Mahigpit na Pagkapit sa Aking Tungkulin sa Isang Mapanganib na Sitwasyon

Pebrero 25, 2025

Ni Li Fang, Tsina

Isang araw noong Hulyo ng 2023, pagbalik ko mula sa isang pagtitipon, agad akong nilapitan ng isang sister at sinabi sa akin na naaresto ang isang diyakono ng pangkalahatang gawain na nagngangalang Qiu Ling at ang isang lider ng iglesia. Hinimok niya rin ako na maging lubos na maingat sa tuwing lumalabas ako para dumalo sa mga pagtitipon. Medyo nabigla ako at naisip ko, “Palagi akong nakikipagtipon kasama si Qiu Ling at madalas akong pumunta sa bahay nila. Napansin na kaya ako ng mga pulis? Dalawang taon na ang nakalipas, iniulat ako dahil sa pananampalataya ko sa Diyos at kinuhaan ako ng video ng mga pulis noong panahong iyon. Kung muli akong maaaresto, magiging isang paulit-ulit na paglabag na iyon, at kung hindi nila ako papatayin, tiyak na iiwan nila ako na lubhang napinsala.” Hindi nagtagal, dumating ang isa pang lider ng iglesia at sinabi niyang siya ang mag-aasikaso sa mga susunod na hakbang. Hiniling niya sa akin na diligan at suportahan ko ang mga baguhan upang makapanindigan sila sa harap ng pag-uusig at paghihirap. Nang ibigay niya sa akin ang pagtatalagang iyon, nakaramdam ako ng biglaang pagkabalisa at naisip ko, “Sa ganito kapanganib na sitwasyon, hindi ba’t ipinadadala niya ako sa gitna ng panganib?” Ang mga larawan ng mga kapatid na dumaranas ng iba’t ibang paraan ng pagpapahirap ay sunud-sunod na naglaro sa aking isipan. Nagsimula akong mag-alala, iniisip na, “Mayroong video ko ang mga pulis. Kapag nahuli nila ako, tiyak na hindi nila ako palalampasin nang ganoon na lamang. Kung hindi ko kayanin ang pagpapahirap at maging isang Judas ako, hindi lamang sa hindi ko makakamtan ang kaligtasan, babagsak din ako sa impiyerno upang maparusahan. Ang lahat ng nagawa ko sa aking pananalig nitong mga taon na ito—ang pagtalikod sa pamilya, pag-iwan sa aking propesyon, paggugol ng sarili, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga—hindi ba’t masasayang lamang ang lahat ng iyon?” Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, ang tanging nais ko ay magtago sa aking tinutuluyang bahay at iwasang lumabas. Para sa akin, ito ang mas ligtas na paraan upang harapin ang sitwasyon. Gayumpaman, napagtanto ko pagkatapos na mali ang ganitong paraan ng pag-iisip: Hindi ba’t pagiging makasarili kung ako ay magiging duwag, matatakutin, at kung poprotektahan ko lamang ang sarili kong interes sa gayong kritikal na sandali? Ang lider ay sumusuong sa panganib upang asikasuhin ang mga susunod na hakbang—kung katulad ko siya, umuurong agad sa kaunting babala ng panganib, sino ang mag-aasikaso ng mga susunod na hakbang? Nang mapagtanto ko ito, sa kabila ng nadaramang kaduwagan at takot, tinanggap ko pa rin ang pagtatalaga.

