Paghahanap ng Kalayaan Mula sa Katayuan

Pebrero 28, 2021

Ni Don En, France

Naging pinuno ako ng iglesia noong 2019. Ginawa ko ang mga bagay-bagay ayon sa aking sariling pamamaraan, naging hindi responsable sa aking tungkulin, at hindi ako nagtalaga ng mga tamang tao sa mga naaayon na tungkulin, na nakaapektong lahat sa buhay-iglesia. Punung-puno ako ng pagsisisi. Kaya’t pinagpasyahan kong pangasiwaang mabuti ang gawain ng iglesia. Sa panahong iyon, mayroong dalawang pinuno ng mga grupo na ililipat ng iglesia, ngunit hindi ako makahanap ng sinumang angkop na pamalit sa kanila. Nilalamon ako ng pag-aalala, at inisip ko, “Kung hindi ako makahanap ng sinumang angkop para sa mga posisyong ito, sasabihin ng aking pinuno na hindi ko kayang gampanan ang praktikal na gawain. Paano kung sa huli ay ako ang palitan?” Nag-isip ako nang mabuti at pagkatapos ay naalala ko si Sister Zhang: Maganda ang kanyang katayuan at magaling siya sa kanyang tungkulin. Magiging magaling siyang pinuno ng grupo. Pagkaisip ko nito, nakahinga ako nang maluwag. Pakiramdam ko’y nakahanap na ako ng taong ilalagay sa posisyong iyon, at magiging mas madali na ang gawain ko ngayon dahil tamang tao ang gaganap sa trabaho.

Ngunit noong sandaling iyon, tinawagan ako ni Sister Li, isang pinuno sa ibang iglesia, at sinabi na maraming nadagdag na bagong nagbalik-loob sa kanyang iglesia ngunit hindi sapat ang tao na magdidilig sa kanila. Gusto niya akong kausapin tungkol sa pagtatalaga kay Sister Zhang sa kanyang iglesia para pamahalaan ang pagdidilig sa mga bagong nagbalik-loob. Labis akong tutol sa ideyang ito. “Paano na ang aming iglesia?” inisip ko. “Ano ang gagawin namin kapag inilipat si Sister Zhang sa ibang lugar? Kung hindi ako makakahanap ng iba na maaaring maging pinuno ng grupo at hindi ko mapamahalaan ang gawaing ito, baka sa huli ay mapalitan ako!” Napansin na hindi ako kumikibo, sinabi ni Sister Li, “Karamihan ng mga tao sa iglesia mo ay matagal nang mananampalataya at matibay na sa kanilang pananampalataya. Kung malilipat si Sister Zhang, maaari ka namang magsanay ng ibang tao. Hindi masyadong maaapektuhan ang gawain mo.” Talagang ayaw kong marinig ito at nakaramdam ako ng labis na pagtutol. Inisip ko, “Masyado mo itong minamaliit na para bang gayon kadali magsanay sa isang tao!” Alam ko na kailangan ng tulong ng iglesia ni Sister Li, ngunit nasa ilalim ako ng pagpigil ng aking tiwaling disposisyon. Anuman ang sabihin niya, tumanggi akong ibigay ang kanyang hinihiling. Sinisi ko rin siya, dahil iniisip kong makasarili siya at ang sariling iglesia niya lang ang kanyang iniisip. Nakikitang nilalabanan ko ang gusto niya, tumigil si Sister Li sa pamimilit. Pagkatapos ng tawag, hindi ako mapalagay at nagpasya ako sa aking sarili na hindi ko siya pagbibigyan, na hindi ko isusuko si Sister Zhang kahit sino pa man ang humiling. Noong sumunod na araw, kinausap ako ng aking pinuno tungkol sa usaping ito. Nagpaliwanag ako nang nagpaliwanag tungkol sa kakulangan sa tao ng aming iglesia at lahat ng kahirapan na aming hinaharap. Nagsalita ako nang nagsalita tungkol sa aming mga paghihirap upang mawalan ng dahilan ang pinuno. Sa huli ay wala na siyang masabi, at hindi na niya ipinilit ang usapin. Natuwa ako rito: hindi mawawala sa amin si Sister Zhang. Noong gabing iyon, kinausap ko ang ilang diakono tungkol sa pagtaas ng ranggo ni Sister Zhang. Hindi ko nabanggit ang mga paghihirap na hinaharap ni Sister Li sa