Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan
May ilang tao, na matapos manalig sa Diyos sa loob ng maraming taon at makinig sa maraming sermon, ay nakinabang na nang kaunti sa mga ito. Kahit papaano, nakapagbibigkas sila ng ilang salita at doktrina na kung pakikinggan ay pawang tila umaayon sa katotohanan. Sa kabila nito, kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila maisagawa ang katotohanan, hindi sila makagawa ng kahit man lang isang bagay na naaayon sa katotohanan. Masasabi rin na sa pananalig nila sa Diyos sa loob ng maraming taon, wala silang nagawang anuman upang protektahan ang gawain ng iglesia, o kahit isang gawi lang. Paano ito maipapaliwanag? Nakakapagbigkas man sila ng ilang salita at doktrina, hinding-hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kaya hindi nila ito maisagawa. Kapag pinagbabahaginan ng ilang tao ang pagkakilala nila sa kanilang sarili, ang unang lumalabas sa kanilang mga bibig ay, “Isa akong diyablo, isang buhay na Satanas, isang taong lumalaban sa Diyos. Naghihimagsik ako laban sa Kanya at pinagtataksilan Siya; isa akong ulupong, isang masamang tao na dapat sumpain.” Tunay ba itong pagkakilala sa sarili? Pangkalahatang ideya lang ang sinasabi nila. Bakit hindi sila nagbibigay ng mga halimbawa? Bakit hindi nila inilalantad ang mga nakakahiyang bagay na ginawa nila para himayin ang mga ito? Naririnig sila ng ilang taong hindi marunong kumilatis at iniisip, “Aba, tunay na pagkakilala iyon sa sarili! Ang makilala ang kanilang sarili bilang isang diyablo, si Satanas, at sumpain pa ang kanilang sarili—napakataas naman ng naabot nila!” Madaling malihis ng ganitong pananalita ang maraming tao, lalo na ang mga bagong mananampalataya. Akala nila dalisay at may espirituwal na pang-unawa ang taong nagsasalita, na isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, at kwalipikadong maging lider. Subalit, sa sandaling makasalamuha na nila siya nang ilang panahon, nalalaman nilang hindi pala ganoon, na hindi pala gaya ng inisip nila ang taong iyon, kundi ubod ng huwad at mapanlinlang, mahusay sa pagkukunwari at pagpapanggap, na talaga namang nakakadismaya. Sa anong batayan kaya masasabi na talagang kilala ng mga tao ang kanilang sarili? Hindi mo pwedeng isaalang-alang lang ang sinasabi nila—ang susi ay tukuyin kung naisasagawa at natatanggap nila ang katotohanan. Para sa mga tunay na nakauunawa sa katotohanan, hindi lamang sila may tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili, ang pinakamahalaga, naisasagawa nila ang katotohanan. Hindi lamang nila sinasabi ang kanilang tunay na pagkaunawa, kundi nagagawa rin talaga nila ang sinasabi nila. Ibig sabihin, ganap na magkaayon ang kanilang mga salita at kilos. Kung maliwanag at kaaya-ayang pakinggan ang sinasabi nila, pero hindi nila ito ginagawa, hindi ito isinasabuhay, kung gayon sa bagay na ito ay naging mga Pariseo sila, mapagpaimbabaw sila, at tiyak na hindi mga taong tunay na nakakikilala sa kanilang sarili. Napakaliwanag pakinggan ng maraming tao kapag ibinabahagi nila ang katotohanan, pero hindi nila napapansin kapag nagkakaroon sila ng mga pagbubunyag ng tiwaling disposisyon. Kilala ba ng mga taong ito ang kanilang sarili? Kung hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili, sila ba ay mga taong nakakaunawa sa katotohanan? Ang lahat ng hindi nakakikilala sa sarili ay mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan, at lahat ng nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita ng pagkakilala sa sarili ay may huwad na espirituwalidad, sila ay mga sinungaling. Kung pakikinggan ay mahusay magsalita ang ilang tao ng mga salita at doktrina, pero ang kalagayan sa kanilang mga espiritu ay manhid at hangal, hindi matalas ang kanilang pakiramdam, at hindi sila tumutugon sa anumang isyu. Masasabi na manhid sila, pero minsan, kapag napapakinggan silang magsalita, tila medyo matalas ang kanilang mga espiritu. Halimbawa, pagkatapos na pagkatapos ng isang insidente, nagagawa nilang makilala kaagad ang kanilang sarili: “Ngayon-ngayon lang naging malinaw sa akin ang isang ideya. Pinag-isipan ko ito at napagtanto ko na ito ay mapanlinlang, na nililinlang ko ang Diyos.” Naiinggit ang ilang taong hindi marunong kumilatis kapag naririnig nila ito, sinasabing: “Napagtatanto kaagad ng taong ito kapag mayroon siyang pagbubunyag ng katiwalian, at nagagawa rin niyang ipagtapat at ibahagi ang tungkol dito. Napakabilis ng reaksyon niya, matalas ang kanyang espiritu, mas mahusay siya kaysa sa atin. Tunay ngang isa itong taong naghahangad ng katotohanan.” Tumpak na paraan ba ito ng pagsukat sa mga tao? (Hindi.) Kaya ano ba ang dapat na maging batayan sa pagsusuri kung talaga bang kilala ng mga tao ang kanilang sarili? Hindi lang ito dapat kung ano ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Dapat mo ring tingnan kung ano talaga ang naipapamalas sa kanila. Ang pinakasimpleng paraan ay ang tingnan kung naisasagawa ba nila ang katotohanan—ito ang pinakamahalaga. Pinatutunayan ng abilidad nilang isagawa ang katotohanan na tunay nilang kilala ang kanilang sarili, dahil ang mga tunay na nakakikilala sa kanilang sarili ay nagpapamalas ng pagsisisi, at kapag nagpapamalas ng pagsisisi ang mga tao saka lamang nila tunay na nakikilala ang kanilang sarili. Halimbawa, maaaring alam ng isang tao na siya ay mapanlinlang, na marami siyang mga mga walang kapararakang pakana at balak, at maaari din niyang mahalata kapag naghahayag ng panlilinlang ang iba. Kaya dapat mong suriin kung tunay niyang pinagsisisihan at iwinawaksi ang kanyang panlilinlang matapos niyang aminin na siya ay mapanlinlang. At kung muli siyang maghayag ng panlilinlang, suriin kung makararamdam ba siya ng pagsisisi at kahihiyan sa paggawa nito, kung taimtim ba siyang nagsisisi. Kung wala siyang kahihiyan, lalo nang walang pagsisisi, ang kanyang kamalayan sa sarili ay pahapyaw at basta-basta lang. Iniraraos lang niya ang mga bagay-bagay; wala siyang tunay na kamalayan. Hindi niya nararamdaman na ang panlilinlang ay napakasamang bagay o na ito ay malademonyo, at tiyak na hindi niya nararamdaman kung gaano kawalanghiya at kahindik-hindik na pag-uugali ang panlilinlang. Iniisip niya, “Mapanlinlang ang lahat ng tao. Tanging ang mga hangal ang hindi mapanlinlang. Hindi ka magiging masamang tao sa kaunting panlilinlang. Wala akong ginawang masama; hindi ako ang pinakamapanlinlang na tao.” Kaya bang tunay na makilala ng gayong tao ang sarili niya? Tiyak na hindi. Ito ay dahil wala siyang kamalayan sa mapanlinlang niyang disposisyon, hindi niya kinamumuhian ang panlilinlang, at lahat ng sinasabi niya tungkol sa pagkakilala sa sarili ay mapagkunwari at hungkag. Ang hindi pagkilala sa sariling tiwaling disposisyon ay hindi tunay na pagkakilala sa sarili. Hindi tunay na nakikilala ng mga mapanlinlang na tao ang mga sarili nila, dahil para sa kanila, hindi madaling tanggapin ang katotohanan. Kaya, gaano man karaming mga salita at doktrina ang nasasabi nila, hindi talaga sila magbabago.
Paano matutukoy ng isang tao kung mahal ng isang tao ang katotohanan? Sa isang banda, dapat tingnan kung kayang kilalanin ng taong ito ang kanyang sarili batay sa salita ng Diyos, kung kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili at makadama ng tunay na pagsisisi; sa kabilang banda, dapat tingnan kung natatanggap at naisasagawa nito ang katotohanan. Kung natatanggap at naisasagawa nito ang katotohanan, isang tao ito na nagmamahal sa katotohanan at na nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos. Kung kinikilala lang niya ang katotohanan, ngunit hindi niya ito tinatanggap o isinasagawa kailanman, tulad ng sinasabi ng ilang tao, “Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, pero hindi ko ito kayang isagawa,” nagpapatunay ito na hindi siya isang taong nagmamahal sa katotohanan. Inaamin ng ilang tao na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan at na mayroon silang mga tiwaling disposisyon, at sinasabi rin nila na handa silang magsisi at panibaguhin ang kanilang sarili, pero pagkatapos niyon, wala namang anumang pagbabago. Pareho pa rin ng dati ang mga salita at kilos nila. Kapag tinatalakay nila ang pagkilala sa kanilang sarili, para silang nagbibiro o bumubulalas ng isang salawikain. Hindi nila talaga pinagninilayan o kinikilala ang sarili nila sa kaibuturan ng puso nila; ang pangunahing isyu ay wala silang saloobin ng pagsisisi. Lalong hindi sila bukás na nagtatapat tungkol sa katiwalian nila para tunay nilang mapagnilayan ang sarili nila. Sa halip, nagkukunwari sila na kilala nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na nagpapakita na may pagkakakilanlan nga sila. Hindi sila mga taong tunay na kilala ang kanilang sarili o tumatanggap sa katotohanan. Kapag nagsalita ang gayong mga tao tungkol sa pagkakilala sa kanilang sarili, nakikiayon lang sila; nagbabalatkayo sila at nanloloko, at huwad ang kanilang espirituwalidad. Ang ilang tao ay mapanlinlang, at kapag nakikita nila na ibinabahagi ng iba ang pagkaalam ng mga ito sa kanilang sarili, iniisip nila, “Lahat ng iba pa ay nagtatapat at hinihimay ang sarili nilang panlilinlang. Kung wala akong sasabihin, iisipin ng iba na hindi ko kilala ang sarili ko. Kung gayon, kailangan kong makiayon!” Pagkatapos niyon, inilalarawan nila na napakalubha ng sarili nilang panlilinlang, ipinapaliwanag iyon nang madamdamin, at ang kanilang pagkakilala sa sarili ay tila napakalalim. Pakiramdam ng lahat ng nakaririnig ay talagang kilala nila ang kanilang sarili, at kaya naman naiinggit ang mga ito sa kanila, at dahil dito pakiramdam ng mga ito ay para bang maluwalhati sila, na para bang pinalamutian nila ng sinag ang sarili nilang ulo. Ang ganitong pagkakilala sa sarili na nakamtan sa pamamagitan ng wala sa loob na pagsasabi nang gayon, na may kasamang pagkukunwari at panlilinlang, ay lubos na naililihis ang iba. Napapanatag ba ang konsensiya nila kapag ginagawa nila ito? Hindi ba lantarang panlilinlang lang ito? Kung nagsasalita lamang ang mga tao ng walang kabuluhan tungkol sa pagkakilala sa sarili nila, gaano man katayog o kabuti ang kaalamang iyon, at kung pagkatapos ay patuloy pa rin silang naglalantad ng isang tiwaling disposisyon tulad ng ginawa nila dati, nang walang anumang pagbabago, kung gayon ay hindi iyon tunay na pagkakilala sa sarili. Kung sadyang magkukunwari at makapanlilinlang ang mga tao sa ganitong paraan, pinapatunayan nito na hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at katulad lang sila ng mga walang pananampalataya. Sa pamamagitan ng pagtalakay nila sa kanilang pagkakilala sa sarili sa ganitong paraan, sinusunod lang nila ang kalakaran at sinasabi ang anumang akma sa panlasa ng lahat. Hindi ba’t nakalilinlang ang kanilang kaalaman at paghihimay sa