Dalawampung Araw ng Paghihirap

Pebrero 24, 2024

Ni Ye Lin, Tsina

Isang araw noong Disyembre 2002, bandang alas kwatro ng hapon, habang nakatayo ako sa gilid ng isang kalsada at may tinatawagan, biglang may humablot sa buhok at mga braso ko mula sa likuran, at bago pa man ako makatugon, sinipa ang mga paa ko. Nawalan ako ng balance, at napakalakas na bumagsak sa lupa. Agad akong napakadiing hinawakan padapa ng ilang tao, nang mariing nakasubsob ang mukha ko sa lupa at nakaposas ang pareho kong kamay sa aking likuran. Pagkatapos hinila nila ako patayo mula sa lupa at kinaladkad ako papasok ng isang sasakyan. Napagtanto kong inaresto ako ng mga pulis. Malinaw ang kalupitan nila, at naalala ko ang kwento ng aking mga kapatid tungkol sa malupit na pagpapahirap pagkatapos silang arestuhin. Kabadong-kabado at takot na takot ako, at nangangamba akong hindi ko makakayanan ang pagpapahirap at magiging isa akong Judas. Nagdarasal ako sa Diyos sa buong byahe sa sasakyan, hinihiling sa Kanyang bigyan ako ng pananampalataya at lakas para makapanindigan ako sa patotoo, at hindi bumigay kay Satanas.

Idiniretso ako ng mga pulis sa isang maliit na hotel kung saan marahas nilang hinubad ang damit at mga sapatos ko, inalis ang sinturon ko, at pinatayo ako nang nakayapak sa sahig na sinlamig ng yelo. Maraming pulis sa kwarto at may kumukuha sa akin ng litrato. Tapos, nagpakita ang isa sa kanila ng ilang kuha ko at ng isa pang brother na nagdedeposito sa isang bangko, at pilit na inaalam kung saan nanggaling ang pera, kung kanino iyon ipinapadala, at kung saan sila nakatira. Natigilan ako. Napagtanto kong hindi lang isa o dalawang araw akong minamanmanan at sinusundan ng mga pulis na ito, at sa sobrang dami ng mga pulis na nandoon nang araw na iyon, nakikita kong hindi nila ako basta pakakawalan. Natakot ako sa isiping ito, at tahimik akong nagdasal sa Diyos nang paulit-ulit. Naalala ko ang ilan sa mga salita Niya: “Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan? Tandaan ito! Huwag kalimutan! Ang lahat ng nagaganap ay sa pamamagitan ng Aking mabuting hangarin, at ang lahat ay nasa ilalim ng Aking pagmamasid. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Hindi na ako gaanong kinabahan o natakot dahil alam kong nasa tabi ko ang Diyos bilang aking suporta. Alam kong ipinahintulot ng Diyos ang pag-aresto sa akin, na ginagamit Niya ang sitwasyong ito para subukin kung may pananampalataya at debosyon ako sa Kanya. Hindi ko pwedeng biguin ang Diyos, bagkus ay kailangan kong sumandal sa Kanya para panindigan ang aking patotoo at ipahiya si Satanas. Tahimik akong nagpasya na paano man ako pahirapan ng mga pulis, hinding-hindi ko pwedeng ibigay ang kinaroroonan ng pera ng iglesia, o maging isa akong Judas, kahit pa mangahulugan iyon ng kamatayan ko! Nang hindi ako magsalita, ilang beses akong sinampal nang malakas ng isang pulis, at pilit inaalam kung sino ang lider ng iglesia namin, kung saan itinatago ang pera ng iglesia, at kung sino ang taong kasama kong nagdeposito. Ilang ulit pa niya akong sinampal nang hindi pa rin ako sumagot, tapos nang magsimula nang manakit ang mga kamay niya, pinulot niya ang mga sapatos ko at ginamit ang mga takong para hampasin ako sa bibig. Agad na nagsimulang mamaga ang bibig ko, lumuwag ang ilang ngipin, at umaagos ang dugo sa mga sulok ng bibig ko. Mahigit isang oras nila akong pinahirapan bago sa wakas ay tumigil. Sinimulan nilang magpalitan sa pagbabantay sa akin nang pares-pares, pinananatili akong nakatayo, hindi ako pinapayagang matulog. Tumayo ako nang ganoon sa loob ng diretsong tatlong araw at tatlong gabi. Kalaunan ko na lang nalaman na isa iyong paraan ng pagpapahirap na tinatawag na “pagpagod sa agila” na madalas ginagamit ng mga pulis sa mga interogasyon, kung saan pinananatili nilang patuloy na gising ang isang tao hanggang sa masira ang loob nito, at pagkatapos ay tatanungin nila ito kapag hindi na ito makapag-isip nang malinaw. Ginagamit nila ang taktikang ito para maitulak nila ang mga tao na ipagkanulo ang Diyos. Napakasakit ng buong katawan ko at kapwa pagod na pagod na ang aking katawan at isip. Kaya ko pa ngang makatulog nang nakatayo, pero sa sandaling maidlip ako, mabagsik akong sasampalin ng isang pulis, sisipain nang napakalakas, o biglang sisigawan sa mismong tenga ko para magising ako sa takot. Pakiramdam ko ay tatagos na sa dibdib ko ang puso ko. Minsan pakiramdam ko ay nasa katinuan ako at sa ibang mga pagkakataon ay naguguluhan ako, at hindi ko alam kung ano ang totoo at kung ano ang panaginip. Naghihirap ako at pakiramdam ko ay hindi ko na makakayanan, at natakot ako na kapag nagpatuloy pa ito, magiging sintu-sinto o siraulo ako. Nagdasal ako sa Diyos sa aking puso, humihingi sa Kanya ng pananampalataya at lakas para mapanindigan ang patotoo sa Kanya.

