Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos 3

Ipagpapatuloy natin ngayong pagbahaginan ang tungkol sa isyu ng mga kuru-kuro. Dalawang beses na nating napagbahaginan ang isyung ito dati, at muli natin itong pagbabahaginan ngayon para tapusin na ang paksang ito. Tungkol sa ibinahagi dati, dapat kayong mag-usap-usap, at pagkatapos ay pagnilayan at danasin ninyo ang mga ito nang paunti-unti. Hindi lubusang mauunawaan ang mga paksang ito nang isa o dalawang araw lang; unti-unti lamang mauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng pagdanas at pagdama sa mga ito sa buhay. Ang maibibigay ninyo ngayon na batay lamang sa inyong memorya ay ang nakabisado lang ninyo. Kinakailangan sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ang karanasan; magkakaroon lang ng tunay na pagkaunawa at pagpapahalaga ang isang tao pagkatapos niyang dumanas ng karanasan sa totoong buhay nang ilang panahon. Ang mga kuro-kuro ng mga tao ay pangunahing binubuo ng kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain. Pinakanaaapektuhan ng dalawang klase ng mga kuru-kurong ito ang paghahangad ng mga tao, kung ano ang pananaw nila sa mga bagay, ang pagkaunawa at saloobin nila sa Diyos, at lalo na ang landas na tinatahak nila sa pananampalataya sa Diyos, pati na rin ang direksyon at mga layong pinipili nila sa kanilang mga buhay. Mula sa dalawang pagbabahaginan natin dati, eksakto na ba ninyong matutukoy kung ano ang ibig sabihin ng mga kuru-kuro? Isang klase ng kuru-kuro ang mga imahinasyon tungkol sa pananalig sa Diyos. Pangunahing naipamamalas ang mga imahinasyong ito sa ilang panlabas na pag-uugali sa pananalita at asal ng mga tao, pati na rin sa mga detalye ng buhay nila, tulad ng pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon. Ito ang pinakamababang antas. Sa susunod na antas, may ilang imahinasyon tungkol sa paghahangad ng isang tao sa pananalig sa Diyos at sa landas na tinatahak niya sa paggawa niyon, pati na rin sa mga hinihingi, imahinasyon, at maling pagkaunawa ng mga tao na kinasasangkutan ng gawain ng Diyos. Ano ang kasama sa mga maling pagkaunawang ito? Bakit tinatawag na maling pagkaunawa ang mga ito? Kapag sinabi nating maling pagkaunawa, siguradong hindi ito isang wastong kaisipan. Sa halip, isang bagay itong hindi tumutugma sa mga katunayan, salungat sa katotohanan, at hindi naaayon at taliwas din sa gawain at disposisyon ng Diyos; o isang bagay na may kalooban ng tao at na nabuo mula sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ng mga tao, na walang anumang kinalaman sa Diyos Mismo o sa gawain ng Diyos. Kapag umuusbong ang mga ganitong uri ng mga kuru-kuro, imahinasyon, maling pagkaunawa, at hinihingi, ang ibig sabihin nito ay umabot na sa sukdulan ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos at sa gawain ng Diyos. Sa puntong ito, ano na ang nangyayari sa relasyon ng mga tao at ng Diyos? (May nabubuong hadlang sa pagitan nila.) Mayroong hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos; seryosong isyu ba ito? (Oo.) Kapag nabuo ang ganitong hadlang, ang ibig sabihin nito ay napakalala na ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Kapag may nabubuong hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, ang ibig sabihin nito ay dismayado ang mga tao sa ilang bagay na ginawa ng Diyos, ayaw na nilang magtiwala sa Diyos, tratuhin ang Diyos bilang Diyos, o magpasakop sa Diyos. Nagsisimula na silang magduda sa pagiging matuwid at sa disposisyon ng Diyos. Anong mga pagpapamalas ang agad na kasunod nito? (Ang paglaban.) Kung hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, hindi lamang lumilikha ng hadlang sa mga puso nila ang maling pagkaunawang ito kundi agad din itong nauuwi sa paglaban—paglaban sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos, at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nadidismaya sila sa ginawa ng Diyos, sinasabing, “Hindi naaangkop ang ginagawa Mo; hindi ko aprubado ni sinasang-ayunan ito!” Ang mensaheng ipinahihiwatig nito ay, “Hindi ko kayang magpasakop; ito ang pasya ko. Gusto kong magpahayag ng pagtutol, gusto kong magpahayag ng opinyon na naiiba sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga hinihingi ng Diyos.” Anong klaseng pag-uugali ito? (Naghihinaing sila.) Umuusbong ang hinaing at pagsalungat kasunod ng paglaban; ito ay paglala. Kapag ang tiwaling disposisyon ng isang tao ang namuno, ang isang kuru-kuro ay makakalikha ng isang hadlang at ng mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Kapag hindi kaagad ito nalutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, lumalaki ang hadlang, nagiging isang makapal na pader. Hindi mo na nakikita ang Diyos o ang tunay na pag-iral Niya, lalo na ang banal Niyang diwa. Nagsisimula ka nang magduda kung totoo bang Diyos ang nagkatawang-taong Diyos, nawawalan ka na ng interes sa pagkain at pag-inom sa salita ng Diyos, at ayaw mo nang manalangin sa Diyos. Sa ganitong paraan, palayo na nang palayo ang relasyon mo sa Diyos. Bakit nakapagpapakita ng ganoong pag-uugali ang mga tao? Dahil pakiramdam nila, nasaktan ang puso nila, napinsala ang dignidad nila, at naipahiya ang pagkatao nila nang dahil sa ginawa ng Diyos. Ganito nga ba talaga? (Hindi.) Ano ba talaga ang nangyayari, kung gayon? (Ito ay dahil hindi pa natutugunan ang mga pagnanais ng mga tao, at dahil naapektuhan ng sitwasyong nakaharap nila ang kanilang mga sariling interes.) Ito ay dahil may tiwaling disposisyon ang mga tao; kapag hindi kaagad natugunan ang magagarbong pagnanais nila, lumalaban sila sa Diyos at sobra silang nadidismaya na gumawa ang Diyos sa paraang hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi nila kinikilala, ni tinatanggap man, na ang ginagawa ng Diyos ay katotohanan at pagmamahal, at na ito ay para iligtas ang mga tao. Bumubuo sila ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa ginawa ng Diyos, na ang ibig sabihin, ang tiwaling disposisyon nila ang may kontrol. Pagkatapos umusbong ng mga hadlang na ito, ano ang mga pagpapamalas ng lahat ng klase ng tiwaling disposisyon na ipinapakita ng mga tao kapag namumuhay sila nang ayon sa mga kuru-kuro? Hindi sila naghahanap, naghihintay, o nagpapasakop, lalo nang hindi sila natatakot sa Diyos o nagsisisi. Nagsisiyasat at nanghuhusga muna sila, pagkatapos ay kumokondena sila, at panghuli ay lumalaban na. Hindi ba’t ang mga pag-uugaling ito ang mismong kabaligtaran ng mga positibong pagpapamalas tulad ng paghahanap, paghihintay, pagpapasakop, pagtanggap, at pagsisisi? (Oo.) Kung gayon, ang mga pag-uugaling ito ay mga kabaligtarang lahat. Pagpapakita ang mga iyon ng isang tiwaling disposisyon; ang kanilang tiwaling disposisyon ang kumokontrol sa kanilang mga aksyon at naiisip, pati na rin sa kanilang saloobin, mga layunin, at mga pananaw pagdating sa paghusga sa mga tao, pangyayari, at bagay. Kapag nagsisiyasat, nagsusuri, nanghuhusga, kumokondena, at lumalaban ang mga tao, ano ang susunod nilang magiging hakbang? (Pagsalungat.) Kasunod nga ay pagsalungat. Ano ang ilang pagpapamalas ng pagsalungat? (Ang pagiging negatibo, ang pagbitaw ng tao sa kanyang mga tungkulin.) Isa nga ang pagiging negatibo; negatibo nilang pinababayaan ang gawain, at binibitiwan nila ang kanilang mga tungkulin. Ano pa? (Ang pagpapalaganap ng mga kuru-kuro.) (Ang paghusga.) Ang mga paghusga, ang pagpapalaganap ng mga kuru-kuro, ang lahat ng ito ay ilang pagpapamalas ng pagtutol at pagsalungat sa Diyos. Ano pa? (Maaari nilang ipagkanulo ang Diyos, at ipagkanulo ang tunay na daan.) Iyan ang pinakaseryoso sa lahat; kapag umabot na sa puntong ito ang isang tao, ganap nang lumalabas ang mala-diyablong kalikasan niya, na lubusang itinatatwa at ipinagkakanulo ang Diyos, at maaari niyang talikdan ang Diyos anumang sandali.

Sa ngayon, ano ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga pag-uugaling tumututol at sumasalungat sa Diyos? (Ang pagpapabaya sa gawain sa isang negatibong paraan, ang pagsuko ng isang tao sa kanyang mga tungkulin.) (Ang paghusga sa Diyos.) Ang paghusga sa Diyos at sa Kanyang gawain. (Pagkatapos ay ang pagpapalaganap ng mga kuru-kuro, at sa huli, ang pagkakanulo sa Diyos.) Tingnan natin nang mas detalyado. May pagrereklamo bang sangkot sa pagpapalaganap ng mga kuru-kuro? (Oo.) Minsan, may halong pagrereklamo ang pagpapalaganap ng kuru-kuro, tulad ng, “Hindi matuwid ang ginagawa ng Diyos,” “Nananalig ako sa Diyos, hindi sa mga tao,” at “Naniniwala akong matuwid ang Diyos.” May mga natatagong reklamo sa mga salitang ito. Malalalang pag-uugali lahat ang pagpapabaya sa isang negatibong paraan, ang pagpapalaganap ng mga kuru-kuro, at ang paghusga sa Diyos, subalit ang pinakamalala ay ang pagkakanulo. Ang apat na ito ay kitang-kita, malala, at may kalikasang tuwirang lumalaban sa Diyos. Ano ang ilang partikular na pagpapamalas na nasa mga pag-uugaling ito ang naiisip ninyo, ang nakita na ninyo, o ang nagawa pa nga ninyo mismo? (Nariyan din ang pag-udyok; para magpahayag ng pagkadismaya sa Diyos, inuudyukan ng ilan ang iba pa na salungatin ang Diyos.) Isa itong pagpapamalas ng pagpapalaganap ng mga kuru-kuro. Mayroon bang mga tao na mukhang mapagpasakop, pero kapag nananalangin sila ay sinasabi nila na, “Hayaan ang Diyos na ibunyag ito; tama ang ginagawa ko, mabubunyag din naman ang lahat kalaunan; alam kong matuwid ang Diyos”? Maaaring mukhang tama pakinggan ang mga salitang ito, sigurado pa ngang may katwiran, pero nagtatago ang mga ito ng pagsuway at pagkadismaya sa Diyos. Isa itong pagsalungat ng isipan, ito ay negatibong pagpapabaya at negatibong pagsalungat. May iba pa bang aspekto? (Sa kaso ng negatibong pagpapabaya, naririyan din ang pagkakalugmok sa kalungkutan at pagsuko sa kabiguan, ang paniniwalang ganito na lang talaga sila, na ganito lang talaga ang kalikasan nila; iniisip nila na walang makakapagligtas sa kanila, kaya kung gusto silang wasakin ng Diyos, magkaganoon na lang.) Isa itong uri ng tahimik na pagsalungat; negatibo ang talagang kalagayan nila, iniisip nilang hindi mauunawaan ang mga aksyon ng Diyos at hindi talaga maaarok ng mga tao ang mga iyon, kaya anuman ang gustong gawin ng Diyos, hayaan nating gawin Niya iyon. Sa panlabas, tila ba nagpasakop sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, pero ang totoo, sa kaibuturan ng puso nila, labis nilang nilalabanan ang mga pagsasaayos ng Diyos, at talagang dismayado at sumusuway sila. Kinilala na nila na gawa ito ng Diyos at hindi na sila humihingi pa; kung ganoon, bakit sinasabing isa itong sentimyento ng pagsalungat? Bakit inilalarawan ito sa ganitong paraan? Sa katunayan, sa kamalayan nila, ayaw din nilang kondenahin ito, ayaw nilang magpasya na nagsasabing, “Mali ang ginawa ng Diyos; hindi ko ito tinatanggap. Makakapagpasakop ako sa ibang bagay na ginawa ng Diyos, pero hindi rito. Anu’t anuman, dahil dito ay magiging pabaya na lang ako sa gawain ko sa isang negatibong paraan.” Sa kanilang natatagong kamalayan, hindi ganito ang kalagayan nila, wala silang ganitong kamalayan; sa puso nila, medyo masuwayin, dismayado, o galit lang sila. Maaaring kondenahin pa nga ng ilang tao na mali ang mga aksyon ng Diyos, subalit sa kaibuturan ng kanilang puso, sa mga subhetibo nilang pagnanais, ayaw naman talaga nilang kondenahin ang Diyos sa kanilang kamalayan, dahil, sa huli, ang sinasampalatayaan nila ay ang Diyos. Kaya bakit sasabihin na pagsalungat ang pag-uugaling ito, na negatibong pagpapabaya ito, at na may mga elemento ito ng pagiging negatibo? Isang uri mismo ng paglaban at pagsalungat ang pagiging negatibo, at may ilan itong pagpapamalas. Una, kapag nagkakaroon ang mga tao ng mga kalagayan gaya ng pagkalugmok sa kalungkutan at pagpapabaya sa isang negatibong paraan, namamalayan ba nila sa puso nila na mali ang mga kalagayang ito? (Oo.) Maaaring mamalayan ito ng lahat, maliban na lang ng mga taong dalawa o tatlong taon pa lang nananampalataya at bihirang makinig sa mga sermon; hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Subalit hangga’t ang isang tao ay tatlong taon na o higit pang nananampalataya sa Diyos, madalas na nakikinig sa mga sermon, at nauunawaan ang katotohanan, maaari siyang magkaroon ng ganitong kamalayan. Kapag napagtanto ng mga tao na mali ang gayong mga kalagayan, ano ang dapat nilang gawin para maiwasan ang pagiging mapagsalungat? Una, kailangan nilang maghanap. Hanapin ang ano? Hanapin kung bakit pinatnugot ng Diyos ang mga bagay-bagay nang ganito, kung bakit nangyari sa kanila ang gayong mga sitwasyon, kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang dapat nilang gawin. Positibo ang mga ito, ang mga pagpapamalas na ito ang dapat taglay ng mga tao. Ano pa? (Ang tumanggap, magpasakop, at bumitaw sa sariling mga ideya.) Madali bang bumitaw sa sarili mong mga ideya? (Hindi.) Kung akala mo ay tama ka, hindi mo mabibitawan ang mga iyon. Para maabot mo ang punto kung saan makakabitaw ka na, may mga hakbang na kailangang gawin. Anong mga pagsasagawa ang pinakaangkop at akma para dito? (Ang pananalangin.) Kung binubuo lamang ng ilang hungkag na pangungusap ang iyong panalangin, at ginagawa mo lang ito nang pabasta-basta, hindi malulutas ang problema. Nagdarasal ka na, “O Diyos, gusto kong magpasakop; pakiusap isaayos at patnugutan Mo ang mga sitwasyon ko para makapagpasakop ako. Kung hindi pa rin ako makapagpasakop, itama Mo ako.” Mababago ba ng pagbigkas mo ng ilang walang lamang pangungusap gaya nito ang maling kalagayan mo? Hindi nito mababago iyon kahit kaunti. Kailangan mo ng pamamaraan ng pagsasagawa para magdulot ng pagbabago. Kung gayon, paano ka makapagsasagawa para mabago mo ang mga bagay-bagay? (Dapat aktibong hanapin ng isang tao ang mga layunin ng Diyos, aminin niya sa sarili niya na tama ang Diyos at mali siya, at magawa niyang tanggihan ang sarili niya.) Ito ang dalawang pamamaraan ng pagsasagawa: ang aktibong paghahanap sa mga layunin ng Diyos, at ang pag-amin sa sarili na tama ang Diyos at mali siya. Parehong maganda ang mga pamamaraang ito, parehong nagsasabi ang mga ito ng mga wastong bagay, pero isa ang napakapraktikal. Alin dito ang praktikal? Alin ang walang lamang pananalita? (Ang aktibong paghahanap sa mga layunin ng Diyos ang praktikal.) Kadalasan, hindi direktang sasabihin sa iyo ng Diyos ang mga layunin Niya. Bukod pa rito, hindi Siya biglang magbibigay ng pagkaunawa sa iyo. Hindi ka rin Niya aakayin na makain at mainom mo ang mismong nauugnay na mga salita ng Diyos na dapat mong maunawaan. Masyadong hindi makatotohanan para sa mga tao ang mga pamamaraang ito. Kung gayon, maaari bang maging epektibo sa inyo ang paraang ito ng aktibong paghahanap sa mga layunin ng Diyos? Ang epektibong pamamaraan ang pinakamagandang pamamaraan; ito ang pinakamakatotohanan at pinakapraktikal na pamamaraan. Ang hindi epektibong pamamaraan, kahit gaano pa ito kagandang pakinggan, ay teoretikal at hanggang salita lamang at wala itong nagiging resulta. Kaya alin dito ang praktikal? (Ang pangalawa, ang pag-amin na ang Diyos ang katotohanan at na mali ka.) Tama, ang aminin mo ang iyong mga pagkakamali—ito ay pagkakaroon ng katwiran. Sinasabi ng ilang tao na hindi nila napagtatanto na mali sila. Kung ganito, dapat ay maging makatwiran ka at magawa mong bitiwan at tanggihan ang iyong sarili. Sinasabi ng ilang tao, “Iniisip ko dati na tama ako, at ganoon pa rin naman ang iniisip ko ngayon. Bukod dito, aprubado at sinasang-ayunan ako ng maraming tao, at wala akong nadaramang kahit anong pagsaway sa puso ko. Saka, tama naman ang layunin ko, kaya paano ako magiging mali?” Maraming dahilan ang pumipigil sa iyong bitawan at tanggihan ang iyong sarili. Ano ang dapat mong gawin kung ganoon? Kahit ano pang katwiran mo sa pag-aakala mong tama ka, kung sumasalungat ang “tamang” ito sa Diyos at tumataliwas sa katotohanan, mali ka talaga. Kahit gaano pa kamapagpasakop ang saloobin mo, kahit gaano ka pa nananalangin sa puso mo sa Diyos, o kahit na binibigkas mo pa ang pag-amin mo na mali ka pero sa kaibuturan mo naman ay nakikipaglaban ka pa rin sa Diyos at namumuhay ka sa kalagayan ng pagiging negatibo, pagsalungat pa rin sa Diyos ang diwa nito. Pinatutunayan nito na hindi mo pa rin napagtatanto na mali ka; hindi mo tinatanggap ang katunayang mali ka. Kapag nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa at kuru-kuro sa Diyos ang mga tao, dapat muna nilang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan at na hindi taglay ng mga tao ang katotohanan, at na siguradong sila ang mali. Isa ba itong uri ng pormalidad? (Hindi.) Kung magkakaroon ka lang ng ganitong pagsasagawa bilang pormalidad, sa panlabas, malalaman mo ba ang mga kamalian mo? Hindi kailanman. Nangangailangan ng ilang hakbang para makilala mo ang iyong sarili. Una, dapat mong tukuyin kung ang mga aksyon mo ba ay naaayon sa katotohanan at sa mga prinsipyo. Huwag mo munang tingnan ang mga layon mo; may mga pagkakataong tama ang mga layon mo pero mali ang mga prinsipyong isinasagawa mo. Madalas bang nangyayari ang ganitong uri ng sitwasyon? (Oo.) Bakit Ko sinasabing mali ang mga prinsipyo ng pagsasagawa mo? Maaaring naghanap ka, subalit marahil ay wala kang anumang pagkaunawa sa kung ano ba ang mga prinsipyo; marahil ay hindi ka talaga naghanap, at ibinatay mo lamang ang mga aksyon mo sa mabubuting layunin at kasigasigan mo, at sa iyong mga imahinasyon at karanasan, at bilang resulta ay nagkamali ka. Maiisip mo ba ito? Hindi mo mahuhulaan na mangyayari ito, at nagkamali ka—at hindi ba’t nabunyag ka na kung gayon? Kung patuloy kang makikipaglaban sa Diyos pagkatapos mong mabunyag, nasaan ang mali rito? (Nasa hindi pagkilala na tama ang Diyos, at nasa pagpupumilit na tama ako.) Sa ganoong paraan ka nagkamali. Ang pinakamalaking pagkakamali mo ay hindi na may nagawa kang mali at nalabag mo ang mga prinsipyo, na nagdulot ng kawalan o iba pang mga kahihinatnan, kundi na may nagawa kang pagkakamali, pero ipinipilit mo pa rin ang pangangatwiran mo, kaya hindi mo maamin ang pagkakamali mo; sinasalungat mo pa rin ang Diyos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo, tinatanggihan mo ang gawain Niya at ang mga katotohanang ipinahayag Niya—ito ang pinakamalaki at pinakamatinding pagkakamali mo. Bakit sinasabing ang ganoong kalagayan ng isang tao ay pagsalungat sa Diyos? (Dahil hindi niya kinikilala na mali ang ginagawa niya.) Kinikilala man o hindi ng mga tao na ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan ay tama, at kung ano ang kabuluhan ng mga iyon, kung hindi muna nila kayang kilalanin na sila mismo ang mali, ang kalagayan nila ay pagsalungat sa Diyos. Ano ang dapat gawin para maitama ang kalagayang ito? Una, dapat tanggihan ng isang tao ang sarili niya. Hindi masyadong praktikal para sa mga tao ang kasasabi lang natin tungkol sa pangangailangang hanapin muna ang mga layunin ng Diyos. Sinasabi ng ilan, “Kung hindi ito masyadong praktikal, ibig sabihin ba niyon ay hindi kinakailangan ang paghahanap? Hindi na kailangang hanapin pa ang ilang bagay na pwedeng hanapin at maunawaan—puwede ko nang laktawan ang hakbang na iyon.” Uubra ba ito? (Hindi.) Maliligtas pa ba ang taong kumikilos sa ganitong paraan? Medyo baluktot ang pagkaunawa ng ganitong mga tao. Medyo malayo ang paghahanap sa mga layunin ng Diyos at hindi ito kaagad makakamit; para mas mapabilis, mas makatotohanan na bitiwan muna ng tao ang kanyang sarili, nang alam niya na ang kanyang mga aksyon ay mali at hindi naaayon sa katotohanan, at pagkatapos ay hanapin niya ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang mga hakbang. Maaaring tila simple lang ang mga ito, pero maraming mahirap sa pagsasagawa ng mga ito, dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, pati na rin lahat ng klase ng imahinasyon at hinihingi, at may mga pagnanais din sila, na nakakagulo lahat sa pagtanggi at pagbitaw ng mga tao sa kanilang mga sarili. Hindi madaling gawin ang mga ito. Hindi na natin tatalakayin nang mas malalim ang paksang ito; ituloy na nating talakayin ang isyu ng mga kuru-kuro, na tinalakay natin sa huling dalawang pagbabahaginan natin.

Ngayon-ngayon lang, ang pangunahing pinagtutuunan ng pagbabahaginan natin ay kung paano maaaring humantong sa mga maling pagkaunawa sa Diyos ang mga kuru-kuro, na bumubuo naman ng hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at nagdudulot ang hadlang na ito na magkaroon sila ng paglaban sa Diyos. Ano ang kalikasan ng paglabang ito? (Ang pagsalungat.) Ito ay ang pagsalungat, paghihimagsik. Samakatuwid, kapag nagkakaroon ang mga tao ng pagsalungat sa Diyos at pagtutol sa Kanya, hindi ito isang bagay na nangyayari agad; may mga pinag-ugatan ito. Katulad ito ng kapag biglang natuklasan ng isang tao na nagkasakit siya, at na napakalala ng sakit na iyon; nagtataka siya kung paanong mabilis na lumala ang lagay niya. Ang katunayan, matagal nang nasa katawan niya ang sakit na ito at may mga ugat na—hindi ito nakuha noong araw na naging halata ito; sa halip, iyon lang iyong araw na natuklasan niya ito. Ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito? Ang abilidad bang maghimagsik sa Diyos, sumalungat sa Kanya, at tumutol sa Kanya ay isang bagay na mahuhulaan ng lahat kapag nagsisimula pa lang silang manalig sa Diyos? Siguradong hindi. Ito ba ang panimulang layunin sa pananalig sa Diyos ng bawat tao na kalaunan ay tumututol at sumasalungat sa Kanya? May nakapagsabi na ba kailanman na, “Hindi ako nananalig sa Diyos para sa mga pagpapala; gusto ko lang talagang tumutol sa Diyos at sumalungat pagkatapos ko Siyang makita, nang sa gayon ay maging tanyag at kilala ako, at para maging sulit ang buhay ko”? Mayroon bang sinumang nagkaroon ng ganoong mga plano kahit kailan? (Wala.) Walang sinumang nagplano nang ganito kahit kailan, maski ang pinakahangal, pinakaestupido, o pinakamasamang tao. Gusto ng lahat ng tao na manalig nang tapat sa Diyos, na maging mabuti, na makinig sa mga salita ng Diyos at na gawin ang lahat ng hinihingi sa kanila ng Diyos. Bagama’t hindi nila kayang matamo ang ganap na pagpapasakop sa Diyos, kahit papaano ay matutugunan nila ang pinakamabababang hinihingi ng Diyos at mapalulugod nila ang Diyos sa abot ng makakaya nila. Ang gandang kahilingan niyon—bakit sila humantong sa pagtutol at pagsalungat sa Diyos? Ayaw mismo ng mga tao at sila mismo ay hindi alam kung paano ito nangyari. Pagdating sa pagtutol at pagsalungat sa Diyos, malungkot at masama ang loob nila, iniisip na, “Paano ito nagagawa ng mga tao? Kahit pa umasal ang ibang tao nang ganito, hindi ako dapat umasal nang ganito!” Katulad lang ito ng sinabi ni Pedro na: “Kung ang lahat ay magdaramdam sa Iyo, ako kailan ma’y hindi magdaramdam” (Mateo 26:33). Mula sa puso ang mga salitang sinabi ni Pedro, subalit hindi kayang tuparin ng pag-uugali niya ang mga kahilingan at hangarin niya. Ang kahinaan ng tao ay isang bagay na hindi inaasahan ng mga tao mismo. Kapag talagang nangyari sa kanila ang isang sitwasyon, nalalantad ang katiwalian nila. Kayang kontrolin at diktahan ng kalikasang diwa at ng tiwaling disposisyon ng isang tao ang kanyang pag-iisip at pag-uugali. Maaaring umusbong ang iba’t ibang kuru-kuro dahil sa tiwaling disposisyon, pati na rin ang iba’t ibang ninanasa at hinihingi, na humahantong sa lahat ng uri ng mapaghimagsik na pag-uugali. Direkta nitong naaapektuhan ang relasyon ng isang tao sa Diyos at direkta nitong naiimpluwensiyahan ang kanyang buhay pagpasok at pagbabago ng disposisyon. Hindi ito ang mga layunin ng mga tao nang magsimula silang manalig sa Diyos, ni ang handa at inaasam na gawin ng mga tao sa puso nila. Ang mga kahihinatnang ito ay dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos. Kapag hindi nalutas ang mga kuru-kurong ito, maaaring maging problema lahat ang inaasahan, kapalaran, at destinasyon ng isang tao.

Para malutas ang mga maling pagkaunawa ng isang tao sa Diyos, kailangan niyang lutasin ang kanyang mga kuru-kuro sa Diyos at sa gawain, diwa, at disposisyon ng Diyos. Para malutas ang mga kuru-kurong ito, dapat munang maunawaan, malaman, at makilala ng isang tao ang mga ito. Kaya ano ba mismo ang mga kuru-kurong ito? Ibinabalik tayo nito sa pangunahing paksa. Dapat tayong magsimula sa ilang praktikal na halimbawa para tugunan ang mga kuru-kuro at pagpapamalas na ito ng mga tao, na gagawing malinaw ang mga layunin ng Diyos sa mga sitwasyong ito, na magbibigay-daan na makita ng mga tao, sa kaibuturan ng puso ng Diyos, kung ano ang disposisyon at diwa Niya at kung paano Niya pinakikitunguhan ang mga tao, pati na rin kung ano ang iniisip ng mga tao sa kung paano dapat sila pakitunguhan ng Diyos, at na magbibigay-daan na matukoy, mabigyang-linaw, at maihambing nila ang dalawang huling perspektibang ito, na maaaring magdulot ng pagkaunawa at pagtanggap sa paraan na pinakikitunguhan at pinamumunuan ng Diyos ang mga tao, at ng pagkaunawa at pagtanggap sa diwa at disposisyon ng Diyos. Kapag may malinaw nang pagkaunawa ang mga tao sa paraan ng pamumuno ng Diyos sa mga tao at sa Kanyang gawain, hindi na sila bubuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Mawawala na rin ang hadlang sa pagitan ng Diyos at ng mga tao, at hindi na uusbong sa mga puso nila ang kalagayan ng pagsalungat at pagtutol na nakadirekta sa Diyos. Maaaring direktang lutasin ang mga isyung ito ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan ng katotohanan. Kahit na anong aspekto pa ng mga kuru-kuro ang tinutugunan, dapat itong magsimula sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan ng katotohanan. Dapat iugnay ang lahat ng bagay sa katotohanan, lahat ay may kinalaman sa katotohanan. Kung gayon anu-ano ang mga kuru-kurong ito ng mga tao? Simulan natin sa pagtalakay sa gawain ng Diyos, gamit ang ilang partikular na halimbawa para linawin ang mga prinsipyo sa likod ng gawain ng Diyos, at ang mga prinsipyo at pamamaraan kung paano pinakikitunguhan at pinamumunuan ng Diyos ang mga tao. Maaaring talakayin ng isang halimbawa ang pamamaraan ng gawain ng Diyos; maaari din nitong talakayin ang pamamaraan kung paano inuuri ng Diyos ang isang tao at ang pagtatakda Niya sa kahihinatnan nito; o maaari nitong talakayin ang disposisyon at diwa ng Diyos. Para linawin ang mga puntong ito, kung magsasalita tayo sa isang hungkag na paraan tungkol sa kung ano ang Diyos, kung ano ang ginawa ng Diyos at kung paano Niya pinakitunguhan ang mga tao sa loob ng anim na libong taon Niya ng paggawa—sa tingin ba ninyo ay magiging angkop iyon? Madali lang ba ninyong tatanggapin iyon? O kung pinag-usapan natin, halimbawa, ang tungkol sa kung paano gumagawa ang Diyos sa loob ng anim na libong taon, at sa ikalawang yugto ng Kanyang gawain, ay gumawa Siya sa Judea; at tinalakay natin kung paano pinakitunguhan ng Diyos ang mga Hudyo noon, at kung paano natin makikita ang disposisyon ng Diyos mula rito—magiging madali na bang maunawaan iyon? (Hindi.) Halimbawa, kung pinag-usapan natin kung paano pinamumunuan ng Diyos ang mundong ito: kung paano Niya pinakikutunguhan ang mga tao mula sa iba’t ibang etnisidad, kung ano ang iniisip ng Diyos, kung paano Niya itinatakda ang mga teritoryo nila, at kung bakit Niya sila hinahati sa iba’t ibang lokasyon—partikular na, kung bakit nasa hindi gaanong magagandang lugar ang ilang mabubuting tao, samantalang nasa mas maaayos na lugar ang ilang masasamang tao, at kung anong mga prinsipyo ang ginagamit ng Diyos sa pagtatalaga sa mga bagay sa ganitong paraan, at nakita natin ang mga pamamaraan ng Diyos sa pamamahala sa sangkatauhan mula sa paksang ito—magiging madali na bang maunawaan ito? (Hindi.) Hindi ba’t medyo may kalayuan ang mga paksang ito mula sa pagbabago ng disposisyon at buhay pagpasok sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao? Hindi ba’t medyo abstrakto ang mga ito? (Oo.) Bakit natin sinasabing malayo at abstrakto ang mga iyon? Dahil sa totoong buhay, kung may pagkaunawa lang tayo sa mga katotohanan na may kinalaman sa mga pangitain, gaya ng mga detalye kung paano pinamamahalaan at ginagabayan ng Diyos ang sangkatauhan, tila medyo malayo iyon sa mga problemang kinakaharap natin sa araw-araw na buhay, at wala iyong gaanong kinalaman. Para tugunan ang mga problema sa totoong buhay, kailangan nating magsimula sa mga halimbawang naririnig, nakikita, at nadarama ninyo sa inyong buhay, at palawakin ninyo mula roon ang pananaw ninyo. Kahit anong mga istorya ang ikwento Ko, o kahit aling mga tao at pangyayari ang sangkot sa mga istoryang ito—kahit pa may kinalaman ang mga iyon sa mga bagay na ginawa mo dati—ang pinakaepekto ng mga istoryang ito ay ang matulungan kang maunawaan ang mga katotohanang may kinalaman sa paksang tinatalakay ngayon. May silbi ang bawat naikwentong istorya, at may kinalaman ito sa pagpapahalagang nais ipabatid nito at sa katotohanang ipinapahayag nito.