kanilang sarili? Tunay bang pagkakilala ito sa sarili? Hinding-hindi. Ito ay dahil hindi sila nagtatapat at naghihimay ng kanilang sarili nang mula sa puso, at bahagya lang silang nagtatalakay tungkol sa kanilang sarili sa isang huwad, mapanlinlang na paraan para lang makiayon. Ang mas malala pa, para hangaan at kainggitan sila ng iba, sadya silang nagpapalabis upang magmukhang mas mabigat ang kanilang mga problema kapag tinatalakay nila ang pagkakilala sa sarili, inihahalo ang personal nilang mga layunin at mithiin sa kanilang pagtatapat. Kapag ginagawa nila ito, hindi nila nararamdamang may pagkakautang sila, hindi inuusig ang kanilang konsensiya matapos silang magbalatkayo at manlinlang, wala silang nadarama matapos suwayin at linlangin ang Diyos, at hindi sila nagdarasal sa Diyos para aminin ang kanilang pagkakamali. Hindi ba’t matigas ang ulo ng ganitong mga tao? Kung hindi sila nakakaramdam ng pagkakautang, maaari ba silang makadama ng pagsisisi? Maaari bang maghimagsik laban sa laman at magsagawa ng katotohanan ang isang taong walang tunay na pagsisisi? Maaari bang tunay na magsisi ang isang taong walang tunay na pagsisisi? Hinding-hindi. Kung hindi man lang siya nagsisisi, hindi ba’t kakatwa lang na talakayin ang pagkakilala sa sarili? Hindi ba’t pagbabalatkayo at panlilinlang lamang ito? May ilang tao, na matapos magsinungaling at manlinlang, ay napagtatanto ito at nakakaramdam ng pagsisisi. Dahil may kahihiyan sila, nahihiya silang aminin ang katiwalian nila sa iba, pero nagagawa nilang manalangin at buksan ang sarili nila sa Diyos. Handa silang magsisi, at pagkatapos ay tunay silang nagbabago. Ito ay isa ring taong kilala ang sarili niya at tunay na nagsisisi. Sinumang may lakas ng loob na aminin sa iba na siya ay nagsinungaling at nanlinlang, at nagagawa ring manalangin sa Diyos at magtapat, na kinikilala ang mga pagbubunyag ng katiwalian niya, ay isang taong kayang kilalanin ang sarili niya at tunay na magsisi. Matapos ang isang panahon ng pananalangin at paghahanap sa katotohanan, nahahanap niya ang landas ng pagsasagawa at sumasailalim siya sa ilang pagbabago. Bagamat ang lahat ay may parehong kalikasang diwa, at ang lahat ay may tiwaling disposisyon, ang mga kayang tumanggap sa katotohanan ang may pag-asang sila ay maliligtas. May ilang tao, matapos manalig sa Diyos, ay nasisiyahan sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at tumutuon sa pagninilay-nilay ng sarili. Kapag nakikita nila ang mga pagbubunyag ng katiwalian nila, nararamdaman nilang may pagkakautang sila sa Diyos at kadalasan ay gumagamit ng mga pamamaraan ng pagpipigil para malutas nila ang problema ng kanilang kasinungalingan at pandaraya. Gayunman, dahil hindi nila nakokontrol ang sarili nila, madalas pa rin silang magsinungaling at mandaya. Sa sandaling iyon, napagtatanto nila na ang problema ng satanikong disposisyon ay hindi malulutas ng pagpipigil. Kaya, nananalangin sila sa Diyos, ipinapaliwanag ang mga paghihirap nila sa Kanya, nagmamakaawa sa Kanya na iligtas sila mula sa pagkontrol ng makasalanang kalikasan at impluwensiya ni Satanas, upang makamit ang pagliligtas ng Diyos. Makalipas ang ilang panahon, magkakaroon ng ilang resulta, ngunit walang pangunahing solusyon sa problema ng kanilang kasinungalingan at panlilinlang. Kaya, sa wakas ay napagtatanto nila na ang satanikong disposisyon ay matagal nang nag-ugat sa puso nila at tumagos na sa kalooban nila. Ang kalikasan ng tao ay sataniko. Sa pagtanggap lamang ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at sa pagkamit ng gawain ng Banal na Espiritu makakawala ang isang tao mula sa gapos ng pagkaalipin at pagpigil ng satanikong disposisyon. Sa liwanag at gabay lamang ng mga salita ng Diyos nila makikita ang lalim ng katiwalian nila, at makikilala na ang tiwaling sangkatauhan ay mula nga kay Satanas, at kung hindi dahil sa gawain ng pagliligtas ng Diyos, ang lahat ay mapapahamak at mawawasak. Dito lamang nila makikita kung gaano kahusay ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo. Pagkatapos maranasan ito, matatanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos nang buong puso, at magsisimulang lumago ang tunay na pagsisisi mula sa loob nila. Ngayon, mayroon na silang tunay na kamalayan at nagsisimula na silang makilala ang sarili nila. Para naman sa mga walang kamalayan sa puso nila, maaari din silang matutong magsabi ng ilang espirituwal na salita, ng ilang salita ng katwiran. Magaling silang bumigkas ng mga parilalang madalas ulit-ulitin ng mga diumano’y “banal na tao,” at kung pakikinggan ay mistula silang matatapat, nililinlang ang kanilang mga tagapakinig hanggang sa mapaluha ang mga ito. Dahil dito, sila ay gusto at pinapahalagahan ng lahat. Marami bang taong ganito? Anong uri ng tao ito? Hindi ba’t ito ay isang Pariseo? Ang mga taong ganito ay ang mga pinakamapanlinlang. Maaaring isipin ng mga hindi nakakaunawa sa katotohanan na ang ganitong tao, sa unang beses nilang pagharap sa kanya, ay napaka-espirituwal, kaya’t pipiliin nila siya bilang kanilang lider. Bunga nito, hindi lalampas sa isang taon at naakit na niya sa panig niya ang lahat ng mga taong ito na hindi marunong kumilatis. Nagkukumpulan sila sa paligid niya, sinasang-ayunan at pinahahalagahan siya, hinihingi ang patnubay niya kapag may nangyayari, at minsan ay ginagaya pa nga ang tono ng pagsasalita niya. Ang mga sumusunod sa kanya ay natututo kung paano bumigkas ng mga salita at doktrina at kung paano linlangin ang mga tao at ang Diyos, ngunit dahil dito, nagiging negatibo at mahina silang lahat pagdating ng mga pagsubok. Sa mga puso nila, nagrereklamo sila sa at pinagdududahan ang Diyos, at hindi sila nagpapakita ng kahit kaunting pananalig. Bunga ito ng pagsamba at pagsunod sa isang tao. Sa kabila ng maraming taon nilang pananalig sa Diyos at kakayahang magsalita ng napakaraming espirituwal na doktrina, wala silang anuman sa katotohanang realidad. Lahat sila ay naligaw at nabighani ng mapagpaimbabaw na Pariseo. Hindi ba’t madali para sa mga hindi kayang kumilatis na malinlang at tumahak sa maling landas? Ang mga taong hindi kayang kumilatis ay magugulo ang isipan, at napakadali nilang mailigaw!
Upang matuto ng pagkilatis, dapat munang matutunan ng isang tao kung paano pagnilayan at kilatisin ang sarili niyang mga problema. Ang lahat ng tao ay may pagmamataas at pagmamatuwid sa sarili, at ang kahit kaunting kapangyarihan ay maaaring humantong sa walang pakundangang kilos. Ito ay isang bagay na madalas na nangyayari, at mabilis itong nakikita, ngunit ano iyong mga tiwaling disposisyon na hindi masyadong madaling mapansin, o hindi masyadong sensitibo rito ang mga tao, at mahirap itong makita sa sarili o sa iba? (Hindi ako sensitibo sa panlilinlang.) Pagiging hindi sensitibo sa panlilinlang, at ano pa? (Pagiging makasarili at kasuklam-suklam.) Pagiging makasarili at kasuklam-suklam. Halimbawa, may ilang taong nagsasabing ginagawa nila ang isang bagay nang alang-alang sa ibang tao, ginagamit nila ito bilang palusot upang purihin sila ng lahat. Ngunit ang totoo ay ginagawa nila ito upang makaiwas sila sa abala, isang motibo na hindi alam ng iba, at mahirap makita. Ano pang ibang tiwaling disposisyon ang pinakamahirap na makita? (Ang pagiging mapagpaimbabaw.) Ito ay pagpapakitang-tao bilang mabuti, paggawa ng ilang bagay na ayon sa mga kuru-kuro ng tao upang mapuri, ngunit sa kalooban ay nagtatago ng satanikong pilosopiya at lihim na mga motibo. Ito ay mapanlinlang na disposisyon. Ito ba ay madaling makilatis? Ang mga taong mababa ang kakayahan at hindi nakakaunawa sa katotohanan ay hindi malinaw na nakikita ang mga bagay-bagay; lalo nilang hindi nakikilatis ang ganitong uri ng tao. May mga lider at manggagawa na, kapag lumulutas ng isang problema, ay malinaw at lohikal kung magsalita, na tila malinaw na nilang nakita ang isyu, ngunit matapos nilang magsalita ay hindi pa rin nalulutas ang problema. Pinapaniwala ka nila na nalutas na ang problema kahit hindi pa naman talaga; hindi ba’t ito ay panlilihis at panlilinlang sa mga tao? Ang mga hindi gumagawa ng tunay na hakbang sa pagganap ng tungkulin nila, at puro walang katuturan at mabulaklak kung magsalita, ay pawang mga mapagpaimbabaw. Labis silang tuso at mapanlinlang. Matapos matagal na makasama ang ganitong uri ng tao, nakikilatis na ba ninyo sila? Bakit hindi sila nagbabago matapos manalig sa Diyos sa loob ng maraming taon? Ano ang ugat ng problema? Sa tumpak na pananalita, silang lahat ay mga taong tutol na sa katotohanan, kaya’t ayaw nila itong tanggapin. Mas pinipili nilang mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, sa pag-aakalang dito ay hindi sila ang nasa disbentahe, bagkus ay nagmumukha silang kahanga-hanga, magara, at kagalang-galang dito. Hindi ba’t tuso at mapanlinlang ang ganitong mga tao? Mas gugustuhin nilang mamatay kaysa tanggapin ang katotohanan; maliligtas ba ang ganitong tao? May ilang tao, kapag nahaharap sa pagpupungos, ay naaamin sa salita ang pagkakamali nila, ngunit sa puso nila ay tumututol sila: “Kahit pa tama ang sinasabi ninyo, hindi ko ito tatanggapin. Lalabanan kita hanggang sa dulo!” Magaling silang magbalatkayo, sinasabing tinatanggap nila ito, ngunit sa puso nila ay hindi nila ito tinatanggap. Ito rin ay isang disposisyon na tutol na sa katotohanan. Ano pa bang mga tiwaling disposisyon ang mahirap makita at mapansin? Hindi ba’t mahirap matukoy ang katigasan ng kalooban? Ang matigas na kalooban ay isang uri ng disposisyon na lubos ding nakatago. Madalas itong nagpapamalas bilang matigas na pagpupumilit sa sariling mga pananaw, at hirap sa pagtanggap sa katotohanan. Paano man magsalita ang iba nang ayon sa katotohanan, ang taong mapagmatigas ay patuloy na kakapit sa sarili niyang mga nakagawian. Ang taong may mapagmatigas na disposisyon ang pinakahuling tatanggap sa katotohanan. Kadalasan, ang mga taong hindi tinatanggap ang katotohanan ay nagtatago ng ganitong uri ng mapagmatigas na disposisyon sa loob nila. Kapag matigas na kumakapit ang mga tao sa isang bagay sa loob nila, o mayroon silang saloobin ng pagpupursige para sa pansarili nilang mga nais, mahirap itong makita. Ano pa? Ang hindi pagmamahal at pagtutol sa katotohanan ay mahirap makita. Ang kalupitan ay mahirap makita. Pinakamadaling makita ang kayabangan at panlilinlang, ngunit ang iba—pagiging mapagmatigas, pagtutol sa katotohanan, kalupitan, kasamaan—ay pawang mahirap makita. Pinakamahirap makita ang kasamaan, sapagkat ito ay naging kalikasan na ng tao at nagsimula na silang luwalhatiin ito, at maging ang higit pang kasamaan ay hindi na masama sa paningin nila. Kaya, mas mahirap makita ang masamang disposisyon kaysa sa mapagmatigas na disposisyon. May mga taong nagsasabi: “Paanong hindi ito madaling makita? Ang lahat