. Nakaramdam lang ako ng matinding hilo at matinding sakit na para bang pinagpira-piraso na ang katawan ko. Namanhid ang buo kong katawan dahil sa tindi ng sakit. Sinabi ng isa sa mga sangganong pulis, “Mukhang hindi pa sapat ang inabot mo. Magsasalita ka rin!” Habang nagsasalita siya, pinulot niya yung parang martilyong de-kuryente at ipinukpok iyon sa noo ko. Ramdam ko ang bawat hampas hanggang sa mga buto ko, at sa tuwing papaluin niya ako, namamanhid ang aking buong katawan, tapos ay manlulupaypay ako at walang tigil na manginginig. Nang makita nila ang tindi ng paghihirap ko, tila natuwa sila sa ginawa nila at nagsimulang tumawa nang malakas. Sa gitna ng aking paghihirap, isang sipi ng salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng patnubay at kaliwanagan: “Dapat kang magdusa ng kahirapan alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Binigyan ako ng hindi kapani-paniwalang lakas ng salita ng Diyos, at inulit-ulit ko sa isip ko ang sipi. Naisip ko: “Hindi ako maaaring sumuko kay Satanas at biguin ang Diyos. Upang makamit ang katotohanan, nangangako akong titiisin ang anumang paghihirap, at kahit pa magdulot iyon ng aking kamatayan, magiging sulit pa rin iyon at hindi mauuwi sa wala ang buhay ko!” Buong magdamag akong tinanong ng grupo ng mga demonyong iyon hanggang sa sumunod na umaga, ngunit dahil mayroon akong salita ng Diyos para magpalakas sa akin, natagalan ko ang pagpapahirap nila. Sa huli, naubos na nila ang lahat ng estratehiyang maiisip nila at walang magawang sinabing, “Parang isang karaniwang maybahay ka lang na walang anumang talento, kaya paano ka binigyan ng Diyos mo ng matinding lakas?” Alam kong hindi sa akin sumuko ang mga sangganong pulis na iyon, kundi sumuko sila sa ilalim ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Personal kong nasaksihan na ang salita ng Diyos ang katotohanan, na kaya no’ng puspusin ang tao ng matinding lakas, at na sa pagsasagawa alinsunod sa salita ng Diyos ay mapagtatagumpayan ng tao ang kanyang takot sa kamatayan at matatalo si Satanas. Bilang resulta ng lahat ng ito, lalo pang lumakas ang aking pananalig sa Diyos.

Sa umaga ng pangalawang araw bandang alas-siyete, dumating ang hepe para tanungin ako uli. Nang makita niyang hindi pa rin ako magsasalita, sinubukan niya akong painan ng panibago na namang panlalansi. Isang nakakalbo at naka-sibilyang pulis ang pumasok, tinulungan akong tumayo, at pinaupo ako sa isang sofa. Inayos niya ang damit ko, tinapik ako sa balikat at, nagkukunwaring nagmamalasakit, sinabi sa akin nang may huwad na ngiti, “Tingnan mo ang sarili mo, walang saysay ang paghihirap nang ganito. Kausapin mo lang kami at makakauwi ka na. Bakit kailangan mong manatili rito at tiisin ang lahat ng paghihirap na ito? Hinihintay ka na sa bahay ng mga anak mo. Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin na makita kang naghihirap nang ganito?” Habang nakikinig sa lahat ng kasinungalingan niya at nakatingin sa kasuklam-suklam at makapal niyang mukha, pinigil ko ang galit ko at naisip ko sarili ko, “Demonyo ka lang na nagsasabi ng lahat ng uri ng mga kasinungalingan para linlangin ako. Huwag kang umasa ni isang saglit na tatraydurin ko ang Diyos. Ni huwag kang mangarap na magsasalita ako ni isang salita tungkol sa iglesia!” Nang makita ng pulis na wala iyong epekto sa akin, tiningnan niya ako nang malaswa at sinimulan akong kapain gamit ang kamay niya. Kusa akong lumayo sa kanya, pero hinawakan ako ng bastos na iyon ng isa niyang kamay para hindi ako makagalaw tapos ay pinisil ng isa niyang kamay ang dibdib ko. Napasigaw ako sa sakit at nakaramdam ng matinding galit sa taong iyon; nanginig ang buong katawan ko dahil sa tindi ng galit ko at dumaloy ang luha sa pisngi ko. Tiningnan ko siya na puno ng poot at, nang makita niya ang mga mata ko, binitawan niya ako. Sa personal kong karanasang ito, talagang nasaksihan ko ang masama, reaksyunaryo at malupit na kalikasan ng gobyernong CCP. Nakita ko kung paanong ang “Pulisya ng mga Tao” na nagtatrabaho para sa institusyon ng CCP ay talagang mga kasuklam-suklam na sanggano lang na makakapal ang mukha at mga kriminal na walang anumang konsensya! Dahil hindi pa ako uminom ni isang patak ng tubig sa loob ng bente-kwatro oras, pagod na pagod at said na ang katawan ko at hindi talaga ako sigurado kung makakatagal pa ako. Bigla akong nakaramdam ng matinding kalungkutan at kawalan ng pag-asa. Noong sandaling iyon, naisip ko ang isang himno sa iglesia: “Kahit inapi at dinakip ng malaking pulang dragon, mas lalo akong desididong sundin ang Diyos. Nakikita ko kung gaano kasama ang malaking pulang dragon; paano nito maaatim ang Diyos? Dumating na ang Diyos sa katawang-tao—paanong hindi pa ako susunod sa Kanya? Tinatalikdan ko si Satanas, at sinusunod ang Diyos nang may matibay na kalooban. Saanman may kapangyarihan ang diyablo, mahirap ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Sinusubukan akong sakmalin ni Satanas; walang ligtas na lugar upang tirhan. Ang pagsampalataya at pagsamba sa Diyos ang talagang tamang gawin. Sa aking pagpiling ibigin ang Diyos, magiging tapat ako hanggang sa wakas. Ang mga panlalansi ng diyablo ay malupit, mapanira, at tunay na kasuklam-suklam. Sa pagkakaroon ng malinaw na pagtingin sa anyo ni Satanas, mas higit ko pang iniibig si Cristo. Hindi ako patatalo kay Satanas, o magkakaroon ng walang kabuluhang pamumuhay. Titiisin ko ang lahat ng pagdurusa, paghihirap, at sakit, at magtitiis sa mga pinakamadidilim na gabi. Upang mabigyang kaaliwan ang Diyos, magpapakita ako ng matagumpay na patotoo at ipahihiya si Satanas” (“Bumabangon sa Kabila ng Kadiliman at Pang-aapi” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Ang mapang-akit at mapuwersang himnong ito ay isang malaking pampasigasig sa akin: Inuusig ng mga demonyong ito ang mga naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan dahil namumuhi sila sa Diyos. Ang duwag at masama nilang layunin ay ang pigilin kami sa paniniwala at pagsunod sa Diyos at sa ganoon ay gambalain at sirain ang gawain ng Diyos at wasakin ang pagkakataon ng sangkatauhan na maligtas. Sa mahalagang sandaling ito ng espirituwal na pakikipaglaban, hindi ako maaaring magpatalo at hayaan ang sarili kong maging tampulan ng biro ni Satanas. Habang lalo akong pinahihirapan ni Satanas, mas malinaw kong nakikita ang demonyo nitong mukha at mas lalo kong ginugustong talikuran iyon at tumayo sa panig ng Diyos. Naniniwala akong mananaig ang Diyos, at tiyak na matatalo si Satanas. Hindi ako maaaring sumuko, at gusto kong umasa sa Diyos at magbigay ng isang malakas at umaalingawngaw na patotoo para sa Kanya.

Nang mapagtanto ng pulisya na wala silang makukuhang anumang mahalagang impormasyon mula sa akin, itinigil na nila ang interogasyon at, noong gabing iyon, dinala nila ako sa isang detention house. Noong puntong iyon, hindi na ako makilala dahil sa bugbog—namamaga ang mukha ko, hindi ko maidilat ang mga mata ko at puno ng sugat ang labi ko. Tiningnan ako ng mga guwardiya sa kulungan at, nang makitang halos mamatay na ako sa bugbog, ayaw nilang maging responsable sa kung ano ang nangyari at tumanggi sila na tanggapin ako. Gayunpaman, matapos ang ilang negosasyon, pinapasok din ako nang mga alas-siyete ng gabi at dinala ako sa isang selda.

Noong gabing iyon, kinain ko ang una kong pagkain mula nang inaresto ako: isang matigas, maitim, at magaspang na siopao na mahirap nguyain at lunukin, at isang mangkok ng sabaw ng lantang mga gulay na may lumulutang na patay na mga uod at dumi sa ilalim ng mangkok. Hindi ako no’n napigilan na mabilis na ubusin ang pagkaing iyon. Dahil isa akong mananampalataya, sa mga sumunod na araw, madalas udyukan ng correctional officer ang ibang preso na gawing impiyerno ang buhay ko. Isang beses, nag-utos ang punong preso sa selda namin at sinunggaban ng mga alipores niya ang buhok ko at iniuntog ang ulo ko sa pader. Sa sobrang lakas ng pagkakauntog nila sa ulo ko nakaramdam ako ng pagkahilo at hindi ako makakita nang diretso. At saka, hindi nila ako pinapayagang matulog sa kama sa gabi kaya kinailangan kong matulog sa malamig na sementadong sahig malapit sa kubeta. Bukod pa rito, pinabigkas sa akin ng mga guwardiya ang mga patakaran ng kulungan at, pag nagkamali ako sa pagbigkas o nakalimutan ko ang mga iyon, hinahagupit nila ako ng isang balat na sinturon. Dahil sa hinarap ko itong halos palagiang hindi makataong pagpapahirap at panghihiya, nanghina ako, at naisip kong mas mabuting mamatay na lang kaysa maghirap na gaya ng isang nakakulong na hayop araw-araw. Sa maraming okasyon, nang malapit ko nang iuntog ang ulo ko sa pader at tapusin ang lahat, ang mga salita ng Diyos ay ginagabayan ako, sinasabing, “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob at nagpasaya sa aking puso. Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, tumulo ang mga luha mula sa mga mata ko. Naisip ko kung paanong nang brutal akong binubugbog ng mga sangganong pulis, ang pagmamahal ng Diyos ang nag-alaga sa akin sa buong panahong iyon, pinatnubayan Niya ako gamit ang mga salita Niya, at binigyan Niya ako ng pananalig at lakas, at tinulutan Niya akong ayaw-patalong makaligtas sa kakila-kilabot na pagpapahirap na iyon. Matapos akong abusuhin at apihin ng punong preso ng selda namin at pahirapan ng ibang mga preso hanggang sa punto kung saan muntik na akong mawala sa katinuan at iniisip nang tapusin ang sarili kong buhay, binigyan uli ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at tapang upang bumangong muli. Kung wala sa tabi ko ang Diyos, nagbabantay sa akin, baka matagal na akong namatay sa pagpapahirap ng masasamang halimaw na iyon. Sa harap ng matinding pagmamahal at awa ng Diyos, hindi na ako makakalaban nang pasibo at makapagdudulot ng kalungkutan sa puso ng Diyos. Kailangan kong matatag na manindigan sa Diyos at suklian ang pagmamahal Niya ng katapatan. Sa hindi inaasahan, nang malunasan ko na ang kalagayan ng aking pag-iisip, idinulot ng Diyos na bumangon at magprotesta ang isa pang preso para sa akin at siya at ang punong preso ay nagkaroon ng malaking away. Sa huli, naglubag din ang loob ng punong preso at pinayagan akong matulog sa kama. Salamat sa Diyos. Kung hindi dahil sa awa ng Diyos, ikamamatay ko o ikapaparalisa ang matagalang pagtulog sa basa at malamig na sementadong sahig, dahil sa mahina kong pangangatawan. Sa ganitong paraan, nagawa kong makatagal sa loob ng dalawang nakakapanghinang buwan sa loob ng kulungan. Noong panahong iyon, dalawang beses pa akong kinuwestiyon ng mga sangganong pulis gamit ang parehong mabuting pulis, masamang pulis na estratehiya. Ngunit, dahil sa proteksyon ng Diyos, nakita ko ang tusong balak ni Satanas at nahadlangan ang kanilang masamang pakana. Sa huli, naubusan na sila ng diskarte at, matapos ang lahat ng kanilang bigong mga interogasyon, sa wakas sinentensyahan nila ako ng tatlong taong pagkakakulong at pinadala ako sa Pangalawang Kulungan ng Kababaihan para bunuin ang aking sentensya.

Mula sa unang araw na dumating ako sa bilangguan, puwersahan akong pinagawa ng nakakapagod na pisikal na gawain. Kinailangan kong magtrabaho nang mahigit sa sampung oras bawat araw, at kinailangan kong mag-knit ng isang sweater, o gumawa ng tatlumpu hanggang apatnapung piraso ng damit, o mag-impake ng sampung libong pares ng chopsticks araw-araw. Kapag hindi ko nagawang kumpletuhin ang mga gawaing ito, hahaba ang pamamalagi ko sa kulungan. Tila ba hindi pa nakakapagod ang matinding pisikal na gawain, sa gabi pinipilit kaming makibahagi sa isang uri ng sapilitang pangungumbinsing pulitikal na naglalayong papanghinain kami, kung saan pinag-aral kami ng mga patakaran sa kulungan, ng batas, Marxism-Leninism, at ang Mao Zedong Thought. Kapag naririnig ko ang mga opisyal ng kulungan na inihahain ang kanilang mga ateistang kalokohan sumasama ang pakiramdam ko at nakakaramdam ako ng matinding galit dahil sa kanilang mga kasuklam-suklam at walang-hiyang pamamaraan. Sa buong panahong ako’y nasa kulungan, hindi ako nagkaroon ng isang gabing matiwasay na tulog—madalas kaming magulat sa aming pagkakatulog sa gitna ng gabi dahil sa mga pito ng mga bantay. Pinababangon at pinatatayo nila kami sa pasilyo nang walang dahilan o inuutusan kami ng mga gawain gaya ng paghila ng mga patatas, mais at patuka. Bawat sako ay may bigat na mahigit sa limampung kilo. Tuwing gabi ng taglamig, kailangan naming labanan ang umaalulong at tagos sa butong malamig na hangin. Gumagapang at paika-ika kami sa paglalakad, paisa-isang paa, minsan bumabagsak pa kami dahil sa bigat ng aming mga dala. Madalas, kinakaladkad ko ang aking pagod na katawan pabalik sa aking selda ng mga alas-dos o alas-tres ng umaga, hapo at maluha-luha. Sa mga ganoong gabi, pinipigilan akong makatulog ng pinaghalong pagod, ginaw at galit. Kapag naiisip ko na kailangan ko pang magtiis ng tatlong mahahabang taon ng pagkakakulong, nakakaramdam ako ng mas matinding kawalan ng pag-asa at ang aking buong katawan ay napaparalisa dahil sa kapaguran. Alam ng Diyos ang aking paghihirap, at sa mga pinakamahirap na bahagi ng buhay ko, pinatnubayan Niya akong maalala ang siping ito ng Kanyang mga salita, “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Malaking ginhawa ang mga salita ng Diyos para sa aking nalulungkot at naghihirap na puso at tinulutan ako ng mga ito na maunawaan ang Kanyang kalooban. Isang tunay na pagsubok ang sitwasyong aking kinalalagyan ngayon. Gustong makita ng Diyos kung mananatili akong tapat sa Kanya sa gitna ng ganitong paghihirap at kung talaga bang mahal ko Siya o hindi. Kahit napakatagal na panahon ang tatlong taon sa kulungan, dahil sa salita ng Diyos na gumagabay sa akin at sa pagmamahal Niyang tumutulong sa akin, alam kong hindi ako nag-iisa. Aasa ako sa Diyos upang matiis ko ang lahat ng sakit at paghihirap at mapagtagumpayan si Satanas. Hindi ko mahahayaan ang sarili kong maging mahina ang loob.

Malinaw ang kadiliman at kasamaan ng pamahalaang CCP sa bawat aspeto ng kulungang ito na pinangasiwaan nila, ngunit palagi kong kasama ang pagmamahal ng Diyos. Isang beses, inutusan ako ng isang bantay na humila ng isang sako ng chopsticks hanggang sa ikalimang palapag. Dahil balot ng yelo ang hagdan, kinailangan kong maglakad nang napakabagal dahil sa bigat ng sako. Gayunpaman, pilit akong pinagmamadali ng bantay, at sa takot na mabugbog ako nang matindi kapag hindi ko nakumpleto ang gawain ko, nag-alala ako at nadulas dahil sa aking pagmamadali, nahulog ako sa hagdan at nabalian ng buto sa sakong. Humandusay ako sa sahig, hindi maigalaw ang aking binti at pinagpawisan nang malamig dahil sa sakit ng aking bali. Gayunpaman, ni hindi nagpakita ng katiting na interes ang bantay. Sinabi niyang nagkukunwari lang ako at inutusan niya akong tumayo at magpatuloy sa trabaho, ngunit hindi ko nagawang tumayo. Isang kapatid mula sa iglesia, na nakakulong din sa parehong bilangguan, ang nakakita sa nangyari at mabilis akong binuhat papunta sa klinika ng kulungan. Sa klinika, basta lang na binendahan ng doktor ang paa ko, binigyan ako ng ilang tableta ng mumurahing gamot at pinaalis na ako. Sa takot na hindi ko maabot ang quota ko sa gawain, hindi pumayag ang bantay na ipagamot ako, kaya kinailangan kong magtrabaho nang may baling paa. Saanman kami magtrabaho, pinapasan ako ng kapatid papunta roon. Dahil itinali nang magkasama ng pagmamahal ng Diyos ang aming mga puso, sa tuwing may pagkakataon siya, binabahaginan ako ng kapatid ng salita ng Diyos upang palakasin ang loob ko. Isa itong napakalaking ginhawa para sa akin sa pinakamababa at pinakamahirap na mga sandali ko. Sa panahong iyon, hindi ko alam kung ilang beses akong nasaktan at nanghina at halos hindi makatayo, at halos wala nang lakas upang huminga, at napakaraming beses akong nagtago sa kubrekama habang lumuluhang nagdarasal sa Diyos, ngunit palaging nagbibigay ng lakas ng loob at ginhawa ang dalawang himnong ito: “Na kaya mong tanggapin ang paghatol, pagkastigo, paghampas, at pagpipino ng mga salita ng Diyos, at, higit pa rito, ay kayang tanggapin ang mga atas ng Diyos, ay unang pagtatalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at kaya hindi ka dapat masyadong mabagabag kapag ikaw ay kinakastigo. Walang sinuman ang makaaagaw sa gawain na nagawa na sa inyo, at sa mga pagpapala na naipagkaloob na sa inyo, at walang sinuman ang makaaagaw sa lahat ng mga naibigay na sa inyo. Ang mga tao ng relihiyon ay hindi maihahambing sa inyo. Hindi ninyo taglay ang malaking kahusayan sa Biblia, at hindi kayo nasasangkapan ng teorya ng relihiyon, ngunit dahil ang Diyos ay gumawa na sa inyo, nagkamit na kayo ng higit sa kaninuman sa kabuuan ng mga kapanahunan—at kaya ito ang inyong pinakamalaking pagpapala(“Hindi Mo Maaaring Biguin ang Kalooban ng Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). “Ang daan patungo sa kaharian ay mabato na maraming problema at kabiguan. Mula kamatayan hanggang buhay sa gitna ng di mabilang na pagpapahirap at luha. Kung walang patnubay at proteksyon ng Diyos, sino ang makakasunod sa Kanya hanggang sa ngayon? Pinamunuan at plinano ng Diyos ang pagsilang natin sa mga huling araw, at mapalad tayo na makasunod kay Cristo. Nagpapakumbaba ang Diyos upang maging Anak ng tao, at dumaranas siya ng labis na kahihiyan. Nagdusa ang Diyos nang labis, paano ako tatawaging tao kung hindi ko mahal ang Diyos? … Sa pagtapak ko sa landas ng pagmamahal sa Diyos, hindi ako kailanman manghihinayang sa pagsunod at pagpapatotoo sa Kanya. Maaari akong maging mahina at negatibo, lumuluha man ako, ang puso ko’y nagmamahal pa rin sa Diyos. Tinitiis ko ang pagdurusa at ibinibigay ko ang pag-ibig ko sa Diyos, hindi na magiging sanhi pa ng Kanyang pighati. Ang pinatibay sa kapighatian ay kasing-ganda ng ginto na idinarang sa apoy; paanong hindi ko ilalaan ang aking puso? Ang daan patungong langit ay mahirap at mabato. Magkakaroon ng mga luha, ngunit mamahalin ko ang Diyos nang mas malalim at walang panghihinayang” (“Awit ng Pagmamahal sa Diyos Nang Walang Panghihinayang” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Iniligtas ako ng mga salita at pagmamahal ng Diyos mula sa malalim na kawalan ng pag-asa, at paulit-ulit akong binigyan ng tapang upang patuloy na mabuhay. Sa malamig at madilim na impiyernong ito sa lupa, naranasan ko ang init at proteksyon ng pagmamahal ng Diyos, at determinado akong patuloy na mabuhay para masuklian ko ang pagmamahal ng Diyos. Kahit gaano katindi ang paghihirap ko, kailangan kong magpatuloy; kahit isang hininga na lang ang natitira sa akin, kailangan kong manatiling tapat sa Diyos. Sa tatlong taon ko sa kulungan, pinakanapukaw ako nang bigyan ako ng aking kapatid ng ilang pahina ng sulat-kamay na salita ng Diyos. Na nagawa kong magbasa ng salita ng Diyos sa isang kulungang pinatatakbo ng mga diyablo na may seguridad na mas mahigpit pa sa Fort Knox ay talagang isang testamento sa napakalaking pagmamahal at awa na ipinapakita sa akin ng Diyos. Ang mga salitang ito ng Diyos ang nagpalakas ng loob at gumabay sa akin, na tinulutan akong matiis ang pinakamahirap na panahong iyon.

Noong Setyembre ng 2005, natapos ang aking sentensya at sa wakas malalagpasan ko na rin ang madidilim na araw ng aking pagkakakulong. Habang papalabas ako ng kulungan, huminga ako nang malalim at nagpasalamat sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso para sa Kanyang pagmamahal at proteksyon, na nagtulot sa akin na makatagal sa aking panahon sa bilangguan. Dahil sa personal kong karanasan ng pang-aaresto at pang-uusig ng pamahalaang CCP, alam ko na ngayon kung ano ang matuwid at masama, kung ano ang mabuti at makasalanan, at kung ano ang positibo at negatibo. Alam ko kung ano ang bagay na upang mahanap ko ay kailangan kong iwan ang lahat at kung ano ang bagay na kailangan kong tanggihan nang may poot at pagsumpa. Sa karanasang ito, talagang nalaman ko na ang salita ng Diyos ay sariling buhay ng Diyos at nilagyan ng mahimalang kapangyarihan na maaaring maging pampasigasig sa buhay ng tao. Hangga’t nabubuhay ang tao ayon sa salita ng Diyos, magagawa niyang mapagtagumpayan ang lahat ng puwersa ni Satanas at makakapanaig kahit sa pinakamahirap na kalagayan. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pag-uusig at Paghihirap ay Tumulong sa Akin upang Lumago

Ang Diyos ay tunay na isang marunong na Diyos! Talagang ang gawain ng Diyos ay kahanga-hangang at di-inaasahan! Ang sitwasyong ito ngayon ay dumating sa akin at, sa ibabaw, ito ay mukhang waring bang tinangay ang aking ina nang malaking pulang dragon, kinuha ang aking tanging sandigan, ginawang mahirap para sa akin na bumalik nang bahay, sinubukan nang walang kabuluhan para gamitin ito para hadlangan ang aking paniniwala sa Diyos at upang ako ay gumuho

Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, Tsina Isang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Isang Buhay na nasa Bingit

Ni Wang Fang, TsinaNoong 2008, ako ang responsable sa pagbibiyahe ng mga lathalain ng iglesia. Isa itong napakapangkaraniwang uri ng...