Bandang tanghali ng sumunod na araw, nabalitaan ko na inaresto ng pulis ang isang sister na nagpapatuloy at ang kanyang nakababatang kapatid na babae. Naisip ko, “Kasama ko lamang sila sa isang pagtitipon kamakailan lang at ngayon ay naaresto na sila. Kung lalabas ako, hindi ba’t maaaresto rin ako?” Nakaramdam ako ng matinding paglalaban ng loob: Kung lalabas ako, maaari akong maaresto, ngunit kung mananatili ako, hindi malalaman ng iba pang mga kapatid ang tungkol sa pagkakaaresto ng dalawang sister na ito. Kung hindi ko agad ipapaalam sa kanila, maaari din silang manganib na maaresto. Nang mapagtanto ito, nagpasya akong ipaalam sa kanila ang nangyari, hilingin sa kanila na pansamantalang itigil ang mga pagtitipon at itago ang lahat ng mga aklat nila ng mga salita ng Diyos. Pagbalik ko, naisip ko, “Hinding-hindi na ako maaaring lumabas muli. Napakadelikado na talaga!” Sa gulat ko, bandang gabi noong araw na iyon, pinuntahan ako ni Brother Wang Bin at sinabi niya sa akin na ang mga lider ay dati nang nagsaayos ng isang pagtitipon sa kanyang bahay upang talakayin ang gawain, ngunit kamakailan ay naaresto ang kanyang asawa at siya naman ay nakatakas sa pamamagitan ng pagtalon sa pader. Sinabi ni Brother Wang na kailangang ipabatid namin sa mga lider na huwag munang pumunta sa bahay niya. Mas lalo akong natakot at nataranta at nanghina ang aking mga binti. Naisip ko, “Kung sinusundan at minamanmanan ako ng mga pulis, pagkalabas ko pa lang, tiyak na aarestuhin na nila ako! Ang mga pulis na iyon ay labis na malupit at masama sa mga hinirang na tao ng Diyos, at ako ang tinututukan nilang arestuhin. Kung maaresto nila ako at mabugbog hanggang sa mamatay, hindi ko na muling makikita ang aking asawa at anak!” Ngunit bukod kay Brother Wang Bin, na himalang nakatakas mula sa mga pulis, ang tanging ibang taong maaaring makatulong ay isang may-edad na sister. Ang sister na iyon ay halos 80 taong gulang na at hindi na gaanong makakilos. Bukod pa rito, madilim na nang mga oras na iyon, kaya ako na ang kailangang maghatid ng liham sa mga lider. Nagmadali akong manalangin sa Diyos at pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na aking nabasa: “Ang kanilang kawalan ng katapatan ay naipapamalas sa kung paano nila palaging pinoprotektahan ang kanilang sarili, umaatras tulad ng isang pagong papasok sa bahay nito kapag nahaharap sila sa anumang bagay, at naghihintay na lumipas muna ito bago nila muling ilabas ang kanilang ulo. Anuman ang kanilang nakakatagpo, palagi silang nag-iingat nang husto, sobrang nababalisa, nag-aalala, at nangangamba, at hindi nila kayang tumayo at ipagtanggol ang gawain ng iglesia. Ano ang problema rito? Hindi ba’t ito ay kawalan ng pananalig? Wala kang tunay na pananalig sa Diyos, hindi ka naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at hindi ka naniniwala na ang buhay mo, ang lahat ng sa iyo ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ka naniniwala sa sinasabi ng Diyos na, ‘Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas si Satanas na galawin ni isang buhok sa iyong katawan.’ Umaasa ka sa sarili mong mga mata at hinuhusgahan mo ang mga katunayan, hinuhusgahan mo ang mga bagay-bagay batay sa sarili mong mga pagtataya, palaging pinoprotektahan ang iyong sarili. … Bakit walang tunay na pananalig sa Diyos? Ito ba ay dahil masyadong mababaw ang mga karanasan ng mga tao at hindi nila maunawaang mabuti ang mga bagay na ito, o ito ba ay dahil sa napakakaunti ng kanilang pagkaunawa sa katotohanan? Ano ang dahilan? May kinalaman ba ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Ito ba ay dahil masyadong tuso ang mga tao? (Oo.) Gaano man karaming bagay ang nararanasan nila, gaano man karaming katunayan ang inilalatag sa harap nila, hindi sila naniniwala na ito ay gawain ng Diyos, o na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Isang aspekto ito. Ang isa pang malubhang isyu ay ang sobrang pag-aalala ng mga tao sa kanilang sarili. Hindi sila handang magbayad ng anumang halaga o magsakripisyo para sa Diyos, para sa Kanyang gawain, para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, para sa Kanyang pangalan, o para sa Kanyang kaluwalhatian. Hindi sila handang gawin ang anumang bagay na may kalakip na kahit pinakakatiting na panganib. Masyadong nag-aalala ang mga tao sa kanilang sarili! Dahil sa kanilang takot na mamatay, na mapahiya, na mabitag ng masasamang tao, at na masadlak sa anumang uri ng suliranin, ginagawa ng mga tao ang lahat para mapangalagaan ang kanilang sariling laman, sinisikap na hindi sila mapasok sa anumang delikadong sitwasyon. Sa isang aspekto, ipinapakita ng ganitong pag-uugali na masyadong tuso ang lahat ng tao, habang sa isa pang aspekto, ibinubunyag nito ang kanilang pangangalaga sa sarili at kasakiman(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 19). Ang paghatol at pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos ay tumagos sa aking kaibuturan. Hiyang-hiya ako: Kumikilos ako sa mismong paraang inilarawan ng Diyos. Kapag walang panganib at maayos ang lahat, palagi kong sinasabi na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, ang may kontrol sa lahat, na ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at kahit gaano pa kahirap ang sitwasyon, dapat nating gampanan nang wasto ang ating tungkulin at manindigan sa ating patotoo sa Diyos. Ngayon ay nakita ko na bumibigkas lamang ako ng mga sawikain at ang pagtupad ng aking tungkulin at ang pagtugon sa Diyos ay mga mithiin ko lamang. Ang mga lider ay nasa panganib na maaresto at hiniling ni Brother Wang Bin na ihatid ko ang isang liham sa kanila—sinuman na may katiting na pagkatao ay isasaalang-alang ang mga interes ng iglesia at agad na ipadadala ang liham, ngunit makasarili ako at mapanlinlang at inisip ko lamang ang aking sariling kaligtasan. Ayaw kong umalis dahil natakot ako na kung dadalhin ko ang liham, maaaring masundan ako at maaresto, at nag-alala ako na kung maaresto ako, pahihirapan ako. Sa ganitong mapanganib na sandali, hindi ko inisip kahit kaunti ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang kaligtasan ng aking mga kapatid. Kumapit ako sa buhay at natakot sa kamatayan, at ginawa ko lamang ang anumang kailangan ko upang mabuhay. Hindi ako karapat-dapat na maging isang mananampalataya! Nang mapagtanto ko ito, tumigil ako sa pagdadalawang-isip at agad na dinala ang liham sa mga lider gamit ang aking scooter. Pagkatanggap ng liham, hindi na pumunta ang mga lider sa bahay ni Brother Wang Bin.