ng tao ay may masasamang pagnanasa. Hindi ba’t iyon ay kasamaan?” Mababaw na pananaw iyon. Ano ang tunay na kasamaan? Aling mga kalagayan ang masama kapag namamalas ang mga iyon? Masamang disposisyon ba kapag gumagamit ang mga tao ng tila mahahalagang pahayag para itago ang masasama at kahiya-hiyang layon na nasa kaibuturan ng kanilang puso, at pagkatapos ay paniwalain ang iba na napakabuti, walang kapintasan, at lehitimo ang mga pahayag na ito, at sa huli ay makamtan ang kanilang mga lihim na motibo? Bakit ito tinatawag na pagiging masama at hindi pagiging mapanlinlang? Pagdating sa disposisyon at diwa, hindi ganoon kasama ang pagkamapanlinlang. Ang pagiging masama ay mas mabigat kaysa pagiging mapanlinlang, ito ay isang pag-uugaling mas tuso at masama kaysa pagiging mapanlinlang, at mahirap para sa karaniwang tao na mahalata ito. Halimbawa, anong klaseng mga salita ang ginamit ng ahas para akitin si Eba? Paimbabaw na mga salita, na tama sa pandinig at tila sinambit para sa kabutihan mo. Wala kang malay na may anumang mali sa mga salitang ito o anumang masamang layon sa likod ng mga ito, at kasabay nito, hindi mo malimutan ang mga mungkahing ito ni Satanas. Ito ay tukso. Kapag natutukso ka at nakikinig sa ganitong klaseng mga salita, hindi mo mapipigilang maakit at malamang na mahulog ka sa bitag, sa gayon ay makakamtan ni Satanas ang kanyang mithiin. Ang tawag dito ay kasamaan. Ginamit ng ahas ang pamamaraang ito para akitin si Eba. Ito ba ay isang uri ng disposisyon? (Oo.) Saan nanggagaling ang ganitong uri ng disposisyon? Nanggagaling ito sa ahas, kay Satanas. Ang uring ito ng masamang disposisyon ay umiiral sa kalikasan ng tao. Hindi ba’t iba ang kasamaan na ito sa masasamang pagnanasa ng mga tao? Paano nagsisimula ang masasamang pagnanasa? Ito ay may kaugnayan sa laman. Ang tunay na kasamaan ay isang uri ng disposisyong malalim na nakatago, na talagang hindi nakikilatis ng mga taong walang karanasan o pag-unawa sa katotohanan. Dahil dito, ito ang pinakamahirap makita sa lahat ng disposisyon ng tao. Sa aling uri ng tao pinakamalubha ang masamang disposisyon? Sa mga taong mahilig magsamantala ng iba. Napakagaling nilang magmanipula na hindi man lang nalalaman ng mga namanipula nila kung ano ang nangyari pagkatapos. Ang ganitong uri ng tao ay may masamang disposisyon. Gamit ang panlilinlang, gumagamit ang masasamang tao ng ibang paraan upang pagtakpan ang panlilinlang nila, ikubli ang mga kasalanan nila, at itago ang mga lihim nilang intensiyon, mithiin, at makasariling pagnanais. Ito ay kasamaan. Higit pa rito, iba’t ibang paraan ang gagamitin nila upang mang-udyok, manukso, at mang-akit, pasusunurin ka sa mga nais nila at ipapatugon sa iyo ang mga makasariling hangarin nila upang makamit ang mga mithiin nila. Lahat ito ay masama. Ito ay tunay na satanikong disposisyon. Nagpakita na ba kayo ng anuman sa mga pag-uugaling ito? Sa mga aspekto ng masamang disposisyon, alin ang mas ipinapakita ninyo: panunukso, pang-uudyok, o pagsisinungaling upang pagtakpan ang iba pang kasinungalingan? (Tingin ko ay ipinapakita ko ang kaunti sa lahat ng ito.) Tingin mo ay ipinapakita mo ang kaunti sa lahat ng ito. Ibig sabihin, sa antas ng emosyon, nararamdaman mong pareho mo nang ipinakita at hindi pa ipinakita ang mga kilos na ito. Wala kang mahanap na anumang ebidensya. Sa pang-araw-araw mong buhay, napagtatanto mo ba kung nagpapakita ka ng masamang disposisyon kapag may kinakaharap kang bagay? Sa totoo lang, ang mga bagay na ito ay umiiral sa loob ng disposisyon ng lahat ng tao. Halimbawa, may isang bagay na hindi mo nauunawaan, pero ayaw mong malaman ng iba na hindi mo ito nauunawaan, kaya’t kung anu-ano ang ginagawa mo upang isipin nilang nauunawaan mo ito. Ito ay pandaraya. Ang ganitong uri ng pandaraya ay pagpapamalas ng kasamaan. Nariyan din ang panunukso at pang-uudyok, lahat ito ay pagpapamalas ng kasamaan. Madalas mo bang tinutukso ang iba? Kung talagang nagsisikap kang maunawaan ang isang tao, na nais mong makipagbahaginan sa kanya, at kailangan ito para sa iyong trabaho at ito ay wastong pakikisalamuha, hindi ito maituturing na panunukso. Ngunit kung may personal kang layunin at mithiin, at hindi mo talaga nais maunawaan ang disposisyon, mga paghahangad, at kaalaman ng taong ito, at sa halip ay nais mong ilabas ang kanyang mga iniisip sa kanyang kaloob-looban at ang tunay niyang mga damdamin, ito ay tinatawag na kasamaan, panunukso, at pang-uudyok. Kung ginagawa mo ito, may masama kang disposisyon; hindi ba’t ito ay isang bagay na nakatago? Madali bang baguhin ang ganitong disposisyon? Kung makikilatis mo ang mga pagpapamalas ng bawat aspekto ng disposisyon mo, ang mga kalagayang kadalasang sinasanhi nila, at maitutugma mo ang mga ito sa sarili mo, na nararamdaman mo kung gaano kasama at kamapanganib ang ganitong disposisyon, makadarama ka ng pasanin na magbago, at mauuhaw ka sa mga salita ng Diyos at matatanggap mo ang katotohanan. Sa sandaling iyon ka makapagbabago at makatatanggap ng kaligtasan. Gayunman, kung matapos mong itugma ang mga ito ay hindi ka pa rin nauuhaw sa katotohanan, walang nararamdamang pagkakautang o paratang—o kahit kaunting pagsisisi—at hindi mo minamahal ang katotohanan, magiging mahirap para sa iyo na magbago. At hindi makatutulong ang pag-unawa, sapagkat doktrina lamang ang mauunawaan mo. Anumang aspekto ng katotohanan ito, kung ang pag-unawa mo ay natitigil sa antas ng doktrina at hindi konektado sa pagsasagawa at pagpasok mo, walang silbi ang doktrinang nauunawaan mo. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilala ang tiwali mong disposisyon, at hindi ka makapagsisisi at makapagtatapat sa Diyos, at hindi ka makararamdam ng pagkakautang sa Diyos, at hindi mo kamumuhian ang sarili mo, kaya’t hinding hindi ka maliligtas. Kung alam mo kung gaano kalubha ang mga problema mo, pero wala kang pakialam at hindi mo kinamumuhian ang sarili mo, manhid at pasibo pa rin ang kalooban mo, hindi mo tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at hindi ka nananalangin sa Kanya o umaasa sa Kanya upang malutas ang tiwaling disposisyon mo, kung gayon ay lubhang nanganganib ka, at hindi ka makatatanggap ng kaligtasan.
Ano ang mga kondisyon upang ang isang tao ay maligtas? Una, dapat niyang unawain ang katotohanan at kusang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Pagkatapos, dapat niyang taglayin ang kahandaang makipagtulungan, kayanin na maghimagsik laban sa sarili, at kusang bitiwan ang kanyang mga makasariling hangarin. Ano ang kabilang sa mga makasariling hangarin? Ang mukha, katayuan, banidad, iba’t ibang aspekto ng pansariling interes ng isang tao, pati na rin mga plano, nais, inaasahan, at hantungan—sa malapit o malayong hinaharap man ito—kasama ang lahat ng ito rito. Kung mahahanap mo ang katotohanan upang lutasin ang mga tiwaling disposisyong ito, habang isa-isang nagkakamit ng mga tagumpay sa mga ito at unti-unting tinatalikdan ang mga ito, sa gayon ay unti-unting magiging mas madali para sa iyo ang pagsasagawa sa katotohanan, at maaabot mo ang isang kalagayan ng pagpapasakop sa Diyos. Unti-unting lalago ang iyong tayog. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan at unti-unti mo nang malinaw na nakikita at natatalikdan ang mga makasariling hangaring ito, magbabago ang disposisyon mo. Ano nang antas ng pagbabago ang naabot ninyo ngayon? Batay sa mga obserbasyon Ko, talagang hindi pa kayo nakakapasok sa mga katotohanang realidad na ito ng mga pagbabago sa disposisyon. Kaya, ano ang inyong kasalukuyang tayog, at sa anong kalagayan kayo namumuhay ngayon? Ang karamihan sa inyo ay natigil at nananatiling nakatigil sa antas ng pagganap sa tungkulin: “Dapat ko bang gampanan ang tungkulin ko o hindi? Paano ko maayos na magagampanan ang tungkulin ko? Ang ganitong pagganap ba sa tungkulin ko ay pabasta-basta?” Minsan, kapag ang pagganap mo sa tungkulin mo ay lubos na pabasta-basta, mararamdaman mo ang pang-uusig sa puso mo. Mararamdaman mong may pagkakautang ka sa Diyos, na binigo mo ang Diyos, at humahagulhol ka pa nga at ipinapahayag mo sa Kanya ang pagnanais mong isagawa nang wasto ang mga tungkulin mo upang masuklian ang pagmamahal Niya. Pero makalipas ang dalawang araw, naging negatibo ka na naman, ayaw mo nang gampanan ang mga tungkulin mo. Hinding-hindi mo malampasan ang yugtong ito. Ito ba ay pagkakaroon ng tayog? (Hindi.) Kapag hindi mo na kailangan ang pagbabahaginan sa kung paano tapat na gampanan ang mga tungkulin mo, ang pangangailangang gampanan ang mga tungkulin mo nang buong puso at isip, at ang pangangailangang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at kung naaako mo ang mga tungkulin mo bilang iyong sariling misyon, ginagawa ang mga ito nang maayos nang walang anumang hinihingi, reklamo at nang hindi ka nagdedesisyon sa sarili mo, kung gayon ay nakapagkamit ka na ng partikular na tayog. Kailangan natin na palaging makipagbahaginan sa kung paano maayos na magagampanan ang mga tungkulin natin. Bakit natin kailangan na patuloy na magbahaginan tungkol dito? Dahil hindi alam ng mga tao kung paano gampanan ang mga tungkulin nila, at hindi nila naiintindihan ang mga prinsipyo; hindi nila ganap na nauunawan ang iba’t ibang katotohanan ukol sa pagganap ng mga tungkulin, at hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan at napapasok ang realidad. May ilang tao na nauunawaan lang ang ilang doktrina subalit hindi handang isagawa o pasukin ang mga ito, na hindi handang magdusa at magpagod, na palaging sakim sa kaginhawahan ng laman, na mayroon pa ring labis na sariling mga desisyon, na hindi makabitiw, at na hindi ganap na ipinagkakatiwala ang sarili nila sa Diyos. Mayroon pa rin silang sariling mga plano at hinihingi; pinangingibabawan at kinokontrol pa rin sila ng kanilang mga personal na mga hiling, kaisipan, at inaasahan: “Kapag ginampanan ko ang tungkuling ito, magkakaroon ba ako ng magagandang oportunidad sa hinaharap? May mga bagong kasanayan ba akong matututunan dito? May makakamit ba ako sa sambahayan ng Diyos sa hinaharap?” Ang palaging pag-iisip sa mga bagay na ito, ang pagturing sa pagganap ng mga tungkulin bilang hindi kasiya-siya ay medyo mahirap, nakakapagod, o hindi masaya, hindi komportable sa paglipas ng panahon, nagiging negatibo, at nangangailangan pa rin ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan at gawaing ideyolohikal—ito ay kakulangan ng tayog. Kasama ba rito ang pagbabago ng disposisyon? Masyado pang maaga para dito. Sa sandaling maarok ninyo ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan para magampanan ang mga tungkulin ninyo, kapag napagtagumpayan ang balakid na ito, magtatamo kayo ng maayos na pagganap sa inyong tungkulin. Sa gayon, kailangan ang mga pagbabago sa disposisyon upang makasulong.