kanyang iglesia, o na hiniling ng sarili naming pinuno na ilipat si Sister Zhang. Dahil hindi ko sinabi sa kanila ang lahat ng nangyari, lahat sila’y sumang-ayon na maging pinuno ng grupo si Sister Zhang. Habang nalulugod ako sa aking sarili, biglaang dumalaw ang pinuno namin upang kausapin ako at ang aking kasama sa gawain. Napagpasyahan na ayon sa mga pangangailangan ng gawain, ililipat si Sister Zhang. Dahil lahat ay sumang-ayon dito, hindi na ako nakatutol, ngunit hindi talaga ako masaya tungkol dito; pakiramdam ko’y may pumutol sa aking kanang kamay. Sa mga sumunod na araw, naiinis ako kapag naaalala ko ang tungkol dito. Wala rin akong gana na gampanan ang aking tungkulin. Nahihiga ako sa kama sa gabi at nagpapabaling-baling, hindi makatulog ni kaunti dahil sa paulit-ulit na pag-iisip sa bagay na ito. Sa wakas, nanalangin ako sa Diyos: “Mahal na Diyos, hindi po ako naging handang pakawalan si Sister Zhang para lamang ingatan ang sarili kong posisyon. Hindi ko po ito basta mabitiwan. Mahal na Diyos, gabayan Mo po ako at pangunahan sa sitwasyong ito. Tulungan Mo po akong pakawalan ang aking sarili at mas makilala pa nang kaunti ang aking sarili.”

Pagkatapos kong bigkasin ang panalanging ito, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Bihirang isinsagawa ng mga tao ang katotohanan, na kadalasa’y tumatalikod sila sa katotohanan, at nabubuhay sila sa tiwaling mala-satanas na disposisyong makasarili at masama. Pinahahalagahan nila ang kanilang sariling karangalan, reputasyon, katayuan, at mga kapakinabangan, at hindi nila nakamit ang katotohanan. Dahil dito, labis ang kanilang pagdurusa, marami ang kanilang mga alalahanin, at di mabilang ang mga gumagapos sa kanila(“Ang Pagpasok sa Buhay ay Dapat Magsimula sa Karanasan ng Pagganap sa Tungkulin ng Isa” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Malupit na sangkatauhan! Ang pakikipagsabwatan at intriga, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, inaasahan, katayuan, karangyaan, at kayamanan, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan). Tumagos sa aking puso ang mga salita ng Diyos. Ipinakita ng Diyos ang kapangitan ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan, ang pagpupunyagi ng mga tao para sa kasikatan at kayamanan—ito mismo ang kalagayan ko. Inisip ko ang naihayag ko sa usaping ito tungkol kay Sister Zhang. Upang ingatan ang aking posisyon bilang pinuno, pinabayaan ko ang gawain ng tahanan ng Diyos sa kabuuhan, dahil sa takot na kapag nawala sa amin si Sister Zhang, maaapektuhan ang gawain ng aming iglesia at matatanggal ako sa posisyon bilang pinuno. Kaya’t noong hilingin ng aming pinuno si Sister Zhang, gumawa ako ng iba’t ibang dahilan upang tumanggi. Pinangunahan ko ang pagsasaayos sa mga tungkulin ni Sister Zhang. Sinubukan kong lokohin si Sister Li at ang aking pinuno, at nagbalak na linlangin ang mga diakono. Pinagsikapan ko at pinag-isipang mabuti kung paano ingatan ang aking sariling kasikatan, kayamanan, at katayuan. Napakasakim, napakasama, at mapanlinlang ako! Naisip ko tuloy ang mababangis na hayop sa kaharian ng mga hayop. Nilalabanan nila at pinapatay ang isa’t isa para sa teritoryo at pagkain, at nangingibabaw ang pinakamalalakas. Pagkatapos ay naroon ako: Sa pamamagitan ng pakikipagtunggali para makontrol ang mga tao at maingatan ang aking posisyon, ako ay naging katulad ng isang mabangis na hayop, na lubusang walang pagkatao. Napagtanto ko kung gaano