Simulan na natin ang kwento. Ito ang Unang Kaso. Matagal nang panahon ang nakalilipas, nagpadala ng isang bote ng gamot sa ubo ang isang iglesia, at nagpaliwanag na: “Laging nagsasalita at nangangaral sa atin ang Diyos, at inuubo Siya minsan kapag masyadong nagsasalita. Para maging mas maayos ang pangangaral ng Diyos at mabawasan ang pag-ubo Niya, nagpadala kami ng gamot sa ubo.” Noong dumating na ang bote, nakita ito ng isang lalaki at sinabi niya, “Sinasabing gamot ito sa ubo, pero sino ang nakakaalam kung ano talaga ang ginagamot nito. Hindi natin ito pwedeng basta ibigay na lang sa Diyos para inumin—baka makasama pa ito. Gamot ito; lahat ng gamot ay may kaunting lason. Baka may masasamang epekto ito kapag ininom!” Inisip ng mga nakarinig sa kanya na, “Nagmamalasakit lang siya. Sige, huwag na natin itong ibigay sa Diyos.” Noong panahong iyon, hindi Ko kailangan iyon, kaya inisip Kong itabi muna ito para sa susunod, at ganoon na nga lang ang nangyari. Pero doon na ba nagtatapos ang kwento? Hindi, ang kwento tungkol sa gamot na ito ay nagsimula noong araw na iyon. Isang araw, may nakatuklas na iniinom ng mismong lalaking ito ang gamot sa ubo, at nang matuklasan iyon, kalahati na lang ang natitira. Madali nang hulaan kung ano ang sumunod na nangyari; inubos ito ng taong iyon. Iyon na ang kwento. Pag-isipan ninyo kung ano ang kinalaman nito sa mga kuru-kurong tinatalakay natin ngayon. Una sa lahat, sabihin ninyo sa Akin: Nagulat ba kayo sa kwento, napukaw ba kayo? (Oo.) Anong mga naiisip ninyo nang marinig ninyo ito? Anong pumukaw sa inyo? Sa pangkalahatan, iisipin ng mga napukaw na, “Naku po, inihandog ito sa Diyos; paano ito nagawang inumin ng isang tao?” Iyon ang unang pumukaw sa kanila. Ang ikalawang bagay ay, “Ininom niya ito nang ininom. Hindi ako makapaniwalang inubos niya iyong lahat!” Bukod sa pagkakapukaw, ano pa ang naiisip ninyo? Tungkol sa ginawa ng taong ito—ang lahat ng inugali niya; ibig sabihin, sa bawat pangyayari sa buong kwentong ito—isinasaalang-alang ba ninyo kung ano ang magiging reaksyon ng Diyos? Ano ang gagawin ng Diyos? Ano ang dapat gawin ng Diyos? Paano dapat tratuhin ng Diyos ang gayong tao? At hindi ba’t dito nagsisimulang umusbong ang mga kuru-kuro ng tao? Isantabi muna natin ang nilalaman ng kung ano ang pumukaw sa inyo, at pag-usapan natin kung may pakinabang ba mismo ang karanasang ito ng pagkapukaw. Sa pagkapukaw, nakadarama lang ng pagkabalisa sa kanilang konsensiya ang mga tao, pero hindi sila makapagsalita nang malinaw tungkol dito. Kasunod nito, maaaring may umusbong na pagkondena at paninising nakadirekta sa taong nasa kwentong ito na nag-uugat sa mga etika, moralidad, mga teolohikal na teorya, o mga salita at doktrina, subalit hindi katotohanan ang mga bagay na ito. Kung gusto nating marating ang katotohanan, ang mga nabuong kuru-kuro ng tao tungkol sa pangyayari mismo, o sa mga kahilingan tungkol sa kung ano ang dapat gawin ng Diyos—ang mga isyung ito ang kailangang lutasin. Sa kwentong ito, napakahalaga ng mga kuru-kuro at kaisipan ng mga tao tungkol sa kung ano ang dapat gawin ng Diyos sa gayong sitwasyon. Huwag ka lang tumuon sa iyong emosyonal na reaksyon; hindi malulutas ng pagkapukaw mo ang iyong pagiging mapaghimagsik. Kung isang araw ay may masumpungan kang isang bagay sa mga handog sa Diyos na gustong-gusto o kailangan mo, at talagang natutukso ka, maaaring kunin mo rin iyon; hindi ka mapupukaw sa ganoong sitwasyon kahit kaunti. Dahil lamang sa konsensiya mo kung kaya’t napukaw ka ngayon, resulta lang ito ng pamantayan ng moralidad ng pagkatao; hindi iyon dahil sa katotohanan. Kapag kaya mong lutasin ang mga kuru-kurong umuusbong sa sitwasyong ito, mauunawaan mo ang katotohanan sa sitwasyong ito. Malulutas mo ang anumang kuru-kuro at maling pagkakaunawa mo sa Diyos sa gayong mga bagay, at sa ganitong klaseng mga sitwasyon, mauunawaan mo ang katotohanan at may makakamit ka. Kaya ngayon, isipin mo kung anong klase ng mga kuru-kuro ang maaaring mabuo ng mga tao sa sitwasyong ito. Alin sa mga kuru-kurong ito ang maaaring magsanhi sa iyo na maling maunawaan ang Diyos, na makabuo ng hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, o na salungatin mo pa nga Siya? Ito dapat ang pinagbabahaginan natin. Sabihin ninyo sa Akin, nang maganap ang pangyayaring ito, may naramdaman bang pagsaway sa konsensiya niya ang lalaking ito? (Wala.) Paano mo masasabing wala siyang naramdamang pagsaway? (Inubos niya ang gamot sa ubo.) Madali lang ito analisahin, hindi ba? Mula sa unang pag-inom hanggang sa huli, hindi siya nagpakita ng pagpipigil at hindi siya huminto. Kung tumikim lang siya at tumigil na, maituturing iyon na pagsaway sa sarili, dahil huminto siya, pinigilan niya ang sarili niya at hindi na siya nagpatuloy pa. Pero hindi ganito ang ginawa ng lalaking ito; ininom niya ang lahat ng laman ng bote. Kung mayroon pa nga, magpapatuloy pa siya sa pag-inom. Ipinakikita nito na wala siyang naramdamang pagsaway sa konsensiya niya; ito ay pagtingin dito sa perspektiba ng tao. Ngayon, ano ang tingin ng Diyos sa bagay na ito? Ito ang dapat ninyong maunawaan. Mula sa kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang sitwasyong ito, kung paano Niya sinusuri at tinutukoy ito, makikita ninyo ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng Diyos, at matutukoy rin ninyo ang mga prinsipyo at pamamaraan ng pagkilos ng Diyos. Kasabay nito, maaaring ibunyag din nito ang ilang kuru-kuro ng tao, na magtutulak sa mga tao na sabihing, “Ganito pala ang saloobin ng Diyos sa mga tao; ganito pala pinangangasiwaan ng Diyos ang mga tao. Hindi ako nag-isip sa ganitong paraan dati.” Ang katunayang hindi ka nag-isip sa ganitong paraan dati ay nagbubunyag sa hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, at na maaari kang magkaroon ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, at na mayroon kang mga kuru-kuro sa kung paano gumawa at kumilos ang Diyos patungkol dito. Ano ang ginawa ng Diyos nang maharap Siya sa sitwasyong ito? Sinabi ng lalaking iyon na, “Gamot ito; may kaunting lason ang lahat ng gamot. Hindi natin pwedeng hayaan ang Diyos na inumin ito; baka may masasamang epekto ito.” Ano ang intensyon, ang layunin sa likod ng kanyang mga salita? Totoo ba o hindi ang mga salitang iyon? Hindi totoo ang mga iyon; mapanlinlang, mali, at hindi tapat ang mga iyon. Naging malinaw kung ano ang nangyayari sa puso niya dahil sa mga sumunod na aksyon niya at sa kung ano ang ipinakita niya. May ginawa ba ang Diyos sa mga maling salita at aksyon ng lalaking ito? (Wala.) Paano natin nalaman na walang ginawa ang Diyos? Nang sabihin ng lalaking ito ang mga salitang iyon, hindi siya tapat; huwad siya. Nanunuod lang ang Diyos, hindi gumagawa ng positibong gawain ng paggabay ni ng negatibong gawain ng pagsaway. Minsan nakakaramdam ang mga tao ng pagsaway sa kanilang konsensiya—iyon ay paggawa ng Diyos. Nakaramdam ba ng pagsaway ang lalaking ito nang oras na iyon? (Hindi.) Hindi lamang siya hindi nakaramdam ng pagsaway, nagsalita pa siya nang may pagmamalaki. Hindi siya sinaway ng Diyos; nanunuod lang ang Diyos. Bakit nanunuod ang Diyos? Nanunuod ba Siya para makita kung paano lalabas ang mga katunayan? (Hindi.) Hindi naman ganoon. Sa sandaling naharap ang isang tao sa isang sitwasyon, bago pa siya magpasya kung ano ang gagawin niya o bumuo ng mga katunayan, nauunawaan ba siya ng Diyos? (Oo.) Hindi lang panlabas ng taong ito ang nauunawaan ng Diyos kundi pati na rin ang kaibuturan ng puso nito—kung ang puso ba nito ay mabuti o masama, tunay o huwad, kung ano ba ang tunay nitong saloobin sa Diyos, kung nasa puso ba nito ang Diyos, kung may tunay ba itong pananampalataya—alam na ng Diyos ang mga ito; may matibay Siyang ebidensya, at lagi Siyang nagmamasid. Ano ang ginawa ng Diyos matapos itong sabihin ng lalaki? Una, hindi siya sinaway ng Diyos; ikalawa, hindi siya binigyang-liwanag ng Diyos o ipinaalam sa kanya na isa itong handog, na hindi ito dapat hawakan nang walang ingat ng mga tao. Kailangan bang tuwirang sabihan ng Diyos ang mga tao para malaman nila ito? (Hindi.) Dapat ay may ganito nang kamalayan sa normal na pagkatao. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi lang talaga alam ng ibang tao. Hindi Mo ba sasabihin sa kanila? Hindi ba’t malalaman nila kung sasabihin Mo na lang sa kanila? Kapag hindi iyon alam ng isang tao, ligtas siya sa pagkakasala—sa ngayon, hindi nila alam; kung alam lang nila, hindi nila magagawa ang pagkakamaling ito, hindi ba? Hindi ba’t pagprotekta ito sa kanila?” Kumilos ba ang Diyos nang ganito? (Hindi.) Bakit hindi kumilos ang Diyos nang ganito? Sa isang banda, dapat alam ng lalaking iyon ang konsepto na “handog ito sa Diyos, hindi ito pwedeng hawakan ng mga tao.” Sa kabilang banda, kung hindi niya ito alam, bakit hindi sa kanya sinabi ng Diyos? Bakit hindi ipinaalam ng Diyos sa kanya para pigilan siyang gawin ang gayong bagay at pigilan siyang maharap sa gayong mga kahihinatnan? Hindi ba’t mas maipapakita ang katapatan ng Diyos sa pagliligtas sa mga tao kung sinabi Niya ito sa lalaki? Hindi ba’t mas maipapakita nito ang pag-ibig ng Diyos? Kung ganoon bakit hindi ito ginawa ng Diyos? (Gusto siyang ibunyag ng Diyos.) Oo, gusto siyang ibunyag ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa mga sitwasyon, hindi aksidente na nahaharap ka sa mga iyon. Ang isang partikular na sitwasyon ay maaaring maging kaligtasan mo, o maaaring maging pagkawasak mo. Sa mga pagkakataong iyon, nanunuod ang Diyos, nananahimik Siya, hindi namamatnugot ng anumang sitwasyon para udyukan ka, ni nagbibigay-liwanag sa iyo sa pamamagitan ng mga salitang tulad ng, “Hindi mo dapat gawin ito; magiging matindi ang mga kahihinatnan niyan,” o “Walang katwiran at pagkatao ang gawin ito sa ganitong paraan.” Walang gayong kamalayan ang mga tao. Sa isang banda, ang kawalan ng gayong kamalayan ay dahil hindi sila inudyukan ng Diyos nang sandaling iyon—hindi kumilos ang Diyos. Sa kabilang banda, kung may konsensiya ang isang tao at mayroon siyang kaunting pagkatao, kikilos ba ang Diyos sa ganoong pundasyon? (Oo.) Tama iyan. Magkakaloob ang Diyos ng gayong biyaya sa kanya. Pero bakit binalewala ng Diyos ang partikular na sitwasyong ito? Ang isang dahilan ay dahil walang konsensiya at katwiran, walang dignidad, walang integridad, at walang normal na pagkatao ang lalaking ito. Hindi niya hinangad ang mga ito; wala ang Diyos sa puso niya at hindi siya tunay na mananampalataya sa Diyos. Kaya, ginusto ng Diyos na ibunyag siya sa pamamagitan ng sitwasyong ito. Minsan ang pagbubunyag ng Diyos sa isang tao ay isang uri ng pagliligtas, at minsan naman ay hindi—sinasadya ng Diyos na kumilos nang ganito. Kung isang tao kang may konsensiya at katwiran, nagiging isang pagsubok at uri ng pagliligtas ang pagbubunyag sa iyo ng Diyos. Subalit kung wala kang konsensiya at katwiran, ang pagbubunyag sa iyo ng Diyos ay mangangahulugan ng pagkatiwalag at pagkawasak. Kaya, kung titingan ito ngayon, ano ang ibig sabihin ng pagbubunyag ng Diyos sa lalaking ito? Ang ibig sabihin nito ay pagkatiwalag; hindi ito pagpapala kundi sumpa. Sinasabi ng ilang tao, “Nakagawa siya ng napakalaking pagkakamali, at kahiya-hiya talaga iyon. Mula noong palihim niyang ininom ang gamot sa ubo, hindi ba’t kaya ng Diyos na magsaayos ng ilang sitwasyon para mapigilan siya para hindi na siya magkamali at nang sa gayon ay hindi na siya kailangang itiwalag?” Ito ba ang ginawa ng Diyos? (Hindi.) Paano kumilos ang Diyos? (Hinayaan Niyang mangyari ang sitwasyong iyon.) Hinahayaan ng Diyos na mangyari ang mga bagay-bagay—isa ito sa Kanyang mga prinsipyo. Nang buksan ng lalaking ito ang bote ng gamot sa ubo, may pagkakaiba ba sa kalikasan nang una siyang uminom at sa huli? (Wala.) Bakit walang pagkakaiba? (Sadyang ganoong klase siya ng tao sa diwa.) Lubusang ibinunyag ng sitwasyong ito ang pagkatao, paghahangad, at pananalig niya.

Noong kapanahunan ng Lumang Tipan, ipinagpalit ni Esau ang karapatan niya bilang panganay para sa isang mangkok ng pulang sopas. Hindi niya alam kung ano ang importante at may halaga: “Ano ba ang malaking isyu sa karapatan bilang panganay? Kung ipagpapalit ko ito, wala naman itong idudulot na pagbabago; buhay pa rin naman ako, hindi ba?” Ito ang inakala niya sa puso niya. Para bang makatotohanan ang pagharap niya sa problemang ito, subalit ang naiwala niya ay ang pagpapala ng Diyos, at matindi ang mga kahihinatnan niyon. Ngayon, sa iglesia, ay maraming tao na hindi hinahangad ang katotohanan. Hindi nila sineseryoso ang mga pangako at pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t pareho ang kalikasan nito at ng pagkawala ng isang tao ng karapatan niya bilang panganay? Hindi ba’t mas seryoso pa nga ito? Dahil ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao ay minsanang pagkakataon; kapag pinalampas ng isang tao ang pagkakataong ito, tapos na iyon. Mayroon pa ngang isang taong tiniwalag sa huli dahil lang sa isang bote ng gamot sa ubo, isang bagay na pinagpalit niya para sa pagkawasak; talagang hindi ito maarok! Bagaman, sa totoo lang, wala naman talagang di-maaarok dito. Bakit Ko sinasabi iyon? Maaaring tila maliit na bagay ang pangyayaring ito. Kung nangyari ang ganito sa mga tao, hindi ito ituturing na malaking bagay. Katulad ng paggawa ng krimen, gaya ng pagnanakaw o pananakit sa iba, ang pinakamagagawa lang sa iyo ay ang parusahan ka pagkatapos mong mamatay at pagkatapos ay ipanganak kang muli bilang tao sa ilang siklo ng reinkarnasyon. Hindi ito masyadong mahalaga. Pero ang sitwasyon bang sinasabi Ko ngayon ay kasingsimple lang nito? (Hindi.) Bakit natin sinasabing hindi ito simple? Bakit nararapat pag-usapan ang sitwasyong ito? Simulan natin sa boteng ito ng gamot sa ubo. Ang katunayan, hindi naman malaki ang halaga ng boteng ito ng gamot sa ubo, subalit kapag inihandog na ito sa Diyos, nagbabago na ang diwa nito; naging handog na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Idineklara nang banal ang mga handog; hindi sa mga tao ang mga handog; hindi dapat hawakan ng mga tao ang mga handog.” Tama rin na sabihin ito. Ano ba ang handog? Ang handog ay isang bagay na iniaalay ng isang tao sa Diyos; ano man ito, tinutukoy na handog ang mga ganoong bagay. Dahil sa Diyos ang mga iyon, hindi na sa tao ang mga iyon. Anumang ilaan sa Diyos—pera man o materyal na mga bagay, at kung anuman ang halaga nito—ay lubos na pagmamay-ari ng Diyos, at wala na sa kamay ng tao, ni hindi rin para gamitin niya. Paano maaaring maunawaan ang mga handog sa Diyos? Pag-aari ng Diyos ang mga iyon, Siya lamang ang maaaring mamahala ng mga iyon, at bago makuha ang Kanyang pagsang-ayon, walang sinuman ang maaaring gumalaw sa mga bagay na iyon o magplano ng gagawin para sa mga iyon. May mga nagsasabi, “Kung walang ginagamit ang Diyos, bakit hindi tayo pinapayagang gamitin ito? Kung masisira ito pagkaraan ng ilang panahon, hindi ba iyon nakakahiya?” Hindi, kahit magkagayon; ito ay isang prinsipyo. Ang mga handog ay mga bagay na pag-aari ng Diyos, hindi sa tao; malaki o maliit, may halaga man o wala ang mga ito, sa sandaling ilaan ang mga ito ng tao sa Diyos, nagbago na ang kanilang diwa, gusto man o ayaw ng Diyos sa mga ito. Sa sandaling ang isang bagay ay naging handog, kabilang na ito sa mga pag-aari ng Lumikha at nasa Kanya nang pamamahala. Ano ang kabilang sa paraan ng pagtrato ng isang tao sa mga handog? Kabilang dito ang saloobin sa Diyos ng isang tao. Kung ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay kinabibilangan ng kawalang-galang at paghamak, at pagpapabaya, kung gayon ang saloobin ng taong iyon sa lahat ng bagay na pag-aari ng Diyos ay tiyak na magiging ganoon din. Mayroong ilang nagsasabi, “May ilang handog na walang sinumang nag-uusisa. Hindi ba’t nangangahulugan iyon na ang mga ito ay pag-aari ng kung sino ang mayhawak ng mga ito? Kung meron mang nakakaalam nito o wala, ito ay ‘pagmamay-ari ng nakahanap’; ang sinumang makakakuha sa mga bagay na iyon ay siyang may-ari ng mga ito.” Ano ang palagay mo sa ganoong pananaw? Malinaw na malinaw, ito ay hindi tama. Ano ang saloobin ng Diyos sa mga handog? Anuman ang ihandog sa Diyos, tanggapin man Niya ito o hindi, sa sandaling ang isang bagay ay itinalaga bilang isang handog, ang sinumang tao na may iba pang pagnanasa rito ay maaaring humantong sa “pag-apak sa isang pasabog.” Ano ang ibig sabihin nito? (Nangangahulugan ito na sinasalungat mo ang disposisyon ng Diyos.) Tama iyan. Alam ninyong lahat ang konseptong ito, pero bakit hindi ninyo nakikilala ang diwa ng bagay na ito? Kaya, ano ang sinasabi ng bagay na ito sa mga tao? Sinasabi nito sa kanila na walang pinalalampas na mga pagkakasala ng tao ang disposisyon ng Diyos, at na hindi sila dapat nakikialam sa Kanyang mga bagay. Halimbawa, ang mga handog sa Diyos—kung aangkinin ng isang tao ang mga ito, o sasayangin at wawaldasin niya ang mga ito, malamang na masasalungat niya ang disposisyon ng Diyos at maparurusahan siya. Gayunpaman, ang galit ng Diyos ay may mga sariling prinsipyo; hindi ito katulad ng inaakala ng mga tao, kabilang na ang paghampas ng Diyos sa sinumang nagkakamali. Sa halip, napupukaw ang galit ng Diyos kapag may sumasalungat sa Diyos sa mahahalaga at importanteng bagay. Lalo na pagdating sa pagtrato sa pagkakatawang-tao ng Diyos at sa mga handog sa Diyos, dapat magpakita ng pag-iingat at magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso ang mga tao; sa ganitong paraan lamang nila matitiyak na hindi nila sasalungatin ang disposisyon ng Diyos.

May pananampalataya ang ilang tao sa kanilang pananalig sa Diyos at kaya nilang gugulin ang sarili nila at magbayad ng halaga, na ginagampanan nang maayos ang lahat ng aspekto maliban sa isa. Matapos makita ng isang tao ang kasaganaan ng sambahayan ng Diyos, at malaman na hindi lamang salapi ang inihahandog ng mga hinirang ng Diyos kundi pati na rin pagkain, damit, at iba’t ibang gamot, kasama na ang iba pang mga bagay, iniisip ng gayong tao na, “Maraming inihahandog sa Diyos ang mga hinirang ng Diyos, at hindi kayang gamitin lahat iyon ng Diyos nang mag-isa. Bagama’t kailangan ang ilan sa mga iyon sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi pa rin magagamit ang lahat ng iyon. Paano dapat pangasiwaan ang mga bagay na iyon? Dapat sigurong may bahagi ang mga lider at manggagawa sa ilan sa mga iyon.” Nababalisa at nababahala siya sa isyung ito, nakakaramdam siya ng “pasanin” sa loob niya, at nagsisimula siyang mag-isip-isip na, “Dahil ako na ang namamahala sa mga ito, dapat kong gamitin ang ilan dito. Kung hindi, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng handog na ito kapag winasak na ang mundo? Makatarungan lang na ipamahagi ang mga iyon sa mga lider at manggagawa. Pantay-pantay ang lahat sa sambahayan ng Diyos; dahil ibinigay na namin ang sarili namin sa Diyos, sa amin rin ang mga bagay na sa Diyos, at ang sa amin ay sa Diyos din. Hindi naman malaking isyu kung tamasahin ko ang ilang handog sa Diyos; parte naman ito ng pagpapala ng Diyos. Mabuti pa ngang gamitin ko ang ilan dito.” Dahil sa ganoong mga kaisipan, natutukso siya. Unti-unting tumitindi ang pagnanais niya at nagsisimula na siyang mag-imbot sa mga handog, nagsisimula na siyang kumuha ng mga bagay-bagay nang walang pagkaramdam ng pagsaway sa puso niya. Iniisip niyang wala namang makakaalam, at inaalo niya ang sarili niya sa pagsasabing, “Ginugol ko na ang sarili ko para sa Diyos; hindi naman malaking bagay kapag tinamasa ko ang ilang handog. Kahit pa malaman ng Diyos, patatawarin Niya ako. Basta tatamasahin ko ang ilan ngayon.” Bilang resulta, sisimulan na niyang nakawin ang mga handog, na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Sa panlabas, nakakaisip siya ng maraming palusot para sa kanyang sarili, tulad ng, “Masisira lang ang mga ito pagtagal-tagal kapag hindi ito nakain! Hindi naman magagamit ng Diyos ang lahat ng ito, at kung ipamamahagi nang pantay-pantay ang mga ito, napakaraming tao at hindi sapat para mabigyan ang lahat. Bakit hindi na lang ako ang mamahala? Bukod pa roon, paano kung hindi magagastos ang lahat ng perang ito bago magwakas ang mundo? Dapat kumuha ng bahagi ang bawat isa, na nagpapakita rin ng pag-ibig at biyaya ng Diyos! Kahit na hindi ito sinabi ng Diyos, at walang gayong prinsipyo, bakit hindi tayo maging maagap? Ito ay pagkilos nang ayon sa mga prinsipyo!” Marami siyang binubuong dahilan na magagandang pakinggan at pagkatapos ay nagsisimula siyang umaksyon. Subalit kapag nagsimula na siya, nagkakagulo na, at pawala na nang pawala ang pagsaway sa puso niya. Maaari pa nga niyang madama na may katwiran naman ito, iniisip na, “Kung hindi ito kailangan ng Diyos, dapat kong gamitin ito. Hindi naman totoong problema ito.” Dito na nagkakaproblema. Ano sa tingin ninyo, malaking problema ba ito o hindi? Seryoso ba ito? (Oo.) Bakit natin sinasabing seryoso ito? Nararapat bang pagbahaginan ang isyung ito? (Oo.) Bakit ito nararapat pagbahaginan? (Kinasasangkutan ito ng disposisyon ng Diyos at may kinalaman din ito sa kalalabasan at destinasyon ng tao.) Mahalaga ang isyung ito, malala ang kalikasan nito. Ngayon, sa anong bagay Ko kayo dapat bigyang-babala? Huwag na huwag ninyong tanggapin ang ideya ng pagkuha sa mga handog. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi tama iyon; ang mga inihandog ng mga kapatid ay para sa sambahayan ng Diyos, para sa iglesia. Kaya iyon ay pag-aari ng lahat.” Tama ba ang pahayag na ito? Paano nabubuo ang ganoong pahayag? Nabubuo ang teoryang tulad nito mula sa kasakiman ng tao. Ano pa ang sangkot sa isyung ito? Mayroong isang bagay na hindi pa natin natatalakay—ano iyon? Iniisip ng ilan, “Isang malaking pamilya ang sambahayan ng Diyos. Para maipakita ang maayos na pamilya, mayroon dapat pag-ibig at pagpaparaya; dapat paghatian ng lahat ang pagkain, inumin, at mga yaman, at dapat na pantay-pantay na ipamahagi ang lahat ng iyon. Halimbawa, dapat may damit ang lahat, at dapat itong pantay-pantay na ipamahagi at matamasa. Hindi nagtatangi ang Diyos; kung may isang taong hindi makabili kahit medyas man lang at kung may ilang sobrang pares ang Diyos, dapat Siyang magbigay ng tulong sa kanila. Higit pa rito, galing sa mga kapatid ang mga handog sa Diyos; sobra-sobra na ang taglay ng Diyos, hindi ba’t dapat ipamahagi ang ilan sa mga iyon sa mga dukha? Hindi ba’t maipapakita nito ang pag-ibig ng Diyos?” Ganito ba mag-isip ang mga tao? Hindi ba’t mga kuru-kuro ng tao ang mga ito? Puwersahang inaangkin ng mga tao ang ari-arian ng Diyos habang maganda nila itong binabansagan na biyaya ng Diyos, mga pagpapala ng Diyos, at dakilang pag-ibig ng Diyos. Palagi nilang gustong pantay na makipaghatian sa Diyos, gustong pantay-pantay na hatiin ang lahat ng bagay, palaging isinusulong ang egalitaryanismo. Iniisip nilang simbolo ito ng unibersal na pagkakaisa, ng pagkakasundo ng tao, at isang kasiya-siyang pag-iral, at itinuturing nila ito na isang kalagayan na dapat na ipamalas. Hindi ba’t mga kuru-kuro ito ng tao? Lalo na sa sambahayan ng Diyos, iniisip nila na wala dapat magutom. Kung may nagugutom, dapat gamitin ng Diyos ang mga handog sa Kanya para makatulong; hindi dapat ito balewalain ng Diyos. Hindi ba’t ang “dapat” na ito na pinaniniwalaan ng mga tao ay isang klase ng kuru-kuro? Hindi ba’t isa itong paghingi ng tao sa Diyos? Pagkatapos manalig sa Diyos, sinasabi ng ilang tao na, “Napakaraming taon na akong nananalig sa Diyos pero wala pa akong nakamit; mahirap pa rin ang pamilya ko. Hindi dapat ito mangyari; dapat maging mabait ang Diyos sa akin, dapat Niya akong pagpalain para mas maluwalhati ko Siya.” Dahil mahirap ang pamilya mo, hindi mo hinahangad ang katotohanan; umaasa kang mabago ang mahirap mong kalagayan sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos, at ginagamit mo ang pagluluwalhati sa Diyos bilang dahilan para makipagtawaran sa Kanya. Mga kuru-kuro at imahinasyon ito ng tao; magagarbong pagnanais iyon ng tao. Hindi ba’t isang uri ng pakikipagtawaran sa Diyos ang pananalig sa Diyos nang may gayong mga motibo? May konsensiya at katwiran ba ang mga nakikipagtawaran sa Diyos? Nagpapasakop ba sa Diyos ang mga taong iyon? Siguradong hindi. Walang konsensiya at katwiran ang mga taong ito, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, itinataboy sila ng Diyos, at sila ay mga walang katwirang tao na hindi makakamit ang pagliligtas ng Diyos.