Ngayon, sa pagganap man ng tungkulin o paglilingkod sa Diyos, kailangan sa lahat ng ito ang madalas na pagninilay sa sarili. Anumang maling pananaw o tiwaling disposisyon ang ipinapakita ng isang tao, dapat niyang hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Sa ganitong paraan lamang niya matutupad ang tungkulin niya nang ayon sa pamantayan at makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Dapat ay kaya niyang makilatis ang mga tiwali niyang disposisyon; kung hindi, hindi niya malulutas ang mga ito. May mga taong hindi malinaw na nakikita kung alin ang kabilang sa tiwaling disposisyon at kung alin ang hindi. Halimbawa, kung ano ang mga hilig kainin o isuot ng mga tao, ang mga gawi nila sa buhay, pati na rin ang mga pamana ng mga ninuno nila at ng mga tradisyonal na konsepto—ilan sa mga ito ay dulot ng impluwensya ng tradisyonal na kultura at mga kaugalian, ang ilan ay dulot ng pagpapalaki at pamana ng pamilya, at ang ilan ay dulot ng kawalan ng kaalaman at kabatiran. Hindi malubhang problema ang mga ito at walang kinalaman ang mga ito sa kabutihan o kasamaan ng pagkatao ng isang tao, at malulutas ang ilan sa mga ito sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkamit ng higit na kabatiran. Gayunman, ang mga kuru-kuro o maling pananaw tungkol sa Diyos, o ang problema ng isang tiwaling disposisyon, ay dapat na malutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at hindi mababago sa pamamagitan ng edukasyon ng tao. Ano’t anuman, saan man nagmula ang iyong mga kuru-kuro at ideya, kung hindi ayon sa katotohanan ang mga ito, dapat mong bitiwan ang mga ito at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Ang paghahangad sa katotohanan ay makalulutas sa lahat ng mga problema ng isang tao. Maraming isyu na tila hindi konektado sa katotohanan ang malulutas, nang hindi direkta, sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Hindi lamang mga problemang ukol sa isang tiwaling disposisyon ang malulutas gamit ang katotohanan, kundi pati na rin ang mga hindi tumutukoy sa tiwaling disposisyon, tulad ng ilang pag-uugali, paraan, kuru-kuro, at gawi ng tao—ganap lamang na malulutas ang mga ito gamit ang katotohanan. Ang katotohanan ay hindi lamang makalulutas sa mga tiwaling disposisyon ng tao; makapagsisilbi rin itong mithiin sa buhay, pundasyon ng buhay, at prinsipyo sa pamumuhay, at malulutas nito ang lahat ng mga paghihirap at problema ng isang tao. Ito ay tiyak. Ano ang susi ngayon dito? Ito ay ang makita na ang pinagmulan ng maraming problema ay may direktang kaugnayan sa hindi pagkaunawa sa katotohanan. Maraming taong hindi marunong magsagawa kapag may nangyayari sa kanila, at ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi malinaw na nakikita ng mga tao ang diwa at ugat ng napakaraming bagay, at ito rin ay dahil sa hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Pero paanong mahusay pa rin silang nakapagsasalita kahit na hindi nila nauunawaan ang katotohanan? (Pawang mga salita at doktrina lamang ang mga ito.) Kung gayon, dapat malutas ang problemang ito ng pagsasalita ng doktrina. Bawasan ang pagsasalita ng mga salitang walang laman, pagbigkas ng doktrina, at pagsigaw ng mga kasabihan; dalasan ang pagsasalita nang praktikal, pagsasagawa sa katotohanan, pagsasalita tungkol sa kamalayan at paghihimay sa sarili, at pagpaparinig sa iba ng mga salitang nakapagpapatibay sa kanila at napapakinabangan nila. Ang isang taong gumagawa nito ang siya lamang mayroong katotohanang realidad. Huwag magsalita ng doktrina at ng mga salitang walang laman, huwag magsalita ng mga salitang mapagpaimbabaw at mapanlinlang, at huwag magsalita ng mga salitang hindi nakapagpapatibay. Paano ka makakaiwas sa ganitong pananalita? Dapat mo munang kilalanin at malinaw na makita ang kapangitan, kahangalan, at kalokohan ng mga bagay na ito; sa gayon ay makapaghihimagsik ka sa laman. Dagdag pa rito, kailangan mo rin ng katwiran. Kapag mas maraming katwiran ang isang tao, mas magiging tumpak at angkop ang pananalita niya, mas magiging hinog ang pagkatao niya, mas magiging praktikal ang mga salita niya, at mababawasan ang mga sinasabi niya na wala namang kabuluhan. At sa puso niya ay itataboy niya yaong mga salitang walang laman, malabis, at huwad. May mga taong sobrang palalo at palaging gustong magsabi ng magagandang bagay upang magbalatkayo, nais magkamit ng katayuan sa puso ng iba at makuha ang kanilang paghanga, pinapaniwala ang iba na sila ay lubos na nananalig sa Diyos, na sila ay mabuting tao, at lubhang karapatdapat na hangaan. Palagi silang may layuning magbalatkayo; sila ay kontrolado ng isang tiwaling disposisyon. May mga tiwaling disposisyon ang mga tao, na ugat ng paggawa nila ng kasamaan upang salungatin ang Diyos, na siyang problemang pinakamahirap na lutasin. Maliban kung gagawa ang Banal na Espiritu at gagawing perpekto ng Diyos mismo ang isang tao, hindi madadalisay ang tiwali niyang disposisyon, at hindi makakamit ang pagbabago sa disposisyon. Kung wala nito, hinding-hindi ito malulutas ng isang tao. Kung isa kang tao na naghahangad sa katotohanan, dapat mong pagnilayan at unawain ang tiwali mong disposisyon ayon sa mga salita ng Diyos, sukatin ang sarili mo sa bawat pangungusap ng mga salita ng Diyos ng pagbubunyag at paghatol, at unti-unting alisin ang lahat ng tiwali mong disposisyon at kalagayan. Magsimula ka sa pagsisiyasat sa mga layunin at pakay ng mga salita at gawain mo, suriin at kilatisin ang bawat salita na binibitawan mo, at huwag balewalain ang anumang umiiral sa isipan mo. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng unti-unting pagsusuri at pagkilatis, matutuklasan mo na ang tiwali mong disposisyon ay hindi kaunti kundi sagana, at ang mga lason ni Satanas ay hindi limitado kundi marami. Sa ganitong paraan, unti-unti mong malinaw na makikita ang mga tiwali mong disposisyon at kalikasang diwa, at mapagtatanto mo kung gaano ka kalalim na ginawang tiwali ni Satanas. Sa panahong ito, mararamdaman mo kung gaano napakahalaga ang katotohanang ipinahayag ng Diyos. Malulutas nito ang mga problema ng tiwaling disposisyon at kalikasan ng sangkatauhan. Itong gamot na inihanda ng Diyos para sa mga tiwaling tao upang iligtas ang sangkatauhan ay lubos na mabisa, mas mahalaga pa ito kaysa sa anumang eliksir. Kaya, upang matanggap ang pagliligtas ng Diyos, kusang loob mong hinahangad ang katotohanan, higit pang pinapahalagahan ang bawat aspekto ng katotohanan sa bawat sandali, at pinagsisikapang hangarin ito nang may papatinding lakas. Kapag mayroong nararamdamang ganito ang isang tao sa kanyang puso, ibig sabihin nito ay nakamit na niya ang pag-unawa sa ilang katotohanan, at itinanim na ang sarili niya sa tamang daan. Kung mararanasan niya ito nang mas malalim at tunay niyang mamahalin ang Diyos nang buong puso, magsisimulang magbago ang kanyang buhay disposisyon.
Madaling gumawa ng ilang pagbabago sa pag-uugali, ngunit hindi madaling baguhin ang buhay disposisyon ng isang tao. Ang paglutas sa isyu ng isang tiwaling disposisyon ay dapat magsimula sa pagkilala sa sarili. Kailangan nito ng pagmamasid, ng unti-unting pagtuon sa pagsusuri ng mga intensyon at kalagayan ng isang tao, at ng palagiang pagsusuri sa mga layunin at nakagawiang paraan ng pananalita. At balang araw ay biglang mapagtatanto: “Palagi akong nagsasabi ng magagandang bagay upang magbalatkayo, umaasang magkakamit ng katayuan sa puso ng iba. Ito ay isang masamang disposisyon. Hindi ito pagpapahayag ng normal na pagkatao at hindi ito umaayon sa katotohanan. Ang masasamang pananalita at layuning ito ay mali, at dapat baguhin at alisin ito.” Matapos mapagtanto ito, mas malinaw mong mararamdaman ang kalubhaan ng tiwali mong disposisyon. Inakala mong ang kasamaan ay ukol lamang sa pag-iral ng masamang pagnanasa sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, at pakiramdam mo na bagamat nagpakita ka ng ganoong kasamaan, hindi ka isang taong may masamang disposisyon. Ipinahihiwatig nito na wala kang kamalayan ukol sa masamang disposisyon; tila alam mo ang mababaw na kahulugan ng salitang “masama” ngunit hindi mo lubos na makilala o makilatis ang isang masamang disposisyon; at sa katunayan, hindi mo pa rin nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng salitang “masama.” Kapag napagtanto mo na nagpakita ka ng ganitong disposisyon, magsisimula kang pagnilay-nilayan ang sarili mo at makikilala mo ito, at sisiyasatin ang kalaliman ng pinagmulan nito, at makikita mo na mayroon ka ngang gayong disposisyon. Ano ang dapat mong gawin pagkatapos? Dapat ay patuloy mong suriin ang mga layunin mo sa gayong katulad na paraan ng pagsasalita. Sa pamamagitan ng ganitong patuloy na pagsisiyasat, makikilala mo nang may mas higit na katapatan at katumpakan na mayroon ka ngang ganitong uri ng disposisyon at diwa. Sa araw na tunay mong aaminin na talagang mayroon ka ngang masamang disposisyon, saka ka lamang magsisimulang magkaroon ng pagkasuklam at pagtataboy rito. Mula sa pag-aakalang siya ay mabuting tao, na may matuwid na asal, may pagpapahalaga sa katarungan, isang taong may integridad ang moralidad at walang pandaraya, siya ay magiging isang taong nakikilala na mayroon siyang mga kalikasang diwa katulad ng kayabangan, pagkamapagmatigas, panlilinlang, kasamaan, at pagtutol sa katotohanan. Sa puntong iyon, masusuri na niya ang sarili niya at makikilala kung ano talaga siya. Ang simpleng pag-amin o pagkilala na mayroon kang mga pagpapamalas at kalagayan na ito ay hindi magdudulot ng tunay na pagkasuklam. Ang tanging paraan upang kamuhian mo ang sarili mo ay ang pagkilala na ang diwa ng mga tiwaling disposisyong ito ay ang kasuklam-suklam na paraan ni Satanas. Anong uri ng pagkatao ang kailangan upang tunay na makilala ang sarili hanggang sa punto ng pagkasuklam sa sarili? Dapat mahalin ng isang tao ang mga positibong bagay, mahalin ang katotohanan, mahalin ang katarungan at ang katwiran, magkaroon ng konsensiya at kamalayan, maging mabuti at magawang tanggapin at isagawa ang katotohanan—ang ganitong mga tao ay tunay na makakakilala at masusuklam sa sarili nila. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nahihirapang tanggapin ito ay hindi kailanman makikilala ang sarili nila. Magsalita man sila ng ilang salita tungkol sa pagkakilala nila sa sarili nila, hindi nila maisasagawa ang katotohanan, at hindi sila sasailalim sa anumang tunay na pagbabago. Ang pagkilala sa sarili ang pinakamahirap na gawain. Halimbawa, maaaring may isang taong mababa ang kakayahan na iniisip, “Mababa ang kakayahan ko. Likas akong mahiyain at takot na masangkot. Marahil pa ngang ako ang pinakapayak at pinakaduwag na tao sa mundo. Dahil dito, ako ang pinakakarapat-dapat na tumanggap ng pagliligtas ng Diyos.” Ito ba ang tunay na kamalayan sa sarili? Ito ay mga salita ng isang taong hindi nauunawaan ang katotohanan. Ang pagkakaroon ba ng mababang kakayahan ay katumbas kaagad ng kawalan ng tiwaling disposisyon? Hindi ba’t ang mga duwag ay may mga tiwaling disposisyon din? Hindi ba’t sila ay ginawa ring tiwali ni Satanas? Sa katunayan, may gayon ding masama at mapagmataas na disposisyon ang gayong mga tao, at dagdag pa rito, lubos itong nakatago at higit na nakaugat kaysa sa karaniwang tao. Bakit Ko sinasabing ito ay lubos na nakatago? (Dahil palagi nilang iniisip na sila ay mabuti.) Tama. Sila mismo ay naloloko at nalilihis sa ilusyong ito, kaya hinding-hindi nila matanggap ang katotohanan. Iniisip nila na maayos na ang kalagayan nila at hindi na nila kailangan ang paghatol at pagdadalisay ng Diyos. Ang lahat ng salitang sinasabi ng Diyos tungkol sa paghatol at pagbubunyag sa katiwalian ng mga tao ay ukol sa iba, sa mga taong iyon na may kakayahan ngunit may mayabang na disposiyon, sa masasamang taong iyon, at sa mga taong iyon na nanglilihis—mga huwad na lider at anticristo; ngunit ang mga ito ay hindi ukol sa mga taong tulad nila. Maayos na sila; malilinis ang kanilang mga kamay, at sila mismo ay kasingdalisay ng niyebe, walang bahid ng anumang dungis. Kapag tinutukoy nila ang sarili nila sa ganitong paraan, posible kayang makilala nila ang sarili nila? (Hindi.) Hindi nila makikilala ang sarili nila, at tiyak na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hinding-hindi nila mauunawaan ang mga katotohanan bilang dahilan kung bakit hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, kung paano Niya inililigtas ang mga tao, o kung paano nadadalisay ang isang tiwaling disposisyon. Ang isang taong hindi nakikilala ang sarili niya nang kahit kaunti ay tiyak na hindi nauunawaan ang anumang katotohanan. Ang mga maling pananaw na ipinapakita nila ay sapat na upang ipakita na sila ay hangal at katawa-tawa. Ang pagkaunawa nila ay katawa-tawa, at ipinipilit nila ang sarili nilang mga paniniwala sa Diyos; ito rin ay isang disposisyon ng kasamaan. Ang kasamaan ay isang uri ng disposisyon na hindi lamang nagpapamalas sa isyu ng asal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae; ang kaunting masamang pagnanasa ay hindi dapat ituring na kasamaan ng disposisyon. Ngunit kung masyadong matindi ang masasamang pagnanasa ng isang tao, at madalas siyang nakikipagtalik nang basta-basta o sa kapareho niya ng kasarian, iyon ay masama. May ilang taong hindi napag-iiba ang dalawa, palagi nilang itinuturing na kasamaan ang masasamang pagnanasa, at ipinaliliwanag ang kasamaan ayon sa masasamang pagnanasa; sila ay kulang sa pagkilatis. Pinakahirap na kilalanin ang isang masamang disposisyon. Masama ang lahat ng kilos ng sinumang labis na mapanlinlang at mapaminsala. Halimbawa, may mga taong matapos magsinungaling ay nag-iisip, “Kung hindi ko ibabahagi ang pagkaunawa ko, ano na lang ang iisipin ng iba sa akin? Dapat akong magtapat at makipagbahaginan nang kaunti; kapag naibahagi ko na ang aking pag-unawa, iyon na iyon. Hindi pwedeng malaman ng iba ang tunay kong mga intensyon at isipin nila na ako ay mapanlinlang.” Anong disposisyon ito? Ang pagtatapat sa mapanlinlang na paraan—ito ay tinatawag na kasamaan. At matapos magsinungaling, iisipin nila: “May nakaalam ba na nagsinungaling ako? May nakakita ba sa tunay kong pagkatao?” Susubukan nilang makakuha ng impormasyon sa iba at uusisain nila ang mga ito; ito rin ay masama. Hindi madaling makita ang masamang disposisyon. Ang sinumang gumagawa ng mga bagay sa mapaminsala at mapanlinlang na paraan, na pinapahirapan ang ibang makita ang mga ito nang malinaw, ay masama. Ang sinumang nagpapakana at nagpaplano upang makamit ang mga layunin niya ay masama. Ang sinumang nanlilinlang ng mga tao sa pamamagitan ng paggawa ng masasamang bagay habang nagkukunwaring gumagawa ng mabuti, at pinagseserbisyo ang iba sa kanya, ang pinakamasama sa lahat. Ang malaking pulang dragon ang pinakamasama; si Satanas ang pinakamasama; ang mga demonyong haring iyon ang pinakamasama; ang lahat ng demonyo ay masama.
Upang hangarin ang pagbabago ng disposisyon, kailangan munang makilala ng isang tao ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay kailangan ng masusing pagtingin at pagsusuri sa diwa ng kanyang katiwalian, pati na rin ang pagkilala sa iba’t ibang kalagayan na dulot ng isang tiwaling disposisyon. Kapag malinaw na naunawaan ng isang tao ang sarili niyang mga tiwaling kalagayan at tiwaling disposisyon, saka lamang niya magagawang kasuklaman ang kanyang laman at si Satanas, at saka lamang magkakaroon ng pagbabago sa disposisyon. Kung hindi niya makikilala ang mga kalagayang ito, at mabigong maiugnay at maitugma ang mga ito sa kanyang sarili, mababago ba ang disposisyon niya? Hindi. Ang pagbabago ng disposisyon ay nangangailangan ng pagkilala sa iba’t ibang kalagayan na dulot ng tiwali niyang disposisyon; dapat siyang makarating sa puntong hindi na siya pinipigil ng tiwali niyang disposisyon at sa punto ng pagsasagawa sa katotohanan—saka lamang magsisimula ang pagbabago ng disposisyon niya. Kung hindi niya makikilala ang pinagmulan ng mga tiwali niyang kalagayan, at pinipigilan lamang ang sarili niya ayon sa mga salita at doktrina na nauunawaan niya, kahit mayroon siyang ilang mabuting pag-uugali at magbabago siya nang kaunti sa panlabas, hindi ito maituturing na pagbabago ng disposisyon. Dahil ito ay hindi maaaring ituring na pagbabago ng disposisyon, ano kung gayon ang papel na ginagampanan ng karamihan ng tao sa panahon ng pagganap ng tungkulin nila? Ito ay ang papel ng isang trabahador; sila ay wala sa loob kung gumawa at nagpapakaabala lamang sa mga gawain. Bagamat ginagampanan din nila ang tungkulin nila, kadalasan ay nakatutok lamang sila sa pagtapos ng mga bagay, hindi sa paghahanap ng katotohanan kundi sa paggawa nang wala sa loob. Minsan, kapag maganda ang lagay ng kanilang loob, higit silang magsisikap, at minsan, kapag masama ang lagay ng kanilang loob, hindi sila masyadong magsisikap. Ngunit pagkatapos ay susuriin nila ang sarili nila at makakaramdam sila ng pagsisisi, kaya’t muli silang higit na magsisikap, sa pag-aakalang ito ay pagsisisi. Sa katunayan, ito ay hindi tunay na pagbabago, o tunay na pagsisisi. Nagsisimula ang tunay na pagsisisi sa pagkakilala sa sarili; nagsisimula ito sa pagbabago ng ugali. Kapag nagbago na ang ugali ng isang tao, at kaya na niyang maghimagsik laban sa kanyang laman, isagawa ang katotohanan, at iayon ang kanyang ugali sa mga prinsipyo, nangangahulugan ito na mayroon na ngang tunay na pagsisisi. Pagkatapos, unti-unti silang makararating sa puntong kaya na nilang magsalita at kumilos ayon sa mga prinsipyo, ganap nang umaayon sa katotohanan. Ito ang simula ng pagbabago sa buhay disposisyon. Anong yugto na ang narating ninyo sa karanasan ninyo ngayon? (Mayroon akong ilang mabuting panlabas na ugali.) Ito ay kabilang pa rin sa panahon ng paggawa nang wala sa loob. May ilang taong gumagawa nang wala sa loob at nag-iisip na nakatulong na sila at nararapat na silang bigyan ng mga pagpapala ng Diyos. Sa loob nila ay palagi nilang iniisip: “Ano kaya ang palagay ng Diyos dito? Labis akong nagsikap at nagtiis ng labis na paghihirap, makakapasok kaya ako sa kaharian ng langit?” Palaging sinusubukang malaman ang lahat ng kasagutan—ano bang disposisyon ito? Ito ay mapanlinlang, masama, at mayabang. Dagdag pa rito, umaasang magkakamit ng mga pagpapala mula sa paggawa nang wala sa loob habang nananalig sa Diyos nang walang pagtanggap sa kahit kaunting katotohanan; hindi ba’t mayroong mapagmatigas na disposisyon dito? Ang hindi kailanmang pagbitiw sa mga pakinabang ng katayuan; hindi ba’t ito rin ay pagmamatigas? Palagi silang nag-aalala: “Maaalala kaya ng Diyos na naghirap ako sa pagganap ng tungkuling ito? Bibigyan kaya Niya ako ng mga pagpapala?” Palagi nilang kinikwenta ang mga ito sa isip nila. Sa labas, sila ay tila nakikipagkasundo, pero sa katunayan, mayroon ditong ilang uri ng tiwaling disposisyon. Palaging nais makipagkasundo sa Diyos, palaging nais makatanggap ng mga pagpapala mula sa pananalig sa Diyos, palaging nais makinabang at hindi mawalan, palaging gumagamit ng mga baluktot at madayang paraan—ito ay pangingibabaw ng masamang disposisyon. Sa tuwing nagsisikap nang kaunti ang isang tao sa pagganap ng tungkulin niya, nais niyang malaman: “Makatatanggap ba ako ng mga pagpapala para sa lahat ng pagsisikap na ginagawa ko? Makapapasok ba ako sa kaharian ng langit matapos ng labis na paghihirap upang makapanalig sa Diyos? Pupurihin ba ako ng Diyos sa pagtalikod ko sa lahat ng bagay para magampanan ang tungkulin ko? Sang-ayon ba sa akin ang Diyos o hindi?” Buong araw nilang pinag-iisipan ang mga katanungang ito. Kung hindi nila malaman ang mga kasagutan dito sa loob ng isang araw, mababagabag sila sa araw na iyon, ayaw nang gumanap sa tungkulin nila o magbayad ng halaga, at mas lalong ayaw na hangarin ang katotohanan. Wala silang kahit kaunting tunay na pananalig dahil palagi silang pinipigil at iginagapos ng mga bagay na ito. Hindi sila nananalig na totoo ang mga pangako ng Diyos. Hindi sila nananalig na ang paghahangad sa katotohanan ay tiyak na magdadala ng mga pagpapala ng Diyos. Sa puso nila, sila ay tutol sa katotohanan. Kahit naisin nilang hanapin ang katotohanan, kulang sila ng lakas para dito, kaya’t wala silang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Madalas maharap sa problema ang ganitong tao sa pagganap ng tungkulin niya, at madalas siyang negatibo at mahina. Nagrereklamo siya kapag nahihirapan, at kapag dumating ang sakuna o siya ay nabilanggo, nagpapasya siya na hindi siya pinoprotektahan ng Diyos at na ayaw sa kanya ng Diyos, at nalulugmok siya sa kawalan ng pag-asa. Anong disposisyon ito? Hindi ba’t ito ay kalupitan? Ano ang gagawin ng taong ito sa sandaling sumama ang kanyang loob? Siguradong siya ay magiging negatibo at tamad; susuko na lamang siya at mawawalan ng pag-asa. At madalas niyang pagbibintangang huwad na lider at anticristo ang mga lider at manggagawa. Maaaring direkta rin siyang nagrereklamo tungkol sa Diyos. Ano ba ang nagdudulot ng mga bagay na ito? Sila ay kontrolado ng isang malupit na disposisyon. Nananalig siya, ayon sa mga sekular na pananaw at satanikong lohika, na dapat may kapalit ang bawat puhunan. Kung walang gayong kabayaran, hindi na siya mamumuhunan. Mayroon siyang mapaghiganting kaisipan at naglalayong isuko ang mga responsabilidad niya, tanggihan ang tungkulin niya, at manghingi ng kabayaran. Hindi ba’t ito ay malupit? Sa anong mga paraan ito katulad kay Pablo? (Naniwala si Pablo na kapag natapos na ang gawain niya at naharap na niya ang mga pagsubok, may korona ng katuwiran na ilalaan para sa kanya.) Sa ganoong paraan siya mismo natutulad kay Pablo. Nagpapakita ba kayo ng mga pagmamalas na ito ni Pablo? Inihahambing ba ninyo ang mga sarili ninyo gaya nito? Kung hindi ninyo iuugnay ang mga sarili ninyo sa mga salita ng Diyos, hindi ninyo makikilala ang mga sarili ninyo. Ang pagkilala sa kalikasan ng tiwali ninyong disposisyon ang tanging paraan upang tunay ninyong makilala ang sarili ninyo. Kung mabababaw na tama at mali lamang ang kinikilala ninyo, o kung basta lamang ninyo inaamin na kayo ay ang diyablo at si Satanas, iyan ay masyadong masaklaw at mababaw. Ito ay pagpapanggap na pagiging malalim, ito ay pagbabalatkayo, ito ay pandaraya. Ang ganitong pagsasalita tungkol sa kamalayan sa sarili ay huwad na espirituwalidad, ito ay nakalilihis.
Nakita na ba ninyo kung paano tinatangka ng isang mapanlinlang na tao ang pagkakaroon ng kaalaman sa sarili? Sinusubukan niyang palakihin ang isang bagay, nagsasalita tungkol sa kung paanong siya ay isang diyablo at Satanas, at isinusumpa pa nga ang kanyang sarili; at sa kabila nito ay hindi niya sinasabi kung ano ang mga nagawa niyang masasamang gawi, at hindi kinikilatis ang karumihan at katiwalian sa kanyang puso. Sinasabi lamang niya na siya ay diyablo at Satanas, at naghimagsik laban sa at nilabanan niya ang Diyos, gamit ang maraming salitang walang saysay at pangkalahatang pahayag para kondenahin ang kanyang sarili, kaya ang pakiramdam ng iba, “Isa nga itong taong tunay na nakakakilala sa sarili niya; napakalalim ng pang-unawa niya.” Hinahayaan niyang makita ng iba kung gaano siya kaespirituwal, na ginagawa ito para kainggitan siya ng iba bilang isang naghahangad sa katotohanan. Ngunit matapos niyang makilala ang kanyang sarili sa ganitong paraan sa loob ng ilang taon, hindi pa rin siya tunay na nagsisisi, at walang nakikitang sitwasyon ang isang tao kung saan isinasagawa talaga niya ang katotohanan o ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Walang anumang pagbabago sa buhay disposisyon niya, na naglalantad sa problema: Hindi ito tunay na kaalaman sa sarili. Ito ay pagbabalat-kayo at pandaraya, at ang taong ito ay isang ipokrito. Gaano man magsalita ang isang tao tungkol sa kaalaman sa sarili, huwag kang tumutok sa kung gaano kaganda sa pandinig ang mga salita niya o kung gaano kalalim ang kaalaman niya. Ano ang susi na dapat obserbahan? Pansinin kung gaano karaming katotohanan ang kaya niyang isagawa, at pansinin kung kaya niyang sumunod sa mga katotohanang prinsipyo upang itaguyod ang gawain ng iglesia. Ang dalawang sukatang ito ay sapat para masabi kung ang isang tao ay nakaranas ng tunay na pagbabago. Ito ang prinsipyo para sa pagsusuri at pagkilatis sa mga tao. Huwag kang makinig sa magagandang bagay na nanggagaling sa kanilang bibig; obserbahan mo kung ano talaga ang kanilang ginagawa. May ilan na, kapag tinatalakay ang kaalaman sa sarili, sa panlabas ay tila sineseryoso ang bagay na ito. Nagsasalita sila tungkol sa anumang maling ideya o maling kaisipan nila tungkol sa iba, ipinapahayag at ibinubunyag nila ang kanilang sarili, ngunit pagkatapos nilang magsalita ay hindi pa rin sila tunay na nagsisi. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan, hindi rin sumusunod sa mga prinsipyo, itinataguyod ang gawain ng iglesia, o nagpapakita ng anumang pagbabago. Ang ganitong uri ng kaalaman sa sarili, paghahayag, at pagbabahaginan ay walang kabuluhan. Marahil ay iniisip ng ganitong uri ng tao na ang makilala ang kanyang sarili sa ganitong paraan ay nangangahulugan na siya ay tunay na nagsisi at nagsasagawa ng katotohanan, ngunit, sa huli, walang anumang pagbabago matapos ang ilang taon ng ganitong pang-unawa. Hindi ba’t ang ganitong paraan ng pagkilala sa sarili ay paggawa nang pabasta-basta lamang, pagsunod sa pamamaraan? Walang aktuwal na epekto; hindi ba’t pinaglalaruan lamang nila ang kanilang sarili? May pinuntahan Ako dati at pagdating Ko, may isang taong namumutol ng damo gamit ang isang makinang pamutol ng damo. Napakalakas ng ugong ng makina at gumagawa ng malakas na ingay. Naranasan Ko ang sitwasyong ito sa dalawa o tatlong beses na pagpunta Ko roon, kaya tinanong Ko ang taong iyon, “Wala kang nakatakdang oras para sa pagputol ng damo?” Sumagot siya, “Ah, pinuputol ko lang ang damo kapag nakita kong dumating ang Diyos. Hindi rin ito kanais-nais para sa akin.” Maaari itong marinig ng mga hindi nakakaunawa at isiping ang taong ito ay nagpapakatotoo, sinasabi kung ano ang nasa isipan niya. Maaari nilang isipin na inaamin niya ang kanyang mga pagkakamali at nagkakamit ng kaalaman sa sarili, at dahil dito, sila ay naililigaw. Ngunit ganyan ba ang magiging pagtingin dito ng isang taong nakakaunawa sa katotohanan? Ano ang tamang pananaw dito? Ang mga nakauunawa sa sitwasyong ito ay mag-iisip, “Hindi ka umaako ng responsabilidad habang ginagawa mo ang iyong tungkulin; hindi ba’t ginagawa mo lang ito para magpakitang-tao?” Ngunit nangangamba ang tagaputol ng damo na ganito ang iisipin ng iba, kaya inunahan na niya sila sa pagsasalita sa ganitong paraan para patahimikin sila. Ito ay isa talagang mahusay na retorika, hindi ba? (Oo.) Sa katunayan, matagal na niyang alam kung paano haharapin ang ganitong sitwasyon, para mauna nang ilihis ka at pag-isipin ka na talagang prangka siya, na kaya niyang magsalita nang diretsahan at umamin sa kanyang mga pagkakamali. Ang iniisip niya ay: “Nauunawaan ko ang katotohanan; hindi kita kailangan para sabihin mo ito sa akin. Mauuna na akong aminin ito. Tingnan natin kung ano ang masasabi mo laban sa matalino kong pananalita. Ito lang ang gagawin ko; ano ang kaya mong gawin sa akin?” Aling mga disposisyon ang kumikilos dito? Una sa lahat, nauunawaan niya ang lahat. Kapag nagkakamali siya, alam niya kung paano magsisi. Ito ang impresyon na ibinibigay niya sa iba, na gumagamit ng mga pagbabalat-kayo at kasinungalingan upang gumawa ng ilusyon at pahangain sa kanya ang iba. Pambihira ang kanyang pagiging tuso, na nalalaman niya kung hanggang saan malilihis ang iba ng kanyang mga salita at kung ano ang mga magiging reaksyon nila. Nauna na niyang tinaya ang lahat ng ito. Anong disposisyon ito? Isa itong buktot na disposisyon. Bukod pa rito, pinapatunayan ng pagsasabi niya ng mga bagay na ito na hindi lamang ngayon niya ito napagtanto, kundi matagal na niyang alam na ang pagkilos nang ganito ay pabasta-basta, na hindi niya ito dapat ginagawa ngayon lang, na hindi siya dapat nagpapakitang-tao lamang, at hindi dapat kumikilos para sa kapakanan ng sarili niyang kayabangan. Bakit ginagawa pa rin niya ito kung ganoon? Hindi ba ito pagiging mapagmatigas? May pagpapakitang-gilas, pagiging mapagmatigas, at kabuktutan. Makikilatis ba ninyo ang mga ito? May ilan na kaya lamang makilatis ang iba at hindi ang kanilang sarili. Bakit ganito? Kung kaya talagang makilatis ng isang tao ang kanyang sarili, makikilatis din niya ang iba. Kung nakikilatis lamang niya ang iba at hindi ang kanyang sarili, ibig sabihin ay may problema sa kanyang disposisyon at katangian. Ang makita kung paanong ang iba ay maihahambing sa katotohanan pero hindi ang sarili niya—tiyak na ito ay hindi isang tao na nagmamahal sa katotohanan, lalong hindi na isang tao na tumatanggap sa katotohanan.
Mabuting bagay ba o masamang bagay kapag nagagawa ng isang tao na matuklasan kung gaano kaseryoso ang problema ng kanyang katiwalian? Isa itong mabuting bagay. Habang mas kaya mong matuklasan ang iyong katiwalian at maunawaan ito nang wasto, at habang mas kaya mong makilala ang sarili mong diwa, mas maaari kang maligtas at mas magiging malapit ka sa pagtanggap ng kaligtasan. Habang mas hindi mo nagagawang matuklasan ang iyong mga problema, palaging naniniwala na ikaw ay mabuti at maayos, mas malayo ka sa landas ng kaligtasan—ikaw ay nasa malaking panganib pa rin. Kung may nakikita kang tao na palaging nagyayabang tungkol sa kung gaano kagaling niyang nagagampanan ang kanyang tungkulin, at ang kanyang kakayahang makipagbahaginan sa katotohanan at magsagawa ng katotohanan, pinatutunayan nito na ang tayog ng taong iyon ay maliit. Siya ay isip-bata, at ang kanyang buhay ay hindi angkop sa kanyang gulang. Anong uri ng tao ang mas may pag-asang makatanggap ng kaligtasan at kayang tahakin ang landas ng pagiging ligtas? Ito ay isang taong tunay na kumikilala sa sarili niyang tiwaling disposisyon. Habang mas malalim niya itong nauunawaan, mas napapalapit siya sa pagiging ligtas. Ang pagkaunawa na ang mga sariling tiwaling disposisyon ng isang tao ay nagmumulang lahat sa satanikong kalikasan, nakikitang wala siyang konsensiya o katwiran, na hindi niya maisagawa ang anumang katotohanan, na nabubuhay lamang siya sa pamamagitan ng kanyang tiwaling disposisyon at walang anumang pagkatao, na siya ay isang nabubuhay na diyablo at isang nabubuhay na Satanas—ito ay tunay na pagkilala sa diwa ng sarili niyang katiwalian. Tila nagiging mas seryoso ang isang problema kung nauunawaan sa ganitong paraan, ngunit ito ba ay mabuti o masamang bagay? (Isang mabuting bagay.) Bagama’t ito ay isang mabuting bagay, ang ilang tao ay nagiging negatibo kapag nakikita nila ang bahagi nila na diyaboliko at sataniko, iniisip na, “Tapos na ako ngayon. Hindi ako gusto ng Diyos. Tiyak na ipadadala ako sa impiyerno. Walang paraan na ililigtas ako ng Diyos.” Ito ba ay isang bagay na nagaganap? Sabihin mo sa Akin, may mga tao bang nagiging mas negatibo habang mas lalo nilang nauunawaan ang kanilang mga sarili? Iniisip nila, “Ganap na akong sira. Ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nasa akin. Ito ay parusa, ganti. Hindi ako gusto ng Diyos. Wala na akong pag-asang maligtas.” May mga ganito bang maling paniniwala ang mga tao? (Mayroon.) Sa katunayan, habang mas nakikilala ng isang tao ang kanyang kawalan ng pag-asa, mas mayroong pag-asa para sa taong iyon. Huwag maging negatibo, huwag sumuko. Ang makilala ang sarili ay isang mabuting bagay, ito ay isang mahalagang landas sa pagtanggap ng kaligtasan. Kung ganap na hindi nalalaman ng isang tao ang kanyang sariling tiwaling disposisyon at ang diwa ng kanyang paglaban sa Diyos sa iba’t ibang aspekto, at wala man lamang siyang planong magbago, ito ay isang problema. Ang ganitong uri ng tao ay manhid, siya ay patay. Madali bang buhaying muli ang isang taong patay? Sa sandaling siya ay patay na, hindi siya madaling buhayin.
Anong uri ng tao ang binibigyan pa rin ng Diyos ng mga pagkakataon para makapagsisi? Anong uri ng tao ang may pag-asa pa ring maligtas? Anong mga pagpapamalas ang dapat ipakita ng mga taong ito? Una sa lahat, dapat ay mayroon silang pakiramdam ng konsensiya. Anuman ang mangyari sa kanila, matatanggap nila ito sa Diyos, nauunawaan nila sa kanilang puso na ang Diyos ang gumagawa upang iligtas sila. Sasabihin nila, “Hindi ko nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, o nauunawaan kung bakit nangyayari sa akin ang ganitong uri ng bagay, ngunit nagtitiwala ako na ginagawa ito ng Diyos upang iligtas ako. Hindi ako maaaring magrebelde sa Kanya o sugatan ang Kanyang puso. Dapat akong magpasakop at maghimagsik laban sa aking sarili.” May ganito silang konsensiya. Bukod dito, tungkol sa katwiran, iniisip nila, “Ang Diyos ang Lumikha. Ako ay isang nilikha. Anuman ang gawin ng Diyos ay tama. Hinahatulan at kinakastigo ako ng Diyos para dalisayin ang tiwali kong disposisyon. Paano man itinuturing ng Lumikha ang Kanyang mga nilikha ay ganap na makatwiran at naaangkop.” Hindi ba’t ito ang katwiran na dapat mayroon ang mga tao? Hindi dapat magkaroon ng mga hinihingi sa Diyos ang mga tao, na nagsasabi, “Tao ako. Mayroon akong personalidad at dignidad. Hindi ko pahihintulutang tratuhin mo ako nang ganito.” Makatwiran ba ito? Ito ay isang satanikong disposisyon, wala itong katwiran ng normal na tao, at hindi ililigtas ng Diyos ang ganitong mga tao; hindi Niya sila kinikilala bilang mga nilikha. Ipagpalagay nating sinabi mo, “Nilikha ako ng Diyos; paano man Niya ako gustong tratuhin ay ayos lang. Maaari Niya akong tratuhin bilang isang asno o kabayo o anuman. Wala akong mga sariling pinagpipilian o hinihingi.” Kung sinabi mo iyan, gugustuhin mo pa rin bang pumili kung ang pagsasagawa ng iyong tungkulin ay medyo mahirap at nakakapagod? (Hindi.) Tama iyan. Dapat kang magpasakop. Paano ka magpapasakop? Sa simula, ang pagpapasakop ay mahirap at hindi madaling tiisin. Palagi mong gustong tumakas at tumanggi. Kaya ano ang dapat mong gawin? Dapat kang lumapit sa Diyos at manalangin, hanapin ang katotohanan, makita nang malinaw ang diwa ng problema, at pagkatapos ay hanapin ang landas ng pagsasagawa. Kailangan mo lamang ilagay ang puso at pagsisikap mo sa pagsasagawa ng katotohanan, nagpapasakop nang paunti-unti. Ito ay pagkakaroon ng katwiran. Dapat ka munang magtaglay ng ganitong uri ng katwiran. Sa sandaling mayroon ng konsensiya at katwiran ang isang tao, ano pa ang kailangan niya? Ang pakiramdam ng kahihiyan. Para sa anong mga sitwasyon kailangan ng isang tao ang pakiramdam ng kahihiyan? Kapag may mali siyang ginawa, kapag inihahayag niya ang kanyang paghihimagsik, kabuktutan, at panlilinlang, kapag siya ay nagsisinungaling at nandaraya—iyon ang panahon na kailangan niya ng kamalayan at pakiramdam ng kahihiyan. Dapat ay alam niya na ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay hindi umaayon sa katotohanan at walang dignidad, dapat ay marunong siyang makaramdam ng pagsisisi. Ang isang taong walang pakiramdam ng pagsisisi ay isang taong mapangahas at walang kahihiyan na hindi karapat-dapat na tawaging tao. Ganap na katapusan na ito para sa isang taong hindi tumatanggap sa katotohanan. Paano man ibinabahagi ang katotohanan sa kanya, hindi niya ito tinatanggap; at ano man ang sabihin, hindi pa rin siya nagkakamit ng kamalayan. Kawalan ng pakiramdam ng kahihiyan ang tawag dito. Ang mga tao bang walang pakiramdam ng kahihiyan ay nakakaramdam ng pagsisisi? Kung walang pakiramdam ng pagsisisi, ang isang tao ay walang dignidad, at hindi alam ng ganitong tao ang pagsisisi. Kaya bang tumalikod ng mga taong hindi marunong magsisi? (Hindi.) Hindi bibitiwan ng mga taong hindi marunong tumalikod ang kasamaang nasa kanilang mga kamay. “Talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay” (Jonas 3:8). Ano ang dapat na tinataglay ng isang tao upang magawa ito? Dapat ay tinataglay niya ang pakiramdam ng kahihiyan at konsensiya. Kapag nagkakamali siya, mahihiya siya sa kanyang sarili at makararamdam ng pagsisisi, at iiwan niya ang mga mali niyang pamamaraan. Kayang tumalikod ng ganitong uri ng tao. Ito ang pinakamababang dapat taglayin ng isang tao sa kanyang pagkatao. Maliban sa konsensiya, katwiran, at pakiramdam ng kahihiyan, ano pa ang kailangan? (Ang pagmamahal sa mga positibong bagay.) Tama iyan. Ang pagmamahal sa mga positibong bagay ay nangangahulugan ng pagmamahal sa katotohanan. Ang mga nagmamahal lamang sa katotohanan ang mga taong may mabubuting puso. Minamahal ba ng masasamang tao ang mga positibong bagay? Minamahal ng masasamang tao ang mga tiwali, masama, at makamandag na bagay; minamahal nila ang lahat ng may kaugnayan sa mga negatibong bagay. Kapag nagsasalita ka sa kanila tungkol sa mga positibong bagay, o kung paanong ang isang bagay ay nagdudulot ng mga pakinabang sa mga tao at nagmumula sa Diyos, hindi sila natutuwa at hindi sila interesadong marinig ang tungkol sa mga ito—wala silang pag-asang maligtas. Gaano man kahusay magbahagi sa katotohanan ang isang tao sa kanila o kung gaano kapraktikal sila kinausap, talagang hindi lang sila interesado, at maaari pa ngang magpahayag ng pagkamapanlaban at antagonismo. Ngunit nagliliwanag ang kanilang mga mata kapag narinig nila ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kasiyahan ng laman, at napupuno sila ng enerhiya. Ito ay isang masama at buktot na disposisyon, at hindi mabuti ang kanilang kalooban. Kaya, hindi nila kayang mahalin ang mga positibong bagay. Sa kanilang puso, paano nila pinahahalagahan ang mga positibong bagay? Kinamumuhian at minamaliit nila ang mga ito, kinukutya nila ang mga bagay na ito. Pagdating sa pagiging tapat na tao, iniisip nila, “Ang pagiging tapat ay naglalagay sa atin sa dehadong kalagayan. Hindi ko ito tatanggapin. Kung ikaw ay tapat, isa kang mangmang. Tingnan mo ang iyong sarili, nagtitiis ng paghihirap at nagsisikap nang husto para gampanan ang iyong tungkulin nang hindi isinasaalang-alang ang iyong kinabukasan o kalusugan. Sino ang mag-aalala kung bumagsak ka sa pagod? Hindi ko maaaring pagurin ang sarili ko.” Maaaring sabihin ng iba, “Mag-iwan tayo ng lalabasan para sa sarili natin. Hindi tayo pwedeng magpagod nang todo-todo na parang mga mangmang. Kailangan nating ihanda ang ating ‘backup’ na plano at pagkatapos ay dagdagan pa ang pagsisikap.” Ang masasama ay matutuwa kapag narinig nila ito; tamang-tama ito para sa kanila. Ngunit pagdating sa ganap na pagpapasakop sa Diyos at tapat na paggugol ng sarili para sa tungkulin ng isang tao, nakakaramdam sila ng pagkasuklam at pagkamuhi, at hindi nila ito tatanggapin. Hindi ba’t masama ang ganitong tao? Ang lahat ng taong tulad nito ay may masamang disposisyon. Ang kailangan mo lamang gawin ay magbahagi sa katotohanan at makipag-usap tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa kasama sila, at nasusuklam na sila at ayaw nang makinig. Iisipin nilang sinisira nito ang kanilang dangal, sinusugatan ang kanilang dignidad, at hindi sila makikinabang dito. Sa kanilang kalooban ay sasabihin nila: “Tuloy-tuloy lang sa katotohanan, sa mga prinsipyo ng pagsasagawa. Palaging nagsasalita tungkol sa pagiging isang tapat na tao—mapapakain ka ba ng katapatan? Magkakapera ka ba dahil sa pagsasabi ng totoo. Pandaraya ang paraan para kumita!” Anong pangangatwiran ito? Pangangatwiran ito ng isang bandido. Hindi ba’t isa itong masamang disposisyon? Mabuti ba ang kalooban ng taong ito? (Hindi.) Hindi makakamit ng ganitong tao ang katotohanan. Ang kaunting ibinibigay, ginugugol, at tinatalikuran niya ay nakatuon lahat sa isang layunin, isang bagay na noon pa niya kinalkula nang mabuti. Iniisip niyang magandang kasunduan lamang ang mag-alok ng isang bagay kung may makukuha siya rito. Anong disposisyon ito? Ito ay isang buktot at masamang disposisyon.
Ang karamihan ng nananalig sa Diyos ay hindi naghahangad ng katotohanan. Palagi nilang gustong gumawa ng sarili nilang mga balak at pagsasaayos. Dahil dito, kaunti lamang ang nakamit nila matapos ang ilang taon nito—hindi nila mauunawaan ang anumang katotohanan at hindi makakapagbahagi ng patotoong batay sa karanasan. Sa panahong ito, makakaramdam sila ng pagsisisi, at iisipin na pinakamabuti ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos at manalig sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi. Naramdaman nila na medyo may katalinuhan sila noong panahong iyon, gumagawa ng mga plano ayon sa sarili nilang kagustuhan, ngunit, dahil hindi nila nakamit ang katotohanan, sila ang mga nabigo sa huli. Nakakaunawa at namumulat lamang ang mga tao sa katotohanan sa pamamagitan ng mga kabiguang ito. Tanging kapag nakaranas sila ng ilang antas ng kabiguan sa buhay na sila ay lumalakad sa tamang landas, at nagsisimulang tumahak sa maiikling daan. Kung nananalig sila sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi iiwasan nila ang napakaraming pasikot-sikot sa daan. Nauunawaan ng ilang tao ang ilang katotohanan matapos nilang maranasan ang maraming bagay at harapin ang ilang kabiguan at balakid. Nauunawaan nila ang mga bagay na ito, at nagagawa nilang ipagkatiwala ang lahat sa Diyos, kusang-loob na nagpapasakop sa Kanyang pamamatnugot at mga pagsasaayos. Sa puntong iyon, sila ay nasa tamang landas. Ngunit hindi ibinibigay ng mga taong may mga buktot at masamang disposisyon ang kanilang sarili sa Diyos. Palagi nilang gustong sumandig sa mga sarili nilang pagsisikap, palaging nagtatanong, “Ang tadhana ba ay talagang kontrolado ng Diyos? Ang Diyos ba talaga ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay?” Ang ilang tao, na nakikinig sa parehong mga sermon at nakikipagbahaginan sa sambahayan ng Diyos, ay mas sumisigla habang mas nakikinig sila. Bumubuti ang kanilang kalagayan at nakakaranas sila ng pagbabago habang mas nakikinig sila. Ngunit iniisip lamang ng iba na tila nagiging mas lalo itong komplikado, mas hindi maaabot. Ang mga ito ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. At ang iba naman ay nakikinig pa rin sa mga sermon at nakikipagbahaginan at nakakaramdam ng pagtutol at ganap na hindi interesado. Ipinapakita nito ang mga pagkakaiba sa kalikasan ng mga tao, inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, ang mga nagmamahal sa katotohanan sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Tinatanggap ng isang grupo ang mga salita ng Diyos, tinatanggap ang katotohanan, at tinatanggap ang mga paghatol at pagkastigo ng Diyos. Hindi tinatanggap ng isa pang grupo ang katotohanan gaano pa man sila nakikinig sa mga sermon. Iniisip nilang ito ay walang kabuluhang pananalita lamang, at kahit pa naiintindihan nila ito, ayaw nila itong isagawa, dahil hindi nila kayang bitiwan ang sarili nilang mga plano, makasariling pagnanasa, at interes. Kaya, hindi sila nagbabago sa kabila ng ilang taon ng paniniwala. Hindi ba gaanong halata ang mga kaibahan sa dalawang grupong ito sa iglesia? Ang mga tunay na naghahangad sa Diyos ay hindi naiimpluwensiyahan anuman ang sabihin ng iba; pilit nilang ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos, naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay tama, at na ang pinakamataas na prinsipyo ay ang pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ang mga buktot at hindi nagmamahal sa katotohanan ay palaging may aktibong pag-iisip. Kung makakakita sila ngayon ng kaunting pag-asa para makatanggap ng mga pagpapala, ibibigay nila ang lahat-lahat at gagawa sila ng mabubuting gawa na makikita ng lahat, umaasa na makukuha nila ang suporta ng mga ito. Ngunit matapos ang ilang panahon, kapag hindi sila pinagpala ng Diyos, nagsisisi sila at nagrereklamo, at ito ang konklusyon nila: “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat; hindi Siya nagtatangi—hindi ako ganoon kasigurado na totoo ang mga salitang ito.” Ang nakikita lang nila ay ang mga sarili nilang pangunahing interes; kung hindi nila ito mapakikinabangan, hindi sila kikilos. Hindi ba’t masama ito? Kahit sino pa ang kahalubilo nila, sinusubukan nilang makipagkasunduan sa mga ito, at nangangahas pa nga silang sumubok na gumawa ng mga kasunduan sa Diyos. Iniisip nila: “Kailangan kong kumita, at ngayon na. Kailangan kong kumita agad-agad!” Mapangahas—kalabisan ba kung sasabihing masama ang kanilang disposisyon? (Hindi.) Paano mapatutunayan ang kanilang kasamaan? Kapag nahaharap sila sa isang munting pagsubok o sakuna, hindi nila ito kakayanin at hindi nila gagampanan ang kanilang tungkulin. Pakiramdam nila ay nalugi sila: “Malaki ang ipinuhunan ko at hindi pa rin ako pinagpala ng Diyos. May Diyos pa ba? Ito ba ang tamang daan o hindi?” Ang puso nila ay napupukaw ng pagdududa. Nais nilang kumita, at pinatutunayan nitong hindi kusang-loob at taimtim ang paggawa nila ng mga sakripisyo; sa ganitong paraan sila ay nabubunyag. Ano ang sinabi ng asawa ni Job noong si Job ay nakararanas ng kanyang mga pagsubok? (“Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka” (Job 2:9).) Siya ay hindi mananampalataya, tinatanggihan at tinatalikuran ang Diyos kapag may tumamang sakuna. Noong nagkaloob ang Diyos ng mga pagpapala, sinabi niya, “Diyos na Jehova, Ikaw ang dakilang Tagapagligtas! Binigyan Mo ako ng napakaraming ari-arian at pinagpala ako. Susunod ako sa Iyo. Ikaw ang aking Diyos.” At nang kunin ng Diyos ang kanyang mga ari-arian, sinabi niya, “Hindi Ikaw ang Diyos ko.” Sinabi pa niya kay Job, “Huwag kang manalig. Walang Diyos! Kung mayroon, paano Niya nagawang hayaan ang mga bandido na tangayin ang ating mga ari-arian? Bakit hindi Niya tayo pinrotektahan?” Anong disposisyon ito? Isa itong masamang disposisyon. Sa sandaling nakompromiso ang kanilang mga interes, at ang mga sarili nilang layunin at pagnanais ay hindi natupad, sila ay nagagalit, nagrerebelde, at nagiging isang Hudas, pinagtataksilan at tinatalikuran ang Diyos. Maraming tao ba ang tulad nito? Maaaring umiiral pa rin sa iglesia kahit paano ang gayong mga hayag na masasamang tao at hindi mananampalataya. Ngunit ito lamang ang uri ng kalagayang mayroon ang ilang tao; ibig sabihin, taglay nila ang ganitong disposisyon, ngunit hindi naman talaga ganito ang kanilang uri. Gayunpaman, kung may ganito kang uri ng disposisyon, kailangan ba itong mabago? (Oo.) Kung may ganito kang uri ng disposisyon, ibig sabihin nito na masama rin ang kalikasan mo. Taglay ang ganitong masamang disposisyon, kaya mong salungatin ang Diyos, pagtaksilan ang Diyos at kumilos nang may pagkamapanlaban sa Kanya anumang oras. Ang bawat araw na hindi mo binabago ang mga tiwaling disposisyong ito ay isang araw na hindi ka kaayon ng Diyos. Kapag hindi ka kaayon ng Diyos, hindi ka makakalapit sa harap Niya at hindi mo mararanasan ang Kanyang gawain at wala kang paraan upang makatanggap ng kaligtasan.
Si Job ay isang taong may tunay na pananampalataya. Nang pagpalain Siya ng Diyos, pinasalamatan niya ang Diyos. Nang disiplinahin at pagkaitan siya, pinasalamatan din niya ang Diyos. Sa dulo ng kanyang karanasan, nang matanda na siya at kinuha ng Diyos ang lahat ng mayroon siya, paano tumugon si Job? Hindi lamang siya hindi nagreklamo; pinuri niya ang Diyos at nagpatotoo para sa Kanya. May buktot na disposisyon ba rito? Isang masamang disposisyon? (Wala.) Naghimagsik ba si Job matapos niyang mawalan ng napakaraming ari-arian? Nagreklamo ba siya? (Hindi.) Hindi siya nagreklamo, pinuri niya ang Diyos. Anong disposisyon ito? Kabilang dito ang ilang bagay na dapat taglay ng isang normal na pagkatao: konsensiya, katwiran, at pagmamahal sa mga positibong bagay. Una sa lahat, si Job ay may konsensiya. Sa kanyang puso, alam niya na ang lahat ng mayroon siya ay kaloob ng Diyos, at pinasalamatan niya ang Diyos para rito. Bilang karagdagan, mayroon din siyang katwiran. Alin sa mga pahayag niya ang nagpapatunay na siya ay may katwiran? (Sinabi niya: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21).) Ang pahayag na ito ay nagpapatotoo sa tunay na karanasan at pag-unawa ni Job sa mga pagsubok ng Diyos; ipinapahiwatig nito ang tunay niyang tayog at pagkatao. Ano pa ang taglay ni Job? (Ang pagmamahal sa katotohanan.) Paano ito nasusukat? Paano natin makikita ang pagmamahal niya sa katotohanan sa usapin ng pagkakait sa Kanya ng Diyos? (Nang may nangyari sa kanya, nagawa niyang hanapin ang katotohanan.) Ang paghahanap sa katotohanan ay pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan. Nang nangyayari sa paligid niya ang mga bagay-bagay, kahit pa hindi komportable o nasasaktan si Job, hindi siya nagreklamo—hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagmamahal sa katotohanan? At ano pa ang isang mahalagang pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan? (Ang kakayahang magpasakop.) Paano natin malalaman na ito ay praktikal at wastong pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan? Madalas sabihin ng mga tao, “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos para sa mga tao ay kapaki-pakinabang at taglay ang mga mabuti Niyang kalooban.” Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Ngunit kaya mo ba itong tanggapin? Kaya mo itong tanggapin kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit kaya mo ba itong tanggapin kapag binawi Niya ito? Hindi mo ito kayang tanggapin, ngunit kaya ni Job. Itinuring niya ang pahayag na ito bilang ang katotohanan—hindi ba’t minamahal niya ang katotohanan? Nang kunin ng Diyos ang lahat ng mayroon si Job, na nagdulot sa kanya ng matinding kawalan, at nang magdusa si Job ng gayong seryosong karamdaman, dahil sa isang pahayag na ito—“Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at taglay ang Kanyang mabuting kalooban”—at dahil naunawaan ni Job sa kanyang puso na ito ang katotohanan, gaano pa man siya katindi nagdusa, maipipilit pa rin niya na ang pahayag na ito ay wasto. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi nating mahal ni Job ang katotohanan. Higit pa rito, anuman ang paraang ginamit ng Diyos para subukin si Job, tinanggap niya ito. Ito man ay ang pagbawi ng mga bagay o ang pagpapadala ng mga bandido para tangayin ang mga ito, o maging ang pagpapahirap kay Job sa pamamagitan ng mga sugat, ang lahat ng ito ay salungat sa kuru-kuro ng mga tao—pero paano itinuring ni Job ang mga ito? Nagreklamo ba siya sa Diyos? Hindi siya nagbitiw ng kahit isang salita ng paninisi sa Diyos. Ito ay pagmamahal sa katotohanan, pagmamahal sa katarungan, at pagmamahal sa katwiran. Sa puso niya, sinabi niya, “Napakapatas ng Diyos sa ating mga tao at napakamakatuwiran! Anumang gawin ng Diyos ay tama!” Kaya, kaya niyang purihin ang Diyos, na sinasabi, “Anuman ang gawin ng Diyos, hindi ako magrereklamo. Sa mga mata ng Diyos, ang mga nilikha ay mga uod lamang. Paano man sila itinuturing ng Diyos ay ayos lang at makatwiran.” Naniwala siya na ang lahat ng ginawa ng Diyos ay tama, isang bagay na positibo. Sa kabila ng kanyang matinding sakit at kawalan ng ginhawa, hindi siya nagreklamo. Ito ay tunay na pagmamahal sa katotohanan na dapat hangaan ng lahat; at ang lahat ng ito ay praktikal na ipinakita. Gaano man karami ang nawala sa kanya o gaano man kahirap ang naging sitwasyon niya, hindi nagreklamo si Job tungkol sa Diyos; nagpasakop siya. Ito ay pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan. Napagtagumpayan niya ang mga sarili niyang paghihirap; hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos sa mga ito o humingi ng anuman sa Diyos. Ito ay pagmamahal sa katotohanan, ito ay tunay na pagpapasakop. Tanging ang mga tunay na nagpapasakop lamang ang mga taong nagmamahal sa katotohanan. Ang ilang tao ay mahusay sa pagsasalita ng mga doktrina at pagsigaw ng mga islogan sa mga ordinaryong panahon, ngunit kapag may seryosong bagay na nangyari sa kanila, lagi silang may hinihingi sa Diyos, at walang tigil na nagmamakaawa sa Kanya: “O, Diyos, tanggalin Mo po ang sakit ko! Ibalik Mo po ang yaman ko!” Ito ba ay pagpapasakop? Hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan. Mahilig silang magsinungaling at manlinlang ng ibang tao, at may pagmamahal sa yaman at pakinabang sa kanilang puso. Hindi labis na pinahalagahan ni Job ang mga materyal na pakinabang at ang lahat ng kanyang mga ari-arian, mayroong dalisay na pag-unawa sa lahat ng mga ito, kaya nagawa niyang magpasakop. Sa kanyang puso, naunawaan ni Job ang mga bagay na ito. Sinabi niya, “Gaano man kalaki ang kinikita ng isang tao sa buhay na ito, ang lahat ng ito ay mula sa Diyos. Kung hindi ka pahihintulutan ng Diyos na kumita, hindi ka kikita kahit na isang sentimo. Kung pahihintulutan Niya ito, magkakaroon ka ng kung gaano karami ang ibinibigay Niya sa iyo.” Malinaw niyang nakita ang katotohanan ng kataas-taasang-kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, tumanim ang katotohanang ito sa kanyang puso. “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay”—ang pangungusap na ito ay walang tandang pananong para kay Job, kundi may tandang padamdam. Ang pangungusap na ito ang naging buhay niya at nanatili sa puso niya. Ano pa ang likas sa pagkatao ni Job? Bakit niya sinumpa ang sarili niyang kaarawan? Mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa sa makita siya ng Diyos na nahihirapan at magdalamhati ang Diyos para sa kanya. Anong katangian ito, anong diwa? (Kabaitan.) Ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng kabaitan ni Job? Siya ay may konsiderasyon at maunawain sa Diyos, at kaya niyang mahalin at palugurin ang Diyos. Kapag ang isang tao ay may ganitong mga katangian, siya ay may karakter. Paano nabubuo ang karakter? Tanging ang isang tao lamang na nakakaunawa sa katotohanan, matatag sa kanyang patotoo sa mga panahon ng pagsubok ng Diyos at tukso ni Satanas, kayang mamuhay gaya ng isang tao, naaabot ang pamantayan ng pagiging tao, at nagtataglay ng ilang dami ng katotohanan, ang may karakter. Pagdating sa pagkataong diwa, nagawa ni Job na isumpa ang kanyang kaarawan dahil lamang sa may mabuti siyang puso at na mas pipiliin niyang mamatay na lamang kaysa sa makita siya ng Diyos na nasasaktan, na magdudulot sa Diyos ng pagdadalamhati at pag-aalala. Ito ang pagkatao ni Job. Mamahalin at pagmamalasakitan lamang ng isang tao ang Diyos kung siya ay may mabuting pagkatao at diwa. Kung wala siya nito, siya ay magiging manhid at matigas ang puso. Ihambing ito kay Pablo, na ganap na kabaligtaran ni Job. Laging pinangangalagaan ni Pablo ang kanyang sarili, at nagnanais pa ngang makipagkasunduan sa Diyos. Nais niyang magkamit ng korona, nais niyang maging Cristo at palitan si Cristo. At nang hindi niya makuha ang korona niya nagtangka siyang makipagtalo sa Diyos at litisin ang Diyos. Walang katwiran! Ipinapakita nito na walang pakiramdam ng kahihiyan si Pablo. Dapat magbago ang mga taong may tiwaling disposisyon ni Satanas. Kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, at kayang tanggapin at isagawa ang katotohanan, magagawa niyang magpasakop sa Diyos. Hindi na niya sasalungatin ang Diyos at siya ay magiging kaayon Niya. Ang gayong tao ay nakakamtan ang katotohanan at buhay. Ito ang uri ng nilikha na ninanais ng Diyos.
Hulyo 13, 2018