Isang umaga, may dumating na ilang pulis para kuwestyunin ako. Sabi nila, “Huwag mong isipin na basta-basta ka lang makakalusot dito sa hindi mo pagsasalita. Sa oras na nandito ka na, talagang kailangan mong sagutin nang malinaw ang mga tanong namin! Ang totoo niyan, ilang buwan ka na naming sinusundan. Gumamit kami ng satellite positioning system para makita ka at pamilyar kami sa lahat ng kilos mo. Sa pagpapaamin namin sa iyo, binibigyan ka namin ng pagkakataon. May ilan kang magkakaibang SIM card at may mga kinakausap ka sa marami-raming magkakaibang lokasyon. Malamang ay isa kang lider, ano?” Tapos ay naglabas sila ng listahan ng mga tawag ko na lagpas isang metro ang haba, at sinabihan akong sabihin sa kanila kung ano ang pinag-usapan sa bawat isa. Nabigla ako—kung ganoon na karami ang alam ng mga pulis tungkol sa akin at inakala nilang isa akong lider, sinong nakakaalam kung paano nila ako pahihirapan mula ngayon! Apat o limang araw na akong walang tulog at pakiramdam ko ay hindi ko na kakayanin ang higit pa. Narinig ko noon na kung hindi ka matutulog nang pito o walong magkakasunod na araw, pwedeng bigla ka na lang mamatay. Napaisip ako kung mamamatay ako roon sa loob kung patuloy nilang ipagkakait sa akin ang pagtulog. Medyo pinanghihinaan ng loob, mabilis akong nagdasal: “Diyos ko, mahina ang laman ko at nangangamba akong hindi ko na ito makakayanan, pero ayaw kong ipagkanulo Ka o traydurin ang mga kapatid ko. Pakiusap bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas.” Naisip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos pagkatapos ng panalangin ko: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Ginising ako ng Kanyang mga salita—hindi ba’t nasa mga kamay ng Diyos ang aking buhay at kamatayan? Kung hindi ako pahihintulutang mamatay ng Diyos, walang magagawa sa akin si Satanas. Kulang ako sa pananampalataya sa Diyos; matatakutin at mahina ako dahil kahabag-habag akong kumakapit sa buhay. Bahagya akong kumalma sa pag-iisip nito at hindi na ako masyadong natakot. Nang makitang tahimik pa rin ako, sinuntok ako sa ulo ng isa sa mga pulis. Nakakita ako ng mga bituin at namanhid ang buong katawan ko, na para bang nakuryente ako. Muntik na akong bumagsak. Kumuha ang isa pang pulis ng kahoy na sabitan ng pangginaw at mariin iyong idiniin pataas sa baba ko. Habang namimilipit sa sakit, tinanong ko sila, “Ano bang batas ang nilalabag ng pananampalataya ko sa Diyos? Malinaw na isinasaad ng pambansang saligang batas na ang mga tao ay may kalayaan sa paniniwala. Ano ang basehan ninyo sa pambubugbog sa akin hanggang sa halos ikamatay ko na? Mayroon bang kahit anong batas sa bansang ito?” Sinabi ng isa sa kanila, “Batas sa bansang ito? Ano ang batas? Ito ay ang Partido Komunista! Ngayon na nasa mga kamay ka na namin, kung hindi mo sasabihin sa amin kung ano ang gusto naming malaman, huwag mo nang isipin pang makakalabas ka rito nang buhay.” Nasuklam at labis akong nagalit nang makita ko kung gaano sila kalupit at kawalanghiya, at hindi ko na sila sinagot pa.

Isang araw ay may pagbabantang sinabi sa akin ng ilang pulis, “Mayroon kaming mga pamamaraan para pagsalitain ka, hindi magtatagal at makikita natin. Magdudulot lang ng higit na pagdurusa ang pagtanggi mong magsalita. Isa kang matigas na agila? Alam mo ba kung paano pinapagod ang mga agila? Kailangan ay may pasensya ka, pero pagdating ng panahon, magiging mabait at masunurin ang agilang iyon….” Sa sandaling iyon, napahirapan na ako hanggang sa puntong medyo wala na ako sa katinuan at hindi ko alam kung gaano karaming araw pa ang kakayanin ko. Ang kaya ko lang gawin ay subukang pwersahin ang sarili kong manatiling alerto at gawin ang makakaya ko para manatiling nasa katinuan. Paulit-ulit akong nagdarasal at tumatawag sa Diyos. Naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang Aking gawain sa grupo ng mga tao ng mga huling araw ay isang proyektong hindi pa kailanman nangyari, at sa gayon, upang mapuno ng Aking kaluwalhatian ang kosmos, lahat ng tao ay dapat magdusa ng huling paghihirap para sa Akin. Nauunawaan mo ba ang Aking kalooban? Ito ang huling hinihingi Ko sa tao, na ibig sabihin, umaasa Ako na lahat ng tao ay makapagpatotoo nang malakas at matunog sa Akin sa harap ng malaking pulang dragon, na maialay nila ang kanilang sarili sa Akin sa huling pagkakataon, at matupad ang Aking mga kinakailangan sa huling pagkakataon. Talaga bang magagawa ninyo ito? Hindi ninyo kinayang palugurin ang Aking puso noong araw—maaari kaya ninyong putulin ang huwarang ito sa huling pagkakataon? Binibigyan Ko ang mga tao ng pagkakataong magbulay-bulay; hinahayaan Ko silang magnilay-nilay na mabuti bago Ako sagutin sa huli—mali bang gawin ito? Hinihintay Ko ang tugon ng tao, hinihintay Ko ang kanyang ‘liham ng pagtugon’—mayroon ba kayong pananampalatayang tuparin ang Aking mga kinakailangan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 34). Tinulungan akong maunawaan ng mga salita ng Diyos na pinahihintulutan Niya ang malaking pulang dragon na arestuhin at usigin ako para gawing perpekto ang aking pananampalataya at debosyon. Binibigyan Niya rin ako ng pagkakataong manindigan sa aking patotoo sa Kanya sa harap ni Satanas. Sinusuri ng Diyos ang bawat salita at kilos ko. Kailangan kong sumandal sa Diyos at manindigan. Muling binuhay ng saloobing ito ang aking pananampalataya at lakas, at mas naging matino ang pag-iisip ko, hindi na ako masyadong inaantok, at mas masigla ako. Sinabi sa isa’t isa ng dalawang pulis na nakatayo sa gilid, “Talagang ibang klase ang lalaking ito. Ang dami pa rin niyang lakas pagkalipas ng lahat ng araw na ito na walang tulog, pero pagod na pagod na ang isang dosena sa atin.” Alam kong iyon ay ganap na awa at proteksyon ng Diyos para sa akin, at nagpasalamat ako sa Diyos nang mula sa aking puso.

Pagkatapos noon, pinuwersa nila akong tumayo nang patalungko. Matapos ang pitong araw at gabi na walang tulog at halos walang pagkain, saan ko mahahanap ang lakas para doon? Hindi nagtagal ay hindi ko na kayang manatili sa posisyon at natumba ako sa sahig. Hinila nila akong muli patayo para tumalungko pa ulit. Dahil talagang wala na akong lakas, dalawang beses ako bumagsak at hindi ko na kayang manatiling nakatalungko pagkatapos noon. Tapos ay inutusan nila akong lumuhod sa harapan nila. Galit na galit ako at naisip ko: “Lumuluhod lang ako para sambahin ang Diyos, at hinding-hindi ako luluhod sa harapan ninyong mga demonyo.” Nang mariin akong tumanggi, galit na hinablot ng dalawa sa kanila ang mga braso ko at sinipa ang mga binti ko para puwersahin akong lumuhod. Ayaw ko pa ring lumuhod, kaya inapakan nila ang mga binti ko, dinidiinan nang matindi. Napakasakit noon kaya pinagpawisan ang buong katawan ko. Parang mas mabuti pa ang kamatayan kaysa roon. Isang oras nila akong pinahirapan nang ganoon, na iniwang kulay asul-berde at maga ang mga binti ko, at sa mahabang panahon pagkatapos noon, iika-ika akong maglakad.

Hindi pa rin nila ako pinatutulog pagdating ng ikawalong araw. Nanlalabo na ang isip ko, may mataas akong lagnat at umuugong ang mga tainga ko. Hindi ko naririnig nang malinaw ang mga bagay-bagay at nagdodoble ang paningin ko—mahihimatay ako kapag lumipas lang ang isang minuto nang hindi ako hinahampas. Umuulan pa rin ng niyebe sa labas, pero itinayo ako ng mga pulis sa banyo at sinabuyan ng napakalamig na tubig sa ulo. Sa sandaling bitiwan nila ako ay babagsak lang ako sa sahig. Sa isang sandali ay nasa katinuan ako at sa susunod ay lito. Nasa bingit na ako ng pagkawala sa katinuan at naabot ko na rin ang pisikal kong limitasyon. Ang maisip na wala akong ideya kung kailan matatapos ang mga kahindik-hindik na araw na iyon ay nagpahina sa loob ko, at ni hindi ko gustong kumain.

Sa gabi ng ikasiyam na araw, may pumasok na mukhang isang lider. Tinuro niya ang isang kama at sinabing, “Ang kailangan mo lang gawin ay sabihin sa akin kung saan galing ang perang iyon, kung nasaan ang lalaking kasama mong nagdeposito, at kung sino ang lider. Sa isang salita ko lang ay makakaligo at makakatulog ka na, tapos ay hahayaan ka na naming makauwi.” Pagod na pagod na ang katawan ko hanggang sa pinakahangganan ko at ilang beses na akong bumagsak sa sahig. Pakiramdam ko ay pwede akong mamatay anumang sandali kung hindi ako makakatulog. Naisip ko, “Baka pwede akong magsabi ng bagay na hindi masyadong mahalaga? Kung magpapatuloy ito, kahit na hindi ako mamatay sa bugbog, mamamatay ako sa pagod o kawalan ng tulog!” Pero pagkatapos ay agad kong napagtanto na magiging Judas ako kapag nagkaganoon. Mabilis akong umusal ng tahimik na panalangin: “Diyos ko! Hindi ko na kaya. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas. Gusto kong manindigan sa aking patotoo at ipahiya si Satanas.” Habang nagdarasal, naalala ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na ito mismo ang sandaling kailangan kong manindigan sa aking patotoo sa Kanya, at na nangangailangan ito ng kakayahang magdusa at magpakita ng debosyon sa Kanya. Pero ayaw kong magdusa, at iniisip ko pa ngang ipagkanulo ang mga interes ng iglesia para iligtas ang sarili kong buhay. Napakamakasarili at napakakasuklam-suklam ko—paano iyon naging pagkakaroon ng anumang pagkatao? Paano iyon naging patotoo? Naibalik ng kaisipang ito ang pananampalataya at lakas ko. Alam ko nang kahit nangangahulugan iyong ibibigay ko ang aking buhay, kailangan kong manindigan sa aking patotoo at magbigay-lugod sa Diyos. Kung kaya, nanatili akong walang imik. Nang makita ito, sinabi ng lalaking iyon na may dating ng isang lider sa mga pulis na nagbabantay sa akin, “Bantayan ninyo siya. Hindi siya pwedeng matulog, hangga’t hindi siya nagsasalita.” Tapos ay tumalikod siya at naglakad palabas.

Noong hapon ng ikasampung araw, inaresto ng mga pulis ang ilang sister. Gusto nilang kuwestyunin nang hiwa-hiwalay ang mga sister at dahil kulang ang mga tao para bantayan ako, noong gabing iyon ay nakatulog ako sa wakas. Kinaumagahan, sinabi ng isang kapitan ng pulisya na Cai ang apelyido, “Pumunta kami sa bahay mo. Tumatanda na ang nanay mo at hindi maganda ang kalusugan niya, isa pa, kailangan niyang alagaan ang dalawa mong anak. Talagang mahirap ang buhay nila. Wala sa bahay ang asawa mo, maliliit pa ang mga anak mo, at kailangan nila ang kalinga ng mga magulang nila at nangungulila na sila sa’yo. Mahirap ang pinagdaraanan ng pamilya mo. Naisip naming bigyan ka ng isa pang pagkakataon, at makabubuting kunin mo ito. Kahapon ay nahuli namin ang ilan pang tao, kaya sabihin mo lang sa akin kung sino sa kanila ang lider, kung sino ang nagtatago ng pera at kung saan sila nakatira, at pakakawalan kita agad. Makakauwi ka na at makakasama mong muli ang pamilya mo, at matutulungan ka naming makahanap ng magandang trabaho sa lugar ninyo para maalagaan mo sila.” Hindi ko mapigilan ang mga luha ko nang marinig ko siyang sinasabi ito, at nananakit ang katawan ko, nanghihina. Nagdurusa ang nanay at mga anak ko at wala akong paraan para tulungan sila. Pakiramdam ko ay talagang binibigo ko sila. Sa sandaling iyon ay napagtanto kong nasa maling kalagayan ako, kaya’t agad akong nagdasal sa Diyos at hiniling sa Kanyang gabayan ako at bantayan ang puso ko. Naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Muling ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na isa ito sa mga tukso ni Satanas. Ginagamit ni Satanas ang pagmamahal ko para tuksuhin ako na ipagkanulo ang Diyos at ibunyag ang mga kapatid para manakaw ng mga pulis ang pera ng iglesia at masaktan ang mga hinirang ng Diyos. Hindi ako pwedeng malinlang ng pandaraya ni Satanas, at hinding-hindi ko sila ipagkakanulo, at patatagalin ang isang kahiya-hiyang buhay. Hindi nagtagal pagkatapos nito, isa-isa nilang ipinasok ang mga sister para kilalanin ko sila, mabagal silang pinaiikot nang 360-digri para makita ko sila nang mabuti. Mula sa gilid ng mga mata ko ay nakikita kong pinagmamasdan ng tatlong pulis ang mga ekspresyon ko, kaya’t nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanyang bantayan ako para hindi ko sila mapagkanulo. Kalmadong-kalmado ang pakiramdam ko, at sa bawat isa, tiningnan ko sila nang blangko ang mukha at mabagal akong umiling. Galit na galit akong sinampal ni Kapitan Cai at isinigaw niyang, “Hindi ako naniniwalang wala kang kilalang kahit isa sa kanila. Paano kung bigyan ka ng sampu pang araw ng pagtrato sa agila, tapos ay tingnan natin kung aayos ka?” Tapos ay patuloy nila akong binabato ng mga tanong tungkol sa kung saan nakatago ang pera ng iglesia at kung sino ang lider. Hindi ako nagsasalita, kaya’t patuloy nila akong pinahihirapan araw at gabi, hindi ako pinahihintulutang matulog kahit kaunti. Isa sa kanila ang sasampalin ako, sisipain sa mga binti, hihilahin nang malakas ang buhok ko sa may sentido ko, o sisigawan ako habang nakasapo ang dalawang kamay sa paligid ng mga tenga ko sa tuwing makakaidlip ako. Magtatawanan sila sa tuwing makikita nila ang pagpapamalas ko ng takot at sakit kapag bigla akong nagigising. Miserable ako, at hindi ko alam kung gaano katagal ko pang makakayanan ang buhay na kamatayang iyon. Lalo na nang maalala kong sinabi ng mga pulis na walang hangganan ang oras ng “pagpagod sa agila,” at na natatapos lang iyon kapag umamin na ang tao, lalo pa akong nanghina.

Pagsapit ng ikadalawampung araw ng pagpapahirap sa akin, nakita kong walang senyales na hihinto na ang mga pulis, pero naabot ko na ang pisikal kong hangganan. Sa tuwing babagsak ako sa sahig, ni wala na akong lakas na bumangon ulit ni idilat ang mga mata ko. Palabo na nang palabo ang kamalayan ko at kahit ang paghinga ay mahirap na. Pakiramdam ko anumang sandali ay pwede akong mamatay, at takot na takot ako. Narinig kong isigaw ng isang pulis, “Ayos lang kung bugbugin namin ang mga panatikong tulad mo hanggang sa mamatay kayo! Ililibing ka lang namin kahit saan at walang makakaalam kailanman.” Lubos akong napahagulgol nang marinig ko iyon. Ano ang gagawin ng nanay, asawa, at mga anak ko kapag binugbog ako hanggang sa mamatay? Matanda na ang nanay ko at may mga problema siya sa puso at alta presyon. Hindi ba’t magiging katapusan na niya iyon kapag namatay ako? At gaano noon katinding masasaktan ang asawa ko? Napakabata pa ng mga anak ko—paano sila makakaraos? Hindi ako naglakas-loob na ituloy ang pag-iisip noon. Pakiramdam ko ay may nakabara sa lalamunan ko at tumulo ang mga luha sa mukha ko. Sa mismong sandaling umaabot na sa isang punto ang sakit at panghihina ko, narinig kong sinabi ng isang pulis, “Sabihin mo na lang sa amin kung saan ka tumutuloy at isasarado na namin ang kasong ito! Kung hindi, hindi namin magagawa iyon. Ayaw naming magpuyat at magdusa rito kasama mo araw-araw.” Naisip ko, “Kung wala akong sasabihin sa kanila ngayong gabi, sa palagay ko talaga ay hindi ko na ito malalagpasan. Baka pwede akong magsabi ng isang bagay na hindi mahalaga. Ang nakatatandang sister na nagpatira sa akin ay isa lang pangkaraniwang mananampalataya at kaunting-kaunting impormasyon lang ang nalalaman niya sa iglesia. Hindi naman magdudulot ng anumang tunay na panganib sa iglesia ang pag-amin na tumuloy ako sa bahay niya. Isa pa, dalawampung araw na mula nang arestuhin ako, kaya’t lahat ng libro ng mga salita ng Diyos na nasa bahay niya ay dapat na naialis na. Kung hindi sila makakahanap ng anumang ebidensya ng pananampalataya niya, wala naman silang gagawin sa isang matandang babae, hindi ba?” Hindi ako nagdasal sa Diyos matapos ko itong maisip, tapos nang magpakita sa akin ang mga pulis ng guhit ng lugar sa paligid ng tinuluyan kong bahay ng sister ko, sinabi ko sa kanila kung alin doon iyon. Noong sandaling lumabas sa bibig ko ang mga salita, naging ganap na matino ang isip ko, gising na gising, at bigla akong nakadama ng isang tunay na kadiliman sa aking puso. Napagtanto kong naging isa akong Judas at nalabag ko ang disposisyon ng Diyos. Natakot at natulala ako, labis na nakokonsensya at nagsisisi. Paano ako naging isang Judas at ipinagkanulo ang sister na iyon? Tapos ay tinanong ng isa sa mga pulis, “Aling bahay ang pinagtataguan ng pera? Sino ang lider? Saan inililimbag ang mga kopya ng mga salita ng Diyos?” Sinipa ako ng isa sa kanila nang wala na akong ibang sabihin. Pero sa puntong iyon, hindi na mahalaga ang pisikal na sakit. Isandaang beses na mas malala ang sakit ng puso ko kaysa sa sakit ng katawan ko. Para akong sinaksak sa puso, at talagang hinihiling kong maibalik ang oras at mabawi ko ang sinabi ko, pero huli na ang lahat. Pakiramdam ko ay nawala ang kaluluwa ko at hindi ako gumawa ng ingay. Inilipat nila ako sa isang kulungan, matapos makitang hindi sila makakakuha ng kahit anong impormasyon mula sa akin.

Sa kulungan, sa mismong harap ng lahat, pinaghubad ako ng isang pulis ng bilangguan para masuri ako at kinuhanan ako ng mga litrato. Dalawampung araw na akong hindi naghihilamos o nagsisipilyo, at umaalingasaw talaga ako. At sa panahon ng taglamig na humigit-kumulang 10 digring mas mababa sa zero, hindi nila ako binigyan ng mainit na tubig, pinaglinis lang ako gamit ang malamig na tubig. Dahil pagod na pagod na ako hanggang sa puntong bubuwal na ako at ni wala na akong lakas para magsalita, marahas akong sinipa sa dibdib ng pulis ng bilangguan nang sa tingin niya’y masyadong mahina ang boses ko nang sumagot ako sa pagtawag sa mga pangalan. Napakasakit noon na parang nawala sa pwesto ang mga lamang-loob ko, at matagal-tagal bago ko ulit nahabol ang hininga ko. Pinabigkas din nila sa akin ang mga tuntunin ng bilangguan, at kinailangan kong maglampaso ng mga sahig at maglinis ng mga banyo bilang parusa nang hindi ko mabigkas nang tama ang mga iyon. May mga bitak sa mga kamay ko na napakadaling magdugo, at gabi-gabi ay kailangan kong bumangon sa kama para magbantay nang dalawang oras. Kaya ko ang lahat ng pisikal na sakit na iyon, pero mula nang ipagkanulo ko ang sister na iyon, ginugol ko ang mga araw ko na binabagabag ng konsensya, pakiramdam ko ay may pagkakautang ako sa Diyos at sa kanya. Hindi ko mapatawad ang sarili ko. Isinantabi niya ang sarili niyang kaligtasan para patuluyin ako, pero ipinagkanulo ko siya para protektahan ang sarili ko. Wala akong kahit kaunting pagkatao! Lalong nakaaantig ang mga salitang ito ng Diyos para sa akin: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Ang mga salita ng Diyos ay parang patalim sa puso ko at lalo pa akong nakonsensya, na para bang wala akong dangal para harapin ang Diyos. Alam na alam ko na ang disposisyon ng Diyos ay banal at matuwid at hindi kumukunsinti ng pagkakasala ng tao, na namumuhi Siya sa mga taong pinoprotektahan ang kanilang sarili kahit pa mapahamak ang mga kapatid, at gusto lang iligtas ang kanilang sarili. Ipinagkanulo ko siya, naging isa akong kahiya-hiyang Judas. Labis iyong nakasasakit sa Diyos at lubos na karumal-dumal para sa Kanya. Ang isipin ito ay parang pagpunit sa puso ko, at hindi ako makatulog buong gabi. Nakalugmok ako sa sakit at pagkakonsensya.

Pumunta si Kapitan Cai sa bilangguan nang dalawa pang beses para kuwestyunin ako kung nasaan ang pera ng iglesia at kung kanino ko ibinahagi ang ebanghelyo. Minsan, nagdala siya ng mga litrato ng dalawang sister para kilalanin ko, at binalaan ako na kapag hindi ako nagsabi ng totoo, sisiguraduhin niyang makukulong ako. Dati, gusto ko lang iligtas ang sarili ko, kaya’t ipinagkanulo ko ang sister na iyon at talagang nasugatan ang puso ng Diyos. Ang maparusahan at mapunta sa impiyerno ay hindi kalabisan. Sa pagkakataong ito, kahit pa habangbuhay na pagkabilanggo ang makuha ko, kahit pa mamatay ako, hinding-hindi na ako magbibigay ng anumang iba pang impormasyon. Kaya’t walang pag-aatubili kong sinabing, “Hindi ko sila kilala!” Tapos ay mariing sinabi ni Kapitan Cai, “Tingnan mong mabuti! Pag-isipan mo ito, saka ka sumagot.” Desidido kong inulit, “Hindi ko sila kilala!” Nang makita ang determinasyon ko, dalawang beses akong sinampal nang malakas ng isa pang pulis, pinahahapdi ang mukha ko sa sakit. Pero sa pagkakataong ito’y lubos na payapa ang pakiramdam ko.

Kalaunan, pinagnilayan ko ang mga dahilan ng pagkabigo ko. Isang parte noon ay dahil masyado akong apektado ng pagmamahal ko, kaya nang pahirapan ako ng mga pulis at pagbantaan ang buhay ko, hindi ko mabitiwan ang nanay, mga anak, o asawa ko, sa takot na hindi sila makapagpapatuloy kapag namatay ako, hindi makakayanan ang dagok na iyon. Naipagkanulo ko ang Diyos at natraydor ang sister na iyon para sa mga minamahal ng aking katawan, naging isang taksil at kahiya-hiyang Judas ako. Talagang wala akong pagkatao! Ang totoo, ang kapalaran ng pamilya ko ay nasa kamay lahat ng Diyos, at kung gaano katinding pahirap at pasakit ang pagdurusahan nila sa buhay ay naitakda na ng Diyos. Kahit pa hindi ako mamatay at pwede akong manatili sa tabi nila, wala akong paraan para baguhin kung gaano katindi ang tiyak na magiging pagdurusa nila. Hindi ko ito nakita, pero napigilan ako ng damdamin ko. Talagang kahangalan iyon. Isa pang aspeto noon ay hindi ko lubos na nauunawaan ang kabuluhan ng kamatayan. Hindi ko makayang mawalay sa buhay, na nangahulugang wala akong kahit kaunting tunay na pananampalataya sa Diyos. Pagsapit ng ikadalawampung araw ng pagpapahirap sa pamamagitan ng pagpagod, lalong lumalabo ang kamalayan ko, nahihirapan akong huminga, at pakiramdam ko ay pwede akong mamatay anumang sandali. Takot na takot ako, takot na dumating na ang oras ko. Naisip ko ang lahat ng banal sa mga nakalipas na kapanahunan na gumawa para ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoon. Ang ilan ay pinagbabato hanggang sa mamatay, ang ilan ay pinugutan ng ulo, at ang ilan ay ipinako sa krus. Lahat sila ay inusig alang-alang sa pagiging matuwid at ang kamatayan nila ay patotoong lahat sa tagumpay laban kay Satanas, sa panghihiya kay Satanas, at ginunita ng Diyos ang mga ito. Bagamat namatay sila sa laman, ang mga kaluluwa nila ay nasa mga kamay naman ng Diyos. Naalala ko ang pagsasabi ng Panginoong Jesus na: “Ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon(Mateo 16:25). Naaresto at napahirapan ako dahil sa pananampalataya ko. Pagdanas ito ng pag-uusig para sa isang matuwid na adhikain. Kung talagang binugbog ako ng mga pulis hanggang sa puntong mabaldado o mamatay na ako, iyon ay isa sanang maluwalhating bagay. Ang isipin itong mabuti ay nagbigay sa akin ng tunay na pagkaramdam ng paglaya, at nagpasya ako na gaano katindi man ako magdusa pagkatapos noon, kahit pa kailanganin kong ibigay ang buhay ko, maninindigan ako sa aking patotoo sa Diyos, magbabayad-sala para sa mga dati kong paglabag, at hinding-hindi ko ipagpapatuloy ang pamumuhay sa ganoong kahihiyan.

Dumating ang dulo ng Enero 2003, at halos dalawang buwan na mula nang arestuhin ako. Nabawasan ako ng mahigit 30 libra, at kapag pinalalabas nila ang mga preso para makalanghap ng hangin, ilang beses lang ako nakaiikot sa paligid ng bakuran bago ako kinakapos ng hininga. Mahinang-mahina ang kalagayan ko at natatakot ang mga opisyal na mamatay ako sa mga kamay nila, kaya’t sa huli ay binigyan lang nila ako ng 18-buwan na sentensya na pwede kong palipasin sa labas ng kulungan. Pagkalaya ko, kailangan kong tawagan ang Kagawaran ng Pampublikong Seguridad nang dalawang beses sa isang buwan at ipaalam sa kanila ang kinaroroonan ko, at ipaalam sa kanila ang ideolohiya ko bawat tatlong buwan. Nang makauwi na ako, lahat ng hindi mananampalatayang kaanak at kaibigan ko ay dumating para pagtulungan at pagalitan ako. Napakasaklap talaga ng pakiramdam ko. Sa kulungan ay pinahirapan ako ng malaking pulang dragon hanggang sa halos ikamatay ko na, at ngayong nakauwi na ako, kailangan ko namang tiisin ang mga maling pagkaunawa ng pamilya ko. Ang tanging magagawa ko lang ay tiisin iyon. Natuklasan ko kalaunan na pagkatapos akong arestuhin, hinalughog ng mga pulis ang bahay ko at nilinlang nila ang pamilya ko, sinasabi ang mga bagay tulad ng gumagawa raw ako ng mga panloloko para kumita ng pera. Galit na galit ako. Inaresto at pinahirapan ako ng mga pulis, itinulak ako na maging isang Judas at ipagkanulo ang isang sister, at gumawa pa sila ng mga kasinungalingan para magsimula ng gulo at tanggihan ako ng pamilya ko. Napopoot ako sa mga demonyo ng Partido Komunista na iyon sa bawat himaymay ng aking pagkatao!

Hindi nagtagal ay tinutugis na naman ako ng mga pulis, kaya’t kinailangan kong magtago. Naging isa ako sa mga pinaghahanap na pugante ng CCP. Kinailangan kong gumawa ng kung anu-anong trabaho nang gumagamit ng mga pekeng pangalan, nang may tahanang hindi ko maaaring balikan. Nawalan na rin ako ng komunikasyon sa iglesia. Ang tugisin ng mga pulis, talikuran ng pamilya ko, at ni hindi makapamuhay ng buhay-iglesia ay labis na masakit para sa akin. Ang insidente ng pagiging isang Judas at pagkakanulo sa sister na iyon, sa partikular, ay parang isang tatak sa puso ko. Lagi kong nararamdaman na parang nakagawa ako ng kasalanang walang kapatawaran, na humantong na sa pagwawakas ang landas ng pananampalataya ko, at na wala na akong pagkakataong maligtas. Nagdulot sa akin ang mga saloobing ito ng paghihirap at pagkaramdam ng panghihina.

Muli akong nagkaroon ng komunikasyon sa iglesia noong Mayo 2008 at tumanggap muli ako ng tungkulin. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos noon: “Bawat taong nagpasakop na sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon para maligtas; ang pagliligtas ng Diyos sa bawat isa sa mga taong ito ay magpapakita ng Kanyang lubhang kaluwagan. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na pagpaparaya. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamtan ang Kanyang pagliligtas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao). “Ang pakikitungo ng Diyos sa bawat tao ay batay sa mga aktuwal na sitwasyon ng sirkumstansya at kinalakhan ng taong iyon sa panahong iyon, pati na sa mga kilos at pag-uugali ng taong iyon at sa kanilang kalikasang diwa. Hindi kailanman gagawan ng Diyos ng masama ang sinuman. Isang panig ito ng pagiging matuwid ng Diyos. Halimbawa, tinukso ng ahas si Eba na kainin ang bunga ng punong kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, ngunit hindi siya sinisi ni Jehova sa pagsasabing, ‘Sinabihan kita na huwag kainin iyon, kaya bakit ginawa mo pa rin ito? Dapat ay mayroon kang pagkilatis; dapat alam mo na nagsalita lamang ang ahas para tuksuhin ka.’ Hindi pinagalitan ni Jehova nang gayon si Eba. Dahil ang mga tao ay likha ng Diyos, alam Niya kung ano ang kanilang likas na simbuyo ng damdamin at kung ano ang kayang gawin ng mga likas na simbuyong iyon, hanggang saan kayang kontrolin ng mga tao ang kanilang sarili, at hanggang saan makakarating ang mga tao. Alam na alam ng Diyos ang lahat ng ito. Ang pakikitungo ng Diyos sa isang tao ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao. Kapag ang Kanyang saloobin ukol sa isang tao ay pagkamuhi o pagkasuklam, o pagdating sa sinasabi ng taong ito sa isang partikular na konteksto, nauunawaan Niyang mabuti ang kanyang mga kalagayan. Ito ay dahil masusing sinisiyasat ng Diyos ang puso at diwa ng tao. Laging iniisip ng mga tao na, ‘Kanyang kabanalan lamang ang taglay ng Diyos. Siya ay matuwid at hindi pinalalampas ang kasalanan ng tao. Hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng tao o inilalagay ang Kanyang sarili sa sitwasyon ng mga tao. Kung sakaling labanan ng isang tao ang Diyos, parurusahan Niya ito.’ Hindi talaga gayon ang mga bagay-bagay. Kung gayon ang pagkaunawa ng isang tao sa Kanyang pagiging matuwid, Kanyang gawain, at Kanyang pagtrato sa mga tao, maling-mali sila. Ang determinasyon ng Diyos sa kahihinatnan ng bawat tao ay hindi batay sa mga haka-haka at imahinasyon ng tao, kundi sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Gagantihan Niya ang bawat tao ayon sa nagawa nila. Ang Diyos ay matuwid, at sa malao’t madali, titiyakin Niya na lahat ng tao ay lubusang makumbinsi(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang mabasa ang mga salitang ito mula sa Diyos ay umantig sa akin hanggang sa puntong hindi ko na mapigilang maluha. Para akong isang bata na nakagawa ng matinding kamalian at hindi na naglakas-loob na umuwi, na sa wakas ay nakabalik sa yakap ng kanyang ina matapos ang ilang taon ng pagpapagala-gala sa mundo. Tunay kong nararamdaman ang kagandahang-loob ng diwa ng Diyos. Naipagkanulo ko ang sister na iyon at napagtaksilan ang Diyos, kaya’t karapat-dapat akong parusahan, pero hindi ako pinakitunguhan ng Diyos nang naaayon sa aking paglabag. Binigyan Niya ako ng pagkakataong magsisi. Nakikita ko na hindi lang paghatol at galit ang taglay ng disposisyon ng Diyos, kundi awa at pagpaparaya rin. Labis na may prinsipyo ang Diyos sa Kanyang pakikitungo sa mga tao. Hindi Niya sila nililimitahan batay sa kanilang mga panandaliang paglabag, kundi batay sa kalikasan at konteksto ng kanilang mga gawa, at sa kanilang tayog sa oras na iyon. Kung may kataksilan ang isang tao dahil sa kahinaan ng tao, pero hindi niya itinatanggi o pinagtataksilan ang Diyos mula sa kanyang puso at pagkatapos ay kaya pa rin niyang magsisi sa Diyos, mapapatawad pa rin siya ng Diyos at mabibigyan ng isa pang pagkakataon. Nakita ko kung gaano katuwid ang disposisyon ng Diyos. Napopoot ang Diyos sa tiwaling disposisyon at mga pagtataksil ng sangkatauhan, pero ginagawa pa rin Niya ang makakaya Niya para iligtas tayo. Dahil dito ay nag-uumapaw ang pasasalamat ko sa Diyos at pakiramdam ko ay lalo pa akong may pagkakautang sa Kanya. Labis kong nasaktan ang Diyos at gustung-gusto kong sampalin ang sarili ko. Ipinasya ko na anuman ang maging kahihinatnan ko, pahahalagahan ko ang pagkakataong ito na ibinigay ng Diyos, hahanapin ko ang katotohanan, at gagampanan ko ang tungkulin ko para masuklian ang pagmamahal ng Diyos.

Matapos pagdaanan ang brutal na pagpapahirap ng CCP, nakita ko ang malademonyo nitong diwa at ang masamang mukha nito ng pagkapoot at paglaban sa Diyos, nang lubus-lubusan. Napopoot ako kay Satanas higit kailanman! Personal ko ring naranasan na napakapraktikal at puno ng karunungan ang gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan—ginamit Niya ang malaking pulang dragon para gawing perpekto ang pananampalataya at debosyon ko, na naging daan para magtamo ako ng kaunting pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos at makita ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos. Ipinakita sa akin ng buong karanasang ito na ang paghihirap at mga pagsubok ay pagpapala ng Diyos sa akin, at ito rin ay Kanyang pag-ibig at pagliligtas! Anumang klaseng paniniil o paghihirap ang maaari kong harapin sa hinaharap, talagang determinado akong sumunod sa Diyos hanggang sa huli!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pinaghahanap Ngunit Inosente

Ni Liu Yunying, TsinaNoong Mayo 2014, inimbento ng Partido Komunista ng Tsina ang Zhaoyuan Case sa Shandong para i-frame at siraan ang Ang...