Iniisip ng ilang tao na, “Kapag ang mga tao ay may mga hindi wastong iniisip o mga kilos na lumalabag sa mga atas administratibo ng Diyos at sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, dapat makialam ang Diyos para pigilan sila. Ito ang pagliligtas ng Diyos, ito ang pagmamahal ng Diyos.” Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ito ng mga tao? Ganito ba ang ginagawa ng Diyos para iligtas ang mga tao? Inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan. Kung maliligtas ba ang isang tao ay nakadepende sa kung matatanggap niya ang katotohanan. Bukod pa rito, may isang bagay na itinuturing ng Diyos na mas mahalaga pa, at iyon ay ang konsensiya at pagkatao ng mga tao. Kung, sa loob ng iyong pagkatao, ay walang konsensiya, walang integridad, at walang katwiran—ibig sabihin, kapag may nangyayari sa iyo ay hindi normal na gumagana ang konsensiya at pagkamakatwiran mo, hindi mapigilan at makontrol ng mga ito ang mga kilos mo, hindi maiwasto ng mga ito ang mga layunin at pananaw mo—kung gayon siguradong walang gagawin ang Diyos. Para mabago ka ng Diyos, tinutulutan Niya munang gumana ang konsensiya at pagkamakatwiran mo. Kapag nakaramdam ng pagsaway ang konsensiya mo, magbubulay-bulay ka na, “Mali ang ginagawa ko; ano ang magiging tingin sa akin ng Diyos?” at magdudulot sa iyo ito na mas maghanap pa at magkaroon ng maagap at positibong pagpasok. Gayunpaman, kung ang isang tao ay wala maski nitong unang hakbang na ito, kung wala siyang konsensiya, at wala talagang pagsaway sa puso niya, ano na ang gagawin ng Diyos kapag naharap ang taong ito sa isang bagay? Walang gagawin ang Diyos. Kung gayon, sa anong pundasyon nakabatay ang lahat ng salitang ito na sinasabi ng Diyos, at ang lahat ng hinihingi at katotohanang itinuturo ng Diyos sa mga tao? Nakabase ang mga iyon sa batayang may konsensiya at pagkamakatwiran ang mga tao. Pagdating naman sa taong nabanggit kanina, kung may konsensiya siya at nagtataglay ng isang antas ng pagkamakatwiran, anong mga aksyon sana ang ginawa niya pagkatapos niyang makita ang boteng iyon ng gamot sa ubo? Anong mga pag-uugali sana ang ipinakita niya? Nang maisip niyang, “Ibinigay ito sa Diyos, kaya malamang ay mainam ito; sa halip na ipainom ito sa Diyos, bakit hindi ko na lang ito inumin?” ano sana ang ginawa niya kung may konsensiya siya? Bubuksan niya ba ang botelya at iinumin ang unang lagok? (Hindi.) Paano mangyayari ang “hindi” na ito? (Mula sa pagkakaroon ng konsensiya.) Dahil nakokontrol siya ng konsensiya niya, maiimpluwensiyahan siya nito, at wala na sanang sunod na nangyari sa usaping ito; hindi na sana siya uminom ng unang lagok. Lubos na mababaligtad ang resulta ng pangyayari, at magiging ibang-iba ang kinalabasan. Gayunpaman, sa kabaligtaran, wala siyang konsensiya o pagkamakatwiran—lubusan siyang wala ng mga iyon—kaya bilang resulta ano ang nangyari? Pagkatapos niyang magkaroon ng mga gayong kaisipan at nang walang pagpipigil mula sa konsensiya niya, walang pakundangan niyang binuksan ang botelya at uminom ng unang lagok. Bukod sa hindi siya nakaramdam ng pagsaway o pagkakonsensiya pagkatapos noon, nasiyahan pa nga siya rito. Akala niya ay nalusutan niya ito: “Tingnan ninyo kung gaano ako kautak, sinamantala ko ang pagkakataon. Mga hangal kayong lahat; hindi ninyo nauunawaan ang mga bagay na ito. Palaging nadadaig ng karanasan ang pagkabata! Walang sinuman sa inyo ang may ganitong ideya, walang sinuman sa inyo ang may lakas ng loob na gawin ito, pero ginawa ko. Ano ba ang pinakamasamang pwedeng mangyari? Nakainom na ako ng unang lagok; sino ba ang makakaalam?” Sa tingin niya ay nakalamang siya, at masaya ang kalooban niya; akala pa nga niya ay pinapaboran siya, na biyaya ito ng Diyos. Sa sandaling gawin niya ang pagkakamaling ito, paulit-ulit na niya itong ginawa, hanggang sa nawalan na siya ng kontrol at ipinagpatuloy niya ito hanggang sa maubos na ang laman ng botelya. Sa buong oras na iyon, hindi man lang nakaramdam ng anumang pang-uusig o pagsaway ang konsensiya niya. Hindi siya kailanman sinabihan ng konsensiya at pagkamakatwiran niya na, “Hindi ito sa iyo; kahit pa hindi ito inumin ng Diyos, kahit na itapon pa ito ng Diyos, o ibigay ito sa aso o pusa, hangga’t hindi sinasabi ng Diyos na para ito sa iyo, hindi mo ito dapat gamitin; hindi ito para tamasahin mo.” Hindi ito sinabi ng konsensiya niya sa kanya dahil wala siyang konsensiya. Ano ba ang taong walang konsensiya? Mga halimaw sila. Ganito kumilos ang mga taong walang konsensiya; ganito kaagad ang naiisip nila sa simula pa lang, at ipinagpapatuloy nila ito hanggang sa huli, nang wala ni katiting na pagsaway mula sa kanilang konsensiya. Maaaring sa ngayon ay matagal nang nakalimutan ng taong ito ang nangyari; o, kung matalas ang memorya niya, maaaring naaalala pa rin niya ito at iniisip niyang tama ang ginawa niya noong oras na iyon. Hindi niya kailanman iniisip na maling gawin iyon, at hindi niya napagtatanto ang bigat at kalikasan ng ginawa niya. Hindi niya iyon mapagtanto. Tumpak ba ang pag-uuri ng Diyos sa gayong mga tao? (Oo.) Kapag inuuri, ibinubunyag, at tinitiwalag ng Diyos ang mga gayong tao, at binibigyan sila ng ganitong uri ng kalalabasan, sa anong mga prinsipyo at sa anong mga batayan Niya sila inuuri? (Batay sa kalikasang diwa nila.) Ang tao bang hindi nakadarama ng konsensiya at walang pagkamakatwiran ay nagtataglay ng mga kondisyon para tanggapin at isagawa ang katotohanan? May ganoon ba siyang diwa? (Wala.) Bakit natin sinasabing wala? Kapag nagsimula siyang ipahayag ang mga pananaw niya sa bagay na ito, sa kaibuturan ng puso niya, nasaan ang Diyos niya? Sino ba ang Diyos na nasa puso niya? Saan naroroon ang Diyos? Nasa puso ba ng taong ito ang Diyos? Masasabi natin nang may kasiguraduhan na wala sa puso ng gayong tao ang Diyos. Ano ba ang implikasyon kapag wala sa puso ng isang tao ang Diyos? (Ang taong ito ay isang hindi mananampalataya.) Tama iyan. Hindi siya isang tunay na mananampalataya sa Diyos; hindi siya isang kapatid; siya ay isa lamang hindi mananampalataya. Anong mga pag-uugali niya ang nagpapakita na siya ay hindi mananampalataya? Dahil wala sa puso niya ang Diyos, lubusan siyang kumikilos at nagsasalita ayon sa sarili niyang mga kapritso, batay sa sarili niyang mga kuru-kuro, imahinasyon, at kagustuhan, nang walang impluwensiya ng konsensiya. Kapag hindi niya nauunawaan ang katotohanan, hindi napupukaw ang konsensiya niya; kumikilos siya batay lamang sa kanyang mga kagustuhan, para lamang sa kanyang personal na kalamangan at kapakinabangan. May lugar ba ang Diyos sa puso niya? Walang-wala. Bakit Ko sinasabi iyon? Dahil ang motibasyon, pinagmulan, direksyon, at maging ang mga pagpapamalas ng mga kilos at salita niya ay naglalayong lahat na matugunan ang mga interes niya; kumikilos at nagsasalita siya batay sa pinaniniwalaan niyang kapaki-pakinabang sa kanya. Lahat ng isinasaalang-alang niya ay nakatuon sa kanyang mga interes at layon, at kumikilos siya nang walang anumang nararamdamang pagsaway at nang walang pagpipigil. Kung huhusgahan siya batay sa pag-uugali niya, ano ang turing niya sa Diyos? (Parang hangin.) Mismo, tumpak iyan. Kung nararamdaman niya ang presensiya ng Diyos, na sinisiyasat ng Diyos ang puso ng tao, na ang Diyos ay nasa tabi ng tao, at patuloy silang sinisiyasat, mawawalan ba ng anumang pagpipigil ang mga kilos niya? Magpapakita ba siya ng gayong walang ingat na kapusukan? Siguradong hindi. May katanungan dito: Talaga bang umiiral ang Diyos na sinasampalatayaan niya? (Hindi.) Iyon ang diwa ng isyung ito. Hindi umiiral ang Diyos na sinasampalatayaan niya; hangin lang ang Diyos niya. Samakatuwid, anuman ang sabihin ng bibig niya tungkol sa Diyos, gaano man siya manalangin sa Diyos, kahit pa ilang taon na siyang nananampalataya o anuman ang ginawa niya o gaano man ang isinakripisyo niya, lubusang nailalantad ang kalikasan niya batay sa pananalita at pag-uugali niya, sa saloobin niya sa Diyos, at sa saloobin niya sa lahat ng bagay na may kinalaman sa Diyos. Tinatrato niya ang Diyos na parang hangin; hindi ba’t paglapastangan ito sa Diyos? (Oo.) Bakit itinuturing ito na paglapastangan? Iniisip niya na, “Sinasabi nilang sinisiyasat ng Diyos ang puso ng tao—pero nasaan ba ang Diyos? Bakit hindi ko pa ito naramdaman? Sinasabi rin nila na parurusahan ng Diyos ang pagnanakaw sa mga handog, pero wala pa naman akong nakikitang sinuman na nagdusa ng paghihiganti dahil sa pagnanakaw sa mga handog.” Itinatatwa niya ang pag-iral ng Diyos; ito ay paglapastangan sa Diyos. Sinasabi niya, “Ni hindi nga umiiral ang Diyos; paanong ginagawa Niya ang anumang gawain? Paanong inililigtas Niya ang mga tao? Paanong sinaway Niya ang mga tao? Sino na ang pinarusahan Niya? Hindi ko pa ito nakitang mangyari kailanman, kaya pwedeng malayang gamitin ang anumang inihandog sa Diyos. Kung makita ko iyon ngayon, akin na iyon—ituturing ko itong pagpabor ng Diyos sa akin. Ang sinumang makakita nito o makatagpo nito, sa kanya na iyon; siya ang pinaboran ng Diyos.” Anong klaseng lohika ito? Ito ang lohika ni Satanas, ng mga magnanakaw; ito ay paglabas ng makadiyablong kalikasan. Ang gayong tao ba ay may tunay na pananampalataya? (Wala.) Pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, naglilitanya siya ng gayon karaming makadiyablong salita; mayroon ba siyang kahit na ano man lang na pundasyon ng katotohanan? (Wala.) Kung gayon ano ang napala niya sa pakikinig sa lahat ng sermong iyon? Hindi pa niya tinatanggap ang mga salita ng Diyos, hindi niya itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, at hindi niya tinatrato ang Diyos bilang Diyos. Ganoon lang iyon.

May ilang taong nananalig nga sa kanilang puso na may Diyos at wala silang kahit na katiting na pagdududa sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Pero bagaman ilang taon na silang sumusunod sa Kanya, nagdusa na sila ng ilang paghihirap, at nagbayad na ng kaunting halaga, wala sila ni katiting na pagkaunawa sa Diyos sa kaibuturan ng puso nila. Ang totoo, ang pinananampalatayaan nila ay isa pa ring malabong Diyos, isang Diyos na nabuo sa imahinasyon nila; ang pakahulugan nila sa Diyos ay isang hangin lamang. Paano tinatrato ng Diyos ang mga taong ito? Binabalewala Niya lang sila. Nagtatanong ang ilan na, “Kung binabalewala sila ng Diyos, bakit sila nananatili sa sambahayan ng Diyos?” Nagtatrabaho sila. Paano ba dapat ikonsepto ang pagtatrabaho? Ang isang taong nagtatrabaho ay walang interes sa katotohanan, o sa halip, napakababa ng kanyang kakayahan kaya hindi niya ito maabot. Itinuturing niya ang Diyos at ang katotohanan bilang isang bagay na hungkag at malabo, pero para magkamit ng mga pagpapala, makakaasa lamang siya sa kaunting pagsisikap bilang kapalit. Bagama’t sa panlabas ay hindi niya tuwirang nilalabanan ang Diyos, isinusumpa ang Diyos, o sinasalungat ang Diyos, ang diwa niya ay kauri pa rin ng kay Satanas—isa na itinatatwa at nilalabanan ang Diyos. Sinumang hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi mabuti, napagpasyahan na ng Diyos sa Kanyang puso na huwag iligtas ang mga gayong tao. Para sa mga hindi nilalayong iligtas ng Diyos, magiging seryoso pa rin ba Siya sa kanila? Sasabihin ba sa kanila ng Diyos na, “Hindi mo nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, kailangan mong makinig nang mabuti; hindi mo nauunawaan ang aspektong iyon ng katotohanan, kailangang mas magsikap ka pa at pagbulayan ito”? Bukod pa rito, alam ng Diyos na hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan at hindi nila itinuturing ang Diyos na Diyos. Dapat bang magpakita sa kanila ng mga himala at kababalaghan ang Diyos para malaman nila ang pag-iral Niya, o bigyang-liwanag at tanglawan pa Niya sila para malaman nilang may Diyos? Kikilos ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi.) May mga prinsipyo ang Diyos sa paggawa ng mga bagay na ito; hindi Siya kumikilos sa ganitong paraan kung kani-kanino lang. Para sa mga kayang tanggapin ang katotohanan, palaging gumagawa ang Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos sa mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan o hindi magawang abutin ito? (Binabalewala Niya sila.) Ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, kung binabalewala ng Diyos ang isang tao, ang taong ito ay pagala-gala na parang pulubi. Hindi siya makikitang hinahangad ang katotohanan, ni kakikitaan ng anumang aksyon ng Diyos; nagtatrabaho lamang siya, at hindi niya nauunawaan ang katotohanan. Iyon na ba iyon? Ang katunayan, puwede ring matamasa ng mga taong ito ang ilan sa biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Kapag nalagay sila sa mapapanganib na sitwasyon, iingatan din sila ng Diyos. Kapag malubha ang sakit nila, pagagalingin din sila ng Diyos. Maaari ngang bigyan Niya pa sila ng ilang espesyal na talento, o sa ilang espesyal na pagkakataon, maaaring gumawa ng mga mahimalang pagkilos ang Diyos sa kanila, o gumawa ng ilang espesyal na bagay. Ibig sabihin, kung talagang kayang gugulin ng mga taong ito ang sarili nila para sa Diyos at magtrabaho nang maayos nang hindi nagdudulot ng mga kaguluhan, hindi sila didiskriminahin ng Diyos. Ano ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa usaping ito? “Hindi ililigtas ng Diyos ang mga taong ito, kaya gagamitin Niya lang sila kung paano Niya gustuhin at iwawaksi sila kalaunan.” Ganito ba kikilos ang Diyos? Hindi ganito. Huwag ninyong kalimutan kung sino ang Diyos; Siya ay ang Lumikha. Sa buong sangkatauhan, sila man ay mga mananampalataya o walang pananampalataya, mula sa anumang denominasyon o etnisidad, sa mga mata ng Diyos, silang lahat ay mga nilikha Niya. Kaya sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagkat pinasisikat Niya ang Kanyang araw sa masasama at sa mabubuti.” Ang pahayag na ito ay isang prinsipyo kung paano kumikilos ang Diyos—ang Lumikha. Anumang kalalabasan ang sa huli ay ipagkakaloob ng Diyos sa isang tao batay sa diwa nito, o kung ililigtas ba ito o hindi ng Diyos bago ibigay rito ang kalalabasang iyon, anuman ang diwa nito, basta’t magagawa nito ang ilang gawain at makapagtatrabaho ito sa sambahayan ng Diyos at para sa gawain ng Diyos, nananatiling hindi nagbabago ang biyaya ng Diyos; tatratuhin pa rin Niya ito ayon sa Kanyang mga prinsipyo, nang walang anumang pagkiling. Ito ang pagmamahal ng Diyos, ang prinsipyo ng Kanyang mga pagkilos, at ang Kanyang disposisyon. Gayunpaman, ayon sa diwa ng mga taong ito, ang mga pananaw at saloobin nila sa Diyos ay na palagi nilang itinuturing ang Diyos bilang malabo at hindi maliwanag, na para bang umiiral Siya pero hindi rin. Hindi nila makilala ang tunay na pag-iral ng Diyos, ni maranasan ito, at sa huli ay hindi pa rin sila sigurado sa totoong pag-iral ng Diyos. Kaya, sa pagturing sa kanila, ang magagawa lang ng Diyos ay ang dapat Niyang gawin, ang bigyan sila ng kaunting biyaya, bigyan sila ng ilang pagpapala at proteksyon sa buhay na ito, hayaan silang madama ang init ng sambahayan ng Diyos, at na matamasa ang biyaya, habag, at mapagmahal na kabaitan ng Diyos. At iyon na iyon—iyon na lahat ang pagpapalang matatanggap nila sa buhay na ito. Sinasabi ng ilang tao: “Dahil masyado namang mapagparaya ang Diyos at natatamasa rin nila ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, hindi ba’t mas mabuti kung ituloy na lang iyon at hayaan na lang silang matanggap din ang pagliligtas ng Diyos?” Iyon ay isang kuru-kuro ng tao, hindi kumikilos ang Diyos nang ganoon. Bakit hindi? Mailalagay mo ba ang Diyos sa puso ng isang tao na wala namang puwang para sa Diyos sa puso niya? Hindi. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang ibahagi mo sa kanya o gaano pa karaming salita ang sabihin mo, walang saysay iyon; hindi niya mababago ang mga kuru-kuro at imahinasyon niya sa Diyos. Samakatuwid, ang magagawa lamang ng Diyos para sa ganitong uri ng tao ay ang magbigay ng kaunting biyaya, mga pagpapala, pangangalaga, at proteksyon. May ilan na nagsasabing: “Dahil matatamasa naman nila ang biyaya ng Diyos, kung mas bibigyang-liwanag at tatanglawan pa sila ng Diyos, hindi ba’t makikilala nila ang totoong pag-iral ng Diyos?” Kaya bang maunawaan ng mga gayong tao ang katotohanan? Kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? (Hindi.) Kung hindi nila kayang isagawa ang katotohanan, itinatakda na sila nito bilang mga hindi maaaring mailigtas. Samakatuwid, hindi na gagawa pa ang Diyos ng walang saysay o walang silbing gawain. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi tama iyon. Minsan nahaharap din sila sa pagdidisiplina o nagkakaroon din sila ng kaunting kaliwanagan mula sa Diyos at nagkakamit ng kaunting katotohanan mula sa Kanya.” Ito ay may kinalaman na naman sa gawain ng Diyos. Ano ang dapat taglayin ng mga gustong iligtas ng Diyos para iligtas sila ng Diyos, para maging layon sila ng Kanyang pagliligtas? Dapat maunawaan ito ng mga tao. Alam din ito ng Diyos; hindi Niya inililigtas ang kahit sino na lang. Kahit pa magpakita ang Diyos ng ilang himala, kababalaghan, at kapangyarihan para kilalanin Siya ng mga tao, puwede bang maligtas ang mga taong ito? Hindi ganoon ang nangyayari. May mga pamantayan ang Diyos sa pagliligtas sa mga tao; dapat may tunay na pananampalataya ang isang tao at mahal din niya ang katotohanan. Kaya, ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao na kinasasangkutan ng paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ay may mga pamantayan din. Sinasabi ng ilang tao: “Madalas kaming nahaharap sa paghatol at pagkastigo. Ang pagharap ba sa paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino ay tanda na ililigtas kami ng Diyos?” Ganoon ba iyon? (Hindi.) Paano ka nakakasiguro na hindi? Dahil hindi natutugunan ng ilang tao ang mga kondisyon para mailigtas ng Diyos, magpapataw pa rin ba ang Diyos ng paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino sa kanila? Dito nagkakaroon ng katanungan tungkol sa kung kanino ipinapataw ng Diyos ang Kanyang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino; kinasasangkutan din ito ng mga maling pagkakaunawa ng mga tao. Sabihin ninyo sa Akin, matatanggap ba ng isang tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos kung hindi man lang nito alam kung sino ang Diyos, kung nasaan ang Diyos, o kung umiiral nga ba ang Diyos? Ang isang tao ba na itinuturing ang Diyos bilang hangin lang ay matatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? Matatanggap ba ng isang tao ang mga pagsubok at pagpipino ng Diyos kung ang puso nito ay lubusang walang Diyos? Siguradong hindi. Kung gayon, ano ang maaaring makaharap sa ilang pagkakataon ng gayong mga tao? (Pagdidisiplina.) Tama iyan, pagdidisiplina. Ang mga nagtuturing sa Diyos bilang hangin lamang, na pangunahing hindi kinikilala o pinaniniwalaan ang pag-iral ng Diyos, ay siguradong hindi matatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos o ang mga pagsubok at pagpipino Niya. Maaaring sabihin na ang mga taong may gayong diwa at gayong mga pag-uugali ay hindi ang mga layon ng pagliligtas ng Diyos. Hindi nila matatanggap ang pagliligtas ng Diyos, pero hindi sa hindi sila ililigtas ng Diyos—pinagpasyahan na ito ng kalikasang diwa nila na tutol sa katotohanan at kinamumuhian ang katotohanan. Wala silang wastong saloobin ng pagmamahal at pagtanggap sa katotohanan, kaya hindi nila natutugunan ang mga kondisyon para maligtas. Kung gayon paano sila tinatrato ng Diyos kapag pinapasok nila ang sambahayan ng Diyos para mag-asam ng mga pagpapala? Bukod sa pagtutustos ng kaunting pagpapala, biyaya, at pangangalaga at proteksyon, ano ang mga pamamaraang ginagamit ng Diyos para tuparin ang papel Niya bilang ang Lumikha? Nagbibigay ng mga paalala, babala, at panghihikayat ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Kasunod nito, pinupungusan, sinasaway, at dinidisiplina Niya sila; doon na nagtatapos ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kanila, lahat ng iyon ay nasa saklaw na ito. Ano ang epekto ng mga pagkilos na ito ng Diyos sa mga tao? Tinutulutan sila nitong masunuring sumunod sa mga pagbabawal, umasal nang disente habang nagtatrabaho sa sambahayan ng Diyos, nang hindi nagdudulot ng mga pagkakagulo o gumagawa ng masama. Ang ginagawa ba ng Diyos ay magsasanhi na matapat na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin? (Hindi.) Bakit hindi? Ang biyaya, mga pagpapala, pangangalaga, at proteksyong natatanggap ng mga tao—pati na ang mga pagpapaalala ng mga salita ng Diyos, ang pagpupungos, pagtutuwid, at pagdidisiplina, at iba pa—ay maghahatid ba ng pagbabago sa kanilang disposisyon? (Hindi.) Hindi makapaghahatid ng pagbabago ang mga iyon sa disposisyon nila, kung gayon anong epekto ang nakakamit ng paggawa ng Diyos sa kanila? Ginagawa sila nitong medyo nalilimitahan sa kanilang pag-uugali, tinutulungan silang sumunod sa mga panuntunan, at ginagawa silang magkaroon ng kaunting wangis ng tao sa panlabas. Bukod pa rito, ginagawa sila nitong maging medyo masunurin; may pag-aatubili nilang tatanggapin ang pagpupungos alang-alang sa biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at magagawa nila ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga regulasyon at atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, at iyon na lahat iyon. Ang pagkamit ba sa lahat ng ito ay nangangahulugang isinasagawa nila ang katotohanan? Malayo pa rin sila roon, dahil ang ginagawa nila ay pangunahing naaayon lamang sa mga prinsipyo sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, pati na rin sa ilang mahihigpit na alituntunin. Pagbabago lang ito sa pag-uugali, wala nang iba. Kung gayon puwede bang sabihin ng isang tao na, dahil nabago naman ng mga taong ito ang pag-uugali nila, mas makabubuti pa ngang hayaan silang baguhin pati na rin ang disposisyon nila? (Hindi nila kayang gawin iyon.) Hindi nila kayang gawin iyon, hindi nila makakamit iyon—ito ang isang dahilan. At ano ang pinakapangunahing dahilan? Iyon ay na wala talaga sa puso nila ang Diyos; hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Kaya, para sa mga gayong tao, mauunawaan ba nila ang mga salita ng Diyos? Kaya ng ilan sa kanila, at sinasabi nila, “Mabuti ang mga salita ng Diyos, pero sa kasamaang-palad, hindi ko maisagawa ang mga iyon. Ang pagsasagawa sa mga iyon ay mas masakit pa kaysa sa operasyon sa puso.” Kapag nakokompromiso ang mga pansariling interes nila, o kapag kailangan nilang kumilos nang labag sa kalooban nila, nakakaramdam sila ng labis na pagkalito at hindi sila makasunod. Kahit na pagurin pa nila nang husto ang sarili nila, hindi talaga nila maisagawa ang mga salita ng Diyos. Dagdag pa rito, hindi nila kailanman kinikilala o tinatanggap ang katunayan na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Hindi nila matanggap ito; hindi nila maunawaan kung bakit ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Halimbawa, kapag sinasabi ng Diyos sa mga tao na maging matapat sila, sinasabi nila, “Sige, magiging matapat akong tao kung sinasabi Mo, pero bakit itinuturing na katotohanan ang pagiging matapat na tao?” Hindi nila alam at hindi nila matanggap ito. Kapag sinasabi ng Diyos na dapat magpasakop ang mga tao sa Kanya, kinukwestyon nila na, “Kikita ba kami sa pagpapasakop sa Diyos? Nagkakaloob ba ng mga pagpapala ang Diyos para sa pagpapasakop sa Kanya? Mababago ba nito ang destinasyon ng isang tao?” Hindi nila iniisip na katotohanan ang anumang sinasabi o ginagawa ng Diyos. Wala silang ideya kung ano ang kabuluhan ng mga salita at hinihingi ng Diyos sa tao at hindi nila makilatis kung anong mga kilos ang tama at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Lahat ng nagmumula sa Diyos—ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang diwa ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos—ang lahat ng ito, sa pananaw nila, ay hindi matutukoy bilang mga pag-aari at pagiging Diyos ng Diyos. Hindi nila alam na ang Diyos ay ang Lumikha; hindi nila nauunawaan kung ano ang Lumikha, o kung ano ang Diyos. Hindi ba’t problema ito? Pero ganito mismo ang pag-uugali ng ilang tao. Sinasabi ng iba: “Hindi tama iyan. Kung may ganito silang mga kaisipan at pananaw, paanong handa pa rin nilang gampanan ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos?” Ang salitang “handa” rito ay dapat na nasa panipi. Paano ito dapat ipaliwanag? Sa isang banda, ginagampanan nila ang mga tungkulin nila dahil napipilitan sila dahil sa sitwasyon o dahil sa pangangailangan nila para sa mga pagpapala; sa kabilang banda, sa tingin nila ay wala na silang magagawa pa kundi ang sumunod na lang muna nang may pag-aatubili, ang gumanap ng ilang tungkulin at gumugol ng kaunting lakas. Sa puso nila, naniniwala silang ito ang dapat nilang gawin, pero dahil wala silang interes sa katotohanan, makagugugol lamang sila ng lakas at makagaganap ng mga tungkulin kapalit ng mga pagpapala ng Diyos. Kung may ganitong klase ng pag-iisip, matatanggap ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Hindi nga nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, paano pa nila tatanggapin ito?

Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay para tapusin ang kapanahunang ito. Kung maliligtas ba o hindi ang isang tao ay kritikal na nakadepende sa kung matatanggap ba niya ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at kung matatanggap ba niya ang katotohanan. Kinikilala ng ilang tao na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, pero hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Para sa kanila, ang tanggapin ang katotohanan ay parang ang magkaroon ng heart transplant; ganito kahirap sa kanila ito. Kung ganito tinatrato ng ganitong uri ng tao ang katotohanan, tumatangging tanggapin ito anuman ang mangyari, hindi ang Diyos ang Siyang dapat na sisihin sa hindi pagliligtas sa kanila—sila lang ang masisisi sa hindi pagtanggap sa katotohanan; wala silang ganitong pagpapala. Ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi kasingsimple ng iniisip ng mga tao. Sa isang banda, ang mga sumasampalataya sa Diyos ay dapat na tanggapin ang pagtutuwid at pagpupungos sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos; ito ay isang yugto. Sa kabilang banda, dapat din nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo, ang mga pagsubok at ang pagpipino ng Diyos. Ang paghatol at pagkastigo ay isang yugto; ang mga pagsubok at ang pagpipino ay isa pa. Atubiling matatanggap ng ilang tao ang pagpupungos, sa pag-aakalang nagawa na nilang magpasakop, at pagkatapos ay hindi na sila umuusad at hindi na nila pinagsisikapan ang katotohanan. Partikular na minamahal ng iba ang katotohanan at natitiis nila ang anumang pasakit para matamo ang katotohanan. Hindi lamang nila natitiis ang pagtutuwid at pagwawasto ng mga salita ng Diyos kundi kaya pa nilang pumasok sa yugto ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Pakiramdam nila, ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos ay pagtataas ng Diyos, pagmamahal ng Diyos, at isang maluwalhating bagay: hindi nila kinatatakutan ang pagdurusa. Pagkatapos maranasan ang paghatol at pagkastigo, kaya ring tanggapin ng mga taong ito ang mga pagsubok at ang pagpipino at hinahangad pa rin nila ang katotohanan. Gaano man katindi ang mga pagsubok at pagpipino, nakikita pa rin nila ang pagmamahal ng Diyos, at naihahandog nila ang kanilang sarili para mapalugod ang Diyos. Gaano man sila pungusan, hindi nila ito itinuturing na paghihirap; sa halip, nadarama nilang higit pa ngang pagmamahal ito mula sa Diyos. Matapos maranasan ang mas marami pang mga pagsubok at pagpipino, nakakamit nila sa wakas ang ganap na pagdadalisay at pagpeperpekto. Ito ang maranasan ang gawain ng Diyos sa pinakamataas na yugto. Ngayon sabihin ninyo sa Akin, may pagkakaiba ba sa pagitan ng mga nananampalataya sa Diyos at nararanasan lamang ang iisang yugto ng pagtutuwid at pagwawasto ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at ng mga nararanasan ang dalawang yugto—ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, pati na rin ang mga pagsubok at pagpipino? Siguradong may pagkakaiba. Para sa ilang tao, tumitigil na ang Diyos pagkatapos ng pagtutuwid at pagwawasto sa kanila, bahala na ang sarili nilang pagpapasya at kamalayan sa iba pa. Kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan at hindi nila pipiliin ang tamang landas, ano ang ipinahihiwatig nito? Maaaring sabihin na walang paraan ang Diyos na iligtas ang mga gayong tao. May ilang taong madalas na nagsasalita tungkol sa pagdurusa sa gawain, pagdurusa sa mga inaasahan, pagdurusa sa bahay, pagdurusa sa kapareha, pagdurusa sa pagmamahal—para sa kanila, ang lahat ay pagdurusa, at ano ang huling resulta? (Wala itong kinalaman sa katotohanan.) Tama iyan, wala itong kinalaman sa katotohanan at walang kinalaman sa gawain ng Diyos. Ang ginagawa mo lang sa sitwasyong ito ay ang magdusa nang walang patutunguhan; nahihirapan ka lang at nagpapalipas ng panahon, nang walang anumang proseso ng pananalangin sa Diyos o paghahanap sa katotohanan. Hindi iyon ang klase ng “pagdurusa” na nasasangkot sa pagpipino, dahil hindi ito gawain ng Diyos at wala itong kinalaman sa Kanya. Ikaw lang ang nagdurusa, hindi ka dumaraan sa pagpipino ng Diyos. Pero iniisip mo pa rin na ang Diyos ang nagpipino sa iyo; masyado ka lang optimistiko. Nangangarap ka lang! Hindi ka nga kwalipikadong pinuhin ng Diyos. Hindi ka pa nga dumaraan sa yugto ng pagkastigo at paghatol, pero umaasa kang isasailalim ka ng Diyos sa mga pagsubok at pagpipino? Ni posible ba iyon? Hindi ba’t pangangarap lang iyon nang gising? Matitiis ba ng mga ordinaryong tao ang mga pagsubok at pagpipino? Ito ba ay isang bagay na matatanggap ng ordinaryong tao? Ito ba ay isang bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa ordinaryong tao? Hinding-hindi. Pagkatapos iwasto ng Diyos ang isang tao, kung ang taong iyon, dahil sa kanyang mayabang na disposisyon, sa kanyang pagiging mapagmatigas, panlilinlang, kabuktutan, o anumang iba pang disposisyon, ay hinahatulan, dinidisiplina, o tahasang itinutuwid ng Diyos sa isa o maraming usapin, na nagpapabatid sa kanya kung bakit siya dinidisiplina ng Diyos—at, dahil dito, nagkakaroon siya ng isang tunay na pagkaunawa sa Diyos at sa kanyang sarili, sumasailalim sa tunay na pagbabago ang disposisyon niya, pagkatapos ay unti-unti niyang nakakamit ang tunay na pagpapasakop sa katotohanan—sa ganitong proseso lamang hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao. Sa anong batayan ginagampanan ng Diyos ang gawaing ito? May isang kondisyon: Ang taong tumatanggap ng gayong gawain ay dapat na magampanan nang sapat ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ang kasapatang ito ay nangangailangan lamang ng dalawang bagay: pagpapasakop at katapatan. Una, kailangang may konsensiya at katwiran ang taong ito; ang mga taong may konsensiya at katwiran lang ang makatutugon sa mga kondisyon para matanggap ang katotohanan. Kapag ang mga gayong tao na may konsensiya at katwiran ay natatanggap ang pagtutuwid at pagwawasto ng Diyos, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan at magpasakop. Pagkatapos lamang nito saka magpapatuloy ang Diyos sa gawain ng paghatol at pagkastigo. Iyon ang pagkakasunod-sunod ng gawain ng Diyos. Gayunpaman, kung may isang tao sa sambahayan ng Diyos na hindi kailanman kayang gampanan nang tapat ang kanyang tungkulin, hindi nagpapakita ni katiting na pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nabibigong gampanan nang sapat ang kanyang mga tungkulin, kapag naharap siya sa mga kagipitan, kapag nabunyag o pinungusan siya, ang nararanasan lamang niya ay ang pagwawasto at pagdidisiplina ng Diyos. Hindi siya isinasailalim sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, lalo na sa mga pagsubok at pagpipino. Sa madaling salita, talagang hindi siya kasama sa gawain ng Diyos ng pagpeperpekto sa mga tao.

Ang nilalaman na katatapos lamang natin pagbahaginan ay tungkol sa gawain ng pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos sa mga tao, sa mga pamamaraan at pakay ng gawain ng Diyos, pati na rin sa kung aling mga tao ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino. Tinalakay rin nito ang antas ng buhay pagpasok ng mga tao kapag napasasailalim sa gawaing ito ng Diyos, at ang uri ng diwa at mga kondisyong dapat taglay man lang ng mga tao para matanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ano ang mga kuru-kuro ng tao rito? Iniisip ng mga tao na, “Basta’t sumusunod ang isang tao sa Diyos, basta’t tinanggap niya ang hakbang na ito ng gawain ng Diyos, nakatakda siyang mapasailalim sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Pagkatapos darating din agad ang mga pagsubok at pagpipino mula sa Diyos. Samakatuwid, madalas tayong nahaharap sa mga pagsubok, pagpipino, at pagpupungos, at napagkakaitan tayo ng pamilya, mga pagmamahal, katayuan, at mga inaasahan. Kasunod nito, patuloy tayong nagdurusa pagdating sa ating mga damdamin, katayuan, at inaasahan.” Tumpak ba ang mga pahayag na ito? (Hindi.) Kayang baguhin ng mga tao ang isang salita mula sa mga salita ng Diyos at gawin itong isang espirituwal na salita na kanilang pinaniniwalaan—bakit ganoon? Ang katunayan, ang pagdurusa nila ay pawang paghihirap lamang, pagpapalipas lang ito ng oras; wala itong anumang kabuluhan. Subalit itinuturing nila ito bilang mga pagsubok at pagpipino, sinasabing mga pagpipino ito ng Diyos. Napakaseryosong pagkakamali nito; ito ay isang bagay na puwersahang ipinapataw ng mga tao sa Diyos, at hinding-hindi nito kinakatawan ang mga layunin ng Diyos. Hindi ba’t maling pagkakaunawa ito sa Diyos? Talagang maling pagkakaunawa ito. At paano ba nabubuo ang maling pagkakaunawang tulad nito? Dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nakakabuo sila ng mga gayong maling pagkakaunawa batay sa mga imahinasyon nila. Kasunod nito, walang pakundangan nilang ipinalalaganap at ikinakalat ang mga iyon saanman, na kalaunan ay humahantong sa iba’t ibang pahayag tungkol sa “pagdurusa.” Kaya, madalas Kong naririnig na sinasabi ng ilang tao na, “May isang taong pinalitan at pagkatapos ay naging negatibo; siya ay ‘nagdurusa sa katayuan’!” Ang pagdurusa sa katayuan ay hindi pagdanas ng mga pagsubok at pagpipino; ito ay ang pagkawala lamang ng katayuan ng isang tao, pagdurusa ng emosyonal na kabiguan, at paghihirap ng kalooban habang nabibigo. Dahil magkaiba ang tinatawag ng tao na “pagdurusa” at ang tinatawag ng Diyos na pagpipino, ano ba talaga ang tinutukoy ng tunay na pagpipino? Una sa lahat, unawain ninyo na ginagampanan ng Diyos ang maraming gawaing paghahanda bago isailalim ang mga tao sa mga pagsubok at pagpipino. Isa na roon ay pumipili Siya ng mga tao; humihirang Siya ng mga tamang tao. Kanina tinalakay na natin kung anong uri ng tao ang maituturing na tama sa mga mata ng Diyos at kung aling mga kondisyon ang dapat nilang matugunan: Una, dapat man lang ay may konsensiya at katwiran sila sa kanilang pagkatao. Pangalawa, dapat ay magampanan nila nang husto ang kanilang mga tungkulin, magampanan ang mga iyon nang may katapatan at pagpapasakop. Pagkatapos, kailangan nilang sumailalim sa ilang taon ng pagpupungos, pagdidisiplina, at pagtutuwid. Maaaring hindi gaanong malinaw sa inyo kung ano ang ibig sabihin ng pagdidisiplina at pagtutuwid, dahil maaaring hindi masyadong maliwanag para sa inyo ang mga konsepto. Maaaring tila hindi madaling maunawaan at abstrak ang mga iyon para sa mga tao. Pero pagdating sa pagpupungos, iyon ay isang bagay na maririnig at madarama ng mga tao; mayroong partikular na lengguwahe at tiyak na tonong sangkot dito, kaya alam ng mga tao ang nangyayari. Kapag ang isang tao ay may nagawang mali, sumasalungat sa mga prinsipyo, kumikilos nang walang ingat, o mag-isang nagpapasya nang nakakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o sa gawain ng iglesia, at siya ay pinupungusan, ito ang ibig sabihin ng mapungusan. Ano naman kung gayon ang pagwawasto at pagdidisiplina? Halimbawa, kung may isang taong hindi angkop na maging isang lider ng grupo at hindi tapat, at gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo o patakaran ng iglesia, at dahil doon ay pinalitan siya, pagwawasto ba iyon? Iyon ay isang uri nga ng pagwawasto. Mukha man silang pinangangasiwaan ng iglesia sa panlabas o pinapalitan ng isang lider, sa mga mata ng Diyos, ito ay paggawa Niya at bahagi ng gawain Niya; isa itong uri ng pagwawasto. Gayundin, kapag nasa mabuting kalagayan ang mga tao, karaniwan ay puno sila ng liwanag at kaya nilang magkaroon ng mga bagong kabatiran; gayunpaman, kapag nasisira ang gawain nila dahil sa ilang kalagayan o partikular na kadahilanan at sila ay nabubunyag, hindi ba’t isang uri ito ng pagwawasto? Isang uri din ito ng pagwawasto. Maituturing ba ang mga ito na paghatol at pagkastigo? Sa puntong ito, hindi pa ito maituturing na paghatol at pagkastigo, kaya siguradong hindi ito maituturing na mga pagpipino at pagsubok. Mga pagwawasto lamang ito na natanggap habang ginagampanan ng isang tao ang mga tungkulin niya. Ang mga pagpapamalas ng pagwawasto ay kinapapalooban minsan ng pagkakasakit o paulit-ulit na pagkakamali sa gawain, o pagkalito ng isang tao sa mga bagay kung saan dati naman siyang mahusay at hindi niya pagkaalam kung ano ang gagawin. Pawang pagwawasto ito. Siyempre, minsan dumarating ang pagwawasto sa pamamagitan ng mga palatandaan mula sa taong nasa paligid o sa pamamagitan ng kung ano ang ibinubunyag ng isang pangyayari na ipinapahiya ang isang tao, na nagdudulot sa kanya na malalim na suriin ang kanyang sarili at magnilay. Pagwawasto rin ito. Mabuting bagay ba o masamang bagay ang pagtanggap sa pagwawasto ng Diyos? (Mabuting bagay ito.) Sa teoretikal na pananalita, mabuting bagay ito. Kaya man itong tanggapin o hindi ng mga tao, ito ay isang mabuting bagay, dahil kahit papaano ay pinatutunayan nito na inaako ng Diyos ang responsabilidad para sa iyo, na hindi ka iniwan ng Diyos, at na gumagawa ang Diyos sa iyo, na inuudyukan at ginagabayan ka Niya. Ang katunayan na gumagawa ang Diyos sa iyo ay nagpapatunay na walang balak ang Diyos na sukuan ka. Ang isang implikasyon nito ay na maaaring magpatuloy ang Diyos na iwasto at disiplinahin ka, o, kung ang pagganap mo ay maayos at nasa tamang landas ka, isasailalim ka Niya sa paghatol at pagkastigo. Pero huwag muna tayong masyadong lumayo; sa ngayon, iwawasto at didisiplinahin ka ng Diyos nang maraming beses. Pagkatapos, dahil hinahangad mo ang katotohanan, dahil may pagpapasakop ka, at dahil tamang tao ka, isasailalim ka ng Diyos sa paghatol at pagkastigo; ito ang unang hakbang. Karamihan ng tao ay naranasan na ang mapungusan lang; ang mga baguhan lamang ang hindi pa nakararanas nito. Kadalasan, kumikilos ang mga tao batay sa mga nadarama ng kanilang konsensiya, nararamdaman nila ang pagsaway ng kalooban, nadarama nilang inuudyukan sila ng mga salita ng Diyos sa kanilang mga tenga o puso na, “Hindi ko dapat gawin ito, mapaghimagsik ito”; ito ay pag-uudyok, panghihikayat, at pagbababala sa kanila ng mga salita ng Diyos. May iba’t ibang uri ng pagpupungos na nararanasan ang mga tao: Puwede itong manggaling sa mga lider at manggagawa, sa mga kapatid, sa nasa Itaas, at maging direkta mula sa Diyos. Naranasan na ito ng maraming tao, pero mas kakaunti ang nakaranas ng pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos. Ano ang ipinahihiwatig ng mas kakaunti rito? Ipinahihiwatig nito na mas maraming tao ang malayong makatanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos—at paano naman ang mga pagsubok at pagpipino ng Diyos? Lalo nang mas malayo sila rito; lalo nang mas malaki ang agwat, lalo nang mas malayo ang distansiya. Dati, inakala ng mga tao na: “Hinatulan at kinastigo ako ng Diyos, nilagyan ako ng singaw sa bibig ko,” “Hinatulan at kinastigo ako ng Diyos, nagkamali ako, may nasabi akong mali, at sumakit ang ulo ko nang ilang araw; ngayon ay nauunawaan ko na kung ano ang paghatol at pagkastigo ng Diyos”—hindi ba’t mga maling pagkakaunawa ito? Ang ganitong uri ng maling pagkaunawa sa Diyos ang pinakakaraniwan; karamihan ng tao ay nauunawaan nang mali ang Diyos sa ganitong paraan. Ang maling pagkaunawang ito ay nagbubunga rin ng ilang negatibong epekto, ipinararamdam sa mga tao na ang pagsasabi ng isang maling salita ay magreresulta sa pagdidisiplina ng Diyos. Ito ay ganap na maling pagkaunawa sa Diyos, at ganap na hindi naaayon sa ginagawa ng Diyos. Kung may gayong mga maling pagkaunawa sa Diyos, matutugunan ba sa huli ng isang tao ang mga hinihingi ng Diyos? Siguradong hindi niya iyon magagawa.

Ngayon, karamihan ng tao ay naranasan na ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, naranasan na ang mapungusan, at nakatanggap na ng pag-uudyok at panghihikayat mula sa mga salita ng Diyos, pero iyon lang. Narito ang tanong: Bakit hindi pa nararanasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos kahit na matapos silang makaranas hanggang sa hakbang na ito? Bakit hindi maituturing ang pagpupungos, ang pag-uudyok ng mga salita ng Diyos, o ang pagdidisiplina at pagtutuwid bilang paghatol at pagkastigo? Mula sa perspektiba ng pag-uudyok ng mga salita ng Diyos, ng pagpupungos, at ng pagtutuwid at pagdidisiplina na naranasan ng mga tao, ano ba ang resultang nakamit? (Nagkamit sila ng mga pagpipigil sa kanilang panlabas na pag-uugali.) May ilang pagbabagong nangyari sa kanilang pag-uugali, pero nagpapahiwatig ba ito ng pagbabago sa disposisyon? (Hindi.) Hindi ito kumakatawan sa pagbabago sa disposisyon. Sinasabi ng ilang tao: “Napakaraming taon na kaming nananampalataya sa Diyos at nakarinig na kami ng napakaraming sermon, pero hindi pa rin nagbabago ang mga disposisyon namin. Hindi ba’t naagrabyado kami? Kaunti lang ang naging pagbabago sa pag-uugali namin; hindi ba’t labis na kaawa-awa ito? Kailan ba kami sisimulang iligtas ng Diyos? Kailan namin matatanggap ang kaligtasan?” Kaya talakayin natin kung anong mga pakinabang at pagbabago na ang nangyari sa mga dumanas ng iba’t ibang aspektong ito ng gawain ng Diyos. Ngayon-ngayon lang ay may nagbanggit ng tungkol sa mga pagbabago sa pag-uugali; isa itong pangkalahatang pahayag. Sa mas partikular na pananalita, nang unang dumating sa iglesia at magpasan ng kanilang mga tungkulin ang mga tao, hindi pa sila napupungusan, at matinik sila tulad ng kaktus, gusto nilang sila ang may huling pasya sa mga bagay-bagay. Iniisip nila: “Ngayong nananampalataya na ako sa Diyos, mayroon na akong mga karapatan at kalayaan sa iglesia, kaya kikilos ako batay sa kung ano sa tingin ko ay tama.” Kalaunan, kapag dumaan na sila sa pagpupungos at pagdidisiplina, at kapag nabasa na nila ang mga salita ng Diyos, nakapakinig na sila sa mga sermon, at narinig na nila ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, hindi na sila naglalakas-loob na umasal nang ganito. Ang totoo, hindi pa sila ganap na sumusunod; nagkamit lang sila ng kaunting pagkaunawa at nakakaunawa lang sila ng ilang doktrina. Kapag nagsasabi ang iba ng mga bagay na umaayon sa katotohanan, kinikilala nila ang pagiging tama ng mga bagay na ito, at hindi man nila naiintindihang mabuti ang mga bagay na iyon, natatanggap nila ang mga ito. Hindi ba’t mas sumusunod na sila kaysa noon? Ang kakayahan nilang tanggapin ang mga bagay na ito ay nagpapakita na ang kanilang pag-uugali ay sumailalim sa ilang pagbabago. Paano nagkaroon ng mga pagbabagong ito? Ang mga ito ay lumitaw dahil sa payo at pag-udyok, at dahil na rin sa pag-alo, ng mga salita ng Diyos. Kung minsan, ang gayong mga tao ay nangangailangan ng ilang disiplina, ilang pagpupungos, pati na rin ng ilang pagbabahaginan sa mga prinsipyo, sinasabi sa kanilang ang isang bagay ay dapat gawin sa isang partikular na paraan at hindi maaaring gawin sa ibang paraan. Iniisip nila: “Kailangan ko itong tanggapin. Nakalantad na roon ang katotohanan; sino ang mangangahas na tumutol doon?” Sa sambahayan ng Diyos, ang Diyos ay dakila, ang katotohanan ay dakila, at ang katotohanan ay naghahari; sa pamamagitan ng teoretikal na pundasyong ito, ang ilang tao ay namulat na at naunawaan na kung ano ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos. Gawin nating halimbawa ang isang taong noong una ay mabangis at talipandas, ganap na hindi napipigilan, at walang alam sa mga patakaran, sa pananalig sa Diyos, sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, at sa mga prinsipyo sa pagganap ng tungkulin ng isang tao: Kapag ang gayong tao—na walang nalalaman—ay dumating sa sambahayan ng Diyos nang may kabaitan at sigasig, punong-puno ng mga “dakilang” hangarin at inaasam, at doon ay hinimok at pinayuhan, diniligan at pinakain, at pinungusan ng mga salita ng Diyos, at kinastigo at dinisiplina nang paulit-ulit, ilang pagbabago ang paunti-unting magaganap sa pagkatao ng taong iyon. Ano ang mga pagbabagong iyon? May mauunawaan siya sa mga prinsipyo ng pag-asal ng tao, at malalaman niya na noon ay wala pala siyang wangis ng tao; noon, siya ay mabangis, mapagmataas, masuwayin, at galit; nagsalita siya na hindi gaya ng isang aktuwal na tao at kumilos siya nang walang mga patakaran, at hindi niya alam hanapin ang katotohanan; inakala niya na ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos ay paggawa lamang ng anumang hinihingi ng Diyos at pagpunta sa kung saan man sabihin ng Diyos; na ibig sabihin, nagtaglay siya ng mabangis na kasiglahan, at sa buong panahong iyon ay naniwalang ito ay katapatan at pagmamahal sa Diyos. Ngayon, itinatatwa ng taong ito ang lahat ng bagay na iyon at alam niyang ang mga iyon ay mga bunga ng imahinasyon ng tao, mabuting pag-uugali lamang, at ang iba ay nagmumula pa nga kay Satanas. Dapat pakinggan ng mga mananampalataya ng Diyos ang mga salita ng Diyos at ituring ang katotohanan bilang ang pinakamahalaga sa lahat, at hayaan ang katotohanan na magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sa madaling sabi, sa teorya ay naunawaan at kinilala na ng lahat ng tao, at tinanggap na nila sa kaibuturan ng kanilang puso, na ang mga salitang ito na binigkas ng Diyos ay tama—na ang mga ito ang katotohanan, ang realidad ng mga positibong bagay—gaano man kalalim na nakaugat ang mga salitang ito sa kanilang mga puso at gaano man kalaki ang ginampanang tungkulin ng mga salitang ito. Paglaon, pagkatapos sumailalim sa isang antas ng hindi nakikitang pagtutuwid at disiplina, ilang sukat ng tunay na pananampalataya ang lumilitaw sa kanilang kamalayan. Mula sa kanilang dating malabong guni-guni tungkol sa Diyos hanggang sa pakiramdam na mayroon sila ngayon—na mayroong Diyos, at na Siya ay labis na praktikal—sa sandaling magkaroon ng ganitong damdamin ang mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ang kanilang mga saloobin at pananaw, mga paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, at pamantayang moral, pati na rin ang kanilang mga paraan ng pag-iisip, ay unti-unting magsisimulang magbago. Halimbawa, hinihingi ng Diyos na maging tapat ang mga tao. Kahit na kaya mo pa ring magsinungaling at maging mapanlinlang, alam mo sa kaibuturan mo na mali ang panlilinlang, at na ang pagsisinungaling at panlilinlang sa Diyos ay isang kasalanan, isang buktot na disposisyon—pero hindi mo mapigilan ang sarili mo. Halimbawa, ipagpalagay nating sa kasalukuyan ay may mapagmataas ka pa ring disposisyon. Minsan ay hindi mo mapigilan ang sarili mo, madalas mong ipinapakita ang disposisyong ito, at madalas kang naghihimagsik laban sa Diyos, gusto mo palaging mangibabaw at kumilos nang mag-isa, na ikaw ang magpasya. Pero alam mo rin na ito ay isang tiwaling disposisyon, at kaya mong manalangin sa Diyos tungkol dito. Kahit na walang kapansin-pansing pagbabago, nagsimula nang magbago nang paunti-unti ang pag-uugali mo. Kahit na hindi ka dumaan sa paghatol at pagkastigo, at bagama’t hindi pa nagbago ang disposisyon mo, unti-unting nililiwanagan ng katotohanan at ng mga salita ng Diyos ang kaibuturan ng puso mo, habang ginagabayan at binabago rin ang iyong pag-uugali, na ginagawa kang mamuhay nang mas katulad ng isang tao, unting-unting iminumulat ang konsensiya mo. Kung may ginagawa kang nagkakanulo sa iyong konsensiya, mararamdaman mong hindi mapalagay ang puso mo. Kapag tinatalakay ang bagay na iyon ay may nadarama ka; hindi ka na kasingmanhid ng dati, nagsisisi ka na, at handa ka nang iwasto ang sarili mo. Kahit pa hindi mo agad mabago ang disposisyon mo tungkol dito, kapag nakakanti nito ang kalagayan mo, mamamalayan mo na may ganito kang kalagayan; may kamalayan ka na sa loob mo, at binabago ng kamalayang ito ang pag-uugali mo. Ang gayong pagbabago ay pagbabago lamang sa pag-uugali. Bagama’t nangyayari ito at patuloy itong nangyayari, hindi ito kumakatawan sa pagbabago sa disposisyon; hinding-hindi ito pagbabago sa disposisyon. Maaaring hindi mapalagay ang ilang tao matapos nilang marinig ito, at sabihin nilang, “Malaking pagbabago na iyon pero hindi pa rin ito pagbabago sa disposisyon? Kung ganoon ano ba ang pagbabago sa disposisyon? Anu-ano bang pagbabago ang kasama sa pagbabago ng disposisyon?” Isantabi muna natin iyon sa ngayon; ipagpatuloy nating talakayin ang mga pagbabago na nakamit na ng mga tao, na mga epekto at resulta ng mga salita ng Diyos at ng lahat ng ginawa Niya sa mga tao. Nagsisikap ang mga tao na mabago ang mga iniisip at pananaw nila na hindi naaayon sa katotohanan. Kapag naharap sila sa mga usapin, magkakaroon sila ng kamalayan; ikukumpara nila ang usapin sa katotohanan, sasabihing, “Hindi naaayon ang usaping ito sa katotohanan, pero hindi ko pa mabitawan ang pananaw ko, naroroon pa rin ito.” Namalayan at natutuhan mo lang na ang pananaw mo ay hindi naaayon sa mga salita ng Diyos; mapatutunayan ba nito na nagbago na o na nabitawan mo na ang pananaw mo? Hindi. Hindi pa nagbabago at hindi pa nabibitawan ang pananaw mo, na nagpapatunay na nananatiling buo pa rin ang tiwaling disposisyon mo at hindi pa ito nagsisimulang magbago; tinanggap pa lamang ng kamalayan mo, ng kaibuturan ng puso mo, ang mga salita ng Diyos at itinuring ang mga iyon bilang ang katotohanan. Pero teoretikal at personal na kahilingan lamang ito—hindi mo pa nagiging buhay at realidad ang mga salita ng Diyos. Kapag naging realidad mo na ang mga salita ng Diyos, bibitiwan mo na ang mga pananaw mo, at tatratuhin mo ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay, pati na rin ang lahat ng nangyayari sa paligid mo, gamit ang mga pananaw ng mga salita ng Diyos.

Nasaang yugto na ang buhay pagpasok ninyo ngayon? Nalaman mo nang mali ang mga pananaw mo, pero umaasa ka pa rin sa mga pananaw mo para mabuhay, at ginagamit mo ang mga iyon para sukatin ang gawain ng Diyos. Ginagamit mo ang mga kaisipan at pananaw mo para husgahan ang mga sitwasyong inilalatag ng Diyos para sa iyo, at tinatrato mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mga iniisip at pananaw. Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Hindi ba’t kakatwa ito? Katiting na doktrina lamang ang nauunawaan ng mga tao, pero gusto nilang timbangin ang mga kilos ng Diyos. Hindi ba’t sobrang kayabangan ito? Tinatanggap mo lang ngayon na mabuti at tama ang mga salita ng Diyos, at, kung titingnan ang panlabas mong pag-uugali, hindi mo ginagawa ang mga bagay na halata namang sumasalungat sa katotohanan, lalo nang hindi mo ginagawa ang mga bagay na humuhusga sa gawain ng Diyos. Nagagawa mo ring magpasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Mula sa pagiging isang walang pananampalataya ay nagiging isa kang tagasunod ng Diyos na may asal ng isang banal. Mula sa pagiging isang taong malinaw na namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at ayon sa mga konsepto, kautusan at kaalaman ni Satanas, ay nagiging isa kang taong matapos marinig ang mga salita ng Diyos, ay nadarama na katotohanan ang mga iyon, tinatanggap ang mga iyon, at hinahangad ang katotohanan, at nagiging isa kang tao na kayang yakapin ang mga salita ng Diyos bilang kanyang buhay. Ganoong uri iyon ng proseso—wala nang iba. Sa panahong ito, ang pag-uugali at mga paraan mo ng paggawa sa mga bagay-bagay ay siguradong daraan sa ilang pagbabago. Para sa Diyos, kahit gaano ka pa magbago, ang naipapamalas mo ay mga pagbabago lang sa iyong pag-uugali at mga pamamaraan, mga pagbabago sa iyong mga pinakatatagong pagnanais at adhikain. Ito ay walang iba kundi mga pagbabago sa iyong mga kaisipan at pananaw. Maaaring sa ngayon ay kaya mong ihandog sa Diyos ang buhay mo kapag nag-ipon ka ng lakas at may bugso ka ng damdamin, pero hindi ka ganap na makapagpasakop sa Diyos sa isang bagay na talagang hindi mo nagugustuhan. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Siguro, dahil sa mabuting puso mo ay nagagawa mong ialay sa Diyos ang iyong buhay at lahat-lahat, at sabihing, “Handa ako at gusto kong ibigay ang buhay ko para sa Diyos. Sa buhay na ito ay wala akong mga pinanghihinayangan at mga inirereklamo! Tinalikuran ko na ang pag-aasawa, ang mga makamundong inaasam, ang lahat ng kaluwalhatian at kayamanan, at tinatanggap ko ang mga sitwasyong ito na inilatag ng Diyos. Kaya kong tiisin ang lahat ng panunuya at paninirang-puri ng mundo.” Pero sa sandaling ilatag ng Diyos ang isang sitwasyon na hindi tugma sa mga kuru-kuro mo, kaya mong sumalungat at tumutol sa Kanya at lumaban sa Kanya. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Posible ring kaya mong ialay ang iyong buhay para sa Diyos at talikuran ang mga taong pinakamamahal mo, o ang bagay na pinakamamahal mo, na pinakahindi kayang mawala ng puso mo—pero kapag tinawag ka para magsalita sa Diyos mula sa puso, at maging isang matapat na tao, nahihirapan ka at hindi mo ito magawa. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Gayunman, siguro ay hindi ka nagnanasa ng kaginhawahan ng laman sa buhay na ito, ni kumakain ng masasarap na pagkain o nagsusuot ng magagarang kasuotan, araw-araw ay nagpapakapagod ka sa gawain at inuubos mo ang lakas mo sa iyong tungkulin. Matitiis mo ang lahat ng klase ng pasakit na idinudulot sa iyo ng laman, pero, kung hindi umaayon sa iyong mga kuru-kuro ang mga pagsasaayos ng Diyos, hindi ka makaunawa, at nagkakaroon ka ng mga hinaing laban sa Diyos at maling pagkaunawa sa Kanya. Unti-unting nagiging abnormal ang relasyon mo sa Diyos. Palagi kang lumalaban at naghihimagsik, hindi mo magawang lubos na makapagpasakop sa Diyos. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Handa kang ialay ang buhay mo para sa Diyos, kung gayon bakit hindi ka makapagsabi ng isang tapat na salita sa Kanya? Handa kang isantabi ang lahat ng bagay na walang kinalaman sa iyo, kung gayon bakit hindi mo magawang maging tapat na lang sa atas na ibinigay sa iyo ng Diyos? Handa kang ialay ang buhay mo para sa Diyos, kung gayon bakit hindi mo mapagnilayan ang sarili mo kapag umaasa ka sa mga damdamin mo upang gawin ang mga bagay-bagay at itaguyod ang relasyon mo sa iba? Bakit hindi ka makapagpasyang itaguyod ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ganito ba ang isang taong namumuhay sa harap ng Diyos? Gumawa ka na ng panata sa Diyos na gugugulin mo ang sarili mo para sa Kanya nang buong buhay mo at tatanggapin mo ang anumang pagdurusang makaharap mo, kung gayon bakit sa minsanang pagkatanggal mo sa tungkulin mo ay nalulugmok ka na nang labis sa pagiging negatibo na hindi ka na makabangon sa loob ng napakaraming araw? Bakit puno ng paglaban, hinaing, maling pagkaunawa, at pagiging negatibo ang puso mo? Ano ang nangyayari? Ipinapakita nito na ang pinakamamahal ng puso mo ay ang katayuan, at may kinalaman ito sa “nakapagpapabagsak na kahinaan” mo. Kaya, kapag tinanggal ka, bumabagsak ka at hindi ka na makabangon. Sapat na ito para patunayan na bagaman nagbago na ang pag-uugali mo, ang buhay disposisyon mo ay hindi pa nagbabago. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon.

Karamihan ng tao ngayon ay nagpapakita ng ilang mabuting pag-uugali, pero iilan-ilan lang ang naghahanap sa katotohanan o tumatanggap dito, at halos walang may totoong pagpapasakop. Mula sa perspektibang ito, maraming tao ang dumaranas lamang ng mga pagbabago sa pag-uugali at pagbabago sa kanilang mga iniisip at pananaw; handa at may adhikain silang tumanggap at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala silang hinanakit sa kanilang puso. Sabihin ninyo sa Akin, naranasan na ba ng mga taong ito ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. (Hindi pa.) Sa kasamaang-palad, ang mga patotoong batay sa karanasan na ibinahagi ninyo dati ay hindi kinasasangkutan ng paghatol at pagkastigo ng Diyos; malayo ang mga iyon sa mga hinihingi ng Diyos. Hangga’t hindi mo pa nararanasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi pa nagsisimulang magbago ang disposisyon mo. Kung hindi pa nagsisimulang magbago ang disposisyon mo, ang mga pagbabagong nakikita mo ay mga pagbabago lamang sa pag-uugali. Ang gayong mga pagbabago sa pag-uugali ay dahil sa iyong pakikipagtulungan, ang isang dahilan ng mga iyon ay ang iyong mabuting pagkatao, at mga epekto iyon ng gawain ng Diyos. Iniisip mo ba talaga na hanggang dito lang gagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao? (Hindi.) Kung ganoon ano ang susunod na gagawin ng Diyos? Ano ang pangunahing gawaing ginagawa ng Diyos kapag inililigtas Niya ang mga tao? (Ang paghatol at pagkastigo.) Ang pangunahing pamamaraang ginagamit ng Diyos para iligtas ang mga tao ay ang paghatol at pagkastigo. Pero sa kasamaang-palad, halos wala pang sinuman ang nagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Samakatuwid, ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao, ng pagpeperpekto sa kanila, at pagbabago sa kanilang mga disposisyon ay hindi pa opisyal na nagsisimula. Bakit hindi pa ito opisyal na nagsisimula? Dahil ang gawaing ito ng Diyos ay hindi pa pwedeng isagawa sa mga tao. Bakit hindi pa ito pwedeng isagawa? Dahil sa kasalukuyang kalagayan, tayog, at kayang gawin ng mga tao, malayo pa rin sila sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, kaya hindi maituloy ng Diyos ang Kanyang gawain. Nangangahulugan ba iyong titigil na ang Diyos sa Kanyang gawain? Hindi, naghihintay ang Diyos. Ano pa ang ginagawa Niya habang naghihintay? Pinadadalisay Niya ang iglesia, nililinis ito mula sa mga gumagambala at gumugulo, mga anticristo, masasamang espiritu, masasamang tao, mga hindi mananampalataya, mga hindi tunay na nananalig sa Kanya, at mga ni hindi kayang magtrabaho. Tinatawag itong paglilinis ng taniman; tinatawag din itong pagtatahip. Ang paglilinis ba ng taniman ang pangunahing gawain ng Diyos sa panahong ito? Hindi, sa panahong ito, patuloy na gagawa ang Diyos sa inyo sa pamamagitan ng pag-uudyok ng mga salita, pagdidilig, pag-aalaga, pagpupungos, pagwawasto, at pagdidisiplina sa inyo. Hanggang sa anong antas? Kapag lamang nagtataglay na ang mga tao ng mga pangunahing kondisyon para tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay saka sisimulan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ngayon sabihin ninyo sa Akin, batay sa inyong mga haka-haka at panghuhusga, anu-anong mga kondisyon ang dapat matugunan ng mga tao bago simulan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo? Makikita mo na ginagawa ng Diyos ang lahat sa takdang oras nito. Hindi Siya gumagawa nang basta-basta. Ang Kanyang gawain ng pamamahala ay sumusunod sa planong ginawa Niya, at ginagawa Niya ang lahat sa paisa-isang hakbang, hindi basta-basta. At ano naman ang mga hakbang na iyon? Ang bawat hakbang ng gawain na ginagawa ng Diyos sa mga tao ay kailangang umepekto, at kapag nakikita Niya na umeepekto iyon, ginagawa Niya ang sunod na hakbang ng gawain. Alam ng Diyos kung paano maaaring umepekto ang Kanyang gawain, kung ano ang kailangan Niyang sabihin at gawin. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain ayon sa pangangailangan ng mga tao, hindi nang basta-basta. Anumang gawain na magiging epektibo sa mga tao, ginagawa iyon ng Diyos, at anumang walang kinalaman sa pagiging epektibo, siguradong hindi iyon ginagawa ng Diyos. Halimbawa, kapag kailangan ng mga negatibong materyal sa pagtuturo kung saan maaaring magkaroon ng pagkakilala ang mga taong hinirang ng Diyos, maglilitawan sa iglesia ang mga huwad na cristo, anticristo, masasamang espiritu, masasamang tao, at mga nanggugulo at nanggagambala, kung saan maaaring magkaroon ng pagkakilala ang iba. Kung nauunawaan ng mga taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at natutukoy nila ang gayong mga tao, nakagawa na ng serbisyo ang mga taong iyon, at wala nang halaga ang pag-iral nila. Sa panahong iyon, kikilos ang mga taong hinirang ng Diyos para ilantad at iulat sila, at agad silang aalisin ng iglesia. Ang buong gawain ng Diyos ay may mga hakbang, at lahat ng hakbang na iyon ay isinaayos ng Diyos batay sa kinakailangan ng tao sa kanyang buhay at kanyang tayog. Ano ang talagang kailangan ng mga tao, at bakit nagpapakita sa iglesia ang mga anticristo at masasamang tao? Sa pangkalahatan, ang mga tao ay nalilito sa mga usaping ito at hindi nila nauunawaan kung ano ang nangyayari sa mga usaping ito. Dahil hindi nauunawaan ng ilang tao ang gawain ng Diyos, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, at nagrereklamo pa nga, sinasabing, “Paanong nakakapagpakita ang mga anticristo sa iglesia ng Diyos? Bakit hindi ito tinutugunan ng Diyos?” Kapag lamang nabasa na nila ang mga salita ng Diyos na nagsasabi na ang mga pangyayaring ito ay nilalayon para matuto ng mga aral ang mga tao at para magkaroon sila ng pagkilatis ay saka sila maliliwanagan at saka nila mauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa simula, walang pagkilatis ang mga tao sa masasamang tao. Kapag pinatatalsik ng iglesia ang mga gayong tao, nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao; iniisip nilang ang mga pinatalsik ay marami nang naihandog at kaya ng mga iyon na magtiis ng paghihirap, at iniisip nilang hindi dapat pinatalsik ang mga taong iyon. Pagkatapos ay lumalaban na sila sa ginawa ng Diyos. Pero pagkatapos makaranas nang kaunti, nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at nagkakaroon sila ng abilidad na matukoy ang masasamang tao. Ngayon, kapag pinapatalsik ang isang masamang tao, hindi na sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro o lumalaban. Kapag nakakita sila uli ng isang masamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, kaya na nilang makilala ito, at nagtutulungan ang lahat para iulat ang taong iyon at paalisin iyon bago pa makagawa ng malaking pinsala. Pagkatapos noon, ang masasamang taong ito ay wala nang katayuan sa sambahayan ng Diyos. Paano ito nakakamit? Paano nagkaroon ng ganitong pagkilatis ang mga tao? Ito ay gawa ng Diyos. Kung wala ang gawain ng Diyos, hindi mauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito. May pagkakasunod-sunod ang gawain ng Diyos, at ang mga hakbang ng pagkakasunod-sunod na ito ay natutukoy batay sa mga hinihingi ng buhay ng tao. Pero hindi malinaw sa mga tao mismo kung ano ba ang talagang kailangan nila, magugulo ang isip nila. Kaya, maipagpapatuloy lamang ng Diyos ang gawain Niya, magsasaayos Siya ng maraming aral para matutuhan ng mga tao, na nagbibigay kakayahan sa kanilang pumasok sa katotohanang realidad at makamit ang mga resultang hinihingi Niya. Nauunawaan man o hindi ng mga tao, walang sawang ipinagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang gawain—ito ang pagmamahal ng Diyos. Katulad lang ito ng kung paano pinupungusan ng Diyos ang isang tao: Kung magkamali ito, pupungusan ito ng Diyos; kung magkamali na naman ito, pupungusan Niya itong muli. Kung mabunyag na naman ito, pupungusan itong muli ng Diyos. Matiyagang gumagawa ang Diyos hanggang sa ang taong ito ay tunay na magkamit ng pagkaunawa, hindi na maging manhid, at maging kasingsensitibo na ng isang taong nakahawak ng isang may kuryenteng kable kapag nahaharap na naman sa mga kaparehong sitwasyon, hindi na nagkakamali. Pagkatapos, sapat na iyon, at titigil na ang Diyos sa Kanyang gawain. Kapag naharap ka na naman sa mga bagay na ito at kaya mo nang pamahalaan ang mga ito nang mag-isa at nang naaayon sa mga prinsipyo, hindi na kailangan pang mag-alala ng Diyos. Pinatutunayan nito na naunawaan mo na ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ng Diyos, nayakap mo na ang mga iyon sa iyong puso, at naging buhay mo na ang mga iyon. Sa puntong iyon, titigil na ang Diyos sa Kanyang gawain. Ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, at pagkatapos mong maranasan ang mga iyon, makikita mo ang diwa at karunungan ng Diyos; hindi ito maikakaila at 100 porsyento itong sigurado.

Kasasabi lamang ngayon na ang mga hakbang ng gawain ng Diyos ay may kinalaman sa pagbabago sa disposisyon ng mga tao. Ang gawain ng Diyos ay hindi ang tulutan ang mga tao na sumailalim sa bahagyang pagbabago sa pag-uugali, maunawaan ang ilang panuntunan, at magkaroon ng kaunting wangis ng tao, at pagkatapos ay ideklara iyon na isa nang malaking tagumpay. Kung ganoon iyon, natapos na sana ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ano ba ang gusto ng Diyos? (Ang pagbabago sa disposisyon ng mga tao.) Tama, ang pagbabago sa disposisyon ang dapat taglayin ng mga taong totoong naligtas. Ang gusto ng Diyos ay hindi lamang pagbabago sa ugali ng mga tao, kundi higit pa rito, ang pagbabago sa kanilang disposisyon; ito ang pamantayan sa pagiging naligtas. Kababanggit lamang din ngayon sa ilang pagbabago sa pag-uugali, tulad ng kakayahang talikuran ang mga bagay-bagay at ibigay ang buhay para sa Diyos—malinaw na mga pagbabago sa pag-uugali ang mga ito. Pero kung walang katapatan ang isang tao sa mga atas ng Diyos, kung nakakakilos pa rin siya nang pabasta-basta, at may panlilinlang pa rin, ang ibig sabihin nito ay wala pang pagbabago sa disposisyon. Ang mga tao ngayon ay kapuri-puri lamang sa kanilang pag-uugali; mukhang mas napapantayan nila ang kilos ng isang banal, umaasal sila nang mas may pagkatao, at mayroon silang kaunting dignidad at integridad. Gayunpaman, gaano man nagpapakita ng mabuting pag-uugali ang isang tao, kung wala naman itong kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan, at hindi ito isinasabuhay mula sa kanilang konsensiya, katwiran, at normal na pagkatao, wala itong kinalaman sa pagbabago sa disposisyon at hindi ito ang gusto ng Diyos. Kung titingnan ito nang ganito, pagdating sa kasalukuyan ninyong pag-uugali, gaano man kayo sumunod sa mga panuntunan, gaano man kayo kamasunurin, gaano man ninyo maaaring ibigay ang buhay ninyo, o gaano man kalaki ang mga adhikain inyo, nagawa ba ninyong makuntento ang Diyos? Natugunan na ba inyo ang mga hinihingi ng Diyos? (Hindi.) Napakatataas ba ng hinihingi ng Diyos? Iniisip ng ilang tao, “Masyado nang masunurin ang mga tao ngayon, paanong hindi pa rin nila natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos?” Ano sa tingin ninyo, ang pagsunod bang ito ay pagpapasakop? (Hindi.) Tama iyan. Ang pagsunod na ito ngayon ay pagkakaroon lamang ng kaunting pagkamakatwiran, at lahat ng iyon ay resulta ng pagdidisiplina ng Diyos. Ang lahat ng iyon ay epektong nakamit ng pagdidisiplina ng Diyos; pagkatapos lamang ng masinsinang pagsasalita ng Diyos ng napakaraming salita saka namulat ang konsensiya ng mga tao, na napukaw ang pagkadama ng konsensiya ng mga tao, at na nagsimula silang magsabuhay ng kaunting wangis ng pagkatao, na magkaroon ng ilang panuntunan sa paggawa ng mga bagay-bagay, na matutong magtanong sa anumang ginagawa nila, at makaramdam ng kaunting pagsaway kapag kumikilos sila laban sa mga prinsipyo. Sa madaling salita, hindi natutugunan ng mga pagbabago sa pag-uugali ang mga kondisyon para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos; hindi gusto ng Diyos ang pagbabago sa pag-uugali ng mga tao. Kung gayon, ano ang gusto ng Diyos? Ang gusto Niya ay ang pagbabago sa disposisyon nila. At ano nga ba ang mga pagpapamalas ng pagbabago sa disposisyon? Hanggang sa anong antas ba sila dapat magbago sa iba’t ibang aspekto para maging kwalipikado sila sa paghatol at pagkastigo ng Diyos? Dapat silang magbago hanggang sa antas na makikita ng Diyos ang pagganap ng taong ito sa lahat ng aspekto—kayang-kaya ng taong ito na gampanan nang husto ang kanyang mga tungkulin, at kaya niyang tanggapin ang pagpupungos, kaya niyang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, kaya niyang sumunod sa Diyos kapag nahaharap sa mga kapighatian at pagsubok, at kaya talaga niyang tanggapin ang anumang sinasabi ng Diyos at magpasakop dito; kahit pa hindi siya pangasiwaan ng iba, at maharap siya sa mga tukso, kaya niyang pigiling gumawa ng masasamang bagay, at hindi gumawa ng kahit kaunting kasamaan. Sa mga mata ng Diyos, pasok sa pamantayan ang mga gayong tao; kwalipikado silang pormal na makatanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, na siyang karagdagang hakbang sa gawain ng pagliligtas at pagpeperpekto sa kanila ng Diyos. Anong klaseng palatandaan, anong klaseng pamantayan, ang mayroon dito—alam ba ninyo? (Ang naisip ko ay, sa pagwawasto at pagdidisiplina ng Diyos, unti-unting mababawi ng isang tao ang kanyang konsensiya at katwiran at, kasama ng ilang pagbabago sa kanyang pag-uugali, sa kalaunan ay magagawa niyang gampanan nang tapat ang kanyang mga tungkulin. Pagkatapos ay baka simulan nang gawin ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa taong iyon.) Sumasang-ayon ba kayong lahat sa pahayag na ito? (Oo.) Mabuti, pero isang kondisyon lamang ito. Bago isakatuparan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa isang tao, susuriin ng Diyos ang taong ito. Paano Niya ito sinusuri? May ilang pamantayan ang Diyos. Una, pinagmamasdan Niya ang saloobin nito sa Kanyang mga atas; na ang ibig sabihin, kung ano ang saloobin ng taong ito sa mga tungkuling dapat niyang gampanan, kung buong puso ba nitong magagampanan ang kanyang mga tungkulin, sa abot ng kanyang makakaya, at nang may katapatan. Sa madaling salita, pinagmamasdan ng Diyos kung matutugunan ba ng mga tao ang pamantayan sa hustong pagganap sa tungkulin—ito ang unang aspekto. Direkta itong may kinalaman sa buhay ng pananalig sa Diyos at sa pang-araw-araw na gawaing ginagawa ng mga tao. Bakit inilalatag ng Diyos ang aspektong ito bilang isang kondisyon, bilang isang pamantayan sa pagsusuri? Ano ang dahilan sa likod nito—alam ba ninyo? Kapag ipinagkakatiwala ng Diyos ang isang gawain sa isang tao, napakahalaga ng saloobin ng taong iyon—ganito Niya sinusuri ang isang tao. Ipinagkatiwala ng Diyos ang gawaing ito sa taong ito; paano ito tatratuhin ng isang taong may konsensiya kumpara sa isang taong walang konsensiya? Paano ito tatratuhin ng isang taong may katwiran kumpara sa isang taong walang katwiran? May pagkakaiba sa pagitan ng mga ito. Ang konsensiya at pagkamakatwiran ay mga katangiang dapat taglayin ng pagkatao ng isang tao. Bukod pa rito, ang pagkakaroon lamang ng kaunting pagkadama ng konsensiya o kaunting pagkamakatwiran ay hindi sapat. Kung mababawi ng mga tao ang konsensiya at pagkamakatwiran nila, may wangis na ba sila ng mga tao? Naabot na ba nila ang katotohanang realidad? Hindi, hindi pa iyon sapat; pinagmamasdan din ng Diyos ang landas na tinatahak ng mga tao sa panahon ng pagganap nila sa kanilang tungkulin. Anong klaseng landas na tinatahak ng mga tao ang makatutugon sa hinihinging pamantayan ng Diyos? Una, ang hindi gumawa ng masama at ang magpasakop habang gumaganap ng tungkulin ang pinakamababang pamantayan. Kung kaya ng isang tao na gumawa ng kasamaan, wala nang pag-asa ang taong ito; hindi siya ang klase ng taong gustong iligtas ng Diyos. Dagdag pa rito, sa pagtrato sa mga atas ng Diyos, maliban pa sa pamamahala sa mga iyon nang may konsensiya at pagkamakatwiran, may mas malaking pangangailangan na hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos. Kahit na ano pa ang sitwasyon, naaayon man o hindi sa iyong mga kuru-kuro o imahinasyon ang bagay na kinakaharap mo, dapat mong panatilihin ang saloobin ng pagpapasakop. Sa puntong ito, ang ninanais ng Diyos ay ang mapagpasakop mong saloobin. Kung tinatanggap mo lang na katotohanan at tama ang lahat ng salita ng Diyos, nagpapasakop na saloobin na ba iyon? Hinding-hindi. Ano ang praktikal na panig ng isang nagpapasakop na saloobin? Ganito iyon: Dapat mong magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos. Bagama’t mababaw ang buhay pagpasok mo, at hindi sapat ang tayog mo, at kulang pa sa lalim ang kaalaman mo sa praktikal na panig ng katotohanan, nagagawa mo pa ring sumunod sa Diyos at magpasakop sa Kanya—iyon ang saloobin ng pagpapasakop. Bago mo makamit ang ganap na pagpapasakop, dapat ka munang magkaroon ng isang saloobin ng pagpapasakop, ibig sabihin, dapat mong tanggapin ang mga salita ng Diyos, paniwalaang tama ang mga iyon, tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at magawang itaguyod ang mga iyon bilang mga patakaran kahit pa wala kang maayos na pagkaarok sa mga prinsipyo. Iyon ay isang uri ng saloobin ng pagpapasakop. Dahil hindi pa nagbabago ang disposisyon mo ngayon, kung gusto mong makamit ang tunay na pagpapasakop sa Diyos, dapat ka munang magkaroon ng mentalidad ng pagpapasakop at maghangad na magpasakop, at sabihing, “Magpapasakop ako anuman ang gawin ng Diyos. Wala akong masyadong nauunawaang katotohanan, pero alam ko na kapag sinabi sa akin ng Diyos kung anong gagawin, gagawin ko ito.” Nakikita ito ng Diyos bilang isang saloobin ng pagpapasakop. Sinasabi ng ilang tao, “Paano kung mali ako sa pagpapasakop sa Diyos?” Magagawa bang magkamali ng Diyos? Ang Diyos ay katotohanan at katwiran. Hindi nagkakamali ang Diyos; marami lang talagang ginagawa ang Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Dapat mong sabihin, “Sumasang-ayon man o hindi sa aking mga kuru-kuro ang ginagawa ng Diyos, tutuon lamang ako sa pakikinig, pagpapasakop, pagtanggap, at pagsunod sa Diyos. Ito ang dapat kong gawin bilang isang nilikha.” Kahit pa may mga taong hinuhusgahan ka bilang taong pikit-matang nagpapasakop, hindi ka dapat mag-alala. Nakasisiguro ang puso mo na ang Diyos ay katotohanan, at na dapat kang magpasakop. Tama ito, at iyon ang klase ng mentalidad na dapat mayroon ang isang tao sa kanyang pagpapasakop. Tanging ang mga taong nagtataglay ng gayong mentalidad ang makapagkakamit sa katotohanan. Kung wala kang mentalidad na tulad nito, kundi sinasabi mong, “Hindi ako nagpaparaya kapag iniinis ako ng iba. Walang makapanloloko sa akin. Masyado akong matalino at hindi ako mapapasakop sa anumang bagay! Anumang kaharapin ko, kailangan ko itong tingnan at suriin. Kapag lamang naaayon ito sa mga pananaw ko, at matatanggap ko ito, saka ako magpapasakop”—saloobin ba iyon ng pagpapasakop? Hindi iyon saloobin ng pagpapasakop; kawalan iyon ng mapagpasakop na mentalidad, kawalan ng layunin sa puso ng isang tao na magpasakop. Kung sinasabi mong, “Kahit na Diyos pa ito, kailangan ko pa ring tingnan ito. Kahit pa mga hari at reyna ay ganoon din ang pagtrato ko. Ang sinasabi Mo sa akin ay walang saysay. Totoong isa akong nilikha, pero hindi ako hangal—kaya huwag Mo akong tratuhin na para bang ganoon ako,” kung gayon ay tapos ka na; wala ka ng mga kondisyon para matanggap ang katotohanan. Walang anumang pagkamakatwiran ang gayong mga tao. Wala silang taglay na normal na pagkatao, kung gayon hindi ba’t sila ay halimaw? Kung walang pagkamakatwiran, paano makakamit ng isang tao ang pagpapasakop? Para makamit ang pagpapasakop, dapat munang magkaroon ang isang tao ng mapagpasakop na mentalidad. Kapag mayroong mentalidad ng pagpapasakop ay saka lamang masasabing may pagkamakatwiran ang isang tao. Kung wala siyang mentalidad ng pagpapasakop, wala siyang anumang pagkamakatwiran. Ang mga tao ay mga nilikha; paano nila malinaw na makikita ang Lumikha? Sa loob ng 6,000 taon ay hindi pa nagawang maunawaan ng buong sangkatauhan ang isa sa mga ideya ng Diyos, kaya paanong sa isang iglap ay mauunawaan ng mga tao kung ano ang ginagawa ng Diyos? Hindi mo ito kayang maunawaan. Maraming bagay ang ginagawa na ng Diyos sa loob ng libu-libong taon, at ang ibinunyag na ng Diyos sa sangkatauhan, pero kung hindi Niya ito ipinaliwanag sa mga tao, hindi pa rin nila mauunawaan. Siguro ay literal mong nauunawaan ngayon ang mga salita Niya, pero kakaunti lang ang talagang mauunawaan mo paglipas ng dalawampung taon. Ganito kalaki ang agwat sa pagitan ng mga tao at ng mga hinihingi ng Diyos. Dahil dito, dapat magtaglay ng pagkamakatwiran at ng mentalidad ng pagpapasakop ang mga tao. Mga langgam at uod lamang ang mga tao, pero hinihiling nilang makita nang malinaw ang Lumikha. Lubha itong hindi makatwiran. Palaging nagrereklamo ang ilang tao na hindi sinasabi ng Diyos sa kanila ang mga hiwaga Niya, at hindi direktang ipinaliliwanag ang katotohanan, palaging pinaghahanap ang mga tao. Pero ang pagsasabi ng mga ganitong bagay ay hindi tama, at hindi makatwiran. Gaano karami sa lahat ng salitang ito na sinabi sa iyo ng Diyos ang nauunawaan mo? Gaano karaming salita ng Diyos ang kaya mong isagawa? Ang gawain ng Diyos ay palaging nangyayari nang hakbang-hakbang. Kung noong 2,000 taon na ang nakakalipas ay sinabi na ng Diyos sa mga tao ang tungkol sa gawain Niya sa mga huling araw, mauunawaan kaya nila? Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Panginoong Jesus ay naging wangis ng makasalanang laman, at naging handog para sa kasalanan para sa buong sangkatauhan. Kung sa panahong iyon ay sasabihin Niya ito sa mga tao, sinong makakaunawa? At ngayon, nauunawaan ng mga taong katulad ninyo ang ilang konseptuwal na teorya, pero pagdating sa mga katotohanang tulad ng tunay na disposisyon ng Diyos, ang layunin ng Diyos sa pagmamahal sa sangkatauhan, at ang pinagmulan at plano sa likod ng mga bagay na ginawa ng Diyos nang panahong iyon, hindi iyon magagawang maunawaan ng mga tao kailanman. Ito ang hiwaga ng katotohanan; ito ang diwa ng Diyos. Paano ito malinaw na makikita ng mga tao? Lubos na hindi makatwiran na hilingin mong makita nang malinaw ang Lumikha. Masyado kang mapagmataas at masyadong mataas ang tingin mo sa mga abilidad mo. Hindi dapat hilingin ng mga tao na makita nang malinaw ang Diyos. Mabuti na nga kung mauunawaan nila ang ilan sa katotohanan. Pagdating naman sa iyo, sapat nang tagumpay ang maunawaan mo ang kaunting katotohanan. Samakatuwid, makatwiran bang magkaroon ng mentalidad ng pagpapasakop? Ganap na makatwirang bagay ang gawin ito. Ang mentalidad at saloobin ng pagpapasakop ang pinakamababang dapat taglayin ng bawat nilikha.

Ang pagkakamit ng sapat at tapat na pagganap sa tungkulin ng isang tao, at pagtataglay ng mentalidad ng pagpapasakop—gaano katagal ito inaabot? Nangangailangan ba ito ng partikular na dami ng mga taon? Walang takdang haba ng panahon, at nakadepende ito sa paghahangad ng isang tao, sa adhikain niya, sa antas ng pag-asam niya sa katotohanan. Nakadepende rin ito sa kanyang likas na konsensiya, katwiran, kakayahan, at kabatiran. Kapag nagkamit na ng saloobin ng pagpapasakop, agad-agad pagkatapos niyon, magkakaroon na ng higit pang mga pagbabago sa pananalita, mga kilos, at pag-uugali ng isang tao. Ano ang mga pagbabagong ito? Sa mga mata ng Diyos, sa kabuuan ay isa ka nang matapat na tao ngayon. Ano ang ibig sabihin ng sa kabuuan ay isa ka nang matapat na tao? Ibig sabihin ay nabawasan na ang aspekto ng sadyang pagsisinungaling sa iyong pananalita at pag-uugali; walumpung porsyento ng sinasabi mo ay totoo. Minsan, dahil sa kawalan ng kahihiyan, mga sitwasyon, o iba pang kadahilanan, hindi sinasadyang nakakapagsinungaling ka, at hindi ka komportable na para bang nakalulon ka ng patay na langaw; hindi ka mapalagay sa loob ng ilang araw. Inaamin mo ang pagkakamali mo at nagsisisi ka sa Diyos, at pagkatapos, ay may mga pagbabago—pakaunti na nang pakaunti ang mga kasinungalingan mo, at bumubuti na ang kalagayan mo. Sa mga mata ng Diyos, sa kabuuan ay isa ka nang matapat na tao. Sinasabi ng ilang tao, “Kung sa kabuuan ay matapat na ang isang tao, hindi ba’t nagbago na ang disposisyon niya?” Ganoon ba iyon? Hindi, pagbabago lang iyon sa pag-uugali. Sa mga mata ng Diyos, ang magawang maging isang matapat na tao ay kinasasangkutan ng higit pa sa pagbabago lamang sa asal at pag-uugali; kinasasangkutan din ito ng napakahahalagang pagbabago sa mentalidad at mga pananaw ng isang tao sa mga usapin. Wala na siyang layuning magsinungaling o manlinlang, at ganap na wala nang pagkukunwari o panlilinlang sa sinasabi at ginagawa niya. Nagiging mas totoo na ang mga salita at gawa niya, at dumarami na ang matatapat na salita. Halimbawa, kapag tinanong ka kung may nagawa ka, kahit pa ang pag-amin dito ay magdudulot na masampal o maparusahan ka, masasabi mo pa rin ang katotohanan. Kahit pa ang pag-amin dito ay nangangahulugan ng pagpasan ng malaking responsabilidad, pagharap sa kamatayan o pagkawasak, masasabi mo pa rin ang katotohanan at handa kang isagawa ang katotohanan para mapalugod ang Diyos. Ipinahihiwatig nito na ang saloobin mo sa mga salita ng Diyos ay naging napakatatag na. Kahit kailan pa, ang pagpili sa isa sa mga pamantayan ng pagsasagawang hinihingi ng Diyos ay hindi na naging isyu pa sa iyo; natural mo itong nakakamit at naisasagawa nang hindi napipigilan ng mga panlabas na sitwasyon, ng paggabay ng mga lider at manggagawa, o ng pagkadama ng pagsisiyasat ng Diyos sa tabi mo. Nagagawa mong mag-isa ang mga ito nang walang kahirap-hirap. Dahil hindi ka napipigilan ng mga panlabas na sitwasyon, at hindi dahil sa takot sa pagdidisiplina ng Diyos, ni dahil sa takot sa pang-uusig ng konsensiya mo, at lalong hindi dahil sa takot sa pangungutya o pagbabantay ng iba—hindi dahil sa alinman sa mga ito—kaya mong maagap na suriin ang pag-uugali mo, sukatin ang kawastuhan nito, at timbangin kung nakakasunod ba ito sa katotohanan at kung napapalugod ba nito ang Diyos. Sa puntong iyon, sa kabuuan ay natugunan mo na ang pamantayan ng pagiging isang matapat na tao sa mga mata ng Diyos. Ang pagiging matapat na tao sa kabuuan ay ang ikatlong pangunahing kondisyon para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos.

Katatapos lamang natin pagbahaginan ang tatlong kondisyon para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos: Ang una ay ang hustong pagganap ng isang tao sa tungkulin, ang ikalawa ay ang pagkakaroon ng saloobin ng pagpapasakop, at ang ikatlo ay ang pagiging matapat na tao sa kabuuan. Paano sinusuri ang ikatlong kondisyon na ito? Ano ba ang mga pamantayan? (Mas madalang nang sadyang magsinungaling ang isang tao, at mas madalas nang magsabi ng totoo.) Ibig sabihin nito ay kadalasan nang nagagawang sabihin ang totoo; dapat masuri ninyong lahat ang isang ito, tama? Ang pagiging matapat na tao ang ikatlong kondisyon para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ang ikalawa ay ang pagkakaroon ng isang saloobin ng pagpapasakop, na kinasasangkutan ng ilang detalye, pangunahin na ang hindi pagsisiyasat o pagsusuri sa gawain ng Diyos, kundi pagkakaroon lamang ng isang mapagpasakop na mentalidad. Dagdag pa rito, kasama rin dito ang paghahangad na maging isang matapat na tao, pag-abot sa puntong nababawasan na ang mga kasinungalingan mo, at kadalasan ay kaya mong sabihin ang totoo, at ipahayag ang totoo mong damdamin. Ang pinakamahalagang aspekto rito ay ang subhetibong kooperasyon ng mga tao, na ang ibig sabihin ay aktibong pag-usad, at pagsisikap na abutin ang katotohanan. Ang pagkakaroon ng mapagpasakop na mentalidad ay resultang nakamit sa subhetibong panig; ang magawang maging isang matapat na tao—ang pagiging matapat sa kabuuan—ay isa ring subhetibong bagay, at ang resulta ng masigasig na paghahangad ng isang tao. May isa pang pangunahing kondisyon ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Bibigyan Ko muna kayo ng palatandaan, at kung mag-iisip kayo ayon sa sasabihin Ko, maaarok ninyo ito. Mula simula hanggang wakas ng pananalig sa Diyos, nakagawa ba ang mga tao ng maraming kamalian sa buhay na ito? Marami na bang pagkilos ng paghihimagsik laban sa Diyos? (Marami na.) Kung gayon ano ang dapat gawin ng isang tao kapag nagkamali siya, o kapag mapaghimagsik siya? (Dapat ay magkaroon siya ng nagsisising puso.) Ang pagkakaroon ng isang nagsisising puso ay tanda na ang isang tao ay may konsensiya at katwiran. Ang pagkakaroon ng konsensiya at katwiran ang pinakamabababa nang katangiang dapat taglayin ng isang tatanggap sa pagliligtas ng Diyos; hindi matatamo ng mga walang konsensiya at katwiran ang pagliligtas ng Diyos. Kung may isang taong hindi kailanman marunong magsisi matapos magkamali, anong klaseng nilalang ito? Ang isang tao bang hindi kailanman marunong magsisi ay makasusunod sa Diyos hanggang sa wakas? Magkakaroon ba siya ng tunay na pagbabago? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil wala siyang nagsisising puso.) Mismo, at dinadala tayo nito sa panghuling kondisyon: Dapat magkaroon ang isang tao ng nagsisising puso. Habang sumusunod sa Diyos, dahil sa kanilang kahangalan at kamangmangan at dahil sa kanilang iba’t ibang tiwaling disposisyon, madalas ibinubunyag ng mga tao ang kanilang sarili na mapaghimagsik, at minsan ay mali ang pagkaunawa nila o nagrereklamo sila sa Diyos. Nalilihis sila, at ang ilan ay nagkakaroon pa nga ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nagiging negatibo at pabaya sa kanilang gawain sa loob ng ilang panahon, at nawawalan ng pananampalataya. Lumilitaw ang mga mapaghimagsik na pag-uugali sa bawat yugto ng buhay ng mga tao. Nasa puso nila ang Diyos at alam nilang Siya ay gumagawa kapag may nangyayari, ngunit hindi nila minsan maintindihan ang katunayang iyon. Bagaman nagagawa nilang magpasakop nang bahagya, sadyang hindi nila ito matanggap sa kaibuturan nila. Ano ang malinaw na nagpapakita na hindi nila ito matanggap sa kaibuturan nila? Ang isang paraan na naipapamalas ito ay, kahit alam nila ang lahat, sadyang hindi nila maisantabi ang kanilang nagawa at humarap sa Diyos upang aminin ang kanilang mga pagkakamali at sabihing, “Diyos ko, nagkamali ako. Hindi na uli ako kikilos nang ganoon. Hahanapin ko ang mga layunin Mo at gagawin ang nais Mong gawin ko. Hindi ako nakinig sa Iyo noon; mababa ang tayog ko, naging hangal at ignorante ako, at madalas akong mapaghimagsik. Alam ko na iyon ngayon.” Anong saloobin mayroon ang mga tao kung naaamin nila ang kanilang mga pagkakamali? (Nais nilang magbago.) Kung may konsensiya at katwiran ang mga tao, at nananabik sila sa katotohanan, ngunit hindi nila kailanman alam na magnilay-nilay sa sarili at magbago pagkatapos makagawa ng mga pagkakamali, sa halip ay naniniwalang ang nakaraan ay nakalipas na at nakatitiyak silang hindi sila mali, anong uri ng disposisyon ang ipinakikita nito? Anong uri ng pag-uugali? Ano ang diwa ng gayong pag-uugali? (Ang pagiging mapagmatigas.) Ang gayong mga tao ay mapagmatigas at, kahit anong mangyari, iyon ang landas na kanilang susundan. Hindi gusto ng Diyos ang ganitong mga tao. Ano ang sinabi ni Jonas nang ipahayag niya ang mga salita ng Diyos sa mga taga-Ninive? (“Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak” (Jonas 3:4).) Ano ang reaksyon ng mga taga-Ninive sa mga salitang ito? Nang makita nilang lilipulin sila ng Diyos, nagmadali silang magbihis ng sako at maglagay ng abo, ikumpisal ang kanilang mga kasalanan sa Kanya, at lisanin ang landas ng kasamaan. Ito ang ibig sabihin ng pagsisisi. Kung nagagawa ng taong magsisi, nagbibigay ito sa tao ng napakalaking pagkakataon. Anong pagkakataon iyon? Ito ay ang pagkakataong patuloy na mabuhay. Kung walang totoong pagsisisi, magiging mahirap na sumulong, maging ito man ay sa pagganap mo ng tungkulin o sa paghahangad mo ng kaligtasan. Sa bawat yugto—dinidisiplina o itinatama ka man ng Diyos, o kapag pinapaalalahanan ka Niya at pinapayuhan—hangga’t may hidwaang naganap sa pagitan mo at ng Diyos, ngunit hindi ka nagbabago, at patuloy kang kumakapit sa mga sarili mong ideya, pananaw, at saloobin, kahit pa ang mga hakbang mo ay pasulong, ang hidwaan sa pagitan mo at ng Diyos, ang iyong mga maling pagkaunawa sa Kanya, ang iyong mga reklamo at paghihimagsik laban sa Kanya ay hindi naitatama, at ang iyong puso ay hindi nagbabago. Ang Diyos kung gayon, sa Kanyang bahagi, ay ititiwalag ka. Bagama’t hindi mo pa tinatalikuran ang tungkuling hawak mo, at ginagampanan mo pa rin ang iyong tungkulin at may kaunting katapatan ka pa rin sa naiatas ng Diyos, at nakikita ng mga tao na katanggap-tanggap ito, ang alitan sa pagitan mo at ng Diyos ay may permanenteng buhol na. Hindi mo ginamit ang katotohanan para lutasin ito at magtamo ng tunay na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Dahil dito, lumalim ang maling pagkaunawa mo sa Diyos, at palagi mong iniisip na mali ang Diyos at hindi makatarungan ang nagiging pagtrato sa iyo. Nangangahulugan itong hindi ka pa nagbabago. Nananaig pa rin ang iyong paghihimagsik, ang iyong mga kuru-kuro, at ang iyong maling pagkaunawa sa Diyos, na nagdudulot sa iyo na magkaroon ng mentalidad ng hindi pagpapasakop, na laging maghimagsik at lumaban sa Diyos. Hindi ba’t ito ang uri ng tao na naghihimagsik sa Diyos, lumalaban sa Diyos, at matigas na tumatangging magsisi? Bakit gayon na lang ang pagpapahalaga ng Diyos sa pagbabago ng mga tao? Anong saloobin ang dapat mayroon ang isang nilikha sa Lumikha? Ang saloobing kumikilala na ang Lumikha ay tama, anuman ang Kanyang gawin. Kung hindi mo ito kikilalanin, na ang Lumikha ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, magiging mga hungkag na salita lamang ang mga ito sa iyo. Kung gayon nga, makakamit mo pa rin ba ang kaligtasan? Hindi. Hindi ka magiging karapat-dapat; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong katulad mo. May ilang nagsasabi, “Hinihingi ng Diyos na ang mga tao ay magkaroon ng pusong nagsisisi, at alam nila na dapat silang magbago. Pero hindi pa ako nagbabago sa maraming bagay. Mayroon pa ba akong panahong gawin ito?” Oo, may panahon pa. Bukod pa rito, sinasabi ng ilan, “Sa anong mga bagay ko kailangang magbago? Ang mga bagay sa nakaraan ay wala na at nakalimutan na.” Hangga’t ang disposisyon mo ay hindi nagbabago, hangga’t hindi mo nalalaman kung alin sa iyong mga pagkilos ang hindi umaayon sa katotohanan at kung alin ang hindi umaayon sa Diyos, ang buhol sa pagitan mo at ng Diyos ay hindi pa nakakalas; hindi pa nalulutas ang usapin. Nasa kalooban mo ang disposisyong ito; ang ideya, pananaw, at saloobing naghihimagsik sa Diyos ay nasa kalooban mo. Sa sandaling lumitaw ang mga tamang sitwasyon, muling lilitaw ang pananaw mong ito, at sisiklab muli ang hidwaan mo sa Diyos. Samakatuwid, hindi mo man maitama ang nakaraan, dapat mong itama ang mga bagay na mangyayari sa hinaharap. Paano sila maitatama? Dapat kang magbago at isantabi ang iyong mga ideya at layunin. Sa sandaling mayroon ka na ng layuning ito, likas na magiging mapagpasakop din ang saloobin mo. Gayunpaman, sa mas partikular na pananalita, tumutukoy ito sa mga taong nagkakaroon ng pagbabago sa kanilang saloobin sa Diyos, ang Lumikha; ito ay pagkilala at pagpapatunay sa katunayang ang Lumikha ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Kung mababago mo ang iyong sarili, ipinapakita nitong kaya mong isantabi ang mga bagay na sa tingin mo ay tama, o ang mga bagay na sama-samang ipinagpapalagay ng sangkatauhan—na tiwali—na tama; at, sa halip, kinikilala mong ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at positibong mga bagay. Kung magkakaroon ka ng ganitong saloobin, pinatutunayan nito ang pagtanggap mo sa pagkakakilanlan ng Lumikha at sa Kanyang diwa. Ganito ang pagtingin ng Diyos sa isyu, at samakatuwid ay itinuturing Niyang napakahalaga ng pagbabago ng tao.

May ilan na nagsasabing, “Kung walang nagawang mali ang isang tao, bakit kailangan niyang magbago?” Kahit na wala ka pang nagawang anumang mali sa sandaling ito, kailangan mo munang maunawaan ang katotohanan tungkol sa pagsisisi. Ito ay isang bagay na dapat mong taglayin. Kapag nauunawaan mo na ang katotohanan, matutuklasan mo na hindi tama ang ilang bagay na nagawa mo, at matutuklasan mo ang mga problema na may kinalaman sa mga layunin mo at sa mentalidad mo—na ang ibig sabihin, ang mga problema sa disposisyon mo. Lulutang ang mga ito nang hindi mo namamalayan at ipakikita ng mga ito sa iyo na ang relasyon mo sa Diyos sa katunayan ay hindi simpleng relasyon sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Ang Diyos ay Diyos pa rin, pero isa kang nilikha na hindi nakakatugon sa pamantayan. Sa mga usapin kung saan ang mga tao ay nabigong manatili sa wastong lugar nila, at nabigong tuparin ang dapat nilang gawin—sa madaling salita, kapag nabibigo sila sa kanilang tungkulin—magiging sagabal iyon sa loob nila. Ito ay sobrang praktikal na problema, at problemang kailangang lutasin. Kung gayon paano ito lulutasin? Anong klaseng saloobin ang dapat taglayin ng mga tao? Una sa lahat, dapat maging handa silang magbago. At paano dapat isagawa ang kahandaang ito na magbago? Halimbawa, dalawang taon nang lider ang isang tao, pero dahil mahina ang kakayahan niya ay hindi niya nagagawa nang maayos ang gawain niya, hindi niya makita nang malinaw ang anumang sitwasyon, hindi niya alam kung paano gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, at hindi siya makagawa ng anumang tunay na gawain; kaya, tinanggal siya. Kung, pagkatapos siyang tanggalin, ay nagagawa niyang magpasakop, patuloy niyang ginagampanan ang tungkulin niya, at handa siyang magbago, ano ang dapat niyang gawin? Una sa lahat, dapat niyang maunawaan ito, “Tama ang Diyos na gawin ang ginawa Niya. Napakahina ng kakayahan ko, at napakatagal na akong walang ginawang tunay na gawain at sa halip ay naantala ko lamang ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Masuwerte ako na hindi ako agad pinatalsik ng sambahayan ng Diyos. Talagang wala akong kahihiyan, kumapit ako sa posisyon ko sa buong panahong ito at naniwala pa nga na nakagawa ako ng napakadakilang gawain. Talagang hindi ako makatwiran!” Ang makaramdam ng pagkamuhi sa sarili at ng pagsisisi: ito ba ay pagpapahayag ng kahandaang magbago o hindi? Kung nasasabi niya ito, ibig sabihin ay handa siya. Kung sinasabi niya sa puso niya, “Sa tagal ko nang nasa posisyon bilang lider, palagi akong nagpunyagi para sa mga pakinabang ng katayuan; palagi kong ipinangangaral ang doktrina at sinasangkapan ang aking sarili ng doktrina; hindi ako nagsikap para sa buhay pagpasok. Ngayong pinalitan na ako ay saka ko lamang nakita kung gaano ako hindi husto at may kakulangan. Tama ang ginawa ng Diyos, at dapat akong magpasakop. Dati, may katayuan ako, at maayos akong tinrato ng mga kapatid; pinalilibutan nila ako saanman ako pumunta. Ngayon ay wala nang pumapansin sa akin, at tinatalikuran na ako; ito ang kabayaran, ito ang parusahang nararapat sa akin. Bukod pa rito, paanong ang isang nilikha ay magkakaroon ng katayuan sa harap ng Diyos? Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi ito ang kalalabasan ni ang destinasyon; binibigyan ako ng atas ng Diyos hindi para makapagyabang ako o makapagsaya sa katayuan ko, kundi para magampanan ko ang aking tungkulin, at dapat ay gawin ko ang anumang makakaya ko. Dapat akong magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring mahirap ang pagpapasakop, dapat akong magpasakop; tama ang Diyos na gawin ang ginagawa Niya, at kahit pa ipagpalagay na mayroon akong libu-libong palusot, wala sa mga iyon ang magiging ang katotohanan. Ang pagpapasakop sa Diyos ang katotohanan!” ito ang mga mismong pagpapahayag ng kahandaang magbago. At kung may isang taong magtataglay ng lahat ng ito, ano kaya ang magiging tingin ng Diyos sa gayong tao? Sasabihin ng Diyos na isa itong taong may konsensiya at katwiran. Mataas ba ang pagtinging ito? Hindi ito sobrang mataas; ang pagkakaroon lamang ng konsensiya at katwiran ay malayo pa sa mga pamantayan ng pagpeperpekto ng Diyos—pero pagdating sa taong ito, hindi na ito maliit na tagumpay. Ang makapagpasakop ay mahalaga. Pagkatapos nito, kung paano hahangarin ng taong ito na mabago ng Diyos ang pananaw Niya sa taong ito ay nakadepende sa daang pinipili nito. Kung hindi pa talaga siya nagsisisi, at dahil wala siyang katayuan, at hindi siya tapat sa kanyang tungkulin at palaging pabaya, ganap na siyang walang pag-asa; ititiwalag na siya. Kung nagkikimkim pa rin siya ng mga hinanaing, nagrereklamo na, “Noong ako ay lider pa, labis akong nagdusa, at kahit na walang merito, may pagsisikap naman. Sinasabi nilang hindi ako gumawa ng tunay na gawain, pero marami akong ginawa. May nakamit man akong resulta o wala, kahit papaano ay hindi naman ako tamad. Dahil lang hindi ako tamad, hindi ako dapat basta-bastang itiwalag ng Diyos. Kahit wala akong katayuan, pinagagawa pa rin sa akin ang ganito at ganyan—hindi ba’t pinaglalaruan ako?”—kung pagkatapos siyang palitan, ay wala na siyang natitirang kasigasigan para gampanan ang anumang tungkulin, may katapatan o pagpapasakop ba rito? Wala siyang katapatan, walang pagpapasakop, at walang kahandaang magbago; wala siya ni isa sa mga ito. Hindi ba’t kaawa-awa ito? Ito ay sobrang kaawa-awa; naging walang saysay ang pananalig niya sa loob ng maraming taon. Nakapakinig siya ng maraming sermon sa loob ng napakaraming taon, pero hindi siya nagsagawa ng kahit anong katotohanan, palagi niyang pinangangaralan ng mga salita at doktrina ang iba, pero siya mismo ay walang kayang gawin—ganito ang pananalig niya sa Diyos; maraming doktrina ang ipinangaral niya sa iba, pero sa huli, ni hindi niya nga malutas ang sarili niyang mga isyu. Sobrang kaawa-awa ito! At gusto pa rin niyang matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? Pagkatapos na palitan, nakikipagtalo pa rin siya sa Diyos at nagdurusa ng pagpapahirap, nang hindi man lang nagpapakita ng pagpapasakop. Hindi ba’t pagdurusa ito nang pikit-mata? Walang halaga ang pagdurusa mo! Kung isasantabi natin ang lahat ng iba pa, at titingnan lang natin ang katunayan na nanggalaiti at nakipaghidwaan ka nang alisin ka ng iglesia sa posisyon mo—batay na lamang doon, hindi ka nararapat na maging tao, hindi ka nararapat na maging isang nilikha ng Diyos. Kaya ano ang ipinaglalaban mo? Anumang mga argumento mo ay walang silbi. Napakaraming taon ka nang nananampalataya, pero wala kang kahit katiting na pagpapasakop; nasaan na ang mga bunga ng pananampalataya mo sa mga nakalipas na taon? Kaawa-awa, kamuhi-muhi, kasuklam-suklam! Binigyan ka ng katayuan at tinrato mo ito na parang isang opisyal na tungkulin; ang pagkakaroon ba ng katayuan ay nangangahulugang nagbago na ang disposisyon mo? Hindi ba’t biyaya lang ito ng Diyos? Biniyayaan ka ng Diyos ng atas na ito, pero itinuring mo ito bilang isang opisyal na tungkulin—hindi ba’t kasuklam-suklam iyon? May mga opisyal ba sa sambahayan ng Diyos? Sa mga banal sa paglipas ng mga kapanahunan, walang mga opisyal. Sa loob ng dalawang libong taon, sinamba ng mga tao si Pablo, pero walang sinumang nagsabing may hinawakang opisyal na titulo si Pablo. Kaya, ang salitang “opisyal” ay hindi mapanghahawakan; hindi ito gantimpala ni atas mula sa Diyos, at kailangan mo itong bitiwan. Kung palagi mong hinahangad na maging opisyal, sasang-ayunan ba ito ng Diyos? Tutulutan ka ba nitong makamit ang kaligtasan? Siguradong hindi. Kasasabi lang natin ngayon na para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat maging handang magbago ang isang tao. Mahalaga ba ito? (Oo.) Napakaimportanteng magkaroon ng gayong saloobin! Kung gusto mong makabuo ng relasyon ng Tagapagligtas at ng iniligtas sa pagitan mo at ng Lumikha, at gusto mong iligtas ka ng Diyos, dapat mong itama ang posisyon mo, at dapat mong linawin ang lugar at katayuan ng Diyos sa puso mo. Ano ang posisyon mo kung gayon? (Isang nilikha.) Sino ang isang nilikha? Tao ito, hindi halimaw. Sa anumang oras, dapat mong tandaan na isa kang nilikha, isang ordinaryong tao, at hindi mo dapat kalimutan ang nararapat mong lugar. Kapag binibigyan ka ng Diyos ng kaunting biyaya, ng kaunting pagpapala, nakakalimutan mo na kung sino ka. Kapag sa Kanyang kababaang-loob at pagiging tago ay nagbahagi ang Diyos ng mga taos-pusong salita para bigyang-ginhawa ka, itinataas ka Niya; pero gusto mong maging kapantay ng Diyos, at itaas ang sarili mo—anong bagay ang gagawa nito? Gagawin ba ito ng tao? (Hindi.) Hindi kinikilala ng Diyos ang isang nilikhang gaya mo—puwede ka nang tumabi! Kung hindi ka kinikilala ng Diyos, gagawin ka ba Niyang perpekto? Hindi mo natutugunan ang mga kondisyon para magawang perpekto ng Diyos. Hindi ba’t malinaw nang naipahatid ng puntong ito ang pinakabuod ng pagbabahaging ito? Kaya, ang pagiging handa na magbago ng landas ay napakaimportante; ito ay kalagayan ng isipan, at gayundin, ito ay isang saloobin. Ang saloobing ito ay isang mahalagang prinsipyo ng pagsasagawa na dapat taglayin ng isang tao para matanggap niya ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos. Huwag mong akalaing napakadakila mo, na napakarangal mo, ni ipagpalagay na lubos kang tama at hindi nagkakamali. Hindi ka dakila, maluwalhati, o tama; napakaliit mo, napakababa, isang nilikha ng sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas. Kailangan mong tanggapin ang pagliligtas ng Lumikha. Hindi ka pa naligtas, hindi ka perpekto; dapat mong taglayin ang katwirang ito.

May apat na kondisyon para matanggap ang pagkastigo at paghatol ng Diyos: hustong pagganap sa tungkulin, pagkakaroon ng mentalidad ng pagpapasakop, pagiging matapat, at pagkakaroon ng isang nagsisising puso. Tandaan ninyo ang apat na kondisyong ito at ikumpara ninyo ang mga sarili ninyo sa mga ito kapag nahaharap kayo sa mga sitwasyon. Kung ang isang sitwasyon ay kinasasangkutan ng pagpapasakop, isagawa ninyo ang pagpapasakop. Hinihingi ng salita ng Diyos sa mga tao na magkaroon ng mapagpasakop na saloobin; kung ikukumpara mo ang sarili mo sa mga salita ng Diyos at makikita mong may malaking pagkakaiba, ano ang dapat mong gawin? Gawin mo ang sinasabi ng Diyos, sumunod ka sa mga salita ng Diyos nang hindi nagsusuri o nakikipagtalo. Kung susubukan mong makipagtalo, masusuklam ang Diyos sa iyo. Anong gagawin mo kapag nasuklam ang Diyos sa iyo? May isang pamamaraang makakaayos nito, iyon ay ang baguhin mo agad ang landas mo. Huwag mong saktan ang puso ng Diyos dahil sa isang maliit na usapin at pagkatapos ay patuloy na saktan ang puso ng Diyos at balewalain Siya. Walang halaga ang mga tao; kung babalewalain mo ang Diyos, hindi ka na Niya gugustuhin pa. Anong gagawin mo kapag binalewala ka ng Diyos at ayaw na Niya sa iyo? Sabihin mo, “Magbabago ako ng landas. Huwag Mo akong abandonahin, Diyos ko, hindi ko kakayanin kung wala Ka.” Pero walang silbi ang pagsasabi lang nito. Hindi kailangan ng Diyos ang pambobola mo; titingnan Niya ang saloobin mo, ang pagsasagawa mo, ang landas na tatahakin mo pagkatapos nito, at ang pagganap mo. Huwag mong akalaing ordinaryong tao ang Diyos, na maaantig mo gamit ang ilang pambobola; hindi ganoon ang Diyos, tinitingnan Niya ang saloobin mo. Kapag nagbago ka na ng landas, nakikita ng Diyos na mula sa pagiging mapagmatigas ay naging mapagpasakop ka na, at kaya mo nang tanggapin ang katotohanan, hindi ka na nakikipagtalo sa Diyos. Nagbago na ang pagiging mapagmatigas mo, kilala mo na kung sino ka, at nakikilala mo na ang Diyos mo; kasunod na kasunod nito, magsisimula nang magsakatuparan ng ilang gawain ang Diyos sa iyo. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko pa naramdaman na may nilalayong gawing anuman ang Diyos.” Huwag kang magtiwala sa mga damdamin mo. Tumpak ba ang mga damdamin mo? Napakarami nang ginawa ang Diyos sa iyo—may naramdaman ka bang kahit na ano roon? Naramdaman mo ba nang nasaktan ang puso ng Diyos? Wala kang nalaman—siguro ay masaya ka pa nga sa ibang bagay. Kaya huwag mong bigyang kahulugan ang mga damdamin ng Diyos batay sa sarili mong mga damdamin, at huwag mong sukatin ang mga damdamin ng Diyos sa pamamagitan ng sarili mong mga damdamin; hindi ito uubra. Kung binabalewala ka ng Diyos, at wala kang nararamdaman, at wala kang natatanggap na kaliwanagan o pagtanggap, anong dapat mong gawin? Tandaan mo ang isang bagay na ito: Dapat mong patuloy na tuparin ang mga responsabilidad at tungkuling dapat tuparin ng isang nilikha, at dapat ka pa ring magsalita nang matapat gaya ng nararapat mong gawin. Huwag ka nang bumalik sa dati mong mga kasinungalingan dahil lang sa binabalewala ka ng Diyos o ayaw ka na ng Diyos, huwag ka nang magsalita ngayon na gaya noong dati; kung gagawin mo ito, tapos ka na talaga. Ito ay pakikipagtalo at pagsalungat sa Diyos. Dapat mong panatilihin ang tungkulin mo, at dapat kang magpasakop gaya ng nararapat. Ano ang pakinabang dito? Kapag nakita ng Diyos na nagbago ka na ng landas, lalambot ang puso Niya, at unti-unting mawawala ang poot at galit Niya sa iyo. Hindi ba’t ang pagkawala ng poot ng Diyos ay isang mabuting tanda para sa iyo? Ibig sabihin nito ay dumating na ang pagbabago mo. Kapag tumigil ka na sa pamumuhay batay sa mga damdamin, tumigil na sa pagtatangkang obserbahan ang mga ekspresyon ng Diyos, at tumigil na sa magagarbong paghingi sa Diyos para ipaalam ang Kanyang posisyon, kundi sa halip ay nabubuhay ka na ayon sa mga salitang binigkas ng Diyos, ayon sa mga tungkulin at prinsipyo ng pagsasagawa na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at ayon sa landas na sinabi ng Diyos na isagawa at tahakin mo; kapag nabubuhay ka na ayon sa lahat ng ito, at paano ka man tratuhin ng Diyos o bigyang pansin ka man Niya o hindi, ay ipinagpapatuloy mo ang dapat mong gawin—aaprubahan ka na ng Diyos. Bakit ka Niya aaprubahan? Dahil anuman ang gawin sa iyo ng Diyos, binibigyang-pansin ka man Niya o hindi, pinagkakalooban ka man Niya o hindi ng biyaya, mga pagpapala, pagtanglaw, kaliwanagan, pangangalaga, o proteksyon, at gaano mo man nararamdaman ito, nakakasunod ka pa rin sa Kanya hanggang sa wakas. Matibay mong pinanghawakan ang posisyon na dapat panghawakan ng isang nilikha nang hindi nagbabago; itinuring mo ang mga salita ng Diyos bilang layon at direksyon ng buhay mo, at itinuring mo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan at bilang ang pinakamatataas na salita ng karunungan sa iyong buhay. Ano ang diwa ng gayong pag-uugali? Ito ay ang pagtanggap sa iyong puso na ang Lumikha ang buhay mo, na Siya ang Diyos mo. Sa ganitong paraan, panatag ang Diyos, at ikaw ay nagiging isang normal na taong namumuhay sa presensiya ng Diyos; ang taong gaya nito ay nagtataglay ng mga pangunahing kondisyon para sa pagbabago sa disposisyon. Batay rito, maituturing bang pagbabago sa disposisyon ang pagkaunawa at mga pagbabagong nakamit ng mga tao? Malayo pa ang mga ito. Samakatuwid, dapat mong taglayin ang pagtanggap sa pagkakakilanlan ng Lumikha, at dapat ka ring magkaroon ng responsableng saloobin sa sarili mong tungkulin. Dagdag pa rito, kailangan mong magkaroon ng saloobin na makakatanggap at makakapagpasakop sa katotohanan. Pagkatapos mong magtaglay ng mga katangiang ito, sisimulan na sa iyo ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang pagliligtas ay magsisimula na sa puntong ito. Sinasabi ng ilang tao: “Kung taglay namin ang mga katangiang ito, ibig sabihin ba nito ay nagbago na ang aming disposisyon? Kung malaki na ang ipinagbago, ano pa ang hahatulan at kakastiguhin ng Diyos?” Ano ang hinahatulan at kinakastigo ng Diyos? Ito ay ang kalikasang diwa ng mga tao, na siyang ang kanilang tiwaling disposisyon. Kung taglay ng isang tao ang apat na kondisyong ito at matutugunan niya ang mga iyon, aling aspekto ng kanyang tiwaling disposisyon ang ganap nang nagbago? Wala sa mga iyon. Mayroon lamang bahagyang pagbabago sa pag-uugali, pero hindi pa sapat iyon. Wala pang naging mahalagang pagbabago. Ibig sabihin, bago simulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo sa iyo, palaging magiging panlabas lang at mababaw ang pagkakakilala mo sa iyong sarili. Hindi nito mapapantayan ang iyong tiwaling diwa; malayo ito roon, malaki talaga ang agwat nito. Samakatuwid, bago simulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo, gaano ka man kabuti, kataos-puso, kamasunurin sa panuntunan sa akala mo, o gaano man kamapagpasakop sa tingin mo ang saloobin mo, dapat mong malaman ang isang bagay: Hindi pa pormal na nagsisimulang magbago ang disposisyon mo. Ang mga paraan mo ng pagsasagawa at ang mga pamamaraan mo ay nagpapahiwatig lamang ng pagbabago sa pag-uugali, at bumubuo sa pangunahing pagkatao na dapat taglayin ng isang taong ililigtas ng Diyos. Ang pagiging matapat, ang pagpapasakop, ang abilidad na magbago ng landas, ang katapatan—ito ang mga bagay na dapat umiiral sa pagkatao ng isang tao. Siyempre, kasama rin dito ang konsensiya at katwiran; dapat taglay mo ang mga katangiang ito bago isakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo. Kapag ang isang tao ay mayroon na ng apat na kondisyong ito—hustong pagganap sa tungkulin, isang mapagpasakop na mentalidad, pagiging matapat, at isang nagsisising puso—sisimulan na ng Diyos sa taong iyon ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo.

Ngayon, dapat ay may ilang konsepto na kayo sa inyong isipan sa kung paano partikular na isinasakatuparan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga tao. Halimbawa, pagdating sa kabuktutan, madalas na sinusubok ng mga tao ang Diyos, hindi maipaliwanag ang kagustuhan nilang siyasatin Siya, at nagkakaroon sila ng mga paghihinala, pagdududa, at katanungan tungkol sa mga salita ng Diyos. Naghahaka-haka sila sa kung ano ba talaga ang saloobin ng Diyos sa mga tao, gusto nila palaging malaman ito. Hindi ba’t buktot ito? Kasalukuyan bang alam ng mga tao kung alin sa kanilang mga kalagayan o pag-uugali ang nagpapakita ng ganitong uri ng disposisyon? Hindi iyon malinaw sa mga tao. Sa panahon ng paghatol at pagkastigo sa iyo, gagawin ng Diyos na magtapat ka at ilantad mo ang sarili mo at ang iba’t ibang kalagayan mo para magkamit ka ng kalinawan sa mga iyon sa puso mo. Siyempre, kapag inilalantad mo ang sarili mo, maaaring hindi ka labis na mahiya; kahit papaano man lang, ipaaalam nito sa iyo kung bakit ka hinahatulan at kinakastigo ng Diyos. Makikita mo na ang mga salita ng paghatol ng Diyos at ang paglalantad Niya ay totoo, na ganap na kukumbinsi at magpapakita sa iyo na tumpak ang lahat ng iyon. Pagkatapos, magiging malinaw sa iyo na ang lahat ng ito ay umiiral sa iyo; hindi iyon mga pag-uugali o panandaliang mga pagbubunyag lang, kundi ang mismong disposisyon mo. Kasunod nito, sa panahong isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo, patuloy kang ibubunyag at pupungusan dahil sa tiwaling disposisyon mo, na magdudulot sa iyo na magdusa at magtiis ng pagpipino. Halimbawa, ang paghihinala sa Diyos ay isang pagpapahayag ng kabuktutan. Madalas na pinaghihinalaan ng mga tao ang Diyos pero hindi nila kailanman napagtatanto na buktot ang paghihinala; kailangang lutasin ang isyung ito. Kapag hinahatulan at kinakastigo ka ng Diyos, kung pinaghihinalaan mo ang Diyos, ipaaalam Niya sa iyo na buktot ito. Namumuhay ka sa isang buktot na disposisyon, gamit ang buktot na disposisyong iyon para tratuhin ang Diyos na sinasampalatayaan mo, para makipagkompetensiya sa Diyos mo, at para paghinalaan ang Diyos mo—at makakaramdam ng pighati ang puso mo. Ayaw mong gawin ito, pero hindi mo ito mapigilan. Dahil mayroon ka ng tiwaling disposisyong ito, magsasaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para pinuhin ka, na magtutulak sa iyo na abandonahin mo ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, lohikal na pag-iisip, at mga kaisipan at ideya nang hindi mo namamalayan. Sa puntong iyon, magdurusa ka; ito ang totoong pagpipino, at dahil sa tiwaling disposisyong ito kaya ka pinipino. Paano nagsisimula ang pagpipino? Kung sa tingin mo ay hindi ito isang tiwaling disposisyon, kung naniniwala kang wala kang mga gayong pagpapamalas o kalagayan, at hindi ka ganoong uri ng tao, at kung sa tingin mo ay hindi nananahan sa loob mo ang aspektong ito ng tiwaling disposisyon, kapag hinatulan ka ng Diyos, mapipino ka ba? (Hindi.) Kapag inamin mong nagpakita ka ng tiwaling disposisyon, at alam mong hinatulan ka ng Diyos, at maitutugma mo sa Kanyang paghatol ang tiwaling disposisyon mo, pero binibigyang-katwiran mo pa rin ang tiwaling disposisyong iyon at namumuhay ka pa rin doon, hindi makawala—doon nagsisimula ang pagpipino. Alam mong kinaaayawan at kinasusuklaman ng Diyos ang tiwaling disposisyon mo, at malayo ka pa sa pagtugon sa mga hinihingi ng Diyos; alam na alam mong mali ka at tama ang Diyos, pero hindi mo maisagawa ang katotohanan, ni masundan ang daan ng Diyos—nararamdaman mo na ang pasakit sa sandaling iyon. Ngayon ba ay mayroon na kayong gayong pasakit? (Wala.) Kung gayon, kahit papaano man lang ay hindi pa kayo nagtiis ng pagpipino pagdating sa inyong tiwaling disposisyon; nakaranas lamang kayo ng kaunting pasakit sa pagsaway at pagdidisiplina kapag nagkakamali o sumasalangsang kayo, pero hinding-hindi pa ito pagpipino. Ipagpalagay natin na kaya ninyong pumasok sa gayong buhay, tahakin ang gayong landas, at sinasabi ninyo: “Hindi ko na pinagdurusahan ang mga pagmamahal o katayuan, pero talagang nagtitiis ako ng pagpipino. Napagtanto kong hindi talaga ako kaayon ng Diyos, malalim ang ugat ng tiwaling disposisyon ko, at hindi ko ito maalis. Bahala na ang Diyos na pinuhin at ibunyag ako.” Kung namumuhay ka sa gayong kalagayan, nasa landas ka ng pagliligtas. Sa pagsasabi nito ngayon, maaaring panabikan at asamin ninyong lahat ang pagdating ng araw na iyon, pero hindi Ko alam kung ilan sa inyo ang talagang sapat na mapagpapalang matamasa ang gayong pagtrato. Ito ay isang napakabuting bagay at isang napakalaking pagpapala. Hindi madali ang maligtas. Kung talagang pinahahalagahan ka ng Lumikha, pinipili Niya, at tinutulutan Niyang maging tagasunod Niya, unang hakbang pa lang iyon ng pagliligtas. Kung pinahahalagahan ka ng Lumikha at sinasabi Niyang kwalipikado kang tanggapin ang paghatol at pagkastigo Niya, pangalawang hakbang pa lamang iyon. Kung makakalabas ka sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, kung maaabot mo ang isang kalagayan kung saan nagbabago ang disposisyon mo, at nagiging kaayon ka na ng Lumikha, tinatahak ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, iyon ang huling kalalabasan. Ngayon, sino kaya sa inyo ang pagpapalain na makaabot sa araw na iyon, ang pagpapalain na makatanggap ng gayong pagliligtas? Makikilatis ba ito mula sa anyo ng isang tao? Mula sa kakayahan ng isang tao? Mula sa antas ng edukasyon ng isang tao? (Hindi.) Matutukoy ba ito mula sa kung anong mga tungkulin ang ginagampanan ng isang tao ngayon? O sa pamilyang kinalakihan ng isang tao? Wala sa mga bagay na ito ang makapagbubunyag dito. Sinasabi ng ilang tao, “Tatlong henerasyon nang nananampalataya sa Panginoon ang aking pamilya; nananampalataya na ako noong nasa sinapupunan pa ako ng nanay ko, kaya siguradong maliligtas ako.” Kahangalan ang pananalitang ito at labis na kamangmangan; hindi tinitingnan ng Diyos ang mga gayong bagay. Ilang henerasyon nang nananampalataya sa Diyos ang mga Pariseo, at ano na ang nangyari sa kanila ngayon? Ayaw nga ng Diyos na maging tagasunod Niya sila; sila ay ganap nang tiniwalag; wala silang kinalaman sa gawain ng pagliligtas ng Diyos at walang parte rito.

Kung matatanggap ba o hindi ng isang tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay direktang may kinalaman sa pangunahing isyu ng pagbabago sa disposisyon. Gayunpaman, madalas na maraming kuru-kuro ang mga tao sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Kinakailangan na madalas na pagbahaginan ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos para lutasin ang mga isyung ito. Ito ang pinakakinakailangan. Bakit hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao? Hanggang sa anong antas na naging tiwali ang sangkatauhan? Anong mga isyu ang nilalayong lutasin ng paghatol at pagkastigo, at anong mga kinalalabasan ang nakakamit ng mga ito? Anong mga pamantayan ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Kung ang mga katotohanang ito ay hindi nauunawaan, hindi madaling tanggapin ng isang tao ang paghatol at pagkastigo; madali siyang makakabuo ng mga kuru-kuro sa Diyos, pati na rin ng paghihimagsik at paglaban, at maaari pa nga niyang lapastanganin ang Diyos at kalabanin ang Diyos. Paano inililigtas ng Diyos ang mga tao? Sino ang makakatanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos? Sino ang makatatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagpeperpekto? Sino ang ititiwalag ng gawain ng Diyos sa mga huling araw? Kung malinaw na pinagbabahaginan ang mga katotohanang ito, hindi ba’t malulutas ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa paghatol at pagkastigo? Kahit papaano man lang, parang malulutas na rin ang mga iyon—ang anumang natitirang mga isyu ay malulutas lamang sa pamamagitan ng karanasan mismo ng taong iyon; natural na malulutas ang mga iyon kapag naunawaan na ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao: “Pinatawad na ang aming mga kasalanan, kaya bakit pa namin kailangang maranasan ang paghatol at pagkastigo?” Ang mapatawad sa mga kasalanan ay biyaya ng Diyos; ginagawa nitong kwalipikado ang mga taong makalapit sa Diyos. Gayunpaman, ang paghatol at pagkastigo ay naglalayong ganap na iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at sa impluwensiya ni Satanas; ang pagiging napatawad na sa mga kasalanan at ang paghatol at pagkastigo ay hindi magkasalungat. Sa Kapanahunan ng Biyaya, tinutubos ng Diyos ang mga tao at pinatatawad ang kanilang mga kasalanan; sa Kapanahunan ng Kaharian, hinahatulan ng Diyos ang mga tao at dinadalisay ang tiwaling disposisyon nila. Dalawang yugto ng gawain ng Diyos ang mga ito. Maraming katawa-tawang tao sa relihiyon ang palaging may mga kuru-kuro sa paghatol at pagkastigo; mahigpit nilang pinanghahawakan ang pariralang “paggawang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kapag pinatawad na ang mga kasalanan,” at ganap silang tumatangging tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Dapat bang makipagtalo sa mga gayong tao? Kung may makaharap kayong gayong mga tao, at kung kaya nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, puwede ninyong ibahagi sa kanila ang katotohanan at basahin ang mga salita ng Diyos sa kanila. Kung ganap nilang tatanggihan ang katotohanan, hindi na kailangang mag-abala pa kayo sa kanila; siguradong hindi sila ang mga tatanggap ng pagliligtas ng Diyos. Inililigtas lamang ng Diyos ang mga kayang tanggapin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan; para sa mga talagang hindi kayang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, talagang hindi sila ililigtas ng Diyos. Ang mga kayang tanggapin ang katotohanan ay madaling malulutas ang kanilang mga kuru-kuro, gaano man karami ang mayroon sila; kailangan lamang nilang basahin pa ang mga salita ng Diyos at hanapin pa ang katotohanan. Ang mga taong kayang tanggapin ang katotohanan ay ang mga may pagkatao at may konsensiya at katwiran. Bago tanggapin ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, makakabuo sila ng maraming kuru-kuro at maraming maling kaisipan, pati na rin ilang negatibong kalagayan. Ang pinakakaraniwang negatibong kalagayan ay, “Ginugol ko na ang sarili ko para sa Diyos at ginampanan ang aking mga tungkulin; dapat akong protektahan at pagpalain ng Diyos sa lahat ng bagay. Bakit may mga dumating na kalamidad sa akin?” Ito ang pinakakaraniwang kalagayan. Mayroon pang isang klase ng kalagayan: Kapag nakita niya ang iba na namumuhay sa magagandang kalagayan at nasisiyahan, samantalang siya ay nabubuhay sa paghihirap at kahirapan, nagrereklamo siya sa pagiging hindi matuwid ng Diyos. Puwede pa ngang nakikita niya ang iba na nagkakamit ng mas magagandang resulta sa pagganap nila ng kanilang tungkulin, at naiinggit at nagiging negatibo siya. Negatibo rin siya kung nagkakasundo at nagkakaisa ang ibang mga pamilya, kung mas mataas ang kakayahan ng iba kaysa sa kanya, kung nakakapagod ang tungkulin niya, o kung hindi nangyayari ang gusto niya. Sa madaling salita, sa anumang sitwasyong hindi naaayon sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, nagiging negatibo siya. Kung ang taong ito ay may ilang kakayahan at kayang tanggapin ang katotohanan, dapat siyang tulungan. Basta’t nauunawaan niya ang katotohanan, madaling malulutas ang isyu ng pagiging negatibo niya. Kung hindi niya hahanapin ang katotohanan at mananatili siyang negatibo, na laging nagkikimkim ng mga kuru-kuro sa Diyos, isasantabi siya ng Diyos at babalewalain siya, dahil ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa ng mga walang kwentang gawain. Masyadong matigas ang ulo ng mga gayong tao, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, palagi silang may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at palaging may mga pansariling hinihingi; sobrang wala itong katinuan at dahil dito ay hindi sila tinatablan ng katwiran. Nauunawaan nila ang katotohanan pero hindi nila ito tinatanggap. Hindi ba’t para itong sadyang pagkakasala? Kaya, hindi sila pinapansin ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Madalas akong negatibo, at binabalewala ako ng Diyos. Ibig sabihin nito ay hindi ako minamahal ng Diyos!” Katawa-tawa ang gayong pahayag. Alam mo ba kung sino ang minamahal ng Diyos? Alam mo ba kung paano naipamamalas ang pagmamahal ng Diyos? Alam mo ba kung sino ang hindi minamahal ng Diyos at kung sino ang dinidisiplina ng Diyos? May mga prinsipyo ang pagmamahal ng Diyos; hindi ito katulad ng iniisip ng mga tao, na palaging pagtitiis sa mga tao at pagpapakita ng awa at biyaya sa mga tao, na pagliligtas sa lahat maging sino man sila, na pagpapatawad sa lahat anumang kasalanan ang nagawa nila, at sa huli ay pagdadala sa lahat sa kaharian ng Diyos nang walang eksepsyon. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ito ng mga tao? Kung nagkagayon, hindi na kailangan pa ng Diyos na gawin ang gawain ng paghatol. May mga prinsipyo kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga taong madalas na negatibo. Kapag palaging negatibo ang mga tao, may problema rito. Napakarami nang sinabi ng Diyos, nagpahayag na Siya ng napakaraming katotohanan, at kung tunay na nananalig sa Diyos ang isang tao, pagkatapos niyang mabasa ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, lalong mababawasan ang mga negatibong bagay na nasa kanya. Kung lagi na lang negatibo ang mga tao, tiyak na hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, kaya naman sa sandaling may makaharap silang taliwas sa sarili nilang mga kuru-kuro, magiging negatibo sila. Bakit hindi nila hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos? Bakit hindi nila tinatanggap ang katotohanan? Siguradong ito ay dahil mayroon silang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at higit pa rito, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan. Kaya papansinin pa rin ba sila ng Diyos kapag ganito ang pagharap nila sa katotohanan? Hindi ba tinatablan ng katwiran ang gayong mga tao? Ano ang saloobin ng Diyos sa mga hindi tinatablan ng katwiran? Isinasantabi Niya sila at hindi sila pinapansin. Maniwala ka sa anumang paraan mo gusto; maniwala ka man o hindi, ikaw ang bahala; kung tunay kang naniniwala at naghahangad ng katotohanan, makakamit mo ang katotohanan; kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo ito matatamo. Tinatrato ng Diyos ang bawat tao nang patas. Kung wala kang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, kung wala kang saloobin ng pagpapasakop, kung hindi ka nagsisikap na matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, bahala ka nang maniwala paano mo man naisin; gayundin, kung mas gugustuhin mong umalis, maaari mo itong gawin kaagad. Kung hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin, hindi ka pipilitin ng sambahayan ng Diyos; maaari kang pumunta saan mo man gusto. Hindi hinihimok ng Diyos ang gayong mga tao na manatili. Iyon ang Kanyang saloobin. Malinaw na isa kang nilikha, pero kailanman ay ayaw mong maging isang nilikha. Palagi mong gustong maging ang arkanghel, hindi ka handang magpasakop sa Diyos, at palagi mong ninanais na maging kapantay ng Diyos. Ito ay walang pakundangang paglaban sa Diyos; ito ay isang bagay na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Halata naman na isa ka lang ordinaryong tao, pero palagi kang humihingi ng espesyal na pagtrato, na magkaroon ng katayuan at maging kilala, gusto mong maging mas magaling sa iba sa lahat ng paraan, makatanggap ng malalaking pagpapala, at malampasan ang lahat. Nagpapakita ito ng kawalan ng katwiran. Ano ang tingin ng Diyos sa mga taong walang katwiran? Ano ang pagtitimbang sa kanila ng Diyos? Hindi tinatablan ng katwiran ang gayong mga tao. Sinasabi ng ilan: “Kung sasabihin Mong hindi ako tinatablan ng katwiran, hindi na ako magtatrabaho pa!” Sino bang nagsabi sa iyong magtrabaho ka? Kung ayaw mong gawin iyon, hindi ka pipilitin ng Diyos; bilisan mo at umalis ka na—hindi ka pananatilihin ng sambahayan ng Diyos. Kahit na handa ka pang magtrabaho, may mga hinihingi ang sambahayan ng Diyos. Kung mas mababa sa pamantayan ang pagtatrabaho mo at ang pagganap mo sa tungkulin ay nagdadala ng masyadong maraming gulo sa sambahayan ng Diyos, na mas nakakapinsala pa kaysa nakakabuti, siguradong ititiwalag ka ng sambahayan ng Diyos; kahit na gusto mo pang magtrabaho, aayawan ka ng sambahayan ng Diyos. Kung handang magtrabaho ang mga tao, kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, at tanggapin ang pagpupungos, kwalipikado silang manatili sa sambahayan ng Diyos. Kung kaya nilang hangarin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at maliligtas at mapeperpekto sila, isa itong napakalaking pagpapala. Huwag mong isiping nagmamakaawa ang Diyos sa iyo at na kailangan Niyang hatulan at kastiguhin ka; hindi magmamakaawa ang Diyos sa iyo. Pinipili ng Diyos ang mga taong ililigtas at gagawing perpekto, mayroon Siyang iniisip na partikular na target, at may mga prinsipyo; hindi lahat ng nananalig sa Diyos ay makakamit ang pagliligtas Niya—marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang hinirang. Kailangan mong matugunan ang ilan sa mga pamantayan ng Diyos—pagganap nang husto sa tungkulin mo, pagkakaroon ng mapagpasakop na mentalidad, pagiging matapat, at pagtataglay ng nagsisising puso—at saka lamang pormal na sisimulan ng Diyos na hatulan at kastiguhin ka, dalisayin ka at gawin kang perpekto. Sinasabi ng ilan: “Ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ay nangangahulugan ng pagdurusa!” Bagamat totoong magdurusa ka, kailangan mong maging kwalipikado para doon. Kung hindi ka kwalipikado, ni hindi ka angkop na magdusa! Sa tingin mo ba ay ganoon lang kasimple ang gawain ng Diyos at ang pagpeperpekto Niya sa mga tao? Ang mga tumatangging tanggapin ang paghatol at pagkastigo, o ang tinatakasan ang paghatol at pagkastigo, sa huli ay pananagutin sila sa kanilang mga kilos. Sinuman ang isang tao o anuman ang saloobin niya sa Diyos, kung ang saloobing ito ay hindi naaayon sa hinihingi ng Diyos, hindi makikialam ang Diyos at hahayaan lang siya. Ang mga salita ng Diyos ay naririyang lahat; kung kaya mong gawin ang sinasabi Niya, gawin mo iyon. Kung handa kang gawin iyon, gawin mo. Kung ayaw mong gawin iyon o hindi mo kayang gawin iyon, hindi ka pipilitin ng Diyos. Sa tingin mo ba ay magmamakaawa ang Diyos sa iyo? Sa tingin mo ba ay didisiplinahin ka ng Diyos? Sigurado, hinding-hindi iyon gagawin ng Diyos. Sasabihin ng Diyos: “Kung ayaw mong tanggapin ang katotohanan, kung tutol ka sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, walang problema. Natamasa mo naman na ang ilang biyaya, kaya magmadali kang bumalik sa mundo, bilisan mo at umalis ka na; hindi ka pipilitin. Hindi ka kwalipikadong tamasahin ang mga pagpapala ng kaharian ng langit, at hindi mo matatamo ang mga iyon kahit na hilingin mo pa.” Ano ang ibig sabihin na hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo? Ibig sabihin nito ay na kung hindi tinatanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi nagdidisiplina, nangangastigo, nagpapaalaala, ni nanghihikayat ang Diyos; hindi magkakaroon ng kaliwanagan o pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu. Sa panlabas, mukhang maginhawang namumuhay ang mga taong ito. Hindi sila dinidisiplina dahil sa pabasta-basta nilang pagganap sa kanilang tungkulin, ni dahil sa negatibo nilang kapabayaan sa gawain, ni dahil sa basta-basta nilang paghusga sa Diyos. Kahit sa maling pagkaunawa sa Diyos, pagrereklamo tungkol sa Diyos, at paglaban sa Diyos, wala silang nararamdaman sa puso nila, hanggang sa makagawa sila ng malaking kasamaan tulad ng pagnanakaw o maling paggamit sa mga handog, pero wala pa rin silang kamalayan. Ang mga taong gumagawa ng gayong napakasasamang bagay ay nagpapatuloy sa loob ng maraming taon nang hindi pinagninilayan ang kanilang mga sarili, nang wala ni katiting na pagsisisi, nang walang anumang premonisyon kung ano ba ang magiging kaparusahan o kalalabasan. Ang isang normal na tao ay dapat may premonisyon, pero wala siyang ganoon dahil walang anumang ginagawa ang Diyos sa kanya. Ang kawalang aksyon ng Diyos ay isang klase ng saloobin. Ano ang kinakatawan nito? Naiisip ba ninyo kung ano ang iniisip ng Diyos sa puso Niya? Lubusan na Niyang sinukuan ang gayong mga tao. Bakit sinusukuan ng Diyos ang gayong mga tao? Kinamumuhian Niya ang gayong mga tao; mas makabuluhan pa sa kanila ang isang balahibo, ang isang langgam, hindi sila kabanggit-banggit, at napagpasyahan na ang kalalabasan nila. Isang araw, kapag sinabi ng gayong tao na, “Gusto kong maging isang nilikha ng Diyos, tinatanggap Kita bilang aking Panginoon, aking Diyos,” gugustuhin ba siya ng Diyos? Hindi. Sinasabi ng ilan, “Pinagsisisihan ko iyon, bumabalik na ako ngayon.” Masyado na bang huli para sa kanila? Huling-huli na. Dahil ang kalikasan nila ay sa diyablo at hindi na kailanman magbabago, hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Gaano man sila magsisi, gaano man sila kaawa-awang mag-iiyak, kaya ba nilang magbago? Kaya ba talaga nilang magsisi? Hinding-hindi. Kaya, hinahangad mo man o hindi ang katotohanan, basta’t tunay kang nananalig sa Diyos, dapat mong maunawaan ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos. Hinding-hindi puwede na may mga balak ka sa mga handog sa Diyos; kahit ang pag-isipang nakawin o gamitin ang mga iyon ay hindi katanggap-tanggap. Sa sandaling gawin mo iyon, magdadala ka ng matinding kalamidad, na makakaapekto sa kalalabasan mo. Kapag natukoy na ang kalalabasan mo, wala nang saysay na alalahanin mo ang sinabi ng Diyos o ang mga hinihingi ng Diyos, at na manghinayang—masyado nang huli ang lahat. Sa ngayon, hindi pa natatapos ang gawain ng Diyos, pero ang kalalabasan ng ilang tao ay natukoy na. Hindi pa inilahad ng Diyos ang bagay na ito, ni sinabi kaninuman. Iniiisip pa rin ng mga taong ito na ayos naman sila, nagsasayang pa rin sila ng oras nila. Kahit na malapit na ang kamatayan, ganap pa rin silang walang kamalay-malay; isang pangkat sila ng mga taong naguguluhan at walang silbi.

Magpapatuloy Ako sa dalawa pang kaso. Tinalakay sa unang kaso ang isang lalaki, samantalang ang dalawang pangunahing tauhan naman sa mga kasong ito ay dalawang babaeng lider. Kapag narinig ang katawagang ito, agad na mauunawaan ng isang tao na ang mga katayuan nila ay hindi mababa, pero, ang mga taong may gayong katayuan ay puwede pa ring makagawa ng malalaking kasamaan. Ang isa sa mga babaeng ito ay may mga kasunduan sa isang walang pananampalataya na ang negosyo ay nasa bingit na ng pagbagsak dahil sa kakulangan sa kapital. Dahil naglilingkod ang babaeng ito bilang lider sa iglesia at may kontrol siya sa pananalapi, nanghiram sa kanya ng pera ang walang pananampalataya. Mag-isang nagpasya ang babaeng ito na ipautang ang daan-daang libong yuan, nang hindi kumokonsulta sa nasa Itaas. Ang pera ng mga tao ay pwedeng ipautang, pero ang pera ng Diyos ay isang handog at ang sinumang nakikialam sa handog sa Diyos ay dapat na parusahan. Pribado niyang nilustay ang mga handog, at hindi ito maliit na halaga. Kasunod ng paglulustay na ito, umaksyon ang iglesia laban sa kanya, hininging magtrabaho siya para maibalik ang pera. Ganito ito pinamahalaan ng iglesia; isa itong pamamaraan ng tao. Naibalik niya ang pera at sa panlabas ay mukha siyang may disenteng saloobin. Ipinahihiwatig ba nito na nagbago na siya? (Hindi.) Ang mga kilos niya ay napakamapangahas, katulad ng isang walang ingat na hangal, ipinakikita nito ang disposisyon niya at saloobin niya sa Diyos. Magagawa kayang dalisay na maunawaan ng gayong tao ang katotohanan? Magagawa kaya niyang kumilos nang may katwiran? Nangahas siyang pakialaman ang mga handog sa Diyos, na ituring ito na sarili niyang pera. Dahil walang tagubilin ang Diyos kung paano ilaan ang mga pondo, o pahayag na hindi ito dapat pakialaman, ang babaeng ito ay walang mga prinsipyo ni mga limitasyon sa puso niya. Naniwala siya na bilang isang lider, may karapatan siyang kontrolin ang perang ito, at nangahas siyang lustayin ito. Pagkatapos ng paglulustay, paano ito pinamahalaan ng Diyos? Wala ngang kinailangang gawin ang Diyos; pinarusahan na ng iglesia ang babae. Dahil lamang sa daan-daang libong yuan na ito ay natukoy na ang kalalabasan niya: Tinanggal at isinantabi na siya ng Diyos magpakailanman. Bakit ito gagawin ng Diyos? Kinakatawan nito ang poot ng Diyos; siyempre, isang aspekto rin ito ng disposisyon ng Diyos. Hindi pinahihintulutan ng Diyos ang pagkakasala; kung sinasalungat mo ang disposisyon ng Diyos, lumagpas ka na sa limitasyon mo. Nakasaad ba ito sa mga atas administratibo? (Oo.) Malinaw sa mga hinirang na tao ng Diyos ang bagay na ito: Ang paglustay sa mga handog ay isang pagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos. Nang lustayin ng babaeng ito ang handog, nanghimasok ba ang Diyos? Hindi nanghimasok ang Diyos, hindi Niya pinigilan ang babae, at wala Siyang sinabing kahit na ano; ni hindi pinigilan, sinaway, o binalaan ng Diyos ang babaeng ito noong kumikilos ito—basta naipautang na lang ang pera. Tuwang-tuwa siya sa sarili niya bago naisiwalat ang isyu, at napamahalaan siya ng iglesia. Nagsimula siyang umiyak at humagulgol, at agad siyang nagsimulang magtrabaho para maibalik ang pera. Ang totoo, ang pera ba ang inaalala ng Diyos? Hindi; ang inaalala ng Diyos ay hindi ang pera, kundi ang saloobing ipinakita ng babaeng ito sa Diyos sa bagay na ito. Ito ang inaalala ng Diyos. Ang pagsalungat sa disposisyon ng Diyos dahil sa pera—hindi ba’t ang nararapat doon ay kamatayan? Ang tawag dito ay pagtatamo ng kung anong nararapat sa iyo! Kung medyo negatibo o mahina ka, o minsan ay hindi ka dalisay habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, o minsan ay nasa posisyon ka na may katayuan at nagpapasasa ka sa mga pakinabang nito, nakikita ito ng Diyos bilang pagpapakita ng isang tiwaling disposisyon. Pero kapag pinakialaman mo ang mga handog sa Diyos nang hindi ka kumukonsulta sa Kanya, o ginamit mo ito nang mali nang walang pahintulot Niya, anong klaseng problema iyon? Ito ay pagnanakaw sa mga handog. At anong klaseng disposisyon ang ipinahihiwatig nito? Iyon ay disposisyon ng arkanghel, disposisyon ni Satanas. Hindi ba’t pagkakanulo ang pagnanakaw sa mga handog sa Diyos? (Pagkakanulo iyon.) Ano ang ginawa ni Satanas na itinuring ng Diyos na pagkakanulo? (Hinangad nitong maging Diyos.) Tungkol naman sa babaeng tinatalakay natin, gusto niyang kontrolin ang mga handog sa Diyos. Ano ang akala niya sa sarili niya? (Akala niyang siya ang Diyos.) Mismo, nakita niya ang sarili niya bilang Diyos, at doon siya nagkamali. Kaya natin sinasabing sinalungat niya ang disposisyon ng Diyos. Seryoso ba ang kalikasan nito? (Oo.) Tumpak ba ang paglalarawan natin? (Tumpak ito.) Wala na siyang kalalabasan. Wala siyang kalalabasan—mukhang ganoon na nga. Pagdating naman sa pakahulugan ng Diyos, pagdating sa mga kaparusahang mararanasan niya kalaunan, mga usapin ito sa hinaharap. Ito ang istorya ng unang babae. Talagang mapangahas siya, kaya niyang linlangin ang mga nasa itaas at ibaba niya, walang ingat siyang kumilos nang walang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan, kapwa siya mangmang at walang pakundangan. Nagtaglay ba siya ng ni katiting na pagpapasakop o pagnanais na maghanap? (Hindi.) Gusto niyang kontrolin ang mga handog sa Diyos, ang mga pag-aari ng Diyos, nang walang pahintulot ninuman at nang hindi tinatalakay o ibinabahagi ang usapin kaninuman. Sinarili niyang pamahalaan ang bagay na ito, at ito ang mga kinahinatnan. Maaaring sabihin ng ilan: “Ang paggalaw lang ba sa mga handog sa Diyos ay pagsalungat na sa disposisyon Niya?” Ganoon ba iyon? Hindi. May mga prinsipyo ang iglesia sa paglalaan sa mga handog sa Diyos, at kung kikilos ka ayon sa mga prinsipyong iyon, hindi manghihimasok ang Diyos. Kung may mga prinsipyo ka na pero hindi mo sinusunod ang mga iyon, kundi iginigiit mong kumilos nang walang ingat at gawin ang mga bagay-bagay sa sarili mong pamamaraan, at mag-isang pamahalaan ang mga bagay na ito, sinasalungat mo ang disposisyon ng Diyos. Iyan ang istorya ng unang babae.

Ang istorya tungkol sa ikalawang babaeng lider ay may kinalaman din sa mga handog. Ganito ang nangyari: Bumili ang iglesia ng isang bahay para maging sambahan, na nangangailangang ayusin. Kasama sa pagpapaayos sa bahay ang pagdidisenyo at pagbili ng mga materyales, na kailangan ng pera. Dahil gawain ito ng sambahayan ng Diyos, na kinasasangkutan ng pamamahala ng Diyos, ang perang nagagastos ay natural na mula sa sambahayan ng Diyos, at ito ay handog sa Diyos. Makatwiran, lehitimo at wastong ginagamit ang perang ito ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Nang panahong iyon, lider ang babaeng ito at siya ang responsable para sa proyektong ito. Isang bagong mananampalataya, na hindi kilala ninuman, ang pinili niya para tingnan at pangasiwaan ang proyekto. Ang lalaking ito ay katulad ng isang walang pananampalataya. Kalaunan, nakipagsabwatan iyong babae sa walang pananampalatayang ito, at bumili ng maraming mamahaling bagay at nagsayang ng maraming pera. Hindi ba’t pagtangay ito ng pera ng sambahayan ng Diyos? Panggagantso at pagwawaldas ito sa mga handog sa Diyos! Malaki ang kinita ng walang pananampalatayang ito mula rito. May kinalaman ba ito sa babaeng lider? (Oo.) Ginawa niyang madali ito, dahil pinayagan niyang gawin ng walang pananampalataya ang gayong mga bagay. Nang may nakatuklas sa isyung ito at gusto itong iulat, mariin niyang hinadlangan at pinagbantaan ito. Ipinagkanulo niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pininsala ang mga interes na ito at nagdulot din ng malaking pagkawala ng mga handog. Nang panahong ito, pinagsabihan ba siya ng Diyos? (Hindi.) Wala siyang kamalay-malay. Paano natin masasabing hindi niya alam? May ilang katunayang nagpapatunay nito; malinaw niyang nakita kung ano ang pinaplanong gawin niyong walang pananampalataya mula pa noong umpisa pero hindi niya ito pinigilan, sa halip ay pinagbigyan at tahimik niya itong sinang-ayunan, patuloy na gumagasta. Bilang resulta, lumaki ang gastos, at hindi pulido ang kinalabasang trabaho. Malinaw niya itong nakita pero patuloy pa rin siyang naglagak ng pera. Kumilos ba ang Diyos nang oras na ito? Hindi. Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa usaping ito? Iniisip ng mga tao na dapat ay responsable ang Diyos sa pera Niya at dapat ay pinigilan Niya ang babae. Kuru-kuro ito ng tao, pero hindi kumilos ang Diyos nang ganito. Pagkatapos ng pagpapaayos at ng imbestigasyon, natuklasan ng sambahayan ng Diyos na marami sa mga handog ang nawala. Ano ang dapat gawin sa babaeng ito? Walang ginawa ang Diyos; ang iglesia na ang umasikaso sa kanya, at nagsimulang bayaran ng isa pang babae ang pera. Ano ang kalikasan ng mga kilos niya? Bilang isang lider, hindi lamang siya naging iresponsable at nabigong suriin ang paggastos sa mga handog kundi nakipagsabwatan pa siya sa tagalabas para linlangin ang sambahayan ng Diyos at nakawin ang mga handog sa Diyos. Mas malala pa ang kasong ito kaysa sa nauna. Kung gayon, sa mga mata ng Diyos, ano ang kalalabasan ng gayong tao? Pagkalipol; kung parurusahan ba siya o hindi ay usapin na para sa hinaharap. Maaaring isang araw ay ilagay ng Diyos ang gayong tao sa tirahan ng masasamang espiritu at ng maruruming demonyo, lilipulin sa buhay na ito ang pisikal na katawan ng babaeng ito, at durumihan at lalapastanganin ng maruruming demonyo at masasamang espiritu ang kaluluwa niya; tungkol naman sa susunod na buhay, napakalayo na niyon para pag-usapan pa. Ito ang kalalabasan. Bakit pinamamahalaan ng Diyos ang gayong tao sa ganitong paraan? Dahil sinalungat nito ang disposisyon ng Diyos. Dahil nasalungat nito ang disposisyon ng Diyos, magagawa pa rin ba siyang mahalin ng Diyos? Wala nang natitirang pagmamahal, ni awa, ni mapagmahal na kabaitan—poot na lamang. Kapag binabanggit ang mga pagkilos niya, kinamumuhian at kinasusuklaman siya ng Diyos. Bakit siya kinasusuklaman ng Diyos hanggang sa antas na ito? Dahil sadya siyang gumawa ng mga kasalanan kahit na alam niya ang totoong daan. Bukod sa wala nang handog para sa kasalanan para sa kanya, kailangan pa niyang harapin ang kaparusahan ng poot ng Diyos. Walang kalalabasan, destinasyon, o pagkakataong maligtas—wala siya ni isa sa mga ito. Ito ang ibig sabihin ng pagsalungat sa disposisyon ng Diyos; ito ang nangyayari kapag sinalungat ng isang tao ang disposisyon ng Diyos.

Sabihin ninyo sa Akin, madali bang salungatin ang disposisyon ng Diyos? Sa realidad, walang ganoon karaming pagkakataon, ni ganoon karaming sitwasyon kung saan pwedeng mangyari ito. Kakaunti lang ang mga pagkakataon, maliit ang posibilidad; pero bakit nagagawa pa rin ng mga taong salungatin ang disposisyon ng Diyos kahit na may gayon kakaunting pagkakataon at mababang posibilidad? Parehong mahigit dalawampung taon nang nananampalataya sa Diyos ang dalawang babaeng ito, nakapakinig sila ng mga sermon sa loob ng maraming taon, at matagal silang nakapaglingkod bilang mga lider at manggagawa. Bakit kaya nilang gumawa ng gayong mga seryosong kamalian? Mula sa perspektiba ng pagkatao, wala silang pagkatao, konsensiya, at pagkamakatwiran; mula sa perspektiba ng kanilang pananampalayaya sa Diyos, hindi sila nagtaglay ng tunay na pananampalataya, wala ang Diyos sa mga puso nila. Paano naipamalas ang kawalan ng Diyos sa kanilang mga puso? Sa kanilang mga kilos, walang pagkaramdam ng takot, walang pamantayan; hindi nila isinaalang-alang na, “Anong mangyayari sa akin pagkatapos ko itong gawin? May mga magiging epekto kaya ito? Maaaring hindi ito alam ng mga tao, pero anong mangyayari kung alam ng Diyos? Dapat kong akuin ang responsabilidad sa bagay na ito, dahil may kinalaman ito sa kalalabasan ko.” Hindi nila pinag-isipan ang mga bagay na ito—hindi ba’t magulo iyon? Kung hindi nila pinag-isipan ang mga ito, may konsensiya o katwiran ba sila? (Wala.) Kaya, nagawa nilang salungatin ang disposisyon ng Diyos, nagawa nilang makagawa ng gayon kalalaking kamalian. Kung ang isang tao ay may normal na pag-iisip ng tao, magkakaroon siya ng ganitong mentalidad; kapag may nangungutang ng pera, pag-iisipan niya: “Mangungutang ng pera? Pera ito ng Diyos. Kung ipauutang ko ang pera ng Diyos para lang makakuha ng sandaling respeto, paano kung hindi nila ito mabayaran? Paano ko ibabalik ang perang ito? Kahit kaya ko pa, anong klaseng pag-uugali ang ipautang ang perang ito? Puwede bang basta-bastang pakialaman ang pera ng Diyos? Hindi ito pwedeng basta-basta na lang pakialaman; kung pakikialaman ko ito, ano ang magiging kalikasan ng pagkilos na ito?” Isasaalang-alang niya ang mga bagay na ito, at hindi ipauutang ang pera nang basta-basta dahil lamang may nakiusap. Kung hindi niya isinasaalang-alang ito, o kahit pa ginagawa niya iyon pero hindi niya isinaalang-alang ang mga kahihinatnan, ano ang sinasabi niyon tungkol sa pananaw niya sa Diyos? Paano siya nananampalataya? Hindi talaga niya kinikilala ang pag-iral ng Diyos, na nakakakilabot! Dahil hindi niya kinikilala ang pag-iral ng Diyos, hindi niya kinikilala na itatakda ng Diyos ang kanyang kalalabasan, at hindi niya kinikilala na pagbabayarin siya ng Diyos; hindi siya natatakot dito, hindi siya naniniwala sa kabayaran. Sa pangkalahatan, kung may limampu hanggang animnapung porsyento ng pananalig ang isang tao, maingat siyang kikilos at magpapakita siya ng pagpipigil. Kung may tatlumpung porsyento siyang pananalig, maaaring medyo napipigilan din siya, pero kapag nagkaroon ng pagkakataon ay matatangay rin siya nito; o, kung ang mga pagkakataon ay kakaunti o hindi pa hinog, magagawa niyang medyo pigilan at limitahan ang sarili niya. Gayunman, ang mga taong walang anumang sangkap ng pananalig ay mangangahas na gawin ang lahat ng uri ng masasamang bagay, walang ingat silang kikilos nang walang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan; katulad ito ng isang hayop. Sa panlabas, mukha itong tao, pero ang ginagawa nito ay hindi ang dapat gawin ng mga tao; kahit papaano, masasabing mga hayop ang mga ito, at mas malala pa rito, maaaring maruruming demonyo at masasamang espiritu ang mga ito na dumating upang gambalain at guluhin ang gawain ng Diyos, mga bihasa sa pagsabotahe sa gawain ng Diyos. Tumpak ba ang pag-uuri ng Diyos sa gayong mga tao? (Oo.) Ito ay lubos na tumpak; walang mali sa ginagawa ng Diyos, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay eksakto. Bukod pa rito, ang mga pagkilos ng Diyos, ang mga pagtatakda ng Diyos sa mga kalalabasan ng mga tao ay hindi batay sa panandaliang pagganap. Dalawampung taon nang nananampalataya sa Diyos ang dalawang babaeng ito pero sa kung paanong paraan ay nauwi pa rin sila sa puntong ito, na itinatakda na sa ganitong paraan ang kalalabasan nila. Paano ito nangyari? Hindi ito isang bagay na nangyari nang magdamagan lang. Mula sa perspektiba ng kanilang paghahangad sa pananampalataya at sa landas na kanilang pinili, hindi sila mga taong hinangad ang katotohanan; isang aspekto iyon. Ang isa pa ay na wala silang kahit na anong interes sa katotohanan. Kung mayroon lang sana silang kahit katiting na interes, magbabago sana ang pagkatao nila. At anong ihahatid sa kanila ng gayong pagbabago sa pagkatao? Mangangahulugan iyon na kikilos sila nang may pagpipigil at susunod sa mga limitasyon, magkakaroon sila ng mga pamantayan sa pagsusuri, at titimbangin nila ang mga bagay nang may katwiran at pag-iisip ng isang normal na tao. Kung nakita nila na ang paggawa sa isang bagay ay hindi angkop, iiwas na sila. Gayunpaman, hindi kailanman hinangad ng dalawang babaeng ito ang katotohanan; wala sila kahit nitong pangunahing limitasyon at paraan ng pag-iisip. Lakas-loob silang gumawa ng anumang bagay, at ang mismong kalikasang ito ang naghatid sa kanila sa kanilang pagkawasak, hanggang sa kamatayan pa nga nila. Ito ang dahilan kung bakit ang paglalakbay ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay nagtapos sa gayong paraan.

Pagkatapos ninyong marinig ang dalawang kasong ito, anong mga naiisip ninyo? Sinasabi ng ilang tao: “Marami akong napulot ngayong araw. Natamo ko ang pinakamataas na katotohanan, na huwag galawin ang mga gamit ng Diyos; ni huwag iyong isipin, huwag pakialaman ang mga iyon. Kung pakikialaman mo iyon, wala iyong maidudulot na mabuti.” Ganito nga ba talaga? Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Ang mahalaga ay hindi kung pinakikialaman mo ba ang mga gamit ng Diyos, kundi kung ano ang saloobin mo sa Diyos sa iyong puso. Kung natatakot ka sa Diyos at nasisindak sa Kanya, totoo kang naniniwala sa pag-iral Niya, at totoo mong isinasaalang-alang ang iyong kalalabasan, may mga bagay na hindi mo gagawin, ni hindi mo nga iisipin ang mga iyon. Kaya, hindi ka sasailalim sa ganitong uri ng tukso; hinding-hindi iyon mangyayari sa iyo. Kapaki-pakinabang ba ang takot? Walang silbi ang pagkatakot. Ano ang ginawa ng Diyos habang ginagawa ng dalawang babaeng ito ang mga bagay na iyon? Hinayaan ng Diyos na mangyari ang mga bagay-bagay, inilagay Niya ang dalawang diyablong ito—ang dalawang hindi taong ito na ang puso ay hindi man lang natatakot sa Diyos—sa tukso ni Satanas, para ganap silang mabunyag at malipol. Hindi ba’t ito ang saloobin ng Diyos? Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at hindi ito dapat balewalain! Ginagamit ng mga tao ang mga paraan ng tao sa pamamahala sa iba at pagpapataw ng kabayaran sa iba, ginagantihan ng kasamaan ang kasamaan. Pero hindi iyon ginagawa ng Diyos; ang Diyos ay may sarili Niyang pamantayan, mga prinsipyo, at mga pamamaraan. Kapag nagpapataw ng kabayaran ang Diyos sa isang tao, ginagawa Niya ito nang walang nararamdaman ang taong iyon; wala itong kamalay-malay, pero sa mga mata ng Diyos, nalutas na ang isyu. Ilang taon kalaunan, ang mga susunod na pagdurusa ay unti-unting sasapit. Pagkatapos tanggalan ng Diyos ang taong iyon ng biyaya, mga pagpapala, kaliwanagan, pagtanglaw at ng lahat ng pagtrato na ibinibigay ng Diyos sa isang normal na tao, ito ay lubusan nang hindi tao; sa mga mata ng Diyos, hindi na ito isang nilikha kundi isang hayop, ito ay ibang-iba na talaga. Sinasabi ng Diyos, “pinasisikat Niya ang Kanyang araw sa masasama at sa mabubuti.” Mabubuti o masasamang tao ba ang mga ito? Parehong hindi. Sa mga mata ng Diyos, sa mga talaan Niya, tinanggal na ang mga ganitong uri ng tao; wala na sila, hindi sila mga tao. Ano ang kahulugan ng hindi tao? (Mga halimaw, mga hayop na nakadamit ng tao.) Siguro ay naiinggit pa sa mga ito ang iba, sinasabing, “Nagtatrabaho at kumikita sila sa labas, namumuhay kasama ng walang pananampalataya; mas maginhawa ang buhay nila kaysa sa pagdurusa sa iglesia, sa pagganap ng tungkulin mula bukang-liwayway hanggang takipsilim.” Sinasabi Ko sa iyo, hindi pa dumarating ang mga araw ng pagdurusa nila. Kung kinaiinggitan mo sila, malaya kang gayahin sila; hindi naghihigpit ang sambahayan ng Diyos. Ang pagdurusa ay hindi limitado sa pisikal na pasakit mula sa karamdaman; kung ang pagdurusa sa loob ng isang tao ay umabot na sa isang antas, hindi ito maipapaliwanag, gaya ng mga dagok sa isipan ng isang tao, lalo na kapag isinailalim sa parusa ng Diyos—mas malala pa ito sa kamatayan, mas masakit ito; isa itong uri ng paghihirap ng isipan. Nauwi ang dalawang babaeng ito sa ganoong sitwasyon dahil sinalungat nila ang disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga walang ingat na kilos. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, para bang anumang pagkakamali ang nagagawa ng mga tao o anuman ang ginagawa nila, basta’t magagawa nilang bumalik sa Diyos para magtapat at magsisi ay mapapatawad sila ng Diyos; mapatutunayan nito na napakalawak ng pagmamahal ng Diyos, na talagang minamahal Niya ang sangkatauhan. Ito ay kuru-kuro ng tao, at ipinapakita nito na ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos ay puno ng napakaraming imahinasyon at napakaraming kalooban ng tao. Kung nalilimitahan ng mga kuru-kuro ng tao ang Diyos, ang mga pagkilos ng Diyos ay magiging walang prinsipyo at hindi magkakaroon ang Diyos ng anumang disposisyon; hindi umiiral ang gayong Diyos. Dahil nga ang Diyos ay tunay na umiiral, buhay at masigla, at hindi maikakaila at tunay na tunay, kung kaya’t may iba’t iba Siyang pagpapamalas. Nakikita ang mga pagpapamalas na ito sa Kanyang iba’t ibang gawa at saloobin sa mga tao, at ang mga iyon ay katibayan ng Kanyang tunay na pag-iral. Sinasabi ng ilan: “Ang mga taong ito mismo ay walang kamalay-malay kapag pinamamahalaan sila, kaya paano natin makikita ang pag-iral ng Diyos?” Ang mga kaso pa lang na binanggit Ko ay tinutulutan nang makita ng mga tao ang saloobin at disposisyon ng Diyos, at tinutulutan din nitong makita ng mga tao ang mga prinsipyo ng Diyos sa paggawa ng mga bagay at pamamahala sa mga tao. Hindi ba’t katibayan ito ng totoong pag-iral ng Diyos? (Oo.) Kung hindi umiiral ang Diyos na ito, kung talagang hangin lamang Siya, anumang gawin Niya ay walang magiging mga prinsipyo o hangganan; ito ay hindi mapapansin, hindi mahahawakan, hungkag, hindi isinasakatuparan sa buhay ng mga tao, at walang halaga sa mga buhay at pagkilos ng mga tao, at sa anumang mga pagpapamalas ng mga iyon. Magiging teorya, argumento, hungkag na salita lamang ito. Dahil nga umiiral ang Diyos na ito kung kaya’t tinutulutan ng marami Niyang ginagawa na makita ng mga tao ang Kanyang saloobin.

Ang pangunahing bahagi ng iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa gawain ng Diyos ay natalakay na sa ating pagbabahaginan. Ano ang pangunahing bahaging pinagtuunan? Tungkol iyon sa iba’t ibang kuru-kuro, imahinasyon, at ideya ng mga tao sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, pati na rin sa kanilang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa kung ano ang bumubuo sa pagbabago ng disposisyon. Bukod pa rito, marami ring imahinasyon ang mga tao tungkol sa mga prinsipyong nasa likod ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos at sa mga pamantayan na hinihingi ng Diyos sa mga tao. Para sa mga tao, sa pangkalahatan ay magulo at hindi malinaw ang mga konseptong ito. Ano ang kinakatawan ng kawalang ito ng linaw? Ibig sabihin nito ay hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ni nauunawaan ang mga katotohanang sangkot sa gawaing ginagawa ng Diyos sa kanila. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayon, may balangkas na ba kayo ng kahulugan ng paghatol at pagkastigo, pati na rin ng mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Oo.) Gamit ang pagkaunawang ito, ano na ang dapat ninyong sunod na gawin? Unang-una, dapat ninyong kilalanin na may gayong mga pamantayan ang Diyos. Nababago-bago ba ang mga pamantayang ito? Puwede bang mas mataas o mas mababa ang mga iyon kaysa sa kung ano talaga ang mga iyon? (Hindi.) Bakit hindi? Mula sa Kapanahunan ng Biyaya hanggang sa ngayon, makikita natin sa mga ginawang perpekto ng Diyos na mahigpit at maliwanag ang mga pamantayang ito; hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang mga iyon. Hindi Niya binago ang mga iyon dalawang libong taon na ang nakalilipas, at hindi Niya binago ang mga iyon hanggang sa ngayon. Mas maraming tao nga lang ngayon ang ginagawang perpekto dahil marami nang sinabi ang Diyos. Dati, gumawa lamang Siya sa maliit na antas at hindi Niya tuwirang sinabi sa mga tao ang mas maraming katotohanan. Ngayon, mas marami na Siyang sinabing katotohanan sa mga tao at ipinaalam Niya sa kanila ang mas marami sa Kanyang mga layunin, at ipinahayag na ng Diyos ang lahat ng pamantayang hinihingi Niya at ang mga katotohanan na dapat malaman ng mga tao. Kasabay nito, kasama ring gumagawa sa mga tao sa ganitong paraan ang Espiritu ng Diyos. Ang pinagsamang dalawang aspektong ito ay nagpapatunay na sa panahong ito, nilalayon ng Diyos na gawing perpekto ang mas maraming tao—isang grupo ito ng mga tao, hindi lamang isa o dalawang tao. Kung pagbabatayan ang impormasyong ito, karamihan ba sa inyo ay may pag-asang magawang perpekto? Sinasabi ng ilan na hindi sila sigurado, pero kahit na hindi tayo sigurado, subukan natin; mas mabuti nang mabigo kaysa magmakaawa ngayon. Anong uri ng pag-uugali ang magmakaawa sa sandaling ito? Ito ay duwag, walang halaga, walang kakayahan, at kasuklam-suklam na pag-uugali, ipinahihiya nito ang Diyos. Huwag kayong maging mga duwag! Ang mga kondisyon at pamantayan para magawang perpekto ay malinaw at tuwiran nang sinabi sa mga tao; ang natitira na lamang ay kung paano isasagawa at paano makikipagtulungan sa gawain ng Diyos. Gaano karaming beses ka mang mabigo sa panahong ito, basta’t hindi mo sinasalungat ang disposisyon ng Diyos, hindi ka dapat panghinaan ng loob o sumuko; magpatuloy ka lang magsumikap. Sinasabi ng ilan na mahina ang kakayahan nila. Hindi ba’t alam ng Diyos na mahina ang kakayahan nila? Ang pag-amin nila na mahina ang kakayahan nila ay mabuti na sa mga mata ng Diyos dahil mapagmataas at mapagmagaling ang tiwaling sangkatauhan, at sobrang kakaunti ang umaaming mahina ang kakayahan nila. Ang pagtanggap dito ay isang mabuting bagay, isang mabuting pagpapahayag. Sinasabi ng ilan ang tungkol sa mga karanasan nila, napagtatanto nilang mahina at masama ang pagkatao nila. Bakit ang iba ay walang ganitong pagkatanto? Ang pagtanggap sa mahina mong pagkatao, sa masama mong pagkatao, ay nagpapahiwatig na naunawaan mo ang mga salita ng Diyos at iniugnay mo ang mga iyon sa sarili mo; ipinakikita nito na may pananampalataya ka sa gawain ng pagliligtas ng Diyos, na mayroon kang determinasyon at kahandaang mapalugod ang Diyos—kahit papaano, nagawa mong aminin ang totoong pahayag na ito. Sino sa mga walang pananampalataya ang nagsasabing masama sila ngayon? Kahit kapag masama sila, sinasabi nilang mabuti sila; sinasabi nila na ang masasama nilang gawa ay dakila at mabubuting gawa at mabuting pag-uugali, na hayagang binabaluktot ang tama at mali. Kaya, anumang mga dagok ang kaharapin mo, anuman ang mga kabiguan o pagkatisod, kailangan mong magawang makita na may pag-asa sa hinaharap. Sino ang nasa harap? Ito ay ang Diyos! Sa paggabay at pag-akay ng mga salita ng Diyos, matatahak ng mga tao ang tamang landas.

Ngayon, tatlong kaso ang napagbahaginan, na nililinaw ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa gawain ng Diyos. Naunawaan ba ninyong lahat kung ano ang ipinababatid nito? (Oo.) Ang kakayahan ninyong umunawa ay nagpapakita na may taglay kayong kakayahan at pang-unawa para tanggapin ang katotohanan—may pag-asa na maunawaan at matamo ninyo ang katotohanan. Bakit hindi kayang ipaliwanag nang malinaw ang mga katotohanang ito sa loob lang ng isa o dalawang oras, o dalawa o tatlong oras? Ito ay dahil dapat munang ilatag ang maraming pangunahing nilalaman para mapag-usapan ang mga susunod na detalye. Kung hindi muna maglalatag ng kaunting batayan, hindi ninyo masusundan ang susunod na nilalaman. Kung magsasalita Ako nang maikli nang walang anumang pangunahing nilalaman, mahihirapan kayong makasunod. Kaya nagsasalita Ako tungkol sa ilang halimbawa, pagkatapos ay tinatalakay Ko ang mga iyon nang kapwa mula sa positibo at negatibong perspektiba para tulungan kayong maunawaan at makilatis, malaman kung ano ba mismo ang nangyayari sa mga usaping ito, at kung paano dapat dalisay na maunawaan ang mga iyon. Kung makakamit ninyo ito, hindi masasayang ang pagsasalita Ko. Mula sa sandaling magsimula kang magkaroon ng ilang konsepto sa mga katotohanang ito pagkatapos mong marinig ang mga iyon, hanggang sa puntong may masusi ka nang pagkaunawa, kung saan nababatid mo mula sa kaibuturan ng puso mo kung bakit sinasabi ng Diyos ang mga bagay na ito, kung aling bahagi ng tiwaling disposisyon mo ang nasasangkot sa mga katotohanang ito na sinabi ng Diyos, at kung bakit gustong sabihin sa iyo ng Diyos ang mga bagay na ito, isang partikular na yugto ang kinakailangan para maabot ang antas na ito ng pagkaunawa. Kailangan mong iugnay ang mga katotohanang ito sa sarili mong tiwaling disposisyon, pananalita, pag-uugali, mga kaisipan, at ideya—ibig sabihin, gamitin mo ang mga iyon sa aktwal mong sitwasyon—at, nang hindi mo namamalayan, unti-unti mo nang mauunawaan at maaarok ang mga katotohanang ito. Kung hindi mo ihahambing ang mga iyon sa kaso mo mismo, kundi sa halip ay magtatala ka ngayon, babalik-aralan at sasauluhin mo ang mga iyon bukas, at pagkatapos ay ipapahayag mo ang mga iyon sa mga hindi pa kailanman narinig ang mga iyon, baka akalain mong natamo mo na ang mga iyon, pero sa totoo lang ay hindi pa. Mula sa araw na kaya mong maglitanya ng mga doktrina, ang mga katotohanang ito ay hindi na mga katotohanan para sa iyo, at nagiging mahirap na para sa iyo na maarok ang katotohanan, na para bang ganap nang naglaho ang katotohanan. Kapag ang katotohanan ay naging doktrina na lamang sa iyo, nagiging mahirap para dito na magbunga ng mga epekto sa iyo. Kailangan mong gawing realidad mo mismo ang katotohanan, unti-unting ipatupad ang praktikal na aspekto ng bawat katotohanan sa iyo mismo sa pamamagitan ng paghahanap at pagbabahaginan, at sa huli ay maunawaan kung aling mga kalagayan ang kasama sa katotohanang ito, at kung ano ang sinasaklaw nito, para maunawaan mo ang mga kahulugang nasa likod ng pagsasabi ng Diyos sa mga salitang ito. Ito ang simula ng pagkaunawa sa katotohanan. Ano ang nauunawaan ninyo ngayon? (Mga doktrina.) Kapag una pa lang nakakaugnay ng mga tao ang katotohanan, ang nauunawaan nila ay isang uri ng doktrina. Gayunpaman, hindi simple ang pag-unawa sa doktrina; nangangailangan din ito ng kaunting kakayahan at abilidad na makaintindi. Kinakailangan din nito na magkaroon ka ng isang tahimik at nakatuong puso, para makapakinig ka sa mga sermon nang may buong atensyon. Natuklasan Ko na may ilang tao na kapag nakikinig sila sa mga sermon, iniisip nila na, “Ang sinasabi Mo ay walang halaga, ayaw kong makinig. Gusto kong makinig sa mga sermon, hindi sa mga pangyayari.” Naniniwala sila na tungkol sa tama at mali ang sinasabi Ko. Dahil may ganito silang pananaw, hindi nila matanggap ang naririnig nila; inaantok sila, hindi sila makaunawa, at hindi makasunod. Ang gayong mga tao ay walang abilidad na maunawaan ang katotohanan; wala silang kakayahan. Ang ilan na tinatawag ang mga sarili nilang espirituwal ay ayaw makinig, kapag naririnig nila Akong nagkukwento ng mga istorya. Umiinom sila ng tubig o humihikab, at laging hindi mapakali. Iniisip nila, “Ang mga istoryang ikinukwento Mo ay tungkol sa mga bagay sa labas; masyado itong mababaw, hindi ko ito matanggap. Dapat Kang mas magsalita tungkol sa espirituwal na mundo; aakma iyon sa panlasa ko.” Ito mismo ang saloobin ng ilang tao. Kapag naging lider na sila sa loob ng maraming taon, gusto nilang pag-usapan ang matatayog na sermon, malalaking teorya, at mga salita ng ikatlong langit; habang mas nagsasalita sila, mas nagiging masigasig sila. Pero kapag pag-uusapan namin ang mga usapin sa iglesia, mga praktikal na karanasan, o lalo na ang paghimay sa takbo ng isip ng tao, mababaw at nakakatamad palagi ang tingin nila rito. Anong klaseng disposisyon ito? Ang mga tao bang ito ay may katotohanang realidad? Kaya bang malutas ng gayong mga tao ang mga tunay na problema sa gawain nila? Gusto ba ninyo ang gayong mga tao? Hindi pwedeng ihiwalay mula sa realidad ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Ang mga tao bang walang interes sa realidad ay kayang mahalin ang katotohanan? Sa tingin Ko ay hindi; tutol ang gayong mga tao sa katotohanan, at napakadelikado niyon.

Nobyembre 8, 2018

Sinundan: Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos 2

Sumunod: Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito