Inalog ng mga Salita ng Diyos Hanggang Magising ang Aking Espiritu

Pebrero 2, 2021

Ni Nannan, USA

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa kasalukuyang yugto ng gawain ng Diyos sa mga huling araw na ito, hindi na Niya basta iginagawad ang biyaya at mga pagpapala sa tao tulad ng ginawa Niya dati, ni sinusuyo Niya ang tao na sumulong. Sa yugtong ito ng gawain, ano ang nakita ng tao mula sa lahat ng aspeto ng gawain ng Diyos na kanyang naranasan? Nakita ng tao ang pag-ibig ng Diyos at ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Sa panahong ito, pinaglalaanan, sinusuportahan, nililiwanagan at ginagabayan ng Diyos ang tao, nang sa gayon ay unti-unti niyang nalalaman ang Kanyang mga intensyon, nalalaman ang mga salita na sinasabi Niya at ang katotohanang iginagawad Niya sa tao. … Ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nagbibigay-daan upang unti-unting makilala ng mga tao ang katiwalian at satanikong diwa ng sangkatauhan. Iyong ipinagkakaloob ng Diyos, ang Kanyang pagbibigay kaliwanagan sa tao at ang Kanyang paggabay ay nagbibigay-daan sa sangkatauhan upang higit pa lalong makilala ang diwa ng katotohanan, at patuloy na malaman kung ano ang kinakailangan ng mga tao, kung anong daan ang dapat nilang tahakin, para sa ano ang kanilang pamumuhay, ang kahalagahan at kahulugan ng kanilang mga buhay, at kung paano lumakad sa daang tatahakin. … Kapag napasigla na ang puso ng tao, hindi na niya nais pang mabuhay na may masama at tiwaling disposisyon, kundi sa halip ay nais hanapin ang katotohanan upang palugurin ang Diyos. Kapag ang puso ng tao ay nagising na, makahihiwalay na nang husto ang tao kay Satanas. Hindi na siya mapipinsala pa ni Satanas, hindi na muling kokontrolin o lilinlangin nito. Sa halip, ang tao ay maaaring maagap na makipagtulungan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga salita upang bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos, sa gayon ay nakakamit ang pagkatakot sa Diyos at ang paglayo sa kasamaan. Ito ang orihinal na layunin ng gawain ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mayroon akong kaunting karanasan sa siping ito ng mga salita ng Diyos.

Noong Hunyo ng 2016, naitalaga akong gawin ang aking tungkulin sa pangkat ng pagbigkas sa Ingles. Masaya talaga ako dahil sa wakas ay masusubukan ko ang kakayanan ko sa Ingles. Maipapakita ko nang husto ang mga kakayanan ko! Hindi ako makapaghintay na sabihin sa mga kapatid ko sa amin, at ipaalam sa kanila ang magandang balita. Pinapantasya ko pa nga ang inggit sa kanilang mga mukha kapag nalaman nila ito.

Pagkatapos kong magsimula sa tungkulin, napansin ko na talagang matatas magbasa ng Ingles ang ibang mga kapatid at maganda rin ang kanilang pagbigkas. Madalas silang nag-uusap sa Ingles, at maging sa mga pagpupulong at habang tinutupad ang mga tungkulin, lahat ng pakikipag-usap nila ay sa Ingles. Hindi kasing husay ng sa kanila ang aking Ingles. Nainggit ako at nabalisa, ngunit sinabi ko sa aking sarili: Basta’t mag-aral akong mabuti, darating ang araw na magiging kasinggaling din nila ako o mas magaling pa nga! Kaya’t nagsimula akong gumising nang napakaaga at nagpupuyat sa gabi para mag-aral ng Ingles at magsaulo ng bokabularyo. Palagi kong iniisip kung paano ko mapagbubuti ang aking pagganap sa gawain. Sa tuwing may naririnig akong nagbabahagi ng kanilang karanasan sa gawain, inilalabas ko ang aking panulat at nagsisimulang magtala. Mabilis na lumipas ang maraming buwan. Ako pa rin ang pinakamabagal ang pag-unlad at pinakamahina sa pangkat. Sa kabatirang hindi ko natutupad ang aking mga tungkulin, at na madalas na kailangan ko pang kumuha ng mga tip at tulong mula sa mga nakababatang kapatid, dagdag pa ang katotohanang madalas na binibigyan lang ako ng pinuno ng pangkat ng mababang uri at pangkaraniwang gawain noong panahong iyon, naramdaman kong lubos akong hindi kailangan sa pangkat. Talagang nanghina at sumama ang loob ko. Kalaunan, dumating ang isang bagong sister para magtrabaho sa aming pangkat. Hindi niya alam ang mga tungkulin ng aming pangkat, kaya’t pinatulungan siya sa akin. Lihim akong natuwa na hindi na ako ang pinakamahina sa aming pangkat. Ngunit laking gulat ko na may talento ang sister na ito at mabilis matuto, kaya’t mabilis na gumaling ang kanyang Ingles. Sa loob ng dalawa o tatlong buwan, mas mahusay na siya kaysa sa akin. Nagitla ako dahil dito: “Sa ganitong bilis, hindi magtatagal at ako na naman ang pinakamahinang miyembro ng aming pangkat. Kauna-unawa na hindi ako kasinghusay ng ibang mga miyembro na mas matagal nang gumagawa kaysa sa akin. Ngayon ay pumasok ang baguhang ito at pinatulungan siya sa akin, ngunit sa sandaling panahon lang ay naging mas magaling na siya kaysa sa akin. Nakakahiya iyon!” Nabubuhay ako sa bawat araw na nakikipagpaligsahan para sa katayuan at reputasyon at palagi akong hindi mapalagay. Lumipas ang mga araw ko sa lubos na kalungkutan. Hinahanap-hanap ko na ang mga nakalipas na araw na tinutupad ko ang aking tungkulin sa aming bayan. Dati’y ako ang nangunguna sa mga diskusyon at pagpaplano. Sumasang-ayon ang lahat ng mga kapatid sa aking mga pananaw at mataas ang pagtingin sa akin ng mga pinuno ng simbahan. Dati’y importante akong tao, ngunit ngayo’y labis akong nalugmok. Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong naramdaman na ako ay naapi at ginawan ng mali. Minsan, umabot ako sa pagtatago sa loob ng palikuran at umiiyak. Noong gabing iyon, pabaling-baling ako sa aking higaan at hindi ako makatulog. Hindi ko mapigilang isipin, “Unang araw pa lang, ako na ang pinakamahinang miyembro sa aking pangkat. Ano kaya ang iniisip ng ibang mga kapatid tungkol sa akin? Ayaw ko nang manatili rito.” Ngunit naisip ko kung paanong taimtim akong nanumpa sa Diyos na gugugulin ang aking sarili para sa Kanya upang suklian ang Kanyang pag-ibig habang nabubuhay ako. Kung pababayaan ko ang aking mga tungkulin, hindi ba’t sisirain ko ang aking pangako? Hindi ba’t dinadaya at pinagtataksilan ko ang Diyos? Masamang-masama ang loob ko, kaya’t nanalangin ako sa Diyos, sinabi ko: “Mahal kong Diyos, hindi ko alam kung paano malalampasan ang kalagayang ito o kung ano ang matututunan ko rito. Gabayan po Ninyo ako at bigyan ng kaliwanagan.”

Pagkatapos noon, binasa ko sa aking telepono ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para iwasto ang inyong hangaring magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. Umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao dahil palaging sinisira ng lason ni Satanas ang isipan ng mga tao, at palaging hindi maiwaksi ng mga tao ang mga tuksong ito ni Satanas. Nakasadlak sila sa kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan iyon, at iniisip pa rin nila: ‘Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at angkop na isaayos ang lahat para sa amin. Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan makalamang kami sa iba, at kailangan magkaroon kami ng mas magandang katayuan at kinabukasan kaysa sa iba. Dahil naniniwala kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hanggang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na paniniwala sa Diyos.’ Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang malakas at matibay na pagpapasya, kundi sila rin ay naging ganid, mapagmataas at sutil. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensiyang ito ng kadiliman. Ang isipan at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Tamang-tama ang paliwanag ng salita ng Diyos sa aking kalagayan! Hindi ba’t labis akong nasaktan at tumatanggi pa ngang tuparin ang aking mga tungkulin at ninanais pang pabayaan ang aking mga tungkulin at pagtaksilan ang Diyos dahil hindi nabigyang-kasiyahan ang aking pagnanasa para sa katayuan? Mula noong sumali ako sa pangkat, gusto ko lang patunayan ang aking sarili at mapansin sa pangkat kaya’t nag-aaral akong mabuti ng Ingles para mapagbuti ang aking pagganap sa gawain. Sa napakabilis na paghusay ng bagong sister, nag-alala akong malalampasan niya ako at muli akong magiging pinakamahinang miyembro sa pangkat. Ginugol ko ang buong araw na nag-aalala tungkol sa katayuan at nabuhay ako sa lubos na kalungkutan. Sa pagtingin sa mga salita ng Diyos “ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso,” tinanong ko ang aking sarili: “Bakit ako nagsisikap para sa katayuan? Anong mga kaisipan ang nagdudulot sa akin ng lahat ng kalungkutang ito?” Pagkatapos lang na pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos ko naunawaan na nabubuhay ako ayon sa mga satanikong kasabihan gaya ng “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa.” Mula pagkabata ay tinuturuan na tayo ng ating mga guro na manguna, maging pinakamagaling sa mga magagaling. Palagi akong humahanga at naiinggit sa mga mararangal at kilalang tao, at nais kong maging kagaya nila. Saan man ako naroon, nais ko na palaging mataas ang tingin sa akin ng mga tao, at mas maganda pa kung hinahangaan, sinusuportahan, at pinupuri nila akong lahat. Akala ko ito ang paraan ng pamumuhay nang masaya at may kapaki-pakinabang na buhay. Malungkot ang buhay at nagiging matamlay ako kapag hindi ko nakukuha ang paghanga at papuri ng iba. Hinangad ko pa rin ang mga bagay na ito pagkatapos kong simulang tuparin ang mga tungkulin ko sa bahay ng Diyos. Ngunit kapag wala akong masyadong nakikitang pagbabago o hindi ko nakakamit ang papuri at paghanga ng iba, ako’y nagiging pesimista, nawawalan ng sigla at nasisiraan ng loob. Naisip ko pa ngang pabayaan ang aking mga tungkulin at magtaksil sa Diyos. Nilamon na ako ng aking pagkahumaling sa karangalan. Titiisin ko ang anumang paghihirap at makikipaglaban sa anumang digmaan para lang makamit ito, hanggang sa umiikot na ang mundo ko sa iisang bagay na ito. Noon ko napagtanto na pinagsusumikapan ko ang maling bagay. Hindi ko tinutupad ang aking mga tungkulin para hanapin ang katotohanan at suklian ang pag-ibig ng Diyos, ginagawa ko lang ito para bigyang-kasiyahan ang sarili kong pagnanasa para sa karangalan at katayuan.

Ipinakita sa akin ng mga paghahayag sa mga salita ng Diyos kung paanong mali ang aking paghahangad. Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Para sa bawat isa sa inyo na tumutupad sa inyong tungkulin, gaano man kalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, kung nais mong pumasok sa katotohanang realidad, ang pinakasimpleng paraan para magsagawa ay isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng ginagawa mo, at bitiwan ang iyong mga makasariling hangarin, indibidwal na layon, mga motibo, reputasyon, at katayuan. Unahin mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamaliit na dapat mong gawin. … Bukod pa riyan, kung kaya mong tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, mayroon kang konsiderasyon sa kalooban ng Diyos, at inuuna mo ang mga interes Niya at ng Kanyang sambahayan, kung gayon pagkaraang danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na maganda ang ganitong pamumuhay. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay na makatarungan at marangal kaysa pagiging makitid ang utak o salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi mahalaga ang hangaan ng iba. Ang pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga plano ng Diyos, pagtataguyod sa gawain ng bahay ng Diyos, pagsasagawa sa katotohanan at pagtupad sa mga tungkulin—ang mga ito ang talagang mahalaga, at ang mga ito ang paraan ng pamumuhay nang bukas at matapat. Pagkatapos kong maunawaan ang kalooban ng Diyos, nakadama ako ng matinding ginhawa. Ako pa rin ang pinakamahina sa aming pangkat, ngunit hindi na masama ang pakiramdam ko tungkol dito. At kapag may nakasasakit sa aking karangalan at katayuan, hindi na ako kasinghina nang dati. Sadya akong nananalangin sa Diyos at tinatalikuran ang mga mali kong motibo, at nagiging kalmado ako at natutupad ang aking mga tungkulin. Ngunit malalim na ang pagkakatanim ng lason ni Satanas sa akin at naging mismong kalikasan ko na. Hindi sapat ang pag-unawa lang upang matanggal ito. Kailangan ko pang dumanas ng higit pang paghatol at pagpipino upang malinis at mabago.

Itinalaga ng pinuno ng aming pangkat sina Sister Liu at Sister Zhang upang mangasiwa sa aming gawain dahil kapwa sila may mahuhusay na kakayanang propesyunal. Nainggit at nagselos ako. Tila ba tanda ng karangalan ang magsanay sa ibang mga kapatid. Bakit ba hindi ako maging kagaya nila? Ang tanging nagagawa ko lang ay ang mga gawaing para lang may mapagkaabalahan na hindi nangangailangan ng anumang kakayanan. Hindi nagtagal, inirekomenda ako upang gawin ang tungkulin ng pagdidilig sa pangkat na tumutulong sa iba na lutasin ang kanilang mga paghihirap. Ngunit hindi ko kinasabikan ang pagkakataong ito at minaliit pa nga ang tungkuling ito. Sa akin ay para bang ang naitatalaga sa tungkuling ito ay iyong mga tao lang na walang tunay na kakayanan. Kung maayos ang pagganap ng aming pangkat, sasabihin ng lahat na dahil iyon sa dalawang sister. Sinong makapapansin sa akin na gumagawa nang walang nakakakita, na nagbabahagi ng katotohanan upang lumutas ng mga suliranin? Dahil mali ang pag-iisip ko at hindi ko makamit ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi talaga ako makaramdam ng motibasyon para tuparin ang aking mga tungkulin. Naiisip ko minsan: “Bakit hindi makapantay ang kakayahan ko sa iba? Saan ba ako magaling? Kailan ko lubos na maipakikita ang mga kakayanan ko?” Unti-unti, nagsimula akong makaramdam ng mas higit pang pagtutol at pagkabalisa. Hindi nagtagal, tuwing sinasabihan ako ni Sister Zhang na magsara ng pinto o magbukas ng bintana, pakiramdam ko’y gusto kong magalit. Naisip ko: “Gaano katagal ka na bang mananampalataya? Mas magaling ka lang nang kaunti sa mga kakayanan, iyon lang. Karapat-dapat ka na bang utus-utusan ako?” Sa huli, hindi ko na lang pinapansin si Sister Zhang kapag kinakausap niya ako. Kung minsan kapag nagtatanong siya sa akin, nagkukunwari na lang ako na hindi ko siya narinig. Kung sumasagot man ako, hindi ko ito sinasabi sa magandang paraan. Nang makita ko na napipigilan siya dahil dito, nakonsiyensiya naman ako. Ngunit pagdating sa mga usaping may kinalaman sa katayuan at karangalan, hinahayaan ko pa ring mapangunahan ako ng damdamin.

Isang umaga, nakita ko sina Sister Liu at Sister Zhang na palabas para sa isang gawain. Sa kanilang mga kasuotan ay mukha talaga silang sosyal at nakasunod sa moda. Sumama ang loob ko at nainggit sa kanila. Naisip ko, “Tinatanggap ninyo ang lahat ng papuri samantalang naiiwan ako rito para magtrabaho nang hindi napapansin. Walang makakaalam kung gaano ako naghihirap sa paggawa.” Nang bumalik ang mga sister kinagabihan, nagmamadaling binati sila ng lahat ng miyembro ng aming pangkat. Ipinaghanda pa nga sila ng hapunan ng iba. Noong una, gusto ko rin sanang bumati sa kanila at tanungin kung ano ang nangyari sa gawain nila, ngunit noong nakita ko kung paano sila binati ng iba, muli na naman akong nainggit, at naisip ko: “Nakukuha na naman ninyong dalawa ang lahat ng papuri at ngayon lalo na naman akong nagmukhang walang kuwenta.” Sa saloobing iyon, tumalikod ako at bumalik sa aking kuwarto. Hindi ako mapalagay kaya’t nanalangin ako sa Diyos. Sinabi ko: “Mahal kong Diyos, muli na namang nagpakita ang pagkahumaling ko sa katayuan. Gusto ko nang bitiwan ang aking pagnanasa para sa karangalan at katayuan pero hindi ko talaga magawa. Ipakita Mo po sa akin kung paano ako makalalaya sa mga panggapos ng karangalan at katayuan.”

Kinabukasan, nakita ng isa sa mga sister na hindi maganda ang timpla ko at binasa sa akin ang sumusunod na sipi: “Sa sandaling pumasok na sa usapan ang posisyon, mukha, o reputasyon, lumulukso sa pag-asam ang puso ng lahat, at gusto palagi ng bawat isa sa inyo na mamukod-tangi, maging tanyag, at makilala. Lahat ay ayaw sumuko, sa halip ay palaging nagnanais na makipagtalo—kahit nakakahiya at hindi tinutulutan ang pagtatalo sa sambahayan ng Diyos. Gayunman, kung walang pagtatalo, hindi ka pa rin kuntento. Kapag nakikita mong may ibang namumukod-tangi, naiinggit ka, namumuhi, at na hindi iyon patas. ‘Bakit hindi ako namumukod-tangi? Bakit palagi na lang ang taong iyon ang namumukod-tangi, at hindi ako kahit kailan?’ Sa gayo’y naghihinanakit ka. Sinusubukan mo itong pigilin, ngunit hindi mo magawa. Nagdarasal ka sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam mo sandali, ngunit kapag naharap kang muli sa ganitong sitwasyon, hindi mo ito madaig. Hindi ba iyan tayog na kulang pa sa gulang? Hindi ba isang patibong ang pagkahulog ng isang tao sa gayong katayuan? Ito ang mga kadena ng likas na katiwalian ni Satanas na gumagapos sa mga tao(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na hindi ko pa talaga nababago ang hinahanap ko. Hinahangad ko pa rin ang karangalan, katayuan at ang manguna sa iba. Pinangungunahan ng mga bagay na ito, nais kong laging mangibabaw at mapansin, at gumawa ng mga tungkulin na mahalaga o nangangailangan ng kakayanan. Inisip ko na ito lang ang tanging paraan na igagalang ako at pahahalagahan ng iba, at na matatanggap at sa huli’y pagpapalain ng Diyos. Binabalewala ko ang anumang gawaing iniisip kong hindi mahalaga at minamaliit pa na may kasamang paghamak ang tungkulin kong pagdidilig. Sa pagkakitang naitatalaga ang dalawang sister sa mahahalagang tungkulin samantalang nabibigyan lang ako ng maliliit na katungkulan na hindi kailanman mapapansin, nagselos at naghinanakit ako. Nagrereklamo pa nga ako, sinisisi ang Diyos sa hindi pagbibigay sa akin ng mas mataas na kakayahan o mga kasanayan. Talagang wala ako sa katwiran! Dahil hindi nabigyang-kasiyahan ang pagnanasa ko para sa katayuan, hindi ko pinagbuti ang aking tungkulin, at nagagalit pa nga sa mga sister para lang mailabas ang aking kawalang-kasiyahan. Walang dudang nakapipigil at nakasasakit ito sa aking mga sister. Habang pinagninilayan ko ito, lalo akong nakonsiyensiya. Napagtanto ko kung gaano ako naging makasarili at kulang sa pagkatao.

Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Palaging nais ng mga tao na maging sikat o maging mga kilalang tao; hinihiling nilang magtamo ng malaking katanyagan at mabuting pangalan, at magdala ng karangalan sa mga ninuno nila. Mga positibong bagay ba ang mga ito? Lubhang hindi kaayon ang mga ito ng mga positibong bagay; higit pa roon, taliwas ang mga ito sa batas ng pagkakaroon ng Diyos ng kapamahalaan sa kapalaran ng sangkatauhan. Bakit Ko sinasabi iyan? Anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais ba Niya ng isang dakilang tao, isang kilalang tao, isang maharlikang tao, o isang taong yumayanig sa mundo? (Hindi.) Kaya, kung gayon, anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais Niya ng isang taong matatag na nakatapak ang mga paa sa lupa, na naghahangad na maging karapat-dapat na nilalang ng Diyos, na kayang tuparin ang tungkulin ng isang nilalang, at na kayang manatili sa lugar ng isang tao(“Maaayos lamang ang mga Tiwaling Disposisyon sa pamamagitan ng Paghahanap sa Katotohanan at Pagtitiwala sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi nais ng Diyos ng mga marangal na tao o mga talentong napakadakila, kundi mga taong matino na makatutupad sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilalang ng Diyos. Hindi hinihiling ng Diyos sa akin na magkaroon ng dakilang kakayahan o mataas na uri ng kakayanang propesyunal. Hinihiling lang Niya na manatili ako sa aking lugar at gawin ang aking makakaya para tuparin ang aking mga tungkulin. At ito ay isang bagay na magagawa ko. Binibigyan ng Diyos ang bawat tao ng magkakaibang kakayahan at magkakaibang talento. Hangga’t ginagawa natin ang ating makakaya, tinutulungan ang isa’t isa at gumagawa ng magkasama, matutupad natin ang ating mga tungkulin at mapalulugod ang Diyos.

Nabasa ko rin ang mga salitang ito ng Diyos: “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Ang Diyos ay matuwid na Diyos; kung sino ang pinupuri ng Diyos, at kung anong wakas at kahahantungan ang itinatakda Niya para sa bawat tao ay hindi nakabatay sa kung mayroon silang karangalan o kabantugan, kung ilang tao ang sumusuporta at tumatanggap sa kanila o kung ano ang mapagkukunan nila. Bagkus, ang lahat ng ito ay nakabatay sa kung isinasagawa nila ang katotohanan, nagpapasakop sa Diyos, at tinutupad ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilalang ng Diyos. Gawin nating halimbawa ang mga punong saserdote, mga eskriba at mga Fariseo. Nagkaroon sila ng katayuan at impluwensiya, maraming humanga at sumunod sa kanila, ngunit noong dumating ang Panginoong Jesus upang gawin ang Kanyang gawain, hindi nila hinangad ang katotohanan o tinanggap ang gawain ng Diyos. Kinondena at nilabanan pa nila nang walang pagpipigil ang Panginoong Jesus upang protektahan ang sarili nilang katayuan at kita, hanggang sa maipapako Siya sa krus at pagdusahan ang mga sumpa at kaparusahan ng Diyos. Naisip ko rin si Noe—ginawa niya ang arko ayon sa tagubilin ng Diyos. Noong panahong iyon, inisip ng lahat na nababaliw siya, ngunit dahil nakinig at sumunod siya sa Diyos, tinanggap niya ang papuri ng Diyos at nakaligtas siya sa baha. Pagkatapos ay nariyan ang mahirap na biyuda sa Biblia. Maaaring walang halaga sa iba ang dalawang kusing na ibinigay niya, ngunit pinuri siya ng Diyos, dahil ibinigay niya ang lahat ng mayroon siya sa Diyos. Sa pagninilay sa mga kuwentong ito, nakita ko na tunay na matuwid ang Diyos. Pinahahalagahan ng Diyos ang katapatan ng mga tao. Maisasabuhay lang natin ang buhay na may kabuluhan sa pamamagitan ng pakikinig sa salita ng Diyos, pagpapasakop sa Diyos, pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at pagtupad sa tungkulin bilang nilalang ng Diyos. Itutulak lang tayo ng pagsisikap na purihin ng iba sa paggawa ng kasamaan, paglaban sa Diyos at pagtanggap sa Kanyang kaparusahan. Napagtanto ko na isinaayos ng Diyos na gawin ko ang aking tungkulin sa kapaligirang iyon hindi dahil nais Niyang maghirap at mapahiya ako, kundi dahil mayroon Siyang plano para sa akin. Labis lang akong nahumaling sa katayuan, kaya’t kinailangan kong maranasan ang mailantad at mapino upang talagang makilala ko ang aking sarili, at makalaya sa mga panggapos ng karangalan at katayuan, at mamuhay nang malaya at hindi napipigilan sa harapan ng Diyos. Iyon ang pinakamabuting paraan para mabago at madalisay ako ng Diyos. Pag-ibig at pagliligtas iyon ng Diyos. Sa isiping iyon, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko, salamat po sa detalyadong pagsasaayos sa mga kapaligirang ito upang mailigtas at malinis ako. Ayaw ko nang mabuhay para sa karangalan at katayuan. Anumang tungkulin ang nakatalaga sa akin, gaano man kababa ito sa paningin ng iba, nakahanda akong magpasakop at gumawang kasama ng aking mga kapatid upang tuparin ang aming mga tungkulin.”

Hindi nagtagal, kinailangan ng aking pangkat ng ilang tao upang lumabas para sa mga gawain ng simbahan. Noong nalaman ko ito, muli na namang lumutang sa aking kalooban ang pagnanasa. Naisip ko na marahil sa wakas ay magkakaroon na ako ng pagkakataon na ipakita ang aking sarili. Habang nagpapasya ang aking mga kapatid kung sino ang aalis, umaasa akong mapipili ako, ngunit sa huli’y napagpasyahang ipadadala sina Sister Liu at Sister Zhang. Nadismaya ako nang kaunti. Tila ba hindi na ako magkakaroon ng sandaling kasikatan. Napagtanto kong muli na naman akong nakikipagpaligsahan para sa katanyagan, kaya’t nanalangin ako sa Diyos at binitiwan ang aking mga maling motibo. Naisip ko kung paanong sa loob ng nga mga panahong ito’y hindi ako nakatuon sa aking gawain, kundi sinayang ang lahat ng mahalagang oras at lakas na ito sa pakikipagtunggali para sa katayuan, at hindi natupad ang aking mga tungkulin ni kaunti. Araw-araw akong lumaban para sa karangalan at katayuan, at pangit na pakiramdam talaga iyon. Pakiramdam ko’y nalinlang ako ni Satanas. Masisira talaga ng katayuan at karangalan ang mga tao. Sa totoo lang, may iba’t ibang kasanayan at kakayahan ang mga kapatid sa aming pangkat. Isinaayos ng Diyos na magkakasama kaming gumawa dahil nais Niyang magamit na mabuti ng bawat isa sa amin ang aming mga kasanayan, matuto at mapunan ang isa’t isa at gumawang mabuti nang magkakasama upang tuparin ang aming mga tungkulin. Matagal nang pinagpasyahan ng Diyos ang aking kakayahan at katayuan. Itinalaga na rin ng Diyos kung anong papel ang gagampanan ko sa pangkat at kung anong gawain ang gagawin ko. Kaya’t dapat akong maging masaya kung saan man ako naroon, gawin ang lahat ng makakaya ko upang tuparin ang aking tungkulin, at maging taong may katinuan na nagpapasakop sa Diyos. Matapos na mapagtanto ito, mas gumaan ang pakiramdam ko. Tuwing lalabas ang dalawang sister para sa kanilang tungkulin, ipinagdarasal ko na lang sila at ginagawa ang aking makakaya upang matapos ang lahat ng pangkaraniwang gawain upang makatuon sa paggawa sa sarili nilang mga tungkulin ang ibang mga sister. Hinimok ko rin ang mga kapatid na dagdag pa sa gawain, bigyang pansin din ang kanilang espirituwal na debosyonal upang makahanap din sila ng panahon para sa pagpasok sa buhay. Nang simulan kong gawin ang mga bagay-bagay nang may higit na pagtutok, naramdaman kong mas matino at mapayapa na ako. Pakiramdam ko’y mas napalapit ako sa Diyos at naging normal ang mga ugnayan ko sa mga kapatid. Hindi na ako naglalagay ng labis na pagpapahalaga sa karangalan at katayuan at naging mas bukas ako. Puno ng pasasalamat sa Diyos ang aking puso para sa munting pagbabagong ito. Ginising ang puso ko ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, ipinakita sa akin ang kahungkagan at pagdurusang dulot ng paghahangad ng katanyagan at katayuan, at tinulungan akong maunawaan na makapamumuhay lamang tayo nang may kabuluhan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, paghahanap sa katotohanan at pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Pagbangon sa Harap ng Kabiguan

Ni Fenqi, South KoreaBago ako naniwala sa Diyos, pinaaral ako ng Partido Komunista ng Tsina, at wala akong inisip kundi ang kung paano...