Nagpatuloy ang mga pulis sa pag-aaresto at ang mga kapatid ay isa-isang nahuli. Karamihan sa mga kapatid sa iglesia ay pansamantalang itinigil ang mga pagtitipon, ngunit mayroon pang ilang baguhan na nangangailangan ng aking pagdidilig at pagsuporta. Nakaramdam ako ng kaunting paglalaban ng loob: Sa dami ng mga pag-arestong nagaganap, maaaring hindi maarok ng mga baguhan ang mga layunin ng Diyos dahil hindi sila makadalo sa mga pagtitipon at anumang oras ay maaaring iwan nila ang iglesia. Ngunit nabalitaan ko na pinipilit ng pulis ang mga nahuling kapatid na tukuyin ang mga kapatid na nasa mga larawan. Papalayain nila ang sinuman na makapagbibigay ng pagkakakilanlan ng tatlong kapatid. Kung may magtaksil sa akin, malalagay ako sa isang napakamapanganib na sitwasyon. Medyo naduwag ako nang mapagtanto ko ito. Pagkatapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Kung ano ang kayang makamit ng mga tao, dapat nilang gawin ang lahat ng magagawa nila para maisakatuparan ito; bahala na ang Diyos sa natitira pa, para gamitan Niya ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pamatnugutan, at gabayan. Ito ang pinakahindi natin dapat inaalala. Nasa likod natin ang Diyos. Bukod sa nasa puso natin ang Diyos, may tunay na pananalig din tayo. Hindi ito espirituwal na pagsuporta; sa katunayan, nasa dilim ang Diyos, at nasa tabi Siya ng mga tao, palaging kasama nila. Sa tuwing gumagawa ng anumang bagay ang mga tao o gumagawa ng anumang tungkulin, nanonood Siya; naroon Siya para tulungan ka sa anumang oras at saanmang lugar, inaalagaan at pinoprotektahan ka. Ang dapat gawin ng mga tao ay gawin ang pinakamakakaya nila para isakatuparan ang dapat nilang isakatuparan. Hangga’t may kamalayan ka, nakadarama sa puso mo, nakakakita sa mga salita ng Diyos, napapaalalahanan ng mga tao sa paligid mo, o nabibigyan ng anumang tanda o pahiwatig ng Diyos na nagbibigay sa iyo ng impormasyon—na isa itong bagay na dapat mong gawin, na ito ang atas ng Diyos sa iyo—kung gayon, dapat mong tuparin ang responsabilidad mo at hindi lang basta umupo sa isang tabi o manood sa gilid(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 21). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay ng kaaliwan at inspirasyon sa akin. Nakaramdam ako ng pananalig at nalaman ko na ang mapanganib na sitwasyong ito ay paraan ng Diyos upang subukin ako. Sinisiyasat ng Diyos ang bawat salita at gawa ko, at gaano man ako magdusa, kailangan kong manatiling tapat at hindi nahahadlangan ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Ang Diyos ang aking matibay na muog, at gaano man kapanganib ang sitwasyon sa panlabas na mundo, o gaano man kasama at kabaliw ang malaking pulang dragon, lahat sila ay nasa mga kamay ng Diyos at nakapailalim sa Kanyang mga pamamatnugot at kataas-taasang kapangyarihan. Kung gaano man kapanganib at kabigat ang sitwasyon, mas lalo kong dapat gampanan nang wasto ang aking tungkulin, manindigan sa pagsaksi sa Diyos at ipahiya si Satanas. Nang mapagtanto ko ito, nagbalatkayo ako at agad na lumabas upang diligan ang mga baguhan.

Pagkatapos niyon, nangyari ang sunud-sunod na pag-aresto ng mahigit sa sampung kapatid mula sa iglesia, at wala nang anumang ligtas na bahay na nagpapatuloy para tirhan ko. Habang naglalakad ako sa daan, nakaramdam ako ng mga hapdi ng kalungkutan at dumaloy ang mga luha mula sa aking mga mata. Naisip ko, “Kailan ba matatapos itong walang tigil, palipat-lipat na pag-iral na ito? Ang ilan sa aking mga kapatid ay naaresto, habang ang iba ay naipagkanulo na. Wala na ngayong ligtas na bahay na nagpapatuloy, kaya saan ako pupunta?” Tahimik akong nanalangin sa Diyos at hiniling ko na buksan Niya ang isang daan para sa akin. Kalaunan, naalala ko ang siping ito ng Kanyang mga salita: “Dapat mong tandaan sa lahat ng oras na kasama ng mga tao ang Diyos, at kailangan lang nilang manalangin at maghanap sa Kanya kung mayroon silang anumang paghihirap, at na sa piling ng Diyos, walang bagay na mahirap. Dapat kang magkaroon ng ganitong pananalig. Yamang nananampalataya ka na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, bakit nakararamdam ka pa rin ng takot kapag may nangyayari sa iyo, at na wala kang anumang maaasahan? Nagpapatunay ito na hindi ka umaasa sa Diyos. Kung hindi mo Siya ituturing bilang suporta mo at Diyos mo, hindi Siya ang Diyos mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at hangga’t tunay tayong nagtitiwala sa Diyos, aakayin Niya tayo. Nang mapagtanto ko ito, nanumbalik ang kaunti kong pananalig. Patuloy akong nag-iisip habang naglalakad at bigla kong naalala na medyo ligtas pa ang bahay ng isang matandang sister kaya agad akong nagtungo roon. Tinanggap ako ng sister nang walang pag-aalinlangan. Doon ko talaga nadama kung paanong ang Diyos ang matibay na suporta ng tao at sa tao nakadepende kung magtitiwalasiya sa Diyos upang maharap niya ang mga paghihirap habang ito ay dumarating.

Isang araw, pagkatapos magdilig ng mga baguhan, nagtungo ako sa isang dating bahay na nagpapatuloy upang magtanong ng ilang bagay. Sa gulat ko, sinabi sa akin ng nagpapatuloy na sister na katatapos lang halughugin ang kanyang bahay at kailangan kong umalis agad. Mabilis akong bumaba sa isang maliit na eskinita. Nag-aalala ako na baka nasusundan ako at mabilis ang tibok ng puso ko. Naisip ko, “May impormasyon na ang mga pulis tungkol sa akin. Kung madakip nila ako sa pagkakataong ito, tiyak na bubugbugin nila ako hanggang sa mamatay!” Habang lalo kong iniisip ito, lalo akong natatakot, at nininerbiyos. Patuloy akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos ko! Kung madakip man ako ng mga pulis ngayon, ito ay sa pahintulot Mo. Handa akong magpasakop. Pakiusap, bigyan Mo lamang ako ng pananalig at lakas at ng kalooban para magtiis ng pagdurusa upang makapanindigan ako sa aking patotoo sa Iyo at mapahiya ko si Satanas.” Pagkatapos manalangin, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang usapin ng kamatayan ay may kalikasang katulad ng sa iba pang mga bagay. Hindi ang mga tao ang magdedesisyon para sa sarili nila, at lalong hindi ito mababago ng kalooban ng tao. Ang kamatayan ay katulad ng anumang mahalagang pangyayari sa buhay: Ito ay lubos na nasa ilalim ng paunang pagtatakda at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kung may magmamakaawa na siya ay mamatay na, maaaring hindi siya mamatay; kung magmamakaawa siyang mabuhay pa, maaaring hindi siya mabuhay. Lahat ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos, at ito ay binabago at pinagpapasyahan ng awtoridad ng Diyos, ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4). “Kung ang ginagawa mo lang ay sumigaw ng mga islogan tungkol sa kung ano ang gusto mong gawin para sa Diyos, kung paanong gusto mong tuparin ang iyong tungkulin, at kung gaano karami ang gusto mong gugulin at pagsikapan para sa Diyos, wala itong silbi. Kapag nahaharap ka na sa realidad, kapag hinihingi na sa iyo na isakripisyo mo ang iyong buhay, kung magrereklamo ka ba sa pinakahuling sandali, kung handa ka ba, at kung tunay ka bang nagpapasakop—ito ang pagsubok sa iyong tayog. Kung sa sandaling babawiin na ang iyong buhay, panatag ang loob mo, nakahanda ka, at nagpapasakop nang walang anumang reklamo, kung pakiramdam mo ay natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin hanggang sa huli, kung maligaya at payapa ang iyong puso—kung papanaw ka nang ganito, kung gayon, para sa Diyos, hindi ka talaga pumanaw. Sa halip, nabubuhay ka sa ibang mundo at sa ibang anyo. Binago mo lang ang paraan ng iyong pamumuhay. Hindi ka tunay na patay. Sa paningin ng tao, ‘Napakabata pang namatay ng taong ito, nakakaawa naman!’ Pero sa mga mata ng Diyos, hindi ka namatay o nakapagdusa. Sa halip, nakapagtamasa ka ng mga pagpapala at lalo kang napalapit sa Diyos. Dahil bilang isang nilikha, naabot mo na ang pamantayan sa paggampan ng iyong tungkulin sa paningin ng Diyos, natapos mo na ang iyong tungkulin, hindi na kailangan ng Diyos na gampanan mo pa ang tungkuling ito na kasama ang ibang nilikha. Para sa Diyos, ang ‘pagpanaw’ mo ay hindi tinatawag na ‘pagpanaw,’ ikaw ay ‘binitbit’, ‘dinala,’ o ‘kinuha,’ at isa itong mabuting bagay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Habang pinagbubulayan ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang buhay at kamatayan ng tao ay hindi nakasalalay sa kanilang pagpili. Hindi naman sila mamamatay dahil lamang gusto nila, o mabubuhay dahil lamang nais nilang patuloy pang mabuhay. Lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagtatalaga ng Diyos. Napagtanto ko rin na nakagagalak sa Diyos na ang Kanyang mga nilalang ay nagagawang ipalaganap ang ebanghelyo ng pagliligtas ng Lumikha sa sangkatauhan at tuparin ang kanilang mga responsabilidad at tapusin ang kanilang mga tungkulin kahit sa isang masamang kapiligiran kung saan ang malaking pulang dragon ay tila baliw sa pag-aresto sa mga Kristiano. Naisip ko kung paanong ang mga banal sa buong kasaysayan ay nagsakripisyo ng kanilang mahahalagang buhay upang ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoon. Ang ilan ay pinagbabato hanggang sa mamatay, ang iba naman ay ipinahatak sa mga kabayo hanggang sa malagutan ng hininga—naranasan nila ang lahat ng paraan ng kakila-kilabot na kamatayan. Maaaring isipin ng mga tao na ang kanilang mga kamatayan ay malupit at kalunos-lunos, ngunit tinitingnan ng Diyos ang mga kamatayan nila bilang makabuluhan at mahalaga. Tungkol naman sa akin, sa tuwing nahaharap ako sa isang mapanganib na sitwasyon, natatakot ako sa kamatayan, mahal ko ang aking buhay, at hindi ko nauunawaan kung ano talaga ang kamatayan at kung ano ang kahulugan ng kamatayan. Kung mahuli nga talaga ako ng mga pulis isang araw, ipagkanulo ko ang Diyos at maging isang Judas dahil takot ako sa kamatayan, magiging isang makasalanan ako magpakailanman at ang aking katawan, kaluluwa, at espiritu ay sasailalim sa walang hanggang kaparusahan—iyon ang aktuwal na kamatayan. Kahit gaano pa kalupit at kasama ang malaking pulang dragon, ang kaya lamang nitong wasakin ay ang laman ng tao. Kung talagang maaaresto ako at bubugbugin ng mga pulis hanggang mamatay, titiisin ko ang pag-uusig alang-alang sa katuwiran. Bagama’t mamamatay ang aking laman, ang kaluluwa ko ay mananatili sa mga kamay ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, hindi na ako natakot sa kamatayan.

Pagkatapos, naalala ko ang mga salita ng Diyos, na nagsasabi: “Sa panahon ng pagpapalawak ng gawain ng pamamahala ng Diyos, lahat ng sumusunod sa Diyos ay gumaganap ng kani-kanilang tungkulin, at napagdaanan na nilang lahat nang ilang beses ang panunupil at malupit na pang-uusig ng malaking pulang dragon. Ang landas ng pagsunod sa Diyos ay malubak at hindi patag, at lubhang mahirap ito. Naranasan na mismo ito ng sinumang mahigit dalawa o tatlong taon nang sumusunod sa Diyos. Ang tungkuling ginagampanan ng bawat tao, pamalagian man itong tungkulin o pansamantala lang, ay mula sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Maaaring maaresto nang madalas ang mga tao, at maaaring maabala at masira ang gawain ng iglesia, at maaaring magkaroon ng kakulangan sa mga taong gumaganap ng mga tungkulin, lalo na sa mga may mahuhusay na kakayahan at propesyonal na kasanayan, na kabilang sa minorya, pero dahil sa pangunguna ng Diyos, dahil sa Kanyang kapangyarihan at awtoridad, nakabangon na ang sambahayan ng Diyos mula sa panahon ng pinakamatinding paghihirap, at nasa tamang landas na ang lahat ng gawain nito. Para sa tao, tila imposible ito, pero walang bagay na mahirap matupad para sa Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Habang pinagbubulayan ko ang mga salita ng Diyos, naliwanagan ako nang husto. Gaano man kahirap ang mga pangyayari, palaging ginagamit ng Diyos ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan upang akayin ang mga tao sa bawat hakbang nila. Halimbawa, noong pangunahan ni Moises ang pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, nasa harapan nila ang Dagat Pula at nasa likuran nila ang isang hukbo ng mga sundalong humahabol sa kanila—sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, naniwala ang mga tao na ang mga Israelita ay naharap sa tiyak na kamatayan ngunit hindi itinulot ng Diyos na masaktan ng mga sundalo ang mga Israelita. Inutusan Niya si Moises na itapat ang kanyang tungkod sa Dagat Pula at nahati ang tubig, at nagkaroon ng landas ng tuyong lupa na nagbigay-daan para makatawid ang mga Israelita sa dagat. Nang tangkain ng mga sundalo na tumawid sa dagat, natabunan ng tubig ang tuyong lupa, nalunod ang buong hukbo. Ipinakikita nito sa atin ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, karunungan, at mga mahimalang gawa ng Diyos. Kung pumunta ako sa bahay ng aking sister nang mas maaga nang kalahating oras, maaaring naaresto ako, ngunit dahil sa mahimalang proteksyon ng Diyos, nanatili akong ligtas at maayos. Nang napagtanto ko ang lahat ng ito, bumuo ako ng resolusyon sa Diyos na kung pahihintulutan Niyang madakip ako ng mga pulis, handa akong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Kung ako ay bugbugin hanggang sa mamatay, ito ay pagdanas ng pag-uusig alang-alang sa katuwiran at magiging makabuluhan ito. Sa pagkaarok ko sa lahat ng ito, nakaramdam ako ng kapayapaan. Pagkatapos kong matiyak na walang sumusunod sa akin, mabilis akong nakipag-ugnayan sa mga kapatid na nakapailalim sa natatagong panganib at sinabihan ko saila na magtago.

Sa pamamagitan ng karanasan kong ito, napagtanto ko na ang CCP ay isang demonyo na nangwawasak at namiminsala ng sangkatauhan. Isa-isa nitong inaresto ang mga kapatid at gumamit ng lahat ng uri ng kasuklam-suklam na taktika—binabantaaan sila, sinusuhulan ng mga pangako, pinahihirapan, at pinagdurusa sila—lahat ng ito upang ipagkanulo nila ang Diyos at pagtaksilan ang isa’t isa. Ito ay isinumpa at ang mismong sagisag ng kasamaan! Kinapootan ko ito mula sa kaibuturan ng aking puso at tinanggihan at naghimagsik laban dito. Higit pa rito, mas tumibay ang determinasyon ko na sumunod sa Diyos hanggang sa huli. Sa kabila ng kaunting pagdurusa at pagharap sa takot at pagkabahala sa buong karanasang ito, ang pagdaranas na ito ay tumulong sa akin upang makilala ko ang aking makasarili, kasuklam-suklam, at satanikong kalikasan at pinayagan nitong masaksihan ko ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, kataas-taasang kapangyarihan, at mga himalang gawa ng Diyos. Nagbigay ito sa akin ng higit pang pananalig sa Diyos. Ito ay isang karanasang hindi ko kailanman malilimutan at nagbigay ito sa akin ng mahalagang karanasan sa buhay.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Liitan ang Font Size
Lakihan ang Font Size
Pumasok sa Full Screen
Lumabas sa Full Screen