nakagigimbal ang aking naging pagkilos. Bagama’t tila nagdadala ako ng pasanin at isinasaalang-alang ang gawain ng ating iglesia, ang talagang isinasaalang-alang ko ay ang aking sariling posisyon. Gaya ng inihahayag ng mga salita Diyos: “Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan?” Mula umpisa hanggang dulo, pinagsisikapan kong kontrolin si Sister Zhang. Hindi ako nakahandang pakawalan siya. Iniisip ko na isa siyang kaanib sa aming iglesia, at dapat ay mayroon kaming masasabi tungkol sa kanyang tungkulin. Dapat na ako ang magkaroon ng pamamahala at walang pahihintulutang gumambala. Nakita ko kung gaano ako naging mapagmalaki. Nawala ang aking pagkatao at katinuan, tiyak iyon! Noong sandaling iyon, naisip ko ang pangangaral ko ng ebanghelyo sa mga taong relihiyoso, nakita ng mga pastor na maraming mga kaanib ng kanilang kongregasyon ang tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at hindi na nila mapapanatili ang kanilang posisyon. Ginawa nila ang lahat ng kanilang magagawa upang mapigilan ang mga tao sa pagsasaliksik sa tamang landas. Hindi lamang nila tinuligsa ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, kundi walang kahihiyang inangkin ang mga mananampalataya bilang kanilang sariling kawan, at walang maaaring magnakaw sa kanila. Napagtanto ko noon na ang aking ginawa, sa katunayan, ay katulad ng ginagawa ng mga pastor na iyon. Upang mapanatili ang aking posisyon at kabuhayan, ninais kong pigilan ang mga kapatid at hindi ko pinahihintulutan ang tahanan ng Diyos na ilipat sila. Sinisikap kong kunin ang mga tupa ng Diyos at makipagtunggali sa Diyos para sa mga taong ito! Sa pagkaunawa nito, nagsimula akong mangamba. Nanginginig sa takot, nagtungo ako sa harapan ng Diyos at nanalangin: “Mahal na Diyos, nakagawa ako ng kamalian. Nilabanan kita at nais kong magsisi sa Iyo.”

Hindi nagtagal, muling isinaayos ng Diyos ang isang sitwasyon upang subukan ako. Nagpadala ng mensahe ang isang pinuno sa ibang iglesia na agad na humihiling para sa isang tao na maaaring mamahala sa gawain ng pag-edit sa mga dokumento. Narinig niya na si Sister Chen sa aming iglesia ay magaling dito at ginagampanan ang kanyang tungkulin, kaya’t nais niyang itanong kung maaaring tanggapin ni Sister Chen ang posisyon na ito. Alam na alam ko na magiging angkop si Sister Chen para rito, ngunit siya’y isang mangangaral sa aming iglesia, at magaling din siya sa gawaing iyon. Ano ang mangyayari kapag nalipat si Sister Chen at nagdusa ang aming gawain sa ebanghelyo dahil dito? Paano kung sabihin ng pinuno na hindi ko kaya ang praktikal na gawain? Baka mawala ako sa posisyon. Nagpasya akong mas mabuti pang maghanap sila ng iba kaya’t sinadya kong hindi tumugon sa mensaheng iyon ng pinuno. Pagkatapos ay bigla kong naisip, “Dati’y hindi ako naging handang ibigay si Sister Zhang para ingatan ang sarili kong posisyon. Hindi ako dapat na maging sagabal ngayon.” Ngunit nahihirapan at nagdadalawang-isip pa rin ako. Inisip ko, “Bakit ko nilalabanan nang husto kapag may kailangang ilipat? Palagi akong nag-aalala na maaapektuhan ang aming gawain at mawawala ako sa posisyon. Paano ako makakalaya mula sa mga tanikala at panggapos ng kasikatan, kayamanan, at katayuan?” Pagkatapos ay nanalangin ako nang tahimik sa Diyos na hinihiling sa Kanyang gabayan ako at pangunahan na maunawaan ang diwa ng aking pagsisikap para sa katayuan at tulungan akong talikuran ang aking laman at isagawa ang katotohanan.

Sa aking mga debosyonal, binabasa ko ang bahaging ito ng mga salita ng Diyos: “Ang diwa ng pag-uugali ng mga anticristo ay ang patuloy na gumamit ng iba’t ibang mga pamamaraan upang makamit ang kanilang layunin na magkaroon ng katayuan, mang-akit ng mga tao at pasunurin ang mga ito at ipagpitagan sila. Posibleng sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi nila sinasadyang makipag-agawan sa Diyos para sa sangkatauhan, ngunit isang bagay ang tiyak: Kahit na hindi sila nakikipag-agawan sa Diyos para sa mga tao, nais pa rin nilang magkaroon ng katayuan at kapangyarihan sa gitna nila. Kahit na dumating ang araw na mapagtanto nila na nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para sa katayuan, at magpigil man sila ng kanilang sarili, gumagamit pa rin sila ng iba pang mga pamamaraan upang makakuha ng katayuan sa mga tao at mapatunayan nila ang kanilang sarili. Sa madaling sabi, kahit na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay lilitaw na binubuo ng isang tapat na pagganap ng kanilang mga tungkulin, at tila mga totoong tagasunod sila ng Diyos, ang kanilang ambisyon na kontrolin ang mga tao—at makakuha ng katayuan at kapangyarihan sa gitna nila—ay hindi kailanman magbabago. Kahit ano pa ang sabihin o gawin ng Diyos, at kahit anong hinihingi Niya sa mga tao, hindi nila ginagawa ang dapat nilang gawin o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa paraang angkop sa Kanyang mga salita at iniaatas, ni hindi rin nila isinusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan bilang resulta ng pagkaunawa sa Kanyang mga sinalita at ng katotohanan; sa buong panahon, nilalamon sila ng kanilang ambisyon, kinokontrol at pinangungunahan nito ang kanilang pag-uugali at kaisipan, at siyang nagdidikta ng landas na kanilang tinatahak. Ito ang halimbawa ng isang anticristo. Ano ang binibigyang-diin dito? Ang ilang mga tao ay nagtatanong, ‘Hindi ba’t ang mga anticristo ang mga nakikipag-agawan sa Diyos upang makaakit ng mga tao, at hindi kumikilala sa Kanya?’ Maaaring kinikilala nila ang Diyos, maaaring totohanan silang kumikilala at sumasampalataya sa Kanyang pag-iral, at maaaring handa silang sundin Siya at hanapin ang katotohanan, ngunit isang bagay ang hindi kailanman magbabago: Hindi nila kailanman bibitawan ang kanilang ambisyon para sa kapangyarihan at katayuan, ni isusuko nila ang kanilang paghahangad ng mga bagay na iyon dahil sa kanilang mga kapaligiran o sa pagtingin ng Diyos sa kanila. Ito ang mga katangian ng mga anticristo. Gaano man nagdusa ang isang tao, gaano man karami ang katotohanang naunawaan nila, gaano man karaming katotohanang realidad ang napasok nila, at gaano man karaming kaalaman tungkol sa Diyos ang taglay nila, lampas sa mga panlabas na kaganapan at kahayagang ito, hindi sila kailanman magpipigil o bibitaw sa kanilang ambisyon para sa, at paghahangad ng, katayuan at kapangyarihan, at ito mismo ang nagtatakda sa kanilang diwang kalikasan. Walang kahit na kaunting pagkakamali na tukuyin ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga anticristo; natukoy na ito ng kanilang pinakadiwang kalikasan(“Para sa mga Lider at Manggagawa, ang Pagpili ng Isang Landas ang Pinakamahalaga (3)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Inihayag ng Diyos ang kalikasan at mga katangian ng mga anticristo bilang nagpapahalaga sa kapangyarihan at katayuan at ginagawa ang mga bagay na ito na mga dahilan ng kanilang pamumuhay. Ang pagnanasa sa kasikatan, kayamanan at katayuan ang ugat at motibasyon ng bawat pagkilos nila, labis na ganito kaya inaangkin na nila sa kanilang sarili ang mga tupa ng Diyos, nilalabanan ang Diyos, at lubos na tumatangging magsisi, hanggang, sa wakas, sila’y malantad at maalis. Nagsimula akong mangamba habang iniisip ko ang mga salita ng Diyos. Sadyang pinahahalagahan ko ang aking katayuan. Noong unang pagkakataong iyon, tumanggi akong pahintulutan si Sister Zhang na mailipat upang ingatan ang aking posisyon. Ngayon sa pagkakataong ito, hindi na naman ako handang pakawalan ang isang tao para sa kapakanan ng aking sariling posisyon. Ang tanging iniisip ko’y ang aking katayuan at hindi ako nagpakita ng anumang pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, lalong hindi ko inisip ang tungkol sa gawain ng tahanan ng Diyos. Determinado akong panatilihin ang aking posisyon, kahit nakataya ang gawain ng tahanan ng Diyos, at kaya ko pa ngang makipagtagisan sa Diyos para sa kapakanan ng aking sariling katayuan. Nasaan ang aking paggalang sa Diyos? Wala sa Diyos ang aking pananampalataya; inilagay ko ang aking pagtitiwala sa katayuan at kapangyarihan, at hindi ba ito ang kalikasan ng isang anticristo? Alam na alam ko na magaling si Sister Chen sa pag-edit ng mga dokumento at natutuwa siya sa gayong uri ng gawain. Ngunit para maingatan ang sarili kong posisyon, hindi ko hiningi ang kanyang opinyon o itinalaga siya sa katungkulang angkop sa kanyang mga kalakasan, bagkus ay kumilos ako na parang kanyang amo at tumangging payagan siyang gampanan ang kanyang tungkulin sa ibang iglesia. Itinuring ko ang iglesia na parang aking sariling teritoryo at walang maililipat na hindi ko sinasang-ayunan. Hindi ba’t nagsisikap akong ikulong at kontrolin ang mga tao gaya ng isang anticristo? Para mahawakang mabuti ang aking posisyon, sinubukan kong panatilihin ang mga kapatid na may kakayanan at kalakasan sa aking iglesia. Itinuring ko sila na parang sarili kong pag-aari at naghari sa kanila, nagnanais na mas maraming tao ang magtrabaho para sa kapakanan ng sarili kong posisyon. Talagang kinamuhian ng Diyos ang ambisyon kong ito at dapat lang na isumpa ako! Nakita ko na ang aking mga pananaw tungkol sa pagsisikap sa isang bagay ay hindi nagbago sa lahat ng mga taon ng aking pananampalataya sa Diyos, na ako’y mahigpit na iginapos ng kasikatan, kayamanan, at katayuan, at ako’y naglalakad sa landas ng mga anticristo. Naalala ko ang isang anticristo na nakilala ko noon. Palagi niyang pinagsisikapan ang kasikatan, kayamanan, at katayuan at, noong naging isa siyang pinuno, sinikap niyang pagtibayin ang kanyang posisyon sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga tao at pagsisikap na magtatag ng sarili niyang independyenteng kaharian. Hindi niya tinanggap ang anumang katotohanan at kumilos na tulad ng isang diktador. Naging sanhi siya ng matinding pagkaantala ng gawain ng tahanan ng Diyos, at sa huli siya’y nalantad at natanggal. Nakilala ko na ang pagsisikap para sa kasikatan, kayamanan, at katayuan ay siyang landas ng mga anticristo na hahantong sa impyerno! Isinaayos ng Diyos ang mga pangyayari upang paulit-ulit akong malantad para makilala ko ang sarili kong malasatanas na kalikasan at makita ko na ako’y nasa maling landas upang makabalik ako sa tamang panahon. Paghatol sa akin ang mga sitwasyong ito, ngunit higit pa rito, ang mga ito’y dakilang pag-ibig at pagliligtas ng Diyos! Habang iniisip ko ang mga napakaingat na pagsisikap na ginawa ng Diyos, nagsimula akong sumuko at hindi ko na nilalabanan ang mga ganitong sitwasyon. Naramdaman ko na ang lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos ay siyang kinakailangan ko. Ninais kong tunay na magsisi at maranasan ang mga sitwasyon na iyon na may pusong nagpapasakop.

Kalaunan ay nabasa ko ang dalawang bahaging ito ng mga salita ng Diyos. “Ano ang tungkulin? Hindi mo pinamamahalaan ang tungkulin—hindi mo ito sariling karera o sarili mong trabaho; sa halip, gawain ito ng Diyos. Hinihingi ang iyong pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos, na siyang humahantong sa iyong tungkulin. Ang bahagi ng gawain ng Diyos na dapat makipagtulungan ng tao ay ang kanyang tungkulin. Bahagi ng gawain ng Diyos ang tungkulin—hindi mo ito karera, hindi mo mga gawaing bahay at hindi mo rin pansariling alalahanin sa buhay. Ang iyong tungkulin ay paghawak man sa panlabas o panloob na gawain, gawain ito ng tahanan ng Diyos, bumubuo ito sa isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito’y tagubiling ibinigay sa iyo ng Diyos. Hindi mo ito pansariling gawain(“Tanging sa Paghahanap ng Mga Prinsipyo ng Katotohanan Nagagampanan nang Maigi ng Isa ang Kanyang Tungkulin” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Anumang tungkulin ang isinasagawa mo, kailangan mong isagawa ito nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos. Halimbawa, kung napili kang maging isang pinuno ng iglesia, tungkulin mo kung gayon ang pamumuno sa iglesia—paano mo ito dapat gawin kung itinuturing mo ito bilang iyong tungkulin? (Alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos.) Ang paggawa alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos ay isang pangkalahatang paraan ng pagtanaw dito. Ano ang mga partikular na detalye? Una, dapat mong malaman na ito ay isang tungkulin, hindi isang katungkulan. Magbubunga ng mga suliranin kung iniisip mong naluklok ka sa isang katungkulan. Gayunman, kung sinasabi mong ‘Napili akong maging isang pinuno ng iglesia, kaya’t kailangan kong maging mababa nang isang antas kaysa sa iba; lahat kayo ay higit na nakatataas kaysa sa akin at higit na dakila kaysa sa akin,’ ito ay hindi rin wastong saloobin; kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, walang idudulot na kabutihan sa iyo ang kahit gaano kalaking pagkukunwari. Sa halip, dapat kang magkaroon ng marapat na pagkaunawa nito. Una, dapat alam mong napakahalaga ng tungkuling ito. Ilang dosena ang mga kasapi sa isang iglesia, at dapat mong isipin kung paano aakayin ang mga taong ito sa harap ng Diyos at bibigyang-kakayahan ang karamihan sa kanila na maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad. Dagdag pa rito, dapat kang magsikap na mapahinto ang mahihina at hindi aktibong tao sa pagiging ganoon upang masigasig nilang maisakatuparan ang kanilang mga tungkulin, at tungkol naman sa mga nakatutupad sa kanilang mga tungkulin, dapat mong maipagawa at mapagampanan sa kanila ang mga ito sa abot ng kanilang makakaya. Ipaunawa sa kanila ang mga katotohanang kaugnay sa pagsasakatuparan ng kanilang mga tungkulin upang hindi sila maging pabaya sa pagtupad sa mga ito, matupad nila nang maayos ang mga ito, at makaya nilang magkaroon ng isang normal na ugnayan sa Diyos. May mga tao ring nagiging dahilan ng pagkagambala at mga kaguluhan, o sumampalataya na sa Diyos sa maraming taon ngunit may taglay na masamang pagkatao; sa mga tao na ito, dapat mong iwasto ang mga dapat iwasto, at patalsikin ang dapat patalsikin, sa pamamagitan ng mga naaayong pagsasaayos para sa bawat tao ayon sa kanilang uri. Mahalaga rin at marapat na malinang lahat ang iilan sa iglesia na mabuti-buti ang pagkatao, may kakaunting kakayahan, at makatatanggap ng pananagutan para sa isang aspeto ng gawain. … Dapat mong maipalabas ang pinakamainam sa bawat tao, ganap na pinakikinabangan ang kanilang pansariling kakayahan at isinasaayos ang naaangkop na mga tungkulin para sa kanila batay sa kung ano ang kanilang magagawa, ang uri ng kanilang kakayahan, ang kanilang edad, at gaano katagal na silang sumasampalataya sa Diyos. Dapat kang makapaghanda ng isang pang-isahang plano para sa bawat uri ng tao at pag-iba-ibahin ito sa bawat tao, upang maisakatuparan nila ang kanilang mga tungkulin sa tahanan ng Diyos at maibuhos ang kanilang mga takdang-gawain sa kayang abutin ng mga ito(“Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang tungkulin ay hindi pansariling gawain ng isang tao. Nagmumula sa Diyos ang ating tungkulin, at dapat natin itong gampanan sa paraang hinihiling Niya. Hinihiling ng Diyos sa mga pinuno na sanayin ang mga tao. Inihanda ng Diyos ang lahat ng uri ng taong may kakayanan para sa Kanyang gawain at bilang isang pinuno sa iglesia, kailangan kong gampanan ang aking tungkulin ayon sa Kanyang mga hinihiling at mga alituntunin. Kapag may natagpuan akong taong may talento, dapat ko silang sanayin at irekomenda, upang magamit nang mabuti ng lahat ang kanilang mga kalakasan sa tamang lugar, magampanan ang kanilang tungkulin, at matupad ang kanilang kanya-kanyang gawain upang lalo pang mapalawak ang gawain ng ebanghelyo. Tanging ito lamang ang nakaayon sa kalooban ng Diyos, at ito rin ang nais gawin ng mga magkakapatid. Noong maunawaan ko ang kalooban ng Diyos, nagpadala ako ng mensahe sa pinuno ng kabilang iglesia para kumpirmahing ipalilipat ko si Sister Chen. Gumaan ang aking pakiramdam noong nagsimula akong kumilos nang ganito. Noon ko nakita ang mga pagpapala ng Diyos. Nagulat ako, noong Nobyembre ng taong iyon, na ang bilang ng mga nagbalik-loob na nagkaroon kami mula sa aming gawaing ebanghelyo ay natriple mula nang nakalipas na buwan. Alam ko na nakamit ito sa pamamagitan ng gawain ng Diyos at hindi ako makatigil sa pagpapasalamat at pagpuri sa Kanya!

Dati, hindi ako nakadama ng anumang pagkamuhi sa mga katiwalian ng pakikipagtunggali para sa kasikatan at kayamanan o pagsisikap para sa kasikatan, kayamanan, at katayuan. Inakala ko na, dahil sa ang lahat ay ginawang tiwali ni Satanas, kung gayon ang lahat ay may magkakatulad na disposisyon, at hindi ito maaaring mabago sa loob lamang ng ilang araw. Ito ang pumigil sa akin na hanapin ang katotohanan upang malutas ang suliranin. Sa pamamagitan ng pagdanas ng kahatulan at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagsubok at pagkakalantad sa akin, nagkaroon din ako ng kaunting pagkaunawa sa diwa ng pagsisikap para sa mga bagay na iyon. Nakita ko na ang pagsisikap para sa mga bagay na ito ay pakikipaglaban sa Diyos at nagsimula kong kamuhian ang aking sarili mula sa kaibuturan ng aking puso. Naging handa akong pagsikapan ang katotohanan, magsisi, at magbago. Dahil sa gawain ng Diyos, nagagawa ko na ngayong itakwil ang aking laman at isagawa ang ilang katotohanan. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply